Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 88-98
  • Setyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Setyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Martes, Setyembre 1
  • Miyerkules, Setyembre 2
  • Huwebes, Setyembre 3
  • Biyernes, Setyembre 4
  • Sabado, Setyembre 5
  • Linggo, Setyembre 6
  • Lunes, Setyembre 7
  • Martes, Setyembre 8
  • Miyerkules, Setyembre 9
  • Huwebes, Setyembre 10
  • Biyernes, Setyembre 11
  • Sabado, Setyembre 12
  • Linggo, Setyembre 13
  • Lunes, Setyembre 14
  • Martes, Setyembre 15
  • Miyerkules, Setyembre 16
  • Huwebes, Setyembre 17
  • Biyernes, Setyembre 18
  • Sabado, Setyembre 19
  • Linggo, Setyembre 20
  • Lunes, Setyembre 21
  • Martes, Setyembre 22
  • Miyerkules, Setyembre 23
  • Huwebes, Setyembre 24
  • Biyernes, Setyembre 25
  • Sabado, Setyembre 26
  • Linggo, Setyembre 27
  • Lunes, Setyembre 28
  • Martes, Setyembre 29
  • Miyerkules, Setyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 88-98

Setyembre

Martes, Setyembre 1

Bagaman hindi ninyo siya nakita, iniibig ninyo siya.​—1 Ped. 1:8.

Nagpakita ng empatiya si Jesus kina Marta at Maria. Nang makita niyang nagdadalamhati sila sa pagkamatay ng kapatid nilang si Lazaro, “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:32-35) Hindi siya lumuha dahil lang sa hindi na niya makakasama ang malapít niyang kaibigan. Bubuhayin naman niyang muli si Lazaro. Lumuha siya dahil naintindihan niya ang sakit na nararamdaman ng mga kaibigan niya at naawa siya sa kanila. Nakapagpapatibay malaman na si Jesus ay may empatiya. Mahal natin siya dahil sa paraan ng pakikitungo niya sa mga tao. Napapatibay tayo dahil alam nating namamahala na siya ngayon bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Malapit na niyang alisin ang lahat ng pagdurusa. Dahil naging tao siya noon, siya ang talagang makakatulong para maalis ang paghihirap ng mga tao na idinulot ng pamamahala ni Satanas. Isa ngang pagpapala na binigyan tayo ng Tagapamahala na handang “makiramay sa ating mga kahinaan.”​—Heb. 2:17, 18; 4:15, 16. w19.03 17 ¶12-13

Miyerkules, Setyembre 2

Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.​—Juan 6:44.

May papel tayong ginagampanan para matuto ang mga tao tungkol sa Diyos, pero si Jehova ang may pinakamalaking papel na ginagampanan. (1 Cor. 3:6, 7) Inilalapit niya sa kaniya ang mga tao. Depende sa puso ng isa kung tatanggapin niya ang mabuting balita o hindi. (Mat. 13:4-8) Tandaan na marami ang hindi tumanggap sa mensahe ni Jesus kahit siya ang pinakadakilang Guro! Kaya hindi tayo dapat masiraan ng loob kung marami ang hindi nakikinig sa ating mensahe. Magaganda ang resulta kapag nagpapakita tayo ng pakikipagkapuwa-tao sa ating ministeryo. Mas gaganahan tayo sa pangangaral. Mas magiging maligaya tayo dahil nagbibigay tayo. At magiging mas madali para sa “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” na tanggapin ang mabuting balita. (Gawa 13:48) Kaya “habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Gal. 6:10) At magiging masaya tayo dahil naluluwalhati natin ang ating Ama sa langit.​—Mat. 5:16. w19.03 25 ¶18-19

Huwebes, Setyembre 3

Sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita.​—Awit 22:22.

Isinulat ni Haring David: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin.” (Awit 145:3) Mahal niya si Jehova, at ito ang nagpakilos sa kaniya na purihin ang Diyos “sa gitna ng kongregasyon.” (1 Cro. 29:10-13; Awit 40:5) Sa ngayon, ang isang paraan para purihin si Jehova ay ang pagkokomento sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gustong-gusto nating mapakinggan ang iba’t ibang komento sa ating mga pulong. Natutuwa tayo sa simpleng sagot ng mga bata na mula sa puso. Napapatibay tayo kapag narinig natin ang komento ng isa na gustong-gustong maibahagi ang isang magandang punto na bago sa kaniya. At humahanga tayo sa mga “nag-ipon . . . ng katapangan” para makapagkomento kahit nahihiya sila o nag-aaral pa lang ng ating wika. (1 Tes. 2:2) Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang kanilang pagsisikap? Puwede natin silang pasalamatan pagkatapos ng pulong. At puwede rin tayong magbigay ng komento. Sa gayon, hindi lang tayo ang napapatibay; napapatibay rin natin sila.​—Roma 1:11, 12. w19.01 8 ¶1-2; 9 ¶6

Biyernes, Setyembre 4

Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.​—Col. 3:15.

Desperado na ang 10 lalaki. May ketong sila, at nawawalan na ng pag-asa. Pero isang araw, natanaw nila si Jesus, ang Dakilang Guro. Nabalitaan nilang napapagaling ni Jesus ang lahat ng uri ng sakit. Kaya sumigaw sila: “Jesus, Tagapagturo, maawa ka sa amin!” Napagaling ang 10 lalaki. Siguradong laking pasalamat nilang lahat sa kabaitan ni Jesus. Pero isa sa kanila ang hindi lang basta nakadama ng pagpapahalaga—ipinakita niya ang pagpapahalaga niya kay Jesus. Ang lalaking iyon, isang Samaritano, ay napakilos na luwalhatiin ang Diyos “sa malakas na tinig.” (Luc. 17:12-19) Tulad ng Samaritano, gusto nating ipakita ang ating pasasalamat sa mga nagpapakita ng kabaitan sa atin. Isang mahusay na halimbawa sa pagpapakita ng pagpapahalaga si Jehova. Ang isang paraan ay ang pagbibigay niya ng gantimpala sa mga nagpapasaya sa kaniya. (2 Sam. 22:21; Awit 13:6; Mat. 10:40, 41) Nagpapayo ang Kasulatan na “maging mga tagatulad [tayo] sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efe. 5:1) Kaya ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagpapakita ng pagpapahalaga ay para tularan si Jehova. w19.02 14 ¶1-2; 14-15 ¶4

Sabado, Setyembre 5

Hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!—Job 27:5.

Isang batang babae ang magalang na nagsabing hindi siya sasali sa isang selebrasyon na ayaw ng Diyos. Isang mahiyaing kabataang lalaki ang nagbabahay-bahay at kumatok sa bahay ng kaeskuwela niya na nanlalait sa mga Saksi ni Jehova. Isang lalaki ang nagtatrabahong mabuti para sa pamilya niya. Pero may ipinagagawang ilegal sa kaniya ang boss niya. Kahit puwede siyang masesante, ipinaliwanag niya na hindi siya puwedeng mandaya at na kailangan niyang sundin ang batas dahil iyan ang hinihiling ng Diyos sa mga lingkod niya. (Roma 13:1-4; Heb. 13:18) Anong katangian ang nakita mo sa kanilang tatlo? Baka napansin mong malakas ang loob nila at hindi sila nandaraya. Pero isang napakahalagang katangian ang naipakita nilang lahat—katapatan. Ang bawat isa sa kanila ay naging tapat kay Jehova. Hindi nila ikinompromiso ang pamantayan ng Diyos. Nanindigan sila. Siguradong ipinagmamalaki ni Jehova ang bawat isa sa kanila dahil sa katangiang iyan. Gusto nating ipagmalaki rin tayo ng ating Ama sa langit. w19.02 2 ¶1-2

Linggo, Setyembre 6

Ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating.​—Heb. 10:1.

Pangunahing pinoprotektahan ng Kautusan ang mga walang kalaban-laban, gaya ng mga ulila, biyuda, at banyaga. Ganito ang iniutos sa mga hukom ng Israel: “Huwag mong babaluktutin ang kahatulan sa naninirahang dayuhan o sa batang lalaking walang ama, at huwag mong aagawin ang kasuutan ng isang babaing balo bilang panagot.” (Deut. 24:17) Talagang pinrotektahan ni Jehova ang mga walang kalaban-laban, at pinarusahan niya ang mga nagmaltrato sa kanila. (Ex. 22:22-24) Gusto ni Jehova na maging mapagmahal at mapagmalasakit ang mga tagapangasiwa. Napopoot ang Diyos sa anumang uri ng seksuwal na pang-aabuso. Gusto niyang tiyakin na ang lahat, lalong-lalo na ang mga walang kalaban-laban, ay maprotektahan at makatanggap ng hustisya. (Lev. 18:6-30) Kapag kumbinsido tayong makatarungan si Jehova sa atin, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya. At kapag iniibig natin ang Diyos at ang kaniyang matutuwid na pamantayan, napapakilos tayong ibigin ang iba at maging makatarungan sa kanila. w19.02 24-25 ¶22-26

Lunes, Setyembre 7

Itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa.​—Tito 2:12.

Pansinin ang isang halimbawa kung paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Sinasabi sa atin ni Jehova na “ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan . . . ay huwag man lamang mabanggit sa gitna [natin].” (Efe. 5:3) Pero ano ang gagawin natin kung ang pinag-uusapan ng mga kaeskuwela natin o katrabaho ay mahahalay na bagay? Puwedeng magbabala ang bantay, o ang ating budhi. (Roma 2:15) Pero makikinig ba tayo? Baka matukso tayong makinig sa ating mga kasamahan o tingnan ang larawan na tinitingnan nila. Pero ito ang panahon para isara ang mga pintuang-daan, wika nga—baguhin ang paksang pinag-uusapan o umalis na lang. Kailangan ang lakas ng loob para matanggihan ang impluwensiyang mag-isip o gumawa ng masama. Nakatitiyak tayong nakikita ni Jehova ang pagsisikap natin, at bibigyan niya tayo ng kinakailangang lakas at karunungan para itakwil ang kaisipan ni Satanas.​—2 Cro. 16:9; Isa. 40:29; Sant. 1:5. w19.01 17-18 ¶12-13

Martes, Setyembre 8

Ako nga ay bumaling sa lahat ng aking mga gawa na ginawa ng aking mga kamay . . . ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan . . . walang anumang kapaki-pakinabang.​—Ecles. 2:11.

Sinabi ng napakayaman at makapangyarihang si Solomon sa kaniyang sarili: ‘Susubukan kita sa kasayahan at magtamasa ka ng kabutihan.’ (Ecles. 2:1-10) Nagpagawa siya ng mga bahay, hardin, at parke, at ginawa ang anumang gusto niya. Ano ang naramdaman niya? Nakontento ba siya? Hindi na natin kailangan pang manghula. Sinabi niya mismo ang nasa teksto sa araw na ito. Napakagandang aral! Maisasapuso mo ba iyan? Ayaw ni Jehova na matutuhan natin ang mga aral sa buhay sa masaklap na paraan. Ang totoo, kailangan mo ng pananampalataya para masunod ang Diyos at unahin ang kaniyang kalooban sa iyong buhay. Napakahalaga ng pananampalatayang iyan, at hinding-hindi mo pagsisisihan ang pagkakaroon nito. Oo, hindi kailanman lilimutin ni Jehova “ang pag-ibig na ipinakita [mo] para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Kaya gawin ang lahat para patibayin ang iyong pananampalataya, at mapatutunayan mong gusto talaga ng iyong makalangit na Ama ang pinakamabuti para sa iyo.​—Awit 32:8. w18.12 22 ¶14-15

Miyerkules, Setyembre 9

Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.​—Roma 5:8.

Ang taong espirituwal ay may pananampalataya sa Diyos at tumutulad sa pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay. Humihingi siya ng patnubay sa Diyos at determinadong sumunod sa kaniya. (1 Cor. 2:12, 13) Magandang halimbawa si David. Umawit siya: “Si Jehova ang sukat ng aking takdang bahagi at ng aking kopa.” (Awit 16:5) Kasama sa “bahagi” ni David ang kaniyang malapít na kaugnayan sa Diyos, na ginawa niyang kanlungan. (Awit 16:1) Ang resulta? “Nagsasaya ang aking puso,” ang sabi niya. Oo, walang nagbibigay ng higit na kagalakan kay David kundi ang kaniyang malapít na kaugnayan sa Diyos. (Awit 16:9, 11) Ang kagalakang nadama ni David ay hindi nadarama ng mga taong inuuna ang mga kaluguran at kayamanan. (1 Tim. 6:9, 10) Ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jehova at paglilingkod sa kaniya ang magbibigay sa iyo ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Pero paano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya? Dapat kang gumugol ng panahon kasama siya, wika nga, sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, pagmamasid sa kaniyang mga nilalang, at pagbubulay-bulay sa kaniyang mga katangian, kasama na ang pag-ibig niya sa iyo.​—Roma 1:20. w18.12 25-26 ¶7-8

Huwebes, Setyembre 10

Maging marangal nawa ang pag- aasawa sa gitna ng lahat.​—Heb. 13:4.

Hindi lang basta sinasabi ni Pablo ang impormasyong iyan. Sa halip, hinihimok ng teksto ang bawat Kristiyano na igalang ang pag-aasawa at ituring itong mahalaga. Ganiyan ba ang pananaw mo sa pag-aasawa, lalo na sa iyong pag-aasawa kung mayroon kang kabiyak? Kapag pinahahalagahan mo ang pag-aasawa, tinutularan mo ang isang napakahusay na halimbawa. Pinarangalan ni Jesus ang pag-aasawa. Nang tanungin siya ng mga Pariseo hinggil sa diborsiyo, binanggit niya ang sinabi ng Diyos tungkol sa unang pag-aasawa: “Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at ang dalawa ay magiging isang laman.” Dagdag pa niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mar. 10:2-12; Gen. 2:24) Kaya sang-ayon si Jesus na ang pag-aasawa ay mula sa Diyos at idiniin niyang panghabambuhay ito. Hindi sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na puwedeng maputol ng diborsiyo ang pag-aasawa. Ang pamantayang itinakda ng Diyos sa pag-aasawa sa Eden ay monogamya, ang pagsasama ng “dalawa” magpakailanman. w18.12 10-11 ¶2-4

Biyernes, Setyembre 11

Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.​—Roma 12:2.

Nang una nating malaman ang katotohanan, natutuhan natin na mahalagang sundin ang pangunahing mga kahilingan ni Jehova. Pero habang sumusulong tayo sa espirituwal, mas natututo pa tayo tungkol sa kaisipan ni Jehova—ang mga gusto niya, ang mga ayaw niya, at ang pananaw niya sa mga bagay-bagay na nakakaimpluwensiya sa ating paggawi at pagpili. Ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay kasiya-siya, pero puwede rin itong maging hamon. Kung minsan, nagiging hadlang ang ating di-kasakdalan. Halimbawa, baka nahihirapan tayong maintindihan ang pananaw ni Jehova pagdating sa moral na kalinisan, materyalismo, pangangaral, maling paggamit ng dugo, o iba pa. Ano ang puwede nating gawin? Paano natin patuloy na matutularan ang kaisipan ng Diyos? Ang sagot: Kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos para maunawaan ang kaniyang kaisipan, bulay-bulayin ang mga iyon, at iayon ang ating pag-iisip sa kaisipan ng Diyos. w18.11 23-24 ¶2-4

Sabado, Setyembre 12

Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas?—Hab. 1:2.

Nabuhay si Habakuk sa isang napakahirap na panahon. Napakalungkot niya dahil napaliligiran siya ng masasama at mararahas na tao. Kailan kaya magwawakas ang kasamaan nila? Bakit kaya ang tagal kumilos ni Jehova? Ang nakikita lang ni Habakuk ay ang kawalang-katarungan at paniniil na ginagawa ng mga kababayan niya. Parang nawawalan na siya ng pag-asa. Kaya sa gitna ng napakahirap na panahong iyon, nanalangin siyang kumilos na sana si Jehova. Baka inisip ni Habakuk na hindi nagmamalasakit si Jehova at parang matatagalan pa bago kumilos ang Diyos. Ganiyan din ba ang nadarama mo? Nawalan na ba ng tiwala si Habakuk kay Jehova? Wala na ba siyang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos? Hindi naman. Nang ipagkatiwala niya kay Jehova ang kaniyang mga problema at ikinababahala sa halip na sa mga tao, ipinakikita nitong hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Tiyak na nababahala siya dahil hindi niya maintindihan kung bakit hindi pa kumikilos ang Diyos o kung bakit pinahihintulutan ni Jehova na danasin niya ang gayong sitwasyon. w18.11 14 ¶4-5

Linggo, Setyembre 13

Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa.​—Mat. 6:19.

Nang anyayahan ni Jesus ang mga mangingisdang sina Pedro at Andres na maging “mangingisda ng mga tao,” kanilang “iniwan ang mga lambat.” (Mat. 4:18-20) Siyempre pa, marami sa nakaalam ng katotohanan sa ngayon ang hindi naman puwedeng basta magbitiw sa trabaho, dahil sa makakasulatang pananagutan. (1 Tim. 5:8) Pero kadalasan nang dapat nilang baguhin ang kanilang pananaw sa materyal na bagay pati na rin ang kanilang priyoridad. Tingnan ang halimbawa ni Maria. Golf ang buhay niya, at pangarap niyang maging propesyonal na manlalaro nito. Pagkatapos, nag-aral siya ng Bibliya, at masaya siya sa mga pagbabagong nagagawa ng katotohanan sa buhay niya. Nakita ni Maria na mahirap abutin nang sabay ang espirituwal at materyal na kayamanan. (Mat. 6:24) Isinakripisyo niya ang matagal na niyang pangarap na maging propesyonal na manlalaro ng golf. Payunir na siya ngayon. Sinabi niyang ito “ang pinakamasaya at pinakamakabuluhang buhay.” w18.11 5-6 ¶9-10

Lunes, Setyembre 14

Ito ang karpintero na anak ni Maria.​—Mar. 6:3.

Sa edad na 30, isinaisantabi ni Jesus ang mga kagamitan sa pagkakarpintero dahil alam niyang mas mahalaga ang pagiging guro. Sinabi niyang ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang isang dahilan kung bakit siya isinugo ng Diyos sa lupa. (Mat. 20:28; Luc. 3:23; 4:43) Nagpokus si Jesus sa ministeryo, at gusto niyang sumama ang iba sa gawaing ito. (Mat. 9:35-38) Maaaring hindi naman tayo karpintero, pero mga ministro tayo ng mabuting balita. Napakahalaga ng gawaing iyan dahil kasama natin dito ang Diyos; tayo ay tinatawag na “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9; 2 Cor. 6:4) Sang-ayon tayo na ‘ang diwa ng salita ni Jehova ay katotohanan.’ (Awit 119:159, 160) Kaya tinitiyak nating “ginagamit [natin] nang wasto ang salita ng katotohanan” sa ministeryo. (2 Tim. 2:15) Dahil dito, pinasusulong natin ang ating kakayahan sa paggamit ng Bibliya, ang pangunahing kagamitan o tool sa pagtuturo ng katotohanan tungkol kay Jehova, kay Jesus, at sa Kaharian. w18.10 11-12 ¶1-2

Martes, Setyembre 15

Tulungan yaong mahihina, at . . . isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus.​—Gawa 20:35.

Kapag tinutularan ng asawang lalaki ang kaniyang ulo, si Jesu-Kristo, natutulungan niya ang kaniyang asawa na malinang ang “matinding paggalang” sa kaniya. (Efe. 5:22-25, 33) Ang paggalang naman ang magpapakilos sa asawang babae na maging makonsiderasyon sa kaniyang asawa. Kapag makonsiderasyon sa isa’t isa ang mag-asawa, nagiging mabuting halimbawa sila sa mga anak nila. Sabihin pa, ang mga magulang ang pangunahing may pananagutan na magturo sa mga anak na maging makonsiderasyon. Halimbawa, matuturuan nila ang mga ito na huwag magpatakbo-takbo sa Kingdom Hall. Kapag may salusalo, puwede nilang sabihan ang mga bata na paunahin sa pagkuha ng pagkain ang mga may-edad. Kapag ginawan tayo ng kabaitan ng isang bata—gaya ng pagbubukas ng pinto—purihin natin siya. Maganda ang magiging epekto niyan sa kaniya at tatatak sa puso niya na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” w18.09 29 ¶5-6

Miyerkules, Setyembre 16

Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.​—Mat. 23:10.

Ang mga tagubilin mula sa ating nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay tutulong sa atin ngayon at sa hinaharap. Sikapin nating magpokus sa mga pakinabang ng pag-a-adjust sa mga pagbabago. Sa panahon ng inyong pampamilyang pagsamba, bakit hindi talakayin kung paano kayo nakinabang sa mga pagbabago sa pulong o sa ministeryo? Kung sisikapin nating unawain ang dahilan ng mga tagubiling natatanggap natin sa organisasyon ni Jehova at ang mga pakinabang ng pagsunod dito, malamang na mas madali para sa atin ang sumunod. Natutuwa tayo na mas nakatipid ang organisasyon nang bawasan ang bilang ng inililimbag na mga literatura at mas napalawak ang gawaing pang-Kaharian sa buong lupa nang gumamit ng mga bagong teknolohiya. Kaya gamitin natin nang husto ang mga elektronikong publikasyon at media hangga’t maaari. Sa paggawa nito, sinusuportahan natin si Kristo sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng mga pag-aari ng organisasyon. Kapag sumusunod tayo sa pangunguna ni Kristo, napatitibay natin ang pananampalataya ng iba at naitataguyod natin ang pagkakaisa. w18.10 25-26 ¶17-19

Huwebes, Setyembre 17

Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa.​—1 Tes. 2:8.

Kapag nagpakita tayo ng pagkamagiliw, puwede tayong maging sagot sa panalangin ng isang nanlulumo. (2 Cor. 1:3-6) Pero huwag umasa ng kasakdalan sa mga kapatid. Panatilihin ang balanseng pananaw sa kanila. Kung aasahan mong hindi sila magkakamali, hindi iyon makatotohanan at mabibigo ka lang. (Ecles. 7:21, 22) Tandaan, si Jehova ay makatotohanan sa hinihiling niya sa kaniyang mga lingkod. Kung tutularan natin siya, mapagpapasensiyahan natin ang di-kasakdalan ng iba. (Efe. 4:2, 32) Sa halip na ipahiwatig na hindi sapat ang ginagawa nila, komendahan sila sa nagagawa nila. Magpapatibay iyan sa kanila. Ang taimtim na komendasyon ay nagpapatibay sa iba sa pag-ibig at nakatutulong sa kanila na makasumpong ng “dahilan na magbunyi” sa kanilang sagradong paglilingkod. Mas mabuti iyan sa halip na ikumpara sila sa iba na ikadidismaya lang nila.​—Gal. 6:4. w18.09 16 ¶16-17

Biyernes, Setyembre 18

Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.​—Juan 4:34.

Para kay Jesus, kailangan din ang pagsunod sa tagubilin ng Diyos. Sa anong diwa ito katulad ng pagkain? Kung paanong lumalakas ang ating katawan kapag kumakain tayo ng masustansiyang pagkain, lumalakas din ang ating puso at tumitibay ang ating pananampalataya sa buhay na walang hanggan kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos. Ang pagsunod sa tagubilin ng Diyos ang talagang kahulugan ng karunungan. (Awit 107:43) Sulit ang pagsisikap na maging marunong. “Ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito. . . . Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.” (Kaw. 3:13-18) Sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17) Mananatiling maligaya ang mga alagad kung patuloy nilang gagawin ang itinagubilin ni Jesus. Hindi lang nila ikinapit ang mga turo at halimbawa niya sa mismong pagkakataong iyon. Ito ang naging paraan ng kanilang pamumuhay. w18.09 4 ¶4-5

Sabado, Setyembre 19

Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan.​—Gen. 1:27.

Binigyan ng Diyos ang unang mag-asawa ng mga tagubiling tutulong sana sa kanila na isipin ang kapakanan ng iba, kahit sila pa lang noon ang nasa hardin ng Eden. Pinagpala sila ni Jehova at sinabihang magpakarami, punuin ang lupa, at supilin iyon. (Gen. 1:28) Kung paanong interesadong-interesado ang Maylalang sa kapakanan ng kaniyang mga nilalang, dapat sana’y naging interesado rin sina Adan at Eva sa kaligayahan ng kanilang magiging mga anak. Gagawing Paraiso ang buong lupa para sa kapakinabangan ng mga anak ni Adan. Ang napakalaking proyektong iyan ay mangangailangan ng pakikipagtulungan ng lumalaki niyang pamilya. Para sa sakdal na mga tao, ang pagpapalawak ng Paraiso ay nangangahulugan ng lubos na pakikipagtulungan kay Jehova para matupad ang kaniyang layunin, at nang sa gayo’y makapasok sila sa kaniyang kapahingahan. (Heb. 4:11) Isa itong kasiya-siya at kapaki-pakinabang na proyekto! Nakapagdulot sana ng malaking pagpapala at kasiyahan sa kanila ang pagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba. w18.08 18 ¶2; 19-20 ¶8-9

Linggo, Setyembre 20

Siniraang-puri niya ang iyong lingkod sa panginoon kong hari.​—2 Sam. 19:27.

Paano naman kung biktima ka ng paninirang-puri? Naranasan iyan ni Jesus at ni Juan na Tagapagbautismo. (Mat. 11:18, 19) Paano ito hinarap ni Jesus? Hindi niya ibinuhos ang lahat ng kaniyang panahon at lakas sa pagtatanggol sa kaniyang sarili. Sa halip, hinimok niya ang mga tao na alamin ang katotohanan—kung ano ang ginawa niya at ang itinuro niya. Gaya ng sabi ni Jesus, “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mat. 11:19) May mahalagang aral tayong matututuhan dito. Kung minsan, nakapagsasalita ang mga tao ng hindi makatarungan o ng di-magagandang bagay tungkol sa atin. Baka gustong-gusto nating mabigyan tayo ng katarungan at maayos ang nasira nating reputasyon. Pero may isang bagay tayong puwedeng gawin. Kapag may nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa atin, puwede nating ipakita sa ating pamumuhay na hindi iyon totoo. Oo, gaya ng ipinakita ng halimbawa ni Jesus, mapabubulaanan ng ating magandang paggawi bilang Kristiyano ang maling paratang at di-kumpletong impormasyon. w18.08 6 ¶11-13

Lunes, Setyembre 21

Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan. Siya ang dapat mong paglingkuran, at sa kaniya ka dapat mangunyapit.​—Deut. 10:20.

May pagkakatulad ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagkamasuwayin ni Cain, ni Solomon, at ng mga Israelita sa Bundok Sinai. Binigyan sila ng pagkakataong “magsisi . . . at manumbalik.” (Gawa 3:19) Maliwanag na hindi agad sinusukuan ni Jehova ang mga nakagagawa ng maling hakbang. Kung tungkol kay Aaron, pinatawad siya ni Jehova. Sa ngayon, ang mga babala ni Jehova ay puwedeng magmula sa mga ulat ng Bibliya, publikasyon, o mababait na payo ng isang kapatid. Kapag nakinig tayo sa mga babala, tiyak na kaaawaan tayo ni Jehova. May layunin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. (2 Cor. 6:1) Binibigyan tayo nito ng pagkakataong “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa.” (Tito 2:11-14) Hangga’t nabubuhay tayo “sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay,” mapapaharap tayo sa mga sitwasyong susubok sa ating bukod-tanging debosyon kay Jehova. Lagi sana tayong manindigan sa kaniyang panig! w18.07 21 ¶20-21

Martes, Setyembre 22

Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.​—2 Tim. 2:19.

Paano natin mapatitibay ang determinasyon nating hangarín ang pagkilala ni Jehova at hindi ng sanlibutan? Para magawa iyan, kailangan nating tandaan ang dalawang mahahalagang bagay. Una, laging kinikilala ni Jehova ang mga tapat na naglilingkod sa kaniya. (Heb. 6:10; 11:6) Napakahalaga sa kaniya ang bawat lingkod niya, at itinuturing niyang isang ‘kalikuan’ na bale-walain ang mga tapat sa kaniya. “Inaalam [niya] ang lakad ng mga matuwid” at alam niya kung paano sila ililigtas mula sa pagsubok. (Awit 1:6; 2 Ped. 2:9) Ikalawa, maaari tayong kilalanin ni Jehova sa paraang hindi natin sukat-akalain. Ang mga gumagawa ng mabuti para lang mapansin ng iba ay sinabihan na wala silang aasahang gantimpala mula kay Jehova. Bakit? Dahil natanggap na nila ang kanilang gantimpala. (Mat. 6:1-5) Pero sinabi ni Jesus na ang kaniyang Ama ay “tumitingin sa lihim,” at nakikita ang mga gumagawa ng mabuti na hindi nabibigyan ng papuri. Nakikita niya ang mga gawang iyon at ginagantihan niya ang bawat isa ayon doon. w18.07 9 ¶8, 10

Miyerkules, Setyembre 23

Huwag mo nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.​—Gawa 10:15.

Naguguluhan si Pedro sa gustong sabihin sa kaniya ng tinig. Sabay datíng naman ng mga mensahero ni Cornelio. Matapos matanggap ang tagubilin ng banal na espiritu, sumama si Pedro sa mga mensahero papunta sa bahay ni Cornelio. Kung humatol lang si Pedro batay sa panlabas na anyo, hinding-hindi siya papasok sa bahay ni Cornelio. Hindi pumapasok ang mga Judio sa bahay ng mga Gentil. Pero bakit pumasok pa rin si Pedro? Dahil naudyukan siya ng pangitaing nakita niya at ng katiyakang tinanggap niya mula sa banal na espiritu. Matapos niyang marinig ang sinabi ni Cornelio, tiyak na naantig si Pedro kung kaya nasabi niya: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Isa ngang kapana-panabik at bagong pagkaunawa para kay Pedro—isa na malawak ang kahulugan! w18.08 9 ¶3-4

Huwebes, Setyembre 24

Kapootan ninyo ang kasamaan.​—Amos 5:15.

Maaaring hindi natin ginagawa ang mga gawaing kinapopootan ng Diyos. Pero may ibang gawain o aspekto ng buhay na walang espesipikong utos ang Kasulatan. Sa ganitong sitwasyon, paano natin malalaman kung alin ang katanggap-tanggap at nakalulugod sa Diyos? Diyan pumapasok ang ating budhing sinanay sa Bibliya. Dahil mahal tayo ni Jehova, binigyan niya tayo ng mga simulaing gagabay sa ating budhi. Siya mismo ang nagsabi: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isa. 48:17, 18) Kung gagamitin natin ang ating puso’t isip para mangatuwiran batay sa mga simulain ng Bibliya, itinatama, ginagabayan, at hinuhubog natin ang ating budhi. Dahil diyan, nakapagdedesisyon tayo nang tama. Ang simulain ay isang saligang katotohanan o doktrina na ginagamit bilang batayan ng pangangatuwiran o paggawi. Kapag nauunawaan natin ang isang simulain, nauunawaan din natin ang kaisipan ng Tagapagbigay-Kautusan at kung bakit siya nagbigay ng ilang partikular na utos. w18.06 17 ¶5; 18 ¶8-10

Biyernes, Setyembre 25

Kaayon ba ng kautusan na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?—Mat. 22:17.

Ang mga tagasunod sa partido ni Herodes, na nagbangon ng isyung ito, ay umaasang maaakusahan si Jesus ng sedisyon kapag kinontra niya ang pagbabayad ng buwis. Kapag sinabi naman niyang kailangang magbayad ng buwis, iiwan siya ng mga tagasunod niya. Nanatiling neutral si Jesus sa isyu ng pagbabayad ng buwis. Siyempre pa, alam ni Jesus na maraming tiwaling maniningil ng buwis. Pero ayaw ni Jesus na mailihis siya mula sa mas mahalagang isyu—ang Kaharian ng Diyos, na siyang tunay na solusyon. Sa gayon ay nagpakita siya ng halimbawa sa lahat ng mga tagasunod niya. Hindi sila dapat makisangkot sa mga isyu sa politika, kahit mukhang tama naman o makatuwiran ang mga ito. Ang hinahanap ng mga Kristiyano ay ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. Iyan ang ginagawa nila sa halip na magbigay ng opinyon tungkol sa ilang di-makatarungang gawain, o magsalita laban dito. (Mat. 6:33) Maraming Saksi ni Jehova ang hindi na nakikialam sa mga isyu sa politika na dati nilang ipinaglalaban. w18.06 5-6 ¶9-11

Sabado, Setyembre 26

Napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda.​—Gen. 6:2.

Bukod sa imoralidad, posibleng nangako rin si Satanas sa mga anghel na iyon na magkakaroon sila ng kapangyarihan na kontrolin ang sangkatauhan. Malamang na layunin niyang hadlangan ang pagdating ng ipinangakong ‘binhi ng babae.’ (Gen. 3:15) Pero sinira ni Jehova ang lahat ng mga plano ni Satanas at ng mga rebeldeng anghel sa pamamagitan ng Baha. Kaya huwag maliitin ang tukso ng imoralidad o ang panganib ng pride. Ang mga anghel na pumanig kay Satanas ay naglilingkod noon sa mismong presensiya ng Diyos sa loob ng maraming taon! Pero hinayaan ng marami sa kanila na mag-ugat at tumubo ang masasamang pagnanasa. Sa katulad na paraan, baka maraming dekada na rin tayong naglilingkod sa makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos. Pero kahit na nasa malinis na organisasyon tayo, puwede pa ring mag-ugat ang maling pagnanasa. (1 Cor. 10:12) Kaya napakahalagang suriing palagi ang ating puso, iwasan ang imoral na kaisipan, at alisin ang pagiging ma-pride!—Gal. 5:26; Col. 3:5. w18.05 25 ¶11-12

Linggo, Setyembre 27

Mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso.​—Roma 9:2.

Nasiraan ng loob si Pablo dahil sa negatibong pagtugon ng mga Judio sa mensahe ng Kaharian. Pero hindi siya huminto sa pangangaral sa kanila. Pansinin ang isinulat niya sa mga Kristiyano sa Roma tungkol sa kaniyang nadama sa mga Judiong iyon: “Ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan. Sapagkat nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:1, 2) Sinabi ni Pablo na patuloy siyang nangaral sa mga Judio dahil napakilos siya ng “kabutihang-loob ng [kaniyang] puso.” Gustong-gusto niyang makaligtas sila. (Roma 11:13, 14) Hiniling niya sa Diyos na tulungan ang bawat Judio na tanggapin ang mensahe ng Kaharian. Idinagdag ni Pablo: “May sigasig sila sa Diyos.” May nakita siyang mabuti sa kanila. Ang sigasig, kapag nagabayan nang tama, ay makapagpapabago sa mga taong taimtim na maging masisigasig na alagad ni Kristo, at alam na alam iyan ni Pablo. w18.05 13 ¶4; 15-16 ¶13-14

Lunes, Setyembre 28

[Magsalita ng] anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.​—Efe. 4:29.

Kailangan tayong maging alerto para makita natin ang “pangangailangan” ng iba. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo: “Iunat [o, palakasin] ninyo ang mga kamay na nakalaylay at ang mga nanghihinang tuhod, at patuloy na gumawa ng tuwid na mga landas para sa inyong mga paa, upang ang may pilay ay hindi malinsad sa kasukasuan, kundi sa halip ay mapagaling ito.” (Heb. 12:12, 13) Lahat tayo, pati ang mga bata, ay makapagsasabi ng mga salitang nakapagpapatibay-loob sa isa’t isa. Ganito ang ipinayo ni Pablo: “Kung may anumang pampatibay-loob kay Kristo, kung may anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung may anumang pagbabahagi ng espiritu, kung may anumang magiliw na pagmamahal at habag, lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo ay may magkakatulad na kaisipan at may magkakatulad na pag-ibig, na nabubuklod sa kaluluwa, na isinasaisip ang iisang kaisipan, na hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”​—Fil. 2:1-4. w18.04 22-23 ¶10; 23 ¶12

Martes, Setyembre 29

Maging gaya ng malalayang tao, gayunma’y taglay ang inyong kalayaan . . . bilang mga alipin ng Diyos.​—1 Ped. 2:16.

Ang totoong layunin kung bakit pinalaya tayo ni Jehova mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ni Jesus ay para gamitin natin ang ating buong buhay “bilang mga alipin ng Diyos.” Para maiwasang gamitin ang ating kalayaan sa maling paraan at muling mapaalipin sa makasanlibutang mga ambisyon at pagnanasa, dapat tayong lubusang makibahagi sa espirituwal na mga gawain. (Gal. 5:16) Pag-isipan ang halimbawa ni Noe at ng kaniyang pamilya. Nabuhay sila sa marahas at imoral na sanlibutan. Pero iniwasan nilang tularan ang mga taong nakapaligid sa kanila. Paano nila nagawa iyon? Naging abala sila sa lahat ng gawaing iniatas ni Jehova—pagtatayo ng arka, pag-iimbak ng pagkain para sa kanila at sa mga hayop, at pagbibigay ng babala sa mga tao. “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen. 6:22) Ang resulta? Nakaligtas si Noe at ang pamilya niya nang puksain ang sanlibutang iyon.​—Heb. 11:7. w18.04 10 ¶8; 11 ¶11-12

Miyerkules, Setyembre 30

Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito.​—Luc. 4:6.

Bukod sa mga gobyerno, ginagamit din ni Satanas at ng mga demonyo ang huwad na relihiyon at ang sistema ng komersiyo para iligaw ang “buong tinatahanang lupa.” (Apoc. 12:9) Dahil sa huwad na relihiyon, naipalalaganap ni Satanas ang mga kasinungalingan tungkol kay Jehova. Determinado rin ang Diyablo na ipalimot sa mga tao ang pangalan ng Diyos. (Jer. 23:26, 27) Bilang resulta, marami ang nadaya sa pag-aakalang sinasamba nila ang Diyos pero ang totoo, mga demonyo ang sinasamba nila. (1 Cor. 10:20; 2 Cor. 11:13-15) Naipalalaganap din ni Satanas ang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng sistema ng komersiyo. Halimbawa, pinapaniwala nito ang mga tao na kailangan ang maraming pera at ari-arian para maging masaya. (Kaw. 18:11) Ginugugol ng mga naniniwala sa kasinungalingang ito ang kanilang buhay sa paglilingkod sa “Kayamanan” sa halip na sa Diyos. (Mat. 6:24) Sa bandang huli, ang kanilang pag-ibig sa materyal na mga bagay ay sasakal sa kanilang pag-ibig sa Diyos.​—Mat. 13:22; 1 Juan 2:15, 16. w18.05 23-24 ¶6-7

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share