Ang Alpenhorn—Musika Mula sa Isang Puno
DAAN-DAANG taon nang ginagamit ng ilang nakatira sa Swiss Alps ang isang kakaibang instrumento sa pakikipagtalastasan—ang alpenhorn. Parang mahirap itong dalhin—may mga alpenhorn na doble ang taas sa isang tao. Pero puwede itong bitbitin. May mga alpenhorn na puwede pa ngang paghiwa-hiwalayin at kasya sa isang lalagyan. Ang alpenhorn ay maririnig nang malakas hanggang sa layong sampung kilometro sa mga libis ng Swiss Alps.
Paggawa ng Alpenhorn
Palibhasa’y gawa sa punong spruce na tumutubo sa kabundukan, pangkaraniwan lang na makakita ng alpenhorn sa magandang Swiss Alps. Dahil sa klima at sa pagtubo nito sa matatarik na gilid ng buról, ang mga punong ito ay nagkakakurba sa pinakapaa nito.
Pagkatapos pumili ng isang puno ang manggagawa ng alpenhorn, maingat niya itong binibiyak nang pahaba at inuuka gamit ang pait. Ang prosesong ito pa lang ay maaari nang abutin ng 80 oras! Pagkatapos, kinikikil niya at nililiha ang pinakaloob ng puno para pakinisin ito. Pinagdidikit niyang muli ang dalawang bahagi at mahigpit na tinatalian ng panaling mula sa punong birch. Kinakabitan din niya ito ng paang kahoy, na siyang patungan ng alpenhorn kapag ito’y pinatutunog. Pinakahuli, nilalagyan niya ito ng ihipan sa isang dulo at pinipintahan o inuukitan naman ng disenyo ang korteng-bell na dulo, saka niya ito binabarnisan para tumibay.
Tradisyonal na Paggamit
Sa loob ng maraming henerasyon, pinatutunog ng mga pastol ang alpenhorn kapag nasa kabundukan sila para ipaalam sa kanilang pamilya sa libis na sila’y “nasa mabuting kalagayan.” Pero ang pangunahing gamit nito ay para tawagin ang kanilang mga bakang gagatasan. Naniniwala ang mga pastol na Swiso na ang banayad na tunog ng alpenhorn ay nagpapatahimik sa mga baka habang ginagatasan ang mga ito.
Sa taglamig, kapag ang mga baka ay naibalik na sa kanilang kuwadra sa libis, dinadala ng maraming pastol ang kanilang alpenhorn sa bayan at tumutugtog doon para manghingi ng donasyon na pandagdag sa kita nila. Ginamit din noon ang alpenhorn para tawagan sa digmaan ang mga kalalakihan.
Paano Ito Tinutugtog?
Sa unang tingin, parang madali lang tugtugin ang alpenhorn. Wala kasi itong mga butas, key, o valve. Ang kailangang matutuhan ay kung paano kokontrolin ang paghihip ng hangin sa alpenhorn para mapalabas ang tamang tono.
Mayroon lang 12 natural na tono ang alpenhorn. Bagaman hindi lahat ng komposisyon ay matutugtog sa instrumentong ito, may ilan na partikular na isinulat para dito, at ang isang mahusay na manunugtog ay nakatutugtog ng maraming magagandang komposisyon.
Isinama ng ilang bantog na kompositor ang tunog ng alpenhorn sa kanilang mga komposisyong pang-orkestra. Halimbawa, isinulat ni Leopold Mozart, ama ni Wolfgang Amadeus Mozart, ang kaniyang “Sinfonia Pastorella” para sa orkestra at sa corno pastoritio, isang uri ng alpenhorn. Ginaya ni Brahms ang tunog ng Swiss alpenhorn gamit ang mga flute at horn, at ginaya rin ni Beethoven sa kaniyang Pastoral symphony ang tunog ng alpenhorn para maipahiwatig ang buhay sa kaparangan.
Ang alpenhorn ay unang binanggit sa isang dokumento sa Switzerland noong 1527, sa isang rekord ng pananalapi na pag-aari ng monasteryo ng St. Urban. Ngayon, pagkaraan ng halos 500 taon, ang banayad na tunog ng alpenhorn ay maririnig pa rin sa magagandang kaparangan ng Swiss Alps.
[Larawan sa pahina 15]
Ang alpenhorn ay puwedeng paghiwa-hiwalayin para mabitbit