Agosto
Lunes, Agosto 1
Kung nakahiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawang anuman.—Juan 15:5.
Ang matalik na mga kaibigan lang ni Jesus ang makikinabang sa haing pantubos niya. Sinabi ni Jesus na ‘ibibigay niya ang sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.’ (Juan 15:13) Ang tapat na mga taong nabuhay bago dumating si Jesus sa lupa ay kailangang matuto tungkol sa kaniya at mahalin siya. Ang mga tapat na lingkod ni Jehova ay bubuhaying muli, pero dapat pa rin silang maging kaibigan ni Jesus para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:3; Gawa 24:15; Heb. 11:8-12, 24-26, 31) Natutuwa tayong maging kamanggagawa ni Jesus sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian. Noong nasa lupa si Jesus, nagturo siya sa mga tao. At nang bumalik siya sa langit, patuloy niyang pinangasiwaan ang gawaing pangangaral at pagtuturo bilang ulo ng kongregasyon. Nakikita niya at pinapahalagahan ang pagsisikap mong makatulong sa marami na makilala siya at ang kaniyang Ama. Sa katunayan, magagawa lang natin ang gawaing ito sa tulong ni Jehova at ni Jesus.—Juan 15:4. w20.04 22 ¶7-8
Martes, Agosto 2
Ang . . . dalawang haring ito ay . . . uupo . . . sa iisang mesa at magsisinungaling sa isa’t isa.—Dan. 11:27.
Noong una, ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog” ay tumutukoy sa politikal na mga kapangyarihang nasa hilaga at timog ng bansang Israel. (Dan. 10:14) Ang literal na bansang Israel ang piniling bayan ng Diyos hanggang Pentecostes 33 C.E. Pero mula noon, nilinaw ni Jehova na ang bayan niya ay ang tapat na mga alagad ni Jesus. Kaya ang malaking bahagi ng hula sa Daniel kabanata 11 ay hindi tungkol sa literal na bansang Israel kundi sa mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 2:1-4; Roma 9:6-8; Gal. 6:15, 16) At sa paglipas ng panahon, iba’t ibang tagapamahala at gobyerno ang naging hari ng hilaga at hari ng timog. Pero may pagkakatulad ang mga ito. Una, malaki ang epekto ng pamamahala ng mga haring ito sa bayan ng Diyos. Ikalawa, sa ginawa nilang pakikitungo sa bayan ng Diyos, pinatunayan nilang napopoot sila sa tunay na Diyos, si Jehova. At ikatlo, naglalabanan ang dalawang haring ito para sa kapangyarihan. w20.05 3 ¶3-4
Miyerkules, Agosto 3
Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.—Ex. 3:14.
Napapangyari ni Jehova ang mga bagay-bagay dahil nagiging anuman siya na kinakailangan para matupad ang kaniyang layunin. Kaya rin ni Jehova na pangyarihin ang di-perpektong mga lingkod niya na maging anuman na kinakailangan para mapaglingkuran siya at matupad ang kaniyang layunin. (Isa. 64:8) Sa ganitong mga paraan pinangyayari ni Jehova ang kalooban niya. Walang makakapigil sa kaniya na matupad ang kaniyang mga layunin. (Isa. 46:10, 11) Mapapasidhi natin ang ating paghanga at paggalang sa ating Ama sa langit kung bubulay-bulayin natin ang mga ginawa niya at ang mga bagay na pinangyayari niyang magawa natin. Halimbawa, kapag binulay-bulay natin ang kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova, talagang mapapahanga tayo sa lahat ng ginawa niya. (Awit 8:3, 4) At kung iisipin natin ang mga nagawa natin sa tulong ni Jehova, lalong sisidhi ang paggalang natin sa kaniya. Talagang kamangha-mangha ang pangalang Jehova! Ipinapakita nito kung sino talaga ang ating Ama, ang lahat ng nagawa niya, at mga gagawin pa.—Awit 89:7, 8. w20.06 9 ¶6-7
Huwebes, Agosto 4
Ang Diyos . . . ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay [at] hininga.—Gawa 17:24, 25.
Ang oxygen ay isang gas na kailangan ng mga tao at hayop para mabuhay. Sa loob ng isang taon, tinatayang 100 bilyong tonelada ng oxygen ang nilalanghap ng mga nilalang na ito. Ang mga ito rin ay naglalabas ng waste product na tinatawag na carbon dioxide. Pero hindi nauubos ang oxygen at hindi rin napupuno ng carbon dioxide ang atmospera. Bakit? Dahil lumikha rin si Jehova ng mga puno at halaman na kumukuha ng carbon dioxide at naglalabas ng oxygen. Kaya pinapatunayan ng oxygen cycle ang sinasabi sa teksto sa araw na ito. Ano ang tutulong sa atin para magkaroon ng pagpapahalaga sa kahanga-hanga nating planeta at sa lahat ng magagandang bagay na narito? (Awit 115:16) Ang isang paraan ay ang pagbubulay-bulay sa mga ginawa ni Jehova. Mapapakilos tayo nitong pasalamatan siya araw-araw para sa mga ibinibigay niya sa atin. At maipapakita nating pinapahalagahan natin ang lupa kung pananatilihin nating malinis ang lugar na tinitirhan natin. w20.05 22 ¶5, 7
Biyernes, Agosto 5
Pababanalin ko ang aking dakilang pangalan, na nalapastangan sa gitna ng mga bansa.—Ezek. 36:23.
Sinagot ni Jehova ang hamon ni Satanas pero nakapagpakita pa rin siya ng karunungan, pagtitiis, at katarungan. Naipakita rin niya ang walang-kapantay niyang kapangyarihan sa maraming paraan. Higit sa lahat, makikita ang pag-ibig niya sa lahat ng ginagawa niya. (1 Juan 4:8) Si Jehova ay hindi tumitigil sa pagpapabanal sa pangalan niya. Sinisiraan pa rin ni Satanas ang pangalan ng Diyos ngayon. Gusto niyang pagdudahan ng mga tao na ang Diyos ay makapangyarihan, makatarungan, marunong, at mapagmahal. Halimbawa, sinusubukan ni Satanas na kumbinsihin ang mga tao na si Jehova ay hindi Maylalang. At kung naniniwala naman ang mga tao na may Diyos, sinusubukan naman silang paniwalain ni Satanas na ang Diyos at ang pamantayan Niya ay mahigpit at hindi patas. Itinuturo pa nga niya sa mga tao na si Jehova ay malupit na Diyos, na sinusunog ang mga tao sa impiyerno. Kapag naniwala sila sa mga kasinungalingang ito, madali na para sa kanila na tanggihan ang pamamahala ni Jehova. Hangga’t hindi pa napupuksa si Satanas, gagawin niya ang lahat para ilayo ka rin kay Jehova. Huwag mong hayaang magtagumpay siya! w20.06 5 ¶13-15
Sabado, Agosto 6
Walang pagkakaiba ang Griego at Judio, tuli at di-tuli, banyaga, Scita, alipin, at taong malaya; kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.—Col. 3:11.
Sa maraming kongregasyon, may mga kapatid na nagsisikap matuto ng ibang wika. Baka nahihirapan silang sabihin ang iniisip nila. Pero kung hindi tayo magpopokus sa kakayahan nilang magsalita ng wika natin, makikita nating mahal nila si Jehova at gusto nilang paglingkuran siya. Kapag nakita natin ang magagandang katangiang iyan, talagang papahalagahan natin at irerespeto ang mga kapatid na ito. Hindi natin sasabihing ‘Hindi namin kayo kailangan’ dahil lang sa hindi sila ganoon kahusay sa wika natin. (1 Cor. 12:21) Binigyan tayo ni Jehova ng napakagandang pribilehiyo na magkaroon ng papel sa kongregasyon. Lalaki man tayo o babae, may asawa o wala, bata o matanda, o mahusay sa isang wika o hindi, napakahalaga natin kay Jehova at sa isa’t isa. (Roma 12:4, 5; Col. 3:10) Lagi sana tayong humanap ng mga paraan para maipakitang pinapahalagahan natin ang papel natin at ang papel ng iba sa kongregasyon ni Jehova. w20.08 31 ¶20-22
Linggo, Agosto 7
May mga sumama sa kaniya at naging mananampalataya.—Gawa 17:34.
Hindi inisip ni apostol Pablo na imposibleng maging alagad ang mga taga-Atenas, kahit na ang lunsod nila ay punô ng idolatriya, seksuwal na imoralidad, at paganong pilosopiya. Hindi rin siya nasiraan ng loob sa mga pang-iinsulto nila. Si Pablo mismo ay naging Kristiyano, kahit dati siyang “mamumusong, mang-uusig, at walang galang.” (1 Tim. 1:13) Nakita ni Jesus na posibleng maging alagad si Pablo, at nakita ni Pablo na posible ring maging alagad ang mga taga-Atenas. At hindi siya nagkamali. (Gawa 9:13-15) Noong unang siglo, iba-iba ang paraan ng pamumuhay ng mga naging alagad ni Jesus. Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod ng Corinto sa Gresya, sinabi niya na ang ilan sa kongregasyon ay dating mga kriminal o imoral. Sinabi pa niya: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Pero hinugasan na kayo.” (1 Cor. 6:9-11) Maiisip mo rin ba na puwedeng magbago at maging alagad ang ganoong uri ng mga tao? w20.04 12 ¶15-16
Lunes, Agosto 8
Hindi ko na kaya! . . . Kunin mo na ang buhay ko.—1 Hari 19:4.
Imbes na hatulan agad ang mga nag-iisip kung sulit bang maglingkod kay Jehova, dapat alamin ng mga elder kung bakit nila nasabi o naisip ang mga iyon. Kapag nagawa na iyon ng mga elder, saka lang nila maibibigay ang kinakailangang pampatibay mula sa Bibliya. Tumakas si propeta Elias mula kay Reyna Jezebel. (1 Hari 19:1-3) Akala niya, wala siyang silbi, at gusto na niyang mamatay. (1 Hari 19:10) Imbes na hatulan si Elias, tiniyak ni Jehova sa kaniya na hindi siya nag-iisa, na makakapagtiwala siya sa kapangyarihan ng Diyos, at na marami pa siyang kailangang gawin. Nakinig na mabuti si Jehova kay Elias at binigyan siya ng bagong mga atas. (1 Hari 19:11-16, 18) Ang aral? Lahat tayo, lalo na ang mga elder, ay dapat na maging mabait sa tupa ni Jehova. Mayroon man siyang sama ng loob o pakiramdam niya ay hindi siya nararapat sa awa ni Jehova, dapat siyang pakinggang mabuti ng mga elder at tiyakin sa kaniya na mahalaga siya kay Jehova. w20.06 21-22 ¶13-14
Martes, Agosto 9
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.—Kaw. 17:17.
Gusto ni Jehova na mag-enjoy tayo sa pakikipagsamahan sa ating mga kaibigan at kapamilya. (Awit 133:1) May mabubuting kaibigan si Jesus. (Juan 15:15) Mababasa sa Bibliya ang mga pakinabang kapag mayroon tayong tunay na mga kaibigan. (Kaw. 18:24) At sinasabi dito na hindi natin dapat ibukod ang ating sarili. (Kaw. 18:1) Iniisip ng marami na social media ang paraan para magkaroon tayo ng maraming kaibigan at hindi malungkot. Pero dapat tayong mag-ingat sa paggamit nito. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong nagbababad sa pagtingin sa mga post sa social media ay malamang na madepres at malungkot. Bakit? Dahil ang kadalasang ipino-post ng mga tao sa social media ay ang magagandang nangyayari sa buhay nila at ang magagandang litrato nila, ng mga kaibigan nila, at ng mga pinuntahan nila. Puwedeng maisip ng mga tumitingin sa mga litratong iyon na malungkot at boring ang buhay nila. w20.07 6 ¶12-13
Miyerkules, Agosto 10
Nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki para pag-usapan ang bagay na ito.—Gawa 15:6.
Sinasabi sa The Watchtower, isyu ng Oktubre 1, 1988: “Naniniwala ang mga elder na puwedeng gamitin ni Kristo ang banal na espiritu para tulungan ang sinumang elder sa kongregasyon na maisip ang prinsipyo sa Bibliya na kailangan ng mga elder para malaman ang gagawin sa isang sitwasyon o para makagawa ng mahalagang desisyon. (Gawa 15:7-15) Hindi lang isang elder ang tinutulungan ng banal na espiritu kundi ang lahat ng elder sa kongregasyon.” Pinapahalagahan ng isang elder ang kapuwa niya elder kung hindi niya susubukang laging maunang magbigay ng opinyon kapag may meeting sila. Hindi siya ang laging nagsasalita, at hindi rin niya iniisip na laging tama ang opinyon niya. Sa halip, mapagpakumbaba niyang sinasabi ang pananaw niya. Nakikinig siyang mabuti sa komento ng iba. At higit sa lahat, handa niyang ipakipag-usap ang mga prinsipyo sa Bibliya at sundin ang tagubilin ng “tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45-47) Kapag nagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ang mga elder habang pinag-uusapan ang mga bagay-bagay, dadaloy ang banal na espiritu, at aakayin sila nito sa tamang desisyon.—Sant. 3:17, 18. w20.08 27 ¶5-6
Huwebes, Agosto 11
Patuloy na daigin ng mabuti ang masama.—Roma 12:21.
Mas makapangyarihan kay apostol Pablo ang mga kaaway niya. Madalas siyang binubugbog at ibinibilanggo. Masama rin ang naging pagtrato kay Pablo ng mga taong dapat sana ay mga kaibigan niya. Kinalaban pa nga siya ng ilang Kristiyano. (2 Cor. 12:11; Fil. 3:18) Pero nadaig ni Pablo ang mga kumakalaban sa kaniya. Paano? Patuloy siyang nangaral sa kabila ng lahat ng ito. Nanatili siyang tapat sa mga kapatid kahit binigo nila siya. At higit sa lahat, naging tapat siya sa Diyos hanggang kamatayan. (2 Tim. 4:8) Nagawa niya ang lahat ng ito, hindi dahil malakas siya, kundi dahil umasa siya kay Jehova. Iniinsulto ka ba o inuusig? Tunguhin nating gamitin ang Salita ng Diyos para maabot ang puso at isip nila. Magagawa mo iyan kung gagamitin mo ang Bibliya para sagutin ang tanong ng mga tao, kung magiging magalang at mabait ka sa mga gumagawa ng masama sa iyo, at kung gagawa ka ng mabuti sa lahat, kahit sa mga kaaway mo.—Mat. 5:44; 1 Ped. 3:15-17. w20.07 17-18 ¶14-15
Biyernes, Agosto 12
Nagiging dakila ako dahil sa iyong kapakumbabaan.—2 Sam. 22:36.
Masasabi ba talaga nating mapagpakumbaba si Jehova? Oo naman, gaya ng sinabi ni David. (Awit 18:35) Posibleng naalala ni David ang araw noong pumunta si propeta Samuel sa bahay ng tatay ni David para pahiran ng langis ang susunod na hari ng Israel. Si David ang bunso sa walong magkakapatid na lalaki; pero siya ang pinili ni Jehova para pumalit kay Haring Saul. (1 Sam. 16:1, 10-13) Tiyak na sang-ayon si David sa sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Yumuyuko siya para tumingin sa langit at sa lupa, at ibinabangon niya ang hamak mula sa alabok. Hinahango niya ang dukha . . . para paupuin ito kasama ng mga prominenteng tao.” (Awit 113:6-8) Pinapatunayan ng pakikitungo ni Jehova sa di-perpektong mga tao na mapagpakumbaba siya. Hindi niya lang tinatanggap ang pagsamba natin, itinuturing niya rin tayong mga kaibigan. (Awit 25:14) Para maging posible ang pakikipagkaibigan kay Jehova, ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang hain para sa mga kasalanan natin. Talagang maawain at mapagmalasakit si Jehova! w20.08 8 ¶1-3
Sabado, Agosto 13
Hindi [gusto ni Jehova] na mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.—2 Ped. 3:9.
May takdang araw at oras si Jehova kung kailan niya wawakasan ang masamang sistemang ito. (Mat. 24:36) Magtitiis siya hanggang sa panahong iyon kahit gustong-gusto na niyang buhayin ang mga patay. (Job 14:14, 15) Hinihintay niya ang takdang panahon ng pagbuhay-muli sa kanila. (Juan 5:28) Marami tayong dahilan para pasalamatan ang pagtitiis ni Jehova. Isipin ito: Dahil matiisin si Jehova, maraming tao, kasama na tayo, ang nagkaroon ng panahon para “magsisi.” Gusto ni Jehova na hangga’t maaari, maraming tao ang magkaroon ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Kaya ipakita nating nagpapasalamat tayo sa kaniyang pagiging matiisin. Paano? Maging masigasig sa paghahanap sa mga taong “nakaayon sa buhay na walang hanggan” at tulungan silang ibigin at paglingkuran si Jehova. (Gawa 13:48) Sa paggawa nito, makikinabang din sila sa pagiging matiisin ni Jehova gaya natin. w20.08 18 ¶17
Linggo, Agosto 14
Ipaalám mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.—Awit 25:4.
Gusto nating matuto ang Bible study natin tungkol kay Jehova pero dapat itong tumagos sa puso niya. Bakit? Dahil ang ating puso—na pinagmumulan ng ating mga kagustuhan at emosyon—ang nagpapakilos sa atin na isabuhay ang mga natututuhan natin. Nagustuhan ng mga tao ang mga itinuro ni Jesus. Pero kaya sila sumunod sa kaniya ay dahil naabot niya ang puso nila. (Luc. 24:15, 27, 32) Kailangang maging totoong-totoo sa study mo si Jehova, ang Isa na puwede niyang lapitan bilang kaniyang Ama, Diyos, at Kaibigan. (Awit 25:5) Kapag nagba-Bible study kayo, itampok ang mga katangian ng Diyos. (Ex. 34:5, 6; 1 Ped. 5:6, 7) Anumang paksa ang tinatalakay ninyo, ipakita kung anong uri ng Diyos si Jehova. Tulungan ang Bible study mo na pahalagahan ang mga katangian ng Diyos—ang kaniyang pag-ibig, kabaitan, at pagmamalasakit. Sinabi ni Jesus na “ang pinakamahalaga at unang utos” ay “ibigin si Jehova na iyong Diyos.” (Mat. 22:37, 38) Tulungan siyang ibigin ang Diyos nang buong puso. w20.10 10 ¶12
Lunes, Agosto 15
Mahal ni Jesus si Marta, ang kapatid nitong babae, at si Lazaro.—Juan 11:5.
Nirespeto ni Jesus ang lahat ng babae. (Juan 4:27) Malaki ang respeto ni Jesus sa mga babaeng gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Tinawag pa nga niya silang mga kapatid at itinuring na bahagi ng kaniyang espirituwal na pamilya kasama ng mga kapatid na lalaki. (Mat. 12:50) Naging isang tunay na kaibigan din siya sa kanila. Naging kaibigan niya sina Maria at Marta, na malamang ay parehong walang asawa. (Luc. 10:38-42) Dahil sa pagsasalita at pagkilos ni Jesus, naging komportable sila sa kaniya. Hindi nahiya si Maria na maupo sa paanan ni Jesus bilang isang alagad. At hindi rin nahiya si Marta na sabihin kay Jesus ang nasa isip niya nang hindi siya tulungan ni Maria. Sa pagkakataong iyon, may naituro si Jesus na magagandang aral sa magkapatid. At ipinakita niya ang malasakit sa kanila at sa kapatid nilang si Lazaro nang dalawin niya ulit sila sa iba pang pagkakataon. (Juan 12:1-3) Kaya noong magkasakit nang malubha si Lazaro, alam nina Maria at Marta na makakahingi sila ng tulong kay Jesus.—Juan 11:3. w20.09 20 ¶3; 21 ¶6
Martes, Agosto 16
Inaakala nilang agad nilang makikita ang Kaharian ng Diyos.—Luc. 19:11.
Inasahan ng mga alagad ni Jesus na “agad nilang makikita” ang Kaharian at ililigtas sila nito mula sa kalupitan ng mga Romano. Hinihintay natin ang pagdating ng araw na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang kasamaan at itatatag ang isang matuwid na bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Pero kailangan tayong magtiis habang hinihintay ang itinakdang panahon ni Jehova. Binigyan ni Jehova si Noe ng sapat na panahon para magawa ang arka at maging “mángangarál ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5; 1 Ped. 3:20) Nakinig si Jehova habang paulit-ulit siyang tinatanong ni Abraham tungkol sa Kaniyang desisyon na lipulin ang masasamang taong nakatira sa Sodoma at Gomorra. (Gen. 18:20-33) Sa loob ng daan-daang taon, talagang naging matiisin si Jehova sa di-tapat na bansang Israel. (Neh. 9:30, 31) Sa ngayon, nakikita natin ang pagiging matiisin ni Jehova dahil binibigyan niya ng sapat na panahon na “magsisi” ang mga taong gusto niyang maging kaibigan. (2 Ped. 3:9; Juan 6:44; 1 Tim. 2:3, 4) Kaya dapat lang na maging matiisin din tayong gaya ni Jehova habang patuloy tayong nangangaral at nagtuturo. w20.09 10 ¶8-9
Miyerkules, Agosto 17
Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.—Gawa 24:15.
Kapag binuhay ni Jehova ang mga tao, ibabalik niya ang memorya nila at personalidad. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nitong mahal na mahal ka ni Jehova at tinatandaan niya ang lahat ng iyong iniisip, nararamdaman, sinasabi, at ginagawa. Kaya kung bubuhayin kang muli, madali niyang maibabalik ang iyong memorya, ugali, at personalidad. Alam ni Haring David kung gaano kainteresado si Jehova sa bawat isa sa atin. (Awit 139:1-4) Ano ang nararamdaman natin ngayong alam na natin kung gaano tayo kakilala ni Jehova? Kapag pinag-iisipan natin kung gaano tayo kakilala ni Jehova, hindi tayo dapat mag-alala. Bakit? Tandaan na mahal na mahal tayo ni Jehova. Napakahalaga sa kaniya ng bawat isa sa atin. Tinatandaan niya ang mga karanasang humuhubog sa ating pagkatao. Talagang nakakapagpatibay iyan! Hinding-hindi tayo nag-iisa. Sa bawat minuto ng bawat araw, kasama natin si Jehova at lagi siyang naghahanap ng pagkakataon para tulungan tayo.—2 Cro. 16:9. w20.08 17 ¶13-14
Huwebes, Agosto 18
Bibigyan kita ng kaunawaan at ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.—Awit 32:8.
Gustong-gusto ni Jehova na turuan ang bayan niya. Gusto niya na makilala nila siya at mahalin, at gusto niya na mabuhay sila magpakailanman bilang minamahal niyang mga anak. Magiging imposible ang mga ito kung hindi niya sila tinuturuan. (Juan 17:3) Ginamit ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo para turuan ang bayan niya. (Col. 1:9, 10) Malaki rin ang nagawa rito ng banal na espiritu—ang “katulong” na ipinangako ni Jesus. (Juan 14:16) Dahil sa banal na espiritu, mas naunawaan ng mga alagad ang Salita ng Diyos, at ipinaalala nito sa kanila ang mga sinabi at ginawa ni Jesus, na nang maglaon ay napaulat sa mga Ebanghelyo. Kaya napatibay ang pananampalataya ng mga Kristiyano noon, pati na ang pag-ibig nila sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa isa’t isa. Inihula ni Jehova na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay dadagsa sa kaniyang “bundok,” o sasama sa mga tunay na mananamba niya, para maturuan tungkol sa kaniyang mga daan. (Isa. 2:2, 3) Natutupad ngayon ang hulang iyan. w20.10 24 ¶14-15
Biyernes, Agosto 19
Ang taong may unawa ay tumatanggap ng mahusay na patnubay.—Kaw. 1:5.
Bakit may mga hindi tumatanggap ng payo mula sa isang nagmamalasakit na kaibigan? Dahil sa pride. Gustong-gusto ng mga taong ma-pride na ‘kinikiliti ang mga tainga nila.’ At ‘hindi sila nakikinig sa katotohanan.’ (2 Tim. 4:3, 4) Ang taas ng tingin nila sa sarili nila. Pero sinabi ni apostol Pablo: “Kung iniisip ng sinuman na mahalaga siya pero hindi naman, nililinlang niya ang sarili niya.” (Gal. 6:3) Napakaganda ng paliwanag dito ni Haring Solomon: “Mas mabuti ang batang mahirap pero marunong kaysa sa haring matanda na pero mangmang at hindi na nakikinig sa babala.” (Ecles. 4:13) Isipin ang ginawa ni apostol Pedro nang ituwid siya ni apostol Pablo sa harap ng iba. (Gal. 2:11-14) Kung ang tiningnan ni Pedro ay kung paano at kung saan siya pinagsabihan ni Pablo, puwede sanang sumamâ ang loob niya. Pero marunong si Pedro. Tinanggap niya ang payo, at hindi siya nagtanim ng galit kay Pablo. Tinawag pa nga niya si Pablo na ‘minamahal na kapatid.’—2 Ped. 3:15. w20.11 21 ¶9, 11-12
Sabado, Agosto 20
Gumawa ng mga alagad . . . , [turuan sila].—Mat. 28:19, 20.
Ano ang makakatulong nang malaki para sumulong ang mga Bible study? Pagdalo sa mga pulong. Ang mga maririnig nila sa pulong ay magpapalalim ng kaalaman nila, magpapatibay ng pananampalataya nila, at makakatulong sa kanila na lalong ibigin ang Diyos. (Gawa 15:30-32) Maaari ding sabihin ng isang kapatid sa study kung paano nakatulong ang malalim na pag-ibig niya kay Jehova para masunod ang mga utos ng Diyos. (2 Cor. 7:1; Fil. 4:13) At kapag iba’t ibang kapatid ang nakikilala ng mga Bible study, natututuhan nila mula sa halimbawa ng mga ito kung paano tutuparin ang utos ni Kristo na ibigin ang Diyos at ang kapuwa. (Juan 13:35; 1 Tim. 4:12) Nalalaman din nila na may mga kapatid na kapareho nila ng sitwasyon at na kayang-kaya pala nilang gawin ang mga pagbabagong kailangan para maging alagad ni Kristo. (Deut. 30:11) May magagawa ang bawat miyembro ng kongregasyon para sumulong ang mga Bible study.—Mat. 5:16. w20.11 5 ¶10-12
Linggo, Agosto 21
Nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso.—1 Cor. 15:32.
Posibleng ang pakikipaglaban sa mga hayop sa arena sa Efeso ang tinutukoy ni apostol Pablo. (2 Cor. 1:8; 4:10; 11:23) O puwede ring ang tinutukoy niya ay ang mga Judiong kumakalaban sa kaniya at ang iba pa na parang “mababangis na hayop.” (Gawa 19:26-34; 1 Cor. 16:9) Anuman iyon, mapanganib na mga sitwasyon ang napaharap kay Pablo, pero nanatili siyang positibo tungkol sa hinaharap. (1 Cor. 15:30, 31; 2 Cor. 4:16-18) Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon. May mga kapatid tayo na naging biktima ng krimen. Ang iba ay nakatira sa mga lugar na may digmaan kaya laging nanganganib ang kanilang buhay. Ang ilan naman ay naglilingkod kay Jehova, manganib man ang kanilang buhay o kalayaan, sa mga lugar kung saan hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga ang pangangaral. Pero patuloy na sumasamba kay Jehova ang mga kapatid na ito, at magagandang halimbawa sila para sa atin. Hindi sila natatakot dahil alam nila na mamatay man sila ngayon, may magandang kinabukasang inilalaan si Jehova para sa kanila. w20.12 9 ¶3-4
Lunes, Agosto 22
Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya, ang gusaling itinayo ng Diyos.—1 Cor. 3:9.
Nasisiraan ka ba ng loob kung minsan dahil parang walang nakikinig sa inyong teritoryo o dahil madalas na wala kang nakakausap sa bahay-bahay? Ano ang puwede nating gawin para manatili tayong masaya o maging mas masaya pa? Mahalaga na magkaroon ng tamang pananaw sa ministeryo. Ano ang ibig sabihin niyan? Manatiling nakapokus sa paghahayag ng pangalan ng Diyos at ng kaniyang Kaharian. Maliwanag na sinabi ni Jesus na kakaunti lang ang makakahanap sa daang papunta sa buhay. (Mat. 7:13, 14) Kapag nasa ministeryo tayo, isang karangalan para sa atin na gumawang kasama ni Jehova, ni Jesus, at ng mga anghel. (Mat. 28:19, 20; Apoc. 14:6, 7) Inilalapit ni Jehova ang mga karapat-dapat. (Juan 6:44) Kaya kahit ayaw makinig ng isang tao sa mensahe natin ngayon, baka sa susunod, makinig na siya. “Ang pagkasira ng loob ay isang mabisang sandata ni Satanas,” ang sabi ni Deborah. Pero ang mga sandata ni Satanas ay walang kalaban-laban sa Diyos na Jehova. w20.12 26 ¶18-19; 27 ¶21
Martes, Agosto 23
Patuloy nating ibigin ang isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos.—1 Juan 4:7.
Maraming tapat na Kristiyano ang kailangang magtrabaho nang full-time para masuportahan ang kanilang sarili at ang pamilya nila. Pero sinusuportahan din nila ang organisasyon ng Diyos sa abot ng makakaya nila. Halimbawa, may ilan na tumutulong sa disaster relief, ang iba ay nagboboluntaryo sa proyekto ng pagtatayo, at may pagkakataon ang lahat na mag-donate para sa pambuong-daigdig na gawain. Ginagawa nila ito dahil mahal nila ang Diyos at ang kanilang kapuwa. Linggo-linggo, dumadalo tayo sa mga pulong at nagkokomento para patunayang mahal natin ang mga kapatid. Kahit pagód, dumadalo pa rin tayo. Kahit kinakabahan, nagkokomento pa rin tayo. At kahit may kani-kaniya tayong problema, pinapatibay natin ang iba bago o pagkatapos ng pulong. (Heb. 10:24, 25) Talagang ipinagpapasalamat natin ang ginagawa ng ating mga kapatid! w21.01 10 ¶11
Miyerkules, Agosto 24
Huwag tayong maging mapagmataas.—Gal. 5:26.
Hiráp magbigay ng komendasyon ang mga mapagmataas; gusto kasi nilang sila ang mabigyan ng komendasyon. Malamang na madalas nilang ikumpara ang sarili nila sa iba at lagi silang nakikipagkompetensiya. Imbes na magsanay at ipagkatiwala sa iba ang trabaho, malamang na iniisip nila, “Mas maganda ang kakalabasan ng trabaho kung ako mismo ang gagawa nito.” Ang mga mapagmataas ay madalas na ambisyoso at mainggitin. Kapag napapansin natin na nagiging mapagmataas na tayo, dapat nating ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong ‘baguhin ang ating pag-iisip’ para hindi na lumala ang masamang ugaling ito. (Roma 12:2) Talagang ipinagpapasalamat natin ang magandang halimbawa ni Jehova! (Awit 18:35) Kitang-kita natin ang kapakumbabaan niya sa pakikitungo sa mga lingkod niya, at gusto natin siyang tularan. Gusto rin nating tularan ang magagandang halimbawa sa Bibliya ng mga taong mapagpakumbabang lumakad na kasama ng Diyos. Lagi sana nating ibigay kay Jehova ang karangalan at kaluwalhatiang nararapat sa kaniya.—Apoc. 4:11. w20.08 13 ¶19-20
Huwebes, Agosto 25
[Ang mga mag-aasawa] ay magkakaroon ng karagdagang mga problema sa buhay.—1 Cor. 7:28.
Ang pag-aasawa ay isang perpektong regalo mula sa Diyos, pero hindi perpekto ang mga tao. (1 Juan 1:8) Kaya naman sinasabi ng Salita ng Diyos na ang mga mag-asawa ay magkakaroon ng “karagdagang mga problema sa buhay.” Inaasahan ni Jehova na ilalaan ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan ng kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero kahit busy ang mga may-asawang sister, kailangan pa rin nilang maglaan ng panahon araw-araw para magbasa ng Salita ng Diyos, bulay-bulayin ito, at manalangin nang taimtim kay Jehova. Hindi ito madali. Dahil busy ang mga asawang babae, mahalagang mabigyan nila ito ng panahon. Bakit? Gusto kasi ni Jehova na magkaroon ang bawat isa sa atin ng malapít na kaugnayan sa kaniya at mapanatili ito. (Gawa 17:27) Siyempre, kailangang magsikap ang isang babae na maging mapagpasakop sa kaniyang di-perpektong asawa. Magiging madali sa kaniya na gampanan ang papel na ibinigay ni Jehova kung naiintindihan niya at tinatanggap ang makakasulatang mga dahilan kung bakit dapat siyang maging mapagpasakop. w21.02 9 ¶3, 6-7
Biyernes, Agosto 26
Kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.—Sant. 1:3.
Ang mga pagsubok ay gaya ng apoy na ginagamit kapag gumagawa ng espadang bakal. Kapag idinaan ito sa apoy, pagkatapos ay pinalamig, mas tumitibay ang bakal. Ganoon din kapag nagtitiis tayo ng mga pagsubok—mas tumitibay ang pananampalataya natin. Kaya isinulat ni Santiago: “Hayaang gawin ng pagtitiis ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto.” (Sant. 1:4) Kapag nakita natin na napapatibay ng mga pagsubok ang pananampalataya natin, mas matitiis natin ang mga iyon nang may kagalakan. Sa sulat na ito ni Santiago, tinukoy rin niya ang ilang bagay na puwedeng maging dahilan para mawala ang kagalakan natin. Ang isang problema ay kung hindi natin alam ang gagawin. Kapag may pagsubok, humihingi tayo ng tulong sa Diyos na Jehova para makagawa ng desisyong magpapasaya sa kaniya, makakabuti sa mga kapatid, at makakatulong sa atin na makapanatiling tapat. (Jer. 10:23) Kailangan natin ng karunungan para malaman ang gagawin at sasabihin kapag pinag-uusig tayo. Kapag hindi natin alam ang gagawin, baka madama nating mahina tayo at walang kalaban-laban, at posibleng mawala agad ang kagalakan natin. w21.02 28 ¶7-9
Sabado, Agosto 27
Masidhi ninyong ibigin ang isa’t isa mula sa puso.—1 Ped. 1:22.
Nagpakita si Jehova ng halimbawa sa atin. Napakasidhi ng pagmamahal niya sa atin, kaya kung tapat tayo sa kaniya, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig niya. (Roma 8:38, 39) Ang salitang Griego na isinaling “masidhi” ay may ideya ng pagbanat, o pagpuwersa pa nga. Kung minsan, baka kailangan nating “banatin” o “puwersahin” ang ating sarili para magkaroon tayo ng magiliw na pagmamahal sa isang kapananampalataya. Kapag nasaktan tayo ng iba, kailangan nating patuloy na ‘magpasensiya dahil sa pag-ibig at pagsikapang mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.’ (Efe. 4:1-3) Hindi tayo magpopokus sa pagkakamali ng mga kapatid natin at gagawin natin ang lahat para makita natin ang nakikita ni Jehova sa kanila. (1 Sam. 16:7; Awit 130:3) Hindi laging madali na magpakita ng magiliw na pagmamahal sa ating mga kapatid, lalo na kung nakikita natin ang mga pagkakamali nila. Lumilitaw na naging problema ito ng ilang unang-siglong Kristiyano, gaya nina Euodias at Sintique. Hinimok sila ni apostol Pablo na “magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon.”—Fil. 4:2, 3. w21.01 22-23 ¶10-11
Linggo, Agosto 28
Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil malalakas kayo at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at nadaig ninyo ang isa na masama.—1 Juan 2:14.
Pinapahalagahan ng mga may-edad ang mga kabataan na kasama nilang naglilingkod “nang balikatan” kay Jehova! (Zef. 3:9) Masaya sila kapag nakikita ka nilang masigasig at masiglang ginagawa ang iyong mga atas. Siguradong tuwang-tuwa sila sa iyo. Mga kabataang brother, lagi ninyong tandaan na mahal na mahal kayo ni Jehova at nagtitiwala siya sa inyo. Inihula niya na sa mga huling araw, magkakaroon ng hukbo ng mga kabataan na kusang-loob na ihahandog ang kanilang sarili. (Awit 110:1-3) Alam niyang mahal ninyo siya at gusto ninyo siyang paglingkuran sa abot ng inyong makakaya. Kaya matiyagang maghintay. At kapag nagkamali ka, tanggapin ang pagsasanay at disiplina na ibinigay sa iyo at ituring ito na galing kay Jehova. (Heb. 12:6) Masikap na gawin ang mga atas na ibinigay sa iyo. Higit sa lahat, pasayahin ang iyong Ama sa langit sa lahat ng ginagawa mo.—Kaw. 27:11. w21.03 7 ¶17-18
Lunes, Agosto 29
Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.—Kaw. 24:10.
Maraming puwedeng makasira ng ating loob—mga pagkakamaling nagagawa natin, kahinaan, at pagkakasakit. Puwede ring dahil hindi tayo nabibigyan ng gusto nating atas sa paglilingkod kay Jehova o hindi nakikinig ang karamihan ng mga tao sa ating teritoryo. Madali tayong maapektuhan ng mga pagkakamali natin at kahinaan. Dahil dito, baka isipin nating hindi na tayo papayagan ni Jehova na makapasok sa bagong sanlibutan. Maling isipin iyan. Sinasabi ng Bibliya na lahat ng tao ay “nagkakasala,” maliban kay Jesu-Kristo. (Roma 3:23) Pero hindi mga pagkakamali natin ang tinitingnan ng Awtor ng Bibliya, at hindi rin siya perfectionist. Sa halip, isa siyang mapagmahal na Ama na gustong tumulong sa atin. Mapagpasensiya rin siya. Nakikita niyang nagsisikap tayong labanan ang ating mga kahinaan at huwag maapektuhan ng mga ito, kaya gusto niya tayong tulungan.—Roma 7:18, 19. w20.12 22 ¶1-3
Martes, Agosto 30
Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong magsaya, magpaakay sa tamang landas.—2 Cor. 13:11.
Tayong lahat ay nasa isang paglalakbay. Ang ating destinasyon, o tunguhin, ay ang mabuhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng maibiging pamamahala ni Jehova. Araw-araw tayong nagsisikap na lumakad sa landas patungo sa buhay. Pero gaya ng sabi ni Jesus, makitid ang daang iyon at kung minsan, mahirap lakaran. (Mat. 7:13, 14) Hindi tayo perpekto, kaya madali tayong malihis sa landas na iyon. (Gal. 6:1) Kung gusto nating manatili sa makitid na daang papunta sa buhay, dapat na handa nating baguhin ang ating pag-iisip, ugali, at mga ginagawa. Hinimok tayo ni apostol Pablo na “magpaakay sa tamang landas.” Hindi madaling malaman kung ano talaga ang iniisip natin at nararamdaman. Mapandaya ang puso, kaya mahihirapan tayong malaman kung saan tayo nito aakayin. (Jer. 17:9) Madali nating madaya ang ating sarili ng “maling pangangatuwiran.” (Sant. 1:22) Kaya dapat nating gamitin ang Salita ng Diyos para suriin ang ating sarili. Sa tulong nito, malalaman natin kung sino talaga tayo at kung ano ang “mga kaisipan at intensiyon” ng puso natin.—Heb. 4:12, 13. w20.11 18 ¶1-3
Miyerkules, Agosto 31
Mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.—Roma 12:10.
Kung mapagpakumbaba tayo, malamang na maging masaya tayo. Bakit? Kapag kinikilala natin ang ating limitasyon, magiging masaya tayo kasi ipagpapasalamat natin ang anumang tulong na matatanggap natin. Pag-isipan ang nangyari noong pagalingin ni Jesus ang 10 ketongin. Isa lang sa kanila ang bumalik para pasalamatan si Jesus—alam niya kasing hindi niya kayang pagalingin ang sarili niya. Ipinagpasalamat ng mapagpakumbabang lalaking ito ang tulong na natanggap niya at niluwalhati niya ang Diyos. (Luc. 17:11-19) Ang taong mapagpakumbaba ay madaling makasundo ng iba, at mas malamang na magkaroon siya ng malalapít na kaibigan. Bakit? Masaya siya dahil may magagandang katangian ang iba, at nagtitiwala siya sa kanila. Natutuwa rin siya kapag nagagampanan ng iba ang atas nila, at kinokomendahan niya sila agad at pinagpapakitaan ng paggalang. w20.08 12-13 ¶17-18