Disyembre
Miyerkules, Disyembre 1
May . . . panahon ng pagtahimik.—Ecles. 3:1, 7.
Kapag hindi natin kinontrol ang ating dila, puwede itong pagmulan ng maraming problema. Halimbawa, kapag may nakilala kang kapatid na nakatira sa isang bansang may pagbabawal, itinatanong mo ba sa kaniya ang detalye ng gawain natin sa bansang iyon? Mabuti naman ang intensiyon mo. Mahal natin ang mga kapatid at interesado tayo sa mga nangyayari sa kanila. Gusto rin nating maging espesipiko kapag ipinapanalangin sila. Pero ito ang panahon na hindi tayo dapat magsalita. Kapag pinipilit natin ang isang kapatid na magsabi ng kompidensiyal na impormasyon, hindi tayo nagpapakita ng pag-ibig sa kaniya at sa mga kapatid na nagtitiwalang hindi siya magsasalita tungkol sa gawain nila. Tiyak na ayaw nating dagdagan ang paghihirap ng mga kapatid na nakatira sa mga bansang may pagbabawal. Siyempre, ayaw rin ng mga kapatid na naglilingkod sa mga bansang iyon na magbigay ng detalye tungkol sa pangangaral at iba pang gawain ng mga Saksi roon. w20.03 21-22 ¶11-12
Huwebes, Disyembre 2
Tiyak na hindi kayo mamamatay.—Gen. 3:4.
Ayaw ng Diyos na mamatay ang mga tao. Pero para mabuhay magpakailanman, kailangan nina Adan at Eva na sumunod kay Jehova, na nagbigay ng isang simpleng utos: “Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Gen. 2:16, 17) Pero pumasok sa eksena si Satanas. Sa pamamagitan ng serpiyente, sinabi niya kay Eva ang mga pananalita sa teksto sa araw na ito. Naniwala si Eva sa kasinungalingang iyon at kinain ang bunga. Pagkatapos, kumain din ang asawa niya. (Gen. 3:6) Dahil diyan, ang lahat ng tao ay nagkakasala at namamatay. (Roma 5:12) Namatay nga sina Adan at Eva, gaya ng sinabi ng Diyos. Pero hindi pa rin tumigil si Satanas. Gumawa siya ng iba pang kasinungalingan tungkol sa kamatayan. Isa sa mga ito ang turo na kapag namatay ang tao, may humihiwalay sa katawan niya na patuloy na nabubuhay, marahil sa mundo ng mga espiritu. Hanggang ngayon, napakaraming tao ang nadadaya ng ganoong uri ng kasinungalingan.—1 Tim. 4:1. w19.04 14-15 ¶3-4
Biyernes, Disyembre 3
Noong bata pa ako, nagsasalita ako, nag-iisip, at nangangatuwiran na gaya ng bata.—1 Cor. 13:11.
Limitado pa ang kakayahan ng mga bata na mag-isip, mangatuwiran, o makakita ng panganib at makaiwas dito. Kaya madali silang malinlang ng mga nang-aabuso. Tinuturuan sila ng mga ito ng kung ano-anong kasinungalingan, gaya ng sila raw ang dapat sisihin, na dapat ilihim ang pang-aabuso, na walang makikinig o magmamalasakit kapag nagsumbong sila, o na normal lang na mag-sex ang isang adulto at isang bata dahil sa pagmamahal. Baka paniwalaan ng isang bata ang mga kasinungalingang iyan sa loob ng mahabang panahon. Habang lumalaki siya, baka isipin niyang sira na ang buhay niya, marumi na siya, at hindi na karapat-dapat sa pagmamahal at suporta. Hindi nga nakapagtatakang magkaroon ng matagal na epekto sa biktima ang seksuwal na pang-aabuso. Nabubuhay na tayo sa mga huling araw, sa panahong marami ang “walang likas na pagmamahal” at “ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ.”—2 Tim. 3:1-5, 13. w19.05 15 ¶7-8
Sabado, Disyembre 4
Sa ganitong paraan, matutupad ninyo ang kautusan ng Kristo.—Gal. 6:2.
Paano nagturo si Jesus? Una, nagturo siya sa pamamagitan ng mga sinabi niya. Mapuwersa ang mga sinabi niya dahil itinuro niya ang katotohanan tungkol sa Diyos, ang tunay na layunin ng buhay, at na ang Kaharian ng Diyos ang solusyon sa pagdurusa ng tao. (Luc. 24:19) Nagturo din si Jesus sa pamamagitan ng halimbawa. Ipinakita niya sa paraan ng kaniyang pamumuhay kung paano dapat mamuhay ang mga alagad niya. (Juan 13:15) Kailan nagturo si Jesus? Nagturo siya noong panahon ng ministeryo niya sa lupa. (Mat. 4:23) Tinuruan din niya ang mga tagasunod niya matapos siyang buhaying muli. Halimbawa, nagpakita siya sa isang grupo ng mga alagad—malamang na mahigit 500—at inutusan niya silang “gumawa ng mga alagad.” (Mat. 28:19, 20; 1 Cor. 15:6) Bilang ulo ng kongregasyon, patuloy na nagbigay si Jesus ng tagubilin sa mga alagad niya matapos siyang bumalik sa langit. Halimbawa, noong mga 96 C.E., ginamit ni Kristo si apostol Juan para magbigay ng pampatibay at payo sa mga pinahirang Kristiyano.—Col. 1:18; Apoc. 1:1. w19.05 3 ¶4-5
Linggo, Disyembre 5
[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.—Fil. 1:10, tlb.
Napakahirap kumita ng pera sa ngayon. Maraming kapatid ang nagtatrabaho nang maraming oras para makapaglaan sa kanilang pamilya. Ang iba ay nagbibiyahe nang matagal papunta sa trabaho at pauwi. Marami ang nagtatrabaho nang mano-mano. Kaya pag-uwi ng masisipag na kapatid na ito, pagod na pagod na sila at wala nang ganang mag-aral. Pero ang totoo, dapat tayong maglaan ng oras para mag-aral—mag-aral na mabuti—ng Salita ng Diyos at ng ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Mahalaga ito para maging malapít tayo kay Jehova at mabuhay nang walang hanggan! (1 Tim. 4:15) Ang ilan ay gumigising nang maaga araw-araw at nag-aaral habang tahimik pa sa bahay at relaks pa ang kanilang isip. Ang iba naman ay naglalaan ng ilang minuto bago matulog para mag-aral at magbulay-bulay. w19.05 26 ¶1-2
Lunes, Disyembre 6
Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.—Roma 12:2.
Hindi ganoon kabilis gawin ang mga pagbabagong ito, at hindi rin ito ganoon kadali. Baka kailangan natin itong ‘pagsikapang mabuti’ sa loob ng maraming taon. (2 Ped. 1:5) Dapat nating gawin ang buong makakaya natin para mabago ang ating pagkatao. Ang unang dapat gawin ay manalangin. Tularan natin ang panalangin ng salmista: “Dalisayin mo ang puso ko, O Diyos, at bigyan mo ako ng bagong saloobin na magpapatatag sa akin.” (Awit 51:10) Dapat na aminado tayong kailangang mabago ang takbo ng ating isip, at humingi tayo ng tulong kay Jehova. Ang pangalawang dapat gawin ay magbulay-bulay. Sa pagbabasa natin ng Bibliya araw-araw, bulay-bulayin natin, o pag-isipang mabuti, kung anong mga kaisipan at damdamin ang kailangan nating baguhin. (Awit 119:59; Heb. 4:12; Sant. 1:25) Dapat nating makita kung may tendensiya tayong maakit sa kaisipan ng sanlibutan. Aminin natin ang ating mga kahinaan at sikaping maalis ang mga iyon. w19.06 8 ¶1; 10 ¶10, 11; 12 ¶12
Martes, Disyembre 7
Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.—Efe. 5:16.
Kapag nagdedesisyon, magtakda kung kailan mo isasagawa ang desisyon mo, at sundin mo iyon. Huwag mo nang hintayin ang pinakamagandang sitwasyon bago ka kumilos—malamang na hindi iyon darating. (Ecles. 11:4) Huwag hayaang maubos ang panahon mo sa di-gaanong mahahalagang bagay at mawalan ka na ng lakas para sa mas mahahalagang bagay. (Fil. 1:10) Kung posible, iiskedyul ang mahahalagang gawain kung kailan ka hindi masyadong maaabala. Ipaalám sa iba na kailangan mong magpokus sa panahong iyon. Puwede mong i-off ang cellphone mo at iwasan munang tingnan ang iyong e-mail o social media. Ang resulta ng desisyon mo ay parang destinasyon mo sa paglalakbay. Kung gusto mo talaga itong marating, magpapatuloy ka kahit may saradong daan at kailangan mong magbago ng ruta. Kung magpopokus din tayo sa resulta ng desisyon natin, hindi tayo agad susuko kapag may mga hadlang.—Gal. 6:9. w19.11 30 ¶17-18
Miyerkules, Disyembre 8
Ang salita ng Diyos ay [kayang umunawa ng] mga kaisipan at intensiyon ng puso.—Heb. 4:12.
Ano ang dapat na dahilan mo para magpabautismo? Dahil pinag-aralan mong mabuti ang Bibliya, marami ka nang natutuhan tungkol kay Jehova—ang mga katangian at ginawa niya. Nakaantig ang mga ito sa puso mo kaya napakilos kang mahalin din siya. Dapat na ang pinakamahalagang dahilan mo para magpabautismo ay ang pagmamahal kay Jehova. Ang isa pang dahilan para magpabautismo ay ang mga katotohanan sa Bibliya na tinanggap mo. Pansinin ang sinabi ni Jesus nang mag-utos siyang gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Ayon kay Jesus, dapat na mabautismuhan ang isa “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Ibig sabihin, dapat na buong puso kang naniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova, sa kaniyang Anak na si Jesus, at sa banal na espiritu. Makapangyarihan ang mga katotohanang ito at puwede nitong maantig ang puso mo. w20.03 9 ¶8-9
Huwebes, Disyembre 9
Babalaan ang mga masuwayin, . . . alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.—1 Tes. 5:14.
Nagsugo si Jehova ng mga anghel hindi lang para babalaan si Lot kundi para tulungan din siyang makaligtas sa kapahamakang darating sa Sodoma. (Gen. 19:12-14, 17) Baka kailangan din nating babalaan ang isang kapatid kung nakikita nating mapapahamak siya. Kahit hindi niya agad masunod ang payo mula sa Bibliya, kailangan nating maging matiyaga. Tularan ang dalawang anghel. Imbes na sumuko at iwan ang ating kapatid, tulungan natin siya sa praktikal na paraan. (1 Juan 3:18) Baka kailangan pa nating iabot ang ating kamay para mahila siya, wika nga, at tulungan siyang masunod ang magandang payong ibinigay sa kaniya. Sa halip na magpokus si Jehova sa mga kahinaan ni Lot, ipinasulat pa nga niya kay apostol Pedro na si Lot ay isang taong matuwid. (Awit 130:3) Matutularan ba natin ang pananaw ni Jehova kay Lot? Kung magpopokus tayo sa magagandang katangian ng mga kapatid, mas magiging matiyaga tayo sa kanila. Dahil diyan, malamang na tanggapin nila ang tulong natin. w19.06 21 ¶6-7
Biyernes, Disyembre 10
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
Kapag ipinagbawal ng gobyerno sa bansa ninyo ang ating pagsamba, baka maisip mong lumipat sa ibang bansa, kung saan malaya mong mapaglilingkuran si Jehova. Personal mo nang desisyon iyan. Makakatulong sa pagpapasiya ang ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo nang pag-usigin sila. Ang mga alagad sa Jerusalem ay lumipat sa Judea at Samaria at nakarating pa nga sa Fenicia, Ciprus, at Antioquia. (Mat. 10:23; Gawa 8:1; 11:19) Pero pagkatapos ng isa pang panahon ng pag-uusig sa mga Kristiyano noong unang siglo, nagpasiya si apostol Pablo na manatili sa mga lugar na may mga humahadlang sa pangangaral. (Gawa 14:19-23) Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na iyan? Bawat ulo ng pamilya ay dapat magpasiya kung lilipat sila. Bago magpasiya, kailangan muna niyang manalangin at pag-isipang mabuti ang kalagayan ng pamilya niya at ang posibleng maging epekto sa kanila ng paglipat. Hindi natin dapat husgahan ang iba sa magiging desisyon nila. w19.07 10 ¶8-9
Sabado, Disyembre 11
Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.—Juan 17:3.
Inutusan tayo ni Jesus na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:19) At bukod sa pagtuturo sa estudyante natin kung ano ang gagawin para maging alagad ni Jesus, kailangan din natin siyang turuan kung paano mamumuhay bilang tunay na Kristiyano. Matiyaga natin siyang alalayan habang sinisikap niyang sundin ang mga simulain sa Bibliya. May mga Bible study tayong nagbabago na ang pag-iisip at paggawi sa loob lang ng ilang buwan; ang iba naman ay kailangan ng mas mahaba-habang panahon. Makikita sa karanasan ng isang misyonero sa Peru kung gaano kahalaga ang pagtitiyaga. “Dalawang aklat na ang natapos namin ng Bible study kong si Raúl,” ang sabi ng misyonero. “Pero may mabibigat pa rin siyang problema. Magulo ang pagsasama nilang mag-asawa, nagmumura siya, at hindi siya iginagalang ng mga anak niya. Pero dahil regular siyang dumadalo, pinupuntahan ko pa rin siya para tulungan siya at ang pamilya niya. Pagkatapos ng mahigit tatlong taon, naging kuwalipikado siya sa bautismo.” w19.07 15 ¶3; 19 ¶15-17
Linggo, Disyembre 12
Magsikap kayo nang husto.—Luc. 13:24.
Isipin ang kalagayan ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Filipos. Nakabilanggo siya sa tirahan niya sa Roma. Hindi siya makapangaral sa labas. Pero naging abala siya sa pagpapatotoo sa mga dumadalaw sa kaniya at sa pagsulat sa malalayong kongregasyon. Gaya ni Kristo, alam ni Pablo na dapat siyang magsikap hanggang katapusan. Kaya naman ikinumpara niya ang buhay ng mga Kristiyano sa isang takbuhan. (1 Cor. 9:24-27) Ang isang mananakbo ay nakapokus lang sa finish line at hindi palingon-lingon. Halimbawa, kapag ang takbuhan ay nasa siyudad, baka may mga pamilihan at iba pang panggambala sa ruta nito. Sa palagay mo, titigil ba ang isang mananakbo para tingnang mabuti ang nakadispley na mga paninda? Hindi niya gagawin iyon kung gusto niyang manalo! Sa takbuhan para sa buhay, dapat din tayong umiwas sa mga panggambala. Kapag nanatili tayong nakapokus sa tunguhin natin at nagsikap nang husto gaya ni Pablo, makakamit natin ang gantimpala! w19.08 3 ¶4; 4 ¶7
Lunes, Disyembre 13
Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo. . . . Dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.—1 Tim. 4:16.
Kapag sumusunod na tayo sa mga pamantayan ng Diyos, baka mahirapan ang mga kapamilya natin na tanggapin ang ating bagong paniniwala at pamumuhay. Kadalasan, napapansin agad nila na hindi na tayo sumasali sa kanilang mga relihiyosong pagdiriwang at sa politika. Sa simula, baka magalit sa atin ang ilan sa kanila. (Mat. 10:35, 36) Pero huwag tayong mawalan ng pag-asa. Kung hihinto tayo sa pagtulong sa kanila na maintindihan ang paniniwala natin, parang hinatulan na natin sila na hindi sila karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Hindi sa atin ibinigay ni Jehova ang atas na humatol—para kay Jesus ang atas na iyon. (Juan 5:22) Kung matiyaga tayo, malamang na makinig din ang mga kapamilya natin sa ating mensahe. Kailangan nating manindigan, pero dapat din tayong manatiling mabait, kahit may tinitiis na mga pagsubok. (1 Cor. 4:12b) Kailangan ng panahon bago maintindihan ng mga kapamilya natin kung gaano kahalaga sa atin na paglingkuran si Jehova. w19.08 17 ¶10, 13; 18 ¶14
Martes, Disyembre 14
May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.—Fil. 4:13.
“Kapag naiisip ko ang problemang pinagdaanan ko, alam kong hindi ko iyon makakayanan kung ako lang.” Naisip mo na rin ba iyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Baka naisip mo iyan noong namatayan ka ng mahal sa buhay o nagkaroon ka ng malubhang sakit at nakayanan mo ito. Kapag binabalikan mo iyon, alam mong nakapagtiis ka dahil binigyan ka ng banal na espiritu ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7-9) Umaasa rin tayo sa tulong ng banal na espiritu para mapaglabanan ang impluwensiya ng sanlibutang ito. (1 Juan 5:19) Kailangan din nating makipaglaban sa “hukbo ng napakasasamang espiritu.” (Efe. 6:12) Tinutulungan tayo ng espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng lakas para magampanan ang ating responsibilidad kahit may problema. Alam ni apostol Pablo na patuloy siyang nakapaglingkod kahit may mga problema dahil umasa siya sa “kapangyarihan ng Kristo.”—2 Cor. 12:9. w19.11 8 ¶1-3
Miyerkules, Disyembre 15
Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.—Juan 14:9.
Ang Bibliya lang ang maaasahang aklat na nagpapaliwanag ng ginawa ni Jesus para sa iyo. Mahalin mo si Jesus, at lalo mo pang mamahalin si Jehova. Bakit? Dahil lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Kaya habang nakikilala mo si Jesus, lalo mong nakikilala at napapahalagahan si Jehova. Pag-isipan ang habag na ipinakita ni Jesus sa mga taong hinahamak—ang mahihirap, maysakit, at mahihina. Pag-isipan din ang praktikal na mga payo niya at kung paano bumuti ang buhay mo dahil nakinig ka sa kaniya. (Mat. 5:1-11; 7:24-27) Lalo mo pang mamahalin si Jesus kapag pinag-isipan mo ang sakripisyong ginawa niya para mapatawad ang mga kasalanan natin. (Mat. 20:28) Kapag nalaman mong kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang buhay niya para sa iyo, mapapakilos kang magsisi at humingi ng tawad kay Jehova. (Gawa 3:19, 20; 1 Juan 1:9) At habang napapamahal sa iyo si Jesus at si Jehova, mapapalapít ka sa mga taong nagmamahal din sa kanila. w20.03 5-6 ¶10-12
Huwebes, Disyembre 16
Kahit mataas si Jehova, nagbibigay-pansin siya sa mapagpakumbaba.—Awit 138:6.
Baka isipin ng isang brother na siya ang pinakakuwalipikado sa isang partikular na atas. O baka isipin ng isang sister, ‘Mas kuwalipikado naman ang asawa ko kaysa sa brother na ’yon!’ Pero kung talagang mapagpakumbaba tayo, hindi tayo mag-iisip ng ganiyan. May matututuhan tayo sa reaksiyon ni Moises nang makatanggap ng pribilehiyo ang iba. Pinahalagahan ni Moises ang atas niyang manguna sa bansang Israel. Ano ang naging reaksiyon ni Moises nang ibigay ni Jehova sa iba ang ilang pananagutan niya? Hindi sumamâ ang loob niya. (Bil. 11:24-29) Mapagpakumbaba rin siyang nagpatulong sa iba sa paghatol sa bayan. (Ex. 18:13-24) Dahil diyan, naging mas mabilis ang pagbibigay ng hatol sa mga kasong inilalapit ng mga Israelita. Ipinapakita lang nito na mas mahalaga kay Moises ang kapakanan ng iba kaysa sa mga pribilehiyo niya. Napakaganda ngang halimbawa! Tandaan na kung talagang gusto nating magpagamit kay Jehova, mas mahalaga ang kapakumbabaan natin kaysa sa ating kakayahan. w19.09 5-6 ¶13-14
Biyernes, Disyembre 17
Iniingatan ni Jehova ang mga tapat.—Awit 31:23.
Hindi natin alam kung ano ang idadahilan ng mga bansa sa pagsalakay nila sa Babilonyang Dakila. Baka sabihin nilang hadlang ang mga relihiyon sa kapayapaan at laging nakikialam sa politika. O baka sabihin nilang sobra-sobra na ang naipong kayamanan at ari-arian ng mga relihiyon. (Apoc. 18:3, 7) Malamang na hindi pupuksain ang lahat ng miyembro ng huwad na relihiyon sa pagsalakay na ito. Lumilitaw na ang mga relihiyosong organisasyon ang aalisin ng mga bansa. Kapag naalis na ang mga organisasyong ito, maiisip ng mga miyembro nito na binigo sila ng mga lider nila at malamang na itanggi nilang may kaugnayan sila sa mga relihiyong iyon. Ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay hindi magtatagal. (Apoc. 18:10, 21) Ipinangako ni Jehova na “paiikliin [niya] ang mga araw” ng kapighatian para makaligtas ang kaniyang “mga pinili” at ang tunay na relihiyon.—Mar. 13:19, 20. w19.10 15 ¶4-5
Sabado, Disyembre 18
[Payuhan] ang mga nakababatang babae na . . . mahalin ang kanilang mga anak.—Tito 2:4.
Mga ina, baka lumaki ka sa mga magulang na magagalitin at masakit magsalita sa mga anak. Dahil iyon ang nakagisnan mo, baka iniisip mong normal lang iyon. At kahit alam mo na ang mga pamantayan ni Jehova, baka mahirapan ka pa ring manatiling kalmado at mawala ang pasensiya mo sa iyong mga anak, lalo na kung pagód ka at ayaw ka nilang sundin. (Efe. 4:31) Sa ganiyang mga pagkakataon, lalo mong kailangang hingin ang tulong ni Jehova. (Awit 37:5) Mayroon namang mga ina na nahihirapang magpakita ng pagmamahal sa mga anak nila. Baka lumaki sila sa pamilyang hindi malapít ang mga magulang sa kanilang mga anak. Kung ganoon ang pagpapalaki sa iyo, hindi mo kailangang ulitin ang pagkakamali ng iyong mga magulang. Baka kailangan ng isang inang nagpapasakop kay Jehova na pagsikapang matutuhan kung paano magpapakita ng pagmamahal sa kaniyang mga anak. Baka mahirapan siyang magbago. Pero kaya niyang gawin iyon, at kapag nagbago siya, mapapabuti siya at ang pamilya niya. w19.09 18 ¶19-20
Linggo, Disyembre 19
Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon.—Mat. 6:24.
Ang isang taong sumasamba kay Jehova, pero gumagamit din ng malaking panahon sa pagpapayaman, ay parang naglilingkod sa dalawang panginoon. Hindi bukod-tangi ang debosyon niya kay Jehova. Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ipinagyabang ng kongregasyon sa Laodicea: “Mayaman ako at nakapag-ipon ng kayamanan, at wala na akong kailangan pa.” Pero para kay Jehova at kay Jesus, sila ay “miserable at kaawa-awa at dukha at bulag at hubad.” Pinayuhan sila ni Jesus, hindi dahil sa mayaman sila, kundi dahil nasisira ng pag-ibig sa kayamanan ang kaugnayan nila kay Jehova. (Apoc. 3:14-17) Kung mapansin nating naghahangad na tayong yumaman, dapat nating ituwid agad ang ating pag-iisip. (1 Tim. 6:7, 8) Kung hindi, mahahati ang puso natin at hindi na tatanggapin ni Jehova ang ating pagsamba. Siya ay “humihiling ng bukod-tanging debosyon.”—Deut. 4:24. w19.10 27 ¶5-6
Lunes, Disyembre 20
Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.—2 Ped. 1:21.
Ang salitang Griego na isinaling “ginagabayan” ay literal na nangangahulugang “dinadala.” Isang halos katulad na anyo ng salitang Griego para sa “dinadala” ang ginamit din ni Lucas, manunulat ng Gawa, para ilarawan ang isang barko na ‘tinatangay’ ng hangin. (Gawa 27:15) Kaya nang isulat ni apostol Pedro na ang mga manunulat ng Bibliya ay “dinadala,” gumamit siya ng “napakagandang metapora tungkol sa paglalayag,” gaya ng sinabi ng isang iskolar ng Bibliya. Para na ring sinabi ni Pedro na kung paanong itinutulak ng hangin ang barko para makarating sa destinasyon nito, ginagabayan din ng banal na espiritu ang mga propeta at manunulat ng Bibliya para magawa ang atas nila. Dagdag pa ng iskolar na iyon: “Iniladlad ng mga propeta ang layag nila, wika nga.” Ginawa ni Jehova ang papel niya. Naglaan siya ng “hangin,” o banal na espiritu. Ginawa naman ng mga manunulat ng Bibliya ang papel nila. Sumunod sila sa paggabay ng espiritung iyon. Kung paanong itinutulak ng hangin ang isang barko sa mabagyong dagat, ganiyan din ang ginagawa ng banal na espiritu para malampasan natin ang tulad-bagyong mga problema at marating ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. w19.11 9 ¶7-9
Martes, Disyembre 21
Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.—Kaw. 24:10.
Nasisiraan tayo ng loob kapag nagkakaproblema tayo. Siyempre, hindi naman natin puwedeng bale-walain ang mga problema natin. Pero hindi rin tamang isipin ito nang isipin, kasi baka makalimutan natin ang magagandang pangako ni Jehova sa atin. (Apoc. 21:3, 4) At baka sa sobrang pagkasira ng loob, maubos ang lakas natin at sumuko tayo. Pansinin kung ano ang ginawa ng isang sister sa United States para mapanatiling matibay ang pananampalataya niya habang nag-aalaga sa asawa niyang may malubhang sakit. Isinulat niya: “Nakaka-stress at nakakasira ng loob kung minsan ang sitwasyon namin, pero nananatiling malinaw sa isip namin ang pag-asa natin. Talagang nagpapasalamat ako sa mga impormasyong natatanggap namin para patibayin ang aming pananampalataya at palakasin kami. Kailangan talaga namin ng payo at pampatibay. Nakakapagpatuloy kami dahil dito at nakakapagtiis.” Nakita natin sa sinabi ng sister na kaya nating mapagtagumpayan ang pagkasira ng loob! Paano? Laging isipin na ang mga pagsubok ay galing kay Satanas. Magtiwalang papatibayin ka ni Jehova. At pahalagahan ang espirituwal na pagkaing inilalaan niya. w19.11 16 ¶9-10
Miyerkules, Disyembre 22
Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.—Kaw. 11:13.
Lalo nang dapat sundin ng mga elder ang prinsipyong ito ng Bibliya. Alam ng isang elder na hindi niya dapat sabihin sa asawa niya ang “kompidensiyal na mga bagay” na sinabi sa kaniya ng isang kapatid. Kapag ginawa niya ito, mawawala ang tiwala ng kongregasyon sa kaniya at masisira ang reputasyon niya. Ang mga may pananagutan sa kongregasyon ay hindi dapat maging “dalawang-dila.” (1 Tim. 3:8, tlb.) Ibig sabihin, hindi sila mapanlinlang—hindi sila nagkukunwaring pinananatili nilang lihim ang isang bagay pero ang totoo, sinasabi nila ito sa iba. Kung mahal ng elder ang asawa niya, hindi niya ito pabibigatan ng impormasyong hindi nito kailangang malaman. Matutulungan ng asawang babae ang asawa niya na mapanatili ang magandang reputasyon kung hindi niya ito pipiliting magsabi ng kompidensiyal na mga bagay. Kapag ginawa ito ng asawang babae, hindi lang niya sinusuportahan ang asawa niya; pinararangalan din niya ang mga kapatid na nagtiwala sa asawa niya. At ang pinakamahalaga, napapasaya niya si Jehova kasi nakakatulong siya para maging payapa at nagkakaisa ang kongregasyon.—Roma 14:19. w20.03 22 ¶13-14
Huwebes, Disyembre 23
Magpapakita si Jehova sa inyo.—Lev. 9:4.
Noong 1512 B.C.E., nang itayo ang tabernakulo sa paanan ng Bundok Sinai, pinangunahan ni Moises ang seremonya sa pag-aatas kay Aaron at sa mga anak nito bilang mga saserdote. (Ex. 40:17; Lev. 9:1-5) Paano ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya ang mga inatasang saserdote? Habang pinagpapala nina Aaron at Moises ang bayan, nagpadala si Jehova ng apoy na tumupok sa handog na nasa altar. (Lev. 9:23, 24) Ano ang pinapatunayan ng kahanga-hangang pangyayaring ito? Ipinapakita nito na lubusang sinusuportahan ni Jehova si Aaron at ang mga anak nito bilang mga saserdote. Nang makita ng mga Israelita ang malinaw na ebidensiyang ito, naintindihan nilang kailangan din nilang lubusang suportahan ang mga saserdote. Mahalaga ba sa atin sa ngayon ang pangyayaring ito? Oo! Ang mga saserdote sa Israel ay kumakatawan sa nakahihigit na mga saserdote—ang 144,000 makakasama ni Kristo sa langit. (Heb. 4:14; 8:3-5; 10:1) Maliwanag, pinapatnubayan at pinagpapala ni Jehova ang organisasyon niya sa ngayon. w19.11 23 ¶13; 24 ¶14, 16
Biyernes, Disyembre 24
Gabi’t araw kaming nagtrabaho . . . para hindi namin mapabigatan ang sinuman sa inyo.—2 Tes. 3:8.
Habang nasa Corinto, tumuloy si apostol Pablo sa bahay nina Aquila at Priscila at “nagtrabahong kasama nila,” dahil “pare-pareho silang gumagawa ng tolda.” Nang sabihin ni Pablo na nagtrabaho siya nang “gabi’t araw,” hindi naman niya sinasabing hindi na siya tumigil sa pagtatrabaho. Nagpapahinga rin siya, halimbawa kapag Sabbath. Ginagamit niya ang araw na ito para mangaral sa mga Judio, na hindi rin nagtatrabaho kapag Sabbath. (Gawa 13:14-16, 42-44; 16:13; 18:1-4) Kailangang magtrabaho ni Pablo, pero tiniyak niyang regular din siya “sa banal na gawain ng paghahayag ng mabuting balita ng Diyos.” (Roma 15:16; 2 Cor. 11:23) Pinatibay niya ang iba na gawin din iyon. Kaya sina Aquila at Priscila ay tinukoy rin bilang “mga kamanggagawa [ni Pablo] kay Kristo Jesus.” (Roma 12:11; 16:3) Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na maging “laging abala sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58, tlb.; 2 Cor. 9:8) Ginabayan pa nga ni Jehova si apostol Pablo na isulat: “Kung ayaw magtrabaho ng isang tao, huwag siyang pakainin.”—2 Tes. 3:10. w19.12 5 ¶12-13
Sabado, Disyembre 25
Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.—Awit 127:3.
Nang lalangin ni Jehova ang unang mag-asawa, binigyan niya sila ng pagnanais na magkaanak. Pero sino ang magpapasiya kung mag-aanak ang mag-asawa at kung kailan sila mag-aanak? Sa ilang kultura, inaasahang mag-aanak agad ang mga bagong mag-asawa. Baka nga pilitin pa sila ng mga kapamilya nila at ng iba pa na mag-anák agad. Ang sabi nga ni Jethro, isang brother sa Asia, “Sa kongregasyon namin, pinipilit ng ilang may anak ang mga mag-asawang walang anak na magpamilya.” Ganito naman ang sabi ni Jeffrey, isa pang brother sa Asia, “May nagsasabi sa mga mag-asawang walang anak na walang mag-aalaga sa kanila sa pagtanda nila.” Pero ang mag-asawa ang dapat magpasiya kung mag-aanak sila. Pananagutan nila iyon. (Gal. 6:5, tlb.) Siyempre pa, gusto lang naman ng mga kaibigan nila at kapamilya na maging masaya sila. Pero dapat tandaan ng mga ito na ang mag-asawa ang magpapasiya.—1 Tes. 4:11. w19.12 22 ¶1-3
Linggo, Disyembre 26
Manalangin kayo sa ganitong paraan: “Ama namin.”—Mat. 6:9.
Nahihirapan ka bang ituring na Ama si Jehova? Baka manliit ang ilan at isiping wala silang halaga kumpara sa Diyos na Jehova. Hindi sila makapaniwalang nagmamalasakit sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero ayaw ng ating mapagmahal na Ama na madama natin iyan. Binigyan niya tayo ng buhay, at gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya. Matapos banggitin ang katotohanang iyan, sinabi ni apostol Pablo sa mga kausap niya sa Atenas na si Jehova ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:24-29) Gusto ng Diyos na lumapit tayo sa kaniya, gaya ng isang anak na laging lumalapit sa mapagmahal niyang magulang. Baka nahihirapan ang iba na ituring na Ama si Jehova dahil hindi sila minahal ng sarili nilang ama. Sinabi ng isang sister: “Napakasakit magsalita ng tatay ko. Noong nagsisimula pa lang akong mag-aral ng Bibliya, hindi ako naniniwalang puwede akong mapalapít sa isang Ama sa langit.” Ganiyan ka rin ba? Kung oo, huwag kang masiraan ng loob. Darating ang panahon na makikita mong si Jehova ang pinakamahusay na Ama. w20.02 3 ¶4-5
Lunes, Disyembre 27
Huwag mo akong iwan kapag mahina na ako.—Awit 71:9.
Itinuro ni Jesus na kahit pakiramdam natin ay hindi mahalaga ang paglilingkod natin habang tumatanda tayo, pinapahalagahan ni Jehova anuman ang magagawa natin para sa kaniya. (Awit 92:12-15; Luc. 21:2-4) Kaya gawin kung ano ang kaya mo. Halimbawa, kaya mo pa ring magpatotoo tungkol kay Jehova, ipanalangin ang mga kapatid, at patibayin ang iba na manatiling tapat. Itinuturing ka ni Jehova na kamanggagawa niya, hindi dahil sa nagagawa mo, kundi dahil sa pagiging handa mong sumunod sa kaniya. (1 Cor. 3:5-9) Nagpapasalamat tayo na si Jehova ang sinasamba natin, isang Diyos na talagang nagpapahalaga sa mga lingkod niya. Nilalang niya tayo para gawin ang kalooban niya, at ang paglilingkod sa kaniya ang nagpapasaya sa atin. (Apoc. 4:11) Kahit na walang halaga ang tingin sa atin ng mundong ito, hindi tayo ikinahihiya ni Jehova. (Heb. 11:16, 38) Kapag nasisiraan tayo ng loob dahil sa sakit, problema sa pinansiyal, o pagtanda, lagi nating tandaan na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng ating Ama sa langit.—Roma 8:38, 39. w20.01 18 ¶16; 19 ¶18-19
Martes, Disyembre 28
Dalisayin mo ang puso ko, O Diyos, at bigyan mo ako ng bagong saloobin na magpapatatag sa akin.—Awit 51:10.
Malalabanan natin ang inggit kung mapagpakumbaba tayo at kontento. Kapag ang puso natin ay punô ng mga katangiang ito, mawawalan na ng lugar ang inggit. Makakatulong ang kapakumbabaan para hindi maging masyadong mataas ang tingin natin sa ating sarili. Hindi iisipin ng isang mapagpakumbabang tao na mas mahalaga siya kaysa sa iba. (Gal. 6:3, 4) Ang isang taong kontento ay masaya na sa anumang mayroon siya, at hindi niya ikinukumpara sa iba ang sarili niya. (1 Tim. 6:7, 8) Ang mapagpakumbaba at kontentong tao ay masaya kapag may nangyayaring maganda sa kapuwa niya. Kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu ni Jehova para maiwasan ang inggit at malinang ang kapakumbabaan at pagkakontento. (Gal. 5:16; Fil. 2:3, 4) Matutulungan tayo ng banal na espiritu na suriin ang ating kaisipan at motibo. Sa tulong ng Diyos, mapapalitan ng mabuti ang masasama nating kaisipan at saloobin.—Awit 26:2. w20.02 15 ¶8-9
Miyerkules, Disyembre 29
Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.—1 Tim. 4:16.
Ang pag-aalay ay isang panata na inaasahan ni Jehova na tutuparin mo. Kaya manatiling malapít sa kongregasyon. Ang mga kapatid sa kongregasyon ang iyong espirituwal na pamilya. Mapapalapít ka sa kanila kung regular kang dadalo sa mga pulong. Basahin ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito araw-araw. (Awit 1:1, 2) Maglaan ng panahon para pag-isipang mabuti ang nabasa mo. Maaabot nito ang puso mo. ‘Patuloy kang manalangin.’ (Mat. 26:41) Mapapalapít ka kay Jehova kung taos-puso ang panalangin mo. “Patuloy [mong] unahin ang Kaharian.” (Mat. 6:33) Magagawa mo iyan kung magiging pangunahin sa buhay mo ang pangangaral. Sa gayon, titibay ang pananampalataya mo. Anumang paghihirap mo sa mundong ito ay “panandalian at magaan.” (2 Cor. 4:17) Pero kung mag-aalay at magpapabautismo ka, magiging masaya ang buhay mo ngayon at magkakaroon ka ng “tunay na buhay” sa hinaharap. Sulit ang lahat ng sakripisyo!—1 Tim. 6:19. w20.03 13 ¶19-21
Huwebes, Disyembre 30
Maikli na ang natitirang panahon.—1 Cor. 7:29.
Kapag hindi sumusulong ang Bible study mo, baka kailangan mo nang pag-isipan, ‘Dapat ko na bang ihinto ang pagdaraos ng pag-aaral?’ Bago ka magdesisyon, tanungin ang sarili: ‘Makatuwiran ba ang pagsulong ng Bible study ko ayon sa kakayahan niya?’ ‘Tinutupad ba niya, o isinasabuhay, ang mga natututuhan niya?’ (Mat. 28:20) Nakakalungkot, may ilang Bible study na gaya ng mga Israelita noong panahon ni Ezekiel. Tungkol sa kanila, sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Para sa kanila, isa kang romantikong awitin na kinakanta ng isang mang-aawit na may magandang boses at mahusay tumugtog ng instrumentong de-kuwerdas. Pakikinggan ka nila, pero hindi sila kikilos ayon sa sinabi mo.” (Ezek. 33:32) Baka mahirap para sa atin na sabihin sa isang tao na ihihinto na natin ang pakikipag-aral sa kaniya. Pero “maikli na ang natitirang panahon.” Kaya imbes na ituloy ang di-mabungang pag-aaral, humanap tayo ng taong nagpapakitang “nakaayon [siya] sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48. w20.01 6 ¶17; 7 ¶20
Biyernes, Disyembre 31
Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.—Mat. 6:10.
Karaniwan nang hindi itinuturo ng Sangkakristiyanuhan ang katotohanan sa Bibliya na ang mga masunuring tao ay mabubuhay magpakailanman sa lupa. (2 Cor. 4:3, 4) Sa ngayon, itinuturo ng karamihan ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan na ang lahat ng mabuting tao ay pupunta sa langit kapag namatay sila. Pero iba naman ang itinuturo ng maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya na naglalathala na ng Watch Tower mula pa noong 1879. Naintindihan nilang ibabalik ng Diyos ang Paraiso sa lupa at na milyon-milyong masunuring tao ang mabubuhay dito sa lupa—hindi sa langit. Pero hindi agad naging malinaw sa kanila kung sino ang mga masunuring ito. Siyempre pa, naunawaan din ng mga Estudyante ng Bibliya sa pag-aaral nila ng Kasulatan na may mga ‘bibilhin mula sa lupa’ para mamahala sa langit kasama ni Jesus. (Apoc. 14:3) Ang grupong iyan ay bubuoin ng 144,000 masisigasig at nakaalay na mga Kristiyanong naglingkod sa Diyos nang tapat habang nasa lupa. w19.09 27 ¶4-5