Mayo
Sabado, Mayo 1
[Turuan mo] kami kung ano ang gagawin sa batang ipanganganak.—Huk. 13:8.
Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para matulungan ang mga anak nila na ibigin si Jehova? Humingi ng tulong kay Jehova, gaya ni Manoa at ng kaniyang asawa. Magpakita rin ng magandang halimbawa. Mahalaga ang sinasabi mo; pero mas may epekto sa anak mo ang ginagawa mo. Makakatiyak tayong nagpakita ng magandang halimbawa sina Jose at Maria sa kanilang mga anak, pati na kay Jesus. Nagtrabaho nang husto si Jose para sa pamilya niya. Bukod diyan, tinuruan din niya silang magpahalaga sa espirituwal na mga bagay. (Deut. 4:9, 10) Isinasama niya sa Jerusalem ang pamilya niya “taon-taon” para ipagdiwang ang Paskuwa. (Luc. 2:41, 42) Baka itinuturing ng ilang ama noon na nakakapagod, malaking abala, at magastos kapag isinama ang pamilya nila. Pero maliwanag na pinahalagahan ni Jose ang espirituwal na mga bagay at itinuro niya sa mga anak niya na gawin din ito. Alam na alam din ni Maria ang Kasulatan. Sa salita at gawa, siguradong itinuro niya sa kaniyang mga anak na mahalin ang Salita ng Diyos. w19.12 24-25 ¶9-12
Linggo, Mayo 2
Makalaman ako—ipinagbili para maging alipin ng kasalanan.—Roma 7:14.
Mapapatunayan nating mahal tayo ni Jehova kapag pinag-isipan natin ang ginawa niya nang magkasala si Adan. Nang sumuway si Adan sa kaniyang Ama sa langit, naiwala niya ang pribilehiyong maging bahagi ng pamilya ni Jehova at nadamay ang mga magiging inapo niya. (Roma 5:12) Pero agad na kumilos si Jehova. Pinarusahan ni Jehova si Adan, pero binigyan niya ng pag-asa ang mga magiging inapo nito. Agad niyang ipinangako na magiging bahagi ulit ng pamilya niya ang mga masunurin. (Gen. 3:15; Roma 8:20, 21) Naging posible ito nang ilaan ni Jehova ang haing pantubos ng kaniyang mahal na Anak, si Jesus. Sa pagbibigay ng kaniyang Anak alang-alang sa atin, ipinakita ni Jehova kung gaano niya tayo kamahal. (Juan 3:16) Siya ang pinakamahusay na Ama. Dinirinig niya ang mga panalangin natin, at inilalaan niya ang materyal at espirituwal na pangangailangan natin. Sinasanay niya tayo at inaalalayan. Naglaan din siya ng magandang pagpapala para sa atin sa hinaharap. Nakakataba ng pusong malaman na mahal na mahal tayo ng ating Ama at nagmamalasakit siya sa atin! w20.02 6 ¶16-17; 7 ¶20
Lunes, Mayo 3
Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.—Awit 94:19.
Naranasan mo na bang sobrang mag-alala? Baka nasaktan ka dahil sa sinabi o ginawa ng iba o nag-aalala ka sa nasabi o nagawa mo sa iba. Halimbawa, baka may nagawa kang pagkakamali at nag-aalala kang hindi ka na mapapatawad ni Jehova. At baka nga maisip mong kaya sobra kang nag-aalala ay dahil mahina ang pananampalataya mo at masamang tao ka. Pero pag-isipan ang ilang halimbawa sa Bibliya. Matibay ang pananampalataya ni Hana, ang ina ni propeta Samuel. Pero naapektuhan pa rin siya ng masamang pagtrato sa kaniya ng isang miyembro ng sambahayan nila. (1 Sam. 1:7) Matatag ang pananampalataya ni apostol Pablo, pero labis siyang ‘nag-alala para sa lahat ng kongregasyon.’ (2 Cor. 11:28) Malakas ang pananampalataya ni Haring David kaya mahal na mahal siya ni Jehova. (Gawa 13:22) Pero nabagabag siya nang husto dahil sa mga pagkakamali niya. (Awit 38:4) Lahat sila ay pinayapa at pinaginhawa ni Jehova. w20.02 20 ¶1-2
Martes, Mayo 4
Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili.—Mat. 16:24.
Sa pag-aalay, taos-puso mong sinasabi kay Jehova sa panalangin na gagamitin mo na ang buhay mo para paglingkuran siya magpakailanman. Sa paggawa nito, ‘itinatakwil’ mo na ang sarili mo. Pag-aari ka na ni Jehova, at malaking pribilehiyo iyon. (Roma 14:8) Sinasabi mo sa kaniya na mula ngayon, siya na ang pinakamahalaga sa iyo at hindi ang sarili mo. Ang pag-aalay ay isang panata—isang taimtim na pangako sa Diyos. Hindi tayo pinipilit ni Jehova na gawin iyan. Pero kapag nanata tayo, inaasahan niyang tutuparin natin ito. (Awit 116:12, 14) Ang pag-aalay ay ginagawa nang mag-isa; walang ibang nakakaalam nito kundi si Jehova. Ang bautismo ay ginagawa sa harap ng mga tao; kadalasan na, sa asamblea o kombensiyon. Sa bautismo, ipinapakita mo sa iba na nag-alay ka na kay Jehova. Ipinapaalám mo rin na mahal mo ang Diyos na Jehova nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at na determinado kang paglingkuran siya magpakailanman.—Mar. 12:30. w20.03 9 ¶4-5
Miyerkules, Mayo 5
Huwag kayong magpalinlang kaninuman.—2 Tes. 2:3.
Pinapalabo ni Satanas ang pagkakakilanlan ni Jehova. Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, ang ilang nag-aangking Kristiyano ay nagsimulang magkalat ng maling mga turo. (Gawa 20:29, 30) Pinalabo ng mga apostatang ito ang pagkakakilanlan ng tanging tunay na Diyos. Halimbawa, inalis nila ang pangalan ng Diyos sa mga Bibliya at pinalitan ito ng “Panginoon” o iba pang titulo. Dahil diyan, hindi na magiging malinaw sa mga mambabasa ng Bibliya ang pagkakaiba ni Jehova at ng iba pang “panginoon” na nasa Kasulatan. (1 Cor. 8:5) Pareho nilang ginagamit ang salitang “Panginoon” para kay Jehova at kay Jesus, kaya mahirap nang maintindihan na magkaibang indibidwal si Jehova at ang Anak niya. (Juan 17:3) Nagkaroon tuloy ng Trinidad—isang doktrinang hindi itinuturo ng Salita ng Diyos. Bilang resulta, marami ang naniniwala na ang Diyos ay misteryoso at imposibleng makilala. Napakalaking kasinungalingan!—Gawa 17:27. w19.06 5 ¶11
Huwebes, Mayo 6
Isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo.—2 Tim. 4:5.
Ang isang paraan para lubusan nating magampanan ang ating ministeryo ay pahusayin ang ating kakayahan sa pangangaral at pagtuturo. (Kaw. 1:5; 1 Tim. 4:13, 15) Napakalaking pribilehiyo ang maging “mga kamanggagawa ng Diyos”! (1 Cor. 3:9) Kapag ‘tinitiyak mo ang mga bagay na higit na mahalaga’ at nagpopokus ka sa ministeryong Kristiyano, ‘makapaglilingkod ka kay Jehova nang may pagsasaya.’ (Fil. 1:10; Awit 100:2) Bilang ministro ng Diyos, makakapagtiwala kang ibibigay niya ang lakas na kailangan mo para magampanan ang iyong ministeryo gaanuman kahirap ang sitwasyon mo. (2 Cor. 4:1, 7; 6:4) Maliit man o malaki ang panahon mong makapagpatotoo, “magkakaroon [ka] ng dahilan na magbunyi” kapag ginagawa mo ito nang buong kaluluwa. (Gal. 6:4) Kapag lubusan mong ginagampanan ang iyong ministeryo, ipinapakita mong mahal mo si Jehova at ang iyong kapuwa. “Sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Tim. 4:16. w19.04 6 ¶15; 7 ¶17
Biyernes, Mayo 7
[Si Satanas ay] nagliligaw sa buong mundo.—Apoc. 12:9.
Espiritismo ang isang pangunahing paraan ni Satanas at ng mga demonyo para iligaw ang tao. Alam daw o kontrolado ng mga nagsasagawa ng espiritismo ang mga bagay na karaniwan nang hindi alam o hindi kontrolado ng tao. Halimbawa, may mga nagsasabing nalalaman daw nila ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng panghuhula o astrolohiya. Pinalalabas naman ng ilan na nakakausap nila ang patay. Mayroon ding nangkukulam o gumagamit ng mahika, at baka sinusubukan pa nga nilang isumpa ang isang tao. Sa isang survey sa 18 bansa sa Latin America at Caribbean, mahigit 30 porsiyento ang naniniwala sa mahika, pangkukulam, o panggagaway, at halos ganoon din karami ang naniniwalang puwedeng makipag-usap sa mga espiritu. Isa pang survey ang ginawa sa 18 bansa sa Aprika. Sa survey na iyon, higit sa kalahati ang naniniwala sa pangkukulam. Pero siyempre, saanman tayo nakatira, dapat tayong mag-ingat sa espiritismo. w19.04 20-21 ¶3-4
Sabado, Mayo 8
Mag-ingat kayo para matiyak na walang sinuman sa inyo ang nagkakasala ng seksuwal na imoralidad.—Heb. 12:16.
Kinapopootan ng Diyos na Jehova ang lahat ng uri ng kasamaan. (Awit 5:4-6) Napopoot siya sa seksuwal na pang-aabuso sa bata—isang kakila-kilabot na kasamaan! Bilang pagtulad kay Jehova, nasusuklam tayo sa pang-aabuso sa bata at hindi natin ito kinukunsinti sa kongregasyong Kristiyano. (Roma 12:9) Anumang uri ng pang-aabuso sa bata ay salungat sa “kautusan ng Kristo.” (Gal. 6:2) Lahat ng itinuro ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang mga sinabi at ginawa ay nakasalig sa pag-ibig at nagtataguyod ng katarungan. Dahil sa pagsunod ng tunay na mga Kristiyano sa kautusang ito, nadarama ng mga bata na sila ay ligtas at minamahal. Pero ang pang-aabuso sa bata ay isang kasakiman at hindi makatarungan, dahil inaalis nito ang kapanatagan ng biktima. Nakakalungkot, apektado nito ang tunay na mga Kristiyano. Bakit? Napakaraming “masasamang tao at mga impostor,” at baka nga sinusubukan pa ng ilan sa mga ito na mapabilang sa kongregasyon. (2 Tim. 3:13) Bukod diyan, may mga nag-aangking kabilang sa kongregasyon na nagpadala sa kanilang nakakarimarim na makalamang pagnanasa at nangmolestiya ng bata. w19.05 8 ¶1-3
Linggo, Mayo 9
Napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.—Sant. 5:16.
Baka iniisip ng isang taong nadedepres na hindi siya karapat-dapat lumapit kay Jehova sa panalangin. Kung gusto natin siyang tulungan, puwede tayong manalanging kasama siya at banggitin ang pangalan niya. Maaari nating sabihin kay Jehova na ang kapatid na ito ay mahal na mahal natin at ng kongregasyon. Maaari nating hilingin kay Jehova na tulungang maging kalmado at panatag ang mahal niyang lingkod na ito. Ang gayong panalangin ay tiyak na makakapagpagaan ng loob ng kapatid na nagdurusa. Mag-isip muna bago magsalita. Nakakasakit ang hindi pinag-isipang salita. Pero nakakaginhawa ang mabait na pananalita. (Kaw. 12:18) Kaya manalangin kay Jehova na tulungan kang makaisip ng mga salitang mabait at nakakapagpatibay. Tandaan na wala nang pananalitang higit na makakapagpatibay kundi ang mga ginamit mismo ni Jehova sa Bibliya. (Heb. 4:12) Sa pagtulong sa iba, naipapaalaala natin sa kanila na mahal sila ni Jehova. At huwag nating kalilimutang si Jehova ay isa ring Diyos ng katarungan. Walang pang-aabusong maililihim sa kaniya. Nakikita ni Jehova ang lahat, at titiyakin niyang mapaparusahan ang mga di-nagsisising nagkasala.—Bil. 14:18. w19.05 18 ¶18; 19 ¶19, 21
Lunes, Mayo 10
Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya na ayon sa mga tradisyon ng tao.—Col. 2:8.
Gusto ni Satanas na iwan natin si Jehova. Para mangyari iyan, sinisikap niyang impluwensiyahan ang pag-iisip natin. Sa ibang salita, binibihag niya ito para gawin natin ang gusto niya. Dinadaya niya tayo at hinihikayat na sumunod sa kaniya sa pamamagitan ng paggamit sa mga bagay na kaakit-akit sa atin. (Col. 2:4) Posible ba talagang madaya tayo ni Satanas? Oo naman! Tandaan, ang babala sa Colosas 2:8 ay hindi isinulat ni Pablo para sa mga di-Kristiyano, kundi para sa mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu. (Col. 1:2, 5) Kung posibleng madaya ang mga Kristiyano noon, mas lalo na ngayon. (1 Cor. 10:12) Bakit? Inihagis na kasi sa lupa si Satanas, at ginagawa niya ang lahat para madaya ang tapat na mga lingkod ng Diyos. (Apoc. 12:9, 12, 17) Bukod diyan, sa panahon natin sa ngayon, ang masasamang tao at mga impostor ay ‘lalo pang sumásamâ.’—2 Tim. 3:1, 13. w19.06 2 ¶1-2
Martes, Mayo 11
Hindi ko na kaya! O Jehova, kunin mo na ang buhay ko.—1 Hari 19:4.
Natakot si Elias nang pagbantaan ni Reyna Jezebel ang buhay niya. Kaya tumakas siya papuntang Beer-sheba. Nawalan na siya ng pag-asa at “hiniling niya na mamatay na sana siya.” Bakit? Hindi perpekto si Elias, “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Baka sobra na ang stress niya at pagod na pagod na siya. Baka naisip ni Elias na nawalan ng saysay ang pagtataguyod niya ng dalisay na pagsamba, na wala siyang naitulong sa Israel, at nag-iisa na lang siya sa paglilingkod kay Jehova. (1 Hari 18:3, 4, 13; 19:10, 14) Naintindihan ni Jehova ang nadarama ni Elias at hindi niya ito pinagsabihan. Sa halip, tinulungan niya ito na lumakas ulit. (1 Hari 19:5-7) Nang maglaon, may kabaitang itinuwid ni Jehova ang pananaw ni Elias sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Elias na mayroon pa siyang 7,000 sa Israel na hindi sumasamba kay Baal. (1 Hari 19:11-18) Sa praktikal na paraan, ipinakita ni Jehova kay Elias na mahal niya ito. w19.06 15-16 ¶5-6
Miyerkules, Mayo 12
Magpasakop kayo sa matatandang lalaki. . . . Kayo ay magbihis ng kapakumbabaan sa pakikitungo sa isa’t isa, dahil ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas.—1 Ped. 5:5.
Huwag maging pangahas. Kung susunod tayo sa tagubilin ng mga elder, makakaiwas tayo sa mga problema. Halimbawa, sa isang lugar na may pagbabawal, itinagubilin ng mga elder sa mga mamamahayag na huwag mag-iwan ng literatura kapag nangangaral. Pero hindi sumunod ang isang brother na payunir at namahagi pa rin siya ng literatura. Ano ang resulta? Hindi pa natatagalan pagkatapos niyang magpatotoo kasama ng iba, sinita sila ng mga pulis. Malamang na nasundan sila ng mga pulis at nakuha ng mga ito ang mga literaturang ipinamahagi nila. Ano ang matututuhan natin dito? Kailangan nating sumunod sa mga tagubilin kahit pa nga hindi tayo sang-ayon dito. Lagi tayong pinagpapala ni Jehova kapag nakikipagtulungan tayo sa mga inatasan niyang manguna sa atin.—Heb. 13:7, 17. w19.07 12 ¶17
Huwebes, Mayo 13
Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.—2 Tim. 3:12.
Noong gabi bago patayin ang Panginoong Jesus, sinabi niyang kapopootan ng mga tao ang lahat ng gustong maging alagad niya. (Juan 17:14) Hanggang ngayon, inuusig pa rin ng mga kalaban ng tunay na pagsamba ang tapat na mga Kristiyano. Habang papalapit ang katapusan ng sistemang ito, inaasahan nating lalo pa tayong pag-uusigin ng mga kaaway. (Mat. 24:9) Paano tayo maghahanda ngayon sa pag-uusig? Hindi naman natin kailangang isipin ang lahat ng puwedeng mangyari sa atin. Baka kasi sa sobrang takot at pag-aalala, hindi pa man tayo inuusig, suko na tayo. (Kaw. 12:25; 17:22) Ang takot ay ginagamit ng ating “kalaban . . . , ang Diyablo,” at napakabisa nito. (1 Ped. 5:8, 9) Mahalaga nga na patibayin natin ang kaugnayan natin kay Jehova at gawin natin ito ngayon. w19.07 2 ¶1-3
Biyernes, Mayo 14
Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.—Mat. 28:19.
Tiyak na sabik na sabik ang mga apostol nang magtipon-tipon sila sa gilid ng bundok. Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, sinabihan niya sila na makipagkita sa kaniya sa lugar na iyon. (Mat. 28:16) Posibleng ito ang panahong “nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon.” (1 Cor. 15:6) Bakit nakipagkita si Jesus sa mga alagad niya? Para bigyan sila ng kapana-panabik na atas: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:18-20) Ang mga alagad na nakarinig sa sinabi ni Jesus ay naging bahagi ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Ang pangunahing atas ng kongregasyong iyon ay ang gumawa ng higit pang alagad ni Kristo. Sa ngayon, libo-libo na ang mga tunay na kongregasyong Kristiyano sa buong mundo, at ganoon pa rin ang pangunahing atas ng mga kongregasyong iyon. w19.07 14 ¶1-2
Sabado, Mayo 15
Ang lupa ay mananatili magpakailanman.—Ecles. 1:4.
Sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Norway na ang mga taong ayaw makipag-usap tungkol sa Diyos ay kadalasan namang interesadong makipag-usap tungkol sa kalagayan ng mundo. Pagkatapos niyang bumati, sinasabi niya: “Puwede pa kaya tayong magkaroon ng magandang kinabukasan? Maibibigay kaya ito sa atin ng mga politiko, siyentipiko, o ng iba pa?” Matapos makinig nang mabuti, binabasa niya o sinisipi ang isang teksto tungkol sa magandang kinabukasan. Nagugulat ang ilan sa pangako ng Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman at titira doon magpakailanman ang mabubuting tao. (Awit 37:29) Mahalagang gumamit tayo ng iba’t ibang paraan ng pakikipag-usap. Bakit? Dahil ang isang paksa ay puwedeng magustuhan ng isang tao, pero baka ayaw naman ito ng iba. Okey lang sa ilan na pag-usapan ang tungkol sa Diyos o sa Bibliya, pero mas makikinig naman ang iba kung hindi muna tungkol dito ang pag-uusapan. Anuman ang sitwasyon, dapat nating samantalahing makausap ang lahat ng uri ng tao. (Roma 1:14-16) Si Jehova ang nagpapalago ng katotohanan sa puso ng mga taong gustong gawin kung ano ang tama.—1 Cor. 3:6, 7. w19.07 22-23 ¶10-11
Linggo, Mayo 16
Dahil ganiyan ang pag-ibig ng Diyos sa atin, pananagutan din nating ibigin ang isa’t isa.—1 Juan 4:11.
Dahil sa matinding pag-ibig sa atin ng Diyos, nauudyukan tayong mahalin din ang mga kapatid natin. (1 Juan 4:20, 21) Baka iniisip nating madali lang namang mahalin ang mga kapatid. Tutal, sumasamba tayo kay Jehova at nagsisikap tayong tularan siya. Tinutularan din natin si Jesus, na nagpakita ng matinding pag-ibig sa atin nang ibigay niya ang sarili niyang buhay para sa atin. Pero kung minsan, baka mahirapan tayong sumunod sa utos na mahalin ang isa’t isa. Sina Euodias at Sintique ay masisigasig na sister na parehong nakasama ni apostol Pablo sa paglilingkod. Pero posibleng nagkaroon sila ng di-pagkakaunawaan kaya nasira ang pagkakaibigan nila. Sa liham ni Pablo sa kongregasyong kinauugnayan ng dalawang sister, espesipiko niyang binanggit sina Euodias at Sintique at pinayuhang “magkaroon ng iisang kaisipan.” (Fil. 4:2, 3) Naisip ni Pablo na kailangan niyang sabihan ang buong kongregasyon: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan o nakikipagtalo.”—Fil. 2:14. w19.08 9 ¶6-7
Lunes, Mayo 17
Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.—Gal. 6:2.
Nakakatuwa, maraming kongregasyon at mga indibidwal ang tumutulong sa abot ng kanilang makakaya para makapanatili sa atas ang mga nasa buong-panahong paglilingkod. Pinapatibay nila ang mga ito na magpatuloy sa paglilingkod, nagbibigay sila ng pinansiyal o materyal na tulong, o inaasikaso nila ang kapamilya ng mga ito. Kung mapunta sa kongregasyon ninyo ang mga nasa buong-panahong paglilingkod dahil sa pagbabago ng atas, huwag isiping nabigo sila sa dati nilang atas o nadisiplina pa nga. Sa halip, tulungan silang makapag-adjust. Mainit silang tanggapin at komendahan sa mga nagagawa nila, kahit nalilimitahan na sila ng mahinang kalusugan. Kilalanin sila. Marami kang matututuhan sa kanila—sa kanilang kaalaman, pagsasanay, at karanasan. Sa umpisa, ang mga nakatanggap ng bagong atas ay baka mangailangan ng tulong mo sa paghanap ng matitirhan at trabaho, sa transportasyon, at sa iba pa nilang pangangailangan. w19.08 23-24 ¶12-13
Martes, Mayo 18
[Pababanalin] ko ang sarili ko sa harap nila sa pamamagitan mo, O Gog.—Ezek. 38:16.
Magtitiwala si Gog sa ‘lakas ng tao’—sa kaniyang hukbong militar. (2 Cro. 32:8) Magtitiwala naman tayo sa ating Diyos, si Jehova. Pero iisipin ng mga bansa na kamangmangan iyon, dahil ang Babilonyang Dakila, na minsang naging makapangyarihan, ay hindi nailigtas ng kaniyang mga diyos mula sa “mabangis na hayop” at sa “10 sungay” nito. (Apoc. 17:16) Kaya aakalain ni Gog na madali siyang magtatagumpay. “Gaya ng mga ulap na tumatakip sa lupain,” lulusubin niya ang bayan ni Jehova. Pero hindi niya alam na isang bitag iyon. Gaya ng Paraon sa Dagat na Pula, malalaman ni Gog na si Jehova pala ang kalaban niya. (Ex. 14:1-4; Ezek. 38:3, 4, 18, 21-23) Ipagtatanggol ni Kristo at ng kaniyang mga hukbo sa langit ang bayan ng Diyos at dudurugin nila ang hukbo ni Gog. (Apoc. 19:11, 14, 15) Pero ano ang mangyayari sa mortal na kaaway ng Diyos, si Satanas, na nagsinungaling sa mga bansa at nagsulsol sa kanila na lusubin ang bayan ng Diyos sa Armagedon? Siya at ang kaniyang mga demonyo ay ihahagis ni Jesus sa kalaliman, at ikukulong sila roon nang isang libong taon.—Apoc. 20:1-3. w19.09 11-12 ¶14-15
Miyerkules, Mayo 19
Patuloy mo itong hintayin! Dahil ito ay tiyak na magkakatotoo.—Hab. 2:3.
Natural lang na masabik tayo sa magagandang bagay na ipinangako ni Jehova. Pero kapag parang nagtatagal ang katuparan ng mga inaasahan natin, baka mabawasan ang ating sigasig. Baka panghinaan pa nga tayo ng loob. (Kaw. 13:12) Nangyari ito sa pasimula ng ika-20 siglo. Maraming pinahirang Kristiyano ang umaasa noon na aakyat na sila sa langit noong 1914. Pero nang hindi iyon mangyari, ano ang ginawa ng mga tapat na Kristiyano? Hindi sila tumigil sa takbuhan para sa buhay dahil nakapokus sila sa tapat na paglilingkod sa Diyos, hindi sa gantimpala. Desidido silang tumakbo nang may pagtitiis. Siguradong nasasabik ka na ring makita ang pagbabangong-puri ni Jehova sa kaniyang pangalan at soberanya, at ang pagtupad niya sa lahat ng kaniyang pangako. Makakasiguro kang mangyayari ang mga ito sa takdang panahon ni Jehova. Pero hangga’t wala pa ito, maging abala sana tayo sa paglilingkod sa ating Diyos, at huwag nating hayaang panghinaan tayo ng loob dahil sa mga inaasahang hindi nangyayari. w19.08 4-5 ¶9-10
Huwebes, Mayo 20
Ako ay mahinahon at mapagpakumbaba.—Mat. 11:29.
Pag-isipan ito: ‘Kilalá ba akong mahinahon at mapagpakumbaba? Handa ba akong gumawa ng mabababang atas para makapaglingkod sa iba? Mabait ba ako?’ Masarap maglingkod kasama ni Jesus at madali siyang pakitunguhan, at gustong-gusto rin niyang sanayin ang iba. (Luc. 10:1, 19-21) Gusto niyang nagtatanong ang mga alagad niya, at gusto niya ring marinig ang opinyon nila. (Mat. 16:13-16) Ang mga alagad niya ay gaya ng mayayabong na halaman na protektado at naalagaang mabuti. Tumagos sa puso nila ang mga itinuro ni Jesus kaya naging mabunga sila sa mabubuting gawa. Mayroon ka bang awtoridad sa iba? Kung gayon, pag-isipan ito: ‘Paano ko pinakikitunguhan ang iba sa trabaho o sa bahay? Mapagpayapa ba ako? Pinasisigla ko ba silang magtanong? Pinapakinggan ko ba ang opinyon nila?’ Ayaw nating maging gaya ng mga Pariseo, na naiinis kapag tinatanong at pinag-iinitan ang mga taong hindi nila katulad ng opinyon.—Mar. 3:1-6; Juan 9:29-34. w19.09 20 ¶1; 21 ¶9; 23 ¶10-11
Biyernes, Mayo 21
Kapag sinasabi na nila, “Kapayapaan at katiwasayan!” biglang darating ang kanilang pagkapuksa.—1 Tes. 5:3.
Kung minsan, ginagamit ng mga lider ng mga bansa ang mga ekspresyong gaya nito kapag tinutukoy nila ang pagpapatatag sa ugnayan ng mga bansa. Pero ang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan” na tinutukoy sa Bibliya ay naiiba. Bakit? Kasi kapag nangyari ito, baka isipin ng mga tao na nagtagumpay na ang mga lider ng mga bansa na gawing mas ligtas at tiwasay ang mundo. Pero ang totoo, magsisimula na pala ang “malaking kapighatian” at “biglang darating ang . . . pagkapuksa.” (Mat. 24:21) Hindi natin alam kung ano ang magiging dahilan para ideklara ito ng mga bansa o kung paano nila iyon gagawin. Hindi rin natin alam kung ito ay isang deklarasyon lang o isang serye ng mga deklarasyon. Anuman ang mangyari, ito ang alam natin: Hindi tayo dapat madayang kaya ng mga lider ng mga bansa na gawing payapa ang mundo. Sa halip, senyales iyon na magsisimula na ang “araw ni Jehova”!—1 Tes. 5:2. w19.10 8-9 ¶3-4
Sabado, Mayo 22
Sa panahong iyon, makatatakas ang iyong bayan.—Dan. 12:1.
Ang digmaan ng Armagedon ang pangwakas na kaganapan sa katapusan ng sistemang ito. Pero wala tayong dapat ikatakot. Bakit? Dahil ito ay laban ng Diyos. (Kaw. 1:33; Ezek. 38:18-20; Zac. 14:3) Sa hudyat ni Jehova, pangungunahan ni Jesu-Kristo ang pakikipagdigma. Makakasama niya ang mga pinahirang binuhay-muli at ang napakaraming anghel. Makikipaglaban sila kay Satanas, sa kaniyang mga demonyo, at sa mga hukbo nila sa lupa. (Apoc. 6:2; 17:14) Ipinangako ni Jehova: “Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Isang “malaking pulutong” ng tapat na mga mananamba ni Jehova ang makakaligtas at “[lalabas] mula sa malaking kapighatian”! Pagkatapos, patuloy silang maglilingkod sa kaniya. (Apoc. 7:9, 13-17) Talagang pinapatibay ng Bibliya ang pag-asa natin sa hinaharap! Alam nating “iniingatan ni Jehova ang mga tapat.” (Awit 31:23) Ang lahat ng umiibig at pumupuri kay Jehova ay magsasaya kapag ipinagbangong-puri na niya ang kaniyang banal na pangalan.—Ezek. 38:23. w19.10 18-19 ¶17-18
Linggo, Mayo 23
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.—Kaw. 17:17.
Habang papalapit tayo sa katapusan ng “mga huling araw,” baka mapaharap tayo sa mabibigat na pagsubok. (2 Tim. 3:1) Halimbawa, sa isang bansa sa kanlurang Africa, nagkaroon ng kaguluhan at karahasan pagkatapos ng kampanya sa eleksiyon. Kaya sa loob ng mahigit anim na buwan, napakadelikado ng kalagayan ng mga kapatid doon. Ano ang nakatulong sa kanila? Ang ilan ay pinatuloy ng mga kapatid na nakatira sa ligtas na lugar. Sinabi ng isang brother: “Sa ganitong sitwasyon, mabuti na lang at may mga kaibigan ako. Napatibay namin ang isa’t isa.” Pagdating ng “malaking kapighatian,” mapapahalagahan natin na may mabubuti tayong kaibigan na nagmamahal sa atin. (Apoc. 7:14) Kaya dapat tayong magkaroon ng matibay na kaugnayan sa iba ngayon pa lang. (1 Ped. 4:7, 8) Bakit? Dahil pilit na sisirain ng mga kaaway ang ating pagkakaisa sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at maling impormasyon. Susubukan nilang sirain ang ating pagsasamahan. Pero mabibigo sila. Hindi nila maaalis ang pag-ibig natin sa isa’t isa. w19.11 2 ¶1-2; 7 ¶19
Lunes, Mayo 24
Magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.—Efe. 6:16.
Ginagamit ni Satanas, na “ama ng kasinungalingan,” ang mga naimpluwensiyahan niya para magkalat ng kasinungalingan tungkol kay Jehova at sa mga kapatid. (Juan 8:44) Halimbawa, nagkakalat ng kasinungalingan ang mga apostata at pinipilipit nila ang katotohanan tungkol sa organisasyon ni Jehova gamit ang mga website, palabas sa TV, at iba pa. Kasama ito sa mga “nagliliyab na palaso” ni Satanas. Ano ang gagawin natin sa ganitong mga kasinungalingan? Hindi natin papansinin ang mga ito! Bakit? Dahil nagtitiwala tayo kay Jehova at sa mga kapatid natin. Ang totoo, hindi tayo nakikipag-ugnayan sa mga apostata. Hinding-hindi tayo makikipagtalo sa kanila, kahit pa para lang malaman ang iniisip nila. At hindi natin hahayaang humina ang ating pananampalataya. Naiwasan mo bang makinig at makipagtalo sa mga apostata tungkol sa mga kasinungalingang ikinakalat nila? Mahusay iyan. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat dahil may iba pang sandatang ginagamit si Satanas. w19.11 15 ¶8; 16 ¶11
Martes, Mayo 25
Sinusuri ni Jehova ang mga motibo.—Kaw. 16:2.
Kapag nagdedesisyon, suriin ang motibo mo. Gusto ni Jehova na maging tapat tayo sa lahat ng bagay. Kaya kapag gumagawa ng desisyon, gusto rin nating maging tapat sa ating sarili at sa iba pagdating sa motibo natin. Kung hindi tayo tapat, baka mahirapan tayong isagawa ang desisyon natin. Halimbawa, baka nagdesisyon ang isang kabataang brother na magpayunir. Pero pagkalipas ng ilang panahon, nahihirapan na siyang abutin ang oras at nawawala na ang kagalakan niya sa ministeryo. Baka iniisip niya na ang talagang motibo niya sa pagpapayunir ay para pasayahin si Jehova. Pero posible kayang ang pinakadahilan niya ay para pasayahin ang mga magulang niya o ang iba? Isipin ang isang Bible study na nagdesisyong huminto sa paninigarilyo. Sa una, nakayanan niya ito nang isa o dalawang linggo, pero bumalik siya sa paninigarilyo. Nang bandang huli, napagtagumpayan niya rin ito! Naihinto niya ang bisyo niya dahil sa pag-ibig kay Jehova at sa kagustuhan niyang pasayahin ang Diyos.—Col. 1:10; 3:23. w19.11 27 ¶9; 29 ¶10
Miyerkules, Mayo 26
Mamuhay kayo bilang mga mamamayan na nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo.—Fil. 1:27, tlb.
Nagtitiwala si apostol Pablo na matatapos niya ang takbuhan at maaabot ang kaniyang tunguhin. Bilang pinahirang Kristiyano, inaasam niya “ang gantimpala ng makalangit na pagtawag ng Diyos.” Pero para maabot ang tunguhing iyan, alam niyang dapat na patuloy siyang magsikap. (Fil. 3:14) Gumamit si Pablo ng magandang ilustrasyon para tulungan ang mga taga-Filipos na manatiling nakapokus sa tunguhin nila. Ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Filipos na ang pagkamamamayan nila ay sa langit. (Fil. 3:20) Bakit mahalagang tandaan ito? Noon kasi, gustong-gusto ng mga tao na maging mamamayan ng Roma. Pero mas maganda ang pagkamamamayan ng mga pinahirang Kristiyano, dahil ito ang magbibigay sa kanila ng mas maraming pakinabang. Walang-wala ang pagkamamamayan ng Roma kumpara dito! Magandang halimbawa ang mga pinahirang Kristiyano sa ngayon sa pagsisikap nilang maabot ang tunguhin nilang mabuhay magpakailanman sa langit. w19.08 6 ¶14-15
Huwebes, Mayo 27
Kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay magiging tunay na malaya.—Juan 8:36.
Mas magandang kalayaan iyan kaysa sa nararanasan ng mga Israelita kapag taon ng Jubileo! (Lev. 25:8-12) Kasi, ang isang taong napalaya sa Jubileo ay puwedeng maging alipin ulit, at mamamatay rin ito sa bandang huli. Noong Pentecostes 33 C.E., pinahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga apostol at iba pang tapat na lalaki at babae. Inampon niya sila bilang mga anak para mabuhay-muli sa langit at makasama ni Jesus na maghari sa hinaharap. (Roma 8:2, 15-17) Sila ang unang nakinabang sa pagpapalaya na inihayag ni Jesus sa sinagoga ng Nazaret. (Luc. 4:16-19, 21) Ang mga lalaki at babaeng iyon ay hindi na alipin ng mga huwad na turo at di-makakasulatang gawain ng mga Judiong lider ng relihiyon. Para sa Diyos, malaya na rin sila sa kasalanan na humahantong sa kamatayan. Ang makasagisag na Jubileo na nagsimula nang pahiran ang mga tagasunod ni Kristo noong 33 C.E. ay magwawakas sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus. w19.12 11 ¶11-12
Biyernes, Mayo 28
Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.—1 Cor. 15:33.
Mga magulang, tulungan ang anak na pumili ng mabubuting kaibigan. Kailangang alam ng nanay at tatay kung sino ang mga kaibigan ng anak nila at kung ano ang ginagawa ng mga ito kapag magkakasama. Kasali na riyan ang pag-alam sa mga nakakausap niya sa social media at cellphone. Makakaimpluwensiya ang mga ito sa kaniyang pag-iisip at paggawi. Gumagawa ng paraan ang maraming magulang para makasama ng mga anak nila ang mga nagpapakita ng magandang halimbawa sa paglilingkod sa Diyos. Halimbawa, madalas imbitahan ng mag-asawang N’Déni at Bomine, taga-Côte d’Ivoire, ang tagapangasiwa ng sirkito na tumuloy sa bahay nila. Sinabi ni N’Déni: “Napakaganda ng epekto nito sa anak namin. Nagpayunir siya at naglilingkod na ngayon bilang substitute circuit overseer.” Sa pagsasanay sa mga anak, mas maaga, mas maganda. (Kaw. 22:6) Tingnan ang halimbawa ni Timoteo. Sinanay siya ng nanay niyang si Eunice at ng lola niyang si Loida “mula pa noong sanggol” siya.—2 Tim. 1:5; 3:15. w19.12 25 ¶14; 26 ¶16-17
Sabado, Mayo 29
May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.—Kaw. 18:24.
Maging maaasahang kaibigan. Halimbawa, hindi lang tayo basta nangangakong tumulong sa mga kapatid na nangangailangan—talagang tinutulungan natin sila. (Mat. 5:37; Luc. 16:10) Kapag alam ng mga kapatid na maaasahan nila tayo, napapatibay sila. Ipinaliwanag ng isang sister kung bakit. Sinabi niya, “Panatag ka kasi alam mo na talagang darating ang taong nangako ng tulong sa iyo.” Malaking tulong sa mga may pinagdadaanan ang isang kaibigang mapagsasabihan nila ng problema. Pero para maging isang mapagkakatiwalaang kaibigan, kailangan nating maging matiyaga. Nang iwan si Zhanna ng asawa niya, nakatulong sa kaniya ang pagsasabi ng niloloob sa matatalik niyang kaibigan. “Matiyaga silang nakinig sa akin,” ang sabi niya, “kahit na paulit-ulit na siguro ang mga sinasabi ko.” Puwede ka ring maging mabuting kaibigan kung matiyaga kang makikinig sa iba. w20.01 10-11 ¶9-11
Linggo, Mayo 30
Mapupuspos siya ng banal na espiritu kahit hindi pa siya naipanganganak.—Luc. 1:15.
Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga lingkod ng Diyos na tumanggap ng banal na espiritu pero walang pag-asa na mabuhay sa langit. Halimbawa, si David ay ginabayan ng banal na espiritu. (1 Sam. 16:13) Tinulungan siya nito na maunawaan ang malalalim na bagay tungkol kay Jehova, at pinatnubayan siya nito sa pagsulat ng ilang bahagi ng Bibliya. (Mar. 12:36) Pero sinabi ni apostol Pedro na “hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:34) Si Juan Bautista rin ay ‘napuspos ng banal na espiritu.’ (Luc. 1:13-16) Sinabi ni Jesus na wala nang taong mas dakila kaysa kay Juan, pero sinabi rin niya na si Juan ay hindi magiging bahagi ng Kaharian sa langit. (Mat. 11:10, 11) Binigyan sila ni Jehova ng banal na espiritu para makagawa ng kahanga-hangang mga bagay, pero hindi niya ginamit ang espiritung iyon para piliin silang mabuhay sa langit. Ibig bang sabihin, hindi sila kasintapat ng mga napiling mamahala sa langit? Hindi. Ibig sabihin lang nito, bubuhayin silang muli ni Jehova sa Paraiso sa lupa.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15. w20.01 25 ¶15
Lunes, Mayo 31
Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.—1 Juan 4:19.
Inanyayahan tayo ni Jehova na maging bahagi ng kaniyang pamilya ng mga mananamba. Ang ating pamilya ay binubuo ng mga taong nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos at nananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Masaya ang pamilya natin. Makabuluhan ang buhay natin, at may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan—sa langit man o sa Paraisong lupa. Dahil mahal tayo ni Jehova, napakalaki ng isinakripisyo niya para mabigyan tayo ng pagkakataong maging bahagi ng pamilya niya. (Juan 3:16) Tayo ay “binili . . . sa malaking halaga.” (1 Cor. 6:20) Sa pamamagitan ng pantubos, binigyan tayo ni Jehova ng pagkakataong maging malapít sa kaniya. Karangalan nating tawaging “Ama” ang pinakadakilang Persona sa uniberso. At si Jehova ang pinakamahusay na Ama. Gaya ng isang manunulat ng Bibliya, baka maitanong din natin: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin?” (Awit 116:12) Ang totoo, hindi natin kayang suklian ang lahat ng ginagawa niya para sa atin. Pero dahil sa pagmamahal niya, napapakilos tayong mahalin din siya. w20.02 8 ¶1-3