Oktubre
Biyernes, Oktubre 1
Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.—2 Cro. 16:9.
Maraming patunay na pinoprotektahan ni Jehova ang bayan niya sa ngayon. Pag-isipan ito: Nangangaral tayo at nagtuturo ng katotohanan sa buong mundo. (Mat. 28:19, 20) Dahil diyan, nailalantad natin ang kasamaan ng Diyablo. Kaya kung mapapahinto lang ni Satanas ang ating gawain, tiyak na gagawin niya iyon, pero hindi niya iyon kaya. Maliwanag, hindi tayo dapat matakot sa masasamang espiritu. Kung tapat tayo kay Jehova, walang permanenteng pinsalang magagawa sa atin ang mga demonyo. Pero lahat tayo ay kailangang makipaglaban sa masasamang espiritu at magtiwala kay Jehova. Kung gagawin natin iyan, tatanggap tayo ng maraming pagpapala at hindi tayo maililigaw ng mga kasinungalingan ni Satanas. Hindi rin mapapahinto ng pagkatakot sa mga demonyo ang paglilingkod natin sa Diyos. Higit sa lahat, titibay ang kaugnayan natin kay Jehova. “Salansangin ninyo ang Diyablo,” ang isinulat ng alagad na si Santiago, “at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Sant. 4:7, 8. w19.04 24 ¶15; 25 ¶18
Sabado, Oktubre 2
Ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.—Awit 127:3.
Ang iyong mga anak ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Sila ay “mana mula kay Jehova.” Kaya pananagutan mo silang ingatan. Paano mo sila mapoprotektahan mula sa pang-aabuso? Una, alamin ang dapat malaman tungkol sa pang-aabuso. Alamin kung anong uri ng tao ang mga nang-aabuso sa bata at kung anong mga taktika ang ginagamit nila. Maging alisto sa mga posibleng panganib. (Kaw. 22:3; 24:3) Tandaan, karaniwan nang kilala at pinagkakatiwalaan ng bata ang nang-aabuso. Ikalawa, laging makipag-usap sa iyong mga anak. (Deut. 6:6, 7; Sant. 1:19) Tandaan, kadalasan nang nag-aalangan ang mga bata na isumbong ang pang-aabuso. Natatakot kasi sila na baka hindi sila paniwalaan, o baka pinagbantaan sila ng nang-abuso. Kung nagsususpetsa kang may masamang nangyari sa anak mo, mahinahon siyang tanungin at matiyagang pakinggan ang sasabihin niya. Ikatlo, turuan ang iyong mga anak. Ituro sa kanila ang dapat sabihin at gawin kapag may nagtatangkang hipuan sila. w19.05 13 ¶19-22
Linggo, Oktubre 3
Kasuklam-suklam kay Jehova ang sinumang mapagmataas ang puso.—Kaw. 16:5.
Bakit kinasusuklaman ni Jehova ang mga mapagmataas? Dahil ang mga taong masyadong mataas ang tingin sa sarili ay mga aroganteng gaya ni Satanas. Isipin na lang, pinayuyukod at pinasasamba ni Satanas sa kaniya si Jesus—ang ginamit ng Diyos sa paglalang sa lahat ng bagay! (Mat. 4:8, 9; Col. 1:15, 16) Ang mga taong iyon na sobrang nagpapahalaga sa sarili ay patunay na kamangmangan sa Diyos ang karunungan ng sanlibutan. (1 Cor. 3:19) Pero tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng balanseng tingin sa sarili. Ipinapakita nito na tama namang mahalin natin ang sarili natin. Sinabi ni Jesus: “Mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” na nagpapahiwatig na dapat din nating isipin ang ating sarili. (Mat. 19:19) Pero hindi itinuturo sa atin ng Bibliya na iangat natin ang ating sarili sa iba. Sa halip, sinasabi nito: “Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.”—Fil. 2:3; Roma 12:3. w19.05 24 ¶13-14
Lunes, Oktubre 4
Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.—Roma 12:2.
Alalahanin ang mga pagbabagong kinailangan mong gawin nang tanggapin mo ang katotohanan mula sa Bibliya at magpasiyang maglingkod kay Jehova. Marami sa atin ang kinailangang huminto sa masasamang gawain. (1 Cor. 6:9-11) Mabuti na lang at tinulungan tayo ni Jehova na maihinto ang mga gawaing iyon! Pero hindi tayo dapat maging kampante. Kahit naitigil na natin ang malulubhang kasalanang ginagawa natin bago mabautismuhan, kailangan pa rin nating iwasan ang anumang bagay na makakatukso sa atin na balikan ang mga gawaing iyon. Dalawang bagay ang kailangang gawin. Una, “huwag na [tayong] magpahubog,” o magpaimpluwensiya, sa sistemang ito. Ikalawa, “magbagong-anyo” tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating pag-iisip. Ang pagbabagong-anyo ay hindi lang basta sa panlabas. Pagbabago ito ng ating buong pagkatao. Kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip—ang ating ugali, damdamin, at mga gusto. w19.06 9 ¶4-6
Martes, Oktubre 5
Ikaw, O Jehova, ang tumutulong at umaaliw sa akin.—Awit 86:17.
Kapag nai-stress, bumabalik ang lakas natin kapag dumadalo tayo sa mga pulong sa kongregasyon. Kapag nasa pulong tayo, nabibigyan natin si Jehova ng higit pang pagkakataon na ‘tulungan tayo at aliwin.’ Pinapatibay niya tayo sa pamamagitan ng banal na espiritu, ng kaniyang Salita, at ng mga lingkod niya. At nagkakaroon tayo ng pagkakataong ‘makipagpatibayan.’ (Roma 1:11, 12) Sinabi ng sister na si Sophia: “Tinutulungan ako ni Jehova at ng mga kapatid na makayanan ang problema. Napakahalaga sa akin ng mga pulong. Napansin ko na habang nagpopokus ako sa ministeryo at sa kongregasyon, mas nakakayanan ko ang stress at hindi na ako gaanong nababahala.” Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, tandaan natin na hindi lang nangangako si Jehova na permanente niyang aalisin ang stress sa hinaharap, kundi tutulungan din niya tayo na makayanan ito ngayon. Bibigyan niya tayo ng “pagnanais at lakas” para mapaglabanan ang panghihina ng loob at kawalan ng pag-asa.—Fil. 2:13. w19.06 19 ¶17-18
Miyerkules, Oktubre 6
Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.—Mat. 28:10.
Ang pagkikitang ito ang unang isinaayos ni Jesus matapos siyang buhaying muli. Kaya siguradong may mahalaga siyang tagubilin na sasabihin sa mga alagad! Sa pagkikitang isinaayos ni Jesus, sinabi niya ang isang mahalagang gawaing isasagawa ng mga alagad niya noon. Ito rin ang gawaing isinasagawa natin ngayon. Sinabi ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na . . . itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20) Gusto ni Jesus na mangaral ang lahat ng tagasunod niya. Hindi lang niya ito iniutos sa 11 tapat na apostol. Paano tayo nakakasiguro? Mga apostol lang ba ang nasa bundok ng Galilea nang iutos ni Jesus ang paggawa ng mga alagad? Alalahanin ang sinabi ng anghel sa mga babae: “[Sa Galilea] ninyo siya makikita.” (Mat. 28:7) Kaya siguradong nandoon din ang tapat na mga babae. w20.01 2-3 ¶1-4
Huwebes, Oktubre 7
Hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.—Juan 15:19.
Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit dapat nating asahang pag-uusigin tayo. Sinabi niyang kapopootan tayo dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan. Ang pag-uusig ay hindi tanda na hindi tayo pinagpapala ni Jehova. Ipinapakita lang nito na ginagawa natin kung ano ang tama! Walang sinumang tao ang lubusang makakapigil sa pagsamba sa pinakamakapangyarihang Diyos, si Jehova. Marami na ang sumubok at nabigo. Isipin ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Nang panahong iyon, pinag-usig at pinagmalupitan ng gobyerno sa maraming bansa ang bayan ng Diyos. Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, hindi lang ng partidong Nazi sa Germany, kundi pati ng gobyerno sa Australia, Canada, at iba pang lupain. Pero ano ang nangyari? Nang magsimula ang digmaan noong 1939, may 72,475 mamamahayag sa buong mundo. Gayunman, ipinapakita ng mga ulat na sa pagtatapos ng digmaan noong 1945, mayroon nang 156,299 na mamamahayag dahil sa pagpapala ni Jehova. Higit pa sa doble ang itinaas ng bilang ng mamamahayag! w19.07 9 ¶4-5
Biyernes, Oktubre 8
Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.—Juan 13:35.
Kahit wala kang Bible study sa ngayon, makakatulong ka pa rin sa paggawa ng alagad. Halimbawa, puwede mong batiin o kaibiganin ang mga baguhang makikita mo sa Kingdom Hall. Makakatulong iyon para madama nila ang pag-ibig sa loob ng kongregasyon na nagpapakitang tayo ay mga tunay na Kristiyano. Ang mga komento natin sa pulong, kahit maikli, ay makakatulong sa mga baguhan na matutong magkomento mula sa puso at sa magalang na paraan. Puwede mo ring samahan sa ministeryo ang isang baguhang mamamahayag at tulungan siyang gamitin ang Bibliya sa pangangaral. Sa gayon, matuturuan mo siyang tularan si Kristo. (Luc. 10:25-28) Maraming Kristiyano ang abalang-abala sa pag-aasikaso sa iba’t ibang mahahalagang bagay. Pero nakakapagdaos pa rin sila ng pag-aaral sa Bibliya, at masayang-masaya sila sa paggawa nito. w19.07 17 ¶11, 13
Sabado, Oktubre 9
Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran at buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan, dahil nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko.—Fil. 3:13, 14.
Hindi hinayaan ni apostol Pablo na mawala ang pokus niya dahil sa mga naabot niyang tagumpay o sa mga nagawa niyang kasalanan noon. Sa katunayan, sinabi niyang kinailangan niyang kalimutan ang “mga bagay na nasa likuran” nang sa gayon ay buong lakas siyang makatakbo para sa “mga bagay na nasa unahan,” o matapos niya ang takbuhan. Ano ang ilang bagay na posibleng nakagambala sana kay Pablo? Una, ang mga naabot niyang tagumpay sa Judaismo ay kahanga-hanga, pero itinuring niyang “basura ang mga iyon.” (Fil. 3:3-8) Ikalawa, kahit nakokonsensiya siya sa ginawa niyang pag-uusig noon sa mga Kristiyano, hindi niya hinayaang makahadlang ito sa paglilingkod niya kay Jehova. At ikatlo, hindi niya ikinatuwirang sapat na ang mga nagawa niya sa paglilingkod sa Diyos. Napakaraming nagawa ni Pablo sa ministeryo kahit dumanas siya ng pagkabilanggo, pambubugbog, pambabato, pagkawasak ng barko, at ng kakulangan sa pagkain at pananamit. (2 Cor. 11:23-27) Sa kabila ng lahat ng ito, nagpokus pa rin si Pablo sa kaniyang paglilingkod. Dapat na ganoon din tayo. w19.08 3 ¶5
Linggo, Oktubre 10
Isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo.—Mat. 10:16.
Marami tayong kapatid na nakatira sa mga bansang ipinagbabawal ang pangangaral sa publiko o sa bahay-bahay, kaya humahanap sila ng ibang paraan para maipangaral ang mabuting balita. (Mat. 10:17-20) Sa isa sa mga bansang iyon, iminungkahi ng isang tagapangasiwa ng sirkito na bawat mamamahayag ay mangaral sa sarili niyang “teritoryo”—mga kapamilya, kapitbahay, kaeskuwela, katrabaho, at kakilala. Sa loob lang ng dalawang taon, dumami ang mga kongregasyon sa sirkitong iyon. Baka malaya naman tayong nakakapangaral sa bansa natin. Pero may matututuhan pa rin tayo sa ating mapamaraang mga kapatid: Laging humanap ng paraan para lubusang makapangaral at magtiwalang ibibigay ni Jehova ang lakas na kailangan mo para malampasan ang anumang hadlang. (Fil. 2:13) Sa panahong ito, tiyakin sana natin kung ano ang mas mahahalagang bagay; manatili tayong taimtim, o walang kapintasan; iwasan nating makatisod sa iba; at magpakita tayo ng matuwid na mga bunga. Sa gayon, sasagana tayo sa pag-ibig at mapaparangalan natin ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova. w19.08 13 ¶17-18
Lunes, Oktubre 11
May nakikita akong mga lingkod na nakakabayo samantalang naglalakad lang ang mga prinsipe na parang mga lingkod.—Ecles. 10:7.
Bihira sa atin ang gustong makasama ang mga taong mapaggiit sa sarili at hindi tumatanggap ng mungkahi. Pero nag-e-enjoy tayo sa mga kapatid na madamayin, mapagmahal, mahabagin, magiliw, at mapagpakumbaba. (1 Ped. 3:8) Kung gusto natin ang gayong mga tao, malamang na magustuhan din nila tayo—kung mapagpakumbaba tayo. Nababawasan din ang stress natin kapag mapagpakumbaba tayo. Sa totoo lang, baka may napapansin tayong mga bagay na parang hindi tama o hindi patas. Ang mga taong may kakayahan ay hindi laging nakakatanggap ng papuri. Kung minsan, kung sino pa ang walang gaanong kakayahan, sila ang napupuri. Pero sinabi rin ni Solomon na makakabuti para sa atin na harapin ang realidad ng buhay sa halip na madismaya sa mga negatibong bagay. (Ecles. 6:9) Kung mapagpakumbaba tayo, mas madali nating matatanggap ang mga nangyayari sa ating buhay kahit hindi natin ito gusto. w19.09 4 ¶9-10
Martes, Oktubre 12
Mga ama, . . . palakihin [ang inyong mga anak] ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.—Efe. 6:4.
Ang mga may awtoridad, gaya ng mga ama, ay may pagkakataong makatulong sa iba. Inatasan ni Jehova ang mga ama bilang ulo ng pamilya, at inaasahan ng Diyos na sasanayin nila at didisiplinahin ang kanilang mga anak. (1 Cor. 11:3) Pero may limitasyon ang awtoridad ng ama—mananagot siya kay Jehova, ang pinagmulan ng bawat pamilya. (Efe. 3:14, 15) Nagpapasakop ang mga ama kay Jehova kapag ginagamit nila ang awtoridad nila sa paraang gusto ng Diyos. Huwag abusuhin ang awtoridad na ibinigay sa iyo ni Jehova. Aminin ang mga pagkakamali mo, at tanggapin ang payo ng iba mula sa Bibliya. Kung gagawin mo iyan, igagalang ka ng pamilya mo dahil sa iyong kapakumbabaan. Kapag nananalanging kasama nila, sabihin mo kay Jehova ang niloloob mo—hayaang marinig nila na talagang sa Diyos ka umaasa. At higit sa lahat, unahin sa iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. (Deut. 6:6-9) Ang iyong magandang halimbawa ang isa sa pinakamagandang regalong maibibigay mo sa iyong pamilya. w19.09 15 ¶8; 17 ¶14, 16
Miyerkules, Oktubre 13
Malugod ninyong tanggapin [si Marcos] kung sakaling pumunta siya sa inyo.—Col. 4:10.
Masaya si Marcos na maglingkod sa iba. Ilang beses siyang nakasama ni apostol Pablo at ni apostol Pedro habang ginagampanan nila ang mga pananagutan nila, at posibleng si Marcos ang nag-aasikaso ng mga pangangailangan nila. (Gawa 13:2-5; 1 Ped. 5:13) Sinabi ni Pablo na isa si Marcos sa “mga kamanggagawa [niya] para sa Kaharian ng Diyos,” at “talagang napapatibay” siya nito. (Col. 4:11, tlb.) Naging matalik na kaibigan ni Pablo si Marcos. Halimbawa, habang nakakulong si Pablo sa Roma sa huling pagkakataon noong mga 65 C.E., isinulat niya ang ikalawa niyang liham kay Timoteo. Sa liham na iyon, pinapunta ni Pablo si Timoteo sa Roma kasama si Marcos. (2 Tim. 4:11) Siguradong napahalagahan ni Pablo ang mga ginawa ni Marcos dati, kaya hiniling niyang pumunta roon si Marcos sa mahalagang panahong iyon. Natulungan ni Marcos si Pablo sa praktikal na mga paraan—malamang na siya ang nagdala ng pagkain at ng mga gagamitin ni Pablo sa pagsulat ng mga liham. Ang suporta at pampatibay na natanggap ni Pablo ay malamang na nakatulong sa kaniya na makapagtiis sa natitirang mga araw bago siya patayin. w20.01 11 ¶12-13
Huwebes, Oktubre 14
Lumapit kayo sa akin.—Mat. 11:28.
Sa pinili nating buhay, kailangan ng pagsisikap at pagsasakripisyo. Nagbabala si Jesus na pag-uusigin tayo. Pero makakaasa tayong bibigyan tayo ni Jehova ng lakas para matiis ang anumang pagsubok. At habang nagtitiis tayo, lalo tayong lalakas. (Sant. 1:2-4) Makakaasa rin tayong ibibigay ni Jehova ang kailangan natin, pangangalagaan tayo ni Jesus, at papatibayin tayo ng ating mga kapatid. (Mat. 6:31-33; Juan 10:14; 1 Tes. 5:11) Ang babaeng pinagaling ni Jesus mula sa “pagdurugo” ay naginhawahan nang araw na pagalingin siya. (Luc. 8:43-48) Pero patuloy lang siyang magiginhawahan kung magiging tapat na alagad siya ni Kristo. Ano kaya ang ginawa niya? Kung pinili niyang pasanin ang pamatok ni Jesus, isipin na lang ang gantimpala niya—ang maglingkod sa langit kasama ni Jesus! Anumang sakripisyong kinailangan niyang gawin para sumunod kay Kristo ay walang-wala kumpara sa pagpapalang iyon. Anuman ang pag-asa natin—iyon man ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa lupa—siguradong ipagpapasalamat natin na tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin”! w19.09 25 ¶21-22
Biyernes, Oktubre 15
Naitatayo ang bahay dahil sa karunungan, at nagiging matatag ito dahil sa kaunawaan.—Kaw. 24:3.
Dahil nangangailangan ng tulong, humingi ng kaunting pagkain ang mga tauhan ni David sa mayamang Israelitang si Nabal. Naisip nilang walang masama rito dahil pinoprotektahan naman nila ang mga kawan ni Nabal sa ilang. Pero ayaw magbigay ng maramot na si Nabal. Nagalit si David at gusto niyang patayin si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. (1 Sam. 25:3-13, 22) Pero kumilos ang maganda at matalinong asawa ni Nabal na si Abigail. Lakas-loob siyang pumunta kay David at sumubsob sa paanan nito, at pinigilan niya itong maghiganti para hindi ito magkasala sa dugo. Magalang niyang sinabi kay David na ipaubaya na lang ito kay Jehova. Dahil sa kapakumbabaan at karunungan ni Abigail, humupa ang galit ni David. Kaya nasabi niyang isinugo ni Jehova si Abigail. (1 Sam. 25:23-28, 32-34) Taglay ni Abigail ang mga katangiang kailangan para magamit ni Jehova. Sa ngayon, puwede ring gamitin ni Jehova ang mga sister na may karunungan at kaunawaan para patibayin ang kanilang pamilya at mga kapatid sa kongregasyon.—Tito 2:3-5. w19.10 23 ¶10
Sabado, Oktubre 16
Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya, at kung ayaw ninyong madamay sa mga salot niya.—Apoc. 18:4.
Dapat tiyakin ng lahat ng tunay na Kristiyano na hindi sila nasasangkot sa Babilonyang Dakila sa anumang paraan. Bago natutuhan ng isang Bible study ang katotohanan, baka miyembro siya ng isang huwad na relihiyon. Baka nagsisimba siya doon at sumasali sa mga gawain nito. O baka nag-aabuloy siya sa ganoong organisasyon. Bago siya maaprobahan bilang di-bautisadong mamamahayag, dapat niyang putulin ang anumang kaugnayan niya sa huwad na relihiyon. Dapat siyang magbigay ng sulat na nagsasabing humihiwalay na siya sa simbahan o dapat niyang tiyakin na hindi na siya miyembro ng dati niyang relihiyon at ng anumang organisasyon na may kaugnayan sa Babilonyang Dakila. Dapat tiyakin ng isang tunay na Kristiyano na walang kinalaman sa Babilonyang Dakila ang trabaho niya. (2 Cor. 6:14-17) Bakit ganoon na lang ang paninindigan natin? Ayaw kasi nating magkaroon ng bahagi sa mga gawain at kasalanan ng mga relihiyong marumi sa paningin ng Diyos.—Isa. 52:11. w19.10 12 ¶16-17
Linggo, Oktubre 17
Si Jehova ay maawain at mapagmalasakit . . . Hindi niya patuloy na aalalahanin ang mga pagkakamali natin, at hindi siya maghihinanakit magpakailanman.—Awit 103:8, 9.
Si Jeremias ang sumulat ng aklat na nakapangalan sa kaniya, at malamang na siya rin ang sumulat ng mga aklat ng Bibliya na 1 at 2 Hari. Siguradong dahil sa atas na iyon, nakita niya ang pagkamaawain ni Jehova sa di-perpektong mga tao. Halimbawa, nalaman niya na noong magsisi si Haring Ahab, hindi pinuksa ni Jehova ang pamilya nito habang nabubuhay ito. (1 Hari 21:27-29) Alam din ni Jeremias na mas masahol pa ang ginawa ni Manases kaysa kay Ahab. Pero pinatawad pa rin ni Jehova si Manases dahil nagsisi ito. (2 Hari 21:16, 17; 2 Cro. 33:10-13) Tiyak na nakatulong ang mga ulat na iyon kay Jeremias na maging matiisin at maawain gaya ng Diyos. Pag-isipan kung paano pinakitunguhan ni Jeremias si Baruc nang pansamantalang mawala ang pokus nito sa atas. Sa halip na sukuan, tinulungan ni Jeremias si Baruc sa pamamagitan ng pagsasabi rito ng isang mabait pero deretsahang mensahe mula sa Diyos.—Jer. 45:1-5. w19.11 6 ¶14-15
Lunes, Oktubre 18
Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya.—Heb. 6:10.
Sa aklat ng Levitico, makikita na puwedeng maghandog ang isang Israelita ng haing pansalo-salo “bilang hain ng pasasalamat.” (Lev. 7:11-13, 16-18) Naghahandog siya nito, hindi dahil kailangan, kundi dahil gusto niya. Gaya ng mga haing pansalo-salo, ipinapakita ng paglilingkod natin kay Jehova ang nadarama natin para sa kaniya. Ibinibigay natin kay Jehova ang ating pinakamabuti dahil mahal na mahal natin siya. Tiyak na masayang-masaya si Jehova na makitang naglilingkod sa kaniya ang milyon-milyong mananamba niya dahil sa kanilang malalim na pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang pamantayan! Nakikita at pinahahalagahan ni Jehova hindi lang ang ginagawa natin kundi pati ang motibo natin. Halimbawa, kung may-edad ka na at limitado na lang ang nagagawa mo, makakatiyak kang naiintindihan iyon ni Jehova. Baka pakiramdam mo, kaunti na lang ang nagagawa mo para sa kaniya, pero nakikita ni Jehova na dahil mahal na mahal mo siya, ginagawa mo ang makakaya mo. Natutuwa siyang tanggapin ang pinakamabuting maibibigay mo. w19.11 22 ¶9; 23 ¶11-12
Martes, Oktubre 19
Sumama kayo . . . sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga . . . nang kaunti.—Mar. 6:31.
Mahalagang maging balanse sa pagtatrabaho. Isinulat ni Haring Solomon: “May takdang panahon . . . para sa bawat gawain.” Binanggit niya ang pagtatanim, pagtatayo, pag-iyak, pagtawa, pagsasayaw, at iba pang gawain. (Ecles. 3:1-8) Maliwanag, mahalagang bahagi ng buhay ang trabaho at pahinga. Si Jesus ay may balanseng pananaw pagdating sa mga ito. Minsan, pagbalik ng mga apostol galing sa pangangaral, naging sobrang abala sila at “wala man lang silang panahon para kumain.” Sinabi sa kanila ni Jesus ang pananalita sa teksto sa araw na ito. (Mar. 6:30-34) Hindi man sila laging nakakapagpahinga, alam ni Jesus na kailangan nila iyon. Minsan, kailangan talaga natin ng pahinga o ng pagbabago sa rutin. Makikita natin iyan sa isang kaayusan na ginawa ng Diyos para sa bayan niya noon—ang lingguhang Sabbath. Wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, pero may matututuhan tayo sa sinasabi nito tungkol sa Sabbath. w19.12 3 ¶6-7
Miyerkules, Oktubre 20
Huwag kayong mag-alala.—Mat. 6:31.
Nangako si Jehova na hindi niya pababayaan ang tapat na mga lingkod niya, at itinuturing niyang obligasyon ang pagtupad sa pangakong ito. (Awit 31:1-3) Karagdagan pa, alam ni Jehova na malulungkot at masasaktan tayo kapag pinabayaan niya tayo na bahagi ng pamilya niya. Nangangako siyang ilalaan niya ang materyal at espirituwal na pangangailangan natin, at walang makakapigil sa kaniya sa pagtupad ng pangakong iyan! (Mat. 6:30-33; 24:45) Kapag lagi nating iniisip kung bakit tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya, titibay ang pagtitiwala natin na tutulungan niya tayo kapag may problema tayo sa pinansiyal. Tingnan ang nangyari sa unang-siglong mga Kristiyano. Nang pag-usigin ang kongregasyon sa Jerusalem, “ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat.” (Gawa 8:1) Isipin na lang kung gaano kahirap ang naging buhay nila dahil dito! Malamang na nawalan sila ng bahay at hanapbuhay. Pero hindi sila pinabayaan ni Jehova; hindi rin nawala ang kagalakan nila. (Gawa 8:4; Heb. 13:5, 6; Sant. 1:2, 3) Tinulungan ni Jehova ang tapat na mga Kristiyanong iyon, kaya tutulungan din niya tayo.—Awit 37:18, 19. w20.01 17-18 ¶14-15
Huwebes, Oktubre 21
Nagbibigay-pansin [si Jehova] sa mapagpakumbaba.—Awit 138:6.
Noong ipagtanggol ni David ang mga tupa ng kaniyang ama mula sa leon at oso, alam niyang tinulungan siya ni Jehova na mapatay ang mababangis na hayop na iyon. Nang matalo niya ang higanteng mandirigma na si Goliat, alam ni David na pinatnubayan siya ni Jehova. (1 Sam. 17:37) At nang makatakas siya kay Haring Saul na naiinggit sa kaniya, kinilala ni David na si Jehova ang nagligtas sa kaniya. (Awit 18, superskripsiyon) Kung mayabang si David, iisipin niyang nagawa niya ang mga iyon dahil sa sarili niyang kakayahan. Pero mapagpakumbaba siya, kaya nakita niyang tinutulungan siya ni Jehova. Ano ang aral? Hindi lang tayo basta hihiling ng tulong kay Jehova. Dapat din nating alamin kung kailan at paano niya tayo tinutulungan. Kung mapagpakumbaba tayo, aaminin nating may limitasyon tayo at kailangan natin ang tulong ni Jehova. At tuwing nakikita nating tinutulungan niya tayo, lalong titibay ang kaugnayan natin sa kaniya. w19.12 20 ¶18-19
Biyernes, Oktubre 22
Sinasaway ni Jehova ang mga mahal niya, gaya ng ginagawa ng ama sa kinalulugdan niyang anak.—Kaw. 3:12.
Maraming patunay na mahalaga tayo kay Jehova. Inilapit niya tayo sa kaniya, at nakita niya kung paano tayo tumugon sa mabuting balita. (Juan 6:44) At habang lumalapit tayo kay Jehova, lumalapit din siya sa atin. (Sant. 4:8) Ipinapakita rin niyang mahalaga tayo sa kaniya dahil matiyaga siya sa atin at naglalaan siya ng panahon para turuan tayo. Kilalang-kilala niya tayo, at alam niya ang potensiyal natin. At dahil mahal niya tayo, dinidisiplina niya tayo. Napakatibay ngang ebidensiya na mahalaga tayo kay Jehova! Walang kuwenta ang turing ng iba kay Haring David, pero alam niyang mahal siya at sinusuportahan ni Jehova. Nakatulong ito kay David para makayanan ang sitwasyon niya. (2 Sam. 16:5-7) Kapag nasisiraan tayo ng loob o may problema, matutulungan tayo ni Jehova na maging positibo at maharap ang anumang sitwasyon. (Awit 18:27-29) Kapag kasama natin si Jehova, walang makapag-aalis ng kagalakan natin habang naglilingkod tayo sa kaniya.—Roma 8:31. w20.01 15 ¶7-8
Sabado, Oktubre 23
[Turuan sila] na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.—Mat. 28:20.
Kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, simulan sa panalangin ang pag-aaral. Karaniwan na, kahit ilang linggo pa lang idinaraos nang regular ang pag-aaral, makakabuting buksan at sarhan na ito sa panalangin. Dapat nating tulungan ang Bible study na makitang kailangan ang espiritu ng Diyos para maintindihan ang Kaniyang Salita. Ginagamit ng ilang nagtuturo ng Bibliya ang Santiago 1:5 para ipaliwanag kung bakit tayo nananalangin kapag nag-aaral. Sinasabi nito: “Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos.” Pagkatapos, itatanong ng nagtuturo, “Paano tayo hihingi ng karunungan sa Diyos?” Malamang na sasang-ayon ang Bible study na dapat tayong manalangin sa Diyos. Turuang manalangin ang Bible study mo. Ipaliwanag sa kaniya na gustong marinig ni Jehova ang kaniyang taimtim na mga panalangin. Sabihin na puwedeng ibuhos kay Jehova ang laman ng ating puso na hindi natin masabi sa iba. Tutal, alam naman ni Jehova ang lahat ng iniisip natin.—Awit 139:2-4. w20.01 2 ¶3; 5 ¶11-12
Linggo, Oktubre 24
Nakadepende ito, hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng isang tao, kundi sa Diyos.—Roma 9:16.
Si Jehova ang nagdedesisyon kung kailan siya pipili ng mga pinahiran. (Roma 8:28-30) Nagsimulang pumili ng mga pinahiran si Jehova matapos buhaying muli si Jesus. Lumilitaw na noong unang siglo, lahat ng tunay na Kristiyano ay pinahiran. Nang sumunod na mga siglo, karamihan sa mga nagsasabing Kristiyano sila ay hindi naman talaga sumusunod kay Kristo. Sa kabila nito, pinahiran pa rin ni Jehova ang iilang tunay na Kristiyano. Para silang trigo na tutubong kasama ng mga panirang-damo, ayon sa ilustrasyon ni Jesus. (Mat. 13:24-30) Sa mga huling araw, pumipili pa rin si Jehova ng mga taong magiging bahagi ng 144,000. Kaya kung pipili ang Diyos ng magiging bahagi nito kung kailan napakalapit na ng wakas, hindi natin kukuwestiyunin ang karunungan niya. (Roma 9:11) Dapat tayong mag-ingat para hindi natin matularan ang reaksiyon ng mga manggagawang binanggit sa isang ilustrasyon ni Jesus. Nagreklamo sila dahil sa ginawa ng panginoon nila para sa mga nagtrabaho noong huling oras na.—Mat. 20:8-15. w20.01 30 ¶14
Lunes, Oktubre 25
Ang mga lingkod ko ay hihiyaw sa kagalakan.—Isa. 65:14.
Gusto ni Jehova na maging masaya ang pamilya niya. Maraming dahilan para maging masaya tayo ngayon kahit napakaraming problema. Halimbawa, sigurado tayong mahal na mahal tayo ng ating Ama. May tumpak na kaalaman tayo sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Jer. 15:16) At bahagi tayo ng isang espesyal na pamilya na umiibig kay Jehova, sumusunod sa mga pamantayan niya, at may pagmamahal sa isa’t isa. (Awit 106:4, 5) Masaya tayo kasi alam nating mas gaganda pa ang buhay natin sa hinaharap. Alam nating malapit nang alisin ni Jehova ang masasama at sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, gagawin niyang Paraiso ang buong lupa. Taglay rin natin ang napakagandang pag-asa na bubuhaying muli ang mga namatay nating mahal sa buhay at makakasama natin sila ulit. (Juan 5:28, 29) Siguradong napakasaya niyan! At higit sa lahat, sigurado tayong darating ang panahon na ang lahat ng nasa langit at lupa ay magpaparangal, pupuri, at sasamba sa ating mapagmahal na Ama. w20.02 13 ¶15-16
Martes, Oktubre 26
Laban sa iyo—higit sa lahat—ay nagkasala ako.—Awit 51:4.
Kung may nagawa kang malubhang kasalanan, huwag mo itong itago. Ipagtapat mo ito kay Jehova sa panalangin. Magiginhawahan ka, at mababawasan ang bigat ng kalooban mo. Pero kung gusto mong maibalik ang kaugnayan mo kay Jehova, higit pa sa panalangin ang kailangan mo. Kailangan mong tanggapin ang disiplina. Nang isugo ni Jehova si propeta Natan para kausapin si Haring David tungkol sa nagawa niyang kasalanan kasama si Bat-sheba, hindi nangatuwiran si David o nagsabing hindi naman ganoon kasama ang ginawa niya. Agad niyang inamin na nagkasala siya sa asawa ni Bat-sheba at lalo na kay Jehova. Tinanggap ni David ang disiplina mula kay Jehova, at pinatawad siya ni Jehova. (2 Sam. 12:10-14) Kung may nagawa tayong malubhang kasalanan, kailangan natin itong ipakipag-usap sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) At dapat nating iwasang mangatuwiran. Kapag agad nating tinanggap ang disiplina, mas mabilis nating maibabalik ang kapayapaan ng kalooban natin at magiging masaya tayo. w20.02 24 ¶17-18
Miyerkules, Oktubre 27
Sa panahong iyon, 10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang hahawak . . . nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: “Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.”—Zac. 8:23.
Ang “10 lalaki” naman ay kumakatawan sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Alam nilang pinili ni Jehova ang grupo ng mga pinahiran na kinakatawan ng “Judio” at itinuturing nilang isang karangalan na sambahin ang Diyos kasama ng grupong ito. Imposibleng malaman ang pangalan ng bawat miyembro ng mga pinahiran sa lupa ngayon, pero puwede pa ring “sumama” sa kanila ang mga may makalupang pag-asa. Paano? Sinasagot iyan ng teksto sa araw na ito. Pansinin na isang Judio lang ang binanggit ng Bibliya. Pero ang “inyo” at “sumasainyo” ay pangmaramihan. Ibig sabihin, ang Judiong ito ay hindi iisang tao. Kumakatawan ito sa buong grupo ng mga pinahiran. Ang mga di-pinahiran ay naglilingkod kay Jehova kasama ng mga pinahiran. Pero malinaw sa mga di-pinahiran na si Jesus ang Lider nila, kaya hindi nila iniisip na ang mga pinahiran ang lider nila.—Mat. 23:10. w20.01 26 ¶1-2
Huwebes, Oktubre 28
Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.—Juan 13:35.
Sinabi ni Jesus na makikilala ang tunay na mga alagad niya kung ipapakita nila ang pag-ibig na ipinakita niya. Totoo pa rin iyan sa ngayon. Napakahalaga ngang ibigin natin ang isa’t isa kahit hindi iyon madali! Tanungin ang sarili: ‘Ano ang matututuhan ko sa mga kapatid na patuloy na nagpakita ng pag-ibig kahit hindi iyon madali?’ Lahat tayo ay di-perpekto, kaya minsan, mahirap magpakita ng masidhing pag-ibig. Pero dapat pa rin nating sikaping tularan si Kristo. Itinuro ni Jesus na mahalagang makipagkasundo sa kapatid na may sama ng loob sa atin. (Mat. 5:23, 24) Idiniin niya na kailangan nating mapanatili ang mabuting kaugnayan sa iba kung gusto nating mapasaya ang Diyos. Natutuwa si Jehova kapag ginagawa natin ang lahat para makipagpayapaan. Hindi niya tatanggapin ang paglilingkod natin kung naghihinanakit tayo at ayaw man lang nating subukang makipagkasundo.—1 Juan 4:20. w20.03 24 ¶1-4
Biyernes, Oktubre 29
Malalaman [natin] kung ang mensahe na sinasabing galing sa Diyos ay totoo o isang kasinungalingan.—1 Juan 4:6.
Mula pa noong panahon nina Adan at Eva, ang mga tao ay dinadaya na ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kasama sa mga kasinungalingan niya ang mga maling turo tungkol sa kamatayan at ang tungkol sa kabilang-buhay. Ang mga turong ito ay naging basehan ng maraming popular na kaugalian at pamahiin. Bakit napakaraming nadadaya? Alam kasi ni Satanas ang nadarama natin tungkol sa kamatayan, at sinasamantala niya iyon. Dahil nilalang tayo para mabuhay magpakailanman, ayaw nating mamatay. (Ecles. 3:11) Kalaban natin ang kamatayan. (1 Cor. 15:26) Sa kabila ng mga pagsisikap ni Satanas, hindi pa rin naitago ang katotohanan tungkol sa kamatayan. Mas maraming tao na ngayon ang nakakaalam at naghahayag ng itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa pag-asa ng mga ito. (Ecles. 9:5, 10; Gawa 24:15) Dahil sa mga katotohanang iyan, natutulungan tayong huwag matakot at mag-alala sa kamatayan. w19.04 14 ¶1; 15 ¶5-6
Sabado, Oktubre 30
Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa ganitong paraan, matutupad ninyo ang kautusan ng Kristo.—Gal. 6:2.
Mahal ng Diyos na Jehova ang mga mananamba niya, at hindi iyan magbabago. Napakahalaga rin sa kaniya ng katarungan. (Awit 33:5) Kaya sigurado tayo sa dalawang bagay: (1) Nasasaktan si Jehova kapag tinatrato nang hindi patas ang mga lingkod niya. (2) Titiyakin niyang mailalapat ang katarungan. Nakasalig sa pag-ibig ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Tinuruan nito ang bayan na maging makatarungan sa lahat, pati na sa mahihina. (Deut. 10:18) Makikita sa Kautusang iyon na talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga mananamba niya. Nagwakas ang Kautusang Mosaiko noong 33 C.E. nang itatag ang kongregasyong Kristiyano. Ibig bang sabihin, wala nang kautusang nakasalig sa pag-ibig at nagtataguyod ng katarungan na poprotekta sa mga Kristiyano ngayon? Hindi! May bagong kautusan para sa mga Kristiyano—ang “kautusan ng Kristo.” Hindi nagbigay si Jesus ng kodigo ng batas sa mga alagad niya, pero binigyan niya sila ng mga tagubilin, utos, at simulain na papatnubay sa kanila. Kasama sa “kautusan ng Kristo” ang lahat ng itinuro ni Jesus. w19.05 2 ¶1-3
Linggo, Oktubre 31
Ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan . . . ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok.—2 Cor. 1:3, 4.
Likas sa ating mga tao na mangailangan ng tulong at may kakayahan din tayong tumulong. Halimbawa, kapag nadapa at nasugatan ang isang bata habang naglalaro, umiiyak siyang tatakbo sa kaniyang nanay o tatay. Hindi kayang pagalingin agad ng mga magulang ang sugat niya, pero kaya nilang patahanin ang bata. Itatanong nila kung ano ang nangyari, pupunasan ang luha niya, yayakapin siya, at gagamutin pa nga ang kaniyang sugat. Mayamaya, tatahan na siya at maglalaro na ulit. Pagkalipas ng ilang araw, gagaling na rin ang sugat niya. Pero kung minsan, mas masakit pa rito ang nararanasan ng mga bata. May mga nabibiktima ng seksuwal na pang-aabuso. Maaari itong mangyari nang minsan lang o paulit-ulit sa loob ng maraming taon. Alinman dito ang maranasan ng biktima, mag-iiwan ito sa kaniya ng mapapait na alaala. May pagkakataong nahuhuli at napaparusahan ang nang-abuso. Minsan naman, parang natatakasan niya ang hustisya. Pero kahit naparusahan ang nang-abuso, posibleng tumagal ang pagdurusa ng biktima hanggang sa pagtanda niya. w19.05 14 ¶1-2