Nobyembre
Lunes, Nobyembre 1
Ituring ang iba na nakatataas sa inyo.—Fil. 2:3.
Sa ngayon, ang payong iyan ng Bibliya ay pinagtatawanan ng maraming taong itinuturing na marunong. Sinasabi nilang kapag tiningnan daw natin ang iba bilang nakatataas sa atin, aapi-apihin nila tayo. Pero ano ang resulta ng pagiging makasarili na itinataguyod ng sanlibutan ni Satanas? Masaya ba ang mga makasarili? Masaya ba ang pamilya nila? May tunay ba silang mga kaibigan? Malapít ba sila sa Diyos? Sa mga nakita mo, alin ang nagbibigay ng pinakamagandang resulta—pagsunod sa karunungan ng sanlibutang ito o sa karunungan ng Salita ng Diyos? (1 Cor. 3:19) Ang mga taong nakikinig sa payo ng mga itinuturing ng sanlibutan na marunong ay gaya ng isang naliligaw na turistang nagtatanong ng direksiyon sa kapuwa niya turistang naliligaw rin. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa “marurunong” noong panahon niya: “Sila ay bulag na mga tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” (Mat. 15:14) Oo, ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos. w19.05 24-25 ¶14-16
Martes, Nobyembre 2
Titipunin nila ang mga pinili niya.—Mat. 24:31.
Nitong mga nakaraang taon, tumataas ang bilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Dapat ba natin itong ikabahala? Hindi. “Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.” (2 Tim. 2:19) Si Jehova ang nakakaalam kung sino ang totoong pinahiran. Hindi ito alam ng mga brother na nagbibilang ng nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Kaya kasama rin sa bilang kahit ang mga nag-iisip na pinahiran sila pero hindi naman. Halimbawa, may ilang nakikibahagi noon na hindi na nakikibahagi ngayon. Baka ang iba ay may problema sa isip o emosyon kaya naniniwala silang mamamahala sila sa langit kasama ni Kristo. Maliwanag, hindi natin alam ang eksaktong bilang ng natitirang pinahiran dito sa lupa. May mga pinahiran sa iba’t ibang bahagi ng lupa kapag dumating si Jesus para isama sila sa langit. Sinasabi ng Bibliya na sa mga huling araw, may maliit na bilang ng pinahiran na matitira sa lupa. (Apoc. 12:17) Pero hindi nito sinasabi kung ilan sa kanila ang matitira kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. w20.01 29-30 ¶11-13
Miyerkules, Nobyembre 3
Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.—Juan 3:16.
Makikita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak kung gaano kamahal ni Jehova ang mga anak niya. (Luc. 15:11-32) Ang ama sa ilustrasyong iyon ay laging umaasang babalik ang anak niya. Nang magbalik ang anak, buong puso siyang tinanggap ng kaniyang ama. Kung napalayo tayo kay Jehova, makakasiguro tayong buong puso tayong tatanggapin ng ating mapagmahal na Ama kung nagsisisi tayo. Aayusin ng ating Ama ang lahat ng pinsalang idinulot ni Adan. Pagkatapos ng rebelyon ni Adan, nagdesisyon si Jehova na kumuha ng 144,000 mula sa sangkatauhan na maglilingkod bilang hari at saserdote sa langit kasama ng kaniyang Anak. Tutulungan ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala ang masunuring mga tao na maging perpekto sa bagong sanlibutan. Kapag nakapasa ang mga ito sa huling pagsubok, bibigyan sila ni Jehova ng buhay na walang hanggan. Magiging napakasaya ng ating Ama dahil ang lupa ay mapupuno ng perpektong mga anak niya. Kamangha-manghang panahon iyan! w20.02 6-7 ¶17-19
Huwebes, Nobyembre 4
Patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip.—Efe. 4:23.
Kailangan nating pag-isipang lahat, ‘Ang mga ginagawa ko bang pagbabago para maging Kristiyano ay pakitang-tao lang, o taos sa puso?’ Malaki ang pagkakaiba nito. Sa Mateo 12:43-45, ipinakita ni Jesus kung ano ang kailangang gawin. May matututuhan tayong mahalagang aral sa sinabi niya: Hindi sapat na basta maalis lang ang mga maling kaisipan; kailangang palitan iyon ng kaisipan ng Diyos. Puwede kaya nating mabago ang pagkatao natin? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.” (Efe. 4:24) Oo, puwede nating mabago ang ating pagkatao, pero hindi ito madali. Para magawa ito, hindi lang natin basta pipigilin ang mga maling pagnanasa o ihihinto ang masasamang gawain. Kailangan nating “baguhin ang takbo ng [ating] isip.” At kasama diyan ang pagbabago ng ating mga gusto, ugali, at motibo. Kailangan dito ang patuloy na pagsisikap. w19.06 9-10 ¶6-7
Biyernes, Nobyembre 5
Wawasakin namin ang lugar na ito.—Gen. 19:13.
Nagsugo si Jehova ng mga anghel para iligtas si Lot at ang pamilya niya. Pero ‘hindi pa rin nagmadali’ si Lot. Kinailangan pa siyang hilahin ng mga anghel at ilabas sa lunsod kasama ang pamilya niya. (Gen. 19:15, 16) Pagkatapos, sinabihan siya ng mga anghel na tumakas papunta sa mabundok na rehiyon. Pero sa halip na sundin si Jehova, hiniling ni Lot na sa kalapít na bayan na lang sila papuntahin. (Gen. 19:17-20) Matiyagang nakinig si Jehova at hinayaan niya silang pumunta sa bayang iyon. Nang maglaon, natakot na si Lot na manirahan doon, kaya lumipat siya sa mabundok na rehiyon, ang mismong lugar na pinapapuntahan sa kanila ni Jehova sa simula pa lang. (Gen. 19:30) Napakatiyaga talaga ni Jehova! Gaya ni Lot, baka magkamali rin sa pagdedesisyon ang isang kapatid at magdulot ito sa kaniya ng malulubhang problema. Kapag nangyari iyan, ano ang gagawin natin? Baka matukso tayong sabihin sa kaniya na inaani lang niya ang itinanim niya, na totoo naman. (Gal. 6:7) Pero may mas maganda tayong magagawa. Puwede nating tularan ang ginawang pagtulong ni Jehova kay Lot. w19.06 20-21 ¶3-5
Sabado, Nobyembre 6
Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.—Heb. 13:6.
Kapag ipinagbabawal ng mga kaaway natin ang ating pagsamba, inaasahan nilang matatakot tayo at titigil na sa paglilingkod kay Jehova. Baka magkalat din sila ng mga kasinungalingan tungkol sa atin, ipahalughog nila ang bahay natin, sampahan tayo ng kaso, o ipabilanggo pa nga ang ilan sa atin. Umaasa silang masisindak tayo dahil may ilan na silang naipabilanggo. Kung matatakot tayo sa puwede nilang gawin sa atin, baka tayo na ang kusang huminto sa pagsamba. Ayaw nating maging gaya ng inilarawan sa Levitico 26:36, 37. Hindi natin hahayaang bumagal tayo o huminto pa nga sa ating espirituwal na mga gawain nang dahil sa takot. Hindi tayo natataranta dahil lubusan tayong nagtitiwala kay Jehova. (Isa. 28:16) Nananalangin tayo kay Jehova para sa patnubay niya. Alam nating sa tulong niya, walang sinumang makakahadlang sa ating tapat na pagsamba sa Diyos—kahit pa ang pinakamakapangyarihang gobyerno ng tao. Sa halip na matakot, mas nagiging determinado pa nga tayong maglingkod kay Jehova kapag pinag-uusig. w19.07 9-10 ¶6-7
Linggo, Nobyembre 7
Ipangaral mo ang salita.—2 Tim. 4:2.
Kahit parang hindi mabunga ang iyong ministeryo, huwag kang susuko sa paghahanap ng posibleng maging alagad. Tandaan na itinulad ni Jesus ang paggawa ng alagad sa pangingisda. Baka kailangan ng mga mangingisda ng maraming oras bago sila makahuli. Kadalasan, nangingisda sila sa madaling araw o kapag malalim na ang gabi. At kung minsan, kailangan pa nga nilang maglayag sa malayo. (Luc. 5:5) Sa katulad na paraan, ang ilang gumagawa ng alagad ay matiyagang “nangingisda” nang maraming oras sa iba’t ibang pagkakataon at lugar. Bakit? Para mas marami silang makausap. Ang mga gumagawa ng ganitong sakripisyo ay kadalasan nang nakakakita ng mga interesado sa mensahe natin. Puwede ka bang mangaral sa oras na mas marami kang makakausap o sa lugar na mas marami kang matatagpuan? Bakit kailangan ang tiyaga sa pagba-Bible study? Dahil hindi lang ito basta pagtulong sa estudyante na malaman at pahalagahan ang mga doktrina sa Bibliya. Kailangan natin siyang tulungang makilala at mahalin ang Awtor ng Bibliya, si Jehova. w19.07 18 ¶14-15
Lunes, Nobyembre 8
Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran.—Fil. 3:13.
Baka may ilan sa atin na kailangang labanan ang pagkabagabag ng konsensiya dahil sa mga kasalanang nagawa natin noon. Kung gayon, makakabuting pag-aralan ang tungkol sa haing pantubos ni Kristo. Kapag nag-aaral tayo, nagbubulay-bulay, at nananalangin tungkol sa nakakapagpatibay na paksang iyan, mapaglalabanan natin ang pang-uusig ng ating konsensiya sa mga kasalanang pinatawad na ni Jehova. May isa pa tayong aral na matututuhan kay Pablo. Baka iniwan na ng ilan sa atin ang isang napakagandang trabaho para magpokus sa Kaharian. Kung gayon, kaya ba nating kalimutan ang mga bagay na nasa likuran at hindi panghinayangan ang materyal na mga bagay na posibleng nae-enjoy sana natin? (Bil. 11:4-6; Ecles. 7:10) Maaaring kasama rin sa “mga bagay na nasa likuran” ang mga nagawa na natin para kay Jehova o ang mga pagsubok na nalampasan natin. Siyempre pa, kapag iniisip natin kung paano tayo pinagpala at tinulungan noon ng ating Ama, lalo tayong napapalapít sa kaniya. Pero hinding-hindi natin iisiping sapat na ang mga nagawa natin para kay Jehova at puwede na tayong huminto.—1 Cor. 15:58. w19.08 3 ¶5-6
Martes, Nobyembre 9
Lagi kayong manalangin.—1 Tes. 5:17.
Makakapanalangin tayo sa ating Diyos anumang oras, nasaan man tayo. Lagi siyang may panahon para makinig sa atin. Kapag alam nating nakikinig si Jehova sa mga panalangin natin, mas napapamahal siya sa atin. Sinabi ng salmista: “Mahal ko si Jehova dahil dinirinig niya ang tinig ko.” (Awit 116:1) Hindi lang nakikinig ang ating Ama sa panalangin natin, sinasagot din niya ito. Tinitiyak sa atin ni apostol Juan: “Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.” (1 Juan 5:14, 15) Siyempre, ang sagot ni Jehova ay posibleng iba sa inaasahan natin. Alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Kaya minsan, ang sagot niya ay hindi o maghintay muna. (2 Cor. 12:7-9) Naglalaan si Jehova para sa atin. Ginagawa niya ang iniutos niyang dapat gawin ng lahat ng ama. (1 Tim. 5:8) Naglalaan siya ng materyal na pangangailangan ng mga anak niya. Ayaw niya tayong mag-alala tungkol sa ating pagkain, damit, o tirahan. (Mat. 6:32, 33; 7:11) Bilang mapagmahal na magulang, tiniyak din ni Jehova na paglalaanan niya tayo sa hinaharap. w20.02 5 ¶10-12
Miyerkules, Nobyembre 10
Sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.—Juan 10:16.
Hindi lahat ng may pag-asang mabuhay sa langit ay bahagi ng “tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45-47) Gaya noong unang siglo, ilang kapatid lang ang ginagamit ngayon ni Jehova at ni Jesus para pakainin, o turuan, ang marami. Ilang pinahirang Kristiyano lang noong unang siglo ang ginamit para isulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa ngayon, ilang pinahirang Kristiyano lang din ang may pananagutang magbigay sa bayan ng Diyos ng “pagkain sa tamang panahon.” Binigyan ni Jehova ang karamihan ng lingkod niya ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa, at ang ilan naman, ng pag-asang mabuhay sa langit para mamahalang kasama ni Jesus. Ginagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng lingkod niya—ang “isang Judio” at ang “10 lalaki.” Ang dalawang grupong ito ay dapat na parehong sumunod sa mga utos niya at manatiling tapat. (Zac. 8:23) Dapat silang manatiling mapagpakumbaba, maglingkod nang magkakasama at nagkakaisa, at magsikap na maingatan ang kapayapaan ng kongregasyon. Habang papalapit ang wakas, magpatuloy sana tayong lahat sa paglilingkod kay Jehova at pagsunod kay Kristo bilang “iisang kawan.” w20.01 31 ¶15-16
Huwebes, Nobyembre 11
Kung siya ay hindi masunurin sa salita, makumbinsi siya nang walang salita . . . dahil nakikita niya ang inyong malinis na paggawi at matinding paggalang.—1 Ped. 3:1, 2.
Hindi natin mapipilit ang ating mga kapamilya na tanggapin ang mabuting balita, pero makakatulong tayo para maging bukás ang puso’t isip nila sa mensahe ng Bibliya. (2 Tim. 3:14, 15) Magpakita ng mabuting paggawi. Kadalasan, mas napapansin ng ating mga kapamilya ang ginagawa natin kaysa sa sinasabi natin. Patuloy na tulungan ang iyong mga kapamilya. Magandang halimbawa si Jehova sa atin. “Paulit-ulit” niyang binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na tanggapin ang mabuting balita at mabuhay magpakailanman. (Jer. 44:4) Gayundin, sinabi ni Pablo kay Timoteo na patuloy na tulungan ang iba. Bakit? Dahil sa paggawa nito, maililigtas niya ang kaniyang sarili at ang mga nakikinig sa kaniya. (1 Tim. 4:16) Mahal natin ang ating mga kapamilya, kaya gusto nating malaman nila ang mga katotohanan sa Bibliya. w19.08 14 ¶2; 16-17 ¶8-9
Biyernes, Nobyembre 12
Mas mabuti ang hayagang pagsaway kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapakita.—Kaw. 27:5.
Tandaan na kapag may naglakas-loob na payuhan tayo, malamang na mas malala ang nagawa nating pagkakamali kaysa sa iniisip natin. Sa gayong pagkakataon, baka tanggihan natin agad ang payo. Baka pintasan natin ang nagpayo o ang paraan niya ng pagpapayo. Pero kung mapagpakumbaba tayo, sisikapin nating magkaroon ng tamang saloobin. Ang taong mapagpakumbaba ay nagpapahalaga sa payo. Bilang ilustrasyon: Isipin mong nasa pulong ka. Matapos makipagkuwentuhan sa ilang kapatid, may bumulong sa iyo na mayroon kang tinga. Siyempre, mapapahiya ka. Pero siguradong magpapasalamat ka na sinabi niya ito sa iyo. Ang totoo, baka nga maisip mong sana may nagsabi agad nito sa iyo! Sa katulad na paraan, dapat din nating mapagpakumbabang pasalamatan ang kapatid na naglakas-loob na payuhan tayo. Ituring natin siyang kaibigan, hindi kaaway.—Kaw. 27:6; Gal. 4:16. w19.09 5 ¶11-12
Sabado, Nobyembre 13
Anak ko, sundin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina.—Kaw. 6:20.
Binigyan ni Jehova ang mga ina ng marangal na papel sa pamilya, at binigyan niya sila ng awtoridad sa mga anak. Sa katunayan, malaki ang impluwensiya ng isang ina sa buhay ng mga anak niya. (Kaw. 22:6) Tingnan kung ano ang matututuhan nila kay Maria, na ina ni Jesus. Alam na alam ni Maria ang sinasabi ng Kasulatan. Mayroon siyang matinding paggalang at matibay na kaugnayan kay Jehova. Handa siyang magpasakop kay Jehova, kahit mangahulugan ito ng malaking pagbabago sa buhay niya. (Luc. 1:35-38, 46-55) Mga ina, matutularan ninyo si Maria sa ilang paraan. Paano? Una, panatilihing matibay ang kaugnayan mo kay Jehova sa tulong ng personal na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin. Ikalawa, maging handa na gumawa ng pagbabago sa iyong buhay para mapasaya si Jehova. w19.09 18 ¶17-19
Linggo, Nobyembre 14
Nakita ko ang isang malaking pulutong.—Apoc. 7:9.
Si apostol Juan ay nakakita ng isang kapana-panabik na pangitain. Doon, sinasabihan ang mga anghel na hawakang mahigpit ang mapaminsalang mga hangin ng malaking kapighatian hanggang sa pangwakas na pagtatatak sa isang grupo ng mga alipin. (Apoc. 7:1-3) Ang grupong iyan ay binubuo ng 144,000 mamamahala sa langit kasama ni Jesus. (Luc. 12:32; Apoc. 7:4) Pagkatapos, binanggit ni Juan ang isa pang grupo, isang napakalaking grupo kung kaya nasabi niya: “Nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apoc. 7:9-14) Isipin na lang kung gaano kasaya si Juan nang malaman niyang napakaraming taong sasamba sa Diyos sa tamang paraan! Tiyak na napatibay ng pangitaing iyan ang pananampalataya ni Juan. Pero mas mapapatibay nito ang ating pananampalataya dahil natutupad na sa panahon natin ang pangitaing iyan! Nakikita natin ang pagtitipon sa milyon-milyon na may pag-asang makaligtas sa malaking kapighatian at mabuhay magpakailanman sa lupa. w19.09 26 ¶2-3
Lunes, Nobyembre 15
Biglang darating ang kanilang pagkapuksa, . . . at hinding- hindi sila makatatakas.—1 Tes. 5:3.
Isipin mong nangyari na ang inihulang pagsigaw ng mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan.” Baka ipagyabang nila na ngayon lang naranasan ng mundo ang ganitong kapayapaan. Gusto tayong paniwalain ng mga bansa na kontrolado nila ang sitwasyon sa mundo. Pero hindi nila kontrolado ang susunod na mangyayari. Mapupuksa ang “Babilonyang Dakila”! (Apoc. 17:5, 15-18) “[Ilalagay] ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya.” Ano ang nasa isip niya? Ang puksain ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, kasama ang Sangkakristiyanuhan. Ilalagay ng Diyos ang kaisipan niya sa puso ng “10 sungay” ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Sumasagisag ang 10 sungay sa lahat ng pamahalaang sumusuporta sa “mabangis na hayop”—ang United Nations. (Apoc. 17:3, 11-13; 18:8) Ang pagsalakay ng mga pamahalaan sa huwad na relihiyon ang pasimula ng malaking kapighatian. Talagang nakakapangilabot ang pangyayaring iyan na makakaapekto sa buong mundo. w19.10 14 ¶1, 3
Martes, Nobyembre 16
Si Diotrepes, na gustong maging pinakaprominente sa kanila, ay hindi tumatanggap ng anuman mula sa amin nang may paggalang.—3 Juan 9.
Noong unang siglo, nainggit si Diotrepes sa mga nangunguna sa kongregasyong Kristiyano. Gusto niyang “maging pinakaprominente” sa kongregasyon, kaya siniraan niya si apostol Juan at ang iba pang kapatid. (3 Juan 10) Hindi naman natin gagawin ang ginawa ni Diotrepes, pero baka mainggit din tayo sa isang kapatid na nabigyan ng isang atas na inaasam natin—lalo na kung iniisip nating kuwalipikado rin naman tayo sa pribilehiyong iyon. Ang inggit ay parang panirang-damo. Kapag nag-ugat na ito sa puso natin, mahirap na itong bunutin. Kapag tayo ay mayabang, makasarili, at madaling magselos, lalong tumitindi ang inggit sa puso natin. Gaya ng panirang-damo, sasakalin nito ang magagandang katangiang gaya ng pag-ibig, habag, at kabaitan. Kaya kapag napansin nating tumutubo na ang inggit sa ating puso, bunutin ito agad. w20.02 15 ¶6-7
Miyerkules, Nobyembre 17
Binigyan ako ng isang tinik sa laman.—2 Cor. 12:7.
Sinasabi rito ni apostol Pablo na pinapahirapan siya ng isang partikular na problema. Tinawag niya itong “isang anghel ni Satanas” na laging ‘sumasampal’ (‘humahampas,’ tlb.) sa kaniya. Maaaring hindi naman si Satanas o ang mga demonyo ang direktang nagbigay ng problema kay Pablo, na para bang nagtutusok ng tinik sa laman niya. Pero nang mapansin ng masasamang espiritung iyon ang “tinik,” malamang na lalo pa nila itong ibinaón, wika nga, para lalong mahirapan si Pablo. Ano ang ginawa niya? Noong una, gusto sana ni Pablo na alisin ni Jehova ang “tinik” na iyon. Inamin niya: “Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito.” Pero sa kabila ng mga panalangin ni Pablo, nandoon pa rin ang tinik. Ibig bang sabihin, binale-wala ni Jehova ang panalangin ni Pablo? Hindi! Sinagot ito ni Jehova. Hindi niya inalis ang problema, pero binigyan niya si Pablo ng lakas para makapagtiis. Sinabi ni Jehova: “Lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.” (2 Cor. 12:8, 9) At sa tulong ng Diyos, napanatili ni Pablo ang kagalakan at kapanatagan!—Fil. 4:4-7. w19.11 9 ¶4-5
Huwebes, Nobyembre 18
Si Jehova ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.—Na. 1:2.
Si Jehova ay nararapat sa ating bukod-tanging debosyon dahil siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. (Apoc. 4:11) Pero kailangan nating mag-ingat. Kahit mahal natin si Jehova at iginagalang, baka hindi natin namamalayang hindi na pala natin naibibigay ang bukod-tanging debosyong nararapat sa kaniya. Sa Bibliya, ang debosyon sa Diyos ay ang pagkakaroon ng malalim na pag-ibig sa kaniya. Kung bukod-tangi ang debosyon natin kay Jehova, siya lang ang sasambahin natin. Hindi natin hahayaang may sinuman o anuman na pumalit kay Jehova sa ating puso. (Ex. 34:14) Ang debosyon natin kay Jehova ay hindi masasabing walang basehan. Bakit? Dahil batay ito sa mga katotohanang natututuhan natin tungkol sa kaniya. Hinahangaan natin ang magagandang katangian niya. Alam natin ang mga gusto at ayaw niya, at sang-ayon tayo rito. Naiintindihan natin at sinusuportahan ang layunin niya para sa atin. Itinuturing nating pribilehiyo na maging kaibigan niya. (Awit 25:14) Habang nakikilala natin ang ating Maylalang, lalo tayong napapalapít sa kaniya.—Sant. 4:8. w19.10 26 ¶1-3
Biyernes, Nobyembre 19
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.—Kaw. 17:17.
Sa ngayon, napapaharap ang mga kapatid sa iba’t ibang problema. Halimbawa, marami ang nabibiktima ng likas na sakuna o ng mga kapahamakang gawa ng tao. Kapag nangyari iyan, ang ilan ay puwedeng magpatulóy ng mga kapatid sa bahay nila. Ang iba naman ay puwedeng makatulong sa pinansiyal. Pero lahat tayo ay puwedeng manalangin kay Jehova na tulungan ang mga kapatid na ito. Kapag nalaman nating pinanghihinaan ng loob ang isang kapatid, baka hindi natin alam kung ano ang ating sasabihin o gagawin. Pero lahat tayo ay may maitutulong. Halimbawa, puwede nating samahan ang kapatid na iyon. Pakinggan nating mabuti ang sinasabi niya. At sabihin natin sa kaniya ang isang nakakapagpatibay na tekstong gustong-gusto natin. (Isa. 50:4) Ang pinakamahalaga, nandoon ka para sa mga kaibigan mo sa panahong kailangan ka nila. Dapat na determinado tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa mga kapatid at mapanatili ito ngayon pa lang. Ang pagkakaibigang iyon ay magtatagal, hindi lang hanggang sa katapusan ng sistemang ito, kundi magpakailanman! w19.11 7 ¶18-19
Sabado, Nobyembre 20
Ito ang kautusan tungkol sa haing pansalo-salo na ihahandog ng isang tao kay Jehova.—Lev. 7:11.
Ito ay kusang-loob na handog na ibinibigay ng isa dahil mahal niya ang kaniyang Diyos na si Jehova. Ang naghandog, ang pamilya niya, at ang mga saserdote ay magsasalo-salo sa karne ng inihandog na hayop. Pero may ilang bahagi ng hayop na para lang kay Jehova. Ano-ano iyon? Para kay Jehova, ang taba ang pinakamagandang parte ng hayop. Espesyal din para sa kaniya ang iba pa nitong bahagi, gaya ng bato. (Lev. 3:6, 12, 14-16) Kaya talagang natutuwa si Jehova kapag ang mga ito ay kusang inihahandog sa kaniya ng isang Israelita. Ipinapakita ng Israelitang iyon na gustong-gusto niyang ibigay sa Diyos ang pinakamabuti. Ganiyan din si Jesus. Dahil mahal niya si Jehova, ibinigay niya kay Jehova ang kaniyang pinakamabuti—buong kaluluwa siyang naglingkod sa Diyos. (Juan 14:31) Kaligayahan ni Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 40:8) Siguradong masayang-masaya si Jehova na makitang taos-pusong naglilingkod sa kaniya si Jesus! w19.11 22-23 ¶9-10
Linggo, Nobyembre 21
Ang ikapitong araw ay isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga. Iyon ay banal para kay Jehova.—Ex. 31:15.
Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos ng anim na “araw” ng paglalang, tumigil ang Diyos sa paggawa ng mga bagay sa lupa. (Gen. 2:2) Pero gustong-gusto ni Jehova na magtrabaho, at “patuloy [siyang] gumagawa” sa ibang paraan. (Juan 5:17) Ang kaayusan ng lingguhang Sabbath ay katulad ng araw ng kapahingahan ni Jehova na binanggit sa Genesis. Sinabi ng Diyos na ang Sabbath ay isang tanda sa pagitan niya at ng Israel. (Ex. 31:12-14) Bawal magtrabaho ang lahat, pati ang mga bata, alipin, at alagang hayop. (Ex. 20:10) Dahil dito, mas nakapagpokus ang bayan sa espirituwal na mga bagay. Noong panahon ni Jesus, maraming lider ng relihiyon ang naging napakahigpit tungkol sa araw ng Sabbath. Ipinagbawal nila kahit ang pagpitas ng mga uhay ng butil o ang pagpapagaling ng maysakit kapag Sabbath. (Mar. 2:23-27; 3:2-5) Pero hindi iyan ang gusto ng Diyos, at nilinaw ito ni Jesus sa mga nakikinig sa kaniya. w19.12 3-4 ¶8-9
Lunes, Nobyembre 22
Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.—Efe. 5:1.
Habang natututuhan natin ang mga katangian ni Jehova, mas natutularan natin siya. Kilalang-kilala ni David ang kaniyang Ama sa langit, kaya natularan niya si Jehova sa pakikitungo sa iba. Dahil napakatibay ng kaugnayan ni David kay Jehova, mahal na mahal siya ng mga Israelita at sa kaniya laging ikinukumpara ni Jehova ang iba pang hari ng Israel. (1 Hari 15:11; 2 Hari 14:1-3) Ano ang aral? Dapat nating “tularan . . . ang Diyos.” Kapag sinisikap nating tularan ang mga katangian niya, pinapatunayan nating tayo ay mga anak niya. (Efe. 4:24) Hindi tayo mauubusan ng puwedeng matutuhan tungkol kay Jehova. (Ecles. 3:11) Gaano man karami ang alam natin tungkol sa kaniya, bale-wala iyon kung hindi tayo kikilos ayon sa alam natin. Kung isasabuhay natin ang natututuhan natin at sisikaping tularan ang ating mapagmahal na Ama, patuloy siyang lalapit sa atin. (Sant. 4:8) Gamit ang kaniyang Salita, tinitiyak niya sa atin na hindi niya iiwan ang mga nagsisikap na makilala siya. w19.12 20 ¶20; 21 ¶21, 23
Martes, Nobyembre 23
Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay.—Jer. 17:9.
Mahal ni Jacob ang lahat ng anak niya, pero espesyal ang pagmamahal niya sa 17-anyos na si Jose. Ano ang naging epekto nito sa mga kapatid ni Jose? Nainggit sila sa kaniya at nainis. Kaya ipinagbili nila siya sa pagkaalipin at sinabi nila sa tatay nila na pinatay ng isang mabangis na hayop ang paborito nitong anak. Dahil sa inggit, nawala ang kapayapaan ng pamilya at nasaktan nila ang kanilang ama. (Gen. 37:3, 4, 27-34) Ang inggit ay isa sa nakamamatay na “mga gawa ng laman” na puwedeng maging dahilan para ang isang tao ay hindi magmana ng Kaharian ng Diyos. (Gal. 5:19-21) Madalas na ito ang ugat ng alitan, pag-aaway, at pagsiklab ng galit. Makikita sa ginawa ng mga kapatid ni Jose na ang inggit ay posibleng makasira sa ugnayan ng pamilya at mag-alis ng kapayapaan. Siyempre, hindi natin gagawin ang ginawa ng mga kapatid ni Jose, pero hindi tayo perpekto at mapandaya ang puso natin. Kaya talagang makakaramdam tayo ng inggit paminsan-minsan. w20.02 14 ¶1-3
Miyerkules, Nobyembre 24
Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.—Fil. 2:3.
May pagkakataong kumuha si Jehova ng ilang bahagi ng banal na espiritu mula kay Moises para ibigay sa isang grupo ng matatandang lalaki sa Israel na nakatayo malapit sa tolda ng pagpupulong. Di-nagtagal, nabalitaan ni Moises na may dalawa pang matanda na hindi pumunta sa tolda, pero tumanggap din ng banal na espiritu at nagsimulang gumawi na parang mga propeta. Ano ang ginawa niya nang hilingan siya ni Josue na pigilan ang dalawang iyon? Hindi nainggit si Moises sa atensiyong ibinigay ni Jehova sa dalawang lalaki. Dahil mapagpakumbaba siya, nakisaya siya sa natanggap nilang pribilehiyo. (Bil. 11:24-29) Anong aral ang matututuhan natin kay Moises? Kung isa kang elder, nahilingan ka na bang sanayin ang iba para sa isang pribilehiyong mahal na mahal mo? Kung mapagpakumbaba kang gaya ni Moises, hindi mo iisiping hindi ka na mahalaga kapag hinilingan kang sanayin ang iba para gampanan ang pribilehiyong ito. Sa halip, masaya mong tutulungan ang iyong kapatid. w20.02 15 ¶9; 17 ¶10-11
Huwebes, Nobyembre 25
Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.—Kaw. 12:25.
Kapag may malubha tayong sakit, baka malungkot tayo. Baka mahiya tayo kapag nakikita ng mga tao ang naging epekto sa atin ng sakit natin o kapag lagi na tayong umaasa sa iba. Kahit hindi alam ng iba ang sakit natin, baka makadama pa rin tayo ng awa sa sarili dahil sa limitasyon natin. Sa ganitong sitwasyon, pinapatibay tayo ni Jehova. Paano? May ipinasulat si Jehova sa Bibliya na mga positibong salita para hindi natin makalimutang mahalaga tayo sa kaniya kahit na may sakit tayo. (Awit 31:19; 41:3) Sa mga salitang ito sa Bibliya, tutulungan tayo ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga negatibong emosyon. Makakatiyak kang alam ni Jehova ang pinagdadaanan mo. Hilingin ang tulong niya para magkaroon ka ng tamang pananaw sa sitwasyon mo. Pagkatapos, hanapin ang mga positibong salita na ipinasulat ni Jehova sa Bibliya para sa iyo. Laging isipin ang mga teksto na nagpapakitang mahalaga kay Jehova ang mga lingkod niya. Kapag ginawa mo iyan, makikita mong napakabuti ni Jehova sa lahat ng tapat na naglilingkod sa kaniya.—Awit 84:11. w20.01 15-16 ¶9-10, 12
Biyernes, Nobyembre 26
Huwag mong tularan kung ano ang masama, kundi tularan mo kung ano ang mabuti.—3 Juan 11.
Mayaman si Isaac, at nainggit ang mga Filisteo dahil dito. (Gen. 26:12-14) Tinabunan pa nga nila ang mga balon na pinagkukunan ni Isaac ng tubig para sa mga alaga niyang hayop. (Gen. 26:15, 16, 27) Gaya ng mga Filisteo, may mga tao rin sa ngayon na naiinggit sa iba na mas marami ang ari-arian kaysa sa kanila. Hindi lang nila gustong magkaroon ng mga bagay na taglay ng iba; gumagawa rin sila ng paraan para mawala ang mga ito sa kapuwa nila. Nainggit kay Jesus ang mga Judiong lider ng relihiyon dahil gustong-gusto siya ng mga tao. (Mat. 7:28, 29) Si Jesus ang kinatawan ng Diyos, at itinuturo niya ang katotohanan. Sa kabila nito, nagkalát pa rin ng kasinungalingan ang mga lider na ito para siraan siya. (Mar. 15:10; Juan 11:47, 48; 12:12, 13, 19) Anong aral ang matututuhan natin dito? Dapat nating labanan ang anumang tendensiyang mainggit sa mga kapatid na napamahal sa kongregasyon dahil sa kanilang mga katangian. Sa halip, pagsikapan natin silang tularan.—1 Cor. 11:1. w20.02 15 ¶4-5
Sabado, Nobyembre 27
Papatayin siya.—Es. 4:11.
Isipin mong nasa Persia ka, mga 2,500 taon na ang nakakalipas at may gusto kang sabihin sa hari. Pero hindi mo basta-basta makakausap ang hari nang walang pahintulot niya. Puwede mo itong ikamatay! Buti na lang, hindi gaya ng hari ng Persia si Jehova! Puwede tayong lumapit sa kaniya kahit kailan. Gusto niyang malaya tayong makalapit sa kaniya. Halimbawa, maraming magagandang titulo si Jehova gaya ng Dakilang Maylalang, Makapangyarihan-sa-Lahat, at Kataas-taasang Panginoon, pero gusto niyang tawagin natin siyang “Ama.” (Mat. 6:9) Nakakatuwang isipin na gusto ni Jehova na madama nating malapít tayo sa kaniya! Dapat lang na tawagin nating “Ama” si Jehova—ang Bukal ng ating buhay. (Awit 36:9) Siya ang ating Ama, kaya responsibilidad nating sundin siya. At kung gagawin natin iyan, pagpapalain niya tayo. (Heb. 12:9) Kasama sa mga pagpapalang iyan ang buhay na walang hanggan, sa langit man o sa lupa. w20.02 2 ¶1-3
Linggo, Nobyembre 28
Gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19.
Tunguhin natin na sumulong sa espirituwal ang Bible study natin. (Efe. 4:13) Kapag may pumayag makipag-aral ng Bibliya, posibleng ang iniisip niya ay kung paano siya makikinabang dito. Pero habang lumalalim ang pag-ibig niya kay Jehova, malamang na isipin na niya kung paano siya makakatulong sa iba, pati na sa mga kapatid sa kongregasyon. (Mat. 22:37-39) Sa tamang panahon, huwag mag-alangang sabihin sa kaniya na may pribilehiyo tayong sumuporta sa gawaing pang-Kaharian sa pinansiyal na paraan. Turuan ang Bible study mo kung ano ang gagawin kapag nagkaproblema. Ipagpalagay nang sinabi sa iyo ng Bible study mo, na isang di-bautisadong mamamahayag, na sumamâ ang loob niya sa isang kakongregasyon ninyo. Imbes na may kampihan ka, mas mabuting sabihin mo sa kaniya ang mga payo ng Bibliya. Puwedeng palampasin na lang niya iyon, o kung hindi niya kaya, kausapin niya ang kapatid sa mabait na paraan at sikaping maibalik ang ugnayan nila. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Tulungan siyang maghanda ng sasabihin niya. w20.01 5-6 ¶14-15
Lunes, Nobyembre 29
Ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. . . . At pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.—Awit 32:5.
Maipapakita nating mahalaga sa atin ang kapatawaran ni Jehova kung mananalangin tayo para dito, tatanggapin ang disiplina, at pagsisikapang hindi na maulit ang nagawa nating kasalanan. Kung gagawin natin iyan, maibabalik natin ang kapayapaan ng ating isip. Nakakapagpatibay ngang malaman na “si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob”! (Awit 34:18) Dahil napakalapit na ng wakas, lalo pang darami ang dahilan ng pag-aalala natin. Kapag sobra kang nag-aalala, agad na manalangin kay Jehova. Pag-aralang mabuti ang Bibliya. Matuto mula sa halimbawa nina Hana, apostol Pablo, at Haring David. Hilingin sa ating Ama sa langit na tulungan kang matukoy ang dahilan ng pag-aalala mo. (Awit 139:23) Hayaan mong tulungan ka niya sa mga álalahanín mo, lalo na sa mga hindi mo kontrolado. Kapag ginawa mo ito, masasabi mo rin ang sinabi ng salmista kay Jehova: “Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.”—Awit 94:19. w20.02 24 ¶17; 25 ¶20-21
Martes, Nobyembre 30
Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.—2 Tim. 3:16.
Sa Griego, ang pananalitang “mula sa Diyos” ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ginamit ng Diyos ang kaniyang espiritu para “ihinga,” o ilagay, ang kaisipan niya sa isip ng mga manunulat ng Bibliya. Kapag binabasa natin ang Bibliya at binubulay-bulay ito, pumapasok sa isip at puso natin ang mga tagubilin ng Diyos. Ang mga kaisipang iyan mula sa Diyos ang nag-uudyok sa atin na iayon ang ating buhay sa kalooban Niya. (Heb. 4:12) Pero para lubusang makinabang sa banal na espiritu, dapat na regular nating pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito. Sa gayon, maiimpluwensiyahan nito ang lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Bukod diyan, dapat na sama-sama nating sambahin ang Diyos. (Awit 22:22) Naroon kasi sa mga pulong ang espiritu ni Jehova. (Apoc. 2:29) Kapag nagtitipon tayo kasama ng mga kapatid, tayo ay nananalangin para sa banal na espiritu, kumakanta ng mga awiting pang-Kaharian batay sa Salita ng Diyos, at nakikinig sa salig-Bibliyang mga pahayag ng mga kapatid na hinirang ng banal na espiritu. Pero para lubusang makinabang sa banal na espiritu, kailangang maghanda tayo para makapagkomento sa pulong. w19.11 11 ¶13-14