Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es20 p. 7-17
  • Enero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Enero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Enero 1
  • Huwebes, Enero 2
  • Biyernes, Enero 3
  • Sabado, Enero 4
  • Linggo, Enero 5
  • Lunes, Enero 6
  • Martes, Enero 7
  • Miyerkules, Enero 8
  • Huwebes, Enero 9
  • Biyernes, Enero 10
  • Sabado, Enero 11
  • Linggo, Enero 12
  • Lunes, Enero 13
  • Martes, Enero 14
  • Miyerkules, Enero 15
  • Huwebes, Enero 16
  • Biyernes, Enero 17
  • Sabado, Enero 18
  • Linggo, Enero 19
  • Lunes, Enero 20
  • Martes, Enero 21
  • Miyerkules, Enero 22
  • Huwebes, Enero 23
  • Biyernes, Enero 24
  • Sabado, Enero 25
  • Linggo, Enero 26
  • Lunes, Enero 27
  • Martes, Enero 28
  • Miyerkules, Enero 29
  • Huwebes, Enero 30
  • Biyernes, Enero 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2020
es20 p. 7-17

Enero

Miyerkules, Enero 1

Si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.​—Bil. 12:3.

Noong si Moises ay bahagi pa ng pamilya ng hari sa Ehipto, hindi pa siya maamo. Ang totoo, madali siyang magalit noon, kaya pinatay niya ang isang lalaki na sa tingin niya ay nang-aapi ng iba. Iniisip niya na siguradong sang-ayon si Jehova sa ginawa niya. Pero 40 taóng sinanay ni Jehova si Moises para maunawaan nito na hindi lang lakas ng loob ang kailangan para pangunahan ang mga Israelita; kailangan niyang maging maamo. At para maging maamo, kailangan din niyang maging mapagpakumbaba, mapagpasakop, at mahinahon. Natutuhan niya iyan at naging mahusay siyang tagapangasiwa. (Ex. 2:11, 12; Gawa 7:21-30, 36) Sa ngayon, dapat tularan ng mga ulo ng pamilya at ng mga elder si Moises. Kapag hindi kayo iginagalang ng iba, huwag agad magdamdam. Mapagpakumbabang aminin kung may nagawa kayong mali. (Ecles. 7:9, 20) Magpasakop sa tagubilin ni Jehova kung paano aayusin ang mga problema. At laging sumagot nang mahinahon. (Kaw. 15:1) Kung ganiyan ang mga ulo ng pamilya at mga tagapangasiwa, napasasaya nila si Jehova, naitataguyod nila ang kapayapaan, at nagiging halimbawa sila ng pagiging maamo. w19.02 8 ¶1; 10 ¶9-10

Huwebes, Enero 2

Nahabag siya sa kanila.​—Mar. 6:34.

Bakit nahabag, o nagpakita ng empatiya, sa mga tao si Jesus? Napansin niyang sila ay “gaya ng mga tupang walang pastol.” Baka nakita ni Jesus na ang ilan sa kanila ay mahirap lang at subsob sa trabaho para makapaglaan sa pamilya. Baka ang iba naman ay namatayan ng mahal sa buhay. Kaya malamang na naintindihan ni Jesus ang sitwasyon nila. Maaaring naranasan din ni Jesus ang gayong mga problema. Nagmamalasakit si Jesus sa iba, at naudyukan siyang sabihin sa kanila ang isang nakagiginhawang mensahe. (Isa. 61:1, 2) Ano ang matututuhan natin kay Jesus? Gaya ni Jesus, nakakasama natin ang mga taong “gaya ng mga tupang walang pastol.” Marami silang problema. Nasa atin ang kailangan nila—ang mensahe ng Kaharian. (Apoc. 14:6) Kaya bilang pagtulad sa Panginoon natin, ipinangangaral natin ang mabuting balita dahil ‘naaawa tayo sa maralita at sa dukha.’ (Awit 72:13) Nahahabag tayo sa kanila, at gusto natin silang tulungan. w19.03 21-22 ¶6-7

Biyernes, Enero 3

Pagpalain nawa si Jehova, na sa araw-araw ay siyang nagdadala ng pasan para sa atin.​—Awit 68:19.

Marami tayong dahilan para mahalin si Jehova. Hindi lang niya tayo binibigyan ng mabubuting bagay araw-araw; itinuturo din niya sa atin ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa layunin niya. (Juan 8:31, 32) Ibinigay niya ang kongregasyong Kristiyano para patnubayan at alalayan tayo. Tinutulungan niya tayo sa ngayon na makayanan ang ating mga problema. Binigyan din niya tayo ng pag-asa sa hinaharap na mabuhay nang walang hanggan sa perpektong kalagayan. (Apoc. 21:3, 4) Kapag binubulay-bulay natin ang mga nagawa na ni Jehova para ipakita kung gaano niya tayo kamahal, lalo natin siyang mamahalin. At kapag mahal natin si Jehova, nagkakaroon tayo ng tamang uri ng pagkatakot. Natatakot tayong masaktan ang Isa na pinakamamahal natin. Kung lagi mong iisipin ang malaking tulong na naibibigay sa iyo ng patnubay ni Jehova, lalalim ang pag-ibig mo sa kaniya at sa kaniyang pamantayan. Kaya hindi ka maaakit sa anumang alok sa iyo ni Satanas para huminto sa paglilingkod kay Jehova. Isipin ang sarili mo mga 1,000 taon mula ngayon. Maaalala mo na ang pagpapabautismo ang pinakamagandang desisyong ginawa mo! w19.03 6 ¶14; 7 ¶19

Sabado, Enero 4

Isang asawang babae na may kakayahan, sino ang makasusumpong? Ang kaniyang halaga ay malayong higit kaysa sa mga korales.​—Kaw. 31:10.

Maganda ang epekto sa buong pamilya kapag nagpapakita ng pagpapahalaga ang bawat miyembro nito. Kapag lagi itong ginagawa ng mag-asawa sa isa’t isa, mas nagiging malapít sila at mas madaling magpatawaran. Hindi lang nakikita ng isang mapagpahalagang asawang lalaki ang magagandang bagay na sinasabi at ginagawa ng kaniyang asawa, ‘bumabangon din siya at pinupuri’ ito. (Kaw. 31:28) Sinasabi naman ng isang marunong na asawang babae ang espesipikong pinapahalagahan niya sa asawa niya. Mga magulang, paano ninyo matuturuan ang inyong mga anak na magpakita ng pagpapahalaga? Tandaan na tutularan nila ang inyong sinasabi at ginagawa. Kaya maging mahusay na halimbawa sa pagsasabi ng “thank you” kapag may ginawa ang inyong mga anak para sa inyo. Turuan din ang inyong mga anak na magsabi ng “thank you” sa iba. Tulungan silang maintindihan na ang pasasalamat ay nanggagaling sa puso at na ang mga sinasabi nila ay may magandang epekto sa iba. w19.02 17-18 ¶14-15

Linggo, Enero 5

Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!—Job 27:5.

Napakahalaga ng mga salitang iyan. Kung nakapanatiling tapat si Job sa mga pagsalakay ni Satanas, kaya rin natin. Pinagbibintangan din ni Satanas ang bawat isa sa atin. Paano? Para bang sinasabi niya na hindi mo talaga mahal ang Diyos na Jehova, na hihinto ka sa paglilingkod sa kaniya para mailigtas ang sarili mo, at na hindi totoong tapat ka sa kaniya! (Job 2:4, 5; Apoc. 12:10) Masakit, hindi ba? Pero isipin mo ito: Ganoon kalaki ang tiwala sa iyo ni Jehova kaya binigyan ka niya ng isang espesyal na oportunidad. Hinahayaan ni Jehova si Satanas na subukin ang katapatan mo. Nagtitiwala si Jehova na mananatili kang tapat at tutulungan mo siyang patunayan na sinungaling si Satanas. Nangangako rin siyang tutulungan ka niya. (Heb. 13:6) Napakalaking karangalan ang pagtiwalaan ng Soberano ng uniberso! Nakikita mo na ba kung bakit napakahalaga ng katapatan? Mapapatunayan mong sinungaling si Satanas, maitataguyod mo ang malinis na pangalan ng ating Ama, at masusuportahan mo ang pamamahala niya. w19.02 5 ¶9-10

Lunes, Enero 6

Ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.​—Juan 16:2.

Sinabi ni Jesus sa mga apostol na may mga pagsubok na darating. Pagkatapos, pinasigla niya sila na tularan ang halimbawa niya at ‘lakasan ang kanilang loob.’ (Juan 16:1-4a, 33) Pagkalipas ng maraming taon, tinutularan pa rin ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang pagsasakripisyo at lakas ng loob. Kahit magdusa, sinuportahan nila ang isa’t isa sa harap ng iba’t ibang pagsubok. (Heb. 10:33, 34) Sa ngayon, tinutularan din natin ang lakas ng loob ni Jesus. Halimbawa, kailangan ang lakas ng loob para tumulong sa mga kapatid na pinag-uusig dahil sa pananampalataya. Minsan, di-makatarungang ibinibilanggo ang ating mga kapatid. Kapag nangyari iyan, dapat nating gawin ang lahat ng magagawa natin para sa kanila, kasama na ang pagtatanggol sa kanila. (Fil. 1:14; Heb. 13:19) Makapagpapakita rin tayo ng lakas ng loob kung patuloy tayong mangangaral “nang may katapangan.” (Gawa 14:3) Gaya ni Jesus, determinado tayong ipangaral ang mensahe ng Kaharian, kahit salansangin at pag-usigin tayo ng mga tao. w19.01 22-23 ¶8-9

Martes, Enero 7

Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.​—Heb. 10:24, 25.

Ano ang makatutulong sa iyo para makapagkomento sa pulong? Pinakamahalagang maghanda sa bawat pulong. Kapag nagpaplano ka nang patiuna at naghahandang mabuti, mas may kumpiyansa kang magkomento. (Kaw. 21:5) Ano ang kasama sa paghahandang mabuti para sa pulong? Bago mag-aral, humiling kay Jehova ng banal na espiritu. (Luc. 11:13; 1 Juan 5:14) Pagkatapos, tingnan sandali ang kabuoan ng aralin. Suriin ang pamagat, mga subtitulo, larawan, at mga kahon sa pagtuturo. Habang pinag-aaralan mo ang bawat parapo, basahin ang lahat ng siniping teksto hangga’t maaari. Bulay-bulayin ang mga impormasyon, at magtuon ng pansin sa mga punto na gusto mong komentuhan. Kapag mas nakapaghanda ka, mas makikinabang ka at mas madali kang makapagkokomento.—2 Cor. 9:6. w19.01 9 ¶6; 11-12 ¶13-15

Miyerkules, Enero 8

Isulat mo ang pangitain.​—Hab. 2:2.

Nang ipasulat ni Jehova kay Habakuk ang ikinababahala nito, binigyan Niya tayo ng isang mahalagang aral: Hindi tayo dapat matakot na sabihin sa Kaniya ang ating ikinababahala o pag-aalinlangan. Oo, hinihimok niya tayong ibuhos sa kaniya sa panalangin ang nilalaman ng ating puso. (Awit 50:15; 62:8) Sinamantala ni Habakuk ang pagkakataong mapalapít kay Jehova, ang kaniyang pinagkakatiwalaang Kaibigan at Ama. Hindi lang siya basta nagmukmok at sinikap na lutasing mag-isa ang problema. Sa halip, ipinaalam niya sa Diyos ang kaniyang nadarama at ikinababahala. Isang magandang halimbawa iyan para sa atin. Bukod diyan, hinihimok tayo ni Jehova, ang Dumirinig ng panalangin, na ipakita ang ating pagtitiwala sa pagsasabi sa kaniya ng ating ikinababahala. (Awit 65:2) Sa paggawa nito, madarama natin ang sagot ni Jehova—ang kaniyang mainit na yakap sa pamamagitan ng kaniyang maibiging patnubay. (Awit 73:23, 24) Tutulungan niya tayong malaman ang kaisipan niya anuman ang dinaranas natin. Ang taimtim na pananalangin ay isa sa pinakamalalim na kapahayagan ng ating pagtitiwala sa Diyos. w18.11 13-14 ¶2; 14-15 ¶5-6

Huwebes, Enero 9

Nasa [mga banal na nasa lupa], sa mariringal nga, ang aking buong kaluguran.​—Awit 16:3.

Hindi lang mga kaedaran ni David ang kinaibigan niya. Natatandaan mo ba kung sino ang “maringal” na taong naging matalik niyang kaibigan? Siya si Jonatan. Sa katunayan, ang pagkakaibigan nila ang isa sa pinakamagandang pagkakaibigang nakaulat sa Kasulatan. Pero alam mo bang mas matanda nang mga 30 taon si Jonatan kaysa kay David? Kung gayon, ano ang saligan ng kanilang pagkakaibigan? Pananampalataya sa Diyos, matinding paggalang sa isa’t isa, at ang tapang na nakita nila sa isa’t isa habang nakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos. (1 Sam. 13:3; 14:13; 17:48-50; 18:1) Gaya nina David at Jonatan, makadarama rin tayo ng “kaluguran” kapag iniibig natin ang mga umiibig kay Jehova at ang mga nananampalataya sa kaniya. Sinabi ni Kiera, na matagal nang naglilingkod sa Diyos: “Marami akong kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo, at iba-iba ang kanilang pinagmulan at kultura.” Kung magpapalawak ka rin sa ganitong paraan, makikita mo ang malinaw na katibayan ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ng espiritu na pagkaisahin ang mga tao. w18.12 26-27 ¶11-13

Biyernes, Enero 10

Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.​—Mat. 19:9.

Saklaw ng salitang “pakikiapid,” o seksuwal na imoralidad, ang seksuwal na kasalanang hindi sakop ng pag-aasawa: pangangalunya, prostitusyon, pagtatalik nang hindi kasal, homoseksuwalidad, at bestiyalidad. Halimbawa, kung ang asawang lalaki ay nakagawa ng seksuwal na imoralidad, maaaring ipasiya ng kaniyang asawa na makipagdiborsiyo o hindi. Kapansin-pansin, hindi naman sinabi ni Jesus na ang pagiging imoral (por·neiʹa) ng kabiyak ay dapat mauwi sa diborsiyo. Halimbawa, maaaring ipasiya ng isang asawang babae na huwag diborsiyuhin ang kaniyang asawang nakagawa ng imoralidad. Baka mahal pa rin niya ito; baka handa siyang magpatawad at makipagtulungan para mapatibay ang kanilang pagsasama. Sa katunayan, kapag nakipagdiborsiyo siya at hindi na nag-asawang muli, mapapaharap siya sa mga hamon. Paano na ang materyal at seksuwal na pangangailangan niya? Paano kung nalulungkot siya? May mga anak ba sila? (1 Cor. 7:14) Talagang magkakaroon ng mabibigat na problema ang pinagkasalahang kabiyak. w18.12 12-13 ¶10-11

Sabado, Enero 11

O kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.​—Awit 97:10.

Napopoot si Jehova sa kalikuan. (Isa. 61:8) Kahit alam ni Jehova na may tendensiya tayong gumawa ng mali dahil hindi tayo sakdal, hinihimok pa rin niya tayong kapootan ang kalikuan. Kapag binulay-bulay natin kung bakit kinapopootan ni Jehova ang kasamaan, tutulong ito sa atin na kapootan din ito, at mas magiging determinado tayong huwag gumawa ng masama. Ang pagtulad sa pananaw ni Jehova sa kalikuan ay tutulong din sa atin na matukoy ang mga gawaing maituturing na mali, kahit hindi ito espesipikong binabanggit sa Salita ng Diyos. Halimbawa, ang lap dancing ay isang mahalay na paggawi na nagiging pangkaraniwan na lang sa daigdig ngayon. Baka ikatuwiran ng ilan na hindi ito mali, dahil hindi naman ito aktuwal na pakikipagtalik. Pero masasalamin ba sa gayong paggawi ang kaisipan ng Diyos, na napopoot sa lahat ng uri ng kasamaan? Dapat nating linangin ang pagpipigil sa sarili at ang pagkapoot sa mga kinapopootan ni Jehova para hindi tayo makagawa ng masama.—Roma 12:9. w18.11 25 ¶11-12

Linggo, Enero 12

Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.​—Hab. 2:4.

Nakita ni apostol Pablo na napakahalaga ng katiyakang iyon ni Jehova kung kaya tatlong beses niya itong sinipi! (Roma 1:17; Gal. 3:11; Heb. 10:38) Anuman ang danasin ng matuwid, makikita niya ang katuparan ng mga layunin ng Diyos dahil nanampalataya siya at nagtiwala. Sinasabi ni Jehova na dapat tayong magpokus sa hinaharap. Ang aklat ng Habakuk ay nagbibigay ng mapuwersang aral para sa ating lahat na nabubuhay sa mga huling araw na ito. Nangangako si Jehova na pagkakalooban niya ng buhay ang sinumang matuwid na nananampalataya at nagtitiwala sa Kaniya. Patuloy nating patibayin ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, anumang problema at kabalisahan ang mapaharap sa atin. Sa pamamagitan ni Habakuk, tinitiyak sa atin ni Jehova na susuportahan Niya tayo at ililigtas. Hinihiling niya sa atin na magtiwala sa kaniya at matiyagang maghintay sa kaniyang itinakdang panahon kapag, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang lupa ay napunô na ng masasaya at mahihinahong-loob na mananamba niya.—Mat. 5:5; Heb. 10:36-39. w18.11 16-17 ¶15-17

Lunes, Enero 13

Patuloy na [lumakad] sa katotohanan.​—3 Juan 4.

Noong unang siglo, ang ilan sa positibong tumugon sa mga turo ni Jesus ay hindi nagpatuloy sa paglakad sa katotohanan. Halimbawa, matapos makahimalang pakainin ni Jesus ang isang malaking pulutong, sinundan nila siya hanggang sa kabilang panig ng Dagat ng Galilea. Doon, may sinabi si Jesus na ikinagulat nila: “Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.” Imbes na hingan ng paliwanag si Jesus, natisod sila at sinabi: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?” Bilang resulta, “marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.” (Juan 6:53-66) Nakalulungkot, may ilan din sa ngayon na hindi nanghawakan sa katotohanan. Natisod ang ilan dahil sa sinabi o ginawa ng isang kilaláng kapatid. Nagdamdam naman ang iba nang payuhan sila mula sa Kasulatan, o iniwan nila ang katotohanan dahil hindi nila nakasundo ang isang kapatid. w18.11 9 ¶3-5

Martes, Enero 14

Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.​—Mat. 23:10.

Kapag hindi natin lubusang nauunawaan ang mga dahilan ng ilang pagbabago sa organisasyon, makabubuting pag-isipan ang paraan ng pangunguna ni Kristo noon. Kahit noong panahon ni Josue o noong unang siglo, laging naglalaan si Kristo ng matalinong patnubay para protektahan ang bayan ng Diyos, patibayin ang kanilang pananampalataya, at panatilihin ang pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos. (Heb. 13:8) Ang maibiging pagmamalasakit ni Jesus sa ating espirituwal na kapakanan ay malinaw na nakikita sa mga napapanahong tagubilin na ibinibigay ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Kapag nauunawaan natin ang tagubilin ni Kristo, madarama natin ang taimtim niyang interes sa ating espirituwal na pagsulong. Bukod sa pangangalaga sa ating espirituwal na pangangailangan, tinutulungan din tayo ni Kristo na magpokus sa pinakamahalagang gawain sa lupa ngayon—ang ating pangangaral.—Mar. 13:10. w18.10 25 ¶13-16

Miyerkules, Enero 15

Lumakad nang karapat-dapat sa pagtawag na itinawag sa inyo, na may buong kababaan ng pag-iisip.​—Efe. 4:1, 2.

Isang napakagandang halimbawa para makapagpakita ng pagpipigil sa sarili ang makikita sa 2 Samuel 16:5-13. Si David at ang mga lingkod niya ay nagtiis ng pandurusta at pananakit mula kay Simei, na kamag-anak ni Haring Saul. Ginawa iyon ni David kahit puwede naman niyang pigilan iyon. Paano napigil ni David ang sarili niya? Ipinakikita ng superskripsiyon ng Awit 3 na kinatha ito “nang tumatakas [si David] dahil kay Absalom na kaniyang anak.” Ang talata 1 at 2 ay tumutugma sa mga pangyayaring inilalarawan sa kabanata 16 ng Ikalawang Samuel. Pagkatapos, itinampok ng Awit 3:4 ang pagtitiwala ni David: “Sa pamamagitan ng aking tinig ay tatawag ako kay Jehova, at sasagutin niya ako.” Puwede rin tayong manalangin kapag nasa ilalim ng pagsubok. Bilang tugon, ilalaan naman ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para makapagbata tayo. May naiisip ka bang sitwasyon na kailangan mong magpigil sa sarili o lubusang magpatawad dahil sa di-makatarungang pakikitungo? Nagtitiwala ka bang nakikita ni Jehova ang iyong kapighatian at kaya ka niyang pagpalain? w18.09 6-7 ¶16-17

Huwebes, Enero 16

Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.​—1 Cor. 3:9.

Kapag nangangaral, dapat na lagi tayong maging makonsiderasyon at magalang, kasama na ang pagiging pamilyar sa kalagayan ng mga tao sa ating teritoryo. Tandaan na sa ating pagbabahay-bahay, tayo ay masasabing mga di-inaasahang bisita. Kaya napakahalagang pumunta tayo sa oras na mas handang makipag-usap ang mga tao! (Mat. 7:12) Halimbawa, tanghali na bang gumising ang mga tao sa inyong teritoryo kapag weekend? Kung oo, baka puwedeng makibahagi ka muna sa pagpapatotoo sa lansangan, pampublikong pagpapatotoo, o pagdalaw-muli sa mga taong alam mong gising na. Abalang-abala ang marami sa ngayon, kaya baka angkop na iklian ang iyong mga pagdalaw, kahit sa umpisa lang. (1 Cor. 9:20-23) Kapag nakikita ng mga tao na makonsiderasyon tayo sa kanilang kalagayan o abalang iskedyul, baka mas pumayag silang balikan sila. Malinaw na dapat makita sa ating ministeryo ang bunga ng espiritu ng Diyos. Sa gayon, tayo ay tunay na nagiging “mga kamanggagawa ng Diyos”—o isang instrumento pa nga ni Jehova para ilapit ang isang tao sa katotohanan.—1 Cor. 3:6, 7. w18.09 32 ¶15-17

Biyernes, Enero 17

Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.​—Mat. 5:5.

Paano nagdudulot ng kaligayahan ang pagiging mahinahong-loob? Matapos matutuhan ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, nagbabago ang mga indibiduwal. Baka dati silang malupit, palaaway, at agresibo. Pero ngayon, isinuot na nila ang “bagong personalidad” at nagpapakita ng “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Col. 3:9-12) Dahil dito, makikita sa kanilang buhay ang kapayapaan, pagmamahalan, at kaligayahan. Bukod diyan, nangangako ang Salita ng Diyos na “mamanahin nila ang lupa.” (Awit 37:8-10, 29) Sa anong diwa “mamanahin” ng mga mahinahong-loob ang lupa? Mamanahin ng mga pinahirang alagad ni Jesus ang lupa kapag pinamahalaan na nila ito bilang hari at saserdote. (Apoc. 20:6) Pero milyon-milyong iba pa, na walang makalangit na pagtawag, ang magmamana naman ng lupa sa diwa na mabubuhay sila rito magpakailanman sa kasakdalan, kapayapaan, at kaligayahan. w18.09 19 ¶8-9

Sabado, Enero 18

Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig.​—Sant. 1:19.

Si Jehova ang pinakamagandang halimbawa sa bagay na ito. (Gen. 18:32; Jos. 10:14) Tingnan ang matututuhan natin sa pag-uusap na nakaulat sa Exodo 32:11-14. Kahit hindi kailangan ni Jehova ang sasabihin ni Moises, binigyan pa rin siya ni Jehova ng pagkakataong sabihin ang niloloob niya. Sinong tao ang matiyagang makikinig sa pangangatuwiran ng isa na mali naman ang takbo ng pag-iisip, at saka gagawin ang sinasabi nito? Pero matiyagang nakikinig si Jehova sa mga taong lumalapit sa kaniya taglay ang pananampalataya. Makabubuting itanong natin: ‘Kung nagpakababa si Jehova para makitungo sa mga tao at makinig sa kanila gaya ng ginawa niya kina Abraham, Raquel, Moises, Josue, Manoa, Elias, at Hezekias, sino naman ako para hindi parangalan, igalang, at pakinggan ang ideya ng mga kapatid at sundin pa nga ang kanilang magagandang ideya? Mayroon ba akong kakongregasyon o kapamilya na nangangailangan ng atensiyon ko ngayon? Ano ang dapat kong gawin? Ano ang gusto kong gawin?’—Gen. 30:6; Huk. 13:9; 1 Hari 17:22; 2 Cro. 30:20. w18.09 6 ¶14-15

Linggo, Enero 19

Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain, at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.​—Kaw. 11:25.

Napakahirap mapanatili ang pagkabukas-palad kapag napalilibutan tayo ng mga taong makasarili. Pero ayon kay Jesus, ang dalawang pinakadakilang utos ay ang ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at ang ibigin ang kapuwa gaya ng ating sarili. (Mar. 12:28-31) Ang mga umiibig kay Jehova ay tumutulad sa kaniya. Si Jehova at si Jesus ay parehong bukas-palad. At inirerekomenda nilang gayundin ang gawin natin, dahil talagang magpapasaya iyon sa atin. Kung pagsisikapan nating maging bukas-palad sa ating mga ginagawa para sa Diyos at sa kapuwa, mapararangalan natin si Jehova at makikinabang tayo pati na rin ang iba. Tiyak na pinagsisikapan mo nang tumulong sa iba, lalo na sa mga kapananampalataya. (Gal. 6:10) Kung patuloy mo itong gagawin, siguradong mamahalin ka at pahahalagahan, at dahil dito, magiging maligaya ka. w18.08 22 ¶19-20

Lunes, Enero 20

Huwag na kayong humatol sa panlabas na kaanyuan.​—Juan 7:24.

Hindi mahalaga kay Jehova kung ano ang lahi, etniko, bansa, tribo, o wika ng isa. Ang sinumang lalaki o babae na natatakot sa Diyos at gumagawa ng tama ay kaayaaya sa kaniya. (Gal. 3:26-28; Apoc. 7:9, 10) Tiyak na sasang-ayon ka rito. Pero paano kung lumaki ka sa isang lupain o tahanan na punong-puno ng pagtatangi? Kahit na sinasabi mong hindi ka nagtatangi, maaaring nandoon pa rin iyon sa puso mo. Maging si Pedro, na mismong nagsabi na hindi nagtatangi si Jehova, ay nagtangi pa rin nang maglaon. (Gal. 2:11-14) Paano kaya tayo hindi hahatol batay sa panlabas na anyo? Dapat nating suriing mabuti ang ating sarili sa liwanag ng Salita ng Diyos para makita kung may bahid pa rin ng pagtatangi ang ating isip o puso. (Awit 119:105) Baka kailangan din natin ang tulong ng iba na maaaring nakakakita na nagtatangi tayo, kahit hindi natin ito napapansin sa ating sarili. (Gal. 2:11, 14) Baka nakagawian na natin ito kaya hindi na natin ito namamalayan. w18.08 9-10 ¶5-6

Martes, Enero 21

Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.​—Mat. 5:16.

Tanungin ang sarili: ‘Nakikita ba ng iba na talagang tapat ako kay Jehova? Humahanap ba ako ng mga pagkakataon para maipakilalang isa akong Saksi ni Jehova?’ Tiyak na malulungkot si Jehova kung ikahihiya natin na tayo ay sa kaniya matapos niya tayong piliin bilang kaniyang bayan. (Awit 119:46; Mar. 8:38) Nakalulungkot, pinalalabo ng ilan ang pagkakaiba sa pagitan ng naglilingkod sa Diyos at ng di-naglilingkod sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulad sa “espiritu ng sanlibutan.” (1 Cor. 2:12) Ang espiritung iyan ay nagtataguyod ng ‘mga pagnanasa ng laman.’ (Efe. 2:3) Halimbawa, kahit marami nang payong naibigay, may ilan pa ring hindi mahinhing manamit at mag-ayos. Nagsusuot pa rin sila ng mga damit na hapít na hapít at naglalantad ng katawan, kahit sa mga Kristiyanong pagtitipon pa nga. O kaya’y ginagaya nila ang kakatwang mga istilo ng buhok na nauuso sa sanlibutan. (1 Tim. 2:9, 10) Bilang resulta, kapag nasa karamihan sila, baka mahirap nang makilala kung sino ang kay Jehova at kung sino ang “kaibigan ng sanlibutan.”​—Sant. 4:4. w18.07 24-25 ¶11-12

Miyerkules, Enero 22

Lahat kayo ay magkakapatid.​—Mat. 23:8.

“Magkakapatid” tayo dahil lahat tayo ay nanggaling kay Adan. (Gawa 17:26) Pero hindi lang iyan. Ipinaliwanag ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magkakapatid dahil kinikilala nila si Jehova bilang makalangit na Ama. (Mat. 12:50) Magkakapatid din sila dahil kabilang sila sa isang malaking espirituwal na pamilya, na pinagkakaisa ng pag-ibig at pananampalataya. Kaya naman sa kanilang liham, madalas tukuyin ng mga apostol ang kanilang mga kapuwa alagad bilang “mga kapatid.” (Roma 1:13; 1 Ped. 2:17; 1 Juan 3:13) Matapos linawin ni Jesus kung bakit dapat nating ituring na kapatid ang isa’t isa, idiniin naman niya ang kapakumbabaan. (Mat. 23:11, 12) Ang pagmamataas ay naging dahilan ng ilang di-pagkakasundo ng mga apostol. At posible ring naging dahilan ang pagmamapuri sa lahi. Dapat bang ipagmalaki ng mga Judio na inapo sila ni Abraham? Iyan ang ipinagyayabang ng maraming Judio noon. Pero sinabi ni Juan Bautista sa kanila: “Ang Diyos ay may kapangyarihang magbangon ng mga anak kay Abraham mula sa mga batong ito.”​—Luc. 3:8. w18.06 9-10 ¶8-9

Huwebes, Enero 23

Ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman.​—Kaw. 17:27.

Kapag napapaharap sa nakaiinis na mga sitwasyon o paulit-ulit na di-pagkakaunawaan, kinokontrol ba natin ang ating labi at ang ating emosyon? (Kaw. 10:19; 17:27; Mat. 5:22) Kapag ginagalit tayo ng iba, matuto tayong ‘bigyan ng dako ang poot.’ Kaninong poot? Kay Jehova. (Roma 12:17-21) Kung lagi tayong nakatingin kay Jehova, maipakikita natin ang paggalang na nararapat sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay ng dako sa kaniyang poot, na matiyagang naghihintay sa kaniyang pagkilos. Kung maghihiganti tayo, hindi ito pagpapakita ng paggalang kay Jehova. Sinusunod ba natin ang mga bagong tagubilin ni Jehova? Kung oo, hindi tayo aasa na lang sa paraang nakasanayan na natin. Sa halip, agad nating susundin ang anumang bagong tagubilin na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. (Heb. 13:17) Kasabay nito, iingatan din natin na “huwag higitan ang mga bagay na nakasulat.” (1 Cor. 4:6) Sa paggawa nito, masasabing patuloy nating itinitingin ang ating mga mata kay Jehova. w18.07 15-16 ¶17-18

Biyernes, Enero 24

Sumulong . . . tungo sa pagkamaygulang.​—Heb. 6:1.

Habang sumusulong ka sa Kristiyanong pagkamaygulang, nagiging mas mahalaga sa iyo ang mga simulain. Ito ay dahil mas malawak ang saklaw ng mga simulain kumpara sa mga kautusan na maikakapit lang sa isang espesipikong sitwasyon. Halimbawa, hindi pa alam ng isang bata na mapanganib makihalubilo sa masasamang kasama, kaya ang isang nakauunawang magulang ay magbibigay ng mga tuntunin para protektahan siya. (1 Cor. 15:33) Pero habang lumalaki ang bata, nade-develop ang kakayahan niyang mag-isip, at nakapangangatuwiran na siya salig sa mga simulain ng Bibliya. Kaya unti-unti na siyang nakagagawa ng matatalinong pasiya sa pagpili ng mga kasama. (1 Cor. 13:11; 14:20) Kapag nangangatuwiran tayo batay sa makadiyos na mga simulain, ang budhi natin ay nagiging mas maaasahang giya, na kaayon ng pag-iisip ng Diyos. Taglay ba natin ang lahat ng kailangan para makagawa ng matatalinong desisyong nakalulugod kay Jehova? Oo. Kung mahusay nating gagamitin ang mga kautusan at simulaing nasa Salita ng Diyos, tayo ay magiging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Tim. 3:16, 17. w18.06 19 ¶14; 19-20 ¶16-17

Sabado, Enero 25

Sino ba talaga ang aking kapuwa?—Luc. 10:29.

Ipinakita ni Jesus na may matututuhan ang mga Judio sa isang Samaritano tungkol sa kahulugan ng tunay na pag-ibig sa kapuwa. (Luc. 10:25-37) Para magampanan ng mga alagad ni Jesus ang kanilang atas, kailangan nilang daigin ang pagmamataas at pagtatangi. Bago umakyat si Jesus sa langit, inutusan niya sila na magpatotoo “sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Naihanda na sila ni Jesus sa gayon kalawak na atas, dahil madalas niyang sabihin sa kanila ang magagandang katangian ng mga banyaga. Pinuri niya ang isang banyagang opisyal ng hukbo dahil sa pambihirang pananampalataya nito. (Mat. 8:5-10) Sa kaniyang bayan sa Nazaret, binanggit ni Jesus kung paano kinalugdan ng Diyos ang mga banyaga, gaya ng babaeng balo na taga-Zarepat sa Fenicia at ng ketonging si Naaman na taga-Sirya. (Luc. 4:25-27) At hindi lang nangaral si Jesus sa isang Samaritana, dalawang araw din siyang tumuloy sa isang bayan sa Samaria dahil interesado ang mga tagaroon sa kaniyang mensahe.—Juan 4:21-24, 40. w18.06 10 ¶10-11

Linggo, Enero 26

Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.​—Efe. 6:11.

Itinulad ni apostol Pablo ang ating buhay bilang Kristiyano sa mga sundalong nakikipaglaban. Pero ang ating pakikipagdigma ay hindi literal kundi espirituwal. Gayunpaman, ang ating mga kaaway ay totoo. Si Satanas at ang mga demonyo ay bihasa at makaranasan sa pakikipaglaban. Sa unang tingin, parang malabo ang tsansa nating manalo, lalo na ang mga kabataan. Paano magtatagumpay ang mga kabataang Kristiyano laban sa makapangyarihan at masasamang espiritu? Ang totoo, puwedeng manalo ang mga kabataan, at nananalo na nga sila! Bakit? Dahil ‘patuloy silang nagtatamo ng lakas sa Panginoon.’ At hindi lang iyan. Tulad ng mga bihasang sundalo, ‘isinuot nila ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.’ (Efe. 6:10-12) Nang banggitin ni Pablo ang ilustrasyong iyan, marahil nasa isip niya ang kagayakang isinusuot ng mga sundalong Romano.—Gawa 28:16. w18.05 27-28 ¶1-2

Lunes, Enero 27

Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.​—Mat. 6:9.

Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral ay para luwalhatiin si Jehova at pabanalin ang kaniyang pangalan sa mga tao. (Juan 15:1, 8) Hindi na natin puwedeng mas pabanalin pa ang pangalan ng Diyos. Banal na ito, o sagrado, sa ganap na diwa. Pero pansinin ang sinabi ni propeta Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo—siya ang Isa na dapat ninyong ituring na banal.” (Isa. 8:13) Ang isang paraan para mapabanal ang pangalan ng Diyos ay kung ituturing natin itong pinakadakila sa lahat ng pangalan at kung tutulungan natin ang iba na ituring din itong banal. Halimbawa, kapag inihahayag natin ang katotohanan tungkol sa magagandang katangian ni Jehova at sa kaniyang di-nagbabagong layunin para sa tao, ipinagtatanggol natin ang pangalan ng Diyos laban sa mga kasinungalingan at paninirang-puri ni Satanas. (Gen. 3:1-5) Napababanal din natin ang pangalan ng Diyos kapag sinisikap nating tulungan ang mga tao na makitang si Jehova ang karapat-dapat “tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan.”​—Apoc. 4:11. w18.05 18 ¶3-4

Martes, Enero 28

Mabuti ang magpasalamat kay Jehova . . . Sapagkat pinasaya mo ako, O Jehova, dahil sa iyong gawa; dahil sa mga gawa ng iyong mga kamay ay humihiyaw ako nang may kagalakan.​—Awit 92:1, 4.

Ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng espirituwal na mga tunguhin ay para ipakita ang ating pasasalamat sa pag-ibig ni Jehova at sa mga ginawa niya para sa atin. Bilang isang kabataan, isipin ang mga ibinigay sa iyo ni Jehova: ang buhay mo, ang pananampalataya mo, ang Bibliya, ang kongregasyon, at ang pag-asa mong mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kung magiging priyoridad mo ang espirituwal na mga bagay, maipakikita mo ang pasasalamat mo sa Diyos sa lahat ng mga pagpapalang ito, at dahil diyan, mas mapapalapít ka sa kaniya. Sa pag-abót ng espirituwal na mga tunguhin, nagkakaroon ka ng rekord ng mabubuting gawa sa paningin ni Jehova. Mas mapapalapít ka sa kaniya dahil dito. Nangako si apostol Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Kahit bata ka pa, puwede ka nang magkaroon ng mga tunguhin. Bakit hindi pag-isipan ang gusto mong mga tunguhin at magsikap na abutin ang mga iyon?—Fil. 1:10, 11. w18.04 26 ¶5-6

Miyerkules, Enero 29

Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.​—2 Cor. 3:17.

Nabuhay ang unang mga Kristiyano sa Imperyo ng Roma, kung saan ipinagmamalaki ng mga tao ang kanilang mga batas, sistema ng hustisya, at kalayaan. Pero ang kaluwalhatian ng Imperyo ng Roma ay dahil sa dugo’t pawis ng mga alipin. May panahon pa nga na mga 30 porsiyento ng populasyon nito ay mga alipin. Tiyak na importanteng usapin sa karaniwang mga tao, at maging sa mga Kristiyano, ang pang-aalipin at kalayaan. Sa mga liham ni apostol Pablo, marami siyang binanggit tungkol sa kalayaan. Gusto ng maraming tao noon na magkaroon ng reporma sa lipunan o politika. Pero hindi ito ang layunin ng ministeryo ni Pablo. Imbes na umasa sa sinumang taong tagapamahala, sinikap ni Pablo at ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano na turuan ang iba tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa napakahalagang haing pantubos ni Kristo Jesus. Inakay ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya sa Pinagmumulan ng tunay na kalayaan. w18.04 8-9 ¶1-2

Huwebes, Enero 30

Simon, Simon, narito! hiningi ni Satanas na kayo ay mapasakaniya upang salain kayong gaya ng trigo. Ngunit nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.​—Luc. 22:31, 32.

Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya kay apostol Pedro ang teksto sa araw na ito. Si Pedro ay nagsilbing haligi sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. (Gal. 2:9) Naging pampatibay-loob sa mga kapatid ang halimbawang ipinakita niya mula noong Pentecostes. Matapos maglingkod nang maraming taon, sumulat siya sa mga kapuwa Kristiyano: “Sinulatan ko kayo ng kakaunting salita, upang magbigay ng pampatibay-loob at ng isang marubdob na patotoo na ito ang tunay na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos; na dito ay tumayo kayong matatag.” (1 Ped. 5:12) Ang mga liham ni Pedro ay patuloy na nagsisilbing pampatibay-loob sa mga Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Kailangang-kailangan natin ang pampatibay-loob na ito habang hinihintay natin ang katuparan ng mga pangako ni Jehova!—2 Ped. 3:13. w18.04 17-18 ¶12-13

Biyernes, Enero 31

Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito . . . ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.​—Sant. 1:25.

Parang lahat ay nangangarap na magawa ang anumang gusto nila at mamuhay sa paraang gusto nila. Pero napakahirap maabot ang pangarap na iyan. Para magkaroon ng kalayaan, marami ang nagsasagawa ng kilos-protesta, demonstrasyon, pag-aaklas, at rebolusyon. Pero epektibo ba ang ganitong pamamaraan? Hindi. Kadalasan, nauuwi pa nga ang mga ito sa trahedya at kamatayan. Pinatutunayan lang nito na totoo ang obserbasyon ni Haring Solomon: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Ecles. 8:9) Sa teksto sa araw na ito, sinabi ni Santiago kung paano makakamit ang tunay na kaligayahan. Alam ni Jehova, na nagbigay ng sakdal na kautusang iyon, kung ano ang kailangan ng tao para maging lubos na maligaya. Ibinigay niya sa unang mag-asawa ang lahat ng kailangan nila para maging masaya—kasama na ang tunay na kalayaan. w18.04 3-4 ¶1-3

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share