Pebrero
Lunes, Pebrero 1
Iniibig [ni Jehova] ang . . . katarungan.—Awit 33:5.
Ang “katarungan,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay nangangahulugan ng paggawa ng kung ano ang tama sa paningin ng Diyos nang walang pagtatangi. Tingnan kung paano ipinakita ni Jesus sa gawa na mahalaga sa kaniya ang katarungan. Noong panahon niya, ang mga Judiong lider ng relihiyon ay galít sa mga di-Judio, mapanghamak sa ordinaryong mga Judio, at walang galang sa kababaihan. Pero si Jesus ay nakitungo nang patas sa lahat at hindi nagtangi. Tinanggap niya ang mga di-Judio na nanampalataya sa kaniya. (Mat. 8:5-10, 13) Nangaral siya sa lahat, sa mayayaman at mahihirap. (Mat. 11:5; Luc. 19:2, 9) Hindi siya naging malupit o mapang-abuso sa kababaihan, kundi nirespeto niya sila at naging mabait siya sa kanila, pati na sa mga babaeng hinahamak ng iba. (Luc. 7:37-39, 44-50) Matutularan natin si Jesus kung hindi tayo magtatangi at mangangaral tayo sa lahat ng handang makinig—anuman ang kanilang relihiyon o katayuan sa buhay. Tinutularan ng mga brother si Jesus kapag nirerespeto nila ang kababaihan. w19.05 2 ¶1; 5 ¶15-17
Martes, Pebrero 2
Naging mapagmahal at mabait kami sa inyo, gaya ng isang ina na buong pagmamahal na nag-aalaga sa mga anak niya.—1 Tes. 2:7.
Puwede ring gumamit ang mga elder ng mababait na pananalita sa pagtulong sa iba gamit ang Bibliya. Mga elder lang ba ang makakatulong sa mga biktima ng pang-aabuso? Hindi. Lahat tayo ay may pananagutang ‘patuloy na magpatibay sa isa’t isa.’ (1 Tes. 4:18) Malaki ang maitutulong ng mga may-gulang na Kristiyanong babae sa mga sister na nangangailangan ng pampatibay. Ikinumpara mismo ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang inang umaaliw sa kaniyang anak. (Isa. 66:13) At isinama sa Bibliya ang halimbawa ng mga babaeng tumulong sa mga nagdurusa. (Job 42:11) Tuwang-tuwa si Jehova kapag nakikita niya ang mga Kristiyanong babae sa ngayon na umaalalay sa kapuwa nila mga sister! Kung minsan, kinakausap ng isa o dalawang elder ang isang may-gulang na sister para hilingan itong tumulong sa isang sister na nagdurusa. Siyempre, hindi tayo dapat makialam sa mga bagay na gustong mapanatiling pribado ng isang kapatid.—1 Tes. 4:11. w19.05 16-17 ¶10-12
Miyerkules, Pebrero 3
Sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay.—Mat. 18:16.
Bakit kailangan ang dalawa o higit pang testigo bago bumuo ng hudisyal na komite ang mga elder? Ang kahilingang ito ay bahagi ng mataas na pamantayan ng Bibliya sa katarungan. Kapag hindi umamin ang nagkasala, kailangan ang dalawang testigo para makabuo ng hudisyal na komite ang mga elder. (Deut. 19:15; 1 Tim. 5:19) Kapag hindi umamin ang akusado, pakikinggan ng mga elder ang mga testigo. Kung may dalawa o higit pang testigo—ang nag-aakusa at iba pang testigong makapagpapatunay sa paratang, bubuo na ng hudisyal na komite ang mga elder. Kung walang makuhang ikalawang testigo, hindi ito nangangahulugang nagsisinungaling ang nag-aakusa. Kahit walang dalawang testigo, kinikilala pa rin ng mga elder na baka nga may malubhang kasalanang nagawa ang akusado. Patuloy nilang tutulungan ang sinumang indibidwal na nasaktan at mananatili silang alisto para maprotektahan ang kongregasyon laban sa anumang masamang bagay na posibleng mangyari.—Gawa 20:28. w19.05 11 ¶15-16
Huwebes, Pebrero 4
Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito . . . para makita ng lahat ang pagsulong mo.—1 Tim. 4:15.
Mahalaga na maturuan ng mga magulang ang mga anak kung paano mag-aral. Halimbawa, kailangan nilang matuto kung paano maghahanda sa pulong o magre-research tungkol sa isang problemang nararanasan nila sa paaralan. (Heb. 5:14) Kung sanay silang mag-aral ng Bibliya sa bahay, mas makakapagpokus sila sa mga tinatalakay sa pulong, asamblea, at kombensiyon. Siyempre, depende sa edad at personalidad ng mga anak kung gaano kahabang oras ang gagamitin ng mga magulang sa pagtuturo. Kailangan ding matutong mag-aral ang mga Bible study natin. Sa umpisa, natutuwa tayo kapag nakapaghanda sila at may guhit ang kanilang sagot para sa Bible study o sa pulong. Pero kailangan din natin silang turuang mag-research at mag-aral na mabuti nang sila lang. Sa gayon, kapag nagkaproblema sila, alam nila kung paano magre-research sa ating mga publikasyon para makakuha ng praktikal na mga payo. w19.05 26 ¶2; 28 ¶10-11
Biyernes, Pebrero 5
Ibinabagsak namin ang maling mga pangangatuwiran at bawat bagay na humahadlang sa mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos.—2 Cor. 10:5.
Determinado si Satanas na baguhin ang pag-iisip natin. Kaya gumagamit siya ng lahat ng uri ng pangangatuwiran para kontrahin ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Itinatanong pa rin ni Satanas ang gaya ng itinanong niya kay Eva sa hardin ng Eden: “Talaga bang sinabi ng Diyos na . . . ?” (Gen. 3:1) Sa sanlibutang kontrolado ni Satanas, madalas nating marinig ang mga tusong tanong na gaya nito: ‘Talaga bang ayaw ng Diyos na ikasal ang magkasekso? Talaga bang ayaw ng Diyos na ipagdiwang mo ang Pasko at kaarawan? Talaga bang inaasahan ng Diyos na hindi ka magpapasalin ng dugo? Talaga bang inaasahan ng isang mapagmahal na Diyos na lalayuan mo ang natiwalag mong mahal sa buhay?’ Kailangang kumbinsido tayo sa pinaniniwalaan natin. Kung hindi natin masagot ang ganitong mga tanong, malamang na magduda tayo kung totoo ba ang ating mga paniniwala. Puwede nitong pilipitin ang pag-iisip natin at sirain ang ating pananampalataya. w19.06 12 ¶15-17
Sabado, Pebrero 6
Lahat kayo ay magkaisa sa pag-iisip, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at magiliw, at maging mapagpakumbaba.—1 Ped. 3:8.
Mahal na mahal tayo ni Jehova. (Juan 3:16) Gusto nating tularan ang ating mapagmahal na Ama. Kaya nagsisikap tayong “magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, [at] maging mahabagin at magiliw” sa lahat, pero lalo na sa “mga kapananampalataya natin.” (Gal. 6:10) Kapag may problema ang mga kapananampalataya natin, gusto natin silang tulungan. Paano natin mapapatibay ang isang namatayan ng asawa? Ang unang-unang dapat gawin ay kausapin siya, kahit parang asiwa ka o hindi ka sigurado sa sasabihin mo. Sinabi ni Paula, na biglang namatay ang asawa, “Naiintindihan kong naaasiwa ang mga tao na pag-usapan ang tungkol sa kamatayan. Nag-aalala sila na baka makapagsalita sila ng hindi maganda. Pero mas masakit kung wala silang sinasabi.” Kahit simple lang ang sabihin natin, pahahalagahan iyon ng isang nagdadalamhati. Sinabi ni Paula: “Nagpapasalamat ako kahit ang sinasabi lang ng mga kaibigan ko, ‘Nakikiramay ako.’” w19.06 20 ¶1; 23 ¶14
Linggo, Pebrero 7
Jehova, bigyang-pansin mo ang mga banta nila, at tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.—Gawa 4:29.
Kapag ipinagbawal ang ating gawain, ang mga elder ay mag-oorganisa ng mga pulong na hindi makakatawag ng pansin. Baka magbigay sila ng tagubiling magtipon-tipon ang mga kapatid sa maliliit na grupo, at baka bagu-baguhin nila ang oras at lugar ng pulong. Tungkol naman sa pangangaral, iba-iba ang magiging sitwasyon sa bawat lugar. Pero dahil mahal natin si Jehova at gustong-gusto nating sabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang Kaharian, gagawa tayo ng paraan para makapangaral. (Luc. 8:1) May kinalaman sa mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet, sinabi ng istoryador na si Emily B. Baran: “Nang pagbawalan sila ng gobyerno na mangaral, ang kinausap ng mga Saksi ay ang kanilang mga kapitbahay, katrabaho, at kaibigan. Nang ibilanggo sila sa mga kampong piitan, mga kapuwa bilanggo naman ang pinangaralan nila.” Sa kabila ng pagbabawal, hindi tumigil sa pangangaral ang mga kapatid natin doon. Ganoon din sana ang gawin mo! w19.07 11 ¶12-13
Lunes, Pebrero 8
Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.—Mat. 28:19.
Paano natin matutulungan ang mga taong hindi relihiyoso na ibigin ang Diyos at maging alagad ni Kristo? Dapat na alam natin na ang reaksiyon ng isang tao sa ating mensahe ay depende sa lugar na kinalakhan niya. Halimbawa, baka iba ang maging reaksiyon ng mga taga-Europa kumpara sa mga taga-Asia. Bakit? Sa Europa kasi, marami ang pamilyar na sa Bibliya at sa ideya na ang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. Pero sa Asia, ang karamihan ay walang alam o kaunti lang ang alam sa Bibliya, at baka hindi sila naniniwala sa Maylalang. Kaya maging positibo. Taon-taon, may mga taong hindi relihiyoso pero nagiging Saksi ni Jehova. Marami sa mga ito ang mayroon nang mataas na moralidad at nasusuklam sa pagbabanal-banalan ng mga relihiyon. Ang iba naman ay may mababang moralidad at mga bisyong kailangang alisin. Sa tulong ni Jehova, makakatiyak tayong matatagpuan natin ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48; 1 Tim. 2:3, 4. w19.07 20-21 ¶3-4
Martes, Pebrero 9
Hindi tayo sumusuko.—2 Cor. 4:16.
Ang pag-asa man natin ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa paraisong lupa, dapat tayong patuloy na magsikap na maabot ang tunguhing iyan. Anuman ang kalagayan natin, hindi tayo dapat lumingon sa mga bagay na nasa likuran; at huwag nating hayaang may makahadlang sa ating pagsulong. (Fil. 3:16) Baka matagal na tayong naghihintay sa katuparan ng mga pangako ng Diyos, o baka humihina na tayo. Baka maraming taon na tayong nagtitiis ng pag-uusig at iba pang pagsubok. Anuman ang sitwasyon, “huwag . . . mag-alala sa anumang bagay.” Sa halip, ipaalám mo sa Diyos ang lahat ng pakiusap mo, at bibigyan ka niya ng kapayapaang higit sa maiisip mo. (Fil. 4:6, 7) Gaya ng isang mananakbong nagpupursigi habang papalapit sa finish line, manatili sana tayong nakapokus sa tunguhin nating matapos ang takbuhan para sa buhay. Gawin natin ang ating buong makakaya hanggang sa makamit natin ang magagandang bagay na naghihintay sa atin sa hinaharap. w19.08 7 ¶16-17
Miyerkules, Pebrero 10
Makiiyak sa mga umiiyak.—Roma 12:15.
Baka hindi natin alam kung ano ang sasabihin sa isang nagdadalamhati. Pero kapag nakita niyang umiiyak din tayo, mararamdaman niyang nagmamalasakit tayo sa kaniya. Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, umiyak si Maria, si Marta, at ang iba pa dahil nawalan sila ng kapatid at kaibigan. Nang dumating si Jesus makalipas ang apat na araw, “lumuha” rin siya, kahit bubuhayin naman niyang muli si Lazaro. (Juan 11:17, 33-35) Ipinapakita ng pagluha ni Jesus ang nadarama ng kaniyang Ama. Ipinapakita rin nito na mahal sila ni Jesus, at tiyak na nakaaliw ito kina Maria at Marta. Kaya kapag nadarama ng mga kapatid ang pag-ibig at pagmamalasakit natin sa kanila, nakikita nilang hindi sila nag-iisa dahil may mga kaibigan silang nagmamahal at sumusuporta sa kanila. Kung minsan, kailangan lang nating makinig. Hayaang sabihin niya ang nadarama niya, at huwag masamain ang kaniyang “padalus-dalos na pananalita.” (Job 6:2, 3) Baka masyado siyang nai-stress dahil sa panggigipit ng mga kapamilya niyang di-Saksi. Kaya manalanging kasama niya. Magsumamo sa “Dumirinig ng panalangin” na bigyan siya ng lakas at malinaw na pag-iisip.—Awit 65:2. w19.04 18-19 ¶18-19
Huwebes, Pebrero 11
Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo.—Awit 62:8.
Naglilingkod man tayo sa field o sa Bethel, napapamahal sa atin ang mga tao at kahit ang mismong lugar na pinaglilingkuran natin. Kaya napakasakit iwan ang atas natin. Nami-miss natin ang mga kapatid, at nag-aalala tayo para sa kanila, lalo na kung kinailangan nating umalis dahil sa pag-uusig. (Mat. 10:23; 2 Cor. 11:28, 29) Gayundin, malamang na mahirap magpunta sa ibang lugar at mag-adjust sa panibagong kultura. Posible ring mahirapan tayo kung babalik tayo sa lugar na pinanggalingan natin. Puwede ring magkaproblema sa pera ang mga nagkaroon ng pagbabago sa atas. Baka masyado silang mag-alala at masiraan ng loob. Ano ang makakatulong sa kanila? Manatiling malapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Paano natin ito magagawa? Magtiwalang siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Magagawa ni Jehova “ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” (Efe. 3:20) Ibibigay niya hindi lang ang ipinapanalangin natin. Puwede rin niyang gawin ang hindi natin inaasahan at solusyunan ang problema natin sa paraang higit pa sa maiisip natin. w19.08 21 ¶5-6
Biyernes, Pebrero 12
Tinipon sila ng mga ito sa . . . Armagedon.—Apoc. 16:16.
Sinasabi ng ilan na ang “Armagedon” ay isang digmaang nuklear o pagkagunaw ng mundo. Pero sinasabi ng Bibliya na ang Armagedon ay isang magandang balita na dapat panabikan! (Apoc. 1:3) Hindi pupuksain ng digmaang ito ang sangkatauhan, kundi ililigtas pa nga! Paano? Tatapusin nito ang pamamahala ng tao. Pupuksain nito ang masasama at iingatan ang mga matuwid. At ililigtas nito ang ating planeta mula sa lubusang pagkasira. (Apoc. 11:18) Ang salitang “Armagedon” ay isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, at galing ito sa salitang Hebreo na nangangahulugang “Bundok ng Megido.” (Apoc. 16:16; tlb.) Ang Megido ay isang lunsod noon sa Israel. (Jos. 17:11) Pero ang Armagedon ay hindi tumutukoy sa isang literal na lugar. Partikular itong tumutukoy sa kalagayan kapag nagtipon na ang “mga hari ng buong lupa” laban kay Jehova.—Apoc. 16:14. w19.09 8 ¶1-3
Sabado, Pebrero 13
Walang makapagpagaling sa kaniya.—Luc. 8:43.
Kailangang-kailangan ng tulong ng babaeng iyon. Nakapagpatingin na siya sa maraming doktor at umasang gagaling siya. Pero 12 taon na at hindi pa rin siya gumagaling. Ayon sa Kautusan, marumi siya. (Lev. 15:25) Pagkatapos, nabalitaan niyang nakakapagpagaling si Jesus, kaya hinanap niya ito. Nang makita niya si Jesus, hinipo niya ang palawit ng damit nito, at gumaling siya agad! Pero hindi lang siya basta pinagaling ni Jesus—ipinadama rin nito sa kaniya ang pagmamahal at paggalang. Halimbawa, nang kinakausap siya ni Jesus, tinawag siya nitong “anak.” Tiyak na naginhawahan ang babaeng iyon! (Luc. 8:44-48) Pansinin na nagpunta ang babae kay Jesus. Kumilos siya. Kaya dapat din tayong magsikap na “lumapit” kay Jesus. Sa ngayon, hindi na maghihimala si Jesus para pagalingin ang mga ‘lumalapit’ sa kaniya. Pero inaanyayahan pa rin niya tayo: “Lumapit kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.”—Mat. 11:28. w19.09 20 ¶2-3
Linggo, Pebrero 14
Nakita ko ang isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.—Apoc. 7:9.
May ganiyang hula rin noon si propeta Zacarias. Sinabi niya: “Sa panahong iyon, 10 lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang hahawak, oo, hahawak sila nang mahigpit sa damit ng isang Judio at magsasabi: ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil nabalitaan naming ang Diyos ay sumasainyo.’” (Zac. 8:23) Alam ng mga Saksi ni Jehova na para matipon ang mga tao mula sa lahat ng wika, dapat na maipangaral ang mabuting balita sa maraming wika. Nagsasalin na tayo ngayon sa daan-daang wika—ang pinakamalaking gawaing pagsasalin sa buong kasaysayan. Maliwanag na gumagawa si Jehova ng himala sa panahon natin—ang pagtitipon sa malaking pulutong mula sa lahat ng bansa. Dahil nakukuha na ang espirituwal na pagkain sa napakaraming wika, na patuloy pang dumarami, ang grupong ito mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagkakaisa sa pagsamba. At kilaláng-kilalá ang mga Saksi sa kanilang masigasig na pangangaral at pag-ibig sa isa’t isa. Talagang nakakapagpatibay iyan ng pananampalataya!—Mat. 24:14; Juan 13:35. w19.09 30 ¶16-17
Lunes, Pebrero 15
Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.—Mat. 24:21.
Sa malaking kapighatian, magugulat ang mga tao sa pagbagsak ng lahat ng bagay sa sanlibutan na iniisip nilang matatag. ‘Magdurusa’ sila habang iniisip kung makakaligtas sila sa pinakamadilim na panahong ito sa kasaysayan ng tao. (Zef. 1:14, 15) Malamang na magiging mas mahirap ang buhay para sa lahat, kahit sa mga lingkod ni Jehova. Dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan, baka mapaharap tayo sa mga hamon. Sa panahong iyon, baka wala tayo ng ilan sa mga pangangailangan natin. Inihahanda na tayo ng “tapat at matalinong alipin” para makapanatiling tapat sa panahon ng malaking kapighatian. (Mat. 24:45) Ginagawa nila ito sa maraming paraan. Pansinin ang isang halimbawa: ang napapanahong programa ng ating mga kombensiyon noong 2016-2018. Sa mga kombensiyong ito, napatibay tayong pasulungin ang mga katangiang kailangan natin habang papalapit ang araw ni Jehova. w19.10 14 ¶2; 16 ¶10; 17 ¶12
Martes, Pebrero 16
Hindi kayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova” at sa mesa ng mga demonyo.—1 Cor. 10:21.
Kapag nalunok na natin ang pagkain, hindi na natin kontrolado ang magiging epekto nito sa ating katawan. Ang masustansiyang pagkain ay nakakapagpalusog; ang di-masustansiyang pagkain ay nakakasamâ sa kalusugan. Puwedeng hindi natin agad makita ang epekto nito, pero makikita rin natin ito sa kalaunan. Sa katulad na paraan, kapag pumipili ng libangan, napipili rin natin ang ipinapasok natin sa ating isip. Pero pagkatapos niyan, maaapektuhan ng libangang napili natin ang ating isip at puso. Ang mabuting libangan ay nakakapagpaginhawa; ang masamang libangan ay nakakapinsala. (Sant. 1:14, 15) Puwedeng hindi natin agad makita ang epekto ng masamang libangan, pero lilitaw rin ito sa kalaunan. Kaya nagbababala sa atin ang Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya; dahil ang naghahasik para sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman.” (Gal. 6:7, 8) Napakahalaga ngang iwasan ang mga libangang kinapopootan ni Jehova!—Awit 97:10. w19.10 29-30 ¶12-14
Miyerkules, Pebrero 17
Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak, at patuloy na magpakita ng pag-ibig.—Efe. 5:1, 2.
Pinatunayan ni Jehova ang pag-ibig niya sa atin nang ibigay niya ang kaniyang Anak bilang pantubos. (Juan 3:16) Paano natin matutularan ang pag-ibig ni Jehova? Pahalagahan at mahalin ang ating mga kapatid, at masayang tanggapin ang “nawawalang tupa” na nanunumbalik kay Jehova. (Awit 119:176; Luc. 15:7, 10) Pinatutunayan nating mahal natin ang ating mga kapatid kapag ginagamit natin ang ating panahon at lakas para tulungan sila, lalo na sa panahong may problema sila. (1 Juan 3:17) Inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Bagong utos ito dahil hindi kahilingan sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel ang ganitong uri ng pag-ibig: Mahalin ang kapananampalataya gaya ng pagmamahal ni Jesus sa iyo. At kailangan diyan ang mapagsakripisyong pag-ibig. Dapat na mas mahal natin ang ating mga kapatid kaysa sa ating sarili. At dapat na handa nating ibigay ang ating buhay para sa kanila, gaya ng ginawa ni Jesus. w19.05 4 ¶11-13
Huwebes, Pebrero 18
Patuloy na humingi at bibigyan kayo, patuloy na maghanap at makakakita kayo, patuloy na kumatok at pagbubuksan kayo.—Luc. 11:9.
Para tumanggap ng tulong ng banal na espiritu, dapat natin itong matiyagang ipanalangin. (Luc. 11:13) Ipinapakita ng ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 11:5-9 kung bakit tayo makakatiyak na bibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu. Sa ilustrasyon, gusto ng lalaki na maging mapagpatuloy. Iniisip niyang dapat niyang pakainin ang kaniyang bisita na gabing-gabi nang dumating, pero wala siyang maibigay. Sinabi ni Jesus na tumugon ang kapitbahay ng lalaki kasi mapilit ito sa paghingi ng tinapay. Ano ang punto ni Jesus? Kung ang isang di-perpektong tao ay handang tumulong sa mapilit na kapitbahay, lalo nang handang tumulong ang ating mabait na Ama sa langit sa matiyagang humihingi sa kaniya ng banal na espiritu! Kaya makakatiyak tayo na sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin para sa banal na espiritu. (Awit 10:17; 66:19) Makakatiyak tayo na sa kabila ng walang-tigil na pag-atake ni Satanas sa atin, magtatagumpay tayo. w19.11 13 ¶17-19
Biyernes, Pebrero 19
Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.—Mar. 6:31.
Alam ni Jesus na kung minsan, kailangan niya at ng kaniyang mga apostol ng pahinga. Pero maraming tao noon at ngayon ang gaya ng mayamang lalaki sa ilustrasyon ni Jesus. Sinabi ng lalaki sa sarili niya: “Magpasarap ka na lang sa buhay, kumain, uminom, at magpakasaya.” (Luc. 12:19; 2 Tim. 3:4) Pinakamahalaga sa kaniya ang pahinga at pagpapasarap sa buhay. Pero hindi iyan ang pinakamahalaga kay Jesus at sa mga apostol. Sinisikap nating tularan si Jesus kapag ginagamit natin ang mga panahong wala tayong pasok, hindi lang para magpahinga, kundi para mangaral at dumalo sa pulong. Napakahalaga sa atin ng mga ito, kaya ginagawa natin ang lahat para maging regular sa mga gawaing ito. (Heb. 10:24, 25) Kahit nasa bakasyon, dumadalo pa rin tayo sa pulong at naghahanap ng pagkakataon para makapagpatotoo.—2 Tim. 4:2. w19.12 7 ¶16-17
Sabado, Pebrero 20
Tapusin . . . ninyo ang sinimulan ninyo.—2 Cor. 8:11.
Pinapahintulutan tayo ni Jehova na gumawa ng sarili nating desisyon. Tinuturuan niya tayong maging matalino sa paggawa nito, at tinutulungan niya tayong maging matagumpay kapag nakakapagpasaya sa kaniya ang desisyon natin. (Awit 119:173) Kapag sinusunod natin ang karunungan mula sa Salita ng Diyos, mas makakagawa tayo ng matatalinong desisyon. (Heb. 5:14) Pero kahit maganda ang desisyon natin, baka mahirapan tayong tapusin ang nasimulan natin. Tingnan ang ilang halimbawa: Nagdesisyon ang isang kabataang brother na basahin ang buong Bibliya. Araw-araw siyang nakakapagbasa sa mga unang linggo, pero nahinto ito. Nagdesisyon ang isang sister na magpayunir pero paulit-ulit niya itong ipinagpapaliban. Nagdesisyon ang isang lupon ng matatanda na dalasan ang pagse-shepherding, pero ilang buwan na ang nakakalipas, hindi pa rin nila ito nagagawa. Magkakaiba ang mga sitwasyong ito pero may pagkakatulad. Hindi nila lubusang naisagawa ang mga desisyon nila. w19.11 26 ¶1-2
Linggo, Pebrero 21
Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.—Kaw. 21:5.
Itinulad ni Jesus ang panahon natin sa “panahon ni Noe,” at talaga namang “mapanganib at mahirap ang kalagayan” natin ngayon. (Mat. 24:37; 2 Tim. 3:1) Dahil dito, nagpasiya ang ilang mag-asawa na huwag munang mag-anák para mas marami silang panahon sa ministeryo. Kapag nagpapasiya ang mag-asawa kung mag-aanak sila at kung ilan ang gusto nila, makakabuting ‘kuwentahin nila ang gastusin.’ (Luc. 14:28, 29) Alam ng mga magulang na talagang magastos ang pagpapalaki ng anak. Kailangan din dito ang panahon at lakas. Kaya mahalagang pag-isipan ng mag-asawa ang mga tanong na ito: ‘Kailangan bang pareho kaming magtrabaho para mabili ang mga pangunahing pangangailangan ng aming pamilya? Magkapareho ba kami sa iniisip naming “mga pangunahing pangangailangan”? Kung pareho kaming magtatrabaho, sino ang mag-aalaga sa mga bata? Sino ang makakaimpluwensiya sa kanila?’ Kapag maayos itong pinag-uusapan ng mga mag-asawa, isinasabuhay nila ang teksto sa araw na ito. w19.12 23 ¶6-7
Lunes, Pebrero 22
Sila . . . ang mga kamanggagawa ko para sa Kaharian ng Diyos, at talagang napalalakas nila ako.—Col. 4:11.
Maraming beses na nanganib ang buhay ni apostol Pablo. (2 Cor. 11:23-28) Kailangan din niyang tiisin ang “isang tinik sa laman”—malamang na isang problema sa kalusugan. (2 Cor. 12:7) At nalungkot din siya nang iwan siya ni Demas, isang kapatid na minsang nakasama niya sa paglilingkod, dahil “inibig [ni Demas] ang sistemang ito.” (2 Tim. 4:10) Si Pablo ay isang pinahirang Kristiyano na malakas ang loob, at palagi niyang tinutulungan ang iba. Pero pinanghihinaan din siya ng loob kung minsan. (Roma 9:1, 2) Tumanggap si Pablo ng pampatibay at suporta. Paano? Ginamit ni Jehova ang Kaniyang banal na espiritu para palakasin siya. (2 Cor. 4:7; Fil. 4:13) Pinatibay rin siya ni Jehova sa pamamagitan ng ibang Kristiyano. Sinabi ni Pablo na “talagang napapatibay” siya ng mga kamanggagawa niya. (Col. 4:11, tlb.) Ang ilan sa mga nabanggit niya ay sina Aristarco, Tiquico, at Marcos. Napatibay nila si Pablo kaya nakapagtiis siya. w20.01 8 ¶2-3
Martes, Pebrero 23
Pinasinag niya ang liwanag sa inyong puso.—Efe. 1:18.
Ipinahiwatig ni Jesus na imposibleng lubusang ipaliwanag sa isa na hindi pinahiran kung ano ang pakiramdam na ‘maipanganak-muli,’ o ‘maipanganak sa espiritu.’ (Juan 3:3-8) Ano ang nagbabago sa paraan ng pag-iisip ng mga Kristiyano kapag pinahiran sila? Bago sila pahiran ni Jehova, inaasam nilang mabuhay magpakailanman sa lupa. Nananabik sila sa panahong aalisin ni Jehova ang lahat ng kasamaan at gagawing paraiso ang lupa. Baka naiisip pa nga nilang sasalubungin nila ang isang kapamilya o kaibigan na binuhay-muli. Pero nag-iiba ang pag-iisip nila matapos silang pahiran. Bakit? Hindi naman sa hindi na sila kontento sa pag-asang mabuhay sa lupa. Hindi rin iyon dahil sa na-depress sila o nagkaproblema. Hindi nila biglang naramdaman na nakakabagot mabuhay magpakailanman sa lupa. Sa halip, ginamit ni Jehova ang espiritu niya para baguhin ang paraan ng pag-iisip nila at ang pag-asang pinananabikan nila. w20.01 22-23 ¶9-11
Miyerkules, Pebrero 24
Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.—Roma 13:1.
Sa ilalim ng Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel, hindi lang tungkol sa pagsamba kay Jehova ang inaasikaso ng hinirang na mga lalaki. Humahawak din sila ng mga kasong sibil at kriminal. Pero sa ilalim ng “kautusan ng Kristo,” ang papel ng mga elder kapag may malubhang pagkakasala ay ang panatilihing malinis ang pagsamba kay Jehova. (Gal. 6:2) Kinikilala nila na ang sekular na mga awtoridad ang binigyan ng Diyos ng responsibilidad na humawak ng kasong sibil at kriminal. Kasama diyan ang pagpapatupad ng batas gaya ng pagpapataw ng multa o pagbibilanggo. (Roma 13:2-4) Ano ang ginagawa ng mga elder kapag may nakagawa ng malubhang pagkakasala? Ginagamit nila ang Kasulatan para suriin ang mga bagay-bagay at makapagdesisyon. Tinatandaan nila na pag-ibig ang pundasyon ng kautusan ng Kristo. Dahil sa pag-ibig, iniisip ng mga elder: Ano ang kailangang gawin para matulungan ang sinuman sa kongregasyon na naging biktima ng malubhang pagkakasala? Kung tungkol sa nagkasala, pag-ibig ang mag-uudyok sa mga elder na isipin: Nagsisisi ba siya? Matutulungan ba namin siyang maibalik ang espirituwalidad niya? w19.05 7 ¶23-24
Huwebes, Pebrero 25
Ako ay nabubuhay dahil sa Ama.—Juan 6:57.
Kinilala ni Jesus na ang kaniyang Ama ang Bukal at Tagatustos ng buhay nang banggitin niya ang teksto sa araw na ito. Buo ang tiwala ni Jesus sa kaniyang Ama, at inilaan ni Jehova ang pangangailangan niya sa pisikal at lalo na sa espirituwal. (Mat. 4:4) Naglalaan din si Jehova ng espirituwal na pangangailangan natin. Sa Bibliya, ipinaalám niya sa atin kung sino siya, kung ano ang layunin niya, kung bakit niya tayo nilalang, at kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Tinulungan niya tayong matutuhan ang katotohanan; ginamit niya ang ating mga magulang o iba pang guro para tulungan tayong makilala siya. At patuloy niya tayong tinutulungan sa pamamagitan ng mapagmahal na mga elder at ng iba pang may-gulang na kapatid. Tinuturuan din tayo ni Jehova sa pamamagitan ng mga pulong, kung saan natututo tayo kasama ng ating mga kapatid. Ang mga iyan, pati na ang iba pang paglalaan, ay nagpapatunay na mahal tayo ni Jehova bilang mga anak niya.—Awit 32:8. w20.02 3 ¶8; 5 ¶13
Biyernes, Pebrero 26
Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at nakapagpapatibay sa isa’t isa.—Roma 14:19.
Walang kapayapaan kapag may inggitan. Kailangan nating bunutin ang inggit sa ating puso at iwasang maging dahilan para mainggit ang iba. Ano ang puwede nating gawin para tulungan ang iba na malabanan ang inggit, at paano natin maitataguyod ang kapayapaan? Ang ating saloobin at pagkilos ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba. Gusto ng sanlibutan na ‘ipagyabang’ natin ang ating mga pag-aari. (1 Juan 2:16) Pero nagtataguyod iyan ng inggit. Maiiwasan nating maging dahilan ng pagkainggit ng iba kung hindi natin laging babanggitin ang tungkol sa mga pag-aari natin o mga planong bilhin. Maiiwasan din natin iyan kung hindi natin ipagyayabang ang mga pribilehiyo natin sa kongregasyon. Kapag lagi nating binabanggit ang mga pribilehiyo natin, para tayong nagbubungkal ng lupa na pagsisibulan ng inggit. Pero kapag nagpapakita tayo ng interes sa iba at nagpapahalaga sa magandang ginagawa nila, natutulungan natin silang maging kontento, at naitataguyod natin ang pagkakaisa at kapayapaan sa loob ng kongregasyon. w20.02 18 ¶15-16
Sabado, Pebrero 27
Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, dahil ang mga ito . . . ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.—Roma 1:20.
Puwede kang matuto tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng mga nilalang niya. (Apoc. 4:11) Pag-isipan ang karunungang makikita sa pagkakadisenyo sa mga halaman at hayop. Pag-aralan ang kahanga-hangang pagkakagawa sa ating katawan. (Awit 139:14) At pag-isipan ang enerhiyang inilagay ni Jehova sa araw, na isa lang sa bilyon-bilyong bituin. (Isa. 40:26) Kapag ginawa mo iyan, lalalim ang paggalang mo kay Jehova. Mahalagang malaman na si Jehova ay marunong at makapangyarihan. Pero para lalong sumidhi ang pag-ibig mo sa kaniya at maging matalik mo siyang kaibigan, marami ka pang kailangang malaman tungkol sa kaniya. Dapat na kumbinsido kang nagmamalasakit si Jehova sa iyo. Tandaan na “kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang makita mo siya.” (1 Cro. 28:9) Sinabi ni Jehova, “inilapit kita sa akin.” (Jer. 31:3) Habang pinahahalagahan mo ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo, lalong sumisidhi ang pagmamahal mo sa kaniya. w20.03 4 ¶6-7
Linggo, Pebrero 28
Alang-alang sa ministeryong ito . . . , hindi kami sumusuko.—2 Cor. 4:1.
Napakahalaga kay apostol Pablo ng kaniyang ministeryo. Paano niya ito ipinakita? Noong nasa Corinto siya, habang nasa ikalawang paglalakbay bilang misyonero, kapos siya sa badyet at kinailangan niyang magtrabaho bilang manggagawa ng tolda. Nagtrabaho siya para masuportahan ang kaniyang ministeryo at maipahayag ang mabuting balita sa mga taga-Corinto nang hindi sila napapabigatan. (2 Cor. 11:7) Kahit kailangang magtrabaho ni Pablo, lagi pa rin niyang inuuna ang ministeryo, at nangangaral siya bawat Sabbath. Nang bumuti ang kalagayan niya, mas nakapagpokus siya sa pangangaral. Si Pablo ay naging “lubhang abala sa salita, na nagpapatotoo sa mga Judio upang patunayan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 18:3-5; 2 Cor. 11:9) Nang maglaon, noong nakabilanggo siya sa bahay niya sa Roma sa loob ng dalawang taon, nagpapatotoo siya sa mga bumibisita sa kaniya. Gumagawa rin siya ng mga liham. (Gawa 28:16, 30, 31) Hindi hinayaan ni Pablo na may anumang bagay na makahadlang sa kaniyang ministeryo. w19.04 4 ¶9