Marso
Lunes, Marso 1
“Humiwalay kayo,” ang sabi ni Jehova, “at huwag na kayong humipo ng maruming bagay.”—2 Cor. 6:17.
Baka pilitin tayo ng ating nagmamalasakit na mga kapamilya o kaibigan na sumunod sa kaugalian sa patay na di-kaayon ng Bibliya. Kung mahal natin ang Diyos at ang Salita niya, mas susundin natin si Jehova kaysa sa kanila. Baka konsensiyahin nila tayo at sabihing hindi natin mahal o iginagalang ang namatay. O baka sabihin nilang magagalit at mananakit ang namatay dahil tumanggi tayo. Sa isang bansa sa Caribbean, marami ang naniniwalang kapag namatay ang isang tao, ang “kaluluwa” nito ay posibleng magpagala-gala at magparusa sa mga nanakit sa kaniya. Baka magdala pa nga ito ng “kaguluhan sa komunidad,” ang sabi ng isang reperensiya. Isang kaugalian sa Aprika na takpan ang mga salamin sa bahay ng namatay at iharap sa pader ang mga litrato niya. Bakit? Sinasabi ng ilan na hindi dapat makita ng patay ang sarili niya! Bilang mga lingkod ni Jehova, hindi tayo maniniwala sa mga pamahiin o susunod sa mga kaugaliang sumusuporta sa kasinungalingan ni Satanas!—1 Cor. 10:21, 22. w19.04 16 ¶11-12
Martes, Marso 2
Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.—Mat. 7:12.
Nagturo si Jesus ng mga simulaing makakatulong sa mga tagasunod niya na maging patas sa iba. Isang halimbawa ang Gintong Tuntunin. Gusto nating lahat na pakitunguhan tayo nang patas. Kaya dapat na ganoon din tayo makitungo. Kung patas tayo, baka maging patas din sila sa atin. Pero paano kung biktima tayo ng kawalang-katarungan? Tinuruan din ni Jesus ang mga tagasunod niya na magtiwalang si Jehova ay ‘magbibigay ng katarungan sa mga dumaraing sa kaniya araw at gabi.’ (Luc. 18:6, 7) Ang pananalitang iyan ay isang pangako: Alam ng ating makatarungang Diyos ang mga pinagdaraanan natin sa mga huling araw na ito, at maglalapat siya ng katarungan sa takdang panahon. (2 Tes. 1:6) Nasusunod natin ang mga simulaing itinuro ni Jesus kapag pinakikitunguhan natin nang patas ang iba. At kung biktima tayo ng kawalang-katarungan sa sanlibutan ni Satanas, makakaasa tayong bibigyan tayo ni Jehova ng katarungan. w19.05 5 ¶18-19
Miyerkules, Marso 3
[Maging] laging handang ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat ng humihingi ng paliwanag tungkol dito, pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang.—1 Ped. 3:15.
Estudyante ka ba? Baka lahat ng kaklase mo ay naniniwala sa ebolusyon. Gusto mong ipagtanggol ang itinuturo ng Bibliya, pero baka pakiramdam mo, hindi mo kaya. Gawin mo itong project! Puwedeng dalawa ang tunguhin mo: (1) patibayin ang pananampalataya mo na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay at (2) maging mas mahusay sa pagtatanggol ng katotohanan. (Roma 1:20) Isipin mo muna, ‘Ano ba ang sinasabi ng mga kaklase ko para ipagtanggol ang ebolusyon?’ Pagkatapos, pag-aralan mong mabuti ang mga publikasyon natin. Baka hindi pala kasinghirap ng iniisip mo ang ipagtanggol ang iyong paniniwala. Karamihan ay naniniwala sa ebolusyon dahil iyon ang pinaniniwalaan ng mga taong nirerespeto nila. Kung may makikita kang kahit isa o dalawang punto, masasagot mo ang tanong ng isang taong gusto talagang malaman ang totoo.—Col. 4:6. w19.05 29 ¶13
Huwebes, Marso 4
Kung paano inaaliw ng ina ang anak niya, gayon ko kayo patuloy na aaliwin.—Isa. 66:13.
Noong tumatakas si propeta Elias mula sa mga nagbabanta sa buhay niya, nasiraan siya ng loob at gusto na niyang mamatay. Nagpadala si Jehova kay Elias ng isang makapangyarihang anghel para magbigay ng praktikal na tulong. Binigyan niya si Elias ng mainit na pagkain at kinumbinsi itong kumain. (1 Hari 19:5-8) May magandang aral na makukuha rito: Kung minsan, malaki ang naitutulong ng simpleng bagay na nagagawa natin para sa iba. Halimbawa, puwede tayong magbigay ng pagkain, simpleng regalo, o card sa isang nanlulumong kapatid para maipadamang mahal natin siya. Kaya hindi man tayo komportableng mapag-usapan ang personal na mga bagay at masasakit na karanasan, maipapakita pa rin nating nagmamalasakit tayo sa pagbibigay ng ganitong praktikal na mga tulong. Makahimalang tinulungan ni Jehova si Elias na makapaglakbay nang malayo hanggang Bundok Horeb, kung saan hindi na siya matutunton ng mga humahabol sa kaniya. Ano ang aral? Kung gusto nating matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso, baka kailangan munang mapanatag sila, sa bahay man iyon o sa Kingdom Hall. w19.05 16 ¶11; 17 ¶13-14
Biyernes, Marso 5
Hahagulgol . . . ang pamilya ng sambahayan ni Natan.—Zac. 12:12.
Ipagpalagay na binabasa mo ang kabanata 12 ng Zacarias, na humula tungkol sa kamatayan ng Mesiyas. (Zac. 12:10) Pagdating sa talata 12, nabasa mo na “ang pamilya ng sambahayan ni Natan” ay hahagulgol sa pagkamatay ng Mesiyas. Imbes na basta makontento na lang na nabasa mo ang detalyeng iyon, mag-isip: ‘Ano ang kaugnayan ng sambahayan ni Natan sa Mesiyas?’ Mag-imbestiga! Kapag tiningnan mo ang unang marginal reference, 2 Samuel 5:13, 14, makikita mo na si Natan ay anak ni Haring David; at sa ikalawa, Lucas 3:23, 31, malalaman mong si Jesus ay inapo ni Natan kay Maria. Napaisip ka! Alam mong inihula na si Jesus ay magmumula kay David. (Mat. 22:42) Pero mahigit 20 ang anak na lalaki ni David. Ano ang masasabi mo na espesipikong tinukoy ni Zacarias ang sambahayan ni Natan na magdadalamhati sa pagkamatay ni Jesus? w19.05 29 ¶17
Sabado, Marso 6
Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.—Roma 12:2.
Ano ang kailangan nating gawin? Kung regular tayong mag-aaral, mapapatunayan natin sa ating sarili ang mga katotohanang natututuhan natin sa Bibliya. Lubusan tayong makukumbinsing tama ang mga pamantayan ni Jehova. At gaya ng isang punong malalim ang pagkakaugat, magiging “malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya” natin, na magpapatatag sa atin. (Col. 2:6, 7) Tandaan, walang sinumang makapagpapatatag sa pananampalataya mo kundi ikaw lang. Kaya patuloy mong baguhin ang takbo ng iyong isip. Laging manalangin; hingin ang tulong ng espiritu ni Jehova. Magbulay-bulay; palaging suriin ang iyong kaisipan at motibo. Humanap ng mabubuting kasama, na tutulong sa iyo na baguhin ang iyong pag-iisip. Sa gayon, mapoprotektahan ka mula sa nakalalasong epekto ng sanlibutan ni Satanas at maibabagsak mo ang “maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos.”—2 Cor. 10:5. w19.06 13 ¶17-18
Linggo, Marso 7
Ang uri ng pagsamba na malinis at walang dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga biyuda na nagdurusa.—Sant. 1:27.
Kung paanong hindi iniwan ni Ruth ang biyudang si Noemi, kailangan din nating patuloy na tulungan ang sinumang namatayan ng mahal sa buhay. (Ruth 1:16, 17) Sinabi ni Paula: “Pagkamatay ng asawa ko, bumuhos ang tulong sa akin. Pero sa paglipas ng panahon, naging busy na ulit sila sa kani-kaniyang gawain. Pero ibang-iba na ang naging buhay ko. Makakatulong sana kung iisipin ng iba na ang nagdadalamhati ay nangangailangan ng tulong sa susunod na mga buwan—o mga taon pa nga.” Siyempre, magkakaiba ang mga tao. Ang ilan ay madaling makapag-adjust. Pero mayroon ding nasasaktan pa rin tuwing may ginagawa silang bagay na magkasama nilang ginagawa noon ng asawa nila. Iba-iba magdalamhati ang mga tao. Tandaan natin na binigyan tayo ni Jehova ng pribilehiyo at responsibilidad na alagaan ang mga namatayan ng asawa. w19.06 24 ¶16
Lunes, Marso 8
Lalagyan ko ng busal ang aking bibig hangga’t may masasamang tao sa paligid ko.—Awit 39:1.
Kapag may pagbabawal, dapat na alam natin kung kailan ang “panahon ng pagtahimik.” (Ecles. 3:7) Ingatan natin ang mahahalagang impormasyon, gaya ng pangalan ng mga kapatid, lugar ng pulong, kung paano tayo nangangaral, at kung paano tayo tumatanggap ng espirituwal na pagkain. Hindi natin ito isisiwalat sa mga awtoridad; hindi rin natin ito sasabihin sa mga kaibigan o kamag-anak natin, kahit pa nasa ibang bansa sila. Kapag ginawa natin ito, puwedeng manganib ang mga kapatid natin. Huwag hayaang magkabaha-bahagi tayo dahil sa maliliit na isyu. Alam ni Satanas na ang pamilyang nababahagi ay mawawasak. (Mar. 3:24, 25) Lagi siyang gagawa ng paraan para magkabaha-bahagi tayo. Gusto niya kasing tayo ang maglaban-laban sa halip na siya ang labanan natin. Kahit ang maygulang na mga Kristiyano ay dapat ding mag-ingat na huwag mabitag nito. Kung pagsisikapan nating ayusin ang mga di-pagkakaunawaan, maiiwasan natin ang bitag na magkabaha-bahagi tayo.—Col. 3:13, 14. w19.07 11-12 ¶14-16
Martes, Marso 9
Ang alipin ng Panginoon ay . . . kailangang maging mabait sa lahat, kuwalipikadong magturo.—2 Tim. 2:24.
Madalas na maganda ang tugon ng mga tao sa ating mensahe, hindi dahil sa sinasabi natin, kundi sa paraan ng pagsasabi natin. Natutuwa sila kapag mabait tayo, makonsiderasyon, at interesado sa kanila. Hindi natin sila pinipilit makinig sa atin. Sa halip, inuunawa natin ang tingin nila sa relihiyon at ang kanilang damdamin. Halimbawa, kapag mga Judio ang kausap ni Pablo, nangangatuwiran siya gamit ang Kasulatan. Pero noong kausap niya ang mga pilosopong Griego sa Areopago, hindi niya sinasabing sumisipi siya mula sa Kasulatan. (Gawa 17:2, 3, 22-31) Paano natin matutularan si Pablo? Kapag ayaw sa Bibliya ng kausap mo, baka mas magandang huwag banggitin na galing sa Bibliya ang sinasabi mo. Kapag naramdaman mong maaasiwa ang kausap mo na makita ng iba na pinababasa mo siya ng Bibliya, mas magandang sa gadyet mo siya pabasahin para hindi mapansin ng iba. w19.07 21 ¶5-6
Miyerkules, Marso 10
Bantayan ninyo ang inyong sarili para hindi matuksong lumihis ang puso ninyo at sa gayon ay sumamba kayo at yumukod sa ibang mga diyos.—Deut. 11:16.
Tuso talaga si Satanas dahil natukso niya ang mga Israelita na sumamba sa idolo. Alam niya kasing kailangan nila ng pagkain, kaya sinamantala niya iyon. Noong makapasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, kinailangan nilang baguhin ang paraan nila ng pagsasaka. Sa Ehipto noon, ginagamit nila ang tubig mula sa Ilog Nilo para sa irigasyon. Pero walang malaking ilog sa Lupang Pangako, kaya ang tubig ay nanggagaling lang sa ulan, kung panahon ng tag-ulan, at gayundin sa hamog. (Deut. 11:10-15; Isa. 18:4, 5) Kaya kinailangang matuto ang mga Israelita ng bagong paraan ng pagsasaka. Pero bakit nagbabala si Jehova tungkol sa pagsamba sa diyos-diyusan samantalang ang sinasabi niya ay tungkol sa pag-aaral ng bagong paraan ng pagsasaka? Alam ni Jehova na matutukso ang mga Israelita na pag-aralan ang paraan ng pagsasaka ng mga paganong nakapalibot sa kanila. Ang paraan ng pagsasaka ng mga Canaanita ay nahaluan ng paniniwala nila kay Baal.—Bil. 25:3, 5; Huk. 2:13; 1 Hari 18:18. w19.06 3 ¶4-6
Huwebes, Marso 11
Lagi kong ipinapanalangin na patuloy na sumagana ang inyong pag-ibig.—Fil. 1:9.
Nang dumating sina apostol Pablo, Silas, Lucas, at Timoteo sa kolonya ng Roma na Filipos, marami silang nakitang interesado sa mensahe ng Kaharian. Tumulong ang masisigasig na kapatid na ito sa pagbuo ng kongregasyon, at ang mga naging alagad ay nagsimulang magtipon, malamang sa bahay ng mapagpatuloy na kapatid na si Lydia. (Gawa 16:40) Pero nagkaproblema agad ang bagong kongregasyon. Inudyukan ni Satanas ang mga kaaway ng katotohanan na hadlangan ang pangangaral ng tapat na mga Kristiyanong ito. Sina Pablo at Silas ay inaresto, pinagpapalo, at ibinilanggo. Matapos lumaya, dinalaw nila ang mga bagong alagad at pinatibay ang mga ito. Pagkatapos, umalis na sa lunsod sina Pablo, Silas, at Timoteo, pero malamang na naiwan doon si Lucas. Ano naman ang nangyari sa bagong-tatag na kongregasyon? Sa tulong ng espiritu ni Jehova, ang mga bagong Kristiyanong ito ay patuloy na naglingkod nang masigasig kay Jehova. (Fil. 2:12) Siguradong tuwang-tuwa si Pablo sa kanila! w19.08 8 ¶1-2
Biyernes, Marso 12
Ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.—Kaw. 22:7.
Bagong lipat ka ba? Magastos ang lumipat, at puwede kang mabaon sa utang. Para maiwasan ito, huwag mangutang para lang makabili ng mga gamit na hindi naman kailangan. (Kaw. 22:3) Kapag nasa mahirap tayong sitwasyon, halimbawa, kung nag-aalaga tayo ng maysakit na mahal sa buhay, baka mahirapan tayong magpasiya kung gaano kalaking halaga ang uutangin natin. Sa ganitong sitwasyon, tandaan na ang “panalangin at pagsusumamo” ay makakatulong para makagawa ka ng tamang desisyon. Bilang sagot sa iyong panalangin, bibigyan ka ni Jehova ng kapayapaang ‘magbabantay sa iyong puso at isip.’ Tutulong iyan sa iyo na maging kalmado at makapag-isip nang mabuti. (Fil. 4:6, 7; 1 Ped. 5:7) Manatiling malapít sa mabubuting kaibigan. Sabihin ang iyong nararamdaman at mga pinagdaraanan sa iyong mga kaibigan, lalo na sa mga nakaranas ng sitwasyon mo. Kapag ginawa mo iyan, gagaan ang pakiramdam mo. (Ecles. 4:9, 10) Siyempre, kaibigan mo pa rin ang mga naging kaibigan mo bago ka lumipat. w19.08 22 ¶9-10
Sabado, Marso 13
Tinipon sila ng mga ito sa . . . Armagedon.—Apoc. 16:16.
Bakit iniugnay ni Jehova sa Megido ang pangwakas na dakilang digmaan? Maraming digmaang naganap noon sa Megido at sa kalapít nitong Lambak ng Jezreel. May mga pagkakataong tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na manalo sa mga digmaang ito. Halimbawa, “sa tabi ng ilog ng Megido,” tinulungan ng Diyos ang Israelitang hukom na si Barak na talunin ang hukbo ng mga Canaanita na pinamumunuan ni Sisera. Nagpasalamat si Barak at ang propetisang si Debora kay Jehova dahil sa kanilang makahimalang tagumpay. Umawit sila: “Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin . . . kay Sisera. . . . Malipol nawa ang lahat ng iyong kaaway, O Jehova, pero ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw na sumisikat nang napakaliwanag.” (Huk. 5:19-21, 31) Sa Armagedon, mapupuksa rin ang mga kaaway ng Diyos, samantalang maliligtas naman ang mga umiibig sa Diyos. Pero may isang malaking pagkakaiba ang dalawang digmaang ito. Sa Armagedon, hindi makikipaglaban ang bayan ng Diyos. Hindi man lang sila hahawak ng sandata! ‘Magkakaroon sila ng lakas kung mananatili silang panatag at magtitiwala’ kay Jehova at sa kaniyang mga hukbo sa langit.—Isa. 30:15; Apoc. 19:11-15. w19.09 9 ¶4-5
Linggo, Marso 14
Lumapit kayo sa akin.—Mat. 11:28.
‘Lumalapit’ tayo kay Jesus kapag pinagsisikapan nating matutuhan ang lahat ng sinabi at ginawa niya. (Luc. 1:1-4) Walang ibang makakagawa niyan para sa atin kundi tayo mismo. ‘Lumalapit’ din tayo kay Jesus kapag nagpasiya tayong magpabautismo at maging alagad ni Kristo. Ang isa pang paraan para “lumapit” kay Jesus ay ang paglapit sa mga elder kapag kailangan natin ng tulong. “May ibinigay siyang mga tao bilang regalo” para pangalagaan ang kaniyang mga tupa. (Efe. 4:7, 8, 11; Juan 21:16; 1 Ped. 5:1-3) Dapat tayong magkusang humingi ng tulong sa kanila. Hindi natin puwedeng asahan na mababasa ng mga elder ang isip natin at malalaman ang kailangan natin. Pansinin ang sinabi ng isang brother na si Julian: “Humingi ako ng tulong, at ang shepherding na ’yon ang isa sa pinakamagandang regalong natanggap ko.” Ang tapat na mga elder, gaya ng dalawang dumalaw kay Julian, ay makakatulong sa atin na malaman ang “pag-iisip ni Kristo,” o maintindihan at matularan ang kaniyang pag-iisip at saloobin. (1 Cor. 2:16; 1 Ped. 2:21) Isa nga iyan sa pinakamagandang regalong maibibigay nila sa atin! w19.09 21 ¶4-5
Lunes, Marso 15
Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito.—Juan 10:16.
Sa buong Bibliya, may mababasa tayong tapat na mga lalaki at babae na pinatnubayan ng banal na espiritu; pero hindi sila kabilang sa 144,000. Isa na diyan si Juan Bautista. (Mat. 11:11) Si David din. (Gawa 2:34) Sila at ang napakarami pang iba ay bubuhaying muli sa paraisong lupa. Lahat sila—kasama ang malaking pulutong—ay may pagkakataong magpakita ng katapatan kay Jehova at sa kaniyang soberanya. Ngayon lang nangyari sa buong kasaysayan na pinagkakaisa ng Diyos ang milyon-milyon mula sa lahat ng bansa. Ang pag-asa man natin ay mabuhay sa langit o sa lupa, kailangan nating tulungan ang maraming tao hangga’t maaari na mapabilang sa malaking pulutong ng “ibang mga tupa.” Malapit nang tuparin ni Jehova ang inihulang malaking kapighatian na pupuksa sa mga gobyerno at relihiyong nagpapahirap sa mga tao. Isang napakalaking pribilehiyo para sa lahat ng kabilang sa malaking pulutong na mapaglingkuran si Jehova sa lupa magpakailanman!—Apoc. 7:14. w19.09 31 ¶18-19
Martes, Marso 16
Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya para manuya.—2 Ped. 3:3.
Habang papalapit ang katapusan ng sistema ni Satanas, lalong hihirap ang mga pagsubok sa ating katapatan sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Malamang na patuloy tayong tutuyain ng mga tao. Asahan na natin iyan, lalo na habang sinisikap nating manatiling neutral. Dapat nating patibayin ang katapatan natin ngayon pa lang para makapanatili tayong tapat sa malaking kapighatian. Sa malaking kapighatian, magkakaroon ng pagbabago may kaugnayan sa mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova sa lupa. Darating ang panahon na ang lahat ng pinahirang nandito pa sa lupa ay dadalhin sa langit para makipaglaban sa digmaan ng Armagedon. (Mat. 24:31; Apoc. 2:26, 27) Ibig sabihin, hindi na natin makakasama dito sa lupa ang Lupong Tagapamahala. Pero mananatiling organisado ang malaking pulutong. Pangungunahan sila ng kuwalipikadong mga brother na kabilang sa ibang mga tupa. Kailangan nating ipakita ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga brother na ito at pagsunod sa tagubiling ibibigay nila mula sa Diyos. Nakadepende rito ang kaligtasan natin! w19.10 17 ¶13-14
Miyerkules, Marso 17
Kung saan kayo pupunta, doon ako pupunta . . . Kung saan kayo mamamatay, doon ako mamamatay.—Ruth 1:16, 17.
Si Noemi ay isang tapat na lingkod ni Jehova. Pero nang mamatay ang asawa niya at dalawang anak na lalaki, ang pangalan niya ay gusto niyang palitan ng “Mara,” ibig sabihin, “Mapait.” (Ruth 1:3, 5, 20, tlb., 21) Hindi siya iniwan ng manugang niyang si Ruth sa lahat ng pagsubok. Hindi lang siya tinulungan ni Ruth sa praktikal na paraan, pinatibay rin siya nito. Ipinadama ni Ruth ang pagmamahal at suporta niya kay Noemi sa pamamagitan ng simple at taimtim na mga salita. Kapag namatayan ng asawa ang isang kapatid, kailangan natin siyang tulungan. Ang mag-asawa ay parang dalawang punong magkatabi na sabay lumaki. Sa paglipas ng panahon, pumupulupot ang mga ugat nito sa isa’t isa. Kapag nabunot ang isang puno at namatay, malaki ang magiging epekto nito sa isa pang puno. Gayundin, kapag ang isa ay namatayan ng asawa, baka makadama siya ng iba-iba at matitinding emosyon sa mahabang panahon. w19.06 23 ¶12-13
Huwebes, Marso 18
Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.—Sant. 1:14.
Dapat tayong mag-ingat hindi lang sa uri ng libangang pinipili natin kundi pati sa dami ng panahong ginagamit natin dito. Kung hindi, baka mas malaking panahon ang magamit natin sa paglilibang kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Una, alamin kung gaano kalaking panahon ang ginagamit mo rito. Subukan mong irekord ito sa loob ng isang linggo. Isulat sa isang kalendaryo kung ilang oras kang nanonood ng TV, nag-i-Internet, at naglalaro sa gadyet. Kapag nakita mong napakarami mo palang nauubos na panahon dito, subukang gumawa ng iskedyul. Ilagay mo muna kung gaano katagal mo gagawin ang mas mahahalagang bagay, at saka mo isunod ang paglilibang. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang masunod ang iskedyul mo. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng sapat na panahon at lakas para sa personal na pag-aaral ng Bibliya, pampamilyang pagsamba, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral at pagtuturo. Posible ring mas mag-enjoy ka sa iyong paglilibang dahil inuna mo si Jehova. w19.10 30 ¶14, 16-17
Biyernes, Marso 19
Gusto kong gawin ang mabuti pero wala akong kakayahang gawin iyon.—Roma 7:18.
Noong mga 55 C.E., gumawa ng mahalagang desisyon ang mga taga-Corinto. Nang mabalitaan nila ang mga pangangailangan ng mga kapatid sa Jerusalem at Judea, nagdesisyon silang tumulong. (1 Cor. 16:1; 2 Cor. 8:6) Pero pagkalipas ng ilang buwan, nalaman ni apostol Pablo na wala pang nagagawa ang mga taga-Corinto. Kaya baka hindi maisama ang kontribusyon nila kapag dinala na sa Jerusalem ang tulong galing sa ibang kongregasyon. (2 Cor. 9:4, 5) Maganda ang desisyon ng mga taga-Corinto, at pinuri ni Pablo ang pananampalataya nila at kagustuhang tumulong. Pero pinasigla niya rin silang tapusin ang sinimulan nila. (2 Cor. 8:7, 10, 11) Makikita rito na kahit ang tapat na mga Kristiyano ay puwedeng mahirapang isagawa ang napagdesisyunan nila. Bakit? Hindi kasi tayo perpekto, kaya baka magpaliban-liban tayo. O baka may mga pangyayaring hindi natin inaasahan kaya imposible nang maisagawa ang desisyon natin.—Ecles. 9:11. w19.11 26-27 ¶3-5
Sabado, Marso 20
Kunin . . . ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya.—Efe. 6:16.
Gaya ng malaking kalasag na pumoprotekta sa katawan, pinoprotektahan ka ng iyong pananampalataya mula sa imoralidad, karahasan, at iba pang bagay na hindi ayon sa pamantayan ng Diyos. Bilang mga Kristiyano, may pakikipaglaban tayo sa espirituwal na paraan, at kabilang sa mga kalaban natin ang napakasasamang espiritu. (Efe. 6:10-12) Paano mo matitiyak na handa ka sa mga pagsubok? Una, manalangin para sa tulong ng Diyos. Pagkatapos, gamitin ang Salita ng Diyos para makita mo kung ano ang tingin niya sa iyo. (Heb. 4:12) Sinasabi ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa.” (Kaw. 3:5, 6) Ngayon, pag-isipan ang mga desisyong ginawa mo kamakailan. Baka napaharap ka sa matinding problema sa pinansiyal. Naisip mo ba ang pangako ni Jehova sa Hebreo 13:5: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan”? Napatibay ba ng pangakong iyan ang pagtitiwala mo na tutulungan ka ni Jehova? Kung oo, ipinapakita niyan na pinapanatili mong matibay ang iyong kalasag ng pananampalataya. w19.11 14 ¶1, 4
Linggo, Marso 21
Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.—Awit 127:3.
Obligasyon ng mga magulang na ibuhos ang kanilang panahon at lakas sa anak nila—kailangan niya ito. Pero kapag sunod-sunod ang anak ng mag-asawa, baka mahirapan silang ibigay sa bawat anak ang atensiyong kailangan nito. Inamin iyan ng ilang mag-asawa. Baka laging pagod na pagod ang nanay. Baka mawalan na rin siya ng lakas para mag-aral, manalangin, at regular na mangaral. Baka hindi na siya nakakapakinig sa mga pulong. Siyempre pa, gagawin ng isang mapagmahal na asawang lalaki ang magagawa niya para makatulong sa pag-aasikaso sa mga bata kapag nasa pulong at nasa bahay. Halimbawa, puwede siyang tumulong sa mga gawaing-bahay. Titiyakin niyang nakikinabang ang buong pamilya sa Family Worship nila linggo-linggo. At regular niya silang sasamahan sa paglilingkod sa larangan. w19.12 24 ¶8
Lunes, Marso 22
Magiging isang Jubileo para sa inyo ang ika-50 taóng iyon.—Lev. 25:11.
Paano nakinabang ang mga Israelita sa Jubileo? Isiping nabaon sa utang ang isang Israelita kaya napilitan siyang ibenta ang lupa niya para makabayad. Sa taon ng Jubileo, ibabalik sa kaniya ang lupa niya. Kaya siya ay makakabalik “sa pag-aari niya,” at hindi mawawala ang mana ng mga anak niya. O baka kinailangang ibenta ng isang tao ang anak niya, o kahit ang sarili niya, para maging alipin at makabayad sa utang. Sa taon ng Jubileo, ang alipin ay ibabalik “sa pamilya niya.” (Lev. 25:10) Kaya may pag-asang makalaya ang lahat ng alipin! Sinabi pa ni Jehova: “Walang sinuman sa inyo ang maghihirap, dahil tiyak na pagpapalain ka ni Jehova sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana.” (Deut. 15:4) Ibang-iba iyan sa nangyayari ngayon sa mundo, dahil ang mayaman ay mas yumayaman, at ang mahirap ay mas naghihirap! w19.12 8-9 ¶3-4
Martes, Marso 23
Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang puso ko.—Kaw. 27:11.
Noong dumanas siya ng mga pagsubok, nanalangin si Jesus “nang may paghiyaw at mga luha.” (Heb. 5:7) Makikita sa kaniyang taimtim na mga panalangin ang katapatan niya kay Jehova, at nakatulong ito para maging mas determinado siyang manatiling masunurin. Para kay Jehova, ang mga panalangin ni Jesus ay gaya ng mabangong insenso. Sa buong buhay ni Jesus, napasaya niya ang kaniyang Ama at naipagbangong-puri ang soberanya ng Diyos. Matutularan natin si Jesus kung gagawin natin ang ating buong makakaya para makapanatiling tapat kay Jehova. Kapag dumaranas ng pagsubok, magsumamo tayo kay Jehova na tulungan tayong mapasaya siya. Alam nating hindi pakikinggan ni Jehova ang mga panalangin natin kung gumagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan niya. Pero kung sumusunod tayo sa pamantayan ni Jehova, makakapagtiwala tayo na ituturing niyang gaya ng mabangong insenso ang taos-puso nating mga panalangin. At makakatiyak tayong mapapasaya natin ang ating Ama sa langit dahil sa ating katapatan at pagkamasunurin. w19.11 21-22 ¶7-8
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Lucas 19:29-44
Miyerkules, Marso 24
Sino talaga ang tapat at matalinong alipin?—Mat. 24:45.
Noong 1919, inatasan ni Jesus ang isang maliit na grupo ng pinahirang mga kapatid bilang “tapat at matalinong alipin.” Ang aliping ito ang nangunguna sa gawaing pangangaral at nagbibigay sa mga tagasunod ni Kristo ng “pagkain sa tamang panahon.” Sinisikap ni Satanas at ng sanlibutan niya na mapahinto ang gawain ng tapat na alipin. Kung wala ang tulong ni Jehova, baka imposible nang magawa ng alipin ang atas nito. Pero sa kabila ng dalawang digmaang pandaigdig, walang-tigil na pag-uusig, pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo, at di-makatarungang pagtrato, ang tapat at matalinong alipin ay patuloy pa ring nakakapaglaan ng espirituwal na pagkain sa mga tagasunod ni Kristo sa lupa. Ang pagkaing iyan ay sagana, walang bayad, at makukuha sa mahigit 900 wika! Malinaw na ebidensiya iyan ng suporta ng Diyos. Ito pa ang isang ebidensiya: ang pangangaral. Ang mabuting balita ay talagang naipangangaral “sa buong lupa.”—Mat. 24:14. w19.11 24 ¶15-16
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Lucas 19:45-48; Mateo 21:18, 19, 12, 13
Huwebes, Marso 25
Pinakinggan [si Kristo] dahil sa kaniyang makadiyos na takot.—Heb. 5:7.
Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, susunugin ng mataas na saserdote ang insenso bago siya maghandog. Sa gayon, matitiyak niya na habang naghahandog siya, may pagsang-ayon siya ng Diyos. Noong nasa lupa si Jesus, may mahalagang bagay siyang kailangang gawin—isang bagay na mas mahalaga kaysa sa pagliligtas sa mga tao—bago niya ihandog ang kaniyang buhay. Ano iyon? Kailangan niyang maging masunurin kay Jehova sa buong buhay niya para tanggapin ni Jehova ang kaniyang handog. Sa gayon, mapapatunayan ni Jesus na ang pagsunod sa paraan ni Jehova ang tamang paraan ng pamumuhay. Maipagbabangong-puri ni Jesus ang soberanya, o paraan ng pamamahala, ng kaniyang Ama. Sa buong buhay ni Jesus sa lupa, lubusan siyang sumunod sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Kahit napaharap siya sa mga tukso at pagsubok, determinado pa rin siyang patunayan na ang paraan ng pamamahala ng kaniyang Ama ang pinakamabuti.—Fil. 2:8. w19.11 21 ¶6-7
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Lucas 20:1-47
Biyernes, Marso 26
Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.—Luc. 22:28.
Sa buong panahon ng pangangaral ni Jesus, naging tunay na mga kaibigan ang kaniyang tapat na mga apostol. (Kaw. 18:24) Napakahalaga kay Jesus ng ganoong mga kaibigan. Sa panahon ng kaniyang ministeryo, walang isa man sa mga kapatid niya ang naniwala sa kaniya. (Juan 7:3-5) May pagkakataon pa ngang napagkamalan siyang baliw ng mga kapamilya niya. (Mar. 3:21) Sa kabaligtaran, nasabi ni Jesus ang mga pananalita sa teksto sa araw na ito sa tapat niyang mga apostol noong gabi bago siya mamatay. Paminsan-minsan, nagkakamali rin ang mga apostol, pero sa halip na magpokus doon si Jesus, tiningnan niya ang pananampalataya nila sa kaniya. (Mat. 26:40; Mar. 10:13, 14; Juan 6:66-69) Noong huling gabing kasama sila, bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa tapat na mga lalaking ito: “Tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Siguradong malaking pampatibay-loob sa kaniya ang mga kaibigan niyang ito. w19.04 11 ¶11-12
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Lucas 22:1-6; Marcos 14:1, 2, 10, 11
Araw ng Memoryal
Pagkalubog ng Araw
Sabado, Marso 27
Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin na tayo ay mga anak ng Diyos.—Roma 8:16.
Pero paano nalalaman ng isa na makalangit siya? Makikita ang sagot sa sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Roma na “tinawag para maging mga banal.” Bukod sa pananalita sa teksto sa araw na ito, sinabi niya sa kanila: “Hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na magdudulot ulit ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak at sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’” (Roma 1:7; 8:15) Kaya sa pamamagitan ng banal na espiritu, nililinaw ng Diyos sa mga pinahiran na makalangit sila. (1 Tes. 2:12) Nilinaw ito ni Jehova kaya walang pagdududa sa isip at puso nila na talagang inanyayahan niya silang mabuhay sa langit. (1 Juan 2:20, 27) Hindi kailangan ng mga pinahirang Kristiyano ang kumpirmasyon ng iba na pinahiran sila. w20.01 22 ¶7-8
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Lucas 22:7-13; Marcos 14:12-16 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Lucas 22:14-65
Linggo, Marso 28
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.—Juan 15:13.
Ang “kautusan ng Kristo” ay nakasalig sa pinakamatatag na pundasyon—pag-ibig. (Gal. 6:2) Pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus para gawin ang lahat ng ginawa niya. Ang awa, o habag, ay pagpapakita ng pag-ibig. Nahabag si Jesus kaya nagturo siya sa mga tao, nagpagaling ng mga maysakit, nagpakain ng mga nagugutom, at bumuhay ng patay. (Mat. 14:14; 15:32-38; Mar. 6:34; Luc. 7:11-15) Inuna ni Jesus ang kapakanan ng iba. Higit sa lahat, ipinakita niya kung gaano niya talaga kamahal ang mga tao nang ibigay niya ang kaniyang buhay para sa kanila. Tinutularan natin si Jesus kapag inuuna natin ang kapakanan ng iba. Tinutularan din natin siya kapag nagsisikap tayong magpakita ng habag sa mga tao sa ating teritoryo. Kapag pinapakilos tayo ng ganoong habag para ipangaral at ituro ang mabuting balita, sinusunod natin ang kautusan ng Kristo. w19.05 4 ¶8-10
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Lucas 22:66-71
Lunes, Marso 29
Isinugo . . . ako [ni Jehova] para ihayag ang paglaya ng mga bihag . . . , at para palayain ang mga naaapi.—Luc. 4:18.
Nagbukas si Jesus ng daan para mapalaya ang mga tao sa mga turo ng mga lider ng relihiyon na nagpapahirap sa kanila. Maraming Judio noon ang alipin ng mga tradisyon at maling paniniwala. (Mat. 5:31-37; 15:1-11) Ang mga nag-aangking tumutulong sa mga tao na sambahin ang Diyos ay masasabing bulag. Nang itakwil nila ang Mesiyas at ang mga katotohanang itinuro niya, nanatili sila sa kadiliman at kasalanan. (Juan 9:1, 14-16, 35-41) Sa pagtuturo ng katotohanan at pagpapakita ng magandang halimbawa, ipinakita ni Jesus sa maaamo kung paano makakalaya sa huwad na mga turo. (Mar. 1:22; 2:23–3:5) Ginawa ring posible ni Jesus na mapalaya ang mga tao mula sa minanang kasalanan. Salig sa sakripisyo ni Jesus, mapapatawad na ng Diyos ang mga kasalanan ng mga nananampalataya at tumatanggap sa pantubos na ibinigay Niya.—Heb. 10:12-18. w19.12 10 ¶8; 11 ¶10-11
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:62-66
Martes, Marso 30
Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakan kayo ng ipinangakong banal na espiritu, na garantiya ng tatanggapin nating mana.—Efe. 1:13, 14.
Ginagamit ni Jehova ang espiritu niya para lubusang linawin sa mga Kristiyanong ito na pinili sila. Sa ganitong paraan, ang banal na espiritu ay “garantiya” na sa hinaharap, mabubuhay sila magpakailanman sa langit at hindi sa lupa. (2 Cor. 1:21, 22) Kung ang isang Kristiyano ay pinahiran, sigurado na bang matatanggap niya ang gantimpala sa langit? Hindi. Sigurado siya na pinili siya para mabuhay sa langit. Pero dapat niyang tandaan ang paalaalang ito: “Mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya para matiyak na mananatili kayong kasama sa mga tinawag at pinili, dahil kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito, hinding-hindi kayo mabibigo.” (2 Ped. 1:10) Kaya kahit na ang isang pinahirang Kristiyano ay pinili para mabuhay sa langit, matatanggap lang niya ang gantimpala kung mananatili siyang tapat.—Fil. 3:12-14; Heb. 3:1; Apoc. 2:10. w20.01 21-22 ¶5-6
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Lucas 24:1-12
Miyerkules, Marso 31
Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada, pero ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.—Kaw. 12:18.
Hindi nahabag kay Job ang tatlo niyang di-tunay na kaibigan dahil hindi nila inunawang mabuti ang sitwasyon. Kaya basta na lang nila hinusgahan si Job. Paano natin maiiwasan ang ganiyang pagkakamali? Tandaan na si Jehova lang ang nakakaalam ng buong sitwasyon ng isang tao. Makinig na mabuti sa sinasabi ng isang nagdurusa. Sikapin mong damhin ang sakit na nadarama niya. Kapag ginawa mo iyan, makakapagpakita ka ng empatiya sa iyong kapatid. Kapag mahabagin tayo, hindi tayo magkakalat ng tsismis tungkol sa problema ng iba. Ang nagkakalat ng tsismis ay hindi nagpapatibay sa kongregasyon; sinisira niya ito. (Kaw. 20:19; Roma 14:19) Baka lalo niyang masaktan ang isang nagdurusa. (Efe. 4:31, 32) Makakabuti nga kung titingnan natin ang magagandang katangian ng isang tao at iisipin kung paano natin siya matutulungan! w19.06 21-22 ¶8-9