Abril
Biyernes, Abril 1
Ang lahat ng bagay na isinulat noon ay isinulat para matuto tayo.—Roma 15:4.
May pinagdadaanan ka ba ngayong mahirap na pagsubok? Baka may kakongregasyon kang nakasakit sa iyo. (Sant. 3:2) O baka tinutuya ka ng mga katrabaho mo o kaeskuwela dahil naglilingkod ka kay Jehova. (1 Ped. 4:3, 4) O baka pinagbabawalan ka ng mga kapamilya mo na dumalo sa mga pulong o mangaral. (Mat. 10:35, 36) Kung napakahirap ng pagsubok, baka maisip mong sumuko na lang. Pero makakasiguro kang anumang hamon ang napapaharap sa iyo, bibigyan ka ni Jehova ng karunungan para maharap iyon at ng lakas para matiis iyon. Sa kaniyang Salita, ipinasulat ni Jehova ang detalyadong paglalarawan kung paano naharap ng di-perpektong mga tao ang mahihirap na pagsubok. Bakit? Para matuto tayo sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasulat iyan ni Jehova kay apostol Pablo. Ang pagbabasa ng mga ulat sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa. Pero para makinabang, hindi sapat ang basta pagbabasa lang ng Bibliya. Dapat nating hayaang baguhin ng Kasulatan ang ating isip at puso. w21.03 14 ¶1-2
Sabado, Abril 2
Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.—Juan 4:35.
Itinuturing mo ba ang mga pinangangaralan mo na gaya ng mga butil na puwede nang anihin? Kung oo, ano ang magiging epekto nito sa iyo? Una, magiging mas apurahan ka sa pangangaral. Limitado lang ang panahon ng pag-aani; walang oras ang dapat sayangin. Ikalawa, magiging masaya ka kapag nakikinig ang mga tao sa mabuting balita. Sinasabi ng Bibliya: ‘Nagsasaya ang mga tao sa panahon ng pag-aani.’ (Isa. 9:3) At ikatlo, makikita mo na posibleng maging alagad ang bawat tao, kaya ibabagay mo sa kausap mo ang presentasyon para makuha mo ang interes niya. Para sa ilang alagad, imposibleng maging tagasunod ni Jesus ang mga Samaritano. Pero para kay Jesus, posibleng maging alagad ang mga ito. Dapat na ganiyan din ang pananaw natin sa mga tao sa teritoryo. Nagpakita si apostol Pablo ng napakagandang halimbawa para sa atin. Alam niya ang paniniwala ng mga kausap niya, naunawaan niya kung saan sila interesado, at nakita niya na posible silang maging alagad ni Jesus. w20.04 8-9 ¶3-4
Linggo, Abril 3
Kitang-kita ni Jehova ang Libingan at ang lugar ng pagkapuksa, gaano pa kaya ang puso ng mga tao!—Kaw. 15:11.
Imbes na hatulan ang isang tao, pagsikapan mong unawain siya. Si Jehova lang ang lubos na nakakaunawa sa atin. Kaya hilingin natin sa kaniya na tulungan tayong makita ang nakikita niya sa iba at maunawaan kung paano magpapakita ng habag sa kanila. Hindi mo puwedeng piliin kung sino sa mga kapatid ang karapat-dapat pagpakitaan ng habag. Lahat sila ay napapaharap sa mga problema, at karamihan sa mga iyon ay gaya ng naranasan nina Jonas, Elias, Hagar, at Lot. At madalas, sila rin ang dahilan kaya nagkakaproblema sila. Ang totoo, ganiyan din tayong lahat. Kaya makatuwiran lang na hilingin sa atin ni Jehova na damayan, o unawain, ang isa’t isa. (1 Ped. 3:8) Kapag sinusunod natin si Jehova, nakakatulong tayo sa pagkakaisa ng ating pambuong-daigdig na pamilya. Kaya maging determinado nawa tayong pakinggan, unawain, at pagpakitaan ng habag ang isa’t isa. w20.04 18-19 ¶15-17
Lunes, Abril 4
Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.—1 Ped. 2:21.
Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa sa pagsunod kay Jehova. Kaya ang isang mahalagang paraan ng pagsunod kay Jehova ay ang pagsunod nang mabuti sa mga yapak ni Jesus. (Juan 8:29) Para patuloy na makalakad sa katotohanan, dapat na kumbinsido tayo na si Jehova ang Diyos ng katotohanan at na totoo ang lahat ng sinasabi niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Dapat din tayong maging kumbinsido na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Marami sa ngayon ang nagdududa na si Jesus ang inatasan bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Nagbabala si Juan na puwedeng mailigaw ng “maraming manlilinlang” ang mga hindi nakahandang ipagtanggol ang katotohanan tungkol kay Jehova at kay Jesus. (2 Juan 7-11) Isinulat ni Juan: “Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ang Kristo?” (1 Juan 2:22) Ang paraan lang para hindi tayo malinlang ay kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, makikilala natin si Jehova at si Jesus. (Juan 17:3) At makukumbinsi tayong nasa atin ang katotohanan. w20.07 21 ¶4-5
Martes, Abril 5
Maging determinado tayong huwag maglagay ng katitisuran . . . sa harap ng isang kapatid.—Roma 14:13.
Maiiwasan nating maging “katitisuran” sa mga kasama natin sa takbuhan kung magpaparaya tayo sa kagustuhan nila hangga’t posible, sa halip na igiit ang karapatan natin. (Roma 14:19-21; 1 Cor. 8:9, 13) Iyan ang kaibahan natin sa literal na mga mananakbo na gustong makuha ang gantimpala. Sariling kapakanan nila ang pangunahin sa kanila. Baka gitgitin pa nga nila ang iba para sila ang mauna. Pero hindi tayo ganiyan; hindi tayo nakikipagkompetensiya sa isa’t isa. (Gal. 5:26; 6:4) Sa halip, tunguhin nating tulungan ang marami na makarating sa finish line at makamit ang gantimpalang buhay. Kaya sinisikap nating sundin ang payo ng Bibliya na ‘isipin ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa atin.’ (Fil. 2:4) Tinitiyak ni Jehova sa mga lingkod niya na kapag natapos nila ang takbuhan, gagantimpalaan niya sila ng buhay na walang hanggan sa langit o sa paraisong lupa. w20.04 28 ¶10; 29 ¶12
Miyerkules, Abril 6
Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.—Apoc. 7:14.
Milyon-milyong Kristiyano ang tatawid sa bagong sanlibutan. Masasaksihan ng mga makakaligtas na iyon sa lupa ang isa pang tagumpay laban sa kamatayan—ang pagkabuhay-muli ng bilyon-bilyong namatay. Isipin na lang kung gaano kasaya ang lahat kapag nangyari iyon! (Gawa 24:15) At ang lahat ng nanatiling tapat kay Jehova ay magtatagumpay laban sa minanang kamatayan dahil mabubuhay sila magpakailanman. Dapat ipagpasalamat ng mga Kristiyanong nabubuhay ngayon ang mga isinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa pagkabuhay-muli. Marami tayong dahilan para sundin ang payo ni Pablo na maging “laging maraming ginagawa para sa Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Kung patuloy nating gagawin iyan sa abot ng ating makakaya, magkakaroon tayo ng napakasayang buhay sa hinaharap na hindi natin sukat-akalain. Papatunayan nito na hindi nasayang ang mga ginawa natin para sa Panginoon. w20.12 13 ¶16-17
Huwebes, Abril 7
Ang mga hukbo nila [ay] nagtipon para makipagdigma sa isa na nakasakay sa kabayo at sa hukbo niya.—Apoc. 19:19.
Kung iisipin nating iisang yugto ng panahon ang tinutukoy ng mga hula sa Ezekiel 38:10-23; Daniel 2:43-45; 11:44–12:1; at Apocalipsis 16:13-16, 21, lumilitaw na posibleng mangyari ang sumusunod. Mga ilang panahon pagkatapos magsimula ang malaking kapighatian, ang “mga hari ng buong lupa” ay bubuo ng isang koalisyon ng mga bansa. (Apoc. 16:13, 14) Tinatawag ito ng Kasulatan na “Gog ng lupain ng Magog.” (Ezek. 38:2) Aatakihin ng koalisyong ito ang lahat ng lingkod ng Diyos para lipulin sila. Sa isang hula tungkol sa panahong iyon, sinabi ni apostol Juan na babagsakan ng malalaking tipak ng yelo ang mga kaaway ng Diyos. Ang mga tipak ng yelong iyon ay maaaring kumatawan sa mabigat na mensahe ng paghatol na dala ng mga lingkod ni Jehova na ikakagalit ni Gog ng Magog kung kaya aatakihin niya ang mga lingkod ng Diyos para lipulin sila.—Apoc. 16:21. w20.05 15 ¶13-14
Biyernes, Abril 8
Kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang Ama sa langit! Magbibigay siya ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.—Luc. 11:13.
Ang banal na espiritu ng Diyos ay isang regalo na dapat nating pahalagahan. Mas mapapahalagahan natin ang banal na espiritu kung iisipin natin ang mga naisasagawa nito ngayon. Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa tulong ng banal na espiritu, mga walo at kalahating milyon sa buong mundo ang naging mananamba ni Jehova. At para tayong nasa espirituwal na paraiso dahil tinutulungan tayo nitong magkaroon ng magagandang “katangian na bunga ng espiritu”—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gal. 5:22, 23) Talaga ngang napakahalagang regalo ng banal na espiritu! w20.05 29 ¶10, 13
Sabado, Abril 9
Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao.—1 Cor. 15:21.
Maraming dahilan para isiping makikilala natin ang mga mahal natin sa buhay na binuhay-muli. Halimbawa, batay sa mga pagkabuhay-muli noon, lumilitaw na muling lalalangin ni Jehova ang mga tao para ibalik ang kanilang hitsura at paraan ng pagsasalita at pag-iisip na gaya rin noong bago sila mamatay. Tandaan, itinulad ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog at ang pagkabuhay-muli sa paggising. (Mat. 9:18, 24; Juan 11:11-13) Kapag nagising ang mga tao, ang kanilang hitsura, pagsasalita, at pag-iisip ay katulad din noong bago sila matulog. Tingnan ang nangyari kay Lazaro. Apat na araw na siyang patay kaya nagsisimula nang maagnas ang katawan niya. Pero noong buhayin siya ni Jesus, nakilala agad siya ng mga kapatid niya, at tiyak na nakilala rin sila ni Lazaro.—Juan 11:38-44; 12:1, 2. w20.08 14 ¶3; 16 ¶8
Linggo, Abril 10
Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.—Apoc. 7:10.
Para kay Jehova, walang pagkakaiba ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa—pareho silang mahalaga sa kaniya. Sa katunayan, iisa lang ang ipinambayad niya para mabili ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa, ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na Anak. Magkaiba nga lang sila ng pag-asa. Pero pareho silang dapat na manatiling tapat sa Diyos at kay Kristo. (Awit 31:23) At tandaan, pinahiran man o ibang mga tupa, pareho silang binibigyan ni Jehova ng kaniyang banal na espiritu depende sa pangangailangan nila. Binigyan ni Jehova ang bawat nakaalay na lingkod niya ng isang magandang pag-asa sa hinaharap. (Jer. 29:11) Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay isang espesyal na pagkakataon para purihin ng bawat isa sa atin ang Diyos at si Kristo dahil sa mga ginawa nila alang-alang sa atin para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kaya ang Memoryal ang pinakamahalagang okasyon para magsama-sama ang tunay na mga Kristiyano. w21.01 18 ¶16; 19 ¶19
Lunes, Abril 11
Patuloy ninyong gawin ito.—1 Cor. 11:25.
Karaniwan nang may makalupang pag-asa ang mga dumadalo sa Memoryal. Pero bakit sila dumadalo? Bakit ba dumadalo ang mga tao sa kasal ng kaibigan nila? Gusto kasi nilang ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta sa ikakasal. Ganiyan din ang ibang mga tupa. Dumadalo sila sa Memoryal para ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta kay Kristo at sa mga pinahiran. Ginagawa rin nila ito para ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa sakripisyo ni Kristo, isang sakripisyo na naging daan para mabuhay sila nang walang hanggan sa lupa. Ang isa pang mahalagang dahilan kung bakit dumadalo sa Memoryal ang ibang mga tupa ay para masunod ang utos ni Jesus. Nang pasimulan ni Jesus ang hapunang ito kasama ang kaniyang tapat na mga apostol, sinabi niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (1 Cor. 11:23-26) Kaya patuloy pa ring dumadalo ang ibang mga tupa sa Hapunan ng Panginoon hangga’t may nabubuhay pang pinahiran dito sa lupa. w21.01 17-18 ¶13-14
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Juan 12:12-19; Marcos 11:1-11
Martes, Abril 12
Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin: Isinugo ng Diyos sa sangkatauhan ang kaniyang kaisa-isang Anak para magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.—1 Juan 4:9.
Ang tunay na pag-ibig ay dapat na may kasamang gawa. (Ihambing ang Santiago 2:17, 26.) Halimbawa, mahal tayo ni Jehova. (1 Juan 4:19) At sinasabi niyang mahal niya tayo sa pamamagitan ng magagandang salitang nakaulat sa Bibliya. (Awit 25:10; Roma 8:38, 39) Pero kumbinsido tayo na mahal tayo ng Diyos hindi lang dahil sa sinasabi niya, kundi dahil din sa ginagawa niya. Pinahintulutan ni Jehova na magdusa at mamatay para sa atin ang kaniyang minamahal na Anak. (Juan 3:16) Magdududa pa ba tayo na mahal na mahal tayo ni Jehova? Mapapatunayan nating mahal natin si Jehova at si Jesus kung susundin natin sila. (Juan 14:15; 1 Juan 5:3) At inutusan tayo ni Jesus na ibigin ang isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Dapat nating ipakita na mahal natin ang ating mga kapatid hindi lang sa salita kundi pati sa gawa.—1 Juan 3:18. w21.01 9 ¶6; 10 ¶8
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Juan 12:20-50
Miyerkules, Abril 13
Tinatawag ko kayong mga kaibigan.—Juan 15:15.
May pag-asang makasama ni Jesus magpakailanman ang mga pinahiran ng banal na espiritu, na maghaharing kasama niya sa Kaharian ng Diyos. Aktuwal nilang makikita, makakausap, at makakasama si Kristo. (Juan 14:2, 3) Ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay makakatanggap din ng pagmamahal at atensiyon mula kay Jesus. Kahit hindi nila makikita si Jesus, patuloy na titibay ang kanilang pakikipagkaibigan sa kaniya habang tinatamasa nila ang buhay na inilaan ni Jehova at ni Jesus para sa kanila. (Isa. 9:6, 7) Kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus na maging kaibigan niya, pagpapalain tayo. Halimbawa, nararamdaman natin ngayon ang pagmamahal at suporta niya. May pag-asa tayong mabuhay magpakailanman. At higit sa lahat, ang pakikipagkaibigan natin kay Jesus ay aakay sa pinakamahalagang kayamanan—ang pakikipagkaibigan sa Ama ni Jesus, si Jehova. Isa ngang napakalaking pribilehiyo na tawaging kaibigan ni Jesus! w20.04 25 ¶15-16
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Lucas 21:1-36
Huwebes, Abril 14
Kay Kristo . . . , ang lahat ay bubuhayin.—1 Cor. 15:22.
Ang liham ni apostol Pablo ay para sa mga pinahirang Kristiyano sa Corinto na bubuhaying muli tungo sa langit. Sila ay “pinabanal at kaisa ni Kristo Jesus, mga tinawag para maging banal.” May binanggit din si Pablo na “mga namatay na kaisa ni Kristo.” (1 Cor. 1:2; 15:18; 2 Cor. 5:17) Sa isa pang liham ni Pablo, sinabi niya na ang mga ‘naging kaisa ni Jesus dahil namatay silang gaya niya’ ay ‘magiging kaisa niya dahil bubuhayin silang muli na gaya niya.’ (Roma 6:3-5) Binuhay si Jesus bilang espiritu at umakyat sa langit. Ganiyan din ang mangyayari sa lahat ng “kaisa ni Kristo,” ang lahat ng pinahiran. Sinabi ni Pablo na si Kristo ay binuhay-muli bilang “unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.” (1 Cor. 15:20) Si Jesus ang kauna-unahang binuhay bilang espiritu at tumanggap ng buhay na walang hanggan. w20.12 5-6 ¶15-16
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Mateo 26:1-5, 14-16; Lucas 22:1-6
ARAW NG MEMORYAL
Pagkalubog ng Araw
Biyernes, Abril 15
Lagi na nating makakasama ang Panginoon.—1 Tes. 4:17.
Ang mga pinahirang namatay ngayon ay agad na bubuhaying muli tungo sa langit. Tiniyak ito ni apostol Pablo sa 1 Corinto 15:51, 52. Kapag binuhay-muli ang mga kapatid na ito ni Kristo, talagang magiging masaya sila. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang gagawin sa langit ng mga babaguhin “sa isang kisap-mata.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang magtatagumpay at patuloy na tutulad sa mga ginawa ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng awtoridad sa mga bansa, gaya ng awtoridad na tinanggap ko mula sa aking Ama, at papastulan niya ang mga bansa gamit ang isang panghampas na bakal para magkadurog-durog sila gaya ng mga sisidlang luwad.”—Apoc. 2:26, 27. w20.12 12 ¶14-15
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Mateo 26:17-19; Marcos 14:12-16; Lucas 22:7-13 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Juan 13:1-5; 14:1-3
Sabado, Abril 16
Binuhay-muli si Kristo.—1 Cor. 15:20.
Nang tawagin ni apostol Pablo si Jesus na “unang bunga,” ipinapahiwatig niya na mayroon pang ibang bubuhaying muli tungo sa langit. Ang mga apostol at ang iba pa na “kaisa ni Kristo” ay susunod kay Jesus. (1 Cor. 15:18) Sa takdang panahon, bubuhayin silang muli tungo sa langit gaya ni Jesus. Hindi pa binubuhay-muli tungo sa langit ang mga “kaisa ni Kristo” noong panahong sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto. Ipinapahiwatig ni Pablo na sa hinaharap pa iyon mangyayari: “Bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.” (1 Cor. 15:23; 1 Tes. 4:15, 16) Nabubuhay tayo ngayon sa inihulang “presensiya” ni Kristo. Oo, kailangang hintayin ng mga namatay na apostol at iba pang mga pinahiran ang presensiyang iyan bago nila tanggapin ang kanilang gantimpala sa langit at ‘maging kaisa ni Jesus dahil bubuhayin silang muli na gaya niya.’—Roma 6:5. w20.12 5 ¶12; 6 ¶16-17
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Juan 19:1-42
Linggo, Abril 17
Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.—1 Cor. 15:42.
Ang tinutukoy ni Pablo ay isang binuhay-muli taglay ang katawang makalangit, ibig sabihin, “espiritung katawan.” (1 Cor. 15:43-44) Noong nasa lupa si Jesus, mayroon siyang katawang laman. Pero nang buhayin siyang muli, siya ay “naging espiritung nagbibigay-buhay” at bumalik sa langit. Ang mga pinahirang Kristiyano rin ay bubuhaying muli bilang espiritu. Ipinaliwanag ni Pablo: “Kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok, magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.” (1 Cor. 15:45-49) Tandaan na si Jesus ay hindi binuhay-muli na may katawang tao. Malinaw na sinabi ni Pablo: “Ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos” sa langit. (1 Cor. 15:50) Ang mga apostol at iba pang pinahiran ay hindi bubuhaying muli tungo sa langit taglay ang nabubulok na katawang may laman at dugo. w20.12 10-11 ¶10-12
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:62-66 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 16) Juan 20:1
Lunes, Abril 18
Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?—1 Cor. 15:55.
Ginabayan ng Diyos ang ilang alagad ni Jesus noong unang siglo para isulat ang tungkol sa makalangit na pag-asa. Ipinaliwanag ni apostol Juan: “Mga anak na tayo ngayon ng Diyos, pero hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ang alam natin ay kapag inihayag na siya, tayo ay magiging tulad niya.” (1 Juan 3:2) Kaya hindi alam ng mga pinahirang Kristiyano kung magiging ano sila kapag binuhay silang muli tungo sa langit taglay ang espiritung katawan. Pero makikita nila si Jehova kapag tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ang Bibliya ay nagbigay ng ilang impormasyon tungkol dito. Makakasama ni Kristo ang mga pinahiran “kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan,” pati na “ang huling kaaway, ang kamatayan.” Sa bandang huli, si Jesus at ang makakasama niyang mga tagapamahala ay magpapasailalim kay Jehova, pati na ang lahat ng bagay. (1 Cor. 15:24-28) Napakaganda nga niyan! w20.12 8 ¶2
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Juan 20:2-18
Martes, Abril 19
Umaasa ako . . . na bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.—Gawa 24:15.
Ang lahat ng tapat na Kristiyano na hindi makakasama ni Kristo sa langit ay may pag-asa din na buhaying muli. Sinasabi ng Bibliya na mararanasan ni apostol Pablo at ng iba pang magtutungo sa langit ang ‘mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.’ (Fil. 3:11) Ipinapahiwatig niyan na may iba pang mangyayaring pagkabuhay-muli. Kaayon iyan ng sinabi ni Job na mangyayari sa kaniya sa hinaharap. (Job 14:15) Ang “mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya” ay kasama na niya sa langit kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Kahit “ang huling kaaway, ang kamatayan” ay mawawala na rin. Ang lahat ng bubuhayin tungo sa langit ay hindi na mamamatay. (1 Cor. 15:23-26) Ang mga may makalupang pag-asa ay makakaasa sa sinabi ni Pablo sa teksto sa araw na ito. Maliwanag na hindi makakaakyat sa langit ang mga di-matuwid, kaya ang tinutukoy ni Pablo ay pagkabuhay-muli sa lupa sa hinaharap. w20.12 6-7 ¶18-19
Miyerkules, Abril 20
[Si Kristo ay] nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.—Gal. 2:20.
Baka maitanong natin, ‘Paano ako makakasigurong hindi ako sinusukuan ni Jehova?’ Kapag naitanong mo iyan, ibig sabihin, mapapatawad ka ni Jehova. Sinabi sa The Watchtower maraming taon na ang nakakaraan: “[Maaaring] masumpungan natin ang ating sarili na natitisod at nabubuwal nang maraming ulit sa isang masamang ugali na nakabaon nang malalim sa ating dating paraan ng pamumuhay kaysa sa natatanto natin. . . . Huwag manghinuha na nakagawa kayo ng di-mapatatawad na pagkakasala. Ganiyan ang ibig ni Satanas na ikatuwiran ninyo. Ang bagay na kayo ay nalungkot at nabalisa ay katunayan sa ganang sarili na hindi naman gayon kalubha ang iyong pagkakasala. Huwag kailanman manghimagod sa mapagpakumbaba at marubdob na pagbaling sa Diyos, anupat hinihingi ang kaniyang pagpapatawad at paglilinis at pagtulong.” Bago maging Kristiyano, si apostol Pablo ay nakagawa ng malulubhang kasalanan. Tandang-tanda niya pa ang mga ginawa niya. (1 Tim. 1:12-15) Pero para sa kaniya, ang pantubos ay regalo ng Diyos sa kaniya. Kaya naiwasan ni Pablo ang sobrang pagkakonsensiya at nagpokus siya sa pagbibigay ng buong makakaya niya para kay Jehova. w20.11 27 ¶14; 29 ¶17
Huwebes, Abril 21
Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta, at ibibigay iyon sa kaniya.—Sant. 1:5.
Maraming ginagamit si Satanas para tuksuhin tayong gumawa ng mali. Ano ang gagawin natin? Napakadaling magdahilan. Halimbawa, baka ikatuwiran natin: ‘Hindi naman ako matitiwalag kapag ginawa ko ito, kaya okey lang.’ Maling-mali ang pangangatuwirang iyan. Dapat nating itanong sa sarili: ‘Ginagamit ba ni Satanas ang tuksong ito para gawing hati ang puso ko? Kapag nagpadala ako sa maling pagnanasa, magbibigay ba ito ng kahihiyan sa pangalan ni Jehova? Kapag ginawa ko ito, mapapalapít ba ako o mapapalayo sa kaniya?’ Pag-isipan ang mga tanong na iyan. Humingi ng karunungan sa Diyos para masagot ang mga tanong na ito nang hindi dinadaya ang sarili. Sa paggawa nito, mapoprotektahan mo ang sarili mo. Tutulong ito sa iyo para maging determinado kang tanggihan ang tukso, gaya ng ginawa ni Jesus nang sabihin niya: “Lumayas ka, Satanas!” (Mat. 4:10) Tandaan, hindi dapat maging hati ang puso natin. w20.06 12-13 ¶16-17
Biyernes, Abril 22
Sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip.—Roma 12:3.
Mapagpakumbaba tayong sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova dahil alam nating siya ang nakakaalam kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Efe. 4:22-24) Kung mapagpakumbaba tayo, uunahin natin ang kalooban ni Jehova at ituturing natin na nakatataas ang iba kaysa sa atin. Bilang resulta, magkakaroon tayo ng mabuting kaugnayan kay Jehova at sa mga kapatid natin. (Fil. 2:3) Pero kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maimpluwensiyahan ng mga taong mapagmataas at makasarili sa sistemang ito ni Satanas. Posibleng naimpluwensiyahan ang ilang Kristiyano noong unang siglo C.E. dahil sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Roma: “Sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip.” Inamin ni Pablo na kailangan din nating pahalagahan ang sarili natin. Pero ang kapakumbabaan ay tutulong sa atin na magkaroon ng balanseng pananaw sa ating sarili at maiwasang mag-isip nang sobra tungkol sa ating sarili. w20.07 2 ¶1-2
Sabado, Abril 23
Mapayapa sa lupain at walang nakikipagdigma sa kaniya.—2 Cro. 14:6.
Hindi rin laging mapayapa noong panahon ni Haring Asa. Dumating mula sa Etiopia ang isang malaking hukbo ng mahigit isang milyong mandirigma. Sigurado ang kumandante nitong si Zera na matatalo nila ang Juda. Pero nagtiwala si Asa sa Diyos niyang si Jehova. Nanalangin si Asa: “Diyos naming Jehova, tulungan mo kami, dahil umaasa kami sa iyo, at lalaban kami sa malaking hukbong ito sa ngalan mo.” (2 Cro. 14:11) Halos doble ang laki ng hukbo ng Etiopia kumpara sa hukbo ni Asa, pero nagtiwala si Asa sa kapangyarihan at kakayahan ni Jehova na iligtas ang bayan Niya. At hindi siya binigo ni Jehova; dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo ang hukbo ng Etiopia. (2 Cro. 14:8-13) Hindi natin alam kung ano ang eksaktong mangyayari sa bawat isa sa atin sa hinaharap, pero alam natin na pansamantala lang ang panahon ng kapayapaan na nararanasan ng mga lingkod ng Diyos. Ang totoo, inihula ni Jesus na sa mga huling araw, ang mga alagad niya ay ‘kapopootan ng lahat ng bansa.’—Mat. 24:9. w20.09 18 ¶14-16
Linggo, Abril 24
Nalulugod ako sa mga . . . insulto.—2 Cor. 12:10.
Ayaw nating iniinsulto tayo. Pero kung magpapaapekto tayo sa pang-iinsulto ng mga kaaway natin, puwede tayong panghinaan ng loob. (Kaw. 24:10) Kaya ano ang dapat nating maging tingin sa pang-iinsulto nila? Gaya ni apostol Pablo, puwede tayong ‘malugod sa mga insulto.’ Bakit? Dahil ang pang-iinsulto at pag-uusig ay tanda ng pagiging tunay na mga alagad ni Jesus. (1 Ped. 4:14) Sinabi ni Jesus na pag-uusigin ang mga tagasunod niya. (Juan 15:18-20) Nangyari iyan sa mga Kristiyano noong unang siglo. Noon, iniisip ng mga taong naimpluwensiyahan ng mga Griego na walang alam at mahina ang mga Kristiyano. At para sa mga Judio, ang mga Kristiyano ay “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan,” gaya nina apostol Pedro at Juan. (Gawa 4:13) Mukhang mahina ang mga Kristiyano; wala silang koneksiyon sa politika o kakayahang makipagdigma, at para sa mga tao, wala silang pakinabang sa komunidad. Napatigil ba ng mga mang-uusig ang mga Kristiyano noon? Hindi. w20.07 14-15 ¶3-4
Lunes, Abril 25
Patuloy nating ibigin ang isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos, at ang bawat isa na umiibig ay anak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.—1 Juan 4:7.
Mahal na mahal ni apostol Juan ang mga kapatid niya, at gusto niyang magkaroon sila ng matibay na pananampalataya. Kitang-kita ito sa mga payong mababasa sa tatlong liham niya. Nakakapagpatibay ngang isipin na ang mga lalaki at babaeng mamamahalang kasama ni Kristo sa langit ay mapagmahal at mapagmalasakit din gaya ni Juan! (1 Juan 2:27) Isapuso sana natin ang mga payong ibinigay niya. Maging determinado sana tayong lumakad sa katotohanan, at lagi nating sundin si Jehova. Pag-aralan natin ang kaniyang Salita, at magtiwala tayo dito. Patibayin ang pananampalataya kay Jesus. Huwag paniwalaan ang mga pilosopiya ng tao, at iwasan ang turo ng mga apostata. Huwag magkaroon ng dobleng pamumuhay, at huwag magpadala sa panggigipit na gumawa ng kasalanan. Mamuhay ayon sa mataas na pamantayan ni Jehova. At tulungan natin ang mga kapatid na manatiling matatag sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin at pagtulong sa mga nangangailangan. Kapag ginawa natin ang mga ito, kahit may mga hamong mapaharap sa atin, patuloy tayong makakalakad sa katotohanan. w20.07 24-25 ¶15-17
Martes, Abril 26
Iniayos ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kagustuhan niya.—1 Cor. 12:18.
Binigyan ni Jehova ng papel sa kongregasyon ang bawat tapat na lingkod niya. Kahit iba-iba ang papel natin, lahat tayo ay mahalaga at kailangan natin ang isa’t isa. Idiniin ni apostol Pablo na walang sinuman sa atin ang puwedeng magsabi sa ibang lingkod ni Jehova: “Hindi kita kailangan.” (1 Cor. 12:21) Para maging payapa ang kongregasyon, kailangan nating magtulungan at pahalagahan ang isa’t isa. (Efe. 4:16) Kung magkakaisa tayo, mararamdaman ng bawat isa na mahalaga sila at titibay ang kongregasyon. Ang lahat ng elder sa kongregasyon ay inatasan ng banal na espiritu ni Jehova. Pero magkakaiba ang kakayahan ng bawat isa. (1 Cor. 12:17) Baka bagong elder lang ang ilan at wala pang masyadong karanasan. Ang iba naman ay baka nalilimitahan ng pagtanda at pagkakasakit. Pero walang sinumang elder ang dapat mag-isip na walang pakinabang ang kapuwa niya elder na para bang sinasabing “Hindi kita kailangan.” Sa halip, dapat sundin ng bawat elder ang payo ni Pablo sa Roma 12:10. w20.08 26 ¶1-2; 27 ¶4
Miyerkules, Abril 27
Ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago.—1 Cor. 7:31.
Ginagabayan tayo ni Jehova sa daang papunta sa buhay sa pamamagitan ng makalupang bahagi ng organisasyon niya. Madali tayong sumunod pagdating sa mga tagubilin ng Bibliya tungkol sa doktrina o moralidad. Pero paano kung ang ginawang pagbabago ng organisasyon ng Diyos ay magkakaroon ng malaking epekto sa buhay natin, gaya ng pagbebenta sa Kingdom Hall na ginagamit natin? Mananatili tayong masaya kung iisipin natin na ang ginagawa natin ay para kay Jehova at na siya ang gumagabay sa organisasyon niya. (Col. 3:23, 24) Magandang halimbawa ang ipinakita ni Haring David nang mag-abuloy siya para itayo ang templo. Sinabi niya: “Sino ako at ang bayan ko para makapagbigay ng kusang-loob na mga handog na gaya nito? Dahil galing sa iyo ang lahat ng bagay, at ibinigay namin sa iyo ang galing sa sarili mong kamay.” (1 Cro. 29:14) Kapag nagbibigay tayo ng donasyon, ibinabalik lang natin kay Jehova ang galing sa kaniya. Pero pinapahalagahan pa rin ni Jehova ang panahon, lakas, at pag-aari na ibinibigay natin para suportahan ang gawain niya.—2 Cor. 9:7. w20.11 22-23 ¶14-16
Huwebes, Abril 28
Hindi mag-aani ang nakatingin sa ulap.—Ecles. 11:4.
Bilang mga Saksi ni Jehova, hindi paramihan ng naaakay sa organisasyon ng Diyos ang masasabing matagumpay. (Luc. 8:11-15) Hangga’t patuloy tayong nangangaral ng mabuting balita at nagtuturo sa iba, matagumpay tayo sa paningin ni Jehova. Bakit? Dahil sinusunod natin siya at ang kaniyang Anak. (Mar. 13:10; Gawa 5:28, 29) May isa pa tayong dahilan para mangaral na ngayon: Napakalapit nang magwakas ang sistemang ito! Kakaunting panahon na lang ang natitira para sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Huwag nang maghintay ng magandang pagkakataon bago makibahagi rito. Kumilos na ngayon! Mahalin ang iyong ginagawa, dagdagan pa ang iyong kaalaman sa Bibliya, lakasan ang iyong loob, at magkaroon ng disiplina sa sarili. Sumama sa mahigit walong milyong mangingisda ng tao, at makakaramdam ka ng kagalakan mula kay Jehova. (Neh. 8:10; Luc. 5:10) Maging determinado na lubusang makibahagi sa pangangaral hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawaing ito. w20.09 7 ¶18-20
Biyernes, Abril 29
Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.—1 Tim. 6:20.
Hindi natin hahayaang mawala ang ating pokus dahil sa materyal na mga bagay. Ang “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan” ay puwedeng makapag-alis ng pag-ibig natin kay Jehova, ng pagpapahalaga natin sa Bibliya, at ng kagustuhan nating ibahagi ang mensahe nito sa iba. (Mat. 13:22) Kung gusto nating maingatan ang ipinagkatiwala sa atin ni Jehova, kailangan nating kumilos agad kapag may panganib. Puwede nating patiunang alamin kung ano ang gagawin natin kapag may biglang lumitaw na imoral o marahas na eksena o impormasyong galing sa apostata habang nag-i-Internet tayo o nanonood ng pelikula o TV. Kung handa tayo sa posibleng mangyari, makakakilos tayo agad para manatiling malinis at maingatan ang kaugnayan natin kay Jehova. (Awit 101:3; 1 Tim. 4:12) Dapat nating ingatan ang mahahalagang bagay na ipinagkatiwala ni Jehova sa atin—mahahalagang katotohanan sa Bibliya at pribilehiyong ituro ito sa iba. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng malinis na konsensiya, makabuluhang buhay, at kasiyahan sa pagtulong sa iba na makilala si Jehova. w20.09 30 ¶16-19
Sabado, Abril 30
Makikita ng iyong mga mata ang iyong Dakilang Tagapagturo.—Isa. 30:20.
Nabautismuhan ka na ba? Kung oo, ipinapakita nito na nananampalataya ka kay Jehova at gusto mong maglingkod kasama ng organisasyon niya. Makikita natin sa paraan ng pangunguna ni Jehova sa organisasyon niya ngayon ang kaniyang mga katangian, layunin, at pamantayan. Tingnan ang tatlong katangian ni Jehova na makikita sa organisasyon niya. Una, “hindi nagtatangi ang Diyos.” (Gawa 10:34) Dahil sa pag-ibig, ibinigay ni Jehova ang Anak niya “bilang pantubos para sa lahat.” (1 Tim. 2:6; Juan 3:16) Ginagamit ni Jehova ang mga lingkod niya para ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng makikinig. Sa ganitong paraan, natutulungan niya ang marami na makinabang sa pantubos. Ikalawa, si Jehova ay Diyos ng kaayusan at kapayapaan. (1 Cor. 14:33, 40) Kaya inaasahan na ang mga mananamba niya ay nagkakaisa at organisadong naglilingkod sa kaniya. Ikatlo, si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:21) Kaya nakapokus ang organisasyon niya sa pagtuturo ng kaniyang Salita, sa kongregasyon man o sa ministeryo. w20.10 20 ¶1-3