Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es22 p. 17-26
  • Pebrero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pebrero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
  • Subtitulo
  • Martes, Pebrero 1
  • Miyerkules, Pebrero 2
  • Huwebes, Pebrero 3
  • Biyernes, Pebrero 4
  • Sabado, Pebrero 5
  • Linggo, Pebrero 6
  • Lunes, Pebrero 7
  • Martes, Pebrero 8
  • Miyerkules, Pebrero 9
  • Huwebes, Pebrero 10
  • Biyernes, Pebrero 11
  • Sabado, Pebrero 12
  • Linggo, Pebrero 13
  • Lunes, Pebrero 14
  • Martes, Pebrero 15
  • Miyerkules, Pebrero 16
  • Huwebes, Pebrero 17
  • Biyernes, Pebrero 18
  • Sabado, Pebrero 19
  • Linggo, Pebrero 20
  • Lunes, Pebrero 21
  • Martes, Pebrero 22
  • Miyerkules, Pebrero 23
  • Huwebes, Pebrero 24
  • Biyernes, Pebrero 25
  • Sabado, Pebrero 26
  • Linggo, Pebrero 27
  • Lunes, Pebrero 28
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
es22 p. 17-26

Pebrero

Martes, Pebrero 1

Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo​—Fil. 2:3.

Kilalanin ang mga kapatid. Makipagkuwentuhan sa kanila bago at pagkatapos ng pulong, samahan sila sa ministeryo, at kung posible, imbitahan silang kumain. Kapag ginawa mo ito, baka makita mong ang sister na inaakala mong suplada ay mahiyain lang pala, ang brother na inaakala mong materyalistiko ay bukas-palad naman pala, o ang isang pamilyang madalas ma-late sa mga pulong ay inuusig pala. (Job 6:29) Siyempre, hindi naman tayo dapat maging “mapanghimasok sa buhay ng iba.” (1 Tim. 5:13) Pero magandang mas makilala ang mga kapatid at malaman ang pinagmulan at pinagdaanan nila para maintindihan natin sila. Kapag nakilala mo na ang kapatid na kinaiinisan mo, malamang na maiintindihan mo ang kalagayan niya. Kailangan ang pagsisikap para makilala ang mga kapatid. Pero kapag sinunod mo ang payo ng Bibliya na buksang mabuti ang iyong puso, matutularan mo si Jehova na nagmamahal sa “lahat ng uri ng tao.”​—1 Tim. 2:3, 4; 2 Cor. 6:11-13. w20.04 16-17 ¶10-12

Miyerkules, Pebrero 2

Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.​—Juan 15:13.

Noong gabi bago mamatay si Jesus, ipinaalala niya sa kaniyang mga alagad na ibigin nila ang isa’t isa. Alam niya na makakatulong ang mapagsakripisyong pag-ibig para patuloy silang magkaisa at makapagtiis kahit kinapopootan. Tingnan ang halimbawa ng kongregasyon sa Tesalonica. Mula nang mabuo ito, pinag-usig na ang mga miyembro nito. Pero naging halimbawa ng katapatan at pag-ibig ang mga kapatid doon. (1 Tes. 1:3, 6, 7) Pinatibay sila ni Pablo na patuloy na magpakita ng pag-ibig at “pagbutihin” pa nga ito. (1 Tes. 4:9, 10) Papakilusin sila ng pag-ibig para patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob at alalayan ang mahihina. (1 Tes. 5:14) Sinunod nila ang tagubilin ni Pablo. Kaya naman sa ikalawang liham niya, na isinulat pagkaraan ng mga isang taon, masasabi ni Pablo sa kanila: “Lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa.” (2 Tes. 1:3-5) Nakatulong ang pag-ibig para matiis nila ang paghihirap at pag-uusig. w21.03 22-23 ¶11

Huwebes, Pebrero 3

Takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin.​—Heb. 12:1.

Kung gusto rin nating makamit ang gantimpalang buhay na walang hanggan, dapat nating tahakin ang Kristiyanong landasin, o paraan ng pamumuhay. (Gawa 20:24; 1 Ped. 2:21) Pero gusto ni Satanas at ng mga tumutulad sa kaniya na ibang daan ang tahakin natin; gusto nilang ‘sumama tayo sa kanila.’ (1 Ped. 4:4) Hinahamak nila ang landasin ng buhay na tinatahak natin, at sinasabi nilang mas maganda ang daang tinatahak nila at nagbibigay ito ng kalayaan. Pero kasinungalingan iyon. (2 Ped. 2:19) Napakahalaga nga na tahakin natin ang tamang daan! Gusto ni Satanas na huminto tayo sa pagtakbo sa makitid na daang “papunta sa buhay” at lumipat sa malapad na daang tinatahak ng karamihan sa sanlibutang ito. Marami ang pumapasok sa malapad na daan, at napakadali nitong tahakin. Pero “papunta [ito] sa pagkapuksa.” (Mat. 7:13, 14) Pero kung magtitiwala tayo kay Jehova at makikinig sa kaniya, hindi tayo maililihis at makakapanatili tayo sa tamang daan. w20.04 26 ¶1; 27 ¶5, 7

Biyernes, Pebrero 4

Hinihimok ko kayo na magsumamo, manalangin, mamagitan . . . para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon.​—1 Tim. 2:1, 2.

Nitong nakaraang mga taon, pinasok din ng Russia at ng mga kaalyado nito ang “Magandang Lupain.” (Dan. 11:41) Paano? Noong 2017, ipinagbawal ng Russia ang gawain ng bayan ni Jehova at ipinakulong ang ilan sa mga kapatid doon. Ipinagbawal din nito ang mga publikasyon natin, kasama na ang Bagong Sanlibutang Salin. Kinumpiska rin nito ang tanggapang pansangay sa Russia pati na ang mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Kaya noong 2018, tinukoy ng Lupong Tagapamahala ang Russia at ang mga kaalyado nito bilang ang hari ng hilaga. Pero kahit matindi ang pag-uusig sa mga kapatid, wala silang ginagawa para labanan o mabago ang gobyernong iyon. Sa halip, sinusunod nila ang payo ng Bibliya na ipanalangin ang “lahat ng may mataas na posisyon,” lalo na kapag gumagawa ang mga ito ng desisyong makakaapekto sa kalayaan sa pagsamba. w20.05 14 ¶9

Sabado, Pebrero 5

Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.​—1 Tim. 4:16.

Mga magulang, para makumbinsi ang mga anak ninyo na nasa katotohanan sila, kailangan nilang maging kaibigan ang Diyos at makumbinsing totoo ang mga itinuturo ng Bibliya. Para maituro ninyo sa inyong mga anak ang mga katotohanan tungkol sa Diyos, dapat kayong magpakita ng mabuting halimbawa sa pag-aaral ng Bibliya. Dapat kayong maglaan ng panahon para pag-isipang mabuti ang mga natututuhan ninyo. Sa paggawa nito, matuturuan ninyo ang inyong mga anak na gawin din iyon. Kailangan ninyong ituro sa inyong mga anak kung paano gagamitin ang mga tool sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng ginagawa ninyo sa mga Bible study ninyo. Kung gagawin ninyo ito, matutulungan ninyo ang inyong mga anak na mahalin si Jehova at magtiwalang ginagamit niya ang “tapat at matalinong alipin” para maunawaan natin ang Bibliya. (Mat. 24:45-47) Hindi sapat ang basta pagtuturo sa inyong mga anak ng pangunahing mga katotohanan sa Bibliya. Para tumibay ang pananampalataya nila, ituro din sa kanila ang “malalalim na bagay ng Diyos” depende sa edad at kakayahan nila.​—1 Cor. 2:10. w20.07 11 ¶10, 12-13

Linggo, Pebrero 6

Nasusuklam si Jehova sa mga mapanlinlang, pero ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.​—Kaw. 3:32.

Sa ngayon, milyon-milyong di-perpektong tao ang may matalik na pakikipagkaibigan kay Jehova. Naging posible ito dahil nananampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus. Dahil sa haing pantubos, pumapayag si Jehova na maging kaibigan tayo at puwede nating ialay ang buhay natin sa kaniya at magpabautismo. Sa paggawa nito, makakasama tayo sa milyon-milyong nakaalay at bautisadong Kristiyano na naging ‘matalik na kaibigan’ ng pinakadakilang Persona sa uniberso! Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pakikipagkaibigan sa Diyos? Gaya nina Abraham at Job na nanatiling tapat sa Diyos nang mahigit 100 taon, dapat din tayong manatiling tapat—gaano man tayo katagal nang naglilingkod kay Jehova sa sistemang ito. Gaya ni Daniel, dapat na mas mahalaga sa atin ang pakikipagkaibigan sa Diyos kaysa sa buhay natin. (Dan. 6:7, 10, 16, 22) Sa tulong ni Jehova, matitiis natin ang anumang problema at mapapanatili natin ang pakikipagkaibigan sa kaniya.​—Fil. 4:13. w20.05 27 ¶5-6

Lunes, Pebrero 7

Pagkaisahin mo ang puso ko.​—Awit 86:11, tlb.

Nakita ni David na naliligo ang isang babaeng may asawa. Alam niya ang pamantayan ni Jehova: ‘Huwag mong nanasain ang asawa ng kapuwa mo.’ (Ex. 20:17) Pero lumilitaw na patuloy siyang tumingin. Naging hati ang puso niya—si Bat-sheba o si Jehova? Sa loob ng mahabang panahon, si David ay may pagmamahal at takot kay Jehova. Pero nadala siya ng kaniyang pagnanasa. Sa pagkakataong ito, nagkasala si David. Nagbigay ito ng kahihiyan sa pangalan ni Jehova. Napahamak din ang mga inosenteng tao, pati na ang pamilya ni David. (2 Sam. 11:1-5, 14-17; 12:7-12) Dinisiplina ni Jehova si David, at naibalik niya ang magandang kaugnayan kay Jehova. (2 Sam. 12:13; Awit 51:2-4, 17) Naalala ni David ang masasaklap na resulta nang hayaan niyang maging hati ang puso niya. Tinulungan ba ni Jehova si David na maging buo ang puso nito? Oo, dahil nang maglaon, sinabi sa Salita ng Diyos na ibinigay ni David “ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos.”​—1 Hari 11:4; 15:3. w20.06 11 ¶12-13

Martes, Pebrero 8

Inaakay ko sila gamit . . . ang mga panali ng pag-ibig.​—Os. 11:4.

Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ni Jehova sa bayan niya ay gaya ng isang panali, o lubid. Bakit? Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Isiping nalulunod ka sa dagat. Buti na lang, may naghagis sa iyo ng life vest na tutulong sa iyo para hindi ka lumubog. Pero hindi iyon sapat. Malamig ang tubig, at makakaligtas ka lang kung makakasakay ka sa lifeboat. Kailangan mo ng maghahagis sa iyo ng lubid para mahila ka at makasakay ka sa lifeboat. Sinabi ni Jehova sa teksto sa araw na ito na “inaakay” niya ang mga Israelitang napalayo. Ganiyan din ang nararamdaman ng Diyos sa mga inactive na nalulunod sa problema at alalahanin. Gusto ni Jehova na malaman ng mga inactive na mahal niya sila, at gusto niya silang tulungan na manumbalik sa kaniya. At puwede kang gamitin ni Jehova para iparamdam sa kanila na mahal niya sila. Mahalagang malaman ng mga inactive na mahal sila ni Jehova, at dapat din nating ipadama na mahal natin sila. w20.06 27 ¶12-13

Miyerkules, Pebrero 9

Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok.​—Sant. 1:12.

Nang patayin ang alagad na si Esteban, tumakas ang maraming Kristiyano mula sa Jerusalem at “nangalat sa Judea at Samaria.” Pagkatapos, nakarating sila hanggang sa Ciprus at Antioquia. (Gawa 7:58–8:1; 11:19) Talagang dumanas ng maraming hirap ang mga alagad. Pero masigasig pa rin nilang ipinangaral ang mabuting balita saanman sila mapunta, kaya nakapagtatag ng mga kongregasyon sa buong Imperyo ng Roma. (1 Ped. 1:1) Pero simula pa lang iyan ng mga problema na haharapin nila. Halimbawa, noong mga 50 C.E., iniutos ng Romanong emperador na si Claudio na paalisin ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya napilitan ang mga Judio na naging mga Kristiyano na iwan ang kanilang mga bahay at lumipat sa ibang lugar. (Gawa 18:1-3) Noong mga 61 C.E., isinulat ni apostol Pablo na ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay inalipusta sa publiko, ibinilanggo, at sapilitang kinuha ang mga pag-aari nila. (Heb. 10:32-34) At gaya ng iba, may mga Kristiyano ding mahihirap at may sakit.​—Roma 15:26; Fil. 2:25-27. w21.02 26-27 ¶2-4

Huwebes, Pebrero 10

Ang Diyablo ay bumaba na sa inyo na galit na galit, dahil alam niyang kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya.​—Apoc. 12:12.

Kung pagsisikapan nating patibayin ang pananampalataya natin, magiging imposible para kay Satanas o sa mga tagasuporta niya na pahintuin tayo sa paglakad sa katotohanan. (2 Juan 8, 9) Dapat nating asahan na kapopootan tayo ng mundo. (1 Juan 3:13) Ipinapaalala sa atin ni Juan na “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Habang palapit nang palapit ang wakas ng sistemang ito, lalong nag-iinit sa galit si Satanas. Gumagamit siya ng mga tusong pakana, gaya ng imoralidad o kasinungalingan ng mga apostata. Pero sumasalakay din siya nang harapan. Alam ni Satanas na kaunti na lang ang panahon niya para pahintuin ang pangangaral o sirain ang pananampalataya natin. Kaya hindi nakakapagtakang hinihigpitan o ipinagbabawal ang gawain natin sa ilang bansa. Pero nakakapagtiis ang mga kapatid natin sa mga lugar na iyon. Pinapatunayan nila na anuman ang gawin ni Satanas, makakapanatili tayong tapat! w20.07 24 ¶12-13

Biyernes, Pebrero 11

Ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.​—Roma 6:23.

Gusto ni Jehova na mabuhay ang mga tao magpakailanman sa magandang planetang nilalang niya. Nang magrebelde sina Adan at Eva sa kanilang mapagmahal na Ama, naging alipin ng kasalanan at kamatayan ang mga tao. (Roma 5:12) Ano ang ginawa ni Jehova? Agad niyang sinabi kung paano niya ililigtas ang mga tao. (Gen. 3:15) Maglalaan si Jehova ng isang pantubos para makalaya ang mga anak nina Adan at Eva mula sa kasalanan at kamatayan. Pagkatapos, ang sinumang magpapasiyang maglingkod sa Kaniya ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; 1 Cor. 15:21, 22) Kapag binuhay na ni Jehova ang milyon-milyon sa pamamagitan ng kaniyang Anak, makatuwiran lang na isiping hindi niya sila bubuhayin nang sabay-sabay. Bakit? Dahil kung biglang dadami ang tao sa lupa, malamang na magdulot ito ng kaguluhan. At hinding-hindi ito gagawin ni Jehova. Alam niyang kailangang maging organisado ang mga bagay-bagay para manatili ang kapayapaan.​—1 Cor. 14:33. w20.08 14 ¶3; 15 ¶5

Sabado, Pebrero 12

Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.​—1 Tim. 4:16.

Dapat na maunawaan ng mga Bible study na nagba-Bible study kayo para matulungan siyang maging Saksi ni Jehova. Unti-unti, puwedeng sumulong ang Bible study mo at magpabautismo! Una, kailangan niyang makilala at mahalin si Jehova at manampalataya sa Kaniya. (Juan 3:16; 17:3) Pagkatapos, makikipagkaibigan siya kay Jehova at sa mga kapatid sa kongregasyon. (Heb. 10:24, 25; Sant. 4:8) Sumunod, pagsisisihan niya ang masasamang ginawa niya at ititigil na ito. (Gawa 3:19) Samantala, mapapakilos siya ng pananampalataya na sabihin sa iba ang natututuhan niya. (2 Cor. 4:13) Panghuli, iaalay niya ang sarili niya kay Jehova at sasagisagan ito ng bautismo. (1 Ped. 3:21; 4:2) Napakasayang araw nito para sa lahat! Kapag unti-unti niyang nagagawa ang mga iyon, bigyan siya ng taimtim na komendasyon. At patibayin siya na patuloy na sumulong. w20.10 18 ¶12-13

Linggo, Pebrero 13

Kahit sabihin ng paa, “Hindi ako kamay, kaya hindi ako bahagi ng katawan,” bahagi pa rin ito ng katawan.​—1 Cor. 12:15.

Kung ikukumpara mo ang iyong sarili sa mga kakongregasyon mo, baka hindi mo makita ang halaga mo. Baka may kakongregasyon kang mahusay magturo, mag-organisa, o magpatibay. Baka maisip mong hindi ka kasing husay nila. Ipinapakita lang nito na mapagpakumbaba ka. (Fil. 2:3) Pero mag-ingat. Kung lagi mong ikinukumpara ang sarili mo sa mahuhusay na kapatid, masisiraan ka lang ng loob. Baka maramdaman mo pa ngang wala ka talagang halaga sa kongregasyon. Makahimalang binigyan ni Jehova ang ilang unang-siglong Kristiyano ng kaloob ng banal na espiritu, pero magkakaiba ang natanggap nila. (1 Cor. 12:4-11) Pero lahat sila ay mahalaga. Sa ngayon, hindi na tayo makahimalang binibigyan ng kaloob ng banal na espiritu. Pero gaya nila, magkakaiba rin ang kakayahan natin, pero lahat tayo ay mahalaga kay Jehova. w20.08 23 ¶13-15

Lunes, Pebrero 14

Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot.​—Awit 118:6.

Kung hihilingin mo sa panalangin na bigyan ka ng lakas ng loob, sasagutin ni Jehova ang mga panalangin mo, at hinding-hindi ka niya iiwan. (Gawa 4:29, 31) Lagi siyang nandiyan para suportahan ka. Isipin kung paano ka niya tinulungang makayanan ang mga problema at binigyan ng lakas na mabago ang iyong pamumuhay. Ang Isa na umakay sa kaniyang bayan patawid sa Dagat na Pula ay siguradong makakatulong sa iyo para maging alagad ni Kristo. (Ex. 14:13) Tularan ang pagtitiwala ng salmista na nagsabi ng mga salita sa teksto sa araw na ito. Matutulungan din ni Jehova ang mga baguhang mamamahayag na lumakas ang loob. Tingnan natin ang karanasan ng sister na si Tomoyo. Nang magbahay-bahay siya, sinigawan siya ng una niyang nakausap: “Hindi ako tumatanggap ng mga Saksi ni Jehova!” at biglang isinara ang pinto. Sinabi ni Tomoyo sa kapartner niya: “Narinig mo ’yon? Wala pa ’kong sinasabi, alam na niyang Saksi ni Jehova ako. Nakakatuwa, ’di ba?” Regular pioneer na ngayon si Tomoyo. w20.09 6 ¶13-14

Martes, Pebrero 15

Ginawa ni Asa ang mabuti at tama sa paningin ng Diyos niyang si Jehova.​—2 Cro. 14:2.

Sinabi ni Asa sa bayan na si Jehova ang ‘nagbigay sa kanila ng kapahingahan.’ (2 Cro. 14:6, 7) Para kay Asa, hindi ito panahon para magrelaks. Sa kabaligtaran, nagtayo siya ng mga lunsod, pader, tore, at pintuang-daan. Sinabi niya sa mga taga-Juda: “Sa atin pa rin ang lupain.” Ano ang ibig niyang sabihin? Gusto niyang sabihin na malaya silang makakakilos sa lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos at makakapagtayo sila nang walang kalabang gumugulo sa kanila. Sinasabi niya sa bayan na samantalahin ang panahong ito ng kapayapaan. Ginamit din ni Asa ang panahon ng kapayapaan para palakasin ang kaniyang hukbo. (2 Cro. 14:8) Ibig bang sabihin, wala siyang tiwala kay Jehova? Hindi. Alam kasi ni Asa na obligasyon niya bilang hari na ihanda ang bayan sa mga problema na puwedeng mapaharap sa kanila. Alam niyang matatapos din ang panahong ito ng kapayapaan sa Juda, at iyon nga ang nangyari. w20.09 15 ¶4-5

Miyerkules, Pebrero 16

Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat.​—1 Cor. 4:6.

Baka gumawa ang isang elder ng mga patakaran para protektahan ang mga tupa ng Diyos. Pero may malaking pagkakaiba ang mga elder at ang mga ulo ng pamilya. Halimbawa, mga elder ang inatasan ni Jehova na magsilbing hukom, at pananagutan nilang alisin sa kongregasyon ang mga di-nagsisising nagkasala. (1 Cor. 5:11-13) Pero may awtoridad na ibinigay si Jehova sa mga ulo ng pamilya na hindi niya ibinigay sa mga elder. Halimbawa, may awtoridad ang ulo ng pamilya na magtakda at magpatupad ng mga patakaran sa loob ng bahay. (Roma 7:2) Siya ang may karapatang magtakda kung anong oras dapat umuwi ang mga anak. May awtoridad din siyang disiplinahin ang mga anak niya kung hindi sila susunod. (Efe. 6:1) Pero siyempre, isinasaalang-alang ng mapagmahal na asawang lalaki ang opinyon ng asawa niya bago gumawa ng mga patakaran, dahil “isang laman” sila.​—Mat. 19:6. w21.02 16-18 ¶10-13

Huwebes, Pebrero 17

Mas mahalaga [ang karunungan] kaysa sa mga korales; anumang bagay na gustuhin mo ay hindi maipapantay rito.​—Kaw. 3:15.

Mahalaga ang mga katotohanang nasa Salita ng Diyos dahil isinisiwalat lang ito ni Jehova sa mga mapagpakumbaba na “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Tinatanggap ng mga mapagpakumbaba ang instrumentong ginagamit ni Jehova para magturo ng mga katotohanang iyon sa panahon natin. (Mat. 11:25; 24:45) Napakahalaga ng mga katotohanan sa Bibliya, at hindi natin mauunawaan ang mga iyon kung walang tutulong sa atin. (Kaw. 3:13) Ipinagkatiwala rin sa atin ni Jehova ang pribilehiyong ituro sa iba ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa mga layunin niya. (Mat. 24:14) Napakahalaga ng mensaheng ipinapangaral natin dahil tumutulong ito sa mga tao na maging bahagi ng pamilya ni Jehova at magkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (1 Tim. 4:16) Malaki man o maliit ang nagagawa natin sa ministeryo, nasusuportahan natin ang pinakamahalagang gawain sa ngayon. (1 Tim. 2:3, 4) Isa ngang karangalan na maging kamanggagawa ng Diyos!—1 Cor. 3:9. w20.09 26-27 ¶4-5

Biyernes, Pebrero 18

May nakita kaming mga kapatid at hiniling nila na manatili kami.​—Gawa 28:14.

Sa paglalakbay ni apostol Pablo papuntang Roma, maraming beses na ginamit ni Jehova ang mga kapananampalataya ni Pablo para tulungan ito. Halimbawa, sumama kay Pablo ang dalawang tapat na kaibigan niya, sina Aristarco at Lucas, papuntang Roma. Isinapanganib nila ang buhay nila para kay Pablo, dahil lumilitaw na hindi naman sila pinangakuan ni Jesus na ligtas silang makakarating sa Roma. Saka lang nila nalaman na maliligtas sila noong naglalayag na sila at bumabagyo. Nang dumaong sila sa lunsod ng Sidon, hinayaan ni Julio si Pablo na “makipagkita sa mga kaibigan niya at maasikaso ng mga ito.” (Gawa 27:1, 2) At pagdating ni Pablo at ng mga kaibigan niya sa lunsod ng Puteoli, ‘may nakita silang mga kapatid at hiniling ng mga ito na manatili sila roon nang pitong araw.’ Habang inaasikaso ng mga kapatid doon ang mga pangangailangan ni Pablo at ng mga kaibigan niya, siguradong natuwa at napatibay ang mga kapatid sa mga karanasang ikinuwento ni Pablo.​—Ihambing ang Gawa 15:2, 3. w20.11 15-16 ¶15-17

Sabado, Pebrero 19

Ang makadiyos na debosyon ay . . . may [kasamang] pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap.​—1 Tim. 4:8.

Mga magulang, ipakita sa iyong mga anak sa salita at gawa na mahal na mahal mo si Jehova. Ang pinakamagandang regalong maibibigay mo sa kanila ay ang pagkakataong mahalin si Jehova. At ang isa sa pinakamahalagang maituturo mo sa kanila ay kung paano nila mapapanatili ang regular na pag-aaral, pananalangin, pagdalo sa pulong, at pakikibahagi sa ministeryo. (1 Tim. 6:6) Siyempre, dapat mo ring ibigay ang materyal na pangangailangan nila. (1 Tim. 5:8) Pero tandaan na ang malapít na kaugnayan ng iyong mga anak kay Jehova, hindi ang materyal na mga bagay, ang tutulong sa kanila para makaligtas sa wakas ng sistemang ito at makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Ezek. 7:19) Nakakatuwang makita ang napakaraming Kristiyanong magulang na gumagawa ng magagandang desisyon para mapalapít kay Jehova ang kanilang pamilya! Kadalasan nang ipinagpapatuloy ng mga anak ang magagandang nakasanayan nila sa pamilya nila, at wala silang pinagsisisihan.​—Kaw. 10:22. w20.10 28-29 ¶10-11

Linggo, Pebrero 20

Hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.​—Mat. 16:22.

Kung minsan, may mga nasasabi o nagagawa si apostol Pedro na pinagsisisihan niya sa bandang huli. Halimbawa, nang sabihin ni Jesus sa mga apostol niya na magdurusa siya at mamamatay, sinaway siya ni Pedro at sinabi ang nasa teksto sa araw na ito. (Mat. 16:21-23) Itinuwid ni Jesus si Pedro. Nang dumating ang mga aaresto kay Jesus, naging padalos-dalos si Pedro at natagpas niya ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote. (Juan 18:10, 11) Itinuwid ulit ni Jesus si Pedro. Bukod diyan, ipinagmalaki ni Pedro na kahit iwan si Kristo ng iba pang apostol, hinding-hindi niya gagawin iyon! (Mat. 26:33) Pero nagkamali si Pedro. Nang gabi ring iyon, nadaig siya ng takot sa tao at ikinaila niya ang Panginoon niya nang tatlong beses. Sobrang nasiraan ng loob si Pedro kaya “lumabas siya at humagulgol.” (Mat. 26:69-75) Siguradong naisip niya kung mapapatawad pa siya ni Jesus. Pero hindi hinayaan ni Pedro na madaig siya ng pagkasira ng loob. Pagkatapos ng pagkakamaling iyon, patuloy siyang naglingkod kay Jehova kasama ng iba pang apostol.​—Juan 21:1-3; Gawa 1:15, 16. w20.12 20 ¶17-18

Lunes, Pebrero 21

Kayong mga asawang lalaki, patuloy kayong mamuhay kasama ng inyong asawa at makitungo sa kanila ayon sa kaalaman. Bigyan ninyo sila ng karangalang gaya ng sa mas mahinang sisidlan, na katangian ng mga babae.​—1 Ped. 3:7.

Maipapakita ng isang ulo ng pamilya ang kapakumbabaan sa maraming paraan. Halimbawa, hindi siya perfectionist sa kaniyang asawa at mga anak. Pinapakinggan niya at isinasaalang-alang ang opinyon ng kapamilya niya, kahit iba ito sa gusto niya. Ang isang mapagpakumbabang asawang lalaki ay tumutulong din sa gawaing-bahay, kahit pa nga itinuturing iyon sa lugar nila na trabahong pambabae. Hamon iyan. Bakit? “Sa lugar namin,” ang sabi ng sister na si Rachel, “kapag tinutulungan ng lalaki ang asawa niya sa paghuhugas ng plato o paglilinis ng bahay, nagdududa ang mga kapitbahay niya at kamag-anak kung siya ba ay ‘tunay na lalaki.’ Iisipin nilang hindi niya kayang pasunurin sa gusto niya ang asawa niya.” Kung ganiyan din ang tingin ng mga tao sa lugar ninyo, tandaan na hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga alagad, kahit na itinuturing ito na trabahong pang-alipin. Para sa isang mabuting ulo ng pamilya, mas mahalagang mapasaya niya ang pamilya niya kaysa maipakita sa iba na magaling siya. w21.02 2 ¶3; 4 ¶11

Martes, Pebrero 22

Ito ang tiyak: Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran at buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan, dahil nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko.​—Fil. 3:13, 14.

Ang magagandang alaala ay regalo ni Jehova; pero kahit gaano pa man kaganda ang buhay noon, mas maganda pa rin ang buhay sa Paraiso. Baka masaktan tayo ng iba, pero kung magpapatawad tayo, makakapagpokus tayo sa paglilingkod kay Jehova. Puwedeng mawala ang saya natin sa paglilingkod kay Jehova dahil sa sobrang pagkakonsensiya. Pero gaya ni apostol Pablo, kailangan nating magtiwalang pinatawad na tayo ni Jehova. (1 Tim. 1:12-15) May pag-asa tayo na mabuhay magpakailanman. At sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi na natin maaalala ang mga bagay na nagpapalungkot sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa.” (Isa. 65:17) Pag-isipan ito: Ang ilan sa atin ay tumanda na sa paglilingkod kay Jehova, pero sa bagong sanlibutan, babata tayo ulit. (Job 33:25) Kaya maging determinado na huwag mabuhay sa nakaraan. Sa halip, magpokus sa bagong sanlibutan at gawin ang buong makakaya para makarating doon! w20.11 24 ¶4; 29 ¶18-19

Miyerkules, Pebrero 23

Nakita ko ang isang malaking pulutong . . . At patuloy silang sumisigaw nang malakas: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos . . . at sa Kordero.”​—Apoc. 7:9, 10.

Ano ang mangyayari sa hinaharap? Sa malaking kapighatian, ililigtas tayo ni Jehova sa dalawang kamangha-manghang paraan. Una, ililigtas niya ang tapat na mga lingkod niya kapag ginamit na niya ang mga hari sa lupa para puksain ang Babilonyang Dakila, ang imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:16-18; 18:2, 4) Pagkatapos, ililigtas ulit ni Jehova ang bayan niya kapag pinuksa na niya ang natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas sa Armagedon. (Apoc. 16:14, 16) Kapag nanatili tayong malapít kay Jehova, walang magagawang permanenteng pinsala si Satanas sa ating espirituwalidad. Ang totoo, siya ang permanenteng mapipinsala—mapupuksa siya. (Roma 16:20) Kaya isuot ang kumpletong kasuotang pandigma—at huwag itong hubarin! Huwag subukang makipaglaban nang mag-isa. Suportahan ang iyong mga kapatid. At sundin ang mga tagubilin ni Jehova. Kung gagawin mo iyan, makakatiyak kang papatibayin ka at poprotektahan ng ating mapagmahal na Ama sa langit.​—Isa. 41:10. w21.03 30 ¶16-17

Huwebes, Pebrero 24

Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.​—Isa. 30:15.

Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo kay Jehova? Sa pamamagitan ng pagpapagabay kay Jehova. Maraming ulat sa Bibliya na nagpapakita kung gaano kahalaga na manatiling panatag at nagtitiwala kay Jehova. Habang pinag-aaralan mo ang mga ito, pansinin kung ano ang nakatulong sa mga lingkod ng Diyos na manatiling panatag sa harap ng matinding pag-uusig. Halimbawa, nang pagbawalan ng korte suprema ng mga Judio ang mga apostol na mangaral, hindi sila natakot. Sa halip, may katapangan nilang sinabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Kahit pinagpapalo na ang mga apostol, kalmado pa rin sila. Bakit? Dahil alam nila na kakampi nila si Jehova. Natutuwa siya sa kanila. Kaya patuloy silang nangaral ng mabuting balita. (Gawa 5:40-42) Nang mapaharap din sa kamatayan ang alagad na si Esteban, nanatili siyang payapa at kalmado at “parang anghel ang mukha niya.” (Gawa 6:12-15) Bakit? Dahil alam niyang sinasang-ayunan siya ni Jehova. w21.01 4 ¶10-11

Biyernes, Pebrero 25

Nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.​—Apoc. 7:14.

Ipinapakita nito na mayroon silang malinis na konsensiya at matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. (Isa. 1:18) Sila ay nakaalay at bautisadong Kristiyano, na may matibay na pananampalataya sa hain ni Jesus at may mabuting kaugnayan kay Jehova. (Juan 3:36; 1 Ped. 3:21) Kaya naging kuwalipikado silang tumayo sa harap ng trono ng Diyos para gumawa ng “sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi” sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. (Apoc. 7:15) Hanggang ngayon, masigasig pa rin silang nangangaral at gumagawa ng alagad dahil ang pinakamahalaga sa kanila ay ang Kaharian ng Diyos. (Mat. 6:33; 24:14; 28:19, 20) Ang malaking pulutong na lumabas mula sa malaking kapighatian ay makakatiyak na patuloy silang pangangalagaan ng Diyos, dahil “ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng tolda niya sa kanila.” Matutupad na ang pangakong pinakahihintay ng ibang mga tupa: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata nila.”​—Apoc. 21:3, 4. w21.01 16 ¶9-10

Sabado, Pebrero 26

Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao, at manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae.​—Gawa 2:17.

Masaya tayong maging bahagi ng pamilya ni Jehova, at iginagalang natin ang kaayusan ng pagkaulo na itinakda ni Jehova. Ipinapakita ng Bibliya na parehong mahalaga kay Jehova ang mga babae at lalaki. Halimbawa, makikita dito na noong unang siglo, parehong binigyan ni Jehova ng banal na espiritu ang mga babae at lalaki para makagawa sila ng himala, gaya ng pagsasalita ng iba’t ibang wika. (Gawa 2:1-4, 15-18) Pareho silang pinahiran ng banal na espiritu para mamahalang kasama ni Kristo. (Gal. 3:26-29) Pareho ring tatanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa ang mga babae at lalaki. (Apoc. 7:9, 10, 13-15) At parehong inatasan ang mga lalaki at babae na mangaral at magturo ng mabuting balita. (Mat. 28:19, 20) Sa katunayan, binabanggit sa aklat ng Mga Gawa ang halimbawa ng sister na si Priscila. Tinulungan niya at ng asawa niyang si Aquila ang edukadong lalaki na si Apolos na mas maintindihan ang katotohanan.​—Gawa 18:24-26. w21.02 14 ¶1; 14-15 ¶4

Linggo, Pebrero 27

Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan . . . Magpastol sa kongregasyon ng Diyos.​—Gawa 20:28.

Mga elder, pananagutan ninyong tulungan ang mga kapatid na maging epektibo sa ministeryo, pati na sa pagba-Bible study. Kung nahihiyang mag-conduct ang isang kapatid kapag kaharap ka, ikaw na ang mag-conduct. Malaki ang maitutulong ng mga elder para mapatibay ang mga may Bible study. (1 Tes. 5:11) Kahit wala pa tayong Bible study ngayon, may magagawa pa rin tayo para makatulong sa iba na sumulong sa espirituwal. Masusuportahan natin ang may Bible study kung magbibigay tayo ng pinaghandaang mga komento sa panahon ng pag-aaral nang hindi naman inaagaw ang papel ng tagapagturo. Puwede nating kaibiganin ang mga study kapag dumalo sila sa pulong at magpakita ng magandang halimbawa sa kanila. Mapapatibay ng mga elder ang mga study kung maglalaan sila ng panahon sa mga ito at mapapatibay naman nila ang mga may study kung sasanayin nila at kokomendahan ang mga ito. Talagang napakasaya natin na magkaroon ng kahit maliit na bahagi sa pagtulong sa iba na mahalin at paglingkuran ang ating Ama, si Jehova! w21.03 13 ¶18-19

Lunes, Pebrero 28

Ang mga natatakot kay Jehova ang nagiging matalik niyang kaibigan.​—Awit 25:14.

Pinatunayan ni David na responsable siya at maaasahan. Halimbawa, noong kabataan siya, nagsikap siya para alagaan ang mga tupa ng tatay niya. Ang totoo, mapanganib na gawain iyon. Pagkalipas ng ilang panahon, sinabi ni David kay Haring Saul: “Ang inyong lingkod ay naging isang pastol ng kawan ng kaniyang ama, at may dumating na leon, pati oso, at bawat isa ay tumangay ng tupa mula sa kawan. Hinabol ko po iyon at pinabagsak at iniligtas ko ang tupa mula sa bibig nito.” (1 Sam. 17:34, 35) Alam ni David na responsibilidad niyang alagaan ang mga tupa. Matutularan ng mga kabataang brother si David kung masikap nilang gagawin ang anumang atas na ibinigay sa kanila. Napakalapít ng kaugnayan ng kabataang si David kay Jehova. At mas mahalaga iyon kaysa sa lakas ng loob o kakayahan ni David na tumugtog ng instrumento. Para kay David, hindi lang Diyos si Jehova, kundi isa ring matalik na Kaibigan. Kaya mga kabataang brother, ang pinakamahalagang bagay na puwede ninyong gawin ay patibayin ang kaugnayan ninyo sa inyong Ama sa langit. w21.03 3 ¶4-5

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share