July
Biyernes, Hulyo 1
Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.—Mat. 28:18.
Dapat na maging kaibigan tayo ni Jesus para masagot ang mga panalangin natin. Kapag nananalangin tayo, hindi lang natin basta sinasabing “sa pangalan ni Jesus.” Dapat na naiintindihan natin kung paano ginagamit ni Jehova si Jesus sa pagsagot sa mga panalangin natin. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.” (Juan 14:13) Si Jehova ang nakikinig at sumasagot sa mga panalangin natin, pero binigyan niya si Jesus ng awtoridad na isagawa ang mga desisyon Niya. Kaya bago sagutin ng Diyos ang mga panalangin natin, tinitingnan niya muna kung sinusunod natin ang payo ni Jesus. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga pagkakamali ng iba, patatawarin din kayo ng inyong Ama sa langit; pero kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.” (Mat. 6:14, 15) Napakahalaga ngang pakitunguhan ang iba gaya ng pakikitungo sa atin ni Jehova at ni Jesus! w20.04 22 ¶6
Sabado, Hulyo 2
Inihahayag namin sa inyo ang mabuting balita para iwan ninyo ang walang-kabuluhang mga bagay na ito at bumaling sa Diyos na buháy.—Gawa 14:15.
Inalam ni apostol Pablo kung saan interesado ang mga tao, at ibinagay niya ang kaniyang presentasyon. Halimbawa, nangaral siya sa mga taga-Listra, na kaunti lang o wala pa ngang alam sa Kasulatan. Kaya nangatuwiran si Pablo sa paraan na mauunawaan nila. Binanggit niya ang tungkol sa masaganang ani at kasiya-siyang buhay. Gumamit siya ng mga salita at halimbawa na madaling maiintindihan ng mga tagapakinig niya. Gumamit ng kaunawaan para malaman kung saan interesado ang mga tao sa inyong teritoryo at ibagay ang iyong presentasyon. Paano mo malalaman kung saan interesado ang isang tao habang papalapít ka sa kaniya o sa bahay niya? Magmasid ka. Baka nagtatanim siya o nagdidilig ng halaman, nagbabasa ng aklat, nag-aayos ng sasakyan, o iba pa. Kung angkop, bakit hindi simulan ang pag-uusap ninyo tungkol sa ginagawa niya? (Juan 4:7) Baka may malaman ka rin sa kaniya base sa suot niya—ang lahi niya, trabaho, o paboritong sports team. w20.04 11 ¶11-12
Linggo, Hulyo 3
[Ihagis] ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.—1 Ped. 5:7.
Dahil sa sobrang pagkabalisa, kinakabahan at di-mapalagay ang ilang kapatid natin kapag nakikihalubilo sa iba. Baka mahirap para sa kanila na makisama sa malalaking grupo, pero dumadalo pa rin sila sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Baka hamon din sa kanila ang makipag-usap sa hindi nila kilala, pero nangangaral pa rin sila. Kung ganiyan ang nararanasan mo, hindi ka nag-iisa. Ganiyan din ang nararamdaman ng marami. Tandaan na napapasaya mo si Jehova kapag ibinibigay mo ang buong makakaya mo. Sa katunayan, ang hindi mo pagsuko sa pagtakbo ay katibayan na pinagpapala at pinapalakas ka ni Jehova. (Fil. 4:6, 7) Kung pinaglilingkuran mo si Jehova kahit na may pisikal o emosyonal na limitasyon ka, makakatiyak ka na napapasaya mo si Jehova. Marami sa atin ang may pisikal na mga limitasyon pero hindi tumitigil sa pagtakbo. (2 Cor. 4:16) Sa tulong ni Jehova, matatapos natin ang takbuhan! w20.04 31 ¶20-21
Lunes, Hulyo 4
Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita . . . sa mga bagay na ginawa niya.—Roma 1:20.
Kitang-kita ang karunungan ng Diyos sa pagkakagawa niya sa ating tahanan, ang lupa. (Heb. 3:4) Natatangi ito dahil may kakayahan itong sumuporta sa buhay ng tao. Ang lupa ay parang isang bangkang nakalutang sa karagatan. Pero malaki ang pagkakaiba ng lupa at ng bangkang punô ng tao. Halimbawa, magtatagal kaya ang buhay ng mga tao sa isang bangka kung sila mismo ang maglalaan ng sarili nilang oxygen, pagkain, at tubig at kung wala silang mapagtatapunan ng mga basura nila? Siguradong hindi. Sa kabaligtaran, bilyon-bilyon ang nananatiling buháy sa lupa. Naglalaan ang lupa ng oxygen, pagkain, at tubig na kailangan natin, at hindi tayo nauubusan ng mga ito. Kahit nananatili sa lupa ang mga waste product nito, maganda pa rin ito at puwede pa ring tirhan. Bakit? Dahil dinisenyo ni Jehova ang lupa na may kakayahang gamitin ulit ang mga bagay na patapon na sana. w20.05 20 ¶3-4
Martes, Hulyo 5
Tiyak na hindi kayo mamamatay.—Gen. 3:4.
Para bang sinasabi ni Satanas kay Eva na sinungaling si Jehova. Dahil dito, si Satanas ay naging diyablo, o maninirang-puri. Lubusang nalinlang si Eva; naniwala siya kay Satanas. (1 Tim. 2:14) Mas nagtiwala pa siya kay Satanas kaysa kay Jehova. Kaya naging madali na lang kay Eva na gawin ang pinakamaling desisyon sa buhay niya. Pinili niyang sumuway kay Jehova. Kinain niya ang bunga na ipinagbabawal ni Jehova. Pagkatapos, binigyan niya si Adan. (Gen. 3:6) Pag-isipan kung ano sana ang isinagot ni Eva kay Satanas. Puwede sanang sinabi niya: “Hindi kita kilala, pero kilala ko ang Ama kong si Jehova. Mahal ko siya at nagtitiwala ako sa kaniya. Sa kaniya galing ang lahat ng mayroon kami. Sino ka para siraan siya? Layas!” Napakasaya sana ni Jehova kung iyan ang sinabi ng anak niya! (Kaw. 27:11) Pero walang tapat na pag-ibig si Eva kay Jehova, at gayon din si Adan. Dahil dito, hindi nila naipagtanggol ang pangalan ng kanilang Ama. w20.06 4 ¶10-11
Miyerkules, Hulyo 6
Ang mga babaeng naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.—Awit 68:11.
Dapat lang na papurihan ang mga sister sa lahat ng ginagawa nila para kay Jehova. Kasama sa mga gawaing iyon ang pagtatayo at pagmamantini ng mga gusali, pagsuporta sa mga foreign-language group, at pagboboluntaryo sa Bethel. Tumutulong sila sa mga relief work at pagsasalin ng ating mga publikasyon at naglilingkod bilang mga payunir at misyonero. Tumutulong din sila sa kanilang asawa para magampanan nito ang mabibigat na responsibilidad sa kongregasyon at organisasyon. Mas mahirap sa mga brother na ito na ‘ibinigay bilang regalo’ na makapaglingkod kung wala ang suporta ng kanilang asawa. (Efe. 4:8) Alam ng matatalinong elder na ang mga sister ay “isang malaking hukbo” ng masisipag na manggagawa at karaniwan nang napakahusay nila sa pangangaral. Alam din ng mga elder na ang tapat at may-gulang na mga sister ay malaking tulong sa mga nakababatang sister na may mga problema. (Tito 2:3-5) Oo, dapat nating pahalagahan at mahalin ang mga sister sa kongregasyon! w20.09 23 ¶13-14
Huwebes, Hulyo 7
Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.—Mat. 18:14.
Hindi lilimutin ni Jehova ang mga pansamantalang napahiwalay sa bayan niya, pati na ang paglilingkod nila sa kaniya. (Heb. 6:10) Para ipakita kung gaano kamahal ni Jehova ang bayan niya, iniulat ni propeta Isaias ang isang magandang ilustrasyon: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” (Isa. 40:11) Ano ang nararamdaman ng Dakilang Pastol kapag naligaw ang isa niyang tupa? Inilarawan ni Jesus ang nararamdaman ni Jehova nang tanungin niya ang mga alagad: “Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may 100 tupa at maligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw? At kung makita niya ito, sinasabi ko sa inyo, mas matutuwa siya rito kaysa sa 99 na hindi naligaw.”—Mat. 18:12, 13. w20.06 19-20 ¶8-9
Biyernes, Hulyo 8
Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa, magandang tunguhin iyan.—1 Tim. 3:1.
Isang pribilehiyo para sa atin na maglingkod kay Jehova sa abot ng ating makakaya. (Awit 27:4; 84:10) Kung gusto ng isang brother na pumasok sa isang pantanging pribilehiyo ng paglilingkod, maganda iyon. Pero kapag nakatanggap siya ng atas, hindi niya dapat isiping importanteng tao na siya. (Luc. 17:7-10) Ang dapat na maging tunguhin niya ay ang makapaglingkod sa iba nang may kapakumbabaan. (2 Cor. 12:15) Mababasa sa Bibliya ang babalang halimbawa ng mga taong mataas ang tingin sa sarili. Gusto ni Diotrepes na “maging pinakaprominente” sa kongregasyon. (3 Juan 9) Sinubukang gawin ni Uzias ang isang bagay na hindi iniatas ni Jehova sa kaniya. (2 Cro. 26:16-21) Dahil gusto ni Absalom na maging hari, nagkunwari siya na mahal niya ang mga tao para suportahan nila siya. (2 Sam. 15:2-6) Gaya ng ipinapakita sa mga ulat na iyon, hindi natutuwa si Jehova sa mga taong naghahanap ng sariling karangalan. (Kaw. 25:27) Kapahamakan lang ang idudulot ng pagmamataas at ambisyon.—Kaw. 16:18. w20.07 4 ¶7-8
Sabado, Hulyo 9
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
May mga pamilyang Kristiyano na lumipat sa ibang bansa para makaiwas sa mahihirap na sitwasyon sa bansa nila o makahanap ng trabaho. Sa ganitong mga sitwasyon, matututuhan ng mga bata ang wika ng bansang nilipatan nila kapag pumapasok na sila sa paaralan. Baka kailangan ding pag-aralan ng mga magulang ang wikang iyon para makahanap ng trabaho. Paano kung may kongregasyon doon o grupo na gumagamit ng sarili nilang wika? Saan dapat umugnay ang pamilya? Sa kongregasyon ba na gumagamit ng wika ng bansang nilipatan nila o sa kongregasyong gumagamit ng sarili nilang wika? Ang ulo ng pamilya ang dapat magdesisyon kung saang kongregasyon sila uugnay. Dapat niyang pag-isipan kung ano ang mas makakabuti sa pamilya niya. Personal na bagay ito, kaya anuman ang desisyon ng ulo ng pamilya, dapat natin itong irespeto at tanggapin sila bilang mahalagang bahagi ng kongregasyon.—Roma 15:7. w20.08 30 ¶17-18
Linggo, Hulyo 10
Pinili ng Diyos ang itinuturing na mahihina sa sanlibutan.—1 Cor. 1:27.
Kung gusto nating tulungan tayo ni Jehova, hindi natin dapat isipin na mahalaga tayo dahil sa ating lakas, edukasyon, pinagmulan, o kayamanan. Hindi ito ang kailangan para gamitin tayo ni Jehova. Ang totoo, hindi pumili si Jehova “ng maraming matalino ayon sa pananaw ng tao, ng maraming makapangyarihan, at ng maraming ipinanganak na maharlika.” (1 Cor. 1:26) Kaya huwag mong isipin na hadlang sa paglilingkod kay Jehova ang mga kakulangan mo. Sa halip, isipin na pagkakataon ito para makita kung paano ka tinutulungan ni Jehova. Halimbawa, kung natatakot ka sa mga taong kumukuwestiyon sa paniniwala mo, manalangin kay Jehova na bigyan ka ng lakas ng loob na ipagtanggol ang pananampalataya mo. (Efe. 6:19, 20) O kung pinapahirapan ka ng malubhang sakit, humingi kay Jehova ng lakas para makapanatili kang abala sa paglilingkod sa kaniya. Sa tuwing nakikita mong tinutulungan ka ni Jehova, titibay ang pananampalataya mo at lalakas ka. w20.07 16 ¶9
Lunes, Hulyo 11
Unahin ang Kaharian.—Mat. 6:33.
Kung gusto nating unahin ang Kaharian ng Diyos sa ating buhay, dapat tayong maging gaya ni Abraham, na handang magsakripisyo para mapasaya ang Diyos. (Mar. 10:28-30; Heb. 11:8-10) Huwag asahang hindi ka magkakaproblema. Nakita natin na nagkakaproblema rin kahit ang mga naglingkod kay Jehova nang buong buhay nila. (Sant. 1:2; 1 Ped. 5:9) Sa ngayon, mas marami tayong dahilan para magpokus sa hinaharap. Kitang-kita sa mga pangyayari sa mundo na tayo ay nasa huling bahagi na ng mga huling araw ng sistemang ito. Ang isa sa mga pagpapalang magpapasaya sa atin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay ang pagkabuhay-muli ng mga namatay nating mahal sa buhay. Sa panahong iyon, gagantimpalaan ni Jehova si Abraham dahil sa pananampalataya niya at matiyagang paghihintay. Bubuhayin niya itong muli, pati na ang pamilya nito, dito sa lupa. Nandoon ka kaya para salubungin sila? Posible iyan, kung gaya ni Abraham, handa kang magsakripisyo para sa Kaharian ng Diyos, papanatilihin mo ang pananampalataya mo sa kabila ng mga problema, at matiyaga kang maghihintay kay Jehova.—Mik. 7:7. w20.08 5-6 ¶13-14; 7 ¶17
Martes, Hulyo 12
Patunayan mong tapat ka maging hanggang kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.—Apoc. 2:10.
Alam natin na patayin man tayo ng mga kaaway, bubuhayin naman tayo ni Jehova. Kumbinsido tayo na wala silang magagawa para ihiwalay tayo kay Jehova. (Roma 8:35-39) Talagang marunong si Jehova sa pagbibigay sa atin ng pag-asang pagkabuhay-muli! Dahil dito, nawalan ng saysay ang isa sa pinakamabisang sandata ni Satanas at nagkaroon tayo ng lakas ng loob na manatiling tapat kay Jehova. Kapag pinagbantaan kang patayin ng mga kaaway ni Jehova, ipagkakatiwala mo ba sa kaniya ang buhay mo? Paano mo malalaman na kaya mong gawin iyan? Tanungin ang sarili, ‘Ipinapakita ba ng maliliit na desisyong ginagawa ko araw-araw na nagtitiwala ako kay Jehova?’ (Luc. 16:10) Puwede mo ring itanong, ‘Ipinapakita ba ng paraan ng pamumuhay ko na nagtitiwala ako sa pangako ni Jehova na siya ang magbibigay ng mga pangangailangan ko kung uunahin ko ang Kaharian niya?’ (Mat. 6:31-33) Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na iyan, magiging handa ka sa anumang pagsubok na darating sa buhay mo.—Kaw. 3:5, 6. w20.08 17-18 ¶15-16
Miyerkules, Hulyo 13
Gawin mo ang iyong buong makakaya para maging kalugod-lugod ka sa harap ng Diyos, isang manggagawa na walang ikinahihiya at ginagamit nang tama ang salita ng katotohanan.—2 Tim. 2:15.
Kailangan nating maging mahusay sa paggamit ng Salita ng Diyos. Magagawa natin iyan kung dadalo tayo sa mga pulong. Pero kung gusto nating makumbinsi ang iba na talagang mahalaga ang katotohanan sa Bibliya, kailangan nating regular na pag-aralan ang Bibliya. Kailangan nating gamitin ang Salita ng Diyos para mapatibay ang pananampalataya natin. Hindi lang natin basta binabasa ang Bibliya; binubulay-bulay natin ang nababasa natin at nagre-research tayo sa ating mga publikasyon para matiyak na tama ang pagkaunawa natin sa sinasabi ng Kasulatan at masunod ito. (1 Tim. 4:13-15) Kapag ginawa natin iyan, magagamit natin ang Salita ng Diyos para turuan ang iba. At hindi lang natin basta babasahin ang Bibliya sa mga tagapakinig natin; gusto natin silang matulungan na maunawaan ang teksto at kung paano ito makakatulong sa kanila. Kaya kapag regular nating pinag-aralan ang Bibliya, magiging mas mahusay tayo sa pagtuturo nito sa iba.—2 Tim. 3:16, 17. w20.09 28 ¶12
Huwebes, Hulyo 14
Isipin ninyong mabuti [si Jesus] . . . , para hindi kayo mapagod at sumuko.—Heb. 12:3.
Mananatili tayong nakapokus sa pangangaral kung pag-iisipan natin ang lahat ng ginagawa ni Jehova para sa atin. Halimbawa, binibigyan niya tayo ng napakaraming espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng nakaimprenta at digital na mga publikasyon, audio at video recording, at Internet broadcast. Pag-isipan ito: Ang mga impormasyon sa ating opisyal na website ay available sa mahigit 1,000 wika! (Mat. 24:45-47) Ang isa pang paraan para manatili tayong nakapokus sa pangangaral ay ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus. Nanatili siyang nakapokus sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan. (Juan 18:37) Hindi siya natukso nang ialok ni Satanas sa kaniya “ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito.” At hindi rin siya natukso nang gusto siyang gawing hari ng mga tao. (Mat. 4:8, 9; Juan 6:15) Hindi siya naimpluwensiyahan ng mga taong gustong yumaman, at hindi rin siya napigilan ng mga umuusig sa kaniya. (Luc. 9:58; Juan 8:59) Kapag nasusubok ang ating pananampalataya, mananatili tayong nakapokus kung aalalahanin natin ang payo ni apostol Pablo sa teksto sa araw na ito. w20.09 9-10 ¶6-7
Biyernes, Hulyo 15
Tularan ninyo ako, kung paanong tinutularan ko si Kristo.—1 Cor. 11:1.
Natutuwa tayo na napakaraming masisipag na sister sa kongregasyon natin! Nakikibahagi sila sa mga pulong at ministeryo. May mga tumutulong sa pagmamantini ng Kingdom Hall at nagmamalasakit sa mga kapatid. Siyempre pa, may mga problema sila. May mga nag-aalaga ng kanilang matatanda nang magulang. Ang iba naman ay inuusig ng kanilang mga kapamilya. At may mga nagsosolong magulang na kailangang magtrabaho para mapakain ang mga anak nila. Bakit kailangang suportahan ang mga sister? Kasi karaniwan nang hindi sila nirerespeto ng mga tao. Bukod diyan, sinasabi ng Bibliya na dapat silang suportahan. Halimbawa, sinabihan ni apostol Pablo ang kongregasyon sa Roma na tanggapin si Febe at ‘ibigay sa kaniya ang anumang tulong na kailangan niya.’ (Roma 16:1, 2) Malamang na mababa rin ang tingin ni Pablo noon sa mga babae. Pero bilang isang Kristiyano, tinularan niya si Jesus at pinakitunguhan ang mga babae nang may dignidad at kabaitan. w20.09 20 ¶1-2
Sabado, Hulyo 16
Gumawa ng mga alagad . . . , [na] itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.—Mat. 28:19, 20.
Para matulungan ang mga Bible study na magkaroon ng kagustuhang mangaral ng mabuting balita, puwede nating itanong: “Paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa itinuturo ng Bibliya? Sa tingin mo ba kailangan ding marinig ng iba ang tungkol dito? Ano ang puwede mong gawin para matulungan sila?” (Kaw. 3:27; Mat. 9:37, 38) Tandaan na tinagubilinan tayo ni Jesus na ituro sa iba na “tuparin ang lahat” ng utos niya. Siguradong kasama diyan ang dalawang pinakamahalagang utos—ibigin ang Diyos at mahalin ang kapuwa—na parehong konektado sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mat. 22:37-39) Ang totoo, pag-ibig ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral. May ilang Bible study na natatakot mangaral. Pero puwede nating sabihin sa kanila na sa tulong ni Jehova, unti-unti nilang malalabanan ang takot sa tao.—Awit 18:1-3; Kaw. 29:25. w20.11 3 ¶6-8
Linggo, Hulyo 17
Lagi na namin kayong ipinapanalangin.—Col. 1:9.
Kapag naghahanda sa isang Bible study, ipanalangin kay Jehova ang Bible study mo at ang mga kailangan niya. Hilingin kay Jehova na tulungan kang makapagturo mula sa Bibliya sa paraang maaabot ang puso ng study mo. Tandaan na gusto mo siyang sumulong at magpabautismo. Kailangan din niyang makinig at makipag-usap kay Jehova. Paano? Nakikinig siya sa Diyos kapag nagbabasa siya ng Bibliya araw-araw. (Jos. 1:8; Awit 1:1-3) Puwede siyang makipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng pananalangin araw-araw. Kaya taos-pusong manalangin sa pasimula at pagtatapos ng bawat pag-aaral, at banggitin ang study mo sa mga panalanging iyon. Habang nakikinig siya sa mga panalangin mo, natututo siyang manalangin kay Jehova mula sa puso at sa pangalan ni Jesu-Kristo. (Mat. 6:9; Juan 15:16) Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw (pakikinig kay Jehova) at pananalangin (pakikipag-usap kay Jehova) ay talagang makakatulong sa study mo na mapalapít sa Diyos!—Sant. 4:8. w20.10 8 ¶8; 9 ¶10-11
Lunes, Hulyo 18
[Panatilihin] ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.—Efe. 4:3.
Talagang pinagsisikapan ng organisasyon ni Jehova ngayon na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan, gaya ng mga Kristiyano noon. (Gawa 16:4, 5) Halimbawa, saanmang kongregasyon o bansa ka dumalo ng Pag-aaral sa Bantayan, iisa lang ang tinatalakay at paraan ng pagtalakay. Kaya komportable ka agad! Ang pagkakaisang iyan ay dahil lang sa espiritu ng Diyos. (Zef. 3:9, tlb.) Ano ang puwede mong gawin? Tanungin ang sarili: ‘Nakakatulong ba ako para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon? Masunurin ba ako sa mga nangunguna? Maaasahan ba ako, lalo na kung may pribilehiyo ako sa kongregasyon? Nasa oras ba ako, matulungin, at handang maglingkod?’ (Sant. 3:17) Kapag nakita mong may kailangan ka pang pasulungin, manalangin para sa banal na espiritu. Mapapahusay nito ang iyong personalidad at pagkilos, kaya mas mamahalin ka at pahahalagahan ng mga kapatid. w20.10 23 ¶12-13
Martes, Hulyo 19
Maging tagatupad kayo ng salita at hindi tagapakinig lang.—Sant. 1:22.
Ang Salita ng Diyos ay puwedeng maging salamin para sa atin. (Sant. 1:23-25) Karamihan sa atin ay nananalamin tuwing umaga bago umalis ng bahay. Kaya nakikita na natin ang mga kailangang ayusin bago pa ito makita ng iba. Kapag binabasa natin ang Bibliya araw-araw, nakikita rin natin ang mga dapat nating baguhin sa ating pag-iisip at ugali. Nakakatulong sa marami ang pagbabasa ng pang-araw-araw na teksto tuwing umaga bago sila umalis ng bahay. Hinahayaan nila itong makaimpluwensiya sa kanilang pag-iisip. At sa buong maghapon, sinisikap nilang sundin ang payo ng Bibliya. Dapat din nating pag-aralan at laging isipin ang Salita ng Diyos araw-araw. Parang simple lang ito, pero napakahalaga nito para manatili tayo sa makitid na daan papunta sa buhay. Ang Salita ng Diyos ay parang X-ray machine, na nakakatulong para makita ang mga bagay na hindi nakikita. Pero dapat tayong maging mapagpakumbaba para masunod natin ang payo ng Bibliya o ng mga kinatawan ng Diyos. w20.11 18 ¶3; 20 ¶8
Miyerkules, Hulyo 20
Patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.—Gawa 16:5.
Madalas na pinag-uusig ang unang-siglong mga Kristiyano, pero nagkaroon din sila ng panahon ng kapayapaan. Paano ginamit ng tapat na mga alagad ang panahong ito? Lubusan nilang ipinangaral ang mabuting balita. Sinasabi sa aklat ng Gawa na ‘namuhay sila nang may takot kay Jehova.’ Patuloy nilang ipinangaral ang mabuting balita, kaya ‘patuloy silang dumami.’ Talagang pinagpala ni Jehova ang sigasig nila sa pangangaral sa panahon ng kapayapaan! (Gawa 9:26-31) Sinamantala ng unang-siglong mga alagad ang bawat pagkakataon para ipangaral ang mabuting balita. Halimbawa, nang makita ni apostol Pablo na may isang malaking pinto na binuksan para sa kaniya habang nasa Efeso, sinamantala niya ang pagkakataon na mangaral at gumawa ng alagad sa lunsod na iyon. (1 Cor. 16:8, 9) Nagsikap nang husto ang mga alagad na ihayag “ang mabuting balita ng salita ni Jehova.” (Gawa 15:30-35) Ano ang resulta? Sinasabi sa atin ng teksto sa araw na ito. w20.09 16 ¶6-8
Huwebes, Hulyo 21
Nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao.—1 Cor. 15:21.
Nang magkasala si Adan, ipinahamak niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga inapo. Patuloy tayong nagdurusa dahil sa pagsuway niya. Pero posible tayong magkaroon ng magandang kinabukasan dahil binuhay ng Diyos ang Anak niya! “Ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao,” si Jesus. “Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay,” ang sabi ni apostol Pablo, “kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin.” (1 Cor. 15:22) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “kay Adan, ang lahat ay namamatay”? Nasa isip ni Pablo ang mga inapo ni Adan, na nagmana ng kasalanan at pagiging di-perpekto mula kay Adan at namamatay. (Roma 5:12) Hindi kasama si Adan sa mga “bubuhayin.” Hindi makikinabang si Adan sa pantubos ni Kristo, dahil si Adan ay perpekto at kusang sumuway sa Diyos. Ang nangyari kay Adan ay mangyayari din sa mga hahatulan ng “Anak ng tao” bilang “kambing,” ibig sabihin, “walang-hanggang kamatayan.”—Mat. 25:31-33, 46; Heb. 5:9. w20.12 5 ¶13-14
Biyernes, Hulyo 22
Nagbibigay-pansin [si Jehova] sa mapagpakumbaba.—Awit 138:6.
Kapag hindi natin nakuha ang isang pribilehiyo, isipin ang halimbawa ng tapat na mga anghel. Noong namamahala si Haring Ahab, tinanong ni Jehova ang mga anghel kung paano nila lilinlangin ang masamang haring ito. Nagbigay ng mga mungkahi ang ilang anghel. Pero ang mungkahi ng isang anghel ang pinili ng Diyos at sinabing magtatagumpay ito. (1 Hari 22:19-22) Nasiraan ba ng loob ang iba pang tapat na mga anghel at inisip, ‘Ba’t pa kasi ako nagmungkahi?’ Hindi nila iisipin iyon! Talagang mapagpakumbaba ang mga anghel, at gusto nilang kay Jehova mapunta ang lahat ng karangalan. (Huk. 13:16-18; Apoc. 19:10) Tandaan na isang napakalaking pribilehiyo na maging Saksi ni Jehova at mangaral tungkol sa Kaharian niya. Ang mga pribilehiyo ay hindi kailangan para maging mahalaga tayo sa Diyos. Kapakumbabaan ang kailangan para mahalin tayo ni Jehova at ng mga kapatid. Kaya makiusap kay Jehova na tulungan kang maging mapagpakumbaba. Isipin ang maraming magagandang halimbawa ng kapakumbabaan na mababasa sa kaniyang Salita. Paglingkuran mo ang mga kapatid sa abot ng iyong makakaya.—1 Ped. 5:5. w20.12 26 ¶16-17
Sabado, Hulyo 23
Tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos.—Efe. 6:17.
Ang helmet ng kaligtasan ay ang pag-asang ibinibigay ni Jehova—ang pag-asa na ililigtas niya tayo mula sa kamatayan at na gagantimpalaan niya ang lahat ng gumagawa ng kalooban niya. (1 Tes. 5:8; 1 Tim. 4:10; Tito 1:1, 2) Napoprotektahan ng pag-asa nating maligtas ang ating kakayahang mag-isip. Nakakatulong iyon na makapagpokus tayo sa mga pangako ng Diyos at magkaroon ng tamang pananaw sa mga problema. Isinusuot natin ang helmet na ito kapag tinutularan natin ang kaisipan ng Diyos. Halimbawa, hindi tayo umaasa sa kayamanan na walang katiyakan, kundi sa Diyos. (Awit 26:2; 104:34; 1 Tim. 6:17) Ang espada ng espiritu ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kaya nitong putulin ang kasinungalingan na gumagapos sa mga tao at palayain sila mula sa maling mga turo at masasamang gawain. (2 Cor. 10:4, 5; 2 Tim. 3:16, 17; Heb. 4:12) Natututuhan nating gamitin nang tama ang espadang ito kapag personal tayong nag-aaral at kapag tinatanggap natin ang mga pagsasanay mula sa organisasyon ng Diyos.—2 Tim. 2:15. w21.03 27 ¶4; 29 ¶10-11
Linggo, Hulyo 24
[Ako] ay nasa isla na tinatawag na Patmos dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.—Apoc. 1:9.
Kahit nakabilanggo na dahil sa pangangaral tungkol kay Jesus, kapakanan pa rin ng iba ang iniisip ni apostol Juan. Halimbawa, isinulat niya ang pagsisiwalat na natanggap niya at ipinadala ito sa mga kongregasyon para malaman nila kung ano ang “malapit nang mangyari.” (Apoc. 1:1) Pagkatapos, malamang na noong makalaya siya sa Patmos, isinulat ni Juan ang kaniyang Ebanghelyo tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. Sumulat din siya ng tatlong liham para pasiglahin at patibayin ang kaniyang mga kapatid. Matutularan mo ang pagsasakripisyo ni Juan at mapapatunayan mong mahal mo ang mga tao depende sa pipiliin mong gawin sa buhay mo. Gusto ng sanlibutan ni Satanas na gamitin mo ang lahat ng panahon mo at lakas para sa iyong sarili, para kumita ng pera o maging sikat. Pero iba ang mapagsakripisyong mga mamamahayag ng Kaharian sa buong mundo. Hangga’t maaari, mas maraming panahon ang ginagamit nila sa pangangaral ng mabuting balita at pagtulong sa mga tao na mapalapít kay Jehova. w21.01 10 ¶9-10
Lunes, Hulyo 25
Minahal ni Jonatan si David na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.—1 Sam. 18:1.
Puwede sanang nainggit si Jonatan kay David at ipinilit na siya dapat ang susunod na hari dahil anak siya ni Haring Saul. (1 Sam. 20:31) Pero mapagpakumbaba si Jonatan at tapat siya kay Jehova. Kaya lubusan niyang sinuportahan si David, ang pinili ni Jehova na maging susunod na hari. Naging tapat din siya kay David, kahit pa ikinagalit ito ni Saul. (1 Sam. 20:32-34) May magiliw na pagmamahal si Jonatan kay David, kaya hindi niya ito itinuring na karibal. Si Jonatan ay mahusay na mamamanà at matapang na mandirigma. Siya at ang kaniyang amang si Saul ay kilalá na “mas matutulin . . . kaysa sa mga agila” at “mas malalakas kaysa sa mga leon.” (2 Sam. 1:22, 23) Kaya puwede sanang ipinagyabang ni Jonatan ang magagandang nagawa niya. Pero hindi niya kinompetensiya o kinainggitan si David. Sa halip, hinangaan ni Jonatan si David dahil sa lakas ng loob nito at pagtitiwala kay Jehova. Ang totoo, nagsimulang mapamahal kay Jonatan si David nang mapatay nito si Goliat. w21.01 21 ¶6; 22 ¶8-9
Martes, Hulyo 26
Ang ulo ng babae ay ang lalaki.—1 Cor. 11:3.
Lahat ng Kristiyano ay nasa ilalim ng perpektong pagkaulo ni Jesu-Kristo. Pero kapag nag-asawa na ang isang babaeng Kristiyano, nagiging ulo niya ang isang di-perpektong lalaki. Hindi iyan madali. Kaya kapag mayroon na siyang napipiling maging asawa, makakabuting itanong niya sa sarili: ‘Ano ang indikasyon na magiging mabuting ulo ng pamilya ang brother na ito? Pangunahin ba sa buhay niya ang paglilingkod kay Jehova? Kung hindi, bakit iniisip kong magiging mabuti siyang ulo ng pamilya pagdating sa aming espirituwalidad pagkatapos naming ikasal?’ Makakabuti ring itanong ng isang sister: ‘Anong mga katangian ko ang makakatulong sa aming pagsasama? Pasensiyosa ba ako at bukas-palad? Malapít ba ang kaugnayan ko kay Jehova?’ (Ecles. 4:9, 12) Sa paanuman, nakadepende sa desisyon ng isang sister bago siya mag-asawa kung gaano kasaya ang magiging buhay niya bilang may-asawa. Milyon-milyong sister natin ang nagpakita ng mahusay na halimbawa sa pagiging mapagpasakop sa kani-kanilang asawa. Dapat silang komendahan! w21.02 8 ¶1-2
Miyerkules, Hulyo 27
Pumunta ka sa Macedonia at tulungan mo kami.—Gawa 16:9.
Nitong mga nakaraang taon, ginawang tunguhin ng maraming mamamahayag na mag-aral ng ibang wika para mapalawak ang kanilang ministeryo at lumipat sa isang kongregasyong may mas malaking pangangailangan. Personal nilang desisyon ito para kay Jehova. Baka matagal pa bago sila maging mahusay sa bagong wika, pero ngayon pa lang, marami na silang naitutulong sa kongregasyon. Ang magaganda nilang katangian at karanasan ay nagpapatibay sa kongregasyon. Pinapahalagahan natin ang mapagsakripisyong mga kapatid na ito! Hindi dapat mag-alangan ang lupon ng matatanda na irekomenda ang isang brother bilang elder o ministeryal na lingkod dahil lang sa hindi siya ganoon kahusay sa wikang ginagamit ng kongregasyon. Ang dapat na maging basehan ng mga elder ay ang mga kuwalipikasyong sinasabi ng Bibliya para sa mga elder at ministeryal na lingkod at hindi ang kakayahan ng brother sa pagsasalita ng wikang ginagamit ng kongregasyon.—1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9. w20.08 30 ¶15-16
Huwebes, Hulyo 28
Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.—Sant. 1:2.
Iniisip ng mga tao na magiging masaya lang sila kung maganda ang kalusugan nila, marami silang pera, at maligaya ang pamilya nila. Pero ang kagalakan na isinulat ni Santiago ay kasama sa mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos at hindi ito nakadepende sa kalagayan ng isang tao. (Gal. 5:22) Nagiging maligaya, o tunay na masaya, ang isang Kristiyano kapag alam niyang napapasaya niya si Jehova at nasusunod ang halimbawa ni Jesus. (Luc. 6:22, 23; Col. 1:10, 11) Ang kagalakan natin ay parang apoy na napoprotektahan ng lampara; hindi ito basta-basta namamatay. Hindi agad nawawala ang kagalakan natin kahit magkasakit tayo o kahit kaunti na lang ang pera natin. Hindi rin ito nawawala kahit inaalipusta o pinag-uusig tayo ng mga kapamilya natin o ng iba. Lalo pa nga itong nagniningas, o lalo tayong nagiging masaya habang pinag-uusig tayo. Ang mga pagsubok na dinadanas natin dahil sa ating pananampalataya ay nagpapatunay na mga tunay na alagad tayo ni Kristo. (Mat. 10:22; 24:9; Juan 15:20) Kaya isinulat ni Santiago ang pananalita sa teksto sa araw na ito. w21.02 27-28 ¶6
Biyernes, Hulyo 29
Ang positibong salita ay nagpapasaya [sa puso].—Kaw. 12:25.
Kapag nakakabasa ka ng mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang magkakaroon ka ng lakas kung mananatili kang panatag at magtitiwala kay Jehova, sikaping i-memorize ang mga iyon. Makakatulong kung babasahin mo ang mga iyon nang malakas o isusulat at babalik-balikan. Inutusan si Josue na regular na basahin nang pabulong ang aklat ng Kautusan para makapagdesisyon siya nang tama. Makakatulong din ito para madaig niya ang takot na puwede niyang madama. (Jos. 1:8, 9) Marami kang mababasa sa Salita ng Diyos na makakapagbigay sa iyo ng kapayapaan ng isip at puso sa mga sitwasyong puwede mong ikabalisa o ikatakot. (Awit 27:1-3; Kaw. 3:25, 26) Sa mga pulong, makikinabang tayo sa mga pahayag, mga komento, at nakakapagpatibay na pakikipag-usap sa ating mga kapatid. (Heb. 10:24, 25) Mapapatibay din tayo nang husto kapag sinasabi natin ang ating nadarama sa ating mga pinagkakatiwalaang kaibigan sa kongregasyon. w21.01 6 ¶15-16
Sabado, Hulyo 30
Maging halimbawa ka sa mga tapat.—1 Tim. 4:12.
Nang mabautismuhan ka, ipinakita mo ang pananampalataya mo at pagtitiwala kay Jehova. At ipinagkatiwala sa iyo ni Jehova ang pribilehiyo na maging bahagi ng pamilya niya. Ang kailangan mong gawin ngayon ay laging magtiwala kay Jehova. Baka madaling gawin iyan kapag napaharap ka sa malalaking desisyon, pero paano naman sa iba pang bagay? Napakahalaga na magtiwala kay Jehova kapag gumagawa ng mga desisyon, kasama na dito ang pagpili ng libangan, trabaho, at tunguhin sa buhay! Huwag magtiwala sa mga bagay na alam mo. Humanap ng mga prinsipyo sa Bibliya na bagay sa kalagayan mo, at sundin iyon. (Kaw. 3:5, 6) Kung gagawin mo iyan, mapapasaya mo si Jehova at makukuha mo ang respeto ng mga kapatid sa kongregasyon. Siyempre, walang perpekto sa atin. Kaya minsan, puwede kang makagawa ng pagkakamali. Pero hindi ito dapat makapigil sa iyo na gawin ang makakaya mo para paglingkuran si Jehova. w21.03 6 ¶14-15
Linggo, Hulyo 31
Iniligtas niya ako sa bibig ng leon.—2 Tim. 4:17.
Pinag-uusig ka ba ng mga kapamilya mo? O hinihigpitan ba ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa ninyo o ipinagbabawal pa nga? Kung oo, mapapatibay ka ng 2 Timoteo 1:12-16 at 4:6-11, 17-22. Isinulat ni apostol Pablo ang mga talatang ito noong nakabilanggo siya. Bago basahin ang mga talatang iyon, sabihin kay Jehova ang problema mo at ang nararamdaman mo. Maging espesipiko. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain sa ulat na makakatulong sa iyo na maharap ang problema mo. Binabalaan ni Jehova si Pablo na pag-uusigin siya dahil sa pagiging Kristiyano. (Gawa 21:11-13) Paano tinulungan ni Jehova si Pablo? Sinagot niya ang mga panalangin nito at patuloy siyang pinalakas. (2 Tim. 4:17) Tiniyak kay Pablo na pagpapalain siya dahil sa pagsisikap niya. Ginamit din ni Jehova ang mga tapat na kaibigan ni Pablo para tulungan siya. w21.03 18 ¶14-15, 19