Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es22 p. 57-67
  • Hunyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hunyo
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
  • Subtitulo
  • Miyerkules, Hunyo 1
  • Huwebes, Hunyo 2
  • Biyernes, Hunyo 3
  • Sabado, Hunyo 4
  • Linggo, Hunyo 5
  • Lunes, Hunyo 6
  • Martes, Hunyo 7
  • Miyerkules, Hunyo 8
  • Huwebes, Hunyo 9
  • Biyernes, Hunyo 10
  • Sabado, Hunyo 11
  • Linggo, Hunyo 12
  • Lunes, Hunyo 13
  • Martes, Hunyo 14
  • Miyerkules, Hunyo 15
  • Huwebes, Hunyo 16
  • Biyernes, Hunyo 17
  • Sabado, Hunyo 18
  • Linggo, Hunyo 19
  • Lunes, Hunyo 20
  • Martes, Hunyo 21
  • Miyerkules, Hunyo 22
  • Huwebes, Hunyo 23
  • Biyernes, Hunyo 24
  • Sabado, Hunyo 25
  • Linggo, Hunyo 26
  • Lunes, Hunyo 27
  • Martes, Hunyo 28
  • Miyerkules, Hunyo 29
  • Huwebes, Hunyo 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
es22 p. 57-67

Hunyo

Miyerkules, Hunyo 1

Gustong-gusto naming ibahagi sa inyo, hindi lang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang sarili namin.​—1 Tes. 2:8.

Dapat na may malasakit ang mga tagapagturo sa mga Bible study nila. Puwede natin silang maging mga kapatid sa kongregasyon. Hindi madali para sa kanila na iwan ang mga kaibigan nila sa sanlibutan at gawin ang lahat ng kinakailangang pagbabago para paglingkuran si Jehova. Ipinapakilala ng mahuhusay na tagapagturo ang Bible study nila sa mga kapatid sa kongregasyon. Mag-e-enjoy siya kasama nila. Makakatulong sila sa kaniya na mas mapalapít kay Jehova. At mapapatibay rin nila siya kapag may problema. Gusto nating maramdaman ng study na welcome siya sa kongregasyon at bahagi siya ng ating pamilya. Gusto nating maramdaman niya ang pag-ibig at pagmamalasakit ng mga kapatid sa isa’t isa. Sa gayon, magiging mas madali para sa kaniya na itigil ang pakikipagsamahan sa mga hindi umiibig kay Jehova. (Kaw. 13:20) At kung iwan siya ng mga dati niyang kaibigan, alam niya na mayroon siyang tunay na mga kaibigan sa organisasyon ni Jehova.​—Mar. 10:29, 30; 1 Ped. 4:4. w20.10 17 ¶10-11

Huwebes, Hunyo 2

Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.​—Mat. 28:18.

Dapat na maging kaibigan tayo ni Jesus para maging kaibigan din tayo ni Jehova. Bakit? Una, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako.” (Juan 16:27) Sinabi rin niya: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ang isa na nakikipagkaibigan kay Jehova nang hindi nakikipagkaibigan kay Jesus ay parang pumapasok sa isang gusali nang hindi dumadaan sa pinto. Ganito rin ang ilustrasyon ni Jesus nang ilarawan niya ang sarili niya bilang “pinto para sa mga tupa.” (Juan 10:7) Ikalawa, lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Sinabi niya sa mga alagad: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kaya para makilala si Jehova, dapat nating pag-aralan ang buhay ni Jesus. Habang nakikilala natin si Jesus, lalo siyang napapamahal sa atin. At habang tumitibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jesus, lalong napapamahal sa atin ang kaniyang Ama. w20.04 21-22 ¶5-6

Biyernes, Hunyo 3

Nalulugod ako sa mga kahinaan, . . . dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.​—2 Cor. 12:10.

Nakaratay ka ba sa higaan o naka-wheelchair? Nanghihina na ba ang mga tuhod mo o lumalabo na ang paningin mo? Kung oo, makakatakbo ka pa rin ba, wika nga, kasama ng mga kabataan at malalakas? Oo naman! Maraming may-edad at may kapansanan ang tumatakbo sa daan ng buhay. Nagagawa nila ito hindi dahil sa sarili nilang lakas, kundi dahil pinapalakas sila ni Jehova kapag nakikinig sila sa mga pulong sa pamamagitan ng telepono o video streaming. Gumagawa rin sila ng alagad kapag nagpapatotoo sila sa mga doktor, nars, at sa mga kamag-anak nila. Huwag mong isiping napakahina mo na para tumakbo sa daan ng buhay dahil sa pisikal na mga limitasyon mo. Huwag kang masiraan ng loob. Mahal ka ni Jehova dahil nananampalataya ka sa kaniya at mahabang panahon ka nang nagtitiis. Ngayon mo pinakakailangan ang tulong niya, at hindi ka niya iiwan. (Awit 9:10) Sa halip, magiging mas malapít pa siya sa iyo. w20.04 29 ¶16-17

Sabado, Hunyo 4

Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.​—1 Cor. 9:23.

Anong mga paksa ang puwede mong ipakipag-usap sa isang relihiyosong tao? Humanap ng mga puntong mapagkakasunduan ninyo. Baka isang Diyos lang ang sinasamba niya, baka kinikilala niya si Jesus bilang ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, o baka naniniwala siyang nabubuhay na tayo sa isang masamang sistema na malapit nang magwakas. Kapag alam mo na ang mga mapagkakasunduan ninyo, sabihin sa kaniya ang mensahe ng Bibliya sa paraang magiging interesado siya. Tandaan na puwedeng hindi naman pinaniniwalaan ng isa ang lahat ng turo ng relihiyon niya. Kaya kahit alam mo na ang relihiyon ng isang tao, kailangan mo pa ring alamin kung ano talaga ang pinaniniwalaan niya. Napansin ng isang misyonerong brother na sinasabi ng ilang tao na naniniwala sila sa Trinidad, pero hindi naman talaga sila naniniwala na ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay iisang Diyos. “Sa ganitong sitwasyon, mas madali nang hanapin kung ano ang puwede ninyong mapagkasunduan,” ang sabi niya. Kaya sikaping alamin kung ano talaga ang pinaniniwalaan ng mga tao para gaya ni apostol Pablo, puwede kang “[maging] lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”​—1 Cor. 9:19-22. w20.04 10 ¶9-10

Linggo, Hunyo 5

Sa panahong iyon, makatatakas ang iyong bayan, ang lahat ng nakasulat sa aklat.​—Dan. 12:1.

Makakapanatili tayong panatag anuman ang mangyari sa hinaharap dahil tiniyak nina Daniel at Juan na makakaligtas sa malaking kapighatian ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. Sinabi ni Daniel na ang pangalan ng mga makakaligtas ay “nakasulat sa aklat.” Paano mapapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyon? Dapat nating patunayang nananampalataya tayo kay Jesus, ang Kordero ng Diyos. (Juan 1:29) Kailangan nating ialay ang buhay natin sa Diyos at magpabautismo. (1 Ped. 3:21) Dapat din nating suportahan ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova. Ito na ang panahon para patibayin ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Ito na ang panahon para suportahan ang Kaharian ng Diyos. Kung gagawin natin iyan, makakaligtas tayo kapag ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay pinuksa na ng Kaharian ng Diyos. w20.05 16 ¶18-19

Lunes, Hunyo 6

O Jehova, ang pangalan mo ay mananatili magpakailanman.​—Awit 135:13.

Alam nina Adan at Eva na Jehova ang pangalan ng Diyos; alam din nila ang iba pang mahahalagang bagay tungkol sa kaniya. Alam nilang siya ang Maylalang, ang nagbigay sa kanila ng buhay, ng magandang tirahan, at ng perpektong asawa. (Gen. 1:26-28; 2:18) Pero pinag-isipan ba nila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila? Pinalalim ba nila ang pag-ibig at pagpapahalaga nila kay Jehova? Naging malinaw ang sagot nang subukin sila ng kaaway ng Diyos. Gamit ang ahas, itinanong ni Satanas kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” (Gen. 2:16, 17; 3:1) Ang tanong na iyan ay may kasamang kasinungalingan. Ang talagang sinabi ng Diyos ay puwede silang kumain sa lahat ng puno maliban sa isa. (Gen. 2:9) Pinalabas niyang hindi bukas-palad ang Diyos. Baka naisip ni Eva, ‘May ipinagkakait kaya sa akin ang Diyos?’ w20.06 3-4 ¶8-9

Martes, Hunyo 7

Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.​—Col. 3:13.

Ang ilang lingkod ni Jehova ay natitisod sa ibang kapatid sa kongregasyon. Sinabi ni Pablo na minsan, may dahilan tayo “para magreklamo laban” sa isang kapatid. Baka hindi pa nga makatarungan ang ginawa sa atin. Kung hindi tayo mag-iingat, baka maghinanakit tayo. Puwede itong maging dahilan para ang isa ay unti-unting mapalayo kay Jehova. Si Pablo, isang brother sa South America, ay siniraan at inakusahan kaya nawala ang pribilehiyo niya sa kongregasyon. Ano ang naging reaksiyon niya? Sinabi ni Pablo, “Nagalit ako, at unti-unti akong napalayo sa kongregasyon.” Baka nakokonsensiya ang isang taong nakagawa ng malubhang pagkakasala noon kaya pakiramdam niya, hindi na siya karapat-dapat na mahalin ng Diyos. Kahit nagsisi na siya at pinagpakitaan ng awa, baka madama pa rin niyang hindi na siya karapat-dapat maging lingkod ng Diyos. Ano ang nadarama mo sa mga kapatid na napapaharap sa mga sitwasyong gaya ng mga nabanggit? w20.06 19 ¶6-7

Miyerkules, Hunyo 8

Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.​—Kaw. 22:3.

Dapat na alam natin ang mga sitwasyon na puwedeng makasamâ sa atin para maiwasan ito. (Heb. 5:14) Halimbawa, kailangan nating piliing mabuti ang libangan natin. Madalas na may ipinapakitang imoralidad sa mga palabas sa TV at pelikula. Kinapopootan ito ng Diyos at puwede tayong mapinsala nito. Kaya gusto nating iwasan ang mga libangan na unti-unting mag-aalis ng pag-ibig natin sa Diyos. (Efe. 5:5, 6) Dapat din nating tandaan na mapanganib ang maling impormasyon na ikinakalat ng mga apostata para magduda tayo sa mga kapatid o sa organisasyon ni Jehova. (1 Tim. 4:1, 7; 2 Tim. 2:16) Ang gayong impormasyon ay magpapahina sa ating pananampalataya. Hindi tayo dapat magpadaya sa ganitong propaganda. Bakit? Dahil mula ito sa “mga taong baluktot ang isip at hindi na nakauunawa sa katotohanan.” Ang gusto lang nila ay “makipagtalo at makipagdebate.” (1 Tim. 6:4, 5) Gusto nilang maniwala tayo sa kasinungalingan nila at pagdudahan ang mga kapatid. w20.09 29 ¶13, 15

Huwebes, Hunyo 9

Unahin . . . ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili.​—1 Cor. 10:24.

Dapat mahalin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. (Efe. 5:33) Itinuturo ng Bibliya na dapat tayong magpokus sa pagbibigay sa halip na sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Anong katangian ang makakatulong sa mag-asawa na magpakita ng pagmamahal at paggalang? Kapakumbabaan. Nakatulong ang kapakumbabaan sa maraming Kristiyanong mag-asawa na maging mas masaya sa kanilang pag-aasawa. Halimbawa, sinabi ni Steven: “Kung magkakampi kayo, magtutulungan kayo, lalo na kapag may mga problema. Sa halip na isiping ‘ano ang pinakamabuti para sa akin?’ isiping ‘ano ang pinakamabuti para sa amin?’” Ganiyan din ang iniisip ng misis niyang si Stephanie. “Walang may gustong makasama sa bahay ang kaaway niya,” ang sabi ni Stephanie. “Kapag nagkaproblema, inaalam namin ang dahilan nito. Pagkatapos, nananalangin kami, nagre-research, at pinag-uusapan iyon. Imbes na mag-away, inaayos namin ang problema.” Talagang magiging mas masaya ang mag-asawa kung uunahin nila ang kapakanan ng isa’t isa. w20.07 4 ¶5-6

Biyernes, Hunyo 10

Sa relihiyong Judaismo, mas masulong ako kaysa sa maraming kaedad ko sa aking bansa.​—Gal. 1:14.

Huwag umasa sa sariling lakas o kakayahan kapag naglilingkod kay Jehova. Edukado si apostol Pablo—tinuruan siya ni Gamaliel na isa sa mga pinakarespetadong Judiong lider noong panahon niya. (Gawa 5:34; 22:3) At may pagkakataong naging maimpluwensiya si Pablo sa mga Judio. (Gawa 26:4) Pero hindi siya umasa sa sarili niya. Masaya si Pablo na iniwan niya ang mga bagay na pinapahalagahan ng mga tao sa mundo. (Fil. 3:8; tlb.) Maraming pinagdaanang hirap si Pablo nang maging tagasunod siya ni Kristo. Kinapootan siya ng sarili niyang bansa. (Gawa 23:12-14) Pinagpapalo siya at ibinilanggo ng mga kababayan niyang Romano. (Gawa 16:19-24, 37) At napag-isip-isip ni Pablo na napakahirap gawin ng tama kasi hindi siya perpekto. (Roma 7:21-25) Pero hindi siya nagpaapekto sa mga ito. Sa halip, ‘nalugod siya sa mga kahinaan.’ Bakit? Dahil kung kailan siya mahina, doon niya nakikita ang tulong ng Diyos.​—2 Cor. 4:7; 12:10. w20.07 16 ¶7-8

Sabado, Hunyo 11

Ang nananampalataya sa akin ay gagawa [ng] makahihigit sa mga ito.​—Juan 14:12.

Sa ngayon, talagang kailangan tayong magpokus sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Inihula ni Jesus na lalawak ang gawaing ito at magpapatuloy kahit namatay na siya. Matapos buhaying muli, makahimalang tinulungan ni Jesus ang ilang alagad niya na makahuli ng napakaraming isda. Ginamit niya ang pagkakataong iyon para idiin na mas mahalaga ang pagiging mangingisda ng tao kaysa sa anumang gawain. (Juan 21:15-17) Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang gawaing pagpapatotoo na sinimulan niya ay lalampas pa sa mga hangganan ng Israel. (Gawa 1:6-8) Makalipas ang mga taon, nagbigay si Jesus ng pangitain kay apostol Juan tungkol sa mangyayari “sa araw ng Panginoon.” Nakita ni Juan ang kamangha-manghang pangyayaring ito: Isang anghel ang may “walang-hanggang mabuting balita para . . . sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 1:10; 14:6) Maliwanag na kalooban ni Jehova na makibahagi tayo sa ngayon sa pagpapatotoo sa buong mundo hanggang sa matapos ito. w20.09 9 ¶5

Linggo, Hunyo 12

Dahil sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, para na rin niyang inihandog si Isaac.​—Heb. 11:17.

Nagkaroon ng malalaking problema ang pamilya ni Abraham. Baog ang mahal niyang asawa na si Sara. Matagal nilang tiniis ang problemang iyan. Nang maglaon, ibinigay ni Sara kay Abraham ang kaniyang alilang si Hagar para magkaanak sila sa pamamagitan nito. Pero nang ipagbuntis ni Hagar si Ismael, hinamak niya si Sara. Naging napakahirap ng sitwasyon nila kaya pinalayas ni Sara si Hagar. (Gen. 16:1-6) Nang bandang huli, nagkaanak sina Abraham at Sara. Isaac ang ipinangalan dito ni Abraham. Pareho niyang mahal sina Ismael at Isaac. Pero dahil hindi maganda ang naging pagtrato ni Ismael kay Isaac, napilitan si Abraham na palayasin sina Ismael at Hagar. (Gen. 21:9-14) At pagkalipas ng maraming taon, hiniling ni Jehova kay Abraham na ihandog si Isaac. (Gen. 22:1, 2; Heb. 11:17-19) Sa mga pagkakataong iyon, kailangang magtiwala ni Abraham na magiging maayos ang sitwasyon ng dalawang anak niya sa tulong ni Jehova. w20.08 4 ¶9-10

Lunes, Hunyo 13

Isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.​—Efe. 4:24.

Isipin na lang ang kagalakan ng mga binuhay-muli habang hinuhubad nila ang lumang personalidad at namumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ang gumagawa ng mga pagbabagong ito ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso. At hindi hahayaan ng Diyos na manggulo doon ang mga nagrerebelde sa kaniya. (Isa. 65:20; Juan 5:28, 29) Kapag namamahala na ang Kaharian, mararanasan ng mga lingkod ng Diyos ang sinasabi sa Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” Sa tulong ng espiritu ni Jehova, ang mga lingkod ng Diyos ay magiging mayaman sa espirituwal. Ibig sabihin, mas magiging kagaya sila ni Kristo hanggang sa maging perpekto sila. (Juan 13:15-17; Efe. 4:23) Araw-araw, mararamdaman nilang lumalakas sila at nagiging mas mabuting tao. Napakaganda ng magiging buhay nila doon!—Job 33:25. w20.08 17 ¶11-12

Martes, Hunyo 14

Pagsikapan ninyong . . . huwag makialam sa buhay ng iba.​—1 Tes. 4:11.

Dapat nating tandaan na ipinasiya ng ilang Kristiyano na manatiling walang asawa. Gusto naman ng iba na mag-asawa, pero hindi pa nila nakikita ang taong nababagay sa kanila. Namatayan naman ng asawa ang iba. Anuman ang sitwasyon, tama bang tanungin natin sila kung bakit hindi pa sila nag-aasawa o hanapan sila ng mapapangasawa? Kung hinahanapan natin sila kahit hindi sila nagpapahanap, ano kaya ang mararamdaman nila? (1 Tim. 5:13) Matutuwa ang mga kapatid nating binata’t dalaga kung papahalagahan natin sila dahil sa magaganda nilang katangian at hindi dahil sa wala silang asawa. Imbes na kaawaan sila, mas mabuting pahalagahan ang katapatan nila. Bilang resulta, hindi papasok sa isip ng mga kapatid nating walang asawa na wala silang halaga, na para bang sinasabi natin: ‘Hindi namin kayo kailangan.’ (1 Cor. 12:21) Sa halip, makikita nilang nirerespeto natin sila at pinapahalagahan ang papel nila sa kongregasyon. w20.08 29 ¶10, 14

Miyerkules, Hunyo 15

Nagpakita [si Kristo] sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon.​—1 Cor. 15:6.

Nang maglaon, nagpakita si Jesus kay apostol Pablo. (1 Cor. 15:8) Papunta noon si Pablo (Saul) sa Damasco nang marinig niya ang tinig ng binuhay-muling si Jesus at makita ang pangitain nito sa langit. (Gawa 9:3-5) Ang karanasan ni Pablo ay isa pang ebidensiya na talagang binuhay-muli si Jesus. (Gawa 26:12-15) Talagang magkakainteres ang ilan sa patotoo ni Pablo kasi dati niyang inuusig ang mga Kristiyano. Nang makumbinsi siyang binuhay-muli si Jesus, sinikap din niyang kumbinsihin ang iba na maniwala sa katotohanang ito. Nakayanan niya ang mga hampas, pagkabilanggo, at pagkawasak ng barko habang ipinapangaral ang katotohanang namatay si Jesus at binuhay-muli. (1 Cor. 15:9-11; 2 Cor. 11:23-27) Siguradong-sigurado si Pablo na binuhay-muli si Jesus, at handa siyang mamatay para ipagtanggol ang paniniwala niya. Nakumbinsi ka rin ba ng patotoo ng unang mga Kristiyano na binuhay-muli si Jesus? At napatibay rin ba nito ang paniniwala mo sa pagkabuhay-muli? w20.12 3 ¶8-10

Huwebes, Hunyo 16

Kung hahanapin ninyo [si Jehova], hahayaan niyang makita ninyo siya.​—2 Cro. 15:2.

Puwede nating itanong sa ating sarili, ‘Regular ba akong dumadalo sa mga pulong?’ Kapag dumadalo tayo, napapatibay tayo na patuloy na maglingkod kay Jehova at napapalakas tayo ng ating mga kapatid. (Mat. 11:28) Puwede rin nating itanong, ‘Regular ba akong nag-aaral ng Bibliya?’ Kung kasama mo ang pamilya mo sa bahay, mayroon ba kayong pampamilyang pagsamba linggo-linggo? O kung mag-isa ka lang, mayroon ka pa rin bang regular na iskedyul ng pag-aaral sa Bibliya? At ginagawa mo ba ang lahat para makabahagi sa pangangaral at pagtuturo? Bakit dapat nating itanong ang mga iyan? Sinasabi ng Bibliya na sinusuri ni Jehova ang laman ng ating isip at puso, kaya dapat din nating gawin iyon. (1 Cro. 28:9) Kung makita nating may kailangan tayong baguhin sa ating mga tunguhin, ugali, o pag-iisip, dapat nating hilingin ang tulong ni Jehova na mabago ang mga iyon. Ngayon na ang panahon para ihanda ang ating sarili sa mga pagsubok na darating. Kaya samantalahin ang panahon ng kapayapaan. w20.09 19 ¶19-20

Biyernes, Hunyo 17

Walang isa man sa inyo ang puwede kong maging alagad kung hindi ninyo iiwan ang lahat ng pag-aari ninyo.​—Luc. 14:33.

Gamit ang isang ilustrasyon, ipinaliwanag ni Jesus ang dapat gawin ng isa na gustong maging alagad niya. Sinabi niya ang tungkol sa isang tao na gustong magtayo ng bahay at tungkol sa isang hari na gustong makipagdigma. Sinabi ni Jesus na ang gustong magtayo ay dapat munang ‘umupo at kuwentahin ang gastusin’ para matapos ang bahay at ang hari naman ay dapat munang ‘umupo at humingi ng payo’ para malaman kung matatalo ng kaniyang hukbo ang kalaban. (Luc. 14:27-32) Sa katulad na paraan, alam ni Jesus na dapat munang alaming mabuti ng isang taong gustong maging alagad niya kung ano ang kailangan nitong gawin. Kaya kailangan nating himukin ang mga Bible study natin na makipag-aral sa atin linggo-linggo. Bilang tagapagturo, kailangan mong paghandaang mabuti ang bawat pag-aaral. Pag-isipan kung paano mo ito ipapaliwanag sa Bible study mo sa simple at malinaw na paraan para madali niya itong maintindihan at maisabuhay.​—Neh. 8:8; Kaw. 15:28a. w20.10 7 ¶5; 8 ¶7

Sabado, Hunyo 18

Humayo kayo at gumawa ng mga alagad, [na] itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.​—Mat. 28:19, 20.

Malinaw ang tagubilin ni Jesus. Dapat nating ituro sa mga tao ang mga utos niya. Pero dapat nating tandaan ang isang mahalagang detalye. Hindi sinabi ni Jesus: ‘Ituro ninyo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa inyo.’ Sa halip, sinabi niya: Ituro ninyo sa kanilang “tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” Para masunod ang espesipikong tagubiling iyan, hindi lang natin dapat turuan ang mga Bible study natin, dapat din natin silang gabayan. (Gawa 8:31) Kapag sinabing “tuparin” ang utos, ibig sabihin, sundin iyon. Kapag ini-study ang iba, itinuturo natin sa kanila ang mga kahilingan ng Diyos. Pero hindi lang iyan. Dapat din nating ituro sa kanila na isabuhay ang mga natututuhan nila. (Juan 14:15; 1 Juan 2:3) Sa pamamagitan ng ating halimbawa, maipapakita natin sa mga Bible study kung paano nila isasabuhay ang pangunahing mga prinsipyo sa Bibliya kapag nasa paaralan, trabaho, o kapag naglilibang. Kapag nananalangin kasama ang mga Bible study, puwede nating hilingin kay Jehova na gabayan sila ng banal na espiritu.​—Juan 16:13. w20.11 2-3 ¶3-5

Linggo, Hunyo 19

“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.​—Zac. 4:6.

May mga problemang napaharap sa mga alagad ni Jesus. Halimbawa, kaunti lang ang kopya ng Kasulatan noon. Wala ring pantulong sa pag-aaral, gaya ng mayroon tayo sa ngayon. At iba-iba ang wika ng mga taong pangangaralan nila. Pero nagawa pa rin ng masisipag na alagad ang isang bagay na parang imposible—sa loob lang ng mga 30 taon, naipangaral nila ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:6, 23) Sa modernong panahon, patuloy pa ring pinapatnubayan at pinapalakas ni Jehova ang mga lingkod niya ngayon. Pangunahin niyang ginagamit ang Bibliya, na isinulat sa tulong ng banal na espiritu. Mababasa natin dito ang tungkol sa ministeryo ni Jesus at ang utos na ipagpatuloy ng mga tagasunod niya ang gawaing sinimulan niya. (Mat. 28:19, 20) Hindi nagtatangi si Jehova; inihula niya na ang mabuting balita ay ipapangaral “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6, 7) Gusto niyang marinig ng lahat ang mensahe ng Kaharian. w20.10 21 ¶6-8

Lunes, Hunyo 20

Inililigtas mo ang mga mapagpakumbaba, pero ikaw ay laban sa mga mapagmataas.​—2 Sam. 22:28.

Si Haring David ay isang lalaking sumusunod sa “kautusan ni Jehova.” (Awit 1:1-3) Alam ni David na inililigtas ni Jehova ang mga mapagpakumbaba pero laban Siya sa mga mapagmataas. Kaya hinayaan ni David na baguhin ng kautusan ng Diyos ang pag-iisip niya. Sinabi niya: “Pupurihin ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Kahit sa gabi, itinutuwid ako ng kaloob-looban ng aking isip.” (Awit 16:7) Kung mapagpakumbaba tayo, hahayaan nating ituwid ng Salita ng Diyos ang mga maling iniisip natin bago pa natin magawa ang mga iyon. Para bang sinasabi nito sa atin: “Ito ang daan. Lumakad kayo rito.” Magbababala ito sa atin kapag nalilihis tayo ng landas. (Isa. 30:21) Kung makikinig tayo kay Jehova, makikinabang tayo sa maraming paraan. (Isa. 48:17) Halimbawa, hindi natin mararanasang mapahiya dahil kailangan pa tayong ituwid ng iba. Mas mapapalapít din tayo kay Jehova dahil alam nating itinuturing niya tayo na mga anak niya.​—Heb. 12:7. w20.11 20 ¶6-7

Martes, Hunyo 21

Nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli, tinuya siya ng ilan.​—Gawa 17:32.

Posibleng nakaimpluwensiya ito sa ilang taga-Corinto. (1 Cor. 15:12) Baka iniisip din ng iba na ang pagkabuhay-muli ay nangangahulugan na ang isang tao ay dating “patay” dahil sa kasalanan pero “nabuhay” nang maging Kristiyano. Anuman ang dahilan nila, kung hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli, walang saysay ang pananampalataya nila. Kung hindi binuhay-muli ng Diyos si Jesus, walang ibinayad na pantubos at lahat tayo ay mananatiling makasalanan. Kaya walang tunay na pag-asa ang mga ayaw maniwala sa pagkabuhay-muli. (1 Cor. 15:13-19; Heb. 9:12, 14) Alam na alam ni apostol Pablo na “binuhay-muli si Kristo.” Nakakahigit ang pagkabuhay-muling iyan sa mga naunang pagkabuhay-muli, dahil ang mga taong iyon ay namatay rin nang maglaon. Sinabi ni Pablo na si Jesus ang “unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.” Siya kasi ang unang taong binuhay-muli bilang espiritu at unang umakyat sa langit.​—1 Cor. 15:20; Gawa 26:23; 1 Ped. 3:18, 22. w20.12 5 ¶11-12

Miyerkules, Hunyo 22

Ipinaaalam nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na napagpasiyahan ng mga apostol at matatandang lalaki.​—Gawa 16:4.

Noong unang siglo, ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ay nagkaisa para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Diyos. (Gawa 2:42) Halimbawa, noong mga 49 C.E., nang bumangon ang isyu tungkol sa pagtutuli, pinag-usapan ito ng lupong tagapamahala sa patnubay ng banal na espiritu. Kung hindi nagkaisa ang kongregasyon sa isyung ito, apektado ang gawaing pangangaral. Kahit Judio ang mga apostol at matatandang lalaki, hindi sila naimpluwensiyahan ng tradisyong Judio o ng mga tagapagtaguyod nito. Umasa sila sa Salita ng Diyos at sa patnubay ng banal na espiritu. (Gawa 15:1, 2, 5-20, 28) Kaya pinagpala ni Jehova ang desisyon nila, napanatili ang kapayapaan at pagkakaisa, at patuloy nilang naipangaral ang mabuting balita. (Gawa 15:30, 31; 16:5) Sa modernong panahon, dahil sa organisasyon ni Jehova, napapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Diyos. w20.10 22-23 ¶11-12

Huwebes, Hunyo 23

Ang anak kong si Solomon [ang] pinili ng Diyos.​—1 Cro. 29:1.

Dahil sa edad, kalusugan, o iba pang dahilan, baka hindi tayo makatanggap ng isang partikular na teokratikong atas. May matututuhan tayo kay Haring David. Nang sabihin sa kaniyang hindi siya ang magtatayo ng templo ng Diyos—isang bagay na gustong-gustong gawin ni David—sinuportahan niya nang husto ang isa na pinili ng Diyos para sa atas na ito. Nagbigay pa nga si David ng napakalaking halaga para sa proyektong ito. Napakagandang halimbawa! (2 Sam. 7:12, 13; 1 Cro. 29:3-5) Nagkasakit si Hugues, isang brother sa France. Dahil dito, huminto na siya sa paglilingkod bilang elder at hindi na rin siya nakakagawa kahit ng mga simpleng trabaho sa bahay. Sinabi niya: “Noong una, pakiramdam ko, wala na akong silbi at sobra akong nasiraan ng loob. Nang maglaon, nakita ko na mahalagang tanggapin ko na may mga limitasyon na ako at naging masaya ako sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga iyon. Gaya ni Gideon at ng 300 lalaking kasama niya—na pagod na pagod—lalaban pa rin ako!”—Huk. 8:4. w20.12 25 ¶14-15

Biyernes, Hunyo 24

Patuloy nating ibigin ang isa’t isa.​—1 Juan 4:7.

Sa ulat niya tungkol sa buhay ni Jesus, mas madalas gumamit si apostol Juan ng salitang “mahal” at “pag-ibig” kaysa sa pinagsama-samang paggamit ng tatlong iba pang manunulat ng Ebanghelyo. Ipinapakita ng mga isinulat niyang iyon na pag-ibig ang dapat na dahilan ng lahat ng ginagawa ng isang Kristiyano. (1 Juan 4:10, 11) Pero hindi agad ito natutuhan ni Juan. Noong kabataan pa si Juan, hindi niya laging naipapakita ang pag-ibig. Halimbawa, minsan, naglakbay si Jesus at ang mga alagad niya papuntang Jerusalem at dumaan sila sa Samaria. Pero hindi sila tinanggap sa isang nayon ng mga Samaritano. Iminungkahi niya kay Jesus kung gusto nitong magpababa sila ng apoy para mamatay ang lahat ng nakatira sa nayong iyon! (Luc. 9:52-56) Minsan naman, pinakiusapan ni Juan at ng kapatid niyang si Santiago ang nanay nila na hilingin kay Jesus na bigyan sila ng prominenteng posisyon sa Kaharian. Nang malaman ito ng ibang mga apostol, galit na galit sila! (Mat. 20:20, 21, 24) Pero kahit may mga kahinaan si Juan, mahal pa rin siya ni Jesus.​—Juan 21:7. w21.01 8-9 ¶3-4

Sabado, Hunyo 25

Ang Kristo ay hindi nagpalugod sa sarili.​—Roma 15:3.

Gumagawa si Jehova ng mga desisyong makakabuti sa iba. Halimbawa, nagpasiya siyang lumikha ng buhay, hindi para sa sarili niya, kundi para maranasan natin kung gaano kasaya ang buhay. Walang pumilit sa kaniya na ibigay ang kaniyang Anak para tubusin ang ating kasalanan. Nagsakripisyo siya para sa atin. Gumawa din si Jesus ng mga desisyong pangunahin nang para sa kapakanan ng iba. Halimbawa, nagdesisyon siyang huwag na lang magpahinga para maturuan ang maraming tao. (Mar. 6:31-34) Alam ng isang mabuting ulo ng pamilya na ang isa sa pinakamahirap na dapat niyang gawin ay ang gumawa ng matalinong desisyon para sa pamilya niya, at napakahalaga ng pananagutang ito para sa kaniya. Iniiwasan niyang gumawa ng mga desisyong nakadepende lang sa gusto niya o nararamdaman niya. Sa halip, hinahayaan niyang sanayin siya ni Jehova. (Kaw. 2:6, 7) Kaya kapakanan ng iba ang iniisip niya hindi ang sa kaniya. (Fil. 2:4) Kung tutularan ng asawang lalaki ang halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesus, magiging mabuti siyang ulo ng pamilya. w21.02 7 ¶19-21

Linggo, Hunyo 26

Ginawa ni Asa ang mabuti at tama sa paningin ng Diyos niyang si Jehova.​—2 Cro. 14:2.

Noong kabataan pa si Haring Asa, mapagpakumbaba siya at malakas ang loob. Halimbawa, nang palitan niya ang tatay niyang si Abias sa paghahari, gumawa siya ng kampanya laban sa idolatriya. “Sinabi rin niya sa Juda na hanapin si Jehova na Diyos ng mga ninuno nila at sundin ang Kautusan at ang mga batas.” (2 Cro. 14:1-7) At nang lusubin ni Zera na Etiope ang Juda kasama ang 1,000,000 mandirigma, humingi ng tulong si Asa kay Jehova at sinabi: “O Jehova, matutulungan mo kahit sino, marami man sila o mahina. Diyos naming Jehova, tulungan mo kami, dahil umaasa kami sa iyo.” Kitang-kita sa mga salita ni Asa na umasa siya sa kakayahan ni Jehova na iligtas siya at ang mga sakop niya. Nagtiwala si Asa sa kaniyang Ama sa langit, at “tinalo ni Jehova ang mga Etiope.” (2 Cro. 14:8-12) Nakakatakot nga naman kung mapaharap ka sa 1,000,000 mandirigma, pero dahil umasa si Asa kay Jehova, nagtagumpay siya. w21.03 5 ¶12-13

Lunes, Hunyo 27

Maging magiliw sa isa’t isa.​—Roma 12:10.

Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa di-perpektong mga tao na nagpakita ng magiliw na pagmamahal. Tingnan ang halimbawa nina Jonatan at David. Sinasabi ng Bibliya: “Naging matalik na magkaibigan sina Jonatan at David, at minahal ni Jonatan si David na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.” (1 Sam. 18:1) Pinili ni Jehova si David para humalili kay Saul bilang hari. Dahil dito, inggit na inggit si Saul kay David at tinangka niya itong patayin. Pero hindi sinuportahan ng anak ni Saul na si Jonatan ang kaniyang ama sa plano nitong pagpatay kay David. Nangako sina Jonatan at David na mananatili silang magkaibigan at lagi nilang susuportahan ang isa’t isa. (1 Sam. 20:42) Mas lalo nating hahangaan ang magiliw na pagmamahal na ipinakita nina Jonatan at David kapag inisip natin ang mga puwede sanang nakahadlang sa pagkakaibigan nila. Halimbawa, mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David. Puwede sanang isipin ni Jonatan na magkaiba sila ni David, na mas bata sa kaniya at kulang pa sa karanasan. Pero hindi iyon inisip ni Jonatan. Malaki ang respeto niya kay David. w21.01 21-22 ¶6-7

Martes, Hunyo 28

Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.​—Sant. 1:2.

Ipinangako ni Jesus sa mga tagasunod niya na magiging tunay silang masaya. Pero sinabi rin niya na ang mga taong nagmamahal sa kaniya ay dadanas ng mga pagsubok. (Mat. 10:22, 23; Luc. 6:20-23) Maligaya tayo kasi mga alagad tayo ni Kristo. Pero paano kung pag-usigin tayo ng ating kapamilya at ng gobyerno o gipitin ng mga katrabaho o kaeskuwela na gumawa ng mali? Iniisip pa lang natin iyan, baka nag-aalala na tayo. Para sa marami, hindi dahilan ang pag-uusig para magsaya. Pero iyan ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Halimbawa, isinulat ng alagad na si Santiago na imbes na mawalan ng pag-asa, dapat na ituring nating kagalakan kapag dumaranas tayo ng iba’t ibang pagsubok. (Sant. 1:2, 12) Sinabi rin ni Jesus na dapat tayong maging maligaya kapag pinag-uusig tayo. (Mat. 5:11) Ginabayan ni Jehova si Santiago na sulatan ang mga Kristiyano para bigyan sila ng mga praktikal na payo na makakatulong sa kanila na manatiling masaya kahit may mga pagsubok. w21.02 26 ¶1-2; 27 ¶5

Miyerkules, Hunyo 29

Iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.​—1 Tim. 6:20.

Noong panahon ni Timoteo, may ilang Kristiyano na hindi nagpahalaga sa pribilehiyo nilang maging kamanggagawa ng Diyos. Kasama rito sina Demas, Figelo, Hermogenes, Himeneo, Alejandro, at Fileto. (1 Tim. 1:19, 20; 2 Tim. 1:15; 2:16-18; 4:10) Minahal naman nila noong una si Jehova, pero naiwala nila ang pagpapahalaga sa ipinagkatiwala sa kanila. Ano ang ginagawa ni Satanas para maiwala natin ang pagpapahalaga sa ipinagkatiwala sa atin ni Jehova? Tingnan ang ilang taktika ni Satanas. Ginagamit niya ang mga palabas sa TV, pelikula, Internet, at mga babasahín para unti-unting impluwensiyahan ang ating pag-iisip at paggawi, at dahil dito ay hindi tayo makapanghawakan sa katotohanan. Sinusubukan niya tayong takutin gamit ang panggigipit ng iba o pag-uusig para tumigil tayo sa pangangaral. Ginagamit din niya ang “nagkakasalungatang mga ideya ng tinatawag na ‘kaalaman’” ng mga apostata para iwan natin ang katotohanan. Kapag hindi tayo nag-ingat, baka unti-unting mawala ang pagpapahalaga natin sa katotohanan.​—1 Tim. 6: 21. w20.09 27 ¶6-8

Huwebes, Hunyo 30

Pakikinggan ni Jehova ang paghingi ko ng tulong; tatanggapin ni Jehova ang panalangin ko.​—Awit 6:9.

Tinraidor ka ba ng kaibigan o kapamilya mo? Kung oo, makakatulong sa iyo kung pag-aaralan mo ang ulat tungkol sa anak ni Haring David na si Absalom. (2 Sam. 15:5-14, 31; 18:6-14) Habang pinag-iisipan ang ulat, sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo tungkol sa masamang ginawa sa iyo. (Awit 6:6-8) Isipin din kung ano ang nararamdaman ni David sa lahat ng nangyayari sa kaniya. Mahal niya si Absalom at pinagkakatiwalaan si Ahitopel. Pero tinraidor nila siya at tinangka pa ngang patayin. Talagang nasaktan si David sa ginawa nila. Puwede sanang nawalan na ng tiwala si David sa iba pa niyang mga kaibigan at naghinalang kumampi na sila kay Absalom. Puwede sanang sarili na lang niya ang inisip niya at tumakas nang mag-isa. O puwede ring nawalan na lang siya ng pag-asa. Sa halip, humingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin. Nagpatulong din siya sa mga kaibigan niya. At agad niyang isinagawa ang mga desisyon niya. Patuloy siyang nagtiwala kay Jehova at sa mga kaibigan niya. w21.03 15 ¶7-8; 17 ¶10-11

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share