Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 67-77
  • Hulyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hulyo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Hulyo 1
  • Huwebes, Hulyo 2
  • Biyernes, Hulyo 3
  • Sabado, Hulyo 4
  • Linggo, Hulyo 5
  • Lunes, Hulyo 6
  • Martes, Hulyo 7
  • Miyerkules, Hulyo 8
  • Huwebes, Hulyo 9
  • Biyernes, Hulyo 10
  • Sabado, Hulyo 11
  • Linggo, Hulyo 12
  • Lunes, Hulyo 13
  • Martes, Hulyo 14
  • Miyerkules, Hulyo 15
  • Huwebes, Hulyo 16
  • Biyernes, Hulyo 17
  • Sabado, Hulyo 18
  • Linggo, Hulyo 19
  • Lunes, Hulyo 20
  • Martes, Hulyo 21
  • Miyerkules, Hulyo 22
  • Huwebes, Hulyo 23
  • Biyernes, Hulyo 24
  • Sabado, Hulyo 25
  • Linggo, Hulyo 26
  • Lunes, Hulyo 27
  • Martes, Hulyo 28
  • Miyerkules, Hulyo 29
  • Huwebes, Hulyo 30
  • Biyernes, Hulyo 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 67-77

Hulyo

Miyerkules, Hulyo 1

Patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.​—Efe. 5:17.

Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at lalo pang hihirap ang buhay bago magkaroon ulit ng tunay na kapayapaan dito sa lupa. (2 Tim. 3:1) Kaya tanungin ang sarili, ‘Kanino ako tumitingin para sa tulong at patnubay?’ Daan-daang taon na ang nakalipas, nakita ng salmista na kailangan nating itingin kay Jehova ang ating mga mata kapag nangangailangan tayo ng tulong. (Awit 123:1-4) Itinulad niya ito sa pagtingin ng isang lingkod sa kaniyang panginoon. Ano ang ibig sabihin ng salmista? Hindi lang tumitingin ang lingkod sa kaniyang panginoon para humingi ng pagkain at proteksiyon kundi kailangang lagi itong nakatingin sa kaniyang panginoon para malaman ang gusto nito at gawin iyon. Sa katulad na paraan, kailangan nating saliksikin ang Salita ng Diyos araw-araw para malaman ang kalooban ni Jehova para sa atin at gawin iyon. Sa gayon, makatitiyak tayong pagpapakitaan tayo ni Jehova ng lingap sa panahon ng pangangailangan. w18.07 12-13 ¶1-2

Huwebes, Hulyo 2

Kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya.​—Juan 8:36.

Tinutukoy ni Jesus ang paglaya mula sa pinakamasamang uri ng pagkaalipin na naranasan ng tao—ang pagiging “alipin ng kasalanan.” (Juan 8:34) Inaakay tayo ng kasalanan sa paggawa ng masama; at hinahadlangan din tayo nito na gawin ang tama at ang buong makakaya natin. Kaya masasabing mga alipin tayo ng kasalanan, at ang resulta nito ay kabiguan, paghihirap, pagdurusa, at sa huli, kamatayan. (Roma 6:23) Talagang kailangang makalag ang gapos ng kasalanan para makamit natin ang tunay na kalayaang tinamasa noon nina Adan at Eva. Ipinahihiwatig ng sinabi ni Jesus—“kung kayo ay nananatili sa aking salita”—na may mga kondisyon para mapalaya niya tayo. (Juan 8:31) Bilang nakaalay na mga Kristiyano, itinatwa na natin ang ating sarili at pinili nating mamuhay ayon sa mga hangganang itinakda ni Kristo para sa mga alagad niya. (Mat. 16:24) Gaya ng ipinangako ni Jesus, talagang magiging malaya tayo kapag lubusan na nating tinanggap ang mga pakinabang ng haing pantubos. w18.04 7 ¶14-16

Biyernes, Hulyo 3

Ikaw lamang ang lubos na nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan.​—2 Cro. 6:30.

Makonsiderasyon si Jehova sa damdamin ng bayan niya—kahit pa nga hindi makatuwiran ang pananaw nila kung minsan. Isipin ang nangyari kay Jonas. Isinugo ng Diyos ang propetang ito para maghayag ng hatol laban sa mga Ninevita. Nang magsisi sila, ipinasiya ng Diyos na huwag na silang puksain. Pero hindi natuwa si Jonas. Siya ay “nag-init sa galit” dahil hindi natupad ang inihayag niya. Pero naging matiisin si Jehova kay Jonas at tinulungan niya itong magbago ng pananaw. (Jon. 3:10–4:11) Bandang huli, naintindihan din ni Jonas ang gustong ituro ni Jehova, at sa kaniya pa nga ipinasulat ni Jehova ang karanasan niya para makinabang tayo. (Roma 15:4) Pinatutunayan ng pakikitungo ni Jehova sa bayan niya na mayroon siyang empatiya sa kaniyang mga lingkod. Alam niya ang paghihirap at pagdurusa ng bawat isa sa atin. Naiintindihan niya ang ating mga iniisip, nadarama, at mga limitasyon. At “hindi niya hahayaang tuksuhin [tayo] nang higit sa matitiis [natin].” (1 Cor. 10:13) Talagang nakapagpapatibay iyan! w19.03 16 ¶6-7

Sabado, Hulyo 4

Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.​—Heb. 4:13.

Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, responsibilidad ng hinirang na matatanda na asikasuhin hindi lang ang mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba, kundi pati na ang usaping sibil at kasong kriminal. Tingnan ang ilang halimbawa. Kung ang isang Israelita ay nakapatay, hindi siya agad parurusahan. Mag-iimbestiga muna ang matatandang lalaki sa lunsod bago magpasiya kung karapat-dapat siya sa parusang kamatayan. (Deut. 19:2-7, 11-13) Humahatol din ang matatanda sa iba’t ibang aspekto ng pang-araw-araw na buhay—mula sa pagresolba sa usapin hinggil sa mga pag-aari hanggang sa pag-ayos sa away ng mag-asawa. (Ex. 21:35; Deut. 22:13-19) Kapag patas ang matatanda at sumusunod ang mga Israelita sa Kautusan, nakikinabang ang lahat at nakapagbibigay ng karangalan kay Jehova ang bansa. (Lev. 20:7, 8; Isa. 48:17, 18) Makikita natin dito na mahalaga kay Jehova ang bawat aspekto ng ating buhay. Gusto niyang maging makatarungan tayo at mahalin natin ang ating kapuwa. Alam niya ang sinasabi at ginagawa natin kahit nasa loob tayo ng ating bahay. w19.02 23 ¶16-18

Linggo, Hulyo 5

Hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.​—Isa. 53:7.

Kapag nai-stress tayo, mahirap maging maamo. Baka makapagsalita tayo nang masakit o maging masungit. Kung nai-stress ka, pag-isipan ang halimbawa ni Jesus. Noong mga huling buwan ni Jesus sa lupa, nakaranas siya ng matinding stress. Alam niyang malapit na siyang magdusa at mamatay. (Juan 3:14, 15; Gal. 3:13) Mga ilang buwan bago siya mamatay, sinabi niyang namimighati siya. (Luc. 12:50) At ilang araw lang bago siya mamatay, sinabi ni Jesus: “Nababagabag ang aking kaluluwa.” Makikita sa panalangin ni Jesus na mapagpakumbaba siya at mapagpasakop sa Diyos. (Juan 12:27, 28) Nang dumating ang oras na iyon, lakas-loob na hinarap ni Jesus ang mga kaaway ng Diyos, na pumatay sa kaniya sa pinakamasakit at pinakakahiya-hiyang paraan. Kahit hirap na hirap na siya, maamo pa rin si Jesus at ginawa niya ang kalooban ng Diyos. Talagang si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng kaamuan kahit nai-stress!—Isa. 53:10. w19.02 11 ¶14-15

Lunes, Hulyo 6

Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.​—Heb. 10:24.

Para makadalo nang regular sa mga pulong, baka kailangan natin ng lakas ng loob sa mahihirap na sitwasyon. May mga kapatid tayo na dumadalo sa pulong kahit nagdadalamhati, pinanghihinaan ng loob, o may sakit. Ang iba naman ay lakas-loob na dumadalo kahit pinag-uusig ng pamilya o ng gobyerno. Isipin kung paano nakaaapekto ang halimbawa natin sa mga kapatid na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. (Heb. 13:3) Kapag nababalitaan nilang patuloy tayong naglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga pagsubok, napapatibay ang kanilang pananampalataya, lakas ng loob, at katapatan. Noong nakabilanggo si Pablo sa Roma, natuwa siya nang mabalitaan niyang tapat na naglilingkod sa Diyos ang kaniyang mga kapatid. (Fil. 1:3-5, 12-14) Noong malapit na siyang palayain o kalalaya lang niya, isinulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreo. Pinasigla niya ang tapat na mga Kristiyanong iyon na huwag pabayaan ang mga pulong.​—Heb. 10:25. w19.01 28 ¶9

Martes, Hulyo 7

Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.​—1 Juan 5:19.

Gusto ni Satanas na maging gaya niya tayo—isang rebelde na makasarili at bumabale-wala sa mga pamantayan ni Jehova. Pinapalibutan niya tayo ng mga taong naimpluwensiyahan na niya at inaasahan niyang makasasamâ, o makaiimpluwensiya, sila sa ating pag-iisip at pagkilos. (1 Cor. 15:33) Gusto rin ni Satanas na magtiwala tayo sa kaisipan ng tao sa halip na sa kaisipan ni Jehova. (Col. 2:8) Pag-isipan ang isang ideya na itinataguyod ni Satanas—pagpapayaman ang pinakamahalaga sa buhay. Kapag ganito ang kaisipan ng isang tao, puwede siyang yumaman, pero puwede ring hindi. Yumaman man siya o hindi, nanganganib pa rin siya. Bakit? Kasi kung nakapokus siya sa pagpapayaman, maisasakripisyo niya ang kaniyang kalusugan, pamilya, pati ang kaugnayan niya sa Diyos. (1 Tim. 6:10) Mabuti na lang at tinuturuan tayo ng ating matalinong Ama na magkaroon ng balanseng pananaw sa pera.​—Ecles. 7:12; Luc. 12:15. w19.01 15-16 ¶6; 17 ¶9

Miyerkules, Hulyo 8

Mahusay, mabuti at tapat na alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.​—Mat. 25:21.

Bago pa man nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagbibigay ng pampatibay-loob, alam na ng tapat na mga lingkod ni Jehova noon na kailangan nilang patibaying-loob ang iba. Halimbawa, nang mapaharap sa banta ng mga Asiryano, tinipon ni Hezekias ang mga pinuno ng militar at ang mga taga-Juda para patibaying-loob sila. “At ang bayan ay nagsimulang manalig sa mga salita ni Hezekias.” (2 Cro. 32:6-8) Bagaman nangangailangan si Job ng kaaliwan, tinuruan niya ang kaniyang “mapanligalig na mga mang-aaliw” kung paano magbibigay ng pampatibay-loob. Sinabi niya na kung siya ang nasa kalagayan nila, ‘palalakasin niya sila sa pamamagitan ng mga salita ng kaniyang bibig, at ang pang-aaliw ng kaniyang mga labi’ ay magdudulot sa kanila ng ginhawa. (Job 16:1-5) Pero nang maglaon, tumanggap din ng pampatibay-loob si Job mula kay Elihu at kay Jehova mismo.​—Job 33:24, 25; 36:1, 11; 42:7, 10. w18.04 16 ¶6; 17 ¶8-9

Huwebes, Hulyo 9

Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.​—Isa. 41:10.

Inilarawan ni Isaias kung paano papatibayin, o palalakasin, ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagsasabi: “[Si] Jehova ay darating na gaya nga ng isa na malakas, at ang kaniyang bisig ay mamamahala sa ganang kaniya.” (Isa. 40:10) Madalas gamitin ng Bibliya ang salitang “bisig” para lumarawan sa kapangyarihan. Kaya kapag sinabing ang “bisig [ni Jehova] ay mamamahala,” ipinaaalaala nito na si Jehova ay isang makapangyarihang Hari. Ginamit niya ang kaniyang di-madaraig na lakas para tulungan at ipagtanggol ang kaniyang mga lingkod noon, at patuloy niyang pinalalakas at pinoprotektahan ang mga nagtitiwala sa kaniya sa ngayon. (Deut. 1:30, 31; Isa. 43:10) Tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangakong “papatibayin kita,” lalo na kapag pinag-uusig tayo. Sa ilang bahagi ng mundo sa ngayon, sinisikap ng ating mga kaaway na pahintuin ang pangangaral o ipagbawal ang ating organisasyon. Pero hindi tayo labis na nag-aalala sa gayong mga pag-atake. Tinitiyak ni Jehova sa atin na bibigyan niya tayo ng lakas at tibay ng loob. Nangangako siya: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”​—Isa. 54:17. w19.01 5-6 ¶12-13

Biyernes, Hulyo 10

Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.​—Mat. 5:3.

Di-gaya ng mga hayop, mayroon kang espirituwal na pangangailangan na tanging ang Maylalang ang makapaglalaan. (Mat. 4:4) Kapag nakikinig ka sa kaniya, magkakaroon ka ng kaunawaan, karunungan, at kaligayahan. Sinasapatan ng Diyos ang iyong espirituwal na pangangailangan sa pamamagitan ng Bibliya, at sagana siyang naglalaan ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Sari-sari at masustansiya ang mga pagkaing iyan! (Isa. 65:13, 14) Ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova ay magbibigay sa iyo ng karunungan at ng kakayahang mag-isip, na poprotekta sa iyo sa maraming paraan. (Kaw. 2:10-14) Halimbawa, dahil sa mga ito, natutukoy mo ang mga maling turo, gaya ng paniniwala na walang Maylalang. Pinoprotektahan ka ng mga ito sa kasinungalingan na ang pera at mga ari-arian ang susi sa kaligayahan. Natutulungan ka rin ng mga ito na malaman at mapaglabanan ang mga maling pagnanasa at nakasasamang pag-uugali. Kaya patuloy mong hanapin na parang kayamanan ang makadiyos na karunungan at ang kakayahang mag-isip! w18.12 20-21 ¶6-7

Sabado, Hulyo 11

Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.​—Isa. 65:22.

Darating ba ang panahong “magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy” ang ating mga araw? May mga punong nabubuhay nang libo-libong taon. Dapat na maging malusog ang mga tao para maabot ang gayong haba ng buhay. Kung mabubuhay sila sa kalagayang inihula ni Isaias, para itong isang pangarap na natupad, isang paraiso! At matutupad ang hulang iyan! Pag-isipan kung paanong ang mga pangakong ito ay tumutukoy sa isang paraiso sa hinaharap: Ang mga tao sa buong lupa ay pagpapalain ng Diyos. Walang sinuman ang manganganib mula sa mga hayop o tulad-hayop na mga tao. Pagagalingin ang mga bulag, bingi, at pilay. Magtatayo ang mga tao ng sarili nilang bahay at masisiyahan sa pagtatanim ng masusustansiyang pagkain. Mabubuhay sila nang mas mahaba kaysa sa mga puno. Oo, may mga indikasyon sa Bibliya na mangyayari iyan sa hinaharap. Pero baka may magsabing sobra-sobra naman ang pakahulugan natin sa mga hulang iyon. Ano ang matibay mong dahilan para umasang magkakaroon talaga ng paraiso sa lupa? Nagbigay ng matibay na dahilan ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.​—Luc. 23:43. w18.12 5-6 ¶13-15

Linggo, Hulyo 12

Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.​—Roma 12:2.

Nakapag-a-adjust ang isip at kaya nitong patuloy na magbago. Ang mga pagbabagong ito ay nakadepende nang malaki sa kung ano ang ipinapasok natin sa ating isip at kung ano ang pinipili nating isipin. Kung bubulay-bulayin natin ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, mapatutunayan natin sa ating sarili na tama ang mga kaisipan niya. Dahil diyan, mapakikilos tayo na iayon ang ating pag-iisip sa kaniyang kaisipan. Pero para maiayon natin ang ating pag-iisip sa kaisipan ni Jehova, dapat na ‘huwag na tayong magpahubog ayon sa sistemang ito.’ Kailangan nating itigil ang pagpapasok sa isip natin ng mga ideya o pananaw na salungat sa kaisipan ng Diyos. Ang kahalagahan ng hakbang na ito ay maihahalintulad sa pagkain. Kung gusto ng isang tao na maging malusog, kakain siya ng masusustansiyang pagkain. Pero may saysay ba iyon kung regular din siyang kakain ng kontaminadong pagkain? Sa katulad na paraan, wala ring saysay ang pagpapasok natin sa ating isip ng mga kaisipan ng Diyos kung sasamahan ito ng mga kaisipan ng sanlibutan. w18.11 21 ¶14-15

Lunes, Hulyo 13

Tumayo kayong matatag na ang inyong mga balakang ay may bigkis na katotohanan.​—Efe. 6:14.

Maging determinado tayong mamuhay ayon sa katotohanan araw-araw. Isuot ang bigkis ng katotohanan sa ating baywang. Noong panahon ng Bibliya, ang bigkis, o sinturon, ng isang sundalo ay sumusuporta at pumoprotekta sa kaniyang baywang at mga organ sa loob ng katawan. Pero kailangang mahigpit itong nakasuot para makapagbigay ng proteksiyon. Hindi ito gaanong mapapakinabangan kung maluwag ito. Paano tayo pinoprotektahan ng ating espirituwal na bigkis ng katotohanan? Kung mahigpit itong nakasuot sa atin, babantayan tayo ng katotohanan mula sa maling pangangatuwiran at makapagdedesisyon tayo nang tama. Kapag natutukso tayo o sinusubok, ang katotohanan mula sa Bibliya ay magpapatibay ng ating determinasyong gawin ang tama. Kung paanong hindi pupunta sa digmaan ang isang sundalo nang walang sinturon, maging determinado rin tayong huwag luwagan o alisin ang ating bigkis ng katotohanan. Sa halip, sisiguruhin nating mahigpit itong nakasuot sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa katotohanan. w18.11 12 ¶15

Martes, Hulyo 14

Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon.​—Kaw. 23:23.

Hindi natin malalaman ang katotohanan sa Salita ng Diyos nang hindi nagsisikap. Dapat na handa nating isakripisyo ang anumang bagay para matamo iyon. Gaya ng sinabi ng manunulat ng Kawikaan, kapag ‘nabili,’ o natamo, na natin ang “katotohanan,” dapat nating pakaingatan na huwag itong “ipagbili,” o iwala. Kahit ang mga bagay na libre ay maaaring may kapalit. Sa Kawikaan 23:23, ang salitang Hebreo na isinaling “bilhin” ay maaari ding mangahulugang “tamuhin.” Ang dalawang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pagsisikap o pakikipagpalit para sa isang bagay na mahalaga. Maaari nating ilarawan ang pagbili ng katotohanan sa ganitong paraan. Halimbawa, nalaman nating may mga libreng saging sa pamilihan. Basta na lang ba lilitaw ang mga saging na iyon sa ating mesa? Siyempre, hindi. Dapat tayong pumunta sa pamilihan para kunin ang mga iyon. Libre ba ang mga saging? Oo, pero dapat tayong kumilos at maglaan ng panahon para pumunta sa pamilihan. Sa katulad na paraan, hindi natin kailangan ang pera para bilhin ang katotohanan, pero kailangan ang pagsisikap para makuha ito. w18.11 4 ¶4-5

Miyerkules, Hulyo 15

Ang kaniyang mukha ay suminag na gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay nagningning.​—Mat. 17:2.

Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok. Doon, nakita nila ang isang kamangha-manghang pangitain. Nagliliwanag ang mukha ni Jesus at nagniningning ang damit niya. Dalawang tao, na kumakatawan kina Moises at Elias, ang nakikipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Luc. 9:29-32) Sumunod, isang maliwanag na ulap ang lumilim sa kanila, at narinig nila ang isang tinig mula sa ulap—ang tinig ng Diyos! Ipinakita ng pangitain ang tatanggaping kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jesus kapag Hari na siya sa Kaharian ng Diyos. Tiyak na napatibay at napalakas si Kristo na maharap ang pagdurusa at masakit na kamatayang naghihintay sa kaniya. Napatibay rin ng pangitaing ito ang pananampalataya ng mga alagad, at naihanda sila nito sa darating na mga pagsubok at sa malaking gawaing isasagawa nila. Pagkalipas ng mga 30 taon, muling binanggit ni apostol Pedro ang pangitain ng pagbabagong-anyo, na nagpapakitang malinaw pa sa isip niya ang pangitaing iyon.​—2 Ped. 1:16-18. w19.03 10 ¶7-8

Huwebes, Hulyo 16

Inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, . . . sa tapat na pananalita.​—2 Cor. 6:4, 7.

Paano maipakikitang naiiba ang mga tunay na Kristiyano sa mga miyembro ng huwad na relihiyon? ‘Nagsasalita tayo ng katotohanan.’ (Zac. 8:16, 17) Sasabihin natin ang totoo, maliit na bagay man ito o malaki—sa mga estranghero, katrabaho, kaibigan, at mahal sa buhay. Paano kung isa kang kabataan at gusto mong tanggapin ka ng iyong mga kaedaran? Tiyakin mong hindi ka magiging tulad ng ilan na may dobleng pamumuhay. Para silang matino kapag kasama ang kanilang pamilya at ang kongregasyon, pero ibang-iba sila kapag kasama ang mga tagasanlibutan at kapag nasa social media. Nabubuhay sila sa kasinungalingan—niloloko nila ang kanilang magulang, kapananampalataya, at ang Diyos. (Awit 26:4, 5) Alam ni Jehova kapag ‘pinararangalan lamang natin siya sa ating mga labi, ngunit ang ating mga puso ay malayong-malayo sa kaniya.’ (Mar. 7:6) Mas mabuti ngang sundin ang sinasabi sa kawikaan: “Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot ka kay Jehova buong araw.”​—Kaw. 23:17. w18.10 9 ¶14-15

Biyernes, Hulyo 17

Ang Diyos ay pag-ibig, at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.​—1 Juan 4:16.

Ang bayan ng Diyos ay isang espirituwal na pamilya—isa na kilalá sa pag-ibig. (1 Juan 4:21) Ang pag-ibig na iyan ay karaniwang nakikita, hindi sa paminsan-minsang kabayanihan, kundi sa maraming simpleng paraan, gaya ng mababait na salita at gawa. Kapag tayo ay mabait at makonsiderasyon, ‘nagiging mga tagatulad tayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.’ (Efe. 5:1) Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama. “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan,” ang sabi ni Jesus, “at pagiginhawahin ko kayo . . . , sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mat. 11:28, 29) Kapag tinularan natin ang halimbawa ni Kristo anupat “gumagawi nang may pakundangan [o, konsiderasyon] sa maralita,” matatamo natin ang pagsang-ayon ng ating makalangit na Ama at tayo ay magiging tunay na maligaya. (Awit 41:1) Kaya ipakita natin ang pag-ibig natin sa pamamagitan ng patuloy na pagpapakita ng konsiderasyon sa pamilya, sa kongregasyon, at sa ministeryo. w18.09 28 ¶1-2

Sabado, Hulyo 18

Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.​—1 Cor. 3:9.

Kapag may kalamidad, pagkakataon ito na gumawang kasama ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapatid sa praktikal na paraan. Halimbawa, nagbibigay sila ng pinansiyal na tulong sa mga naapektuhan. (Juan 13:34, 35; Gawa 11:27-30) Ang isa pang paraan ay ang pagtulong sa paglilinis o muling pagtatayo. Halos mawasak ng baha ang bahay ni Gabriela, isang sister na taga-Poland. Nabuhayan siya ng loob nang dumating ang mga kapatid mula sa kalapít na kongregasyon para tumulong. “Ayokong pag-usapan ang mga nawala—materyal na bagay lang iyon,” ang sabi niya. “Sa halip, gusto kong sabihin sa inyo kung gaano kalaki ang natamo ko. Napatunayan ko sa karanasang ito na isang natatanging pribilehiyo at pinagmumulan ng kaligayahan ang pagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano.” Maraming nakatanggap ng tulong ang nagsabing parang mas yumaman pa nga sila matapos ang karanasang iyon. At kahit ang mga gumawang kasama ni Jehova ay lubos ding nasiyahan sa pagtulong nila.​—Gawa 20:35; 2 Cor. 9:6, 7. w18.08 26 ¶12

Linggo, Hulyo 19

Ingatan mo ang iyong puso.​—Kaw. 4:23.

Para maingatan ang ating puso, dapat na matukoy natin ang mga panganib at kumilos tayo agad para maprotektahan ang ating sarili. Ang salitang isinalin na “ingatan” ay nauugnay sa trabaho ng isang bantay. Noong panahon ni Haring Solomon, ang mga bantay ay nakatayo sa mga pader ng lunsod at nagbababala kung may papalapit na panganib. Makakatulong ito sa atin na makita ang puwede nating gawin para hindi tayo maimpluwensiyahan ng kaisipan ni Satanas. Noon, nagtutulungan ang bantay sa pader at ang bantay sa pintuang-daan ng lunsod. (2 Sam. 18:24-26) Magkasama nilang pinoprotektahan ang lunsod at tinitiyak na sarado ang pintuang-daan kung may parating na kaaway. (Neh. 7:1-3) Puwedeng magsilbing bantay ang ating budhing sinanay sa Bibliya. Nagbababala ito kapag gustong pasukin ni Satanas ang puso natin—ibig sabihin, kapag tinatangka niyang impluwensiyahan ang ating kaisipan, damdamin, motibo, o kagustuhan. Kapag nagbababala ang ating budhi, kailangan nating makinig at isara ang pintuang-daan, wika nga. w19.01 17 ¶10-11

Lunes, Hulyo 20

Paglingkurin sila bilang mga ministro, kung sila ay malaya sa akusasyon.​—1 Tim. 3:10.

Ang mga nakababatang brother ay dapat suriin batay sa pamantayan ng Salita ng Diyos sa halip na sa ating sariling pananaw o kultura. (2 Tim. 3:16, 17) Nakahahadlang sa mga kuwalipikadong brother ang di-makakasulatang pananaw na nakabatay sa kultura. Sa isang bansa, pinagkakatiwalaan ng mabibigat na pananagutan ang isang mahusay na ministeryal na lingkod. Kahit aminado ang mga elder na kuwalipikado naman ang kabataang ito na maging elder, hindi pa rin siya inirerekomenda. Iginiit ng ilang nakatatandang elder na napakabata pang tingnan ng brother para maging elder. Nakalulungkot, hindi inirekomenda ang brother dahil lang sa hitsura niya. Ipinakikita ng mga ulat na apektado ng ganitong kaisipan ang marami sa iba’t ibang panig ng daigdig. Napakahalaga ngang manalig sa Kasulatan sa halip na sa ating sariling pananaw! Iyan ang tanging paraan para masunod si Jesus at huwag humatol batay sa panlabas na anyo.​—Juan 7:24. w18.08 12 ¶16-17

Martes, Hulyo 21

Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.​—Kaw. 18:13.

May panganib ang agad-agad na pagpapasa ng e-mail at text. Sa ilang lupain, ang ating gawain ay hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga. Ang mga mananalansang sa gayong lupain ay baka nananadyang magkalát ng mga ulat para manakot o para mawalan tayo ng tiwala sa isa’t isa. Pansinin ang nangyari sa dating Unyong Sobyet. Nagkalát ng balita ang secret police, kilalá bilang KGB, na may mga prominenteng brother daw na nagkanulo sa bayan ni Jehova. Marami ang naniwala sa kasinungalingang iyon, at bilang resulta, iniwan nila ang organisasyon ni Jehova. Nakalulungkot talaga! Buti na lang, marami ang nanumbalik, pero may ilan na hindi na nakabalik. Nawasak ang kanilang pananampalataya. (1 Tim. 1:19) Paano natin ito maiiwasan? Huwag magkalat ng negatibo o di-mapananaligang ulat. Huwag basta maniwala. Siguraduhing tama ang nakuha mong impormasyon. w18.08 5 ¶8

Miyerkules, Hulyo 22

Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.​—Luc. 23:43.

Sa mga pinakaunang manuskritong Griego, hindi pare-pareho ang paggamit o pagpupuwesto ng mga bantas. Kaya ang tanong: Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay, “Sinasabi ko sa iyo, ngayon ay makakasama kita sa Paraiso” o “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso”? Alalahaning sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang Anak ng tao ay mapapasapuso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi.” (Mat. 12:40; 16:21; 17:22, 23; Mar. 10:34; Gawa 10:39, 40) Kaya hindi napunta si Jesus sa anumang Paraiso noong araw na mamatay siya at ang kriminal na iyon. Si Jesus ay nasa “Hades” sa loob ng ilang araw, hanggang sa buhayin siyang muli ng Diyos. (Gawa 2:31, 32) Hindi alam ng kriminal na nakipagtipan si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na makakasama niya sila sa makalangit na Kaharian. (Luc. 22:29) Bukod diyan, hindi man lang nabautismuhan ang kriminal na iyon. (Juan 3:3-6, 12) Kaya ang ipinangako ni Jesus ay isa ngang makalupang paraiso na tutuparin sa hinaharap. w18.12 6 ¶17-18; 6-7 ¶20-21

Huwebes, Hulyo 23

Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, sapagkat kung tungkol sa Moises na ito, . . . hindi nga namin alam kung ano na ang nangyari sa kaniya.​—Ex. 32:1.

Di-nagtagal, sumamba ang mga Israelita sa ginintuang guya! Kahit kitang-kita ang pagsuway na ito, dinaya ng mga Israelita ang kanilang sarili at inisip na nasa panig pa rin sila ni Jehova. Aba, sinabi pa nga ni Aaron na ang pagsamba nila sa guya ay “isang kapistahan para kay Jehova”! Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Nadama niyang pinagtaksilan siya. Sinabi ni Jehova kay Moises na ang bayan ay “gumawi nang kapaha-pahamak” at ‘lumihis mula sa daan na iniutos Niyang lakaran nila.’ Dahil ‘lumagablab ang galit’ ni Jehova, inisip pa nga niyang lipulin ang bagong-tatag na bansang Israel. (Ex. 32:5-10) Pero ipinasiya ni Jehova na huwag lipulin ang mga Israelita. (Ex. 32:14) Kahit kasama si Aaron sa paggawa ng idolo, nagsisi naman siya at sumama sa mga Levitang pumanig kay Jehova. Nang araw na iyon, libo-libo ang namatay dahil sa idolatriya. Pero ang mga pumanig kay Jehova ay pinangakuan ng pagpapala.​—Ex. 32:26-29. w18.07 20-21 ¶13-16

Biyernes, Hulyo 24

Mag-ingat kayo sa mga eskriba na . . . nagnanais ng mga pagbati sa mga pamilihan . . . at ng pinakatanyag na mga dako sa mga hapunan.​—Luc. 20:46.

Ano ang pinakamataas na uri ng pagkilala na puwede nating pagsikapang makamit? Hindi ito ang uri ng atensiyong hinahangad ng mga tao sa larangan ng edukasyon, negosyo, at paglilibang ng sanlibutang ito. Sa halip, ito ang uri ng pagkilalang inilalarawan ni Pablo sa atin: “Ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o sa halip pa nga ay ngayong nakilala na kayo ng Diyos, ano’t muli kayong bumabalik sa mahihina at malapulubing panimulang mga bagay at nagnanais na muling paalipin sa mga ito?” (Gal. 4:9) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na ‘makilala ng Diyos,’ ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso! Gusto niyang maging kaibigan niya tayo. Sabi nga ng isang iskolar, tayo ay “pinag-uukulan niya ng pansin.” Kapag kinikilala tayo ni Jehova bilang mga kaibigan niya, naaabot natin ang mismong dahilan ng ating pag-iral.​—Ecles. 12:13, 14. w18.07 7-8 ¶3-4

Sabado, Hulyo 25

Ang iyong mga paalaala ay pinag-iisipan ko.​—Awit 119:99.

Para makinabang sa mga kautusan ng Diyos, dapat nating pasidhiin ang pag-ibig at paggalang dito. (Amos 5:15) Pero paano? Tularan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. Para ilarawan: Ipagpalagay nang hindi ka nakakatulog nang mahimbing. Iminungkahi ng doktor mo na magdiyeta ka, mag-ehersisyo, at baguhin ang lifestyle mo. Nang subukan mo ito, epektibo pala! Malamang na pasalamatan mo ang doktor mo. Sa katulad na paraan, binigyan tayo ng ating Maylalang ng mga kautusang poprotekta sa atin mula sa masasamang epekto ng kasalanan at sa gayo’y gumanda ang buhay natin. Isipin kung paano tayo nakikinabang sa pagsunod sa mga utos ng Bibliya tungkol sa pagsisinungaling, pagpapakana, pagnanakaw, seksuwal na imoralidad, karahasan, at espiritismo. (Kaw. 6:16-19; Apoc. 21:8) Kapag nararanasan natin ang maraming pagpapalang dulot ng pagsunod kay Jehova, sisidhi ang ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang kautusan. w18.06 17 ¶5-6

Linggo, Hulyo 26

Ikaw ba ang hari ng mga Judio?​—Juan 18:33.

Natatakot siguro ang gobernador na baka magdulot si Jesus ng kaguluhan sa politika, ang pangunahing ikinababahala sa panahon ng pamumuno ni Pilato. Sumagot si Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Hindi siya nakialam sa politika, dahil ang Kaharian niya ay nasa langit. Sinabi niya kay Pilato na ang gawain niya sa lupa ay ang “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Gaya ni Jesus, kung maliwanag sa atin ang ating atas, hindi tayo susuporta sa anumang militanteng kilusan kahit sa isip lang. Hindi ito laging madali. “Lalong nagiging radikal ang mga tao sa lugar namin,” ang sabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa. “Kitang-kita ang pagiging makabayan, at marami ang naniniwalang gaganda ang buhay nila kung makikibahagi sila sa militanteng kilusan. Mabuti na lang at napananatili ng mga kapatid ang kanilang pagkakaisa dahil nakapokus sila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Umaasa silang ang Diyos ang lulutas sa kawalang-katarungan at sa iba pang problemang napapaharap sa atin.” w18.06 4-5 ¶6-7

Lunes, Hulyo 27

Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.​—Sant. 4:7.

Tatlong aklat lang sa Hebreong Kasulatan—1 Cronica, Job, at Zacarias—ang bumabanggit kay Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Bakit kaunting impormasyon lang ang ibinigay tungkol sa kaaway na ito bago dumating ang Mesiyas? Posibleng ayaw ni Jehova na masyadong magtuon ng pansin ang mga tao kay Satanas kung kaya kaunti lang ang binabanggit ng Hebreong Kasulatan tungkol sa kaniya at sa mga ginagawa niya. Ang pinakalayunin ng bahaging ito ng Kasulatan ay para ipakilala ang Mesiyas at akayin ang bayan ng Diyos sa kaniya. (Luc. 24:44; Gal. 3:24) Nang matupad na iyon at dumating na ang Mesiyas, siya at ang mga alagad niya ang ginamit ni Jehova para magsiwalat ng higit pang impormasyon tungkol kay Satanas at sa mga anghel na pumanig sa kaniya. Bakit angkop ito? Dahil si Jesus at ang mga pinahiran ang gagamitin ni Jehova para durugin si Satanas at ang mga alipores nito. (Roma 16:20; Apoc. 17:14; 20:10) Tandaan, limitado ang kapangyarihan ng Diyablo. Pinoprotektahan tayo ni Jehova, ni Jesus, at ng tapat na mga anghel. Sa tulong nila, malalabanan natin ang ating kaaway. w18.05 22-23 ¶2-4

Martes, Hulyo 28

Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis niya.​—Juan 15:2.

Ituturing lang tayo ni Jehova na mga lingkod niya kung nagbubunga tayo. (Mat. 13:23; 21:43) Kaya sa ilustrasyon sa Juan 15:1-5, ang ibubunga ng bawat Kristiyano sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi maaaring tumukoy sa mga bagong alagad na nagagawa natin. (Mat. 28:19) Dahil kung ito ang tinutukoy, ang mga Saksing hindi nakagawa ng alagad dahil walang tumutugon sa kanilang teritoryo ay maihahalintulad sa mga sangang hindi namumunga ayon sa ilustrasyon ni Jesus. Pero hindi makatuwiran iyan! Bakit? Dahil hindi natin puwedeng pilitin ang mga tao na maging alagad. Maibigin si Jehova at hindi niya itatakwil ang mga lingkod niya dahil lang sa hindi nila nagawa ang isang bagay na hindi nila kaya. Ang hinihiling lang sa atin ni Jehova ay ang kaya nating gawin. (Deut. 30:11-14) Kaya ano ang dapat nating ibunga? Malinaw na ang bunga ay tumutukoy sa isang gawain na kayang gawin ng bawat isa sa atin. Anong gawain? Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mat. 24:14. w18.05 14 ¶8-9

Miyerkules, Hulyo 29

Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, . . . isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.​—Juan 8:44.

Napakaraming lider ng relihiyon sa ngayon, at tinatawag silang pastor, pari, rabbi, swami, o sa iba pang titulo. Pero gaya ng mga lider noong unang siglo, ‘sinasawata rin nila ang katotohanan’ mula sa Salita ng Diyos at ‘pinapalitan ang katotohanan ng Diyos ng kasinungalingan.’ (Roma 1:18, 25) Itinataguyod nila ang mga huwad na turo gaya ng “minsang ligtas, laging ligtas,” imortalidad ng kaluluwa, reinkarnasyon, at ang maling ideya na kinukunsinti ng Diyos ang homoseksuwal at pag-aasawa ng magkasekso. Nagsisinungaling ang mga politiko para dayain ang mga tao. Ang isa sa pinakamalaking kasinungalingang maririnig natin ay ang pagsasabi ng mga tao na nakamit na nila ang “kapayapaan at katiwasayan!” Pero “mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Huwag sana tayong magpadaya sa kanilang pagtatangkang itago kung gaano na talaga kalala ang sistemang ito ng mga bagay! Ang totoo, tayo ang “lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.”​—1 Tes. 5:1-4. w18.10 7-8 ¶6-8

Huwebes, Hulyo 30

Dapat ninyong tulungan yaong mahihina, at dapat ninyong isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ay magsabi, “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Ginagamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang pinahirang mga kapatid at ang “mga prinsipe” na kabilang sa ibang mga tupa para patibaying-loob at patnubayan ang mga nalulumbay at pinanghihinaan ng loob. Angkop nga ito dahil ang mga elder ay hindi “mga panginoon” sa pananampalataya ng iba kundi “mga kamanggagawa” ukol sa kagalakan ng kanilang mga kapatid. (Isa. 32:1, 2; 2 Cor. 1:24) Matutularan ng mga elder ang halimbawa ni apostol Pablo. Sumulat siya sa mga pinag-uusig na Kristiyano sa Tesalonica: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” (1 Tes. 2:8) Ipinakita ni Pablo na hindi laging sapat ang mga salita para patibaying-loob ang iba. Sinabi niya sa matatandang lalaki sa Efeso ang teksto sa araw na ito. w18.04 21-22 ¶6-8

Biyernes, Hulyo 31

Si Jehova ang Espiritu, at kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.​—2 Cor. 3:17.

Para matamo ang kalayaang ito at makinabang dito, kailangan tayong ‘bumaling kay Jehova’—magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya. (2 Cor. 3:16) Hindi nakita ng mga Israelita sa espirituwal na paraan ang mga ginawa ni Jehova para sa kanila. Para bang natatalukbungan ang kanilang puso at isip; nagpokus sila sa paggamit ng kanilang kalayaan mula sa Ehipto para sa kanilang pisikal, o makalamang, pagnanasa. (Heb. 3:8-10) Pero ang kalayaang ibinibigay ng espiritu ni Jehova ay hindi lang basta paglaya sa pisikal na pagkaalipin. Higit sa kayang gawin ng tao, ang espiritu ni Jehova ay nagbibigay ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan, gayundin sa huwad na pagsamba at sa mga gawaing kaugnay nito. (Roma 6:23; 8:2) Talagang kahanga-hanga ito! Maaaring makinabang ang isa sa kalayaang ito kahit nakabilanggo siya o inaalipin.​—Gen. 39:20-23. w18.04 9 ¶3-5

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share