Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/8 p. 22-25
  • Ang Matatu—Ang Makulay na Sasakyan ng Kenya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Matatu—Ang Makulay na Sasakyan ng Kenya
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kawili-wiling Pang-akit
  • Magtatagal Ito
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Jeepney—Sasakyan sa Pilipinas
    Gumising!—1989
  • Nairobi—Isang “Lugar ng Malamig na Katubigan”
    Gumising!—2004
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/8 p. 22-25

Ang Matatu​—Ang Makulay na Sasakyan ng Kenya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

HINDI kailanman nagkukulang ng mga papuri ang isang dayuhan sa Kenya kapag inilalarawan ang kaniyang paglalakbay. Isang inang elepante, isang maringal na leon, at isang mamula-mulang purpura na paglubog ng araw ang malilinaw na larawan na naaalaala ng naglalakbay. Dito, ang kagandahan ay sagana at sari-sari. Gayunman, sa maraming daan sa lugar na ito, may isang pang-akit na naiibang uri​—ang kapaki-pakinabang na matatu. Tumutukoy ang katawagang ito sa isang pangkat ng mga sasakyang pampubliko. Ang kanilang kawili-wiling mga katangian ay nagpapangyari sa kanila na maging isang pinakapopular na paraan ng transportasyon sa Kenya.

Kapansin-pansin ang pinagmulan ng matatu at gayundin ang paraan ng pagpapatakbo nito. Ang una sa mga uri nito ay isang kakarag-karag na kotseng modelong Ford Thames, isang nalabi ng pangkat ng mga sasakyang ginamit ng mga Britanong sundalo sa Etiopia noong ikalawang digmaang pandaigdig. Noong unang mga taon ng dekada ng 1960, isang naninirahan sa Nairobi ang gumamit ng lumang kotseng ito upang dalhin ang ilang kaibigan sa sentro ng lunsod, anupat hinilingan ang bawat isa sa kanila na magbigay ng 30 cent lamang para sa gasolina.a Di-nagtagal pagkatapos nito, nakita ng iba na mapagkakakitaan ang lumang mga sasakyang ito. Kaya marami ang binago upang makapagsakay ng 21 pasahero, na may tatlong magkakahilerang bangkong kahoy bilang mga upuan. Ang ayos nito ay katulad niyaong matandang bolekajas sa Nigeria. Ang bawat tao ay nagbabayad ng orihinal na pamasahe na tatlong 10-cent na barya bawat biyahe. Iyan malamang ang dahilan kung bakit matatu ang tawag sa mga sasakyan​—mula sa salitang Swahili na tatu, na nangangahulugang “tatlo.” Mula noon, lubusang nagbago ang matatu, anupat halos hindi mababakas sa mga bagong modelo ang hitsura ng kakarag-karag na mga ninuno nito. Oo, ang matatu ngayon ay isang magarang sasakyan na inilarawan ng isang pang-araw-araw na pahayagan sa Kenya bilang isang “hugis-jet, makulay gaya ng bahaghari, at napakabilis na sasakyan.” Hindi ito produkto ng maliliit na industriya noong dekada ’60!

Ang pagsakay sa isang matatu ay maaaring maging isang kapana-panabik na karanasan, lalo na kung pasingit-singit ang drayber sa matinding trapik sa lunsod! Sandali tayong maglakbay sa Nairobi na nakasakay sa isang matatu upang maranasan ito.

Kawili-wiling Pang-akit

Magsisimula ang ating paglalakbay sa isang terminal kung saan nakaparada ang dose-dosenang sasakyang ito na naghihintay na tumungo sa iba’t ibang direksiyon. Ala-una na ng hapon, at ang lugar ay abalang-abala, anupat hinahanap ng mga tao ang partikular na matatu na magdadala sa kanila sa kanilang destinasyon. Ang ilan sa mga pasahero ay tutungo sa hilagang bahagi ng bansa, isang paglalakbay na aabot ng ilang oras. Ang iba naman ay pupunta ng ilang kilometro palabas sa sentro ng lunsod, marahil upang kumain sandali. Talagang kapaki-pakinabang ang matatu.

Napansin mo ba na karamihan sa mga sasakyang ito ay may ilang matitingkad na kulay? Buweno, hindi lamang nito pinagaganda ang hitsura ng mga sasakyan. May mga pasahero na mas pinipiling sumakay sa pinakakaakit-akit na matatu. Ang isang mas malapitang pagmamasid sa mga sasakyang ito ay nagsisiwalat din ng ilang pangalan na nakapinta sa mga tagiliran. Ang ilan sa mga ito ay naglalarawan ng mga kasalukuyang paksa​—halimbawa, “El Niño,” “Milenyo,” “Ang Website,” “Internet,” at “Dot Com.” Ang iba naman tulad ng “Maamo” at “Misyonero” ay nagpapahiwatig ng kanais-nais na mga katangian o mga tagumpay ng tao. Ang pinakakaribal ng makináng na hitsura ng mga matatu ay ang dyipni ng Pilipinas. Kapansin-pansin, ang dyipni ay pangalawahing produkto rin ng ikalawang digmaang pandaigdig.

Ang pagtawag sa mga pasahero ay kawili-wiling panoorin. Sa kabila ng nakikitang mga karatula sa harapan ng mga sasakyan na nagpapahiwatig ng mga ruta nito, sumisigaw ang mga konduktor habang ang mga drayber naman ay bumubusina na may magagandang tono. Huwag kang magugulat kapag nakita mo ang mga karatulang “Jerusalem” o “Jerico” sa ilang matatu. Kung sumakay ka man sa isa sa mga ito, mapupunta ka, hindi sa Gitnang Silangan, kundi sa mga silangang lugar sa labas ng Nairobi na nagtataglay ng mga pangalang ito mula sa Bibliya. Yamang sinisikap ng mga konduktor na pasakayin ang mga pasahero sa bawat matatu, hindi kataka-taka na marami ang nahihirapang pumili kung alin ang sasakyan!

Malugod kayong tinatanggap sa Strawberry! Marahil, ang pagsakay rito ay kasinsarap ng prutas. Tila marami ang pumipili sa matatu na ito, yamang gugugol lamang ng ilang minuto para mapunô. Ang mahinang musika mula sa maliliit na speaker na nakasabit sa kisame ay nakaaaliw sa mga pasahero. Gayunman, huwag mong isipin na ganito sa lahat ng matatu. Kilalá ang ilan sa pagkakaroon ng malalaking speaker sa ilalim ng mga upuan, kung saan nanggagaling ang nakabibinging musika. Buweno, nakalipas na ang mahigit sa sampung minuto mula nang mapunô ang lahat ng upuan. Gayunman, hindi pa umaalis ang ating matatu. Bakit pa ito nagpapaliban? Ang daanan sa pagitan ng mga hanay ng upuan ay dapat pang punuin ng nakatayong mga pasahero. Di-nagtagal at halos wala nang lugar para makagalaw ang sinuman. Sa katunayan, marahil ay hihinto pa nang ilang ulit ang matatu sa daan upang kumuha pa ng karagdagang pasahero.

Sa wakas ay tumatakbo na tayo. Ang mga lubos na di-magkakakilala ay buháy-na-buháy na nag-uusap, pangunahin na hinggil sa mga paksa sa araw na iyon. Parang palengke ito. Subalit mag-ingat sa lubos na pakikinig sa talakayan. Ang ilan ay nalalamang lumalampas sa kanilang destinasyon dahil sa masyado silang nalilibang sa gayong mga usapan.

Nabanggit natin na ang matatu ay kapaki-pakinabang. Hindi ito nakatalaga sa iisang ruta lamang. Upang maabot ang oras na kaniyang itinakda, daraanan ng drayber ang anumang lugar lakip na ang bangketa para sa mga taong naglalakad​—na kung minsan ay nahahagingan ang ilan. Samantala, hindi madali ang trabaho ng konduktor. Pinagsisikapan niyang kolektahin ang pamasahe mula sa maiingay na pasahero, na ang ilan ay hindi nakikipagtulungan. Gayunman, bihira niyang patulan ang maliliit na argumento. Magbabayad ang pasahero o kagyat na hihinto ang matatu at sasabihan ito na bumaba​—kung minsan sa isang mabagsik na paraan! Ipinahihiwatig ng konduktor sa drayber kung may gustong bumaba, samantalang tinitingnan din niya kung may gustong sumakay. Hinuhudyatan niya ang drayber sa pamamagitan ng pagsipol, pagkatok sa bubungan, o pagpapatunog sa kampanilya na mahusay ang pagkakalagay malapit sa pintuan. Bagaman may nakatalagang mga hintuan para sa lahat ng sasakyang pampubliko, maaaring huminto ang matatu kahit saan, kahit kailan, ito man ay upang magsakay o magbaba ng mga pasahero.

Yamang nakaalis na sa sentro ng lunsod, tayo ngayon ay nasa isang maliit na lugar sa labas ng bayan, kung saan bumababa ang karamihan sa mga pasahero. Babalik na ngayon ang matatu sa terminal na pinanggalingan nito. Kukuha pa ito ng karagdagang pasahero sa daan. Mararanasan din ng mga ito ang tulad ng naranasan natin. Walang alinlangan, ang ating pagsakay sa Strawberry, bagaman matagtag, ay kasiya-siya.

Magtatagal Ito

May katamtamang bilang na 30,000 sasakyan, ang industriyang transportasyon ng matatu sa Kenya ay nagbago mula sa pagiging nalabi ng digmaan maraming dekada na ang lumipas tungo sa isang buháy-na-buháy at multimilyong dolyar na imperyo. Gayunman, ang pagiging kapaki-pakinabang nito ay lumikha ng ilang suliranin. Halimbawa, napaparatangan ang mga drayber na sumusuway sa mga batas-trapikong sumasaklaw sa ibang mga gumagamit ng daan, at maraming regulasyon ang ipinatupad ng mga awtoridad upang makontrol ang industriya. Paminsan-minsan ay tumutugon ang industriya ng matatu sa gayong mga pagkilos sa pamamagitan ng pagkakait ng serbisyo nito, anupat pinahihirapan ang libu-libong tao na umaasa sa matatu araw-araw. Bagaman hindi nagugustuhan ng lahat ang sistema ng pagpapatakbo sa matatu, ang mga sasakyang ito ay talagang naglalaan ng mapagpipiliang pamamaraan ng mabilis na transportasyon para sa mga taong mabababa ang kita sa rehiyong ito.

[Talababa]

a Ang shilling, ang pangunahing yunit ng salapi sa Kenya, ay nahahati sa 100 Kenya cent. Ang halaga ng isang dolyar (U.S.) ay humigit-kumulang 78 shilling.

[Larawan sa pahina 22, 23]

Isang modelong Ford Thames

[Credit Line]

Noor Khamis/The People Daily

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share