Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/8 p. 12-15
  • Nahigitan ng Aktuwal na Pangyayari ang Aking Inaasahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nahigitan ng Aktuwal na Pangyayari ang Aking Inaasahan
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ginantimpalaan ang Paghahanap
  • Ang Aming Ministeryo sa Netherlands
  • Ministeryo sa Aming Bagong Tahanan
  • Mga Aral na Natutuhan Ko
  • Ang Nakatulong sa Amin Upang Magpatuloy
  • “Gusto Kong Maglingkod kay Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
  • Kapaki-pakinabang na Buhay Bagaman Nabubukod
    Gumising!—1993
  • Kanilang ‘Inihandog na Kusa ang Sarili Nila’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/8 p. 12-15

Nahigitan ng Aktuwal na Pangyayari ang Aking Inaasahan

AYON SA SALAYSAY NI WILLEM VAN SEIJL

Noon ay 1942, at ang aming bansa ay nasa gitna ng Digmaang Pandaigdig II. Isa ako sa limang kabataang lalaki na nagtatago mula sa mga Nazi na nasa Groningen, sa Netherlands. Habang nakaupo sa isang maliit na kuwarto, nag-usap-usap kami tungkol sa tsansa namin na makaligtas.

KITANG-KITA na napakaliit lamang ng aming tsansa na makaligtas. Nangyari nga, tatlo sa aming grupo ang buong-lupit na pinatay. Sa katunayan, ako lamang ang nakaabot sa pagtanda. Ito’y isa lamang halimbawa kung paano nahigitan ng aktuwal na pangyayari ang aking inaasahan.

Noong panahong iyon na binanggit sa itaas, ako’y 19 lamang, at halos wala akong nalalaman tungkol sa Bibliya o sa relihiyon. Sa katunayan, si Itay ay salungat sa lahat ng relihiyon. Ang paghahanap naman ni Inay ng isang relihiyon ay umakay sa kaniya na tanggapin ang espiritismo. Kung tungkol naman sa akin, wala na akong pag-asa. Inisip ko na kung ako’y mamamatay sa pambobomba o sa iba pang paraan, walang dahilan ang Diyos para maalaala ako. Ni hindi ko sinubok na pag-aralan ang tungkol sa kaniya.

Ginantimpalaan ang Paghahanap

Di-nagtagal pagkatapos ng pag-uusap na iyon kasama ng apat na kabataan, nadakip ako ng mga Nazi at dinala sa isang kampo ng pagpapatrabaho sa Alemanya, malapit sa Emmerich. Kabilang sa aming trabaho ang paglilinis sa nakakalat na mga tipak ng bato at pagkukumpuni ng mga nasira pagkatapos ng pambobomba ng Allied. Sa pagtatapos ng 1943, nakatakas ako, at bagaman mainit pa rin ang digmaan, nakauwi ako sa Netherlands.

Sa paanuman ay nagkaroon ako ng maliit na buklet na punô ng mga tanong at mga teksto sa Bibliya. Ginamit iyon kaugnay ng pag-aaral sa aklat na Salvation, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Nang basahin ko ang mga tanong at hanapin ang mga kasulatan, nagkaroon ako ng matinding interes sa katuparan ng hula sa Bibliya.

Kinausap ko ang aking katipan, si Gré, hinggil sa aking binabasa, pero hindi siya gaanong interesado sa pasimula. Samantala, gustung-gusto naman ni Inay ang buklet. “Ito ang katotohanang malaon ko nang hinahanap sa tanáng buhay ko!” bulalas niya. Kinausap ko rin ang aking mga kaibigan, at nais ng ilan na matuto pa. Sa katunayan, isa na ang naging Saksi, at sa pamamagitan ng mga liham at pagdalaw, palagi kaming nagkakabalitaan hanggang sa mamatay siya noong 1996.

Samantala, pinag-aralan ni Gré ang Bibliya, at noong Pebrero 1945, kapuwa kami nabautismuhan. Natapos ang digmaan makalipas ang ilang buwan. Pagkakasal namin, naisipan naming magpayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Subalit napaharap kami sa mga hadlang​—sakit at kakapusan sa pinansiyal. Gayundin, nagkaroon kami ng mga oportunidad na kumita ng higit na salapi. Magtatrabaho kaya muna kami para maging matatag sa pinansiyal at pagkatapos ay magpayunir, o magpapayunir na agad kami?

Ang Aming Ministeryo sa Netherlands

Ipinasiya naming magpayunir agad, na ginawa namin noong Setyembre 1, 1945. Nang araw ring iyon, malalim na ang gabi habang ako’y papauwi, pumasok ako sa isang restoran para umorder ng maiinom. Ibinayad ko sa weyter ang sa akala ko’y isang gulden sabay sabing: “Iyo na ang sukli.” Nang ako’y makauwi, natuklasan kong 100 gulden pala ang naibigay ko sa kaniya! Dahil diyan ay eksaktong isang gulden na lamang ang natira sa amin sa pagsisimula ng aming pagpapayunir!

Nang magsimula akong magbigay ng pahayag pangmadla hinggil sa Bibliya noong 1946, ang suot ko lamang noon ay leather jacket. Isang kaibigan, na kasinlaki ko, ang nagsilbing tsirman. Ipinakilala niya ang aking pahayag at dali-daling pumunta sa likod ng entablado at ipinasuot sa akin ang kaniyang amerikana. Saka ako nagpahayag. Pagkatapos ng pahayag, nagpalitan uli kami!

Noong Marso 1949, tumanggap kami ni Gré ng isang imbitasyon na makibahagi sa pansirkitong gawain, na dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang mapalakas sila sa espirituwal. Si Fritz Hartstang, na naging tapat na ministro bago at noong panahon ng digmaan, ang nagsanay sa akin sa pansirkitong gawain. Maganda ang payo niya sa akin: “Wim, sundin mo ang mga instruksiyong tatanggapin mo mula sa organisasyon ni Jehova kahit sa pasimula’y inaakala mong hindi iyon ang pinakamagaling. Hindi mo iyon pagsisisihan kailanman.” Tama siya.

Noong 1951, dumalaw si Nathan H. Knorr, presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, sa Netherlands. Noon kami nag-aplay ni Gré para sa pangmisyonerong pagsasanay sa Estados Unidos. Di-nagtagal, tumanggap kami ng imbitasyon para pumasok sa ika-21 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Nang magsimula kaming magpayunir noong 1945, may mga 2,000 Saksi noon sa Netherlands, pero nang sumapit ang 1953, may mahigit nang 7,000, isang aktuwal na pangyayari na makapupong higit sa aming inaasahan!

Ministeryo sa Aming Bagong Tahanan

Inatasan kami sa Dutch New Guinea, na ngayo’y isang lalawigan sa Indonesia, pero nang hindi kami papasukin doon, inilipat kami sa Suriname, isang bansang tropiko sa Timog Amerika. Dumating kami noong Disyembre 1955. Ang Suriname noon ay mayroon lamang mga isandaang Saksi, pero sila’y napakamatulungin. Napalagay agad ang aming loob.

Totoo naman, kailangan naming masanay sa maraming iba’t ibang kalagayan, at kung minsan ay mahirap itong gawin. Halimbawa, si Gré ay sadyang matatakutin sa anumang bagay na may binti at pakpak. Sa Netherlands noon, kapag may nakita siyang maliit na gagamba sa aming kuwarto, hindi siya matutulog hangga’t hindi ko inaalis iyon. Pero sa Suriname ay sampung ulit ang laki ng mga gagamba, at ang ilan ay makamandag! Mayroon ding mga ipis, daga, langgam, lamok, at mga tipaklong sa aming tahanang pangmisyonero. Dinadalaw pa nga kami ng mga ahas. Nasanay na rin nang husto si Gré sa mga kinapal na ito anupat naging rutin na lamang sa kaniyang buhay ang pagsisikap na mapaalis ang mga ito.

Pagkalipas ng mahigit na 43 taon, mas kilala na namin ang bansa kaysa sa maraming ipinanganak na rito. Gustung-gusto na namin ngayon ang mga ilog, maulang gubat, at mga latian malapit sa baybayin. Pamilyar na rin kami sa napakaraming buhay hayop​—mga porcupine, sloth, jaguar at, oo nga pala, maging ang maraming uri ng ahas, na kadalasa’y may magagandang kulay. Pero ang lalo nang ikinasisiya namin ay ang malawak na pagkakaiba-iba ng mga tao rito. Ang mga ninuno ng ilan ay mula sa Aprika gayundin sa India, Indonesia, Tsina, at iba pang bansa. At ang ilan ay mga Amerindiano, mga inapo ng mga katutubo roon.

Sa aming Kristiyanong ministeryo, nakikilala namin ang mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulang ito habang dinadalaw namin sila sa kanilang mga tahanan. Gayundin sa aming mga Kingdom Hall, natutuwa kami sa ganito ring kahanga-hangang pagkakaiba-iba ng ating mga Kristiyanong kapatid. Nakita namin ang pagsulong mula sa isang sira-sirang Kingdom Hall noong 1953, tungo sa mahigit na 30 kaakit-akit na Kingdom Hall, isang magandang Assembly Hall, at isang napakainam na pasilidad ng sangay, na inialay noong Pebrero 1995.

Mga Aral na Natutuhan Ko

Sa pinakainteryor ng Suriname, may ilang kongregasyon doon ng mga tinatawag na Bush Negroes, mga inapo ng mga aliping Aprikano na tumakas mula sa plantasyon at nagpakalayu-layo hanggang makakaya nila tungo sa pinakapunò ng ilog. Paulit-ulit akong pinahanga ng kanilang nagagawa​—halimbawa, kung paano nila nagagamit ang ilog para sa transportasyon at nagagawang tahanan nila ang maulang gubat. Nagpapatumba sila ng mga punò, gumagawa ng bangka, at naigigiya ang mga ito sa mga talon at malalakas na agos. Nakakakuha sila ng mga pagkain sa pamamagitan ng pangangaso at pangingisda, nakapagluluto nang walang anumang modernong pasilidad, at nakagagawa ng maraming iba pang bagay na para sa amin ay napakahirap.

Sa paglipas ng mga taon, nakilala rin namin ang iba pang mga tao na nakatira rito sa Suriname, ang kanilang mga kostumbre, ang takbo ng kanilang pag-iisip, at ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagugunita ko pa nang dumalaw kami sa isang nayon ng Amerindiano noong mga taon ng 1950. Sa kalagitnaan ng gabi, dumating ako sa isang pinabayaang kampo sa maulang gubat, kung saan pasisimulan namin ng aking kasamang Indiano ang paglalakbay sakay ng bangka. Nagsigâ siya, nagluto ng pagkain, nagtali ng duyan. Normal na bagay lamang sa kaniya na gawin ang lahat para sa akin sapagkat alam niyang hindi ako marunong niyaon.

Nang mahulog ako sa aking duyan noong kalagitnaan ng gabi, hindi siya nagtawa. Sa halip, pinagpag niya ang aking damit at muling itinali ang duyan. Nang maglakbay kami sa isang makitid na ilog, napakadilim anupat ni hindi ko makita ang aking mga kamay sa harapan ko, pero naigiya niya ang bangka sa maraming kurba at mga hadlang. Nang tanungin ko siya kung paano niya nagawa iyon, sabi niya: “Mali kasi ang tinitingnan mo. Tumingala ka at tingnan ang pagkakaiba ng tuktok ng mga punungkahoy at ng langit. Ipakikita nito sa iyo ang kurba sa ilog. Tumungò ka at pagmasdan ang maliliit na alon. Matutulungan ka ng mga ito na masabi kung may mga bato o iba pang hadlang sa unahan. At makinig ka. Masasabi rin ng tunog kung ano ang naroroon sa unahan.”

Maaaring mapanganib at nakapapagod ang paglalakbay sa bangka, habang tumatawid sa malalakas na alon, at dumaraan sa mga talon. Subalit sa katapusan ng paglalakbay, kapag nakita na namin ang mga kapatid na Kristiyano na naghihintay para salubungin kami nang buong lugod, nagiginhawahan kami. Palaging may pagkain para sa mga panauhin, marahil isang mangkok na sabaw. Ang buhay-misyonero ay karaniwan nang mapanganib at mahirap ngunit hindi kailanman isang kabiguan.

Ang Nakatulong sa Amin Upang Magpatuloy

Hindi kami nabiyayaan ng pambihirang kalusugan. Ni tumanggap man kami ng maraming pampatibay-loob mula sa aming mga kapamilya, yamang ang nanay ko lamang ang aming tanging Saksing kamag-anak. Gayunman, ang tulong at pampatibay-loob mula sa aming mga mahal na kaibigan ay palaging nakalaan sa aming mga pangangailangan, anupat tinutulungan kaming magpatuloy sa aming atas. Si Inay ang lalo nang nakapagpapatibay-loob.

Pagkalipas ng mga anim na taon sa aming atas, nagkasakit si Inay. Nais sana ng aming mga kaibigan na umuwi kami para makita siya sa huling pagkakataon, pero sumulat si Inay: “Huwag na huwag kayong uuwi. Gunitain ninyo ako na gaya noong ako’y wala pang sakit. Inaasahan kong makikita ko kayo sa pagkabuhay-muli.” Siya’y isang babaing may matatag na pananampalataya.

Noon lamang sumapit ang 1966 nang kami’y makauwi sa Netherlands para magbakasyon. Tuwang-tuwa kaming makita ang dating mga kaibigan, pero para sa amin ay Suriname na ang aming tahanan ngayon. Kaya nga napag-unawa namin ang karunungan ng payo ng organisasyon na hindi dapat umuwi ang mga misyonero sa kanilang lupang tinubuan para magbakasyon hanggang hindi natatapos ang kahit na tatlong taon man lamang na paglilingkod sa kanilang atas.

Ang isa pang bagay na nakatulong sa amin upang mawili sa aming atas ay ang pagiging palabiro​—dinadaan na lamang namin sa tawa ang mga bagay-bagay, pati na ang aming sarili. Si Jehova man ay nagpatawa sa pamamagitan ng ilan sa likas na mga kinapal. Kapag pinagmamasdan mo ang mga kilos ng mga chimpanzee at mga otter, at lalo na ang mga supling ng maraming hayop, nagdudulot ito ng ngiti sa iyong mukha. Mahalaga rin na ang tingnan ay ang mga positibong bagay at huwag masyadong bigyan ng importansiya ang ating sarili​—isang bagay na natutuhan namin sa paglipas ng mga taon.

Ang aming kapaki-pakinabang na gawain sa ministeryo ang lalo nang nakatulong sa amin na magpatuloy sa aming atas. Pinasimulan ni Gré ang isang pag-aaral sa Bibliya sa Paramaribo sa siyam na kalalakihan sa isang tahanan para sa matatanda na. Lahat ay mahigit nang 80. Bawat isa ay naging balatableeder (tagapagdagta ng punò ng goma) o tagahukay ng ginto. Naibigan ng bawat isa ang kaniyang natutuhan, nagpabautismo, at tapat na nakibahagi sa gawaing pangangaral hanggang sa kaniyang kamatayan.

Isang matanda nang tagapangaral na ang pangalan ay Rivers, mula sa New Church ng Swedenborg, ang nakikinig noon sa pag-aaral at nanunuya. Ngunit linggu-linggo siya’y palapit nang palapit, at nabawasan na ang kaniyang panunuya. Sa wakas ay tumabi na siya sa iba at sumali na. Siya’y 92 anyos na at hindi na halos makakita o makarinig, ngunit nasasabi niya ang mga teksto na para bang binabasa niya ang mga ito. Nang maglaon ay sumasama na siya sa amin sa ministeryo at nangangaral sa sinumang nakikinig. Ilang sandali bago siya mamatay, nagpadala siya ng mensahe na humihiling sa amin na puntahan siya. Patay na siya nang dumating kami, ngunit nakita namin sa ilalim ng kaniyang unan ang ulat niya ng oras na kaniyang ginugol sa ministeryo sa buwang iyon.

Noong 1970, pagkalipas ng 25 taon sa buong-panahong pangangaral, naatasan akong mangasiwa sa tanggapang pansangay ng Suriname. Mahirap palang magtrabaho sa opisina at pinangarap kong sana’y makasama ako ni Gré, na patuloy pa ring lumalabas sa larangan araw-araw. Ngayon ay nagtatrabaho na rin si Gré sa sangay, at kami kapuwa ay may kapaki-pakinabang na gawain dito habang kami’y tumatanda.

Tunay, kapag inihahambing ko ang wala pang 160,000 aktibong tagapaghayag ng Kaharian sa daigdig noong 1945 sa mga 6,000,000 sa ngayon, nakikita kong talagang nahigitan ng aktuwal na pangyayari ang aking mga inaasahan. At sa Suriname, ang bilang ng nakikibahagi sa ministeryo ay dumami nang mahigit sa 19 na ulit mula nang kami’y dumating noong 1955​—mula sa mga 100 noon hanggang sa mahigit na 1,900 ngayon!

Umaasa akong makakakita pa kami ng higit pang mga kaganapan sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova sa hinaharap kung kami’y mananatiling tapat sa ating Diyos. At iyan ang aming gagawin.

[Larawan sa pahina 13]

Noong 1955, nang kami’y dumating sa Suriname

[Larawan sa pahina 15]

Gumagamit ng bangka sa aming ministeryo

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ang aking asawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share