Enero
Sabado, Enero 1
Mula pa noong sanggol ka ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na nagpaparunong sa iyo para maligtas ka sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.—2 Tim. 3:15.
Ang pananampalataya ni Timoteo ay nakabatay sa mga katotohanang nagpalapít sa kaniya kay Jehova. Dapat mo ring pag-aralan ang Bibliya at makumbinsi sa itinuturo nito tungkol kay Jehova. Sa umpisa, kailangan mong patunayan sa sarili mo ang tatlo sa mga pangunahing katotohanan. Una, dapat na kumbinsido ka na ang Diyos na Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Ex. 3:14, 15; Heb. 3:4; Apoc. 4:11) Ikalawa, dapat mong patunayan sa sarili mo na ang Bibliya ay mensahe ng Diyos sa mga tao. (2 Tim. 3:16, 17) At ikatlo, dapat na sigurado ka na si Jehova ay may organisadong grupo ng mga tao na sumasamba sa kaniya sa pangunguna ni Kristo at na ang grupong iyon ay ang mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12; Juan 14:6; Gawa 15:14) Hindi mo kailangang maging parang encyclopedia ng Bibliya. Ang tunguhin mo ay ang gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para makumbinsi kang nasa katotohanan ka.—Roma 12:1. w20.07 10 ¶8-9
Linggo, Enero 2
Ang mga balang ay binigyan ng awtoridad, hindi para patayin sila, kundi para pahirapan sila nang limang buwan.—Apoc. 9:5.
Sa hulang ito, ang mga balang ay may mukhang gaya ng sa tao at “may gaya ng koronang ginto” sa mga ulo. (Apoc. 9:7) ‘Ang mga tao [mga kaaway ng Diyos] na walang tatak ng Diyos sa noo nila’ ay pinahirapan ng mga balang sa loob ng limang buwan, ang karaniwang haba ng buhay ng isang balang. (Apoc. 9:4) Lumilitaw na lumalarawan ito sa mga pinahirang lingkod ni Jehova. Lakas-loob nilang inihahayag ang paghatol ng Diyos sa masamang sistemang ito, kaya galít sa kanila ang mga tagasuporta nito. Sinasabi ba nating ang mga balang na inilarawan sa Joel 2:7-9 ay iba sa mga balang na nasa Apocalipsis? Oo. Sa Bibliya, puwedeng magkaroon ng magkaibang kahulugan ang isang bagay. Halimbawa, sa Apocalipsis 5:5, tinawag si Jesus na “Leon mula sa tribo ni Juda,” pero sa 1 Pedro 5:8, inilarawan ang Diyablo bilang “umuungal na leon.” w20.04 3 ¶8; 5 ¶10
Lunes, Enero 3
Nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay; binabantayan niya ang masasama at mabubuti.—Kaw. 15:3.
May ginawang hindi maganda si Hagar, alila ni Sarai, nang maging asawa siya ni Abram. Nagdalang-tao si Hagar at hinamak niya si Sarai dahil wala itong anak. Lumala pa ang sitwasyon nang ipahiya ni Sarai si Hagar kaya lumayas ito. (Gen. 16:4-6) Sa unang tingin, baka isipin nating dapat lang na mapahiya si Hagar dahil nagmalaki siya. Pero hindi ganiyan ang naramdaman ni Jehova. Nagpadala siya ng anghel kay Hagar. Tinulungan ng anghel si Hagar na magbago at pinagpala niya ito. Naramdaman ni Hagar na nakikita ni Jehova ang sitwasyon niya. Kaya tinawag niya si Jehova na “Diyos ng paningin, . . . ang isa na nakakakita sa akin.” (Gen. 16:7-13) Ano ang nakita ni Jehova kay Hagar? Alam na alam niya ang pinagmulan ni Hagar at ang lahat ng pinagdaanan nito. Alam ni Jehova na hindi dapat hamakin ni Hagar si Sarai, pero isinaalang-alang niya ang pinagmulan at kalagayan ni Hagar. w20.04 16 ¶8-9
Martes, Enero 4
Natapos ko na ang takbuhan.—2 Tim. 4:7.
Sinabi ni apostol Pablo na ang lahat ng tunay na Kristiyano ay nasa isang takbuhan. (Heb. 12:1) Lahat tayo, bata man o matanda, malakas o pagód, ay dapat magtiis hanggang sa wakas kung gusto nating matanggap ang gantimpala mula kay Jehova. (Mat. 24:13) May kalayaan sa pagsasalita si Pablo dahil ‘natapos na niya ang takbuhan.’ (2 Tim. 4:7, 8) Pero ano ba ang takbuhang tinutukoy ni Pablo? Kung minsan, ginagamit ni Pablo ang mga palaro sa sinaunang Gresya para magturo ng mahahalagang aral. (1 Cor. 9:25-27; 2 Tim. 2:5) May mga pagkakataong inihalintulad niya sa takbuhan ang buhay ng isang Kristiyano. (1 Cor. 9:24; Gal. 2:2; Fil. 2:16) Sumasali ang isa sa “takbuhan” kapag inialay na niya ang sarili niya kay Jehova at nagpabautismo. (1 Ped. 3:21) Masasabing naabot na niya ang finish line kapag ginantimpalaan na siya ni Jehova ng buhay na walang hanggan.—Mat. 25:31-34, 46; 2 Tim. 4:8. w20.04 26 ¶1-3
Miyerkules, Enero 5
Kunin ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos.—Efe. 6:13.
“Tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan mula sa isa na masama.” (2 Tes. 3:3) Pero paano ba tayo pinoprotektahan ni Jehova? Ibinigay ni Jehova ang kasuotang pandigma para protektahan tayo mula sa pag-atake ni Satanas. (Efe. 6:13-17) Ang kasuotang pandigmang ito ay matibay at talagang makakatulong! Pero mapoprotektahan lang tayo nito kung isusuot natin ang bawat parte ng kasuotang ito at kung hindi natin ito huhubarin. Halimbawa, ang sinturon ng katotohanan ay tumutukoy sa katotohanang nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bakit dapat natin itong isuot? Kasi si Satanas ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) At libo-libong taon na siyang nagsisinungaling, at inililigaw niya ang “buong mundo”! (Apoc. 12:9) Pero poprotektahan tayo ng katotohanang nasa Bibliya mula sa mga kasinungalingan ni Satanas. Paano natin isinusuot ang sinturon ng katotohanan? Ginagawa natin ito kapag pinag-aaralan natin ang katotohanan tungkol kay Jehova, kapag sinasamba natin siya “sa espiritu at katotohanan,” at kapag nagiging tapat tayo sa lahat ng bagay.—Juan 4:24; Efe. 4:25; Heb. 13:18. w21.03 26-27 ¶3-5
Huwebes, Enero 6
Papasukin din niya ang Magandang Lupain.—Dan. 11:41.
Naging espesyal ang lupaing ito dahil dito isinasagawa ang tunay na pagsamba. Pero mula Pentecostes 33 C.E., ang ‘Lupaing’ iyon ay hindi na isang literal na lugar kasi nasa buong mundo na ang mga lingkod ni Jehova. Kaya ang “Magandang Lupain” ay ang gawain ng bayan ni Jehova ngayon, kasama na ang pagsamba nila kay Jehova sa mga pulong at sa ministeryo. Sa mga huling araw, paulit-ulit na pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain.” Halimbawa, nang maging hari ng hilaga ang Nazi Germany, partikular na noong ikalawang digmaang pandaigdig, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito at patayin ang mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, nang maging hari ng hilaga ang Soviet Union, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito ang mga lingkod ng Diyos at ipatapon sila sa malalayong lugar. w20.05 13 ¶7-8
Biyernes, Enero 7
Ang mga natatakot kay Jehova ang nagiging matalik niyang kaibigan, at ipinaaalam niya sa kanila ang kaniyang tipan.—Awit 25:14.
May ilang taong nabuhay noon na naging kaibigan ng Diyos. Si Abraham ay isang lalaking may napakatibay na pananampalataya. Mahigit 1,000 taon pagkamatay ni Abraham, tinawag siya ni Jehova na “kaibigan ko.” (Isa. 41:8) Kaya kahit patay na ang isang tao, kaibigan pa rin ang turing ni Jehova sa kaniya. Buháy pa rin si Abraham sa alaala ni Jehova. (Luc. 20:37, 38) Isa pang halimbawa si Job. Nang magtipon ang mga anghel sa langit, sinabi ni Jehova na “matuwid at tapat [si Job], natatakot siya sa Diyos, at itinatakwil niya ang kasamaan.” (Job 1:6-8) Ano naman ang tingin ni Jehova kay Daniel, na mga 80 taóng naglingkod nang tapat sa Diyos kahit nasa paganong lupain? Tatlong beses na tiniyak ng mga anghel sa kaniya na siya ay “talagang kalugod-lugod” sa Diyos. (Dan. 9:23; 10:11, 19) Makakapagtiwala tayong gustong-gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga mahal niyang kaibigan na namatay na.—Job 14:15. w20.05 26-27 ¶3-4
Sabado, Enero 8
Ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo.—Awit 119:68.
Puwedeng matutuhan ng isang mahusay na estudyante ang mga kautusan ng Diyos at hangaan pa nga ito. Pero susundin ba ng estudyante si Jehova dahil mahal niya Siya? Tandaan na alam nina Adan at Eva ang kautusan ng Diyos, pero hindi talaga nila mahal ang nagbigay ng kautusan. (Gen. 3:1-6) Kaya hindi sapat ang basta pagtuturo ng mga kautusan at pamantayan ng Diyos. Ang mga kautusan at pamantayan ni Jehova ay laging kapaki-pakinabang sa atin. (Awit 119:97, 111, 112) Pero hindi iyan makikita ng ating mga Bible study kung hindi nila maiintindihan na ginawa ang mga kautusan dahil mahal tayo ni Jehova. Kaya tanungin sila: “Bakit kaya ito ipinapagawa o pinapaiwasan ng Diyos? Ano ang sinasabi nito tungkol kay Jehova?” Kung tutulungan natin ang mga Bible study natin na isipin si Jehova at magkaroon ng pag-ibig sa maluwalhating pangalan niya, mas malamang na maabot natin ang puso nila. Matututuhan ng ating mga Bible study na mahalin hindi lang ang kautusan kundi pati ang nagbigay ng kautusan. Titibay ang pananampalataya nila at matutulungan sila nito na maharap ang mahihirap na pagsubok.—1 Cor. 3:12-15. w20.06 10 ¶10-11
Linggo, Enero 9
Maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.—Sant. 1:19.
Kailangan ng panahon bago makabalik ang isang inactive kay Jehova, kaya dapat tayong maging matiyaga. Maraming dating inactive ang nagsabi na nakatulong sa kanila ang paulit-ulit na pagdalaw ng mga elder at ng iba pa sa kongregasyon. Sinabi ni Nancy, isang sister na taga-Southeast Asia: “Malaki ang naitulong sa akin ng isang malapít na kaibigan sa kongregasyon. Mahal niya ako, at parang kapatid na ang turing niya sa akin. Ikinukuwento niya kung gaano kami kasaya noon. Matiyaga siyang nakikinig kapag sinasabi ko ang nararamdaman ko at pinapayuhan niya ako. Isa siyang tunay na kaibigan na laging handang tumulong.” Ang pagmamalasakit ay gaya ng isang mabisang gamot. Kaya nitong pagalingin ang sakit na nararamdaman ng isa. May mga inactive na natisod sa kakongregasyon nila, at masama pa rin ang loob nila kahit ilang taon na ang lumipas. Ito ang nakakapigil sa kanila na manumbalik kay Jehova. Baka iniisip naman ng ilan na hindi patas ang naging pagtrato sa kanila. Kaya kailangan nila ng makikinig at makakaunawa sa kanila. w20.06 26 ¶10-11
Lunes, Enero 10
Nadaig ninyo ang isa na masama.—1 Juan 2:14.
Sa tuwing napaglalabanan mo ang pressure na gumawa ng masama, mas nagiging madali na sa iyo na gawin ang tama. Tandaan na ang pilipit na pananaw ng mundo sa sex ay galing kay Satanas. Kaya kapag hindi mo tinutularan ang pananaw ng mundo, ‘nadadaig mo ang isa na masama.’ Alam natin na si Jehova ang may karapatang magsabi kung ano ang maituturing na kasalanan, at ginagawa natin ang lahat para hindi magkasala. Pero kapag nakagawa tayo ng kasalanan, ipinagtatapat natin ito kay Jehova sa panalangin. (1 Juan 1:9) At kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, humihingi tayo ng tulong sa mga elder, na inatasan ni Jehova na mangalaga sa atin. (Sant. 5:14-16) Pero hindi naman tayo dapat masiraan ng loob dahil sa mga nagawa nating kasalanan noon. Bakit? Dahil inilaan ng ating mapagmahal na Ama ang haing pantubos ng kaniyang Anak para mapatawad ang mga kasalanan natin. Kapag sinabi ni Jehova na papatawarin niya ang mga nagsisising nagkasala, talagang gagawin niya iyon. Kaya walang makakahadlang sa atin na paglingkuran si Jehova nang may malinis na konsensiya.—1 Juan 2:1, 2, 12; 3:19, 20. w20.07 22-23 ¶9-10
Martes, Enero 11
Nasa iyo ang bukal ng buhay.—Awit 36:9.
May panahong nag-iisa lang si Jehova. Pero hindi siya malungkot. Hindi niya kailangan ng kasama para maging masaya. Pero gusto niyang may iba pang mabuhay at maging masaya. Dahil sa pag-ibig, nagsimulang lumalang si Jehova. (1 Juan 4:19) Una, nilalang ni Jehova ang kaniyang Anak na si Jesus. Pagkatapos, sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay,” kasama na ang milyon-milyong anghel. (Col. 1:16) Tuwang-tuwa si Jesus na maging kamanggagawa ng kaniyang Ama. (Kaw. 8:30) At masayang-masaya rin ang mga anghel. Kitang-kita nila nang gawin ni Jehova at ng kaniyang Dalubhasang Manggagawa na si Jesus ang langit at lupa. Ano ang ginawa ng mga anghel? “Sumigaw [sila] ng papuri” nang lalangin ang lupa, at tiyak na patuloy nilang pinupuri si Jehova sa bawat paglalang niya kasama na ang kaniyang obra maestra, ang tao. (Job 38:7; Kaw. 8:31, tlb.) Makikita sa bawat nilalang na ito ang pag-ibig at karunungan ni Jehova.—Awit 104:24; Roma 1:20. w20.08 14 ¶1-2
Miyerkules, Enero 12
Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.—Mat. 24:9.
Nilalang tayo ni Jehova para magmahal at mahalin. Kaya kapag may napopoot sa atin, nasasaktan tayo at baka natatakot pa nga. Isinulat ng isang brother: “Nang saktan ako ng mga sundalo, insultuhin, at pagbantaan dahil Saksi ni Jehova ako, natakot ako at napahiya.” Nasasaktan tayo kapag kinapopootan tayo, pero hindi natin iyan ipinagtataka dahil inihula iyan ni Jesus. Bakit kinapopootan ng sanlibutan ang mga tagasunod ni Jesus? Dahil gaya ni Jesus, “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:17-19) Kaya naman, kahit nirerespeto natin ang mga gobyerno ng tao, hindi natin sinasamba ang mga ito o ang mga sagisag ng mga ito. Si Jehova lang ang sinasamba natin. Sinusuportahan natin ang karapatan ng Diyos na mamahala sa mga tao—isang karapatan na tahasang kinukuwestiyon ni Satanas at ng “supling” niya. (Gen. 3:1-5, 15) Ipinapangaral natin na Kaharian lang ng Diyos ang pag-asa ng mga tao at malapit na nitong durugin ang lahat ng kumakalaban dito. (Dan. 2:44; Apoc. 19:19-21) Magandang balita iyan para sa maaamo pero masamang balita para sa masasama. w21.03 20 ¶1-2
Huwebes, Enero 13
Alam natin na tayo ay nagmula sa Diyos.—1 Juan 5:19.
Ipinakita ni Jehova na mahalaga rin sa kaniya ang mga sister nang bigyan niya sila ng papel na gagampanan sa kongregasyon. Mahuhusay silang halimbawa pagdating sa karunungan, pananampalataya, sigasig, lakas ng loob, pagkabukas-palad, at mabubuting gawa. (Luc. 8:2, 3; Gawa 16:14, 15; Roma 16:3, 6; Fil. 4:3; Heb. 11:11, 31, 35) Isang pagpapala rin sa atin ang mga may-edad. Karamihan sa kanila ay pinapahirapan na ng iba’t ibang sakit. Pero ibinibigay nila ang buong makakaya nila sa ministeryo at ibinubuhos ang lakas nila para patibayin at sanayin ang iba. At natututo tayo sa kanila. Talagang maganda sila para kay Jehova at sa atin! (Kaw. 16:31) Isipin din ang mga kabataan. Marami silang nagiging problema habang lumalaki sila sa mundong ito na kontrolado ni Satanas na Diyablo at ng mga baluktot na pilosopiya niya. Pero napapatibay tayo kapag nakikita natin ang mga kabataan na nagkokomento sa pulong, nakikibahagi sa ministeryo, at lakas-loob na ipinagtatanggol ang paniniwala nila. Mga kabataan, mahalaga kayo sa kongregasyon ni Jehova!—Awit 8:2. w20.08 22 ¶9-11
Biyernes, Enero 14
Isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo.—Mat. 10:16.
Kapag nangangaral na tayo at nagpapakilalang mga Saksi ni Jehova, baka mapaharap tayo sa mga “bagyo.” Halimbawa, baka tumutol ang pamilya natin, pagtawanan tayo ng mga kakilala natin, at walang makinig sa mensahe natin. Paano mo mapapalakas ang loob mo? Una, maging kumbinsido na patuloy pa ring pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing ito. (Juan 16:33; Apoc. 14:14-16) Ikalawa, magtiwala sa pangako ni Jehova na pangangalagaan ka niya. (Mat. 6:32-34) Habang tumitibay ang pananampalataya mo, lalong lalakas ang loob mo. Naipakita mo ang iyong matibay na pananampalataya nang sabihin mo sa mga kakilala mo at kapamilya na Bible study ka na ng mga Saksi ni Jehova at dumadalo ka na sa mga pulong nila. Siguradong nakagawa ka na ng malalaking pagbabago sa iyong paggawi at pamumuhay para makasunod sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Kailangan din diyan ang pananampalataya at lakas ng loob. Habang pinapalakas mo ang iyong loob, makakatiyak ka na “kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.”—Jos. 1:7-9. w20.09 5 ¶11-12
Sabado, Enero 15
Binigyan siya ni Jehova ng kapahingahan.—2 Cro. 14:6.
Magandang halimbawa si Haring Asa sa lubusang pagtitiwala kay Jehova. Naglingkod siya kay Jehova hindi lang sa mahihirap na sitwasyon kundi pati na sa panahon ng kapayapaan. Noon pa man, ‘ibinibigay na ni Asa ang buong puso niya kay Jehova.’ (1 Hari 15:14) Ipinakita ito ni Asa nang alisin niya ang huwad na pagsamba sa Juda. Sinasabi ng Bibliya na “inalis niya ang altar ng mga banyaga at ang matataas na lugar, pinagdurog-durog ang mga sagradong haligi, at pinagpuputol ang mga sagradong poste.” (2 Cro. 14:3, 5) Inalis pa nga niya ang lola niyang si Maaca sa mataas na posisyon nito sa kaharian. Bakit? Dahil iniimpluwensiyahan nito ang mga tao na sumamba sa idolo. (1 Hari 15:11-13) Hindi lang inalis ni Asa ang huwad na pagsamba; tinulungan din niya ang kaharian ng Juda na manumbalik kay Jehova. Binigyan ni Jehova si Asa at ang mga Israelita ng panahon ng kapayapaan. Sa pamamahala ni Asa, naging “mapayapa sa lupain” sa loob ng 10 taon.— 2 Cro. 14:1, 4, 6. w20.09 14-15 ¶2-3
Linggo, Enero 16
Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.—1 Tim. 6:20.
May mahahalagang bagay tayo na ipinagkakatiwala sa iba. Halimbawa, nagdedeposito tayo ng pera sa bangko. At umaasa tayo na maiingatan ito at hindi mawawala o mananakaw. Ipinaalala ni apostol Pablo kay Timoteo na may natanggap itong mahalagang bagay—tumpak na kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos para sa mga tao. Ipinagkatiwala rin kay Timoteo ang pribilehiyong ‘ipangaral ang salita ng Diyos’ at ‘gawin ang gawain ng isang ebanghelisador.’ (2 Tim. 4:2, 5) Hinimok siya ni Pablo na bantayan ang ipinagkatiwala sa kaniya. Gaya ni Timoteo, may mahahalagang bagay rin na ipinagkatiwala sa atin. Dahil sa kabaitan ni Jehova, binigyan niya tayo ng tumpak na kaalaman sa mahahalagang katotohanan sa Bibliya. Mahalaga ang mga katotohanang ito dahil itinuturo nito sa atin kung paano magiging kaibigan ni Jehova at magiging tunay na maligaya. Kapag tinanggap natin ang mga ito at isinabuhay, mapapalaya tayo sa maling mga turo at magiging malinis sa moral.—1 Cor. 6:9-11. w20.09 26 ¶1-3
Lunes, Enero 17
Kayo mismo ang nakakita kung naging anong uri kami ng tao alang-alang sa inyo.—1 Tes. 1:5.
Dapat na maging masigla ang paraan ng pagtuturo mo para makita ng Bible study mo na mahalaga sa iyo ang katotohanan at kumbinsido ka rito. Kung gagawin mo iyan, malamang na mas pahalagahan niya ang natututuhan niya. Baka puwede mong ikuwento kung paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya para makita niyang makakatulong din sa kaniya ang pagsunod dito. Kapag nagba-Bible study kayo, ikuwento ang karanasan ng mga kapatid na kapareho niya ang problema at kung paano nila ito nalampasan. Puwede kang magsama ng kakongregasyon mo na makakatulong sa kaniya. Tulungan ang study mo na makitang makakabuti sa kaniya ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. Kung may asawa ang study mo, nagba-Bible study rin ba ito? Kung hindi, yayain ito na sumama sa pag-aaral ninyo. Pasiglahin ang Bible study mo na ikuwento sa mga kapamilya at kaibigan niya ang natututuhan niya.—Juan 1:40-45. w20.10 16 ¶7-9
Martes, Enero 18
Itanim ninyo ito sa puso ng mga anak ninyo.—Deut. 6:7.
Sa tulong ng mga magulang ni Jesus, lumaki siyang malapít sa Diyos; sinunod nila ang utos ni Jehova sa mga magulang. (Deut. 6:6, 7) Mahal na mahal nina Jose at Maria si Jehova, at tunguhin nilang magkaroon ng ganoon ding pagmamahal ang kanilang mga anak. Naging desisyon nina Jose at Maria na mapanatili ang pagsamba nila kay Jehova bilang isang pamilya. Dumadalo sila sa mga pulong linggo-linggo sa sinagoga sa Nazaret, pati na sa taunang Paskuwa sa Jerusalem. (Luc. 2:41; 4:16) Posibleng kapag pumupunta sila sa Jerusalem, itinuturo nila kay Jesus at sa mga kapatid nito ang tungkol sa kasaysayan ng bayan ni Jehova at malamang na dumadaan sila sa mga lugar na binabanggit sa Kasulatan. Habang dumadami ang anak nina Jose at Maria, tiyak na hindi naging madali para sa kanila ang regular na pagsamba kay Jehova. Pero sulit naman ang paggawa nito! Dahil inuna nila si Jehova, nanatiling malapít sa kaniya ang pamilya nila. w20.10 28 ¶8-9
Miyerkules, Enero 19
Inihanda ni Ezra ang puso niya para sumangguni sa Kautusan ni Jehova . . . at ituro . . . ang mga tuntunin at kahatulan nito.—Ezra 7:10.
Kapag isinama ka sa pagba-Bible study, makakabuting paghandaan mo ang pag-aaralan ninyo. Sinabi ni Dorin, isang special pioneer: “Natutuwa ako kapag pinaghahandaan ng kasama ko ang pag-i-study. Kasi nakakapagbigay siya ng magagandang komento.” Malamang na mapansin din ng study na pareho kayong naghandang mabuti, at magandang halimbawa ito sa kaniya. Kung hindi ka makapaghandang mabuti, sikaping makita man lang ang mahahalagang punto. Mahalagang bahagi ng pag-i-study ang panalangin, kaya pag-isipan nang patiuna ang sasabihin mo sakaling hilingan kang manalangin. Sa paggawa nito, malamang na mas maging makabuluhan ang panalangin mo. (Awit 141:2) Tandang-tanda pa ni Hanae na taga-Japan ang panalangin ng isang sister na sumama sa nag-i-study sa kaniya. Sinabi niya: “Damang-dama ko na malapít siya kay Jehova, at gusto ko siyang tularan. Nakita ko rin ang malasakit niya nang banggitin niya ang pangalan ko sa panalangin.” w21.03 9-10 ¶7-8
Huwebes, Enero 20
Lakasan mo ang loob mo! . . . Gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.—Gawa 23:11.
Tiniyak ni Jesus kay apostol Pablo na makakarating siya sa Roma. Pero nagplano ang ilang Judio sa Jerusalem na tambangan si Pablo para patayin. Nang malaman ng Romanong kumandante ng militar na si Claudio Lisias ang plano nila, tinulungan niya si Pablo. Agad niyang pinapunta si Pablo—kasama ang maraming sundalo—sa Cesarea. Doon, ipinag-utos ni Gobernador Felix na “ibilanggo [si Pablo] sa palasyo ni Herodes.” Ligtas na si Pablo sa mga gustong pumatay sa kaniya. (Gawa 23:12-35) Pero pinalitan na ni Festo si Felix sa pagiging gobernador na gustong makuha ang pabor ng mga Judio.” Sinabi niya kay Pablo: ‘Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem para doon kita hatulan?’” Alam ni Pablo na posibleng mapatay siya sa Jerusalem. Sinabi niya: “Umaapela ako kay Cesar!” Sinabi ni Festo kay Pablo: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.” Malapit nang pumunta si Pablo sa Roma—malayo sa mga Judio na gustong pumatay sa kaniya.—Gawa 25:6-12. w20.11 13 ¶4; 14 ¶8-10
Biyernes, Enero 21
[Hinahatulan tayo] ng puso natin.—1 Juan 3:20.
Normal lang ang makonsensiya. Halimbawa, nakokonsensiya ang ilan sa mga nagawa nila bago nila malaman ang katotohanan. Nakokonsensiya naman ang iba sa mga pagkakamali nila pagkatapos ng bautismo. (Roma 3:23) Pero siyempre, gusto nating gawin ang tama. Kaya lang, “lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Sant. 3:2; Roma 7:21-23) Hindi maganda sa pakiramdam ang nakokonsensiya, pero nakakabuti rin ito sa atin. Bakit? Dahil makakatulong ito sa atin na ituwid ang ating mga pagkakamali at maging determinadong huwag nang ulitin ang mga iyon. (Heb. 12:12, 13) Pero posible ring makadama tayo ng sobrang pagkakonsensiya—ibig sabihin, nakokonsensiya pa rin tayo kahit nagsisi na tayo at pinatawad na ni Jehova. Nakakasamâ ang ganiyang pagkakonsensiya. (Awit 31:10; 38:3, 4) Kaya dapat tayong mag-ingat. Isipin na lang kung gaano kasaya si Satanas kung susuko tayo—kahit na hindi naman tayo sinusukuan ni Jehova.—Ihambing ang 2 Corinto 2:5-7, 11. w20.11 27 ¶12-13
Sabado, Enero 22
Talagang walang saysay na pinanatili kong malinis ang puso ko at hinugasan ko ang mga kamay ko para ipakitang wala akong kasalanan.—Awit 73:13.
Nainggit ang salmistang Levita sa masasama at mayayabang, hindi dahil sa gusto niya ring gumawa ng masama kundi dahil mas maganda ang buhay nila. (Awit 73:2-9, 11-14) Parang nasa kanila na ang lahat—kayamanan, maalwang buhay, at walang problema. Dapat tularan ng Levita ang pananaw ni Jehova. Nang gawin niya iyon, napanatag na siya at naging masaya. Sinabi niya: “Bukod [kay Jehova] ay wala na akong iba pang kailangan sa lupa.” (Awit 73:25) Hinding-hindi rin natin dapat kainggitan ang masasama na mukhang nag-e-enjoy sa buhay. Pansamantala lang ang sayáng nararanasan nila. (Ecles. 8:12, 13) Kung maiinggit tayo sa kanila, masisiraan lang tayo ng loob at baka masira pa nga ang kaugnayan natin kay Jehova. Kaya kung nakikita mong mukhang nagtatagumpay ang masasama at naiinggit ka, gayahin ang Levita. Sundin ang payo ng Diyos at makipagsamahan sa iba pang gumagawa ng kalooban ni Jehova. Kapag si Jehova ang pinakamahalaga sa iyo, magiging tunay na maligaya ka. At mananatili ka sa landas na papunta sa “tunay na buhay.”—1 Tim. 6:19. w20.12 19 ¶14-16
Linggo, Enero 23
May mga pagkakataon na hindi natin alam ang sasabihin kapag kailangan nating manalangin, pero ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin kapag hindi natin mabigkas ang mga daing natin.—Roma 8:26.
Habang inihahagis mo kay Jehova ang iyong mga problema, siguraduhing may kasama itong pasasalamat. Magpokus sa mga pagpapalang tinatanggap natin kahit maraming problema. Kung hindi tayo makahanap ng tamang mga salita para masabi ang bigat ng ating nararamdaman, tandaan na sinasagot ni Jehova kahit ang simpleng ‘Tulong po!’ (2 Cro. 18:31) Umasa sa karunungan ni Jehova, hindi sa karunungan mo. Noong ikawalong siglo B.C.E., natakot ang bayan ng Juda sa mga Asiryano. Dahil ayaw nilang masakop ng mga Asiryano, humingi sila ng tulong sa paganong Ehipto. (Isa. 30:1, 2) Binabalaan sila ni Jehova na ikakapahamak nila ang ginawa nila. (Isa. 30:7, 12, 13) Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova sa bayan kung ano ang dapat nilang gawin kapag nakakaramdam sila ng takot: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala” kay Jehova.—Isa. 30:15b. w21.01 3-4 ¶8-9
Lunes, Enero 24
Narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000.—Apoc. 7:4.
Dahil sa pagiging tapat ng pinahirang mga kapatid ni Kristo, magiging mga hari sila at saserdote sa langit kasama niya. (Apoc. 20:6) Matutuwa nang husto ang makalangit na bahagi ng pamilya ng Diyos habang nakikita nilang tinatanggap na ng 144,000 pinahiran ang kanilang gantimpala sa langit. Matapos banggitin ang tungkol sa 144,000 hari at saserdote, may iba pang nakita si apostol Juan, “isang malaking pulutong” na nakaligtas sa Armagedon. Di-gaya ng unang grupo, mas marami ang ikalawang grupong ito at walang eksaktong bilang. (Apoc. 7:9, 10) “Nakasuot [sila] ng mahabang damit na puti,” na nagpapakitang nanatili silang “walang bahid” mula sa sanlibutan ni Satanas at tapat sa Diyos at kay Kristo. (Sant. 1:27) Isinisigaw nilang naligtas sila dahil sa mga ginawa ni Jehova at ni Jesus, ang Kordero ng Diyos. May hawak din silang mga sanga ng palma, na nagpapakitang masaya nilang tinatanggap si Jesus bilang inatasang Hari ni Jehova.—Ihambing ang Juan 12:12, 13. w21.01 15-16 ¶6-7
Martes, Enero 25
Nagiging dakila ako dahil sa iyong kapakumbabaan.—2 Sam. 22:36.
Magiging mabuting ulo ng pamilya ang isang lalaki kung tutularan niya ang pagkaulo ni Jehova at ni Jesus. Halimbawa, tingnan natin ang katangian ng kapakumbabaan. Si Jehova ang pinakamarunong na Persona; pero pinapakinggan niya ang opinyon ng mga lingkod niya. (Gen. 18:23, 24, 32) Perpekto si Jehova, pero hindi siya perfectionist sa mga inaasahan niya sa atin. Sa halip, tinutulungan niyang magtagumpay ang mga di-perpektong tao na naglilingkod sa kaniya. (Awit 113:6, 7) Inilalarawan pa nga si Jehova sa Bibliya bilang isa na “tumutulong.” (Awit 27:9; Heb. 13:6) Inamin ni Haring David na ang malaking gawaing ibinigay sa kaniya ay nagawa lang niya dahil sa kapakumbabaan ni Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Jesus. Kahit siya ang Panginoon ng mga alagad niya, hinugasan niya ang mga paa nila. Sinabi ni Jesus: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.” (Juan 13:12-17) Kahit may malaking awtoridad si Jesus, hindi niya inasahang paglilingkuran siya. Sa halip, siya ang naglingkod sa iba.—Mat. 20:28. w21.02 3-4 ¶8-10
Miyerkules, Enero 26
Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila.—Kaw. 20:29.
Mga kabataang brother, marami kayong magagawa sa kongregasyon. Marami sa inyo ang masigla at malakas. Napakalaking tulong ninyo sa kongregasyon. Baka gusto ng ilan sa inyo na maging ministeryal na lingkod. Pero baka iniisip ninyo na masyado pang bata ang tingin sa inyo ng iba o wala pang karanasan para pagkatiwalaan kayo ng mahalagang gawain sa kongregasyon. Kahit bata pa lang kayo, marami kayong magagawa ngayon para makuha ang tiwala at respeto ng mga kapatid sa kongregasyon. Siguradong marami sa inyo ang may kakayahan na makakatulong sa kongregasyon. Halimbawa, baka may ilang may-edad sa kongregasyon ninyo na gustong magpatulong sa paggamit ng gadyet para sa pag-aaral at para sa pulong. At dahil mas may alam kayo sa teknolohiya, malaking tulong kung tuturuan ninyo sila. Pasayahin ninyo ang inyong Ama sa langit sa lahat ng ginagawa ninyo. w21.03 2 ¶1, 3; 7 ¶18
Huwebes, Enero 27
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
Kahit mas mataas ang pinag-aralan ng babae kaysa sa asawa niya, pananagutan pa rin ng lalaki na manguna sa kanilang family worship at sa iba pang teokratikong gawain. (Efe. 6:4) Dapat maging mapagpasakop ang babae sa kaniyang asawa, pero siya pa rin ang may pananagutan sa kaniyang espirituwalidad. Kaya naman, dapat siyang maglaan ng panahon para mag-aral at magbulay-bulay. Makakatulong iyan para mapanatili ang pagmamahal niya at paggalang kay Jehova at maging masaya siya sa pagpapasakop sa kaniyang asawa. Ang mga babae na nagpapasakop sa kanilang asawa dahil sa pag-ibig kay Jehova ay magiging mas masaya at kontento kaysa sa mga hindi sumusunod sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo. Magandang halimbawa sila sa mga kabataan. At nakakatulong din sila para maging mapagmahal at payapa hindi lang ang pamilya kundi pati ang kongregasyon. (Tito 2:3-5) Sa ngayon, karamihan sa tapat na lingkod ni Jehova ay mga babae.—Awit 68:11. w21.02 13 ¶21-23
Biyernes, Enero 28
Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.—Sant. 4:8.
Matututo tayo sa magandang halimbawa ni apostol Pablo sa pagpapakita ng lakas ng loob at pagtitiis. May mga pagkakataon na nanghihina rin siya. Pero natiis niya ito dahil umasa siya na bibigyan siya ni Jehova ng lakas na kailangan niya. (2 Cor. 12:8-10; Fil. 4:13) Puwede rin tayong magkaroon ng ganiyang lakas ng loob kung mapagpakumbaba nating tatanggapin na kailangan natin ang tulong ni Jehova. (Sant. 4:10) Makakapagtiwala tayo na hindi parusa ni Jehova ang mga pagsubok na dinadanas natin. Tinitiyak sa atin ng alagad na si Santiago: “Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman: ‘Sinusubok ako ng Diyos.’ Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama.” (Sant. 1:13) Kung kumbinsido tayo na totoo ito, mas mapapalapít tayo sa ating maibiging Ama sa langit. Si Jehova ay ‘hindi nag-iiba o nagbabago.’ (Sant. 1:17) Tinulungan niya ang mga Kristiyano noong unang siglo na maharap ang mga pagsubok, at tutulungan din niya tayo ngayon. Taimtim na manalangin kay Jehova para tulungan ka niya na magkaroon ng karunungan, pananampalataya, at lakas ng loob. At siguradong sasagutin niya ang mga panalangin mo. w21.02 31 ¶19-21
Sabado, Enero 29
Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.—Kaw. 27:17.
Mapapatibay mo ang isang Bible study na lagi nang dumadalo sa pulong kapag nagpakita ka ng malasakit sa kaniya. (Fil. 2:4) Puwede mo siyang komendahan sa anumang pagsulong niya at tanungin tungkol sa kaniyang pagba-Bible study, pamilya, at trabaho nang hindi naman parang nanghihimasok sa buhay niya. Malay mo, baka maging malapít kayong magkaibigan. Kapag nangyari iyan, matutulungan mo siyang sumulong at magpabautismo. Habang sumusulong at gumagawa ng pagbabago ang study, ipadama sa kaniya na bahagi siya ng kongregasyon. Magagawa mo ito kung mapagpatuloy ka. (Heb. 13:2) Kapag naging mamamahayag na ang Bible study, puwede mo rin siyang isama sa ministeryo. Sinabi ni Diego, isang mamamahayag sa Brazil: “Maraming brother ang nagyayaya sa akin na sumama sa kanila sa ministeryo. Ito ang pinakamagandang paraan para mas makilala sila. Dahil dito, marami akong natutuhan at mas napalapít ako kay Jehova at kay Jesus.” w21.03 12 ¶15-16
Linggo, Enero 30
Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.—Roma 12:17.
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na mahalin nila ang mga kaaway nila. (Mat. 5:44, 45) Madali ba iyon? Hindi! Pero magagawa natin iyon sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Kasama sa mga katangian na bunga ng espiritu ang pag-ibig, pagtitiis, kabaitan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gal. 5:22, 23) Makakatulong ang mga ito para makapagtiis tayo kahit kinapopootan. Maraming mang-uusig ang nagbago dahil nagpakita ng mga katangiang ito ang kanilang sumasampalatayang asawa, anak, o kapitbahay. Marami pa nga sa kanila ang naging mga kapatid natin. Kung nahihirapan kang mahalin ang mga napopoot sa iyo dahil ayaw nilang naglilingkod ka kay Jehova, manalangin para sa banal na espiritu. (Luc. 11:13) At magtiwala na ang pagsunod sa Diyos ang laging pinakamabuting gawin. (Kaw. 3:5-7) Makapangyarihan ang poot, pero mas makapangyarihan ang pag-ibig. Kaya nitong baguhin ang mga tao. At mapapasaya nito si Jehova. Pero patuloy man tayong kapootan ng mga umuusig sa atin, puwede pa rin tayong maging masaya. w21.03 23 ¶13; 24 ¶15, 17
Lunes, Enero 31
Sinalakay ang lupain ko ng isang bansang makapangyarihan at napakalaki.—Joel 1:6.
Inihula ni propeta Joel ang pagsalakay ng isang hukbo. (Joel 2:1, 8, 11) Sinabi ni Jehova na gagamitin niya ang kaniyang “malaking hukbo” (mga sundalong taga-Babilonya) para parusahan ang masuwaying mga Israelita. (Joel 2:25) Nararapat lang tawaging “tagahilaga” ang hukbo ng Babilonya dahil magmumula ito sa hilaga. (Joel 2:20) Ang hukbong ito ay gaya ng organisadong grupo ng mga balang. Ganito ang paglalarawan ni Joel: “Bawat [sundalo] ay humahayo lang nang deretso. . . . Lumulusob sila sa lunsod . . . Umaakyat sila sa mga bahay at pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.” (Joel 2:8, 9) Naiisip mo ba ang eksena? Napakaraming sundalo. Walang mapagtataguan. Walang makakatakas sa hukbo ng Babilonya! Gaya ng mga balang, sinalakay ng mga Babilonyo (o mga Caldeo) ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Iniulat ng Bibliya na ang hari ng mga Caldeo ay “hindi . . . naawa sa binata o dalaga, sa matanda o may kapansanan.”—2 Cro. 36:17. w20.04 5 ¶11-12