Marso
Martes, Marso 1
Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao.—Luc. 6:22.
Hindi natin gustong kapootan tayo. Ayaw din nating magpakamartir. Kaya bakit masaya pa rin tayo kahit kinapopootan? Tingnan ang tatlong dahilan. Una, kapag nagtitiis tayo, natutuwa sa atin ang Diyos. (1 Ped. 4:13, 14) Ikalawa, nasusubok at tumitibay ang pananampalataya natin. (1 Ped. 1:7) At ikatlo, tatanggap tayo ng walang-katulad na gantimpala—buhay na walang hanggan. (Roma 2:6, 7) Di-nagtagal pagkatapos buhaying muli si Jesus, naranasan ng mga apostol ang sinasabi niyang kaligayahan. Matapos pagpapaluin at utusang tumigil sa pangangaral, nagsaya sila. Bakit? Dahil para sa kanila, isang “karangalang magdusa alang-alang sa pangalan [ni Jesus.]” (Gawa 5:40-42) Mas malaki ang pag-ibig nila sa kanilang Panginoon kaysa sa takot sa poot ng kanilang mga kaaway. At ipinakita nila ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng “walang pagod” na paghahayag ng mabuting balita. Marami sa mga kapatid natin ngayon ang patuloy na naglilingkod nang tapat kahit may mga problema. Alam nilang hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginagawa nila at ang pag-ibig nila para sa kaniyang pangalan. w21.03 25 ¶18-19
Miyerkules, Marso 2
Inilagay pa nga niya sa puso nila ang magpakailanman.—Ecles. 3:11.
Ang pinahirang mga Kristiyano ay hindi ipinanganak na may makalangit na pag-asa. Ibinibigay ng Diyos sa kanila ang pag-asang iyan. Iniisip nila ang kanilang pag-asa, ipinapanalangin ito, at nananabik na matanggap ang kanilang gantimpala sa langit. Wala nga silang ideya tungkol sa magiging espirituwal na katawan nila. (Fil. 3:20, 21; 1 Juan 3:2) Pero pinapanabikan nilang magkasama-sama sa makalangit na Kaharian. Pinapanabikan ng ibang mga tupa na mabuhay magpakailanman sa lupa. Ito ang normal na gusto ng mga tao. Gustong-gusto na nilang gawing paraiso ang buong lupa, magtayo ng sarili nilang bahay, magtanim sa sarili nilang hardin, at magpalaki ng malulusog na anak. (Isa. 65:21-23) Pinapanabikan nilang malibot ang buong lupa—ang mga kabundukan, kagubatan, at karagatan—at mapag-aralan ang iba’t ibang nilalang ni Jehova. Pero higit sa lahat, masayang-masaya sila dahil alam nilang patuloy na titibay ang pakikipagkaibigan nila kay Jehova. w21.01 18-19 ¶17-18
Huwebes, Marso 3
Sinunog niya ang bahay ng tunay na Diyos . . . at winasak ang lahat ng mahahalagang bagay.—2 Cro. 36:19.
Matapos wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, sinabi ng mga tao: “Isa itong tiwangwang na lupain na walang tao at hayop, at ibinigay na ito sa mga Caldeo.” (Jer. 32:43) Mga 200 taon matapos humula si Joel, ginamit ni Jehova si Jeremias para ihula ang iba pang detalye ng pag-atakeng ito. Sinabi niya na hahanapin ang mga Israelitang gumagawa ng masama at mahuhuli ang mga ito. “‘Magpapatawag ako ng maraming mangingisda,’ ang sabi ni Jehova, ‘at hahanapin sila ng mga ito at huhulihin. Pagkatapos ay magpapatawag ako ng maraming mangangaso, at hahanapin sila ng mga ito sa bawat bundok at bawat burol at sa mga bitak ng malalaking bato. Pagbabayarin ko muna sila nang buo sa pagkakamali at kasalanan nila.’” Ang di-nagsisising mga Israelita ay walang mapagtataguan, sa dagat man o sa gubat. Hindi nila matatakasan ang mga taga-Babilonya.—Jer. 16:16, 18. w20.04 5 ¶12-13
Biyernes, Marso 4
Hindi pa rin . . . nagmamadali [si Lot].—Gen. 19:16.
Sa isang mahalagang bahagi ng buhay niya, hindi agad sumunod si Lot kay Jehova. Baka isipin nating hindi masunurin si Lot. Pero hindi siya sinukuan ni Jehova. Dahil “nahabag sa kaniya si Jehova,” hinawakan ng mga anghel ang kamay niya at ng pamilya niya at inilabas sila sa lunsod. (Gen. 19:15, 16) Maaaring may mga dahilan kung bakit nahabag si Jehova kay Lot. Baka takót si Lot sa mga tao sa labas ng lunsod kaya hindi siya agad umalis sa bahay nila. At may iba pang panganib. Malamang na alam ni Lot na may dalawang haring nahulog sa hukay na punô ng bitumen, o aspalto, sa isang malapit na lambak. (Gen. 14:8-12) Bilang asawa at ama, tiyak na nag-aalala si Lot para sa pamilya niya. Isa pa, mayaman si Lot, kaya malamang na maganda ang bahay niya sa Sodoma. (Gen. 13:5, 6) Siyempre, hindi iyon dahilan para hindi niya agad sundin si Jehova. Pero hindi nagpokus si Jehova sa pagkakamali ni Lot at itinuring niya itong “matuwid.”—2 Ped. 2:7, 8. w20.04 18 ¶13-14
Sabado, Marso 5
Mayroon kang grupo ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.—Awit 110:3.
Mga kabataan, baka kailangan ng panahon para magbago ang tingin sa iyo ng mga kakilala mo at makita nilang nagma-mature ka na. Pero makakatiyak ka na hindi lang panlabas na hitsura mo ang nakikita ni Jehova. Alam niya kung sino ka talaga at kung ano ang kaya mong gawin. (1 Sam. 16:7) Kaya patibayin ang kaugnayan mo sa Diyos. Nagawa iyan ni David nang pag-isipan niya ang mga nilalang ni Jehova. Pinag-isipan niyang mabuti kung ano ang itinuturo nito tungkol sa kaniyang Maylalang. (Awit 8:3, 4; 139:14; Roma 1:20) Puwede ka ring humingi kay Jehova ng lakas. Halimbawa, pinagtatawanan ka ba ng mga kaklase mo dahil isa kang Saksi ni Jehova? Kung oo, manalangin kay Jehova para makayanan mo iyon. At sundin ang mga payo na nasa Salita niya at salig-Bibliyang mga publikasyon at video. Habang nakikita mo na tinutulungan ka ni Jehova sa mga problema mo, mas titibay ang pagtitiwala mo sa kaniya. At kapag nakikita naman ng iba na umaasa ka kay Jehova, mas pagtitiwalaan ka nila. w21.03 4 ¶7
Linggo, Marso 6
Kalugod-lugod [kay Jehova] ang panalangin ng mga matuwid.—Kaw. 15:8.
Nasasabi ng matalik na magkakaibigan sa isa’t isa ang iniisip at nararamdaman nila. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Sa Salita niya, kinakausap tayo ni Jehova at dito niya sinasabi sa atin ang iniisip at nararamdaman niya. Kinakausap naman natin siya sa panalangin, at puwede nating sabihin sa kaniya ang mga niloloob natin. Bilang mapagmahal na Kaibigan, hindi lang pinapakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin, sinasagot din niya ito. Minsan, mabilis siyang sumagot. Minsan naman, baka kailangan nating manalangin nang paulit-ulit. Pero makakapagtiwala tayong sasagutin niya ito sa tamang panahon at sa pinakamagandang paraan. Baka iba rin sa inaasahan natin ang sagot niya. Halimbawa, imbes na alisin ang isang problema, puwede niya tayong bigyan ng karunungan at lakas “para matiis” ito. (1 Cor. 10:13) Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang panalangin? Ang isang paraan ay ang pagsunod sa payo ni Jehova na ‘laging manalangin.’—1 Tes. 5:17. w20.05 27-28 ¶7-8
Lunes, Marso 7
Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.—Mat. 24:13.
Sa isang mahabang takbuhan, nakapokus ang mga manlalaro sa harapan nila para hindi sila matalisod. Kung matumba sila, babangon sila at patuloy na tatakbo dahil nakapokus sila, hindi sa nakatalisod sa kanila, kundi sa finish line at sa gantimpala. Sa ating takbuhan, baka matisod tayo nang maraming ulit dahil may nasabi o nagawa tayong mali. Puwede rin tayong masaktan dahil sa pagkakamali ng mga kasama natin sa takbuhan. Normal lang iyan. Lahat tayo ay di-perpekto, at sama-sama tayong tumatakbo sa makitid na daang papunta sa buhay. Kaya talagang mababangga natin ang isa’t isa, wika nga, at magkakaroon ng “dahilan . . . para magreklamo” laban sa iba. (Col. 3:13) Pero sa halip na magpokus sa nakatisod sa atin, magpokus tayo sa gantimpala sa hinaharap at patuloy na tumakbo. Dahil kung maghihinanakit tayo, magtatanim ng sama ng loob, at hindi babangon, hindi natin matatapos ang takbuhan at hindi natin makakamit ang gantimpala. Baka makahadlang pa nga tayo sa iba na nagsisikap tumakbo sa makitid na daang papunta sa buhay. w20.04 26 ¶1; 28 ¶8-9
Martes, Marso 8
Dudurugin [ng kahariang ito] at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon.—Dan. 2:44.
Inilarawan ni propeta Daniel ang magkakasunod na gobyerno ng tao na may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang bahagi ng napakalaking imaheng metal. Ang huling gobyerno ay inilarawan bilang mga paa ng imahen na gawa sa pinaghalong bakal at putik. Ang mga paa ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Ipinapakita ng hulang ito na namamahala pa rin ito kapag pupuksain na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao. Inilarawan din ni apostol Juan ang magkakasunod na kapangyarihang pandaigdig na may malaking epekto sa bayan ni Jehova. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang isang mabangis na hayop na may pitong ulo. Ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Mahalagang malaman iyan kasi wala nang ulong lumitaw pagkatapos ng ikapito. Namamahala pa rin ang ikapitong ulo kapag pupuksain na ni Kristo at ng hukbo niya sa langit ang mabangis na hayop.—Apoc. 13:1, 2; 17:13, 14. w20.05 14 ¶11-12
Miyerkules, Marso 9
Ang Diyos ay pag-ibig.—1 Juan 4:8.
Ipinapaalala ng simpleng pananalitang iyan ang isang mahalagang katotohanan: Ang Diyos, na Bukal ng buhay, ay siya ring Bukal ng pag-ibig. Mahal tayo ni Jehova! Dahil sa pag-ibig niya, nakadarama tayo ng kapanatagan, kaligayahan, at pagkakontento. Para sa mga Kristiyano, hindi opsiyonal ang pagpapakita ng pag-ibig. Utos ito. (Mat. 22:37-40) Dahil nakilala na nating mabuti si Jehova, baka madali na para sa atin na sundin ang unang utos. Perpekto kasi si Jehova; mabait siya at nagmamalasakit sa atin. Pero baka nahihirapan tayong sundin ang ikalawang utos. Bakit? Kasi ang mga kapatid—ang pinakamalalapít nating kapuwa—ay di-perpekto. Kung minsan, may nasasabi sila o nagagawa na nakakasakit sa atin. Alam ni Jehova na mangyayari ito, kaya ginabayan niya ang ilang manunulat ng Bibliya na magsulat ng espesipikong mga payo kung bakit at kung paano tayo dapat magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Si apostol Juan ang isa sa kanila.—1 Juan 3:11, 12. w21.01 8 ¶1-2
Huwebes, Marso 10
[Hindi kayo dapat] malamangan ni Satanas.—2 Cor. 2:11.
Baguhan man tayo o matagal nang naglilingkod kay Jehova, kailangan nating tanungin ang ating sarili, ‘Nilalabanan ko ba ang mga panunukso ni Satanas na gawing hati ang puso ko?’ Halimbawa, kapag nakakita ka ng mahalay na larawan sa TV o sa Internet, ano ang gagawin mo? Baka ikatuwiran mong hindi naman talaga pornograpya iyon. Pero posible kayang paraan ito ni Satanas para gawing hati ang puso mo? Ang larawang iyan ay gaya ng maliit at matalim na bakal na ginagamit para hatiin ang isang malaking kahoy. Sa umpisa, ibinabaon ang talim ng bakal sa isang kahoy. Pagkatapos, habang palalim nang palalim ang pagkakabaon nito, mahahati ang kahoy. Ang mahahalay na larawan ay maihahalintulad sa talim ng bakal na iyon. Sa umpisa, baka isipin ng isa na hindi naman mapanganib ang mga ito pero gagawin nitong hati ang puso niya para magkasala siya kay Jehova. Kaya huwag mong hayaang makapasok sa puso mo ang anumang bagay na makakasama sa iyo. Panatilihin ang pagkatakot sa pangalan ni Jehova nang buong puso! w20.06 11-12 ¶14-15
Biyernes, Marso 11
[Dalhin ang] mga kahinaan ng hindi malalakas.—Roma 15:1.
Kailangan nating patuloy na tulungan at patibayin ang mga inactive. Gaya ng anak sa ilustrasyon ni Jesus, baka masakit pa rin sa kanila ang nangyari noon. (Luc. 15:17-24) At malamang na mahina sila sa espirituwal dahil sa naranasan nila sa sanlibutan ni Satanas. Kailangan natin silang tulungang patibayin ang pananampalataya nila kay Jehova. Sa ilustrasyon ng nawawalang tupa, sinabi ni Jesus na pinasan ng pastol ang tupa sa balikat at dinala pabalik sa kawan. Pagod na ang pastol dahil matagal niyang hinanap ang tupa. Pero alam niyang hindi na kaya ng tupa na bumalik nang mag-isa sa kawan kaya kailangan niya itong kargahin pabalik. (Luc. 15:4, 5) Baka kailangan ng panahon at pagsisikap para matulungan natin ang mga inactive na mapagtagumpayan ang kahinaan nila. Pero sa tulong ng espiritu ni Jehova, ng kaniyang Salita, at ng mga publikasyon ng organisasyon, matutulungan natin silang lumakas ulit. Kaya kung ipa-Bible study sa iyo ang isang inactive, bakit hindi ito tanggapin? w20.06 28 ¶14-15
Sabado, Marso 12
Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.—Juan 13:35.
Lahat tayo ay dapat magpakita ng pag-ibig para mapatunayan nating mga tunay na Kristiyano tayo. Pero kailangan din natin ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa.” (Fil. 1:9) Kung hindi, maiimpluwensiyahan tayo ng “turo ng mga taong nandaraya,” kasama na ang mga apostata. (Efe. 4:14) Kahit na marami sa mga alagad ni Jesus noong unang siglo C.E. ang huminto sa pagsunod sa kaniya, si apostol Pedro ay kumbinsidong na kay Jesus ang “mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:67, 68) Hindi man naiintindihan ni Pedro noon ang lahat ng detalye ng sinabi ni Jesus, nanatili pa rin siyang tapat dahil naunawaan niya ang katotohanan tungkol kay Kristo. Kaya mo ring patibayin ang paniniwala mo sa mga itinuturo ng Bibliya. Kung gagawin mo iyan, magkakaroon ka ng di-natitinag na pananampalataya at matutulungan mo rin ang iba na magkaroon nito.—2 Juan 1, 2. w20.07 8 ¶2; 13 ¶18
Linggo, Marso 13
Mahal na mga anak, umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.—1 Juan 3:18.
Para matulungan natin ang mga kapatid na manatili sa katotohanan, dapat tayong magpakita ng habag. (1 Juan 3:10, 11, 16, 17) Dapat nating mahalin ang isa’t isa, hindi lang kapag maganda ang kalagayan, kundi kahit sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, may kilala ka bang namatayan ng mahal sa buhay na kailangang patibayin o tulungan sa iba pang paraan? O may nabalitaan ka bang mga kapatid na naapektuhan ng sakuna at kailangan ng tulong para maitayo ang Kingdom Hall o bahay nila? Maipapakita natin ang pag-ibig at habag sa mga kapatid, hindi lang sa sinasabi, kundi lalo na sa ginagawa natin. Tinutularan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit kapag iniibig natin ang isa’t isa. (1 Juan 4:7, 8) Maipapakita natin ang pag-ibig kung papatawarin natin ang isa’t isa. Halimbawa, baka may nakasakit sa atin pero humingi naman ng tawad. Maipapakita natin ang pag-ibig kung papatawarin natin siya at kakalimutan ang nagawa niyang pagkakamali.—Col. 3:13. w20.07 24 ¶14-15
Lunes, Marso 14
Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.—Gawa 24:15.
Magkakaroon kaya ng kani-kaniyang tagapagturo ang bawat tao na bubuhaying muli gaya ng ginagawa natin ngayon kapag nagba-Bible study tayo? Ia-assign kaya sila sa mga kongregasyon at sasanaying magturo sa susunod na mga bubuhaying muli? Hindi pa natin alam. Pero alam natin na sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova.” (Isa. 11:9) Tiyak na magiging abala pero masaya ang isang libong taóng ito! Sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, ang lahat ng lingkod ni Jehova sa lupa ay patuloy na gagawa ng mga pagbabago para mapasaya siya. Kaya lahat sila ay magiging maunawain habang tinutulungan nila ang mga binuhay-muli na mapaglabanan ang kanilang tendensiyang magkasala at mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova. (1 Ped. 3:8) Siguradong mapapalapít ang mga binuhay-muling ito sa mga mapagpakumbabang lingkod ni Jehova na ‘ginagawa rin ang buong makakaya nila para maligtas.’—Fil. 2:12. w20.08 16 ¶6-7
Martes, Marso 15
Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos, . . . at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.—Gal. 6:4.
Kung susundin natin ang payo ni apostol Pablo at susuriin ang sarili natin, baka makita nating may kakayahan tayo na wala sa iba. Halimbawa, baka hindi masyadong mahusay magpahayag ang isang elder, pero baka napakahusay naman niya sa paggawa ng alagad. O baka hindi siya ganoon kahusay mag-organisa kumpara sa ibang elder, pero baka mabait naman siya at mapagmahal kaya madali siyang lapitan ng mga kapatid para hingan ng payo na galing sa Bibliya. O baka kilalá siya sa pagiging mapagpatuloy. (Heb. 13:2, 16) Kapag malinaw nating nakikita ang mga kakayahan natin, may dahilan tayo para isiping may nagagawa tayo para sa kongregasyon. At maiiwasan nating mainggit sa mga kapatid na may mga kakayahang wala tayo. Anuman ang papel natin sa kongregasyon, lahat tayo ay dapat magsikap na mapahusay ang ating paglilingkod at mga kakayahan. w20.08 24 ¶16-18
Miyerkules, Marso 16
Nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.—Apoc. 7:9.
Isang makasaysayang pahayag na “Ang Lubhang Karamihan” ang ipinahayag ni J. F. Rutherford noong 1935 sa isang kombensiyon sa Washington, D.C., U.S.A. Sa pahayag ni Brother Rutherford, ipinaliwanag niya kung sino ang magiging kabilang sa “lubhang karamihan” (King James Version), o “malaking pulutong,” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9. Bago nito, inaakala na ang grupong ito ay pangalawahing uring makalangit na di-gaanong tapat. Ginamit ni Brother Rutherford ang Kasulatan para ipaliwanag na ang malaking pulutong ay hindi pinili para mabuhay sa langit, kundi ibang mga tupa sila ni Kristo na makakaligtas sa “malaking kapighatian” at mabubuhay magpakailanman sa lupa. (Apoc. 7:14) Ipinangako ni Jesus: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.” (Juan 10:16) Ang mga tulad-tupang ito ay tapat na mga Saksi ni Jehova na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.—Mat. 25:31-33, 46. w21.01 14 ¶1-2
Huwebes, Marso 17
Kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko, pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.—Mat. 10:22.
Kailangan natin ang disiplina sa sarili para makapagtiis at matapos ang gawain nating pangangaral. (Mat. 28:19, 20) Hindi namamana ang disiplina sa sarili. Sa halip, natural sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay nang hindi sila mahihirapan. Para magkaroon ng disiplina sa sarili, kailangang kontrolado natin ang ating sarili. Kaya kailangan natin ng tulong para masanay ang ating sarili na gawin ang mga bagay-bagay kahit mahirap gawin ang mga ito. Ibinibigay ni Jehova ang tulong na iyan sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Gal. 5:22, 23) May disiplina sa sarili si apostol Pablo. Pero inamin niyang “binubugbog” niya ang kaniyang katawan para magawa ang tama. (1 Cor. 9:25-27) Pinapatibay niya ang iba na disiplinahin ang sarili nila at gawin ang lahat ng bagay “nang disente at maayos.” (1 Cor. 14:40) Dapat tayong magkaroon ng disiplina sa sarili para mapanatili ang magandang rutin sa espirituwal, kasama na ang regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral.—Gawa 2:46. w20.09 6-7 ¶15-17
Biyernes, Marso 18
[Kailangang] ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.—Mar. 13:10.
Sa maraming bansa ngayon, malaya tayong nakakapangaral. Ganito ba ang sitwasyon sa bansa ninyo? Kung oo, tanungin ang sarili, ‘Paano ko sinasamantala ang kalayaang ito?’ Sa mga huling araw na ito, abalang-abala ang organisasyon ni Jehova sa pinakamalaking kampanya ng pangangaral at pagtuturo sa buong mundo. Marami tayong puwedeng gawin para sa kampanyang ito. Paano mo sasamantalahin ang panahon ng kapayapaan? (2 Tim. 4:2) Bakit hindi suriin ang kalagayan mo para makita kung ikaw o ang isang kapamilya mo ay puwedeng magpalawak ng ministeryo, o baka magpayunir pa nga? Hindi ngayon ang panahon para magkamal ng kayamanan, dahil hindi ito makakaligtas sa malaking kapighatian. (Kaw. 11:4; Mat. 6:31-33; 1 Juan 2:15-17) May mga mamamahayag na nag-aral ng ibang wika para magamit sa pangangaral at pagtuturo. Pinaglalaanan sila ng organisasyon ng Diyos ng mga literatura sa Bibliya sa mahigit 1,000 wika! w20.09 16 ¶9-11
Sabado, Marso 19
Ipagpatuloy ang iyong mahusay na pakikipaglaban.—1 Tim. 1:18.
Ang isang mahusay na sundalo ay tapat. Makikipaglaban siya para protektahan ang taong mahal niya o ang bagay na pinapahalagahan niya. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na magkaroon ng makadiyos na debosyon, o tapat na pagmamahal sa Diyos. (1 Tim. 4:7) Habang lalo nating minamahal ang Diyos, mas tumitindi ang kagustuhan nating manghawakan sa katotohanan. (1 Tim. 4:8-10; 6:6) Ang isang mahusay na sundalo ay dapat ding may disiplina sa sarili para maging malakas siya at handa sa labanan. Nalabanan ni Timoteo ang impluwensiya ni Satanas dahil sinunod niya ang payo ni Pablo na umiwas sa maling mga pagnanasa, magsikap na magkaroon ng magagandang katangian, at makisama sa mga kapananampalataya. (2 Tim. 2:22) Mahalaga ang disiplina sa sarili para magawa iyan. Kailangan natin ito para manalo sa pakikipagdigma sa maling mga pagnanasa. (Roma 7:21-25) Kailangan din ito para patuloy nating mabago ang ating personalidad at magkaroon tayo ng mabubuting katangian. (Efe. 4:22, 24) At kahit pagod na tayo sa maghapon, baka kailangan nating pilitin ang ating sarili para makadalo sa pulong.—Heb. 10:24, 25. w20.09 28 ¶9-11
Linggo, Marso 20
Buo ang pasiya kong sundin ang mga tuntunin mo sa lahat ng panahon, hanggang sa wakas.—Awit 119:112.
Kailangan nating maging matiyaga kapag tinutulungan ang Bible study na sumulong at magpabautismo. Pero kailangan din nating malaman kung talaga ngang gusto niyang maglingkod sa Diyos na Jehova. Nakikita mo ba na nagsisikap siyang sundin ang mga utos ni Jesus? O gusto lang niyang matuto tungkol sa Bibliya? Regular na suriin ang pagsulong ng Bible study mo. Halimbawa, sinasabi ba niya kung gaano niya kamahal si Jehova? Nananalangin ba siya kay Jehova? (Awit 116:1, 2) Nag-e-enjoy ba siya sa pagbabasa ng Bibliya? (Awit 119:97) Regular ba siyang dumadalo sa pulong? (Awit 22:22) Gumagawa ba siya ng pagbabago sa buhay niya? Sinasabi ba niya sa mga kapamilya at kaibigan niya ang natututuhan niya? (Awit 9:1) Higit sa lahat, gusto ba niyang maging Saksi ni Jehova? (Awit 40:8) Kung hindi nagagawa ng study mo ang alinman sa mga ito, mataktika siyang tanungin kung bakit. Pagkatapos, kausapin siya; maging prangka, pero sikapin pa ring maging mabait. w20.10 18 ¶14-15
Lunes, Marso 21
Ang nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa, dahil lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.—Juan 8:29.
Palaging magaganda ang desisyon ng Ama ni Jesus sa langit, at magaganda rin ang desisyon ng kaniyang mga magulang dito sa lupa. Pero habang lumalaki si Jesus, kailangan din niyang gumawa ng sariling mga desisyon. (Gal. 6:5) Gaya nating lahat, malaya rin siyang makakapili ng gusto niyang gawin. Puwede niya sanang piliing unahin ang sarili niya. Pero pinili niyang mapanatili ang magandang kaugnayan niya kay Jehova. Nang malaman ni Jesus ang tungkol sa papel niya sa layunin ni Jehova, tinanggap niya ang atas na iyon. (Juan 6:38) Alam niyang marami ang magagalit sa kaniya, at hindi niya gusto iyon. Pero pinili pa rin niyang sundin si Jehova. Nang mabautismuhan si Jesus noong 29 C.E., ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang gawin ang kalooban ni Jehova. (Heb. 10:5-7) Kahit noong mamamatay na siya sa pahirapang tulos, desidido pa rin si Jesus na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama.—Juan 19:30. w20.10 29 ¶12; 30 ¶15
Martes, Marso 22
Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.—Heb. 13:5.
May kilala ka bang mga kapatid sa kongregasyon na nahihirapan dahil sa sakit o iba pang problema? O baka namatayan sila ng mahal sa buhay. Kung may alam tayong kapatid na nangangailangan, puwede tayong manalangin kay Jehova na tulungan tayong makapagsabi o makagawa ng kabaitan sa taong iyon. Malay mo, iyon pala ang pampatibay na kailangan ng ating kapatid. (1 Ped. 4:10) Pero malakas ang loob natin na harapin ang mga iyon dahil alam nating kasama natin si Jehova. Ginagamit niya si Jesus at ang mga anghel para tulungan tayo. Kung naaayon sa layunin niya, puwede rin niyang gamitin ang mga nasa awtoridad para tulungan tayo. At gaya ng nararanasan natin, ginagamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para pakilusin ang mga lingkod niya na tulungan ang mga kapatid na nangangailangan. Kaya gaya ni apostol Pablo, masasabi rin natin: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Heb. 13:6. w20.11 17 ¶19-20
Miyerkules, Marso 23
Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.—Isa. 30:15.
May malinaw na ebidensiya ang mga apostol na kakampi nila si Jehova. Binigyan niya sila ng kapangyarihan para makagawa ng mga himala. (Gawa 5:12-16; 6:8) Pero tayo, hindi. Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, tinitiyak sa atin ni Jehova na kapag nagdurusa tayo alang-alang sa katuwiran, nalulugod siya sa atin at nasa atin ang espiritu niya. (1 Ped. 3:14; 4:14) Kaya sa halip na masyadong isipin kung ano ang gagawin natin kapag pinag-usig tayo, magpokus kung paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin sa kakayahan ni Jehova na tulungan tayo at iligtas. Dapat tayong magtiwala sa pangako ni Jesus: “Bibigyan ko kayo ng karunungan at ipaaalam ko sa inyo ang sasabihin ninyo, na hindi malalabanan o matututulan ng lahat ng kumokontra sa inyo.” Tinitiyak sa atin: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” (Luc. 21:12-19) At huwag nating kakalimutan na tinatandaan ni Jehova ang kaliit-liitang detalye tungkol sa mga namatay na lingkod niya. Bubuhayin niya silang muli taglay ang mga detalyeng iyon. w21.01 4 ¶12
Huwebes, Marso 24
Umaasa ako . . . na bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.—Gawa 24:15.
Hindi si apostol Pablo ang unang bumanggit tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli. Binanggit din iyan noon ni Job. Sigurado siyang aalalahanin siya ng Diyos at bubuhaying muli. (Job 14:7-10, 12-15) Ang “pagkabuhay-muli ng mga patay” ay bahagi ng “pundasyon,” o “unang mga doktrina,” ng lahat ng paniniwala ng mga Kristiyano. (Heb. 6:1, 2; tlb.) Mababasa sa 1 Corinto kabanata 15 ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagkabuhay-muli. Siguradong napatibay nito ang unang-siglong mga Kristiyano. Mapapatibay din tayo nito at lalong magiging totoong-totoo sa atin ang pagkabuhay-muli. Dahil binuhay-muli si Jesu-Kristo, sigurado tayong bubuhaying muli ang mga mahal natin sa buhay. Kasama iyan sa “mabuting balita” na sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto. (1 Cor. 15:1, 2) Sinabi pa nga niya na kung hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang isang Kristiyano, walang silbi ang pananampalataya nito.—1 Cor. 15:17. w20.12 2 ¶2-4
Biyernes, Marso 25
Naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus . . . At lumabas siya at humagulgol.—Mat. 26:75.
Ano ang nakatulong kay apostol Pedro? Naalala niya na ipinanalangin ni Jesus na huwag manghina ang pananampalataya niya. Sinagot ni Jehova ang taos-pusong panalanging iyon. Nagpakita rin si Jesus kay Pedro, malamang para patibayin siya. (Luc. 22:32; 24:33, 34; 1 Cor. 15:5) Nagpakita rin si Jesus sa lahat ng apostol matapos silang mangisda nang buong magdamag at walang nahuli. Nang panahong iyon, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataong sabihin sa kaniya kung gaano niya siya kamahal. Pinatawad ni Jesus ang mahal niyang kaibigan at pinagkatiwalaan siya ng higit pang gawain. (Juan 21:15-17) Kitang-kita sa pakikitungo ni Jesus kay Pedro na napakamaawain ni Jesus, gaya ng kaniyang Ama. Kaya kapag nagkakamali tayo, huwag isiping hindi na tayo mapapatawad ni Jehova. Tandaan na si Satanas ang may gustong mag-isip tayo nang ganiyan. Sa halip, dapat nating isipin na mahal tayo ni Jehova at alam niya ang mga limitasyon natin at na gusto niya tayong patawarin. At dapat natin siyang tularan kapag may nakasakit sa atin.—Awit 103:13, 14. w20.12 20-21 ¶17-19
Sabado, Marso 26
Mananatiling buo ang loob ko.—Awit 27:3.
May matututuhan tayo sa nangyari sa mga hindi nanatiling kalmado at hindi nagtiwala kay Jehova. Maiiwasan nating magawa ang mga pagkakamali nila. Halimbawa, sa pasimula ng pamamahala niya, kay Jehova humihingi ng tulong si Asa kapag may mga problema. Pero hindi na ganoon ang ginawa niya noong bandang huli; mas gusto niyang solusyunan ang problema niya nang mag-isa. (2 Cro. 16:1-3, 12) Sa unang tingin, parang napakapraktikal ang paghingi ni Asa ng tulong sa mga Siryano laban sa Israel. Pero panandalian lang ang tagumpay niya. Sinabi sa kaniya ni Jehova sa pamamagitan ng isang propeta: “Dahil umasa ka sa hari ng Sirya at hindi ka umasa sa Diyos mong si Jehova, nakatakas mula sa kamay mo ang hukbo ng hari ng Sirya.” (2 Cro. 16:7) Huwag nating isipin na kayang-kaya nating solusyunan ang ating mga problema nang hindi humihingi ng tulong kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Kahit kailangan nating magdesisyon agad, dapat na maging kalmado tayo at umasa kay Jehova. Tutulungan niya tayong magtagumpay. w21.01 6 ¶13-15
Linggo, Marso 27
Hindi na sila magugutom.—Apoc. 7:16.
Sa ngayon, may ilang lingkod ni Jehova na nagugutom dahil sa hirap ng buhay o mga kaguluhan at digmaan. Ang iba naman ay ibinilanggo dahil sa pananampalataya nila. Pero masayang-masaya ang mga kabilang sa malaking pulutong dahil alam nilang kapag nakaligtas sila sa pagkapuksa ng sistemang ito, lagi na silang magkakaroon ng saganang pagkain at espirituwal na paglalaan mula kay Jehova. Kapag pinuksa ang sistema ni Satanas, hindi madadamay ang malaking pulutong sa “matinding init” ng galit ni Jehova na ibubuhos niya sa mga bansa. Pagkatapos ng malaking kapighatian, aakayin ni Jesus ang mga nakaligtas papunta sa “tubig ng buhay” na walang hanggan. (Apoc. 7:17) Talagang walang katulad ang pag-asa ng malaking pulutong. Sa bilyon-bilyong taong nabuhay, sila lang ang posibleng hindi na mamamatay! (Juan 11:26) Napakaganda ng pag-asa ng ibang mga tupa at ipinagpapasalamat nila ito kay Jehova at kay Jesus! w21.01 16-17 ¶11-12
Lunes, Marso 28
Tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan.—2 Tes. 3:3.
Noong huling gabi bago mamatay si Jesus, pinag-isipan niya ang mga problema na haharapin ng mga alagad niya. Dahil mahal niya ang mga kaibigan niya, hiniling ni Jesus sa Ama niya na ‘bantayan sila dahil sa isa na masama.’ (Juan 17:14, 15) Alam ni Jesus na kapag umakyat na siya sa langit, patuloy na makikipaglaban si Satanas na Diyablo sa lahat ng gustong maglingkod kay Jehova. Kaya kailangan ng bayan ni Jehova ng proteksiyon niya. Kailangang-kailangan natin ngayon ang proteksiyon ni Jehova. “Galit na galit” si Satanas noong palayasin siya sa langit. (Apoc. 12:12) Napaniwala niya ang ilan na kapag pinag-uusig nila tayo, gumagawa sila ng “sagradong paglilingkod sa Diyos.” (Juan 16:2) Pinag-uusig naman tayo ng mga hindi naniniwala sa Diyos kasi naiiba tayo sa kanila. Anuman ang dahilan nila, hindi tayo dapat matakot. Bakit? Ang sagot ay nasa teksto sa araw na ito. w21.03 26 ¶1, 3
Martes, Marso 29
[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.—Roma 8:39.
Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay dahil sa pag-ibig. Dahil mahal niya tayo, inilalaan niya ang lahat ng ating pangangailangan. Dahil sa pag-ibig, inilaan ni Jehova ang pantubos para sa atin. At dahil mahal na mahal din tayo ni Jesus, ibinigay niya ang buhay niya para sa atin. (Juan 3:16; 15:13) Walang makakahadlang sa pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa mga tapat sa kanila. (Juan 13:1; Roma 8:35) Sa katulad na paraan, ang lahat ng ginagawa ng isang ulo ng pamilya ay dapat na dahil sa pag-ibig. Bakit napakahalaga niyan? Sinabi ni apostol Juan: “Ang hindi umiibig sa kapatid [o pamilya] niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:11, 20) Kaya ang isang lalaki na nagmamahal sa pamilya niya at tumutulad kay Jehova at kay Jesus ay maglalaan ng espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan sa pamilya niya. (1 Tim. 5:8) Sasanayin niya at didisiplinahin ang mga anak niya. Patuloy din niyang pag-aaralang gumawa ng mga desisyong nagpaparangal kay Jehova at makakabuti sa pamilya niya. w21.02 5 ¶12-13
Miyerkules, Marso 30
Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya.—Awit 55:22.
Alam ng ating mapagmahal na Ama sa langit na naaapektuhan tayo ng di-magagandang nararanasan natin sa buhay. Pero nakikita rin niya ang magagandang katangian natin, na baka hindi natin nakikita. (1 Juan 3:19, 20) Baka magawa ulit ng isa ang pinaglalabanan niyang kahinaan at masiraan siya ng loob. Normal lang naman na makonsensiya tayo kapag nagkasala tayo. (2 Cor. 7:10) Pero huwag naman nating masyadong sisihin ang ating sarili at isipin: ‘Wala na akong kapag-a-pag-asang magbago. Hindi na ako mapapatawad ni Jehova.’ Hindi totoo iyan. At baka dahil diyan, tumigil na tayo sa paglilingkod kay Jehova. Sa halip, ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ sa pagitan ninyo ni Jehova sa pamamagitan ng pananalangin at paghingi ng tawad sa kaniya. (Isa. 1:18) Kapag nakita niyang talagang nagsisisi tayo, papatawarin niya tayo. Lumapit din sa mga elder. Matiyaga nila tayong tutulungan para manumbalik ang ating espirituwalidad.—Sant. 5:14, 15. w20.12 23 ¶5-6
Huwebes, Marso 31
[Makitungo] sa matatandang babae na gaya ng sa iyong ina, at sa mga nakababatang babae na gaya ng sa kapatid mong babae.—1 Tim. 5:1, 2.
Binigyang-dangal at iginalang ni Jesus ang mga babae. Hindi niya ginaya ang mga Pariseo na mababa ang tingin sa mga babae. Hindi sila nakikipag-usap sa mga babae kapag nasa publiko, at hindi nila tinuturuan ang mga ito tungkol sa Kasulatan. Sa halip, isinasali ni Jesus ang mga babae kapag nakikipag-usap siya sa mga alagad tungkol sa malalim na espirituwal na mga bagay. (Luc. 10:38, 39, 42) Hinayaan din niyang sumama ang mga babae sa mga paglalakbay niya para mangaral. (Luc. 8:1-3) Ipinagkatiwala pa nga ni Jesus sa mga babae na sabihin sa mga apostol na binuhay na siyang muli. (Juan 20:16-18) Pinaalalahanan ni apostol Pablo si Timoteo na bigyang-dangal ang mga babae. Kinilala ni Pablo na ang ina at lola ni Timoteo ang unang nagturo dito ng tungkol sa “banal na mga kasulatan.” (2 Tim. 1:5; 3:14, 15) May binati rin si Pablo na mga sister sa liham niya sa mga taga-Roma. Hindi lang niya basta nakikita ang pagsisikap ng mga sister, pinapahalagahan din niya sila bilang mga ministrong Kristiyano.—Roma 16:1-4, 6, 12; Fil. 4:3. w21.02 15 ¶5-6