Oktubre
Sabado, Oktubre 1
“Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, para maturuan niya siya?” Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.—1 Cor. 2:16.
Kapag nakilala natin si Jesus, tutularan natin ang pag-iisip at paggawi niya. At habang nalalaman natin at tinutularan ang pag-iisip niya, lalong tumitibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Paano natin matutularan si Jesus? Pag-isipan ito: Mas mahalaga kay Jesus ang pagtulong sa iba kaysa sa pagpapalugod sa sarili niya. (Mat. 20:28; Roma 15:1-3) Dahil dito, naging mapagsakripisyo siya at mapagpatawad. Hindi siya madaling magdamdam sa mga sinasabi ng iba tungkol sa kaniya. (Juan 1:46, 47) At hindi niya hinayaang makaapekto sa pakikitungo niya sa mga tao ang nagawang pagkakamali ng mga ito noon. (1 Tim. 1:12-14) Sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:35) Tanungin ang sarili, “Bilang pagtulad kay Jesus, ginagawa ko ba ang lahat para makipagpayapaan sa mga kapatid?” w20.04 24 ¶11
Linggo, Oktubre 2
Pababanalin nila ang pangalan ko.—Isa. 29:23.
Kahit na napapalibutan ka ng mga taong sumisira at lumalapastangan sa pangalan ni Jehova, may pagkakataon kang ipagtanggol ang pangalan ni Jehova at sabihin sa mga tao na si Jehova ay banal, makatuwiran, mabuti, at mapagmahal. Masusuportahan mo ang pamamahala niya. Matutulungan mo ang mga tao na maunawaang ang pamamahala lang ni Jehova ang totoong matuwid at na ito lang ang makakapagbigay ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng nilalang. (Awit 37:9, 37; 146:5, 6, 10) Kapag itinuturo natin ang katotohanan sa Bibliya, madalas nating idinidiin ang soberanya ng Diyos—si Jehova lang ang may karapatang mamahala sa uniberso—at tama naman iyan. Totoo, mahalagang ituro ang mga batas ng Diyos, pero ang pangunahing tunguhin natin ay tulungan ang iba na ibigin ang ating Ama, si Jehova, at maging tapat sa kaniya. Kaya kailangan nating idiin ang magaganda niyang katangian at ipakita kung anong uri ng Diyos si Jehova. (Isa. 63:7) Kapag ginawa natin iyan, matutulungan natin ang mga tao na ibigin at sundin si Jehova dahil gusto nilang maging tapat sa kaniya. w20.06 6 ¶16; 7 ¶19
Lunes, Oktubre 3
Sino ang gumawa ng bibig para sa mga tao . . . ? Hindi ba akong si Jehova?—Ex. 4:11.
Kamangha-mangha ang pagkakadisenyo sa utak ng tao. Nasa tiyan ka pa lang ng nanay mo, nakaplano na ang disenyo ng utak mo at libo-libong brain cell ang nabubuo rito kada minuto! Tinataya ng mga mananaliksik na ang utak ng isang adulto ay may halos 100 bilyong cell na tinatawag na neuron—na may timbang na 1.5 kilo. Ang isa sa mga nagagawa ng utak ay may kaugnayan sa pagsasalita. Sa bawat salitang sinasabi mo, pinapagalaw ng utak mo ang mga 100 muscle sa iyong dila, lalamunan, labi, panga, at dibdib. Dapat na nasa tamang pagkakasunod-sunod ang paggalaw ng mga ito para maintindihan ang sinasabi mo. Ipinakita ng isang pag-aaral na inilathala noong 2019 na ang bagong-silang na mga sanggol ay nakakakilala na ng mga salita. Sinusuportahan nito ang paniniwala ng maraming mananaliksik—na ipinanganak tayong may kakayahang makakilala at matuto ng mga wika. Oo, ang kakayahan nating magsalita ay regalo ng Diyos. w20.05 22-23 ¶8-9
Martes, Oktubre 4
Hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang nagdisenyo at gumawa ay ang Diyos.—Heb. 11:10.
Kusang-loob na iniwan ni Abraham ang komportableng buhay niya sa lunsod ng Ur. Bakit? Dahil hinihintay niya ang “lunsod na may tunay na mga pundasyon.” (Heb. 11:8-10, 16) Ang lunsod na hinintay ni Abraham ay ang Kaharian ng Diyos. Si Jesu-Kristo at ang 144,000 pinahirang Kristiyano ang bumubuo sa Kahariang ito. Tinawag ito ni Pablo na “isang lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem.” (Heb. 12:22; Apoc. 5:8-10; 14:1) Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na ipanalanging dumating na ang Kahariang ito para mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa, gaya ng sa langit. (Mat. 6:10) Alam ba ni Abraham ang mga detalye kung paano ioorganisa ang Kaharian ng Diyos? Hindi. Sa loob ng maraming siglo, “sagradong lihim” ang mga detalyeng iyon. (Efe. 1:8-10; Col. 1:26, 27) Pero alam ni Abraham na magiging hari ang ilan sa mga supling niya dahil ipinangako iyon sa kaniya ni Jehova.—Gen. 17:1, 2, 6. w20.08 2-3 ¶2-4
Miyerkules, Oktubre 5
Patuloy kayong lumakad na kaisa [ng Panginoon]. . . . Dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya.—Col. 2:6, 7.
Dapat nating iwasan ang turo ng mga apostata. Mula pa nang magsimula ang kongregasyong Kristiyano, gumagamit na ang Diyablo ng maraming manlilinlang para magtanim ng pagdududa sa isip ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Kaya dapat nating matukoy kung ano ang totoo at kung ano ang kasinungalingan. Puwedeng gamitin ng mga kaaway natin ang Internet o social media para pahinain ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa mga kapatid. Tandaan kung sino ang nasa likod ng gayong propaganda, at iwasan ito! (1 Juan 4:1, 6; Apoc. 12:9) Para malabanan ang mga propaganda ni Satanas, dapat nating patibayin ang pananampalataya natin kay Jesus at magtiwalang ginagamit siya ni Jehova para gawin ang kalooban Niya. Dapat din tayong magtiwala sa tapat at matalinong alipin na ginagamit ni Jehova para mangasiwa sa organisasyon niya ngayon. (Mat. 24:45-47) Mapapatibay natin ang pagtitiwala natin kung regular tayong mag-aaral ng Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, ang pananampalataya natin ay magiging gaya ng isang puno na malalim ang pagkakaugat. Ganito rin ang sinabi ni apostol Pablo nang isulat niya ang pananalita sa teksto sa araw na ito. w20.07 23-24 ¶11-12
Huwebes, Oktubre 6
Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, pero si Jehova ay tumitingin sa puso.—1 Sam. 16:7.
Dahil hindi tayo perpekto, madalas nating hatulan ang iba base sa hitsura nila. (Juan 7:24) Pero limitado lang ang puwede nating malaman tungkol sa isang tao kung ang basehan lang ay ang nakikita natin. Halimbawa, kahit magaling at makaranasan ang isang doktor, hindi niya malalaman ang talagang sakit ng pasyente kung basta titingnan lang niya ito. Dapat pakinggang mabuti ng doktor ang pasyente para malaman ang naging problema niya sa kalusugan, ang nararamdaman niya sa sitwasyon niya, o ang mga sintomas na nararanasan niya. Baka ipa-X-ray pa nga siya ng doktor. Kung hindi, baka magkamali ang doktor sa paggamot sa pasyente. Sa katulad na paraan, hindi natin lubusang maiintindihan ang mga kapatid base lang sa hitsura nila. Dapat nating malaman ang pagkatao nila. Siyempre, hindi tayo nakakabasa ng puso. Pero puwede nating gawin ang ating buong makakaya para matularan si Jehova. Nakikinig siya sa mga mananamba niya. Isinasaalang-alang niya ang pinagmulan at kalagayan nila, at nagpapakita ng habag sa kanila. w20.04 14-15 ¶1-3
Biyernes, Oktubre 7
Ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip.—Roma 12:3.
Kailangan nating maging mapagpakumbaba dahil ang mga taong mapagmataas ay walang ‘katinuan ng pag-iisip.’ Ang mga mapagmataas ay palaaway at makasarili. Dahil sa iniisip at ginagawa nila, kadalasan nang nasasaktan nila ang sarili nila at ang iba. Kung hindi sila magbabago, malamang na mabulag at malason ni Satanas ang pag-iisip nila. (2 Cor. 4:4; 11:3) Ang isang taong mapagpakumbaba ay may katinuan ng pag-iisip. Balanse at makatuwiran ang tingin niya sa sarili niya at itinuturing niya ang iba na nakatataas sa kaniya. (Fil. 2:3) Alam din ng taong mapagpakumbaba na “ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (1 Ped. 5:5) Hindi kakalabanin ng mga may katinuan ng pag-iisip si Jehova. Para manatiling mapagpakumbaba, dapat nating sundin ang payo ng Bibliya na “hubarin . . . ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito, at isuot . . . ang bagong personalidad.” Kailangan nating pag-aralan at sundang mabuti ang halimbawa ni Jesus.—Col. 3:9, 10; 1 Ped. 2:21 w20.07 7 ¶16-17
Sabado, Oktubre 8
Ang katawan ay iisa pero maraming bahagi.—1 Cor. 12:12.
Isang malaking pribilehiyo na maging bahagi ng kongregasyon ni Jehova! Tayo ay nasa isang espirituwal na paraiso na punong-puno ng mapayapa at masasayang tao. Ano ang papel mo sa kongregasyon? Inihalintulad ni apostol Pablo ang kongregasyon sa katawan ng tao. Inihalintulad din niya ang bawat miyembro ng kongregasyon sa mga bahagi ng katawan. (Roma 12:4-8; 1 Cor. 12:12-27; Efe. 4:16) Ang bawat isa sa atin ay mahalaga sa pamilya ni Jehova—iyan ang isang aral na matututuhan natin sa ilustrasyon ni Pablo. Sinimulan ni Pablo ang ilustrasyon niya sa pagsasabi: “Kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na magkakaiba ng gawain, tayo rin, kahit marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo at mga bahaging magkakaugnay.” (Roma 12:4, 5) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Magkakaiba ang papel natin sa kongregasyon, pero ang bawat isa sa atin ay mahalaga. w20.08 20 ¶1-2; 21 ¶4
Linggo, Oktubre 9
Tinanong ito ni Jehova, “Paano mo gagawin iyon?”—1 Hari 22:21.
Mga magulang, paano ninyo matutularan ang halimbawa ni Jehova ng kapakumbabaan? Kung angkop, hingin ang opinyon ng inyong mga anak kung paano gagawin ang isang gawain. At kung posible, subukan ang mungkahi nila. Nagpakita rin si Jehova ng halimbawa sa pagtitiyaga, o pagtitiis, kahit nagtatanong ang mga lingkod niya tungkol sa desisyon niya. Nakinig siya kay Abraham noong nagtatanong ito tungkol sa desisyon niyang puksain ang Sodoma at Gomorra. (Gen. 18:22-33) At tandaan kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang asawa ni Abraham na si Sara. Hindi siya nasaktan o nagalit nang matawa si Sara sa pangako niya na magkakaanak ito kahit matanda na ito. (Gen. 18:10-14) Sa halip, pinakitunguhan niya si Sara nang may dignidad. Mga magulang at elder, ano ang matututuhan ninyo sa halimbawa ni Jehova? Ano ang ginagawa ninyo kapag kinuwestiyon ng inyong mga anak o ng ilan sa kongregasyon ang desisyon ninyo? Agad ba ninyong sinasabi na mali sila? O sinisikap ninyong unawain ang pananaw nila? Siguradong makikinabang ang pamilya at kongregasyon kung tutularan ng mga magulang at elder si Jehova. w20.08 10 ¶7-9
Lunes, Oktubre 10
Lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.—2 Cor. 12:9.
Noong una nating malaman ang katotohanan, baka gustong-gusto nating magpatulong sa iba, dahil alam nating sanggol pa lang tayo sa pagiging Kristiyano at marami pa tayong kailangang matutuhan. (1 Cor. 3:1, 2) Pero kumusta ngayon? Kung makaranasan na tayo at matagal nang naglilingkod kay Jehova, baka hindi na tayo ganoon kahandang tumanggap ng tulong, lalo na kung mas matagal na tayo sa katotohanan kaysa sa tutulong sa atin. Pero madalas na ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo. (Roma 1:11, 12) Kaya kung gusto nating mapalakas tayo ni Jehova, kailangan nating tanggapin ang tulong ng mga kapatid. Ang tagumpay ay hindi nakadepende sa sariling lakas, edukasyon, kayamanan, o pinagmulan; nakadepende ito sa kapakumbabaan at pagtitiwala kay Jehova. Magsikap nawa tayong lahat na (1) umasa kay Jehova, (2) matuto mula sa mga halimbawa sa Bibliya, at (3) tumanggap ng tulong mula sa mga kapatid. Kapag ginawa natin iyan, gaano man tayo kahina, palalakasin tayo ni Jehova! w20.07 14 ¶2; 19 ¶18-19
Martes, Oktubre 11
Magpakita ng gayon ding kasipagan . . . para hindi kayo maging tamad, kundi maging mga tagatulad kayo ng mga nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.—Heb. 6:11, 12.
Baka mahirap para sa atin na maging matiisin kapag nagpapatotoo sa mga kamag-anak na di-Saksi. Makakatulong sa atin ang simulain sa Eclesiastes 3:1, 7. Sinasabi rito: “May takdang panahon . . . ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” Kahit hindi tayo nagsasalita, ang magandang paggawi ay puwedeng maging patotoo, pero dapat pa ring masabi ang tungkol sa katotohanan kapag nagkaroon tayo ng pagkakataon. (1 Ped. 3:1, 2) Maging matiisin tayo sa lahat ng tao—kasama na ang mga kapamilya natin—habang masigasig tayong nangangaral at nagtuturo sa kanila. Matututo tayo ng pagtitiis mula sa tapat na mga lingkod ni Jehova noon at ngayon. Sabik na sabik si Habakuk na matapos na ang kasamaan, pero nasabi pa rin niya: “Mananatili akong nakatayo sa aking bantayan.” (Hab. 2:1) Gustong-gusto na ni apostol Pablo na “matapos” ang kaniyang ministeryo. Pero nagtiis pa rin siya at ‘lubusang nagpatotoo tungkol sa mabuting balita.’—Gawa 20:24. w20.09 12 ¶12-14
Miyerkules, Oktubre 12
Hindi . . . inisip [ni Jesus] na mang-agaw ng posisyon, o maging kapantay ng Diyos.—Fil. 2:6.
Kahit pangalawa si Jesus kay Jehova, hindi siya nag-isip nang higit tungkol sa sarili niya kaysa sa nararapat. Bilang pagtulad kay Jesus, ang mapagpakumbabang mga lingkod ni Jehova ay makakapagpakita ng pag-ibig na tanda ng tunay na mga Kristiyano. (Luc. 9:48; Juan 13:35) Ano ang dapat mong gawin kung sa tingin mo ay may mga problema sa kongregasyon na hindi naaasikaso nang tama ng mga elder? Sa halip na magreklamo, maging mapagpakumbaba at suportahan ang kanilang pangunguna. (Heb. 13:17) Para magawa iyan, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang napakaseryoso ng problemang nakikita ko at kailangan na itong ituwid? Ito ba ang tamang panahon para ituwid iyon? Ako ba ang dapat magtuwid ng problema? Pero ano ba talaga ang totoo, gusto ko bang magkaisa ang kongregasyon o gusto ko lang iangat ang sarili ko?’ Mas mahalaga kay Jehova ang kapakumbabaan kaysa sa kakayahan, at ang pagkakaisa kaysa sa pagiging mahusay. Kaya gawin ang iyong buong makakaya na maging mapagpakumbaba sa paglilingkod kay Jehova. Sa paggawa nito, makakatulong ka sa pagkakaisa ng kongregasyon.—Efe. 4:2, 3. w20.07 4-5 ¶9-11
Huwebes, Oktubre 13
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila.”—Mat. 28:10.
Pinahalagahan ni Jesus ang tapat na mga babaeng naglingkod sa kaniya ‘gamit ang sarili nilang pag-aari.’ (Luc. 8:1-3) Tinuruan niya sila ng mahahalagang katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Halimbawa, sinabi niya sa kanila na siya ay mamamatay at bubuhaying muli. (Luc. 24:5-8) Inihanda niya ang mga babaeng ito, gaya ng ginawa niya sa mga apostol, para sa mga pagsubok na kakaharapin nila. (Mar. 9:30-32; 10:32-34) At kahit tumakas ang mga apostol nang arestuhin si Jesus, ang ilang babaeng naglilingkod sa kaniya ay hindi umalis habang naghihirap siya sa tulos. (Mat. 26:56; Mar. 15:40, 41) Tapat na mga babae ang unang nakakita sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Inatasan niya sila na sabihin sa mga apostol na binuhay siyang muli. (Mat. 28:5, 9, 10) At noong Pentecostes 33 C.E., malamang na may mga babae nang ibuhos ang banal na espiritu at lahat ng naroon ay makahimalang nakapagsalita ng iba’t ibang wika at nasabi nila sa iba ang tungkol sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”—Gawa 1:14; 2:2-4, 11. w20.09 23 ¶11-12
Biyernes, Oktubre 14
Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.—1 Tim. 4:16.
Nagliligtas-buhay ang paggawa ng alagad! Paano natin nalaman? Nang ibigay ni Jesus ang utos sa Mateo 28:19, 20, sinabi niya: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.” Gaano ba kahalaga ang bautismo? Kailangang-kailangan ito para makaligtas. Ang kandidato sa bautismo ay dapat na naniniwalang naging posible lang ang kaligtasan dahil namatay si Jesus at binuhay-muli. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni apostol Pedro sa mga kapuwa niya Kristiyano: “Ang bautismo . . . ay nagliligtas din ngayon sa inyo . . . sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” (1 Ped. 3:21) Kaya kapag nabautismuhan ang isa, may pag-asa na siyang maligtas. Para makagawa ng mga alagad, dapat na ‘mahusay tayo sa pagtuturo.’ (2 Tim. 4:1, 2) Bakit? Kasi iniutos ni Jesus: ‘Humayo kayo at gumawa ng mga alagad, na tinuturuan sila.’ Sinabi ni apostol Pablo na “ibigay mo ang buong makakaya mo” sa gawaing iyon, “dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.” w20.10 14 ¶1-2
Sabado, Oktubre 15
Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.—Luc. 5:10.
Napamahal sa alagad na si Pedro ang pagiging mangingisda ng tao. At sa tulong ni Jehova, naging mahusay si Pedro sa gawaing iyan. (Gawa 2:14, 41) Nangangaral tayo dahil mahal natin si Jehova—iyan ang ating pangunahing dahilan. Makakatulong ang pag-ibig natin kay Jehova para huwag nating isiping hindi tayo kuwalipikado. Nang anyayahan ni Jesus si Pedro na maging mangingisda ng tao, sinabi niya: “Huwag ka nang matakot.” (Luc. 5:8-11) Hindi natakot si Pedro sa puwedeng mangyari kapag naging alagad siya. Sa halip, naramdaman niyang hindi siya kuwalipikado na maging kamanggagawa ni Jesus dahil sa nakita niyang himala na ginawa ni Jesus para makahuli sila ng napakaraming isda. Pero baka natatakot ka sa lahat ng kailangan mong gawin bilang alagad ni Kristo. Kung gayon, patibayin ang pag-ibig mo kay Jehova, kay Jesus, at sa iyong kapuwa para matanggap mo ang paanyaya ni Jesus na maging mangingisda ng tao.—Mat. 22:37, 39; Juan 14:15. w20.09 3 ¶4-5
Linggo, Oktubre 16
Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , [turuan sila].—Mat. 28:19, 20.
Masaya nating ibinibigay ang ating panahon, lakas, at pag-aari para mahanap ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Sa paggawa nito, tinutularan natin si Jesus. Sinabi niya: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.” (Juan 4:34; 17:4) Iyan din ang gusto nating gawin. Gusto nating tapusin ang gawaing ipinagkatiwala sa atin. (Juan 20:21) At gusto nating makasama ang iba, pati na ang mga inactive, sa patuloy na pagtitiis para sa gawaing ito. (Mat. 24:13) Totoo, hindi madaling gawin ang utos ni Jesus. Pero hindi tayo nag-iisa sa gawaing ito. Nangako si Jesus na sasamahan niya tayo. Gumagawa tayo ng mga alagad bilang “mga kamanggagawa ng Diyos” at “mga tagasunod ni Kristo.” (1 Cor. 3:9; 2 Cor. 2:17) Kaya magagawa natin ito. Isa ngang pribilehiyo na gawin ang atas na ito at tulungan ang iba na ganoon din ang gawin!—Fil. 4:13. w20.11 7 ¶19-20
Lunes, Oktubre 17
Si Jesus ay patuloy na lumaki, lalong naging marunong, at lalong naging kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao.—Luc. 2:52.
Kadalasan nang may matagal na epekto sa mga anak ang desisyon ng mga magulang. Kapag mali ang desisyon ng mga magulang, puwedeng magkaproblema ang mga anak. Pero kapag maganda ang desisyon nila, binibigyan nila ang kanilang mga anak ng pagkakataong magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Siyempre, dapat ding gumawa ng magagandang desisyon ang mga anak. Ang pinakamagandang desisyong magagawa natin ay ang paglingkuran ang maibiging Ama sa langit, si Jehova. (Awit 73:28) Gusto ng mga magulang ni Jesus na tulungan ang kanilang mga anak na maglingkod kay Jehova, at ang mga desisyong ginawa nila ay nagpapatunay na ito ang pinakamahalaga sa buhay nila. (Luc. 2:40, 41, 52) Gumawa rin si Jesus ng magagandang desisyon na nakatulong sa kaniya para magawa ang kalooban ni Jehova. (Mat. 4:1-10) Lumaki si Jesus na mabait, tapat, at malakas ang loob—isang anak na maipagmamalaki at magpapasaya sa sinumang magulang na may takot sa Diyos. w20.10 26 ¶1-2
Martes, Oktubre 18
Itutok mo ang iyong paningin sa harapan.—Kaw. 4:25.
Pag-isipan ang mga halimbawang ito. Iniisip ng isang may-edad nang sister ang magagandang pangyayari sa buhay niya noong bata pa siya. Kahit mahirap ang sitwasyon niya ngayon, ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya para kay Jehova. (1 Cor. 15:58) Ini-imagine niya araw-araw na magkakasama sila ng pamilya niya at mga kaibigan sa Paraiso. Naalala naman ng isang sister na nasaktan siya sa ginawa ng isang kapatid, pero hindi siya nagtanim ng galit. (Col. 3:13) Natatandaan pa ng isang brother ang mga pagkakamaling nagawa niya noon, pero ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya para kay Jehova. (Awit 51:10) Ano ang pagkakatulad nilang tatlo? Naaalala nilang lahat ang nangyari sa kanila noon, pero hindi sila nabubuhay sa nakaraan. Sa halip, ‘itinutok nila ang paningin nila’ sa hinaharap. Bakit mahalaga iyan? Hindi makakapaglakad nang deretso ang isang tao kung tingin siya nang tingin sa likuran. Kaya hindi rin tayo susulong sa paglilingkod kay Jehova kung babalik-balikan natin ang nakaraan.—Luc. 9:62. w20.11 24 ¶1-3
Miyerkules, Oktubre 19
Hinamak niya ito.—1 Sam. 17:42.
Mahina o walang kalaban-laban ang tingin kay David ng malakas na mandirigmang si Goliat. Kung titingnan nga naman, mas malaki si Goliat, mas kumpleto sa kagamitan, at mas sanay sa digmaan. Samantalang si David ay isang bata lang na walang kagamitan sa digmaan. Pero umasa si David kay Jehova. At tinulungan siya ni Jehova na matalo ang kaaway. (1 Sam. 17:41-45, 50) Napaharap si David sa isa pang hamon na puwede sanang nagpahina sa kaniya. Si David ay tapat na lingkod ni Saul, ang inatasan ni Jehova bilang hari ng Israel. Noong una, nirerespeto ni Haring Saul si David. Pero nang maglaon, nainggit si Saul kay David. Naging masama na ang pagtrato ni Saul kay David, at sinubukan pa nga niya itong patayin. (1 Sam. 18:6-9, 29; 19:9-11) Kahit masama ang pagtrato ni Haring Saul kay David, patuloy niyang nirespeto ang inatasang hari ni Jehova. (1 Sam. 24:6) Umasa si David na bibigyan siya ni Jehova ng lakas para maharap ang problema.—Awit 18:1, superskripsiyon. w20.07 17 ¶11-13
Huwebes, Oktubre 20
Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan sa kaniya [sa hari ng hilaga] ang hari ng timog.—Dan. 11:40.
Natupad na ang malaking bahagi ng hula tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog kaya makakapagtiwala tayong matutupad din ang natitirang bahagi nito. Para maintindihan ang hula sa Daniel kabanata 11, dapat nating tandaan na tumutukoy lang ito sa mga tagapamahala at gobyernong may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Kumpara sa populasyon ng mundo, kakaunti lang ang mga lingkod ng Diyos, pero bakit madalas na sila ang puntirya ng mga gobyernong iyon? Gusto kasi ni Satanas at ng sanlibutan niya na malipol ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. (Gen. 3:15; Apoc. 11:7; 12:17) Bukod diyan, ang hula ni Daniel ay dapat na kaayon ng iba pang hula sa Salita ng Diyos. Ang totoo, maiintindihan lang natin ang hula ni Daniel kung ikukumpara natin ito sa iba pang bahagi ng Kasulatan. w20.05 2 ¶1-2
Biyernes, Oktubre 21
Paano bubuhaying muli ang mga patay? Oo, ano ang magiging katawan nila?—1 Cor. 15:35.
Marami ngayon ang may kani-kaniyang paniniwala tungkol sa nangyayari kapag namatay ang isang tao. Pero ano ba ang itinuturo ng Bibliya? Kapag namatay ang isang tao, nabubulok ang kaniyang katawan. Pero kayang buhaying muli ng Isa na lumalang sa uniberso ang taong ito at bigyan siya ng katawang kailangan niya. (Gen. 1:1; 2:7) Gumamit ng isang ilustrasyon si apostol Pablo para ipakita na hindi kailangan ng Diyos na ibalik ang dati nitong katawan. Pag-isipan ang “isang butil,” o “binhi” ng halaman. Kapag itinanim sa lupa ang isang binhi, tutubo iyon at magiging isang bagong-usbong na halaman. Ang halamang iyon ay naiiba sa maliit na binhi. Ginamit ni Pablo ang paghahalintulad na ito para ipakita na kayang bigyan ng Maylalang ng “katawan ayon sa kalooban niya” ang isang taong namatay. Binanggit din ni Pablo na “may mga katawang makalangit at mga katawang makalupa.” Ano ang ibig niyang sabihin? Sa lupa, may mga katawang laman, pero sa langit, may mga katawang espiritu, gaya ng sa mga anghel.—1 Cor. 15:36-41. w20.12 9-10 ¶7-9
Sabado, Oktubre 22
Hanggang kailan ako mababahala at malulungkot araw-araw?—Awit 13:2.
Gusto nating lahat na mamuhay nang tahimik at panatag. Ayaw nating nag-aalala tayo. Pero kung minsan, hindi natin maiwasang mabahala at itanong ang itinanong noon ni Haring David sa teksto sa araw na ito. Marami tayong puwedeng ipag-alala, at hindi natin kontrolado ang ilan sa mga ito. Halimbawa, hindi natin mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng pagkain, damit, at tirahan taon-taon; hindi rin natin kontrolado kung gaano kadalas tayong iimpluwensiyahan ng ating mga katrabaho o kaeskuwela na maging di-tapat o imoral. At hindi rin natin mapipigilan ang krimen sa ating lugar. Nangyayari ang mga problemang ito dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan karamihan ng mga tao ay hindi nag-iisip ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya. Alam ni Satanas, ang diyos ng sanlibutang ito, na may mga taong hindi maglilingkod kay Jehova dahil sa “mga kabalisahan sa sistemang ito.” (Mat. 13:22; 1 Juan 5:19) Hindi nga nakakapagtakang punong-puno ng nakaka-stress na sitwasyon ang mundong ito! w21.01 2 ¶1, 3
Linggo, Oktubre 23
Ang bawat isa na napopoot sa kapatid niya ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang tatanggap ng buhay na walang hanggan.—1 Juan 3:15.
Sinabi ni apostol Juan na huwag tayong mapoot sa ating mga kapatid. Kung hindi natin susundin iyan, binibigyan natin ng pagkakataon si Satanas na kontrolin tayo. (1 Juan 2:11) Ganiyan ang nangyari sa ilan sa pagtatapos ng unang siglo C.E. Ginawa ni Satanas ang lahat para mapoot sa isa’t isa at magkawatak-watak ang bayan ng Diyos. Nang isulat ni Juan ang mga liham niya, nakapasok na sa kongregasyon ang ilang taong tumutulad kay Satanas. Halimbawa, gumagawa si Diotrepes ng paraan para magkawatak-watak ang kongregasyon. (3 Juan 9, 10) Hindi niya iginagalang ang naglalakbay na mga kinatawan ng lupong tagapamahala. Sinubukan pa nga niyang palayasin sa kongregasyon ang mga nagpapatulóy sa mga taong kinaiinisan niya. Napakayabang! Ginagawa pa rin ni Satanas ang lahat para magkawatak-watak ang bayan ng Diyos ngayon. Huwag sana tayong mapoot sa ating mga kapatid. w21.01 11 ¶14
Lunes, Oktubre 24
Kapag natapos na nila ang kanilang pagpapatotoo, ang mabangis na hayop . . . ay makikipagdigma sa kanila at tatalunin sila at papatayin sila.—Apoc. 11:7.
Noong unang digmaang pandaigdig, inusig ng Germany at Britain ang mga lingkod ng Diyos na tumangging sumali sa digmaan. Ipinakulong naman ng United States ang mga nangunguna sa gawaing pangangaral. Ang pag-uusig na ito ay katuparan ng hula sa Apocalipsis 11:7-10. Pagkatapos, noong dekada ’30 at lalo na noong ikalawang digmaang pandaigdig, walang awang sinalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos. Ipinagbawal ni Hitler at ng mga tagasunod niya ang gawain ng mga lingkod ng Diyos. Daan-daang lingkod ni Jehova ang pinatay at libo-libo ang ipinadala sa mga kampong piitan. Nang ipagbawal ng hari ng hilaga ang pangangaral, ‘nilapastangan niya ang santuwaryo’ at ‘inalis ang regular na handog.’ (Dan. 11:30b, 31a) Nangako pa nga ang lider nitong si Hitler na uubusin niya ang mga lingkod ng Diyos sa Germany. w20.05 6 ¶12-13
Martes, Oktubre 25
Magmahalan kayo bilang magkakapatid at maging magiliw sa isa’t isa. Mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.—Roma 12:10.
Kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa, naiiwasan ang kompetisyon sa loob ng kongregasyon. Hindi nakipagkompetensiya si Jonatan kay David, at hindi niya ito itinuring na karibal sa trono. (1 Sam. 20:42) Puwede nating tularan si Jonatan. Huwag ituring na karibal ang mga kapatid dahil sa mga kakayahan nila, kundi “maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” (Fil. 2:3) Tandaan na ang bawat isa sa atin ay may maitutulong sa kongregasyon. Kung mananatili tayong mapagpakumbaba, makikita natin ang magagandang katangian ng mga kapatid at matututo tayo sa kanila. (1 Cor. 12:21-25) Kapag nagpapakita tayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa, nakakatulong tayo sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos. Napapatunayan nating mga alagad tayo ni Jesus, at napapansin ito ng mga tapat-puso kaya gugustuhin din nilang maglingkod kay Jehova. Higit sa lahat, naluluwalhati natin si Jehova, “ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.”—2 Cor. 1:3. w21.01 24 ¶14; 25 ¶16
Miyerkules, Oktubre 26
Hindi kayo bahagi ng sanlibutan, . . . kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.—Juan 15:19.
Bilang mga lingkod ni Jehova, hinahamak tayo kung minsan at itinuturing na walang alam at mahina. Bakit? Dahil hindi natin ginagaya ang ugali ng mga tao sa ngayon. Sinisikap nating maging mapagpakumbaba, mahinahon, at masunurin. Sa kabaligtaran, gustong-gusto ng mundo sa ngayon ang mayayabang, arogante, at palaban. Isa pa, hindi tayo nakikisali sa politika at hindi rin tayo nagsusundalo. Ibang-iba tayo sa mga tao sa mundong ito. Kaya mababa ang tingin nila sa atin. (Roma 12:2) Kahit mahina tayo sa tingin ng mga tao, ginagamit tayo ni Jehova para gawin ang di-pangkaraniwang mga bagay. Naisasagawa ni Jehova ang pinakamalawak na gawaing pangangaral sa pamamagitan ng mga lingkod niya. Sa ngayon, nakakapaglathala sila ng mga magasin na may pinakamaraming salin at kopyang naipapamahagi at natutulungan nila ang milyon-milyong tao na magkaroon ng magandang buhay gamit ang Bibliya. Ang lahat ng ito ay dahil kay Jehova. w20.07 15 ¶5-6
Huwebes, Oktubre 27
Ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.—Juan 14:31.
Nagpapasakop si Jesus kay Jehova, hindi dahil kulang siya sa talino o kakayahan. Isang napakatalinong tao lang ang makakapagturo nang kasing simple at kasing linaw ng pagtuturo ni Jesus. (Juan 7:45, 46) Napakalaki ng tiwala ni Jehova sa kakayahan ni Jesus kung kaya hinayaan Niya si Jesus na gumawang kasama Niya noong lalangin ni Jehova ang uniberso. (Kaw. 8:30; Heb. 1:2-4) At mula nang buhaying muli si Jesus, ipinagkatiwala na sa kaniya ni Jehova ang ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa.’ (Mat. 28:18) Kahit maraming kakayahan si Jesus, nagpapagabay pa rin siya kay Jehova. Bakit? Mahal niya kasi ang kaniyang Ama. Dapat na matutuhan iyan ng mga asawang lalaki. Nang iutos ni Jehova na magpasakop ang babae sa kaniyang asawa, hindi ibig sabihin nito na mas mababa ang tingin ni Jehova sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Malinaw na ipinakita ito ni Jehova nang pumili siya ng mga babae’t lalaki para mamahalang kasama ni Jesus. (Gal. 3:26-29) Ipinakita ni Jehova na may tiwala siya sa kaniyang Anak nang bigyan niya ito ng awtoridad. Sa katulad na paraan, bibigyan din ng awtoridad ng isang marunong na lalaki ang asawa niya. w21.02 11 ¶13-14
Biyernes, Oktubre 28
Itinuturing nating maligaya ang mga nakapagtiis.—Sant. 5:11.
Ang Salita ng Diyos ay parang isang salamin; tutulong ito sa atin na makita ang mga dapat pasulungin at kung paano mapapasulong ang mga iyon. (Sant. 1:23-25) Halimbawa, pagkatapos nating mag-aral ng Bibliya, baka napansin natin na kailangan pa nating kontrolin ang ating galit. Sa tulong ni Jehova, matututuhan natin kung paano maging mahinahon sa pakikitungo sa iba o kapag may problema na nakakagalit sa atin. Mas nakakapag-isip tayo ngayon nang malinaw at nakakagawa tayo ng tamang desisyon. (Sant. 3:13) Kaya mahalagang pamilyar tayo sa nilalaman ng Bibliya! Minsan, nalalaman lang natin ang mga bagay na dapat nating iwasan pagkatapos nating magkamali. Mas mabuting matuto tayo mula sa karanasan ng iba—sa kanilang tagumpay at mga pagkakamali. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Santiago na mahalagang pag-aralan ang mga halimbawa ng mga karakter sa Bibliya gaya nina Abraham, Rahab, Job, at Elias. (Sant. 2:21-26; 5:10, 11, 17, 18) Ang tapat na mga lingkod na iyon ni Jehova ay nakapagtiis ng mga pagsubok na puwedeng mag-alis ng kagalakan nila. Ipinapakita ng mga halimbawa nila na magagawa rin natin iyon sa tulong ni Jehova. w21.02 29-30 ¶12-13
Sabado, Oktubre 29
Magtatagumpay ang mga plano kapag napag-uusapan, at makipaglaban ka nang may mahusay na patnubay.—Kaw. 20:18.
Pangunahing pananagutan ng may study na tulungan ang study niya na maunawaan ang Salita ng Diyos. Kapag isinama ka niya sa pagba-Bible study, dapat mong isiping kapartner ka niya. Ang papel mo ay suportahan siya. (Ecles. 4:9, 10) Ano-ano ang puwede mong gawin para makatulong ka sa pagba-Bible study? Paghandaan ang pagba-Bible study. Una, hilingan ang may study na bigyan ka ng ideya tungkol sa study niya. Ano ang background ng Bible study? Anong paksa ang tatalakayin ninyo? Ano ang gusto mong matutuhan ngayon ng study mo? Mayroon ba akong dapat o di-dapat gawin o sabihin habang nagba-Bible study? Ano ang puwede kong gawin para mapasigla ang study mo na sumulong? Siyempre, wala siyang sasabihing kompidensiyal na bagay. Pero makakatulong sa iyo ang sasabihin niya. Sinabi ng misyonerang si Joy: “Nakakatulong ang pag-uusap na ito para maging interesado ang kasama ko sa Bible study ko at malaman kung ano ang ikokomento niya kapag nagba-Bible study.” w21.03 9 ¶5-6
Linggo, Oktubre 30
Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, tandaan ninyong napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo.—Juan 15:18.
Kung minsan, kinapopootan tayo dahil sinusunod natin ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Malayong-malayo ang mga pamantayang ito sa napakababang moralidad ng mundo. Halimbawa, tanggap na tanggap na ng marami ngayon ang napakaimoral na mga gawain—mga gawaing naging dahilan kung bakit pinuksa ng Diyos ang Sodoma at Gomorra! (Jud. 7) Dahil sinusunod natin ang mga pamantayan ng Bibliya, pinagtatawanan tayo ng marami at tinatawag na panatiko. (1 Ped. 4:3, 4) Ano ang makakatulong sa atin na magtiis kapag kinapopootan tayo at iniinsulto ng mga tao? Kailangan natin ng matibay na pananampalataya na tutulungan tayo ni Jehova. Gaya ng isang kalasag, ang pananampalataya natin ay puwedeng maging “panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.” (Efe. 6:16) Pero bukod sa pananampalataya, kailangan din natin ang pag-ibig. Bakit? Dahil ang pag-ibig ay “hindi nagagalit.” Pinagpapasensiyahan nito at tinitiis ang lahat ng nakakasakit na bagay. (1 Cor. 13:4-7, 13) Makakatulong ang pag-ibig kay Jehova, sa ating mga kapatid, at maging sa ating mga kaaway para makapagtiis tayo kahit kinapopootan. w21.03 21 ¶3-4
Lunes, Oktubre 31
Huwag kang maghinanakit agad, dahil mangmang ang nag-iipon ng hinanakit sa dibdib niya.—Ecles. 7:9.
Kung minsan, may mga bagay tayong hindi dapat gawin para mapatunayang mahal natin ang ating mga kapatid. Halimbawa, hindi natin dapat masamain agad ang sinasabi nila. Isipin ang nangyari noong malapit nang mamatay si Jesus. Sinabi niya sa mga alagad niya na magkakaroon sila ng buhay kung kakainin nila ang kaniyang katawan at iinumin ang kaniyang dugo. (Juan 6:53-57) Maraming alagad ang nagulat sa sinabi niya at iniwan siya—pero hindi ganiyan ang ginawa ng kaniyang tunay na mga kaibigan. Hindi nila naintindihan ang sinabi ni Jesus at malamang na nagulat din sila. Pero hindi inisip ng tapat na mga kaibigan ni Jesus na mali ang sinabi niya at hindi nila ito minasama. Sa halip, nagtiwala silang totoo ang sinasabi niya. (Juan 6:60, 66-69) Napakahalaga ngang huwag masamain agad ang sinasabi ng ating mga kaibigan! Sa halip, bigyan sila ng pagkakataong ipaliwanag ang ibig nilang sabihin.—Kaw. 18:13. w21.01 11 ¶13