Hunyo
Lunes, Hunyo 1
Anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay [ibibigay] niya sa inyo.—Juan 15:16.
Tiyak na napatibay ng pangakong ito ang mga apostol! Kahit hindi nila lubusang nauunawaan na malapit nang mamatay ang kanilang Lider dito sa lupa, hindi ibig sabihin nito na mapapabayaan na sila. Handang sagutin ni Jehova ang kanilang mga panalangin. Ibibigay niya ang anumang kailangan nila para magampanan ang utos na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Di-nagtagal, nakita nila na talagang sinagot ni Jehova ang paghingi nila ng tulong sa panalangin. (Gawa 4:29, 31) Totoo rin iyan sa ngayon. Habang nagbubunga tayo nang may pagbabata, nasisiyahan tayong maging kaibigan ni Jesus. Makatitiyak din tayong handang sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin para mapagtagumpayan ang mga hadlang na posibleng mapaharap sa atin habang nangangaral tayo ng mabuting balita ng Kaharian. (Fil. 4:13) Kay laking pasasalamat natin dahil sinasagot ang ating mga panalangin at dahil kaibigan tayo ni Jesus! Ang mga regalong ito ni Jehova ay nagpapatibay sa atin na patuloy na mamunga.—Sant. 1:17. w18.05 21 ¶17-18
Martes, Hunyo 2
[Patibaying-loob natin ang] isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.—Heb. 10:24, 25.
Wala pang limang taon pagkaraang sabihin ito ni apostol Pablo, makikita ng mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem na malapit na ang “araw ni Jehova.” Makikita rin nila ang tandang ibinigay ni Jesus na dapat na silang tumakas mula sa lunsod na iyon. (Gawa 2:19, 20; Luc. 21:20-22) Noong 70 C.E., dumating ang araw ni Jehova nang ilapat ng mga Romano ang Kaniyang hatol sa Jerusalem. Sa ngayon, kumbinsido tayo na malapit na ang “dakila at lubhang kakila-kilabot” na araw ni Jehova. (Joel 2:11) Sinabi ni propeta Zefanias: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zef. 1:14) Totoo rin ang babalang iyan sa ating panahon. Kaya naman pinasisigla tayo ni Pablo na “isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24) Kaya dapat tayong maging mas interesado sa kapakanan ng ating mga kapatid para mapatibay-loob natin sila kapag kinakailangan. w18.04 20-21 ¶1-2
Miyerkules, Hunyo 3
Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.—Jos. 1:9.
Nakapagpapatibay-loob nga ang sinabi ni Jehova kay Josue bago manirahan ang Kaniyang bayan sa Lupang Pangako! Nagbigay si Jehova ng pampatibay-loob hindi lang sa mga indibiduwal kundi pati rin sa kaniyang bayan bilang isang grupo. Halimbawa, alam ni Jehova na mangangailangan ng kaaliwan ang mga Judio na magiging bihag sa Babilonya, kaya sinabi niya: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isa. 41:10) Ganiyan din ang pampatibay-loob ni Jehova sa unang mga Kristiyano, at sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. (2 Cor. 1:3, 4) Tumanggap din ng pampatibay-loob si Jesus mula sa kaniyang Ama. Noong panahon ng kaniyang bautismo, narinig ni Jesus ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:17) Tiyak na napalakas si Jesus ng mga salitang iyon noong panahon ng kaniyang ministeryo! w18.04 16 ¶3-5
Huwebes, Hunyo 4
Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon.—Gen. 2:17.
Inaakala ng marami na dahil sa utos ni Jehova, pinagkaitan si Adan ng kalayaang gawin ang gusto niya. Para bang sinasabi nila na magkapareho lang ang kalayaang magpasiya at ang karapatang magtakda ng kung ano ang mabuti at masama. Sina Adan at Eva ay may kalayaang magpasiya kung susunod sila sa Diyos o hindi. Pero si Jehova lang ang may karapatang magtakda ng kung ano ang talagang mabuti at masama, na isinasagisag ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” sa hardin ng Eden. (Gen. 2:9) Sa utos ni Jehova kina Adan at Eva, maibigin niya silang tinuruan kung paano gagamitin nang tama ang tunay na kalayaan. Sinuway nina Adan at Eva ang Diyos. Naging mas malaya ba sina Adan at Eva dahil dito? Hindi. Dahil sa kanilang pagsasarili, naiwala nina Adan at Eva ang tunay na kalayaang ibinigay sa kanila ni Jehova. w18.04 5-6 ¶9-12
Biyernes, Hunyo 5
Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.—Isa. 63:9.
Hindi lang basta nahahabag si Jehova sa mga lingkod niyang nagdurusa. Kumikilos siya para tulungan sila. Halimbawa, noong nagdurusa ang mga Israelita sa Ehipto bilang mga alipin, naintindihan ni Jehova ang paghihirap nila at gusto niya silang tulungan. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Nakita ko ang kapighatian ng aking bayan . . . , at narinig ko ang kanilang daing . . . Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis. At bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo.” (Ex. 3:7, 8) Dahil nahabag si Jehova sa kaniyang bayan, pinalaya niya sila sa pagkaalipin. Makalipas ang daan-daang taon, sa Lupang Pangako, sinalakay ng mga kalaban ang mga Israelita. Ano ang nadama ni Jehova? ‘Ikinalungkot ni Jehova ang kanilang pagdaing dahil sa mga naniniil at umaapi sa kanila.’ Muli, dahil sa empatiya, tinulungan ni Jehova ang bayan niya. Nagsugo siya ng mga hukom para iligtas ang mga Israelita sa mga kalaban nila.—Huk. 2:16, 18. w19.03 15-16 ¶4-5
Sabado, Hunyo 6
Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.—Isa. 49:15.
Ayon sa unang dalawang kautusan sa Sampung Utos, si Jehova lang ang dapat sambahin ng mga Israelita. Nagbabala rin ito laban sa pagsamba sa mga idolo. (Ex. 20:3-6) Hindi naman para sa ikabubuti ni Jehova ang mga utos na iyon. Ang totoo, para iyon sa ikabubuti ng kaniyang bayan. Kapag sumasamba sila sa ibang diyos, nagdurusa sila. Pero pinagpapala niya ang bayan kapag tapat sila sa kaniya at nakikitungo nang patas sa isa’t isa. (1 Hari 10:4-9) Hindi dapat sisihin si Jehova kapag napapahamak ang iba dahil sa pagbale-wala ng mga nag-aangking lingkod niya sa pamantayan niya. Mahal tayo ni Jehova, at alam niya kapag nagiging biktima tayo ng kawalang-katarungan. Kung nasasaktan ang isang ina sa paghihirap ng kaniyang sanggol, mas nasasaktan si Jehova sa pagdurusa natin. Kahit parang pinalalampas niya ito ngayon, darating ang panahon na hahatulan niya ang mga gumagawa ng masama sa iba at hindi nagsisisi. w19.02 22-23 ¶13-15
Linggo, Hunyo 7
Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.—Luc. 22:42.
Sa mga linggo bago ang Memoryal, ang mga pulong natin ay nakapokus sa halimbawa ni Jesus at sa kapakumbabaang ipinakita niya nang ibigay niya ang kaniyang buhay bilang pantubos. Napapakilos tayo na tularan ang kaniyang kapakumbabaan at gawin ang kalooban ni Jehova, kahit mahirap itong gawin kung minsan. Iniisip natin ang lakas ng loob na ipinakita niya mga ilang araw bago siya mamatay. Alam niyang malapit na siyang ipahiya, bugbugin, at patayin ng kaniyang mga kaaway. (Mat. 20:17-19) Pero lakas-loob niyang hinarap ang kamatayan. Nang dumating na ang oras, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol na kasama niya sa Getsemani: “Tumindig kayo, humayo na tayo. Narito! Ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.” (Mat. 26:36, 46) At nang dumating ang mga mang-uumog na may mga sandata, hinarap niya sila, nagpakilala siya, at sinabihan ang mga kawal na hayaang umalis ang mga apostol niya. (Juan 18:3-8) Talagang napakalakas ng loob ni Jesus! Sa ngayon, tinutularan din ng pinahirang mga Kristiyano at ng ibang mga tupa ang lakas ng loob ni Jesus. w19.01 27-28 ¶7-8
Lunes, Hunyo 8
Hanapin ninyo ang kaamuan.—Zef. 2:3.
Para makagawa ng isang painting, kailangang pagsama-samahin ng pintor ang iba’t ibang magagandang kulay. Para naman maging maamo, kailangang pagsama-samahin ang iba’t ibang magagandang katangian. Kasama na rito ang kapakumbabaan, pagiging mapagpasakop, kahinahunan, at lakas ng loob. Ang mga mapagpakumbaba lang ang magpapasakop sa kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na maging mahinahon tayo. (Mat. 5:5; Gal. 5:23) Kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, galít na galít si Satanas. Kaya kahit na mapagpakumbaba tayo at mahinahon, magagalit pa rin sa atin ang marami sa sanlibutan na naimpluwensiyahan niya. (Juan 15:18, 19) Kaya kailangan din natin ng lakas ng loob para magtagumpay laban kay Satanas. Ang isang tao na hindi maamo ay mayabang, magagalitin, at hindi sumusunod kay Jehova. Ganiyang-ganiyan si Satanas. Kaya hindi kataka-takang galít siya sa maaamo! Kasi dahil sa kanila, lalong nakikita kung gaano kasamâ ang ugali niya. Isa pa, napatutunayan din nilang sinungaling si Satanas. Paano? Kasi anuman ang sabihin at gawin niya, hindi niya kayang pahintuin ang maaamo sa paglilingkod kay Jehova!—Job 2:3-5. w19.02 8-9 ¶3-5
Martes, Hunyo 9
Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.—Isa. 41:10.
Alam ni Jehova na matatakot ang mga naninirahan sa Babilonya. Ang Babilonya ay sasalakayin ng makapangyarihang hukbo ng Medo-Persia. Gagamitin ni Jehova ang hukbong ito para palayain ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag sa Babilonya. (Isa. 41:2-4) Nang malaman ng mga Babilonyo at ng mga tagaibang bansang naroon na papalapít na ang kanilang kaaway, pinalakas nila ang loob ng isa’t isa sa pagsasabi: “Magpakalakas ka.” Gumawa rin sila ng marami pang diyos-diyusan, sa pag-aakalang mapoprotektahan sila ng mga ito. (Isa. 41:5-7) Samantala, napanatag ang mga tapong Judio dahil sinabi ni Jehova sa kanila: “Ikaw, O Israel, [di-gaya ng ibang bayan] ay lingkod ko . . . Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.” (Isa. 41:8-10) Pansinin na sinabi ni Jehova: “Ako ang Diyos mo.” Sa mga salitang iyon, muling tiniyak ni Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba na hindi niya sila nalimutan at sila pa rin ang kaniyang bayan. Sinabi niya: ‘Dadalhin kita at paglalaanan ng pagtakas.’ Siguradong napatibay ng katiyakang iyan ang mga tapong Judio.—Isa. 46:3, 4. w19.01 4 ¶8
Miyerkules, Hunyo 10
Isang tinig ang nanggaling sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.”—Mar. 1:11.
Mababasa sa Marcos 1:9-11 ang una sa tatlong pagkakataon na nagsalita si Jehova mula sa langit. Sinabi ni Jehova: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.” Siguradong naantig si Jesus nang marinig niyang mahal siya ng kaniyang Ama at nagtitiwala si Jehova sa kaniya. Tatlong mahahalagang katotohanan ang ipinapakita ng mga sinabi ni Jehova tungkol kay Jesus. Una, si Jesus ang kaniyang Anak. Ikalawa, mahal ni Jehova ang kaniyang Anak. At ikatlo, sinasang-ayunan ni Jehova ang kaniyang Anak. Sa pagsasabing “Ikaw ang aking Anak,” ipinakita ni Jehova na ang kaniyang minamahal na Anak na si Jesus ay nagkaroon ng isang bagong kaugnayan sa kaniya. Noong nasa langit si Jesus, isa siyang espiritung anak ng Diyos. Pero nang mabautismuhan siya, pinahiran siya ng banal na espiritu. Nang pagkakataong iyon, ipinahiwatig ng Diyos na si Jesus, bilang kaniyang pinahirang Anak, ay may pag-asa na ngayong makabalik sa langit para maging inatasang Hari at Mataas na Saserdote. (Luc. 1:31-33; Heb. 1:8, 9; 2:17) Iyan ang dahilan kung bakit nang bautismuhan si Jesus, sinabi ng Ama: “Ikaw ang aking Anak.”—Luc. 3:22. w19.03 8-9 ¶3-4
Huwebes, Hunyo 11
Walang karunungan . . . kapag salansang kay Jehova.—Kaw. 21:30.
Ang masamang payo ay nagsimula kay Satanas. Isa siyang pangahas at nagmamarunong na tagapayo. Sinabi niya kay Eva na magiging mas masaya silang mag-asawa kung sila mismo ang magpapasiya para sa kanilang sarili. (Gen. 3:1-6) Masama ang motibo ni Satanas at makasarili siya! Gusto niya na sina Adan at Eva—at ang magiging mga anak nila—ay sumamba sa kaniya sa halip na kay Jehova. Pero si Jehova ang nagbigay ng lahat ng mayroon sila—ang isa’t isa, ang magandang hardin na tahanan nila, at ang sakdal na katawan na maaaring mabuhay magpakailanman. Nakalulungkot, sinuway nina Adan at Eva ang Diyos, kaya naputol ang kaugnayan nila sa kaniya. At gaya ng alam natin, masaklap ang naging resulta nito. Gaya ng mga bulaklak na pinutol mula sa halaman, unti-unti silang nalanta, wika nga, at namatay. Nagdusa rin ang mga anak nila dahil sa sumpa ng kasalanan. (Roma 5:12) Pero marami pa rin ang ayaw magpasakop sa Diyos. Gusto nilang mamuhay sa paraang gusto nila. (Efe. 2:1-3) Malinaw na ipinakikita ng mga resulta na totoo ang teksto sa araw na ito. w18.12 20 ¶3-4
Biyernes, Hunyo 12
[Nagsasalita tayo], hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang pinagsasama natin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita.—1 Cor. 2:13.
Si apostol Pablo ay isang matalino at edukadong tao, na nakapagsasalita ng di-bababa sa dalawang wika. (Gawa 5:34; 21:37, 39; 22:2, 3) Pero kung tungkol sa mga prinsipyo, tinanggihan niya ang karunungan ng sanlibutan. Sa halip, ibinatay niya sa Kasulatan ang kaniyang pangangatuwiran. (Gawa 17:2; 1 Cor. 2:6, 7) Dahil diyan, naging matagumpay ang ministeryo ni Pablo at inasam-asam niya ang walang-hanggang gantimpala. (2 Tim. 4:8) Oo, ang kaisipan ng Diyos ay nakahihigit sa kaisipan ng sanlibutan. Kung mamumuhay tayo ayon sa kaisipan ng Diyos, tayo ay magiging tunay na maligaya at matagumpay. Pero hindi ipipilit ni Jehova sa atin ang kaisipan niya. Hindi kinokontrol ng “tapat at maingat na alipin” ang pag-iisip ng bawat isa sa atin, at hindi rin iyan ginagawa ng mga elder. (Mat. 24:45; 2 Cor. 1:24) Sa halip, responsibilidad ng bawat Kristiyano na iayon ang kaniyang pag-iisip sa kaisipan ng Diyos. w18.11 20-21 ¶12-13
Sabado, Hunyo 13
Ang pamimighati at pagbubuntunghininga ay mapaparam.—Isa. 35:10.
Inihula ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias na pagkabalik ng Kaniyang bayan sa lupain nila, hindi na nila poproblemahin ang mahihirap at mapanganib na kalagayan ni katatakutan man ang pag-atake ng mga hayop o tulad-hayop na mga tao. Magiging ligtas ang mga bata at matanda. (Isa. 11:6-9; 35:5-10; 51:3) Sinabi rin ni Isaias na ang buong lupa—hindi lang ang bansang Israel—ay “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Idiniin pa ni Isaias na ang mga magsisibalik ay hindi na matatakot dahil sa mga hayop o tao. Ang lupain nila ay mamumunga nang sagana dahil nadidiligan itong mabuti, gaya ng hardin ng Eden. (Gen. 2:10-14; Jer. 31:12) Iyan lang ba ang katuparan nito? Walang ebidensiya na makahimalang gumaling ang mga nagsibalik mula sa pagkatapon. Halimbawa, hindi naman nakakita ang mga bulag. Kaya ipinahihiwatig ng Diyos na sa hinaharap pa mangyayari ang literal na pagpapagaling. w18.12 5 ¶11-12
Linggo, Hunyo 14
Patuloy kang lumalakad sa katotohanan.—3 Juan 3.
Ang paglakad sa katotohanan ay isang patuluyang proseso, isang daan na gusto nating tahakin magpakailanman. Paano natin mapatitibay ang ating determinasyong patuloy na lumakad sa katotohanan? Patuloy na pag-aralan ang mahahalagang katotohanan sa Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito. Oo, bilhin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatakda ng regular na iskedyul para pag-aralan ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Palalalimin nito ang pagpapahalaga mo sa katotohanan at patitibayin ang iyong determinasyong huwag itong ipagbili. Bukod sa pagbili ng katotohanan, sinasabi sa Kawikaan 23:23 na dapat din nating bilhin ang “karunungan at disiplina at pagkaunawa.” Hindi sapat ang kaalaman lang. Kailangan nating isabuhay ang katotohanan. Dahil sa pagkaunawa, nakikita natin ang pagkakasuwato ng lahat ng pananalita ni Jehova. Ang karunungan naman ang mag-uudyok sa atin na kumilos ayon sa ating nalalaman. Kung minsan, dinidisiplina tayo ng katotohanan para makita kung ano ang kailangan nating baguhin. Lagi sana tayong tumugon sa gayong patnubay. Di-hamak na mas mahalaga ito kaysa sa pilak.—Kaw. 8:10. w18.11 9 ¶3; 11-12 ¶13-14
Lunes, Hunyo 15
Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon.—Kaw. 23:23.
Ano ang pinakamahalaga mong pag-aari? Ipagpapalit mo ba ito sa isang bagay na mas mababa ang halaga? Para sa mga nakaalay na mananamba ni Jehova, madali lang sagutin ang mga tanong na iyan. Ang pinakamahalaga nating pag-aari ay ang kaugnayan natin kay Jehova, at hinding-hindi natin ito ipagpapalit. Pinahahalagahan din natin ang katotohanan sa Bibliya, na nagpangyaring mapalapít tayo sa ating makalangit na Ama. (Col. 1:9, 10) Isipin na lang ang lahat ng itinuturo sa atin ng ating Dakilang Tagapagturo sa kaniyang Salita, ang Bibliya! Isiniwalat niya ang katotohanan tungkol sa kaniyang pangalan at magagandang katangian. Ipinaalam niya sa atin ang tungkol sa natatanging regalo na pantubos, na maibigin niyang inilaan sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. Ipinaalam din ni Jehova ang tungkol sa Mesiyanikong Kaharian, at ang pag-asa sa Paraisong lupa. Itinuro niya sa atin kung paano tayo dapat gumawi. Pinahahalagahan natin ang mga katotohanang ito dahil tumutulong ito para mapalapít tayo sa ating Maylalang. Dahil dito, nagiging makabuluhan ang ating buhay. w18.11 3-4 ¶1-2
Martes, Hunyo 16
Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa.—Col. 3:9.
Walang maitatago kay Jehova ang taong sinungaling dahil “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad” sa kaniya. (Heb. 4:13) Halimbawa, pinlano nina Ananias at Sapira na dayain ang mga apostol. Nagbenta sila ng ilang ari-arian pero isang bahagi lang ng pinagbilhan ang dinala nila sa mga apostol. Gusto ng mag-asawa na maging maganda ang tingin sa kanila ng kongregasyon, na para bang napakabukas-palad nila. Pero nakita ni Jehova ang ginawa nila, at pinarusahan niya sila. (Gawa 5:1-10) Ano ang nadarama ni Jehova sa pagsisinungaling? Si Satanas, pati na ang lahat ng di-nagsisising sinungaling na tumutulad sa kaniya, ay mapupunta sa “lawa ng apoy.” (Apoc. 20:10; 21:8; Awit 5:6) Alam natin na si Jehova ay “hindi tao na magsisinungaling.” Ang totoo, “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Bil. 23:19; Heb. 6:18) ‘Kinapopootan ni Jehova ang bulaang dila.’ (Kaw. 6:16, 17) Para matamo ang kaniyang pagsang-ayon, dapat tayong mamuhay ayon sa pamantayan niya ng katotohanan. w18.10 8-9 ¶10-13
Miyerkules, Hunyo 17
Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito.—1 Tim. 4:15.
Paano kung hingan ka ng ambag ng boss mo para sa isang selebrasyong may kaugnayan sa huwad na relihiyon? Ano ang gagawin mo? Sa halip na hintayin munang mangyari sa iyo ang gayong sitwasyon, bakit hindi pag-isipan ngayon pa lang kung ano ang kaisipan ni Jehova sa gayong bagay? Sa gayon, kung sakaling mangyari iyon, mas madali na para sa iyo na gawin at sabihin ang tama. Ang patiunang pag-iisíp kung bakit kailangang manatiling tapat ay makatutulong din kapag may medical emergency. Determinado tayong umiwas na masalinan ng purong dugo o ng alinman sa apat na pangunahing sangkap nito, pero may ilang paraan ng paggamot gamit ang dugo na nangangailangan ng personal na pagpapasiya salig sa kaisipan ni Jehova na makikita sa mga simulain ng Bibliya. (Gawa 15:28, 29) Tiyak na ang pinakamagandang pagkakataon para pag-isipan ito ay hindi kapag nasa ospital na tayo, kung kailan may iniinda na tayong matinding kirot at minamadali nang magdesisyon. Ngayon na ang panahon para mag-research, punan ang legal na dokumentong medikal na naglalaman ng iyong mga kahilingan, at makipag-usap sa iyong doktor. w18.11 24 ¶5; 26-27 ¶15-16
Huwebes, Hunyo 18
Sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay.—Kaw. 1:33.
Si Jehova ay maibiging pastol na niyayakap ang kaniyang bayan at pinoprotektahan sila mula sa kanilang mga kaaway. Talagang nakapagpapatibay ito habang napapaharap tayo sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay! Patuloy na pangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan sa nalalapit na malaking kapighatian. (Apoc. 7:9, 10) Kaya naman, ang bayan ng Diyos—bata o matanda, malusog o may kapansanan—ay hindi magpa-panic o matatakot sa panahon ng kapighatian. Sa katunayan, kabaligtaran ang gagawin nila! Nasa isip nila ang pananalita ni Jesu-Kristo: “Tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Mapananatili nila ang pagtitiwalang iyan kahit sa harap ng pag-atake ng Gog—ang koalisyon ng makapangyarihang mga bansa. (Ezek. 38:2, 14-16) Bakit mapananatili ng bayan ng Diyos ang ganiyang pagtitiwala? Dahil alam nilang si Jehova ay hindi nagbabago. Lagi niyang patutunayan na isa siyang mapagmalasakit at makonsiderasyong Tagapagligtas.—Isa. 26:20. w18.09 26-27 ¶15-16
Biyernes, Hunyo 19
Naging mahalaga ka sa aking paningin, . . . at aking inibig ka.—Isa. 43:4.
Tiyak na napatibay ang tapat na mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ni Jehova sa teksto sa araw na ito. Bilang lingkod ni Jehova, makatitiyak ka ring mahal na mahal ka niya. Nangangako ang Salita ng Diyos sa mga nagtataguyod ng dalisay na pagsamba: “Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya sa iyo nang may pagsasaya.” (Zef. 3:16, 17) Anumang pagsubok ang mapaharap sa kaniyang bayan, nangangako si Jehova na palalakasin at aaliwin niya sila. “Kayo ay tiyak na sususo. Sa tagiliran ay bubuhatin kayo, at sa ibabaw ng mga tuhod ay hahaplusin kayo. Tulad ng isang tao na patuloy na inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin.” (Isa. 66:12, 13) Nakaaantig nga ng puso—isang mapagmahal na ina kalong ang kaniyang sanggol o nasa kaniyang mga tuhod at hinahaplos ito! Ganiyan kasidhi ang pag-ibig ni Jehova sa mga tunay na mananamba. Huwag na huwag kang mag-alinlangang napakahalaga mo kay Jehova at mahal na mahal ka niya.—Jer. 31:3. w18.09 13-14 ¶6-7
Sabado, Hunyo 20
Sino ang nagkukusang-loob na punuin ang kaniyang kamay ngayon ng isang kaloob para kay Jehova?—1 Cro. 29:5.
May mga pagkakataon sa kasaysayan ng sinaunang Israel na kinailangan ang mga boluntaryo. (Ex. 36:2; Neh. 11:2) Sa ngayon, marami ka ring pagkakataong makapagboluntaryo, o gamitin ang iyong panahon, pag-aari, at kakayahan para tulungan ang mga kapatid. Magdudulot ito sa iyo ng malaking kagalakan at tatanggap ka ng maraming pagpapala. Ang mga nagboboluntaryo sa teokratikong mga proyekto ay kadalasan nang nagkakaroon ng mga bagong kaibigan. Tingnan ang halimbawa ni Margie, isang sister na 18-taóng nagboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Sa nakalipas na mga taon, nakapagsanay siya ng maraming kabataang sister. Para sa kaniya, napakagandang pagkakataon iyon para patibayin ang isa’t isa sa espirituwal. (Roma 1:12) Kapag may problema si Margie, pinatitibay siya ng mga naging kaibigan niya sa konstruksiyon. Nakapagboluntaryo ka na ba sa gayong proyekto? w18.08 25 ¶9; 26 ¶11
Linggo, Hunyo 21
Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan. Sa halip, sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.—1 Tim. 4:12.
Nang isulat ni Pablo ang pananalitang iyan, posibleng mahigit 30 anyos lang si Timoteo. Pero inatasan na siya ni Pablo ng mabibigat na pananagutan. Anuman ang dahilan sa pagbibigay ng payong iyon, maliwanag ang punto. Hindi natin dapat hatulan ang mga nakababatang brother batay lang sa edad nila. Dapat nating tandaan na maging ang Panginoong Jesus ay mahigit 30 anyos lang nang ganapin niya ang kaniyang ministeryo dito sa lupa. Baka nasa kultura natin na maliitin ang mga nakababatang lalaki. Kung ganoon nga, baka mag-atubili ang mga elder sa kongregasyon na irekomenda ang mga nakababatang brother na kuwalipikado namang maglingkod bilang ministeryal na lingkod o elder. Makabubuting tandaan ng mga elder na walang itinakdang edad ang Kasulatan para mairekomendang ministeryal na lingkod o elder ang isang brother.—1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9. w18.08 11-12 ¶15-16
Lunes, Hunyo 22
[Talikdan mo ang] may-kabulaanang tinatawag na “kaalaman.”—1 Tim. 6:20.
Para makapagdesisyon nang tama, kailangan natin ng tamang impormasyon. Kaya kailangan nating maging mapamili sa ating babasahin. (Fil. 4:8, 9) Huwag sayangin ang ating panahon sa pagtingin ng balita mula sa mga kuwestiyonableng website o pagbabasa ng mga di-mapananaligang ulat na kumakalat sa e-mail. Lalo nang dapat iwasan ang mga website ng mga apostata. Layunin nilang pabagsakin ang bayan ng Diyos at pilipitin ang katotohanan. Ang di-maaasahang impormasyon ay hahantong sa maling desisyon. Huwag maliitin ang masamang nagagawa sa iyong isip at puso ng mapandayang impormasyon. Isipin ang nangyari noong panahon ni Moises nang magbigay ng masamang ulat ang 10 sa 12 espiya na isinugo para tiktikan ang Lupang Pangako. (Bil. 13:25-33) Dahil sa labis-labis at nakapangingilabot nilang ulat, nasiraan ng loob ang bayan ni Jehova. (Bil. 14:1-4, 6-10) Sa halip na kumuha ng tamang impormasyon at magtiwala kay Jehova, mas pinaniwalaan nila ang masamang ulat. w18.08 4 ¶4-5
Martes, Hunyo 23
Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.—1 Cor. 15:33.
Karamihan sa mga tao ay may magagandang katangian, at marami sa mga di-Saksi ang hindi naman nakikibahagi sa masasamang gawain. Kung ganiyan ang mga kakilala mo, makaaasa ka bang mabuti silang kasama? Tanungin ang iyong sarili kung ano ang magiging epekto nila sa iyong kaugnayan kay Jehova. Mapasusulong ba nila ito? Ano ang nasa puso nila? Halimbawa, puro na lang ba tungkol sa uso, pera, gadyet, paglilibang, o iba pang sekular na mga tunguhin ang pinag-uusapan nila? Madalas ba silang mamintas o mahilig sa malalaswang biruan? Nagbabala si Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Kung sa tingin mo ay magiging banta sa iyong magandang katayuan kay Jehova ang mga kasama mo, kumilos agad. Limitahan ang pakikisama sa kanila at kung kailangan, putulin ang gayong pakikipagkaibigan.—Kaw. 13:20. w18.07 19 ¶11
Miyerkules, Hunyo 24
Si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng [tao].—Bil. 12:3.
Noong 80 anyos si Moises, inatasan siya ni Jehova na iligtas ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Ex. 3:10) Ilang ulit na nagdahilan si Moises. Pero nanatiling matiisin si Jehova at binigyan niya ng kapangyarihan si Moises na maghimala. (Ex. 4:2-9, 21) Puwede sana niyang takutin si Moises para sumunod agad. Pero naging matiisin at mabait si Jehova, at pinalakas niya ang loob ng kaniyang mahinhin at mapagpakumbabang lingkod. Naging epektibo ba ito? Siyempre! Si Moises ay naging napakahusay na lider na nakitungo sa iba sa mahinahon at makonsiderasyong paraan, gaya ng pakikitungo ni Jehova sa kaniya. Kung may awtoridad ka, napakahalaga ngang tularan si Jehova sa pagiging makonsiderasyon, mabait, at matiisin kapag nakikitungo sa mga nasa pangangalaga mo! (Col. 3:19-21; 1 Ped. 5:1-3) Kapag nagsisikap kang tularan si Jehova at ang Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo, hindi ka lang magiging madaling lapitan, makapagpapaginhawa ka rin sa iba.—Mat. 11:28, 29. w18.09 24-26 ¶7-10
Huwebes, Hunyo 25
Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!—Awit 133:1.
Gusto mo bang maging magandang impluwensiya, na nagtataguyod ng pagkakaisa sa gitna ng mga kapatid? Kung ginagawa mo na ito, kapuri-puri iyan. Puwede ka pa bang higit na “magpalawak” at gawin ito nang mas regular? (2 Cor. 6:11-13) Kumusta naman sa inyong komunidad? Puwedeng maakit sa katotohanan ang kapitbahay mo dahil sa iyong mabait na pananalita at paggawi. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang tingin sa akin ng mga kapitbahay ko? Lagi bang malinis ang loob at labas ng aming bahay, na nagbibigay ng magandang impresyon sa aming komunidad? Nagkukusa ba ako sa pagtulong sa iba?’ Kapag nakikipag-usap ka sa ibang mga Saksi, puwede mong itanong sa kanila kung paano nakaapekto sa kanilang mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela ang kanilang kabaitan at magandang paggawi. Malamang na makarinig ka ng magagandang karanasan.—Efe. 5:9. w18.06 24 ¶13-14
Biyernes, Hunyo 26
Ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag- ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.—Juan 16:2.
Naging totoo iyan sa mga taong pumatay sa alagad na si Esteban, at totoo rin iyan sa iba pang gaya nila. (Gawa 6:8, 12; 7:54-60) Kakatwang isipin na sa paggawa ng karumal-dumal na krimen gaya ng pagpatay, nilalabag ng mga panatiko sa relihiyon ang mismong kautusan ng Isa na inaangkin nilang sinasamba nila! (Ex. 20:13) Maliwanag na mapandaya ang kanilang budhi! Paano natin mapagagana nang tama ang ating budhi? Ang mga kautusan at simulaing nasa Salita ng Diyos ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Tim. 3:16) Kaya sa masikap na pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay, at pagkakapit, masasanay natin ang ating budhi na laging isaalang-alang ang kaisipan ng Diyos, at nang sa gayo’y magsilbi itong maaasahang giya. w18.06 17 ¶3-4
Sabado, Hunyo 27
Tanggapin ninyo . . . ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.—Efe. 6:17.
Ang tabak na ginagamit ng mga sundalong Romano sa pakikipaglaban noong panahong isulat ni Pablo ang kaniyang liham ay mga 50 sentimetro ang haba. Bihasa sila sa paggamit nito dahil araw-araw silang nagsasanay. Itinulad ni Pablo ang Salita ng Diyos sa isang tabak na ibinigay sa atin ni Jehova. Pero kailangan nating matutuhan kung paano ito gagamitin nang mahusay kapag ipinagtatanggol ang ating paniniwala—o kapag itinutuwid ang ating pag-iisip. (2 Cor. 10:4, 5; 2 Tim. 2:15) Hindi tayo dapat matakot kay Satanas at sa mga demonyo. Makapangyarihan sila pero puwede silang matalo. Mortal din sila. Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ibibilanggo sila at hindi makapamiminsala, at pagkatapos ay pupuksain sila. (Apoc. 20:1-3, 7-10) Alam natin kung sino ang ating kaaway, ang kaniyang mga taktika, at ang kaniyang intensiyon. Sa tulong ni Jehova, makatatayo tayong matatag laban sa kaniya! w18.05 30 ¶15; 31 ¶19-21
Linggo, Hunyo 28
Sinabi ng serpiyente sa babae: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.”—Gen. 3:4.
Alam ni Adan na hindi nakapagsasalita ang ahas. Kaya malamang na naisip niya na isang espiritung nilalang ang talagang kumausap kay Eva. (Gen. 3:1-6) Hindi kilala nina Adan at Eva ang espiritung ito. Pero kusang pinili ni Adan na talikuran ang kaniyang maibiging Ama sa langit at pumanig sa isang estranghero para salansangin ang kalooban ng Diyos. (1 Tim. 2:14) Agad-agad, nagsiwalat si Jehova ng impormasyon tungkol sa masamang kaaway na ito at nangakong mapupuksa ito sa hinaharap. Pero nagbabala rin si Jehova na magkakaroon muna ang espiritung ito ng kapangyarihan na salansangin ang mga umiibig sa Diyos. (Gen. 3:15) Hindi sinabi ni Jehova ang personal na pangalan ng anghel na nagrebelde sa kaniya. At pagkatapos ng rebelyon sa Eden, lumipas pa ang mga 2,500 taon bago isiwalat ng Diyos ang isang pangalan para tukuyin ang kaaway na iyon.—Job 1:6. w18.05 22-23 ¶1-2
Lunes, Hunyo 29
Ito yaong mga . . . nagbubunga nang may pagbabata.—Luc. 8:15.
Kung naranasan mo nang masiraan ng loob habang nangangaral sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon, maiintindihan mo si apostol Pablo. Sa loob ng mga 30-taóng ministeryo niya, marami siyang natulungan na maging alagad ni Kristo. (Gawa 14:21; 2 Cor. 3:2, 3) Pero hindi niya napakilos ang maraming Judio na maging tunay na mananamba. Hindi nakinig sa kaniya ang karamihan, at pinag-usig pa nga siya ng ilan. (Gawa 14:19; 17:1, 4, 5, 13) Ano ang naging epekto nito kay Pablo? Inamin niya: “Ako ay nagsasabi ng katotohanan may kaugnayan kay Kristo . . . na mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso.” (Roma 9:1-3) Bakit iyan ang nadama ni Pablo? Dahil gustong-gusto niyang mangaral at talagang nagmamalasakit siya sa mga Judio. Kaya nasaktan siya nang tanggihan nila ang awa ng Diyos. Gaya ni Pablo, nangangaral tayo dahil nagmamalasakit tayo sa mga tao.—Mat. 22:39; 1 Cor. 11:1. w18.05 13 ¶4-5
Martes, Hunyo 30
Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.—Kaw. 12:25.
Ipinakita ni Pablo na kahit ang mga may pananagutang magpatibay-loob sa iba ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. Sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Oo, kahit si Pablo, na nagbigay ng mahusay na pampatibay-loob sa iba, ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. (Roma 15:30-32) Dapat bigyan ng komendasyon ang mga naglilingkod kay Jehova nang buong panahon. Ang mga brother at sister na nananatiling single bilang pagsunod sa tagubilin na “mag-asawa . . . tangi lamang sa Panginoon” ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. (1 Cor. 7:39) Huwag din nating kalimutan ang mga kapatid na nananatiling tapat kahit inuusig o may karamdaman.—2 Tes. 1:3-5. w18.04 21 ¶3-5