Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 78-88
  • Agosto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Agosto
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Sabado, Agosto 1
  • Linggo, Agosto 2
  • Lunes, Agosto 3
  • Martes, Agosto 4
  • Miyerkules, Agosto 5
  • Huwebes, Agosto 6
  • Biyernes, Agosto 7
  • Sabado, Agosto 8
  • Linggo, Agosto 9
  • Lunes, Agosto 10
  • Martes, Agosto 11
  • Miyerkules, Agosto 12
  • Huwebes, Agosto 13
  • Biyernes, Agosto 14
  • Sabado, Agosto 15
  • Linggo, Agosto 16
  • Lunes, Agosto 17
  • Martes, Agosto 18
  • Miyerkules, Agosto 19
  • Huwebes, Agosto 20
  • Biyernes, Agosto 21
  • Sabado, Agosto 22
  • Linggo, Agosto 23
  • Lunes, Agosto 24
  • Martes, Agosto 25
  • Miyerkules, Agosto 26
  • Huwebes, Agosto 27
  • Biyernes, Agosto 28
  • Sabado, Agosto 29
  • Linggo, Agosto 30
  • Lunes, Agosto 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 78-88

Agosto

Sabado, Agosto 1

Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.​—Roma 5:8.

Sa mga pulong, laging naipaaalaala sa atin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Dahil sa laki ng ating utang na loob, sinisikap nating tularan si Jesus sa ating pamumuhay araw-araw. (2 Cor. 5:14, 15) Nauudyukan din tayo na purihin si Jehova dahil sa paglalaan ng pantubos. Napapapurihan natin siya kapag nagkokomento tayo sa pulong. Maipapakita natin kung gaano natin kamahal si Jehova at ang kaniyang Anak kung handa tayong magsakripisyo. Kadalasan nang marami tayong isinasakripisyo para lang makadalo. Maraming kongregasyon ang nagpupulong sa gabi, pagkatapos ng trabaho, kaya malamang na pagod na tayo. Sa dulong sanlinggo naman, nagpupulong tayo kung kailan nagpapahinga ang iba. Nakikita ba ni Jehova na dumadalo tayo kahit pagód tayo? Oo! Ang totoo, habang mas malaki ang isinasakripisyo natin, lalong napapahalagahan ni Jehova ang pag-ibig natin sa kaniya.​—Mar. 12:41-44. w19.01 29 ¶12-13

Linggo, Agosto 2

Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag.​—Luc. 7:13.

Naranasan mismo ni Jesus ang ilan sa mga problema ng tao. Halimbawa, lumaki si Jesus sa isang mahirap na pamilya. Kasama ng ama-amahang si Jose, natuto si Jesus ng mabibigat na trabaho. (Mat. 13:55; Mar. 6:3) Lumilitaw na namatay si Jose bago matapos ang ministeryo ni Jesus. Kaya malamang na nadama ni Jesus ang sakit na mamatayan ng isang mahal sa buhay. Alam din ni Jesus ang pakiramdam ng may kapamilyang iba ang paniniwala. (Juan 7:5) Ang mga sitwasyong iyon at iba pa ang malamang na nakatulong kay Jesus na maintindihan ang mga problema at nararamdaman ng mga tao. Kitang-kita ang pagmamalasakit ni Jesus nang gumawa siya ng mga himala. Hindi siya gumawa ng himala dahil lang sa kailangan niyang gawin iyon. Ginawa niya iyon dahil “nahabag” siya sa mga nagdurusa. (Mat. 20:29-34; Mar. 1:40-42) Nagpakita ng simpatiya si Jesus sa mga tao at tinulungan niya sila.​—Mar. 7:32-35; Luc. 7:12-15. w19.03 16-17 ¶10-11

Lunes, Agosto 3

Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa.​—Col. 3:13.

Huling gabi noon ni Jesus sa lupa. Isipin ang tindi ng stress ni Jesus. Mananatili kaya siyang tapat hanggang kamatayan? Bilyon-bilyong buhay ang nakataya. (Roma 5:18, 19) Higit sa lahat, sangkot ang reputasyon ng kaniyang Ama. (Job 2:4) Pero sa huling hapunan niya kasama ang pinakamalalapít niyang kaibigan, ang mga apostol, isang “mainitang pagtatalo” ang bumangon sa gitna nila tungkol sa “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” Pero hindi nainis si Jesus. Sumagot pa rin siya nang mahinahon. Muli, ipinaliwanag ni Jesus sa mabait pero tuwirang paraan kung ano ang dapat na maging saloobin nila. Kinomendahan niya rin ang kaniyang mga kaibigan dahil hindi siya iniwan ng mga ito. (Luc. 22:24-28; Juan 13:1-5, 12-15) Puwede nating tularan si Jesus at manatiling mahinahon kahit nai-stress kung tatandaan natin na lahat tayo ay may nagagawa o nasasabing ikinaiinis ng iba. (Kaw. 12:18; Sant. 3:2, 5) Makakatulong din kung babanggitin natin ang mabubuting katangian na nakikita natin sa iba.​—Efe. 4:29. w19.02 11-12 ¶16-17

Martes, Agosto 4

Itinatatag [ni Jehova] nang matibay ang kaniyang trono para sa kahatulan.​—Awit 9:7.

Dahil sa Kautusang Mosaiko, naiiwasan ang posibilidad na mapagbintangan ang isa sa krimeng hindi niya ginawa. May karapatan ang akusado na malaman kung sino ang nag-aakusa sa kaniya. (Deut. 19:16-19; 25:1) At mahahatulan lang siya kung may tetestigo na di-bababa sa dalawa. (Deut. 17:6; 19:15) Paano kung isa lang ang nakakita sa ginawang krimen ng isang Israelita? Hindi niya dapat isipin na matatakasan niya ito. Nakita ni Jehova ang ginawa niya. Oo, ipinakita ni Jehova ang perpektong halimbawa; lahat ng gawa niya ay makatarungan. Pinagpapala niya ang mga tapat na sumusunod sa kaniyang pamantayan, pero pinaparusahan niya ang umaabuso sa kapangyarihan. (2 Sam. 22:21-23; Ezek. 9:9, 10) Baka mukhang nakaiiwas sa parusa ang ilang gumagawa ng masama, pero naglalapat si Jehova ng hustisya sa tamang panahon. (Kaw. 28:13) At kung hindi sila nagsisisi, makikita nila na “nakatatakot ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.”​—Heb. 10:30, 31. w19.02 23-24 ¶20-21

Miyerkules, Agosto 5

Wala pang bumabangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na nakilala ni Jehova nang mukhaan.​—Deut. 34:10.

Tiyak na kay Jehova nakatingin si Moises para sa patnubay. Sa katunayan, “nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Heb. 11:24-27) Wala pang dalawang buwan matapos umalis ang mga Israelita sa Ehipto, isang seryosong problema ang bumangon—bago pa man sila makarating sa Bundok Sinai. Nagreklamo ang bayan dahil sa kawalan ng tubig. Nagbulong-bulungan sila laban kay Moises, at lumala pa ang sitwasyon kaya dumaing si Moises kay Jehova: “Ano ang gagawin ko sa bayang ito? Kaunti pa at babatuhin na nila ako!” (Ex. 17:4) Binigyan ni Jehova si Moises ng malinaw na mga tagubilin. Kukunin niya ang tungkod niya at ihahampas sa bato sa Horeb, at lalabas ang tubig. Mababasa natin: “Gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatandang lalaki ng Israel.” Uminom ang mga Israelita hanggang sa mapawi ang uhaw nila, at nalutas ang problema.​—Ex. 17:5, 6. w18.07 13 ¶4-5

Huwebes, Agosto 6

Ang pag-ibig ay nagpapatibay.​—1 Cor. 8:1.

Ang isang paraan ng pagpapatibay ni Jehova sa atin sa pag-ibig ay ang kongregasyong Kristiyano. Masusuklian ng bawat isa sa atin ang kaniyang pag-ibig kung iibigin at patitibayin natin ang mga kapatid hindi lang sa espirituwal kundi pati sa emosyonal na paraan. (1 Juan 4:19-21) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.” (1 Tes. 5:11) Oo, ang lahat sa kongregasyon—hindi lang mga elder—ay makatutulad kay Jehova at kay Jesus sa pag-aliw at pagpapatibay sa mga kapatid. (Roma 15:1, 2) Baka kailangan ng ilang kapatid na may problema sa emosyon ang tulong ng doktor. (Luc. 5:31) Aminado ang mga elder at ang iba pa sa kongregasyon na hindi sila mga doktor. Pero may mahalagang papel pa rin silang dapat gampanan—ang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.”​—1 Tes. 5:14. w18.09 14-15 ¶10-11

Biyernes, Agosto 7

Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.​—Isa. 41:10.

Mapapatibay natin ang ating pagtitiwala kay Jehova kung higit natin siyang makikilala. At ang tanging paraan para lubos siyang makilala ay kung babasahin nating mabuti ang Bibliya at bubulay-bulayin ito. Mababasa sa Bibliya ang mga ulat kung paano pinrotektahan ni Jehova ang kaniyang bayan noon. Ang mga ulat na iyan ang tutulong sa atin na magtiwalang poprotektahan niya tayo sa ngayon. Pansinin ang isang magandang paglalarawan ni Isaias kung paano tayo pinoprotektahan ni Jehova. Tinukoy niya si Jehova bilang isang pastol, at ang mga lingkod naman ng Diyos bilang mga tupa. Sinabi ni Isaias tungkol kay Jehova: “Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila.” (Isa. 40:11) Kapag nadarama nating nakayakap sa atin ang malakas na bisig ni Jehova, nadarama nating ligtas tayo at panatag. Para makapanatiling panatag sa kabila ng mga problema, bulay-bulayin ang katiyakang binanggit sa teksto sa araw na ito. Palalakasin ka nito na harapin ang mga hamong darating. w19.01 7 ¶17-18

Sabado, Agosto 8

Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.​—Awit 40:8.

Mayroon ka bang isa o higit pang espirituwal na tunguhing inaabot? Marahil, tunguhin mong magbasa ng Bibliya araw-araw. O baka pinasusulong mo ang iyong kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo. Anuman ang tunguhin mo, kapag nakikita mo ang magagandang resulta—o nakikita ito ng iba at kinokomendahan ka—ano ang nadarama mo? Siguradong napakasaya mo. At dapat lang na maging masaya ka dahil inuuna mo ang Diyos kaysa sa iyong sarili, gaya ng ginawa ni Jesus. (Kaw. 27:11) Kapag nakapokus ka sa espirituwal na mga tunguhin, magiging masaya ka dahil makabuluhan ang ginagawa mo. Isinulat ni apostol Pablo: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Sa kabilang dako, kung magpopokus ka sa sekular na mga ambisyon at tunguhin—kahit na waring nagtatagumpay ka—sa bandang huli, wala pa rin itong kabuluhan.​—Luc. 9:25. w18.12 22 ¶12-13

Linggo, Agosto 9

Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa.​—Awit 37:29.

Tinutukoy ni David ang panahon kung kailan ang mga tao sa lupa ay mamumuhay ayon sa matuwid na daan ng Diyos. (2 Ped. 3:13) Sinasabi ng hula sa Isaias 65:22: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.” Ipinahihiwatig nito na ang mga tao ay mabubuhay nang libo-libong taon. Ayon sa Apocalipsis 21:1-4, itutuon ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga tao, at isa sa mga ipinangakong pagpapala ay na hindi na mamamatay ang mga taong naglilingkod sa Diyos sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Naiwala man nina Adan at Eva ang Paraiso noon sa Eden, maibabalik pa rin ito. Gaya ng ipinangako ng Diyos, ang mga tao sa lupa ay pagpapalain. Sa patnubay ng Diyos, sinabi ni David na ang mga maamo at matuwid ang magmamana ng lupa at mabubuhay roon magpakailanman. (Awit 37:11) Sa tulong ng mga hula sa aklat ng Isaias, lalo tayong nanabik sa masasayang kalagayang iiral. (Isa. 11:6-9; 35:5-10; 65:21-23) Kailan? Kapag natupad na ang pangako ni Jesus sa kriminal na Judio. (Luc. 23:43) Puwede ka ring mabuhay sa Paraiso. w18.12 7 ¶22-23

Lunes, Agosto 10

Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.​—Kaw. 4:23.

Lubusan ba nating maiiwasan ang kaisipan ng sanlibutan? Hindi, dahil hindi tayo literal na makaaalis sa sanlibutan. Kahit paano ay mahahantad tayo sa mga ideya nito. (1 Cor. 5:9, 10) Sa gawaing pangangaral pa lang, nakakausap na natin ang mga taong may maling paniniwala. Pero kahit hindi natin lubusang maiiwasan na mahantad sa di-makadiyos na pananaw, hindi naman natin kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito. Gaya ni Jesus, agad nating tinatanggihan ang mga kaisipang nagtataguyod ng layunin ni Satanas. Isa pa, puwede nating protektahan ang ating sarili mula sa di-kinakailangang pagkahantad sa kaisipan ng sanlibutan. Halimbawa, dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng malalapít na kaibigan. Nagbababala ang Bibliya na kung lagi tayong kasama ng mga hindi sumasamba kay Jehova, maiimpluwensiyahan nila tayo. (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:12, 32, 33) At kapag tinatanggihan din natin ang mga libangang nagtataguyod ng teoriya ng ebolusyon, karahasan, o imoralidad, naiiwasan nating malason ang ating isip ng mga ideyang “laban sa kaalaman sa Diyos.”​—2 Cor. 10:5. w18.11 21-22 ¶16-17

Martes, Agosto 11

Lalakad ako sa iyong katotohanan.​—Awit 86:11.

Paano natin mapapatibay ang determinasyon nating patuloy na lumakad sa katotohanan? Ang isang paraan ay lubusang makibahagi sa pagtuturo sa iba ng katotohanan sa Bibliya. Sa paggawa nito, makapanghahawakan ka sa ating espirituwal na tabak, ang “salita ng Diyos.” (Efe. 6:17) Lahat tayo ay makapagpapasulong ng ating kakayahan bilang guro, na “ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Tim. 2:15) Habang ginagamit natin ang Bibliya para tulungan ang iba na bilhin ang katotohanan at tanggihan ang kasinungalingan, ikinikintal natin sa ating puso’t isipan ang mga pananalita ng Diyos. Sa gayo’y napatitibay natin ang ating determinasyong patuloy na lumakad sa katotohanan. Ang katotohanan ay isang napakahalagang regalo mula kay Jehova. Dahil dito, taglay natin ang ating pinakamahalagang pag-aari, ang malapít na kaugnayan sa ating makalangit na Ama. Marami nang naituro si Jehova sa atin, pero simula pa lang iyan! Pangako niyang tuturuan tayo magpakailanman para madagdagan ang katotohanang nabili na natin. Kaya pahalagahan ang katotohanan gaya ng isang mainam na perlas. Patuloy na ‘bilhin ang katotohanan at huwag itong ipagbili.’—Kaw. 23:23. w18.11 8-9 ¶2; 12 ¶15-17

Miyerkules, Agosto 12

Si Noe [ay] isang mangangaral ng katuwiran.​—2 Ped. 2:5.

Noong nangangaral si Noe bago ang Baha, nagbibigay rin siya ng babala tungkol sa nalalapit na pagkapuksa. Pansinin ang sinabi ni Jesus: “Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mat. 24:38, 39) Kahit hindi nakinig ang mga tao kay Noe, nagpatuloy pa rin siya sa pagbibigay ng babala. Sa ngayon, ipinangangaral natin ang mensahe ng Kaharian para bigyan ng pagkakataon ang mga tao na matuto tungkol sa kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. Gaya ni Jehova, gustong-gusto rin nating tumugon ang mga tao at ‘patuloy na mabuhay.’ (Ezek. 18:23) Kasabay ng pangangaral sa bahay-bahay at sa pampublikong lugar, nagbababala rin tayo sa maraming tao hangga’t maaari na darating ang Kaharian ng Diyos at wawakasan nito ang di-makadiyos na sanlibutang ito.​—Ezek. 3:18, 19; Dan. 2:44; Apoc. 14:6, 7. w18.05 19 ¶8-9

Huwebes, Agosto 13

Siyang nagbubunsod ng katapatan ay magsasabi ng matuwid.​—Kaw. 12:17.

Ano ang gagawin mo kung ipagbawal ng awtoridad ang ating gawain at ipatawag ka para pagtatanungin tungkol sa iyong mga kapatid? Sasabihin mo ba ang lahat ng nalalaman mo? Ano ang ginawa ni Jesus noong pagtatanungin siya ng gobernador ng Roma? Kasuwato ng simulain sa Kasulatan na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita,” may mga pagkakataong hindi nagsalita si Jesus! (Ecles. 3:1, 7; Mat. 27:11-14) Sa gayong mga sitwasyon, mahalagang gumamit ng kaunawaan para hindi natin maisapanganib ang mga kapatid. (Kaw. 10:19; 11:12) Ano ang gagawin mo kung ang matalik mong kaibigan o kamag-anak ay nakagawa ng malubhang kasalanan at alam mo iyon? ‘Magsabi ng matuwid.’ Pananagutan mong sabihin sa mga elder ang buong katotohanan at huwag siyang pagtakpan. Kailangan nilang malaman ang totoo para matulungan nila siyang maibalik ang kaugnayan niya kay Jehova.​—Sant. 5:14, 15. w18.10 10 ¶17-18

Biyernes, Agosto 14

Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.​—1 Tes. 5:11.

Paano natin mapapatibay ang iba sa pag-ibig? Ang isang paraan ay maging mabuting tagapakinig. (Sant. 1:19) Kapag nakikinig ka nang may empatiya, pagpapakita iyan ng pag-ibig. Sa mataktika at madamaying paraan, puwede kang magtanong para maunawaan mo ang nadarama ng isang nagdurusa. Tutulong ito para makapagpakita ka ng empatiya at mapatibay siya. Ipakita sa ekspresyon ng iyong mukha na talagang nagmamalasakit ka sa kaniya. Kung gusto niyang detalyehin ang mga bagay-bagay, matiyagang makinig at iwasang sumabad. Sa paggawa nito, mas malamang na maunawaan mo ang nadarama niya. Makatutulong iyan para magtiwala siya, at sa gayon ay makinig sa iyo habang pinatitibay mo siya. Kapag ipinakita mong talagang nagmamalasakit ka, magdudulot ito ng kaaliwan sa kaniya. w18.09 14-15 ¶10; 15 ¶13

Sabado, Agosto 15

Bilhin mo ang katotohanan.​—Kaw. 23:23.

Ang panahon ay isinasakripisyo ng sinumang bumibili ng katotohanan. Kailangan ang panahon sa pakikinig sa mensahe ng Kaharian, pagbabasa ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya, personal na pag-aaral, at paghahanda at pagdalo sa mga pulong. Dapat nating ‘bilhin,’ o kunin, ang panahong iyon mula sa ilang di-gaanong mahahalagang gawain. (Efe. 5:15, 16) Gaano karaming panahon ang kailangan bago tayo magkaroon ng tumpak na kaalaman sa pangunahing mga turo ng Bibliya? Depende iyan sa ating kalagayan. Walang katapusan ang matututuhan natin mula sa karunungan, daan, at mga gawa ni Jehova. (Roma 11:33) Itinulad ng unang isyu ng Watch Tower ang katotohanan sa “isang mahinhing bulaklak” at sinabi: “Huwag makontento sa isang bulaklak ng katotohanan. Kung sapat na ang isa ay wala na sanang iba pa. Patuloy na magtipon, humanap ng higit pa.” Kahit mabuhay pa tayo nang walang hanggan, lagi tayong may matututuhan tungkol kay Jehova. Sa ngayon, ang mahalaga ay ang gamitin sa matalinong paraan ang ating panahon para makabili tayo ng mas maraming katotohanan hangga’t posible. w18.11 5 ¶7

Linggo, Agosto 16

Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae.​—Efe. 5:25.

Pinayuhan ang mga asawang lalaki na makitungo sa kanilang asawa “ayon sa kaalaman”—isang pananalitang maaari ding isaling “pagiging makonsiderasyon sa kanila; maunawain sa kanila.” (1 Ped. 3:7) Ang pagiging maunawain at makonsiderasyon ay magkaugnay. Halimbawa, alam ng maunawaing asawang lalaki na ang kaniyang asawa, bilang kapupunan niya, ay iba sa kaniya sa maraming paraan, pero hindi nakabababa. (Gen. 2:18) Kaya mabait niyang isinasaalang-alang ang damdamin nito, na pinakikitunguhan siya nang may dignidad at dangal. Isinasaisip din ng isang makonsiderasyong asawang lalaki ang damdamin ng kaniyang asawa kapag nakikitungo siya sa ibang babae. Hindi siya nakikipag-flirt o nagpapakita ng di-angkop na atensiyon sa kanila; ni nagpapakita man siya ng gayong interes kapag gumagamit ng social media o Internet. (Job 31:1) Oo, tapat siya sa kaniyang asawa, hindi lang dahil mahal niya siya kundi dahil iniibig niya ang Diyos at kinapopootan ang masama.​—Awit 19:14; 97:10. w18.09 29 ¶3-4

Lunes, Agosto 17

Siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.​—Luc. 9:48.

Bakit isang hamon na ikapit ang mga natututuhan natin sa Salita ng Diyos? Dahil kailangan ang kapakumbabaan para magawa ang tama at ang ating kakayahang manatiling mapagpakumbaba ay nasusubok. Sa “mga huling araw” na ito, napaliligiran tayo ng mga ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagmapuri sa sarili, palalo,’ at “walang pagpipigil sa sarili.” (2 Tim. 3:1-3) Kapag ang makasariling pag-uugali ay napapabalita at ipinagsasaya pa nga, baka kainisan ng isang lingkod ng Diyos ang gayong ugali pero naiinggit naman siya sa resulta nito. (Awit 37:1; 73:3) Baka isipin ng isa: ‘Sulit bang unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa aking sarili? Kung gagawi ako “gaya ng isang nakabababa,” hindi kaya mawala ang paggalang ng iba sa akin?’ Kapag hinayaan nating makaimpluwensiya sa atin ang makasariling saloobin ng sanlibutan, puwedeng masira ang maibiging pagsasamahan natin sa kongregasyon at ang ating pagkakakilanlan bilang Kristiyano. Pero makikinabang tayo kapag pinag-aralan natin at tinularan ang magagandang halimbawa sa Bibliya. w18.09 3 ¶1

Martes, Agosto 18

May . . . kaligayahan sa pagbibigay.​—Gawa 20:35.

Kahit nag-iisa lang si Jehova noong hindi pa siya nagsisimulang lumalang, hindi lang sarili niya ang iniisip niya. Sa halip, ipinagkaloob niya ang buhay sa matatalinong nilalang—mga tao at espiritung nilalang. Gustong-gusto ng “maligayang Diyos,” si Jehova, na magbigay ng mabubuting kaloob. (1 Tim. 1:11; Sant. 1:17) At dahil gusto niyang maging maligaya rin tayo, tinuturuan niya tayong maging bukas-palad. (Roma 1:20) Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan. (Gen. 1:27) Ibig sabihin, nilalang tayo para ipakita ang kaniyang personalidad. Kung gayon, para maging maligaya at kontento, dapat nating tularan si Jehova. Dapat tayong maging interesado sa kapakanan ng iba at maging bukas-palad. (Fil. 2:3, 4; Sant. 1:5) Bakit? Simple lang ang sagot: ganiyan kasi tayo nilalang ni Jehova. Kahit hindi tayo perpekto, matutularan pa rin natin ang pagkabukas-palad niya. Gusto ni Jehova na tularan natin siya, kaya natutuwa siya kapag bukas-palad tayo.​—Efe. 5:1. w18.08 18 ¶1-2; 19 ¶4

Miyerkules, Agosto 19

Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig.​—Juan 10:27.

Nakikinig ang mga tagasunod ni Jesus sa tinig niya kung nagbibigay-pansin sila sa sinasabi niya at sinusunod ito. Hindi sila nagpapadala sa “mga kabalisahan sa buhay.” (Luc. 21:34) Sa halip, inuuna nila sa kanilang buhay ang pagsunod sa mga utos ni Jesus, kahit sa mahihirap na kalagayan. Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling tapat kay Jehova ang ating mga kapatid. Ang isa pang paraan para maipakitang nakikinig tayo kay Jesus ay ang pakikipagtulungan sa mga inatasan niyang manguna sa atin. (Heb. 13:7, 17) Maraming pagbabago ang ginawa ng organisasyon ng Diyos sa nakalipas na mga taon, gaya ng sumusunod: mga tool at paraan sa pangangaral, format ng pulong sa gitnang sanlinggo, at paraan ng pagtatayo, pagre-renovate, at pagmamantini ng ating mga Kingdom Hall. Ipinagpapasalamat natin ang tinatanggap nating maibiging patnubay na pinag-isipang mabuti! Makatitiyak tayo na pagpapalain tayo ni Jehova kung susundin natin ang napapanahong mga tagubilin ng organisasyon. w19.03 10-11 ¶11-12

Huwebes, Agosto 20

Huwag na tayong maging . . . dinadalang paroo’t parito . . . sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao.​—Efe. 4:14.

Ang isang kuwento na 10 porsiyento lang na totoo ay 100 porsiyentong di-mapanghahawakan. Isaalang-alang ang nangyari sa mga Israelitang naninirahan sa kanluran ng Ilog Jordan noong panahon ni Josue. (Jos. 22:9-34) Nakatanggap sila ng ulat na ang mga Israelitang naninirahan sa silangan ay nagtayo ng isang altar na lubhang kapansin-pansin. Totoo naman ang ulat na iyon. Pero dahil di-kumpleto ang impormasyong iyon, inisip ng mga nasa kanluran na nagrebelde kay Jehova ang kanilang mga kapatid. (Jos. 22:9-12) Buti na lang, bago makipagdigma, nagsugo muna sila ng isang grupo ng mapagkakatiwalaang lalaki para alamin ang buong katotohanan. Natuklasan ng mga lalaki na ang itinayong altar ay hindi para sa paghahain kundi bilang pinakaalaala na sila rin ay tapat na lingkod ni Jehova. Laking pasasalamat ng mga Israelitang iyon na hindi nila pinagpapatay ang kanilang mga kapatid batay sa di-kumpletong impormasyon. Sa halip, naglaan sila ng panahon para alamin muna ang buong katotohanan! w18.08 5-6 ¶9-10

Biyernes, Agosto 21

Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.​—1 Cor. 10:12.

Gaya ng sinabi ni Pablo, kahit ang mga tunay na mananamba ay puwede pa ring makagawa ng mali. Baka iniisip ng mga nagpapadala sa tukso na mayroon pa rin silang magandang katayuan kay Jehova. Pero ang basta pagnanais ng isa na maging kaibigan ni Jehova o pagsasabing tapat siya sa kaniya ay hindi laging nangangahulugang sinasang-ayunan na nga siya ni Jehova. (1 Cor. 10:1-5) Kung paanong nabalisa ang mga Israelita sa pagkaantala ng pagbaba ni Moises mula sa Sinai, ang mga Kristiyano sa ngayon ay puwede ring mabalisa sa waring pagkaantala ng araw ng paghatol ni Jehova at ng pagdating ng bagong sanlibutan. Baka iniisip natin na napakalayo pa o mahirap paniwalaan ang katuparan ng mga pangakong iyan. Kapag hinayaan ito, baka unahin na natin ang pansariling mga kagustuhan kaysa sa kalooban ni Jehova. Sa paglipas ng panahon, tatangayin tayo nito papalayo kay Jehova at sa kalaunan, makagagawa tayo ng mga bagay na hinding-hindi natin gagawin kung matibay ang ating espirituwalidad. w18.07 21 ¶17-18

Sabado, Agosto 22

Ang bagay na ito na sinalita mo sa akin ay gagawin ko rin, sapagkat nakasumpong ka ng lingap sa aking paningin at kilala kita sa pangalan.​—Ex. 33:17.

Puwede rin tayong makatanggap ng mga pagpapala kapag personal tayong nakilala ni Jehova. Pero paano tayo makikilala ni Jehova? Dapat natin siyang mahalin at ialay sa kaniya ang ating buhay. (1 Cor. 8:3) Pero siyempre, kailangan nating mapanatili ang napakahalagang kaugnayan sa ating makalangit na Ama. Gaya ng mga Kristiyano sa Galacia na sinulatan ni Pablo, tayo rin ay kailangang umiwas na magpaalipin sa “mahihina at malapulubing panimulang mga bagay” ng sanlibutang ito, pati na ang hangaring papurihan nito. (Gal. 4:9) Kilala na ng Diyos ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon. Pero sinabi ni Pablo na sila ay ‘muling bumabalik’ sa walang-kabuluhang mga bagay. Para bang sinasabi ni Pablo: “Malayo na ang narating n’yo, bakit pa kayo babalik sa walang-kabuluhang mga bagay na iniwan na ninyo?” w18.07 8 ¶5-6

Linggo, Agosto 23

Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.​—Kaw. 1:5.

Mabuti na lang at hindi na natin kailangang danasin pa ang masasaklap na resulta ng pagsuway sa kautusan ng Diyos para matuto ng mahahalagang aral. Matututo tayo mula sa pagkakamali ng iba na nakaulat sa Salita ng Diyos. Oo, tumatanggap tayo ng pinakamahusay na tagubilin mula sa Diyos kapag binabasa natin at binubulay-bulay ang mga karanasang nakaulat sa Bibliya. Halimbawa, isipin ang pagdurusang dinanas ni Haring David nang suwayin niya ang utos ni Jehova at mangalunya kay Bat-sheba. (2 Sam. 12:7-14) Habang binabasa at binubulay-bulay natin ang ulat na ito, tanungin ang sarili: ‘Paano sana naiwasan ni Haring David ang sakit ng kalooban dahil sa pangangalunya kay Bat-sheba? Kung mapaharap ako sa gayong tukso, kaya ko bang iwasan iyon? Tatakas ba ako gaya ni Jose, o magpapadala sa tukso gaya ni David?’ (Gen. 39:11-15) Kapag binulay-bulay natin ang masasamang resulta ng pagkakasala, magagawa nating ‘kapootan ang kasamaan.’—Amos 5:15. w18.06 17 ¶5; 17-18 ¶7

Lunes, Agosto 24

Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.​—Mat. 22:21.

Madalas na dahil sa kawalang-katarungan, lalong nagiging mainit ang politika. Ang pagbabayad ng buwis ay isang mainit na isyu noong panahon ni Jesus. Ang mga sakop ng Roma, kasali na ang mga nakikinig noon kay Jesus, ay kailangang magbayad ng mga buwis, gaya ng sa pagkain, lupa, at bahay. At lalo pang nagpabigat ang pagiging tiwali ng mga maniningil ng buwis. Ang mga ito ay nakakabili sa gobyerno ng posisyon sa pampublikong subasta at saka nila ito gagamitin para magkapera. Si Zaqueo, ang punong maniningil ng buwis sa Jerico, ay yumaman dahil sa pangingikil. (Luc. 19:2, 8) Malamang na iyan din ang ginagawa ng marami. Tinangka ng mga kaaway ni Jesus na sukulin siya may kinalaman sa pagbabayad ng buwis. Ang isyu ay tungkol sa “pangulong buwis,” isang denario na ipinapataw sa mga sakop ng Roma. (Mat. 22:16-18) Ayaw na ayaw ito ng mga Judio. Katunayan kasi ito na sakop sila ng Roma. w18.06 5-6 ¶8-10

Martes, Agosto 25

Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.​—Gal. 6:7.

Laging masama ang ibinubunga ng tila mga pakinabang na iniaalok ni Satanas. (Job 21:7-17; Gal. 6: 8) Bakit magandang malaman natin ang lawak ng impluwensiya ni Satanas? Tutulong ito sa atin na magkaroon ng balanseng pananaw sa mga sekular na awtoridad at maging pursigido sa gawaing pangangaral. Gusto ni Jehova na igalang natin ang mga opisyal ng gobyerno. (1 Ped. 2:17) At inaasahan niyang susundin natin ang mga batas ng gobyerno ng tao basta hindi ito salungat sa kaniyang pamantayan. (Roma 13:1-4) Pero dapat tayong manatiling neutral, na hindi pumapanig sa isang partido o opisyal. (Juan 17:15, 16; 18:36) Dahil alam nating ipinalilimot ni Satanas ang pangalan ni Jehova at sinisiraan ang kaniyang reputasyon, mas lalo nating gugustuhing ituro sa iba ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ipinagmamalaki nating dalhin at gamitin ang kaniyang pangalan. Alam nating mas mahalagang ibigin ang Diyos kaysa sa pera o materyal na mga bagay.​—Isa. 43:10; 1 Tim. 6:6-10. w18.05 24 ¶8-9

Miyerkules, Agosto 26

Ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa.​—1 Cor. 7:10.

Kapag nagkaproblema ang mag-asawa, makatuwiran bang solusyon ang paghihiwalay? Walang binabanggit ang Kasulatan tungkol sa espesipikong saligan para sa paghihiwalay. Isinulat ni Pablo na kung ang “isang babae [ay] may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki.” (1 Cor. 7:12, 13) Kapit din iyan sa ngayon. Totoo, may pagkakataong ang “asawang [lalaking] di-sumasampalataya” ang tila hindi ‘sumasang-ayong tumahang kasama niya.’ Baka nananakit ang asawang lalaki, hanggang sa puntong nanganganib na ang kalusugan o buhay ng asawang babae. Baka ayaw niyang paglaanan ang asawa niya at ang kanilang pamilya o isinasapanganib ang espirituwalidad nito. Sa gayong kalagayan, ipinasiya ng ilang Kristiyano na, anuman ang sabihin ng asawa niya, hindi na ito karapat-dapat pakisamahan pa at kailangan na ang paghihiwalay. Pero may ibang Kristiyano na nasa gayong sitwasyon ang hindi nakipaghiwalay; nagbata sila at nagsikap na ayusin ang mga bagay-bagay. w18.12 13 ¶14; 14 ¶16-17

Huwebes, Agosto 27

Ito yaong mga . . . nagbubunga nang may pagbabata.​—Luc. 8:15.

Sa ilustrasyon tungkol sa manghahasik sa Lucas 8:5-8, 11-15, ang binhi ay ang “salita ng Diyos,” o mensahe ng Kaharian. Ang lupa ay lumalarawan sa makasagisag na puso ng tao. Ang binhing nahulog sa mainam na lupa ay nagkaugat, sumibol, at “nagluwal ng bunga na isang daang ulit.” Gaya ng mainam na lupa sa ilustrasyon ni Jesus na natamnan ng binhi, tinanggap natin ang mensahe at tumanim ito sa ating puso. Bilang resulta, ang tulad-binhing mensahe ng Kaharian ay nagkaugat at lumaki, wika nga, na isang tangkay ng trigo hanggang sa puwede na itong mamunga. At kung paanong ang tangkay ng trigo ay hindi nagbubunga ng bagong tangkay kundi ng bagong binhi, hindi rin tayo nagbubunga ng bagong alagad kundi ng bagong binhi ng Kaharian. Paano masasabing nagbubunga tayo ng bagong binhi ng Kaharian? Sa tuwing inihahayag natin ang mensahe ng Kaharian, dinodoble natin at ikinakalat, wika nga, ang binhing nakatanim sa ating puso. (Luc. 6:45; 8:1) Kaya itinuturo sa atin ng ilustrasyong ito na hangga’t inihahayag natin ang mensahe ng Kaharian, “nagbubunga [tayo] nang may pagbabata.” w18.05 14-15 ¶10-11

Biyernes, Agosto 28

Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina.​—Apoc. 3:19.

Nalulugod si Pablo na ‘gumugol at lubusang magpagugol’ para sa kaniyang mga kapatid. Ipinakita niya na handa niyang gawin ang anuman para sa kanila. (2 Cor. 12:15) Kaya naman, pinatitibay-loob at inaaliw ng mga elder ang mga kapatid hindi lang sa salita kundi sa gawa. Taimtim silang nagmamalasakit sa kanila. (1 Cor. 14:3) Kung minsan, ang mga elder ay kailangang magbigay ng payo para palakasin ang mga kapatid. Pero kailangan nilang sundin ang mga halimbawa sa Bibliya para magawa nila ito sa paraang nakapagpapatibay-loob. Napakahusay ng halimbawang ipinakita ni Jesus hinggil dito. Matapos siyang buhaying muli, nagbigay siya ng matinding payo sa ilang kongregasyon sa Asia Minor. Pero bago siya magpayo, nagbigay muna siya ng magiliw na komendasyon sa mga kongregasyon sa Efeso, Pergamo, at Tiatira. (Apoc. 2:1-5, 12, 13, 18, 19) Makabubuting tularan ng mga elder ang halimbawa ni Kristo kapag nagbibigay ng payo. w18.04 21-22 ¶8-9

Sabado, Agosto 29

Mga ama, . . . patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.​—Efe. 6:4.

Mga magulang, siguradong ginagawa ninyo ang lahat para hindi magkasakit ang inyong mga anak. Naglilinis kayo ng bahay, at itinatapon ninyo ang mga bagay na puwedeng magdulot ng sakit sa inyo at sa kanila. Sa katulad na paraan, para hindi sila mahawa ng kaisipan ni Satanas, kailangan din ninyo silang protektahan mula sa mga pelikula, palabas sa TV, electronic game, at website. Binigyan kayo ni Jehova ng awtoridad para ingatan ang espirituwalidad ng inyong mga anak. (Kaw. 1:8) Kaya huwag matakot na magtakda ng mga patakaran na batay sa mga pamantayan ng Bibliya. Sabihin sa inyong maliliit na anak kung ano ang puwede at hindi nila puwedeng panoorin, at ipaliwanag sa kanila kung bakit. (Mat. 5:37) Habang lumalaki sila, sanayin sila na makilala kung ano ang tama at mali ayon sa pamantayan ni Jehova. (Heb. 5:14) At tandaan, natututo sila lalo na mula sa inyong halimbawa.​—Deut. 6:6, 7; Roma 2:21. w19.01 16-17 ¶8

Linggo, Agosto 30

Kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova.​—Awit 148:12, 13.

Kung isa kang kabataang Kristiyano, puwede mo bang gawing tunguhin na magpakita ng interes sa mga may-edad? Puwede mo silang hilingang magkuwento ng mga karanasan nila sa paglilingkod. Makikita mong talagang nakapagpapatibay ito, at pareho pa nga kayong mauudyukan nito na mas pasikatin ang liwanag ng katotohanan. Puwede rin nating batiin ang mga dumadalo sa Kingdom Hall. Kung naatasan kang manguna sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, malaki ang maitutulong mo sa mga may-edad para makibahagi sa ministeryo. Bagay ba sa kanila ang teritoryo? Baka puwede mo silang i-partner sa isang nakababatang kapatid na aalalay sa kanila. Makapagpapakita ka rin ng konsiderasyon sa mga kapatid na limitado na ang nagagawa dahil sa kanilang kalagayan. Oo, ang iyong konsiderasyon at kaunawaan ay makatutulong sa bata at matanda, makaranasan at di-gaanong makaranasan, na maipangaral ang mabuting balita nang may kasigasigan.​—Lev. 19:32. w18.06 23-24 ¶10-12

Lunes, Agosto 31

[Gamitin] ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip ukol sa kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.​—1 Ped. 2:16.

Huwag nating bale-walain ang pagpapalaya ni Jehova sa atin mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Sa tulong ng pantubos, masaya tayong makapaglilingkod sa ating Diyos nang may malinis na budhi. (Awit 40:8) Nagpapasalamat tayo kay Jehova, pero dapat tayong mag-ingat na huwag gamitin ang ating kalayaan sa maling paraan. Nagbabala si apostol Pedro laban sa paggamit ng ating kalayaan bilang dahilan para pagbigyan ang ating makalamang mga pagnanasa. Ipinaaalaala nito sa atin ang nangyari sa mga Israelita sa ilang. Sa ngayon, may panganib pa rin, at baka mas matindi pa nga. Nag-aalok si Satanas at ang kaniyang sanlibutan ng mas kaakit-akit na istilo ng pananamit at pag-aayos, pagkain at inumin, libangan, at marami pang iba. Ginagamit ng mga tusong advertiser ang magagandang babae at lalaki para maengganyo tayong bumili ng kanilang produkto kahit hindi naman natin kailangan ang mga iyon. Napakadaling mabiktima ng gayong mga taktika at magamit ang ating kalayaan sa maling paraan! w18.04 10 ¶7-8

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share