Nobyembre
Linggo, Nobyembre 1
Siya na kumakain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.—Juan 6:58.
Sa paglilingkod kay Jehova, puwedeng maibalik sa atin ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva, kasama na ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Hindi pinili nina Adan at Eva na maglingkod kay Jehova dahil hindi nila napalalim ang pag-ibig nila sa kaniya. Pero hinayaan pa rin sila ni Jehova na patuloy na mabuhay, magkaanak, at magtakda ng sarili nilang pamantayan sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Di-nagtagal, napatunayan na napakalaking kamangmangan ang paglayo nina Adan at Eva kay Jehova. Pinatay ng kanilang panganay na anak ang inosenteng kapatid nito, at lumaganap ang karahasan at kasakiman sa pamilya ng tao. (Gen. 4:8; 6:11-13) Pero gumawa ng paraan si Jehova para iligtas ang lahat ng anak nina Adan at Eva na gustong maglingkod sa kaniya. (Juan 6:38-40, 57) Habang nakikita mo ang haba ng pasensiya at lalim ng pag-ibig ni Jehova, malamang na lalo mo pa siyang mahalin. Hinding-hindi mo gagayahin ang ginawa nina Adan at Eva. Sa halip, iaalay mo ang iyong sarili kay Jehova. w19.03 2-3 ¶3; 4 ¶9
Lunes, Nobyembre 2
Kayong lahat ay . . . nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao.—1 Ped. 3:8.
Para magkaroon ng pakikipagkapuwa-tao, sikaping maintindihan ang pinagdaraanan ng iyong mga kapamilya at kapananampalataya. Magpakita ng malasakit sa mga kabataan sa kongregasyon, maysakit, may-edad, at sa namatayan ng mahal sa buhay. Kumustahin sila. Makinig na mabuti kapag sinasabi nila ang nadarama nila. Ipakita mong talagang naiintindihan mo ang sitwasyon nila. Mag-alok ng anumang maitutulong mo. Kung gagawin natin iyan, makapagpapakita tayo ng tunay na pag-ibig. (1 Juan 3:18) Kailangan nating ibagay ang paraan ng ating pagtulong. Bakit? Dahil iba-iba ang paraan ng mga tao sa pagharap sa problema. Ang ilan, gustong-gustong ipakipag-usap ang problema nila; ang iba naman, ayaw. Gusto nating tumulong, pero dapat nating iwasang magtanong ng napakapersonal. (1 Tes. 4:11) Kapag sinasabi ng iba ang nadarama nila, posibleng iba ang pananaw natin sa pananaw nila. Pero tandaan natin na iyon ang nadarama nila. Gusto nating makinig na mabuti at huwag basta-basta magsalita.—Mat. 7:1; Sant. 1:19. w19.03 19 ¶18-19
Martes, Nobyembre 3
Lubha akong natakot.—Neh. 2:2.
Natatakot ka bang sabihin sa iba ang katotohanan? Alalahanin si Nehemias. Siya ay naglilingkod noon sa korte ng isang makapangyarihang hari. Nalungkot si Nehemias nang mabalitaan niyang giba ang pader at ang mga pintuang-daan ng Jerusalem. (Neh. 1:1-4) Isip-isipin na lang ang kaba niya nang tanungin siya ng hari kung bakit napakalungkot niya! Nanalangin agad si Nehemias at saka sumagot. Nang marinig ito ng hari, nagbigay siya ng malaking tulong para sa bayan ng Diyos. (Neh. 2:1-8) Alalahanin din si Jonas. Nang utusan siya ni Jehova na magsalita sa mga taga-Nineve, takot na takot si Jonas kaya tumakas siya papunta sa kabilang direksiyon. (Jon. 1:1-3) Pero sa tulong ni Jehova, nagampanan ni Jonas ang atas niya. At lubos na nakinabang ang mga taga-Nineve sa mga sinabi niya. (Jon. 3:5-10) Natutuhan natin kay Nehemias ang kahalagahan ng pananalangin bago sumagot. Natutuhan naman natin kay Jonas na matutulungan tayo ni Jehova na makapaglingkod sa kaniya sa kabila ng matinding takot. w19.01 11 ¶12
Miyerkules, Nobyembre 4
Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o [pamilya] alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.—Mar. 10:29, 30.
Kapag pinili nating mamuhay ayon sa katotohanang nasa Bibliya, baka magbago ang kaugnayan natin sa ating mga kaibigan at kamag-anak. Bakit? Nanalangin si Jesus para sa kaniyang mga tagasunod: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang salitang “pabanalin” ay maaari ding mangahulugang “ibukod.” Kapag tinanggap natin ang katotohanan, nakabukod na tayo mula sa sanlibutan dahil hindi na tayo kagaya nila. Iba na ang tingin sa atin ng mga tao dahil nagbago na ang ating prinsipyo. Namumuhay na tayo ayon sa pamantayan ng Bibliya. Ayaw nating maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, pero baka layuan tayo ng ilang kaibigan at malalapít na kapamilya o baka kontrahin pa nga nila ang ating bagong paniniwala. Hindi na ito nakapagtataka. Sinabi ni Jesus: “Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:36) Tiniyak din niya na ang gantimpala sa pagbili ng katotohanan ay di-hamak na nakahihigit sa anumang ipambibili natin dito. w18.11 6 ¶11
Huwebes, Nobyembre 5
Nagpapasalamat . . . ang lahat ng kongregasyon ng mga bansa.—Roma 16:4.
Pinahalagahan ni apostol Pablo ang mga kapatid at kitang-kita iyon sa mga sinasabi niya tungkol sa kanila. Palagi niya silang ipinagpapasalamat sa Diyos sa mga panalangin niya. Nagpasalamat din siya sa kanila sa mga liham niya. Sa unang 15 talata ng Roma 16, binanggit ni Pablo ang pangalan ng 27 kapatid. Espesipikong tinukoy ni Pablo sina Prisca at Aquila na “nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg” para sa kaniya. Si Febe naman ay tinawag ni Pablo na “tagapagtanggol ng marami” kabilang na siya. Kinomendahan niya ang minamahal niyang mga kapatid sa kanilang kasipagan. (Roma 16:1-15) Alam ni Pablo na may mga kahinaan ang mga kapatid, pero nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Tiyak na napatibay ang mga kapatid nang basahin sa kongregasyon ang liham ni Pablo! Kaya lalong tumibay ang pakikipagkaibigan nila kay Pablo. Palagi mo bang ipinapakita ang pagpapahalaga mo sa magagandang bagay na nagagawa ng mga kapatid sa kongregasyon? w19.02 16 ¶8-9
Biyernes, Nobyembre 6
Hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!—Job 27:5.
Dapat bang perpekto tayo para maging tapat? Baka iniisip nating mahirap na maging tapat dahil nagkakamali tayo at marami pa ngang kapintasan. Hindi tayo dapat matakot, dahil hindi nagpopokus si Jehova sa mga kapintasan natin. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Alam niyang makasalanan tayo at di-perpekto, at lagi siyang nakahanda na patawarin tayo. (Awit 86:5) Alam din ni Jehova ang mga limitasyon natin, at hindi niya inaasahan ang isang bagay na hindi natin kayang gawin. (Awit 103:12-14) Pag-ibig ang sekreto para manatiling tapat ang mga lingkod ni Jehova. Ang pag-ibig natin sa Diyos at ang di-natitinag na debosyon natin sa ating Ama sa langit ay dapat na ganap, walang kapintasan, at buo. Kung ganiyan ang pag-ibig natin kahit sa harap ng mga pagsubok, makapananatili tayong tapat. (1 Cro. 28:9; Mat. 22:37) Alam natin na matuwid ang mga pamantayan ni Jehova, at gusto nating pasayahin ang ating Ama sa langit. Dahil sa pag-ibig natin sa kaniya, inuna natin ang Diyos sa ating mga desisyon. Sa ganitong paraan, napatunayan nating tapat tayo. w19.02 3 ¶4-5
Sabado, Nobyembre 7
Ingatan mo ang iyong puso.—Kaw. 4:23.
Tuwing nakikita natin ang pakinabang sa paggawa ng tama, mas tumitibay ang pananampalataya natin. (Sant. 1:2, 3) Natutuwa tayo kapag ginagawa natin ang tama, dahil alam nating ipinagmamalaki tayo ni Jehova bilang mga anak niya. Kaya lalo pa nating gustong mapasaya siya. (Kaw. 27:11) Bawat pagsubok ay isang pagkakataon para patunayang hindi hati ang puso natin sa paglilingkod sa ating mapagmalasakit na Ama. (Awit 119:113) Sa halip, ipinapakita natin na mahal natin si Jehova nang buong puso at determinado tayong sundin ang kaniyang mga utos at gawin ang kaniyang kalooban. (1 Hari 8:61) Magkakamali ba tayo? Oo, dahil hindi tayo perpekto. Pero kung mangyari iyon, tandaan ang halimbawa ni Haring Hezekias. Nagkamali rin siya. Pero nagsisi siya at patuloy na naglingkod kay Jehova nang “may pusong sakdal.” (Isa. 38:3-6; 2 Cro. 29:1, 2; 32:25, 26) Kaya labanan natin ang pagsisikap ni Satanas na impluwensiyahan tayo. Ipanalangin nating magkaroon tayo ng “isang masunuring puso” at manatili tayong tapat kay Jehova.—1 Hari 3:9; Awit 139:23, 24. w19.01 18-19 ¶17-18
Linggo, Nobyembre 8
Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.—Heb. 13:15.
Tayo mismo ay nakikinabang sa ating komento sa mga pulong. (Isa. 48:17) Paano? Una, kung plano nating magkomento, lalo tayong ginaganahan na maghandang mabuti para sa pulong. Kapag naghahanda tayong mabuti, lumalalim ang ating pagkaunawa sa Salita ng Diyos. At habang lumalalim ang ating pagkaunawa, mas maisasabuhay natin ang mga natututuhan natin. Ikalawa, malamang na mas ma-enjoy natin ang pulong dahil nakikibahagi tayo sa talakayan. Ikatlo, dahil pinagsikapan nating makapagkomento, kadalasan nang naaalaala natin ang mga puntong sinabi natin kahit matagal na natin itong ikinomento. Napapasaya rin natin si Jehova kapag ipinahahayag natin ang ating pananampalataya. Makatitiyak tayong nakikinig si Jehova sa atin, at pinahahalagahan niya ang ating pagsisikap na magkomento sa pulong. (Mal. 3:16) At para ipakita ang kaniyang pagpapahalaga, pinagpapala niya ang ating pagsisikap na mapasaya siya. (Mal. 3:10) Maliwanag, may magagandang dahilan tayo para magkomento sa pulong. w19.01 8-9 ¶3; 9-10 ¶7-9
Lunes, Nobyembre 9
Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.—Roma 12:9.
Pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod nang may katalinuhan. Sa halip na bigyan tayo ng napakaraming batas, matiyaga niya tayong tinuturuang sundin ang kautusan ng pag-ibig. Gusto niyang mamuhay tayo ayon sa kaniyang mga simulain at kapootan ang masama. Ang isang magandang halimbawa ng pagtuturong iyan ay ang Sermon sa Bundok ni Jesus. Sinabi niya roon ang pinakaugat ng maling mga gawain. (Mat. 5:27, 28) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, patuloy tayong tuturuan ni Kristo sa bagong sanlibutan para lubusan nating matularan ang saloobin niya tungkol sa katuwiran at kasamaan. (Heb. 1:9) Pasasakdalin niya ang ating pag-iisip at pangangatawan. Isip-isipin, hindi ka na mahihila ng kasalanan o daranas ng masasaklap na resulta nito. At sa wakas, makakamit mo ang “maluwalhating kalayaan” na ipinangako ni Jehova. (Roma 8:21) Siyempre pa, hindi kailanman magiging lubos ang ating kalayaan. Makakamit lang natin ang tunay na kalayaan kung tutularan natin ang pag-ibig ng Diyos.—1 Juan 4:7, 8. w18.12 23 ¶19-20
Martes, Nobyembre 10
Susulat nga siya ng isang kasulatan ng diborsiyo para rito . . . at paaalisin niya ito sa kaniyang bahay.—Deut. 24:1.
Puwedeng diborsiyuhin ng isang lalaking Israelita ang kaniyang asawa kung “nakasumpong siya sa kaniya ng isang bagay na marumi.” Hindi sinasabi ng Kautusan kung ano ang tinutukoy ritong “marumi.” Tiyak na isa itong bagay na kahiya-hiya o malala, hindi basta maliit na pagkakamali. (Deut. 23:14) Nakalulungkot, maraming Judio noong panahon ni Jesus ang nakikipagdiborsiyo “sa bawat uri ng saligan.” (Mat. 19:3) Tiyak na hindi natin gustong gayahin ang ganiyang saloobin. Ipinakita ni propeta Malakias ang pananaw ng Diyos sa diborsiyo. Noong panahong iyon, karaniwan na sa isang lalaki na diborsiyuhin nang may kataksilan ang ‘asawa ng kaniyang kabataan,’ marahil ay para makapag-asawa ng mas bata at paganong babae. Tungkol sa pananaw ng Diyos, isinulat ni Malakias: “Kinapopootan [ko] ang pagdidiborsiyo.” (Mal. 2:14-16) Kaayon iyan ng sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa unang pag-aasawa: “Pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Gen. 2:24) Itinaguyod ni Jesus ang pananaw ng kaniyang Ama sa pag-aasawa, sa pagsasabi: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mat. 19:6. w18.12 11 ¶7-8
Miyerkules, Nobyembre 11
Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.—Mat. 9:37.
May ilang kapatid na nasa kalagayang lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang saloobin nila ay gaya ng kay propeta Isaias. Bilang sagot sa tanong ni Jehova na, “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” sinabi ni Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Gusto mo ba at nasa kalagayan ka bang tumugon din ng ganito kapag may pangangailangan? Tungkol sa pangangaral at paggawa ng alagad, sinabi ni Jesus: “Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:38) Puwede ka bang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, marahil bilang payunir? O matutulungan mo ba ang iba na gawin ito? Iniisip ng maraming kapatid na ang pinakamagandang paraan para maipakita ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay ang magpayunir sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan. May naiisip ka bang iba pang paraan para mapalawak ang paglilingkod mo? Magdudulot ito ng malaking kagalakan. w18.08 27 ¶14-15
Huwebes, Nobyembre 12
Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.—Heb. 13:5.
Malinaw na makikita sa mga Ebanghelyo ang kaisipan ni Jehova pagdating sa materyal na mga bagay. Ang Diyos mismo ang pumili kung sino ang tatayong magulang ng kaniyang Anak—isang mag-asawa na hindi mayaman. (Lev. 12:8; Luc. 2:24) Nang ipanganak si Jesus, “inihiga ito [ni Maria] sa isang sabsaban, sapagkat walang dako sa silid-tuluyan para sa kanila.” (Luc. 2:7) Kung gugustuhin lang ni Jehova, kaya niyang maglaan ng mas komportableng lugar para doon isilang ang kaniyang Anak. Pero ang mahalaga kay Jehova ay ang lumaki si Jesus sa isang pamilyang palaisip sa espirituwal. Sa ulat na iyan, matututuhan natin kung ano ang pananaw ni Jehova sa materyal na mga bagay. Inuudyukan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na magpayaman, kahit pa manganib ang espirituwalidad ng mga ito. Pero malinaw na ang pinakamahalaga kay Jehova ay ang espirituwal na mga bagay. Ganiyan din ba ang pananaw mo? Ano ang ipinakikita ng iyong ginagawa? w18.11 24-25 ¶7-8
Biyernes, Nobyembre 13
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!—Awit 144:15.
Bilang ang Pinagmumulan ng kaligayahan, gusto ng Diyos na maging maligaya tayo, at binibigyan niya tayo ng maraming dahilan para magsaya. (Deut. 12:7; Ecles. 3:12, 13) Pero sa ngayon, baka isang hamon ang maging maligaya. Bakit? Ang nakaka-stress na mga pangyayari—gaya kapag namatay o natiwalag ang mahal sa buhay, nagdiborsiyo, o nawalan ng trabaho—ay nakapag-aalis ng ating kaligayahan. Ang mga alitan sa tahanan at kawalan ng mapayapang pag-uusap ay puwede ring makabawas sa ating kaligayahan. Nariyan din ang panunuya ng mga katrabaho o kaklase, pag-uusig dahil sa relihiyon, pagkabilanggo, humihinang kalusugan, nagtatagal na sakit, o depresyon. Gayunman, si Jesu-Kristo, ang “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala,” ay natutuwang maglaan ng kaaliwan at kaligayahan sa mga tao. (1 Tim. 6:15; Mat. 11:28-30) Sa Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus ang ilang katangiang makatutulong para maging maligaya tayo sa kabila ng mahihirap na pagsubok sa sanlibutan ni Satanas. w18.09 17-18 ¶1-3
Sabado, Nobyembre 14
Huwag kayong maghihiwa sa inyong sarili o magpapakalbo ng inyong mga noo dahil sa isang taong patay.—Deut. 14:1.
Maaaring isa sa pinakamahirap ipambili ng katotohanan ay ang pag-iwan sa di-makakasulatang kaugalian at gawain. (Kaw. 23:23) Kahit madali para sa ilan na tanggapin ang makakasulatang saligan para iwan ang mga gawaing ito, baka nag-aalinlangan naman ang iba na tanggapin ito dahil sa panggigipit ng kapamilya, katrabaho, at malalapít na kaibigan. Baka mangibabaw ang emosyon, lalo na kung tungkol sa nakaugaliang pagpaparangal sa mga namatay na kamag-anak. Ang lakas ng loob na ipinakita ng iba ay tutulong sa atin na gumawa ng kinakailangang pagbabago. Ano ang ginawa ng bagong-kumberteng mga Kristiyano sa Efeso na nagsasagawa ng sining ng mahika para talikuran ito at mabili ang katotohanan? Sinasabi ng Bibliya: “Tinipon [nila] ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak.” (Gawa 19:19, 20) Napakamahal ng ibinayad ng mga Kristiyanong iyon pero di-matutumbasan ang pagpapala nito. w18.11 7 ¶15-16
Linggo, Nobyembre 15
Nang matapos na nilang tuliin ang buong bansa, nanatili silang nakaupo sa kanilang dako sa kampo hanggang sa gumaling sila.—Jos. 5:8.
Pagkatawid ng Israel sa Jordan, may nakasalubong si Josue na isang lalaki na may hawak na tabak. Siya pala ang “prinsipe [o, pinuno] ng hukbo ni Jehova,” na magtatanggol sa bayan ng Diyos. (Jos. 5:13-15) Malinaw ang instruksiyon ng anghel na iyon kay Josue kung paano masasakop ang Jerico. Sa simula, parang hindi makatuwiran ang ilang instruksiyon. Halimbawa, iniutos ni Jehova na tuliin ang lahat ng lalaki. Kung ganoon, paano sila makalalaban? (Gen. 34:24, 25; Jos. 5:2) Malamang na inisip ng mga kawal na Israelita kung paano nila mapoprotektahan ang kanilang pamilya kapag sinalakay ng mga kaaway ang kampo nila. Pero biglang kumalat ang balita na ang Jerico ay “mahigpit na nakasara dahil sa mga anak ni Israel.” (Jos. 6:1) Tiyak na napatibay ng di-inaasahang pangyayaring iyon ang pagtitiwala nila sa Diyos! w18.10 23 ¶5-7
Lunes, Nobyembre 16
Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami rin ay mga tao na may mga kahinaang katulad ng sa inyo.—Gawa 14:15.
Paano natin matutularan ang magandang halimbawa ng kapakumbabaan ni Pablo? Una, dapat nating iwasan ang anumang tuksong umasa o tumanggap ng labis-labis na papuri sa mga nagagawa natin sa tulong ni Jehova. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang turing ko sa mga pinangangaralan ko? Hindi kaya nagtatangi na ako sa ilang uri ng tao dahil karaniwan na iyon sa aming komunidad?’ Mabuti na lang, sinusuri ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang kanilang mga teritoryo para alamin kung mayroon pang tutugon sa mabuting balita. Kung minsan, baka kailangan pa ngang pag-aralan ang wika at kultura ng mga taong karaniwang hinahamak ng lipunan. Hindi sa anumang paraan ituturing ng mga Saksi na nakatataas sila sa mga taong ito. Sa halip, inuunawa nila ang bawat indibiduwal para maabot ng mensahe ng Kaharian ang kaniyang puso. w18.09 5 ¶9, 11
Martes, Nobyembre 17
Bumangon si Hudas na taga-Galilea . . . , at nakahila siya ng mga tao upang sumunod sa kaniya.—Gawa 5:37.
Ipinapatay ng mga Romano si Hudas. Bukod kay Hudas at sa iba pang mga ekstremista, sabik ding naghihintay ang mga ordinaryong Judio sa pagdating ng isang politikal na Mesiyas. Umaasa silang kapag dumating ang Mesiyas, magdudulot ito ng karangalan sa kanilang bansa at kalayaan mula sa paniniil ng Roma. (Luc. 2:38; 3:15) Marami ang naniniwalang magtatatag ang Mesiyas ng isang kaharian sa Israel. Kapag nangyari iyon, milyon-milyong Judiong nangalat sa iba’t ibang bansa ang babalik sa kanilang sariling lupain. Alalahanin na minsang nagtanong si Juan Bautista kay Jesus: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o may iba pa ba kaming aasahan?” (Mat. 11:2, 3) Gusto sigurong malaman ni Juan kung may ibang tutupad sa lahat ng inaasahan ng mga Judio. Ang dalawang alagad na nakakita sa binuhay-muling si Jesus habang nasa daan papuntang Emaus ay umaasa rin sa Mesiyas. (Luc. 24:21) Di-nagtagal, tinanong si Jesus ng kaniyang mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?”—Gawa 1:6. w18.06 4 ¶3-4
Miyerkules, Nobyembre 18
Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita.—Kaw. 14:15.
Lalo na tayong dapat maging maingat kapag tungkol sa bayan ni Jehova ang natatanggap nating ulat. Lagi nating tandaan na si Satanas ang tagapag-akusa ng tapat na mga lingkod ng Diyos. (Apoc. 12:10) Kaya naman nagbabala si Jesus na ang mga mananalansang ay ‘may-kasinungalingang magsasalita ng bawat uri ng balakyot na bagay’ laban sa atin. (Mat. 5:11) Kung seseryosohin natin ang babalang iyan, hindi na tayo magtataka kapag nakakarinig tayo ng nakapangingilabot na mga salita tungkol sa bayan ni Jehova. Mahilig ka bang mag-e-mail at mag-text sa iyong mga kaibigan at kakilala? Kung oo, kapag nakakita ka ng bagong balita sa media o nakarinig ng karanasan, baka para kang reporter na gustong mauna sa pagkukuwento. Pero bago ka mag-text o mag-e-mail, tanungin muna ang sarili: ‘Sigurado ba akong totoo ang ikakalat kong impormasyon? Talaga bang tama ang nakuha kong impormasyon?’ Kung hindi ka tiyak, baka wala kang kamalay-malay na nakapagkakalat ka na ng maling impormasyon sa ating mga kapatid. Kung duda ka, pindutin ang delete button, huwag ang send button. w18.08 3-4 ¶3; 4 ¶6-7
Huwebes, Nobyembre 19
Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.—Luc. 6:38.
Gusto ni Jesus na maging bukas-palad tayo para maging maligaya tayo. Positibo ang tugon ng marami kapag pinagpakitaan sila ng pagkabukas-palad. Siyempre pa, hindi lahat ay tutugon sa ating pagkabukas-palad, pero kapag tumugon sila, posibleng maging bukas-palad din sila sa iba. Kaya ugaliin ang pagbibigay, pahalagahan man ito ng mga tao o hindi. Malay mo, baka ang isang pagpapakita mo ng pagkabukas-palad ay napakalaking bagay na pala sa iba. Ang mga totoong bukas-palad ay hindi naghihintay ng kapalit kapag nagbibigay sila. Iyan ang nasa isip ni Jesus nang ituro niya: “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.” (Luc. 14:13, 14) “Siyang may mabait na mata [o, bukas-palad] ay pagpapalain,” ang sabi ng isang kinasihang manunulat. Sinabi naman ng isa pa: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita.” (Kaw. 22:9; Awit 41:1) Oo, dapat tayong magbigay dahil nagiging masaya tayo kapag tumutulong sa iba. w18.08 21-22 ¶15-16
Biyernes, Nobyembre 20
Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.—Kaw. 3:5, 6.
Isang hamon sa ngayon ang makakuha ng tamang impormasyon at masuri ito nang tama. Napakarami na kasing di-maaasahang impormasyon, mga ulat na di-nagsasabi ng buong katotohanan, at dahil na rin sa ating di-kasakdalan. Ano ang makatutulong sa atin? Dapat nating alamin at sundin ang mga simulain sa Bibliya. Isa sa mga simulaing ito ang nagsasabing isang kamangmangan at kahihiyan ang sumagot bago marinig ang katotohanan. (Kaw. 18:13) Isa pang simulain ang nagpapaalaala sa atin na huwag basta maniwala sa bawat salitang naririnig. (Kaw. 14:15) At panghuli, makaranasan man tayo bilang Kristiyano, hindi tayo dapat manalig sa ating sariling pagkaunawa. Poprotektahan tayo ng mga simulain sa Bibliya kung gagamit tayo ng maaasahang impormasyon para makagawa ng tamang konklusyon at matalinong desisyon. w18.08 7 ¶19
Sabado, Nobyembre 21
Hindi ba tayo . . . magpapasakop sa Ama ng ating espirituwal na buhay?—Heb. 12:9.
Sa pagpapabautismo sa tubig, pormal nating ipinaaalam sa lahat na pag-aari na tayo ni Jehova at handa tayong magpasakop sa kaniya. Ganiyan din ang ginawa ni Jesus noong bautismuhan siya. Para na ring sinabi niya kay Jehova: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.” (Awit 40:7, 8) Paano tumugon si Jehova sa pagpapabautismo ni Jesus? Sinasabi ng Bibliya: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’” (Mat. 3:16, 17) Kahit pag-aari na si Jesus ng kaniyang makalangit na Ama, natuwa pa rin si Jehova nang makita ang pagnanais ng kaniyang Anak na gawin ang kalooban Niya. Nalulugod din si Jehova na tanggapin ang ating pag-aalay, at pagpapalain niya tayo.—Awit 149:4. w18.07 23 ¶4-5
Linggo, Nobyembre 22
Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?—Bil. 20:10.
Sa paggamit ng salitang “kami,” malamang na ang tinutukoy ni Moises ay siya at si Aaron. Ipinakikita ng mga salitang iyan na walang respeto si Moises kay Jehova, ang tunay na Pinagmulan ng himalang iyon. Parang pinatutunayan ito ng sinasabi sa Awit 106:32, 33: “Pumukaw sila ng pagkagalit sa tubig ng Meriba, anupat napahamak si Moises dahil sa kanila. Sapagkat pinapait nila ang kaniyang espiritu at nagsalita siya nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.” (Bil. 27:14) Anuman ang nangyari, ang ginawa ni Moises ay nag-alis ng karangalang nararapat kay Jehova. Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: “Naghimagsik kayo laban sa aking utos.” (Bil. 20:24) Isa ngang malubhang kasalanan! Bago nito, hindi pinahintulutan ni Jehova na makapasok sa lupain ng Canaan ang isang salinlahi ng mga Israelita dahil sa kanilang pagrerebelde. (Bil. 14:26-30, 34) Kaya makatuwiran lang na ganoon din ang ihatol ni Jehova kay Moises dahil sa pagrerebelde nito. Hindi rin siya pinahintulutang makapasok sa Lupang Pangako. w18.07 14 ¶9; 14-15 ¶12-13
Lunes, Nobyembre 23
Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.—Roma 14:21.
Handa mo bang isakripisyo ang iyong karapatan para huwag makatisod sa isang kapatid na naiiba ang budhi sa iyo? Tiyak na iyan ang gagawin mo. Bago matuto ng katotohanan ang ilang kapatid, naging manginginom sila ng alak, pero ngayon, determinado na silang iwasan ito. Tiyak na hindi gugustuhin ng sinuman sa atin na maging dahilan para bumalik ang isang kapatid sa isang landasing magpapahamak sa kaniya! (1 Cor. 6:9, 10) Kaya hindi pagpapakita ng pag-ibig kung pipilitin ng nag-anyaya na painumin ng alak ang isang kapatid kung ayaw nito. Malamang na mga 20 anyos si Timoteo nang magpatuli siya para hindi matisod ang mga Judiong pangangaralan niya. Katulad iyan ng saloobin ni apostol Pablo. (Gawa 16:3; 1 Cor. 9:19-23) Gaya ni Timoteo, handa ka rin bang magsakripisyo para sa kapakanan ng iba? w18.06 18-19 ¶12-13
Martes, Nobyembre 24
Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika.—Zef. 3:9.
Inilalapit ni Jehova ang tapat-pusong mga tao sa tunay na pagsamba para maging bahagi ng kaniyang espirituwal na pamilya. (Juan 6:44) Nang una mong makilala ang isa na hindi Saksi, ano ang alam mo tungkol sa kaniya? Bukod sa pangalan at hitsura niya, baka kaunti lang. Pero hindi ganiyan pagdating sa isa na nakakakilala at umiibig kay Jehova. Kahit iba ang kaniyang pinagmulan, bansa, tribo, o kultura, napakarami mo nang alam tungkol sa kaniya—at ganoon din siya sa iyo! Halimbawa, alam ninyo agad ang “wika” ng isa’t isa—ang “dalisay na wika” ng katotohanan. Dahil diyan, alam ninyo kung ano ang paniniwala ng isa’t isa—tungkol sa Diyos, pamantayan sa moral, pag-asa sa hinaharap, at iba pa. Ang mga iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman tungkol sa isang tao—mga bagay na nagpapatibay ng pagtitiwala. Iyan din ang nagiging pundasyon ng mabuti at matatag na pagkakaibigan. w18.12 21 ¶9-10
Miyerkules, Nobyembre 25
Malibang tuliin kayo . . . ay hindi kayo maliligtas.—Gawa 15:1.
Sa pangunguna ni Kristo, nilinaw ng lupong tagapamahala na hindi na kailangang magpatuli ang mga di-Judiong Kristiyano. (Gawa 15:19, 20) Pero kahit ilang taon na ang lumipas, marami pa ring mananampalatayang Judio ang nagpapatuli ng kanilang mga anak. Baka maisip natin, ‘Bakit hinayaan ni Jesus na hindi nalulutas ang usaping ito gayong winakasan na ng kamatayan niya ang Kautusang Mosaiko?’ (Col. 2:13, 14) Para sa ilan, kailangan ng panahon para makapag-adjust sa mga paglilinaw sa ating paniniwala. Kinailangan ng mga Judiong Kristiyano ang sapat na panahon para mai-adjust ang kanilang pananaw. (Juan 16:12) Nahirapan ang ilan na tanggaping ang pagtutuli ay hindi na tanda ng espesyal na kaugnayan sa Diyos. (Gen. 17:9-12) Ayaw namang mapaiba ng ilan dahil sa takot na pag-usigin sila. (Gal. 6:12) Pero sa paglipas ng panahon, naglaan si Kristo ng higit pang tagubilin sa pamamagitan ng kinasihang mga liham mula kay Pablo.—Roma 2:28, 29; Gal. 3:23-25. w18.10 24-25 ¶10-12
Huwebes, Nobyembre 26
Si Caifas . . . ang siyang nagpayo sa mga Judio na para sa kanilang kapakinabangan na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan.—Juan 18:14.
Nagpadala si Caifas ng mga kawal sa kadiliman ng gabi para arestuhin si Jesus. Alam ni Jesus ang kahiya-hiyang paraang ito, kaya noong huling hapunan niya kasama ang mga apostol, inutusan niya silang kumuha ng mga tabak. Sapat na ang dalawa nito para turuan sila ng mahalagang aral. (Luc. 22:36-38) Nang gabi ring iyon, tinaga ni Pedro ang isa sa mga mang-uumog gamit ang tabak. Tiyak na ikinagalit niya ang di-makatarungang pag-aresto kay Jesus sa kadiliman ng gabi. (Juan 18:10) Pero sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat. 26:52, 53) Ang mabisang aral na ito ay kaugnay ng ipinanalangin ni Jesus ilang oras bago mangyari ito—hindi sila dapat maging bahagi ng sanlibutan. (Juan 17:16) Ang Diyos lang ang makapag-aalis ng kawalang-katarungan. Dahil dito, napananatili natin ang kapayapaan at pagkakaisa. At habang pinagmamasdan ni Jehova ang ating nababahaging daigdig, tiyak na natutuwa naman siyang makita na nagkakaisa ang kaniyang bayan.—Zef. 3:17. w18.06 6-7 ¶13-14; 7 ¶16
Biyernes, Nobyembre 27
Ang dragon ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi.—Apoc. 12:17.
Bukod sa paggamit ng pain, tinatakot din tayo ni Satanas para ikompromiso natin ang ating katapatan kay Jehova. Halimbawa, puwede niyang maniobrahin ang mga gobyerno para ipagbawal ang ating pangangaral. Puwede rin niyang udyukan ang mga katrabaho natin o kaeskuwela na tuyain tayo dahil namumuhay tayo ayon sa mga pamantayang moral ng Bibliya. (1 Ped. 4:4) Baka impluwensiyahan din niya ang mga nagmamalasakit nating kapamilya na pigilan tayo sa pagdalo sa mga pulong. (Mat. 10:36) Ano ang makatutulong sa atin? Una, dapat nating asahan ang ganitong uri ng direktang pag-atake ni Satanas dahil nakikipagdigma siya sa atin. (Apoc. 2:10) Pagkatapos, tingnan natin ang mas malaking isyu sa likod ng mga pagsubok na ito. Sinasabi ni Satanas na naglilingkod lang tayo kay Jehova kapag kumbinyente ito at na kung gigipitin tayo, tatalikuran natin ang Diyos. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Panghuli, dapat tayong humingi kay Jehova ng lakas para maharap ang isyung ito. Tandaan, hinding-hindi niya tayo iiwan.—Heb. 13:5. w18.05 26 ¶14
Sabado, Nobyembre 28
Hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.—Ecles. 11:6.
Kahit parang hindi naaabot ng mensahe ng Kaharian ang puso ng mga tao, hindi natin dapat maliitin ang epekto ng ating gawaing paghahasik. Totoo, maraming tao ang hindi nakikinig sa atin, pero pinagmamasdan nila tayo. Napapansin nila ang ating maayos na pananamit, pagiging magalang, at palakaibigang ngiti. Sa bandang huli, dahil sa ating mabuting paggawi, baka makita nilang mali ang pagkakilala nila sa atin. Ganiyan ang napansin nina Sergio at Olinda, na mga payunir: “Dahil sa pagkakasakit, matagal kaming hindi nakapunta sa plaza. Nang bumalik kami, nagtanong ang mga dumaraan, ‘Ano po’ng nangyari? Na-miss namin kayo.’” Oo, hangga’t hindi natin ‘pinagpapahinga ang ating kamay’ sa paghahasik ng binhi ng Kaharian, may mahalaga tayong bahagi sa ‘pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa.’ (Mat. 24:14) Higit sa lahat, masayang-masaya tayo kasi alam nating sinasang-ayunan tayo ni Jehova, dahil iniibig niya ang lahat ng “nagbubunga nang may pagbabata”!—Luc. 8:15. w18.05 16 ¶16-18
Linggo, Nobyembre 29
Pagpalain nawa ang Diyos . . . na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.—2 Cor. 1:3, 4.
Si Jehova ang Diyos na nagbibigay ng pampatibay-loob. Halimbawa, pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, agad siyang nagbigay ng pampatibay-loob para sa magiging mga inapo ni Adan. Ang hula sa Genesis 3:15 ay nangangakong mapupuksa ang “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, pati na ang lahat ng kaniyang masasamang gawa. (Apoc. 12:9; 1 Juan 3:8) Si Noe, isang lingkod ni Jehova, ay nabuhay sa isang di-makadiyos na sanlibutan. Siya lang at ang pamilya niya ang sumasamba kay Jehova. Dahil laganap ang karahasan at kahalayan, baka pinanghinaan ng loob si Noe. (Gen. 6:4, 5, 9, 11; Jud. 6) Pero sinabi ni Jehova kay Noe na wawakasan Niya ang masamang sanlibutang iyon, at ipinaliwanag sa kaniya kung ano ang dapat niyang gawin para maligtas ang kaniyang pamilya. (Gen. 6:13-18) Ipinakita ni Jehova kay Noe na Siya ang Diyos na pinagmumulan ng pampatibay-loob. w18.04 15-16 ¶1-2
Lunes, Nobyembre 30
Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.—1 Tes. 5:11.
Nagkakamali tayo kung iniisip nating hindi tayo nakapagpapatibay-loob dahil hindi tayo mahusay makipag-usap. Ang totoo, kahit simpleng bagay ay puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob—isang matamis na ngiti kapag binabati ang iba. Kapag hindi sinuklian ang ating ngiti, baka may pinagdaraanan sila. Makapagbibigay tayo ng kaaliwan kung pakikinggan natin sila. (Sant. 1:19) Puwede nating mapatibay-loob ang isang kapatid na nangangailangan ng kaaliwan. Ganito ang isinulat ni Haring Solomon: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti! Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso; ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto.” (Kaw. 15:23, 30) Ipinakita ni Pablo na puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob ang sama-samang pagkanta ng awiting pang-Kaharian. (Gawa 16:25; Col. 3:16) Lalong magiging mahalaga na patibaying-loob natin ang isa’t isa samantalang nakikita nating “papalapit na” ang araw ni Jehova.—Heb. 10:25. w18.04 23 ¶16; 24 ¶18-19