Disyembre
Martes, Disyembre 1
Nahabag siya sa kanila.—Mar. 6:34.
Ang isa sa pinakamagandang katangian ni Jesus ay ang kakayahan niyang maintindihan ang mga hamon sa buhay ng di-sakdal na mga tao. Noong nasa lupa si Jesus, siya ay ‘nakipagsaya sa mga taong nagsasaya’ at ‘nakitangis sa mga taong tumatangis.’ (Roma 12:15) Halimbawa, nang masayang bumalik ang 70 alagad niya matapos ang matagumpay na pangangaral, si Jesus ay “nag-umapaw . . . sa kagalakan.” (Luc. 10:17-21) Nang makita naman niyang napakalungkot ng mga nagmamahal kay Lazaro nang mamatay ito, si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag.” (Juan 11:33) Bakit naging maawain at mahabagin ang sakdal na taong ito sa pakikitungo sa di-sakdal na mga tao? Una, mahal ni Jesus ang mga tao. ‘Kinagigiliwan niya ang mga tao.’ (Kaw. 8:31) Dahil mahal niya tayo, pinag-aralan niyang mabuti kung paano tayo mag-isip. Sinabi ni apostol Juan: “Alam niya kung ano ang nasa tao.”—Juan 2:25. w19.03 20 ¶1-2
Miyerkules, Disyembre 2
Galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.—Job 1:11.
Inubos ni Satanas ang mga ari-arian ni Job, pinatay ang mga alipin nito, at sinira ang reputasyon nito sa komunidad. At pinuntirya niya ang pamilya ni Job at pinatay ang 10 anak nito. Pagkatapos, si Job mismo ay binigyan niya ng masasakit na bukol mula ulo hanggang paa. Lungkot na lungkot at gulong-gulo ang isip ng asawa ni Job. Sinabihan nito si Job na sumuko na at isumpa ang Diyos para mamatay na siya. Gusto na ring mamatay ni Job, pero nanatili siyang tapat. Kaya gumamit pa ng ibang taktika si Satanas. Ginamit niya ang tatlong kasamahan ni Job. Dinalaw nila si Job at sinamahan nang ilang araw. Pero imbes na patibayin si Job, pinagalitan nila siya. Sinabi nila na ang Diyos ang nasa likod ng lahat ng problema ni Job at hindi siya interesado sa katapatan nito. Pinalabas pa nga nila na masamang tao si Job at nararapat lang sa kaniya ang lahat ng masamang bagay na nararanasan niya!—Job 1:13-22; 2:7-11; 15:4, 5; 22:3-6; 25:4-6. w19.02 4-5 ¶7-8
Huwebes, Disyembre 3
Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.—Awit 111:10.
May mga uri ng pagkatakot na nakakabuti sa atin. Halimbawa, kailangan nating makadama ng takot na mapalungkot si Jehova. Kung may ganiyang takot lang sana sina Adan at Eva, hindi sila nagrebelde kay Jehova. Nang magrebelde sila, nabuksan ang kanilang mga mata at nakita nilang makasalanan sila. At wala silang ibang maipamamana sa kanilang mga anak kundi kasalanan at kamatayan. Dahil nakita nila, o naintindihan, ang kanilang kalagayan, nahiya sila nang makita nilang hubad sila, kaya tinakpan nila ang kanilang sarili. (Gen. 3:7, 21) Kailangan nating matakot kay Jehova pero hindi natin kailangang labis na matakot sa kamatayan. Gumawa ng paraan si Jehova para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kung magkasala tayo, palalampasin ito ni Jehova kung talagang nagsisisi tayo. Patatawarin niya tayo salig sa pananampalataya natin sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Ang isang mahalagang paraan para maipakita natin ang pananampalataya natin ay ang pag-aalay natin sa Diyos at pagpapabautismo.—1 Ped. 3:21. w19.03 5-6 ¶12-13
Biyernes, Disyembre 4
Walang isa mang taong natira sa kanila maliban kay Caleb na anak ni Jepune at kay Josue na anak ni Nun.—Bil. 26:65.
Maraming dahilan ang mga Israelita para magpasalamat. Napalaya sila sa pagkaalipin nang magpadala si Jehova ng Sampung Salot sa Ehipto. Iniligtas din sila sa kapahamakan nang puksain ng Diyos sa Dagat na Pula ang buong hukbo ng Ehipto. Sa sobrang pasasalamat ng mga Israelita, kumanta sila ng isang awit ng tagumpay para purihin si Jehova. Pero nanatili ba silang mapagpasalamat? Nang mapaharap ang mga Israelita sa mga bagong hamon, nakalimutan agad nila ang lahat ng mabuting bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila. Lumitaw ang kawalang utang na loob nila. (Awit 106:7) Paano? “Ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron,” pero ang totoo, laban kay Jehova ang ginawa nilang ito. (Ex. 16:2, 8) Lungkot na lungkot si Jehova sa kawalang utang na loob ng kaniyang bayan. Nang maglaon, sinabi niya na ang buong henerasyong ito ng mga Israelita ay mamamatay sa ilang, maliban kina Josue at Caleb.—Bil. 14:22-24. w19.02 17 ¶12-13
Sabado, Disyembre 5
Ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.—Mat. 11:29.
Hindi ibinaling ni Jesus ang pansin sa sarili niya; hindi niya ginawang komplikado ang pag-alaala sa kamatayan niya. Sa halip, sinabi niya sa mga alagad na dapat nila siyang alalahanin bawat taon sa pamamagitan ng isang simpleng hapunan. (Juan 13:15; 1 Cor. 11:23-25) Ipinapakita ng simple pero mahalagang hapunang ito na si Jesus ay hindi mayabang. Masaya tayo dahil kapakumbabaan ang isa sa namumukod-tanging katangian ng ating makalangit na Hari. (Fil. 2:5-8) Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Sa pamamagitan ng pag-una sa kapakanan ng iba. (Fil. 2:3, 4) Isipin ang huling gabi ni Jesus sa lupa. Alam ni Jesus na malapit na siyang dumanas ng masakit na kamatayan, pero mas nag-alala pa siya para sa kaniyang tapat na mga apostol na maiiwan niya. Kaya noong gabing iyon, tinuruan at pinatibay niya sila. (Juan 14:25-31) Mapagpakumbaba si Jesus dahil mas nagmalasakit siya sa iba kaysa sa sarili niya. Isa ngang napakahusay na halimbawa para sa atin! w19.01 21-22 ¶5-6
Linggo, Disyembre 6
Pakisuyong kalugdan mo ang mga kusang-loob na handog ng aking bibig, O Jehova.—Awit 119:108.
Kinakabahan ka ba kahit iniisip mo pa lang na magtataas ka ng kamay para magkomento? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Ang totoo, karamihan sa atin ay kinakabahan kapag nagkokomento. At magandang senyales iyan. Ipinakikita nitong mapagpakumbaba ka at itinuturing mo ang iba na nakatataas sa iyo. Gustong-gusto ni Jehova ang katangiang iyan. (Awit 138:6; Fil. 2:3) Pero gusto rin ni Jehova na purihin mo siya at patibayin ang iyong mga kapatid sa pagpupulong. (1 Tes. 5:11) Mahal ka ni Jehova, at palalakasin niya ang loob mo. Pansinin ang ilang paalaala mula sa Bibliya. Binabanggit dito na tayong lahat ay nagkakamali sa ating sinasabi at sa paraan ng pagsasabi natin nito. (Sant. 3:2) Alam ni Jehova na hindi tayo perpekto, at alam din iyan ng mga kapatid. (Awit 103:12-14) Sila ang ating espirituwal na pamilya, at mahal nila tayo. (Mar. 10:29, 30; Juan 13:35) Naiintindihan nila na kung minsan, hindi natin masabi ang gusto nating sabihin. w19.01 8-9 ¶3; 10-11 ¶10-11
Lunes, Disyembre 7
Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.—Ecles. 12:1.
Sa mundong ito, hindi iyan laging madali, pero posible. Gusto ni Jehova na magkaroon ka ng matagumpay at kasiya-siyang buhay. Sa tulong ng Diyos, magtatagumpay ka, hindi lang sa panahon ng iyong kabataan kundi maging sa iyong buong buhay. Halimbawa, tingnan ang matututuhan natin mula sa pananakop ng mga Israelita sa Lupang Pangako. Nang malapit na ang mga Israelita sa Lupang Pangako, hindi iniutos ng Diyos na magsanay sila nang husto para sa pakikipagdigma. (Deut. 28:1, 2) Sa halip, sinabi niyang kailangan nilang sumunod sa kaniyang mga utos at magtiwala sa kaniya. (Jos. 1:7-9) Sa pananaw ng tao, parang hindi makatuwiran ang payong iyon! Pero iyon ang pinakamabuti, dahil binigyan sila ni Jehova ng sunod-sunod na tagumpay laban sa mga Canaanita. (Jos. 24:11-13) Oo, kailangan ng pananampalataya para masunod ang Diyos, pero ang pananampalatayang iyan ay laging nagdudulot ng tagumpay. Totoong-totoo pa rin iyan hanggang sa ngayon. w18.12 25 ¶3-4
Martes, Disyembre 8
Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.—Juan 6:68.
May ilan sa ngayon na natisod dahil sa bagong pagkaunawa sa isang teksto sa Bibliya. May iba naman na pumanig sa mga apostata at ibang mananalansang na pumipilipit sa ating paniniwala. Bilang resulta, kusang ‘lumayo’ ang ilan kay Jehova at sa kongregasyon. (Heb. 3:12-14) Napabuti sana sila kung pinanatili nila ang kanilang pananampalataya at patuloy na nagtiwala kay Jesus, gaya ng ginawa ni apostol Pedro! Unti-unti namang iniiwan ng iba ang katotohanan, marahil nang hindi man lang nila namamalayan. Katulad sila ng isang bangka na unti-unting naaanod papalayo mula sa pampang. Ginamit ng Bibliya ang pananalitang “maanod papalayo” para ilarawan ang gayong unti-unting pagbabago. (Heb. 2:1) Ang isa na naaanod papalayo ay di-gaya ng isa na sinasadyang lumayo sa katotohanan. Pero isinasapanganib ng taong iyon ang kaniyang kaugnayan kay Jehova at posible pa ngang maiwala niya ito. w18.11 9-10 ¶5-6
Miyerkules, Disyembre 9
Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili.—Awit 110:3.
Gusto mo bang tumanggap ng higit pang pagsasanay para mas magampanan ang iyong sagradong paglilingkod? Kung oo, baka puwede kang mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers. Sinasanay nito ang mga kapatid na nasa buong-panahong paglilingkod, para mapalawak nila ang kanilang ministeryo. Ang mga nag-aaplay sa paaralang ito ay dapat na handang tumanggap ng anumang atas pagka-graduate nila. Gusto mo bang samantalahin ang pagkakataong ito para sa higit pang mga pribilehiyo ng paglilingkod? (1 Cor. 9:23) Bilang bayan ni Jehova, gusto nating maging bukas-palad—na kapahayagan ng kabutihan, kabaitan, at pag-ibig—at magmalasakit sa iba araw-araw. Ang paggawa nito ay nagdudulot ng kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan. (Gal. 5:22, 23) Anuman ang kalagayan mo sa buhay, magiging masaya ka kapag tinularan mo ang pagkabukas-palad ni Jehova at kapag isa ka sa kaniyang minamahal na mga kamanggagawa!—Kaw. 3:9, 10. w18.08 27 ¶16-18
Huwebes, Disyembre 10
Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.—Mat. 19:6.
Baka may magtanong, ‘Mayroon ba talagang saligan ang isang Kristiyano para makipagdiborsiyo at mag-asawang muli?’ Ganito ang pananaw ni Jesus sa diborsiyo: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya laban sa kaniya, at kung sakaling ang isang babae, pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ay mag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya.” (Mar. 10:11, 12; Luc. 16:18) Malinaw, pinarangalan ni Jesus ang pag-aasawa at gusto niyang gawin din ito ng iba. Ang isa na nagdadahilan lang para diborsiyuhin ang kaniyang tapat na asawa at mag-asawa ng iba ay nangangalunya. Totoo iyan dahil hindi napuputol ang pag-aasawa ng basta pakikipagdiborsiyo lang. Sa paningin ng Diyos, “isang laman” pa rin sila. Bukod diyan, sinabi ni Jesus na kapag diniborsiyo ng lalaki ang kaniyang asawa, inilalagay niya ito sa panganib na mangalunya. Paano? Noon, may mga diborsiyada na napipilitang mag-asawang muli para may sumuporta sa kaniya sa pinansiyal. Ang gayong pag-aasawa ay katumbas ng pangangalunya. w18.12 11-12 ¶8-9
Biyernes, Disyembre 11
Sa aking bahay-tanod ay mananatili akong nakatayo.—Hab. 2:1.
Napanatag si Habakuk nang makipag-usap siya kay Jehova. Kaya determinado siyang maghintay sa pagkilos ni Jehova. Hindi ito isang padalos-dalos na desisyon, dahil inulit niya ito nang sabihin niyang ‘hihintayin ko nang tahimik ang araw ng kabagabagan.’ (Hab. 3:16) Ano ang matututuhan natin sa determinasyon ni Habakuk? Una, huwag na huwag tayong titigil sa pananalangin kay Jehova, anumang pagsubok ang dumating sa atin. Ikalawa, dapat tayong makinig sa sinasabi ni Jehova mula sa kaniyang Salita at organisasyon. Ikatlo, dapat tayong matiyagang maghintay kay Jehova, at lubos na magtiwalang aalisin niya ang pagdurusa sa kaniyang itinakdang panahon. Kung patuloy tayong makikipag-usap kay Jehova at makikinig sa kaniya nang may mapaghintay na saloobin, mapapanatag din tayo at makapagbabata, gaya ni Habakuk. Dahil sa pag-asa, mas makapagbabata tayo, na tutulong sa atin na maging masaya kahit may problema. Ang pag-asa ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na kikilos ang ating makalangit na Ama.—Roma 12:12. w18.11 15-16 ¶11-12
Sabado, Disyembre 12
Gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.—1 Tim. 2:9.
Ano ang pananaw ng Diyos tungkol sa pagtisod sa iba? Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na naniniwala, magiging mas mainam pa sa kaniya kung ang isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno ay itali sa kaniyang leeg at ihagis nga siya sa dagat.” (Mar. 9:42) Napakatinding pananalita! Dahil parehong-pareho ang personalidad ni Jesus at ng kaniyang Ama, makatitiyak tayong ganiyan din ang nadarama ni Jehova sa sinumang kumikilos nang walang pakundangan kung kaya natitisod ang isang tagasunod ni Jesus. (Juan 14:9) Ganiyan din ba ang pananaw natin? Tinutularan ba natin si Jehova at si Jesus? Ano ang ipinakikita ng ating ginagawa? Ipagpalagay nang may gusto tayong istilo ng pananamit o pag-aayos na malamang na ikainis ng ilan sa kongregasyon o pumukaw ng seksuwal na pagnanasa ng iba. Mas mangingibabaw ba ang pagmamalasakit natin sa ating mga kapatid kaysa sa personal nating kagustuhan? w18.11 25 ¶9-10
Linggo, Disyembre 13
Si Satanas ay sumagot kay Jehova at nagsabi: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? . . . Iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:9, 11.
Bakit dapat na maging tapat ang bawat isa sa atin? Kasi hinamon ni Satanas si Jehova, at hinahamon ka rin niya. Siniraang-puri ng rebeldeng anghel na iyan ang pangalan ni Jehova nang pagbintangan niya ang Diyos bilang isang masama, makasarili, at di-tapat na Tagapamahala. Nakalulungkot, pumanig sina Adan at Eva kay Satanas at nagrebelde rin kay Jehova. (Gen. 3:1-6) Marami sana silang pagkakataon sa Eden para patibayin ang pag-ibig nila kay Jehova. Pero noong hamunin sila ni Satanas, hindi buo, o ganap, ang pag-ibig nila. May tanong pa na bumabangon: May tao bang mananatiling tapat sa Diyos na Jehova dahil mahal nila siya? Kaya bang maging tapat ng mga tao? Bumangon ang tanong na iyan noong panahon ni Job. (Job 1:8-11) Gaya natin, hindi siya perpekto. Nagkakamali rin siya. Pero mahal ni Jehova si Job dahil tapat siya. w19.02 3-4 ¶6-7
Lunes, Disyembre 14
Ipinagbili [niya] ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.—Mat. 13:46.
Para ipakita kung gaano kahalaga ang katotohanan ng Kaharian ng Diyos sa mga nakaalam nito, sinabi ni Jesus ang tungkol sa isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas. Nakasumpong siya ng isa na napakataas ng halaga kaya ‘dali-dali niyang ipinagbili’ ang lahat ng taglay niya para mabili ito. (Mat. 13:45, 46) Sa katulad na paraan, ang katotohanang nasumpungan natin—katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos at lahat ng iba pang mahahalagang katotohanan mula sa Salita ng Diyos—ay may napakataas na halaga kung kaya handa tayong magsakripisyo para matamo ito. Hangga’t pinahahalagahan natin ang katotohanan, hinding-hindi natin ito ipagbibili. (Kaw. 23:23) Nakalulungkot, may ilang lingkod ng Diyos na nawalan ng pagpapahalaga sa katotohanan—at ipinagbili pa nga ito. Huwag sanang mangyari ito sa atin! Para maipakita na malalim ang pagpapahalaga natin sa katotohanan at na hinding-hindi natin ito ipagbibili, dapat nating sundin ang payo ng Bibliya na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 2-4) Kasama sa paglakad sa katotohanan ang pamumuhay ayon dito—ginagawa itong pangunahin sa ating buhay at gumagawi kasuwato nito. w18.11 9 ¶3
Martes, Disyembre 15
Sa pananampalataya ang mga pader ng Jerico ay bumagsak pagkatapos na maligiran ang mga iyon sa loob ng pitong araw.—Heb. 11:30.
Sa halip na salakayin ang Jerico, inutusan ang mga Israelita na magmartsa sa palibot ng lunsod nang isang beses bawat araw sa loob ng anim na araw, at pitong beses sa ikapitong araw. Baka inisip ng ilang kawal, ‘Mag-aaksaya lang tayo ng panahon at lakas!’ Pero alam na alam ng Lider ng Israel, si Jehova, ang kaniyang ginagawa. Ang estratehiyang ito ay hindi lang nagpatibay sa pananampalataya ng mga Israelita, nakatulong din ito para makaiwas sila sa direktang pakikipaglaban sa malalakas na mandirigma ng Jerico. (Jos. 6:2-5) Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? May mga pagkakataong hindi natin lubusang nauunawaan ang mga pagbabago sa organisasyon. Halimbawa, baka noong una, kinuwestiyon natin ang paggamit ng mga gadyet sa personal na pag-aaral, sa ministeryo, at sa mga pulong. Pero ngayon, baka nauunawaan na natin na malaki ang pakinabang sa paggamit ng mga ito. Kapag nakikita natin ang positibong resulta ng ganitong mga pagsulong kahit nag-alinlangan tayo noon, mas tumitibay ang pananampalataya natin at mas nagkakaisa tayo. w18.10 23-24 ¶8-9
Miyerkules, Disyembre 16
Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?—Gawa 1:6.
Tiyak na ang mga inaasahan tungkol sa Mesiyas, gaya ng pinaniniwalaan ng mga alagad ni Jesus, ang naging dahilan kung bakit gusto ng mga taga-Galilea na gawing hari si Jesus. Malamang na iniisip nilang si Jesus ay magiging isang magaling na lider. Napakahusay niyang tagapagsalita; nagpapagaling ng mga maysakit; nagpapakain pa nga sa mga nagugutom. Matapos pakainin ni Jesus ang 5,000 lalaki, nahalata niya ang planong gawin ng mga tao. “Si Jesus, sa pagkaalam na papalapit na sila at aagawin siya upang gawin siyang hari, ay muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.” (Juan 6:10-15) Kinabukasan, malamang na kalmado na ang mga tao. Kaya ipinaliwanag niya sa kanila ang talagang layunin niya. Dumating siya para magbigay ng espirituwal, hindi ng materyal, na mga pakinabang. “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan,” ang sabi niya sa kanila.—Juan 6:25-27. w18.06 4 ¶4-5
Huwebes, Disyembre 17
Ang lamog na tambo ay hindi niya babaliin; at kung tungkol sa malamlam na linong mitsa, hindi niya iyon papatayin.—Isa. 42:3.
Naunawaan ni Jesus ang damdamin ng mga taong tulad ng bugbog na tambo o ng mitsa ng lamparang aandap-andap na. Kaya naman siya ay naging makonsiderasyon, mabait, at matiisin. (Mar. 10:14) Siyempre pa, hindi natin mapapantayan ang unawa at kakayahan ni Jesus sa pagtuturo! Pero maipakikita natin—at dapat nating ipakita—ang pagiging makonsiderasyon sa mga tao sa ating teritoryo. Kasama rito kung paano tayo nakikipag-usap sa kanila, kung kailan natin ito ginagawa, at kung gaano katagal. Sa ngayon, milyon-milyon ang “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” ng tiwali at walang-awang mga lider ng politika, relihiyon, at komersiyo. (Mat. 9:36) Dahil dito, marami ang nagiging mapaghinala at nawawalan ng pag-asa. Napakahalaga nga na maging mabait at maunawain sa pagpili ng salita at tono ng boses! Oo, marami ang naaakit sa ating mensahe hindi lang dahil sa kaalaman natin sa Bibliya o lohikal na pangangatuwiran kundi dahil din sa ating sinseridad at mabait na pakikitungo sa kanila. w18.09 31-32 ¶13-14
Biyernes, Disyembre 18
Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.—Mat. 5:3.
Paano natin maipakikitang palaisip tayo sa pangangailangang iyan? Maipakikita natin ito kapag kumakain tayo ng espirituwal na pagkain, pinahahalagahan ang pamantayan ni Jehova, at inuuna ang pagsamba sa maligayang Diyos. Sa paggawa nito, magiging mas maligaya tayo. Magiging matatag ang ating pananampalataya sa nalalapit na katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Tito 2:13) Ang matibay na kaugnayan kay Jehova ay mahalaga para magkaroon ng namamalaging kaligayahan. Isinulat ni apostol Pablo: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon [Jehova]. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil. 4:4) Para magkaroon ng gayong kaugnayan, kailangan natin ang makadiyos na karunungan. (Kaw. 3:13, 18) Pero para magkaroon ng namamalaging kaligayahan, hindi lang natin babasahin ang Salita ng Diyos, napakahalaga ring ikapit ito. Para patunayan ang kahalagahan ng pagkakapit ng mga natututuhan natin, sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17; Sant. 1:25) Ito ang susi para masapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan at magkaroon ng namamalaging kaligayahan. w18.09 18 ¶4-6
Sabado, Disyembre 19
Si Epafras [ay] laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin.—Col. 4:12.
Kilalang-kilala ni Epafras ang mga kapatid, at talagang nagmamalasakit siya sa kanila. Kahit siya ay “bihag” ding gaya ni Pablo, hindi ito nakahadlang sa kaniya na isipin ang espirituwal na pangangailangan ng iba. (Flm. 23) At kumilos siya ayon dito. Hindi ba’t palatandaan iyan ng pagiging di-makasarili? May malakas na puwersa ang pananalangin para sa ating mga kapatid, lalo na kapag natatandaan natin ang bawat isa sa kanila, gaya ng pangalan nila. (2 Cor. 1:11; Sant. 5:16) Isipin ang mga puwede mong ipanalangin na binabanggit ang pangalan nila. Gaya ni Epafras, ipinapanalangin ng maraming kapatid ang kanilang mga kakongregasyon at mga pamilyang may mabibigat na pananagutan o napapaharap sa tukso o mahihirap na desisyon. Hindi rin natin dapat kalimutan ang mga namatayan ng mahal sa buhay, sinalanta ng kalamidad, biktima ng digmaan, at mga kapos sa pinansiyal. Maliwanag, maraming kapatid ang nangangailangan ng ating mga panalangin, at makatutulong ito sa kanila. w18.09 5-6 ¶12-13
Linggo, Disyembre 20
May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.—Gawa 20:35.
Ang tinutukoy ni Pablo ay hindi lang pagbibigay ng materyal na mga bagay kundi pagbibigay rin ng pampatibay-loob, patnubay, at tulong sa mga nangangailangan nito. (Gawa 20:31-35) Sa salita at halimbawa, tinuruan tayo ng apostol na maging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon, lakas, atensiyon, at pag-ibig. Napansin din ng mga mananaliksik sa larangan ng siyensiyang panlipunan na ang pagbibigay ay nagpapasaya sa mga tao. Ayon sa isang lathalain, “sinasabi ng mga tao na masayang-masaya sila matapos silang magpakita ng kabaitan sa iba.” Ang pagtulong sa iba, ayon sa mga mananaliksik, ay mahalaga para magkaroon ng “higit na layunin at kabuluhan” ang buhay “dahil nasasapatan nito ang pangunahing pangangailangan ng tao.” Kaya naman madalas irekomenda ng mga eksperto na magboluntaryo ang mga tao sa serbisyo publiko para na rin sa kanilang kalusugan at kaligayahan. Hindi na ito bago sa mga tumatanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng maibiging Disenyador ng tao, si Jehova.—2 Tim. 3:16, 17. w18.08 22 ¶17-18
Lunes, Disyembre 21
Huwag na kayong humatol sa panlabas na kaanyuan, kundi humatol kayo ng matuwid na paghatol.—Juan 7:24.
Inaaliw tayo at pinatitibay ng hula ni Isaias tungkol sa ating Panginoong Jesu-Kristo. Inihula ni Isaias na si Jesus ay “hindi . . . hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga.” Sa halip, “sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita.” (Isa. 11:3, 4) Bakit ito nakapagpapatibay? Dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig na laganap ang pagtatangi. Pinananabikan nating lahat ang sakdal na Hukom, na hinding-hindi hahatol batay sa ating panlabas na anyo! Araw-araw, humahatol tayo sa mga tao. Pero di-gaya ng kay Jesus, ang ating paghatol ay di-perpekto dahil hindi tayo sakdal. May tendensiya tayong madaya ng ating nakikita. Pero noong nasa lupa si Jesus, iniutos niya sa atin, huwag humatol sa “panlabas na kaanyuan,” kundi humatol kayo ng “matuwid na paghatol.” Maliwanag, gusto ni Jesus na tularan natin siya at huwag humatol batay sa panlabas na anyo. w18.08 8-9 ¶1-2
Martes, Disyembre 22
Makaririnig [ka] ng salita sa likuran mo na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”—Isa. 30:21.
Totoo, hindi natin naririnig na nagsasalita ang Diyos mula sa langit. Pero binibigyan niya tayo ng tagubilin sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Bukod diyan, pinakikilos din ng espiritu ni Jehova ang kaniyang “tapat na katiwala” para maglaan ng pagkain sa kaniyang mga lingkod. (Luc. 12:42) Busog na busog tayo sa espirituwal na pagkaing tinatanggap natin—ito man ay nakaimprenta, makikita online, o nasa video at audio format. Ang mga sinabi ng Diyos, na nakaulat sa Bibliya, ay magpatibay nawa sa tiwala natin na kontrolado ni Jehova ang lahat ng bagay at na buburahin niya ang lahat ng pinsalang idinulot sa atin ni Satanas at ng kaniyang masamang sanlibutan. Maging determinado nawa tayong makinig na mabuti sa tinig ni Jehova. Kung gagawin natin ito, mapagtatagumpayan natin ang anumang problema sa ngayon at sa hinaharap. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.”—Heb. 10:36. w19.03 13 ¶17-18
Miyerkules, Disyembre 23
Sinabi ni Jehova kay Josue . . . : “Si Moises na aking lingkod ay patay na; at ngayon ay tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito.”—Jos. 1:1, 2.
Naging lider ng Israel si Moises sa loob ng mahabang panahon, kaya iniisip siguro ni Josue kung susunod sa kaniya ang bayan ng Diyos kapag siya na ang lider. (Deut. 34:8, 10-12) Tungkol sa Josue 1:1, 2, isang reperensiya sa Bibliya ang nagsabi: “Kapuwa sa sinauna at makabagong panahon, ang pagbabago ng lider ay isa sa pinakamapanganib na panahon sa seguridad ng estado.” May makatuwirang dahilan naman si Josue para matakot, pero sa loob lang ng ilang araw, kumilos siya agad. (Jos. 1:9-11) Hindi siya nagkamaling magtiwala sa Diyos. Ayon sa ulat ng Bibliya, pinatnubayan ni Jehova si Josue at ang Kaniyang bayang Israel sa pamamagitan ng isang anghel. Makatuwirang isipin na ang anghel na ito ay ang Salita, ang panganay na Anak ng Diyos. (Ex. 23:20-23; Juan 1:1) Sa tulong ni Jehova, maayos na tinanggap ng mga Israelita ang pangunguna ng bago nilang lider na si Josue. w18.10 22-23 ¶1-4
Huwebes, Disyembre 24
Isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova.—Mal. 3:16.
Kinikilala ni Jehova ang mga handang maglingkod sa kaniya, at isinusulat ang pangalan nila sa kaniyang “aklat ng alaala.” Kapag napasulat sa “aklat ng alaala” ni Jehova ang pangalan natin, may kaakibat itong mga pananagutan. Partikular na sinabi ni Malakias na dapat tayong ‘matakot kay Jehova at maging palaisip sa kaniyang pangalan.’ Kung sasamba tayo sa ibang diyos o sa anupamang bagay, mabubura ang pangalan natin sa makasagisag na aklat ng buhay ni Jehova. (Ex. 32:33; Awit 69:28) Kaya ang ating pag-aalay kay Jehova ay hindi lang basta isang pangako na gagawin ang kalooban niya at magpapabautismo sa tubig. Minsan lang natin gagawin ang mga ito. Pero ang paninindigan sa panig ni Jehova bilang kaniyang bayan ay nangangailangan ng patuluyang pagsunod sa kaniya ngayon at sa hinaharap—hangga’t nabubuhay tayo.—1 Ped. 4:1, 2. w18.07 23-24 ¶7-9
Biyernes, Disyembre 25
Ngayong iniwan na natin ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.—Heb. 6:1.
Hindi ito awtomatiko. Dapat tayong “sumulong,” o patuloy na magsikap. Kasama sa pagsulong tungo sa pagkamaygulang ang patuloy na pagpapalawak ng kaalaman at kaunawaan. Kaya naman paulit-ulit tayong pinasisigla na magbasa ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw. (Awit 1:1-3) Naging tunguhin mo na ba iyan? Tutulungan ka nito na mas lumalim ang kaunawaan mo sa mga kautusan at simulain ni Jehova na nasa Bibliya. Ang pagpapakita ng pag-ibig ang pinakamahalagang utos para sa mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Tinawag ni Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, ang pag-ibig na “makaharing kautusan.” (Sant. 2:8) Sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.” (Roma 13:10) Hindi nakapagtataka ang ganitong pagdiriin tungkol sa pag-ibig, dahil sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8. w18.06 19 ¶14-15
Sabado, Disyembre 26
Pinapait nila ang kaniyang espiritu at nagsalita siya nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.—Awit 106:33.
Kahit si Jehova ang ginalit ng mga Israelita, si Moises ang nagalit. Nawalan siya ng pagpipigil sa sarili, kaya nakapagsalita siya nang padalos-dalos. Hinayaan ni Moises na mawala ang pokus niya kay Jehova dahil sa paggawi ng iba. Tama ang ginawa ni Moises sa unang pagkakataon. (Ex. 7:6) Pero posibleng napagod na siya at nainis dahil sa ilang dekadang pakikisama sa mga rebeldeng Israelita. Mas inisip ba ni Moises ang damdamin niya kaysa sa pagluwalhati kay Jehova? Kung ang tapat na propetang gaya ni Moises ay nalilihis ng pokus at nagkakamali, hindi rin malayong mangyari iyan sa atin. Gaya ni Moises, papasók na rin tayo sa isang simbolikong lupain, ang bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova. (2 Ped. 3:13) Hindi gugustuhin ng sinuman sa atin na maiwala ang espesyal na pribilehiyong iyan. Pero para makamit ang tunguhin natin, dapat na patuloy nating itingin ang ating mga mata kay Jehova, na laging ginagawa ang kalooban niya.—1 Juan 2:17. w18.07 15 ¶14-16
Linggo, Disyembre 27
Dinaig ninyo ang isa na balakyot.—1 Juan 2:14.
Hindi puwedeng pilitin ni Satanas ang mga tao na gumawa ng labag sa kalooban nila. (Sant. 1:14) Hindi man lang namamalayan ng marami na ang ginagawa nila ay ang gusto ni Satanas. Pero kapag alam na nila ang katotohanan, dapat silang magpasiya kung sino ang gusto nilang paglingkuran. (Gawa 3:17; 17:30) Kung determinado tayong gawin ang kalooban ng Diyos, walang magagawa si Satanas para sirain ang ating katapatan. (Job 2:3; 27:5) May iba pang limitasyon si Satanas at ang mga demonyo. Halimbawa, wala tayong mababasa sa Kasulatan na nakababasa sila ng isip o puso. Tanging si Jehova at si Jesus lang ang may ganitong kakayahan. (1 Sam. 16:7; Mar. 2:8) Kung gagawin natin ang ating buong makakaya na magsalita at kumilos ayon sa kalooban ng Diyos, makatitiyak tayo na hindi hahayaan ni Jehova ang Diyablo na gawan tayo ng anumang bagay na talagang ikapapahamak natin. (Awit 34:7) Dapat nating kilalanin ang ating kaaway, pero hindi tayo dapat matakot sa kaniya. Sa tulong ni Jehova, madaraig natin si Satanas kahit hindi tayo perpekto. Kung sasalansangin natin siya, tatakas siya mula sa atin.—Sant. 4:7; 1 Ped. 5:9. w18.05 26 ¶15-17
Lunes, Disyembre 28
Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.—Kaw. 16:3.
Ipagpalagay na may mahalaga kang pupuntahan sa malayong lugar. Para makarating doon, kailangan mong sumakay ng bus. Pagdating mo sa terminal, nakita mong napakaraming bus. Kailangan mong sumakay sa bus na dapat mong sakyan! Kung sasakay ka ng ibang bus, sa ibang lugar ka mapupunta. Ang buhay ay parang mahabang paglalakbay. At ang mga kabataan ay gaya ng mga pasahero sa terminal ng bus. Kung minsan, nalilito sila sa dami ng mga oportunidad at desisyon na kailangan nilang gawin. Mga kabataan, magiging madali ito kung alam ninyo ang gusto ninyo sa buhay. Ipopokus ba ninyo ang inyong buhay kay Jehova? Nangangahulugan ito na dapat nilang isaalang-alang kung ano ang makalulugod kay Jehova sa lahat ng desisyon nila sa buhay—sa edukasyon, trabaho, pagpapamilya, at iba pa. Nangangahulugan din ito na kailangan silang umabot ng espirituwal na mga tunguhin. Kung magpopokus ang mga kabataan sa paglilingkod kay Jehova, siguradong pagpapalain sila ni Jehova at magtatagumpay sila sa buhay. w18.04 25-26 ¶1-3
Martes, Disyembre 29
Ay, anak ko! Pinayukod mo nga ako, at ikaw mismo ay naging yaong isinumpa ko.—Huk. 11:35.
Tinupad ni Jepte ang kaniyang panata. Pinapunta niya sa Shilo ang kaniyang anak na dalaga para buong-buhay na itong maglingkod sa tabernakulo. (Huk. 11:30-35) Mahirap ito para kay Jepte, pero tiyak na mas mahirap ito para sa kaniyang anak, na kusang-loob na sumunod sa desisyon ng kaniyang ama. (Huk. 11:36, 37) Kaya naman tinalikuran na niya ang karapatang makapag-asawa, magkaanak, at maipagpatuloy ang pangalan at mana ng kanilang angkan. Higit kanino man, talagang nangangailangan siya ng kaaliwan at pampatibay-loob. Sinasabi ng Bibliya: “Naging tuntunin sa Israel: Na taun-taon ay yumayaon ang mga anak na babae ng Israel upang magbigay ng papuri sa anak ni Jepte na Gileadita, apat na araw sa isang taon.” (Huk. 11:39, 40) Hindi ba karapat-dapat din sa komendasyon at pampatibay-loob ang mga Kristiyanong hindi nag-asawa para mas maasikaso ang “mga bagay ng Panginoon”?—1 Cor. 7:32-35. w18.04 17 ¶10-11
Miyerkules, Disyembre 30
Ang mga anghel [ay] hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.—Jud. 6.
Malaki-laking bilang ng mga anghel ang sumama kay Satanas sa pagrerebelde. Bago ang Baha, nahikayat ni Satanas ang ilan sa kanila na magkaroon ng imoral na relasyon sa mga babae dito sa lupa. Inilarawan ito ng Bibliya sa simbolikong paraan: “Kinakaladkad ng [dragon] ang isang katlo ng mga bituin” nang mahulog siya mula sa langit. (Gen. 6:1-4; Apoc. 12:3, 4) Nang iwan ng mga anghel na iyon ang pamilya ng Diyos, nagpakontrol sila kay Satanas. Pero hindi lang basta nanggugulo ang grupo ng mga rebeldeng ito. Nagtatag si Satanas ng sarili niyang kaharian, na siya mismo ang hari. Inorganisa niya ang mga demonyo, binigyan sila ng awtoridad, at ginawa silang mga tagapamahala ng sanlibutan. (Efe. 6:12) Ginagamit ni Satanas ang kaniyang organisasyon para kontrolin ang lahat ng gobyerno ng tao. w18.05 23 ¶5-6
Huwebes, Disyembre 31
Pagpapalain ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Tunay nga, kapag gabi ay itinutuwid ako ng aking mga bato.—Awit 16:7.
Kung minsan, ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagtutuwid gaya ng ginagawa ng isang ama. Tinanggap ni David ang ganitong mabait na payo. Binulay-bulay niya ang kaisipan ng Diyos, tinularan iyon, at nagpahubog dito. Kapag ginawa mo iyan taglay ang pananampalataya, sisidhi rin ang pag-ibig mo sa Diyos pati na ang iyong pagnanais na sundin siya. Susulong ka rin sa espirituwal na pagkamaygulang. Sinabi ng sister na si Christin: “Kapag nagre-research at nagbubulay-bulay ako tungkol sa nabasa ko, pakiramdam ko, ipinasulat talaga iyon ni Jehova para sa akin!” Hindi kalabisang sabihin na kapag palaisip ka sa espirituwal, magkakaroon ka rin ng natatanging kaalaman at kaunawaan. Dahil diyan, nakikita mo ang sanlibutan at ang kinabukasan nito ayon sa pananaw ng Diyos. Bakit ka bibigyan ng Diyos ng ganitong kaalaman at kaunawaan? Gusto niyang magkaroon ka ng tamang priyoridad sa buhay, makagawa ka ng tamang desisyon, at maharap mo ang kinabukasan nang may lakas ng loob!—Isa. 26:3. w18.12 26 ¶9-10