Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es21
  • Hulyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hulyo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2021
  • Subtitulo
  • Huwebes, Hulyo 1
  • Biyernes, Hulyo 2
  • Sabado, Hulyo 3
  • Linggo, Hulyo 4
  • Lunes, Hulyo 5
  • Martes, Hulyo 6
  • Miyerkules, Hulyo 7
  • Huwebes, Hulyo 8
  • Biyernes, Hulyo 9
  • Sabado, Hulyo 10
  • Linggo, Hulyo 11
  • Lunes, Hulyo 12
  • Martes, Hulyo 13
  • Miyerkules, Hulyo 14
  • Huwebes, Hulyo 15
  • Biyernes, Hulyo 16
  • Sabado, Hulyo 17
  • Linggo, Hulyo 18
  • Lunes, Hulyo 19
  • Martes, Hulyo 20
  • Miyerkules, Hulyo 21
  • Huwebes, Hulyo 22
  • Biyernes, Hulyo 23
  • Sabado, Hulyo 24
  • Linggo, Hulyo 25
  • Lunes, Hulyo 26
  • Martes, Hulyo 27
  • Miyerkules, Hulyo 28
  • Huwebes, Hulyo 29
  • Biyernes, Hulyo 30
  • Sabado, Hulyo 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2021
es21

Hulyo

Huwebes, Hulyo 1

Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo.​—Fil. 4:6.

Kapag pinagsalitaan o ginawan tayo ng masama, baka malungkot tayo o masaktan. Totoo iyan lalo na kapag ang gumawa nito ay malapít nating kaibigan o kapamilya. Kapag nag-aalala tayo, marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Hana sa Bibliya, na laging iniinsulto nang husto ng karibal niya. (1 Sam. 1:12) Gaya ni Hana, puwede rin tayong manalangin nang matagal kay Jehova at sabihin sa kaniya ang ating mga álalahanín at ikinatatakot. Hindi rin natin kailangang maging makata o sobrang pormal kapag nananalangin. Baka nga makapagsalita pa tayo nang padalos-dalos habang umiiyak. Pero hindi mapapagod si Jehova na pakinggan tayo. Bukod sa pananalangin tungkol sa mga problema natin, kailangan din nating tandaan ang payo sa Filipos 4:6, 7. Espesipikong binanggit ni apostol Pablo na kailangan nating isama sa panalangin ang pasasalamat. Napakarami nating dahilan para magpasalamat kay Jehova—kasama na diyan ang regalong buhay, ang magagandang gawa niya, ang kaniyang tapat na pag-ibig, at ang pag-asang ibinigay niya sa atin. w20.02 21 ¶3; 22 ¶6

Biyernes, Hulyo 2

May . . . panahon ng pagsasalita.​—Ecles. 3:1, 7.

Ang kakayahang magsalita ay regalo mula kay Jehova. (Ex. 4:10, 11; Apoc. 4:11) Sa Bibliya, ipinaalám niya sa atin kung paano iyan gagamitin nang tama. Dapat na lagi tayong handang magsalita tungkol kay Jehova at sa Kaharian. (Mat. 24:14; Roma 10:14) Kapag ginawa natin ito, tinutularan natin si Jesus. Isa sa pangunahing dahilan kung bakit bumaba si Jesus sa lupa ay para sabihin sa iba ang katotohanan tungkol sa kaniyang Ama. (Juan 18:37) Pero dapat nating tandaan na mahalaga rin kung paano tayo nagsasalita. Kaya kapag nakikipag-usap sa iba tungkol kay Jehova, dapat na “mahinahon [tayo] at may matinding paggalang” at dapat nating ipakita na mahalaga sa atin ang nararamdaman at pinaniniwalaan ng kausap natin. (1 Ped. 3:15) Sa paggawa nito, hindi lang tayo basta nagsasalita, nagtuturo din tayo at posibleng maabot natin ang puso ng kausap natin. Hindi dapat magdalawang-isip ang mga elder na magsalita kapag kailangang payuhan ang isang kapatid. Siyempre, kailangan nilang pumili ng tamang pagkakataon para hindi mapahiya ang kapatid. w20.03 18-19 ¶2-4

Sabado, Hulyo 3

Patuloy kayong . . . manalangin.​—Mat. 26:41.

Ano ang puwede nating ipanalangin? Puwede nating ipanalangin kay Jehova na ‘bigyan tayo ng higit pang pananampalataya.’ (Luc. 17:5; Juan 14:1) Kailangan natin ng pananampalataya dahil susubukin ni Satanas ang lahat ng sumusunod kay Jesus. (Luc. 22:31) Paano tayo tutulungan ng pananampalataya? Kapag nagawa na natin ang lahat para maharap ang problema, makakatulong ang pananampalataya para ipaubaya na natin kay Jehova ang lahat. Dahil nagtitiwala tayong mas alam niya ang dapat gawin, magiging payapa ang ating isip at puso. (1 Ped. 5:6, 7) Makakatulong ang panalangin para manatiling payapa ang ating isip anumang problema ang dumating. Tingnan natin ang halimbawa ni Robert, isang tapat na elder na mahigit nang 80. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang Filipos 4:6, 7 para makayanan ang maraming pagsubok. Nagkaproblema ako sa pera. At pansamantala akong nawala sa pagiging elder.” Ano ang nakatulong kay Robert para manatiling payapa ang kaniyang isip? “Nananalangin agad ako kapag nagsisimula na akong ma-stress,” ang sabi niya. “Habang dumadalas at nagiging mas marubdob ang panalangin ko, lalo akong napapanatag.” w19.04 9-10 ¶5-7

Linggo, Hulyo 4

Laban sa iyo—higit sa lahat—ay nagkasala ako.​—Awit 51:4.

Ang pang-aabuso sa bata ay kasalanan sa Diyos. Kapag nagkakasala ang isang tao sa kaniyang kapuwa, nagkakasala rin siya kay Jehova. Tingnan ang isang halimbawa sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel. Sinasabi sa Kautusan na ang nagnanakaw at nandaraya ay gumagawi “nang di-tapat kay Jehova.” (Lev. 6:2-4) Kung gayon, ang sinuman sa kongregasyon na nang-aabuso sa bata ay hindi nagiging tapat sa Diyos dahil inaalisan niya ng kapanatagan ang bata. Sinisira niya ang pangalan ni Jehova. Kaya maliwanag na ang pang-aabuso ay isang kasuklam-suklam na kasalanan sa Diyos, at dapat din natin itong kasuklaman. Tinalakay sa Ang Bantayan at Gumising! kung paano haharapin ng mga minolestiya ang trauma na idinulot nito sa kanila, kung paano makakatulong at makapagpapatibay ang iba, at kung paano mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga elder ay tumatanggap ng detalyadong tagubilin batay sa Kasulatan kung ano ang dapat gawin kapag may mga kaso ng pang-aabuso sa bata. Patuloy na sinusuri ng organisasyon ang mga tagubiling ibinibigay nito sa mga elder sa ganitong mga kaso. w19.05 9-10 ¶8-9

Lunes, Hulyo 5

Dapat ba silang sumangguni sa mga patay para sa mga buháy?​—Isa. 8:19.

Ang Salita ng Diyos ay gaya ng matalas na tabak, at kaya nitong laslasin, wika nga, o ilantad ang mga kasinungalingan ni Satanas. (Efe. 6:17) Halimbawa, inilalantad ng Salita ng Diyos ang kasinungalingan na puwedeng makipag-usap ang patay sa mga buháy. (Awit 146:4) Ipinaaalaala rin nito na si Jehova lang ang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. (Isa. 45:21; 46:10) Kung regular nating babasahin at bubulay-bulayin ang Salita ng Diyos, hindi tayo maniniwala, at mapopoot pa nga tayo, sa mga kasinungalingan ng masasamang espiritu. Kaya huwag gumawa ng anumang bagay na may kaugnayan sa espiritismo. Bilang tunay na mga Kristiyano, hindi tayo nagsasagawa ng anumang uri ng espiritismo. Halimbawa, hindi tayo nagpupunta sa espiritista at hindi rin natin sinusubukang makipag-usap sa patay sa anumang paraan. Iniiwasan natin ang mga kaugalian sa patay na kaayon ng paniniwalang nananatiling buháy ang espiritu ng patay. Hindi rin natin sinusubukang alamin ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng astrolohiya o panghuhula. Mapanganib ang gayong mga gawain, at sa pamamagitan nito, baka direkta na tayong nakikipag-ugnayan kay Satanas at sa mga demonyo. w19.04 21-22 ¶8-9

Martes, Hulyo 6

Dahil gusto nilang sundin ang puso nila, pinabayaan na sila ng Diyos na gumawa ng karumihan.​—Roma 1:24.

Pinagtatawanan ng mga taong nakikinig sa karunungan ng sanlibutan ang pamantayan ng Bibliya sa moralidad. Para sa kanila, imposible itong masunod. Baka itinatanong nila, ‘Bakit pa tayo nilalang ng Diyos na may pagnanasa kung uutusan din lang tayo na pigilin iyon?’ Akala kasi nila, kapag nakaramdam sila nito, hindi nila ito dapat kontrolin. Pero iba ang sinasabi ng Bibliya. Binibigyang-dangal tayo nito sa pagsasabing kung gugustuhin natin, puwede nating pigilin ang maling pagnanasa. (Col. 3:5) Bukod diyan, nagbigay si Jehova ng kaloob na pag-aasawa, isang kaayusan para masapatan ang ating seksuwal na pagnanasa sa marangal na paraan. (1 Cor. 7:8, 9) Di-gaya ng karunungan ng sanlibutan, ang Bibliya ay nagtuturo sa atin ng tamang pananaw sa sex. Sinasabi nito na ang sex ay nagbibigay ng kaligayahan. (Kaw. 5:18, 19) Pero sinasabi rin ng Bibliya: “Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal at marangal, na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa.”​—1 Tes. 4:4, 5. w19.05 22-23 ¶7-9

Miyerkules, Hulyo 7

Lulusubin mo silang gaya ng bagyo, . . . ikaw at ang lahat ng hukbo mo at ang maraming bayan na kasama mo.​—Ezek. 38:9.

Hindi hahayaan ng Diyos na puksain ng mga bansa ang kaniyang bayan. Ipinagmamalaki nilang taglay nila ang pangalan ng Diyos, at sinunod nila ang kaniyang utos na lumabas sa Babilonyang Dakila. (Gawa 15:16, 17; Apoc. 18:4) Nagsisikap din silang tulungan ang iba na lumabas sa Babilonyang Dakila. Kaya hindi madadamay “sa mga salot niya” ang bayan ni Jehova. Pero masusubok pa rin ang pananampalataya nila. (Ezek. 38:2, 8) Matapos mapuksa ang lahat ng huwad na relihiyon, ang bayan ng Diyos na lang ang matitira, gaya ng isang punong nanatiling nakatayo sa kabila ng napakalakas na bagyo. Siyempre, mag-iinit sa galit si Satanas. Kaya gagamit siya ng “maruruming mensahe,” o maling impormasyon mula sa mga demonyo, para udyukan ang koalisyon ng mga bansa na lusubin ang bayan ni Jehova. (Apoc. 16:13, 14) Ang koalisyong ito ay tinatawag na “Gog ng lupain ng Magog.” Kapag nilusob na ng mga bansa ang bayan ni Jehova, magsisimula na ang digmaan ng Armagedon.​—Apoc. 16:16. w19.09 11 ¶12-13

Huwebes, Hulyo 8

Walang saysay ang mga pangangatuwiran ng marurunong.​—1 Cor. 3:20.

Sa Israel noon, ginamit ni Satanas ang huwad na relihiyon para itaguyod ang imoralidad. Ganiyan din ang ginagawa niya ngayon. Kinukunsinti ng huwad na relihiyon ang imoral na mga gawain at pinagmumukha pa nga itong katanggap-tanggap. Kaya naman maraming nag-aangking relihiyoso ang hindi na sumusunod sa malinaw na mga pamantayan ng Diyos sa moral. Sa sulat ni apostol Pablo sa mga taga-Roma, ipinaliwanag niya ang resulta nito. (Roma 1:28-31) Kasama sa “mga bagay na hindi nararapat” ang lahat ng uri ng seksuwal na imoralidad, pati na ang homoseksuwalidad. (Roma 1:24-27, 32; Apoc. 2:20) Napakahalaga ngang sumunod sa malinaw na mga turo ng Bibliya! Binabale-wala o kinokontra ng pilosopiya ng tao ang matuwid na pamantayan ni Jehova. Itinataguyod nito ang “mga gawa ng laman” sa halip na bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal. 5:19-23) Tinuturuan nito ang mga tao na maging mayabang, kaya ‘nagiging makasarili’ sila. (2 Tim. 3:2-4) Salungat iyan sa pagiging maamo at mapagpakumbaba—mga katangiang gusto ng Diyos para sa mga lingkod niya.​—2 Sam. 22:28. w19.06 5-6 ¶12-14

Biyernes, Hulyo 9

Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.​—Kaw. 17:17.

Naglingkod si Elias kay Jehova noong mahihirap na panahon at napaharap siya sa matinding mga hamon. Sinabi ni Jehova kay Elias na iatas kay Eliseo ang ilang responsibilidad dahil gusto Niyang bigyan si Elias ng makakasama. Tiyak na nakatulong si Eliseo kay Elias na makayanan ang mga problema. Gayundin, kapag sinasabi natin ang ating pinagdaraanan sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, gagaan ang pakiramdam natin. (2 Hari 2:2) Kung pakiramdam mo ay wala kang mapagsabihan ng problema, manalangin kay Jehova na makahanap ka sana ng isang may-gulang na Kristiyanong magpapatibay sa iyo. Tinulungan ni Jehova si Elias na makayanan ang stress at makapaglingkod nang tapat sa loob ng maraming taon. Nakakapagpatibay ang karanasan ni Elias. Baka pagod na pagod na tayo at pinanghihinaan ng loob dahil sa sobrang stress. Pero kung aasa tayo kay Jehova, bibigyan niya tayo ng lakas para patuloy na makapaglingkod sa kaniya.​—Isa. 40:28, 29. w19.06 15 ¶4; 16 ¶9-10

Sabado, Hulyo 10

Ang panginginig sa harap ng mga tao ay isang bitag, pero ang nagtitiwala kay Jehova ay poprotektahan.​—Kaw. 29:25.

Sa ngayon, mapapalakas natin ang ating loob kapag nangangaral tayo ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Bakit? Dahil kapag nangangaral tayo, natututo tayong magtiwala kay Jehova at napaglalabanan natin ang takot sa tao. Kung paanong lumalakas ang mga muscle natin kapag nag-eehersisyo tayo, lumalakas din ang ating loob kapag nangangaral tayo sa bahay-bahay, sa pampublikong lugar, sa lugar ng negosyo, at sa di-pormal na paraan. Kapag malakas na ang loob nating mangaral ngayon pa lang, magiging handa tayong patuloy na mangaral kahit ipagbawal pa ito ng gobyerno. (1 Tes. 2:1, 2) Marami rin tayong matututuhan sa lakas ng loob ng isang tapat na sister. Si Nancy Yuen ay mga limang talampakan lang ang taas, pero hindi siya madaling takutin. Hindi siya mapigil sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Dahil dito, mahigit 20 taon siyang nabilanggo sa Communist China. Sinabi ng mga opisyal na nag-imbestiga sa kaniya na siya ang “pinakamatigas ang ulo” sa bansa nila! w19.07 5 ¶13-14

Linggo, Hulyo 11

Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.​—Mat. 28:19.

May mga taong gustong-gustong malaman ang mga katotohanan sa Bibliya, pero marami sa nakakausap natin ang parang hindi interesado sa umpisa. Baka may magagawa tayo para makuha ang interes nila. Para maging matagumpay sa ministeryo, dapat nating pag-isipang mabuti ang gagamitin nating presentasyon. Pumili ng mga paksang malamang na magustuhan ng makakausap mo. At planuhin kung paano mo uumpisahan ang iyong presentasyon. Halimbawa, puwede mong sabihin sa may-bahay: “Gusto ko sanang malaman ang opinyon mo. Marami tayong problema sa ngayon na nararanasan din ng ibang tao sa buong mundo. Sa palagay mo, kailangan ba natin ng isang gobyernong mamamahala sa buong mundo para malutas ang mga problemang ito?” Pagkatapos, puwede mong talakayin ang Daniel 2:44. O puwede mo ring sabihin: “Ano kaya ang pinakamagandang paraan para makapagpalaki ng mababait na anak?” Pagkatapos, talakayin ang Deuteronomio 6:6, 7. Talagang masayang-masaya tayo kapag nagiging alagad ni Kristo ang mga tinutulungan natin. w19.07 15 ¶4, 6-7

Lunes, Hulyo 12

Ang tao ba ay makagagawa ng mga diyos? Ang nagagawa niya ay hindi totoong mga diyos.​—Jer. 16:20.

Isang brother na matagal nang nangangaral sa mga di-relihiyosong tao sa Far East ang nagsabi: “Karaniwan nang kapag sinasabi ng isa, ‘Hindi ako naniniwala sa Diyos,’ ibig sabihin no’n, hindi siya naniniwala sa mga diyos na sinasamba ng mga tao sa lugar nila. Kaya sumasang-ayon ako na karamihan ng diyos ay gawa lang ng tao at hindi totoo. Madalas kong binabasa ang Jeremias 16:20 at itinatanong ko: ‘Paano kaya natin malalaman kung ang isang diyos ay tunay o gawa lang ng tao?’ Nakikinig akong mabuti, ’tapos, binabasa ko ang Isaias 41:23: ‘Sabihin ninyo ang mangyayari sa hinaharap, para malaman namin na kayo ay mga diyos.’ Saka ko ipapakita kung ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa hinaharap.” Sinabi ng isa pang brother: “Nagbibigay ako ng mga halimbawa ng magagandang payo mula sa Bibliya, mga natupad na hula sa Bibliya, at mga batas na kumokontrol sa uniberso. Saka ko ipapakita na lahat ng ito ay patunay na may isang buháy at matalinong Maylalang. Kapag nabuksan ang isip ng isang tao na posible ngang may Diyos, ipinapakita ko naman ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova.” w19.07 23-24 ¶14-15

Martes, Hulyo 13

[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.​—Fil. 1:10, tlb.

Kasama sa mahahalagang bagay na ito ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, ang katuparan ng mga layunin niya, at ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon. (Mat. 6:9, 10; Juan 13:35) Kapag ang mga ito ang pinakamahalaga sa buhay natin, naipapakita nating mahal natin si Jehova. Sinabi rin ni apostol Pablo na dapat tayong ‘manatiling taimtim.’ Ang salitang Griego na ginamit para dito ay isinasalin ding “maging walang kapintasan.” Pero hindi naman ibig sabihin nito na kailangan nating maging perpekto. Ituturing tayo ni Jehova na walang kapintasan kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya para mapalalim ang pag-ibig natin at matiyak kung ano ang mas mahahalagang bagay. Maipapakita natin ang ating pag-ibig kapag ginagawa natin ang lahat para hindi tayo makatisod sa iba. Seryosong tagubilin ang huwag makatisod sa iba. Paano ba tayo puwedeng makatisod? Puwede tayong makatisod sa mga pinipili nating libangan, damit, o trabaho. Baka wala naman talagang mali sa pinili natin. Pero kung hindi tanggap ng konsensiya ng iba ang desisyon natin at natisod siya, seryosong bagay iyon.​—Mat. 18:6. w19.08 10 ¶9-11

Miyerkules, Hulyo 14

Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.​—Apoc. 7:14.

Mula noong 1935, naunawaan na ng mga Saksi ni Jehova na ang malaking pulutong sa pangitain ni Juan ay binubuo ng isang grupo ng tapat na mga Kristiyanong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. (Apoc. 7:9, 10) Para makaligtas sa malaking kapighatian, dapat muna nilang kilalanin si Jehova at sambahin siya bago magsimula ang Milenyo. Kailangan nilang makapagpakita ng matibay na pananampalataya para “makaligtas . . . mula sa lahat ng ito na kailangang maganap” bago ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. (Luc. 21:34-36) Masayang-masaya ang malaking pulutong sa kanilang pag-asa. Nauunawaan nilang si Jehova ang nagpapasiya kung saan siya paglilingkuran ng kaniyang tapat na mga mananamba, kung sa langit o sa lupa. Alam ng mga pinahiran at ng malaking pulutong na naging posible lang ang gantimpala nila dahil sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova nang ibigay niya si Jesu-Kristo bilang haing pantubos.​—Roma 3:24. w19.09 28 ¶10; 29 ¶12-13

Huwebes, Hulyo 15

Ang kagalakang nagmumula kay Jehova ang inyong lakas.​—Neh. 8:10, tlb.

May bagong atas ka ba? Gawin itong matagumpay. Huwag mong isiping nabigo ka sa dati mong atas at wala ka nang gaanong halaga. Isipin kung paano ka tinutulungan ni Jehova ngayon, at patuloy kang mangaral. Tularan ang tapat na mga Kristiyano noong unang siglo. Kahit nasaan sila, ‘inihahayag nila ang mabuting balita ng salita ng Diyos sa buong lupain.’ (Gawa 8:1, 4) Kung patuloy kang mangangaral, magkakaroon ka ng magagandang karanasan sa ministeryo. Halimbawa, ang mga payunir na pinaalis sa isang bansa ay lumipat sa kalapít na bansa na malaki rin ang pangangailangan sa kanilang wika. Sa loob lang ng ilang buwan, mabilis na dumami ang mga miyembro ng mga bagong grupo sa wikang iyon. Ang kagalakan natin ay pangunahin nang dapat magmula kay Jehova. Kaya manatiling malapít kay Jehova at umasa sa kaniyang tulong, karunungan, at patnubay. Tandaan na minahal mo ang dati mong atas dahil ibinigay mo ang iyong buong makakaya para makatulong sa iba. Kaya ibigay mo rin ang iyong buong makakaya sa bago mong atas at tingnan kung paano ka tutulungan ni Jehova na mahalin din ito.​—Ecles. 7:10. w19.08 24-25 ¶15-16

Biyernes, Hulyo 16

Hindi ba dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama?​—Heb. 12:9.

Dapat tayong magpasakop kay Jehova dahil siya ang ating Maylalang. Dahil diyan, siya ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan para sa mga nilalang niya. (Apoc. 4:11) Pero may isa pang magandang dahilan kung bakit dapat tayong sumunod sa kaniya—ang paraan ng pamamahala niya ang pinakamabuti. Marami nang taong naging tagapamahala. Pero kumpara sa kanila, si Jehova ang pinakamatalino, pinakamaibigin, pinakamaawain, at pinakamapagmalasakit na Tagapamahala sa lahat. (Ex. 34:6; Roma 16:27; 1 Juan 4:8) Nagpapasakop tayo kay Jehova kapag sinisikap nating sundin siya sa lahat ng bagay at nilalabanan ang tendensiyang umasa sa sarili nating unawa. (Kaw. 3:5) Nagiging mas madali sa atin na magpasakop kay Jehova habang nalalaman natin ang magaganda niyang katangian. Bakit? Dahil nakikita natin ang mga katangiang ito sa lahat ng ginagawa niya. (Awit 145:9) Habang nakikilala natin siya, lalo natin siyang mamahalin. At kapag mahal natin siya, hindi na natin kailangan ng mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin. w19.09 14 ¶1, 3

Sabado, Hulyo 17

Ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.​—Mat. 11:30.

Pinabibigatan ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan niya. Halimbawa, gusto niyang maniwala tayo na hindi tayo mapapatawad ni Jehova at hindi tayo karapat-dapat mahalin. Talagang nakakasira iyan ng loob! (Juan 8:44) Ang totoo, kapag “lumapit” tayo kay Kristo, mapapatawad ang mga kasalanan natin. (Mat. 11:28) At mahal na mahal tayong lahat ni Jehova. (Roma 8:32, 38, 39) Ibang-iba ang pasan na ibinigay sa atin ni Jesus kumpara sa iba pang bagay na kailangan nating pasanin. Halimbawa, pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, marami ang pagod na pagod at hindi masaya. Pero kapag ginamit natin ang ating oras sa paglilingkod kay Jehova at kay Kristo, napakasaya natin. Baka pagod na tayo at kailangan nating pilitin ang ating sarili na dumalo sa pulong. Pero kadalasan, umuuwi tayo galing sa pulong na naginhawahan at masigla. Totoo rin iyan kapag nagsisikap tayong mangaral at mag-personal study. Sulit ang pagod dahil sa gantimpalang kapalit nito! w19.09 20 ¶1; 23 ¶15-16

Linggo, Hulyo 18

Ang pagdating ng araw ni Jehova ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.​—1 Tes. 5:2.

Sa maikling panahong natitira bago magsimula ang “araw ni Jehova,” inaasahan niyang mananatili tayong abala sa pangangaral. Kailangan nating tiyakin na ‘marami tayong ginagawa para sa Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na mangyayari sa mga huling araw, idinagdag niya: “Gayundin, kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.” (Mar. 13:4, 8, 10; Mat. 24:14) Isipin ito: Sa tuwing nakikibahagi ka sa ministeryo, tumutulong ka sa pagtupad sa hulang iyan! Taon-taon, parami nang parami ang napapangaralan ng mabuting balita. Halimbawa, isipin ang pagdami ng mamamahayag ng Kaharian sa buong mundo sa mga huling araw. Noong 1914, may 5,155 mamamahayag sa 43 lupain. Ngayon, mayroon nang mga 8.5 milyong mamamahayag sa 240 lupain! Pero hindi pa tapós ang ating gawain. Dapat nating patuloy na ipangaral na ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa lahat ng problema ng tao.​—Awit 145:11-13. w19.10 8 ¶3; 9-10 ¶7-8

Lunes, Hulyo 19

Pinagpapala kayo sa lahat ng bagay para maging bukas-palad kayo sa iba’t ibang paraan, at magpapasalamat ang mga tao sa Diyos.​—2 Cor. 9:11.

Ginamit ni Jehova si Barzilai para tulungan si Haring David. Si David at ang mga tauhan niya ay “nagutom . . . , napagod, at nauhaw” habang tumatakas sa anak ni David na si Absalom. Sa pagkakataong iyon, isinapanganib ng may-edad nang si Barzilai at ng mga kasama niya ang buhay nila para matulungan si David at ang mga tauhan nito. Hindi inisip ni Barzilai na dahil may-edad na siya, hindi na siya magagamit ni Jehova. Sa halip, ibinigay niya kung ano ang mayroon siya para matulungan ang mga lingkod ng Diyos na nangangailangan. (2 Sam. 17:27-29) Ang aral? Anuman ang edad natin, magagamit tayo ni Jehova para tulungan ang nangangailangan nating mga kapatid, nasa malapit man sila o nasa ibang bansa. (Kaw. 3:27, 28; 19:17) Kahit hindi tayo direktang nakakatulong sa kanila, puwede tayong magbigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain, na magagamit kailanman at saanman kailanganin.​—2 Cor. 8:14, 15. w19.10 21 ¶6

Martes, Hulyo 20

May magkakasamang ipinapahamak ang isa’t isa, pero may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.​—Kaw. 18:24.

Baka nahihirapan tayong sabihin sa iba ang nadarama natin dahil minsan na tayong nasaktan. (Kaw. 18:19) O baka pakiramdam natin, wala na tayong panahon at lakas para makipagkaibigan. Pero dapat pa rin nating sikaping makipagkaibigan. Kung gusto nating tulungan tayo ng mga kapatid sa panahon ng pagsubok, dapat tayong magtiwala sa kanila ngayon pa lang at sabihin natin sa kanila ang ating iniisip at nadarama. Mahalaga iyan para sa tunay na pagkakaibigan. (1 Ped. 1:22) Ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa mga kaibigan niya. Sinasabi niya sa kanila ang niloloob niya, at wala siyang itinatago. (Juan 15:15) Natutularan natin si Jesus kapag sinasabi natin sa iba ang mga bagay na nakakapagpasaya, nakakabahala, at nakakadismaya sa atin. Pakinggang mabuti ang sinasabi ng kausap mo. Baka marami pala kayong pagkakapareho sa iniisip, nararamdaman, at mga tunguhin. Kung mauuna ka sa paggawa nito sa iba, titibay ang pakikipagkaibigan mo sa kanila.​—Kaw. 27:9. w19.11 4 ¶8-9

Miyerkules, Hulyo 21

Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.​—Ezek. 2:4.

Sa malaking kapighatian, malamang na magbago ang mensaheng ihahayag natin. Sa ngayon, ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian at sinisikap nating gumawa ng mga alagad. Pero sa panahong iyon, posibleng ang mensahe natin ay maging gaya ng bumabagsak na mga tipak ng yelo—talagang masasaktan ang mga makakarinig nito. (Apoc. 16:21) Posibleng ihayag natin ang nalalapit na pagkapuksa ng sanlibutan ni Satanas. Darating ang panahon, malalaman din natin kung ano ang mensaheng iyan at kung paano natin iyan ihahayag. Gagamitin ba natin ang mga paraan na ginagamit natin ngayon o gagamit tayo ng ibang paraan? Hindi pa natin alam. Pero anumang paraan ang gamitin natin, lumilitaw na magkakaroon tayo ng pribilehiyong ihayag ang mensahe ng paghatol ni Jehova! (Ezek. 2:3-5) Malamang na dahil sa ating mensahe, sisikapin ng mga bansa na patahimikin na tayo habambuhay. Kung paanong umaasa tayo ngayon sa tulong ni Jehova sa ating ministeryo, kailangan din nating umasa sa tulong niya sa panahong iyon. Makakatiyak tayong palalakasin tayo ng Diyos para magawa ang kaniyang kalooban.​—Mik. 3:8. w19.10 16 ¶8-9

Huwebes, Hulyo 22

Ang ilan ay nailihis sa pananampalataya.​—1 Tim. 6:10.

Ipinapakita ng pananalitang ‘maililihis’ na posible tayong mawala sa pokus kung sisikapin nating magkaroon ng mga bagay na hindi naman natin kailangan. Baka tumubo sa puso natin ang “maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa.” (1 Tim. 6:9) Dapat nating tandaan na ginagamit ni Satanas ang mga pagnanasang iyan para pahinain ang pananampalataya natin. Baka marami tayong kayang bilhin. Mali bang bilhin ang mga bagay na gusto natin pero hindi naman natin kailangan? Hindi naman. Pero pag-isipan ang mga ito: Kahit na kaya nating bilhin ang isang bagay, mayroon ba talaga tayong panahon at lakas para gamitin at alagaan iyon? Hindi kaya masyadong mapamahal sa atin ang mga pag-aari natin? Posible kayang dahil sa pagmamahal sa mga pag-aari natin, magaya tayo sa lalaki na tumanggi sa imbitasyon ni Jesus na paglingkuran nang higit ang Diyos? (Mar. 10:17-22) Di-hamak na mas mabuting mamuhay tayo nang simple at gamitin ang ating panahon at lakas sa paggawa ng kalooban ng Diyos! w19.11 17-18 ¶15-16

Biyernes, Hulyo 23

Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.​—Kaw. 21:5.

Mabibigyan ka ng Diyos ng “lakas para kumilos” at maisagawa ang desisyon. (Fil. 2:13) Kaya manalangin para magkaroon ng lakas na kumilos. Humiling ng banal na espiritu kay Jehova para magkaroon ka ng lakas na kailangan mo. Patuloy na manalangin kahit na sa tingin mo ay hindi pa nasasagot ang panalangin mo. Kaayon iyan ng sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi at bibigyan kayo [ng banal na espiritu].” (Luc. 11:9, 13) Gumawa rin ng plano. Para matapos ang anumang proyektong sinimulan mo, kailangan mo ng plano. At kailangan mong sundin ang plano. Ganiyan din kapag nakapagdesisyon ka na—kailangan mong gumawa ng espesipikong plano para maisagawa mo ang desisyon. Kung hahati-hatiin mo ang malalaking trabaho sa mas maliliit na gawain, mas masusubaybayan mo ang mga nagagawa mo. Pinasigla ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto na magtabi ng kontribusyon “sa unang araw ng bawat linggo” imbes na hintayin pa siyang dumating bago mag-ipon ng pondo. (1 Cor. 16:2) Kapag hinati-hati mo ang malalaking trabaho sa mas maliliit na gawain, hindi ka mabibigatan. w19.11 29 ¶13-14

Sabado, Hulyo 24

Ang mga nakaaalam sa pangalan mo ay magtitiwala sa iyo; hindi mo kailanman iiwan ang mga humahanap sa iyo, O Jehova.​—Awit 9:10.

Baka isipin natin na kilala na natin si Jehova kung alam natin ang pangalan niya at ang ilang sinabi o ginawa niya. Pero higit pa ang kailangan para lubusan siyang makilala. Kailangan nating maglaan ng panahon para matuto tungkol kay Jehova at sa magaganda niyang katangian. Sa ganitong paraan lang natin maiintindihan kung bakit niya sinabi o ginawa ang isang bagay. Makakatulong ito sa atin para malaman kung sang-ayon siya sa ating mga opinyon, desisyon, o pagkilos. Kapag naunawaan na natin kung ano ang gusto ni Jehova na gawin natin, iyon ang dapat nating gawin. Baka pagtawanan tayo ng iba dahil gusto nating maglingkod kay Jehova, at baka hadlangan pa nga nila tayong dumalo sa mga pulong. Pero kung magtitiwala tayo kay Jehova, hinding-hindi niya tayo iiwan. Mapapatibay natin ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos, at posible itong tumagal habambuhay. Puwede ba talagang maging ganoon katibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova? Puwede! w19.12 16-17 ¶3-4

Linggo, Hulyo 25

Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.​—Awit 127:3.

Malaking problema kung minsan sa mga magulang ang pagtuturo sa mga anak, pero regalo ang mga ito mula kay Jehova. Lagi siyang tumutulong. Nakikinig siya sa panalangin ng mga magulang. At sinasagot niya ang mga panalanging iyon sa pamamagitan ng Bibliya, mga publikasyon, at mga halimbawa’t payo ng ibang makaranasang magulang sa kongregasyon. Sinasabing 20-taóng proyekto ang pagpapalaki ng anak, pero ang totoo, hindi natatapos ang pagiging magulang. Ang pinakamagandang maibibigay ng mga magulang sa anak ay pagmamahal, panahon, at salig-Bibliyang pagsasanay. Iba-iba ang reaksiyon ng bawat anak sa pagsasanay. Pero marami sa kanila na pinalaki ng mga magulang na umiibig kay Jehova ang nakadama ng sinabi ni Joanna Mae, isang sister sa Asia: “Nagpapasalamat ako na dinisiplina ako ng aking mga magulang at tinuruang ibigin si Jehova. Hindi lang nila ako basta binigyan ng buhay, ginawa pa nila itong makabuluhan.” (Kaw. 23:24, 25) Ganiyan din ang nararamdaman ng milyon-milyong Kristiyano. w19.12 27 ¶21-22

Lunes, Hulyo 26

[Aliwin] natin ang iba na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.​—2 Cor. 1:4.

Maraming kapatid ang nangangailangan ng pampatibay. Pero kailangan nating maghanap ng paraan para matulungan ang iba kahit nag-aalangan tayo. Halimbawa, baka hindi natin alam ang sasabihin o gagawin para sa isang may pinagdadaanan. Pero mapapatibay natin ang iba kung ipapakita nating nagmamalasakit tayo sa kanila. Habang papalapit ang katapusan ng sistemang ito, lalala pa ang mga kalagayan sa mundo at magiging mas mahirap ang buhay. (2 Tim. 3:13) At dahil hindi tayo perpekto at nagkakamali tayo, lalo pa nating kakailanganin ang pampatibay. Nakapanatiling tapat si apostol Pablo sa buong buhay niya, at siguradong nakatulong sa kaniya ang pampatibay na natanggap niya mula sa ibang Kristiyano. Kung susundan natin ang kanilang halimbawa, matutulungan din natin ang ating mga kapatid na makapanatiling tapat kay Jehova.​—1 Tes. 3:2, 3. w20.01 12-13 ¶17-19

Martes, Hulyo 27

Sinusubok mo ang mga nagsasabing apostol sila.​—Apoc. 2:2.

Hindi umaasa ang mga pinahiran na magiging espesyal ang pakikitungo sa kanila. (Fil. 2:2, 3) Alam nila na noong pahiran sila ni Jehova, hindi niya iyon ipinaalám sa iba. Kaya hindi na magtataka ang isang pinahiran kung ang iba ay hindi agad maniwalang pinahiran siya. Alam niyang sinasabi ng Bibliya na huwag agad maniwala sa isa na nagsasabing binigyan siya ng Diyos ng espesyal na responsibilidad. Ayaw ng isang pinahiran na mabigyan siya ng sobrang atensiyon, kaya hindi niya sinasabi sa mga nakikilala niya na pinahiran siya. At siguradong hindi niya ito ipagmamalaki. (1 Corinto 4:7, 8) Ang mga pinahiran ay hindi naghahanap ng ibang pinahiran para pag-usapan ang tungkol sa pagiging pinahiran nila o para bumuo ng mga Bible study group. (Gal. 1:15-17) Hindi magkakaisa ang kongregasyon kapag ginawa nila iyan, dahil magiging laban iyan sa pagkilos ng banal na espiritu, na tumutulong para maging payapa at nagkakaisa ang bayan ng Diyos.​—Roma 16:17, 18. w20.01 28 ¶6-7

Miyerkules, Hulyo 28

Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, dahil nalalapit na ang kaligtasan ninyo.​—Luc. 21:28.

Darating ang panahon, baka magalit ang mga dating miyembro ng huwad na relihiyon dahil patuloy pa rin sa pagsamba ang mga Saksi ni Jehova. Siguradong hindi sila mananahimik; ilalabas nila ang kanilang galit, baka pati sa social media. Ang mga bansa at ang tagapamahala nilang si Satanas ay mapopoot sa atin dahil tayo na lang ang natitirang relihiyon. Makikita nilang hindi pa sila nagtatagumpay sa pagpuksa sa lahat ng relihiyon sa mundo. Kaya tayo ang magiging puntirya nila. At ang mga bansa ay magiging si Gog ng Magog. Magsasama-sama sila para salakayin at lipulin ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:2, 14-16) Baka mag-alala tayo kapag naiisip natin ang mga posibilidad na ito, lalo na’t hindi natin alam ang eksaktong mangyayari. Pero ito ang sigurado: Wala tayong dapat ikatakot sa malaking kapighatian. Bibigyan tayo ni Jehova ng tagubilin para maligtas.​—Awit 34:19. w19.10 16 ¶10-11

Huwebes, Hulyo 29

Napakarami mong ginawa, O Jehova na aking Diyos, ang iyong kamangha-manghang mga gawa at ang mga iniisip mo para sa amin.​—Awit 40:5.

Ang pasasalamat kay Jehova ay hindi lang basta nasa loob natin; ipinapakita rin natin ito sa salita at gawa. Kaya nga ibang-iba tayo sa mga tao sa ngayon. Marami sa ngayon ang hindi nagpapahalaga sa ginagawa ng Diyos para sa kanila. Sa katunayan, ang isang palatandaan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ay ang pagiging walang utang na loob ng mga tao. (2 Tim. 3:1, 2) Ayaw nating maging gaya nila! Gusto ni Jehova na maging magkakaibigan ang lahat ng anak niya. Ang totoo, ang pag-ibig natin sa isa’t isa ang katibayan na tayo ay tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Sinabi nga ng salmista: “Napakabuti at napakaganda na ang magkakapatid ay magkakasama at nagkakaisa!” (Awit 133:1) Kapag mahal natin ang mga kapatid, pinapatunayan natin kay Jehova na mahal natin siya. (1 Juan 4:20) Nakakatuwa ngang maging bahagi ng isang pamilya na “mabait . . . sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit”!—Efe. 4:32. w20.02 9 ¶6-7

Biyernes, Hulyo 30

Binigyang-pansin ni Jehova si Hana.​—1 Sam. 2:21.

Hindi agad nawala ang mga problema ni Hana. Kasama pa rin niya sa bahay si Penina. At walang pahiwatig sa Bibliya na nagbago ang pagtrato sa kaniya ni Penina. Kaya malamang na kailangan pa rin niyang tiisin ang masasakit na salita nito. Pero naging payapa na ang kalooban ni Hana. Noong ipinaubaya na niya kay Jehova ang problema, hindi na siya nag-alala. Hinayaan niyang payapain ni Jehova ang kalooban niya at paginhawahin siya. Di-nagtagal, sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hana at binigyan siya ng mga anak. (1 Sam. 1:2, 6, 7, 17-20) Puwede pa ring maging payapa ang kalooban natin kahit hindi nawawala ang problema. Kahit na taimtim tayong nananalangin at regular na dumadalo sa pulong, maaaring hindi pa rin mawala ang ilang problema. Pero sa halimbawa ni Hana, natutuhan natin na walang makakapigil kay Jehova na paginhawahin tayo. Alam niya ang mga pinagdadaanan natin, at gagantimpalaan niya tayo dahil hindi tayo sumuko.​—Heb. 11:6. w20.02 22 ¶9-10

Sabado, Hulyo 31

Turuan mo ang marunong, at magiging mas marunong pa siya.​—Kaw. 9:9.

Hindi nag-aalangan ang mga elder na sabihin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iba na gawin ang tama. Bakit napakahalaga na mayroon silang lakas ng loob na magsalita kung kinakailangan? Pansinin ang halimbawa ni Eli. Ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang anak na mahal na mahal niya. Pero hindi nila iginagalang si Jehova. May pribilehiyo silang maglingkod bilang saserdote sa tabernakulo. Pero inabuso nila ang awtoridad nila, nilapastangan ang mga handog kay Jehova, at hayagang nagsagawa ng seksuwal na imoralidad. (1 Sam. 2:12-17, 22) Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat patayin ang mga anak ni Eli, pero sinaway lang niya sila at hinayaang patuloy na maglingkod sa tabernakulo. (Deut. 21:18-21) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Sinabi niya kay Eli: “Bakit mas pinararangalan mo ang mga anak mo kaysa sa akin?” Sinabi rin niya na mamamatay ang dalawang masamang lalaking ito.​—1 Sam. 2:29, 34. w20.03 19 ¶4-5

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share