Kilalanin ang Irish Wolfhound
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA IRELAND
“Ang maamong higante sa daigdig ng aso.”
Iyan ang isang paglalarawan sa Irish wolfhound. Nakakita ka na ba nito? Totoo nga na wala nang mga lobo ngayon sa Ireland. Pero dati ay mayroon. Mayroon ding mga baboy-ramo at mga higanteng usa noon. Sinasabing ang pinakahuling lobo sa Ireland ay napatay mga dalawang daang taon na ang nakalilipas. Bago iyan, ang mga wolfhound ay kilalang-kilala sa panghuhuli ng mga lobo at ng malalaking hayop. May kamakailang kuwento hinggil sa isang wolfhound na ipinadala sa Rocky Mountains, sa Estados Unidos. Noong 1892, ayon sa kuwento, “pinatay [niya] ang apatnapung lobo nang siya lamang mag-isa noong isang panahon ng taglamig.” Pero, huwag kang mag-alala. Hindi nanghuhuli o pumapatay ng tao ang mga wolfhound!
AYON sa ilang istoryador, kilalang-kilala ang mga wolfhound sa Ireland noong 500 B.C.E. Nang maglaon, hindi lamang sa pangangaso ginamit ng mga Celt ang mga wolfhound. Sinasabi ng alamat at kasaysayan na nakipagdigma rin ang mga aso kasama ng mga hari at mga mandirigmang taga-Ireland.
Ang reputasyon ng wolfhound bilang isang napakaespesyal na lahi ng aso ay kumalat sa buong daigdig. Dinadala pa man din ang mga wolfhound sa Roma upang ipalabas sa arena. Sinasabi sa atin ng mga ulat ang hinggil sa isang Romanong konsul na nagngangalang Quintus Aurelius Symmachus na lumiham noong 393 C.E. sa kaniyang kapatid upang magpasalamat sa ipinadala nito na pitong Irish wolfhound sa Roma. Waring tuwang-tuwa talaga ang mga Romano sa mga aso. “Humanga sa mga ito ang buong Roma,” isinulat ni Symmachus, “at nangarap na ang mga ito’y dalhin sa dakong iyon nang nasa mga hawlang bakal.”
Dahil marahil sa pagkalalakí ng mga aso kung kaya naisip ng mga tao na dapat silang ipadala roon nang nasa mga hawlang bakal. Ang mga lalaki ay may taas na 86 centimetro patayo hanggang balikat, ngunit ang ilan ay mas malalaki pa. Ang napaulat na pinakamatangkad na wolfhound ay halos mahigit sa 100 centimetro hanggang balikat. Ang mga babae ay karaniwan nang mas maliit nang isa o dalawang pulgada kaysa sa mga lalaki. Nagiging madali ang pagkuha ng ekstrang pagkain dahil sa pagiging matangkad. Binabalaan ng nobelistang taga-Scotland na si Sir Walter Scott ang isa sa kaniyang mga kaibigan na mag-ingat kapag kumakain. Kung hindi, “uubusin iyon ng kaniyang wolfhound, na mga dalawang metro ang haba mula sa tungki ng ilong hanggang buntot, mula sa kaniyang pinggan nang hindi na kailangan pang tumuntong sa mesa o silya.”
Medyo maliliit lamang ang mga asong ito sa pasimula—na tumitimbang lamang nang mga punto siyete kilo kapag bagong panganak—subalit mabilis silang lumaki. Isang tagahangang nagmamay-ari nito ang nagsabi na habang mga tuta pa lamang, sila’y “nakatutuwang maliliit na kinapal” ngunit sila’y nagbabago “sa kagulat-gulat na bilis mula sa pagiging matatabang-pandak na mga tuta tungo sa pagiging matataas, payat, at malalambot na kinapal na halos puro binting mahahaba.”
Hindi sila gaanong kumakahol. Sila ang tipo ng aso na mas malalakas at tahimik. Ngunit kapag kumahol sila, hindi mo malilimot ang tunog nito. Ikinukuwento ng mga tao ang tungkol sa isa na nang marinig ang kahol ng isang wolfhound ay nagsabing iyon “ang pinakamalagom na tunog at pinakamalungkot na kahol na narinig [niya] kailanman.”
Inilarawan ang Irish wolfhound bilang “may mabalasik na mukha, mapanuring mga mata, makakapal na kilay, at malagong balahibo na kulay-matingkad na abo”—ang uri ng aso na baka, sa unang tingin, ay nais mong iwasan. Subalit sinasabi rin naman na ang mga ito’y “napakababait anupat malalaro ng isang bata.” Gaya nga ng sabi ng isang marunong na may-ari, ang mga ito, sa katunayan, ay “napakalalambing.” At hindi lamang abuhin ang kulay nila. Ang kulay ng balahibo ng ilan ay puti, manilaw-nilaw, pula, o itim.
Pinaulanan ng papuri ng bantog na manunulat na taga-Ireland na si Oliver Goldsmith ang mga ito. “Ang napakalaking Irish wolfdog,” sabi niya, “ay pagkaganda-ganda at napakaringal . . . , ang pinakamalaking uri ng aso na makikita sa daigdig.” Maliwanag na hangang-hanga siya sa mabalahibong kagandahan ng mga ito, pati na ang mga kilay, pilikmata, at mga balbas na siyang dahilan ng pagkakaroon nila ng tinatawag na “ang tunay na anyo ng mukha ng mga taga-Ireland.”
Kung gayon, bakit halos nauubos na ang lahi ng mga ito? Ang isang dahilan ay ang kanilang popularidad. Itinuturing ng mga tagahanga na ang mga ito ang mamahaling uri ng regalo na maibibigay nila sa mga importanteng taong gaya ng mga monarka. Kaya naman ang mga ito’y “hinahanap at ipinadadala sa ibang bansa sa apat na sulok ng daigdig.” Resulta nito, sila’y nakakalat sa lahat ng dako sa maliliit na bilang. Bukod pa sa bagay na, kapag hindi na sila magagamit sa pangangaso, sila’y pinababayaan na lamang bilang isang kaurian sa Ireland.
Noong 1839, ganito ang pagkakaulat ng isang mahilig sa wolfhound tungkol sa malungkot na situwasyon: “Dapat ikalungkot ang mabilis na pag-unti ng maringal na lahing ito ng aso at ang tiyak na pagkaubos nito sa paglipas ng ilan pang mga taon kung hindi gagawa ng pambihirang pagsisikap.” Kaunting-kaunti na lamang ang natitira anupat karaniwan nang inaangkin ng mga tao na ang wolfhound na pag-aari nila “ang pinakahuli sa mga lahi nito.” Subalit nakaligtas ang mga ito.
Sila’y iniligtas ng “pambihirang pagsisikap” ng mga taong gaya ni George A. Graham. Nakita niya ang problema ng mga ito noong 1862. Tinipon niya ang pinakamaraming natitira pang wolfhound na nakikita niya. Sa pamamagitan ng maingat na pagpapalahi sa mga ito, nailaan niya ang pundasyong kailangan upang maisauli sila sa kinalalagyan nila ngayon. Kung hindi dahil sa kaniya, sabi ng isang istoryador noong 1893, “ang natitirang mga asong ito mula sa makapangyarihang lahi ay ubos na sana ngayon.”
Isa sa mga tagahanga ng mga ito, isang iginagalang na tagapagpalahi ng mga Irish wolfhound, si Phyllis Gardner, ay sumulat: “Walang katiyakan sa daigdig na ito, ngunit, maliban nang magkaroon ng sakuna, waring ang maringal na lahing ito ay nakaligtas na sa bingit ng pagkalipol, at patuloy na umaangat ang popularidad nito.”
[Larawan sa pahina 23]
Wolfhound na mga tuta, mga apat na linggo ang edad
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mabait na wolfhound, sa Newtownards, Northern Ireland