Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es22 p. 47-57
  • Mayo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
  • Subtitulo
  • Linggo, Mayo 1
  • Lunes, Mayo 2
  • Martes, Mayo 3
  • Miyerkules, Mayo 4
  • Huwebes, Mayo 5
  • Biyernes, Mayo 6
  • Sabado, Mayo 7
  • Linggo, Mayo 8
  • Lunes, Mayo 9
  • Martes, Mayo 10
  • Miyerkules, Mayo 11
  • Huwebes, Mayo 12
  • Biyernes, Mayo 13
  • Sabado, Mayo 14
  • Linggo, Mayo 15
  • Lunes, Mayo 16
  • Martes, Mayo 17
  • Miyerkules, Mayo 18
  • Huwebes, Mayo 19
  • Biyernes, Mayo 20
  • Sabado, Mayo 21
  • Linggo, Mayo 22
  • Lunes, Mayo 23
  • Martes, Mayo 24
  • Miyerkules, Mayo 25
  • Huwebes, Mayo 26
  • Biyernes, Mayo 27
  • Sabado, Mayo 28
  • Linggo, Mayo 29
  • Lunes, Mayo 30
  • Martes, Mayo 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
es22 p. 47-57

Mayo

Linggo, Mayo 1

Patuloy siyang naging masunurin sa kanila.​—Luc. 2:51.

Noong bata pa si Jesus, pinili na niyang magpasakop sa kaniyang mga magulang. Hindi niya binale-wala ang pagtuturo ng mga magulang niya, na nangangatuwirang mas marunong siya kaysa sa kanila. Tiyak na binalikat niya ang pananagutan bilang panganay. Siguradong nagsikap siyang matutuhan ang trabaho ng kaniyang ama-amahan para makasuporta sa pamilya nila. Malamang na sinabi ng mga magulang ni Jesus sa kaniya ang tungkol sa makahimalang pagsisilang sa kaniya at kung ano ang sinabi ng mga mensahero ng Diyos tungkol sa kaniya. (Luc. 2:8-19, 25-38) Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang mga sinabi tungkol sa kaniya, pinag-aralan din niya mismo ang Kasulatan. Paano natin nalaman na si Jesus ay isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos? Kasi noong bata pa siya, ang mga guro sa Jerusalem ay “hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot.” (Luc. 2:46, 47) At 12 anyos pa lang si Jesus, napatunayan na niya sa kaniyang sarili na si Jehova ang kaniyang Ama.​—Luc. 2:42, 43, 49. w20.10 29-30 ¶13-14

Lunes, Mayo 2

Binuhay-muli si Kristo.​—1 Cor. 15:12.

Naniniwala tayo na binuhay-muli si Jesus. Sa unang binanggit ni apostol Pablo tungkol sa pagkabuhay-muli, may sinabi siyang tatlong katotohanan: (1) “Si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan.” (2) “Inilibing siya.” (3) “Binuhay siyang muli nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan.” (1 Cor. 15:3, 4) Ano ang ibig sabihin para sa atin ng kamatayan, libing, at pagkabuhay-muli ni Jesus? Inihula ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay ‘aalisin sa lupain ng mga buháy’ at ‘bibigyan ng libingan kasama ng masasama.’ Pero hindi lang iyan. Sinabi pa niya na dadalhin ng Mesiyas ang “kasalanan ng maraming tao.” Ginawa ito ni Jesus nang ilaan niya ang pantubos. (Isa. 53:8, 9, 12; Mat. 20:28; Roma 5:8) Kaya ang kamatayan, libing, at pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng matibay na saligan para umasang makakalaya tayo sa kasalanan at kamatayan at makakapiling nating muli ang mga namatay nating mahal sa buhay. w20.12 2-3 ¶4-6; 5 ¶11

Martes, Mayo 3

Ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman. Kaya kung may nag-iisip na may dahilan siya para magtiwala sa laman, mas marami akong dahilan.​—Fil. 3:4.

Madalas mangaral si apostol Pablo sa mga sinagoga ng mga Judio. Halimbawa, sa sinagoga sa Tesalonica, “tatlong magkakasunod na sabbath siyang nangatuwiran sa [mga Judio] mula sa Kasulatan.” (Gawa 17:1, 2) Komportable siya sa sinagoga kasi pinalaki siyang Judio. (Gawa 26:4, 5) Nauunawaan niya ang mga Judio, kaya napangaralan niya sila nang may kumpiyansa. (Fil. 3:5) Dahil sa pag-uusig, napilitan si Pablo na umalis sa Tesalonica at sa Berea, kaya nagpunta siya sa Atenas. Muli, “pumunta siya sa sinagoga at nakipagkatuwiranan doon sa mga Judio at sa iba pa na sumasamba sa Diyos.” (Gawa 17:17) Pero nang mangaral si Pablo sa pamilihan, iba na ang mga tagapakinig niya—kasama na rito ang mga pilosopo at iba pang Gentil. Para sa mga ito, ang mensahe ni Pablo ay isang ‘bagong turo.’ Sinabi nila sa kaniya: “Bago sa pandinig namin ang mga sinasabi mo.”​—Gawa 17:18-20. w20.04 9 ¶5-6

Miyerkules, Mayo 4

Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.​—Roma 7:21.

Huwag mong sisihin ang sarili mo kung may pinaglalabanan kang kahinaan. Tandaan na hindi tayo magiging matuwid sa harap ng Diyos kung sa sarili lang nating pagsisikap. Kailangan natin ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ng pantubos. (Efe. 1:7; 1 Juan 4:10) Puwede tayong lumapit sa ating mga kapatid—ang ating espirituwal na pamilya—para patibayin tayo. Puwede silang makinig sa atin kapag kailangan natin ng kausap at makapagsabi ng makakapagpasaya sa atin. (Kaw. 12:25; 1 Tes. 5:14) Sinabi ni Joy, isang sister sa Nigeria na dumanas ng pagkasira ng loob: “Paano na ako kung wala ang mga kapatid? Sila ang sagot ni Jehova sa mga panalangin ko. Natutuhan ko pa nga sa kanila kung paano papatibayin ang ibang pinanghihinaan din ng loob.” Pero tandaan na hindi laging alam ng mga kapatid kung kailan tayo nangangailangan ng pampatibay. Baka kailangang tayo mismo ang lumapit sa isang may-gulang na kapatid at sabihin sa kaniya na kailangan natin ng tulong. w20.12 23-24 ¶7-8

Huwebes, Mayo 5

Tinatawag ko kayong mga kaibigan.​—Juan 15:15.

Karaniwan nang para maging matalik mong kaibigan ang isang tao, kailangan mo muna siyang makasama. Habang pinag-uusapan ninyo ang iniisip at nararamdaman ng isa’t isa, nagiging magkaibigan kayo. Pero mahirap para sa atin na maging matalik na kaibigan si Jesus. Una, hindi natin aktuwal na nakita si Jesus. Marami ring Kristiyano noong unang siglo na hindi aktuwal na nakita si Jesus. Pero sinabi ni apostol Pedro: “Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon, nananampalataya kayo sa kaniya.” (1 Ped. 1:8) Kaya posible pa rin nating maging matalik na kaibigan si Jesus kahit hindi natin siya personal na nakita. Hindi rin natin nakakausap si Jesus. Kapag nananalangin tayo, nakikipag-usap tayo kay Jehova. Nananalangin tayo sa pangalan ni Jesus, pero hindi siya ang kinakausap natin. Ang totoo, ayaw ni Jesus na sa kaniya tayo manalangin. Bakit? Dahil ang pananalangin ay isang anyo ng pagsamba, at si Jehova lang ang dapat sambahin. (Mat. 4:10) Pero maipapakita pa rin nating mahal natin si Jesus. w20.04 20 ¶1-3

Biyernes, Mayo 6

Patatatagin . . . kayo [ng Diyos], palalakasin niya kayo.​—1 Ped. 5:10.

Sa mga palarong Griego, may mga hamong napapaharap sa mga mananakbo, gaya ng pagod at pananakit ng katawan. At wala silang ibang aasahan kundi ang naging pagsasanay sa kanila at ang sarili nilang lakas. Gaya nila, sinasanay rin tayo para sa takbuhan natin. Pero may lamáng tayo sa literal na mga mananakbo. May mapagkukunan tayo ng lakas, si Jehova. Walang limitasyon ang kapangyarihan niya. Kung magtitiwala tayo kay Jehova, ipinapangako niyang sasanayin niya tayo at palalakasin! Maraming hamon ang napaharap kay apostol Pablo. Ininsulto siya at pinag-usig. Minsan, pakiramdam niya, mahina siya. Kinailangan niya ring harapin ang “isang tinik sa laman.” (2 Cor. 12:7) Pero sa halip na sumuko, inisip niya na magandang pagkakataon ang mga iyon para magtiwala kay Jehova. (2 Cor. 12:9, 10) Dahil ganito ang naging pananaw ni Pablo, tinulungan siya ni Jehova sa lahat ng naranasan niyang pagsubok. w20.04 29 ¶13-14

Sabado, Mayo 7

Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama.​—Juan 6:44.

Isang di-nakikitang kayamanan ang pagiging “kamanggagawa” ni Jehova at ng makalangit na bahagi ng organisasyon niya. (2 Cor. 6:1) Gumagawa tayong kasama nila sa tuwing nasa ministeryo tayo. Sinabi ni Pablo na siya at ang mga nakikibahagi rito ay “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo, nagiging kamanggagawa rin tayo ni Jesus. Tandaan na pagkatapos iutos ni Jesus sa mga tagasunod niya na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa,” sinabi niya: “Makakasama ninyo ako.” (Mat. 28:19, 20) Kumusta naman ang mga anghel? Nagpapasalamat tayo dahil ginagabayan tayo ng mga anghel habang sinasabi natin ang “walang-hanggang mabuting balita . . . sa mga nakatira sa lupa.” (Apoc. 14:6) Ano ang naisasagawa natin dahil sa tulong mula sa langit? Habang inihahasik natin ang mensahe ng Kaharian, may binhi na napupunta sa matabang lupa at namumunga. (Mat. 13:18, 23) Sino ang dahilan kung bakit namumunga ang mga iyon? Ipinapaliwanag iyan ni Jesus sa teksto sa araw na ito. w20.05 30 ¶14-15

Linggo, Mayo 8

Huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito.​—Roma 12:2.

Milyon-milyong pamilya ang nagkakawatak-watak dahil sa diborsiyo. Kahit magkakasama sa bahay ang mga pamilya, hindi pa rin sila malapít sa isa’t isa. “Ang nanay, tatay, at mga anak ay walang panahon sa isa’t isa, pero may panahon sila sa computer, tablet, smartphone, o video game,” ang sabi ng isang family counselor. “Kahit nasa iisang bubong ang mga pamilyang ito, hindi pa rin nila gaanong kilala ang isa’t isa.” Ayaw nating magpahubog sa mundong ito na walang pag-ibig. Sa halip, dapat nating ipakita ang magiliw na pagmamahal, hindi lang sa ating mga kapamilya, kundi pati na sa ating mga kapananampalataya. (Roma 12:10) Ano ang magiliw na pagmamahal? Ito ay isang termino na tumutukoy sa malapít na kaugnayan ng magkakapamilya. Ganiyang pagmamahal ang dapat nating ipakita sa ating espirituwal na pamilya—ang ating mga kapatid sa kongregasyon. Kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal, nakakatulong tayong mapanatili ang pagkakaisa, na isang napakahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.​—Mik. 2:12. w21.01 20 ¶1-2

Lunes, Mayo 9

Pagkaisahin mo ang puso ko na matakot sa pangalan mo.​—Awit 86:11, tlb.

Malaki ang tsansa na manalo ng isang sports team na nagkakaisa kaysa sa isa na hindi nagkakaisa. Ang puso mo ay maihahalintulad sa team na nagkakaisa kung ang iyong kaisipan, kagustuhan, at emosyon ay nagkakaisa at kaayon ng mga pamantayan ni Jehova. Tandaan, gustong-gusto ni Satanas na maging hati ang puso mo. Gusto niya na ang kaisipan mo, kagustuhan, at emosyon ay maging salungat sa mga pamantayan ni Jehova. Pero kailangang buo ang puso mo para mapaglingkuran si Jehova. (Mat. 22:36-38) Huwag na huwag mong hahayaan si Satanas na gawing hati ang puso mo! Gaya ng ginawa ni David, manalangin kay Jehova: “Tulungan mo akong matakot sa pangalan mo nang buong puso.” Gawin ang buong makakaya mo na maisabuhay ang panalanging ito. Sa araw-araw, ipakita sa mga desisyon mo, maliit man o malaki, na mayroon kang matinding paggalang sa banal na pangalan ni Jehova. Sa paggawa nito, magiging karapat-dapat tayo sa pagdadala ng pangalang iyan bilang Saksi ni Jehova. (Kaw. 27:11) At masasabi nating lahat ang sinabi ni propeta Mikas: “Tayo ay susunod kay Jehova na ating Diyos magpakailanman.”​—Mik. 4:5. w20.06 13 ¶17-18

Martes, Mayo 10

Galit na galit siyang manlilipol at marami siyang pupuksain.​—Dan. 11:44.

Dahil sa pag-atakeng ito ng hari ng hilaga at ng iba pang gobyerno ng tao, magagalit ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at magsisimula ang digmaan ng Armagedon. (Apoc. 16:14, 16) Sa panahong iyon, mapupuksa ang hari ng hilaga, kasama ang lahat ng bansang kabilang sa Gog ng Magog, at “walang tutulong sa kaniya.” (Dan. 11:45) Ang sumunod na talata sa ulat ni Daniel ay magbibigay sa atin ng higit pang impormasyon kung paano mapupuksa ang hari ng hilaga at ang mga kaalyado nito at kung paano tayo maliligtas. (Dan. 12:1) Ano ang ibig sabihin ng talatang ito? Miguel ang isa pang tawag sa Hari natin, si Kristo Jesus. “Nakatayo” na siya alang-alang sa bayan ng Diyos mula pa noong 1914 nang maging Hari siya ng Kaharian ng Diyos sa langit. Di-magtatagal, “tatayo” siya, o kikilos, para puksain ang mga kaaway niya sa Armagedon. Ang digmaang iyon ang huling pangyayari sa tinatawag ni Daniel na pinakamatinding “panahon ng kapighatian” sa kasaysayan.​—Apoc. 6:2; 7:14. w20.05 15-16 ¶15-17

Miyerkules, Mayo 11

Si Jose ay dinala . . . sa Ehipto.​—Gen. 39:1.

Nang maging alipin si Jose at pagkaraan ay nabilanggo, wala siyang magagawa para baguhin ang sitwasyon niya. Ano ang nakatulong sa kaniya na maging positibo? Imbes na magpokus sa mga bagay na hindi niya magawa, ibinuhos niya ang lakas niya sa trabahong ibinigay sa kaniya. Lagi niyang inuuna si Jehova sa buhay niya. Kaya naman pinagpala ni Jehova ang lahat ng ginagawa ni Jose. (Gen. 39:21-23) Ipinapaalala nito sa atin na malupit ang mundong ito at daranas tayo ng kawalang-katarungan. Baka masaktan pa nga tayo ng isang kapatid. Pero kung ituturing natin si Jehova bilang ating Bato, o Kanlungan, hindi tayo masisiraan ng loob o hihinto sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 62:6, 7; 1 Ped. 5:10) Tandaan din na baka mga 17 anyos si Jose nang magkaroon siya ng mga panaginip mula kay Jehova. Kitang-kitang nagtitiwala si Jehova sa mga kabataang lingkod niya. Sa ngayon, maraming kabataan ang gaya ni Jose. Matibay din ang pananampalataya nila kay Jehova. Nabilanggo pa nga ang ilan sa kanila dahil nananatili silang tapat sa Diyos.​—Awit 110:3. w20.12 16 ¶3; 17 ¶5, 7

Huwebes, Mayo 12

Ipinatawag nila ang mga apostol, pinagpapalo ang mga ito, inutusang huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus.​—Gawa 5:40.

Para kina apostol Pedro at Juan, isang karangalan na pag-usigin dahil sa pagsunod kay Jesus at sa pagtuturo tungkol sa kaniya. (Gawa 4:18-21; 5:27-29, 41, 42) Walang dapat ikahiya ang mga alagad. Ang totoo, mas marami pang nagawang mabuti sa iba ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon kaysa sa mga mang-uusig nila. Halimbawa, ang mga aklat sa Bibliya na isinulat ng ilang Kristiyano noon ay nakakatulong pa rin at nagbibigay ng pag-asa sa milyon-milyong tao hanggang ngayon. At ang Kaharian na ipinapangaral nila ay namamahala na ngayon sa langit at malapit nang mamahala sa buong lupa. (Mat. 24:14) Sa kabaligtaran, ang makapangyarihang gobyernong nang-usig sa kanila ay bahagi na lang ng kasaysayan. Pero ang tapat na mga alagad na iyon ay mga hari na ngayon sa langit. Isa pa, patay na ang mga mang-uusig, at kung buhayin man sila, magiging sakop sila ng Kaharian na ipinangaral ng mga Kristiyanong kinapootan nila.​—Apoc. 5:10. w20.07 15 ¶4

Biyernes, Mayo 13

Hinihintay [ni Abraham] ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang nagdisenyo at gumawa ay ang Diyos.​—Heb. 11:10.

Napakatibay ng pananampalataya ni Abraham sa mga pangako ng Diyos na para bang nakikita na niya ang Pinahiran, o Mesiyas, na magiging Hari sa Kaharian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung kaya sinabi ni Jesus sa mga Judio noong panahon niya: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.” (Juan 8:56) Maliwanag na alam ni Abraham na ang ilang inapo niya ay magiging bahagi ng Kaharian na itatatag ni Jehova, at handa niyang hintayin ang katuparan ng pangakong iyan ng Diyos. Paano ipinakita ni Abraham na hinihintay niya noon ang lunsod, o Kaharian, na itatatag ng Diyos? Una, hindi naging bahagi si Abraham ng anumang kaharian sa lupa. Nagpalipat-lipat siya ng lugar, at hindi siya sumuporta sa sinumang hari sa lupa. Hindi niya rin sinubukang magtatag ng sarili niyang kaharian. Sa halip, patuloy niyang sinunod si Jehova at hinintay ang katuparan ng pangako Niya. Sa paggawa nito, ipinakita ni Abraham na napakatibay ng pananampalataya niya kay Jehova. w20.08 3 ¶4-5

Sabado, Mayo 14

Ang taong namatay ay napawalang-sala na.​—Roma 6:7.

Nangako si Jehova na sa Paraiso, walang magsasabi: “May sakit ako.” (Isa. 33:24) Kaya ang mga bubuhaying muli ay magkakaroon ng malusog na katawan. Pero hindi agad sila magiging perpekto. Dahil kung perpekto na sila, baka hindi sila makilala ng mga mahal nila sa buhay. Lumilitaw na ang lahat ng tao ay unti-unting magiging perpekto sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo. Pagkatapos ng isang libong taon, ibabalik ni Jesus sa kaniyang Ama ang Kaharian. Sa panahong ito, tapós na ang gawain ng Kaharian, kasama na ang layunin ni Jehova na gawing perpekto ang mga tao. (1 Cor. 15:24-28; Apoc. 20:1-3) Isipin ang mararamdaman mo kapag nakita mo ulit ang iyong mga mahal sa buhay. Mapapatalon ka ba sa tuwa o maiiyak? Mapapaawit ka ba para kay Jehova? Isang bagay ang sigurado, lalo mong iibigin ang iyong mapagmahal na Ama at ang kaniyang mapagsakripisyong Anak dahil sa napakagandang regalong ito na pagkabuhay-muli. w20.08 16-17 ¶9-10

Linggo, Mayo 15

Ang bawat isa ay may sariling kaloob mula sa Diyos, sa isa ay ganito, sa iba naman ay ganoon.​—1 Cor. 7:7.

Pinatibay ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na pag-isipan kung puwedeng huwag na silang mag-asawa. (1 Cor. 7:8, 9) Maliwanag na hindi mababa ang tingin ni Pablo sa mga Kristiyanong walang asawa. Ang totoo, pinili niya ang binatang si Timoteo para gumanap ng mabibigat na atas. (Fil. 2:19-22) Kaya ang kuwalipikasyon ng isang brother ay maling ibase lang sa pagiging may asawa niya o wala. (1 Cor. 7:32-35, 38) Hindi itinuro ni Jesus o ni Pablo na dapat mag-asawa o manatiling walang asawa ang isang Kristiyano. Kaya ano ang masasabi natin tungkol sa pag-aasawa at sa pagiging walang asawa? Maganda ang sagot dito ng Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2012: “Ang totoo, [ang pag-aasawa at pagiging walang asawa ay] parehong regalo . . . mula sa Diyos. . . . Ang pagiging walang asawa . . . ay hindi itinuturing ni Jehova na sanhi ng pighati at kahihiyan.” Kaya naman dapat nating pahalagahan ang mga kakongregasyon nating walang asawa. w20.08 28 ¶8-9

Lunes, Mayo 16

Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, . . . kundi ang Ama lang.​—Mat. 24:36.

Sa ilang bansa, sabik na sabik ang mga taong marinig ang mabuting balita. Iyon talaga ang pinakahihintay nila! Sa ibang bansa naman, walang kainte-interes ang mga tao sa Diyos o sa Bibliya. Kumusta naman ang mga tao sa lugar ninyo? Anuman ang reaksiyon ng mga tao, inaasahan ni Jehova na patuloy tayong mangangaral hanggang sa sabihin niyang tapos na ito. Sa itinakdang panahon ni Jehova, matatapos ang pangangaral at “darating ang wakas.” (Mat. 24:14) Inihula ni Jesus ang mga pangyayari at sitwasyon na magiging bahagi ng tanda ng mga huling araw at magiging dahilan para mawala ang pokus ng kaniyang mga tagasunod sa gawaing pangangaral. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na “patuloy [silang] magbantay.” (Mat. 24:42) Noong panahon ni Noe, maraming bagay na naging dahilan para hindi magbigay-pansin ang mga tao sa babala ni Noe. Ang mga bagay ding iyon ay puwedeng mag-alis ng ating pokus sa pangangaral. (Mat. 24:37-39; 2 Ped. 2:5) Kaya gusto nating manatiling nakapokus sa gawaing ibinigay ni Jehova sa atin. w20.09 8 ¶1-2, 4

Martes, Mayo 17

Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.​—2 Tim. 3:12.

“Galit na galit” si Satanas, at dinadaya lang natin ang ating sarili kung iniisip nating matatakasan natin ang galit niya. (Apoc. 12:12) Malapit nang masubok ang pananampalataya ng bawat isa sa atin. Mararanasan ng mga tao ang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon.” (Mat. 24:21) Sa panahong iyan, baka talikuran tayo ng mga kapamilya natin at baka ipagbawal ang ating gawain. (Mat. 10:35, 36) Tutularan ba natin si Haring Asa, na nagtiwalang tutulungan at poprotektahan siya ni Jehova? (2 Cro. 14:11) Ngayon pa lang, pinapatibay na tayo ni Jehova para maging handa tayo sa mga mangyayari sa hinaharap. Ginagabayan niya ang “tapat at matalinong alipin” para maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” na tutulong sa atin na manatiling matatag. (Mat. 24:45) Pero dapat pa rin nating gawin ang buong makakaya natin para mapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova.​—Heb. 10:38, 39. w20.09 18-19 ¶16-18

Miyerkules, Mayo 18

Ang puso ng hari ay gaya ng dumadaloy na tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling Niya iyon saanman Niya gustuhin.​—Kaw. 21:1.

Kung naaayon sa layunin ni Jehova, puwede niyang gamitin ang kaniyang makapangyarihang banal na espiritu para gawin ng mga nasa awtoridad ang kalooban niya. Puwedeng maghukay ang mga tao ng kanal para mabago ang daloy ng tubig papunta sa direksiyong gusto nila. Sa katulad na paraan, puwedeng gamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para mabago ang isip ng mga tagapamahala at gawin nila ang kalooban niya. Kapag nangyari iyan, ang mga nasa awtoridad ay makakagawa ng desisyong pabor sa bayan ng Diyos. (Ihambing ang Ezra 7:21, 25, 26.) Ano ang puwede nating gawin? Puwede nating ipanalangin ‘ang mga hari at ang lahat ng nasa awtoridad’ na gagawa ng mga desisyong makakaapekto sa ating buhay at ministeryong Kristiyano. (1 Tim. 2:1, 2, tlb.; Neh. 1:11) Gaya ng ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano, puwede rin nating marubdob na ipanalangin ang mga kapatid nating nakabilanggo.​—Gawa 12:5; Heb. 13:3. w20.11 15 ¶13-14

Huwebes, Mayo 19

Gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila.​—Mat. 28:19.

Kung makita mong nabautismuhan ang isang Bible study, siguradong napakasaya mo. Lalo na kung ikaw ang nag-Bible study sa kaniya! (1 Tes. 2:19, 20) Ang bagong bautisadong mga alagad ay “mga liham ng rekomendasyon” hindi lang sa mga nagturo sa kanila kundi pati na rin sa buong kongregasyon. (2 Cor. 3:1-3) Nakakatuwang makita na sa apat na taon, sa average, mga 10,000,000 Bible study sa buong mundo ang inirereport buwan-buwan. At nang mga taon ding iyon, sa average, mahigit 280,000 ang nababautismuhan taon-taon bilang mga Saksi ni Jehova at mga bagong alagad ni Jesu-Kristo. Paano natin matutulungang magpabautismo ang iba pa sa milyon-milyong Bible study? Hangga’t binibigyan pa ni Jehova ng panahon at pagkakataon ang mga tao na maging mga alagad ni Kristo, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para matulungan silang sumulong agad at magpabautismo. Napakaikli na ng panahon!—1 Cor. 7:29a; 1 Ped. 4:7. w20.10 6 ¶1-2

Biyernes, Mayo 20

Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.​—Sant. 4:6.

Sinuway ni Haring Saul si Jehova. At nang komprontahin siya ni propeta Samuel, hindi tinanggap ni Saul na nagkamali siya. Ikinatuwiran niyang maliit na bagay lang iyon at ipinasa ang sisi sa iba. (1 Sam. 15:13-24) May nagawa na ring ganiyan si Saul noon. (1 Sam. 13:10-14) Nakakalungkot, hinayaan niyang maging mapagmataas siya. Hindi niya itinuwid ang pag-iisip niya, kaya sinaway siya ni Jehova at itinakwil. Ayaw nating maging gaya ni Saul, kaya tanungin ang sarili: ‘Kapag nakakabasa ako ng payo mula sa Salita ng Diyos, nangangatuwiran ba akong hindi para sa akin ito? Iniisip ko bang hindi naman talaga masama ang ginagawa ko? Isinisisi ko ba sa iba ang mga ginagawa ko?’ Kung oo ang sagot natin sa isa sa mga tanong na iyan, dapat nating baguhin ang ating pag-iisip at ugali. Kung hindi, puwede tayong maging napakamapagmataas at itatakwil tayo ni Jehova bilang kaibigan niya. w20.11 20 ¶4-5

Sabado, Mayo 21

Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang habang kabataan ka pa, bago dumating ang panahon na punô ng problema at ang mga taon kung kailan sasabihin mo: “Hindi ako masaya sa buhay ko.”​—Ecles. 12:1.

Mga kabataan, magdesisyon kung sino ang paglilingkuran ninyo. Kailangan ninyong patunayan sa inyong sarili kung sino si Jehova, kung ano ang layunin niya, at kung paano ninyo magagawa ang kalooban niya. (Roma 12:2) Sa gayon, makakagawa kayo ng pinakamahalagang desisyon sa buhay ninyo—ang paglingkuran si Jehova. (Jos. 24:15) Kung regular kayong magbabasa at mag-aaral ng Bibliya, lalo ninyong mamahalin si Jehova at lalong titibay ang inyong pananampalataya sa kaniya. Magdesisyong unahin ang kalooban ni Jehova sa inyong buhay. Nangangako ang sanlibutan ni Satanas na kung gagamitin ninyo ang mga kakayahan ninyo para sa inyong kapakinabangan, magiging masaya kayo. Pero ang totoo, ang mga nagpopokus sa materyal na mga bagay ay ‘daranas ng maraming kirot.’ (1 Tim. 6:9, 10) Kung makikinig kayo kay Jehova at magdedesisyong unahin ang kalooban niya, ‘magiging marunong kayo sa mga gagawin ninyo’ at magiging masaya ang buhay ninyo.​—Jos. 1:8. w20.10 30-31 ¶17-18

Linggo, Mayo 22

Dapat [kong] ihayag . . . ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.​—Luc. 4:43.

Noong unang siglo, ang mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nagbigay ng pag-asa sa lahat. Iniutos niya sa mga tagasunod niya na ipagpatuloy ang gawaing sinimulan niya—magpatotoo “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Siyempre, hindi nila ito magagawa sa sarili nilang lakas. Kailangan nila ng banal na espiritu—ang “katulong” na ipinangako sa kanila ni Jesus. (Juan 14:26; Zac. 4:6) Ang mga tagasunod ni Jesus ay tumanggap ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Sa tulong nito, agad silang nakapangaral, at di-nagtagal, libo-libo ang tumanggap sa mabuting balita. (Gawa 2:41; 4:4) Nang pag-usigin ang mga alagad, hindi sila nagpadala sa takot kundi umasa sa tulong ng Diyos. Nanalangin sila kay Jehova: “Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.” Pagkatapos, napuspos sila ng banal na espiritu at patuloy nilang ‘inihayag nang walang takot ang salita ng Diyos.’—Gawa 4:18-20, 29, 31. w20.10 21 ¶4-5

Lunes, Mayo 23

Si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan; at . . . binuhay siyang muli.​—1 Cor. 15:3, 4. 

Bakit tayo nakakatiyak na binuhay-muli ni Jehova si Jesus? Maraming nakasaksi ang nagpatunay na binuhay-muli si Jesus. (1 Cor. 15:5-7) Ang unang tinukoy ni apostol Pablo ay si apostol Pedro (Cefas). Sinabi rin ng isang grupo ng mga alagad na nakita ni Pedro ang binuhay-muling si Jesus. (Luc. 24:33, 34) Nakita rin ng “12 apostol” si Jesus matapos siyang buhayin. Pagkatapos, “nagpakita [si Kristo] sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon,” posibleng sa masayang pagtitipon sa Galilea na binanggit sa Mateo 28:16-20. “Nagpakita rin [si Jesus] kay Santiago,” malamang na kapatid sa ina ni Jesus, na dating hindi naniniwala na si Jesus ang Mesiyas. (Juan 7:5) Pero nang makita niya ang binuhay-muling si Jesus, naniwala na siya. Kapansin-pansin, noong mga 55 C.E., nang isulat ni Pablo ang liham na ito, marami sa mga nakakita kay Jesus matapos siyang buhaying muli ang buháy pa. Kaya puwedeng magtanong sa kanila ang sinumang nagdududa na binuhay-muli si Jesus. w20.12 3 ¶5, 7-8

Martes, Mayo 24

Aalalayan siya ni Jehova sa banig ng karamdaman.​—Awit 41:3.

Kapag masama ang pakiramdam natin, at lalo na kapag matagal na tayong may sakit, baka hindi na tayo maging positibo. Kaya humingi ng tulong kay Jehova. Hindi tayo makahimalang pinapagaling ni Jehova sa ngayon, pero pinapayapa niya ang kalooban natin at pinapalakas niya tayo para makapagtiis. (Awit 94:19) Halimbawa, baka pakilusin niya ang mga kapatid na tulungan tayo sa mga gawaing-bahay. Baka pakilusin niya ang mga kapatid na manalanging kasama natin. O baka ipaalala niya sa atin ang mga mensahe sa Bibliya, gaya ng magandang pag-asa tungkol sa isang perpektong buhay na wala nang sakit at kirot sa darating na bagong sanlibutan. (Roma 15:4) Baka nalilimitahan na ang nagagawa natin sa ministeryo. Ang sister na si Laurel ay 37 taóng nasa iron lung. Mayroon siyang kanser at malubhang sakit sa balat at sumailalim sa maseselang operasyon. Pero hindi siya napatigil ng mga ito. Nagpatotoo siya sa mga nurse at iba pang nagtatrabaho sa ospital na pumupunta sa bahay nila. Mga 17 tao ang natulungan niyang matuto tungkol kay Jehova! w20.12 24 ¶9; 25 ¶12

Miyerkules, Mayo 25

Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?​—Awit 118:6.

Nangailangan si apostol Pablo ng tulong. Noong mga 56 C.E., kinaladkad siya ng mga tao palabas ng templo sa Jerusalem at pinagtangkaang patayin. Kinabukasan, nang dalhin si Pablo sa Sanedrin, muntik na siyang mapatay ng mga kaaway niya. (Gawa 21:30-32; 22:30; 23:6-10) Noong panahong iyon, baka naisip ni Pablo, ‘Hanggang kailan ko kaya ito makakayanan?’ Anong tulong ang natanggap ni Pablo? Nang sumunod na gabi, matapos arestuhin si Pablo, tumayo sa tabi niya si Jesus, ang “Panginoon,” at nagsabi: “Lakasan mo ang loob mo! Dahil kung paanong lubusan kang nagpapatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.” (Gawa 23:11) Siguradong napatibay si Pablo! Kinomendahan ni Jesus si Pablo dahil nagpatotoo ito sa Jerusalem. At nangako siyang ligtas na makakarating si Pablo sa Roma, kung saan magpapatotoo din ito. Dahil sa pangakong iyon, siguradong napanatag si Pablo gaya ng isang batang yakap ng kaniyang ama. w20.11 12 ¶1, 3; 13 ¶4

Huwebes, Mayo 26

Ang pag-asa nating ito ay . . .  tiyak at matatag.​—Heb. 6:19.

Ang pag-asa ng Kaharian ay nagsisilbing “angkla ng buhay natin,” at pinapatatag tayo nito kahit may mga problema o nag-aalala tayo. Isaisip ang pangako ni Jehova na sa hinaharap, hindi ka na mag-aalala. (Isa. 65:17) Isiping naroon ka na sa mapayapang bagong sanlibutan na wala nang problema. (Mik. 4:4) Mapapatibay din ang iyong pag-asa kapag sinasabi mo ito sa iba. Gawin ang lahat ng makakaya mo sa pangangaral at paggawa ng alagad. Kung gagawin mo iyan, ‘magiging tiyak ang pag-asa mo hanggang sa wakas.’ (Heb. 6:11) Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, marami pa tayong problemang mararanasan na puwede nating ipag-alala. Mahaharap natin ang mga problemang iyon at manatiling panatag, hindi sa sarili nating lakas, kundi sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova. Ipakita natin na nagtitiwala tayo sa pangako ni Jehova: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.”​—Isa. 30:15. w21.01 7 ¶17-18

Biyernes, Mayo 27

Si Jehova ay napakamapagmahal.​—Sant. 5:11.

Pansinin na sa Santiago 5:11, iniugnay ang magiliw na pagmamahal ni Jehova sa isa pang katangian na maglalapít sa atin sa kaniya—ang kaniyang awa. (Ex. 34:6) Nagpapakita si Jehova ng awa kapag pinapatawad niya tayo sa mga pagkakamali natin. (Awit 51:1) Sa Bibliya, ang awa ay hindi lang basta pagpapatawad. Ito ang matinding nararamdaman ng isa kapag may nakita siyang naghihirap at napapakilos siya nito na tulungan ang taong iyon. Sinasabi ni Jehova na ang matinding kagustuhan niya na tulungan tayo ay nakakahigit sa nararamdaman ng isang ina para sa kaniyang anak. (Isa. 49:15) Kapag nahihirapan tayo, pinapakilos si Jehova ng kaniyang awa para tulungan tayo. (Awit 37:39; 1 Cor. 10:13) Makakapagpakita tayo ng awa sa mga kapatid kung papatawarin natin sila at hindi magtatanim ng sama ng loob kapag may nagawa silang nakakainis sa atin. (Efe. 4:32) Pero ang isang pangunahing paraan na makakapagpakita tayo ng awa ay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapatid kapag may pinagdadaanan silang mga problema. Sa gayon, natutularan natin si Jehova, ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng magiliw na pagmamahal.​—Efe. 5:1. w21.01 21 ¶5

Sabado, Mayo 28

Nag-iwan [si Kristo] ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.​—1 Ped. 2:21.

Kailangang maging balanse ang ulo ng pamilya. Hindi siya dapat magpakasubsob sa trabaho at sa gayon ay mapabayaan ang espirituwal at emosyonal na pangangailangan ng pamilya niya at ang pagsasanay sa kanila. Sinasanay at dinidisiplina tayo ni Jehova para sa ating ikakabuti. (Heb. 12:7-9) Gaya ng kaniyang Ama, sinasanay ni Jesus sa maibiging paraan ang mga sakop ng awtoridad niya. (Juan 15:14, 15) May paninindigan siya pero mabait. (Mat. 20:24-28) Naiintindihan niyang hindi tayo perpekto at madalas magkamali. (Mat. 26:41) Kailangang tandaan ng isang ulo ng pamilyang tumutulad kay Jehova at kay Jesus na hindi perpekto ang pamilya niya. Hindi siya ‘nagagalit nang husto’ sa kaniyang asawa o mga anak. (Col. 3:19) Sa halip, sinusunod niya ang prinsipyo sa Galacia 6:1 at sinisikap na ibalik sila sa ayos “sa mahinahong paraan,” na tinatandaang hindi rin siya perpekto. Gaya ni Jesus, alam niya na ang pinakamagandang paraan ng pagtuturo ay ang pagpapakita ng halimbawa. w21.02 6-7 ¶16-18

Linggo, Mayo 29

Ang lahat ng humihinga—purihin nila si Jah.​—Awit 150:6.

Sa pamamagitan ng pantubos, binili ni Jehova ang buhay ng bawat isa sa kongregasyon at ng sinuman na mananampalataya kay Jesus. (Mar. 10:45; Gawa 20:28; 1 Cor. 15:21, 22) At dahil ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos, tama lang na siya ang inatasan ni Jehova bilang ulo ng kongregasyon. Kaya may awtoridad si Jesus na gumawa at magpatupad ng mga patakaran na dapat sundin ng mga indibidwal, pamilya, at ng buong kongregasyon. (Gal. 6:2) Pero hindi lang iyan ang ginagawa ni Jesus. Inaalagaan din niyang mabuti at minamahal ang bawat isa sa atin. (Efe. 5:29) Naipapakita ng mga sister na iginagalang nila si Kristo kapag sinusunod nila ang mga lalaking inatasan niya para mangalaga sa kanila. Ipinapakita ng mga brother na naiintindihan nila kung ano ang ibig sabihin ng pagkaulo kapag iginagalang at binibigyang-dangal nila ang mga sister. Kapag naiintindihan ng lahat sa kongregasyon ang ibig sabihin ng pagkaulo at iginagalang ito ng bawat isa, nagkakaisa ang kongregasyon. Higit sa lahat, napapapurihan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit, si Jehova. w21.02 18-19 ¶14-17

Lunes, Mayo 30

Sumangguni si David kay Jehova.​—1 Sam. 30:8.

Noong nagtatago si David at ang mga kasama niya mula kay Saul, iniwan nila ang mga pamilya nila para pumunta sa isang labanan. Habang nasa labanan, sinalakay ng mga kaaway ang bahay nila at binihag ang pamilya nila. Kung tutuosin, kayang gumawa ng magandang plano ni David para iligtas ang mga bihag kasi isa siyang makaranasang mandirigma. Pero humingi ng tulong si David kay Jehova. Nagtanong si David kay Jehova: “Hahabulin ko po ba ang grupong ito ng mga mandarambong?” Pumayag si Jehova na gawin niya ito, at tiniyak Niya na magtatagumpay si David. (1 Sam. 30:7-10) Ano ang matututuhan mo sa pangyayaring ito? Humingi ng payo sa iba bago ka gumawa ng mga desisyon. Mga kabataan, magtanong sa mga magulang ninyo. Makakatulong din kung lalapit kayo sa mga makaranasang elder. Pinagkatiwalaan sila ni Jehova, kaya makakapagtiwala rin kayo sa kanila. Mga “regalo” sila ni Jehova sa kongregasyon. (Efe. 4:8) Makikinabang rin kayo kung tutularan ninyo ang pananampalataya nila at makikinig kayo sa mga payo nila sa inyo. w21.03 4-5 ¶10-11

Martes, Mayo 31

[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.​—Roma 8:38, 39.

Sinabi ni Jesus na kung hindi natin isinasabuhay ang mga natututuhan natin, gaya tayo ng taong nagtayo ng bahay niya sa buhanginan. Nagpakapagod siya sa pagtatayo, pero sayang lang ang pinaghirapan niya. Bakit? Kasi kapag bumagyo at binaha ang bahay niya, guguho iyon. (Mat. 7:24-27) Kaya kung hindi naman natin isinasabuhay ang mga natututuhan natin, nasasayang lang ang pagsisikap natin. Kapag nakaranas tayo ng pagsubok o pag-uusig, hindi magiging ganoon katibay ang pananampalataya natin. Pero kapag nag-aaral tayo at isinasabuhay ang mga natututuhan natin, nakakagawa tayo ng mas magagandang desisyon, mas nagiging payapa tayo, at tumitibay ang pananampalataya natin. (Isa. 48:17, 18) Para makapanatiling tapat kay Jehova kapag may mga problema, kailangan nating patuloy na manalangin sa kaniya at regular na pag-aralan ang Salita niya. At dapat na lagi nating tandaan na ang isa sa pinakamahalagang magagawa natin ay ang luwalhatiin si Jehova. Makakatiyak tayo na hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova at na walang makakapigil sa kaniya na mahalin tayo.​—Heb. 13:5, 6. w21.03 15 ¶6; 18 ¶20

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share