Dating Kumandante ng Militar, Ngayo’y “Sundalo ni Kristo”
Ayon sa salaysay ni Mark Lewis
“Magandang araw, Inyong Kamahalan.” “Magandang gabi, Punong Ministro.” Ito ang ilan sa pagbati ko noon bilang isang piloto at Kumandante ng Royal Australian Air Force VIP squadron. Inililipad ko sa iba’t ibang dako ng Australia at sa buong mundo ang mga pinuno ng Estado at matataas na opisyal ng gobyerno. Pero ngayon, higit na kasiya-siya ang ginagawa ko. Hayaan ninyong ipaliwanag ko kung ano ito.
IPINANGANAK ako noong 1951 sa Perth, sa Kanlurang Australia. Nasa militar noon ang aking ama. Noong 15 taóng gulang na ako, nakabilang ako sa isang samahan ng mga nagpapalipad ng glider, o sasakyang panghimpapawid na walang makina. Dito nagsimula ang aking hilig sa pagpapalipad.
Di-nagtagal, naghiwalay ang mga magulang ko, at nagkawatak-watak ang aming pamilya. Kinupkop ako ng pamilya ng kumandante ng isang pangkat ng mga eroplanong pandigma ng Air Force habang nag-aaral ako sa haiskul. Nahikayat ako ng kumandante na mag-aral sa Royal Australian Air Force Academy.
Naging Piloto Ako
Pagkaraan ng mga anim na taon, nagtapos ako sa pag-aaral at naging opisyal sa Air Force. Kasabay nito, naging piloto ako at nagkaroon ako ng science degree. Kasama sa aking unang misyon ang pagpapalipad ng eroplanong pangkarga sa iba’t ibang lugar sa Australia, Timog Pasipiko, at Timog-Silangang Asia. Madalas kaming lumilipad noon sa pagitan ng matataas na bundok at lumalapag sa madadamong lugar sa mga libis. Napakadelikado ng trabahong ito. Bumagsak noon ang ilang eroplano ng aming pangkat at namatay ang ilang mahuhusay na tauhan. Gayunman, dahil sa aming mga misyon, natulungan ang mga nakatira sa mga liblib na rehiyon. Nagdadala kami ng mga materyales para sa pagtatayo ng mga tulay, ng maliliit na buldoser para sa paggawa ng mga kalsada, ng pagkain para sa mga biktima ng sakuna, at ng mga pangkat ng mga doktor at nars. Inililikas din namin ang mga maysakit at nasugatan sa panahon ng sakuna.
Noong 1978, naging kuwalipikado akong tagapagturo ng pagpapalipad ng eroplano kaya bumalik ako sa Air Force Academy. Muli kaming nagkita ng dati kong kaibigan na si Diane. Maaga siyang nabiyuda at may tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Naging kaklase ko sa Academy ang kaniyang asawa na namatay sa isang aksidente habang nagpapalipad ng eroplano. Nang yayain ko siyang magpakasal, sinabi niya na pag-iisipan niya muna ito. Para kasing ayaw na niyang mag-asawa uli ng isang piloto.
Samantala, nagtrabaho ako ng isang taon bilang Aide-de-Camp, isang opisyal na umaalalay sa Gobernador-Heneral ng Australia. Ang buhay sa Government House sa Canberra, ang tinutuluyan ng Gobernador-Heneral, ang nagbigay sa akin ng pagkakataong makita kung ano ang buhay ng isang pulitiko at makasalamuha ang mga opisyal ng bayan, militar, at mga relihiyosong lider. Nang matapos ang aking panunungkulan doon, bumalik ako sa pagtuturo. Di-nagtagal, noong 1980, nagpakasal kami ni Diane.
Noong 1982, binigyan ako ng dalawang-taóng pagsasanay sa United States Air Force bilang opisyal na tumitiyak sa ligtas na pagpapalipad ng mga eroplano at bilang imbestigador sa mga aksidente sa eroplano. Kasama sa trabahong ito ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos hanggang sa Hilagang bahagi ng Ireland. Inaalam ko rin ang dahilan ng mga aksidente sa eroplano, at sinusuri ang mga disenyo at paraan ng pagpapalipad sa mga ito para maging mas ligtas ang mga biyahe ng eroplano.
Nagbalik Ako sa Australia
Matapos akong bumalik sa Australia, naging apat na kami sa pamilya nang isilang ang aming anak na si Kerry. Dahil sa dami ng trabaho ko, si Diane ang tumayong nanay at tatay ng aming mga anak, at napabayaan ko ang aming pamilya. Pagkaraan ng tatlong taon, tinanggap ko ang atas na maging kumandante ng Air Force VIP squadron na binanggit sa simula. Nang sumiklab ang Digmaan sa Gulpo ng Persia noong 1991, sumuporta ang aking squadron sa operasyon ng UN sa digmaang ito at sa iba pa nitong operasyon sa Pakistan, Afghanistan, Aprika, at Israel.
Noong 1992, naging Staff Officer ako ng Chief of the Defence Force. Nang magsilbi ako bilang personal na alalay ng pinakamataas na kumandante ng militar ng Australia, lubos akong naging pamilyar sa ugnayan at gawain ng militar, pulitika, at UN. Nakita ko na maraming kakulangan ang UN. Gayunman, waring ito lamang ang pag-asa para sa mas mapayapang daigdig. Pagkatapos, may nangyari sa bahay namin na naging dahilan upang suriin kong muli ang aking pananaw.
Nasagot ang mga Tanong ni Diane
Matapos mamatay ang kaniyang unang asawa, naghanap si Diane, isang Romano Katoliko, ng kasagutan sa kaniyang mga tanong. Pero nabigo siya. Lalong humirap ang situwasyon nang magkainteres sa okulto ang aming panganay na anak na si Renee. Minsan, habang si Diane ay nasa bahay ng kaniyang kaibigan, nakita niya ang isang isyu ng Gumising! Nabasa niya na ang susunod na isyu nito ay tungkol sa Satanismo.a Noon lamang siya nakakita ng Gumising! Hanggang sa pag-uwi sa bahay ay iniisip niya, ‘Paano kaya ako magkakaroon ng isyung iyon?’
Pagkaraan ng tatlong araw, may mga Saksi ni Jehova na dumalaw sa bahay namin, at nakakuha si Diane ng kopya ng magasing iyon. Di-nagtagal, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi at nagsimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Natutuwa akong nag-aaral siya ng Bibliya at sinasamahan ko pa nga siya sa ilang pagpupulong, pero wala akong planong mag-aral ng Bibliya. Hindi naman kasi ako relihiyoso. Naniniwala ako sa Diyos, pero sa dami nang nakita kong pagpapaimbabaw sa relihiyon, sayang lang kung pagtutuunan ko pa ito ng pansin. Halimbawa, hindi ko maintindihan kung bakit ipinangangaral ng mga pari ng militar ang pag-ibig at kapayapaan samantalang sumusuporta naman sila sa digmaan.
Sinasadya ni Diane na maglagay ng mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga lugar na madali ko itong makita. Binabasa ko ang ilan sa mga ito at maingat na isinasauli sa dati nitong kinalalagyan. Ayaw ko kasing isipin niyang interesado na ako. Habang dumarami ang kaalaman ko sa Bibliya, may dalawang teksto na gumugulo sa aking isipan. Ang isa ay ang Apocalipsis 19:17, 18, na bumabanggit hinggil sa mga ibong kumakain ng kalamnan ng “mga kumandante ng militar.” Ang isa pang teksto ay ang Apocalipsis 17:3 na bumabanggit naman ng tungkol sa “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Sinasabi ng mga Saksi na simbolo ng UN ang hayop na ito, isang pananaw na salungat sa pinaniniwalaan ko.b Kaya ayoko muna itong pag-isipan.
Noong 1993, inanyayahan ako ni Diane na dumalo sa kaniyang bautismo. Hindi ko inaasahan ito. Tinanong ko siya, “Kung papipiliin ka, ako o si Jehova?” Sumagot siya: “Si Jehova. Pero huwag na sana akong mamili. Pareho ko kayong kailangan sa buhay ko.” Napag-isip-isip ko noon na kailangan kong higit na makilala si Jehova at malaman kung bakit mahalaga siya sa buhay ni Diane. Inalok ako ng isang matanda sa kongregasyon ng mga Saksi na mag-aral ng Bibliya, at pumayag naman ako.
Naging lubhang interesado ako sa mga hula sa Bibliya, lalo na ang may kaugnayan sa kasaysayan ng militar at pulitika. Halimbawa, noong nagsasanay pa ako sa Air Force, napag-aralan ko ang mga tagumpay ng sinaunang mga Griego. Ngayon, natutuhan kong karamihan sa mga kasaysayang iyon ay patiuna nang nakasulat sa Daniel kabanata 8 daan-daang taon bago ito maganap. Ang hulang ito, pati na rin ang iba pa, ay unti-unting nakakumbinsi sa akin na talagang Salita ng Diyos ang Bibliya.
Muli ko ring sinuri ang aking pananaw hinggil sa UN. Nalaman kong hindi kayang lutasin ng militar ang suliranin ng sangkatauhan, na hindi makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng digmaan, at na hindi kayang alisin ng UN ang pulitikal, relihiyoso, at etnikong pagkakabaha-bahagi na siyang nagiging sanhi ng digmaan. Naunawaan kong tanging ang Diyos lamang ang makalulutas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Sa katunayan, maliwanag na ginagawa na niya ito sa pambuong-daigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova. (Awit 133:1; Isaias 2:2-4) Pero iniisip ko, ‘Kaya ko kayang iwan ang buhay-militar at maglingkod sa Diyos?’
Nanindigan Ako Para sa Katotohanan sa Bibliya
Dumating ang panahon na kailangan ko nang magpasiya. Noong 1994, dumalo ako sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Sydney at bahagi ng programa ang isang kumpleto-sa-kostiyum na drama sa Bibliya. Itinampok nito ang pagpapasiyang dapat gawin ng sinaunang bansang Israel, kung maglilingkod ba sila kay Jehova o kay Baal na diyos ng mga Canaanita. Hinamon ng propeta ni Jehova na si Elias ang mga Israelita: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” (1 Hari 18:21) Tumagos sa puso ko ang mga salitang iyon. Gaya ng mga Israelita, atubili akong gumawa ng pasiya. Kailangan ko nang magdesisyon: Maglilingkod ba ako kay Jehova o mananatili sa militar?
Nang pauwi na kami noong gabing iyon, sinabi ko kay Diane na iiwan ko na ang Air Force para maging Saksi ni Jehova. Nagulat siya sa bigla kong pagpapasiya pero lubusan niya akong sinuportahan sa aking desisyon. Pagkaraan ng ilang araw, hindi nagbago ang pasiya ko, kaya nagbitiw na ako sa aking trabaho.
Nang panahong iyon, ako ang Kumandante ng Corps of Officer Cadets ng Australian Defence Force Academy sa Canberra, ang kabisera ng bansa. Pinangangasiwaan ko noon ang pagsasanay sa militar at pag-aaral ng mga 1,300 kadete pati na ang mga kawani ng Hukbong Sandatahan, Hukbong Pandagat, at Hukbong Panghimpapawid. Sa huling araw ng taóng iyon ng pag-aaral, sinabi ko sa harap ng 400 kadete at kawani na iiwan ko na ang militar upang magturo ng Bibliya sa mga tao sa bahay-bahay bilang isang boluntaryong ministrong Kristiyano. Dahil sa sinabi kong iyon, nagkaroon ako ng masiglang talakayan sa ilan sa kanila.
Naging Buong-Panahong Ministro Ako
Nagsimula akong mangaral isang araw pagkatapos kong huminto sa aking trabaho. Pagkalipas ng tatlong buwan, noong Abril 1995, ako ay nabautismuhan. Di-nagtagal, naglingkod ako bilang isang regular payunir, isang ministro na buong-panahong nangangaral sa madla.
Bilang dating kumandante ng militar, marami akong dapat baguhin para maging isang “sundalo ni Kristo.” (2 Timoteo 2:3, Bibliya ng Sambayanang Pilipino) Isa sa una kong atas ang pag-aabot ng mikropono sa mga pulong Kristiyano. Kung dati ay nag-uutos ako, ngayon ay natuto akong makisuyo sa iba. Naging mas mahalaga sa akin ang pagpapakita ng konsiderasyon at pag-ibig kaysa sa basta pagiging magaling sa pagganap ng mga atas, bagaman nahihirapan pa rin akong maging timbang sa mga katangiang ito. At dahil mas maliit na ang aking kita, kinailangan naming pasimplehin ang aming paraan ng pamumuhay.
Gustung-gusto ko ang pangangaral. Minsan, nang nagpapatotoo ako kasama ng aming anak na si Kerry, na noo’y siyam na taóng gulang, hinilingan ko siya na tingnan ang reaksiyon ng mga may-bahay. Nakita namin na maraming tao ang hindi interesado, pero mayroon din namang mababait at may mga interesado pa nga. Nakapagpapasigla iyon para sa aming dalawa. Nag-aral din ng Bibliya ang isa naming anak, ngunit sa kasalukuyan ay pinili niyang hindi maglingkod kay Jehova.
Hinimok namin ni Diane si Kerry na maging buong-panahong ministro. Kamakailan, masayang-masaya ako dahil magkasama kami ni Kerry na nag-aral sa Pioneer Service School. Ito ang unang pagkakataon niyang mag-aral dito at ikalawa naman para sa akin. Kaylaki ngang kagalakan na makita siya at ang iba pang kabataang sumusulong sa espirituwal at sinusuportahan ang ministeryong Kristiyano!—Awit 110:3.
Sagana Akong Pinagpala
Kapag binabalikan ko ang nakaraan, naiisip ko ang pagkakatulad at pagkakaiba ng paglilingkod bilang isang militar at bilang sundalo ni Kristo. Pareho itong nangangailangan ng katapatan, pagsunod, integridad, disiplina sa sarili, at sakripisyo. Pero bagaman maraming militar ang handang magbuwis ng buhay alang-alang sa kanilang bayan at mga kaibigan, ang mga tunay na Kristiyano ay inuutusang ibigin maging ang kanilang mga kaaway. (Mateo 5:43-48) At samantalang maaaring parangalan ang mga bayani ng militar dahil sa minsanang pagpapakita ng katapangan, nakakamit ng mga tunay na Kristiyano ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabata at tapat na paglilingkod. Oo, nagpapakita sila ng lakas ng loob kapag napapaharap sa pagsalansang, panunuya, at iba pang pagsubok sa bawat taóng lumilipas. (Hebreo 10:36-39) Ang aking mga kapuwa Kristiyano ang pinakamahusay na mga taong nakilala ko.
Ang pagbati ko ngayon ay hindi na gaya ng mga nabanggit ko sa simula ng kuwentong ito, sa halip ang sinasabi ko ngayon ay “Magandang umaga, Sister,” o “Magandang gabi, Brother.” Isang kagalakan nga na maglingkod sa ministeryong Kristiyano kasama ng mga taong tunay na umiibig sa Diyos! Gayunman, ang pinakadakilang karangalan ay ang makapaglingkod sa mismong Kataas-taasan, si Jehova! Wala na akong naiisip na mas makabuluhang paraan upang gamitin ang aking buhay.
[Mga talababa]
a Inilathala sa isyu ng Oktubre 22, 1989, pahina 2-10.
b Tingnan ang pahina 240-3 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 14]
Bagaman maraming militar ang handang magbuwis ng buhay alang-alang sa kanilang bayan at mga kaibigan, ang mga tunay na Kristiyano ay inuutusang ibigin maging ang kanilang mga kaaway
[Larawan sa pahina 12, 13]
Ang pinalilipad kong Air Force VIP jet, habang lumilipad ito sa ibabaw ng Parliament House sa Canberra
[Larawan sa pahina 15]
Drama sa Bibliya noong 1994 sa pandistritong kombensiyon sa Sydney, Australia
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Kerry sa Pioneer Service School
[Larawan sa pahina 15]
Kasama sina Diane at Kerry ngayon