Setyembre
Huwebes, Setyembre 1
Pagkatapos, ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao.—Joel 2:28.
Gumamit si Pedro ng ibang pananalita nang sipiin niya ang hula ni Joel. (Gawa 2:16, 17) Imbes na simulan ito sa salitang “pagkatapos,” sinabi ni Pedro: “At sa mga huling araw”—tumutukoy sa huling araw ng sistema ng mga Judio—ibubuhos ang espiritu ng Diyos “sa bawat uri ng tao.” Ipinapakita nito na mahabang panahon pa ang lilipas bago matupad ang hula ni Joel. Pagkatapos ng kamangha-manghang pagbubuhos na iyon ng espiritu ng Diyos noong unang siglo, nagsimula na ang gawaing pangangaral na aabot sa buong mundo. Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga taga-Colosas noong mga 61 C.E., sinabi niyang ang mabuting balita ay ipinangangaral na “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:23) Ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang mga bahagi ng mundo na alam noon ng mga tao. Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, napakalawak na ng naaabot ng gawaing pangangaral ngayon—“hanggang sa mga dulo ng lupa”!—Gawa 13:47. w20.04 6 ¶15-16
Biyernes, Setyembre 2
Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aalagaan ko sila.—Ezek. 34:11.
Mahal ni Jehova ang bawat isa sa atin, pati na ang alinmang tupa na napalayo sa kawan niya. (Mat. 18:12-14) Nangako ang Diyos na hahanapin niya ang nawawala niyang mga tupa at tutulungan ang mga ito na maibalik ang kaugnayan nila sa kaniya. Sinabi ng Diyos kung ano ang mga gagawin niya—ang gagawin ng Israelitang pastol kapag nawala ang isang tupa niya. (Ezek. 34:12-16) Una, hahanapin ng pastol ang tupa; mahirap iyon at nangangailangan iyon ng panahon. Kapag nakita na niya ang napalayong tupa, ibabalik niya ito sa kawan. Mahal ng pastol ang tupa, kaya kung nasugatan ito, bebendahan niya ang mga sugat nito at kakargahin ito. Kung nagugutom ito, pakakainin niya ito. Ganiyan din ang kailangang gawin ng mga elder, mga pastol sa “kawan ng Diyos,” para matulungan ang mga napalayo sa kongregasyon. (1 Ped. 5:2, 3) Mahal sila ng mga elder kaya hinahanap sila ng mga ito para matulungang makabalik sa kongregasyon at mabigyan ng kinakailangang espirituwal na tulong. w20.06 20 ¶10
Sabado, Setyembre 3
Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.—Juan 4:35.
Sinabi ba ni Jesus na ang bukirin ay handa na para sa pag-aani dahil inaasahan niyang magiging tagasunod niya ang karamihan sa mga tao? Hindi. Inihula sa Kasulatan na iilan lang ang mananampalataya sa kaniya. (Juan 12:37, 38) Nababasa ni Jesus ang puso ng mga tao. (Mat. 9:4) Kahit nagpokus siya sa ilan na maniniwala sa kaniya, masigasig pa rin siyang nangaral sa lahat. Paano pa kaya tayong hindi nakakabasa ng puso? Hindi ba mas dapat nating iwasan na husgahan ang mga tao sa ating teritoryo? Dapat nating isipin na posible silang maging alagad. Tandaan ang sinabi ni Jesus sa mga alagad niya. Ang bukirin ay maputi na, o handa na para sa pag-aani. Posibleng magbago ang mga tao at maging alagad ni Kristo. Para kay Jehova, ang mga taong ito ay “kayamanan.” (Hag. 2:7) Kung tutularan natin ang pananaw ni Jehova at ni Jesus, aalamin natin ang pinagmulan at interes ng mga tao. Oo, hindi natin sila ituturing na mga estranghero, kundi iisipin natin na posible silang maging kapatid. w20.04 13 ¶18-19
Linggo, Setyembre 4
Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.—Juan 15:15.
Maliwanag na itinuturo ng Salita ng Diyos na dapat nating mahalin si Jesus at panatilihin ang pagmamahal na iyon para mapasaya si Jehova. Para maging kaibigan ni Jesus, kilalanin siya. Magagawa natin iyan kung babasahin natin ang mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Habang binubulay-bulay natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus, nakakadama tayo ng pagmamahal at paggalang kay Jesus dahil sa mabait na pakikitungo niya sa mga tao. Halimbawa, kahit siya ang Panginoon ng mga alagad niya, hindi niya sila itinuring na alipin. Sa halip, sinabi niya sa kanila ang mga iniisip niya at nararamdaman. Kapag nalulungkot sila, nalulungkot din si Jesus at kapag umiiyak sila, umiiyak din siya. (Juan 11:32-36) Pati ang mga kaaway niya ay nagsabing kaibigan siya ng mga tumanggap ng mensahe niya. (Mat. 11:19) Kapag tinularan natin ang pakikitungo ni Jesus sa mga alagad niya, mapapalapít tayo sa iba, mas magiging kontento tayo at masaya, at lalo natin siyang mamahalin at igagalang. w20.04 22 ¶9-10
Lunes, Setyembre 5
Ang hari ng timog ay maghahanda para sa digmaan kasama ang isang napakalaki at napakalakas na hukbo.—Dan. 11:25.
Noong 1870, Britain na ang pinakamalaking imperyo sa mundo, at ito ang may pinakamakapangyarihang puwersang militar. Ang imperyong ito ay inilarawan bilang isang maliit na sungay na nagtanggal sa tatlong iba pang sungay—ang France, Spain, at Netherlands. (Dan. 7:7, 8) Ito ang naging hari ng timog hanggang sa panahon ng unang digmaang pandaigdig. Nang panahon ding iyon, United States na ang pinakamayamang bansa at unti-unti na itong nakikipag-alyansa sa Britain. Noong unang digmaang pandaigdig, magkaalyansa na ang puwersang militar ng United States at Britain. Nang panahong iyon, ang dalawang bansang ito ay naging Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Gaya ng inihula ni Daniel, ang haring ito ay nagkaroon ng “isang napakalaki at napakalakas na hukbo.” Sa mga huling araw, Britain at United States ang naging hari ng timog. w20.05 4 ¶7-8
Martes, Setyembre 6
Bumabalik ang mga ilog sa pinagmulan nito para dumaloy ulit.—Ecles. 1:7.
Likido ang tubig natin dahil tamang-tama ang distansiya ng lupa mula sa araw. Kung napalapit ito nang kaunti, matutuyo ang lahat ng tubig dahil sa init at walang mabubuhay sa lupa. Kung napalayo naman ito nang kaunti, magyeyelo ang lahat ng tubig at matatakpan ng yelo ang lupa. Inilagay ni Jehova ang lupa sa tamang lokasyon kaya napapanatili ng water cycle ang buhay sa lupa. Dahil sa araw, umiinit ang tubig sa mga karagatan at sa lupa at nag-e-evaporate ito para maging ulap. Taon-taon, halos 500,000 cubic kilometer ng tubig ang nag-e-evaporate. Ang tubig na nag-evaporate ay nananatili sa atmospera nang mga 10 araw bago maging ulan o snow. Pagkatapos, babalik ito sa mga karagatan at sa iba pang anyo ng tubig, at mauulit ang cycle. Dinisenyo ni Jehova ang cycle na ito para laging may tubig sa lupa. Pinapatunayan nito na si Jehova ay marunong at makapangyarihan.—Job 36:27, 28. w20.05 22 ¶6
Miyerkules, Setyembre 7
Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.—Gawa 1:8.
Hinimok tayo ni Jesus na laging manalangin para sa banal na espiritu. (Luc. 11:9, 13) Ginagamit ni Jehova ang espiritu niya para bigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Sa tulong nito, matitiis natin ang anumang problema. Matutulungan din tayo ng banal na espiritu na magampanan ang mga atas natin sa paglilingkod at mapahusay ang mga kakayahan natin. Ang totoo, ang magagandang resulta ng pagsisikap natin ay dahil lang sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Maipapakita nating mahalaga sa atin ang banal na espiritu ng Diyos kung ipapanalangin nating tulungan tayo nitong matukoy ang anumang maling kaisipan o pagnanasa sa puso natin. (Awit 139:23, 24) Kapag natukoy na natin ang mga iyon sa tulong ng banal na espiritu, dapat naman nating hilingin na bigyan tayo ng lakas para malabanan ang mga iyon. Sa ganitong paraan, maipapakita nating determinado tayong iwasan ang lahat ng bagay na makakapighati sa banal na espiritu ni Jehova.—Efe. 4:30. w20.05 29 ¶10-12
Huwebes, Setyembre 8
Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo.—Juan 17:26.
Kapag ipinagtatanggol natin ang pangalan ni Jehova, tinutularan natin si Jesu-Kristo. Ipinakilala niya ang pangalan ng kaniyang Ama, hindi lang sa pamamagitan ng paggamit sa pangalang iyan; itinuro din niya kung sino talaga si Jehova. Halimbawa, sa paggawi ng mga Pariseo, si Jehova ay nagmumukhang malupit, mapaghanap, walang pakialam, at walang awa. Pero tinulungan ni Jesus ang mga tao na makitang ang Ama niya ay makatuwiran, matiisin, mapagmahal, at mapagpatawad. Tinulungan din niya ang mga tao na makilala si Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtulad niya sa mga katangian ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Gaya ni Jesus, puwede nating sabihin sa mga tao ang alam natin tungkol kay Jehova at ituro sa kanila na Siya ay mapagmahal at mabait na Diyos. Kapag ginawa natin iyan, mapapatunayan nating hindi totoo ang masasamang sinasabi ng mga tao tungkol kay Jehova. Mapapabanal natin ang pangalan ni Jehova sa isip at puso ng mga tao. Sa ating salita at gawa, naipapakita natin kung anong uri ng Diyos si Jehova. Naipagbabangong-puri natin ang pangalang iyan kapag tinutulungan natin ang mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. w20.06 6 ¶17-18
Biyernes, Setyembre 9
Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.—Gal. 5:26.
May pakinabang din sa social media. Halimbawa, nagagamit natin ito para makausap ang ating mga kapamilya at kaibigan. Pero napapansin mo ba na may mga nagpo-post sa social media para magpasikat lang? Para bang sinasabi nila, “Tingnan n’yo ’ko!” May mga nagko-comment pa nga ng di-maganda sa sarili nilang post o sa post ng iba. Hindi ito pagpapakita ng kapakumbabaan at pagmamahal sa kapatid na dapat makita sa mga Kristiyano. (1 Ped. 3:8) Kung gumagamit ka ng social media, tanungin ang sarili: ‘Mukha ba akong nagyayabang sa ipino-post kong mga litrato, video, o comment? Hindi kaya ako kainggitan ng iba?’ Hindi mahalaga sa mga Kristiyano na hangaan sila ng iba. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya na nasa teksto sa araw na ito. Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo magiging gaya ng mga tao sa mundong ito na mapagmataas at gustong hangaan sila ng iba.—1 Juan 2:16. w20.07 6-7 ¶14-15
Sabado, Setyembre 10
Dati akong mamumusong, mang-uusig, at walang galang. Pero pinagpakitaan ako ng awa dahil ginawa ko ang mga iyon sa kawalang-alam.—1 Tim. 1:13.
Bago naging alagad ni Kristo si apostol Pablo, wala siyang galang at pinag-uusig niya ang mga tagasunod ni Jesus. (Gawa 7:58) Si Jesus mismo ang nagpatigil kay Pablo, na dating si Saul, sa pang-uusig sa kongregasyong Kristiyano. Nakipag-usap si Jesus kay Pablo mula sa langit, at binulag niya ito. Para makakita ulit si Pablo, kailangan niyang magpatulong sa mga taong inuusig niya. Nagpakumbaba siya at tinanggap ang tulong ng alagad na si Ananias na nagpagaling sa kaniya. (Gawa 9:3-9, 17, 18) Nang maglaon, naging prominenteng miyembro ng kongregasyong Kristiyano si Pablo, pero hindi niya nakalimutan ang aral na itinuro ni Jesus noong papunta siya sa Damasco. Nanatiling mapagpakumbaba si Pablo, at tinanggap niya ang tulong ng mga kapatid. Sinabi pa nga niyang talagang “napapatibay” nila siya.—Col. 4:10, 11, tlb. w20.07 18-19 ¶16-17
Linggo, Setyembre 11
Ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.—Luc. 12:32.
Kahit si Jehova ang Makapangyarihan-sa-Lahat, nagtitiwala siya at nagbibigay ng atas sa iba. Halimbawa, inatasan niya si Jesus na maging Hari ng Kaharian at bibigyan niya ng awtoridad ang 144,000 mamamahalang kasama ni Jesus. Pero siyempre, sinanay muna ni Jehova si Jesus para maging Hari at Mataas na Saserdote. (Heb. 5:8, 9) Sinanay rin niya ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus. Pero hindi niya ibinigay ang atas na ito at pagkatapos ay kokontrolin naman ang bawat detalye ng gawain nila. Sa halip, nagtitiwala siyang gagawin nila ang kalooban niya. (Apoc. 5:10) Kung ang ating Ama sa langit—na hindi nangangailangan ng tulong ng sinuman—ay nag-aatas sa iba, mas kailangan nating gawin iyan! Halimbawa, isa ka bang ulo ng pamilya o isang elder sa kongregasyon? Tularan ang halimbawa ni Jehova sa pamamagitan ng pag-aatas sa iba ng gawain at iwasang pakialaman ang lahat ng detalye ng ginagawa nila. Sa paggawa nito, hindi lang matatapos ang gawain, masasanay mo rin ang iba at matutulungan mo silang magkaroon ng higit na kumpiyansa.—Isa. 41:10. w20.08 9-10 ¶5-6
Lunes, Setyembre 12
Dumating ang Anak ng tao para hanapin at iligtas ang nawala.—Luc. 19:10.
Ano ang gusto ni Jehova na maramdaman natin sa nawawala niyang mga tupa? Nagpakita ng halimbawa si Jesus para sa atin. Alam ni Jesus na mahalaga kay Jehova ang lahat ng tupa niya. Kaya ginawa ni Jesus ang lahat para tulungang makabalik kay Jehova ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mat. 15:24) Si Jesus ang mabuting pastol, kaya ginawa rin niya ang lahat para hindi niya maiwala ang mga tupa ni Jehova. (Juan 6:39) Hinimok ni apostol Pablo ang mga elder sa kongregasyon sa Efeso na tularan si Jesus. “Kailangan ninyong magpagal sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’” (Gawa 20:17, 35) Ipinapakita nito na ang pangangalaga ng mga elder sa kawan ng Diyos ay isang napakahalagang responsibilidad. Sinabi ni Salvador, isang elder sa Spain: “Kapag naiisip ko kung gaano kahalaga kay Jehova ang nawawala niyang mga tupa, napapakilos akong gawin ang makakaya ko para tulungan sila. Alam kong iyon ang gusto ni Jehova.” w20.06 23 ¶15-16
Martes, Setyembre 13
Ang dating mga bagay ay lumipas na.—Apoc. 21:4.
Matiyagang maghihintay si Jehova hanggang sa matapos ang isang libong taon bago niya asahang maging perpekto tayo. Hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyon, handang palampasin ni Jehova ang ating mga kasalanan. Kaya dapat lang na hanapin natin ang magagandang katangian ng iba at maging matiisin sa kanila. Masayang-masaya si Jesus at ang mga anghel nang lalangin ang lupa. Pero isipin na lang kung gaano sila kasaya na makitang ang lupa ay punô ng perpektong tao na umiibig at naglilingkod kay Jehova. Isipin din kung gaano kasaya ang mga pupunta sa langit at mamamahalang kasama ni Kristo habang nakikita nilang nakikinabang sa kanilang mga gawa ang mga tao. (Apoc. 4:4, 9-11; 5:9, 10) Isipin ang buhay kapag napalitan na ng mga luha ng kagalakan ang mga luha ng pagdurusa at kapag wala nang sakit, lungkot, at kamatayan. Hangga’t wala pa ito, maging determinado na tularan ang ating mapagmahal, marunong, at matiising Ama. Kapag ginawa mo iyan, mananatili ang iyong kagalakan anuman ang pagsubok na dumating sa buhay mo. (Sant. 1:2-4) Talagang nagpapasalamat tayo sa pangako ni Jehova na “bubuhaying muli [ang mga patay]”!—Gawa 24:15. w20.08 19 ¶18-19
Miyerkules, Setyembre 14
Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.—Mat. 24:14.
Ang Bibliya ay regalo ng Diyos. Ipinasulat ito ng ating Ama sa langit dahil mahal na mahal niya tayo. Sa tulong ng Bibliya, ipinaalám ni Jehova ang sagot sa pinakamahahalagang tanong natin, gaya ng: Saan tayo nagmula? Ano ang layunin ng buhay? At ano ang mangyayari sa hinaharap? Gusto ni Jehova na malaman ng lahat ng anak niya ang sagot sa mga tanong na iyan, kaya ipinasalin niya ang Bibliya sa maraming wika. Ngayon, makukuha na sa mahigit 3,000 wika ang buong Bibliya o ang ilang bahagi nito! Sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi. Mapapatunayan nating pinapahalagahan natin ang Bibliya kung babasahin natin ito araw-araw, bubulay-bulayin ang itinuturo nito, at gagawin ang ating buong makakaya para masunod ang natututuhan natin. Maipapakita rin natin ang pasasalamat sa Diyos kung gagawin natin ang lahat para masabi sa pinakamaraming tao ang mensahe nito.—Awit 1:1-3; Mat. 28:19, 20. w20.05 24-25 ¶15-16
Huwebes, Setyembre 15
Iniinsulto ako at inaalipusta buong araw dahil sa salita ni Jehova.—Jer. 20:8.
Si propeta Jeremias ay inatasan sa isang napakahirap na teritoryo. Sobra siyang nasiraan ng loob at parang gusto na niyang sumuko. Pero hindi niya ginawa iyon. Bakit? Dahil ang “salita ni Jehova” ay naging gaya ng apoy sa loob ni Jeremias, at hindi niya iyon mapigilan! (Jer. 20:9) Ganiyan din ang mararamdaman natin kapag pinunô natin ng Salita ng Diyos ang ating isip at puso. Isa pang dahilan iyan para pag-aralan natin ang Bibliya araw-araw at bulay-bulayin iyon. Sa paggawa nito, mas magiging masaya tayo at baka mas maraming tao ang makinig sa atin. (Jer. 15:16) Kaya kapag nasisiraan ka ng loob, makiusap kay Jehova na tulungan ka. Tutulungan ka niyang huwag madaig ng mga pagkakamali mo, kahinaan, o pagkakasakit. Tutulungan ka niyang magkaroon ng tamang pananaw sa mga atas sa paglilingkod. At tutulungan ka niyang maging positibo sa iyong ministeryo. Bukod diyan, ibuhos mo sa iyong mapagmahal na Ama ang iyong mga ikinababahala. Sa tulong niya, madadaig mo ang pagkasira ng loob. w20.12 27 ¶20-21
Biyernes, Setyembre 16
Makipag-usap . . . sa matatandang babae na gaya ng sa iyong ina, at sa mga nakababatang babae na gaya ng sa kapatid mong babae nang may malinis na puso.—1 Tim. 5:1, 2.
Para sa ilang sister, ang mga pulong ang pangunahing pagkakataon nila para makasama ang mga kapatid. Kaya gusto nating gamitin ang mga pagkakataong iyon para kumustahin sila, makipag-usap sa kanila, at ipakita ang malasakit natin sa kanila. Gaya ni Jesus, puwede rin nating bigyan ng panahon ang mga sister. (Luc. 10:38-42) Puwede natin silang imbitahang magmeryenda o mamasyal. Siyempre, gusto nating gawing nakakapagpatibay ang usapan. (Roma 1:11, 12) Dapat na matularan ng mga elder si Jesus. Alam niyang magiging mahirap para sa ilan kung wala silang asawa, pero nilinaw niya na hindi dahil may asawa’t anak ang isa, masaya na ito. (Luc. 11:27, 28) Sa halip, magiging tunay na maligaya lang tayo kung uunahin natin ang paglilingkod kay Jehova. (Mat. 19:12) Ang mga sister ay dapat ituring ng mga elder bilang mga kapatid nila at nanay. Puwede silang makipagkuwentuhan sa mga sister bago o pagkatapos ng pulong. w20.09 21-22 ¶7-9
Sabado, Setyembre 17
Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga . . . Maging matiisin din kayo.—Sant. 5:7, 8.
Sa Israel, nagtatanim ang magsasaka sa kalagitnaan ng Oktubre kapag nagsisimula nang umulan at inaani ang mga bunga nito sa kalagitnaan ng Abril kapag papatapos na ang ulan. (Mar. 4:28) Matularan sana natin ang pagtitiis ng magsasaka. Pero hindi ito madali. Karaniwan nang gustong makita agad ng mga tao ang resulta ng pagsisikap nila. Pero kung gusto nating mamunga ang ating pananim, kailangan natin itong laging bigyan ng atensiyon—bungkalin, alisan ng panirang-damo, at diligan. Ganoon din sa paggawa ng alagad. Kailangan ng panahon para maalis sa puso ng mga Bible study natin ang pagtatangi, na parang panirang-damo. Kung matiisin tayo, hindi tayo madidismaya kapag may hindi nakikinig sa atin. At kung may mga gustong makinig at matuto, kailangan pa rin ang pagtitiis. Hindi natin puwedeng pilitin ang Bible study na magkaroon agad ng pananampalataya. May mga pagkakataong hindi rin agad naintindihan ng mga alagad ni Jesus ang itinuturo niya. (Juan 14:9) Tandaan natin na tayo nga ang nagtatanim at nagdidilig, pero ang Diyos ang nagpapalago nito.—1 Cor. 3:6. w20.09 11 ¶10-11
Linggo, Setyembre 18
Pupurihin ko si Jehova nang buong puso ko sa pagtitipon ng mga matuwid at sa kongregasyon.—Awit 111:1.
Gusto nating lahat na sumulong at magpabautismo ang mga Bible study natin. Magagawa natin iyan kung hihimukin natin silang dumalo sa pulong. Kadalasan nang mabilis sumulong ang mga Bible study na dumadalo agad. Kaya naman ipinapaliwanag ng ilang tagapagturo sa mga study na marami silang matututuhan sa pulong na hindi nila matututuhan sa pagba-Bible study. Basahin ang Hebreo 10:24, 25 sa study mo, at ipaliwanag sa kaniya ang mga pakinabang na makukuha niya kapag dumalo siya sa pulong. Masayang ikuwento sa kaniya ang natutuhan mo sa nakaraang pulong. Kapag nakikita niya kung gaano ka kasaya, mas maeengganyo siyang dumalo. Ang mararanasan ng study mo sa una niyang pagdalo ay ibang-iba sa naranasan niya sa anumang pagtitipon ng ibang relihiyon. (1 Cor. 14:24, 25) Makakakilala siya ng mahuhusay na kapatid na puwede niyang tularan at na tutulong sa kaniya na sumulong at magpabautismo. w20.10 10-11 ¶14-15
Lunes, Setyembre 19
Sino ang tagapagturong gaya [ng Diyos]?—Job 36:22.
Matutulungan ka ng espiritu ng Diyos na isabuhay ang nababasa at napag-aaralan mo sa Bibliya. Manalangin gaya ng salmista, na nagsabi: “O Jehova, turuan mo ako tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Tulungan mo akong matakot sa pangalan mo nang buong puso.” (Awit 86:11) Kaya patuloy na samantalahin ang espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova gamit ang kaniyang Salita at organisasyon. Pero huwag lang basta kumuha ng kaalaman; dapat na maging kumbinsido ka na ito ang katotohanan, at isabuhay ito. Matutulungan ka ng espiritu ni Jehova na magawa iyan. Patibayin mo rin ang mga kapatid. (Heb. 10:24, 25) Bakit? Dahil pamilya mo sila. Hingin ang tulong ng espiritu ng Diyos para makapagbigay ka ng taos-pusong mga komento sa pulong at para maibigay mo ang buong makakaya mo kapag may bahagi ka. Sa paggawa nito, maipapakita mo kay Jehova at sa Anak niya na mahal mo ang kanilang mga “tupa.” (Juan 21:15-17) Kaya makinig sa iyong Dakilang Tagapagturo—samantalahin ang saganang espirituwal na pagkain na inilalaan niya. w20.10 24-25 ¶15-17
Martes, Setyembre 20
Tumakas silang lahat at iniwan siya.—Mar. 14:50.
Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga apostol niya noong pinanghihinaan sila ng loob? Di-nagtagal, matapos siyang buhaying muli, sinabi niya sa ilang tagasunod niya: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila [na binuhay akong muli].” (Mat. 28:10a) Hindi sinukuan ni Jesus ang mga apostol niya. Kahit iniwan nila siya, tinawag pa rin niya silang “mga kapatid ko.” Gaya ni Jehova, maawain at mapagpatawad din si Jesus. (2 Hari 13:23) Nagmamalasakit din tayo sa mga huminto na sa pangangaral. Mga kapatid natin sila, at mahal natin sila! Hindi natin nalilimutan ang ginawa nilang paglilingkod noon—na baka umabot pa nga nang ilang dekada. (Heb. 6:10) Miss na miss na natin sila! (Luc. 15:4-7) Kaya yayain sa pulong ang mga inactive. At kapag dumalo sila sa Kingdom Hall, dapat na tayo mismo ang lumapit para i-welcome sila. w20.11 6 ¶14-17
Miyerkules, Setyembre 21
Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat.—1 Cor. 4:6.
Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan kasama ang kanilang ina at hiniling nila ang isang pribilehiyo na hindi sakop ng awtoridad ni Jesus. Agad na sinabi ni Jesus na ang kaniyang Ama sa langit lang ang makakapagpasiya kung sino ang uupo sa kanan at kaliwa niya sa Kaharian. (Mat. 20:20-23) Kinilala ni Jesus ang limitasyon niya. Mapagpakumbaba siya. Hindi siya kailanman lumampas sa awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jehova. (Juan 12:49) Paano natin matutularan ang magandang halimbawa ni Jesus? Matutularan natin ang kapakumbabaan ni Jesus kung susundin natin ang payo sa teksto sa araw na ito. Kaya kapag may humingi sa atin ng payo, hindi natin ipipilit ang sarili nating opinyon o basta na lang magsasalita nang hindi muna nag-iisip. Sa halip, dapat nating gamitin ang mga payo sa Bibliya at sa ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Sa paggawa nito, kinikilala natin ang limitasyon natin. Naipapakita rin natin na nakakahigit ang “matuwid na mga batas” ni Jehova.—Apoc. 15:3, 4. w20.08 11-12 ¶14-15
Huwebes, Setyembre 22
Huwag kang maging sobrang matuwid o mag-astang napakatalino. Bakit mo ipapahamak ang sarili mo?—Ecles. 7:16.
Kung sa tingin mo ay kailangan mong payuhan ang isang kaibigan, ano ang dapat mong isipin? Bago mo siya kausapin, tanungin muna ang iyong sarili, ‘Nagiging “sobrang matuwid” ba ako?’ Ang mapagmatuwid na tao ay nanghuhusga hindi batay sa mga pamantayan ni Jehova kundi batay sa opinyon niya, at posibleng hindi siya maawain. Kung sa tingin mo ay talagang kailangan mong kausapin ang kaibigan mo, malinaw na banggitin sa kaniya kung ano ang problema. Gumamit ng mga tanong na tutulong sa kaniyang makita ang pagkakamali niya. Siguraduhin mong batay sa Bibliya ang sinasabi mo. Tandaan, hindi sa iyo mananagot ang kaibigan mo kundi kay Jehova. (Roma 14:10) Umasa sa karunungan ng Salita ng Diyos, at kapag nagpapayo, maging maawain gaya ni Jesus. (Kaw. 3:5; Mat. 12:20) Bakit? Dahil kung paano natin pinapakitunguhan ang iba, ganoon din tayo papakitunguhan ni Jehova.—Sant. 2:13. w20.11 21 ¶13
Biyernes, Setyembre 23
Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.—Juan 7:24.
Magugustuhan mo ba kung hahatulan ka ng mga tao base sa kulay ng balat mo, hugis ng mukha, o laki ng katawan? Malamang na hindi. Buti na lang, hindi tayo hinahatulan ni Jehova base sa nakikita ng tao. Halimbawa, nang makita ni Samuel ang mga anak ni Jesse, hindi niya nakita ang nakita ni Jehova. Sinabi ni Jehova kay Samuel na isa sa mga anak ni Jesse ang magiging hari ng Israel. Pero sino kaya? Nang makita ni Samuel ang panganay ni Jesse na si Eliab, sinabi niya, “Siguradong ito ang pinili ni Jehova.” At mukha ngang hari si Eliab. “Pero sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag kang tumingin sa hitsura niya at kung gaano siya katangkad; hindi ko siya pinili.’” Ang aral? Sinabi ni Jehova: “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, pero si Jehova ay tumitingin sa puso.” (1 Sam. 16:1, 6, 7) Makabubuting tularan natin si Jehova kapag nakikitungo sa ating mga kapatid. w20.04 14 ¶1; 15 ¶3
Sabado, Setyembre 24
Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.—Juan 4:35.
Sa mga paglalakbay ni Jesus, nadaraanan niya ang berdeng mga bukirin ng mga butil na nagsisimula pa lang tumubo. (Juan 4:3-6) Mga apat na buwan pa bago ito maging handa para sa pag-aani. Kaya nakakapagtaka ang sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35, 36) Ano ang ibig niyang sabihin? Lumilitaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pag-aani, o pagtitipon, ng mga tao. Pansinin ang nangyari. Kahit iniiwasan ng mga Judio ang mga Samaritano, nangaral pa rin si Jesus sa isang Samaritana—at nakinig ito! Ikinuwento ng Samaritana sa iba ang nalaman niya tungkol kay Jesus. Ang totoo, habang sinasabi ni Jesus na ang bukirin ay “maputi na para sa pag-aani,” isang malaking grupo ng mga Samaritano ang papunta na sa kaniya dahil gusto nilang matuto pa nang higit. (Juan 4:9, 39-42) Sinasabi sa isang komentaryo sa Bibliya: “Ang pananabik ng mga tao . . . ay nagpapakita na sila ay parang mga butil na handa na para sa pag-aani.” w20.04 8 ¶1-2
Linggo, Setyembre 25
Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.—Heb. 10:24.
Napapasulong ng mga pulong ang ating kakayahan sa ministeryo. Halimbawa, humuhusay tayo sa paggamit ng ating Toolbox sa Pagtuturo. Kaya maghanda para sa pulong. At kapag nasa pulong, makinig nang mabuti. Pagkatapos ng pulong, gawin ang mga pagsasanay na natanggap mo. Sa paggawa nito, magiging isa kang “mahusay na sundalo ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 2:3) Nandiyan din ang suporta ng milyon-milyong makapangyarihang anghel. Isipin na lang ang kayang gawin ng isang anghel! (Isa. 37:36) Paano pa kaya kung isang hukbo na ng mga anghel? Walang tao o demonyo ang makakapantay sa makapangyarihang hukbo ni Jehova. Ang isang tapat na Saksi na kasama si Jehova ay laging mas malakas gaano man karami ang kalaban. (Huk. 6:16) Sigurado iyan! Tandaan mo iyan kapag pinanghihinaan ka ng loob dahil sa sinasabi o ginagawa ng iyong katrabaho, kaeskuwela, o di-Saksing kamag-anak. Huwag mong kakalimutan na hindi ka nag-iisa sa labang ito. Nandiyan si Jehova, na nagbibigay sa iyo ng mga tagubilin. w21.03 29 ¶13-14
Lunes, Setyembre 26
Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.”—1 Cor. 15:32.
Posibleng sinisipi ni Pablo ang Isaias 22:13, na tumutukoy sa pananaw ng mga Israelita. Sa halip na maging malapít sa Diyos, pagpapasarap sa buhay ang inuuna nila. Para bang sinasabi ng mga Israelita, “Narito tayo ngayon, bukas, wala na,” na karaniwan ding sinasabi ng mga tao ngayon. Maliwanag na kayang buhaying muli ni Jehova ang mga patay, at dapat itong makaimpluwensiya sa pagpili natin ng mga kasama. Kailangang iwasan ng mga kapatid sa Corinto ang pakikisama sa mga hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. May matututuhan tayo dito: Wala tayong mapapala sa palaging pakikisama sa mga taong walang pakialam sa mangyayari sa hinaharap. Sisirain lang nila ang ating pananaw at mabuting ugali bilang mga tunay na Kristiyano. Baka dahil pa nga sa kanila, makagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Kaya hinihimok tayo ni Pablo: “Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan.”—1 Cor. 15:33, 34. w20.12 9 ¶3, 5-6
Martes, Setyembre 27
Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo ng babae ay ang lalaki; at ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.—1 Cor. 11:3.
Inilalarawan sa tekstong ito kung paano inorganisa ni Jehova ang kaniyang pamilya sa buong uniberso. Ang pagkaulo ay may dalawang mahalagang bahagi—awtoridad at pananagutan. Si Jehova ang “ulo,” o ang may pinakamataas na awtoridad, at ang lahat ng mga anak niya, mga anghel at mga tao, ay mananagot sa kaniya. (Roma 14:10; Efe. 3:14, 15) Binigyan ni Jehova si Jesus ng awtoridad sa kongregasyon, pero mananagot si Jesus kay Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa atin. (1 Cor. 15:27) Binigyan din ni Jehova ang asawang lalaki ng awtoridad sa asawa niya at mga anak. Kaya paano magiging mabuting ulo ng pamilya ang isang lalaki? Dapat munang maunawaan ng isang lalaki kung ano ang hinihiling sa kaniya ni Jehova. Dapat din niyang malaman kung bakit itinatag ni Jehova ang pagkaulo at partikular na, kung paano niya matutularan ang halimbawang ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Bakit mahalagang malaman ng isang lalaki ang mga ito? Kasi binigyan ni Jehova ng awtoridad ang mga ulo ng pamilya at inaasahan niyang gagamitin nila ito nang tama.—Luc. 12:48b. w21.02 2 ¶1-3
Miyerkules, Setyembre 28
Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka.—Isa. 48:17.
Magandang tularan si Jehova sa mga bagay na hindi niya tinatandaan. Halimbawa, perpekto ang memorya ni Jehova, pero kung nagsisisi tayo, pinapatawad niya tayo at kinakalimutan ang mga pagkakamali natin. (Awit 25:7; 130:3, 4) At ganiyan din ang gusto niyang gawin natin kapag may nakasakit sa atin na humihingi ng tawad. (Mat. 6:14; Luc. 17:3, 4) Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kamangha-mangha nating utak kung gagamitin natin ito para parangalan ang nagbigay nito sa atin. Ginagamit ito ng ilan para magtakda ng sarili nilang pamantayan ng tama at mali. Pero dahil si Jehova ang lumalang sa atin, makatuwiran lang isipin na nakakahigit ang pamantayan niya kaysa sa pamantayan ng tao. (Roma 12:1, 2) Payapa tayo kapag sinusunod natin ang pamantayan ni Jehova. (Isa. 48:18) Nalalaman din natin ang gusto niyang gawin natin—ang parangalan at pasayahin ang ating Maylalang at Ama.—Kaw. 27:11. w20.05 23-24 ¶13-14
Huwebes, Setyembre 29
Maging magiliw sa isa’t isa.—Roma 12:10.
Paano tayo makakapagpakita ng magiliw na pagmamahal sa mga kapatid ngayon? Habang mas nakikilala natin ang mga kapatid, mas magiging madali sa atin na maintindihan sila at magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa kanila. Hindi hadlang ang edad at pinagmulan. Tandaan, mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David, pero naging matalik silang magkaibigan. Mayroon bang mas matanda o mas bata sa iyo sa kongregasyon na puwede mong kaibiganin? Kapag ginawa mo iyan, ipinapakita mo na may “pag-ibig [ka] sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Kailangan bang maging matalik nating kaibigan ang lahat ng kapatid sa kongregasyon para masabing may magiliw na pagmamahal tayo sa mga kapananampalataya natin? Hindi, imposible iyan. Normal lang na maging mas malapít tayo sa ilang kapatid dahil kapareho natin sila ng mga hilig. Tinawag ni Jesus na “mga kaibigan” ang lahat ng apostol niya, pero mas naging malapít siya kay Juan. (Juan 13:23; 15:15; 20:2) Pero hindi nagpakita si Jesus ng paboritismo kay Juan.—Mar. 10:35-40. w21.01 23 ¶12-13
Biyernes, Setyembre 30
Kumpara sa ibang tao, napansin ko na mas may takot kayo sa mga bathala.—Gawa 17:22.
Iba ang paraan ng pangangaral ni apostol Pablo sa mga Gentil na nasa Atenas kumpara sa pangangaral niya sa mga Judio sa sinagoga. Nagmasid siyang mabuti at isinaalang-alang ang relihiyosong mga kaugalian ng mga tao. (Gawa 17:23) Pagkatapos, humanap siya ng puntong mapagkakasunduan para maituro ang katotohanang nasa Kasulatan. Kaya ibinagay ni Pablo ang presentasyon niya. Sinabi niya sa mga taga-Atenas na ang mensahe niya ay galing sa “Di-kilalang Diyos” na sinisikap nilang sambahin. Kahit hindi pamilyar ang mga Gentil sa Kasulatan, hindi inisip ni Pablo na hindi sila magiging Kristiyano. Para sa kaniya, para silang mga butil na puwede nang anihin, at ibinagay niya sa kanila ang presentasyon niya. Gaya ni Pablo, maging mapagmasid. Magmasid para malaman mo ang paniniwala ng mga tao sa teritoryo ninyo. Ano ang mga dekorasyon nila sa bahay? Mahahalata mo ba sa pangalan, pananamit, pag-aayos, o sa sinasabi niya kung ano ang relihiyon niya? w20.04 9-10 ¶7-8