Setyembre
Miyerkules, Setyembre 1
Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.—Juan 5:17.
Dahil masipag si Jehova at si Jesus, ibig bang sabihin, hindi na tayo puwedeng magpahinga? Hindi naman. Hindi napapagod si Jehova, kaya hindi niya kailangang magpahinga. Pero sinasabi ng Bibliya na “nagpahinga” si Jehova pagkatapos niyang lalangin ang langit at lupa. (Ex. 31:17) Lumilitaw na ang ibig sabihin nito ay tumigil si Jehova sa paggawa para tingnan ang mga nilalang niya at masiyahan dito. At kahit nagtrabaho nang husto si Jesus noong nandito siya sa lupa, tiniyak niya na may panahon siya para magpahinga at kumaing kasama ng mga kaibigan niya. (Mat. 14:13; Luc. 7:34) Pinapayuhan ng Bibliya ang mga lingkod ng Diyos na masiyahan sa pagtatrabaho. Dapat silang maging masipag at hindi tamad. (Kaw. 15:19) Baka nagtatrabaho ka para suportahan ang pamilya mo. At may pananagutan ang lahat ng alagad ni Kristo na ipangaral ang mabuting balita. Pero kailangan mo pa rin ng sapat na pahinga. w19.12 2 ¶2; 3 ¶4-5
Huwebes, Setyembre 2
Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.—1 Ped. 2:21.
Huwag pagkuwentuhan ang tungkol sa mga demonyo. Tularan natin si Jesus. Bago siya naging tao, nakatira siya sa langit, at marami siyang alam tungkol kay Satanas at sa mga demonyo. Pero hindi nagkukuwento si Jesus ng mga ginagawa ng masasamang espiritu. Gusto niyang magpatotoo tungkol kay Jehova, at hindi tungkol kay Satanas. Matutularan natin si Jesus kung hindi tayo magkakalat ng kuwento tungkol sa mga demonyo. Sa halip, maipapakita natin sa ating sinasabi na ang ating “puso ay napukaw dahil sa isang mabuting bagay,” at iyan ay ang katotohanan. (Awit 45:1) Huwag matakot sa masasamang espiritu. Sa ngayon, hindi tayo ligtas sa masasamang bagay. Puwede tayong maaksidente, magkasakit, o mamatay pa nga nang di-inaasahan. Pero huwag nating isipin na mga espiritu ang may kagagawan nito. Sinasabi ng Bibliya na puwedeng mabiktima ang sinuman ng “panahon at . . . di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Tungkol naman sa mga demonyo, ipinapakita ni Jehova na mas makapangyarihan siya kaysa sa kanila. w19.04 23-24 ¶13-14
Biyernes, Setyembre 3
Ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon.—Roma 13:1.
Sumusunod ba ang mga elder sa batas ng pamahalaan na ireport ang mga kaso ng pang-aabuso sa bata? Oo. Sa mga lugar na may ganiyang batas, sinisikap ng mga elder na sundin iyan. Hindi iyan labag sa kautusan ng Diyos. (Gawa 5:28, 29) Kaya kapag may ganitong sumbong, inaalam agad ng mga elder ang dapat nilang gawin para masunod ang batas. Ipinapaalaala ng mga elder sa mga biktima at mga magulang ng mga ito at sa iba pang nakakaalam ng nangyari na puwede silang magsumbong sa mga awtoridad. Pero paano kung ang nang-abuso ay kabilang sa kongregasyon at nalaman ito ng komunidad? Dapat bang isipin ng Kristiyanong nagsumbong na sinira niya ang pangalan ng Diyos? Hindi. Ang nang-abuso ang sumira sa pangalan ng Diyos. w19.05 10 ¶13-14
Sabado, Setyembre 4
Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.—1 Cor. 3:19.
Iniuutos ng Bibliya sa mga mag-asawa na igalang nila ang isa’t isa at ang kanilang sinumpaang pangako. Pinapayuhan sila nito na manatiling magkasama. Sinasabi nito: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at sila ay magiging isang laman.” (Gen. 2:24) Iba naman ang pananaw ng mga naimpluwensiyahan ng sanlibutan. Sinasabi nilang dapat isipin ng isa ang sarili niyang kapakanan. “Sa ilang seremonya,” ang sabi ng isang aklat tungkol sa diborsiyo, “ang tradisyonal na sumpaan sa kasal na ‘habang tayo ay kapuwa nabubuhay’ ay pinalitan ng ‘habang tayo ay nagmamahalan.’” Dahil sa gayong mababaw na pananaw sa pag-aasawa, maraming pamilya ang nawasak at marami ang nasaktan. Isa ngang malaking kamangmangan ang pananaw ng sanlibutan sa pag-aasawa. w19.05 23 ¶12
Linggo, Setyembre 5
Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito.—Roma 12:2.
Nag-aalala si Pablo dahil may ilang Kristiyano noon na naiimpluwensiyahan ng maling pangangatuwiran at pilosopiya ng sanlibutan ni Satanas. (Efe. 4:17-19) Puwede ring mangyari iyan sa atin ngayon. Gustong-gusto ni Satanas, ang diyos ng sistemang ito, na iwan natin si Jehova, kaya gumagamit siya ng iba’t ibang taktika. Halimbawa, kung matayog ang pangarap natin at gusto nating maging sikat, gagamitin niya iyon laban sa atin. Puwede pa nga niyang gamitin ang ating kultura, edukasyon, o mga karanasan para maging gaya ng sa kaniya ang pag-iisip natin. Posible pa kayang maalis sa ating isip ang mga bagay na “matibay ang pagkakatatag”? (2 Cor. 10:4) Sinabi ni Pablo: “Ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos, at binibihag namin ang bawat kaisipan para maging masunurin ito sa Kristo.” (2 Cor. 10:5) Oo, sa tulong ni Jehova, maaalis natin ang mga maling kaisipan. w19.06 8 ¶1-3
Lunes, Setyembre 6
Sa akin, nakakabuti ang paglapit sa Diyos. Ginawa kong kanlungan ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.—Awit 73:28.
Kahit na lubhang nasiraan ng loob sina Hana, David, at ang isang salmista, umasa pa rin sila sa tulong ni Jehova. Sinabi nila sa kaniya ang mga álalahanín nila. Sinabi nila kay Jehova ang lahat ng nagpapahirap ng kalooban nila. At lagi silang pumupunta sa lugar ng pagsamba kay Jehova. (1 Sam. 1:9, 10; Awit 55:22; 73:17; 122:1) Dahil sa habag, tinulungan ni Jehova ang bawat isa sa kanila. Nagkaroon ng kapayapaan ng isip si Hana. (1 Sam. 1:18) Sumulat si David: “Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.” (Awit 34:19) At nadama ng salmista na ‘hawak ni Jehova ang kanang kamay niya’ habang maibigin siyang pinapatnubayan. (Awit 73:23, 24) Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ito? Kung minsan, pinapahirapan tayo ng nakaka-stress na mga problema. Pero makakayanan natin ang mga ito kung bubulay-bulayin natin ang ginawang pagtulong ni Jehova sa iba, aasa tayo sa kaniya sa panalangin, at susundin natin ang hinihiling niya.—Awit 143:1, 4-8. w19.06 17 ¶14-15
Martes, Setyembre 7
Kung magdusa man kayo alang-alang sa katuwiran, maligaya kayo.—1 Ped. 3:14.
Huwag mong ikahiya na isa kang Saksi ni Jehova dahil lang sa sinasabi o ginagawa ng ibang tao. (Mik. 4:5) Isaalang-alang ang ginawa ng mga apostol sa Jerusalem pagkamatay na pagkamatay ni Jesus. Alam nila kung gaano katindi ang galit sa kanila ng mga Judiong lider ng relihiyon. (Gawa 5:17, 18, 27, 28) Pero araw-araw pa rin silang nangangaral sa templo para ipakitang mga alagad sila ni Jesus. (Gawa 5:42) Hindi sila napigilan ng takot. Madaraig din natin ang takot kapag lagi at hayagan tayong nagpapakilala bilang mga Saksi ni Jehova—sa trabaho, paaralan, at komunidad. (Gawa 4:29; Roma 1:16) Bakit masaya ang mga apostol? Alam kasi nila kung bakit sila kinapopootan, at para sa kanila, isang karangalan ang pagmalupitan dahil sa paggawa ng kalooban ni Jehova. (Luc. 6:23; Gawa 5:41; 1 Ped. 2:19-21) Kapag alam nating kinapopootan tayo dahil sa paggawa ng tama, hinding-hindi tayo magpapadaig sa takot. w19.07 7 ¶19-20
Miyerkules, Setyembre 8
Puwedeng gumawa ng mabuti kapag Sabbath.—Mat. 12:12.
Sinunod ni Jesus at ng mga tagasunod niyang Judio ang batas sa Sabbath dahil nasa ilalim sila ng Kautusang Mosaiko. Pero ipinakita ni Jesus sa salita at gawa na hindi maling gumawa ng mabubuting bagay at tumulong sa iba tuwing Sabbath. (Mat. 12:9-11) Hindi niya inisip na pagsuway sa Sabbath ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba. Makikita sa mga ginawa niya ang mahalagang dahilan kung bakit may Sabbath. Mas nakakapagpokus ang bayan ng Diyos sa espirituwal na mga bagay dahil hindi sila nagtatrabaho sa araw na ito. Malamang na ginamit ng pamilya ni Jesus ang araw ng Sabbath para sa pagsamba sa Diyos. Nalaman natin iyan mula sa ulat tungkol kay Jesus nang nasa Nazaret siya: “Gaya ng nakagawian [ni Jesus] tuwing araw ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga at tumayo para magbasa.” (Luc. 4:15-19) Napakalaki rin ng paggalang ng mga alagad sa batas sa Sabbath kaya huminto sila sa paghahanda ng mabangong langis at iba pang sangkap para sa katawan ni Jesus hanggang sa matapos ang araw ng Sabbath.—Luc. 23:55, 56. w19.12 4 ¶10
Huwebes, Setyembre 9
Kayo [ay] walang pag-asa.—Efe. 2:12.
Bawat ministrong Kristiyano ay tumutulong sa paghahanap ng mga gustong maging alagad. Maitutulad natin ito sa paghahanap sa isang nawawalang bata. Paano? Halimbawa, nang mawala ang isang tatlong-taóng-gulang na bata, mga 500 katao ang tumulong sa paghahanap sa kaniya. Pagkatapos ng mga 20 oras, nakita rin ng isang boluntaryo ang bata sa isang taniman ng mais. Pero ayaw niyang sa kaniya lang mapunta ang papuri. Sinabi niya: “Daan-daan kaming nagtulong-tulong na maghanap sa kaniya.” Maraming tao ang gaya ng batang iyon na nawala. Wala silang pag-asa, pero gusto nila ng tulong. Mahigit walong milyon tayong nagtutulong-tulong para maghanap ng mga karapat-dapat. Hindi ka man makakita ng gustong magpa-Bible study, baka naman ang ibang mamamahayag ang makahanap ng mga taong gustong matuto ng katotohanan sa Bibliya. Kapag naging alagad ni Kristo ang natagpuan ng isang kapatid, ang lahat ng tumulong sa paghahanap ay masaya. w19.07 16 ¶9-10
Biyernes, Setyembre 10
Nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko.—Fil. 3:14.
Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Filipos na patuloy na tumakbo nang may pagtitiis. Sa umpisa pa lang ay inuusig na ang kongregasyon. Nagsimula iyon noong mga 50 C.E. nang dumating sina Pablo at Silas sa Filipos dahil sa paanyaya sa kanila ng Diyos na ‘pumunta sa Macedonia.’ (Gawa 16:9) Nakilala nila roon si Lydia. Nakinig siya sa kanila, at “binuksan ni Jehova ang puso niya” sa mabuting balita. (Gawa 16:14) Di-nagtagal, nabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan. Pero kumilos agad ang Diyablo. Dinala ng mga lalaking tagaroon sina Pablo at Silas sa mga mahistrado sibil dahil nanggugulo raw ang mga ito. Sina Pablo at Silas ay binugbog, ibinilanggo, at sa kalaunan ay pinaalis sa lunsod. (Gawa 16:16-40) Sumuko ba sila? Hindi! Kumusta naman ang mga kapatid sa bagong-tatag na kongregasyon? Nakakatuwa dahil nakapagtiis din sila. Talagang napatibay sila sa magandang halimbawang ipinakita nina Pablo at Silas. w19.08 2 ¶1-2
Sabado, Setyembre 11
Maging sagana kayo sa matuwid na mga bunga.—Fil. 1:11.
Siguradong kasama sa “matuwid na mga bunga” ang pag-ibig kay Jehova at sa bayan niya. Kasama rin dito ang pagsasabi sa iba ng pananampalataya natin kay Jesus at ng napakaganda nating pag-asa. Nagkakaroon tayo ng “matuwid na mga bunga” kapag aktibo tayo sa pinakamahalagang gawaing ito ng paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:18-20) Anuman ang sitwasyon natin, puwede tayong sumikat bilang liwanag. Kung minsan, ang mga bagay na parang hadlang sa pangangaral natin ay nagiging daan pa nga para makapangaral tayo. Halimbawa, nakabilanggo si apostol Pablo sa tirahan niya sa Roma nang sumulat siya sa mga taga-Filipos. Pero hindi siya tumigil sa pangangaral; nagpatotoo siya sa mga nagbabantay at dumadalaw sa kaniya. Masigasig na nangaral si Pablo kahit ganoon ang sitwasyon niya, at nagpalakas iyan ng loob ng mga kapatid na ‘ihayag ang salita ng Diyos nang walang takot.’—Fil. 1:12-14; 4:22. w19.08 12 ¶15-16
Linggo, Setyembre 12
Kaya magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon.—1 Ped. 5:6.
Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat tayong maging mapagpakumbaba ay para mapasaya natin si Jehova. Nilinaw ito ni apostol Pedro nang isulat niya ang pananalita sa teksto sa araw na ito.Tungkol sa sinabi ni Pedro, mababasa sa aklat na “Halika Maging Tagasunod Kita” sa kabanata 3, parapo 23: “Ang kapalaluan ay parang lason. Maaaring maging kapaha-pahamak ang mga epekto nito. Kahit ang pinakamatalinong tao ay maaaring mawalan ng silbi sa Diyos kung siya ay palalo. Sa kabilang panig naman, maaaring maging lubhang kapaki-pakinabang kay Jehova maging ang pinakamababang tao kung siya ay mapagpakumbaba. . . . Malulugod . . . ang ating Diyos na gantimpalaan ka sa iyong kapakumbabaan.” Kaya may mas mahalaga pa ba kaysa sa mapasaya ang puso ni Jehova? (Kaw. 23:15) Bukod sa mapapasaya natin si Jehova, makikinabang din tayo kung mapagpakumbaba tayo. Magugustuhan tayo ng mga tao. Bakit? Isipin kung anong uri ng mga tao ang gusto mong makasama.—Mat. 7:12. w19.09 4 ¶8-9
Lunes, Setyembre 13
Kasuklam-suklam kay Jehova ang sinumang mapagmataas ang puso.—Kaw. 16:5.
Nagsisikap ang mga elder para sa kapakanan ng mga kapatid. Hindi nila iniisip na nakatataas sila sa iba dahil sa kanilang awtoridad. Sa halip, mabait silang makitungo sa mga kapatid. (1 Tes. 2:7, 8) Makikita sa pakikipag-usap nila sa iba ang kanilang pag-ibig at kapakumbabaan. Sinabi ng isang makaranasang elder na si Andrew: “Napansin kong kapag mabait at palakaibigan ang mga elder, nakikinig sa kanila ang mga kapatid. Dahil sa mga katangiang ito, napapakilos ang kongregasyon na makipagtulungan sa mga elder.” Sinabi naman ng isa pang matagal nang elder na si Tony: “Sinisikap kong sundin ang payo sa Filipos 2:3 at ituring ang iba na nakatataas sa akin. Nakakatulong ’yon para hindi ako mag-astang diktador.” Dapat na maging mapagpakumbaba ang mga elder, gaya ni Jehova. Kahit si Jehova ang Kataas-taasan sa uniberso, “yumuyuko siya” para ibangon “ang hamak mula sa alabok.” (Awit 18:35; 113:6, 7) Sa katunayan, nasusuklam si Jehova sa mga mapagmataas at arogante. w19.09 16-17 ¶11-12
Martes, Setyembre 14
Pasanin ninyo ang pamatok ko.—Mat. 11:29.
Para maginhawahan sa pamatok ni Jesus, dapat nating panatilihin ang tamang saloobin. Galing kay Jehova ang gawain natin, kaya dapat itong gawin sa paraan ni Jehova. Tayo ang mga manggagawa, at si Jehova ang Panginoon. (Luc. 17:10) Kung ipipilit natin ang sarili nating paraan, pahihirapan lang natin ang ating sarili. Pero kung magpapagabay tayo kay Jehova, makakagawa tayo ng mga bagay na higit sa kaya natin at malalampasan natin ang anumang pagsubok. Tandaan na walang sinumang makakahadlang sa kalooban ng Diyos! (Roma 8:31; 1 Juan 4:4) Gusto nating magbigay ng kapurihan sa ating mapagmahal na Ama, si Jehova. Noong unang siglo, may mga sumunod kay Jesus dahil lang sa pakinabang, kaya di-nagtagal, hindi na sila naging masaya at iniwan nila ang pamatok ni Jesus. (Juan 6:25-27, 51, 60, 66; Fil. 3:18, 19) Pero ang mga sumunod sa kaniya dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay masayang nagdala ng pamatok ni Jesus sa buong buhay nila, taglay ang pag-asang makapaglingkod kasama ni Kristo sa langit. Gaya nila, mananatili rin tayong masaya sa pagpasan sa pamatok ni Jesus kung tama ang motibo natin. w19.09 20 ¶1; 24 ¶19-20
Miyerkules, Setyembre 15
Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.—Juan 8:32.
Isipin ang mga pagpapalang tinanggap mo dahil malaya ka na sa huwad na mga turo. Napakasaya ngang maging malaya! Pero hindi lang iyan ang kalayaang mararanasan mo. Malapit nang puksain ni Jesus ang lahat ng huwad na relihiyon at tiwaling pamahalaan ng tao. Poprotektahan ng Diyos ang “isang malaking pulutong” na naglilingkod sa kaniya at bibigyan sila ng maligayang buhay sa paraisong lupa. (Apoc. 7:9, 14) Napakaraming bubuhaying muli at magkakaroon ng pagkakataon na lumaya sa lahat ng epekto ng kasalanan ni Adan. (Gawa 24:15) Sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari, tutulungan ni Jesus at ng kaniyang mga kasamang tagapamahala ang lahat ng tao na magkaroon ng perpektong kalusugan at kaugnayan sa Diyos. Ang panahong ito ng pagbabalik at paglaya ay magiging kagaya ng Jubileo sa Israel. Ang lahat ng tapat na naglilingkod kay Jehova sa lupa ay magiging perpekto, malaya sa kasalanan. w19.12 12-13 ¶14-16
Huwebes, Setyembre 16
Tinulungan siya ni Bernabe.—Gawa 9:27.
Noong unang siglo C.E., nagpagamit ang bukas-palad na si Jose (Bernabe) kay Jehova. (Gawa 4:36, 37) Nang maging mánanampalatayá si Saul, maraming kapatid ang natatakot sa kaniya dahil pinag-usig niya noon ang mga kongregasyon. Pero tinulungan ni Bernabe si Saul. (Gawa 9:21, 26-28) Nang maglaon, nakita ng matatandang lalaki sa Jerusalem na kailangang patibayin ang mga kapatid sa Antioquia ng Sirya. Sino ang isinugo nila? Si Bernabe! At hindi sila nagkamali sa pagpili. “Pinatibay [ni Bernabe] ang lahat na patuloy na sumunod sa Panginoon nang buong puso.” (Gawa 11:22-24) Sa ngayon, matutulungan din tayo ni Jehova na maging “anak ng kaaliwan” sa mga kapatid natin. Halimbawa, puwede niya tayong gamitin para aliwin ang mga namatayan ng mahal sa buhay. O baka pakilusin niya tayong dalawin o tawagan ang isang may-sakit o nadedepres para patibayin ito. Hahayaan mo bang gamitin ka ni Jehova gaya ng ginawa niya kay Bernabe?—1 Tes. 5:14. w19.10 22 ¶8
Biyernes, Setyembre 17
Ang nagpapatawad ng kasalanan ay nagpapakita ng pag-ibig, pero ang salita nang salita tungkol dito ay naglalayo sa malalapít na magkakaibigan.—Kaw. 17:9.
Kung minsan, kapag gumagawa tayong kasama ng mga kaibigan natin, hindi lang magagandang katangian nila ang nakikita natin, kundi pati ang mga kahinaan nila. Ano ang makakatulong sa atin kapag nangyari iyan? Siyempre, hindi naman perpekto ang mga kapatid. Kaya kapag nagkaroon na tayo ng matatalik na kaibigan, kailangan nating pagsikapang mapanatili ang pagkakaibigang iyon. Kung magkamali ang mga kaibigan natin, baka kailangan nating magbigay ng mabait pero deretsahang payo mula sa Bibliya. (Awit 141:5) At kung masaktan nila tayo, kailangan natin silang patawarin. Kapag napatawad na natin sila, dapat nating iwasang ungkatin pa ang pagkakamaling iyon. Sa mahirap na panahong ito, napakahalagang magpokus sa magagandang katangian ng mga kapatid sa halip na sa mga kahinaan nila! Sa gayon, mapapatibay natin ang kaugnayan natin sa kanila. Mahalaga iyan dahil kakailanganin natin ang matatalik na kaibigan sa malaking kapighatian. w19.11 6 ¶13, 16
Sabado, Setyembre 18
Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na . . . itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.—Mat. 28:19, 20.
Kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya, kailangan nating magsikap para ‘makagawa ng mga alagad, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ni Jesus.’ Tulungan natin ang mga tao na maintindihan kung gaano kahalagang manindigan para kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Ibig sabihin, kailangan natin silang pasiglahin na isabuhay ang mga natututuhan nila, ialay ang kanilang buhay kay Jehova, at magpabautismo. Sa ganitong paraan lang sila maliligtas sa araw ni Jehova. (1 Ped. 3:21) Kaunting panahon na lang ang natitira bago magwakas ang sistemang ito. Kaya hindi natin uubusin ang panahon natin sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga taong walang intensiyong maging alagad ni Kristo. (1 Cor. 9:26) Apurahan ang gawain natin! Marami pang taong kailangang makarinig ng mensahe ng Kaharian bago mahulí ang lahat. w19.10 11-12 ¶14-15
Linggo, Setyembre 19
Ilalagay . . . niya ang insenso sa ibabaw ng baga sa harap ni Jehova.—Lev. 16:13.
Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, nagtitipon ang bansang Israel at naghahandog ng mga hayop. Ang mga handog na iyon ay nagpapaalaala sa mga Israelita na kailangan nilang maging malinis mula sa kasalanan. Pero kailangan munang ibuhos ng mataas na saserdote ang banal na insenso sa nagniningas na mga baga, at ang silid ay mapupuno ng mabangong amoy. Ano ang matututuhan natin dito? Ipinapakita ng Bibliya na ang panalangin ng tapat na mga mananamba ni Jehova ay gaya ng insenso. (Awit 141:2; Apoc. 5:8) Buong paggalang na dinadala ng mataas na saserdote ang insenso sa harap ng presensiya ni Jehova. Kaya kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin, ginagawa natin iyon nang may matinding paggalang. Laking pasasalamat natin na hinahayaan tayo ng ating Maylalang na lumapit sa kaniya, gaya ng anak na lumalapit sa kaniyang ama. (Sant. 4:8) Tinatanggap niya tayo bilang mga kaibigan niya! (Awit 25:14) Gayon na lang ang pagpapahalaga natin sa pribilehiyong ito kaya ayaw nating gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob niya. w19.11 20-21 ¶3-5
Lunes, Setyembre 20
Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan. Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.—Awit 104:24.
Sa lugar ninyo, ano ang pananaw ng mga tao sa trabaho? Sa maraming bansa, subsob ang mga tao sa trabaho. Hindi na sila makapagpahinga, at wala na silang panahon sa pamilya o sa Diyos. (Ecles. 2:23) May iba naman na ayaw talagang magtrabaho at nagdadahilan para makaiwas dito. (Kaw. 26:13, 14) Hindi balanse ang pananaw ng karamihan pagdating sa trabaho, pero hindi ganiyan si Jehova at si Jesus. Alam natin na gustong-gusto ni Jehova na magtrabaho. Nilinaw iyan ni Jesus: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.” (Juan 5:17) Isipin ang lahat ng ginawa ng Diyos nang lalangin niya ang napakaraming anghel at ang napakalawak na uniberso. Makikita rin sa planeta natin ang magagandang ginawa ng Diyos. w19.12 2 ¶1-2
Martes, Setyembre 21
Natagpuan ko si David . . . isang lalaking kalugod-lugod sa puso ko.—Gawa 13:22.
Paano naging ganoon kalapít si David kay Jehova? Natuto si David mula sa mga nilalang ni Jehova. Noong bata pa si David, madalas siyang nasa labas at nag-aalaga ng mga tupa ng kaniyang ama. Posibleng noon siya nagsimulang magbulay-bulay sa mga nilalang ni Jehova. Halimbawa, kapag tumitingin si David sa langit sa gabi at nakikita niya ang libo-libong bituin, malamang na naiisip niya ang mga katangian ng Diyos na lumalang sa mga ito. (Awit 19:1, 2) Nang pag-isipan ni David ang pagkalalang sa mga tao, nakita niya ang walang-kapantay na karunungan ni Jehova. (Awit 139:14) Nang bulay-bulayin ni David ang mga nilalang ni Jehova, nanliit siya. (Awit 139:6) Ano ang aral? Bulay-bulayin kung ano ang matututuhan mo tungkol kay Jehova sa mga nilalang na nakikita mo araw-araw—mga halaman, hayop, at mga tao. At sa paglipas ng bawat araw, mas makikilala mo ang iyong mapagmahal na Ama. (Roma 1:20) At habang mas nakikilala mo siya, lalo mo siyang mamahalin. w19.12 19-20 ¶15-17
Miyerkules, Setyembre 22
Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto nang malaki na siya.—Heb. 11:24.
Pinili ni Moises na maglingkod sa Diyos. Noong mga 40 taóng gulang na si Moises, mas pinili niyang sumama sa bayan ng Diyos, ang mga Israelita, kaysa makilala bilang “anak ng prinsesa ng Ehipto.” Iniwan ni Moises ang isang prominenteng posisyon. Nang pumanig siya sa mga Israelita, na alipin sa Ehipto, alam niyang magagalit ang Paraon, isang makapangyarihang tagapamahala na itinuturing na diyos. Talagang napakatibay ng pananampalataya ni Moises! Nagtiwala siya kay Jehova. Ang pagtitiwalang iyan ang dahilan kung bakit naging malapít siya kay Jehova. (Kaw. 3:5) Ano ang aral? Gaya ni Moises, lahat tayo ay dapat magdesisyon: Maglilingkod ba tayo sa Diyos at sasama sa bayan niya? Baka mangailangan iyan ng pagsasakripisyo, at baka hadlangan tayo ng mga hindi nakakakilala kay Jehova. Pero kung magtitiwala tayo sa ating Ama sa langit, siguradong tutulungan niya tayo! w19.12 17 ¶5-6
Huwebes, Setyembre 23
Inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay.—Gen. 2:7.
Gawa tayo sa alabok ng lupa, pero hindi lang ganiyan ang tingin sa atin ni Jehova. Pag-isipan ang ilang patunay na mahalaga tayo sa kaniya. Nilalang niya ang tao na may kakayahang tularan ang mga katangian niya. (Gen. 1:27) Sa pamamagitan nito, ginawa niya tayong mas mataas sa lahat ng iba pang nilalang sa lupa, at ipinagkatiwala niya sa atin ang lupa at ang mga hayop. (Awit 8:4-8) Matapos magkasala si Adan, mahalaga pa rin kay Jehova ang mga tao. Napakahalaga natin sa kaniya kaya ibinigay niya ang kaniyang mahal na Anak, si Jesus, para tubusin tayo. (1 Juan 4:9, 10) Salig sa pantubos, bubuhaying muli ni Jehova “ang mga matuwid at di-matuwid” na namatay dahil sa kasalanan ni Adan. (Gawa 24:15) Ipinapakita ng kaniyang Salita na mahalaga tayo sa kaniya kahit may sakit tayo, may problema sa pinansiyal, o may-edad na.—Gawa 10:34, 35. w20.01 15 ¶5-6
Biyernes, Setyembre 24
Huwag makialam sa buhay ng iba.—1 Tes. 4:11.
Ang pagiging makalangit ay hindi namamana. Mula ito sa Diyos. (1 Tes. 2:12) Kaya iwasan ang mga tanong na puwedeng makasakit. Halimbawa, hindi natin itatanong sa asawa ng isang pinahiran kung ano ang pakiramdam na mabubuhay siya nang walang hanggan sa lupa pero wala ang asawa niya. Tutal, makakatiyak naman tayo na sa bagong sanlibutan, ‘ibibigay ni Jehova ang inaasam ng bawat bagay na may buhay.’ (Awit 145:16) Napoprotektahan din natin ang ating sarili kung hindi natin itinuturing na nakatataas ang mga pinahiran. Paano? Sinasabi ng Bibliya na may ilang pinahiran na posibleng hindi makapanatiling tapat. (Mat. 25:10-12; 2 Ped. 2:20, 21) Kaya kung iiwasan nating ‘humanga sa mga personalidad,’ hindi tayo dedepende sa iba, kahit mga pinahiran pa sila, prominente, o matagal nang naglilingkod kay Jehova. (Jud. 16, tlb.) Sa gayon, magkasala man sila o iwan man nila ang kongregasyon, hindi tayo mawawalan ng pananampalataya kay Jehova o titigil sa paglilingkod sa kaniya. w20.01 29 ¶9-10
Sabado, Setyembre 25
Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.—Efe. 5:1.
Bilang “minamahal na mga anak” ni Jehova, ginagawa natin ang lahat para tularan siya. Natutularan natin siya kapag mapagmahal, mabait, at mapagpatawad tayo sa iba. Kapag nakikita ng mga hindi nakakakilala sa Diyos ang mabuting paggawi natin, gugustuhin nilang mas matuto pa tungkol sa kaniya. (1 Ped. 2:12) Dapat magsikap ang Kristiyanong mga magulang na tularan ang pakikitungo ni Jehova sa atin. Kapag ginawa nila iyan, gugustuhin din ng mga anak nila na maging kaibigan si Jehova. Ipinagmamalaki natin ang ating Ama sa langit, si Jehova, at gusto nating makilala siya ng iba. Gusto nating lahat na gawin ang sinabi ni Haring David: “Ipagmamalaki ko si Jehova.” (Awit 34:2) Pero paano kung mahiyain tayo? Lalakas ang loob natin kapag inisip nating mapapasaya natin si Jehova kapag ipinapakilala natin siya sa iba at na makikinabang ang iba kapag nakilala nila siya. Ibibigay ni Jehova ang lakas ng loob na kailangan natin. Tinulungan niya ang mga Kristiyano noon na maging malakas ang loob, at tutulungan niya rin tayo.—1 Tes. 2:2. w20.02 11 ¶12-13
Linggo, Setyembre 26
Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.—Mat. 28:19.
Marami sa mga nag-aaral ng Bibliya ang sumusulong at nagpapabautismo. Pero may ilang regular na nag-aaral ng Bibliya ang parang nag-aalangang maging alagad ni Kristo. Masaya naman sila sa pag-aaral, pero hindi pa rin sila sumusulong. Kung may Bible study ka, siguradong gusto mo siyang tulungang maisabuhay ang mga natututuhan niya at maging alagad ni Kristo. Gusto ni Jehova na maglingkod sa kaniya ang mga tao dahil mahal nila siya. Kaya tunguhin nating makita ng mga Bible study na talagang nagmamalasakit si Jehova sa kanila bilang indibidwal at mahal na mahal niya sila. Gusto nating ituring nila si Jehova bilang “ama ng mga batang walang ama at tagapagtanggol ng mga biyuda.” (Awit 68:5) Kapag nakita nila kung gaano sila kamahal ng Diyos, malamang na maantig sila at mahalin din nila siya. Kaya ipaunawa sa mga Bible study mo na gusto ng ating maibiging Diyos na mabuhay sila magpakailanman, at tutulungan niya silang maabot ang tunguhing iyan. w20.01 3 ¶7-8
Lunes, Setyembre 27
Tuwang-tuwa ako at talagang napatibay nang marinig ko ang tungkol sa pag-ibig mo.—Flm. 7.
Mapagpakumbaba si apostol Pablo, at alam niyang kailangan niya ng pampatibay mula sa mga kaibigan niya. Hindi siya nabahala na baka isipin ng iba na mahina siya dahil pinatibay siya ng iba noong may problema siya. (Col. 4:7-11) Kapag mapagpakumbaba tayo at inaamin nating kailangan natin ng pampatibay, matutuwa ang mga kapatid na ibigay ang suportang kailangan natin. Alam ni Pablo na mapapatibay siya ng Kasulatan. (Roma 15:4) Mabibigyan din siya nito ng karunungan para maharap ang mga pagsubok. (2 Tim. 3:15, 16) Nang mabilanggo siya sa Roma sa ikalawang pagkakataon, alam ni Pablo na malapit na siyang patayin. Sinabihan niya si Timoteo na pumunta agad sa kaniya at dalhin ang “mga balumbon.” (2 Tim. 4:6, 7, 9, 13) Bakit? Dahil ang mga balumbong iyon ay malamang na bahagi ng Hebreong Kasulatan na magagamit ni Pablo sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Kapag regular tayong nag-aaral ng Bibliya gaya ni Pablo, gagamitin ni Jehova ang Kasulatan para paginhawahin tayo—gaano man kahirap ang pinagdadaanan natin. w20.02 23-24 ¶14-15
Martes, Setyembre 28
Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.—Mat. 7:1.
Hindi pinag-isipan nina Elipaz, Bildad, at Zopar kung paano tutulungan si Job. Ang inisip nila ay kung paano patutunayang may nagawang mali si Job. Tama naman sila sa ilang bagay, pero karamihan sa sinabi nila tungkol kay Job at kay Jehova ay mali o masama. Sinabi nilang masamang tao si Job. (Job 32:1-3) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Galit na galit siya sa tatlong lalaking ito. Tinawag niya silang mangmang at sinabi sa kanilang hilingin kay Job na ipanalangin sila. (Job 42:7-9) May matututuhan tayo sa babalang halimbawa nina Elipaz, Bildad, at Zopar. Una, hindi natin dapat hatulan ang mga kapatid. (Mat. 7:2-5) Dapat muna tayong makinig na mabuti sa kanila bago magsalita. Sa ganitong paraan lang natin maiintindihan ang sitwasyon nila. (1 Ped. 3:8) Ikalawa, kapag nagsalita na tayo, dapat tayong magsabi ng totoo at maging mabait. (Efe. 4:25) At ikatlo, talagang interesado si Jehova sa sinasabi natin sa iba. w20.03 22-23 ¶15-16
Miyerkules, Setyembre 29
Patuloy kayong manalangin sa bawat pagkakataon.—Efe. 6:18.
Lalo nating nakikilala si Jehova kapag itinuturo natin sa iba ang tungkol sa kaniya. Halimbawa, nakikita natin ang awa ni Jehova kapag inaakay niya tayo sa mga taong gusto siyang maging kaibigan. (Juan 6:44; Gawa 13:48) Nakikita natin ang kapangyarihan ng Bibliya kapag itinitigil ng mga Bible study natin ang mga bisyo nila at nagbibihis ng bagong personalidad. (Col. 3:9, 10) Nakikita rin natin ang pagkamatiisin ng Diyos dahil binibigyan niya ng maraming pagkakataon ang mga tao sa ating teritoryo na makilala siya at maligtas. (Roma 10:13-15) Gaano man katagal na tayong naglilingkod kay Jehova, dapat na mahalaga pa rin sa atin ang pakikipagkaibigan sa kaniya. Ang isang paraan para maipakita iyan ay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya sa panalangin. Kung gusto mong maging malapít na kaibigan ng isang tao, lagi kang makikipag-usap sa kaniya. Kaya kung gusto mong mapalapít sa Diyos, lagi kang manalangin sa kaniya at huwag matakot na sabihin ang iniisip mo at nararamdaman. w19.12 19 ¶11, 13-14
Huwebes, Setyembre 30
Pinatawad na ang mga kasalanan ninyo.—1 Juan 2:12.
Talagang nakakapagpagaan iyan ng pakiramdam! Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, aalisin ni Jesus ang anumang pagdurusang nararanasan natin dahil kay Satanas at sa sistema niya. (Isa. 65:17; 1 Juan 3:8; Apoc. 21:3, 4) Napakagandang pag-asa niyan! At kahit mahirap ang ipinagagawa sa atin ni Jesus, kasama naman natin siya, at sinusuportahan niya tayo sa mga huling araw ng sistemang ito. (Mat. 28:19, 20) Nakakapagpalakas iyan ng loob! Magaan na pakiramdam, pag-asa, at lakas ng loob—ilan lang ito sa mahahalagang bagay para magkaroon ng kapayapaan ng isip. Kung gayon, paano mo mapananatiling payapa ang iyong isip kapag dumaranas ka ng mabibigat na pagsubok? Magagawa mo iyan kung tutularan mo si Jesus. Una, manalangin at patuloy na manalangin. Ikalawa, sundin si Jehova at masigasig na mangaral kahit sa panahong mahirap itong gawin. At ikatlo, umasa sa tulong ng mga kaibigan mo. At babantayan ng kapayapaan ng Diyos ang iyong isip at puso. (Fil. 4:6, 7) Kaya gaya ni Jesus, mapagtatagumpayan mo ang anumang pagsubok.—Juan 16:33. w19.04 13 ¶16-17