Abril
Huwebes, Abril 1
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.—Kaw. 17:17.
Tapat na kaibigan ni apostol Pablo si Aristarco, isang Kristiyano mula sa Tesalonica sa Macedonia. Una nating nabasa ang tungkol kay Aristarco nang dumalaw si Pablo sa Efeso sa ikatlong paglalakbay-misyonero nito. Sinasamahan niya si Pablo sa paglalakbay nang hulihin siya ng mga mang-uumog. (Gawa 19:29) Nang palayain siya, hindi niya iniwan si Pablo para lang makaiwas sa panganib. Pagkalipas ng ilang buwan, sa Gresya, kasama pa rin ni Pablo si Aristarco kahit na may mga nagtatangka sa buhay ni Pablo. (Gawa 20:2-4) Noong mga 58 C.E. nang ipadala si Pablo sa Roma para ibilanggo, sinamahan siya ni Aristarco sa mahabang paglalakbay, at magkasama sila nang mawasak ang barkong sinasakyan nila. (Gawa 27:1, 2, 41) Noong nasa Roma na sila, lumilitaw na nakulong din si Aristarco kasama ni Pablo. (Col. 4:10) Hindi nga nakakapagtaka na napatibay at napalakas si Pablo ng kaniyang tapat na kaibigan! Gaya ni Aristarco, puwede tayong maging tapat na kaibigan sa ating mga kapatid hindi lang sa masasayang panahon kundi “kapag may problema” rin. w20.01 9 ¶4-5
Biyernes, Abril 2
Maligaya at banal ang sinumang kasama sa unang pagkabuhay-muli.—Apoc. 20:6.
Posibleng nadarama ng isang pinahiran na hindi siya karapat-dapat sa napakagandang pribilehiyong ito. Pero wala siyang kahit kaunting pagdududa na pinili siya ni Jehova. Nag-uumapaw ang puso niya sa kagalakan at pasasalamat kapag naiisip niya ang pag-asa niya sa hinaharap. (1 Ped. 1:3, 4) Ibig bang sabihin nito, gusto nang mamatay ng mga pinahiran? Sinasagot iyan ni apostol Pablo. Itinulad niya ang katawan ng tao sa isang tolda at sinabi: “Ang totoo, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan, hindi dahil sa gusto natin itong hubarin, kundi dahil gusto nating isuot ang isang iyon, para ang mortal ay mapalitan ng buhay.” (2 Cor. 5:4) Hindi sila nawalan ng ganang mabuhay sa lupa, na para bang gusto na nilang mamatay. Ang totoo, nasisiyahan sila sa buhay at gusto nilang maglingkod kay Jehova araw-araw kasama ang pamilya nila at mga kaibigan. Pero anuman ang kanilang ginagawa, laging nasa isip nila ang napakagandang pag-asa nila sa hinaharap.—1 Cor. 15:53; 2 Ped. 1:4; 1 Juan 3:2, 3. w20.01 23 ¶12-13
Sabado, Abril 3
Dinidisiplina ni Jehova ang mga mahal niya.—Heb. 12:6.
Bilang pagsasanay, dinidisiplina tayo ng ating mapagmahal na Ama kung kailangan. Ginagawa iyan ni Jehova sa maraming paraan. Halimbawa, ang pagtutuwid ay posibleng manggaling sa nabasa natin sa Bibliya o napakinggan sa pulong. O baka manggaling sa mga elder ang tulong na kailangan natin. Saanman ito manggaling, dinidisiplina tayo ni Jehova dahil mahal niya tayo. (Jer. 30:11) Inaalalayan tayo ni Jehova para matiis ang mga pagsubok. Gaya ng isang mapagmahal na ama na umaalalay sa kaniyang anak kapag may problema, tinutulungan din tayo ng ating Ama sa langit na matiis ang mga pagsubok. Ginagamit niya ang banal na espiritu para matulungan tayong ingatan ang kaugnayan sa kaniya. (Luc. 11:13) Inaalalayan din niya tayo kapag nag-aalala tayo. Halimbawa, binigyan niya tayo ng napakagandang pag-asa. Ang pag-asang iyan ay makakatulong sa atin na makapagtiis. Tandaan: Anumang pagdurusa ang danasin natin, aalisin ng ating mapagmahal na Ama ang lahat ng epekto nito. Pansamantala lang ang mga pagsubok na dinaranas natin, pero ang pagpapala ni Jehova ay walang hanggan.—2 Cor. 4:16-18. w20.02 5 ¶14-15
Linggo, Abril 4
May tendensiya tayong patuloy na mainggit at magnasa ng iba’t ibang bagay.—Sant. 4:5.
Madaraig natin ang inggit! Isaalang-alang ang halimbawa ng mga kapatid ni Jose. Maraming taon matapos nilang maltratuhin si Jose, nagkita ulit sila sa Ehipto. Bago magpakilala si Jose sa mga kapatid niya, sinubok muna niya kung nagbago na sila. Nagpahanda siya ng pagkain, at binigyan niya ang bunsong si Benjamin ng mas maraming pagkain kaysa sa ibang kapatid niya. (Gen. 43:33, 34) Pero hindi nainggit kay Benjamin ang mga kapatid niya. Sa halip, nagpakita sila ng malasakit sa kapatid nila at sa ama nilang si Jacob. (Gen. 44:30-34) Naibalik ng mga kapatid ni Jose ang kapayapaan sa kanilang pamilya dahil wala na ang inggit sa puso nila. (Gen. 45:4, 15) Kung bubunutin din natin ang inggit sa ating puso, mapapanatili natin ang kapayapaan sa pamilya at sa kongregasyon. Gusto ni Jehova na labanan natin ang inggit at itaguyod ang kapayapaan. Kung tayo ay mapagpakumbaba, kontento, at mapagpahalaga, mawawalan na ng lugar ang inggit. w20.02 19 ¶17-18
Lunes, Abril 5
Mahal ko si Jehova dahil dinirinig niya ang tinig ko, ang paghingi ko ng tulong.—Awit 116:1.
Ang pananalangin ay isang paraan para maipakita ang pasasalamat kay Jehova. Lalo mong mamahalin ang Diyos kapag sinasabi mo sa kaniya ang mga ikinababahala mo at pinapasalamatan siya sa lahat ng ginagawa niya para sa iyo. Titibay ang pagkakaibigan ninyo ni Jehova kapag nakikita mong dinirinig niya ang mga panalangin mo. Makukumbinsi kang naiintindihan ka niya. Pero para mapalapít kay Jehova, kailangan mong maintindihan ang paraan ng pag-iisip niya. At kailangan mo ring malaman ang gusto niyang gawin mo. Malalaman mo lang iyan kapag pinag-aralan mo ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Kaya pahalagahan mo ito. Sa Bibliya lang makikita ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa layunin niya para sa iyo. Ipinapakita mong mahalaga sa iyo ang Bibliya kapag binabasa mo ito araw-araw, pinaghahandaan ang pakikipag-aral mo ng Bibliya, at isinasabuhay ang natututuhan mo. (Awit 119:97, 99; Juan 17:17) Mayroon ka bang iskedyul ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw? Sinusunod mo ba ito? w20.03 5 ¶8-9
Martes, Abril 6
Nakipagkatuwiranan [siya sa sinuman] doon.—Gawa 17:17.
Kung hindi ka masyadong makapaglakad, puwede kang umupo sa pampublikong lugar para makapangaral sa mga dumaraan. Puwede ka ring magpatotoo nang di-pormal, mag-letter writing, o mag-telephone witnessing. Maraming mamamahayag, na hindi na halos makapagbahay-bahay, ang masayang nakakapangaral sa ganitong mga paraan. Kahit mahina na ang kalusugan mo, puwede mo pa ring lubusang magampanan ang iyong ministeryo. Sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Fil. 4:13) Kinailangan ni Pablo ang ganoong lakas nang magkasakit siya sa isang paglalakbay bilang misyonero. Sinabi niya sa mga taga-Galacia: “Dahil sa pagkakasakit ko sa laman ay naipahayag ko sa inyo ang mabuting balita noong unang pagkakataon.” (Gal. 4:13) Kaya kung may sakit ka, magagamit mo ang pagkakataong iyon para masabi ang mabuting balita sa iba, gaya ng mga doktor, nars, at iba pang nag-aalaga sa iyo. Marami sa kanila ang nasa trabaho kapag nagbabahay-bahay tayo sa lugar nila. w19.04 4-5 ¶10-11
Miyerkules, Abril 7
Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.—2 Tim. 3:12.
Noong 2018, mahigit 223,000 mamamahayag ng mabuting balita ang nakatira sa mga lugar na ipinagbabawal o hinihigpitan ang ating gawain. Hindi na iyan nakakagulat. Inaasahan ng tunay na mga Kristiyano na pag-uusigin sila. Saanman tayo nakatira, puwedeng bigla na lang ipagbawal ng gobyerno ang pagsamba natin kay Jehova, ang ating mapagmahal na Diyos. Kapag ipinagbawal ng gobyerno ang pagsamba natin, baka isipin nating hindi tayo pinagpapala ng Diyos. Pero tandaan, ang pag-uusig ay hindi naman patunay na hindi na masaya si Jehova sa atin. Isipin si apostol Pablo. Siguradong masaya sa kaniya ang Diyos. Nagkapribilehiyo siyang sumulat ng 14 na liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Isa rin siyang apostol para sa ibang mga bansa. Pero dumanas siya ng matinding pag-uusig. (2 Cor. 11:23-27) Ipinapakita lang ng karanasan ni apostol Pablo na hinahayaan ni Jehova na pag-usigin ang kaniyang tapat na mga lingkod. w19.07 8 ¶1, 3
Huwebes, Abril 8
Nakikipaglaban tayo . . . sa hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako.—Efe. 6:12.
Nagmamalasakit sa atin si Jehova bilang mga lingkod niya. Damang-dama natin iyan sa pagtulong niya sa atin na labanan ang ating mga kaaway. Ang pangunahin nating mga kaaway ay si Satanas at ang mga demonyo. Nagbababala si Jehova laban sa kanila, at ibinibigay niya ang kailangan natin para malabanan sila. (Efe. 6:10-13) Kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova at lubusan tayong aasa sa kaniya, magtatagumpay tayo laban sa Diyablo. Magkakaroon din tayo ng kumpiyansang gaya ng kay apostol Pablo. Isinulat niya: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?” (Roma 8:31) Bilang tunay na mga Kristiyano, hindi natin masyadong binibigyang-pansin si Satanas at ang mga demonyo. Nakapokus tayo sa pagkilala kay Jehova at sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 25:5) Pero kailangan nating malaman ang mga pakana ni Satanas. Bakit? Para hindi niya tayo malamangan.—2 Cor. 2:11. w19.04 20 ¶1-2
Biyernes, Abril 9
Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.—Sant. 1:19.
Kapag tumutulong sa isang taong nagdurusa, nakikinig ba tayo? Higit pa ito sa basta hindi pagsasalita. Makakapagpakita tayo ng simpatiya at habag habang nakikinig. Kung minsan, naipapakita natin ito sa paggamit ng mabait na pananalita. Puwede mong sabihin: “Nakakalungkot naman!” Puwede ka ring magtanong para makatiyak na naiintindihan mo ang idinaraing ng iyong kaibigan. Puwede mong itanong, “Ano’ng ibig mong sabihin?” o “Ibig mo bang sabihin . . . Tama ba?” Sa gayon, maipapakita mong talagang nakikinig ka at tinitiyak mong naiintindihan mo siya. (1 Cor. 13:4, 7) Pero maging “mabagal sa pagsasalita.” Huwag kang sasabat para payuhan o ituwid siya. At maging matiyaga! Sa halip na sikaping magbigay ng solusyon, magpakita tayo ng simpatiya at habag.—1 Ped. 3:8. w19.05 17-18 ¶15-17
Sabado, Abril 10
Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang sarili niya para dito.—Efe. 5:25.
Sa pamilya, dapat mahalin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa “kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon.” (Efe. 5:28, 29) Dapat niyang tularan ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Kristo at unahin ang pangangailangan at kapakanan ng asawa niya. Baka nahihirapan ang ilang asawang lalaki na makapagpakita ng gayong pag-ibig dahil malamang na hindi nila kinalakhan ang pagpapakita ng pag-ibig at pagtrato nang patas. Baka hiráp silang baguhin ang di-magandang kinaugalian nila, pero kailangan nila itong gawin para masunod ang kautusan ng Kristo. Kapag nagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig ang asawang lalaki, igagalang siya ng kaniyang asawa. Ang isang mapagmahal na tatay ay hindi mapang-abuso sa kaniyang mga anak, sa salita man o sa gawa. (Efe. 4:31) Kapag ipinadarama niya sa mga anak niya na mahal niya sila at ipinagmamalaki, magiging masaya at panatag ang mga ito. Nakukuha ng gayong ama ang pagmamahal at pagtitiwala ng kaniyang mga anak. w19.05 6 ¶21
Linggo, Abril 11
Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailanman.—Luc. 1:32, 33.
Paano kaya nakaapekto kay Maria ang sinabing iyon ni Gabriel? Naisip kaya niya na si Jesus ang papalit kay Haring Herodes o sa isa sa mga tagapagmana nito bilang tagapamahala sa Israel? Kung ganoon nga, si Maria ang magiging inang reyna, at ang pamilya nila ay titira sa palasyo. Pero wala tayong mababasa na humingi si Maria ng espesyal na posisyon sa Kaharian. Talagang mapagpakumbaba si Maria! Tandaan, ang pinakamahalagang tunguhin natin sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng ating mga publikasyon ay maging mas malapít kay Jehova. Gusto rin nating makita nang malinaw “kung anong uri [tayo] ng tao” at kung ano ang kailangan nating baguhin para mapasaya ang puso ng Diyos. (Sant. 1:22-25; 4:8) Kaya bago mag-aral, hilingin muna ang espiritu ni Jehova. Hilingin natin sa kaniya na tulungan tayong makinabang nang husto sa pag-aaralan natin at na makita natin kung ano ang kailangan nating baguhin. w19.05 30-31 ¶18-19
Lunes, Abril 12
Naghihirap ang kalooban ko.—1 Sam. 1:15.
Kung minsan, nagkakasabay-sabay ang mga problema. Tingnan ang mga halimbawang ito. Ang Saksing si John, na may multiple sclerosis, ay iniwan ng misis niya matapos ang 19-na-taóng pagsasama. Pagkatapos, tumigil sa paglilingkod kay Jehova ang dalawa niyang anak na babae. Iba naman ang problema ng mag-asawang Bob at Linda. Pareho silang nawalan ng trabaho, at nawalan din sila ng bahay. Bukod diyan, na-diagnose si Linda na may sakit sa puso na puwede niyang ikamatay, at humihina na ang immune system niya dahil sa isa pang sakit. Makakatiyak tayo na naiintindihan ng ating Maylalang at mapagmahal na Ama, si Jehova, ang epekto sa atin ng stress. At gusto niya tayong tulungang maharap ang mga problema. (Fil. 4:6, 7) Mababasa sa Salita ng Diyos ang iba’t ibang problemang dinanas ng mga lingkod niya. Mababasa rin dito kung paano sila tinulungan ni Jehova na maharap ang mga iyon. w19.06 14 ¶2-3
Martes, Abril 13
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.—Kaw. 17:17.
Kapag ang mga nawalan ng asawa ay tinutulungan natin, kahit sa maliliit na paraan, ipinapakita nating mahal natin sila. Ngayong nag-iisa na sila, mas kailangan nila ng mga kaibigang masasandalan. Paano ka magiging ganiyang uri ng kaibigan? Puwede mo silang imbitahan sa isang simpleng salusalo. Samahan mo sila sa paglilibang o sa ministeryo. O anyayahan mo sila paminsan-minsan sa inyong pampamilyang pagsamba. Kung gagawin mo iyan, mapapasaya mo si Jehova, dahil siya ay “malapit sa mga may pusong nasasaktan” at “tagapagtanggol ng mga biyuda.” (Awit 34:18; 68:5) Malapit nang mamahala sa mundo ang Kaharian ng Diyos, at ang lahat ng “paghihirap ay malilimutan” na. Nasasabik na tayong dumating ang panahon kung kailan “ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa, at mawawala na ang mga ito sa puso.” (Isa. 65:16, 17) Pero sa ngayon, tulungan natin ang isa’t isa at ipakita natin sa salita at gawa na mahal natin ang ating mga kapananampalataya.—1 Ped. 3:8. w19.06 25 ¶18-19
Miyerkules, Abril 14
Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.—Heb. 13:6.
Maraming taon na ang nakakalipas, sinabi ng Bantayan: “Kapag kilalang-kilala ng isang tao ang Diyos, magtitiwala siya nang lubusan sa Diyos pagdating ng pagsubok.” Totoo iyan! Para makayanan ang pag-uusig, dapat nating ibigin at lubusang pagtiwalaan si Jehova. (Mat. 22:36-38; Sant. 5:11) Basahin ang Bibliya araw-araw at gawing tunguhin na mas mapalapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Habang nagbabasa, magpokus sa mga katangian ni Jehova at damhin ang pagmamahal niya na makikita sa kaniyang sinasabi at ginagawa. (Ex. 34:6) Baka mahirap ito para sa ilan dahil hindi pa sila nakakaranas mahalin. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, bakit hindi mo ilista araw-araw kung paano ka pinagpapakitaan ni Jehova ng awa at kabaitan? (Awit 78:38, 39; Roma 8:32) Kapag binalikan mo ang mga naranasan mo at pinag-isipan ang mga nabasa mo sa Salita ng Diyos, malamang na makapaglista ka ng maraming bagay na ginawa ni Jehova para sa iyo. Habang pinahahalagahan mo ang mga ginagawa ni Jehova, lalong tumitibay ang kaugnayan mo sa kaniya.—Awit 116:1, 2. w19.07 2-3 ¶4-5
Huwebes, Abril 15
Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, dahil nakatayo kayong matatag sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.—2 Cor. 1:24.
Hindi tayo binigyan ni Jehova ng awtoridad na gumawa ng desisyon para sa iba. Ang gumagawa ng di-kinakailangang mga utos ay hindi pumoprotekta sa kaniyang mga kapatid, kundi nag-aastang panginoon sa kanila. Si Satanas na Diyablo ay hindi titigil sa pag-usig sa tapat na mga lingkod ni Jehova. (1 Ped. 5:8; Apoc. 2:10) Susubukan ni Satanas at ng mga kampon niya na patigilin ang pagsamba natin kay Jehova. Pero walang dahilan para magpadaig tayo sa takot! (Deut. 7:21) Kakampí natin si Jehova, at patuloy niya tayong tutulungan kahit ipagbawal ang gawain natin. (2 Cro. 32:7, 8) Tularan sana natin ang determinasyon ng mga kapatid noong unang siglo, na nagsabi sa mga tagapamahala: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.”—Gawa 4:19, 20. w19.07 13 ¶18-20
Biyernes, Abril 16
Ang laman ng puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.—Kaw. 20:5.
Kapag nangangaral, dapat nating unawain ang mga taong nakakausap natin. Si apostol Pablo ay lumaking kasama ng mga Judio. Pero tiyak na ibinagay niya ang pangangaral niya sa mga Gentil dahil kaunti lang ang alam nila o wala silang kaalam-alam tungkol kay Jehova at sa Kasulatan. Baka kailangan nating mag-research para maintindihan ang mga tao sa teritoryo natin. (1 Cor. 9:20-23) Tunguhin nating mahanap ang mga “karapat-dapat.” (Mat. 10:11) Para magawa ito, hingin ang opinyon ng mga tao at makinig nang mabuti. Tinatanong ng isang brother sa England ang opinyon ng mga tao kung paano magkakaroon ng masayang pag-aasawa, kung paano magpapalaki ng mga anak, o kung paano makakayanan ang kawalang-katarungan. Matapos marinig ang komento ng kausap niya, sinasabi niya, “Ano ang masasabi mo sa payong ito na isinulat halos 2,000 taon na ang nakakaraan?” Pagkatapos, kahit hindi niya sinasabi ang salitang “Bibliya,” ipinapakita niya ang ilang pilíng teksto sa cellphone niya. w19.07 21 ¶7-8
Sabado, Abril 17
Ipinakita sa atin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa ganitong paraan: Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.—Roma 5:8.
Gaano dapat nating kamahal ang Diyos? Sinabi ni Jesus sa isang Pariseo: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mat. 22:36, 37) Ayaw nating may kaagaw ang Diyos sa pag-ibig natin. Sa halip, gusto nating mapalalim pa ang pag-ibig natin sa kaniya araw-araw. Kailangan muna nating makilala ang Diyos para mahalin natin siya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Sinabi ni apostol Pablo na lumalalim ang pag-ibig natin sa Diyos habang nagkakaroon tayo ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa” tungkol sa Kaniya. (Fil. 1:9) Nang una tayong mag-aral ng Bibliya, minahal na natin ang Diyos kahit kaunti pa lang ang alam natin tungkol sa kaniya. At habang nakikilala natin si Jehova nang higit, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya. Kaya napakahalaga talagang regular na pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito!—Fil. 2:16. w19.08 9 ¶4-5
Linggo, Abril 18
Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa.—Ecles. 4:9.
Kung bago ang atas mo, kailangan mong magkaroon ng mga bagong kaibigan. Tandaan na para magkaroon ka ng kaibigan, kailangan mong maging palakaibigan. Ikuwento mo ang magagandang karanasan mo para maramdaman nilang masaya ka sa paglilingkod kay Jehova. Kung kinailangan ninyong iwan ang inyong atas dahil nagkasakit ang asawa mo, huwag mo siyang sisihin. At kung ikaw naman ang nagkasakit, huwag kang ma-guilty at mag-isip na binigo mo ang asawa mo. Tandaan, “isang laman” kayo, at nangako kayo kay Jehova na aalagaan ninyo ang isa’t isa anuman ang mangyari. (Mat. 19:5, 6) Kung iniwan ninyo ang inyong atas dahil nagkaanak kayo nang wala sa plano, tiyakin sa inyong anak na mas mahalaga siya kaysa sa dati ninyong atas. Lagi ninyong sabihin sa kaniya na itinuturing ninyo siyang “gantimpala” mula sa Diyos. (Awit 127:3-5) At ikuwento rin sa kaniya ang magagandang karanasan ninyo noon sa inyong atas. Sa ganitong paraan, mapapatibay ninyo ang inyong anak na gamitin ang buhay niya sa masayang paglilingkod kay Jehova gaya ninyo. w19.08 22 ¶10-11
Lunes, Abril 19
Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa maimpluwensiyang babaeng bayaran.—Apoc. 17:1.
Nilapastangan ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang pangalan ng Diyos. Nagturo siya ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. Gaya ng imoral na babae, nagtaksil siya kay Jehova nang suportahan niya ang gobyerno ng tao. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan at impluwensiya para pagsamantalahan ang mga miyembro niya. At pinadanak niya ang dugo ng marami, kasama na ang mga lingkod ng Diyos. (Apoc. 18:24; 19:2) Pupuksain ni Jehova ang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” sa pamamagitan ng “10 sungay” ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Ang mabangis na hayop na ito ay kumakatawan sa United Nations. Ang 10 sungay ay kumakatawan sa kasalukuyang mga gobyerno na sumusuporta sa organisasyong ito. Sa takdang panahon ng Diyos, sasalakayin ng mga gobyerno ang Babilonyang Dakila. “Gagawin nila siyang wasak at hubad” sa pamamagitan ng pagsamsam sa kayamanan niya at paglalantad sa kaniyang kasamaan. (Apoc. 17:3, 16) Magugulat ang mga tagasuporta niya sa mabilis na pagkapuksang ito—na parang isang araw lang. Dahil matagal na nitong ipinagyayabang: “Hindi ako kailanman magdadalamhati.”—Apoc. 18:7, 8. w19.09 10 ¶10-11
Martes, Abril 20
Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin.—Mat. 11:29.
Ang paanyayang ito ay para sa lahat—hindi tatanggihan ni Jesus ang sinumang gustong maglingkod sa Diyos. (Juan 6:37, 38) Lahat ng tagasunod ni Kristo ay binigyan ng pribilehiyo na makibahagi sa gawaing ibinigay ni Jehova kay Jesus. Kaya makakatiyak tayo na lagi tayong tutulungan ni Jesus sa gawaing iyan. (Mat. 28:18-20) Napapalapít kay Jesus ang mga mapagpakumbaba. (Mat. 19:13, 14; Luc. 7:37, 38) Bakit? Pag-isipan ang kaibahan ni Jesus sa mga Pariseo. Ang mga lider na iyon ng relihiyon ay walang malasakit at arogante. (Mat. 12:9-14) Si Jesus naman ay mapagmalasakit at mapagpakumbaba. Ambisyoso ang mga Pariseo at ipinagyayabang nila ang kanilang posisyon. Pero ayaw ni Jesus na maging ganoon ang mga alagad niya, kaya tinuruan niya sila na magpakumbaba at maglingkod sa iba. (Mat. 23:2, 6-11) Tinatakot ng mga Pariseo ang iba para pasunurin sila. (Juan 9:13, 22) Pero mabait makitungo at makipag-usap si Jesus sa mga tao kaya nagiginhawahan sila. Natutularan mo na ba ang mga katangiang iyan ni Jesus? w19.09 20 ¶1; 21 ¶7-8; 23 ¶9
Miyerkules, Abril 21
Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.—Sant. 4:8.
Nakakatulong ang mga pulong para mas mapalapít tayo kay Jehova. Ang pagpapahalaga natin sa mga pulong ay nagpapahiwatig na makakayanan natin ang pag-uusig. (Heb. 10:24, 25) Bakit? Kung dahil lang sa maliliit na bagay ay hindi na tayo makadalo, paano pa kung buhay na natin ang nakataya? Pero kung talagang desidido tayo sa pagdalo, walang sinumang makakahadlang sa atin. Kaya ngayon pa lang, pahalagahan na natin ang ating mga pulong. Kapag mahalaga sa atin ang pagdalo, kahit ipagbawal ito ng gobyerno, dadalo pa rin tayo. Dahil para sa atin, Diyos muna bago ang tao. (Gawa 5:29) Sauluhin ang mga paborito mong teksto. (Mat. 13:52) Hindi perpekto ang memorya natin, pero kayang gamitin ni Jehova ang kaniyang makapangyarihang banal na espiritu para ipaalaala sa atin ang mga tekstong iyon. (Juan 14:26) Makakatulong ang mga tekstong iyon para makapanatili kang malapít kay Jehova—at makapagtiis nang may katapatan. w19.07 3 ¶5; 4 ¶8-9
Huwebes, Abril 22
Sinasabi ko sa iyo na sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.—2 Tim. 3:1.
Ipinanganak ka ba pagkatapos ng 1914? Kung oo, mula pagkasanggol ay nabubuhay ka na sa “mga huling araw” ng sistemang ito. Nababalitaan natin ang katuparan ng mga inihula ni Jesus tungkol sa panahong ito. Kasama rito ang mga digmaan, taggutom, lindol, epidemya, paglaganap ng kasamaan, at pag-uusig sa bayan ni Jehova. (Mat. 24:3, 7-9, 12; Luc. 21:10-12) Nakikita rin natin sa ngayon ang ugali ng mga tao na inihula ni apostol Pablo. Bilang mga mananamba ni Jehova, kumbinsido tayong nabubuhay na tayo sa “huling bahagi ng mga araw.” (Mik. 4:1) Dahil maraming panahon na ang lumipas mula noong 1914, siguradong nabubuhay na tayo sa dulo ng “mga huling araw.” Napakalapit na ng wakas, kaya kailangan nating malaman ang sagot sa mahahalagang tanong na ito: Anong mga pangyayari ang magaganap sa pagtatapos ng “mga huling araw”? Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin habang hinihintay ang mga pangyayaring iyon? w19.10 8 ¶1-2
Biyernes, Abril 23
Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.—Mat. 24:13.
Ang kakayahan nating magtiis ay hindi nakadepende sa kalagayan natin—kung bubuti ito o hindi—kundi nakadepende sa pagtitiwala natin kay Jehova. (Roma 12:12) Ang ibig sabihin ng pangako ni Jesus sa teksto sa araw na ito ay na kailangan nating manatiling tapat anumang hamon ang harapin natin. Kapag nagtitiis tayo ngayon sa ilalim ng bawat pagsubok, titibay ang pananampalataya natin bago dumating ang malaking kapighatian. Gaya ng kakayahang magtiis, ang tunay na lakas ng loob ay nagmumula sa pagtitiwala kay Jehova. Paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin sa kaniya? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita araw-araw at pagbubulay-bulay sa pagliligtas ni Jehova sa bayan niya noon. (Awit 68:20; 2 Ped. 2:9) Kapag sinalakay tayo ng mga bansa sa malaking kapighatian, lalo nating kailangan ng lakas ng loob at pagtitiwala kay Jehova. (Awit 112:7, 8; Heb. 13:6) Kung magtitiwala tayo kay Jehova ngayon pa lang, magkakaroon tayo ng lakas ng loob na maharap ang pagsalakay ni Gog. Kumbinsido tayo na makakapagtiwala tayo sa pag-ibig at proteksiyon ni Jehova.—1 Cor. 13:8. w19.10 18 ¶15-16
Sabado, Abril 24
Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.—1 Juan 5:19.
Kontrolado ng Diyablo ang sistemang ito, at ginagamit niya ito para samantalahin ang normal na gusto ng tao at ang mga kahinaan natin. (Efe. 2:1-3) Gusto niyang ibigin din natin ang ibang bagay para hindi na maging bukod-tangi ang debosyon natin kay Jehova. Matapos isulat ang tungkol sa wakas ng sanlibutan ni Satanas at sa paparating na bagong sanlibutan, sinabi ni apostol Pedro: “Mga minamahal, dahil hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang buong makakaya ninyo, para sa katapusan ay makita niyang wala kayong batik at dungis at kayo ay nasa kapayapaan.” (2 Ped. 3:14) Kapag sinusunod natin ang payong iyan at ginagawa ang ating makakaya para manatiling malinis sa moral at espirituwal, pinapatunayan nating bukod-tangi ang ating debosyon kay Jehova. Patuloy tayong iimpluwensiyahan ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan na baguhin ang ating priyoridad. (Luc. 4:13) Pero sa kabila nito, hindi natin hahayaang may sinuman o anuman na pumalit kay Jehova sa ating puso. Determinado tayong ibigay kay Jehova ang para lang sa kaniya—ang ating bukod-tanging debosyon! w19.10 27 ¶4; 31 ¶18-19
Linggo, Abril 25
Nababagabag ako dahil sa kasalanan ko.—Awit 38:18.
Masasabing mabuti ang ilang álalahanín. Halimbawa, gusto nating masiguro na napapaluguran natin si Jehova at si Jesus. (1 Cor. 7:32) Kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan, nababagabag tayo at gusto nating ayusin ang kaugnayan natin sa Diyos. Iniisip din natin kung paano natin mapapasaya ang asawa natin, maaalagaan ang ating pamilya, at matutulungan ang mga kapatid. (1 Cor. 7:33; 2 Cor. 11:28) Sa kabilang banda, baka lagi tayong nag-aalala tungkol sa kakainin natin at isusuot. (Mat. 6:31, 32) Kaya baka magpokus tayo sa pagkakaroon ng materyal na mga bagay. Kung hahayaan nating mangyari iyan, hihina ang pananampalataya natin at masisira ang kaugnayan natin kay Jehova. (Mar. 4:19; 1 Tim. 6:10) Ang isa pa ay ang sobrang pag-aalala sa iniisip ng iba. Baka dahil sa takot sa pang-iinsulto at pag-uusig, maikompromiso natin ang katapatan natin kay Jehova. Para maiwasan iyan, dapat tayong humiling kay Jehova ng pananampalataya at lakas ng loob para maharap ang hamon.—Kaw. 29:25; Luc. 17:5. w19.11 15 ¶6-7
Lunes, Abril 26
Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat.—Sant. 1:5.
May mahahalagang desisyon tayo na hinding-hindi natin babaguhin. Halimbawa, naninindigan tayo sa desisyon nating paglingkuran si Jehova, at desidido tayong maging tapat sa asawa natin. (Mat. 16:24; 19:6) Pero may mga desisyon na baka kailangan nating baguhin. Bakit? Dahil nagbabago ang sitwasyon. Ano ang makakatulong sa atin na makagawa ng magandang desisyon? Manalangin para sa karunungan. Masasabing tayong lahat ay “kulang sa karunungan.” Kaya umasa kay Jehova kapag gumagawa ng desisyon at kapag kailangan mong baguhin ang isang desisyon. Sa gayon, tutulungan ka ni Jehova na gumawa ng matatalinong desisyon. Magsaliksik nang mabuti. Kumonsulta sa Salita ng Diyos, magbasa ng mga publikasyon ng organisasyon ni Jehova, at makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan mo. (Kaw. 20:18) Mahalaga ang ganitong pagsasaliksik kapag kailangan mong magdesisyon kung lilipat ka ng trabaho o tirahan o kapag pipili ka ng edukasyon na makakasuporta sa ministeryo mo. w19.11 27 ¶6-8
Martes, Abril 27
Miserableng tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito?—Roma 7:24.
Mabuti na lang, gumawa ang Diyos ng paraan para mapalaya tayo sa kasalanan. Mangyayari iyan sa pamamagitan ni Jesus. Mahigit 700 taon bago bumaba si Jesus sa lupa, inihula ni propeta Isaias ang isang dakilang pagpapalaya. Ang dakilang pagpapalayang iyon ay di-hamak na mas malaki ang magagawa kaysa sa pagpapalaya sa taon ng Jubileo sa Israel. Isinulat niya: “Ang espiritu ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ay sumasaakin, dahil inatasan ako ni Jehova na maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako para pagalingin ang mga may pusong nasasaktan, para ihayag ang paglaya ng mga bihag.” (Isa. 61:1) Sino ang tinutukoy sa hulang ito? Nagsimulang matupad ang mahalagang hulang iyan tungkol sa pagpapalaya nang simulan ni Jesus ang ministeryo niya. Nang pumunta siya sa sinagoga sa bayan niya, ang Nazaret, binasa niya ang mga salitang iyon ni Isaias sa harap ng mga Judiong naroon at ipinatungkol iyon sa kaniya.—Luc. 4:16-19. w19.12 9-10 ¶6-8
Miyerkules, Abril 28
Nag-ipon kami ng lakas ng loob sa tulong ng ating Diyos para masabi namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos kahit marami ang humahadlang.—1 Tes. 2:2.
Para maharap ang pag-uusig, kailangan mo ang lakas ng loob. Kung iniisip mong wala ka nito, ano ang puwede mong gawin? Tandaan na hindi nakadepende sa iyong laki, lakas, o abilidad ang pagkakaroon ng tunay na lakas ng loob. Tingnan natin ang halimbawa ng kabataang si David nang harapin niya si Goliat. Kumpara sa higanteng iyon, si David ay mas maliit, mas mahina, at wala man lang sandata. Kahit nga espada, wala siya. Pero napakalakas ng loob niya. Buong tapang niyang sinugod ang mayabang na higante. Bakit napakalakas ng loob ni David? Alam niya kasing kasama niya si Jehova. (1 Sam. 17:37, 45-47) Hindi inintindi ni David kung mas malaki man sa kaniya si Goliat. Basta ang alam niya, napakaliit ni Goliat kumpara kay Jehova. Ano ang matututuhan natin dito? Lalakas ang loob natin kapag nagtitiwala tayong kasama natin si Jehova at kapag naniniwala tayong napakaliit lang ng mga kalaban natin kumpara sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.—2 Cro. 20:15; Awit 16:8. w19.07 5 ¶11-13
Huwebes, Abril 29
Sila . . . ang mga kamanggagawa ko . . . , at talagang napalalakas nila ako.—Col. 4:11.
Talagang maaasahan ni apostol Pablo si Tiquico bilang tapat na kasama. (Gawa 20:4) Noong mga 55 C.E., nagsaayos si Pablo ng pagkolekta sa mga kontribusyon para sa mga Kristiyano sa Judea, at posibleng pinatulong niya si Tiquico sa atas na ito. (2 Cor. 8:18-20) Nang mabilanggo naman si Pablo sa Roma sa unang pagkakataon, naging personal na mensahero niya si Tiquico. Siya ang nagdala ng mga sulat at pampatibay ni Pablo sa mga kongregasyon sa Asia. (Col. 4:7-9) Nanatiling maaasahan si Tiquico. (Tito 3:12) Hindi lahat ng Kristiyano noon ay maaasahang gaya niya. Noong mga 65 C.E., sa ikalawang pagkakabilanggo ni Pablo, sinabi ni Pablo na maraming Kristiyano sa lalawigan ng Asia ang umiiwas sa kaniya, posibleng dahil natatakot sila sa pag-uusig. (2 Tim. 1:15) Pero napagkatiwalaan ni Pablo si Tiquico ng isa pang atas. (2 Tim. 4:12) Siguradong napahalagahan ni Pablo ang isang mabuting kaibigang gaya ni Tiquico. w20.01 10 ¶7-8
Biyernes, Abril 30
Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito.—1 Cor. 2:10.
Baka nag-iisip ka kung pinahiran ka ng banal na espiritu. Kung gayon, pag-isipan ang mga tanong na ito: Gustong-gusto mo bang gawin ang kalooban ni Jehova? Napakasigasig mo ba sa pangangaral? Masipag ka bang mag-aral ng Bibliya at gustong-gusto mong matutuhan ang “malalalim na bagay ng Diyos”? Nakikita mo bang pinagpapala ni Jehova ang pangangaral mo? Nakakaramdam ka ba ng pananagutang tulungan ang iba sa espirituwal? Nakikita mo ba na talagang tinutulungan ka ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng buhay mo? Kung oo ang sagot mo sa lahat ng tanong na iyan, ibig bang sabihin, makalangit ka? Hindi. Bakit? Kasi puwedeng maramdaman iyan ng lahat ng lingkod ng Diyos. Ang totoo, kung nag-iisip ka kung pinahiran ka ng banal na espiritu o hindi, ibig sabihin, hindi ka talaga pinahiran. Hindi na pinag-iisipan ng mga pinili ni Jehova kung pinahiran sila o hindi. Sigurado sila! w20.01 23 ¶14