Marso
Linggo, Marso 1
Ikaw ay nagpupuno sa lahat ng bagay.—1 Cro. 29:12.
Sa unang dalawang kabanata ng Genesis, makikita natin na taglay nina Adan at Eva ang kalayaang pinapangarap lang ng mga tao ngayon—kalayaan sa kahirapan, takot, at paniniil. Hindi sila namomroblema tungkol sa pagkain, trabaho, pagkakasakit, at kamatayan. (Gen. 1:27-29; 2:8, 9, 15) Pero mahalagang tandaan na ang Diyos na Jehova lang ang may ganap at walang-limitasyong kalayaan. Bakit? Dahil siya ang Maylikha ng lahat ng bagay, ang Makapangyarihan-sa-lahat, at Soberano ng uniberso. (1 Tim. 1:17; Apoc. 4:11) Kaya naman, ang kalayaang taglay ng lahat ng nilalang sa langit at sa lupa ay relatibo lang, o may hangganan. Dapat nilang kilalanin na tanging ang Diyos na Jehova ang may pinakadakilang awtoridad para magtakda ng makatarungan, kinakailangan, at makatuwirang limitasyon. At iyan nga ang ginawa ng Diyos na Jehova mula pa nang likhain niya ang tao. w18.04 4 ¶4, 6
Lunes, Marso 2
Pagkaganda-ganda . . . ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita.—Isa. 52:7.
Sa kasalukuyang sistemang ito, nakapagtitiis lang tayo sa tulong ni Jehova. (2 Cor. 4:7, 8) Pero isipin na lang ang mga taong walang malapít na kaugnayan kay Jehova. Tiyak na mas nahihirapan sila. Gaya ni Jesus, naaawa tayo sa kanila, at dahil diyan, gusto nating sabihin sa kanila ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” Kaya maging matiyaga sa mga tinuturuan mo. Tandaan, baka hindi man lang sumagi sa isip nila ang ilang katotohanan sa Bibliya na alam na alam na natin. At marami ang kumbinsidong-kumbinsido sa kanilang pinaniniwalaan. Baka iniisip nilang ang relihiyon nila ang nagbubuklod sa kanilang pamilya at komunidad, at ito rin ang nagpapanatili ng kanilang kultura. Bago natin hilingin sa mga tao na bitawan ang dati nilang mga paniniwalang mahalaga sa kanila, baka kailangan muna natin silang tulungang magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa mga bago nilang natututuhan—mga katotohanan sa Bibliya na hindi pa nila alam noon. Saka pa lang sila magiging handa na bitawan ang dati nilang paniniwala. Kaya kailangan dito ang panahon.—Roma 12:2. w19.03 22-23 ¶10; 23-24 ¶12-13
Martes, Marso 3
Ikaw ay aking sinang-ayunan.—Mar. 1:11.
Magandang halimbawa si Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig at pagsang-ayon. Kaya dapat din tayong humanap ng pagkakataon para patibayin ang iba. (Juan 5:20) Nakakataba ng puso kapag pinagpapakitaan tayo ng pagmamahal at nabibigyan ng komendasyon ng isa na mahalaga sa atin. Totoo rin iyan sa mga kapatid natin sa kongregasyon at kapamilya; kailangan nila ng ating pag-ibig at pampatibay. Kapag kinokomendahan natin ang iba, tumitibay ang kanilang pananampalataya at natutulungan silang manatiling tapat sa paglilingkod kay Jehova. Lalo nang kailangan ng mga magulang na patibayin ang mga anak nila. Kapag taimtim na kinokomendahan ng mga magulang ang mga anak nila at ipinadarama ang kanilang pagmamahal, natutulungan nila ang mga ito na lumaking mahusay. Ipinapakita ng pananalitang: “Ikaw ay aking sinang-ayunan” na nagtitiwala si Jehova na gagawin ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama. Buo ang tiwala ni Jehova sa Anak niya, kaya lubos din tayong makapagtitiwala na tutuparin ni Jesus ang lahat ng pangako ni Jehova. (2 Cor. 1:20) Kapag pinag-iisipan natin ang halimbawa ni Jesus, lalo tayong nagiging determinado na matuto mula sa kaniya at matularan siya.—1 Ped. 2:21. w19.03 8 ¶3; 9-10 ¶5-6
Miyerkules, Marso 4
Ang kautusan ng espirit̀ung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.—Roma 8:2.
Kapag nalaman natin ang tunay na halaga ng isang mamahaling regalo, talagang pasasalamatan natin ang nagbigay nito. Hindi pinahalagahan ng mga Israelita ang pagpapalaya ni Jehova sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Pagkaraan lang ng ilang buwan, hinahanap-hanap na nila ang mga dating kinakain at iniinom nila doon at nagreklamo sila sa mga paglalaan ni Jehova. Gusto pa nga nilang bumalik sa Ehipto. Akalain mo, mas importante pa sa kanila ang ‘mga isda, pipino, pakwan, puero, sibuyas, at bawang’ kaysa sa kalayaang ibinigay sa kanila para sambahin ang tunay na Diyos, si Jehova! Hindi nakapagtatakang nagalit si Jehova sa kaniyang bayan. (Bil. 11:5, 6, 10; 14:3, 4) Mahalagang aral ito para sa atin. Hinimok ni apostol Pablo ang lahat ng Kristiyano na huwag bale-walain ang kalayaang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—2 Cor. 6:1. w18.04 9-10 ¶6-7
Huwebes, Marso 5
Siya ay maibigin sa katuwiran at katarungan. Ang lupa ay punô ng maibiging-kabaitan ni Jehova.—Awit 33:5.
Gusto nating lahat na may nagmamahal sa atin. Gusto rin nating tratuhin tayo nang tama. Kung paulit-ulit tayong napagkakaitan ng pag-ibig at katarungan, baka madama nating wala tayong pag-asa at halaga. Alam ni Jehova na kailangang-kailangan natin ng pag-ibig at katarungan. (Awit 33:5) Makasisiguro tayo na mahal na mahal tayo ng ating Diyos at ayaw niyang naaapi tayo. Makikita ito kung susuriin natin ang Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises para sa bansang Israel. Kapag pinag-aralan natin ang Kautusang Mosaiko, malalaman nating nagmamalasakit sa atin ang ating maibiging Diyos, si Jehova. (Roma 13:8-10) Mapapansin nating nakasalig sa pag-ibig ang Kautusang Mosaiko dahil ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay udyok ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) May dalawang saligang utos ang buong Kautusan ni Jehova—ibigin ang Diyos, at ibigin ang iyong kapuwa. (Lev. 19:18; Deut. 6:5; Mat. 22:36-40) Ang bawat isa sa mahigit 600 utos sa Kautusan ay may itinuturo tungkol sa pag-ibig ni Jehova. w19.02 20-21 ¶1-4
Biyernes, Marso 6
Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.—Mat. 6:21.
Naging maingat si Job sa pakikitungo sa di-kasekso. (Job 31:1) Alam niyang maling ibaling ang kaniyang atensiyon sa ibang babae maliban sa asawa niya. Sa ngayon, laganap sa mundo ang kahalayan at imoralidad. Gaya ni Job, kung may asawa tayo, iiwasan din ba nating tumingin nang may pagnanasa sa iba? Iiwasan ba nating tumingin sa anumang mahahalay o pornograpikong larawan at eksena? (Mat. 5:28) Kung ipapakita natin ang ganiyang pagpipigil sa sarili araw-araw, makapananatili tayong tapat. Naging masunurin din si Job kay Jehova sa pananaw niya sa materyal na mga bagay. Alam ni Job na kung magtitiwala siya sa kaniyang mga ari-arian, makagagawa siya ng kasalanan na karapat-dapat sa parusa. (Job 31:24, 25, 28) Nabubuhay tayo sa napakamateryalistikong sanlibutan. Kung magkakaroon tayo ng balanseng pananaw sa pera at ari-arian, gaya ng ipinapayo ng Bibliya, titibay ang determinasyon natin na manatiling tapat.—Kaw. 30:8, 9; Mat. 6:19, 20. w19.02 6-7 ¶13-14
Sabado, Marso 7
Kung paanong inibig ako ng Ama at inibig ko kayo.—Juan 15:9.
Sa lahat ng ginawa ni Jesus, lubusan niyang tinularan ang pag-ibig ni Jehova sa atin. (1 Juan 4:8-10) Lalo niya itong naipakita nang kusang-loob niyang ibigay ang kaniyang buhay para sa atin. Tayo man ay kabilang sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” nakikinabang tayo sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ng kaniyang Anak sa pamamagitan ng pantubos. (Juan 10:16; 1 Juan 2:2) Pag-isipan din ang mga bagay na ginamit sa hapunan ng Memoryal; makikita rito ang pag-ibig at konsiderasyon ni Jesus sa mga alagad niya. Paano? Nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa pinahirang mga tagasunod niya sa pamamagitan ng pagpapasimula ng isang simpleng hapunan na ipagdiriwang nila, hindi ng isang komplikadong ritwal. Sa paglipas ng panahon, ipinagdiwang ng mga pinahirang alagad ang Memoryal taon-taon sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, kahit sa bilangguan. (Apoc. 2:10) Nagawa ba nila ang utos ni Jesus? Oo naman! Hanggang ngayon, sinisikap pa rin ng mga tunay na Kristiyano na alalahanin ang kamatayan ni Jesus. w19.01 24 ¶13-15
Linggo, Marso 8
Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.—Juan 8:32.
Kasama sa kalayaang iyan ang kalayaan mula sa huwad na relihiyon, kawalang-alam, at mga pamahiin. At higit pa riyan, magtatamo tayo sa bandang huli ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Mararanasan mo ang kalayaang iyan ngayon pa lang kung ‘mananatili ka sa salita ng Kristo,’ o sa kaniyang mga turo. (Juan 8:31) Sa ganitong paraan, “malalaman [mo] ang katotohanan” hindi lang sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol dito, kundi sa pagsasabuhay rin nito. Sa lumang sistemang ito, gumanda man ang buhay ng isang tao, pansamantala lang iyon at walang katiyakan. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Sant. 4:13, 14) Kaya ang matalinong gawin ay ang manatili sa daang umaakay sa “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan. (1 Tim. 6:19) Siyempre pa, hindi tayo pinipilit ng Diyos na lumakad sa daang iyan. Tayo ang magpapasiya. Gawing iyong “bahagi” si Jehova. (Awit 16:5) Pahalagahan ang mga “bagay na mabuti” na ibinigay niya sa iyo. (Awit 103:5) At manampalatayang maibibigay niya sa iyo ang “lubos na pagsasaya” at “kaigayahan . . . magpakailanman.”—Awit 16:11. w18.12 28 ¶19, 21
Lunes, Marso 9
Hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.—1 Cor. 7:11.
Dapat igalang ng lahat ng Kristiyano ang pag-aasawa, gaya ng paggalang ni Jesus at ni Jehova rito. Pero baka hindi ito nagagawa ng ilan dahil sa di-kasakdalan. (Roma 7:18-23) Kaya hindi tayo dapat magtaka kung nagkaproblema sa pag-aasawa ang ilang Kristiyano noong unang siglo. Isinulat ni Pablo na “ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”; pero may mga pagkakataong nangyari ito. (1 Cor. 7:10) Hindi ipinaliwanag ni Pablo ang dahilan ng gayong paghihiwalay. Ang problema ay hindi dahil naging imoral ang asawang lalaki, na nagbigay sa asawang babae ng saligan para makipagdiborsiyo at mag-asawang muli. Isinulat ni Pablo na ang babaeng humiwalay sa kaniyang asawa ay dapat “manatili [na] walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.” Kaya mag-asawa pa rin sila sa paningin ng Diyos. Ipinayo ni Pablo na anuman ang problema, basta’t hindi sangkot ang seksuwal na imoralidad, dapat na gawing tunguhin ang makipagkasundong muli. Puwede silang humingi ng makakasulatang payo mula sa mga elder. w18.12 13 ¶14-15
Martes, Marso 10
Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.—Mat. 6:33.
Sa ngayon, kalooban ng Diyos para sa kaniyang bayan na maging kaibigan niya at lubos na makibahagi sa kaniyang gawain. (Mat. 28:19, 20; Sant. 4:8) Baka subukan ng mga taong nagmamalasakit na ilihis tayo mula sa landasing iyan. Halimbawa, paano kung alukin ka ng iyong employer ng mas mataas na posisyon na mas malaki ang suweldo pero mahahadlangan naman nito ang iyong espirituwal na mga gawain? Kung estudyante ka naman, paano kung alukin ka ng karagdagang edukasyon pero mapapalayo ka sa iyong pamilya? Sa gayong pagkakataon, baka kailangan mong manalangin at mag-research, makipag-usap sa iba, at saka magdesisyon. Bakit hindi alamin ngayon pa lang ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay na iyon at sikaping matularan ito? Sa gayon, kung sakaling mapaharap ka sa katulad na mga alok, malamang na hindi ka na matukso. Malinaw na sa iyo kung ano ang espirituwal mong tunguhin, nakapagpasiya ka na sa iyong puso, at ang kulang na lang ay ang isagawa ang iyong pasiya. w18.11 27 ¶18
Miyerkules, Marso 11
Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.—Kaw. 4:23.
Bata pa si Solomon nang maging hari siya sa Israel. Noong nagsisimula pa lang siyang maghari, nagpakita sa kaniya si Jehova sa panaginip at nagsabi: “Hilingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.” Sumagot si Solomon: “Ako ay isang munting bata lamang. . . . Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang masunuring puso upang humatol sa iyong bayan.” (1 Hari 3:5-10) “Masunuring puso”—isa ngang mapagpakumbabang kahilingan! Kaya hindi nakapagtatakang minahal ni Jehova si Solomon! (2 Sam. 12:24) Tuwang-tuwa ang Diyos sa sagot ng batang hari kaya binigyan niya si Solomon ng “isang marunong at may-unawang puso.” (1 Hari 3:12) Noong tapat si Solomon, marami siyang tinanggap na pagpapala. Pinagkatiwalaan siyang magtayo ng templo “para sa pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel.” (1 Hari 8:20) Nakilala siya dahil sa kaniyang bigay-Diyos na karunungan. At ang mga bagay na sinabi niya noong may pagsang-ayon pa siya ng Diyos ay isinulat sa tatlong aklat ng Bibliya. Isa na rito ang Kawikaan. w19.01 14 ¶1-2
Huwebes, Marso 12
Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.—Roma 12:2.
Ayaw ng ilan ang ideya na may sinumang huhubog o iimpluwensiya sa kanilang pag-iisip. “May sarili akong pag-iisip,” ang sabi nila. Baka ang ibig nilang sabihin ay na sila ang gumagawa ng sarili nilang mga desisyon at na iyon ang tamang gawin. Ayaw nilang magpakontrol o kaya ay maging sunod-sunuran lang sa gusto ng iba. Pero nakasisiguro tayo na ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay hindi nangangahulugang wala na tayong kalayaang mag-isip o magsabi ng gusto nating sabihin. Gaya ng sinasabi ng 2 Corinto 3:17, “kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” Malaya tayong maglinang ng sarili nating personalidad. Puwede tayong pumili ng kung ano ang gusto natin at kung saang larangan tayo interesado. Ganiyan tayo dinisenyo ni Jehova. Pero may limitasyon ang kalayaan natin. (1 Ped. 2:16) Sa pagpili ng tama at mali, gusto ni Jehova na gabayan tayo ng kaniyang kaisipang isinisiwalat sa kaniyang Salita. w18.11 19 ¶5-6
Biyernes, Marso 13
Pinabayaan ako ni Demas sa dahilang inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.—2 Tim. 4:10.
Nang malaman natin ang katotohanan, ang materyal na mga bagay ay naging pangalawahin na lang sa ating espirituwal na mga gawain. Masaya nating isinakripisyo ang materyal na mga bagay para makalakad sa katotohanan. Pero sa paglipas ng panahon, baka mapansin natin na nakakabili ang iba ng pinakabagong gadyet o nasisiyahan sa iba pang materyal na pakinabang. Baka maramdaman nating may kulang sa atin. Kapag hindi na tayo kontento sa mga pangunahing pangangailangan, baka isaisantabi natin ang espirituwal na mga gawain para magpayaman. Ipinapaalaala sa atin nito ang nangyari kay Demas. Dahil inibig niya ang “kasalukuyang sistema ng mga bagay,” pinabayaan niya si apostol Pablo at iniwan ang paglilingkod. Bakit? Mas inibig kaya niya ang materyal na mga bagay kaysa sa espirituwal na mga gawain? Ayaw na kaya niyang magsakripisyo para makapaglingkod kasama ni Pablo? Walang binabanggit ang Bibliya. Tiyak na ayaw nating manumbalik ang pag-ibig natin sa materyal na mga bagay at matabunan nito ang pag-ibig natin sa katotohanan. w18.11 10-11 ¶9
Sabado, Marso 14
Tiyak na hindi kayo mamamatay.—Gen. 3:4.
Napakasama ng intensiyon ni Satanas dahil alam na alam niyang mamamatay si Eva kapag naniwala ito sa kaniya at kumain ng bunga. Sinuway nina Adan at Eva ang utos ni Jehova at namatay sila. (Gen. 3:6; 5:5) Ang mas masama pa, dahil sa kasalanang iyon, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” Sa katunayan, “ang kamatayan ay namahala bilang hari . . . , maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Roma 5:12, 14) Ngayon, sa halip na masiyahan sa kasakdalan at buhay na walang hanggan na siyang orihinal na layunin ng Diyos, ang mga tao ay karaniwan nang nabubuhay nang ‘70 taon, o kung dahil sa natatanging kalakasan ay 80 taon.’ Gayunman, ang buhay ay kadalasan nang punô ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:10) Napakasaklap—dahil lang sa kasinungalingan ni Satanas! Ganito ang paliwanag ni Jesus sa ginawa ng Diyablo: “Hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.” (Juan 8:44) Wala pa rin kay Satanas ang katotohanan dahil patuloy niyang ‘inililigaw ang buong tinatahanang lupa’ sa pamamagitan ng mga kasinungalingan. (Apoc. 12:9) Ayaw nating mailigaw ng Diyablo. w18.10 6-7 ¶1-4
Linggo, Marso 15
Maligaya ang mga mapagpayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’—Mat. 5:9.
Ang mga nauunang makipagpayapaan ay may magandang dahilan para maging maligaya. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” (Sant. 3:18) Kapag may nakasamaan tayo ng loob sa kongregasyon o sa pamilya, puwede nating hilingin sa Diyos na tulungan tayong maging tagapamayapa. Sa gayon, ang banal na espiritu ni Jehova, matuwid na paggawi, at kaligayahan ay mangingibabaw. Idiniin ni Jesus na mahalagang mauna sa pakikipagpayapaan nang sabihin niya: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mat. 5:23, 24. w18.09 21 ¶17
Lunes, Marso 16
Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.—Juan 13:34.
Noong huling gabi ni Jesus kasama ang mga alagad, halos 30 ulit niyang binanggit ang pag-ibig. Partikular niyang sinabi na dapat “ibigin [ng mga alagad] ang isa’t isa.” (Juan 15:12, 17) Ang pag-ibig na iyon ay dapat na bukod-tangi anupat malinaw na magpapakilalang sila ay mga tunay na tagasunod niya. (Juan 13:35) Ang pag-ibig na ito ay hindi lang basta emosyon. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang pinakamarangal na katangian—ang mapagsakripisyong pag-ibig. Sinabi niya: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:13, 14) Ang tunay at mapagsakripisyong pag-ibig at ang napakatibay na pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang nagpapakilalang sila ay bayan ng Diyos. (1 Juan 3:10, 11) Laking pasasalamat natin na nakikita sa mga lingkod ni Jehova ang tulad-Kristong pag-ibig anuman ang kanilang nasyonalidad, tribo, wika, o pinagmulan! w18.09 12-13 ¶1-2
Martes, Marso 17
Kung ang sinuman . . . ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya.—1 Tim. 5:8.
Inaasahan ni Jehova na pangangalagaan ng kaniyang mga lingkod ang kanilang pamilya. Halimbawa, baka kailangan mong magtrabaho para suportahan sa pinansiyal ang mga mahal mo sa buhay. Maraming nanay ang naiiwan sa bahay para alagaan ang kanilang maliliit na anak. At may ilang adulto naman na baka kailangang mag-alaga sa mahihina na nilang magulang. Mahahalagang gawain ito. Kung may mga responsibilidad ka sa pamilya, malamang na hindi ka na gaanong makapaglaan ng panahon para sa teokratikong mga gawain, gustuhin mo man. Pero huwag masiraan ng loob! Natutuwa si Jehova kapag pinaglalaanan mo ang iyong pamilya. (1 Cor. 10:31) Kung wala ka namang kinakailangang pananagutan sa pamilya, matutulungan mo ba ang mga kapananampalatayang may inaalagaang kapamilya, pati na ang mga infirm, may-edad, o iba pang nangangailangan? Bakit hindi mo alamin kung sino sa kakongregasyon mo ang nangangailangan ng tulong? Sa paggawa nito, hindi mo alam na gumagawa ka na palang kasama ni Jehova para masagot ang isang panalangin.—1 Cor. 10:24. w18.08 24 ¶3, 5
Miyerkules, Marso 18
Ang Diyos ay sumasakaniya, at hinango niya siya mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian.—Gawa 7:9, 10.
Mga 17 anyos lang si Jose nang ipagbili siya ng mga kapatid niya bilang alipin. Naiinggit kasi sila sa kaniya dahil paborito siya ng tatay nila. (Gen. 37:2-4, 23-28) Sa loob ng mga 13 taon, tiniis ni Jose ang pagiging alipin at bilanggo sa Ehipto, malayo sa kaniyang mahal na amang si Jacob. Ano ang nakatulong kay Jose para huwag mawalan ng pag-asa at huwag maghinanakit? Habang nagdurusa sa bilangguan, tiyak na ipinokus ni Jose ang isip niya sa mga ebidensiya ng pagpapala ni Jehova. (Gen. 39:21; Awit 105:17-19) Ang makahulang mga panaginip ni Jose noong bata pa siya ay nagpatibay sa kaniya na sinasang-ayunan siya ni Jehova. (Gen. 37:5-11) Hindi lang minsan niyang ibinuhos kay Jehova ang kaniyang mga hinaing. (Awit 145:18) Bilang sagot sa taimtim na mga panalangin ni Jose, tiniyak sa kaniya ni Jehova na Siya ay “sumasakaniya” sa lahat ng dinaranas niyang pagsubok. w18.10 28 ¶3-4
Huwebes, Marso 19
Ang dukha ay tudlaan ng pagkapoot maging ng kaniyang kapuwa, ngunit marami ang mga kaibigan ng taong mayaman.—Kaw. 14:20.
Ang materyal na kayamanan ay isang bagay na nakaaapekto sa ating pananaw sa iba. Pero paano naaapektuhan ng kayamanan o kahirapan ng isa ang ating pananaw sa kaniya? Inudyukan ng banal na espiritu si Solomon na iulat ang malungkot na katotohanan tungkol sa di-sakdal na mga tao gaya ng makikita sa teksto ngayon. Ano ang itinuturo nito sa atin? Kung hindi tayo maingat, baka mayayamang kapatid lang ang gusto nating maging kaibigan at iniiwasan naman ang mahihirap. Bakit napakapanganib na sukatin ang halaga ng ibang tao batay sa kanilang materyal na kayamanan? Dahil ang paggawa nito ay magdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon. Ang alagad na si Santiago ay nagbabala na ang problemang ito ang naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa ilang kongregasyon noong unang siglo. (Sant. 2:1-4) Dapat tayong mag-ingat na huwag maapektuhan ng ganitong pag-iisip ang ating kongregasyon at tiyakin na mapaglalabanan natin ang tendensiyang humatol batay sa panlabas na anyo. w18.08 10 ¶8-10
Biyernes, Marso 20
Magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.—1 Ped. 4:8.
Makikita sa ating pakikitungo sa mga kapatid ang pagpapahalaga natin sa espesyal na pakikipagkaibigan kay Jehova. Sila rin ay kay Jehova. Kung tatandaan natin iyan, lagi nating pakikitunguhan ang ating mga kapatid nang may kabaitan at pag-ibig. (1 Tes. 5:15) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kapansin-pansin, inilarawan ni Malakias si Jehova na ‘nagbibigay-pansin at nakikinig’ habang nakikitungo ang bayan Niya sa isa’t isa. (Mal. 3:16) Talagang “kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” (2 Tim. 2:19) Alam na alam niya ang bawat ginagawa at sinasabi natin. (Heb. 4:13) Kapag hindi tayo mabait sa ating mga kapatid, si Jehova ay ‘nagbibigay-pansin at nakikinig.’ Kapag tayo naman ay mapagpatuloy, mapagbigay, mapagpatawad, at mabait sa isa’t isa, tiyak na nakikita rin iyon ni Jehova.—Heb. 13:16. w18.07 26 ¶15, 17
Sabado, Marso 21
[Kay Jehova] ka dapat mangunyapit.—Deut. 10:20.
Makatuwiran lang na mangunyapit tayo kay Jehova. Wala nang mas makapangyarihan, matalino, o maibigin kaysa sa ating Diyos! Sino ba naman sa atin ang ayaw pumanig sa kaniya? (Awit 96:4-6) Pero ang ilang mananamba ng Diyos ay nahihirapang magpasiya kapag kailangan nilang manindigan sa panig ni Jehova. Tingnan ang nangyari kay Cain. Wala siyang ibang sinasamba maliban kay Jehova. Pero ang pagsamba ni Cain ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos. May mga binhi ng kasamaang tumutubo sa kaniyang puso. (1 Juan 3:12) Nagmalasakit si Jehova kay Cain at sinabi: “Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?” (Gen. 4:6, 7) Para bang sinasabi ni Jehova kay Cain, “Kung magsisisi ka at maninindigan sa aking panig, nasa panig mo ako.” Pero hindi nakinig si Cain. w18.07 17 ¶1; 17-18 ¶3-4
Linggo, Marso 22
Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.—Mat. 5:16.
Ang pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng alagad ay isang paraan ng ating pagpapasikat ng liwanag. (Mat. 28:19, 20) Bukod diyan, naluluwalhati rin natin si Jehova dahil sa ating Kristiyanong paggawi. Pinagmamasdan ng mga nakakausap natin at ng mga nakakakita sa atin ang ating paggawi. Ang ating palakaibigang ngiti at mainit na pagbati ay nagpapakilala kung sino tayo at kung anong uri ng Diyos ang sinasamba natin. “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “batiin ninyo ang sambahayan.” (Mat. 10:12) Ang mga tao noon sa lugar na madalas pangaralan ni Jesus at ng mga apostol ay karaniwan nang mapagpatuloy sa mga estranghero. Sa ngayon, hindi ito ang kaugalian sa maraming lugar. Pero kung positibo ka at palakaibigan habang ipinaliliwanag ang iyong sadya, nababawasan ang pag-aalala o pagkainis ng may-bahay. Isang palakaibigang ngiti ang madalas na pinakamagandang pambungad. Totoo rin iyan kapag nagka-cart witnessing ang mga kapatid. Mapapansin mong kadalasan nang positibo ang tugon ng mga tao dahil sa iyong palakaibigang ngiti at pagbati. w18.06 22 ¶4-5
Lunes, Marso 23
Ang Diyos ay hindi nagtatangi.—Gawa 10:34.
Nakaugalian ni apostol Pedro na sa mga Judio lang makihalubilo. Pero matapos linawin ng Diyos na hindi dapat magtangi ang mga Kristiyano, nangaral si Pedro kay Cornelio, na isang kawal na Romano. (Gawa 10:28, 35) Mula noon, nakisalo na at nakihalubilo si Pedro sa mga mananampalatayang Gentil. Pero pagkaraan ng ilang taon, sa lunsod ng Antioquia, huminto si Pedro sa pagkain kasama ng mga di-Judiong Kristiyano. (Gal. 2:11-14) Kaya sinaway siya ni Pablo, at tinanggap naman niya ito. Nang isulat ni Pedro ang unang liham niya sa mga Kristiyanong Judio at Gentil sa Asia Minor, binanggit niya na mahalagang magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid. (1 Ped. 1:1; 2:17) Maliwanag na natuto ang mga apostol sa halimbawa ni Jesus na ibigin ang “lahat ng uri ng tao.” (Juan 12:32; 1 Tim. 4:10) Binago nila ang kanilang pananaw, kahit nangailangan ito ng panahon. Dahil isinuot ng unang mga Kristiyano ang “bagong personalidad,” natutuhan nilang ituring ang lahat ng tao na pantay-pantay, gaya ng pananaw ng Diyos sa kanila.—Col. 3:10, 11. w18.06 11 ¶15-16
Martes, Marso 24
Tumayo kayong matatag . . . suot ang baluti ng katuwiran.—Efe. 6:14.
Isa sa uri ng baluting isinusuot ng sundalong Romano noong unang siglo ay binubuo ng pahalang na mga piraso ng bakal na magkakapatong ang gilid. Kailangan niyang regular na tingnan kung nasa tamang puwesto pa rin ang mga piraso nito para protektahan ang kaniyang puso o iba pang mahahalagang organ. Tamang-tama ang simbolong ito kung paano pinoprotektahan ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova ang ating makasagisag na puso! (Kaw. 4:23) Kung paanong hindi ipagpapalit ng isang sundalo ang kaniyang bakal na baluti sa isa na gawa sa mas mababang uri ng metal, hinding-hindi rin natin ipagpapalit ang pamantayan ni Jehova sa ating sariling pananaw. Hindi sakdal ang pananaw natin kaya hindi ito makapagbibigay ng proteksiyon na kailangan natin. (Kaw. 3:5, 6) Kaya sinisiguro natin na ang ‘mga piraso ng bakal’ na ibinigay sa atin ni Jehova ay pumoprotekta pa rin sa ating puso. At habang sumisidhi ang pag-ibig natin sa katotohanan, mas nagiging komportable tayo sa pagsusuot ng ating “baluti,” ang pamumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos.—Awit 111:7, 8; 1 Juan 5:3. w18.05 28 ¶3-4, 6-7
Miyerkules, Marso 25
Nakipagtalo ang bayan kay Moises.—Bil. 20:3.
Kahit ibinigay na ni Moises ang buong buhay niya para manguna sa bayan, nagreklamo pa rin sila. Hindi lang kawalan ng tubig ang inirereklamo nila. Inirereklamo rin nila si Moises, na para bang kasalanan niya kung bakit sila nauuhaw. (Bil. 20:1-5, 9-11) Nadaig ng galit si Moises at hindi siya naging mahinahon. Sa halip na makipag-usap sa bato, gaya ng iniutos ni Jehova, pagalít na kinausap ni Moises ang bayan at pinalabas na siya ang gagawa ng himala. Dalawang beses niyang hinampas ang bato at lumabas ang maraming tubig. Napakalaking pagkakamali ang nagawa ni Moises dahil sa pride at galit. (Awit 106:32, 33) Hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako dahil hindi siya nakapagpakita ng kaamuan sa pagkakataong iyon. (Bil. 20:12) May mahahalagang aral tayong matututuhan dito. Una, dapat na patuloy nating pagsikapan na manatiling maamo. Dahil kahit sandali lang nating maiwala ito, baka maging ma-pride tayo at magsalita at kumilos nang padalos-dalos. Ikalawa, mahirap maging maamo kapag nai-stress. Kaya kailangan nating doblihin ang pagsisikap na maging maamo kapag mahirap ang sitwasyon. w19.02 12-13 ¶19-21
Huwebes, Marso 26
Ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.—Mat. 24:14.
Pabigat ba ang pagsunod sa utos ni Jesus na mangaral? Hindi. Matapos banggitin ang ilustrasyon tungkol sa punong ubas, sinabi ni Jesus na makadarama ng kagalakan ang mga mángangarál ng Kaharian. (Juan 15:11) Sa katunayan, tiniyak ni Jesus na mapapasaatin ang kagalakan niya. Paano? Itinulad ni Jesus ang sarili niya sa punong ubas at ang mga alagad naman sa mga sanga. (Juan 15:5) Pinatitibay ng punong ubas ang mga sanga. Hangga’t nakakabit ang mga sanga sa punong ubas, makakakuha ito ng tubig at sustansiya mula rito. Sa katulad na paraan, hangga’t nananatili tayong kaisa ni Kristo sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa kaniyang mga yapak, madarama rin natin ang kagalakang nadama niya sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 4:34; 17:13; 1 Ped. 2:21) Sinabi ni Hanne, na mahigit 40 taon nang payunir: “Ang kagalakang nadarama ko sa tuwing nakikibahagi ako sa ministeryo ang nagpapasigla sa aking magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova.” Oo, nakatutulong ang masidhing kagalakan para patuloy tayong makapangaral kahit sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon.—Mat. 5:10-12. w18.05 17 ¶2; 20 ¶14
Biyernes, Marso 27
Inatasan ako bilang . . . guro ng mga bansa may kinalaman sa pananampalataya at katotohanan.—1 Tim. 2:7.
Sa lahat ng apostol, malamang na si Pablo ang nakapagpatibay-loob nang husto sa mga kapatid. Isinugo siya ng banal na espiritu para mangaral sa mga Griego, Romano, at sa iba pa na sumasamba sa maraming diyos. (Gal. 2:7-9) Naglakbay si Pablo sa lugar na kilalá ngayon bilang Turkey, gayundin sa Gresya at Italya, at nagtatag siya ng mga kongregasyon sa lugar ng mga di-Judio. Ang mga bagong-kumberteng Kristiyanong ito ay ‘nagdusa sa mga kamay ng kanilang sariling mga kababayan’ at nangangailangan ng pampatibay-loob. (1 Tes. 2:14) Noong bandang 50 C.E., sumulat si Pablo sa bagong kongregasyon sa Tesalonica: “Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin sa aming mga panalangin ang may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat walang-lubay naming isinasaisip ang inyong tapat na gawa at ang inyong maibiging pagpapagal at ang inyong pagbabata.” (1 Tes. 1:2, 3) Pinayuhan din niya sila na palakasin ang isa’t isa: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”—1 Tes. 5:11. w18.04 18-19 ¶16-17
Sabado, Marso 28
Kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.—Mar. 13:10.
Kapag gustong-gustong mapasaya ng isang kabataan si Jehova, magiging mahalaga sa kaniya ang ministeryo. Dahil napakaapurahan ng gawaing pangangaral, dapat na maging isa ito sa mga priyoridad natin. Puwede mo bang gawing tunguhin na makibahagi nang mas madalas sa ministeryo? Puwede ka bang magpayunir? Pero paano kung hindi ka masyadong nasisiyahan sa pangangaral? At paano ka magiging mas mahusay sa pagpapatotoo? Makatutulong ang dalawang hakbang: Maghandang mabuti, at huwag sumuko sa pagpapatotoo sa iba. Baka magulat ka na napakasaya pala ng gawaing pangangaral. Puwede mo itong umpisahan sa paghahanda ng sagot sa isang karaniwang tanong ng mga kaeskuwela mo, gaya ng “Bakit ka naniniwalang may Diyos?” Ang ating website na jw.org ay may mga artikulong tutulong sa mga kabataan na masagot ang tanong na iyan. Makikita mo roon ang worksheet na may pamagat na “Bakit Ako Naniniwalang May Diyos?” Makatutulong ang worksheet na ito para makapaghanda ka ng sariling sagot. w18.04 27 ¶10-11
Linggo, Marso 29
Magpalaanakin kayo at magpakarami.—Gen. 1:28.
Kahit may kalayaan sina Adan at Eva na gumawa ng maraming bagay, may limitasyon ito. Ang ilang limitasyon ay likas sa tao. Halimbawa, alam nina Adan at Eva na para mabuhay, kailangan nilang huminga, kumain, at matulog. Nababawasan ba ang kanilang kalayaan kung gagawin nila ang mga ito? Hindi, dahil tiniyak ni Jehova na masisiyahan sila sa paggawa ng rutin na mga gawaing ito. (Awit 104:14, 15; Ecles. 3:12, 13) Inutusan ni Jehova sina Adan at Eva na punuin ang lupa ng mga supling nila at pangalagaan ito. Hadlang ba sa kalayaan nila ang utos na ito? Siyempre hindi! Ibinigay ito para magkaroon ng bahagi ang mga tao sa layunin ng Maylikha—ang gawing paraiso ang buong lupa para maging tahanan ng sakdal na mga tao magpakailanman. (Awit 127:3; Isa. 45:18) Kung sumunod lang sina Adan at Eva kay Jehova, naging maligaya sana ang pagsasama nilang mag-asawa at ang kanilang pamilya magpakailanman. w18.04 4-5 ¶7-8
Lunes, Marso 30
Lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.—Gawa 13:48.
Kung matiyaga tayo sa mga tao sa ministeryo, hindi natin aasahang maiintindihan o tatanggapin nila agad ang katotohanan sa Bibliya na itinuturo sa kanila. Halimbawa, isipin kung paano natin maipapaliwanag sa isang tao ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Marami ang naniniwala na ang kamatayan ang katapusan ng lahat o na pupunta sa langit ang lahat ng mabubuting tao. Sinabi ng isang brother ang isang paraan na napatunayan niyang epektibo. Una, binabasa niya ang Genesis 1:28. Pagkatapos, tinatanong niya ang may-bahay kung saan at sa anong kalagayan gusto ng Diyos na mabuhay ang mga tao. Marami ang sumasagot, “Sa lupa, sa magandang kalagayan.” Sumunod, binabasa ng brother ang Isaias 55:11 at itinatanong kung nagbago ba ang layunin ng Diyos. Madalas na ang sagot ng may-bahay ay hindi. Panghuli, binabasa ng brother ang Awit 37:10, 11 at itinatanong kung ano ang magiging buhay ng tao sa hinaharap. Sa gayong pangangatuwiran gamit ang Bibliya, marami siyang natulungang maintindihan na gusto pa rin ng Diyos na mabuhay ang mabubuting tao sa paraisong lupa magpakailanman. w19.03 24 ¶14-15; 25 ¶19
Martes, Marso 31
Makinig kayo sa kaniya.—Mat. 17:5.
Malinaw na ipinakita ni Jehova na gusto niyang makinig tayo at sumunod sa kaniyang Anak. Maibiging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod kung paano ipangangaral ang mabuting balita, at paulit-ulit niya silang pinaalalahanan na patuloy na magbantay. (Mat. 24:42; 28:19, 20) Pinasigla rin niya sila na gawin ang buo nilang makakaya at huwag sumuko. (Luc. 13:24) Idiniin ni Jesus na kailangan ng kaniyang mga tagasunod na ibigin ang isa’t isa, manatiling nagkakaisa, at sundin ang mga utos niya. (Juan 15:10, 12, 13) At hindi pa rin kumukupas ang mga payong iyan hanggang sa panahon natin. Sinabi ni Jesus: “Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Ipinapakita nating nakikinig tayo sa tinig niya kung ‘patuloy nating pinagtitiisan ang isa’t isa at lubusang pinatatawad ang isa’t isa.’ (Col. 3:13; Luc. 17:3, 4) Nakikinig din tayo sa tinig niya kung masigasig tayong nangangaral ng mabuting balita “sa kaayaayang kapanahunan [at] sa maligalig na kapanahunan.”—2 Tim. 4:2. w19.03 10 ¶9-10