Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 98-108
  • Oktubre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Oktubre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Huwebes, Oktubre 1
  • Biyernes, Oktubre 2
  • Sabado, Oktubre 3
  • Linggo, Oktubre 4
  • Lunes, Oktubre 5
  • Martes, Oktubre 6
  • Miyerkules, Oktubre 7
  • Huwebes, Oktubre 8
  • Biyernes, Oktubre 9
  • Sabado, Oktubre 10
  • Linggo, Oktubre 11
  • Lunes, Oktubre 12
  • Martes, Oktubre 13
  • Miyerkules, Oktubre 14
  • Huwebes, Oktubre 15
  • Biyernes, Oktubre 16
  • Sabado, Oktubre 17
  • Linggo, Oktubre 18
  • Lunes, Oktubre 19
  • Martes, Oktubre 20
  • Miyerkules, Oktubre 21
  • Huwebes, Oktubre 22
  • Biyernes, Oktubre 23
  • Sabado, Oktubre 24
  • Linggo, Oktubre 25
  • Lunes, Oktubre 26
  • Martes, Oktubre 27
  • Miyerkules, Oktubre 28
  • Huwebes, Oktubre 29
  • Biyernes, Oktubre 30
  • Sabado, Oktubre 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 98-108

Oktubre

Huwebes, Oktubre 1

Makitangis sa mga taong tumatangis.​—Roma 12:15.

Nakakabasa ng puso si Jehova at si Jesus; tayo hindi. Pero puwede nating sikaping maintindihan ang damdamin at pangangailangan ng iba. (2 Cor. 11:29) Di-gaya ng mga tao sa ngayon na makasarili, nagsisikap tayong magtuon ng pansin “hindi lamang sa personal na kapakanan [natin], kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Fil. 2:4) Ang mga elder sa kongregasyon ang lalo nang dapat magpakita ng empatiya. Alam nilang mananagot sila sa paraan ng pangangalaga nila sa mga tupang ipinagkatiwala sa kanila. (Heb. 13:17) Para matulungan ang mga kapatid, kailangang maging maunawain ang mga elder. Paano sila makapagpapakita ng empatiya? Ang isang elder na may empatiya ay may panahon sa mga kapatid. Nagtatanong siya sa kanila at nakikinig na mabuti. Lalo nang kailangan iyan kapag gustong ibuhos ng isang kapatid ang kaniyang niloloob pero hindi niya alam kung paano ito sasabihin. (Kaw. 20:5) Kapag handang maglaan ng panahon sa mga kapatid ang isang elder, tumitibay ang pagtitiwala, pagkakaibigan, at pag-ibig nila sa isa’t isa.​—Gawa 20:37. w19.03 17 ¶14-17

Biyernes, Oktubre 2

Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.​—Kaw. 25:11.

Ang pagpapahalaga ay tulad ng isang masarap na pagkain—mas masaya kung may kasalo ka. Kapag pinapasalamatan tayo ng iba dahil sa nagagawa natin, sumasaya tayo. Kapag ipinapakita naman natin ang ating pagpapahalaga, napapasaya natin ang iba. Nadarama ng taong pinasalamatan natin na sulit ang pagtulong niya sa atin o pagbibigay ng kailangan natin. Bilang resulta, lalong titibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Mahalagang sabihin sa iba na pinasasalamatan natin sila, gaya ng binabanggit ng teksto sa araw na ito. Hindi ba’t napakagandang tingnan ng isang gintong mansanas sa lalagyang pilak? Tiyak na mataas ang halaga nito! Ano ang madarama mo kung nakatanggap ka ng ganiyang regalo? Ganiyan kahalaga ang pagsasabi sa iba ng salamat. Isipin din ito: Ang isang gintong mansanas ay magtatagal nang mahabang panahon. Ganoon din ang pagsasabi natin ng salamat; maaaring hindi iyon malimutan ng nakatanggap nito. w19.02 15 ¶5-6

Sabado, Oktubre 3

Ang tao ay naging tulad ng isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at masama.​—Gen. 3:22.

Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, ipinakita nilang wala silang tiwala kay Jehova at sa kaniyang pamantayan. Mas gusto nilang magtakda ng sarili nilang pamantayan. Pero tingnan mo ang naging resulta. Naiwala nila ang pakikipagkaibigan kay Jehova, pati na ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Naipamana pa nila sa kanilang mga anak ang kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12) Ibang-iba ang bating na Etiope kina Adan at Eva. Nang mapangaralan siya ni Felipe, talagang napahalagahan ng bating ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa kaniya kaya nagpabautismo agad siya. (Gawa 8:34-38) Nang mag-alay tayo sa Diyos at magpabautismo gaya ng bating na iyon, ipinakita natin na pinahahalagahan natin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Ipinakita rin natin na nagtitiwala tayo kay Jehova at kinikilala natin na siya ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng tama at mali. w19.03 2 ¶1-2

Linggo, Oktubre 4

Hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!—Job 27:5.

Para sa mga lingkod ng Diyos, ang katapatan ay ang buong-pusong pag-ibig at di-natitinag na debosyon kay Jehova. Kaya naman inuuna natin ang kalooban niya sa mga desisyon natin. Isa sa literal na kahulugan ng salitang ginamit ng Bibliya para sa “katapatan” ay ganap, walang kapintasan, o buo. Halimbawa, ang hayop na ihahandog kay Jehova ay dapat na walang kapintasan. (Lev. 22:21, 22) Ang bayan ng Diyos ay hindi puwedeng maghandog ng hayop na may sakit o kulang ang paa, tainga, o mata. Mahalaga kay Jehova na buo o walang kapintasan ang handog sa kaniya. (Mal. 1:6-9) Para maintindihan natin kung bakit, ipagpalagay nang bumili ka ng prutas, libro, o isang gamit. Hindi ba ayaw mo ng isa na may sira? Gusto natin na buo ito at walang depekto. Ganiyan din ang nadarama ni Jehova pagdating sa pag-ibig at katapatan natin sa kaniya. Dapat na ganap ito, walang kapintasan, at buo. w19.02 3 ¶3

Lunes, Oktubre 5

Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.​—Awit 119:97.

Para maingatan ang ating puso, hindi sapat na isara ito sa masasamang impluwensiya. Dapat din natin itong buksan sa mabubuting impluwensiya. Sa isang napapaderang lunsod noon, isinasara ng bantay ang mga pintuang-daan para hindi ito mapasok ng kaaway, pero binubuksan niya ito para makapasok sa lunsod ang pagkain at iba pang suplay. Kung laging nakasara ang pintuang-daan, magugutom ang mga nakatira sa lunsod. Sa katulad na paraan, dapat din nating buksan ang ating puso para makapasok dito ang kaisipan ng Diyos. Makikita sa Bibliya ang kaisipan ni Jehova, kaya sa tuwing binabasa natin ito, hinahayaan nating maimpluwensiyahan ng pag-iisip ni Jehova ang ating iniisip, nadarama, at ikinikilos. Paano tayo makikinabang nang lubos mula sa pagbabasa ng Bibliya? Mahalaga ang panalangin para makita natin ang ‘mga kamangha-manghang bagay’ sa kaniyang Salita. (Awit 119:18) Kailangan din nating bulay-bulayin ang nababasa natin. Kapag nananalangin tayo, nagbabasa, at nagbubulay-bulay, maaabot ng Salita ng Diyos ang “kaibuturan ng [ating] puso,” at iibigin natin ang kaisipan ni Jehova.​—Kaw. 4:20-22. w19.01 18 ¶14-15

Martes, Oktubre 6

Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri.​—Heb. 13:15.

Alam ni Jehova na iba-iba ang ating kakayahan at kalagayan, at lubos niyang pinahahalagahan ang mga haing kaya nating ibigay sa kaniya. Isipin na lang ang uri ng mga haing tinatanggap niya mula sa mga Israelita. Ang ilan ay nakapaghahandog ng kordero o ng kambing. Pero ang isang mahirap na Israelita ay puwedeng maghandog ng “dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” At kung hindi pa rin niya kayang maghandog ng dalawang ibon, tinatanggap ni Jehova kahit ang “ikasampu ng isang epa ng mainam na harina.” (Lev. 5:7, 11) Mas mura nga ang harina, pero pahahalagahan pa rin ni Jehova ang haing iyon, basta’t ito ay “mainam na harina.” Ganiyan pa rin sa ngayon ang ating mabait na Diyos. Kapag nagkokomento tayo, hindi niya tayo inoobligang maging kasinghusay ni Apolos sa pagsasalita o maging mapanghikayat gaya ni Pablo. (Gawa 18:24; 26:28) Ang gusto lang ni Jehova ay makapagbigay tayo ng pinakamagandang komentong kaya natin. Alalahanin ang balo na nagbigay ng dalawang maliliit na barya. Pinahalagahan siya ni Jehova dahil ibinigay niya ang kaniyang buong makakaya.​—Luc. 21:1-4. w19.01 8-9 ¶3-5

Miyerkules, Oktubre 7

Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.​—Mat. 10:22.

Bilang mga tagasunod ni Kristo, inaasahan nating kapopootan tayo. Inihula ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay makakaranas ng matinding pag-uusig sa mga huling araw. (Mat. 24:9; Juan 15:20) Nagbabala ang hula ni Isaias na hindi lang basta mapopoot sa atin ang mga kaaway; gagamit din sila ng iba’t ibang sandata laban sa atin. Kabilang sa mga sandatang iyan ang tusong panlilinlang, lantarang kasinungalingan, at walang-awang pag-uusig. (Mat. 5:11) Hindi pipigilan ni Jehova ang mga kaaway na gamitin ang mga sandatang ito. (Efe. 6:12; Apoc. 12:17) Pero walang dahilan para matakot tayo. Sinabi ni Jehova na “anumang sandata” ang gamitin laban sa atin ay “hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Gaya ng pader na proteksiyon sa isang malakas na bagyo, pinoprotektahan tayo ni Jehova mula sa “bugso ng mga mapaniil.” (Isa. 25:4, 5) Hinding-hindi magtatagumpay ang ating mga kaaway na gawan tayo ng permanenteng pinsala. (Isa. 65:17) Ang lahat ng kaaway ng bayan ng Diyos ay “mauuwi sa wala at malilipol.”​—Isa. 41:11, 12. w19.01 6-7 ¶13-16

Huwebes, Oktubre 8

Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.​—2 Cor. 3:17.

Mga kabataan, iniibig ni Jehova ang kalayaan, at inilagay niya ang pag-ibig na iyan sa inyong puso. Pero gusto rin niya na gamitin ninyo ang inyong kalayaan sa tamang paraan, na magsisilbing proteksiyon sa inyo. Baka may kilala kang nanonood ng pornograpya o nakikisangkot sa seksuwal na imoralidad, mapanganib na sports, o pag-abuso sa droga at alak. Oo, nag-e-enjoy sila pero pansamantala lang iyon. At kadalasan nang napakasaklap ng kapalit nito, gaya ng sakit, adiksiyon, o kamatayan pa nga. (Gal. 6:7, 8) Isang malaking panlilinlang sa sarili ang itinuturing nilang “kalayaan.” (Tito 3:3) Kung ikukumpara, gaano karaming tao ang kilala mong nagkasakit dahil sumunod sila sa pamantayan ng Bibliya? Maliwanag, ang pagsunod kay Jehova ay nakabubuti sa iyong kalusugan at nakapagpapalaya. (Awit 19:7-11) Bukod diyan, kapag ginagamit mo nang may katalinuhan ang iyong kalayaan—na hindi lumalampas sa sakdal na kautusan at simulain ng Diyos—naipakikita mo kay Jehova at sa iyong mga magulang na puwede kang pagkatiwalaan nang higit pang kalayaan.​—Roma 8:21. w18.12 22-23 ¶16-17

Biyernes, Oktubre 9

Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.​—Gen. 2:24.

Nagdulot ng mga pagbabago ang kasalanan ni Adan. Isa na rito ang kamatayan, na makaaapekto sa pag-aasawa. Makikita natin iyan nang ipaliwanag ni apostol Pablo sa kaniyang sulat na ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Sinabi niyang winawakasan ng kamatayan ang pag-aasawa at na ang naiwang kabiyak ay puwede nang makapag-asawang muli. (Roma 7:1-3) Ang Kautusan ng Diyos sa bansang Israel ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa pag-aasawa. Pinahintulutan nito ang poligamya, isang gawaing umiiral na bago pa ibigay ng Diyos sa Israel ang Kautusan. Pero ang poligamya ay may mga alituntunin para hindi ito maabuso. Halimbawa, kung ang isang Israelita ay mag-asawa ng isang alipin at pagkatapos ay kumuha ng ikalawang asawa, hindi niya dapat bawasan ang pangangailangan ng kaniyang unang asawa—pagkain, pananamit, at kaukulan bilang asawa. Iniuutos ng Diyos na protektahan at pangalagaan niya ito. (Ex. 21:9, 10) Wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, pero makikita pa rin natin dito ang pagpapahalaga ni Jehova sa pag-aasawa. Hindi ba’t nakatutulong iyan sa iyo na igalang ang pag-aasawa? w18.12 10-11 ¶3; 11 ¶5-6

Sabado, Oktubre 10

Hindi ninyo paniniwalaan bagaman ito ay isaysay.​—Hab. 1:5.

Matapos sabihin kay Jehova ang kaniyang ikinababahala, posibleng inisip ni Habakuk ang magiging reaksiyon ni Jehova. Bilang maunawaing Ama na may empatiya, hindi siya pinagalitan ni Jehova. Alam ng Diyos na dala lang ito ng paghihinagpis at pamimighati. Sinabi ni Jehova kay Habakuk kung ano ang mangyayari sa masuwaying mga Judio sa malapit na hinaharap. Posibleng kay Habakuk unang isiniwalat ni Jehova na napakalapit nang magwakas ang marahas na henerasyong iyon. Ipinakita ni Jehova kay Habakuk na nakahanda na Siyang kumilos. Malapit na niyang parusahan ang marahas at masamang henerasyong iyon. Sa pananalitang “sa inyong mga araw,” ipinakita ni Jehova na ang kahatulang ito ay tiyak na darating sa kapanahunan ng propeta o ng mga kakontemporaryo niya. Hindi iyon ang sagot na inaasahan ni Habakuk. Ito ba ang sagot ni Jehova sa kaniyang pagdaing? Nangangahulugan ito na lalo pang magdurusa ang buong Juda. w18.11 15 ¶7-8

Linggo, Oktubre 11

Kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.​—1 Tim. 2:4.

Ano ang tingin mo sa maraming uri ng tao na hindi pa nakaaalam ng katotohanan? Kahit ang hinahanap ni apostol Pablo sa mga sinagoga ay mga taong may alam na tungkol sa Diyos, hindi lang siya sa mga Judio nangaral. Halimbawa, sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, inakala ng mga taga-Licaonia na siya at si Bernabe ay mga superhero—ang kanilang diyos-diyusang sina Zeus at Hermes na nagkatawang-tao. Sinamantala ba nina Pablo at Bernabe ang pagkakataong ito na maging popular? Hindi kaya pagkakataon na ito para makapagpahinga naman sila sa mga pag-uusig na naranasan nila sa huling dalawang lunsod na dinalaw nila? Inisip kaya nila na makatutulong ang popularidad para lalong mapalaganap ang mabuting balita? Hinding-hindi! Agad nilang tinutulan ito. Hinapak nila ang kanilang kasuotan, at sumigaw: “Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami rin ay mga tao na may mga kahinaang katulad ng sa inyo.”​—Gawa 14:8-15. w18.09 5 ¶8-9

Lunes, Oktubre 12

Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? . . . Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis, . . . ipinahayag na kayong matuwid.​—1 Cor. 6:9, 11.

Para matamo ang katotohanan at mamuhay ayon sa pamantayang moral ng Bibliya, dapat na handa nating baguhin ang ating pag-iisip at paggawi. Pansinin ang isinulat ni Pedro tungkol dito: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog ayon sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi . . . magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.” (1 Ped. 1:14, 15) Para sa mga nakatira sa imoral na lunsod ng Corinto, ang pagbili ng katotohanan ay nangangahulugan ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Sa katulad na paraan, tinalikuran ng marami sa ngayon ang di-makadiyos na paggawi para mabili ang katotohanan. Ipinaalaala rin ni Pedro sa mga Kristiyano noon: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, masasamang pita, mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga bawal na idolatriya.”​—1 Ped. 4:3. w18.11 6-7 ¶13

Martes, Oktubre 13

Ang lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.​—Gawa 13:48.

Paano natin malalaman kung sino ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan”? Gaya noong unang siglo, ang tanging paraan ay ang magpatotoo. Kaya kailangan nating sundin ang tagubilin ni Jesus: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mat. 10:11) Hindi natin inaasahang tutugon sa mabuting balita ang mga di-tapat, mapagmataas, o walang interes sa espirituwal. Naghahanap tayo ng mga tapat, mapagpakumbaba, at gutóm sa katotohanan. Maitutulad natin ito sa paghahanap ni Jesus bilang karpintero ng tamang kahoy para makagawa ng muwebles, pinto, pamatok, o iba pa. Kapag nakakita na siya ng angkop na materyales, kukunin niya ang toolbox, gagamitin ang kaniyang kasanayan, at gagawin ang bagay na nasa isip niya. Ganiyan din ang dapat nating gawin habang nagsisikap tayong gumawa ng tapat-pusong mga alagad.​—Mat. 28:19, 20. w18.10 12 ¶3-4

Miyerkules, Oktubre 14

Si Felipe . . . ay bumaba sa lunsod ng Samaria at pinasimulang ipangaral sa kanila ang Kristo.​—Gawa 8:5.

Si Felipe na ebanghelisador ay magandang halimbawa ng isa na nanatiling nakapokus sa ministeryo sa kabila ng mga pagbabago. Sa Jerusalem, nagkaroon ng sunod-sunod na pag-uusig pagkatapos patayin si Esteban. Nang panahong iyon, may ginagampanang bagong pribilehiyo ng paglilingkod si Felipe. (Gawa 6:1-6) Pero nang mangalat ang mga tagasunod ni Kristo, hindi maatim ni Felipe na basta manood na lang. Nangaral siya sa Samaria, isang lunsod na hindi pa gaanong napapangaralan ng mabuting balita nang panahong iyon. (Mat. 10:5; Gawa 8:1) Handang pumunta si Felipe saanman siya akayin ng espiritu ng Diyos, kaya ginamit siya ni Jehova para makapagbukas ng mga bagong teritoryo. Hindi siya nagtatangi, kaya malamang na natuwa ang mga Samaritano, na nasanay nang hinahamak ng mga Judio. Hindi nga nakapagtatakang “may-pagkakaisang” nakinig sa kaniya ang mga tao! (Gawa 8:6-8) Nanatiling nakapokus si Felipe sa kaniyang ministeryo, at dahil doon, siya at ang pamilya niya ay saganang pinagpala ni Jehova.​—Gawa 21:8, 9. w18.10 30 ¶14-16

Huwebes, Oktubre 15

Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.​—Heb. 10:24.

Minsan, noong nasa Decapolis si Jesus, “dinala [ng mga tao] sa kaniya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita.” (Mar. 7:31-35) Imbes na pagalingin sa harap ng mga tao, “inilayo niya ito” at saka pinagaling. Bakit? Baka kasi nahihiya ito dahil sa kaniyang kapansanan. Maaaring nahalata iyon ni Jesus kaya pinagaling niya ito sa pribado. Siyempre pa, hindi natin kayang maghimala. Pero maipakikita—at dapat nating ipakita—ang konsiderasyon sa pangangailangan at damdamin ng ating mga kapatid. Naunawaan ni Jesus ang damdamin ng lalaking bingi at naging makonsiderasyon siya rito. Dapat din tayong magpakita ng konsiderasyon sa mga may-edad, maysakit, at may kapansanan. Ang kongregasyong Kristiyano ay kilalá, hindi lang sa pagiging produktibo, kundi sa pagpapakita ng pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay nagpapakilos sa atin na magsakripisyo para makatulong sa mga may-edad at may kapansanan na makadalo sa pulong at makapangaral ng mabuting balita. Ginagawa natin iyan kahit na limitado ang nagagawa nila.​—Mat. 13:23. w18.09 29-30 ¶7-8

Biyernes, Oktubre 16

Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.​—Roma 15:2.

Ang bawat tupa ni Jehova ay napakahalaga sa kaniya at kay Jesus, na naglaan ng haing pantubos. (Gal. 2:20) Mahal na mahal natin ang mga kapatid. At gusto natin silang pangalagaan sa magiliw at maibiging paraan. Para pagmulan ng kaginhawahan, “itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Sabik na sabik na tayong dumating ang Paraiso, kung saan wala nang dahilan para masiraan ng loob! Wala na roong sakit, digmaan, minanang kamatayan, pag-uusig, alitan sa loob ng pamilya, at pagkabigo. Pagkatapos ng Milenyo, sakdal na ang mga tao. Ang mga nakapasa sa huling pagsubok ay aampunin bilang makalupang mga anak ng Diyos na Jehova at magtatamo ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Lahat nawa tayo ay patuloy na magpakita ng pag-ibig na nagpapatibay at magtulungan sa isa’t isa para maabot ang kasiya-siyang tunguhing iyan. w18.09 14-15 ¶10; 16 ¶18

Sabado, Oktubre 17

Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.​—Awit 119:97.

Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay hindi lang basta pahapyaw na pagbabasa o pagsasalungguhit ng sagot sa mga tanong sa aralin. Kapag nag-aaral tayo, inaalam natin kung ano ang sinasabi nito tungkol kay Jehova, sa kaniyang mga daan, at sa kaniyang kaisipan. Inuunawa natin kung bakit iniuutos ng Diyos ang isang bagay at hinahatulan naman ang iba pa. Pinag-iisipan din natin kung ano ang kailangan nating baguhin sa ating buhay at pag-iisip. Siyempre pa, baka hindi natin maisaalang-alang ang lahat ng ito sa bawat pag-aaral, pero makikinabang tayo kung maglalaan tayo ng panahon—marahil ay kalahati ng bawat pag-aaral—para bulay-bulayin nang may pagpapahalaga ang nababasa natin. (1 Tim. 4:15) Kapag regular nating binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, ‘napatutunayan natin sa ating sarili’ na ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay ang siyang tama. Nakikita na natin ang mga bagay ayon sa pananaw niya, at sumasang-ayon na tayo rito. ‘Nababago’ ang ating pag-iisip, at nagkakaroon tayo ng bagong paraan ng pag-iisíp. (Roma 12:2) Unti-unti, natutularan natin ang kaisipan ni Jehova. w18.11 24 ¶5-6

Linggo, Oktubre 18

Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.​—1 Cor. 3:9.

Noong unang siglo C.E., tinukoy ni Pablo ang kaniyang sarili at ang ilang malalapít na kasama bilang “mga kamanggagawa ng Diyos” dahil sa kanilang papel na pagtatanim at pagdidilig ng binhi ng katotohanan ng Kaharian. (1 Cor. 3:6) Puwede rin tayong maging “mga kamanggagawa ng Diyos” ngayon kung bukas-palad tayong magbibigay ng ating panahon, tinatangkilik, at lakas sa gawaing pangangaral na iniatas ng Diyos. Isa nga itong napakalaking pribilehiyo! Nagdudulot ng malaking kagalakan ang pagiging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon at lakas para sa pangangaral at paggawa ng alagad. Maraming may sumusulong na Bible study ang makapagsasabi sa iyo na isa ito sa pinakakasiya-siyang karanasan nila. Napakasayang makita na natutuwa ang mga indibiduwal kapag nauunawaan nila ang mga katotohanan mula sa Bibliya, sumusulong sila sa pananampalataya, gumagawa ng mga pagbabago, at kapag ibinabahagi na nila ang katotohanan sa iba. Nadama rin iyan ni Jesus nang ang 70 alagad na isinugo niya para mangaral ay “bumalik na may kagalakan” dahil sa magagandang resulta ng pangangaral nila.​—Luc. 10:17-21. w18.08 20 ¶11-12

Lunes, Oktubre 19

Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal.​—Kaw. 28:26.

Puwede tayong masilo kung sobra tayong mananalig sa ating sariling pagkaunawa. Baka iniisip nating maiintindihan natin ang isang sitwasyon kahit hindi natin alam ang buong katotohanan. Magiging mahirap din para sa atin na masuri nang tama ang mga bagay-bagay kapag mayroon tayong di-kasundo sa kongregasyon. Kung lagi tayong nakapokus sa ating mga di-pagkakasundo, baka paghinalaan na natin ang ating kapatid. Kaya kapag nakarinig tayo ng negatibo tungkol sa kapatid na ito, baka agad tayong maniwala. Ang aral? Ang pagkikimkim ng sama ng loob sa ating mga kapatid ay aakay sa atin na humatol nang hindi batay sa katotohanan. (1 Tim. 6:4, 5) Maiiwasan natin ito kung hindi natin hahayaang tumubo sa ating puso ang inggit at paninibugho. Sa halip, tandaan sana natin na obligasyon nating ibigin ang ating mga kapatid at lubusan silang patawarin.​—Col. 3:12-14. w18.08 6-7 ¶15; 7 ¶18

Martes, Oktubre 20

Kay Jehova . . . ang mga langit, . . . ang lupa at ang lahat ng naroroon.​—Deut. 10:14.

Dahil naririto tayo, lahat tayo ay kay Jehova. (Awit 100:3; Apoc. 4:11) Pero sa buong kasaysayan ng tao, may espesipikong grupo ng mga tao na pinipili ng Diyos para maging espesyal na pag-aari niya. Halimbawa, sa Awit 135, tinutukoy ang tapat na mga mananamba ni Jehova sa sinaunang Israel bilang “kaniyang pantanging pag-aari.” (Awit 135:4) Inihula rin sa aklat ng Oseas na may mga di-Israelita na magiging bayan ni Jehova. (Os. 2:23) Natupad ang hula ni Oseas nang isama ni Jehova ang mga di-Judio sa magiging mga tagapamahalang kasama ni Kristo. (Gawa 10:45; Roma 9:23-26) Ang ‘banal na bansang’ ito ay “pantanging pag-aari” ni Jehova, dahil ang mga miyembro nito ay pinahiran ng banal na espiritu at pinili para mabuhay sa langit. (1 Ped. 2:9, 10) Kumusta naman ang karamihan sa mga tapat na Kristiyano ngayon na may makalupang pag-asa? Tinatawag din sila ni Jehova na kaniyang “bayan” at kaniyang “mga pinili.”​—Isa. 65:22. w18.07 22 ¶1-2

Miyerkules, Oktubre 21

Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din . . . Hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin.​—Fil. 2:5, 7.

Tinutularan ng mga tunay na Kristiyano ang Kristo, na nagbigay sa atin ng sakdal na halimbawa kung paano magiging bukas-palad ang isang tao. (Mat. 20:28) Tanungin ang sarili: ‘Mapasusulong ko pa ba ang pagtulad ko sa halimbawa ni Jesus?’ (1 Ped. 2:21) Makakamit natin ang pagsang-ayon ni Jehova kung tutularan natin siya at si Kristo, kung magiging interesado tayo sa kapakanan ng iba, at kung hahanap tayo ng paraan para mailaan ang pangangailangan nila. Oo, sa talinghaga niya tungkol sa madamaying Samaritano, nilinaw ni Jesus na inaasahan niyang magsisikap ang mga tagasunod niya na tumulong, kahit sa mga taong iba ang pinagmulan. (Luc. 10:29-37) Natatandaan mo ba ang tanong kung kaya binanggit ni Jesus ang talinghagang iyon? Tinanong siya ng isang Judio: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Makikita sa sagot ni Jesus na dapat tayong maging bukas-palad gaya ng Samaritanong iyon kung gusto nating makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. w18.08 19 ¶5-6

Huwebes, Oktubre 22

Sinabi [ng anghel sa kaniya]: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.”​—Luc. 1:28.

Patuloy bang kinilala ni Jehova si Maria dahil sa pag-aalaga at pagpapalaki sa Anak niya? Oo. Ang mga ginawa at sinabi ni Maria ay ipinasulat ng Diyos sa Bibliya. Lumilitaw na wala sa kalagayan si Maria na maglakbay kasama ni Jesus sa loob ng tatlo at kalahating-taóng pagmiministeryo niya. Marahil bilang biyuda, kinailangan niyang manatili sa Nazaret. Pero kahit marami siyang napalampas na pribilehiyo, naroroon naman siya noong araw na mamatay si Jesus. (Juan 19:26) Pero nang maglaon, si Maria ay nasa Jerusalem kasama ng mga alagad ilang araw bago ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes. (Gawa 1:13, 14) Malamang na pinahiran din siya kasama ng iba pang naroroon. Kung gayon, mangangahulugan ito na binigyan siya ng pagkakataong makasama ni Jesus sa langit magpakailanman. Isa ngang napakagandang gantimpala sa tapat niyang paglilingkod! w18.07 9-10 ¶11; 10 ¶14

Biyernes, Oktubre 23

Gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.​—1 Cor. 10:31.

Sa buong ministeryo ni Jesus, itinuro niya ang mga saligang katotohanan na tutulong sa kaniyang mga alagad na makita ang magiging resulta ng ilang saloobin o paggawi. Halimbawa, itinuro niya na ang paghihinanakit ay maaaring humantong sa karahasan at ang pagnanasa naman ay sa pangangalunya. (Mat. 5:21, 22, 27, 28) Para magkaroon tayo ng budhing nasanay nang wasto, dapat tayong magpagabay sa makadiyos na mga simulain at sa gayo’y makapagdulot ng kaluwalhatian sa Diyos. Ang dalawang Kristiyanong parehong may budhing sinanay sa Bibliya ay posibleng magkaroon ng magkaibang pananaw sa ilang bagay. Isaalang-alang ang tungkol sa inuming de-alkohol. Hindi hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang pag-inom. Pero nagbababala ito laban sa labis na pag-inom ng alak, pati na sa paglalasing. (Kaw. 20:1; 1 Tim. 3:8) Ibig bang sabihin, wala nang isasaalang-alang ang isang Kristiyano kung katamtaman naman ang pag-inom niya ng alak? Mayroon pa rin. Kung ipinahihintulot man ito ng kaniyang budhi, dapat pa rin niyang isaalang-alang ang budhi ng iba. w18.06 18 ¶10-11

Sabado, Oktubre 24

Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.​—Mar. 8:15.

Mariing binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na umiwas sa mga turo, o lebadura, na ipinaglalaban ng mga Pariseo, Saduceo, at mga tagasunod sa partido ni Herodes. (Mat. 16:6, 12) Kapansin-pansin, nangyari ang pag-uusap na ito di-nagtagal matapos gustuhin ng mga tao na gawing hari si Jesus. Kapag nakialam ang relihiyon sa politika, nagdudulot ito ng karahasan. Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dapat silang manatiling neutral. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit gustong ipapatay si Jesus ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo. Itinuring nila si Jesus bilang karibal sa politika at relihiyon, at na banta siya sa kanilang posisyon. “Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa,” ang sabi nila. (Juan 11:48) Kaya naman nanguna ang mataas na saserdoteng si Caifas sa pagpaplanong patayin si Jesus.​—Juan 11:49-53; 18:14. w18.06 6-7 ¶12-13

Linggo, Oktubre 25

Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw.​—Roma 12:9.

Ang isang epektibong pain na ginagamit ni Satanas ay ang pagiging mausisa sa espiritismo. Bukod sa huwad na relihiyon, ginagamit din niya ang industriya ng paglilibang para magkaroon ng interes ang mga tao sa mga demonyo. Dahil sa mga pelikula, electronic games, at iba pang uri ng libangan, parang naging exciting ang espiritismo. Paano natin maiiwasan ang mga paing ito? Huwag tayong umasa na magbibigay ang organisasyon ng Diyos ng listahan ng katanggap-tanggap at di-katanggap-tanggap na libangan. Dapat nating sanayin ang ating budhi na maging kaayon ng mga pamantayan ng Diyos. (Heb. 5:14) Pero makapipili tayo nang tama kung susundin natin ang kinasihang payo ni apostol Pablo sa teksto sa araw na ito. Tanungin ang sarili: ‘Ipinakikita ba ng mga pinipili kong libangan na mapagkunwari ako? Kung makikita ito ng mga Bible study o return visit ko, iisipin ba nilang ginagawa ko ang itinuturo ko sa kanila?’ Kung ginagawa natin ang itinuturo natin, mas madali nating maiiwasan ang mga pain ni Satanas.​—1 Juan 3:18. w18.05 25-26 ¶13

Lunes, Oktubre 26

Ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan.​—Roma 10:1.

Paano masasabing tinutularan natin si Pablo? Una, sinisikap nating mapanatili sa ating puso ang kagustuhang maghanap ng sinumang “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” Ikalawa, nagsusumamo tayo kay Jehova na buksan ang puso ng mga taong taimtim. (Gawa 13:48; 16:14) Sinabi ni Silvana, na halos 30 taon nang payunir: “Bago ako pumunta sa isang bahay sa aming teritoryo, nananalangin muna ako kay Jehova na tulungan niya akong maging positibo.” Nananalangin din tayo sa Diyos na akayin sana tayo ng mga anghel sa mga tapat-puso. (Mat. 10:11-13; Apoc. 14:6) Sinabi naman ni Robert, na mahigit 30 taon nang payunir: “Napakasayang gumawa kasama ng mga anghel dahil alam nila ang nangyayari sa buhay ng mga tao.” Ikatlo, sinisikap nating hanapin ang mabuti sa mga tao. Sinabi ng isang elder na si Carl: “Naghahanap ako ng kahit maliit na senyales na nagpapakitang taimtim ang isang tao, marahil ay isang ngiti, maaliwalas na mukha, o isang taimtim na tanong.” Oo, gaya ni Pablo, puwede rin tayong magbunga nang may pagbabata. w18.05 15-16 ¶13; 16 ¶15

Martes, Oktubre 27

Isaalang-alang natin ang isa’t isa [na] nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.​—Heb. 10:24, 25.

Nakapagpapatibay-loob mabalitaan ang katapatan ng mga tinulungan natin noon. Ganiyan ang nadama ni apostol Juan, na sumulat: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Maraming payunir ang makapagsasabi na nakapagpapatibay malaman na ang mga tinulungan nilang mapunta sa katotohanan ay nananatiling tapat, at baka naglilingkod pa nga bilang payunir. Kapag pinanghihinaan ng loob ang isang payunir, mapatitibay siya kung ipaaalaala natin sa kaniya ang mabubuting bagay na nagawa niya noon. Maraming tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi na napatibay-loob sila at ang kanilang asawa nang makatanggap sila ng kahit maikling thank-you note matapos silang dumalaw sa isang kongregasyon. Ganiyan din ang nadarama ng mga elder, misyonero, payunir, at mga Bethelite kapag pinasasalamatan sila dahil sa kanilang tapat na paglilingkod. w18.04 23 ¶14-15

Miyerkules, Oktubre 28

[Ang hari ay huwag] magpaparami ng mga asawa para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi malihis.​—Deut. 17:17.

Sumuway si Solomon, at nag-asawa ng 700 babae. Nagdala pa siya sa kaniyang sambahayan ng 300 pang babae. (1 Hari 11:3) Karamihan sa kaniyang mga asawa ay hindi Israelita, na sumasamba sa huwad na mga diyos. Kaya sinuway rin ni Solomon ang kautusan ng Diyos na huwag mag-asawa ng banyaga. (Deut. 7:3, 4) Ang unti-unting pagsuway ni Solomon sa mga kahilingan ni Jehova ang umakay sa kaniya para gumawa ng napakalubhang kasalanan. Nagtayo si Solomon ng altar para sa diyosang si Astoret at maaaring isa pang altar para sa diyos-diyosang si Kemos. Sumama siya sa kaniyang mga asawa para sumamba roon. Sa dinami-dami ng lugar, doon pa itinayo ni Solomon ang mga altar sa bundok na nasa harap mismo ng Jerusalem, kung saan niya itinayo ang templo ni Jehova! (1 Hari 11:5-8; 2 Hari 23:13) Marahil dinaya ni Solomon ang sarili niya at inisip na babale-walain ni Jehova ang pagsuway niya basta patuloy pa rin siyang naghahain sa templo. Pero hinding-hindi binabale-wala ni Jehova ang pagkakasala. w18.07 18-19 ¶7-9

Huwebes, Oktubre 29

Kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.​—Efe. 6:16.

Ang ilan sa “nag-aapoy na mga suligi” na maaaring ipanà ni Satanas sa iyo ay ang mga kasinungalingan tungkol kay Jehova—na hindi Siya nagmamalasakit sa iyo at na hindi ka karapat-dapat mahalin. Pinaglalabanan ng 19-anyos na si Ida ang pakiramdam na wala siyang halaga. Sinabi niya: “Madalas na nararamdaman kong hindi malapít sa akin si Jehova at ayaw niya akong maging kaibigan.” Paano niya ito hinarap? “Napakalaking tulong sa aking pananampalataya ang mga pulong,” ang sabi ni Ida. “Dati, nakaupo lang ako at hindi nagkokomento, kasi iniisip kong wala namang gustong makinig sa sasabihin ko. Pero ngayon, naghahanda na ako para sa pulong at sinisikap kong magkomento ng dalawa o tatlong beses.” Idiniriin ng karanasan ni Ida ang isang mahalagang katotohanan: Hindi nagbabago ang sukat ng kalasag ng isang sundalo, pero ang sukat ng ating kalasag ng pananampalataya ay puwedeng lumiit o lumaki. Depende ito sa atin. (Mat. 14:31; 2 Tes. 1:3) Napakahalaga ngang patibayin ang ating pananampalataya! w18.05 29-30 ¶12-14

Biyernes, Oktubre 30

Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?—Gawa 16:30.

Nagbago lang ang tagapagbilanggo at humingi ng tulong matapos lumindol. (Gawa 16:25-34) Sa katulad na paraan, ang ilang indibiduwal sa ngayon na hindi tumugon sa mensahe ng Bibliya ay baka magbago at humingi ng tulong kapag biglang niyanig ng lindol, wika nga, ang kanilang buhay. Halimbawa, baka natulala sila dahil bigla silang nawalan ng trabaho. Ang iba naman ay tuliro dahil natuklasang mayroon silang malubhang sakit, o baka nanlulumo dahil sa pagkamatay ng mahal sa buhay. Posibleng itanong nila kung ano ang kahulugan ng buhay na minsan nilang binale-wala. Baka itanong pa nga nila, ‘Ano ang dapat kong gawin para maligtas?’ Kapag natagpuan natin sila, baka makinig na sila sa mensahe ng pag-asa. Kaya naman sa patuloy nating pangangaral, tinitiyak nating naroroon tayo para patibayin ang mga tao sa panahong handa na silang makinig.​—Isa. 61:1. w18.05 19-20 ¶10-12

Sabado, Oktubre 31

Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita.​—Luc. 4:18.

Sa ngayon, karamihan ng mga tao ay binulag ng diyos ng sistemang ito at inaalipin ng huwad na relihiyon, ng materyal na mga bagay, at ng sistema ng politika. (2 Cor. 4:4) Pribilehiyo nating tularan si Jesus at tulungan ang mga tao na makilala at sambahin si Jehova, ang Diyos ng kalayaan. (Mat. 28:19, 20) Hindi ito madali, at marami ring hamon. Sa ilang lupain, binabale-wala ng mga tao ang ating pangangaral at nagagalit pa nga ang iba. Kaya dapat nating itanong sa sarili, ‘Paano ko magagamit ang aking kalayaan para higit na mapaglingkuran si Jehova?’ Nakapagpapatibay makita na maraming kapatid ang nakadarama ng pagkaapurahan at nagpasimple ng kanilang buhay para makibahagi sa buong-panahong paglilingkod. (1 Cor. 9:19, 23) Ang ilan ay naglilingkod sa kanilang sariling lugar; ang iba naman ay lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Napakahusay na paraan ito ng paggamit ng kalayaan para paglingkuran si Jehova!—Awit 110:3. w18.04 11-12 ¶13-14

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share