Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es22 p. 108-118
  • Nobyembre

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nobyembre
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
  • Subtitulo
  • Martes, Nobyembre 1
  • Miyerkules, Nobyembre 2
  • Huwebes, Nobyembre 3
  • Biyernes, Nobyembre 4
  • Sabado, Nobyembre 5
  • Linggo, Nobyembre 6
  • Lunes, Nobyembre 7
  • Martes, Nobyembre 8
  • Miyerkules, Nobyembre 9
  • Huwebes, Nobyembre 10
  • Biyernes, Nobyembre 11
  • Sabado, Nobyembre 12
  • Linggo, Nobyembre 13
  • Lunes, Nobyembre 14
  • Martes, Nobyembre 15
  • Miyerkules, Nobyembre 16
  • Huwebes, Nobyembre 17
  • Biyernes, Nobyembre 18
  • Sabado, Nobyembre 19
  • Linggo, Nobyembre 20
  • Lunes, Nobyembre 21
  • Martes, Nobyembre 22
  • Miyerkules, Nobyembre 23
  • Huwebes, Nobyembre 24
  • Biyernes, Nobyembre 25
  • Sabado, Nobyembre 26
  • Linggo, Nobyembre 27
  • Lunes, Nobyembre 28
  • Martes, Nobyembre 29
  • Miyerkules, Nobyembre 30
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2022
es22 p. 108-118

Nobyembre

Martes, Nobyembre 1

Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, kamangmangan iyon at kahiya-hiya.​—Kaw. 18:13.

Sa unang tingin, baka isipin nating si Jonas ay di-maaasahan at di-tapat. Tumanggap siya ng direktang utos mula kay Jehova na maghayag ng mensahe ng paghatol sa Nineve. Pero imbes na sumunod, sumakay siya ng barko papunta sa kabilang direksiyon “para takasan si Jehova.” (Jon. 1:1-3) Kung ikaw ang tatanungin, bibigyan mo pa ba si Jonas ng isa pang pagkakataon para magawa ang atas niya? Malamang na hindi. Pero nakita ni Jehova na dapat pa siyang bigyan ng pagkakataon. (Jon. 3:1, 2) Nang manalangin si Jonas habang nasa loob ng tiyan ng isda, naipakita niya kung sino talaga siya. (Jon. 2:1, 2, 9) Makikita natin sa panalanging iyon—malamang na isa sa maraming panalangin ni Jonas—ang magaganda niyang katangian. Mapagpakumbaba siya, mapagpasalamat, at determinadong sumunod kay Jehova. Hindi nga nakakapagtakang pinalampas ni Jehova ang pagkakamali ni Jonas, sinagot ang panalangin nito, at patuloy itong ginamit bilang propeta! Talagang napakahalaga para sa mga elder na “marinig ang mga detalye” bago magpayo! w20.04 15 ¶4-6

Miyerkules, Nobyembre 2

Nangatuwiran sa kanila [si Pablo] mula sa Kasulatan; ipinaliwanag niya at pinatunayan gamit ang mga reperensiya.​—Gawa 17:2, 3.

Tinanggap ng unang-siglong mga alagad ang mga turo na pinaniniwalaan bilang Kristiyano at umasa sa tulong ng banal na espiritu para maunawaan nila ang Salita ng Diyos. Pinatunayan nila sa kanilang sarili na ang mga turong ito ay nakabatay sa Kasulatan. (Gawa 17:11, 12; Heb. 5:14) Hindi lang nila ibinatay sa emosyon ang pananampalataya nila, at hindi sila naglingkod kay Jehova dahil lang sa masayang kasama ang mga kapatid. Sa halip, ibinatay nila ang kanilang pananampalataya sa “tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos.” (Col. 1:9, 10) Ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos ay hindi nagbabago. (Awit 119:160) Halimbawa, hindi nagbabago ang mga ito kahit sinaktan tayo ng isang kapananampalataya o nakagawa siya ng malubhang kasalanan. At hindi rin nagbabago ang mga ito kahit mapaharap tayo sa mga problema. Kaya dapat tayong maging pamilyar sa mga turo ng Bibliya at maging kumbinsidong totoo ang mga ito. Ang ating matibay na pananampalataya na nakabatay sa mga katotohanan sa Bibliya ay tutulong sa atin para hindi tayo matinag sa panahon ng pagsubok, kung paanong ang angkla ay nakakatulong para hindi matinag ang barko kapag may bagyo. w20.07 9 ¶6-7

Huwebes, Nobyembre 3

Inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.​—Gawa 10:42.

Para kay Jesus, ang pagsuporta natin sa pinahirang mga kapatid niya ay pagsuporta na rin sa kaniya. (Mat. 25:34-40) Magagawa natin ito, pangunahin na, kung lubusan tayong makikibahagi sa paggawa ng mga alagad na iniutos sa atin ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Ang pandaigdig na pangangaral na ito ay magagawa lang ng mga kapatid ni Kristo sa tulong ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Kung kabilang ka sa ibang mga tupa, tuwing nakikibahagi ka sa gawaing ito, ipinapakita mo ang pagmamahal mo hindi lang sa mga pinahiran kundi pati na kay Jesus. Masasabi ring nakikipagkaibigan tayo kay Jehova at kay Jesus kapag ginagamit natin ang ating pera sa pagsuporta sa gawaing pinangangasiwaan nila. (Luc. 16:9) Halimbawa, puwede tayong mag-donate para sa pandaigdig na gawain, na ginagamit para sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Puwede rin nating tulungan sa pinansiyal ang kongregasyon natin at ang mga kapatid na alam nating nangangailangan.​—Kaw. 19:17. w20.04 24 ¶12-13

Biyernes, Nobyembre 4

Hindi niya igagalang ang Diyos ng kaniyang mga ama. . . . Pero luluwalhatiin niya ang diyos ng mga tanggulan.​—Dan. 11:37, 38.

Bilang katuparan ng hulang iyan, ‘hindi iginalang ng hari ng hilaga ang Diyos ng kaniyang mga ama.’ Paano? Gustong alisin ng Soviet Union ang mga relihiyon, kaya sinubukan nitong tanggalan ng kapangyarihan ang mga ito. Noon pa mang 1918, naglabas na ng utos ang gobyerno ng Soviet na naging dahilan para maituro sa mga paaralan ang ateismo. Paano naman masasabing ‘niluwalhati ng hari ng hilaga ang diyos ng mga tanggulan’? Gumastos nang malaki ang Soviet Union para sa pagpapalakas ng puwersang militar nito at paggawa ng libo-libong sandatang nuklear. Sa bandang huli, nakaipon ng sapat na sandata ang hari ng hilaga at ang hari ng timog para patayin ang bilyon-bilyong tao! Nagkasundo ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sa isang bagay—‘ipinuwesto nila ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang’—ang United Nations.​—Dan. 11:31. w20.05 6-7 ¶16-17

Sabado, Nobyembre 5

Ang kapatid mo . . . ay nawala at natagpuan.​—Luc. 15:32.

Sino ang makakatulong sa paghahanap sa mga inactive? Lahat tayo ay makakatulong—mga elder, payunir, miyembro ng pamilya, at mamamahayag. May kaibigan ka ba o kamag-anak na naging inactive? May nakausap ka bang inactive habang nagbabahay-bahay ka o nagpa-public witnessing? Sabihin sa kaniya na kung gusto niyang may dumalaw sa kaniya, puwede mong ibigay ang adres o contact number niya sa mga elder. Sinabi ng elder na si Thomas: “Una, nagtatanong-tanong ako sa mga kapatid kung saan na nakatira ang mga inactive. O kaya naman, nagtatanong ako sa mga kapatid kung may naaalala sila na hindi na dumadalo sa pulong. Kapag nakita ko na ang mga inactive, kinukumusta ko rin ang mga anak nila at iba pang kamag-anak. Isinasama noon ng ilang inactive ang mga anak nila sa pulong, at baka naging mamamahayag din ang mga ito. Puwede ring tulungan ang mga ito na manumbalik kay Jehova.” w20.06 24 ¶1; 25 ¶6-7

Linggo, Nobyembre 6

Aalalahanin ko ang mga ginawa ni Jah; aalalahanin ko ang kamangha-mangha mong mga gawa noong unang panahon.​—Awit 77:11.

Sa lahat ng nilalang sa lupa, mga tao lang ang may kakayahang matuto sa nakaraan. Kapag binabalikan natin ang nakaraang mga pangyayari, natututo tayo at nababago natin ang ating pag-iisip at pamumuhay. (1 Cor. 6:9-11; Col. 3:9, 10) Ang totoo, puwede nating sanayin ang konsensiya natin na makilala ang tama at mali. (Heb. 5:14) Puwede tayong matutong magpakita ng pag-ibig, pagmamalasakit, at awa. Puwede rin nating matularan ang katarungan ni Jehova. Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kakayahan nating makaalala kung hindi natin kakalimutan ang tulong at pampatibay sa atin ni Jehova noon. Dahil dito, mas makakapagtiwala tayong tutulungan din niya tayo sa hinaharap. (Awit 77:12; 78:4, 7) Makakapagpakita rin tayo ng pagpapahalaga kung hindi natin kakalimutan ang magagandang bagay na ginawa sa atin ng iba at kung pasasalamatan natin sila. Ayon sa isang pag-aaral, mas malamang na maging masaya ang mga taong mapagpasalamat. w20.05 23 ¶12-13

Lunes, Nobyembre 7

Katatakutan ang pangalang ito na maluwalhati at kahanga-hanga, ang pangalan ni Jehova na inyong Diyos.​—Deut. 28:58.

Isipin na lang ang naramdaman ni Moises noong nakabaluktot siya sa uka ng malaking bato at makita niya ang kaluwalhatian ni Jehova. Sinabi sa Kaunawaan sa Kasulatan na ito na siguro ang “pinakakasindak-sindak na karanasan ng sinumang tao bago dumating si Jesu-Kristo.” Narinig ni Moises ang sinabi ng anghel: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 33:17-23; 34:5-7) Posibleng naalala ito ni Moises nang gamitin niya ang pangalang Jehova sa pagsasabi ng mga salita sa teksto sa araw na ito. Kapag iniisip natin ang pangalang Jehova, makakabuti ring isipin kung anong uri siya ng Diyos. Dapat nating isipin ang kaniyang mga katangian gaya ng kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig. Sa paggawa nito, magkakaroon tayo ng matinding paggalang sa kaniya.​—Awit 77:11-15. w20.06 8-9 ¶3-4

Martes, Nobyembre 8

Patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan.​—2 Tim. 3:14.

Sinabi ni Jesus na makikilala ang mga alagad niya sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Pero hindi lang iyan ang kailangan para magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya. Ang pananampalataya natin ay hindi lang dapat nakabatay sa tulad-Kristong pag-ibig ng bayan ng Diyos. Bakit? Paano kung nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya—baka elder o payunir pa nga? O nasaktan ka ng isang kapatid? O baka naging apostata ang isa at ipinipilit niyang wala sa atin ang katotohanan. Kung mangyari ang mga iyan, matitisod ka ba at hihinto sa paglilingkod kay Jehova? Ang aral: Kung ibabatay mo lang ang pananampalataya mo sa paggawi ng iba sa halip na sa kaugnayan mo kay Jehova, hindi ito magiging matibay. Ang pananampalataya mo ay gaya ng isang bahay. Hindi ito magiging matibay kung puro malambot na materyales lang ang gagamitin mo. Sa katulad na paraan, hindi magiging matibay ang pananampalataya mo kung puro emosyon lang. Kailangan mong pag-aralang mabuti ang Bibliya at maintindihan ito para mapatunayan mong totoo ang itinuturo nito tungkol kay Jehova.​—Roma 12:2. w20.07 8 ¶2-3

Miyerkules, Nobyembre 9

[Tulungan ang] mahihina.​—Gawa 20:35.

Maraming karanasan ang nagpapatunay na tinutulungan tayo ng mga anghel para mahanap ang mga inactive na gustong manumbalik kay Jehova. (Apoc. 14:6) Halimbawa, tingnan ang karanasan ni Silvio, isang inactive na taga-Ecuador. Marubdob niyang ipinanalangin kay Jehova na tulungan siyang makabalik sa kongregasyon. Habang nananalangin siya, may nag-doorbell—dalawang elder ang nasa pinto. At ibinigay nila ang tulong na kailangan niya. Magiging masaya tayo kung tutulungan natin ang mga inactive na manumbalik kay Jehova. Sinabi ni Salvador, isang payunir na nagsisikap tumulong sa mga inactive: “Minsan, ’di ko mapigilan ang luha ko dahil sa saya. Sobrang saya ko na nakatulong ako kay Jehova na makuha ang mahal niyang tupa sa sanlibutan ni Satanas at maibalik ito sa kongregasyon.” Kung isa kang inactive, makakasiguro kang mahal ka pa rin ni Jehova. Gusto niyang manumbalik ka sa kaniya. Hinihintay ka ni Jehova na manumbalik, at buong puso ka niyang tatanggapin. w20.06 29 ¶16-18

Huwebes, Nobyembre 10

Makikita [mo] ang iyong Dakilang Tagapagturo.​—Isa. 30:20.

Bilang ating “Dakilang Tagapagturo,” nagbigay si Jehova ng mga halimbawa sa Bibliya para turuan tayo. (Isa. 30:21) Natututo tayo kapag pinag-iisipan natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong nagpakita ng mga katangiang nagpapasaya sa Diyos. Natututo rin tayo kapag nakikita natin kung ano ang nangyayari sa mga taong hindi nagpapakita ng ganoong mga katangian. (Awit 37:37; 1 Cor. 10:11) Pag-isipan ang nangyari kay Haring Saul. Mapagpakumbaba siya noong una. Alam niya ang mga limitasyon niya, at nag-alangan pa nga siyang tumanggap ng higit na responsibilidad. (1 Sam. 9:21; 10:20-22) Pero di-nagtagal matapos siyang maging hari, naging pangahas siya. Minsan, naubusan siya ng pasensiya sa paghihintay kay propeta Samuel at naghandog si Saul ng haing sinusunog kahit hindi siya awtorisadong gawin iyon. Dahil dito, naiwala ni Saul ang pagsang-ayon ni Jehova, pati na ang pagiging hari. (1 Sam. 13:8-14) Maipapakita nating marunong tayo kung iiwasan nating maging pangahas. w20.08 10 ¶10-11

Biyernes, Nobyembre 11

Igalang ang mga . . . nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon.​—1 Tes. 5:12.

Totoo na sa pamamagitan ni Kristo, ‘may ibinigay si Jehova na mga tao bilang regalo’ sa Kaniyang kongregasyon. (Efe. 4:8) Kasama sa mga ‘regalong’ ito ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, inatasang katulong ng Lupong Tagapamahala, miyembro ng Komite ng Sangay, tagapangasiwa ng sirkito, field instructor, elder, at ministeryal na lingkod. Ang mga brother na ito ay inatasan ng banal na espiritu para pangalagaan ang mahahalagang tupa ni Jehova at patibayin ang kongregasyon. (1 Ped. 5:2, 3) Inatasan ng banal na espiritu ang mga brother para gampanan ang magkakaibang responsibilidad. Kung paanong nagtutulungan ang iba’t ibang bahagi ng katawan, gaya ng mga kamay at paa, para makinabang ang buong katawan, nagtutulungan din ang mga brother na inatasan ng banal na espiritu para makinabang ang buong kongregasyon. Hindi sila naghahangad ng papuri. Sa halip, nagsisikap silang patibayin ang mga kapatid. (1 Tes. 2:6-8) Ipinagpapasalamat natin kay Jehova ang mapagsakripisyo at kuwalipikadong mga brother na ito. w20.08 21 ¶5-6

Sabado, Nobyembre 12

Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.​—Mat. 28:19.

Nangangaral din tayo dahil ang mga tao ay “sugatán at napabayaan” at kailangang-kailangan nila ang katotohanan tungkol sa Kaharian. (Mat. 9:36) Gusto ni Jehova na ang lahat ng uri ng tao ay magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan at maligtas. (1 Tim. 2:4) Gugustuhin nating mangaral kapag inisip nating makakatulong ito para makaligtas ang mga tao. Inililigtas natin ang buhay ng mga tao. (Roma 10:13-15; 1 Tim. 4:16) Kailangang may tamang kagamitan, at dapat na alam niya kung paano ito gagamitin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung paano mangangaral. Sinabi niya sa kanila kung ano ang dadalhin, kung saan mangangaral, at kung ano ang sasabihin. (Mat. 10:5-7; Luc. 10:1-11) Sa ngayon, nagbigay ang organisasyon ni Jehova ng Toolbox sa Pagtuturo na may mabibisang tool. At tinuturuan tayo kung paano gagamitin ang mga ito. Natutulungan tayo ng ganitong pagsasanay na magkaroon ng kumpiyansa at kakayahan na kailangan para maging mabisa sa ating gawain.​—2 Tim. 2:15. w20.09 4 ¶6-7, 10

Linggo, Nobyembre 13

Wala nang mas makapagpapasaya pa sa akin kaysa rito: ang marinig ko na ang mga anak ko ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.​—3 Juan 4.

Tiyak na masayang-masaya si apostol Juan nang mabalitaan niyang patuloy na naglilingkod kay Jehova ang mga taong tinulungan niyang makaalam ng katotohanan. Marami silang naging problema, at sinikap ni Juan na mapatibay ang pananampalataya ng tapat na mga Kristiyanong ito na itinuturing niyang espirituwal na mga anak. Masaya rin tayo kapag ang ating mga anak o ang mga tinulungan nating makaalam ng katotohanan ay nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at patuloy na naglilingkod sa kaniya. (3 Juan 3) Noong mga 98 C.E., ipinasulat ni Jehova kay Juan ang tatlong liham. Ipinasulat ang mga liham na iyon para pasiglahin ang tapat na mga Kristiyano na panatilihin ang kanilang pananampalataya kay Jesus at patuloy na lumakad sa katotohanan. Nag-aalala si Juan sa nagiging epekto sa mga kongregasyon ng huwad na mga guro. (1 Juan 2:18, 19, 26) Sinasabi ng mga apostatang iyon na kilala nila ang Diyos, pero hindi naman nila sinusunod ang mga utos ni Jehova. w20.07 20 ¶1-3

Lunes, Nobyembre 14

Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin.​—Juan 14:1.

Naniniwala tayo sa mensaheng ipinapangaral natin, kaya sabik na sabik tayong masabi ito sa maraming tao. Nagtitiwala tayo sa mga pangakong mababasa sa Salita ng Diyos. (Awit 119:42; Isa. 40:8) Nakikita nating natutupad sa ngayon ang mga hula sa Bibliya. Nakikita rin natin kung paano nagbabago ang buhay ng mga tao kapag sinusunod nila ang mga payo sa Bibliya. Dahil diyan, mas nagiging kumbinsido tayo na ang mabuting balita ng Kaharian ay dapat marinig ng lahat. May pananampalataya rin tayo kay Jehova, ang Pinagmumulan ng mensaheng ipinapangaral natin, at kay Jesus, ang isa na iniluklok niya bilang Hari ng Kaharian. Anuman ang mangyari sa atin, si Jehova ang ating kanlungan at lakas. (Awit 46:1-3) Bukod diyan, nagtitiwala tayong si Jesus ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral gamit ang kapangyarihan at awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jehova. (Mat. 28:18-20) Dahil sa pananampalataya, lalo tayong nagtitiwalang pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap. w20.09 12 ¶15-17

Martes, Nobyembre 15

Mabuti ang ginawa niya sa akin. . . . Ginawa niya ang magagawa niya.​—Mar. 14:6, 8.

Kung minsan, baka mangailangan ang mga sister ng magtatanggol sa kanila kapag napaharap sila sa problema. (Isa. 1:17) Halimbawa, baka kailangan ng isang sister na biyuda o diborsiyada ng mag-aasikaso ng ilang trabahong dating ginagawa ng kaniyang asawa. Baka kailangan ng isang may-edad nang sister ng makikipag-usap sa mga doktor. O baka kailangan ng isang payunir na sister na nagboboluntaryo sa ibang proyekto ng organisasyon ng magtatanggol sa kaniya kapag kinukuwestiyon siya dahil madalas na hindi siya nakakasama sa ministeryo di-gaya ng ibang mga payunir. Tingnan natin ang halimbawa ni Jesus. Ipinagtatanggol agad ni Jesus ang mga babaeng lingkod ng Diyos kapag hindi nauunawaan ang mga ito. Halimbawa, ipinagtanggol niya si Maria nang isumbong ito ni Marta sa kaniya. (Luc. 10:38-42) At ipinagtanggol niya ulit si Maria nang pagalitan ito ng iba dahil sa ginawa nito. (Mar. 14:3-9) Naintindihan ni Jesus kung bakit iyon ginawa ni Maria, at pinuri niya ito. Inihula pa nga ni Jesus na ang mabuting ginawa ni Maria ay sasabihin “saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita.” w20.09 24 ¶15-16

Miyerkules, Nobyembre 16

Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa, na naglilingkod nang hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos.​—1 Ped. 5:2.

Alam ng isang mabuting pastol na talagang puwedeng mapalayo sa kawan ang isang tupa. Kapag nangyari iyon, hindi niya ito pinaparusahan. Tingnan natin kung paano tinulungan ni Jehova ang ilang lingkod niya noon na sandaling napalayo sa kaniya. Tinakasan ni propeta Jonas ang atas niya, pero hindi siya agad sinukuan ni Jehova. Gaya ng isang mabuting pastol, iniligtas siya ni Jehova at binigyan ng lakas para magampanan ang atas niya. (Jon. 2:7; 3:1, 2) Gumamit din ang Diyos ng halamang upo para tulungan si Jonas na makitang mahalaga ang buhay ng mga tao. (Jon. 4:10, 11) Ang aral? Imbes na sukuan agad ng mga elder ang mga naging inactive, dapat na subukan nilang intindihin kung bakit napalayo sa kongregasyon ang mga ito. At kapag nanumbalik ang mga ito kay Jehova, ang mga elder ay patuloy na magpapakita ng pag-ibig at malasakit sa mga ito. w20.06 20-21 ¶10-12

Huwebes, Nobyembre 17

Tatanggap sila ng kaunting tulong.​—Dan. 11:34.

Nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991, tumanggap ang bayan ng Diyos sa lugar na iyon ng “kaunting tulong,” o sandaling panahon ng kalayaan. Malaya silang nakapangaral at di-nagtagal, daan-daang libo ang naging mamamahayag sa mga lugar na dating bahagi ng Soviet Union. Pero pagkalipas ng ilang taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga. Para maging hari ng hilaga o hari ng timog ang isang gobyerno, dapat na (1) malaki ang epekto ng pamamahala nito sa bayan ng Diyos, (2) nakikita sa ginagawa nito na kaaway ito ni Jehova at ng bayan niya, at (3) nakikipagtulakan ito sa kalabang hari. Ang Russia at ang mga kaalyado nito ay may malaking epekto sa bayan ng Diyos—ipinagbabawal nila ang pangangaral at pinag-uusig ang daan-daang libong kapatid. Ang ginagawa nilang iyan ay nagpapakitang napopoot sila kay Jehova at sa bayan niya. At nakikipaglaban sila sa hari ng timog, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. w20.05 12-13 ¶3-4

Biyernes, Nobyembre 18

Laging bigyang-pansin ang . . . itinuturo mo.​—1 Tim. 4:16.

Dahil kailangan nating magturo para makagawa ng alagad, gusto nating ibigay ang ating buong makakaya sa pagtuturo. Milyon-milyon ang regular nating tinuturuan ng katotohanan sa Bibliya. Gustong-gusto natin ang itinuturo natin mula sa Salita ng Diyos. Kaya baka hindi natin mapigilang magsalita nang magsalita tungkol dito. Pero ang conductor ng Pag-aaral sa Bantayan, Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, o Bible study ay hindi dapat masyadong maraming sinasabi. Para Bibliya mismo ang magturo, dapat pigilan ng tagapagturo ang sarili niya at huwag sabihin ang lahat ng alam niya tungkol sa isang teksto o paksa. (Juan 16:12) Ikumpara ang alam mo sa Bibliya noong bautismuhan ka sa alam mo ngayon. Malamang na mga pangunahing turo lang ang alam mo noon. (Heb. 6:1) Mga taon ang lumipas bago mo natutuhan ang mga alam mo ngayon, kaya huwag ituro sa Bible study mo ang lahat ng alam mo sa isang upuan lang. w20.10 14-15 ¶2-4

Sabado, Nobyembre 19

Siya ang karpintero na anak ni Maria.​—Mar. 6:3.

Pumili si Jehova ng mahuhusay na magulang para kay Jesus. (Mat. 1:18-23; Luc. 1:26-38) Ang sinabi ni Maria na nakaulat sa Bibliya ay nagpapakita kung gaano niya kamahal si Jehova at ang Kaniyang Salita. (Luc. 1:46-55) Ang pagsunod naman ni Jose sa utos ni Jehova ay nagpapakitang mahal niya ang Diyos at gusto niya Siyang mapasaya. (Mat. 1:24) Pansinin na hindi mayaman ang pinili ni Jehova para maging mga magulang ni Jesus. Ang hain na inihandog nina Jose at Maria pagkapanganak kay Jesus ay nagpapakitang mahirap sila. (Luc. 2:24) Tiyak na simple lang ang buhay nila, lalo na nang magkaroon sila ng mga pitong anak. (Mat. 13:55, 56) Pinrotektahan ni Jehova si Jesus mula sa ilang panganib. Pero hindi niya pinrotektahan ang kaniyang Anak mula sa lahat ng problema. (Mat. 2:13-15) Halimbawa, may mga kamag-anak si Jesus na hindi naniniwala sa kaniya at sa simula ay hindi matanggap na siya ang Mesiyas. (Mar. 3:21; Juan 7:5) Malamang na naging mahirap para kay Jesus ang pagkamatay ng kaniyang ama-amahang si Jose. w20.10 26-27 ¶4-6

Linggo, Nobyembre 20

Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.​—Heb. 13:5.

Minsan ba, pakiramdam mo, nag-iisa ka at walang tumutulong sa iyo sa problema mo? Naranasan din iyan ng marami, pati na ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (1 Hari 19:14) Kapag nangyari iyan sa iyo, tandaan ang pangako ni Jehova: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” Kaya masasabi natin: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.” (Heb. 13:5, 6) Isinulat iyan ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Judea noong mga 61 C.E. Ipinapaalala niyan sa atin ang binabanggit sa Awit 118:5-7. Gaya ng salmista, alam ni Pablo na tutulungan siya ni Jehova dahil maraming beses na niyang naranasan iyon. Halimbawa, mahigit dalawang taon bago niya isulat ang liham niya sa mga Hebreo, nakaligtas si Pablo sa napakalakas na bagyo habang naglalayag. (Gawa 27:4, 15, 20) Sa paglalakbay na iyon at bago nito, tinulungan ni Jehova si Pablo sa iba’t ibang paraan. w20.11 12 ¶1-2

Lunes, Nobyembre 21

Huwag mong sabihin, “Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?”—Ecles. 7:10.

Bakit hindi natin dapat laging isipin na mas maganda ang buhay natin noon? Dahil sa panghihinayang, posibleng puro magagandang bagay lang ang maalala natin mula sa nakaraan. Tingnan natin ang nangyari sa mga Israelita noon. Nang makaalis sila sa Ehipto, nalimutan nila agad kung gaano kahirap ang buhay nila doon. Nagpokus kasi sila sa masasarap na pagkain sa Ehipto. Sinabi nila: “Tandang-tanda pa namin ang isda na kinakain namin nang walang bayad sa Ehipto, pati ang mga pipino, pakwan, puero, sibuyas, at bawang!” (Bil. 11:5) Pero talaga bang “walang bayad” ang mga iyon? Mayroon. Napakalaki ng ibinayad ng mga Israelita; inalipin sila at pinagmalupitan sa Ehipto. (Ex. 1:13, 14; 3:6-9) Pero nalimutan nila iyon at hinanap-hanap ang nakaraan. Nagpokus sila sa magagandang bagay sa Ehipto imbes na sa magagandang bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila sa ilang. Hindi natuwa si Jehova sa kanila.​—Bil. 11:10. w20.11 25 ¶5-6

Martes, Nobyembre 22

Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.​—Awit 34:18.

Kung minsan, baka naiisip natin kung gaano kaikli ang buhay at na ito ay “punô ng problema.” (Job 14:1) Kaya normal lang na masiraan tayo ng loob paminsan-minsan. Ganiyan din ang naramdaman ng ilang lingkod ni Jehova noon. Gusto pa ngang mamatay ng ilan. (1 Hari 19:2-4; Job 3:1-3, 11; 7:15, 16) Pero lagi silang pinapatibay at pinapalakas ni Jehova—ang Diyos na pinagtitiwalaan nila. Ang mga ulat tungkol sa kanila ay inirekord para mapatibay tayo at matuto. (Roma 15:4) Isaalang-alang ang anak ni Jacob na si Jose. Biglang nagbago ang buhay ni Jose—mula sa pagiging paboritong anak ng kaniyang Ama tungo sa pagiging alipin ni Potipar, na hindi nakakakilala kay Jehova. (Gen. 37:3, 4, 21-28; 39:1) Pero inakusahan siya ng asawa ni Potipar ng tangkang panghahalay. Ipinabilanggo siya ni Potipar nang hindi muna nag-iimbestiga at ikinadena. (Gen. 39:14-20; Awit 105:17, 18) Talagang may dahilan si Jose para masiraan ng loob! w20.12 16-17 ¶1-4

Miyerkules, Nobyembre 23

Pakabanalin nawa ang pangalan mo.​—Mat. 6:9.

Sinabi ni Jesus na dapat na kasama ito sa pinakamahahalagang bagay na ipapanalangin natin. Pero ano ba ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus? Kapag pinapabanal mo ang isang bagay, ginagawa mo itong banal, malinis, o dalisay. Pero baka maisip ng ilan, ‘Hindi ba’t banal, malinis, at dalisay na ang pangalan ni Jehova?’ Para masagot iyan, alamin natin kung ano ang nasasangkot sa isang pangalan. Ang pangalan ay hindi lang basta isang salita, na puwedeng isulat o bigkasin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang magandang pangalan ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” (Kaw. 22:1; Ecles. 7:1) Bakit napakahalaga ng isang pangalan? Dahil nasasangkot dito ang reputasyon ng may-ari ng pangalan. Kaya hindi ang paraan ng pagsulat o pagbigkas sa isang pangalan ang pinakamahalaga; ang mas mahalaga ay kung ano ang naiisip ng mga tao kapag nakita nila o narinig ang pangalang iyan. Kapag nagsasabi ang mga tao ng kasinungalingan tungkol kay Jehova, sinusubukan nilang sirain ang reputasyon niya. Sa paggawa nito, para na rin nilang sinisiraang-puri ang pangalan niya. w20.06 3 ¶5-7

Huwebes, Nobyembre 24

Naghihirap ang kalooban ko, at gusto kong malaman, O Jehova—hanggang kailan?​—Awit 6:3.

Kapag may mga problema, baka masyado tayong mag-alala at wala na tayong ibang iniisip kundi problema. Halimbawa, baka nag-aalala tayong hindi magkakasya ang kikitain natin para sa ating mga pangangailangan o magkakasakit tayo at hindi makakapagtrabaho o matatanggal pa nga sa trabaho. Baka iniisip din nating hindi tayo makakapanindigan kapag iniimpluwensiyahan tayo na suwayin ang utos ng Diyos. Malapit nang udyukan ni Satanas ang mga nasa ilalim ng kontrol niya para atakihin ang bayan ng Diyos. Kaya baka nag-aalala tayo kung ano ang magiging reaksiyon natin sa pag-atakeng iyon. Baka maitanong natin, ‘Mali bang mag-alala ako sa mga bagay na ito?’ Alam nating sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag na kayong mag-alala.” (Mat. 6:25) Ibig ba niyang sabihin, hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa anumang bagay? Hindi! May tapat na mga lingkod si Jehova noon na nag-alala rin, pero hindi naman nawala ang pagsang-ayon ni Jehova sa kanila. (1 Hari 19:4) Ang totoo, pinapatibay tayo ni Jesus. Ayaw niya kasi na masyado tayong mag-alala tungkol sa ating mga pangangailangan at maapektuhan ang ating paglilingkod sa Diyos. w21.01 3 ¶4-5

Biyernes, Nobyembre 25

Ang ulo ng babae ay ang lalaki.​—1 Cor. 11:3.

Ang asawang lalaki ay mananagot kay Jehova at kay Jesus sa paraan ng pakikitungo niya sa pamilya niya. (1 Ped. 3:7) Bilang Ulo ng kaniyang pamilya sa buong uniberso, may awtoridad si Jehova na gumawa ng mga kautusan pagdating sa paggawi ng mga anak niya, at ipatupad ang mga iyon. (Isa. 33:22) Si Jesus, bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay may karapatan ding gumawa at magpatupad ng mga kautusan. (Gal. 6:2; Col. 1:18-20) Gaya ni Jehova at ni Jesus, ang ulo ng pamilya ay may awtoridad ding gumawa ng mga desisyon para sa pamilya niya. (Roma 7:2; Efe. 6:4) Pero may limitasyon ang awtoridad niya. Halimbawa, ang mga kautusan niya ay dapat na naaayon sa mga prinsipyo ng Salita ng Diyos. (Kaw. 3:5, 6) At ang ulo ng pamilya ay walang awtoridad na gumawa ng mga kautusan para sa mga hindi bahagi ng pamilya niya. (Roma 14:4) Bukod diyan, kapag ang kaniyang mga anak ay malalaki na at wala na sa poder niya, nandoon pa rin ang respeto nila sa kaniya pero hindi na sila sakop ng pagkaulo niya.​—Mat. 19:5. w21.02 2-3 ¶3-5

Sabado, Nobyembre 26

[Maglaan] sa mga nasa pangangalaga [ninyo].​—1 Tim. 5:8.

Mapapatunayan ng ulo ng pamilya na mahal niya ang kaniyang pamilya kung ilalaan niya ang materyal na pangangailangan nila. Pero dapat niyang tandaan na hindi maibibigay ng materyal na mga bagay ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. (Mat. 5:3) Kahit nasa pahirapang tulos na si Jesus, gusto niyang matiyak na mailalaan ang pangangailangan ni Maria. Kahit hirap na hirap na si Jesus, nagawa pa rin niyang ihabilin si Maria kay apostol Juan. (Juan 19:26, 27) Baka maraming mabibigat na responsibilidad ang isang ulo ng pamilya. Dapat siyang maging masipag sa sekular na trabaho para magbigay ito ng papuri kay Jehova. (Efe. 6:5, 6; Tito 2:9, 10) At baka may responsibilidad din siya sa kongregasyon, gaya ng pagpapastol at pangunguna sa gawaing pangangaral. Kasabay nito, mahalaga ring regular niyang pag-aralan ang Bibliya kasama ang kaniyang asawa at mga anak. Tiyak na pasasalamatan nila ang lahat ng ginagawa niya para manatili silang malusog, masaya, at naglilingkod kay Jehova.​—Efe. 5:28, 29; 6:4. w21.01 12 ¶15, 17

Linggo, Nobyembre 27

Binabantayan [ng isang mahusay na asawang babae] ang gawain ng sambahayan niya.​—Kaw. 31:27.

Inilalarawan sa Bibliya ang mga kayang gawin ng isang mahusay na asawang babae. Kaya niyang mag-asikaso ng tahanan, bumili at magbenta ng ari-arian, at magnegosyo. (Kaw. 31:15, 16, 18) Hindi siya isang alipin na walang karapatang magsabi ng kaniyang opinyon. Sa halip, nagtitiwala sa kaniya ang asawa niya at nakikinig sa mga ideya niya. (Kaw. 31:11, 26) Kapag ganiyang respeto ang ipinapakita ng isang lalaki, magiging masaya ang asawa niya na magpasakop sa kaniya. Kamangha-manghang mga bagay ang nagawa ni Jesus, pero hindi niya inisip na nakakabawas ng dangal ang pagpapasakop niya kay Jehova. (1 Cor. 15:28; Fil. 2:5, 6) Hindi rin iisipin ng isang mahusay na babaeng tumutulad kay Jesus na mas mababa siya kapag nagpapasakop siya sa asawa niya. Susuportahan niya ang kaniyang asawa hindi lang dahil mahal niya siya, kundi pangunahin nang dahil mahal niya at nirerespeto si Jehova. Pero hindi susuportahan ng mapagpasakop na asawang babae ang asawa niya kung hihilingan siya nito na labagin ang mga utos o prinsipyo ng Bibliya. w21.02 11 ¶14-15; 12 ¶19

Lunes, Nobyembre 28

Ang pagdurusa ay nagbubunga ng kakayahang magtiis.​—Roma 5:3.

Noon pa man, nakakatulong na ang pag-ibig sa Diyos para matiis ng mga lingkod ni Jehova ang pag-uusig. Halimbawa, nang utusan ng makapangyarihang korte suprema ng mga Judio ang mga apostol na tumigil sa pangangaral, pag-ibig sa Diyos ang nagpakilos sa kanila na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29; 1 Juan 5:3) Ang di-natitinag na pag-ibig na ito ang nagpapatibay sa ating mga kapatid ngayon. Marami sa kanila ang matatag na naninindigan laban sa malupit at makapangyarihang mga gobyerno. Sa halip na masiraan ng loob, itinuturing nating isang pribilehiyo na magtiis kapag kinapopootan. (Gawa 5:41; Roma 5:4, 5) Kapag kapamilya natin ang humadlang, baka iyon na ang isa sa pinakamahirap na pagsubok sa atin. Baka isipin nilang naliligaw tayo ng landas kapag napansin nilang gusto nating matuto tungkol kay Jehova. Baka isipin naman ng iba na nababaliw na tayo. (Ihambing ang Marcos 3:21.) Baka saktan pa nga nila tayo. Pero hindi na natin ito dapat ipagtaka. Sinabi ni Jesus: “Ang magiging kaaway ng isa ay ang sarili niyang pamilya.”​—Mat. 10:36. w21.03 21 ¶6-7

Martes, Nobyembre 29

Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.​—Sant. 1:19.

Kapag sumasama ka sa isang mamamahayag sa kaniyang Bible study, makinig nang mabuti habang nag-uusap ang dalawa. Sa paggawa nito, malalaman mo kung kailan ka dapat tumulong. Siyempre, mag-iisip ka muna bago magsalita. Halimbawa, hindi ka magsasalita nang magsasalita, sisingit habang nagpapaliwanag ang may study, o magpapasok ng ibang paksa. Kahit maikli lang ang komento mo, ilustrasyon, o tanong, makakatulong ka na para maging malinaw ang punto. Kung minsan, baka wala kang gaanong masabi tungkol sa pinag-uusapan. Pero kung kokomendahan mo ang Bible study at magpapakita ng personal na interes sa kaniya, malaki ang maitutulong mo para sumulong siya. Kung makakatulong, ikuwento nang maikli sa Bible study kung paano mo nalaman ang katotohanan, napagtagumpayan ang isang hamon, o nakitang tinulungan ka ni Jehova. (Awit 78:4, 7) Baka iyan lang ang kailangan niyang marinig para tumibay ang pananampalataya niya o mapasigla siyang patuloy na sumulong at magpabautismo. w21.03 10 ¶9-10

Miyerkules, Nobyembre 30

Gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.​—Mat. 28:19.

Sino ang dapat parangalan sa magagandang resulta ng ating ministeryo? Sinagot iyan ni Pablo nang sabihin niya sa kongregasyon sa Corinto: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago, kaya ang dapat purihin ay hindi ang nagtanim o ang nagdilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.” (1 Cor. 3:6, 7) Gaya ni Pablo, dapat na lagi nating ibigay kay Jehova ang papuri para sa magagandang resulta ng ating ministeryo. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pribilehiyong maging “kamanggagawa” ng Diyos, ni Kristo, at ng mga anghel? (2 Cor. 6:1) Magagawa natin ito kung masigasig tayo sa pagsasabi sa iba ng mabuting balita. Hindi lang tayo dapat magtanim ng binhi ng katotohanan; dapat din natin itong diligan. Kapag nagpakita ng interes ang isang tao, sinisikap natin siyang balikan para mapasimulan ng Bible study. Natutuwa tayo kapag nakikita nating tinutulungan ni Jehova ang Bible study na baguhin ang puso at isip nito. w20.05 30 ¶14, 16; 31 ¶18

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share