Agosto
Linggo, Agosto 1
Ang nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa.—Juan 8:29.
Kahit noong pinag-uusig si Jesus, panatag siya dahil alam niyang napapasaya niya ang kaniyang Ama. Nanatili pa rin siyang masunurin noong panahong mahirap para sa kaniya na gawin ito. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ama at pangunahin sa buhay niya ang paglilingkod kay Jehova. Bago bumaba sa lupa, siya ay “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. (Kaw. 8:30) At noong nasa lupa siya, masigasig niyang tinuruan ang iba tungkol sa kaniyang Ama. (Mat. 6:9; Juan 5:17) Ang gawaing iyan ay talagang nagpasaya kay Jesus. (Juan 4:34-36) Matutularan natin si Jesus kung susunod tayo kay Jehova at ‘laging maraming gagawin sa gawain ng Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Kapag tayo ay “lubhang abala” sa pangangaral, nananatili tayong positibo kahit may mga problema. (Gawa 18:5) Halimbawa, madalas na mas mabigat ang problema ng mga nakakausap natin sa ministeryo kaysa sa atin. Pero kapag inibig nila si Jehova at isinabuhay ang payo ng Diyos, umaayos ang buhay nila at nagiging mas masaya sila. Kapag nakikita natin iyan, lalo tayong nagiging kumbinsido na hindi tayo pababayaan ni Jehova. w19.04 10-11 ¶8-9
Lunes, Agosto 2
Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng mahika ang mga aklat nila at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.—Gawa 19:19.
Talagang gusto nilang labanan ang masasamang espiritu. Napakamahal ng mga aklat na iyon sa mahika. Pero sa halip na ipamigay ang mga aklat o ibenta, sinira nila ang mga ito. Mas mahalaga sa kanila ang mapasaya si Jehova kaysa sa mga aklat nila, gaano man iyon kamahal. Paano natin sila matutularan? Makakabuti kung aalisin natin ang anumang bagay na may kaugnayan sa okultismo. Kasama rito ang agimat, anting-anting, o iba pang bagay na isinusuot o ginagamit ng mga tao bilang proteksiyon sa masasamang espiritu. (1 Cor. 10:21) Suriing mabuti ang iyong libangan. Tanungin ang sarili, ‘May halo bang espiritismo ang anumang libangang pinipili ko?’ Maging determinadong iwasan ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova. Gawin natin ang lahat para manatiling malinis ang ating budhi sa harap ng Diyos.—Gawa 24:16. w19.04 22-23 ¶10-12
Martes, Agosto 3
Tawagin . . . ang matatandang lalaki.—Sant. 5:14.
Maraming dapat pag-isipan ang mga elder kapag nakatanggap sila ng sumbong tungkol sa isang malubhang pagkakasala. Napakahalaga sa kanila na mapanatiling banal ang pangalan ng Diyos. (Lev. 22:31, 32; Mat. 6:9) Mahalaga rin sa kanila ang espirituwal na kapakanan ng mga kapatid sa kongregasyon at gusto nilang makatulong sa sinumang naging biktima ng ginawang pagkakasala. Bukod diyan, kapag ang nagkasala ay kabilang sa kongregasyon, tutulungan siya ng mga elder na maibalik ang kaugnayan niya sa Diyos kung posible. (Sant. 5:14, 15) Ang isang Kristiyanong nagpadala sa maling pagnanasa at nakagawa ng malubhang pagkakasala ay may sakit sa espirituwal. Ibig sabihin, hindi na maganda ang kaugnayan niya kay Jehova. Kaya parang doktor ang mga elder. Sinisikap nilang ‘mapagaling ang maysakit,’ ang nagkasala. Ang kanilang payo mula sa Kasulatan ay makakatulong sa kaniya na maibalik ang kaugnayan niya sa Diyos, pero posible lang ito kung taimtim siyang nagsisisi.—Gawa 3:19; 2 Cor. 2:5-10. w19.05 10 ¶10-11
Miyerkules, Agosto 4
Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo.—Fil. 2:13.
Binibigyan tayo ni Jehova ng pagnanais na kumilos. Baka nalaman nating may partikular na kailangan sa ating kongregasyon o sa ibang lugar. Baka maitanong natin, ‘Paano kaya ako makakatulong?’ O baka nabigyan tayo ng isang mahirap na atas, pero iniisip natin kung kaya ba natin itong gampanan. O baka matapos basahin ang ilang talata sa Bibliya, maisip natin, ‘Paano ko kaya ito magagamit para tulungan ang iba?’ Kapag nakikita ni Jehova na nag-iisip tayo tungkol sa magagawa natin, maaari niya tayong bigyan ng pagnanais na kumilos. Binibigyan din tayo ni Jehova ng lakas para kumilos. (Isa. 40:29) Matutulungan niya tayong mapasulong ang mga kakayahan natin sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Ex. 35:30-35) Sa pamamagitan ng organisasyon niya, tinuturuan tayo ni Jehova kung paano gagawin ang ilang atas. Kapag hindi ka sigurado kung paano ito gagawin, magpatulong ka. Puwede mo ring hilingin sa ating bukas-palad na Ama sa langit na bigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Cor. 4:7; Luc. 11:13. w19.10 21 ¶3-4
Huwebes, Agosto 5
Ang mga tao ay magiging makasarili.—2 Tim. 3:2.
Itinuturo ng sanlibutan ang pagiging makasarili. Isang reperensiya ang nagsabi na noong dekada ’70, “nagsulputan ang napakaraming aklat na nagpapayo kung paano magtatagumpay ang isang tao.” Sinasabi ng ilan sa mga aklat na ito na hindi dapat baguhin ng isang tao ang kaniyang sarili at isiping may mali sa kaniya. Halimbawa, tingnan ang sinabi sa isang aklat: “Mahalin mo ang pinakamaganda, pinaka-exciting, at pinakamagaling na tao sa mundo—ikaw iyon.” Sinasabi ng aklat na ito na gawin mo kung ano ang iniisip mong tama at kumbinyente sa iyo. Narinig mo na ba ang kaisipang iyan? Ganiyan ang ipinagawa ni Satanas kay Eva noon. Sinabi niyang si Eva ay “magiging tulad . . . ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.” (Gen. 3:5) Sa ngayon, sobrang taas ang tingin ng marami sa kanilang sarili, kaya iniisip nilang walang sinuman ang puwedeng magsabi sa kanila ng tama at mali—kahit ang Diyos. Kitang-kita iyan sa pananaw ng mga tao sa pag-aasawa. w19.05 23 ¶10-11
Biyernes, Agosto 6
Naghihirap ang kalooban ko at lumong-lumo ako; buong araw akong naglalakad na malungkot.—Awit 38:6.
May mga pagkakataong dumanas ng matinding stress si Haring David. Isipin ang mga problemang napaharap sa kaniya. Binagabag siya ng konsensiya niya sa dami ng naging kasalanan niya. (Awit 40:12) Nagrebelde sa kaniya ang mahal niyang anak na si Absalom, na humantong sa kamatayan nito. (2 Sam. 15:13, 14; 18:33) At nagtaksil sa kaniya ang isa sa pinakamalapít niyang kaibigan. (2 Sam. 16:23–17:2; Awit 55:12-14) Makikita sa mga awit na isinulat ni David ang panghihina ng loob niya, pati na ang malaking tiwala niya kay Jehova. (Awit 38:5-10; 94:17-19) Isang salmista ang nainggit sa pamumuhay ng masasamang tao. Posibleng inapo siya ng Levitang si Asap, at naglingkod siya noon sa “maringal na santuwaryo ng Diyos.” Na-stress ang salmistang ito, kaya nawala ang kagalakan niya at pagkakontento. Naisip pa nga niyang kulang ang pagpapalang natatanggap niya sa paglilingkod kay Jehova.—Awit 73:2-5, 7, 12-14, 16, 17, 21. w19.06 17 ¶12-13
Sabado, Agosto 7
Alam naman natin ang mga pakana [ni Satanas].—2 Cor. 2:11.
Sinasamantala ni Satanas ang normal na gusto ng tao. Normal lang na gusto nating matuto ng mga kasanayan para matustusan ang ating sarili at ang ating pamilya. (1 Tim. 5:8) Para matuto ng mga kasanayang ito, kadalasan nang kailangan nating pumasok sa eskuwela at magpursigi sa pag-aaral. Pero dapat tayong mag-ingat. Ang mga paaralan sa maraming bansa ay nagtuturo hindi lang ng mga kasanayan, kundi ng pilosopiya rin ng tao. Tinuturuan nito ang mga estudyante na kuwestiyunin ang pag-iral ng Diyos at bale-walain ang Bibliya. Sinasabi nito na matatalino raw ang naniniwala sa ebolusyon. (Roma 1:21-23) Ang gayong mga turo ay salungat sa “karunungan ng Diyos.” (1 Cor. 1:19-21; 3:18-20) Maging determinadong huwag magpabihag sa “pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya” ng sanlibutan ni Satanas. (Col. 2:8) Huwag magpadaya sa mga taktika ni Satanas. (1 Cor. 3:18) Huwag hayaang maging malabo sa iyo ang pagkakakilanlan ni Jehova. Sundin ang mataas na pamantayan ni Jehova sa moral. At huwag bale-walain ang payo ni Jehova. w19.06 5 ¶13; 7 ¶17
Linggo, Agosto 8
[Turuan sila] na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.—Mat. 28:20.
Anuman ang mapili mong paksa, isipin ang makakausap mo. Isipin kung paano sila makikinabang sa itinuturo ng Bibliya. Kapag nakikipag-usap sa kanila, mahalagang pakinggan at igalang ang opinyon nila. Sa gayon, mas maiintindihan mo sila, at malamang na makinig sila sa iyo. Bago magpa-Bible study ang isang tao, baka kailangan mo muna siyang pagtiyagaang balik-balikan. Bakit? Baka kasi wala siya o hindi siya puwede sa ilang pagdalaw mo. Gayundin, baka kailangan mo munang balikan nang ilang beses ang may-bahay bago siya maging komportable na magpa-Bible study sa iyo. Tandaan, lalago ang isang halaman kapag lagi itong dinidiligan. Sa katulad na paraan, ang pag-ibig ng isang interesado para kay Jehova at kay Kristo ay malamang na lumago rin kung regular natin siyang kakausapin tungkol sa Salita ng Diyos. w19.07 14 ¶1; 15-16 ¶7-8
Lunes, Agosto 9
Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao at kapag itinatakwil nila kayo at nilalait kayo at nilalapastangan ang inyong pangalan dahil sa Anak ng tao.—Luc. 6:22.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na dapat matuwa ang mga Kristiyano kapag kinapopootan sila ng mga tao. Sinasabi lang niya ang puwedeng mangyari sa atin. Hindi tayo bahagi ng sanlibutan. Isinasabuhay natin ang mga turo ni Jesus at ipinapangaral ang mensaheng ipinangaral niya. Dahil dito, kinapopootan tayo ng sanlibutan. (Juan 15:18-21) Gusto nating pasayahin si Jehova. Kung kinapopootan tayo ng mga tao dahil mahal natin ang ating Ama, problema na nila iyon. Gustong-gusto nating igalang tayo ng iba, pero hindi doon masusukat ang halaga natin. Hindi natin alam kung kailan tayo daranas ng pag-uusig o pagbabawal sa ating gawain. Pero alam nating mapaghahandaan natin ito ngayon pa lang kung patitibayin natin ang ating kaugnayan kay Jehova, palalakasin ang ating loob, at dadaigin ang takot sa tao. Tutulungan tayo nitong makapanindigan sa hinaharap. w19.07 6 ¶17-18; 7 ¶21
Martes, Agosto 10
Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral.—Heb. 11:6.
Kapag nagtuturo tayo ng Bibliya sa mga taong hindi relihiyoso, dapat na lagi nating patibayin ang kanilang pananampalataya na talagang may Diyos. At tulungan din natin sila na maniwala sa Bibliya. Para magawa iyan, baka kailangan nating ulit-ulitin sa kanila ang ilang punto. Tuwing magba-Bible study, baka kailangan nating talakayin sandali ang mga patunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at banggitin ang mga natupad na hula sa Bibliya, ang pagiging tumpak nito pagdating sa siyensiya at kasaysayan, o ang praktikal na karunungan nito. Matutulungan natin ang mga tao na maging alagad ni Kristo kung magpapakita tayo ng pag-ibig sa kanila, relihiyoso man sila o hindi. (1 Cor. 13:1) Habang tinuturuan natin sila, ang tunguhin natin ay maipakitang mahal tayo ng Diyos at gusto niya na mahalin din natin siya. Taon-taon, libo-libong tao na dating hindi gaanong interesado o walang interes sa relihiyon ang nababautismuhan dahil lumalim ang pag-ibig nila sa Diyos. Kaya maging positibo, at magkaroon ng pag-ibig at interes sa lahat ng uri ng tao. Makinig sa kanila. Sikaping unawain sila. Turuan silang maging alagad ni Kristo sa pamamagitan ng iyong halimbawa. w19.07 24 ¶16-17
Miyerkules, Agosto 11
Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.—Heb. 13:16.
Ang mga anak na babae ni Salum ay kabilang sa mga ginamit ni Jehova sa pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 2:20; 3:12) Kahit tagapamahala ang ama nila, handa silang makibahagi sa mahirap at mapanganib na gawaing iyon. (Neh. 4:15-18) Sa ngayon, handa ring tumulong ang mga sister sa isang pantanging uri ng sagradong paglilingkod—ang pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling inialay kay Jehova. Ang kanilang kakayahan, sigla, at katapatan ay mahalaga para magtagumpay ang gawaing ito. Dahil pinakilos ni Jehova si Tabita, ‘napakarami niyang ginawang mabuti, at naging matulungin siya sa mahihirap,’ lalo na sa mga biyuda. (Gawa 9:36) Bukas-palad siya at mabait, kaya marami ang nagdalamhati nang mamatay siya. Pero tuwang-tuwa sila nang buhayin siyang muli ni apostol Pedro. (Gawa 9:39-41) Ano ang matututuhan natin kay Tabita? Bata man tayo o matanda, lalaki o babae, makakatulong tayo sa mga kapatid natin sa praktikal na paraan. w19.10 23 ¶11-12
Huwebes, Agosto 12
[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay, para manatili kayong taimtim at wala kayong matisod.—Fil. 1:10, tlb.
Paano tayo puwedeng makatisod? Pag-isipan ang sitwasyong ito. Napagtagumpayan ng isang Bible study ang kaniyang adiksiyon sa alak. Nagdesisyon siyang hinding-hindi na siya iinom ng alak, at sumulong siya hanggang sa mabautismuhan siya. Pero minsan, sa isang salusalo ng mga kapatid, hinikayat siya ng host na uminom ng alak. Sinabi nito: “May pagpipigil ka na sa sarili. Kaya hindi ka mapaparami ng inom.” Alam na natin kung ano ang puwedeng mangyari sa baguhang brother kung makikinig siya sa maling payong iyon! Nakakatulong ang mga Kristiyanong pagpupulong para masunod natin ang payo sa teksto sa araw na ito. Naipapaalaala sa atin ng mga tinatalakay sa pulong kung ano ang pinakamahalaga kay Jehova at kung paano isasabuhay ang mga napag-aaralan natin para maipakitang taimtim tayo, o walang kapintasan. Napapatibay rin tayo nito na ibigin ang Diyos at ang ating mga kapatid. At kapag mahal natin ang Diyos at ang mga kapatid natin nang buong puso, gagawin natin ang lahat para hindi tayo makatisod sa iba. w19.08 10 ¶9; 11 ¶13-14
Biyernes, Agosto 13
Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat- dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.—1 Cor. 15:9.
Hindi dahil may kumpiyansa sa sarili ang isa o prangka siyang magsalita, mayabang na siya. (Juan 1:46, 47) Pero anuman ang personalidad natin, lahat tayo ay dapat magsikap na maging tunay na mapagpakumbaba. Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Ginamit siya nang husto ni Jehova sa pagtatatag ng mga kongregasyon. Baka nga mas marami pa siyang nagawa sa ministeryo kaysa sa ibang apostol ni Jesu-Kristo. Pero hindi niya iniangat ang sarili niya. Kinilala niya na ang kaniyang malapít na kaugnayan kay Jehova ay hindi dahil sa husay niya o sa dami ng kaniyang nagawa, kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1 Cor. 15:10) Magandang halimbawa si Pablo sa pagiging mapagpakumbaba. Nang isulat niya ang liham niya sa mga taga-Corinto, hindi niya ipinagmalaki ang mga nagawa niya kahit minamaliit siya ng ilang kapatid doon!—2 Cor. 10:10. w19.09 3 ¶5-6
Sabado, Agosto 14
Hindi ba dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama?—Heb. 12:9.
Ang isang dahilan kung bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan ay dahil nagmana tayo ng kasalanan at hindi tayo sakdal. Kaya may tendensiya tayong magrebelde. Nang magrebelde sa Diyos sina Adan at Eva at kumain ng ipinagbabawal na bunga, para na ring gumawa sila ng sarili nilang pamantayan. (Gen. 3:22) Sa ngayon, binabale-wala rin ng karamihan si Jehova, at sila ang nagpapasiya kung ano ang tama at mali. Kahit ang mga nakakakilala at umiibig kay Jehova ay baka nahihirapan ding magpasakop nang lubusan sa kaniya. Naranasan iyan ni apostol Pablo. (Roma 7:21-23) Gaya ni Pablo, gusto rin nating gawin ang tama sa paningin ni Jehova. Pero kailangan nating patuloy na labanan ang tendensiyang gumawa ng mali. Ang isa pang dahilan kung bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan ay dahil sa kulturang kinalakhan natin. Maraming ideya ang tao na salungat sa gusto ni Jehova, kaya kailangan nating patuloy na magsikap para hindi tayo maimpluwensiyahan ng kaisipan nila. w19.09 15 ¶4-6
Linggo, Agosto 15
Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan, . . . at maging tagasunod kita.—Mar. 10:21.
Dapat tayong maging makatuwiran dahil limitado lang ang lakas natin. Kaya dapat na isipin nating mabuti kung saan natin ito gagamitin. Halimbawa, puwedeng maubos ang lakas natin sa pag-iipon ng kayamanan. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa isang mayamang lalaking nagtanong sa kaniya: “Ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?” Malamang na mabuting tao siya dahil sinabi sa Ebanghelyo ni Marcos na “nakadama ng pagmamahal sa kaniya” si Jesus. Kaya inanyayahan siya ni Jesus. Nahirapang magdesisyon ang lalaki, pero lumilitaw na hindi niya kayang isakripisyo ang ‘marami niyang pag-aari.’ (Mar. 10:17-22) Kaya tinanggihan niya ang pamatok ni Jesus at patuloy na nagpaalipin “sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Kung ikaw ang lalaking iyon, ano ang gagawin mo? Sa pana-panahon, magandang suriin natin ang mga priyoridad natin sa buhay. Bakit? Para matiyak na ginagamit natin ang ating lakas sa matalinong paraan. w19.09 24 ¶17-18
Lunes, Agosto 16
Kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.—Mar. 13:10.
Patuloy nating ipangangaral ang tungkol sa Kaharian hangga’t hindi pa sinasabi ni Jehova na tapós na ang gawaing ito. Gaano pa kahabang panahon ang natitira para makilala ng mga tao ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo? (Juan 17:3) Hindi natin alam. Ang alam natin, hangga’t hindi pa nagsisimula ang malaking kapighatian, ang sinumang “nakaayon sa buhay na walang hanggan” ay may pagkakataon pang tumanggap ng mabuting balita at maglingkod kay Jehova. (Gawa 13:48) Paano natin matutulungan ang mga taong ito bago mahulí ang lahat? Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, ibinibigay ni Jehova ang lahat ng kailangan natin para maituro sa mga tao ang katotohanan. Halimbawa, sinasanay tayo linggo-linggo sa pulong sa gitnang sanlinggo. Natututuhan natin dito kung ano ang sasabihin sa unang pag-uusap at sa mga pagdalaw-muli. At kung pagkatapos mong makipag-usap sa isang interesado ay nakapag-iwan ka ng tract o magasin, may mababasa siyang karagdagang impormasyon hanggang sa mabalikan mo siya. Pananagutan ng bawat isa sa atin na manatiling abala sa pangangaral tungkol sa Kaharian bawat buwan. w19.10 9 ¶7; 10 ¶9-10
Martes, Agosto 17
Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.—Heb. 13:16.
Ipinangako ni Jehova kay Simeon, isang tapat at may-edad nang lalaki sa Jerusalem, na makikita niya ang Mesiyas bago siya mamatay. Siguradong napatibay si Simeon ng pangakong iyan, dahil maraming taon na niyang hinihintay ang Mesiyas. Ginantimpalaan ang kaniyang pananampalataya at pagtitiis. Isang araw, “sa patnubay ng espiritu,” pumasok siya sa templo. Nakita niya roon ang sanggol na si Jesus, at ginamit ni Jehova si Simeon para sabihin ang hula tungkol sa sanggol na ito na magiging Kristo. (Luc. 2:25-35) Malamang na hindi na nakita ni Simeon ang ministeryo ni Jesus sa lupa, pero pinahalagahan ni Simeon ang naging pribilehiyo niya. At sa hinaharap, marami pa siyang tatanggaping pagpapala! Sa bagong sanlibutan, makikita ng tapat na lalaking iyon ang pamamahala ni Jesus na magbibigay ng pagpapala sa lahat ng pamilya sa lupa. (Gen. 22:18) Nagpapasalamat din tayo sa anumang pribilehiyo na ibinibigay sa atin ni Jehova sa paglilingkod sa kaniya. w19.10 22 ¶7; 23 ¶12
Miyerkules, Agosto 18
Sa lahat ng dapat mong ingatan, ingatan mo ang iyong puso.—Kaw. 4:23.
Mayaman man tayo o mahirap, kailangan nating ingatan ang ating puso. Paano? Huwag mong hayaang magkaroon ka ng pag-ibig sa pera. At huwag mong hayaang maging mas importante sa iyo ang trabaho kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Paano mo malalaman kung nangyayari na iyan sa iyo? Puwede mong pag-isipan: ‘Madalas bang trabaho pa rin ang iniisip ko kahit nasa pulong ako o ministeryo? Lagi ba akong nag-aalala na baka kapusin kami ng pera sa hinaharap? Nagiging problema na ba sa aming mag-asawa ang pera at mga ari-arian? Handa ba akong gumawa ng trabahong mababa sa tingin ng iba para mas makapaglingkod kay Jehova?’ (1 Tim. 6:9-12) Habang pinag-iisipan ang mga tanong na ito, tandaan na mahal tayo ni Jehova at ito ang pangako niya sa mga may debosyon sa kaniya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” Kaya naman isinulat ni apostol Pablo: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera.”—Heb. 13:5, 6. w19.10 29 ¶10
Huwebes, Agosto 19
Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.—Kaw. 27:17.
Kapag gumagawa tayong kasama ng mga kapatid at nakikita natin ang magaganda nilang katangian, natututo tayo at mas napapalapít sa kanila. Halimbawa, sa ministeryo, ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang kaibigan mo na ipinagtatanggol ang pananampalataya niya o sinasabi nang may kombiksiyon ang tungkol kay Jehova at sa mga layunin Niya? Malamang na lalo kang napapalapít sa kaibigan mo. Niyaya ng sister na si Adeline, 23 anyos, ang kaibigan niyang si Candice na mangaral sa seldom-worked territory. “Gusto naming maging mas masigasig sa ministeryo at mas ma-enjoy ito,” ang sabi niya. “Kailangan namin ng pampatibay para mapaglingkuran namin si Jehova nang lubusan.” Paano sila nakinabang sa paggawang magkasama? “Sa pagtatapos ng bawat araw,” ang sabi ni Adeline, “pinag-uusapan namin ang nararamdaman namin, ang nakakapagpatibay na mga karanasan namin, at kung paano namin nadama ang patnubay ni Jehova sa ministeryo. Na-enjoy namin ang ganoong mga pag-uusap, at mas nakilala namin ang isa’t isa.” w19.11 5 ¶10-11
Biyernes, Agosto 20
Kunin . . . ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya.—Efe. 6:16.
Noon, mapapahiya ang isang sundalo kung uuwi siyang walang kalasag. Sinabi ng Romanong istoryador na si Tacitus: “Napakalaking kahihiyan para sa isang sundalo na maiwanan ang kaniyang kalasag.” Iyan ang isang dahilan kung bakit hinahawakang mabuti ng mga sundalo ang kalasag nila. Hinahawakan nating mabuti ang ating kalasag ng pananampalataya sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa pulong at pagsasabi sa iba ng tungkol sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang Kaharian. (Heb. 10:23-25) Binabasa rin natin ang Salita ng Diyos araw-araw at nananalangin tayo kay Jehova na tulungan tayong sundin ang sinasabi nito. (2 Tim. 3:16, 17) Sa gayon, walang anumang sandata si Satanas na permanenteng makakapinsala sa atin. (Isa. 54:17) Poprotektahan tayo ng ating “malaking kalasag ng pananampalataya.” Makakapanindigan tayong kasama ng mga kapatid. Mananalo tayo sa pakikipaglaban natin araw-araw. At higit sa lahat, magiging karangalan nating mapabilang sa panig ni Jesus kapag nanalo na siya sa pakikipagdigma niya kay Satanas at sa mga kampon nito.—Apoc. 17:14; 20:10. w19.11 19 ¶18-19
Sabado, Agosto 21
Hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin.—1 Cor. 9:26.
Matutulungan ka ng malinaw at nakasulat na plano para maisagawa ang desisyon mo. (1 Cor. 14:40) Halimbawa, tinagubilinan ang mga lupon ng matatanda na mag-atas ng elder na magrerekord ng desisyon ng lupon, pati na kung sino ang magsasagawa nito at kung kailan ito dapat matapos. Kapag sinusunod ng mga elder ang tagubiling ito, mas malamang na maisagawa nila ang desisyon nila. Puwede mo ring gayahin iyan sa personal na mga desisyon mo. Halimbawa, puwede mong ilista ayon sa pagkakasunod-sunod ang mga kailangan mong gawin sa araw-araw. Hindi ka lang matutulungan nito na maisagawa ang desisyon mo; mas marami ka ring magagawa sa mas kaunting panahon. Pero kailangan mong magsikap para masunod mo ang plano at matapos ang nasimulan mo. (Roma 12:11) Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na patuloy na “magsikap” at “ibigay . . . ang buong makakaya” para maging mas mahusay na guro. Kailangan din iyan sa iba pang espirituwal na tunguhin.—1 Tim. 4:13, 16. w19.11 29-30 ¶15-16
Linggo, Agosto 22
Kinakausap ni Jehova si Moises nang mukhaan, kung paanong nakikipag-usap ang isang tao sa isa pang tao.—Ex. 33:11.
Nang atasan si Moises na pangunahan ang mga Israelita palabas sa Ehipto, wala siyang kumpiyansa sa sarili at paulit-ulit niyang sinabi kay Jehova na hindi siya karapat-dapat dito. Nagpakita ng awa si Jehova at tinulungan siya. (Ex. 4:10-16) Bilang resulta, nasabi ni Moises sa Paraon ang mensahe ni Jehova. Nakita rin ni Moises nang gamitin ni Jehova ang kapangyarihan Niya para iligtas ang mga Israelita at puksain ang Paraon at ang hukbo nito sa Dagat na Pula. (Ex. 14:26-31; Awit 136:15) Matapos pangunahan ni Moises ang mga Israelita palabas sa Ehipto, nagreklamo nang nagreklamo ang mga ito. Pero napakamatiisin ni Jehova sa pakikitungo niya sa mga taong pinalaya niya sa pagkaalipin, at napansin ito ni Moises. (Awit 78:40-43) Nakita rin ni Moises na talagang mapagpakumbaba si Jehova nang hindi Niya puksain ang mga Israelita dahil sa pakiusap ni Moises. (Ex. 32:9-14) Pagkalabas sa Ehipto, lalong napalapít si Moises kay Jehova; parang nakikita niya ang kaniyang Ama sa langit.—Heb. 11:27. w19.12 17 ¶7-9
Lunes, Agosto 23
Papunta na siya sa Galilea. Doon ninyo siya makikita.—Mat. 28:7.
Mga taga-Galilea ang karamihan sa mga alagad ni Jesus. At dahil marami sila, mas magandang sa isang bundok sa Galilea sila magkita-kita imbes na sa isang bahay sa Jerusalem. Isa pa, nakipagkita na ang binuhay-muling si Jesus sa kaniyang 11 apostol sa isang bahay sa Jerusalem. Kaya kung ang mga apostol lang ang inutusan ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad, sinabi na sana niya ito sa kanila noong magkakasama sila sa Jerusalem imbes na papuntahin pa sila sa Galilea, kasama ang mga babae, at ang iba pa. (Luc. 24:33, 36) Ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad ay hindi lang para sa mga Kristiyano noon. Paano natin nalaman? Sa huling bahagi ng tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, sinabi niya: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:19, 20) Talaga ngang marami ang gumagawa ng mga alagad sa ngayon! Sa katunayan, halos 300,000 ang nababautismuhan taon-taon bilang Saksi ni Jehova at nagiging alagad ni Jesu-Kristo! w20.01 2 ¶1; 3 ¶5-6
Martes, Agosto 24
Inalaala niya tayo nang tayo ay lugmok.—Awit 136:23.
Kabataan pero may malubhang sakit. Tumatanda na at hindi na makahanap ng trabaho. Dahil may-edad na, hindi mo na magawa ang mga nagagawa mo dati para kay Jehova. Kung ang sitwasyon mo ay katulad ng isa sa mga nabanggit, baka maisip mo na wala ka nang halaga. Baka mawala ang kagalakan mo at paggalang sa sarili, at posibleng maapektuhan din ang kaugnayan mo sa iba. Kitang-kita sa mundong ito ang pananaw ni Satanas sa buhay ng tao. Noon pa man, hindi na pinapahalagahan ni Satanas ang mga tao. Napakasama niya dahil inialok pa rin niya kay Eva ang kalayaan kahit na alam niyang ikamamatay nito ang pagsuway sa Diyos. Si Satanas ang may kontrol sa sanlibutang ito. Kaya hindi na tayo magtataka kung walang pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng mga tao ang maraming lider nito. Sa kabaligtaran, gusto ni Jehova na maramdaman nating mahalaga tayo, at tinutulungan niya tayo kapag napapaharap tayo sa mga sitwasyong nakakasira ng loob.—Roma 12:3. w20.01 14 ¶1-4
Miyerkules, Agosto 25
Huwag kang manghula sa pangalan ni Jehova; kung hindi ay papatayin ka namin.—Jer. 11:21.
Sa loob ng 40 taon o higit pa, namuhay si Jeremias sa gitna ng mga taong di-tapat, kasama na diyan ang mga kapitbahay at posibleng ilang kamag-anak niya sa kanilang bayan na Anatot. (Jer. 12:6) Pero hindi niya ibinukod ang sarili niya. Sa katunayan, sinabi niya sa tapat na kalihim niyang si Baruc ang niloloob niya, at nalaman din natin ito dahil napaulat ito sa Bibliya. (Jer. 8:21; 9:1; 20:14-18; 45:1) Siguradong lumalim ang pagkakaibigan nila at paggalang sa isa’t isa habang isinusulat ni Baruc ang mga nangyari kay Jeremias. (Jer. 20:1, 2; 26:7-11) Sa loob ng maraming taon, lakas-loob na nagbabala si Jeremias sa mga Israelita tungkol sa mangyayari sa Jerusalem. (Jer. 25:3) Para bigyan pa ng pagkakataong magsisi ang bayan, inutusan ni Jehova si Jeremias na isulat sa balumbon ang Kaniyang mga babala. (Jer. 36:1-4) Habang nagtutulungan sina Jeremias at Baruc sa atas na ito mula sa Diyos, na posibleng tumagal nang ilang buwan, siguradong nakapagpatibayan sila. w19.11 2-3 ¶3-4
Huwebes, Agosto 26
Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.—Mat. 23:12.
Paano natin dapat pakitunguhan ang mga pinahiran? Hindi tama na sobrang humanga sa isang tao, kahit pa isa siyang pinahirang kapatid ni Kristo. (Mat. 23:8-11) Halimbawa, nang banggitin sa Bibliya ang tungkol sa mga elder, pinayuhan tayong “tularan . . . ang pananampalataya nila,” pero hindi nito sinabi na dapat nating sundin bilang lider ang sinumang tao. (Heb. 13:7) Totoo, sinasabi ng Bibliya na may mga elder na “karapat-dapat sa dobleng karangalan.” Pero hindi ito dahil sa pinahiran sila, kundi dahil sa “nangangasiwa [sila] sa mahusay na paraan” at “nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Tim. 5:17) Kung bibigyan natin ng sobrang papuri at atensiyon ang mga pinahiran, baka mailang sila. O mas masama pa nga, baka maging mapagmataas sila. (Roma 12:3) Ayaw nating makagawa ng seryosong pagkakamali ang isang pinahiran dahil sa atin!—Luc. 17:2. w20.01 29 ¶8
Biyernes, Agosto 27
Bukod sa lahat ng paghihirap na iyon, . . . nag-aalala [ako] para sa lahat ng kongregasyon.—2 Cor. 11:28.
Maraming dahilan si apostol Pablo para mag-alala. Nag-alala siya sa mga problemang napapaharap sa mga kapatid. (2 Cor. 2:4) Binugbog at ipinabilanggo siya ng mga mang-uusig. Naging “kapos” din siya, na posibleng maging dahilan ng pag-aalala. (Fil. 4:12) Sa mga paglalakbay niya, mga tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan niya, kaya malamang na alalang-alala siya tuwing sumasakay ng barko. (2 Cor. 11:23-27) Paano hinarap ni Pablo ang mga ito? Nag-aalala si Pablo sa mga kapatid niya kapag napapaharap sila sa problema, pero hindi niya sinubukan na solusyunang mag-isa ang lahat ng problema nila. Mapagpakumbaba si Pablo. Humingi siya ng tulong sa iba, sa mga maaasahang lalaking gaya nina Timoteo at Tito. Talagang nakatulong sila para mabawasan ang pag-aalala ni Pablo.—Fil. 2:19, 20; Tito 1:1, 4, 5. w20.02 23 ¶11-12
Sabado, Agosto 28
Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.—Efe. 6:1.
Inaasahan ni Jehova na susundin din natin siya. Dapat lang natin siyang sundin dahil siya ang ating Maylalang, ang Tagatustos ng buhay, at ang pinakamatalino sa lahat ng magulang. Pero ang pangunahing dahilan kung bakit natin siya sinusunod ay dahil mahal natin siya. (1 Juan 5:3) Maraming dahilan kung bakit dapat tayong sumunod kay Jehova, pero hindi niya tayo pinipilit na gawin iyan. Binigyan niya tayo ng kalayaang magpasiya, kaya natutuwa siya kapag sumusunod tayo sa kaniya dahil sa pag-ibig. Gusto ng mga magulang na maging ligtas ang mga anak nila. Kaya naman nagtatakda sila ng mga patakaran. Kapag sinusunod ito ng mga anak, ipinapakita nilang may tiwala at paggalang sila sa mga magulang nila. Lalo ngang mahalaga na malaman natin ang mga pamantayan ni Jehova at sumunod sa mga ito. Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita nating si Jehova ay mahal natin at iginagalang, at nakikinabang din tayo. (Isa. 48:17, 18) Pero ang mga hindi sumusunod kay Jehova at sa mga pamantayan niya ay napapahamak.—Gal. 6:7, 8. w20.02 9-10 ¶8-9
Linggo, Agosto 29
Hayaan mong magsalita ang iyong aliping babae, at makinig ka sa sasabihin ng iyong aliping babae.—1 Sam. 25:24.
Gaya ni Abigail, kailangan nating lakas-loob na magsalita kapag nakita nating napapalihis ng landas ang isang kapatid. (Awit 141:5) Pero dapat pa rin tayong maging magalang. Kapag nagbibigay tayo ng kinakailangang payo sa isang kapatid, pinapatunayan nating tayo ay tunay na kaibigan. (Kaw. 27:17) Ang mga elder ang lalo nang dapat may lakas ng loob na makipag-usap sa isang kapatid na nakagawa ng maling hakbang. (Gal. 6:1) Alam ng mapagpakumbabang mga elder na hindi rin sila perpekto at mangangailangan din sila ng payo. Pero hindi ito makakapigil sa kanila sa pagsaway sa mga nangangailangan ng disiplina. (2 Tim. 4:2; Tito 1:9) Kapag nagpapayo sila, sinisikap nilang maging mataktika at matiyaga. Mahal nila ang mga kapatid, at iyon ang nagpapakilos sa kanila na tumulong. (Kaw. 13:24) Pero ang pangunahin sa kanila ay ang maparangalan si Jehova; gusto nilang itaguyod ang mga pamantayan niya at protektahan ang kongregasyon.—Gawa 20:28. w20.03 20 ¶8-9
Lunes, Agosto 30
May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.—Fil. 4:13.
Pinangyari ni Jehova si Moises na maging tagapagligtas ng mga Israelita. Pero kailan siya ginamit ni Jehova? Noon bang madama ni Moises na kuwalipikado siya matapos ‘ituro sa kaniya ang lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo’? (Gawa 7:22-25) Hindi. Ginamit lang ni Jehova si Moises matapos Niya itong tulungang maging mapagpakumbaba at mahinahon. (Gawa 7:30, 34-36) Binigyan ni Jehova si Moises ng lakas ng loob na humarap sa pinakamakapangyarihang tagapamahala ng Ehipto. (Ex. 9:13-19) Matututuhan natin dito na ginagamit ni Jehova ang mga tumutulad sa mga katangian niya at ang mga umaasa sa kaniya para sa lakas. Sa buong kasaysayan, ginamit ni Jehova ang mga lingkod niya sa iba’t ibang paraan. Sa anong paraan ka gagamitin ni Jehova? Nakadepende iyan nang malaki sa pagiging handa mong ibigay ang iyong buong makakaya. (Col. 1:29) Kung handa kang magpagamit kay Jehova, puwede ka niyang gawing masigasig na ebanghelisador, mahusay na tagapagturo, nakakapagpatibay na tagaaliw, magaling na manggagawa, matulunging kaibigan, o anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya. w19.10 21 ¶5; 25 ¶14
Martes, Agosto 31
Tinatawag ko kayong mga kaibigan.—Juan 15:15.
Tutulungan tayo ng mabubuting kaibigan na manatiling tapat kay Jehova. At magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan kung mabuti rin tayong kaibigan. (Mat. 7:12) Halimbawa, ipinapayo ng Bibliya na gamitin natin ang ating panahon at lakas para sa iba, lalo na sa mga “nangangailangan.” (Efe. 4:28) Kapag nakapokus tayo sa pagtulong sa iba, magiging masaya tayo. (Gawa 20:35) Tutulungan tayo ng mga kaibigan natin na manatiling panatag kapag may problema tayo. Kung paanong nakinig si Elihu habang sinasabi ni Job ang mga pinagdaraanan niya, natutulungan tayo ng mga kaibigan natin kapag matiyaga silang nakikinig sa ating mga ikinababahala. (Job 32:4) Hindi natin dapat asahang sila ang magdedesisyon para sa atin, pero makabubuti ring pakinggan natin ang payo nila mula sa Bibliya. (Kaw. 15:22) At kung paanong mapagpakumbabang tinanggap ni Haring David ang tulong ng mga kaibigan niya, mapagpakumbaba rin nating tanggapin ang tulong ng ating mga kaibigan kapag nangailangan tayo. (2 Sam. 17:27-29) Oo, ang ganoong mga kaibigan ay regalo ni Jehova.—Sant. 1:17. w19.04 11 ¶12; 12 ¶14-15