Mayo
Biyernes, Mayo 1
Ibigin . . . ang naninirahang dayuhan.—Deut. 10:19.
Nitong nakalipas na mga taon, maraming bansa ang dinagsa ng mga refugee. Puwede mong pag-aralan ang isang pagbati sa mga wikang ginagamit ng mga bagong datíng sa inyong lugar. Puwede mo ring pag-aralan ang ilang pananalitang makakakuha ng interes nila. Pagkatapos, puwede mong ipakita ang jw.org at ang iba’t ibang video at publikasyon sa kanilang wika. Ang Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ay maibiging inilaan ni Jehova para maging mas epektibo tayo sa ministeryo. Dahil sa praktikal na mga tagubiling natatanggap natin dito, marami sa atin ang mas nagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili kapag dumadalaw-muli at nagba-Bible study. Mga magulang, kung tuturuan ninyong magkomento ang inyong mga anak sa sarili nilang pananalita, matutulungan ninyo silang pasikatin ang kanilang liwanag. Kung minsan, ang kanilang simple at taimtim na mga sagot ay nakatutulong sa mga interesado para pahalagahan ang katotohanan.—1 Cor. 14:25. w18.06 22-23 ¶7-9
Sabado, Mayo 2
Tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo.—Roma 15:7.
Tandaan natin na tayong lahat ay dating “mga taga-ibang bayan,” o banyaga, na hindi malapít sa Diyos. (Efe. 2:12) Pero inilapit tayo ni Jehova sa kaniya “sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig.” (Os. 11:4; Juan 6:44) At tinanggap tayo ni Kristo. Binuksan niya ang pinto, wika nga, para maging bahagi tayo ng pamilya ng Diyos. Dahil tinanggap tayo ni Jesus kahit hindi tayo sakdal, hindi nga makatuwiran na tanggihan o iwasan natin ang iba! Habang papalapit tayo sa wakas ng masamang sistemang ito, ang pagkakabaha-bahagi, pagtatangi, at pagkapoot ay lalo pang titindi sa mundong ito. (Gal. 5:19-21; 2 Tim. 3:13) Pero bilang mga lingkod ni Jehova, hinahanap natin ang karunungan mula sa itaas, na nagtataguyod ng kapayapaan at di-nagtatangi. (Sant. 3:17, 18) Natutuwa tayong makipagkaibigan sa mga tagaibang bansa, na tinatanggap nating magkakaiba tayo ng kultura at posibleng pinag-aaralan pa nga natin ang ibang wika. Sa paggawa nito, ang ating kapayapaan ay dadaloy na gaya ng ilog, at ang katarungan gaya ng mga alon sa dagat.—Isa. 48:17, 18. w18.06 12 ¶18-19
Linggo, Mayo 3
Ang inyong mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan.—Efe. 6:15.
Ang isang sundalong Romano na walang suot na panyapak ay hindi handang makipaglaban. Ang kaniyang tulad-sandalyas na panyapak ay gawa sa tatlong suson ng balat na pinagdikit-dikit para maging matibay at komportable sa paa. Kung ang panyapak na isinusuot ng mga sundalong Romano ay nakatutulong sa kanila sa digmaan, ang makasagisag na panyapak naman na isinusuot ng mga Kristiyano ay tumutulong sa kanila na ihayag ang mensahe ng kapayapaan. (Isa. 52:7; Roma 10:15) Pero kailangan pa rin ang lakas ng loob para mangaral kapag may pagkakataon. “Dati, takót akong magpatotoo sa mga kaklase ko,” ang sabi ng 20-anyos na si Bo. “Siguro dahil mahiyain ako. Kapag naiisip ko iyon, nagtataka ako kung bakit ako gano’n. Ngayon, masaya akong makapagpatotoo sa mga kaedaran ko.” Nakita ng maraming kabataan na kapag handa silang magpatotoo, mas madali para sa kanila na gawin iyon. w18.05 29 ¶9-11
Lunes, Mayo 4
Patuloy kayong namumunga ng marami.—Juan 15:8.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan.” (Juan 14:27) Paano tayo tinutulungan ng kapayapaan ni Jesus na mamunga? Kapag nagbabata tayo, nakadarama tayo ng namamalaging kapayapaan dahil alam nating sinasang-ayunan tayo ni Jehova at ni Jesus. (Awit 149:4; Roma 5:3, 4; Col. 3:15) Matapos banggitin ni Jesus ang pagnanais niyang “malubos” ang kagalakang nadarama ng mga apostol, ipinaliwanag niya sa kanila ang kahalagahan ng pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig. (Juan 15:11-13) Pagkatapos, sinabi niya: “Tinawag ko na kayong mga kaibigan.” Isa ngang napakahalagang regalo—ang maging kaibigan ni Jesus! Ano ang dapat gawin ng mga apostol para manatiling kaibigan niya? Dapat silang “humayo at patuloy na mamunga.” (Juan 15:14-16) Mga dalawang taon patiuna, tinagubilinan ni Jesus ang mga apostol niya: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mat. 10:7) Kaya noong huling gabi bago siya mamatay, pinasigla niya silang magbata sa gawain na kanilang sinimulan.—Mat. 24:13; Mar. 3:14. w18.05 20-21 ¶15-16
Martes, Mayo 5
Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.—Gal. 6:7.
Mga kabataan, ipokus ang inyong buhay sa paglilingkod kay Jehova at magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Baka nakasentro ang buhay ng ibang kaedaran mo sa pagpapakasaya, at malamang na gusto nilang gayahin mo sila. Kaya dapat mong ipakita sa kanila kung gaano kahalaga sa iyo na maabot ang iyong mga tunguhin. Huwag magpadala sa panggigipit ng ibang kabataan. May mga paraan para mapagtagumpayan ang panggigipit ng ibang kabataan. Halimbawa, iwasan ang mga sitwasyon na puwede kang madala ng panggigipit nila. (Kaw. 22:3) At laging tandaan ang masasamang resulta ng pagtulad sa maling ginagawa ng iba. Makatutulong din kung hihingi ka ng payo. Maging mapagpakumbaba at pakinggan ang mga mungkahi ng iyong mga magulang at ng mga kapatid na mahuhusay sa espirituwal. (1 Ped. 5:5, 6) Magiging mapagpakumbaba ka ba at tatanggap ng mabuting payo? w18.04 28-29 ¶14-16
Miyerkules, Mayo 6
Panghawakan ninyong mahigpit ang taglay ninyo hanggang sa dumating ako. At sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa.—Apoc. 2:25, 26.
Sa mga mensahe niya sa ilang kongregasyon sa Asia Minor, ipinakita ni Jesus ang pagpapahalaga niya sa mga nagawa ng mga alagad niya. Halimbawa, sinimulan niya ang mensahe niya sa kongregasyon sa Tiatira sa pagsasabi: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apoc. 2:19) Hindi lang binanggit ni Jesus ang kasigasigan nila sa gawain, kinomendahan din niya sila sa mga katangiang nagpakilos sa kanila na gumawa ng mabuti. At kahit kailangang payuhan ni Jesus ang ilan sa Tiatira, sinimulan at tinapos niya pa rin ang mensahe niya sa pampatibay. (Apoc. 2:27, 28) Kung tutuusin, hindi kailangang pasalamatan ni Jesus ang mga ginagawa natin para sa kaniya, dahil may awtoridad siya bilang ulo ng lahat ng kongregasyon. Pero kahit ganoon, hindi niya nakakalimutang magpakita ng pagpapahalaga. Hindi ba’t napakahusay na halimbawa niyan para sa mga elder? w19.02 16 ¶10
Huwebes, Mayo 7
Sina Hudas at Silas . . . ay nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.—Gawa 15:32.
Pinatibay-loob ng lupong tagapamahala noong unang siglo ang mga kapatid na nangunguna at ang mga Kristiyano sa kabuoan. Isinugo nila ang dalawang miyembro nila, sina Pedro at Juan, para ipanalangin na tumanggap ng banal na espiritu ang mga bagong mananampalataya. (Gawa 8:5, 14-17) Tiyak na napatibay-loob si Felipe at ang mga bagong kapatid na iyon dahil sa suportang ipinakita ng lupong tagapamahala! Sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng pampatibay-loob sa mga miyembro ng pamilyang Bethel, sa mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa larangan, at sa buong kapatiran. Katulad ng mga kapatid noong unang siglo, nagsasaya tayo dahil sa pampatibay-loob! Noong 2015, inilathala ng Lupong Tagapamahala ang brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova na nagsilbing pampatibay-loob sa marami. w18.04 19 ¶18-20
Biyernes, Mayo 8
Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.—Juan 8:32.
Baka iniisip ng iba na mas maganda kung malaya nilang magagawa ang lahat ng gusto nila. Pero totoo ba ito? Nakakatakot isipin ang mangyayari sa mundo kung walang limitasyon ang kalayaan ng mga tao. Kaya naman, sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga batas ng bawat organisadong lipunan ay isang komplikadong sistema kung saan kailangang balansehin ang mga kalayaan at mga restriksiyon.” Napakakomplikado nga! Isipin ang pagkarami-raming batas na gawa ng tao, at ang napakaraming abogado at hukom na kailangang magpaliwanag at magpatupad ng mga batas na iyon. Para makamit ang tunay na kalayaan, bumanggit si Jesus ng dalawang kahilingan: Una, tanggapin ang katotohanang itinuro niya, at ikalawa, maging alagad niya. Aakay ito sa tunay na kalayaan. Mula saan? Ipinaliwanag ni Jesus: “Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. . . . Kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya.”—Juan 8:34, 36. w18.04 6-7 ¶13-14
Sabado, Mayo 9
Kayong lahat ay . . . nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao.—1 Ped. 3:8.
Gustong-gusto nating makasama ang mga taong nagmamalasakit sa atin. Sinisikap kasi nilang ilagay ang kanilang sarili sa sitwasyon natin para maintindihan ang ating iniisip at nadarama. Naiisip nila kung ano ang kailangan natin at tumutulong sila—bago pa nga natin ito hilingin kung minsan. Pinahahalagahan natin ang mga taong nagpapakita sa atin ng “pakikipagkapuwa-tao.” Bilang mga Kristiyano, gusto nating magpakita ng empatiya, o pakikipagkapuwa-tao. Pero ang totoo, hindi ito laging madaling gawin. Bakit? Una, hindi tayo sakdal. (Roma 3:23) May tendensiya tayong isipin muna ang ating sarili, kaya kailangan natin itong labanan. Ikalawa, baka nahihirapan din ang ilan sa atin na magpakita ng empatiya dahil sa pagpapalaki sa atin o sa mga naranasan natin. Ikatlo, baka naiimpluwensiyahan tayo ng ugali ng mga taong nakakasama natin. Sa mga huling araw na ito, marami ang walang pakialam sa damdamin ng iba. Sa halip, sila ay “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Tim. 3:1, 2) Pero makakatulong sa atin ang halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo para makapagpakita tayo ng pakikipagkapuwa-tao. w19.03 14-15 ¶1-3
Linggo, Mayo 10
Ingatan mo ang iyong puso.—Kaw. 4:23.
Ipinagbabawal ng pinakahuli sa Sampung Utos ang pag-iimbot, o maling pagnanasa sa mga bagay na hindi naman sa iyo. (Deut. 5:21; Roma 7:7) Ibinigay ni Jehova ang utos na ito para magturo ng mahalagang aral: Dapat bantayan ng kaniyang bayan ang kanilang puso—ang kanilang kaisipan, damdamin, at pangangatuwiran. Alam niya na ang masamang gawa ay nagmumula sa masamang kaisipan at maling damdamin. Ganiyan ang nangyari kay Haring David. Mabuting tao siya. Pero inimbot niya ang asawa ng iba. Ang pagnanasang iyon ay umakay sa kasalanan. (Sant. 1:14, 15) Nagkasala ng pangangalunya si David, tinangkang linlangin ang asawa ng babae, at ipinapatay ito. (2 Sam. 11:2-4; 12:7-11) Hindi lang panlabas na anyo ang nakikita ni Jehova. Alam niya kung sino talaga tayo; nababasa niya ang ating puso. (1 Sam. 16:7) Hindi natin maitatago sa kaniya ang ating iniisip, nadarama, o ginagawa. Hinahanap niya ang mabubuting katangiang mayroon tayo, at gusto niyang mapasulong natin ang mga ito. Pero gusto rin niyang makita natin ang ating maling kaisipan at makontrol ito bago mauwi sa maling pagkilos.—2 Cro. 16:9; Mat. 5:27-30. w19.02 21-22 ¶9; 22 ¶11
Lunes, Mayo 11
Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang kaamuan.—Zef. 2:3.
Inilarawan ng Bibliya si Moises na “pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Ibig bang sabihin, mahina siya, di-makapagpasiya, at takót sa komprontasyon? Baka ganiyan ang naiisip ng iba kapag sinabing maamo ang isa. Pero hindi ganiyan si Moises. Isa siyang malakas, may paninindigan, at matapang na lingkod ng Diyos. Sa tulong ni Jehova, hinarap niya ang makapangyarihang tagapamahala ng Ehipto, pinangunahan sa paglalakbay sa tigang na lupain ang mga 3,000,000 tao, at tinulungan ang bansang Israel na talunin ang mga kaaway nila. Kahit hindi tayo napapaharap sa mga hamon na katulad ng kay Moises, napapaharap naman tayo araw-araw sa mga tao o sitwasyon na sumusubok sa ating kaamuan. Kaya kailangan nating sikaping maging maamo. At malaking gantimpala ang naghihintay sa atin! Ipinapangako ni Jehova na “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:11) Kung ikaw ang tatanungin, maamo ka ba? Ano naman kaya ang sasabihin ng iba? w19.02 8 ¶1-2
Martes, Mayo 12
Sa aba ng mga nagsasabi na . . . ang masama ay mabuti.—Isa. 5:20.
Ang tao ay pinagkalooban ng budhi. Ganiyan na ang kalagayan mula pa nang umiral ang tao sa lupa. Matapos suwayin nina Adan at Eva ang utos ni Jehova, nagtago sila. Ipinakikita nito na inusig sila ng kanilang budhi. Ang mga taong di-gaanong nasanay ang budhi ay maihahalintulad sa isang barkong naglalayag nang may sirang kompas. Mapanganib maglakbay nang walang maayos na kompas. Dahil sa hangin at alon ng dagat, madaling matatangay ang barko sa maling direksiyon. Ang isang kompas na naka-set nang tama ay makatutulong sa kapitan ng barko na mapanatiling nasa tamang direksiyon ang barko. Ang ating budhi ay parang kompas. Ito ang panloob na pagkadama ng tama o mali na gagabay sa atin sa tamang direksiyon. Pero para maging epektibong giya ang ating budhi, dapat na naka-set ito nang tama. Kapag hindi wastong nasanay ang budhi ng isang tao, hindi nito pipigilan ang isa sa paggawa ng mali. (1 Tim. 4:1, 2) Baka kumbinsihin pa nga tayo ng gayong budhi na “ang masama ay mabuti.” w18.06 16-17 ¶1-3
Miyerkules, Mayo 13
Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.—Roma 12:2.
Dapat nating matukoy at tanggihan ang kaisipan ng sanlibutan kahit inihaharap ito sa paraang hindi madaling mahalata. Halimbawa, baka ang isang balita ay inihaharap sa paraang may kinikilingan sa politika. Baka ang isang ulat ay nagtataguyod ng pananaw ng sanlibutan pagdating sa mga tunguhin at tagumpay ng tao. May mga pelikula at aklat na nagtataguyod ng pilosopiyang “ako muna” at “pamilya muna,” na pinagmumukha itong makatuwiran, maganda, o tama pa nga. Binabale-wala nito ang makakasulatang pananaw na mapapabuti ang ating sarili at ang ating pamilya kapag inibig natin si Jehova nang higit sa lahat. (Mat. 22:36-39) Hindi naman ibig sabihin niyan na hindi na tayo puwedeng maglibang. Kaya makabubuting itanong sa ating sarili: ‘Nahahalata ba natin ang mga ideya ng sanlibutan kahit hindi ito direktang itinataguyod? Nililimitahan ba natin ang pagkahantad ng ating mga anak—at ng ating sarili—sa ilang palabas o babasahín? Itinutuwid ba natin sa tulong ng kaisipan ni Jehova ang makasanlibutang mga ideya na naririnig o nakikita ng mga anak natin?’ w18.11 22 ¶18-19
Huwebes, Mayo 14
Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako.—Isa. 41:10.
Para ipakitang kasama natin siya, ibinibigay ni Jehova sa atin ang kaniyang buong atensiyon at magiliw na pagmamahal. Pansinin kung paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang masidhing damdamin para sa atin. “Naging mahalaga ka sa aking paningin,” ang sabi ni Jehova. “Itinuring kang marangal, at aking inibig ka.” (Isa. 43:4) Walang anumang makapipigil kay Jehova na ibigin ang kaniyang mga lingkod; ang kaniyang katapatan sa atin ay hinding-hindi magbabago. (Isa. 54:10) Hindi ipinangako ni Jehova na aalisin niya ang mga hamong nagpapahirap sa buhay, pero hindi niya hahayaang malunod tayo sa “mga ilog” ng problema, o matupok “ng liyab” ng mga pagsubok. Tinitiyak niyang sasaatin siya at tutulungan tayong malampasan ang mga hamon. Ano ang gagawin ni Jehova? Tutulungan niya tayong daigin ang takot at makapanatiling tapat sa kaniya, kahit manganib pa ang ating buhay. (Isa. 41:13; 43:2) Kapag nagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos na “ako ay sasaiyo,” magkakaroon tayo ng lakas ng loob habang nagbabata ng mga pagsubok. w19.01 3-4 ¶4-6
Biyernes, Mayo 15
Marami ang mga plano sa puso ng tao, ngunit ang layon ni Jehova ang siyang tatayo.—Kaw. 19:21.
Kung isa kang kabataan, baka pinasigla ka ng mga guro, guidance counselor, o ng iba pa na kumuha ng mataas na edukasyon at magkaroon ng magandang karera. Pero iba ang ipinapayo sa iyo ni Jehova. Siyempre, gusto niya na mag-aral kang mabuti para masuportahan mo ang iyong sarili kapag naka-graduate ka na. (Col. 3:23) Pero gusto ka rin niyang tulungan kapag nagpapasiya ka sa magiging priyoridad mo sa buhay. Binibigyan ka niya ng mga simulain para makapamuhay ka kaayon ng kalooban niya sa panahong ito ng kawakasan. (Mat. 24:14) Tandaan ding nakikita ni Jehova ang lahat dahil alam niya ang mangyayari sa sanlibutang ito at alam din niya kung gaano na kalapit ang kawakasan nito. (Isa. 46:10; Mat. 24:3, 36) Kilala rin niya tayo—kung ano ang talagang nagpapasaya at nagpapalungkot sa atin. Kaya kahit parang napakamakatuwiran ng payo ng mga tao, kung hindi naman ito ayon sa Salita ng Diyos, hindi pa rin ito maituturing na karunungan. w18.12 19 ¶1-2
Sabado, Mayo 16
Ang balakyot ay mawawala na.—Awit 37:10.
Sa halip, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Ginabayan din ng Diyos si David na ihula: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:11, 29; 2 Sam. 23:2) Ano kaya ang epekto nito sa mga taong gustong gumawa ng kalooban ng Diyos? Magkakaroon sila ng basehan para umasa na kung puro matuwid lang ang mabubuhay sa lupa, darating ang panahong maibabalik ang isang paraisong gaya ng hardin ng Eden. Sa paglipas ng panahon, karamihan sa mga Israelitang nag-aangking lingkod ni Jehova ay tumalikod sa kaniya at sa tunay na pagsamba. Kaya hinayaan ng Diyos na sakupin ng mga Babilonyo ang kaniyang bayan, wasakin ang kanilang lupain, at dalhing bihag ang marami sa kanila. (2 Cro. 36:15-21; Jer. 4:22-27) Pero inihula rin ng mga propeta ng Diyos na pagkalipas ng 70 taon, babalik ang kaniyang bayan sa lupain nila. Natupad ang mga hulang iyon. Pero may kahulugan din ang mga ito para sa atin—isang paraisong lupa na darating. w18.12 4-5 ¶9-10
Linggo, Mayo 17
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.—Isa. 55:9.
Maraming makasanlibutang payo ang salungat sa sinasabi ng Kasulatan. Pero mas praktikal kaya sa ngayon ang ilan sa mga payong ito kaysa sa sinasabi ng Bibliya? “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 11:19) Malaki na ang isinulong ng daigdig pagdating sa teknolohiya, pero hindi pa rin nito malutas ang malalaking problemang humahadlang sa kaligayahan ng tao, gaya ng digmaan, pagtatangi ng lahi, at krimen. Kumusta naman ang pagkunsinti nito sa imoralidad? Inaamin ng marami na hindi ito nakatutulong kundi nagiging dahilan pa nga ng pagkakawatak-watak ng pamilya, sakit, at iba pang problema. Samantala, ang mga Kristiyanong tumutulad sa kaisipan ng Diyos ay may mas matibay na ugnayang pampamilya, mabuting kalusugan dahil sa kalinisan sa moral, at kapayapaan sa gitna ng mga kapatid sa buong mundo. (Isa. 2:4; Gawa 10:34, 35; 1 Cor. 6:9-11) Hindi ba’t ipinakikita nito na nakahihigit ang kaisipan ni Jehova sa kaisipan ng sanlibutan? w18.11 20 ¶8-10
Lunes, Mayo 18
Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.—1 Cor. 15:33.
Siyempre pa, sinisikap nating magkaroon ng mabuting kaugnayan sa ating kapamilya at maging mabait sa kanila, pero dapat tayong mag-ingat na huwag ikompromiso ang katotohanan para lang paluguran sila. Kahit na sinisikap nating makasundo sila, magkakaroon lang tayo ng matalik na pakikipagkaibigan sa mga umiibig kay Jehova. Dapat na maging banal ang lahat ng lumalakad sa katotohanan. (Isa. 35:8; 1 Ped. 1:14-16) Nang malaman natin ang katotohanan, lahat tayo ay gumawa ng pagbabago para maabot ang matuwid na mga pamantayan ng Bibliya. Baka nga malaking pagbabago pa ang ginawa ng ilan. Anumang pagbabago ang ginawa natin, hindi natin kailanman ipagpapalit ang ating malinis at banal na katayuan para lang sa maruming moralidad ng sanlibutan. Paano natin maiiwasang magpadala sa imoral na gawain? Bulay-bulayin kung gaano kalaki ang ibinayad ni Jehova para maging banal tayo—ang mahalagang dugo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Ped. 1:18, 19) Para mapanatili ang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, napakahalagang laging isaisip at isapuso kung gaano kahalaga ang haing pantubos ni Jesus. w18.11 11 ¶10-11
Martes, Mayo 19
Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.—Mik. 7:7.
Maraming nasa buong-panahong paglilingkod ang makapagpapatunay na dahil nakapokus sila sa ministeryo, nakapanatili silang balanse sa kabila ng mga pagbabago. Gaya ng ipinakikita ng kanilang halimbawa, mapananatili natin ang panloob na kapayapaan kung gagawin natin ang pinakamabuting magagawa natin ayon sa ating kalagayan at maghihintay kay Jehova. Baka nga mas marami pa tayong natamong pagpapala sa espirituwal noong mag-adjust tayo sa ating bagong kalagayan. Kapag biglang nagbago ang ating kalagayan—dahil man ito sa bagong teokratikong atas, problema sa kalusugan, o bagong pananagutan sa pamilya—magtiwalang nagmamalasakit si Jehova sa iyo at tutulungan ka niya sa tamang panahon. (Heb. 4:16; 1 Ped. 5:6, 7) Samantala, gawin ang pinakamabuting magagawa mo ayon sa sitwasyon mo ngayon. Lumapit sa iyong makalangit na Ama sa panalangin, at matutong ipaubaya ang iyong sarili sa kaniyang pangangalaga. Sa gayon, mapananatili mo rin ang iyong panloob na kapayapaan sa kabila ng mga pagbabago. w18.10 30 ¶17; 31 ¶19, 22
Miyerkules, Mayo 20
[Nalalamang lubos ni Jehova] ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.—Awit 103:14.
Maraming halimbawa sa Bibliya tungkol sa pagiging makonsiderasyon ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Halimbawa, pansinin ang pagkamaalalahanin ng Diyos nang tulungan niya ang batang si Samuel na sabihin sa mataas na saserdoteng si Eli ang mensahe ng paghatol sa 1 Samuel 3:1-18. Sa Kautusan ni Jehova, itinuturo sa mga bata na igalang ang matatanda, lalo na ang isang pinuno. (Ex. 22:28; Lev. 19:32) Magagawa kaya ni Samuel na pumunta kay Eli isang umaga at buong-tapang na sabihin sa kaniya ang mabigat na mensahe ng paghatol ng Diyos? Siyempre hindi! Ang totoo, si Samuel ay “natakot na sabihin kay Eli ang tungkol sa pagpapakita [o, pangitain].” Pero nilinaw ng Diyos kay Eli na Siya ang tumatawag kay Samuel. Dahil dito, si Eli na mismo ang nagsabi kay Samuel na magsalita ito, at huwag ilihim “ang isa mang salita.” Sumunod si Samuel at ‘sinabi sa kaniya ang lahat ng mga salita,’ at kaayon ito ng naunang mensahe. (1 Sam. 2:27-36) Ipinakikita ng ulat na ito tungkol kay Samuel at Eli na talagang makonsiderasyon at marunong si Jehova. w18.09 23-24 ¶2; 24 ¶4-5
Huwebes, Mayo 21
O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda? . . . Siyang . . . nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.—Awit 15:1, 2.
Napakarami nang sinungaling ngayon. Gaya ng sinasabi sa artikulong “Kung Bakit Tayo Nagsisinungaling” ni Y. Bhattacharjee, “ang pagsisinungaling ay isang pag-uugaling likas na sa tao.” Kadalasan nang nagsisinungaling ang mga tao para protektahan o iangat ang kanilang sarili. Nagsisinungaling sila para pagtakpan ang pagkakamali at masamang ginawa nila o magkaroon ng pinansiyal at personal na pakinabang. Gaya ng sinasabi sa artikulo, may mga taong “napakadaling magsinungaling sa mga estranghero, katrabaho, kaibigan, at mga mahal sa buhay—maliit na bagay man ito o malaki.” Ano ang resulta ng mga pagsisinungaling na ito? Nawawala ang pagtitiwala at nasisira ang pagsasamahan. Nanalangin kay Jehova ang salmistang si David: “Ikaw ay nalulugod sa pagkamatapat sa mga panloob na bahagi.” (Awit 51:6) Alam ni David na ang pagsasabi ng katotohanan ay nagmumula sa ating puso. Sa bawat aspekto ng buhay, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘nagsasalita ng katotohanan sa isa’t isa.’—Zac. 8:16. w18.10 7 ¶4; 8 ¶9-10; 10 ¶19
Biyernes, Mayo 22
Pinatnubayan niya sila nang tiwasay, at hindi sila nakadama ng panghihilakbot.—Awit 78:53.
Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto noong 1513 B.C.E., maaaring mahigit na tatlong milyon sila. Sa tatlo o apat na henerasyon nila, may mga bata, matatanda, at tiyak na mayroon ding ilan na may kapansanan. Para pangunahan ang gayon karaming tao palabas sa Ehipto, kailangan ang maunawain at maalalahaning Lider. Pinatunayan ni Jehova, sa pamamagitan ni Moises, na gayon Siya. Dahil dito, nadama ng mga Israelita na ligtas sila habang papaalis sa nag-iisang tahanang alam nila. (Awit 78:52) Ano ang ginawa ni Jehova para madama ng bayan na ligtas sila at panatag? Una, inilabas sila ni Jehova sa Ehipto sa napakaorganisadong “hanay ng pakikipagbaka.” (Ex. 13:18) Dahil dito, natiyak ng mga Israelita na kontrolado ng Diyos ang mga bagay-bagay. Malinaw ring ipinadama ni Jehova ang kaniyang presensiya sa pamamagitan ng “ulap” kung araw at “liwanag ng apoy” kung gabi. (Awit 78:14) Parang sinasabi ni Jehova: “Huwag kayong matakot. Kasama ninyo ako para patnubayan at protektahan kayo.” w18.09 26 ¶11-12
Sabado, Mayo 23
O ikubli mo nawa ako sa Sheol, . . . na takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako.—Job 14:13.
Noong panahon ng Bibliya, may ilang tapat na lingkod ng Diyos na gusto nang mamatay dahil sa bigat ng problema nila. Halimbawa, dahil sa matinding kirot na nararamdaman ni Job, ayaw na niyang mabuhay pa, kaya nasabi niya: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay.” (Job 10:1) Dismayadong-dismayado si Jonas sa kinalabasan ng atas niya, kaya nasabi niya: “Ngayon, O Jehova, pakisuyo, kunin mo sa akin ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.” (Jon. 4:3) Sobra ding naapektuhan ang tapat na propetang si Elias dahil sa nangyari sa kaniya kung kaya gusto na niyang mamatay. Sinabi niya: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.” (1 Hari 19:4) Pero napakahalaga kay Jehova ng tapat na mga lingkod na iyon at gusto niya silang patuloy na mabuhay. Sa halip na masamain ang nadama nila, tinulungan niya silang mapaglabanan ang kaisipang iyon at pinatibay niya sila sa pag-ibig para patuloy na makapaglingkod nang tapat sa kaniya. w18.09 13 ¶4
Linggo, Mayo 24
Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.—1 Cor. 3:9.
Kilaláng mapagpatuloy ang mga kamanggagawa ng Diyos. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong isinalin na “pagkamapagpatuloy” ay nangangahulugang “kabaitan sa ibang mga tao [o, estranghero].” (Heb. 13:2) May mga pangyayari sa Bibliya na nagtuturo sa atin na magpakita ng gayong pag-ibig. (Gen. 18:1-5) Masasamantala natin at dapat nating samantalahin ang mga pagkakataong makatulong sa iba, sila man ay “may kaugnayan sa atin sa pananampalataya” o wala. (Gal. 6:10) Makagagawa ka bang kasama ng Diyos sa pagiging mapagpatuloy sa mga dumadalaw na buong-panahong mga lingkod? (3 Juan 5, 8) Ang gayong mga pagdalaw ay isang pagkakataon para sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Pinasisigla ng Bibliya ang mga brother sa kongregasyon na gumawang kasama ni Jehova sa pamamagitan ng pag-abot ng mga pribilehiyo sa paglilingkod at pangangasiwa. (1 Tim. 3:1, 8, 9; 1 Ped. 5:2, 3) Ang mga umaabot nito ay nagnanais makatulong sa iba sa praktikal at espirituwal na paraan. (Gawa 6:1-4) Sasabihin sa iyo ng mga gumagawa ng mahahalagang atas sa kongregasyon na talagang nag-e-enjoy sila sa pagtulong sa iba. w18.08 24-25 ¶6-7; 25-26 ¶10
Lunes, Mayo 25
Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki. Sa halip, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama.—1 Tim. 5:1.
Kahit may awtoridad si Timoteo sa matatandang lalaki, dapat pa rin niya silang kahabagan at igalang. Pero hanggang saan maikakapit ang simulaing iyan? Halimbawa, dapat ba nating kunsintihin ang isang nakatatanda kung sinasadya na niyang magkasala o sumusuporta siya sa isang bagay na hindi nakalulugod kay Jehova? Hindi hahatol si Jehova batay sa panlabas na anyo at hindi niya kukunsintihin ang isang kusang nagkasala dahil lang sa nakatatanda siya. Pansinin ang simulain sa Isaias 65:20: “Kung tungkol sa makasalanan, bagaman isang daang taon ang gulang ay susumpain siya.” Ganiyan din ang simulaing ipinakikita sa pangitain ni Ezekiel. (Ezek. 9:5-7) Kaya dapat na maging pangunahin sa atin ang magpakita ng paggalang sa Sinauna sa mga Araw, ang Diyos na Jehova. (Dan. 7:9, 10, 13, 14) Kung gagawin natin ito, hindi tayo matatakot na payuhan ang isang tao kung kailangan, anuman ang edad niya.—Gal. 6:1. w18.08 11 ¶13-14
Martes, Mayo 26
Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.—Kaw. 14:15.
Bilang mga tunay na Kristiyano, kailangan tayong magkaroon ng kakayahang suriin ang impormasyon at makagawa ng tamang konklusyon. (Kaw. 3:21-23; 8:4, 5) Kung hindi natin malilinang ang kakayahang ito, madaling malilinlang ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan ang ating pag-iisip. (Efe. 5:6; Col. 2:8) Siyempre pa, makagagawa lang tayo ng tamang konklusyon kung tama ang impormasyon natin. Napakaraming nakukuhang impormasyon sa ngayon ang mga tao. Parang walang katapusan ang mga ideya mula sa mga website sa Internet, TV, at iba pang media. Nariyan din ang napakaraming e-mail, text, at ulat na natatanggap ng marami mula sa kanilang mga kaibigan at kakilala. Dahil karaniwan na lang ang pagkakalat ng maling impormasyon at pagpilipit sa katotohanan, dapat lang na maging maingat tayo at suriing mabuti ang ating napapakinggan. w18.08 3 ¶1; 3-4 ¶3
Miyerkules, Mayo 27
Nakasumpong ka ng lingap ng Diyos.—Luc. 1:30.
Nang kailangan nang ipanganak ang Anak ng Diyos bilang tao, pinili ni Jehova ang isang mapagpakumbabang dalaga, si Maria, para maging ina ng espesyal na sanggol na ito. Nakatira si Maria sa maliit na lunsod ng Nazaret, malayo sa Jerusalem at sa maringal na templo nito. (Luc. 1:26-33) Nakita ang mahusay na espirituwalidad ni Maria nang makipag-usap siya sa kamag-anak niyang si Elisabet. (Luc. 1:46-55) Oo, pinagmamasdan ni Jehova si Maria, at dahil sa kaniyang katapatan, pinagpala siya ng isang pribilehiyong hindi niya sukat-akalain. Nang ipanganak ni Maria si Jesus, hindi pinarangalan ni Jehova ang mga prominenteng opisyal o tagapamahala sa Jerusalem at Betlehem dahil hindi niya sa kanila ipinaalam ang pangyayaring ito. Nagpakita ang mga anghel sa mga hamak na pastol na nagbabantay ng mga tupa sa parang sa labas ng Betlehem. (Luc. 2:8-14) Pagkatapos, pinuntahan ng mga pastol ang bagong-silang na sanggol. (Luc. 2:15-17) Tiyak na nagulat sina Maria at Jose na makitang sa ganoong paraan pinarangalan si Jesus! w18.07 9-10 ¶11-12
Huwebes, Mayo 28
Si Jehova ay nagalit kay Solomon.—1 Hari 11:9.
Bakit nagalit si Jehova kay Solomon? Sinasabi ng Bibliya: “Sapagkat ang kaniyang puso ay kumiling upang lumayo kay Jehova . . . , na siyang nagpakita sa kaniya nang makalawang ulit. At may kaugnayan sa bagay na ito ay nag-utos siya sa kaniya na huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya tinupad ang iniutos ni Jehova.” Bilang resulta, inalis ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon at suporta. Nawala sa mga inapo ni Solomon ang pamamahala sa nagkakaisang kaharian ng Israel at dumanas sila ng maraming kapahamakan. (1 Hari 11:9-13) Gaya ng nangyari kay Solomon, isa sa pinakamalaking banta sa ating espirituwalidad ang pakikipagkaibigan sa mga hindi nakauunawa o gumagalang sa mga pamantayan ni Jehova. Posibleng kaugnay nga sa kongregasyon ang ilan pero baka mahina naman sa espirituwal. Ang iba naman ay puwedeng mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela na hindi sumasamba kay Jehova. Alinman dito, basta hindi sila nagpapahalaga sa mga pamantayan ni Jehova, darating ang panahon na sisirain nila ang ating magandang katayuan sa Diyos. w18.07 19 ¶9-10
Biyernes, Mayo 29
Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.—1 Juan 5:19.
Ginagamit ni Satanas ang mga pelikula at palabas sa TV para ipalaganap ang kaisipan niya. Alam niyang hindi lang tayo basta nalilibang sa mga kuwento; nakakaapekto rin ang mga ito sa ating pag-iisip, damdamin, at pagkilos. Ginamit ni Jesus ang pagkukuwento para magturo. Nariyan ang kuwento niya tungkol sa mabuting Samaritano at sa alibughang anak na naglayas at lumustay ng kaniyang mana. (Mat. 13:34; Luc. 10:29-37; 15:11-32) Pero ang mga kuwento ay puwede ring gamitin ng mga naimpluwensiyahan ni Satanas para lasunin tayo. Kailangan nating maging balanse. Nalilibang tayo at natututo sa mga pelikula at palabas sa TV. Pero dapat tayong mag-ingat. Kapag pumipili ng libangan, makabubuting tanungin ang sarili, ‘Itinuturo ba sa akin ng pelikula o palabas na ito sa TV na hindi masamang magpadala sa makalamang mga pagnanasa?’ (Gal. 5:19-21; Efe. 2:1-3) Ano ang gagawin mo kung nakita mong may bahid ng kaisipan ni Satanas ang isang programa? Iwasan ito gaya ng pag-iwas mo sa isang nakakahawang sakit! w19.01 15-16 ¶6-7
Sabado, Mayo 30
Tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan.—Efe. 6:17.
Tulad ng helmet na pumoprotekta sa utak ng isang sundalo, pinoprotektahan ng ating “pag-asa ng kaligtasan” ang ating isip, o ang ating kakayahang mag-isip. (1 Tes. 5:8; Kaw. 3:21) Paano maaaring ipatanggal sa atin ni Satanas ang ating helmet? Pansinin ang sinabi niya kay Jesus. Tiyak na alam ni Satanas na taglay ni Jesus ang pag-asang maging tagapamahala ng sangkatauhan. Pero kailangan munang maghintay si Jesus sa itinakdang panahon ni Jehova. At bago iyan, kailangan muna siyang magdusa at mamatay. Kaya inalok ni Satanas si Jesus na mapabilis ang katuparan ng pag-asa niya. Sinabi ni Satanas na kung gagawa si Jesus ng isang gawang pagsamba, mapapasakaniya agad ang lahat ng iyon. (Luc. 4:5-7) Sa katulad na paraan, alam ni Satanas na bibigyan tayo ni Jehova ng magagandang bagay sa bagong sanlibutan. Pero kailangan muna nating maghintay, at baka nga dumanas pa tayo ng mga pagdurusa. Kaya tinutukso tayo ni Satanas na magkaroon ng magandang buhay ngayon. Gusto niyang unahin natin ang materyal na mga bagay—makuha itong lahat at makuha ito ngayon. Inuudyukan tayo ni Satanas na gawing pangalawahin lang sa ating buhay ang Kaharian.—Mat. 6:31-33. w18.05 30-31 ¶15-17
Linggo, Mayo 31
Dulutan ka nawa ng iyong puso ng kabutihan sa mga araw ng iyong kabinataan.—Ecles. 11:9.
Oo, gusto ni Jehova na maging masaya ka sa iyong kabataan. Manatiling nakapokus sa espirituwal na mga tunguhin, at isama si Jehova sa lahat ng plano mo. Kung gagawin mo ito habang nasa kabataan ka pa, mas maaga mong mararanasan ang gabay, proteksiyon, at pagpapala ni Jehova. Pag-isipan ang lahat ng magagandang payo mula sa Salita ng Diyos, at isapuso ito: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong [kabataan].” (Ecles. 12:1) Karapat-dapat komendahan ang mga kabataan sa kongregasyon dahil nakapokus ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova. Umaabot sila ng espirituwal na mga tunguhin at priyoridad nila ang gawaing pangangaral. Determinado rin sila na huwag mailihis ng mundong ito. Makatitiyak ang mga kabataan na sulit ang kanilang pagsisikap. Nasa kanila ang maibiging suporta ng mga kapatid, at dahil ‘iginugulong nila ang kanilang mga gawain kay Jehova,’ ang kanilang mga plano sa buhay ay tiyak na magtatagumpay. w18.04 29 ¶17, 19