Hunyo
Martes, Hunyo 1
Lagi siyang iniinsulto ng karibal niyang si Penina para pasamain ang loob niya.—1 Sam. 1:6.
Napaharap si Hana, na ina ni propeta Samuel, sa mahihirap na sitwasyon. Sa loob ng maraming taon, hindi siya magkaanak. (1 Sam. 1:2) Para sa mga Israelita, ang isang babaeng baog ay isinumpa. Kaya kahihiyan ito para kay Hana. (Gen. 30:1, 2) Lalo pang nagpahirap kay Hana si Penina, ang isa pang asawa ng mister niya, na may mga anak at laging nang-iinsulto sa kaniya. Lungkot na lungkot si Hana sa sitwasyon niya. Sa sobrang sama ng loob, “umiiyak siya at hindi kumakain.” Naging “napakabigat ng kalooban” niya. (1 Sam. 1:7, 10) Ano ang nakatulong kay Hana? Ibinuhos ni Hana kay Jehova ang lahat ng nararamdaman niya. Pagkatapos manalangin, ipinaliwanag niya ang sitwasyon niya sa mataas na saserdoteng si Eli. Sinabi ni Eli: “Umuwi kang payapa, at ibigay nawa ng Diyos ng Israel ang hiniling mo.” Ano ang resulta? Si Hana ay “umalis na at kumain, at nawala na ang lungkot sa mukha niya.” (1 Sam. 1:17, 18) Nakatulong kay Hana ang panalangin para maging payapa ang kalooban niya. w20.02 21 ¶4-5
Miyerkules, Hunyo 2
Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin, para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.—Col. 4:6.
Malapit nang wakasan ni Jehova ang sistemang ito. Ang makakaligtas lang ay ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Kaya natural lang na mangaral din tayo sa mga kapamilya natin para makasama natin silang maglingkod kay Jehova. Hindi gusto ng ating maibiging Ama, si Jehova, na mapuksa ang sinuman “kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Dapat nating tandaan na may tama at maling paraan ng pagsasabi ng mensahe ng Kaharian. Baka maingat tayong magsalita kapag nagpapatotoo sa mga hindi natin kilala, pero deretsahan naman tayong makipag-usap sa mga kapamilya natin. Baka pinagsisisihan ng marami sa atin ang unang pagkakataong nagpatotoo tayo sa ating mga kapamilya at naiisip nating hindi sana ganoon ang ginawa natin. Mahalagang tandaan ang payo ni apostol Pablo na binanggit sa teksto sa araw na ito kapag nakikipag-usap sa mga kapamilya natin. Kung hindi, baka sa halip na makinig sila, iwasan nila tayo. w19.08 14-15 ¶3-5
Huwebes, Hunyo 3
Nag-iwan [si Kristo] ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.—1 Ped. 2:21.
Ano ang reaksiyon mo nang matutuhan mo ang sumusunod na katotohanan tungkol sa Anak? Si Jesus ang ikalawang pinakamahalagang persona sa uniberso. Siya ang ating Manunubos. Kusang-loob niyang ibinigay ang buhay niya para sa atin. Kapag ipinapakita nating nananampalataya tayo sa pantubos, mapapatawad ang mga kasalanan natin, magiging kaibigan natin ang Diyos, at magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Si Jesus ang ating Mataas na Saserdote. Gusto niyang makinabang tayo sa pantubos at maging malapít sa Diyos. (Heb. 4:15; 7:24, 25) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, siya ang gagamitin ni Jehova para mapabanal ang pangalan Niya, alisin ang kasamaan, at magbigay ng walang-hanggang pagpapala sa Paraiso. (Mat. 6:9, 10; Apoc. 11:15) Si Jesus ang ating huwaran. Magandang halimbawa siya sa atin dahil ginamit niya ang buhay niya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Juan 4:34) Kapag tinanggap mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus, mapapamahal sa iyo ang Anak ng Diyos. Dahil sa pagmamahal na iyan, gagawin mo ang kalooban ng Diyos gaya ng ginawa ni Jesus. w20.03 10 ¶12-13
Biyernes, Hunyo 4
Lagi kayong manalangin.—1 Tes. 5:17.
Noong huling araw ni Jesus sa lupa, madalas siyang manalangin. Nang pasimulan ni Jesus ang pag-alaala sa kamatayan niya, nanalangin siya para sa tinapay at alak. (1 Cor. 11:23-25) Bago umalis sa lugar na pinagdausan nila ng Paskuwa, nanalangin muna siya kasama ang mga alagad. (Juan 17:1-26) Nang dumating siya at ang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo noong gabing iyon, paulit-ulit siyang nanalangin. (Mat. 26:36-39, 42, 44) At ang huling sinabi ni Jesus bago siya mamatay ay isa ring panalangin. (Luc. 23:46) Nanalangin si Jesus kay Jehova sa bawat mahalagang pangyayari noong araw na iyon. Ang isang dahilan kung bakit nakayanan ni Jesus ang pagsubok ay dahil nanalangin siya sa kaniyang Ama. Pero hindi naging matiyaga sa pananalangin ang mga apostol nang gabing iyon. Dahil diyan, humina ang loob nila nang dumating ang pagsubok. (Mat. 26:40, 41, 43, 45, 56) Mananatili lang tayong tapat sa harap ng mga pagsubok kung tutularan natin si Jesus at ‘mananalangin nang patuluyan.’ w19.04 9 ¶4-5
Sabado, Hunyo 5
Ako si Jehova; hindi ako nagbabago.—Mal. 3:6.
Kinapopootan ni Jehova ang espiritismo! Sinabi niya sa mga Israelita: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang nagpaparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy, ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deut. 18:10-12) Ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita. Pero alam nating hindi pa rin nagbabago ang tingin niya sa espiritismo. Nagbababala si Jehova laban sa espiritismo dahil alam niyang ginagamit ito ni Satanas para ipahamak ang mga tao. Ginagamit ni Satanas ang espiritismo para magkalat ng kasinungalingan—kasama na ang kasinungalingang nabubuhay raw ang mga patay sa mundo ng mga espiritu. (Ecles. 9:5) Ginagamit din niya ang espiritismo para takutin ang maraming tao at ilayo kay Jehova. Sa pamamagitan ng espiritismo, gusto ni Satanas na magtiwala ang mga tao sa masasamang espiritu sa halip na kay Jehova. w19.04 21 ¶5-6
Linggo, Hunyo 6
Kung masama ang ginagawa mo, matakot ka.—Roma 13:4.
Napakabigat na kasalanan ang pang-aabuso sa bata. Sinisira ng nang-aabuso ang buhay ng bata. Inaalis niya ang tiwala at kapanatagan ng bata. Dapat nating protektahan ang mga bata mula sa ganoong kasamaan, at dapat nating aliwin at tulungan ang mga biktima nito. (1 Tes. 5:14) Ang sinuman sa kongregasyon na nang-abuso sa bata ay sumisira sa reputasyon ng kongregasyon. (Mat. 5:16; 1 Ped. 2:12) Hindi natin kinukunsinti ang di-nagsisising mga indibidwal na gumagawa ng masama at sumisira sa malinis na pangalan ng kongregasyon. Kapag ang sinuman sa kongregasyon ay lumabag sa batas, gaya ng pang-aabuso sa bata, nagkakasala siya sa pamahalaan. (Ihambing ang Gawa 25:8.) Walang awtoridad ang mga elder na magpatupad ng batas ng pamahalaan, pero hindi nila pinoprotektahan ang sinumang nang-aabuso sa bata mula sa parusa ng gobyerno. w19.05 9 ¶4-7
Lunes, Hunyo 7
Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.—1 Cor. 3:19.
Kaya nating harapin ang anumang problema—dahil si Jehova ang ating Dakilang Tagapagturo. (Isa. 30:20, 21) Itinuturo ng Salita niya ang lahat ng kailangan natin para maging “lubos na may kakayahan” at “handang-handa para sa bawat mabuting gawa.” (2 Tim. 3:17) Kapag namuhay tayo ayon sa mga turo ng Bibliya, mas magiging marunong tayo kaysa sa mga nagtataguyod ng “karunungan ng sanlibutang ito.” (Awit 119:97-100) Nakakalungkot, madali tayong maakit sa karunungan ng sanlibutan. Kaya baka mahirapan tayong iwasan ang kaisipan at gawain ng mga tagasanlibutan. Sinasabi ng Bibliya: “Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya na ayon sa mga tradisyon ng tao.” (Col. 2:8) Gaya ng inihula ng Bibliya tungkol sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kaluguran.” (2 Tim. 3:4) Ang pagkalat ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, gaya ng AIDS, ay isa lang sa mga indikasyong kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan.—2 Ped. 2:19. w19.05 21 ¶1-2; 22 ¶4-5
Martes, Hunyo 8
Maging matatag kayo sa kabila ng tusong mga pakana ng Diyablo.—Efe. 6:11.
Napaniwala ni Satanas ang mga Israelita na para maging sagana, kailangan din nilang gawin ang ginagawa ng mga paganong nakapalibot sa kanila. Naniniwala ang mga paganong iyon na dapat silang gumawa ng ilang ritwal para kumilos ang diyos nila at magpaulan. Dahil sa kakulangan ng pananampalataya kay Jehova, may mga naniwalang ito lang ang paraan para hindi tumagal ang tagtuyot, kaya ginawa nila ang mga ritwal na iyon para sambahin si Baal. Sinamantala rin ni Satanas ang imoral na pagnanasa ng tao. Sinasamba ng paganong mga bansa ang mga diyos nila sa pamamagitan ng paggawa ng nakapandidiring kahalayan. Mayroon pa nga silang mga babae’t lalaking bayaran sa templo. Ang homoseksuwalidad at iba pang uri ng seksuwal na imoralidad ay hindi lang nila basta kinukunsinti, naging normal na ito sa kanila! (Deut. 23:17, 18; 1 Hari 14:24) Naniniwala ang mga pagano na dahil sa mga ritwal na ito, gagawing mabunga ng mga diyos nila ang lupa. Maraming Israelita ang naakit sa imoral na ritwal ng mga pagano, at dahil diyan, sumamba na rin sila sa mga diyos-diyusan. w19.06 2 ¶3; 4 ¶7-8
Miyerkules, Hunyo 9
Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya.—Heb. 6:10.
Nakatanggap ng bagong atas ang libo-libong nasa buong-panahong paglilingkod, kasama na ang mga Bethelite. Malamang na mahirap para sa tapat na mga kapatid nating ito na iwan ang atas na napamahal na sa kanila. Kung isa ka sa kanila, ano ang nakakatulong para maharap ang pagbabago? Manatiling malapít kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw at pagbubulay-bulay rito. Gayundin, patuloy na maging abala sa pangangaral ng mabuting balita sa bago ninyong kongregasyon. Hindi kalilimutan ni Jehova ang mga nananatiling tapat sa paglilingkod sa kaniya, kahit limitado na lang ang nagagawa nila kumpara sa dati. Panatilihing simple ang buhay. Huwag mong hayaang humadlang sa paglilingkod mo kay Jehova ang mga kabalisahan sa sanlibutan ni Satanas. (Mat. 13:22) Huwag magpadala sa pressure ng sanlibutan o ng mga kaibigan o kapamilya na nagsasabing kailangan mo ng maraming pera para gumanda ang buhay mo. (1 Juan 2:15-17) Magtiwala kay Jehova. Nangangako siyang ilalaan niya ang lahat ng ating espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan “sa tamang panahon.”—Heb. 4:16; 13:5, 6. w19.08 20 ¶4; 21-22 ¶7-8
Huwebes, Hunyo 10
Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya.—Awit 55:22.
May pinagdaraanan ka ba? Nakakapagpatibay ngang malaman na naintindihan ni Jehova ang pinagdaraanan natin. Alam niya ang ating mga limitasyon, kahit pa nga ang iniisip natin at nadarama. (Awit 103:14; 139:3, 4) Kung aasa tayo kay Jehova, makakatanggap tayo ng tulong para maharap ang nakaka-stress na mga problema. Kapag nai-stress, baka makapag-isip ka ng mga negatibong bagay na magpapahina ng loob mo. Kapag nangyari iyan, tandaan na tutulungan ka ni Jehova na maharap ang stress. Paano? Gusto niyang sabihin mo sa kaniya ang mga ikinababahala mo. At sasagutin niya ang paghingi mo ng tulong. (Awit 5:3; 1 Ped. 5:7) Kaya laging ipanalangin kay Jehova ang iyong mga problema. Hindi siya direktang makikipag-usap sa iyo, pero makikipag-usap siya sa iyo sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. Ang mga ulat sa Bibliya ay magpapatibay sa iyo at magbibigay ng pag-asa. Mapapatibay ka rin ng mga kapatid.—Roma 15:4; Heb. 10:24, 25. w19.06 16 ¶7-8
Biyernes, Hunyo 11
Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.—Mat. 24:9.
Kapag pinag-uusig, manalangin kay Jehova, “ibuhos mo ang puso mo na parang tubig” at sabihin sa iyong mapagmahal na Ama ang lahat ng iyong ikinatatakot at ikinababahala. (Panag. 2:19) Kapag ganiyan ka manalangin, lalo kang mapapalapít kay Jehova. (Roma 8:38, 39) Maging kumbinsidong magkakatotoo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. (Bil. 23:19) Kung hindi, mas madali para kay Satanas at sa mga kampon niya na takutin ka. (Kaw. 24:10; Heb. 2:15) Pag-aralan mo ang mga pangako ng Diyos tungkol sa Kaharian at kung bakit ka makakatiyak na magkakatotoo ang mga ito. Paano iyan makakatulong? Tingnan ang halimbawa ni Stanley Jones, na pitong taóng nabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya. Ano ang nakatulong sa kaniya na matiis iyon? Sinabi niya: “Naging matatag ako dahil sa kaalaman ko tungkol sa kaharian ng Diyos. Ni minsan ay hindi ko ito pinag-alinlanganan. Kaya hindi ako natinag.” Kapag matibay ang pagtitiwala mo sa mga pangako ng Diyos, hindi ka madaraig ng takot.—Kaw. 3:25, 26. w19.07 2 ¶1; 3 ¶6-7
Sabado, Hunyo 12
Saanmang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino ang karapat-dapat, at manatili kayo sa bahay niya habang naroon kayo sa lugar na iyon.—Mat. 10:11.
Bakit masasabing napakahalaga ng paggawa ng alagad? Dahil ang mga alagad lang ni Kristo ang puwedeng maging kaibigan ng Diyos. Bukod diyan, nagiging maayos ang buhay ng mga sumusunod kay Kristo at nagkakaroon sila ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa hinaharap. (Juan 14:6; 17:3) Pinagkatiwalaan tayo ni Jesus ng mahalagang pananagutan, pero hindi natin ito ginagawang mag-isa. Isinulat ni apostol Pablo tungkol sa kaniyang sarili at ilang malalapít niyang kasama: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Napakagandang pribilehiyo para sa mga di-perpektong tao! Masayang-masaya rin tayo kapag gumagawa ng alagad. Ang unang hakbang sa paggawa ng alagad ay ang paghahanap ng mga karapat-dapat. Mapapatunayan nating tayo ay totoong mga Saksi ni Jehova kapag nagpapatotoo tayo sa lahat. Mapapatunayan nating tayo ay tunay na mga Kristiyano kapag sinusunod natin ang utos ni Kristo na mangaral. w19.07 15 ¶3-5
Linggo, Hunyo 13
Ang karunungan ay proteksiyon kung paanong ang pera ay proteksiyon, pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.—Ecles. 7:12.
Ang unang nagugustuhan ng maraming tao sa Bibliya ay ang praktikal na karunungan nito. Sa New York, sinabi ng isang sister na nangangaral sa mga nagsasalita ng Mandarin: “Sinisikap kong magpakita ng interes sa mga tao at makinig sa kanila. Kapag nalaman kong bagong lipat sila galing sa ibang bansa, tinatanong ko sila: ‘Nakapag-adjust ka na ba? May nahanap ka na bang trabaho? Mabait ba sa ’yo ang mga tagarito?’” Nakakatulong iyan kung minsan para masimulan niya ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya. At kung angkop, sinasabi pa ng sister: “Ano kaya ang makakatulong sa atin para makasundo ang ibang tao? Gusto ko sanang ipakita sa ’yo ang isang kasabihan mula sa Bibliya. Ang sabi: ‘Ang pagpapasimula ng away ay gaya ng pagpapakawala ng tubig; bago magsimula ang pagtatalo, umalis ka na.’ Sa palagay mo, makakatulong ba ang payong ito para makasundo natin ang iba?” (Kaw. 17:14) Sa gayong pag-uusap, makikita natin kung sino ang gusto pang matuto. w19.07 23 ¶13
Lunes, Hunyo 14
Ano ang mangyayari sa isang nabuwal kung walang tutulong sa kaniya na bumangon?—Ecles. 4:10.
Kailangan ng mga lumilipat sa isang bagong atas ang pang-unawa, hindi awa. Baka nahihirapan sila sa sakit nila o sa pagkakasakit ng kanilang kapamilya. Baka nagdadalamhati sila sa pagkamatay ng mahal sa buhay. At hindi man nila sinasabi, baka nalulungkot din sila dahil nami-miss nila ang kanilang mga kaibigan sa dati nilang atas. Talagang mahihirapan ang kalooban nila kapag nagkasabay-sabay iyan. Panahon ang kailangan para malampasan nila ito. Samantala, makakatulong ang iyong suporta at halimbawa para makapag-adjust sila. “Sa dati kong atas, araw-araw akong nakakapagdaos ng Bible study,” ang sabi ng isang sister na naglingkod nang maraming taon sa ibang bansa. “Sa atas ko ngayon, hindi man lang ako makapagbukas ng Bibliya o makapagpapanood ng video sa ministeryo. Pero isinasama ako ng mga bago kong kakongregasyon sa kanilang pagdalaw-muli at mga Bible study. Nagiging positibo ang tingin ko sa teritoryo. Natuto akong makapagpasimula ng pag-uusap sa teritoryo namin. Lahat ng ito ay nakatulong para maging masaya ulit ako.” w19.08 22 ¶10; 24 ¶13-14
Martes, Hunyo 15
Hinihimok ko sina Euodias at Sintique na magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.—Fil. 4:2.
Gaya nina Euodias at Sintique, nahihirapan tayo kung minsan na mahalin ang iba dahil mas nakikita natin ang mga pagkakamali nila. Lahat tayo ay nagkakamali araw-araw. Kung magpopokus tayo sa mga pagkakamali ng iba, lalamig ang pag-ibig natin sa kanila. Halimbawa, kung makalimutan ng isang kapatid na tulungan tayong maglinis ng Kingdom Hall, baka mainis tayo. At kung babalikan pa natin ang lahat ng pagkakamaling nagawa ng kapatid na iyon, baka lalo tayong mainis at mabawasan ang pagmamahal natin sa kaniya. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, magandang tandaan ito: Nakikita ni Jehova ang mga pagkakamali natin at ang mga pagkakamali ng ating kapatid. Pero mahal pa rin niya ang kapatid natin, at mahal pa rin niya tayo. Kaya tularan natin ang pag-ibig ni Jehova at magpokus tayo sa magagandang katangian ng ating mga kapatid. Kung magsisikap tayong mahalin ang mga kapatid natin, lalong titibay ang ating buklod ng pagkakaisa.—Fil. 2:1, 2. w19.08 9-10 ¶7-8
Miyerkules, Hunyo 16
Nagbibigay-pansin [si Jehova] sa mapagpakumbaba.—Awit 138:6.
Mahal ni Jehova ang mapagpakumbaba. Ang mga tunay na mapagpakumbaba lang ang puwedeng magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. “Pero ang mapagmataas ay kilala lang niya sa malayo.” Gusto nating lahat na mapasaya si Jehova at madama ang kaniyang mainit na pagmamahal, kaya mahalagang matutuhan natin na maging mapagpakumbaba. Ang kapakumbabaan ay kababaan ng pag-iisip at kabaligtaran ng pagiging mapagmataas o arogante. Sinasabi ng Bibliya na kapag ang isang tao ay mapagpakumbaba, naiintindihan niyang si Jehova ang pinakadakila sa lahat, at aminado siyang sa paanuman, nakakataas sa kaniya ang iba. (Fil. 2:3, 4) May mga taong mukhang mapagpakumbaba. Baka mahiyain sila at tahimik. O baka magalang sila dahil sa kanilang kultura at kinalakhan. Pero ang totoo, napakayabang pala nila. Di-magtatagal, lalabas at lalabas din ang totoong kulay nila.—Luc. 6:45. w19.09 2 ¶1, 3-4
Huwebes, Hunyo 17
Maghihiganti siya sa mga . . . hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.—2 Tes. 1:8.
Kasama sa “mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus” ang lahat ng katotohanang itinuro ni Jesus. Sinusunod natin ang mabuting balita kapag isinasabuhay natin ito. Ibig sabihin, inuuna natin ang kapakanan ng Kaharian, sumusunod tayo sa matuwid na pamantayan ng Diyos, at ipinapangaral natin ang Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:33; 24:14) Kasama rin dito ang pagsuporta natin sa mga pinahirang kapatid ni Kristo habang ginagampanan nila ang mabibigat na atas. (Mat. 25:31-40) Malapit na nilang suklian ang kabaitang ipinakita sa kanila ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Paano? Bago magsimula ang digmaan ng Armagedon, lahat ng 144,000 ay nasa langit na bilang mga imortal na espiritu. Magiging bahagi sila ng mga hukbo sa langit na dudurog kay Gog at poprotekta sa “malaking pulutong” ng bayan ng Diyos. (Apoc. 2:26, 27; 7:9, 10) Kaya isang napakagandang pribilehiyo para sa malaking pulutong na suportahan ang mga pinahirang lingkod ni Jehova habang nandito sila sa lupa! w19.09 12-13 ¶16-18
Biyernes, Hunyo 18
Magiginhawahan kayo.—Mat. 11:29.
Bakit nakakaginhawa ang gawaing ibinigay sa atin ni Jesus? Dahil nasa atin ang pinakamabubuting tagapangasiwa. Si Jehova, na Kataas-taasang Tagapangasiwa, ay hindi isang malupit na panginoon na hindi nagpapasalamat sa kaniyang mga lingkod. Pinapahalagahan niya ang mga ginagawa natin. (Heb. 6:10) At binibigyan niya tayo ng lakas para magawa ang ating pananagutan. (2 Cor. 4:7; Gal. 6:5, tlb.) Si Jesus, na ating Hari, ay nagpakita ng halimbawa kung paano pakikitunguhan ang iba. (Juan 13:15) At ang mga elder na nangangalaga sa atin ay nagsisikap na tularan si Jesus, ang “dakilang pastol.” (Heb. 13:20; 1 Ped. 5:2) Nagsisikap silang maging mabait, nakakapagpatibay, at malakas ang loob habang tinuturuan tayo at pinoprotektahan. Nasa atin din ang pinakamabubuting kasama. Walang katulad ang mga kaibigan natin at ang gawaing ibinigay sa atin. Isip-isipin na lang: May pribilehiyo tayong maglingkod kasama ng mga taong mataas ang moralidad, pero hindi mapagmatuwid. Itinuturing nila ang iba na nakatataas. Itinuturing nila tayong kaibigan, hindi lang kamanggagawa. At gayon na lang nila tayo kamahal kung kaya handa nilang ibuwis ang buhay nila para sa atin! w19.09 20 ¶1; 23 ¶12-14
Sabado, Hunyo 19
Wala kayo sa kadiliman, . . . kaya hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon.—1 Tes. 5:4.
Sa kaniyang payo, binanggit ni apostol Pablo ang “araw ni Jehova.” (1 Tes. 5:1-6) Sa tekstong ito, tumutukoy iyan sa yugto ng panahon na magsisimula sa pag-atake sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at magtatapos sa Armagedon. (Apoc. 16:14, 16; 17:5) Sinasabi rin ni Pablo kung paano natin mapaghahandaan ang “araw ni Jehova.” Sinasabi niyang “huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba.” Dapat na “manatili tayong gisíng at alerto,” para hindi natin maikompromiso ang ating neutralidad at hindi tayo masangkot sa isyu sa politika. Sa gayon, maiiwasan nating maging “bahagi . . . ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Alam nating Kaharian ng Diyos lang ang makakapagbigay ng kapayapaan sa mundo. Kailangan din nating gisingin ang mga tao—ipaalám natin sa kanila ang inihula ng Bibliya na mangyayari sa mundo. Kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, hulí na para magpasiya ang mga tao na sambahin si Jehova. Kaya napakaapurahan ng ating pangangaral! w19.10 8 ¶3; 9 ¶5-6
Linggo, Hunyo 20
Kumuha ka ng balumbon at isulat mo roon ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Israel at sa Juda.—Jer. 36:2.
Nang panahon na para isiwalat ang laman ng balumbon, pinagkatiwalaan ni Jeremias ang kaibigan niyang si Baruc na sabihin ang mensahe sa mga tao. (Jer. 36:5, 6) Lakas-loob na ginawa ni Baruc ang delikadong atas na ito. Isipin na lang ang paghanga ni Jeremias kay Baruc nang pumasok ito sa looban ng templo para gawin ang iniutos niya! (Jer. 36:8-10) Nabalitaan ito ng matataas na opisyal, at inutusan nila si Baruc na basahin nang malakas ang balumbon! (Jer. 36:14, 15) Napagpasiyahan nilang sabihin kay Haring Jehoiakim ang mensahe. Galit na galit si Haring Jehoiakim nang marinig niya ang mensahe, kaya sinunog niya ang balumbon at ipinaaresto sina Jeremias at Baruc. Pero kumuha ulit si Jeremias ng balumbon, ibinigay ito kay Baruc, at habang idinidikta ni Jeremias ang mensahe ni Jehova, “isinulat ni Baruc ang lahat ng salitang nasa balumbon na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda.”—Jer. 36:26-28, 32. w19.11 3-4 ¶4-6
Lunes, Hunyo 21
Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo.—Fil. 2:13.
Si Jehova ay puwedeng maging anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya. Halimbawa, si Jehova ay naging Tagapagturo, Tagaaliw, at Ebanghelisador. Ilan lang ito sa maraming bagay na kaya niyang gawin. (Isa. 48:17; 2 Cor. 7:6; Gal. 3:8) Pero madalas niyang gamitin ang mga tao para matupad ang layunin niya. (Mat. 24:14; 28:19, 20; 2 Cor. 1:3, 4) Mabibigyan din niya tayo ng karunungan at lakas na kailangan natin para matupad ang kalooban niya. Ang lahat ng ito ay saklaw ng kahulugan ng pangalang Jehova, gaya ng sinasabi ng maraming iskolar. Gusto nating lahat na magamit tayo ni Jehova, pero may mga nag-aalinlangan kung ginagamit nga sila ni Jehova. Bakit? Dahil pakiramdam nila, nalilimitahan sila ng kanilang edad, kalagayan, o kakayahan. Ang iba naman ay kontento na sa nagagawa nila at hindi nila naiisip na may maitutulong pa sila. w19.10 20 ¶1-2
Martes, Hunyo 22
Ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay.—1 Tim. 6:10.
Dahil sa materyalismo, puwede tayong mawala sa pokus at mapabayaan natin ang ating kalasag ng pananampalataya. Sinabi ni apostol Pablo: “Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya.” (2 Tim. 2:4) Sa katunayan, hindi puwedeng magkaroon ng ibang trabaho ang isang sundalong Romano. Gaya ng mahuhusay na sundalo, hindi nawawala ang pokus natin sa pangunahin nating tunguhin—ang mapasaya ang ating mga Kumandante, si Jehova at si Kristo. Para sa atin, mas mahalaga iyan kaysa sa anumang maiaalok ng sanlibutan ni Satanas. Tinitiyak natin na may panahon tayo at lakas para mapaglingkuran si Jehova at para mapanatiling matibay ang ating kalasag ng pananampalataya at ang iba pang bahagi ng ating espirituwal na kasuotang pandigma. Dapat tayong manatiling alerto! Bakit? Nagbabala si apostol Pablo na ‘ang mga determinadong yumaman ay maililihis sa pananampalataya.’—1 Tim. 6:9, 10. w19.11 17 ¶12, 14-15
Miyerkules, Hunyo 23
Biglang darating ang kanilang pagkapuksa.—1 Tes. 5:3.
Sisigaw muna ng “kapayapaan at katiwasayan” bago ang “araw ni Jehova.” (1 Tes. 5:1-6) Sa 1 Tesalonica 5:2, ang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Paano natin malalaman kung magsisimula na ang kapighatiang ito? May sinasabi ang Bibliya tungkol sa isang kakaibang proklamasyon. Ito ang magsisilbing hudyat ng malaking kapighatian. Ito ang inihulang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.” Makikibahagi ba ang mga lider ng relihiyon? Posible. Pero ang proklamasyong ito ay isa na namang kasinungalingan mula sa mga demonyo. At mapanganib ito dahil paaasahin nito ang mga tao na magkakaroon ng katiwasayan, pero ang totoo, hudyat na pala ito ng malaking kapighatian. Oo, “biglang darating ang kanilang pagkapuksa, gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak.” Paano naman ang mga tapat na lingkod ni Jehova? Baka magulat pa rin sila sa biglang pagdating ng araw ni Jehova, pero nakahanda sila. w19.09 9 ¶7-8
Huwebes, Hunyo 24
May takdang panahon para sa lahat ng bagay, . . . panahon ng paghanap at panahon ng pagtanggap sa pagkawala.—Ecles. 3:1, 6.
Kapag nagdedesisyon, magkaroon ng espesipikong tunguhin. Kapag mas espesipiko ang tunguhin mo, mas malamang na matapos mo ang nasimulan mo. Halimbawa, baka nagdesisyon kang dalasan ang pagbabasa mo ng Bibliya. Pero kung wala kang espesipikong iskedyul, baka hindi mo iyon magawa. O baka nagdesisyon ang mga elder sa kongregasyon na dalasan ang pagse-shepherding, pero pagkalipas ng ilang panahon, hindi pa rin nila naisasagawa ang desisyon nila. Para maging matagumpay, puwede nilang itanong: “Natukoy na ba namin kung sino-sino ang mas makikinabang sa shepherding? Nakapagtakda ba kami ng espesipikong panahon para dalawin sila?” Bukod diyan, maging realistiko. Hindi natin magagawa ang lahat ng gusto natin kasi limitado lang ang panahon, pag-aari, at lakas natin. Kaya maging realistiko at makatuwiran. Baka may desisyon na kailangan mo talagang baguhin dahil hindi mo iyon kayang isagawa. w19.11 29 ¶11-12
Biyernes, Hunyo 25
Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.—Apoc. 7:14.
Ang magiging kalagayan ng lupa ay inilalarawan sa Isaias 65:21-23. Hindi tayo mauubusan ng gagawin doon. Ipinapakita ng Bibliya na ang bayan ng Diyos ay magkakaroon ng maganda at kasiya-siyang trabaho. Pagkatapos ng sanlibong taon, makakasiguro tayong “ang lahat ng nilalang ay [mapapalaya] rin mula sa pagkaalipin sa kabulukan at [magkakaroon] ng maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Kung paanong tiniyak ni Jehova na magiging balanse sa pagtatrabaho at pagpapahinga ang mga Israelita, ganoon din ang gagawin niya sa bayan niya sa Sanlibong-Taóng Pamamahala ni Kristo. Siguradong may panahon para sa espirituwal na mga gawain. Sa ngayon, napakahalaga ng pagsamba sa Diyos para maging masaya, at iyan ang gagawin natin sa bagong sanlibutan. Talagang magiging masaya ang lahat ng tapat na tao sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo dahil sa kasiya-siyang trabaho at paglilingkod sa Diyos! w19.12 12 ¶15; 13 ¶17-18
Sabado, Hunyo 26
Ang mga salitang ito . . . ay dapat na nasa puso ninyo, at itanim ninyo ito sa puso ng mga anak ninyo.—Deut. 6:6, 7.
Ibig sabihin, “ituro at ikintal sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit.” Para magawa ito, dapat na regular na maglaan ng panahon sa mga anak ang mga magulang. Kung minsan, parang nakakadismaya nga kapag kailangang ulit-ulitin ang pagtuturo sa mga bata. Pero dapat isipin ng mga magulang na pagkakataon ito para matulungan ang mga anak nila na maintindihan ang Salita ng Diyos at maisabuhay ito. Kaya kilalaning mabuti ang mga anak. Sa Awit 127, ang mga anak ay itinulad sa palaso. (Awit 127:4) Kung paanong ang mga palaso ay iba-iba ang sukat at gawa sa iba’t ibang materyales, magkakaiba rin ang mga anak. Kaya kailangang malaman ng mga magulang kung paano sasanayin ang bawat anak nila. Sinabi ng isang mag-asawang taga-Israel na napalaking naglilingkod kay Jehova ang dalawa nilang anak, “Tinuruan namin sila sa Bibliya nang magkahiwalay.” Siyempre, ang ulo ng pamilya ang magdedesisyon kung kailangan o kung posibleng gawin iyon sa pamilya nila. w19.12 26 ¶18-20
Linggo, Hunyo 27
Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.—Mat. 7:12.
Kapag may pinagdadaanan tayo, talagang pinahahalagahan natin ang mga kaibigang nagbibigay ng praktikal na tulong. “Napakaraming kailangang asikasuhin sa araw-araw na parang imposibleng maharap kapag may matindi kang problema,” ang sabi ni Ryan, na namatay ang tatay sa isang aksidente. “Malaki ang magagawa ng praktikal na tulong, gaano man ito kasimple.” Huwag maliitin ang mga simpleng bagay na magagawa mo para matulungan ang iba. Abala ang unang-siglong Kristiyano na si Marcos. Pero nagbigay si Marcos ng panahon para patibayin si apostol Pablo, at hindi nag-alangan si Pablo na humingi ng tulong kay Marcos. Si Angela ay nagdadalamhati noon dahil pinatay ang isang kapamilya niya. Talagang napahalagahan niya ang mga kaibigang nagpatibay sa kaniya. “Kapag gusto talagang tumulong ng isang kaibigan, madali siyang lapitan,” ang sabi niya. “Hindi siya parang napipilitan o nag-aalangan.” Kaya pag-isipan ito: ‘Kilalá ba ako sa pagiging handang tumulong sa mga kapatid sa praktikal na paraan?’ w20.01 11-12 ¶14-16
Lunes, Hunyo 28
Ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala.—1 Cor. 11:27.
Paano posibleng maging “di-karapat-dapat” ang pakikibahagi ng isang pinahiran sa Memoryal? Mangyayari ito kung uminom siya at kumain ng mga emblema pero hindi naman siya namumuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova. (Heb. 6:4-6; 10:26-29) Alam ng mga pinahiran na dapat silang manatiling tapat para makuha nila ang “gantimpala ng makalangit na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 3:13-16) Ang espiritu ni Jehova ay tumutulong sa mga lingkod niya na maging mapagpakumbaba, hindi mayabang. (Efe. 4:1-3; Col. 3:10, 12) Kaya hindi iniisip ng mga pinahiran na mas magaling sila sa iba. Hindi nila iniisip na dahil pinahiran sila, binibigyan sila ni Jehova ng mas maraming banal na espiritu kaysa sa iba. Hindi rin nila iniisip na mas nauunawaan nila ang mga katotohanan sa Bibliya. At hinding-hindi sila magsasabi sa isang tao na pinahiran din ito at na dapat itong makibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Sa halip, mapagpakumbaba nilang kinikilala na si Jehova lang ang pumipili sa mga taong mabubuhay sa langit. w20.01 27-28 ¶4-5
Martes, Hunyo 29
Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.—Sant. 4:8.
Gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya at makipag-usap sa kaniya. Hinihimok niya tayong “magmatiyaga . . . sa pananalangin,” at lagi siyang nakikinig. (Roma 12:12) Handa siyang makinig sa lahat ng pagkakataon. At para na rin tayong nakikinig sa kaniya kapag binabasa natin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, pati na ang mga publikasyong tumutulong sa atin na maintindihan ito. Masasabi ring pinapakinggan natin siya kapag nakikinig tayong mabuti sa mga pulong. Mananatili tayong malapít kay Jehova kapag lagi natin siyang kinakausap at pinapakinggan. Gusto niyang ibuhos natin ang laman ng ating puso kapag nananalangin. (Awit 62:8) Pag-isipan natin ang tanong na ito: ‘Ang mga panalangin ko ba ay mababaw at paulit-ulit, o taimtim at mula sa puso?’ Siguradong mahal na mahal mo si Jehova at gusto mong panatilihing malapít ang kaugnayan mo sa kaniya. Para magawa iyan, dapat na lagi kayong nag-uusap. Sabihin sa kaniya ang mga bagay na hindi mo masabi sa iba, pati na ang mga nagpapasaya at nagpapalungkot sa iyo. Puwede kang humingi ng tulong sa kaniya. w20.02 9 ¶4-5
Miyerkules, Hunyo 30
Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa.—1 Ped. 5:2.
Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga elder ang mahalagang pananagutang pangalagaan ang bayan niya. Maraming matututuhan ang mga elder sa pakikitungo ni Nehemias sa bayan ni Jehova. Bilang gobernador noon ng Juda, malaki ang kaniyang awtoridad. (Neh. 1:11; 2:7, 8; 5:14) Isipin ang ilang hamong kinaharap niya. Nalaman niyang nilalapastangan ng mga Judio ang templo at hindi nila sinusunod ang kautusan na suportahan sa pinansiyal ang mga Levita. Nilalabag nila ang kautusan ng Sabbath, at ang ilan sa mga lalaki ay nag-aasawa ng mga babaeng banyaga. Kailangan itong asikasuhin ni Gobernador Nehemias. (Neh. 13:4-30) Hindi inabuso ni Nehemias ang kaniyang awtoridad. Hindi siya gumawa ng sariling pamantayang ipapasunod sa bayan ng Diyos. Sa halip, taimtim siyang nanalangin para sa patnubay ni Jehova, at itinuro niya sa bayan ang Kautusan ng Diyos. (Neh. 1:4-10; 13:1-3) Mapagpakumbaba rin siyang nakipagtulungan sa kanila; tumulong pa nga siya sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.—Neh. 4:15. w19.09 15-16 ¶9-10