Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 17-26
  • Pebrero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pebrero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Sabado, Pebrero 1
  • Linggo, Pebrero 2
  • Lunes, Pebrero 3
  • Martes, Pebrero 4
  • Miyerkules, Pebrero 5
  • Huwebes, Pebrero 6
  • Biyernes, Pebrero 7
  • Sabado, Pebrero 8
  • Linggo, Pebrero 9
  • Lunes, Pebrero 10
  • Martes, Pebrero 11
  • Miyerkules, Pebrero 12
  • Huwebes, Pebrero 13
  • Biyernes, Pebrero 14
  • Sabado, Pebrero 15
  • Linggo, Pebrero 16
  • Lunes, Pebrero 17
  • Martes, Pebrero 18
  • Miyerkules, Pebrero 19
  • Huwebes, Pebrero 20
  • Biyernes, Pebrero 21
  • Sabado, Pebrero 22
  • Linggo, Pebrero 23
  • Lunes, Pebrero 24
  • Martes, Pebrero 25
  • Miyerkules, Pebrero 26
  • Huwebes, Pebrero 27
  • Biyernes, Pebrero 28
  • Sabado, Pebrero 29
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 17-26

Pebrero

Sabado, Pebrero 1

Lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.​—2 Tim. 4:5.

Malapít sa puso ni Jesus ang mga tao. Nadama ng mga tao noon ang kaniyang pag-ibig sa kanila at nakinig sila sa mensahe ng Kaharian. Kung makadarama tayo ng gayunding habag sa iba, mas magiging epektibo tayo sa ating ministeryo. Ano ang makakatulong sa atin para makapagpakita ng pakikipagkapuwa-tao sa mga pinangangaralan natin? Gusto nating ilagay ang ating sarili sa sitwasyon ng mga nakakausap natin sa ministeryo at pakitunguhan sila kung paano natin gustong pakitunguhan tayo. (Mat. 7:12) Pag-isipan ang kailangan ng bawat tao. Hindi rin tayo gagamit ng isang paraan lang sa lahat ng nakakausap natin sa ministeryo. Sa halip, pag-iisipan natin ang kalagayan at pananaw ng bawat tao. Mataktika siyang tanungin para malaman iyon. (Kaw. 20:5) Kapag nagtatanong tayo, sa kanila na mismo manggagaling kung bakit nila kailangan ang mabuting balita. Kapag nalaman natin iyon, maibibigay natin ang kailangan nila, gaya ng ginawa ni Jesus.​—Ihambing ang 1 Corinto 9:19-23. w19.03 20 ¶2; 22 ¶8-9

Linggo, Pebrero 2

Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.​—Kaw. 16:3.

Ipinakita nina Adan at Eva na wala silang utang na loob sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila. May pagkakataon tayong lahat na ipakitang hindi tayo sang-ayon sa naging desisyon nila. Sa pagpapabautismo, naipapakita natin kay Jehova na naniniwala tayong siya ang may awtoridad na magtakda ng pamantayan ng tama at mali. Pinatutunayan nating mahal natin ang ating Ama at nagtitiwala tayo sa kaniya. Ang hamon naman pagkatapos ng bautismo ay ang mamuhay araw-araw ayon sa pamantayan ni Jehova. Milyon-milyon sa ngayon ang namumuhay sa paraang iyan. Matutularan mo sila kung patuloy mong palalalimin ang pagkaunawa mo sa Salita ng Diyos, regular kang makikisama sa iyong mga kapananampalataya, at masigasig mong ibabahagi ang natututuhan mo tungkol sa iyong mapagmahal na Ama. (Heb. 10:24, 25) Kapag nagdedesisyon ka, makinig sa payo ni Jehova na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. (Isa. 30:21) Sa gayon, ang lahat ng gagawin mo ay magtatagumpay.​—Kaw. 16:20. w19.03 7 ¶17-18

Lunes, Pebrero 3

Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.​—Sant. 1:17.

Binibigyan tayo ni Jehova ng saganang espirituwal na pagkain. Halimbawa, tumatanggap tayo ng mga tagubilin sa pamamagitan ng ating mga pulong, magasin, at website. May narinig ka na bang pahayag, nabasang artikulo, o napanood sa broadcasting na nakatulong sa iyo at nasabi mong, ‘Para sa akin talaga ito’? Paano natin maipapakita kay Jehova ang ating pagpapahalaga? (Col. 3:15) Ang isang paraan ay ang palaging pagpapasalamat sa kaniya sa panalangin dahil sa mga regalong ito. Naipapakita rin natin ang ating pagpapahalaga kay Jehova kapag pinananatili nating malinis at maayos ang lugar na ginagamit natin sa pagsamba. Regular tayong sumasama sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall, at iniingatan ng mga kapatid ang mga electronic equipment. Kapag namamantining mabuti ang ating Kingdom Hall, mas tatagal ito at hindi gaanong mangangailangan ng malalaking repair. Ang perang matitipid dito ay magagamit sa pagtatayo at pag-aayos ng ibang Kingdom Hall sa buong mundo. w19.02 18-19 ¶17-18

Martes, Pebrero 4

Ito ang mga gilid ng kaniyang mga daan, at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya!—Job 26:14.

Naglaan ng panahon si Job para bulay-bulayin ang kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova. (Job 26:7, 8) Kapag pinag-iisipan niya ang lupa, langit, mga ulap, at kulog, manghang-mangha siya, pero alam niyang kakaunti lang ang nalalaman niya sa lahat ng nilikha ng Diyos. Malaki rin ang paggalang ni Job sa salita ni Jehova. Sinabi niya: “Pinakaingatan ko ang mga pananalita ng kaniyang bibig.” (Job 23:12) Lumaki ang paghanga at paggalang ni Job kay Jehova. Mahal niya ang kaniyang Ama, at gusto niya Siyang pasayahin. Kaya naman lalong tumibay ang determinasyon niyang manatiling tapat. Dapat nating tularan si Job. Mas marami na tayong alam ngayon tungkol sa mga nilalang ni Jehova kaysa noong panahon ni Job. At nasa atin ang buong Bibliya na tutulong sa atin na makilala kung sino talaga si Jehova. Lahat ng natututuhan natin ay tutulong sa atin na lalong hangaan at igalang si Jehova. Magpapakilos naman ito sa atin na mahalin siya at sundin; magpapatibay rin ito sa determinasyon natin na manatiling tapat.​—Job 28:28. w19.02 5-6 ¶12

Miyerkules, Pebrero 5

Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?​—Awit 118:6.

Noon pa man, inuusig na ng mga tagapamahala ang bayan ni Jehova. Iba-iba ang paratang nila sa atin, pero ang totoo, galít lang sila dahil pinili nating “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Baka laitin nila tayo, ikulong, o bugbugin. Pero sa tulong ni Jehova, makapananatili tayong mahinahon at hindi gaganti. Tingnan ang halimbawa ng tatlong Hebreo na naging tapon sa Babilonya—sina Hananias, Misael, at Azarias. Mahinahon nilang ipinaliwanag sa hari kung bakit hindi sila sasamba sa imahen na ipinagawa niya. Handa nilang tanggapin anuman ang ipahintulot ni Jehova na mangyari. (Dan. 3:1, 8-28) Kapag nasusubok ang katapatan natin sa Diyos, paano natin matutularan ang tatlong Hebreo? Magtiwalang si Jehova ang bahala sa atin pero mapagpakumbabang tanggapin anuman ang kalooban niya. (Awit 118:7) Kausapin nang mahinahon at magalang ang mga umaakusa sa atin. (1 Ped. 3:15) At huwag na huwag ikompromiso ang pakikipagkaibigan natin sa ating mapagmahal na Ama. w19.02 10-11 ¶11-13

Huwebes, Pebrero 6

Lakasan ninyo ang inyong loob!​—Juan 16:33.

Mapalalakas natin ang ating loob kung iisipin natin ang pag-asa na naging posible dahil sa haing pantubos ni Kristo. (Juan 3:16; Efe. 1:7) Ilang linggo bago ang Memoryal, may espesyal tayong pagkakataon para mapalalim ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Sa mga linggong iyon, sundan ang iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal at bulay-bulayin ang mga pangyayari noong malapit nang mamatay si Jesus. Sa gayon, kapag nagtipon tayo sa mismong Hapunan ng Panginoon, mas mauunawaan natin ang kahalagahan ng mga emblema sa Memoryal at ang walang-kapantay na sakripisyong isinasagisag nito. Kapag naunawaan natin ang ginawa ni Jesus at ni Jehova para sa atin, pati na ang pakinabang natin dito at ng mga mahal natin, mas titibay ang pag-asa natin at mapapakilos tayong lakas-loob na magbata hanggang sa wakas. (Heb. 12:3) Talagang nagpapasalamat tayo na patuloy na ipinapakita ni Jesus ang kapakumbabaan at lakas ng loob bilang ating makalangit na Mataas na Saserdote, na nakikiusap para sa atin! (Heb. 7:24, 25) Para ipakita ang ating taos-pusong pasasalamat, dapat nating patuloy na alalahanin ang kamatayan ni Jesus, gaya ng iniutos niya.—Luc. 22:19, 20. w19.01 22-23 ¶8; 23-24 ¶10-11

Biyernes, Pebrero 7

Pakisuyong kalugdan mo ang mga kusang-loob na handog ng aking bibig, O Jehova.​—Awit 119:108.

Tayong lahat ay binigyan ni Jehova ng pribilehiyong purihin siya. Ang mga komento natin sa pulong ay bahagi ng ating “hain ng papuri,” at walang sinuman ang makapaghahandog ng haing iyan para sa atin. (Heb. 13:15) Humihiling ba si Jehova ng pare-parehong uri ng hain, o komento, mula sa bawat isa sa atin? Hindi naman! Ituring ang mga pulong natin na gaya ng isang salusalo kasama ng ating mabubuting kaibigan. Kung nagplano ng isang kainan ang mga kaibigan mo sa kongregasyon at pinakisuyuan kang maghanda ng kaunting pagkain, ano ang gagawin mo? Baka mag-alala ka, pero gagawin mo ang makakaya mo para makapagdala ng pagkaing mae-enjoy ng lahat. Si Jehova, ang ating Punong-Abala, ay naglaan ng maraming mabubuting bagay sa mga pulong. (Awit 23:5; Mat. 24:45) Natutuwa siya sa atin kapag nagdadala tayo ng simpleng regalo pero pinag-isipang mabuti. Kaya maghandang mabuti at sikaping magkomento nang higit sa isa. Sa paggawa nito, hindi lang tayo kumakain sa mesa ni Jehova; nagdadala rin tayo ng regalo na maibabahagi sa kongregasyon. w19.01 8-9 ¶3; 13 ¶20

Sabado, Pebrero 8

Ang mga kirot ay dumarami sa kanila na kapag may iba pa ay nagmamadaling sumunod sa kaniya.​—Awit 16:4.

Noong panahon ng Bibliya, kadalasan nang kasama sa huwad na pagsamba ang seksuwal na imoralidad. (Os. 4:13, 14) Tiyak na ang ganoong uri ng pagsamba ay kaakit-akit sa makasalanang laman. Pero pansamantala lang ang kaligayahang dulot nito! Ang totoo, sinabi ni David na kapag sumusunod sila sa ibang diyos, “ang mga kirot ay dumarami sa kanila.” Dahil sa kanila, nagdusa rin ang di-mabilang na mga bata. (Isa. 57:5) Karima-rimarim kay Jehova ang gayong kalupitan! (Jer. 7:31) Sa ngayon, kadalasan nang kinukunsinti rin ng huwad na pagsamba ang seksuwal na imoralidad, pati ang homoseksuwalidad. Pero ang resulta ng pakikisangkot sa itinuturing nilang kalayaan sa moral ay kapareho pa rin noong panahon ng Bibliya. (1 Cor. 6:18, 19) “Ang mga kirot [ng mga tao] ay dumarami,” gaya ng nakikita mo. Kaya mga kabataan, makinig sa inyong makalangit na Ama. Maging kumbinsido na ang pagkamasunurin sa kaniya ang pinakamabuti para sa iyo. Laging tandaan na pansamantala lang ang kalugurang naibibigay ng maling gawain kung ikukumpara sa nagtatagal na kapahamakang dulot nito.​—Gal. 6:8. w18.12 27-28 ¶16-18

Linggo, Pebrero 9

Magiging gayundin ako sa iyo.​—Os. 3:3.

Kapag nakagawa ng imoralidad ang asawa ng isang Kristiyano, kailangang magdesisyon ang pinagkasalahang asawang Kristiyano. Sinabi ni Jesus na may saligan ang pinagkasalahan para makipagdiborsiyo at malayang mag-asawang muli. (Mat. 19:9) Pero puwede rin niya itong patawarin. Hindi naman iyon mali. Kinuha ulit ni Oseas si Gomer. Kapag nagsama ulit sila, hindi na dapat makipagrelasyon si Gomer sa ibang lalaki. Hindi muna nakipagtalik si Oseas kay Gomer. (Os. 3:1-3) Nang maglaon, malamang na ipinagpatuloy nila ang ugnayang pangmag-asawa, na naglalarawan sa pagiging handa ng Diyos na tanggaping muli ang kaniyang bayan at ipagpatuloy ang kaniyang kaugnayan sa kanila. (Os. 1:11; 3:4, 5) Paano ito kumakapit sa pag-aasawa sa ngayon? Kapag ipinasiya ng pinagkasalahang kabiyak na huwag makipagdiborsiyo at ipagpatuloy ang ugnayang pangmag-asawa, tanda iyon ng pagpapatawad. (1 Cor. 7:3, 5) Sa paggawa nito, mawawala na ang dapat sanang saligan sa diborsiyo. Kaya ngayong nagsama na ulit sila, dapat silang kumilos ayon sa pananaw ng Diyos sa pag-aasawa. w18.12 13 ¶13

Lunes, Pebrero 10

Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.​—Kaw. 22:3.

Kapag nag-aaral tayo, makabubuting isaalang-alang ang kahalagahan ng kaisipan ni Jehova sa mga sitwasyong puwedeng mapaharap sa atin. Sa gayon, sakaling malagay tayo sa isang sitwasyong kailangang magdesisyon agad, alam na natin kung ano ang gagawin. Nang tangkain ng asawa ni Potipar na akitin si Jose, agad niya itong tinanggihan. Ipinakikita nito na napag-isipan na niya ang pananaw ni Jehova tungkol sa katapatan sa asawa. (Gen. 39:8, 9) Sinabi niya sa asawa ni Potipar: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Ipinakikita ng sagot niyang ito na tinularan niya ang kaisipan ng Diyos. Kumusta naman tayo? Ano ang gagawin natin kung mag-flirt sa atin ang isang katrabaho? O kaya’y may matanggap tayong malalaswang mensahe o litrato sa ating cellphone? Mas madali tayong makapaninindigan kung alam at tinanggap na natin ang pananaw ni Jehova sa gayong mga bagay at nakapagpasiya na tayo kung ano ang gagawin. w18.11 25-26 ¶13-14

Martes, Pebrero 11

Magbubunyi ako kay Jehova.​—Hab. 3:18.

Iniisip ng ilang iskolar na ang talatang ito ay literal na nangangahulugang “magtatatalon ako dahil sa kagalakan sa Panginoon; magpapaikot-ikot ako dahil sa kaluguran sa Diyos.” Nakapagpapatibay ngang katiyakan para sa atin! Hindi lang nagbigay si Jehova ng magagandang pangako, tiniyak din niya sa atin na mabilis niyang isasagawa ang kaniyang dakilang layunin. Tiyak na ang napakahalagang mensahe ng aklat ng Habakuk ay ang magtiwala kay Jehova. (Hab. 2:4) Matatamo natin at mapananatili ang gayong pagtitiwala kung patitibayin natin ang ating kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng (1) pagmamatiyaga sa pananalangin, na sinasabi kay Jehova ang lahat ng ating ikinababalisa at ikinababahala; (2) maingat na pagbibigay-pansin sa Salita ni Jehova at sa anumang tagubiling natatanggap natin mula sa kaniyang organisasyon; at (3) matiyaga at may-pananampalatayang paghihintay kay Jehova. Ganiyan ang ginawa ni Habakuk. Kahit malungkot niyang pinasimulan ang kaniyang aklat, tinapos niya ito nang may pagtitiwala at masidhing kagalakan. Tularan nawa natin ang halimbawang ito. Tiyak na wala nang mas hihigit pang kaaliwan kaysa sa pagkadama ng yakap ni Jehova bilang ating Ama! w18.11 17 ¶18-19

Miyerkules, Pebrero 12

Namatay [si Kristo] para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.​—2 Cor. 5:15.

May isa pang dahilan kung bakit naaakit ang mga tunay na Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Kay laki rin ng pag-ibig ni Jesus dahil ibinigay niya ang buhay niya para sa atin! Hindi ba’t isang mabisang pampatibay-loob ang pag-ibig na iyan? Nangangako ang Salita ng Diyos na kahit ang ‘kapighatian o ang kabagabagan’ ay hindi ‘makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo.’ (Roma 8:35, 38, 39) Kapag nakikipagpunyagi tayo sa mga pagsubok na umuubos ng lakas sa pisikal, emosyonal, o espirituwal na paraan, ang malakas na puwersa ng pag-ibig ng Kristo ang tutulong sa atin na makapagbata. (2 Cor. 5:14) Ang pag-ibig ni Jesus ang nagpapalakas at nag-uudyok sa atin na huwag sumuko, kahit sa harap ng mga pagsubok gaya ng sakuna, pag-uusig, pagkabigo, o pagkabalisa. w18.09 14 ¶8-9

Huwebes, Pebrero 13

Lalakad ako sa iyong katotohanan.​—Awit 86:11.

Para makalakad sa katotohanan, kailangan nating tanggapin at sundin ang lahat ng sinasabi ni Jehova. Dapat na maging pangunahin sa ating buhay ang katotohanan at dapat tayong mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Gaya ni David, dapat tayong maging determinadong patuloy na lumakad sa katotohanan. Dahil kung hindi, baka magdalawang-isip tayo kung sulit ba ang ipinambili natin sa katotohanan at matuksong bawiin ang ilan sa ipinambayad natin. Sa halip, nanghahawakan tayo nang mahigpit sa lahat ng katotohanan. Alam nating hindi tayo puwedeng mamilì kung aling katotohanan ang tatanggapin natin o babale-walain. Sa katunayan, dapat tayong lumakad sa “lahat ng katotohanan.” (Juan 16:13) Kailangang gamitin nang may katalinuhan ang ating panahon para hindi tayo maanod papalayo sa katotohanan. Kung hindi tayo mag-iingat, baka umubos tayo ng malaking panahon sa paglilibang, pag-i-Internet, o panonood ng TV. Hindi naman mali ang mga gawaing ito, pero posibleng maagaw nito ang panahong ginugugol sana natin para sa personal study at iba pang espirituwal na gawain. w18.11 10 ¶7-8

Biyernes, Pebrero 14

Pinayapa ko at pinatahimik ang aking kaluluwa.​—Awit 131:2.

Kapag biglang nagbago ang kalagayan natin, baka magdulot ito ng pag-aalala at stress. (Kaw. 12:25) Baka nga hindi pa natin ito matanggap. Sa ganitong kalagayan, paano natin gagawing ‘payapa at tahimik’ ang ating kaluluwa? (Awit 131:1-3) Sa kabila ng masasamang kalagayan, nararanasan natin sa ngayon ang nakagiginhawang epekto ng “kapayapaan ng Diyos” na nagbabantay sa ating kakayahang pangkaisipan. (Fil. 4:6, 7) Kaya kung lalapit tayo kay Jehova kapag nababalisa tayo, ang kapayapaan ng Diyos ang magpapalakas ng ating determinasyong umabót ng espirituwal na mga tunguhin at magbabantay sa atin laban sa anumang tendensiyang sumuko. Hindi lang pinapayapa ng espiritu ng Diyos ang kalooban natin, inaakay rin nito ang ating pansin sa mga tekstong tutulong sa atin na unahin pa rin ang espirituwal na mga bagay.​—Juan 14:26, 27. w18.10 27 ¶2; 28 ¶5, 8

Sabado, Pebrero 15

Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.​—Zac. 8:16.

Anong bagay ang nagdulot ng pinakamasamang epekto sa tao? Ang kasinungalingan! Ito ang pagsasabi ng isang bagay na hindi totoo para linlangin ang iba. At sino ang pasimuno ng kasinungalingan? Tinukoy ni Jesu-Kristo ang “Diyablo” bilang ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kailan siya unang nagsinungaling? Nangyari ito sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakalilipas. Ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, ay masayang naninirahan sa Paraiso na inilaan ng Maylalang para sa kanila. Pagkatapos, pumasok sa eksena ang Diyablo. Alam niyang inutusan ng Diyos ang mag-asawa na huwag kumain mula “sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” dahil kung susuway sila, mamamatay sila. Pero sa pamamagitan ng serpiyente, sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay [ang kauna-unahang kasinungalingan]. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”​—Gen. 2:15-17; 3:1-5. w18.10 6 ¶1-2

Linggo, Pebrero 16

Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.​—Mat. 5:8.

Para manatiling dalisay ang ating puso, dapat na maging malinis ang ating pagkatao at linangin ang walang-pag-iimbot na pagmamahal at hangarin. Dapat nating panatilihing malinis ang ating isipan para hindi madungisan ang ating debosyon kay Jehova. (2 Cor. 4:2; 1 Tim. 1:5) Pero paano “makikita” ng mga may dalisay na puso ang Diyos gayong “walang tao ang makakakita sa [Diyos] at mabubuhay pa”? (Ex. 33:20) Ang salitang Griego na isinaling “makikita” ay nangangahulugan ding “makita sa pamamagitan ng isip, maunawaan, malaman.” Ang mga nakakakita sa Diyos sa pamamagitan ng ‘mga mata ng puso’ ay ang mga taong talagang nakakakilala sa kaniya at nagpapahalaga sa kaniyang mga katangian. (Efe. 1:18) Bukod sa pag-alam sa mga katangian ng Diyos, “makikita” rin ng mga tunay na mananamba ang Diyos kapag pinagmamasdan nila kung paano siya kumikilos alang-alang sa kanila. (Job 42:5) Ipinopokus din nila ang ‘mga mata ng kanilang puso’ sa napakagandang pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa mga nagsisikap na manatiling dalisay at sa mga nagsisikap maglingkod nang tapat sa kaniya. w18.09 20 ¶13, 15-16

Lunes, Pebrero 17

Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan.​—Kaw. 4:7.

Kapag ginawa natin kung ano ang tama, magdudulot ito ng maraming pagpapala. Kahit ang karunungan ay salig sa kaalaman, mas nauugnay ito sa mga desisyong ginagawa natin kaysa sa mga impormasyong naiintindihan natin. Maging ang mga langgam ay kakikitaan ng karunungan. Mayroon silang likas na karunungan dahil nag-iimbak sila ng pagkain sa panahon ng tag-init. (Kaw. 30:24, 25) Si Kristo, “ang karunungan ng Diyos,” ay laging gumagawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa Ama. (1 Cor. 1:24; Juan 8:29) Alam ng Diyos ang pagkakaiba ng pagpili ng tama at ng paggawa ng tama. At ginagantimpalaan niya ang mga patuloy na nagpapakita ng kapakumbabaan at ang mga gumagawa ng alam nilang tama. (Mat. 7:21-23) Kaya magsikap na mapanatili ang espirituwal na kapaligiran kung saan makikita ang tunay na kapakumbabaan. Kailangan ang panahon at tiyaga para magawa ang alam nating tama, pero tanda ito ng kapakumbabaan na nagdudulot ng kaligayahan ngayon at magpakailanman. w18.09 7 ¶18

Martes, Pebrero 18

Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, . . . at hindi kung ihahambing sa ibang tao.​—Gal. 6:4.

Gusto ng Maylalang na makipagtulungan sa kaniya ang sakdal na mga tao sa pagtupad sa kaniyang mga layunin. Pero kahit hindi na sakdal ang tao ngayon, puwede pa ring gumawang kasama ni Jehova araw-araw ang tapat na mga tao. Halimbawa, tayo ay nagiging “mga kamanggagawa ng Diyos” kapag nangangaral tayo ng mabuting balita ng Kaharian at gumagawa ng alagad. (1 Cor. 3:5-9) Talagang isang malaking karangalan ang maging kamanggagawa ng pinakamakapangyarihang Maylalang ng uniberso sa isang napakahalagang gawain! Pero hindi lang pangangaral at paggawa ng alagad ang paraan para gumawang kasama ni Jehova. Ang iba pang paraan ay sa pamamagitan ng pagtulong sa ating pamilya at kapananampalataya, pagiging mapagpatuloy, pagboboluntaryo sa teokratikong mga proyekto, at pagpapalawak ng ating sagradong paglilingkod. (Col. 3:23) Pero huwag ikumpara sa iba ang nagagawa mo para kay Jehova. Tandaan na hindi pare-pareho ang ating edad, kalusugan, kalagayan, at kakayahan. w18.08 23-24 ¶1-2

Miyerkules, Pebrero 19

Patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo.​—Hab. 2:3.

Tiniyak ni Jehova kay Habakuk na masasagot din ang kaniyang mga tanong. Di-magtatagal at mawawala na ang kaniyang mga ikinababahala. Para bang sinabi ng Diyos sa propeta: “Maghintay ka lang, at magtiwala ka sa akin. Sasagot ako kahit parang nagluluwat ito!” Ipinaalaala sa kaniya ni Jehova na may takdang panahon Siya para tuparin ang Kaniyang mga pangako. Pinayuhan niya si Habakuk na maghintay sa katuparan ng Kaniyang mga layunin. Tiyak na hindi ito pagsisisihan ng propeta. Ang matiyagang paghihintay kay Jehova at pagbibigay-pansin sa sinasabi niya ay magpapatibay sa ating pagtitiwala at tutulong sa atin na maging panatag sa kabila ng mga problema. Tiniyak ni Jesus na makapagtitiwala tayo kay Jehova bilang ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, anupat hindi tayo nagpopokus sa “mga panahon o mga kapanahunan” na hindi pa isinisiwalat ng Diyos. (Gawa 1:7) Kaya huwag tayong manghimagod, kundi maghintay nang may kapakumbabaan, pananampalataya, at pagtitiyaga, na ginagamit ang panahon sa paglilingkod kay Jehova sa abot ng ating makakaya.​—Mar. 13:35-37; Gal. 6:9. w18.11 16 ¶13-14

Huwebes, Pebrero 20

Ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat tawaging marungis o marumi ang sinumang tao.​—Gawa 10:28.

Tulad ng ibang Judio noong panahon niya, naniniwala si Pedro na marumi ang mga Gentil. Pero may mga pangyayaring nag-udyok kay Pedro para muling suriin ang paniniwalang iyon. Halimbawa, nakakita siya ng isang pangitain. (Gawa 10:9-16) Gaya ni Pedro, dapat nating suriing mabuti ang ating sarili at maging handang tumanggap ng tulong para makita natin ang anumang bahid ng pagtatangi sa ating puso. Ano pa ang puwede nating gawin? Kung palalawakin natin ang ating puso, mapapalitan ng pag-ibig ang pagtatangi. (2 Cor. 6:11-13) Nakaugalian mo bang makisama lang sa mga kapareho mo ng lahi, etnikong grupo, nasyonalidad, tribo, o wika? Kung oo, magpalawak ka. Bakit hindi mo yayaing sumama sa iyo sa ministeryo ang mga may ibang pinagmulan o anyayahan sila sa inyong tahanan para magsalusalo? (Gawa 16:14, 15) Kung gagawin mo ito, mapupunô ng pag-ibig ang iyong puso at mawawalan ng puwang ang pagtatangi. w18.08 9 ¶3; 9-10 ¶6-7

Biyernes, Pebrero 21

Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod.​—1 Cor. 10:32.

Ang ilang Saksi ay hindi pa lubusang nakaiwas sa makasanlibutang paggawi. Ang kanilang pagsasayaw at paggawi sa mga party ay hindi katanggap-tanggap para sa mga Kristiyano. Nagpo-post sila ng mga picture nila sa social media at nagko-comment na para bang hindi sila mga Kristiyano. Kaya masamang impluwensiya sila sa iba na nagsisikap mapanatili ang mainam na paggawi sa gitna ng bayan ni Jehova. (1 Ped. 2:11, 12) Talagang itinataguyod ng sanlibutan “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Pero dahil tayo ay kay Jehova, pinapayuhan tayo na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Sa ating pagsasalita, pagkain at pag-inom, pananamit at pag-aayos, pagtatrabaho—sa lahat ng ating ginagawa—dapat makita ng mga nagmamasid na tayo ay kay Jehova lang nakaalay. w18.07 25 ¶13-14

Sabado, Pebrero 22

Nakatingin ang aming mga mata kay Jehova na aming Diyos hanggang sa pagpakitaan niya kami ng lingap.​—Awit 123:2.

Kung lagi nating ititingin kay Jehova ang ating makasagisag na mga mata, hindi natin hahayaang magalit tayo o masira ang ating kaugnayan sa kaniya dahil sa ginagawa ng iba. Mahalaga ito lalo na kung, gaya ni Moises, mayroon tayong mabigat na responsibilidad sa organisasyon ng Diyos. Bagaman bawat isa sa atin ay kailangang ‘patuloy na gumawa ukol sa kaniyang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig,’ dapat nating tandaan na hinahatulan tayo ni Jehova ayon sa ating kalagayan. (Fil. 2:12) Kaya kapag mas marami ang ating responsibilidad, mas malaki ang inaasahan sa atin ni Jehova. (Luc. 12:48) Pero kung talagang mahal natin si Jehova, walang makatitisod o makapaghihiwalay sa atin sa kaniyang pag-ibig. (Awit 119:165; Roma 8:37-39) Sa mahirap na panahong ito, patuloy sana nating itingin ang ating mga mata sa Isa na “tumatahan sa langit,” para malaman natin ang kalooban niya. (Awit 123:1) Huwag na huwag sana nating hayaang masira ang ating kaugnayan kay Jehova dahil sa paggawi ng iba. w18.07 16 ¶19-20

Linggo, Pebrero 23

Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang . . . magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama.​—Mat. 5:16.

Napakasayang marinig ang mga pagsulong na nagaganap sa bayan ni Jehova! Noong 2017, regular tayong nakapagdaos ng mahigit 10,000,000 Bible study. Katibayan ito na talagang pinasisikat ng mga lingkod ng Diyos ang kanilang liwanag! At isipin din ang milyon-milyong interesado na dumadalo sa Memoryal. Natututuhan nila ang tungkol sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos nang maglaan siya ng pantubos. (1 Juan 4:9) Ang bayan ni Jehova sa buong mundo ay nagsasalita ng iba’t ibang wika. Pero hindi ito hadlang para magkaisa tayo sa pagpuri sa ating Ama, si Jehova. (Apoc. 7:9) Anuman ang ating wika o saanman tayo nakatira, puwede tayong sumikat “bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Fil. 2:15) Ang pagsulong na nakikita natin, ang pagkakaisang taglay natin, at ang pagiging mapagbantay na sinisikap nating mapanatili ay bahagi ng ating pagluwalhati kay Jehova. w18.06 21-22 ¶1-3

Lunes, Pebrero 24

Rabbi, kumain ka.​—Juan 4:31.

Makikita sa sagot ni Jesus na mas mahalaga sa kaniya ang pakikipag-usap tungkol sa Diyos kaysa sa kumain. Ang pangangaral—kahit sa isang Samaritana—ay kalooban ng kaniyang Ama, at itinuring niya itong pagkain. (Juan 4:32-34) Hindi naunawaan nina Santiago at Juan ang aral na ito. Sa paglalakbay ng mga alagad sa Samaria kasama ni Jesus, inabot sila ng gabi kaya naghanap ang mga alagad ng matutulugan sa isang nayon doon. Hindi sila tinanggap ng mga Samaritano, kaya nagalit sina Santiago at Juan at sinabing magpababâ ng apoy mula sa langit para lipulin ang buong nayon. Sinaway sila ni Jesus. (Luc. 9:51-56) Ganoon din kaya ang magiging reaksiyon nila kung sa isang nayon sa sariling bayan nila sa Galilea nangyari iyon? Posibleng pagtatangi ang dahilan ng kanilang galit. Malamang na napahiya si apostol Juan sa reaksiyon niyang iyon nang mangaral sila sa mga Samaritano at makinig ang mga ito sa kanila.​—Gawa 8:14, 25. w18.06 10-11 ¶12-13

Martes, Pebrero 25

Tumayo kayong matatag na ang inyong mga balakang ay may bigkis na katotohanan.​—Efe. 6:14.

Kapag ang katotohanan sa Bibliya ay nakabigkis na mabuti sa atin, wika nga, mamumuhay tayo ayon dito at magsasabi ng totoo sa lahat ng oras. Bakit hindi tayo dapat magsinungaling? Dahil ang pagsisinungaling ang isa sa pinakaepektibong sandata ni Satanas. Masama ang epekto nito sa nagsasabi at sa naniniwala rito. (Juan 8:44) Kaya kahit hindi tayo sakdal, iniiwasan nating magsinungaling sa abot ng ating makakaya. (Efe. 4:25) Pero isa itong hamon. Sinabi ng 18-anyos na si Abigail: “Kung minsan, parang hindi sulit ang magsabi ng totoo, lalo na kung ang pagsisinungaling ay tutulong sa iyo na malusutan ang mahirap na sitwasyon.” Pero bakit dapat magsabi ng totoo? Sinabi ng 23-anyos na si Victoria: “Kapag nagsasabi ka ng totoo at naninindigan sa mga paniniwala mo, puwede kang ma-bully. Pero lagi itong may pakinabang: Pagtitiwalaan ka, mas mapapalapít ka kay Jehova, at irerespeto ka ng mga nagmamahal sa iyo.” Talagang sulit na laging nakasuot sa ating baywang ang “bigkis na katotohanan.” w18.05 28 ¶3, 5

Miyerkules, Pebrero 26

Patuloy kayong magbantay.​—Mat. 24:42.

Habang pasamâ nang pasamâ ang mapanganib na panahong ito, lahat tayo ay kailangang patuloy na magbantay. Kikilos si Jehova sa tamang panahon. (Mat. 24:42-44) Samantala, maging matiisin at mapagbantay. Basahin ang Salita ng Diyos araw-araw, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin. (1 Ped. 4:7) Tularan ang magagandang halimbawa ng mga kapatid na masayang nagbabantay at nagpapasikat ng kanilang liwanag. Maging abala sa mga nakapagpapatibay na gawain at pagsasamahan. Magdudulot iyan sa iyo ng malaking kagalakan, at hindi ka maiinip. (Efe. 5:16) Nakapagpapatibay malaman na kahit hindi tayo sakdal, tinatanggap pa rin ni Jehova ang ating paglilingkod. At bilang tulong, naglaan si Jehova ng “kaloob na mga tao,” ang mga elder sa kongregasyon. (Efe. 4:8, 11, 12) Kaya sa susunod na dalawin ka ng isang elder, samantalahin mo ang pagkakataong matuto sa kaniyang karunungan at makinabang sa kaniyang payo. w18.06 24-25 ¶15-18

Huwebes, Pebrero 27

Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig.​—Juan 15:10.

Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na huwag lang basta mapasa kaniyang pag-ibig kundi ‘manatili sa kaniyang pag-ibig.’ Bakit? Dahil ang pagiging tunay na alagad ni Kristo ay nangangailangan ng pagbabata. Idiniin ni Jesus ang pangangailangang magbata nang gamitin niya nang paulit-ulit ang iba’t ibang anyo ng salitang “manatili” sa Juan 15:4-10. Paano natin maipakikitang gusto nating manatili sa pag-ibig ni Kristo at patuloy na makamit ang kaniyang pagsang-ayon? Kung susundin natin ang mga utos ni Jesus. Sinabi ni Jesus, ‘Maging masunurin kayo sa akin.’ Pero ang ipinagagawa lang sa atin ni Jesus ay kung ano ang ginawa niya, dahil sinabi pa niya: “Kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.” Nagpakita si Jesus ng halimbawa. (Juan 13:15) Kapag sinusunod natin ang utos ni Jesus na humayo at mangaral, ipinakikita rin natin na mahal natin ang Diyos dahil ang mga utos ni Jesus ay mula sa kaniyang Ama. (Mat. 17:5; Juan 8:28) Dahil sa ipinakikita nating pag-ibig, pinananatili tayo ni Jehova at ni Jesus sa kanilang pag-ibig. w18.05 18-19 ¶5-7

Biyernes, Pebrero 28

Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.​—Kaw. 21:5.

Ang mga kabataan ay kailangang gumawa ng mga desisyon tungkol sa edukasyon, trabaho, at iba pang bagay. Kung alam mo ang iyong mga tunguhin, magiging madali sa iyo ang pagpapasiya. Kung magpaplano ka at magtatakda ng magagandang tunguhin habang bata ka pa, mas maaga mong maaabot ang mga ito. Libo-libong kabataang brother at sister sa buong mundo ang karapat-dapat papurihan. Inuuna nila si Jehova sa kanilang buhay at nagpopokus sila sa espirituwal na mga tunguhin. Masayang-masaya ang buhay ng mga kabataang ito habang natututuhan nilang sundin ang mga payo ni Jehova tungkol sa buhay pampamilya. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso,” ang isinulat ni Solomon. “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw. 3:5, 6) Ang mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano ay mahalaga kay Jehova. Mahal na mahal niya sila; pinoprotektahan, ginagabayan, at pinagpapala sila. w18.04 26 ¶7; 27 ¶9

Sabado, Pebrero 29

Ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.​—Juan 13:34.

Si apostol Juan ay isang haligi ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Ang kaniyang kapana-panabik na ulat ng Ebanghelyo tungkol sa ministeryo ni Jesus ay nagsisilbing pampatibay-loob sa mga Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Sa kaniyang Ebanghelyo lang mababasa ang sinabi ni Jesus na pag-ibig ang pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na alagad. (Juan 13:35) Marami pang mahahalagang hiyas ng katotohanan sa tatlong liham ni Juan. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa ating mga pagkakamali, hindi ba nakagiginhawang mabasa na “nililinis tayo ng dugo ni Jesus . . . mula sa lahat ng kasalanan”? (1 Juan 1:7) At kung hinahatulan pa rin tayo ng ating puso, nakaaaliw malaman na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” (1 Juan 3:20) Si Juan lang ang manunulat ng Bibliya na nagsabing “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8, 16) Sa kaniyang ikalawa at ikatlong liham, pinapupurihan niya ang mga Kristiyano na patuloy na “lumalakad sa katotohanan.”​—2 Juan 4; 3 Juan 3, 4. w18.04 18 ¶14-15

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share