Enero
Biyernes, Enero 1
Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.—Mat. 28:19.
Gusto ng lahat ng tapat na lingkod ng Diyos na matutuhan kung paano ‘lubusang gaganapin’ ang ministeryong ipinagagawa sa kanila. (2 Tim. 4:5) Ito kasi ang pinakamahalaga at pinakaapurahang gawain. Pero baka nahihirapan tayong maglaan ng malaking panahon sa ministeryo gustuhin man natin. Ginagamit din natin ang ating panahon at lakas sa ibang mahahalagang bagay. Baka kailangan nating magtrabaho nang maraming oras sa isang araw para sa mga pangangailangan natin at ng ating pamilya. Baka may iba pa tayong pananagutan sa pamilya, baka may sakit tayo o depresyon, o baka marami na tayong idinadaing dahil sa pagtanda. Kung kaunti lang ang panahon natin sa paglilingkod kay Jehova dahil sa ating sitwasyon, huwag tayong malungkot. Alam ni Jesus na hindi pare-pareho ang dami ng ating magiging bunga. (Mat. 13:23) Pinapahalagahan ni Jehova ang lahat ng ginagawa nating paglilingkod sa kaniya basta ibinibigay natin ang ating buong makakaya.—Heb. 6:10-12. w19.04 2 ¶1-3
Sabado, Enero 2
Sinungaling [ang Diyablo] at siya ang ama ng kasinungalingan.—Juan 8:44.
Nasisira ang reputasyon ni Jehova dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol sa mga patay. Kasama rito ang maling turo na pinapahirapan sila sa apoy. Kasiraan iyan sa Diyos! Bakit? Pinagmumukha kasi nitong ang Diyos ng pag-ibig ay may personalidad na gaya ng sa Diyablo. (1 Juan 4:8) Matatanggap mo ba iyan? Higit sa lahat, matatanggap ba iyan ni Jehova? Ang totoo, galit na galit siya sa lahat ng uri ng kalupitan. (Jer. 19:5) Nawawalan ng kabuluhan ang haing pantubos ni Kristo dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol sa kamatayan. (Mat. 20:28) Ikinakalat ni Satanas na may imortal na kaluluwa ang mga tao. Kung totoo iyan, lahat ng tao ay mabubuhay magpakailanman at hindi na kailangang ibigay ni Kristo ang buhay niya para tubusin tayo. Tandaan na ang hain ni Kristo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na ipinakita sa mga tao. (Juan 3:16; 15:13.) Isipin na lang ang nadarama ni Jehova at ng Anak niya tungkol sa mga turo na nagpapakitang walang kabuluhan ang napakahalagang regalong iyan! w19.04 14 ¶1; 16 ¶8-9
Linggo, Enero 3
“Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, para maturuan niya siya?” Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.—1 Cor. 2:16.
Saan nakaulat ang mga turo ni Jesus? Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang marami sa mga sinabi at ginawa ni Jesus sa lupa. Ang iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan—na isinulat ng mga lalaking pinatnubayan ng banal na espiritu at may “pag-iisip ni Kristo”—ay makakatulong din sa atin para maintindihan ang kaisipan ni Jesus. Saklaw ng mga turo ni Jesus ang buong buhay natin. Kaya magiging gabay sa atin ang “kautusan ng Kristo” kung paano tayo kikilos kapag nasa bahay, sa trabaho o paaralan, at sa kongregasyon. (Gal. 6:2) Natututuhan natin ang kautusang ito sa pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Nagpapagabay tayo sa kautusang ito kapag sinusunod natin ang mga tagubilin, utos, at simulain sa mga aklat na iyon ng Bibliya. Kapag sinusunod natin ang kautusan ng Kristo, sinusunod natin ang ating mapagmahal na Diyos, si Jehova, ang pinagmulan ng lahat ng itinuro ni Jesus.—Juan 8:28. w19.05 3 ¶6-7
Lunes, Enero 4
Ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ.—2 Tim. 3:13.
Nakakalungkot makitang ginagawa ng mga tao ang gusto ng Diyablo. Pero nakikita ni Jehova ang mga taktika ni Satanas. Naiintindihan ni Jehova ang sakit na nararamdaman natin, at matutulungan niya tayo. Mabuti na lang at naglilingkod tayo sa “Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon, ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok, para maaliw rin natin ang iba na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.” (2 Cor. 1:3, 4) Lalo nang nangangailangan ng tulong ang mga pinabayaan ng mga magulang o nabiktima ng mga malapít sa kanila. Alam ng salmistang si David na lagi tayong makakaasa sa tulong ni Jehova. (Awit 27:10) Naniniwala si David na kukupkupin ni Jehova ang mga pinabayaan ng kanilang mga mahal sa buhay. Paano? Ginagamit niya ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ang ating mga kapananampalataya ay mga kapamilya na rin natin. Halimbawa, tinukoy ni Jesus ang mga kasama niyang sumasamba kay Jehova bilang kaniyang ina at mga kapatid.—Mat. 12:48-50. w19.05 15-16 ¶8-9
Martes, Enero 5
[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.—Fil. 1:10, tlb.
Ano ang dapat nating unahin sa pag-aaral? Siyempre, dapat nating basahin ang Salita ng Diyos araw-araw. Binawasan na ang haba ng nakaiskedyul na lingguhang pagbabasa ng Bibliya sa kongregasyon para mas mabulay-bulay natin ito at makapag-research pa tayo. Gusto nating hindi lang basta pasadahan ang mga teksto sa Bibliya kundi patagusin ito sa ating puso para maging mas malapít tayo kay Jehova. (Awit 19:14) Ang Pag-aaral sa Bantayan ay pag-aaral ng Bibliya. Kaya pag-isipang mabuti ang mga teksto, lalo na ang mga babasahin kapag tinatalakay na sa kongregasyon ang artikulo. Tingnan ang partikular na mga salita o parirala sa teksto na sumusuporta sa puntong pinalilitaw sa parapo. Gayundin, bulay-bulayin ang mga tekstong binabasa mo, at pag-isipan kung paano mo maisasabuhay ang mga ito.—Jos. 1:8. w19.05 27 ¶5, 9
Miyerkules, Enero 6
Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.—Juan 4:34.
Napakaganda ng saloobin ni Jesus sa ministeryo. Pinakaimportante sa kaniya na masabi sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Daan-daang milya ang nilalakad niya para makapangaral sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Sinasamantala niya ang bawat pagkakataong makausap ang mga tao sa pampublikong lugar at sa bahay nila. Ang buong buhay ni Jesus ay umiikot sa kaniyang ministeryo. Matutularan natin si Kristo kung gagawa tayo ng mga pagkakataong masabi sa iba ang mabuting balita kailanman at saanman puwede. Nangangaral pa rin tayo kahit kung minsan ay mahirap para sa atin. (Mar. 6:31-34; 1 Ped. 2:21) Ang ilan sa kongregasyon ay naglilingkod bilang mga special, regular, o auxiliary pioneer. Ang iba naman ay nag-aaral ng ibang wika o lumilipat sa lugar na nangangailangan ng mas maraming mángangarál. Pero mas marami pa rin ang nagagawa ng pinagsama-samang pagsisikap ng regular na mga mamamahayag ng Kaharian, na ginagawa ang kanilang buong makakaya. Marami man o kaunti ang nagagawa natin, hindi tayo hinihilingan ni Jehova ng higit sa kaya natin. w19.04 4 ¶7-8
Huwebes, Enero 7
Ang pananalita ko at ang pagbubulay-bulay ng puso ko ay maging kalugod-lugod nawa sa iyo, O Jehova.—Awit 19:14.
Pag-isipan ito: ‘Nakakadama ba ako ng inggit?’ (1 Ped. 2:1) ‘Naiisip ko bang nakahihigit ako sa iba dahil sa aking karanasan, edukasyon, o estado sa buhay?’ (Kaw. 16:5) ‘Minamaliit ko ba ang iba dahil wala sila ng mga bagay na mayroon ako o dahil iba ang lahi nila?’ (Sant. 2:2-4) ‘Naaakit ba ako sa mga iniaalok ng sanlibutan ni Satanas?’ (1 Juan 2:15-17) ‘Natutuwa ba ako sa mga imoral o mararahas na libangan?’ (Awit 97:10; 101:3; Amos 5:15) Makakatulong ang mga tanong na iyan para makita mo kung ano ang kailangan mong baguhin sa iyong sarili. Malaki ang nagiging impluwensiya sa atin ng mga nakakasama natin. (Kaw. 13:20) Sa trabaho o paaralan, karaniwan nang napapalibutan tayo ng mga taong hindi makakatulong sa atin na magkaroon ng kaisipan ng Diyos. Pero sa ating mga Kristiyanong pagpupulong, makakakita tayo ng mabubuting kasama. Doon, mauudyukan tayong “magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.”—Heb. 10:24, 25, tlb. w19.06 12 ¶13-14
Biyernes, Enero 8
Nagiging kapuri-puri siya kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.—Kaw. 19:11.
Hindi tayo nilalang ni Jehova para dumanas ng mga problemang gaya ng nararanasan natin ngayon. Kaya natural lang na makapagsalita nang padalos-dalos ang isang tapat na lingkod ni Jehova na masyadong nai-stress. (Job 6:2, 3) Kahit makapagsalita siya nang hindi tama tungkol kay Jehova o sa atin, huwag tayong magalit agad o husgahan siya sa kaniyang sinabi. Kung minsan, ang isang taong nai-stress ay kailangan ding mapayuhan o madisiplina, na makakatulong sa kaniya. (Gal. 6:1) Paano ito magagawa ng mga elder? Magandang tularan nila si Elihu, na nakinig kay Job nang may empatiya. (Job 33:6, 7) Nagbigay lang ng payo si Elihu matapos niyang maintindihan ang tumatakbo sa isip ni Job. Ang mga elder na tumutulad kay Elihu ay nakikinig na mabuti at nagsisikap na maintindihan ang sitwasyon ng isang kapatid. Kaya kapag nagbibigay sila ng payo, kadalasang tumatagos ito sa puso ng pinapayuhan nila. w19.06 22-23 ¶10-11
Sabado, Enero 9
Sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.—Gawa 5:29.
Paano natin patuloy na masasamba si Jehova sa kabila ng pagbabawal? Ang tanggapang pansangay ay magbibigay ng mga tagubilin at praktikal na mga mungkahi sa mga elder. Kung hindi makontak ng tanggapang pansangay ang mga elder, ang mga elder ang tutulong sa iyo at sa lahat ng nasa kongregasyon para patuloy ninyong masamba si Jehova. Magbibigay sila ng mga tagubiling kaayon ng Bibliya at ng mga publikasyon natin. (Mat. 28:19, 20; Heb. 10:24, 25) Nangako si Jehova na ang mga lingkod niya ay mabubusog sa espirituwal. (Isa. 65:13, 14; Luc. 12:42-44) Kaya makakatiyak kang gagawin ng kaniyang organisasyon ang lahat para mailaan ang iyong espirituwal na pangangailangan. Ano ang puwede mong gawin? Kapag may pagbabawal, maghanap ng mapagtataguan ng iyong Bibliya at iba pang publikasyon. Huwag mong basta-basta iiwan ang mga iyon—nakaimprenta man o digital—sa lugar na madaling makita. Ang bawat isa ay dapat na gumawa ng paraan para makapanatiling malakas sa espirituwal. w19.07 10 ¶10-11
Linggo, Enero 10
Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan.—1 Cor. 9:22.
Sa loob ng libo-libong taon, karamihan ng mga tao ay may relihiyon. Pero nitong nakaraang mga dekada, malaki na ang ipinagbago ng mga tao. Parami na nang parami ang hindi relihiyoso. Sa katunayan, sa ilang bansa, ang karamihan ay nagsasabing wala silang relihiyon. (Mat. 24:12) Bakit? Baka nakapokus sila sa pagpapasarap sa buhay o sa kanilang mga problema. (Luc. 8:14) Ang ilan naman ay naging ateista. At ang iba ay naniniwala nga sa Diyos, pero nag-iisip naman na makaluma ang relihiyon, na wala silang mapapalâ rito, at na kontra ito sa siyensiya at lohika. Baka naririnig nila sa mga kaibigan, guro, o mga nasa media na ang buhay ay nagmula sa ebolusyon, pero wala silang gaanong naririnig na magandang dahilan para maniwala sa Diyos. Ang iba ay galít sa mga lider ng relihiyon dahil sa kasakiman ng mga ito sa pera at kapangyarihan. Sa ilang lugar naman, hinihigpitan ng gobyerno ang gawain ng relihiyon. w19.07 20 ¶1-2
Lunes, Enero 11
Maging matatag kayo, di-natitinag at laging maraming ginagawa para sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang pagpapagal ninyo para sa Panginoon.—1 Cor. 15:58.
Hindi mo kailangang maging malakas sa pisikal para patuloy na lumakas sa espirituwal. Sa katunayan, maraming mahihina na sa pisikal ang nagsisikap pa ring maglingkod kay Jehova sa abot ng kanilang makakaya. (2 Cor. 4:16) Matagal ka na sigurong naglilingkod kay Jehova, kaya lang, dahil sa humihinang kalusugan, baka hindi mo na nagagawa ngayon ang mga nagagawa mo noon. Pero huwag kang malungkot. Makakatiyak kang hindi malilimutan ni Jehova ang iyong mga ginawa. (Heb. 6:10) At sa ngayon, tandaan na ang ating debosyon kay Jehova ay hindi masusukat sa kung gaano karami ang nagagawa natin para sa kaniya. Sa halip, maipapakita natin ang lalim ng ating debosyon kung magiging positibo tayo at gagawin ang ating buong makakaya. (Col. 3:23) Naiintindihan ni Jehova ang mga limitasyon natin, at hindi niya tayo hinihilingan ng higit sa kaya natin.—Mar. 12:43, 44. w19.08 3 ¶6; 5 ¶11-12
Martes, Enero 12
Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo.—Mat. 5:16.
Inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga tao sa pamamagitan ng “mabubuting ginagawa” ng kongregasyong Kristiyano. (Mat. 5:14, 15; 1 Ped. 2:12) Kung ang asawa mo ay hindi Saksi ni Jehova, may nakilala na ba siyang mga kakongregasyon mo? Imbitahan mo siyang dumalo sa mga pulong na kasama mo. (1 Cor. 14:24, 25) Gusto nating makasama ang lahat ng ating kapamilya sa paglilingkod kay Jehova. Pero sa kabila ng mga pagsisikap nating tulungan silang maging lingkod ng Diyos, baka hindi pa rin nila tanggapin ang katotohanan. Kung mangyari iyan, huwag nating sisihin ang ating sarili. Tutal, hindi naman talaga natin mapipilit ang lahat ng tao na tanggapin ang ating paniniwala. Pero malaking bagay kung makikita ng mga kapamilya mo na masaya kang naglilingkod kay Jehova. Ipanalangin sila. Maging mabait sa pagpapatotoo sa kanila. Huwag huminto sa pagtulong sa kanila! (Gawa 20:20) Siguradong pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo. At kapag nakinig sa iyo ang mga kapamilya mo, maliligtas sila! w19.08 18-19 ¶15-17
Miyerkules, Enero 13
Ang mata ang lampara ng katawan. Kaya kung nakapokus ang mata mo, magiging maliwanag ang buong katawan mo.—Mat. 6:22.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Ibig sabihin, kailangan nating panatilihing simple ang buhay natin o nakapokus sa iisang tunguhin, o layunin, at huwag tayong magpaabala sa ibang bagay. Magandang halimbawa si Jesus dahil nagpokus siya sa ministeryo, at tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na manatiling nakapokus sa paglilingkod kay Jehova at sa Kaniyang Kaharian. Matutularan natin si Jesus kung gagawin nating pangunahin sa ating buhay ang ministeryong Kristiyano, ‘na hinahanap muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mat. 6:33) Ang pagpapasimple sa ating buhay ay isang paraan para makapagpokus tayo sa ministeryo. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng mas maraming panahon sa pagtulong sa iba na makilala at mahalin si Jehova. Halimbawa, puwede ba nating bawasan ang oras natin sa trabaho para madagdagan ang panahon natin sa ministeryo? Puwede ba nating bawasan ang paglilibang na umuubos ng ating panahon? w19.04 5-6 ¶12-13
Huwebes, Enero 14
Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero kasama rin ako ng mga nagdurusa at mga mapagpakumbaba.—Isa. 57:15.
Nitong nakaraang mga taon, maraming matatagal nang lingkod ni Jehova ang nakatanggap ng bagong atas. Nahirapan ang mga kapatid na ito sa ganiyang mga pagbabago. Siguradong napamahal na sa kanila ang dati nilang atas na naging bahagi na ng kanilang buhay sa loob ng maraming taon. Ang ilan ay nasasaktan at hinahanap-hanap ang dati nilang atas habang nag-a-adjust sa bago nilang sitwasyon. Pero nakapag-adjust din naman sila. Bakit? Unang-una, dahil mahal nila si Jehova. Alam nilang nakaalay sila sa Diyos—hindi sa trabaho, titulo, o atas. (Col. 3:23) Masaya sila na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kapakumbabaan anuman ang iatas sa kanila. “Inihahagis [nila] sa kaniya ang lahat ng [kanilang] álalahanín,” dahil alam nilang nagmamalasakit siya sa kanila. (1 Ped. 5:6, 7) Kapag mapagpakumbaba tayo, nakikinabang tayo at ang iba. Mas nakakayanan natin ang mga problema sa buhay. Higit sa lahat, mas napapalapít tayo sa ating Ama sa langit. w19.09 6-7 ¶15-17
Biyernes, Enero 15
Ang mga utos ni Jehova ay matuwid, nagpapasaya ng puso; . . . sa pagsunod sa mga iyon ay may malaking gantimpala.—Awit 19:8, 11.
Inatasan ni Jehova si David hindi lang bilang ulo ng kaniyang pamilya kundi ng buong bansang Israel. Bilang hari, makapangyarihan si David. May mga pagkakataong ginamit niya sa maling paraan ang kapangyarihan niya at nagkasala siya nang malubha. (2 Sam. 11:14, 15) Pero ipinakita niyang nagpapasakop siya kay Jehova nang tanggapin niya ang disiplina sa kaniya. Nanalangin siya at sinabi niya kay Jehova ang kaniyang niloloob. At sinikap niyang sundin ang mga payo ni Jehova. (Awit 51:1-4) Gayundin, mapagpakumbaba siyang tumanggap ng magandang mungkahi, hindi lang mula sa mga lalaki, kundi pati sa mga babae. (1 Sam. 19:11, 12; 25:32, 33) Natuto si David sa kaniyang mga pagkakamali at inuna niya sa kaniyang buhay ang paglilingkod kay Jehova. Alam niya ang mga kapakinabangan ng pagpapasakop kay Jehova. Sa ngayon, makikita natin ang pagkakaiba ng nagpapasakop kay Jehova at ng hindi sumusunod sa kaniyang maibiging payo. Ang mga nagpapasakop sa kaniya ay ‘humihiyaw sa kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’—Isa. 65:13, 14. w19.09 17 ¶15; 19 ¶21
Sabado, Enero 16
Nakita ko ang isang malaking pulutong . . . na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.—Apoc. 7:9.
Noong 1935, naintindihan ng mga Saksi ni Jehova na hindi kailangang literal na nasa langit ang malaking pulutong para makatayo “sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” Sa halip, makasagisag ito. Kahit nandito sila sa lupa, ang malaking pulutong ay makakatayo “sa harap ng trono” sa pamamagitan ng pagkilala sa awtoridad ni Jehova at pagpapasakop sa kaniyang soberanya. (Isa. 66:1) Makakatayo sila “sa harap ng Kordero” sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Sinasabi rin sa Mateo 25:31, 32 na “ang lahat ng bansa”—kasama na ang masasama—ay “titipunin sa harap” ni Jesus na nasa kaniyang maluwalhating trono. Maliwanag, ang lahat ng bansang ito ay wala sa langit, kundi nasa lupa. Makatuwiran ang paglilinaw na ito. Naging maliwanag kung bakit hindi sinasabi ng Bibliya na dadalhin sa langit ang malaking pulutong. Isang grupo lang ang pinangakuan ng buhay na walang hanggan sa langit—ang 144,000 ‘mamamahala sa lupa bilang mga hari’ kasama ni Jesus.—Apoc. 5:10. w19.09 28 ¶9
Linggo, Enero 17
Ibigin ninyo si Jehova, kayong lahat na tapat sa kaniya!—Awit 31:23.
Inaasahan ni Jehova na ang mga mananamba niya ay hihiwalay sa Babilonyang Dakila. Pero hindi sapat na putulin lang natin ang ating kaugnayan sa huwad na relihiyon. Dapat din tayong maging determinado na itaguyod ang tunay na relihiyon—ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Tingnan ang dalawang paraan kung paano natin iyan magagawa. Una, dapat tayong manindigan sa matuwid na pamantayang moral ni Jehova. Hindi natin tatanggapin ang pamantayan ng sanlibutan. Halimbawa, hindi natin sasang-ayunan ang anumang uri ng seksuwal na imoralidad, kasama na ang pagpapakasal ng parehong babae o parehong lalaki at ang iba pang homoseksuwal na paggawi. (Mat. 19:4, 5; Roma 1:26, 27) Ikalawa, dapat tayong patuloy na sumamba kasama ng ating mga kapuwa Kristiyano. Gagawin natin ito saanman posible—sa Kingdom Hall, o kung kinakailangan, sa bahay ng mga kapatid o baka patago pa nga. Anuman ang mangyari, hindi tayo hihinto sa pagtitipon para sumamba. Ang totoo, kailangan natin itong gawin “nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.”—Heb. 10:24, 25. w19.10 15-16 ¶6-7
Lunes, Enero 18
Si Jehova . . . ay isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.—Ex. 34:14.
Gusto ni Jehova na ma-enjoy natin ang buhay, at iyan ang nagagawa ng libangan. Sa katunayan, sinasabi ng Salita ng Diyos na “wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang kumain, uminom, at masiyahan sa pinaghirapan niya.” (Ecles. 2:24) Pero maraming libangan sa sanlibutan na puwedeng makasamâ sa atin. Pinabababa ng mga ito ang pamantayan ng mga tao sa moral, kaya kinukunsinti nila o nagugustuhan pa nga ang mga bagay na hinahatulan ng Salita ng Diyos. Gusto nating ibigay kay Jehova ang ating bukod-tanging debosyon, kaya hindi tayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova” at sa “mesa ng mga demonyo.” (1 Cor. 10:21, 22) Ang dalawang taong magkasamang kumakain ay masasabing magkaibigan. Kung pinipili natin ang mga libangang nagtatampok ng karahasan, espiritismo, imoralidad, o iba pang maling pagnanasa at masasamang ugali, para na rin tayong kasalo ng mga kaaway ng Diyos sa pagkaing inihanda nila. Kapag ginawa natin iyan, hindi lang natin ipinapahamak ang ating sarili; sinisira din natin ang kaugnayan natin kay Jehova. w19.10 26 ¶2; 29 ¶11-12
Martes, Enero 19
Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.—2 Ped. 1:21.
Para makinabang sa hangin, dalawang bagay ang dapat gawin ng isang naglalayag. Una, dapat niyang ipuwesto ang barko sa lugar kung saan malakas ang hangin. Hindi kasi aandar ang barko kung nasa daungan lang ito na malayo sa lugar kung saan humihihip ang hangin. Ikalawa, kailangan niyang iladlad nang mabuti ang layag. Siyempre, kahit malakas ang hangin, hindi aandar ang barko kung walang layag na sasalo sa hangin. Sa katulad na paraan, makakapagpatuloy lang tayo sa paglilingkod kay Jehova kung tutulungan tayo ng banal na espiritu. Para makinabang sa espiritung iyan, dalawang hakbang ang dapat nating gawin. Una, dapat tayong pumunta kung saan naroon ang espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain. Ikalawa, kailangan nating iladlad nang mabuti ang ating layag, wika nga, sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa mga gawaing iyan. (Awit 119:32) Kung gagawin natin ang mga ito, tutulungan tayo ng banal na espiritu na malampasan ang tulad-alon na mga pagsubok at patuloy na makapaglingkod nang tapat kay Jehova. w19.11 9 ¶8; 10 ¶11
Miyerkules, Enero 20
Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo.—Juan 14:27.
Noong huling araw ni Jesus bilang tao, ganoon na lang ang pagkabahala niya. Malapit na siyang dumanas ng malupit na kamatayan sa kamay ng masasamang tao. Pero hindi lang iyon ang inaalala niya. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ama at gusto niya itong palugdan. Alam niyang dapat siyang manatiling tapat sa panahon ng napakahirap na pagsubok para maipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova. Mahal din ni Jesus ang mga tao, at alam niyang magkakaroon lang tayo ng pag-asang mabuhay magpakailanman kung mananatili siyang tapat. Kahit nababahala si Jesus, payapa pa rin ang kalooban niya. Mayroon siyang “kapayapaan ng Diyos,” ang pagiging kalmado at payapa kapag ang isa ay may malapít na kaugnayan kay Jehova. Dahil sa kapayapaang iyon, napanatag ang puso’t isip ni Jesus. (Fil. 4:6, 7) Hindi naman natin daranasin ang gaya ng dinanas ni Jesus, pero lahat ng sumusunod sa kaniya ay magkakaroon ng mga pagsubok. (Mat. 16:24, 25; Juan 15:20) At gaya ni Jesus, mababahala rin tayo kung minsan. w19.04 8 ¶1-3
Huwebes, Enero 21
Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.—1 Tes. 5:19.
Magandang pag-isipan natin, ‘Pinahahalagahan ko ba na kabilang ako sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova?’ Napakalinaw ng ebidensiyang ibinigay sa atin ni Jehova na pinagpapala niya ang kaniyang bayan ngayon. Talagang marami tayong dapat ipagpasalamat. (1 Tes. 5:18) Paano natin masusuportahan ang organisasyong ginagamit niya? Sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay ng Bibliya na natatanggap natin mula sa mga publikasyon, pulong, asamblea, at kombensiyon. Masusuportahan din natin ito sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral at pagtuturo. (1 Cor. 15:58) Gawin natin ang ating magagawa para sang-ayunan tayo ni Jehova at tanggapin ang ating mga handog. Paglingkuran natin si Jehova udyok ng pasasalamat sa kaniya. Patuloy nating ibigay kay Jehova ang ating pinakamabuti dahil mahal natin siya. At buong puso nating suportahan ang organisasyong pinagpapala niya sa ngayon. Kung gagawin natin iyan, maipapakita nating pinahahalagahan natin ang pribilehiyong mapaglingkuran siya bilang kaniyang mga Saksi! w19.11 25 ¶17-18
Biyernes, Enero 22
Ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito.—Juan 14:12.
Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na makakagawa tayo ng himala gaya niya, kundi nangangahulugan ito na makakapangaral at makakapagturo ang mga tagasunod niya sa mas maraming lugar, sa mas maraming tao, at sa mas mahabang panahon. Kung may trabaho ka, pag-isipan ang mga ito: ‘Kilala ba akong masipag sa trabaho? Naaabot ko ba ang mga deadline? Ginagawa ko ba ang buong makakaya ko?’ Kung oo, malamang na pagtiwalaan ka ng boss mo. Malamang din na pakinggan ng mga katrabaho mo ang mabuting balita. Pagdating naman sa pangangaral at pagtuturo, pag-isipan ang mga ito: ‘Kilala ba akong masipag sa ministeryo? Naghahanda ba ako para sa unang pag-uusap? Bumabalik ba ako agad sa mga nagpakita ng interes? At regular ba akong nakikibahagi sa iba’t ibang anyo ng pangangaral?’ Kung oo, magiging masaya ka sa ministeryo. w19.12 5 ¶14-15
Sabado, Enero 23
Mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.—Efe. 5:33.
Kapag gustong magkaanak ng mag-asawa, magandang pag-usapan muna nila ang dalawang tanong: Una, kailan nila gustong magkaanak? Ikalawa, ilan ang gusto nilang anak? Kailan nila ito dapat pag-usapan? At bakit napakahalaga nito? Karaniwan nang mas magandang pag-usapan ang tungkol sa pag-aanak bago magpakasal. Bakit? Dahil mahalagang magkapareho ang opinyon ng mag-asawa tungkol dito. Kailangan din nilang pag-usapan kung handa na sila sa pananagutang ito. May mga bagong kasal na nagpapalipas muna ng isa o dalawang taon bago mag-anák. Kasi kapag may anak na sila, dito na mabubuhos ang panahon at lakas nila. At saka gusto rin nila na makapag-adjust muna sa buhay may asawa at magkaroon ng pagkakataon na lalong mapalapít sa isa’t isa. w19.12 23 ¶4-5
Linggo, Enero 24
Ang tunay na kaibigan ay . . . isang kapatid na maaasahan kapag may problema.—Kaw. 17:17.
Sa buong mundo, maraming lingkod ni Jehova ang may pinagdadaanang mahirap na sitwasyon. Ang ilang Kristiyano ay may malubhang sakit o namatayan ng isang minamahal. Ang ilan naman ay nahihirapan dahil iniwan ng isang kapamilya o malapít na kaibigan ang katotohanan. Nagdurusa naman ang iba dahil sa likas na mga sakuna. Lahat sila ay nangangailangan ng pampatibay. Paano natin sila matutulungan? Maging tapat na kaibigan. Nagsasakripisyo ang tapat na mga kaibigan para suportahan ang kanilang mga kapatid. Halimbawa, nalaman ng brother na si Peter na may nakakamatay siyang sakit. Sinabi ng asawa niyang si Kathryn: “Isang mag-asawa sa kongregasyon namin ang naghatid sa amin sa doktor, at doon namin nalaman ang sakit ni Peter. Sinabi nila agad na hindi nila kami iiwan sa napakahirap na panahong iyon, at talagang lagi silang nandiyan kapag kailangan namin sila.” Nakakapagpatibay talagang magkaroon ng tunay na mga kaibigan na tumutulong sa ating makapagtiis. w20.01 8 ¶1; 9 ¶5; 10 ¶6
Lunes, Enero 25
Silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika.—Gawa 2:4.
Kung kasama ka sa mga alagad na nagtitipon sa isang silid sa itaas ng bahay noong Pentecostes, 33 C.E, hindi ka mag-aalinlangang pinahiran ka ng banal na espiritu. (Gawa 2:5-12) Pero lahat ba ng pinahiran ng banal na espiritu ay tumanggap ng ganitong pag-aatas sa kamangha-manghang paraan at sa magkakaparehong panahon sa buhay nila? Hindi. Tingnan kung kailan nakakatanggap ng pag-aatas ang isa. Hindi lang ang grupong iyon ng mga 120 Kristiyano ang pinahiran ng banal na espiritu noong araw na iyon. Nang araw ding iyon, may mga 3,000 iba pa na nakatanggap din ng ipinangakong banal na espiritu. Nakatanggap sila ng pag-aatas nang mabautismuhan sila. (Gawa 2:37, 38, 41) Pero nang sumunod na mga taon, hindi lahat ng pinahirang Kristiyano ay nakatanggap ng pag-aatas sa panahon ng bautismo nila. Ang mga Samaritano ay nakatanggap nito ilang panahon pagkatapos ng bautismo nila. (Gawa 8:14-17) At kakaiba naman ang pag-aatas kay Cornelio at sa sambahayan niya. Nangyari iyon bago pa man sila mabautismuhan.—Gawa 10:44-48. w20.01 20-21 ¶2-4
Martes, Enero 26
Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo.—Juan 17:26.
Sa apat na Ebanghelyo pa lang, mga 165 beses nang tinukoy ni Jesus si Jehova bilang Ama. Bakit laging binabanggit ni Jesus ang tungkol kay Jehova? Ang isang dahilan ay para makumbinsi ang mga tao na si Jehova ay isang mapagmahal na Ama. (Juan 17:25) Tingnan kung ano ang matututuhan natin kay Jehova sa pakikitungo niya sa kaniyang Anak, si Jesus. Nakikinig si Jehova sa panalangin ni Jesus, at sinasagot niya ito. (Juan 11:41, 42) Sa lahat ng pagsubok na napaharap kay Jesus, naramdaman niya ang pag-ibig at pag-alalay ng kaniyang Ama. (Luc. 22:42, 43) Bilang mapagmahal na Ama, tiniyak ni Jehova na alam ni Jesus na suportado siya ng kaniyang Ama. (Mat. 26:53; Juan 8:16) Hindi naman pinrotektahan ni Jehova si Jesus mula sa lahat ng makakasakit sa kaniya, pero tinulungan Niya siyang matiis ang mga pagsubok. Alam ni Jesus na pansamantala lang ang mga paghihirap na nararanasan niya. (Heb. 12:2) Pinatunayan ni Jehova na mahal niya si Jesus sa pamamagitan ng pakikinig, paglalaan, pagsasanay, at pag-alalay sa kaniya.—Juan 5:20; 8:28. w20.02 3 ¶6-7, 9
Miyerkules, Enero 27
Gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. Iwasan ninyong maging katitisuran.—1 Cor. 10:31, 32.
Kapag nagdedesisyon tayo kung susunod o hindi sa isang kaugalian o tradisyon, dapat nating isipin ang magiging epekto nito sa budhi ng iba, lalo na sa kapananampalataya natin. Siyempre, ayaw nating makatisod sa iba! (Mar. 9:42) At ayaw rin naman nating makasakit sa mga di-Saksi. Dahil sa pag-ibig, magpapaliwanag tayo sa kanila sa magalang na paraan, na lumuluwalhati kay Jehova. Hindi tayo makikipagtalo at hindi rin natin hahamakin ang tradisyon ng iba. Tandaan, malaki ang nagagawa ng pag-ibig! Kapag ipinakita natin ito sa makonsiderasyon at magalang na paraan, baka mapalambot pa nga natin ang puso ng mga laban sa atin. Ipaalám sa inyong komunidad na isa kang Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10) Kung patiuna mo nang nasabi sa kanila na ang Diyos na Jehova ang sinasamba mo, mas magiging madali sa iyo na harapin ang gayong sitwasyon. Kaya huwag sana tayo mahihiyang manindigan sa katotohanan.—Roma 1:16. w19.04 17-18 ¶14-16
Huwebes, Enero 28
Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat- dapat tawaging apostol.—1 Cor. 15:9.
Nakasama ni Jesus ang 12 apostol sa kaniyang ministeryo sa lupa, pero naging Kristiyano lang si apostol Pablo matapos buhaying muli si Jesus. Naatasan si Pablo bilang “apostol para sa ibang mga bansa,” pero hindi siya nabigyan ng espesyal na pribilehiyong maging isa sa 12 apostol. (Roma 11:13; Gawa 1:21-26) Imbes na mainggit sa kanila at sa malapít na pakikipagsamahan nila kay Jesus, nanatiling kontento si Pablo sa atas niya. Kung kontento tayo at mapagpakumbaba, tutularan natin si Pablo at igagalang natin ang mga binigyan ni Jehova ng awtoridad. (Gawa 21:20-26) Inatasan niya ang mga elder na manguna sa kongregasyong Kristiyano. Kahit hindi sila perpekto, itinuturing sila ni Jehova “bilang regalo.” (Efe. 4:8, 11) Kapag iginagalang natin ang mga naatasang lalaking ito at mapagpakumbabang sinusunod ang kanilang tagubilin, mapapanatili natin ang malapít na kaugnayan kay Jehova at ang kapayapaan sa kongregasyon. w20.02 17 ¶13-14
Biyernes, Enero 29
Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.—1 Juan 4:19.
Baka napakahalaga na ng Bibliya sa iyo bago ka pa makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. At baka mahal mo na rin si Jesus. Ngayong nakilala mo na ang mga Saksi ni Jehova, baka gusto mo na rin silang makasama. Pero hindi dahil mahal mo ang mga iyan ay iaalay mo na ang sarili mo kay Jehova at magpapabautismo. Ang pangunahing dahilan na aakay sa iyo para magpabautismo ay ang pagmamahal sa Diyos na Jehova. Kung si Jehova ang pinakamamahal mo, hindi mo hahayaan ang anuman o ang sinuman na makahadlang sa paglilingkod mo sa kaniya. Ang pagmamahal mo kay Jehova ay magpapakilos sa iyo na magpabautismo at makakatulong sa iyo na makapanatiling tapat. Sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin si Jehova nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Mar. 12:30) Paano ka magkakaroon ng ganiyang kalalim na pag-ibig at paggalang kay Jehova? Kapag pinag-isipan natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, mapapakilos tayong mahalin din siya. w20.03 4 ¶4-5
Sabado, Enero 30
Isagawa mo nang lubusan ang iyong ministeryo.—2 Tim. 4:5.
Ano ang ibig sabihin ng lubusang pagganap sa ministeryo? Para lubusan nating magampanan ang ating ministeryo, dapat na lubusan tayong nakikibahagi sa pangangaral at pagtuturo hangga’t maaari. Pero hindi lang dami ng oras ang tinutukoy rito. Mahalaga kay Jehova ang motibo natin. Dahil mahal natin si Jehova at ang ating kapuwa, buong kaluluwa nating ginagampanan ang ating ministeryong Kristiyano. (Mar. 12:30, 31; Col. 3:23) Masasabing buong kaluluwa ang paglilingkod natin sa Diyos kung ginagamit natin ang ating lakas sa paglilingkod sa kaniya sa abot ng ating makakaya. Kapag pinapahalagahan natin ang ating pribilehiyong mangaral, sisikapin nating masabi ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Baka kaunti lang ang oras na kaya nating ibigay sa pangangaral. Pero iyan ang gustong-gusto nating gawin. Sinisikap nating pahusayin pa ang kakayahan natin para tumagos sa puso ng mga tao ang mabuting balita. Ginagawa nating priyoridad ang pangangaral. w19.04 2 ¶3; 3 ¶4, 6
Linggo, Enero 31
Wala sa kaniya ang katotohanan.—Juan 8:44.
Nakakadagdag sa pagdurusa ng tao ang mga kasinungalingan ni Satanas. Sinasabi sa mga magulang na namatayan ng anak na kinuha ito ng Diyos para maging anghel sa langit. Nababawasan ba niyan ang sakit na nadarama nila o lalo lang silang nasasaktan? Ang turo ng impiyerno ay ginagamit para ipakitang tama ang pagpapahirap sa mga tao. Halimbawa, sinusunog noon sa tulos ang mga taong kumokontra sa turo ng simbahan. Ayon sa isang aklat tungkol sa Inkisisyong Kastila, maaaring naniniwala ang ilang responsable sa pagmamalupit na iyon na binibigyan lang nila ang mga erehe ng “patikim ng walang-hanggang pagpaparusa sa impiyerno” para magsisi ang mga ito bago mamatay at hindi mapunta sa impiyerno. Sa ilang lupain, sinasamba ng mga tao ang namatay nilang ninuno, pinararangalan, o hinihingan ng pagpapala. Gusto namang payapain ng iba ang mga ninuno nila para hindi sila parusahan ng mga ito. Pero hindi nakakatulong ang mga kasinungalingang ito para mapanatag ang mga tao. Nagiging dahilan pa nga ito para mag-alala sila o matakot. w19.04 14 ¶1; 16 ¶10