Pinalakas ng Pag-asa Upang Mabata ang mga Pagsubok
AYON SA SALAYSAY NI MICHIKO OGAWA
Noong Abril 29, 1969, tumanggap ako ng isang tawag mula sa pulisya. Ang aking asawa, si Seikichi, ay napinsala sa isang aksidente sa sasakyan at nasa ospital. Inilagak ko ang aking dalawang batang anak na lalaki sa isang kaibigan at sumugod doon. Si Seikichi ay naparalisa na mula noon at hindi na nagkamalay. Hayaan ninyong isalaysay ko ang tungkol sa aming pamilya at kung paano kami nakapanagumpay.
AKO ay ipinanganak noong Pebrero 1940 sa Sanda, malapit sa Kobe, Hapon. Magkakilala na kami ni Seikichi magmula pa noong kapuwa kami nasa kindergarten. Kami ay ikinasal noong Pebrero 16, 1964. Ang aking asawa ay isang lalaki na hindi masalita, pero mahilig siya sa mga bata. Nang maglaon, nagkaroon kami ng dalawang anak na lalaki, si Ryusuke at Kohei.
Si Seikichi ay nagtatrabaho sa isang kompanya ng konstruksiyon sa Tokyo, kaya pagkatapos naming makasal ay nanirahan kami sa isa sa mga karatig-pook nito. Noong Oktubre ng taong 1967, ako ay dinalaw ng isang kabataang babae na nagpakilala na isang guro ng Bibliya. “Salamat na lang. May sarili akong Bibliya,” ang sabi ko.
“Maaari ko bang makita ang Bibliya?” ang tanong niya.
Kinuha ko ang Bibliya mula sa aming istante—kay Seikichi ito—at ipinakita ito sa kaniya. Ipinakita niya sa akin mula rito ang pangalang Jehova. Hindi ko alam na ito ang pangalan ng Diyos. Habang minamasdan ang aking dalawang maliliit na anak, binasa ng babae sa akin mula sa Bibliya: “Sanayin mo ang bata ayon sa daan para sa kaniya; tumanda man siya ay hindi siya lilihis mula roon.” (Kawikaan 22:6) Matagal ko na talagang pinag-iisipan kung paano ko matagumpay na mapalalaki ang aking mga anak. Kaya gusto ko kaagad na mag-aral ng Bibliya.
Pinatuloy ko ang babae, at pinasimulan namin ang isang pagtalakay mula sa buklet na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay.” Naisip ko, ‘Tunay na kahanga-hanga kung kami bilang isang pamilya ay magtatamasa ng maligayang buhay!’ Nang umuwi si Seikichi, sinabi ko: “Nais kong mag-aral ng Bibliya.”
“Mahal, hindi mo na kailangang maging masyadong marunong,” ang sabi niya. “Tutulungan kita sa anumang nais mong matutuhan.” Gayunman, sinimulan kong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova bawat linggo at di-nagtagal ay nagsimula na akong dumalo sa kanilang mga pagpupulong.
Pasimula ng Aming mga Pagsubok
Nang dumating ako sa ospital ng gabing iyon noong Abril 1969 na binanggit sa itaas, ako’y nagulat nang malaman kong isang kaibigan ni Seikichi, ang asawa ng babae na pinaglagakan ko ng aking mga anak, ang nakasakay rin sa taksi nang maganap ang aksidente. Ang kaibigan ng aking asawa ay namatay pagkalipas ng isang linggo.
Nang gabing iyon ay sinabi sa akin ng mga kawani ng ospital na makipag-alam ako sa sinuman na sa palagay ko ay dapat makakita kay Seikichi, yamang hindi na ito inaasahang mabubuhay pa. Siya ay nabalian ng buto sa pinakapuno ng kaniyang bungo at nagkapasâ sa utak. Kinabukasan ay sumugod sa ospital ang mga kamag-anak mula sa lugar ng Kobe.
Isang tinig ang may pagmamadaling nag-anunsiyo sa loudspeaker ng ospital: “Lahat ng kamag-anak ni Seikichi Ogawa, pakisuyong dalawin siya kaagad.” Nagmamadali kaming nagtungo sa intensive care unit at hali-haliling namaalam sa kaniya. Gayunman, ang kritikal na kalagayan niya ay tumagal nang isang buong buwan. Isang pangwakas na pagsusuri ang nagpakita na ang kalagayang ito ay tatagal sa loob ng mahabang panahon.
Kaya si Seikichi ay inilipat mula sa Tokyo patungong Kobe sa pamamagitan ng ambulansiya, may layong halos 650 kilometro. Inihatid ko siya at pagkatapos ay naglakbay ako pauwi sakay ng bullet train, na nananalangin para sa kaniyang kaligtasan. Di-naglaon nang gabing iyon, nag-umapaw ang aking kagalakan sa pagkakitang siya ay buháy sa isang ospital sa Kobe. Pabulong na sinabi ko sa kaniya, ‘Mahal, talagang kumapit ka sa buhay!’
Pagpisan sa Aking mga Magulang
Bumalik ako kasama ang aking mga anak sa tahanan ng aking mga magulang sa Sanda, kung saan nagsimula sa kindergarten ang mga bata. Bumili ako ng pangmatagalang tiket (season ticket) sa tren patungong Kobe, na mga 40 kilometro ang layo, at naghalinhinan kami ng aking biyenang babae na magbiyahe patungong ospital araw-araw sa sumunod na taon. Naiisip ko, ‘Magkakamalay kaya si Seikichi ngayon? Ano kaya ang unang sasabihin niya sa akin? Paano ako sasagot?’ Iniisip ko rin, lalung-lalo na kapag nakakakita ako ng isang masayang pamilya, ‘Kung wala lang sanang sakit si Seikichi, magkakaroon ng kaiga-igayang panahon ang aming mga anak.’ Babalong ang luha sa aking mga mata.
Noong unang mga taóng iyon, kapag nababasa ko sa pahayagan na ang isang tao ay nagkamalay muli pagkalipas ng ilang buwan na walang malay, iisipin kong magigising ding muli si Seikichi. Kaya sinabi ko minsan sa aking bayaw: “Gusto kong dalhin siya sa ospital sa hilagang-silangan ng Honshu.” Ngunit sinabi niyang wala nang lunas, at pinayuhan niya akong gamitin ang anumang pondo namin para sa ibang miyembro ng pamilya.
Isang Kristiyanong matanda sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kobe ang nakatira malapit sa ospital, at dumaraan ako sa kaniyang bahay bago ako dumalaw kay Seikichi. Minsan isang linggo ay inaaralan ako ng Bibliya ng kaniyang asawa. At ang kanilang dalawang anak ay pumupunta sa aming silid sa ospital upang ihatid ang isang audiocassette ng kanilang mga pagpupulong sa kongregasyon. Ako ay lubos na napatibay at naaliw ng pamilyang ito.
Pinalakas ng Pag-asa
Isang araw, isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa amin sa ospital at binasa niya sa akin ang Roma 8:18-25. Sa bahagi, sinasabi nito: “Ibinibilang ko na ang mga pagdurusa sa kasalukuyang kapanahunan ay hindi nagkakahalaga ng anuman kung ihahambing sa kaluwalhatian na isisiwalat sa atin. . . . Sapagkat alam natin na ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon. . . . Kapag nakikita ng isang tao ang isang bagay, inaasahan ba niya ito? Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, patuloy natin itong hinihintay nang may pagbabata.”
Ang pagtalakay sa ating pag-asang Kristiyano ay nagpaalaala sa akin na ang kasalukuyang mga pagdurusa ay maliit kung ihahambing sa kagalakan na ipinangako ni Jesus—buhay sa dumarating na Paraisong lupa. (Lucas 23:43) Ang pagtalakay ay tumulong sa akin na harapin ang kasalukuyang mga katotohanan sa buhay taglay ang pag-asa at magtuon ng pansin sa panghinaharap na mga katotohanan ng mga pagpapala ng bagong sanlibutan.—2 Corinto 4:17, 18; Apocalipsis 21:3, 4.
Noong Hunyo 1970, inilipat si Seikichi sa isang ospital sa Sanda, kung saan kami nakatira ng aking mga magulang. Noong sumunod na Enero, nang matanggap ko ang dokumento na isinampa ng aming abogado na nagpahayag ng pagiging walang kakayahan ng aking asawa bunga ng aksidente, ako ay labis na nalungkot at hindi ko napigil ang aking mga luha. Madalas sabihin sa akin ng aking biyenang babae: “Ikinalulungkot ko, Michiko, ang dinaranas mong mahirap na kalagayan dahil sa aking anak.” Sinasabi rin niya: “Sana’y maaari kong ipalit ang aking sarili kay Seikichi.” Mag-iiyakan kaming dalawa.
Hinihimok ako ng aking ama na humanap ng buong-panahong trabaho, ngunit determinado akong alagaan si Seikichi. Bagaman waring walang malay, tumutugon siya sa init at lamig at naaapektuhan sa mga paraan ng pangangalaga. Nais ni Tatay na mag-asawa akong muli, ngunit napagtanto ko na hindi angkop na gawin ang gayon, yamang nabubuhay pa ang aking asawa. (Roma 7:2) Pagkatapos noon, kapag nakainom si Tatay sasabihin niya: “Kapag ako’y namatay isasama ko si Seikichi.”
Sa aking malaking kagalakan, isang kongregasyon ang itinatag sa Sanda noong 1971. Pagkatapos, noong Hulyo 28, 1973, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ito’y noong internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Osaka Expo Grounds.
Nang maglaon noong 1973, ang aking anak na si Kohei ay nagkaroon ng malubhang nephritis at naospital sa loob ng limang buwan. Ang aking ama ay nasa ospital din dahil sa tuberkulosis. Kaya noong Enero 1, 1974, dinalaw ko ang aking ama, ang aking asawa, at ang aking anak sa tatlong magkakaibang ospital. Kung Linggo kapag dinadalaw ko si Kohei kasama ang aking nakatatandang anak, si Ryusuke, inaaralan ko sila ng aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro. Pagkatapos niyan, kami ni Ryusuke ay dadalo sa pulong sa Kobe at umuuwing taglay ang mga pusong nagagalak.
Lagi akong nagpapasalamat sa mga tumulong sa pag-aalaga kay Seikichi. Determinado akong ibahagi sa kanila ang kaalaman sa Bibliya. Pagkatapos mamatayan ng kapatid na babae dahil sa isang sunog ang isang tagapag-alaga, siya ay tumugon nang ipakita ko sa kaniya ang dakilang pag-asa ng pagkabuhay-muli na ipinangako sa Bibliya. (Job 14:13-15; Juan 5:28, 29) Isang pag-aaral ng Bibliya ang napasimulan sa kaniya sa ospital, at nabautismuhan siya nang maglaon, sa isang kombensiyon noong 1978.
Ang Aking mga Anak, Isang Pinagmumulan ng Kagalakan
Isang malaking hamon ang pagpapalaki sa aking mga anak nang walang tulong ng aking asawa, ngunit tunay na ito’y kasiya-siya! Tinuruan ko sila ng wastong asal at pagmamalasakit sa damdamin ng iba. Nang si Ryusuke ay tatlong taon pa lamang, humihingi siya ng paumanhin kapag hindi siya gumawi nang mabuti, na sinasabing: “Mama, ikinalulungkot ko po.” Si Kohei ay medyo rebelyoso, na naghihinanakit kung minsan kapag itinutuwid ko siya. Minsan ay humiga pa nga siya na umiiyak sa harapan ng isang tindahan nang may gusto siyang ipabili. Ngunit nangangatuwiran ako sa kaniya, anupat ipinadarama ang pagmamahal at pagtitiis. Sa kalaunan, siya ay naging isang masunurin at mabuting bata. Ito ang tumulong sa akin na makumbinsing tunay ngang ang Bibliya ay Salita ng Diyos.—2 Timoteo 3:15-17.
Nang pumasok si Ryusuke sa junior high school, ipinaliwanag niya sa mga guro kung bakit hindi niya matatanggap ang pagsasanay sa martial arts. (Isaias 2:4) Isang araw, umuwi siya mula sa paaralan na galak na galak dahil sa isang pagpupulong ng ilang guro, nagawa niyang sagutin ang kanilang mga katanungan.
Nakatulong nang malaki sa aking mga anak ang mabuting pagsasamahan sa kongregasyon. Madalas silang inaanyayahan ng mga Kristiyanong matatanda para kumain at isinasama sila sa kanilang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya at maging sa mga paglilibang. May mga pagkakataon din para sa kaiga-igayang pagsasamahan, kabilang na ang pakikibahagi sa iba’t ibang laro. Sinagisagan ni Ryusuke ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig noong 1979, at si Kohei naman ay nabautismuhan nang sumunod na taon.
Ang Aming Buong-Panahong Ministeryo
Minsan noong panahon ng dalaw ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, sinabi ko sa kaniya na nais kong maging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Yamang nang panahong iyon ay magiging di-katalinuhan ang paggawa ng gayong hakbangin dahil sa aking kalagayan, may kabaitan niya akong pinaalalahanan sa pangangailangan na palakihin ang aking mga anak na matatag sa katotohanan ng Bibliya. “Ang mahalaga,” sabi niya, “ay ang pagkakaroon ng espiritu ng pagpapayunir.” Kaya nag-auxiliary pioneer ako, anupat nakikibahagi sa gawaing ito kasama ng aking mga anak kapag panahon ng kanilang mga bakasyon sa paaralan. Napakalaki ng naitulong sa akin ng gawaing ito upang mapanatili ang kagalakan at kapayapaan ng isip samantalang inaalagaan si Seikichi.
Sa wakas, noong Setyembre 1979, napabilang ako sa ranggo ng mga regular pioneer. Noong Mayo 1984, mga isang taon pagkalipas magtapos sa high school, nagpatala rin si Ryusuke bilang isang payunir. Sumama sa kaniya si Kohei sa gawaing pagpapayunir noong Setyembre 1984. Kaya naman, lahat kaming tatlo ay nakaranas sa anyong ito ng buong-panahong ministeryo. Sa pagbabalik tanaw ko sa 20 taon ng pagpapayunir, na nang panahong iyon ay nagkaroon ako ng pribilehiyo na matulungan ang ilang mga tao na paglingkuran si Jehova, nadarama ko na ang gawaing ito ay tumulong upang palakasin ako sa mga pagsubok sa akin.
Si Ryusuke ay nagboluntaryo sa gawaing pagtatayo sa bulwagang pang-edukasyon na katabi ng Assembly Hall sa Kansai. Nang maglaon ay naglingkod siya sa loob ng pitong taon bilang tagapag-ingat ng Assembly Hall sa Hyogo. Sa ngayon, bilang isang Kristiyanong matanda sa isang kalapit na kongregasyon sa Kobe, siya ang nag-aasikaso sa akin. Mula noong 1985, si Kohei ay naglilingkod bilang isang boluntaryong manggagawa sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Ebina.
Pinalakas ng Maraming Pagpapala
Sa loob ng maraming taon ay nagtungo ako sa ospital nang ilang beses sa isang linggo upang dalawin si Seikichi at upang paliguan siya. Ang aking pag-aalaga ay karagdagan sa ibinibigay ng isang regular na tagapag-alaga. Noong Setyembre 1996, pagkalipas ng 27 taon sa mga ospital, si Seikichi ay bumalik upang manirahan sa aming tahanan, sa tulong ng isang tagapag-alaga. Nakakakain siya ng likidong pagkain sa pamamagitan ng isang tubo sa ilong. Bagaman nananatiling nakapikit ang kaniyang mga mata, tumutugon siya nang bahagya kapag may sinasabi kami sa kaniya. Masakit sa akin na makita si Seikichi sa kalagayang ito, ngunit napalalakas ako sa pamamagitan ng dakilang pag-asa sa hinaharap.
Bago pa umuwi si Seikichi, inalok ko na maging tuluyan ang aming bahay sa isang naglalakbay na tagapangasiwa at sa kaniyang asawa, kaya sa loob ng isang taon ay nanirahan kaming lima na magkakasama sa aming maliit na tahanan. Hindi ko inaasahan na makakapisan kong muli si Seikichi, at pinasasalamatan ko si Jehova dahil dito. Sa loob ng maraming taon ay masidhi ang aking pagnanais na maidilat ni Seikichi ang kaniyang mga mata, ngunit ngayon ang nais ko na lamang na maganap ay ang kalooban ni Jehova.
Tunay na masasabi ko: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya dinaragdagan iyon ng kirot.” (Kawikaan 10:22) Bagaman ang maligayang buhay kasama ng malusog na si Seikichi ay maikli, ako ay pinagpala ng dalawang anak na lalaki na ‘nakaalaala sa ating Dakilang Maylalang.’ Dahil dito ay lubos akong nagpapasalamat!—Eclesiastes 12:1.
Pansamantala, nais kong kapuwa magpatuloy sa pagpapayunir—sa gayo’y makatutulong sa iba na masumpungan “ang tunay na buhay”—at, kasabay nito, mabigyan si Seikichi ng maibiging pangangalaga. (1 Timoteo 6:19) Ang aking karanasan ang nagturo sa akin ng pagiging totoo ng mga salita ng salmista: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at aalalayan ka niya. Hindi niya ipahihintulot kailanman na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.
[Larawan sa pahina 13]
Kami ng aking asawa kasama si Ryusuke
[Larawan sa pahina 13]
Si Seikichi kasama ng aming dalawang anak, anim na buwan bago ang aksidente
[Larawan sa pahina 15]
Kami ay pinagpala ng dalawang anak na lalaki, si Ryusuke at Kohei (itaas), na ‘nakaalaala sa ating Dakilang Maylalang’