Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 37-47
  • Abril

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abril
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Abril 1
  • Huwebes, Abril 2
  • Biyernes, Abril 3
  • Sabado, Abril 4
  • Linggo, Abril 5
  • Lunes, Abril 6
  • Araw ng Memoryal
    Pagkalubog ng Araw
    Martes, Abril 7
  • Miyerkules, Abril 8
  • Huwebes, Abril 9
  • Biyernes, Abril 10
  • Sabado, Abril 11
  • Linggo, Abril 12
  • Lunes, Abril 13
  • Martes, Abril 14
  • Miyerkules, Abril 15
  • Huwebes, Abril 16
  • Biyernes, Abril 17
  • Sabado, Abril 18
  • Linggo, Abril 19
  • Lunes, Abril 20
  • Martes, Abril 21
  • Miyerkules, Abril 22
  • Huwebes, Abril 23
  • Biyernes, Abril 24
  • Sabado, Abril 25
  • Linggo, Abril 26
  • Lunes, Abril 27
  • Martes, Abril 28
  • Miyerkules, Abril 29
  • Huwebes, Abril 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 37-47

Abril

Miyerkules, Abril 1

Sinabi [ni Jesus] kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! . . . Iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”​—Mat. 16:23.

Kumusta naman tayo? Ang pag-iisip ba natin ay gaya ng kaisipan ng Diyos o ng sanlibutan? Totoo, baka iniayon na natin ang ating paggawi sa mga kahilingan ng Diyos. Pero kumusta naman ang ating pag-iisip? Iniaayon din ba natin ito sa kaisipan ni Jehova? Kailangan ang malaking pagsisikap para magawa iyan. Samantala, napakadali nating maimpluwensiyahan ng kaisipan ng sanlibutan. Iyan ay dahil laganap ang espiritu ng sanlibutan ngayon. (Efe. 2:2) At dahil kadalasan nang pansariling kapakanan ang pokus nito, baka maging kaakit-akit pa nga ito. Oo, isang hamon na tularan ang kaisipan ni Jehova pero napakadaling magaya ang kaisipan ng sanlibutan. Gayunman, kung hahayaan nating hubugin ng sanlibutan ang ating pag-iisip, malamang na maging makasarili tayo at gumawa ng sariling mga pamantayang moral. (Mar. 7:21, 22) Kaya napakahalagang tularan ang “mga kaisipan ng Diyos,” hindi ang “sa mga tao.” w18.11 18 ¶1; 19 ¶3-4

Huwebes, Abril 2

Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.​—Mat. 3:17.

Tiyak na napatibay si Jesus nang kilalanin siya ni Jehova sa tatlong pagkakataon nang magsalita Siya mula sa langit. Matapos bautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan, sinabi ni Jehova ang teksto sa araw na ito. Maliwanag na narinig din ni Juan Bautista ang mga salitang iyon. Pagkatapos, mga isang taon bago patayin si Jesus, narinig ng tatlong apostol niya ang sinabi ni Jehova tungkol kay Jesus: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” (Mat. 17:5) At mga ilang araw na lang bago patayin si Jesus, nagsalita ulit si Jehova sa kaniyang Anak mula sa langit. (Juan 12:28) Kahit alam ni Jesus na daranas siya ng kahiya-hiyang kamatayan, na inakusahang mamumusong, ipinanalangin niyang maganap sana ang kalooban ni Jehova at hindi ang sa kaniya. (Mat. 26:39, 42) “Nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan,” at hindi naghahangad ng pagkilala mula sa sanlibutan, kundi mula sa kaniyang Ama lamang.​—Heb. 12:2. w18.07 10-11 ¶15-16

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 9) Marcos 14:3-9

Biyernes, Abril 3

Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang kopang ito.​—Luc. 22:42.

Matapos pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, nagpakita siya ng matinding lakas ng loob. Paano? Ginawa ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama, kahit alam niyang daranas siya ng kahiya-hiyang kamatayan dahil sa paratang na pamumusong. (Mat. 26:65, 66) Nanatiling tapat si Jesus para maparangalan ang pangalan ni Jehova, maitaguyod ang soberanya ng Diyos, at mabuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi. Inihanda rin ni Jesus ang mga tagasunod niya sa mga mapapaharap sa kanila. Nagpakita rin ng lakas ng loob si Jesus nang magpokus siya sa pangangailangan ng kaniyang tapat na mga apostol imbes na sa mga álalahanín niya. Ang simpleng hapunan, na pinasimulan matapos paalisin si Hudas, ay magpapaalaala sa magiging mga pinahirang tagasunod ni Jesus kung paano sila makikinabang sa itinigis na dugo niya at sa pagkakaroon nila ng bahagi sa bagong tipan.​—1 Cor. 10:16, 17. w19.01 22-23 ¶7-8

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Marcos 11:1-11

Sabado, Abril 4

Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.​—Juan 12:28.

Bilang tugon, sumagot ang Ama ni Jesus mula sa langit: “Kapuwa ko ito niluwalhati at luluwalhatiing muli.” Nababagabag si Jesus dahil malaki ang nakasalalay sa pananatili niyang tapat kay Jehova. Alam niyang malapit na siyang dumanas ng panghahagupit at malupit na kamatayan. (Mat. 26:38) Pero higit sa lahat, mas iniisip niya ang pagluwalhati sa pangalan ng kaniyang Ama. Pinaratangan ng pamumusong si Jesus, at nag-aalala siya na baka masira ang reputasyon ng Diyos dahil sa kamatayan niya. Gaya ni Jesus, baka nag-aalala rin tayo na masira ang pangalan ni Jehova. Baka biktima rin tayo ng kawalang-katarungan tulad ni Jesus. O baka nababagabag tayo dahil sa mga kasinungalingang ikinakalat ng mga laban sa atin. Posibleng nag-aalala tayo sa masamang idudulot nito sa pangalan ni Jehova. Sa ganitong mga pagkakataon, mapapatibay tayo ng sinabi ni Jehova. Laging luluwalhatiin ni Jehova ang kaniyang pangalan.​—Awit 94:22, 23; Isa. 65:17. w19.03 11-13 ¶14-16

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Marcos 11:12-19

Linggo, Abril 5

Pinasimulan ni Jesu-Kristo na ipakita sa kaniyang mga alagad na siya ay kailangang . . . magdusa ng maraming bagay . . . at patayin.​—Mat. 16:21.

Hindi makapaniwala ang mga alagad ni Jesus sa kanilang naririnig. Si Jesus ang inaasahan nilang magsasauli ng kaharian sa Israel, pero sinasabi niyang malapit na siyang magdusa at mamatay. Nagsalita si apostol Pedro. “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” ang sabi niya. “Hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Pero sumagot si Jesus: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.” (Mat. 16:22, 23; Gawa 1:6) Sa mga salitang iyan, ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng mga kaisipang nagmumula sa Diyos at ng mga kaisipang nagmumula sa sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Makikita kay Pedro ang makasariling saloobin ng sanlibutan. Pero alam ni Jesus na iba ang kaisipan ng kaniyang Ama. Sa sagot ni Jesus, malinaw na tinanggihan niya ang kaisipan ng sanlibutan at pinili ang kaisipan ni Jehova. w18.11 18-19 ¶1-2

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Marcos 11:20–12:27, 41-44

Lunes, Abril 6

Patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.​—1 Cor. 11:26.

Isipin ang nakikita ni Jehova kapag nagtitipon ang milyon-milyon sa buong mundo para sa Hapunan ng Panginoon. Nakikita niya, hindi lang ang mga grupo sa kabuoan, kundi ang bawat indibidwal na naroroon. Halimbawa, nakikita niya ang mga regular na dumadalo taon-taon. Baka ang ilan sa kanila ay nagsisikap makapunta sa kabila ng matinding pag-uusig. Ang ilan ay hindi naman regular na dumadalo sa ibang pulong, pero mahalaga para sa kanila na makadalo sa Memoryal. Napapansin din ni Jehova ang mga dumalo sa unang pagkakataon dahil gusto lang nilang mag-usisa. Siguradong tuwang-tuwa si Jehova na marami ang dumadalo sa Memoryal. (Luc. 22:19) Pero mas importante sa kaniya ang dahilan kung bakit sila pumunta. Mahalaga kay Jehova ang motibo. Gusto ba nating maturuan tayo ni Jehova at ng organisasyong ginagamit niya?—Isa. 30:20; Juan 6:45. w19.01 26-27 ¶1-3

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Marcos 14:1, 2, 10, 11; Mateo 26:1-5, 14-16

Araw ng Memoryal
Pagkalubog ng Araw
Martes, Abril 7

Si Kristo ay namatay para sa atin.​—Roma 5:8.

Si Jesus ay hindi lang handang mamatay para sa mga alagad niya, kundi sa bawat araw, inuna niya ang kapakanan nila imbes na ang sa kaniya. Halimbawa, nakipagkita siya sa mga alagad kahit pagód siya o may inaalala. (Luc. 22:39-46) At nagpokus siya sa maibibigay niya sa iba, hindi sa matatanggap niya. (Mat. 20:28) Bahagi tayo ng nag-iisang tunay na kapatirang Kristiyano, at gusto nating gamitin ang lahat ng panahong maibibigay natin para imbitahan ang iba na sumama sa atin. Pero gustong-gusto rin nating tulungan ang “mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya” na naging di-aktibo. (Gal. 6:10) Maipapakita nating mahal natin sila kung pasisiglahin natin silang dumalo sa mga pulong, lalo na sa Memoryal. Gaya ni Jehova at ni Jesus, masayang-masaya tayo kapag ang mga di-aktibo ay nanunumbalik kay Jehova.​—Mat. 18:14. w19.01 29 ¶12; 29-30 ¶14-15

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Marcos 14:12-16; Mateo 26:17-19 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Marcos 14:17-72

Miyerkules, Abril 8

Ito ay nangangahulugan ng aking katawan. . . . Ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan.”​—Mat. 26:26-28.

Nang pasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, ang ginamit lang niya ay ang mga natirang tinapay at alak mula sa Paskuwa. Sinabi niya sa mga apostol na sumasagisag ang dalawang bagay na ito sa kaniyang perpektong katawan at dugo, na ihahandog niya para sa kanila. Malamang na hindi nagulat ang mga apostol sa pagiging simple ng mahalagang okasyong ito. Bakit? Mga ilang buwan bago iyon, sa bahay ng mga kaibigan niyang sina Lazaro, Marta, at Maria—nagsimulang magturo si Jesus. Nandoon din si Marta pero abala siya sa paghahanda ng espesyal na pagkain para sa espesyal na bisita niya. Nakita ito ni Jesus, kaya may kabaitan niyang pinayuhan si Marta para maintindihan nito na hindi naman palaging kailangan ang magarbong handa. (Luc. 10:40-42) Nang maglaon, mga ilang oras bago ang kamatayan niya, ginawa mismo ni Jesus ang ipinayo niya. Ginawa niyang simple ang hapunan ng Memoryal. w19.01 20-21 ¶3-4

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Marcos 15:1-47

Huwebes, Abril 9

Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko.​—Juan 17:5.

Pinarangalan ni Jehova si Jesus sa paraang hindi sukat-akalain. Binuhay niyang muli si Jesus tungo sa isang “nakatataas na posisyon” at ipinagkaloob sa kaniya ang isang pagpapalang noon pa lang Niya ibibigay—ang imortal na buhay bilang espiritu! (Fil. 2:9; 1 Tim. 6:16) Isa ngang natatanging pagkilala sa katapatan ni Jesus! Ano ang tutulong sa atin na huwag hangarín ang pagsang-ayon ng sanlibutang ito? Tandaan na laging kinikilala ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya at na madalas na ginagantimpalaan niya sila sa paraang hindi sukat-akalain. Sino nga ba ang nakaaalam kung anong mga pagpapala ang naghihintay sa atin sa hinaharap? Samantala, habang nagbabata tayo ng hirap at pagsubok sa masamang sanlibutang ito, lagi nating tandaan na ang sanlibutang ito ay lumilipas. (1 Juan 2:17) Ang ating maibiging Ama, si Jehova, ay ‘hindi liko upang limutin ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.’—Heb. 6:10. w18.07 11 ¶17-18

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:62-66 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 16) Marcos 16:1

Biyernes, Abril 10

Humihiling ako . . . upang silang lahat ay maging isa.​—Juan 17:20, 21.

Nababahala si Jesus tungkol sa pagkakaisa noong huling hapunan niya kasama ang kaniyang mga apostol. Habang nananalangin, sinabi ni Jesus na gusto niyang maging isa ang lahat ng mga alagad niya, kung paanong siya at ang kaniyang Ama ay iisa. Kung nagkakaisa sila, malaking patotoo ito na isinugo nga ni Jehova si Jesus sa lupa para gawin ang kalooban ng Diyos. Makikilala ang mga tunay na alagad ni Jesus sa kanilang pag-ibig, na tutulong para magkaisa sila. (Juan 13:34, 35) Hindi kataka-takang idiin ni Jesus ang tungkol sa pagkakaisa. Napapansin niyang may mga pagkakataong hindi nagkakaisa o nagkakasundo ang mga apostol, gaya noong huling hapunan niya kasama sila. Gaya ng nangyari na, bumangon uli ang isang pagtatalo tungkol sa “kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Luc. 22:24-27; Mar. 9:33, 34) May pagkakataon ding hiniling nina Santiago at Juan kay Jesus na ibigay sa kanila ang prominenteng posisyon sa kaniyang Kaharian.​—Mar. 10:35-40. w18.06 8 ¶1-2

Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Marcos 16:2-8

Sabado, Abril 11

Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.​—Gen. 2:24.

Gusto ni Jehova na mahalin ng mag-asawa ang isa’t isa habambuhay. (Mat. 19:3-6) Ang pangangalunya ang isa sa pinakamalupit na krimeng magagawa ng isang tao. Kaya naman ipinagbawal ng ikapito sa Sampung Utos ang pangangalunya. (Deut. 5:18) Kasalanan ito “laban sa Diyos,” at napakasakit nito para sa kabiyak. (Gen. 39:7-9) Maaaring hindi malimutan ng isang biktima ng pangangalunya ang sakit na mapagtaksilan, kahit maraming taon pa ang lumipas. Talagang nagmamalasakit din si Jehova sa kapakanan ng mga bata. Inutusan ni Jehova ang mga magulang na ilaan sa kanilang mga anak hindi lang ang materyal na pangangailangan kundi pati na ang espirituwal. Dapat gamitin ng mga magulang ang bawat pagkakataon para tulungan ang kanilang mga anak na maintindihan at mapahalagahan ang Kautusan ni Jehova at turuan silang ibigin siya. (Deut. 6:6-9; 7:13) Hindi dapat pabayaan o abusuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak, dahil hindi sila basta pag-aari, kundi isang mana o regalo mula kay Jehova na dapat mahalin.​—Awit 127:3. w19.02 21 ¶5, 7

Linggo, Abril 12

Malalaman ng Diyos ang aking katapatan.​—Job 31:6.

Nakapanatiling tapat si Job dahil umasa siyang gagantimpalaan siya ng Diyos. Naniniwala si Job na mahalaga sa Diyos ang katapatan niya. Sa kabila ng mga pagsubok, nagtiwala siyang gagantimpalaan siya ni Jehova. Siguradong nakatulong iyan sa kaniya para manatiling tapat. Masayang-masaya si Jehova sa katapatan ni Job, kaya talagang pinagpala niya si Job kahit hindi ito perpekto. (Job 42:12-17; Sant. 5:11) At mas marami pang gantimpala ang naghihintay sa kaniya! Ang ating Diyos ay hindi nagbabago. (Mal. 3:6) Kung tatandaan natin na mahalaga kay Jehova ang ating katapatan, mananatiling buháy sa ating puso ang magandang kinabukasan na ipinangako niya. (1 Tes. 5:8, 9) Minsan, baka pakiramdam mo, wala kang kakampi at ikaw lang ang nananatiling tapat. Pero hindi ka nag-iisa! Kasama mo ang milyon-milyong tapat na lingkod sa buong mundo. Mapapabilang ka rin sa mga lingkod ng Diyos noon na nanatiling tapat kahit sa harap ng kamatayan.​—Heb. 11:36-38; 12:1. w19.02 7 ¶15-16

Lunes, Abril 13

Magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip.​—1 Ped. 3:8.

Habang lumilipas ang panahon ng Memoryal, makabubuting itanong sa ating sarili: ‘Paano ko mas matutularan si Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig? Mas inuuna ko ba ang pangangailangan ng mga kapatid kaysa sa sarili ko? Sobra-sobra ba ang inaasahan ko sa mga kapatid, o alam ko ang mga limitasyon nila?’ Lagi sana nating tularan si Jesus at magpakita ng “pakikipagkapuwa-tao.” Di-magtatagal at hindi na natin ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kapag “dumating” na si Jesus sa malaking kapighatian, titipunin niya sa langit “ang kaniyang mga pinili,” at ititigil na ang pag-alaala sa Memoryal. (1 Cor. 11:26; Mat. 24:31) Pero kahit hindi na aalalahanin ang hapunan ng Memoryal, siguradong hindi malilimutan ng bayan ni Jehova ang simpleng hapunan na iyon, na sagisag ng pinakadakilang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pag-ibig na naipakita ng isang tao. w19.01 25 ¶17-19

Martes, Abril 14

Ikaw ay nalulugod sa pagkamatapat sa mga panloob na bahagi; at sa lihim na pagkatao ay ipaalam mo nawa sa akin ang tunay na karunungan.​—Awit 51:6.

Gamitin nating halimbawa ang ating pisikal na kalusugan para maintindihan kung bakit mahalagang ingatan ang ating makasagisag na puso. Una, para maging malusog ang ating pangangatawan, dapat tayong kumain ng masustansiyang pagkain at regular na mag-ehersisyo. Para maging malusog sa espirituwal, dapat din tayong kumain ng masustansiyang espirituwal na pagkain at regular na mag-ehersisyo, wika nga. Kasama sa ehersisyong iyan ang pagsunod sa mga natututuhan natin at pagbabahagi sa iba ng ating pananampalataya. (Roma 10:8-10; Sant. 2:26) Ikalawa, baka sa panlabas na anyo, mukhang malusog tayo pero may sakit na pala. Sa katulad na paraan, baka may espirituwal na rutin nga tayo at mukhang matibay ang pananampalataya natin, pero may tumutubo na palang maling pagnanasa sa puso natin. (1 Cor. 10:12; Sant. 1:14, 15) Tandaan na gusto ni Satanas na magaya natin ang kaisipan niya. w19.01 15 ¶4-5

Miyerkules, Abril 15

Humayo ka at gayundin ang gawin mo.​—Luc. 10:37.

Tanungin ang sarili: ‘Gayon din ba ang ginagawa ko? Tinutularan ko ba ang ginawa ng mahabaging Samaritano?’ (Luc. 10:30-35) ‘Higit ko bang maipakikita ang awa at kabaitan sa mga nagdurusa? Halimbawa, may maitutulong ba ako sa mga may-edad na kapananampalataya, balo, at sa mga batang hindi Saksi ang ama? Magagawa ko bang maunang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo”?’ (1 Tes. 5:14; Sant. 1:27) Kapag maawain tayo, nadarama natin ang kaligayahang dulot ng pagbibigay. Bukod diyan, alam nating napaluluguran natin si Jehova. (Gawa 20:35; Heb. 13:16) Tungkol sa nagpapakita ng konsiderasyon, sinabi ni Haring David: “Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy. Ipahahayag siyang maligaya sa lupa.” (Awit 41:1, 2) Kapag nagpapakita tayo ng habag, pagpapakitaan din tayo ni Jehova ng awa, na magdudulot sa atin ng namamalaging kaligayahan.​—Sant. 2:13. w18.09 19-20 ¶11-12

Huwebes, Abril 16

Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.​—Isa. 41:10.

Si Yoshiko, isang tapat na sister, ay nakatanggap ng masamang balita. Sinabi ng doktor na ilang buwan na lang siyang mabubuhay. Ano ang reaksiyon niya? Naalaala ni Yoshiko ang kaniyang paboritong teksto, ang teksto sa araw na ito. Pagkatapos, kalmado niyang sinabi sa doktor na hindi siya natatakot, dahil hawak ni Jehova ang kamay niya. Ang nakaaaliw na tekstong iyan ang tumulong sa ating mahal na sister na lubos na magtiwala kay Jehova. Matutulungan din tayo ng tekstong iyan na manatiling panatag kapag napapaharap sa mahihirap na pagsubok. Ipinasulat ni Jehova kay Isaias ang pananalitang iyon para aliwin ang mga Judio na magiging tapon sa Babilonya. Pero iningatan ni Jehova ang mensaheng iyon hindi lang para sa mga tapong Judio kundi para din sa lahat ng lingkod niya sa ngayon. (Isa. 40:8; Roma 15:4) Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kaya mas kailangan natin ang pampatibay-loob mula sa aklat ng Isaias.​—2 Tim. 3:1. w19.01 2 ¶1-2

Biyernes, Abril 17

Kung yaong di-sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay.​—1 Cor. 7:15.

Sa gayong paghihiwalay, ang dalawa ay mag-asawa pa rin at, kahit magkahiwalay sila, pareho silang mapapaharap sa mga hamon. Isinulat ni Pablo ang dahilang ito kung bakit hindi dapat maghiwalay: “Ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal may kaugnayan sa kaniyang asawa, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung hindi, ang inyong mga anak ay talagang magiging marurumi, ngunit ngayon ay mga banal sila.” (1 Cor. 7:14) Maraming tapat na Kristiyano ang nanatili sa kanilang di-sumasampalatayang asawa sa kabila ng napakahihirap na sitwasyon. Napatunayan nilang sulit iyon lalo na nang maging tunay na mananamba ang kanilang asawa. (1 Cor. 7:16; 1 Ped. 3:1, 2) Sa ngayon, napakaraming matagumpay na pag-aasawa sa loob ng kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig. Malamang na maraming masasayang mag-asawa sa inyong kongregasyon. Binubuo sila ng matatapat na mag-asawang nagmamahalan, na nagpapakitang posibleng maging marangal ang pag-aasawa.​—Heb. 13:4. w18.12 14 ¶18-19

Sabado, Abril 18

Ang Diyos na Jehova ay nagtanim ng isang hardin sa Eden, . . . at doon niya inilagay ang tao na kaniyang inanyuan.​—Gen. 2:8.

Ang Eden ay nangangahulugang “Kaluguran,” at talaga namang nakalulugod ang harding iyon. Napakaraming pagkain, maganda ang kapaligiran, at puwedeng makipaglaro sa mga hayop. (Gen. 1:29-31) Ang salitang Hebreo para sa “hardin” ay tinutumbasan ng terminong Griego na pa·raʹdei·sos. Ganito ang sinasabi ng Cyclopaedia nina M’Clintock at Strong tungkol sa pa·raʹdei·sos: “Isang malawak at pampublikong parkeng ligtas sa kapahamakan at napanatili ang likas na kagandahan; may malalaking punongkahoy na namumunga at nadidiligan ng malinaw na mga batis, at sa mga pampang nito ay nagsasama-sama ang malalaking kawan ng antilope o ng tupa—ito ang tanawing pumapasok sa isip ng isang naglalakbay na Griego.” (Ihambing ang Genesis 2:15, 16.) Inilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa gayong paraiso, pero hindi sila naging karapat-dapat doon dahil sinuway nila ang Diyos. Kaya naiwala nila ang Paraisong para sana sa kanila at sa kanilang mga supling. (Gen. 3:23, 24) Kahit wala nang tao sa hardin, lumilitaw na umiiral pa rin iyon hanggang sa dumating ang Baha noong panahon ni Noe. w18.12 3-4 ¶3-5

Linggo, Abril 19

Ako, si Jehova, . . . ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.​—Isa. 48:17.

Nagsisikap ang mga magulang na ikintal sa kanilang mga anak ang magandang asal. Kung susundin ng mga anak ang mga prinsipyong natutuhan nila sa kanilang mga magulang, mas malamang na makagawa sila ng mga desisyong hindi nila pagsisisihan. Dahil dito, maiiwasan nila ang maraming problema at kabalisahang dulot ng sariling pagkakamali. Gaya ng isang mabuting magulang, gusto ni Jehova na magkaroon ng pinakamakabuluhang buhay ang mga anak niya. (Isa. 48:18) Kaya naglaan siya ng mga simulain tungkol sa moralidad at pakikitungo sa iba. Hinihimok tayo ni Jehova na tularan ang kaniyang kaisipan at mga prinsipyo. Hindi ito nakasasakal kundi nakatutulong pa nga para sumulong, humusay, at lumawak ang ating kakayahang mag-isip. (Awit 92:5; Kaw. 2:1-5; Isa. 55:9) Tumutulong ito para makagawa tayo ng mga desisyong magpapaligaya sa atin habang patuloy tayong sumusulong bilang indibidwal. (Awit 1:2, 3) Oo, ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay kapaki-pakinabang at kasiya-siya! w18.11 19-20 ¶7-8

Lunes, Abril 20

Patuloy [silang] nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa inyo.​—1 Ped. 4:4.

Para patuloy na makalakad sa katotohanan, hindi tayo dapat magpadala sa panggigipit. Nang lumakad tayo sa katotohanan, nagbago ang kaugnayan natin sa ating mga di-Saksing kapamilya at kasamahan. Tanggap ito ng ilan; kontra naman dito ang iba. Baka yayain tayo ng ating kapamilya, katrabaho, at kaeskuwela sa kanilang mga selebrasyon. Paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na makibahagi sa mga kaugalian at kapistahan na hindi nakalulugod kay Jehova? Magagawa natin ito kung lagi nating isasaisip ang pananaw ni Jehova sa gayong mga gawain. Makatutulong sa atin ang pagsusuri sa mga publikasyong tumatalakay sa pinagmulan ng popular na mga kapistahan. Kapag inaalaala natin ang mga dahilan sa Kasulatan kung bakit hindi tayo nakikibahagi sa gayong mga kapistahan, nakukumbinsi tayo na lumalakad tayo sa paraang “kaayaaya sa Panginoon.” (Efe. 5:10) Ang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita ng katotohanan ay tutulong sa atin na huwag “manginig sa harap ng mga tao.”​—Kaw. 29:25. w18.11 11 ¶10, 12

Martes, Abril 21

Si Jehova ay sumasa kay Jose at ang kaniyang ginagawa ay pinagtatagumpay ni Jehova.​—Gen. 39:23.

Kapag biglang nagbago ang kalagayan natin, baka bigla na ring huminto ang mundo natin. Puwede sanang mangyari iyan kay Jose. Pero mas pinili niyang gawin ang pinakamabuting magagawa niya ayon sa kaniyang kalagayan, anupat binibigyan si Jehova ng dahilan para pagpalain siya. Kahit nakabilanggo, pinagbuti ni Jose ang anumang atas na ipinagagawa sa kaniya ng punong opisyal ng bilangguan, gaya ng ginawa niyang pagtatrabaho para kay Potipar. (Gen. 39:21, 22) Tulad ni Jose, baka mapalagay rin tayo sa isang sitwasyong wala tayong gaanong kontrol o hindi talaga natin kontrolado. Pero kung patuloy tayong magtitiis at gagawin ang pinakamabuting magagawa natin ayon sa ating kalagayan, mabibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo. (Awit 37:5) Totoo, “naguguluhan” tayo kung minsan, pero gaya ng sinabi ni apostol Pablo, hindi tayo kailanman mawawalan ng pag-asa. (2 Cor. 4:8) Magiging totoo rin iyan sa atin, lalo na kung pananatilihin natin ang ating pokus sa ministeryo. w18.10 29 ¶11, 13

Miyerkules, Abril 22

Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag- ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.​—Heb. 6:10.

Ano ang madarama mo kapag ang isa na kilala mo at iginagalang ay makalimot sa pangalan mo, o mas malala pa, hindi ka na niya kilala? Tiyak na malulungkot ka. Bakit? Kasi, likas sa bawat isa sa atin na hangaríng tanggapin tayo ng iba. Pero hindi lang basta makilala; gusto rin nating malaman nila ang ating pagkatao at ang mga nagagawa natin. (Bil. 11:16; Job 31:6) Pero gaya ng iba pang likas na hangarin ng tao, ang paghahangad na pahalagahan tayo ng iba ay puwedeng maging di-timbang, dahil napipilipit ito ng ating di-kasakdalan. Baka udyukan tayo nitong maghangad ng di-nararapat na pagkilala. Pinasisidhi ng sanlibutan ni Satanas ang paghahangad ng tao na maging tanyag at kilalá, kung kaya nababale-wala ang Isa na siyang nararapat sa pagkilala at pagsamba, ang ating Ama sa langit, ang Diyos na Jehova.​—Apoc. 4:11. w18.07 7 ¶1-2

Huwebes, Abril 23

Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.​—1 Juan 5:19.

Kaya hindi na tayo nagtatakang iniimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga taong may matataas na posisyon na ‘magsalita ng kasinungalingan.’ (1 Tim. 4:1, 2) Mas mananagot ang mga nagsisinungaling na lider ng relihiyon dahil isinasapanganib nila ang kinabukasan ng mga naniniwala sa kanila. Kapag tinatanggap ng isa ang huwad na turo at gumagawa ng isang bagay na hinahatulan ng Diyos, puwedeng mawala ang kaniyang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Os. 4:9) Alam ni Jesus na ganoon ang mga lider ng relihiyon noong panahon niya. Harapan niyang sinabi sa kanila: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat tinatawid ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gawing proselita ang isa, at kapag naging gayon siya ay pinangyayari ninyong mapahanay siya ukol sa Gehenna [walang-hanggang pagkapuksa] na makalawang ulit pa kaysa sa inyong sarili.” (Mat. 23:15) Napakatindi ng mga salitang ginamit ni Jesus nang hatulan niya ang mga lider na iyon. Talagang ‘mula sila sa kanilang amang Diyablo, na mamamatay-tao.’—Juan 8:44. w18.10 7 ¶5-6

Biyernes, Abril 24

Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo . . . dahil sa akin.​—Mat. 5:11.

Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Sinabi pa niya: “Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mat. 5:12) Nang bugbugin ang mga apostol at pagbawalang mangaral, “yumaon ang mga ito mula sa harap ng Sanedrin, na nagsasaya.” Siyempre pa, hindi naman sila natutuwa dahil hinagupit sila. Sa halip, nagsasaya sila dahil ‘ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa pangalan’ ni Jesus. (Gawa 5:41) Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay nagbabata rin nang may kagalakan kapag nagdurusa sila alang-alang sa pangalan ni Jesus o napapaharap sa mahihirap na pagsubok. (Sant. 1:2-4) Gaya ng mga apostol, hindi tayo natutuwa sa anumang uri ng pagdurusa. Pero kung mananatili tayong tapat sa Diyos sa panahon ng pagsubok, tutulungan tayo ni Jehova na magbata nang may katatagan. Kapag nasa atin ang ngiti ng pagsang-ayon ng “maligayang Diyos,” magiging maligaya tayo kahit inuusig dahil sa relihiyon o sinasalansang sa loob ng tahanan.​—1 Tim. 1:11. w18.09 21 ¶18-20

Sabado, Abril 25

Ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.​—Awit 90:10.

Dahil marami ang dumaranas ng iba’t ibang antas ng paghihirap ng kalooban sa “panahong [ito na] mapanganib,” napakaraming tao ang gusto nang sumuko. (2 Tim. 3:1-5) Tinatayang mahigit 800,000 tao ang nagpapakamatay taon-taon—mga isa sa bawat 40 segundo. Nakalulungkot, may ilang Kristiyanong nagpadala rin sa gayong mga stress at nagpakamatay. Kahit hindi pa naman sumusuko ang mga kapatid, marami sa ngayon ang napapaharap sa nakaka-stress na sitwasyon at kailangang patibayin sa pag-ibig. Ang ilan ay inuusig at tinutuya. Ang iba ay biktima ng pamumuna o paninira nang talikuran sa kanilang pinagtatrabahuhan. O pagód na pagód sila dahil sa overtime o sunod-sunod na deadline. Ang iba naman ay pinahihirapan ng mga problema sa pamilya, gaya marahil ng labis na paninitá ng asawang di-Saksi. Dahil sa mga ito at iba pang panggigipit, marami sa kongregasyon ang nasasagad na sa pisikal at emosyonal na paraan. w18.09 13 ¶3, 5

Linggo, Abril 26

Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.​—3 Juan 4.

Nakikipagtulungan kay Jehova ang Kristiyanong mga magulang kapag nagtatakda sila ng espirituwal na tunguhin kasama ng kanilang mga anak. Nakita ng maraming gumawa nito na, nang maglaon, ipinasiya ng kanilang mga anak na maglingkod nang buong panahon kahit mapalayo sa lugar nila. Ang ilan ay misyonero; ang iba ay nagpapayunir kung saan kailangan ang mas maraming mamamahayag; Bethelite naman ang iba. Mangangahulugan ito na hindi sila madalas magkikita bilang pamilya, gustuhin man nila. Sa kabila nito, pinasisigla ng mapagsakripisyong mga magulang ang kanilang mga anak na magpatuloy sa kanilang atas. Bakit? Natutuwa kasi sila at nasisiyahan dahil inuuna ng kanilang mga anak ang interes ng Kaharian. Marahil nadarama ng gayong mga magulang ang nadama ni Hana, na nagsabing ‘ipinahiram’ niya kay Jehova ang anak niyang si Samuel. Para sa kanila, isang malaking karangalan na makipagtulungan kay Jehova. Wala nang iba pang hihigit dito.​—1 Sam. 1:28. w18.08 24 ¶4

Lunes, Abril 27

Magiging mahirap na bagay para sa isang taong mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit.​—Mat. 19:23.

Hindi sinabi ni Jesus na imposible ito. Sinabi rin niya: “Maligaya kayong mga dukha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos.” (Luc. 6:20) Pero hindi ito nangangahulugang lahat ng mahirap ay pinagpala at tumugon sa itinuro ni Jesus. Maraming mahihirap ang hindi tumugon. Ang punto? Hindi natin talaga mahahatulan ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova batay sa kaniyang materyal na pag-aari. Pinagpala tayo sa pagkakaroon ng maraming kapatid, mayayaman at mahihirap, na buong-pusong umiibig at naglilingkod kay Jehova. Pinapayuhan ng Kasulatan ang mayayaman na “ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.” (1 Tim. 6:17-19) Kasabay nito, pinapayuhan ng Bibliya ang lahat sa bayan ng Diyos, mayaman at mahirap, na huwag ibigin ang salapi. (1 Tim. 6:9, 10) Oo, kapag tinitingnan natin ang mga kapatid gaya ng tingin ni Jehova sa kanila, hindi tayo matutuksong hatulan sila batay lang sa kanilang materyal na taglay o di-taglay. w18.08 10-11 ¶11-12

Martes, Abril 28

Magpasakop kayo sa Diyos.​—Sant. 4:7.

Tiyak na gustong-gusto nating pasalamatan si Jehova dahil isang karangalan ang maging bayan niya. Isang karunungan na ipakitang tayo ay pag-aari niya sa pamamagitan ng kusang pag-aalay ng ating sarili sa kaniya. Naninindigan tayo laban sa kasamaan. At mahal natin at iginagalang ang ating mga kapatid, dahil kinikilala nating sila rin ay kay Jehova. (Roma 12:10) Nangangako ang Bibliya: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) Ang napakatibay na garantiyang ito ay maaasahan kahit ano pa ang mangyari sa atin. Kahit ang kamatayan ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Jehova. (Roma 8:38, 39) “Kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8) Oo, talagang inaasam-asam natin ang pagdating ng araw na bubuhaying muli ni Jehova ang lahat ng tapat na mga kaibigan niyang namatay na. (Mat. 22:32) Ngayon pa lang, nagtatamasa na tayo ng maraming pagpapala. Gaya ng sabi ng Bibliya, “maligaya ang bansa na ang Diyos ay si Jehova, ang bayang pinili niya bilang kaniyang mana.”​—Awit 33:12. w18.07 26 ¶18-19

Miyerkules, Abril 29

Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay.​—1 Cor. 10:23.

Iniisip ng ilan na dahil personal na desisyon ang ilang bagay, gaya ng edukasyon, trabaho, o karera, may kalayaan silang pumili ng gusto nila basta kaya ng kanilang budhi. Baka idahilan pa nga nila ang sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto tungkol sa pagkain: “Bakit nga hahatulan ng budhi ng ibang tao ang aking kalayaan?” (1 Cor. 10:29) Totoo, may kalayaan tayong gumawa ng personal na desisyon pagdating sa mga bagay na ito. Pero tandaan natin na ang ating kalayaan ay relatibo o may limitasyon, at ang lahat ng desisyon natin ay may mabuti o masamang epekto. Kaya naman sinabi ni Pablo ang pananalita sa teksto sa araw na ito. Kaya pagdating sa paggamit ng ating kalayaan, mas maraming mahahalagang bagay na dapat isaalang-alang bukod sa ating personal na kagustuhan. w18.04 10-11 ¶10

Huwebes, Abril 30

Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo.​—Mal. 3:7.

Ang isang Kristiyano sa ngayon ay maaaring nalilihis na ng landas kahit sinasabi niyang sumasamba siya kay Jehova. (Jud. 11) Halimbawa, baka nag-iisip na siya ng imoral na mga bagay, sakim na pagnanasa, o nagkikimkim ng galit sa isang kapuwa Kristiyano. (1 Juan 2:15-17; 3:15) Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umakay sa paggawa ng kasalanan. Samantala, baka aktibo naman siya sa ministeryo at regular sa mga pulong. Maaaring hindi alam ng iba ang ating iniisip at ginagawa, pero nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay at alam niya kung hindi tayo buong-pusong naninindigan sa panig niya. (Jer. 17:9, 10) Sa kabila nito, hindi tayo agad sinusukuan ni Jehova. Kapag napapalayo na sa Diyos ang isa, hinihimok siya ni Jehova: “Manumbalik [ka] sa akin.” Lalo na kapag may pinaglalabanan tayong mga kahinaan, gusto ni Jehova na manindigan tayo laban sa kasamaan. (Isa. 55:7) Kung gagawin natin ito, patutunayan niyang nasa panig natin siya dahil palalakasin niya tayo sa espirituwal, emosyonal, at pisikal para ‘mapanaigan’ ang ating makasalanang hilig.​—Gen. 4:7. w18.07 18 ¶5-6

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share