Disyembre
Huwebes, Disyembre 1
Ang nag-aalinlangan ay gaya ng alon sa dagat na hinihipan ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.—Sant. 1:6.
Minsan, sa pagbabasa natin ng Bibliya, baka mayroon tayong hindi maintindihan. O baka hindi sinagot ni Jehova ang panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Dahil diyan, baka magduda tayo. Kapag hinayaan natin ito, hihina ang pananampalataya natin at maaapektuhan nito ang kaugnayan natin kay Jehova. (Sant. 1:7, 8) Puwede pa ngang mawala ang pag-asa natin sa hinaharap dahil dito. Itinulad ni apostol Pablo sa isang angkla ang pag-asa natin sa hinaharap. (Heb. 6:19) Kapag may bagyo, hindi natatangay ng alon ang isang barko at hindi ito naaanod papunta sa batuhan dahil sa angkla. Pero ang angkla ay dapat na laging nakakabit sa barko. Hindi dapat maputol ang kadena nito. Kayang sirain ng kalawang ang kadena ng angkla; kaya ring sirain ng pagdududa ang pananampalataya natin. Kapag napaharap sa pag-uusig ang isang taong may pagdududa, madaling mawawala ang pagtitiwala niya na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Kapag nawala ang pananampalataya natin, mawawala rin ang pag-asa natin. Hinding-hindi magiging masaya ang taong iyon! w21.02 30 ¶14-15
Biyernes, Disyembre 2
Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova.—Sant. 2:23.
Malamang na mahigit 70 anyos na si Abraham nang umalis sila ng pamilya niya sa Ur. (Gen. 11:31–12:4) At mga 100 taon siyang nanirahan sa tolda, na nagpapagala-gala sa lupain ng Canaan. Namatay si Abraham sa edad na 175. (Gen. 25:7) Pero hindi niya nakita ang katuparan ng mga pangako ni Jehova na ibibigay ang lupain ng Canaan sa mga inapo niya. At hindi rin niya naabutan ang panahon nang itatag ang lunsod, ang Kaharian ng Diyos. Pero kahit ganoon, sinabi pa rin na namatay si Abraham “matapos masiyahan sa mahabang buhay.” (Gen. 25:8) Sa kabila ng lahat ng problemang pinagdaanan ni Abraham, napanatili niyang matibay ang pananampalataya niya, at handa siyang maghintay kay Jehova. Paano niya nagawa iyon? Dahil sa buong buhay ni Abraham, pinrotektahan siya ni Jehova at itinuring siyang kaibigan. (Gen. 15:1; Isa. 41:8; Sant. 2:22) Gaya ni Abraham, hinihintay rin natin ang lunsod na may tunay na mga pundasyon. (Heb. 11:10) Pero hindi na natin hinihintay na maitatag iyon. Naitatag na ang Kaharian ng Diyos noong 1914 at namamahala na ito sa langit. (Apoc. 12:7-10) Pero hinihintay nating mamahala ito sa lupa. w20.08 4-5 ¶11-12
Sabado, Disyembre 3
Ang laman ng puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.—Kaw. 20:5.
Para mapakinggang mabuti ang iba, kailangan nating maging mapagpakumbaba at matiyaga. Tingnan ang tatlong dahilan kung bakit sulit ito. Una, maiiwasan nating makapag-isip agad ng negatibo tungkol sa iba. Ikalawa, malalaman natin ang nararamdaman at motibo ng kapatid, at iyon ang tutulong para maunawaan natin siya. At ikatlo, matutulungan natin ang kapatid na maintindihan ang sarili niya. Kung minsan, naiintindihan lang natin ang nararamdaman natin kapag sinasabi na natin ito sa iba. Dahil sa pinagmulan, kultura, o personalidad ng ilang kapatid, nahihirapan silang sabihin sa iba ang nararamdaman nila. Baka hindi rin sila agad maging komportable na magsabi sa atin, pero kung tutularan natin si Jehova sa pagiging matiyaga, makukuha natin ang tiwala nila. At kapag handa na silang magkuwento, dapat tayong makinig nang mabuti. w20.04 15-16 ¶6-7
Linggo, Disyembre 4
Manghuhuli ka ng mga taong buháy.—Luc. 5:10.
Ang mga isda ay karaniwan nang nasa lugar na gusto nila ang tubig at marami silang makakain. Mahalaga rin ang oras kung kailan mangingisda. Tungkol dito, pansinin ang sinabi ng isang Saksing taga-Pacific island nang anyayahan niyang mangisda ang isang misyonero. Sinabi ng misyonero, “Magkita tayo ng alas-nuwebe ng umaga bukas.” Sumagot ang brother: “Hindi gano’n ’yon. Mangingisda tayo sa oras na maraming isda at hindi sa oras na gusto natin.” Ganoon din ang mga mangingisda ng tao noong unang siglo—pumupunta sila sa mga lugar na maraming “isda” at sa oras na posibleng nandoon ang mga ito. Halimbawa, ang mga tagasunod ni Jesus noon ay nangaral sa templo at sa mga sinagoga, sa bahay-bahay, at sa pamilihan. (Gawa 5:42; 17:17; 18:4) Kailangang alam din natin kung kailan nasa bahay ang mga tao sa ating teritoryo. Kailangang mag-adjust tayo at mangaral kung saan at kung kailan posibleng matatagpuan ang mga tao.—1 Cor. 9:19-23. w20.09 4 ¶8-9
Lunes, Disyembre 5
Magsalita tayo ng katotohanan at magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay at makapamuhay gaya ni Kristo, ang ulo.—Efe. 4:15.
Ang isang paraan para maging kaibigan ni Jesus ay suportahan ang mga kaayusan ng kongregasyong Kristiyano. Nagiging matalik tayong kaibigan ni Jesus, na ulo ng kongregasyon, kapag nakikipagtulungan tayo sa mga naatasang mangalaga sa atin. (Efe. 4:16) Halimbawa, sinisikap natin ngayon na masulit ang paggamit sa lahat ng Kingdom Hall. Dahil diyan, may mga kongregasyong pinagsama. Kaya malaki ang natitipid ng organisasyon. Pero sa pagbabagong ito, kinailangang mag-adjust ng ilang kapatid. Ang tapat na mga kapatid na ito ay baka matagal nang naglilingkod sa isang kongregasyon at napamahal na sa kanila ang mga kapatid doon. Pero hinihilingan sila ngayong maglingkod sa ibang kongregasyon. Tiyak na tuwang-tuwa si Jesus na makitang nakikipagtulungan ang tapat na mga kapatid na ito sa ganitong kaayusan! w20.04 24 ¶14
Martes, Disyembre 6
Makikipagsuwagan sa kaniya ang hari ng timog.—Dan. 11:40; tlb.
Patuloy na naglalabanan ang hari ng hilaga at ang hari ng timog dahil pareho nilang gustong maging pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig nang makontrol ng Soviet Union at ng mga kaalyado nito ang malaking bahagi ng Europe. Napuwersa ang hari ng timog na bumuo ng alyansang militar kasama ang ibang bansa at tinawag itong NATO. Ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay naglalabanan din sa pagbuo ng pinakamakapangyarihang hukbong militar. Naglalabanan din sila sa pamamagitan ng pagsuporta sa kalaban ng isa’t isa sa mga digmaan sa Africa, Asia, at Latin America. Nitong nakaraang mga taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ay naging makapangyarihan sa buong mundo. Nakipaglaban din ito sa hari ng timog sa pamamagitan ng cyber war. Inakusahan ng mga haring ito ang isa’t isa ng paggamit ng mga computer program para sirain ang ekonomiya at gobyerno ng isa’t isa. At gaya ng inihula ni Daniel, patuloy pa ring sinasalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos.—Dan. 11:41. w20.05 13 ¶5-6
Miyerkules, Disyembre 7
Ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aalagaan ko sila.—Ezek. 34:11.
“Malilimutan ba ng ina ang kaniyang pasusuhing anak?” Itinanong iyan ni Jehova noong panahon ni propeta Isaias. Sinabi ng Diyos sa kaniyang bayan: “Kahit pa makalimot ang isang ina, hinding-hindi ko kayo malilimutan.” (Isa. 49:15) Hindi niya madalas ikumpara ang sarili niya sa isang ina, pero ginawa niya iyon sa pagkakataong ito. Ginamit ni Jehova ang ugnayan ng mag-ina para ipakita kung gaano niya kamahal ang mga lingkod niya. Maraming ina ang sasang-ayon sa sinabi ng sister na si Jasmin, “Kapag nagpasuso ka ng anak mo, nagkakaroon kayo ng napakaespesyal na ugnayan na nagtatagal habambuhay.” Alam ni Jehova kapag ang isang anak niya ay hindi na nangangaral at tumigil na sa pagdalo sa pulong. Maraming kapatid na inactive ang bumabalik sa kongregasyon, at nakakatuwa iyon! Gaya ni Jehova, gusto rin nating bumalik sila.—1 Ped. 2:25. w20.06 18 ¶1-3
Huwebes, Disyembre 8
[Panatilihing] nakapokus ang [inyong] mga mata . . . sa mga bagay na di-nakikita. Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.—2 Cor. 4:18.
Hindi lahat ng kayamanan ay nakikita. Ang totoo, di-nakikita ang pinakamahahalagang kayamanan. Sa Sermon sa Bundok, may binanggit si Jesus na mga kayamanan sa langit na mas mahalaga kaysa sa pera. Sinabi pa niya: “Kung nasaan ang kayamanan mo, naroon din ang puso mo.” (Mat. 6:19-21) Kapag mahalaga sa atin ang isang bagay, papakilusin tayo ng puso natin na makuha iyon. Nakakapag-imbak tayo ng “mga kayamanan sa langit” kapag mayroon tayong mabuting pangalan, o katayuan, sa harap ng Diyos. Ang mga kayamanang iyon, sabi ni Jesus, ay hindi kailanman masisira o mananakaw. Pinapayuhan tayo ni apostol Pablo na panatilihing “nakapokus ang ating mga mata . . . sa mga bagay na di-nakikita.” (2 Cor. 4:17, 18) Kasama sa mga iyon ang mga pagpapalang matatanggap natin sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ipinapakita ba nating mahalaga sa atin ang di-nakikitang mga kayamanang ito? w20.05 26 ¶1-2
Biyernes, Disyembre 9
Ang tagubilin ko ay babagsak na gaya ng ulan.—Deut. 32:2.
Naginhawahan ang mga Israelita sa itinuro ni Moises, gaya ng nagagawa ng ambon sa pananim. Paano tayo makakasiguro na makakaginhawa rin ang ating pagtuturo? Kapag nagbabahay-bahay tayo o nagpa-public witnessing, magagamit natin ang Bibliya para maipakita sa mga tao na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Maibabahagi natin sa kanila ang magagandang literatura, video, at artikulo sa ating website na nagpaparangal kay Jehova. Sa trabaho naman, sa paaralan, o habang nagbibiyahe, may pagkakataon tayong ipakipag-usap ang tungkol sa ating pinakamamahal na Diyos at sa kaniyang personalidad. Kapag sinasabi natin sa kanila ang tungkol sa layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa, natutulungan natin silang makita na mahal na mahal sila ni Jehova. Habang sinasabi natin sa iba ang katotohanan tungkol sa ating maibiging Ama, nakakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan niya. Natutulungan natin ang mga tao na makita na kasinungalingan pala ang naituro sa kanila tungkol kay Jehova. Ang itinuturo natin sa mga tao mula sa Bibliya ang pinakanakakaginhawang bagay na puwede nilang matutuhan.—Isa. 65:13, 14. w20.06 10 ¶8-9
Sabado, Disyembre 10
Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo.—Mal. 3:7.
Anong mga katangian ang kailangan natin para matulungan ang mga gustong manumbalik kay Jehova? Tingnan ang ilang aral na matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang anak na lumayas. (Luc. 15:17-24) Natauhan ang anak at nagdesisyong umuwi. Tumakbo ang ama para salubungin ang anak at niyakap ito nang mahigpit para ipadama ang pagmamahal niya. Sising-sisi ang anak; pakiramdam niya, hindi na siya karapat-dapat ituring na anak. Awang-awa ang ama habang sinasabi ng kaniyang anak ang nararamdaman nito. Ipinadama ng ama na tinatanggap niyang muli ang kaniyang anak bilang minamahal na miyembro ng pamilya. Bilang patunay, nagpahanda siya ng salusalo at binigyan niya ng magandang damit ang nagsisisi niyang anak. Si Jehova ay gaya ng ama sa ilustrasyong iyan. Mahal niya ang mga kapatid nating inactive at gusto niya silang manumbalik sa kaniya. Kung tutularan natin si Jehova, matutulungan natin silang manumbalik. Pero kailangan dito ng tiyaga, malasakit, at pag-ibig. w20.06 25-26 ¶8-9
Linggo, Disyembre 11
Kung lagi ninyong susundin ang aking salita, kayo ay talagang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.—Juan 8:31, 32.
Sinabi ni Jesus na may ilang tatanggap ng katotohanan “nang masaya” pero hihina ang kanilang pananampalataya kapag nagkaproblema. (Mat. 13:3-6, 20, 21) Baka hindi nila naiintindihan na ang pagsunod kay Jesus ay may kasamang hamon at paghihirap. (Mat. 16:24) O baka iniisip nila na ang mga Kristiyano ay ligtas sa mga problema—puro pagpapala lang at walang mga hamon. Pero punong-puno ng problema ang mundong ito. Nagbabago rin ang kalagayan, kaya puwedeng mawala ang kagalakan natin. (Awit 6:6; Ecles. 9:11) Napatunayan ng karamihan sa mga kapatid natin na kumbinsido silang nasa katotohanan sila. Paano? Hindi natitinag ang pananampalataya nila kahit may kapatid na nakasakit sa kanila o nagkasala. (Awit 119:165) Sa halip na humina ang pananampalataya nila dahil sa problema, mas tumitibay pa nga ito. (Sant. 1:2-4) Dapat tayong magkaroon ng ganiyang uri ng pananampalataya. w20.07 8 ¶1; 9 ¶4-5
Lunes, Disyembre 12
Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos.—Sant. 1:5.
Bago magbasa ng Bibliya, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita kung paano ka makikinabang sa babasahin mo. Halimbawa, kung kailangan mo ng payo para maharap ang isang problema, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain sa Bibliya na makakatulong sa iyo. (Fil. 4:6, 7) Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahang mag-imagine. Para maging buhay na buhay sa iyo ang isang ulat sa Bibliya, gunigunihin ang isang eksena at isipin mong ikaw ang pangunahing karakter doon. Sikaping isipin kung ano ang nakikita niya at nararamdaman. Pagkatapos, magbulay-bulay. Ang pagbubulay-bulay ay ang pag-iisip nang mabuti tungkol sa binabasa mo at kung paano iyon makakatulong sa iyo. Dahil dito, mapag-uugnay mo ang mga natututuhan mo at mas maiintindihan mo ang binabasa mo. Kung nagbabasa ka ng Bibliya nang hindi nagbubulay-bulay, para kang tumitingin sa mga piraso ng jigsaw puzzle na nasa mesa nang hindi ito binubuo. Tinutulungan ka ng pagbubulay-bulay na makita ang buong larawan. w21.03 15 ¶3-5
Martes, Disyembre 13
Nagpapasalamat ako sa Diyos, . . . lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi.—2 Tim. 1:3.
Puwede sanang pinagsisihan ni Pablo ang desisyon niya noon at inisip na kung hindi siya naging masigasig na Kristiyano, baka hindi siya naaresto. Puwede sanang nagalit siya sa mga taga-distrito ng Asia na nang-iwan sa kaniya, at puwede sanang naging mapaghinala siya sa iba pa niyang mga kaibigan. Pero hindi ginawa ni Pablo ang mga iyon. Kahit malapit nang mamatay si Pablo, hindi niya nakalimutan ang pinakamahalagang isyu—ang pagluwalhati kay Jehova. At palagi pa rin niyang iniisip kung paano mapapatibay ang iba. Madalas din siyang manalangin, na nagpapakitang umaasa siya kay Jehova. Imbes na magpokus sa mga nang-iwan sa kaniya, talagang ipinagpasalamat niya ang pagmamahal at suporta ng mga kaibigan niya na tumulong sa kaniya. Patuloy ding pinag-aralan ni Pablo ang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17; 4:13) Higit sa lahat, buo ang tiwala niyang mahal siya ni Jehova at ni Jesus. w21.03 18 ¶17-18
Miyerkules, Disyembre 14
Kung paanong ang panirang-damo ay tinitipon at sinusunog sa apoy, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.—Mat. 13:40.
Mga ilang panahon pagkatapos ng taóng 100, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay napasok ng huwad na mga Kristiyano. Pinalaganap nila ang huwad na mga turo at itinago ang katotohanang nasa Salita ng Diyos. Mula noon hanggang 1870, walang organisadong grupo ng mga lingkod ng Diyos sa lupa. Dumami nang husto ang huwad na mga Kristiyano na gaya ng panirang-damo. Kaya mahirap nang matukoy ang tunay na mga Kristiyano. (Mat. 13:36-43) Bakit mahalagang malaman iyan? Ipinapakita nito na hindi puwedeng magkaroon ng hari ng hilaga at ng hari ng timog na binabanggit sa Daniel kabanata 11, mula taóng 100 hanggang 1870, kasi wala namang organisadong bayan ng Diyos para atakihin nila. Pero makakaasa tayo na pagkatapos ng 1870, magkakaroon ulit ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. w20.05 3 ¶5
Huwebes, Disyembre 15
Sinalakay ang lupain ko ng isang [bansa].—Joel 1:6.
Inihula ni Joel na sasalutin ng mga balang ang Israel at lalamunin ng mga ito ang lahat ng pananim! (Joel 1:4) Sa loob ng maraming taon, naniniwala tayong tumutukoy ang hulang ito sa gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova, na gaya ng napakaraming balang na hindi mapigilan. Ang alam natin, may masamang epekto ang gawaing ito sa “lupain” o sa mga tao na naiimpluwensiyahan ng relihiyosong mga lider. Pero kapag sinuri din ang konteksto nito, makikita nating dapat nating baguhin ang ating unawa. Pansinin ang pangako ni Jehova tungkol sa mga balang: “Itataboy ko ang mga tagahilaga [mga balang] mula sa inyo.” (Joel 2:20) Kung ang mga balang ay tumutukoy sa mga Saksi ni Jehova na sumusunod sa utos ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad, bakit ipapangako ni Jehova na itataboy niya sila? (Ezek. 33:7-9; Mat. 28:19, 20) Tiyak na hindi ang tapat na mga lingkod ni Jehova ang itataboy niya, kundi ang mga napopoot sa kaniyang bayan. w20.04 3 ¶3-5
Biyernes, Disyembre 16
Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos.—Sant. 1:5.
Paano kung pakiramdam natin, hindi agad sinagot ni Jehova ang panalangin natin? Sinabi ni Santiago na dapat tayong ‘patuloy na humingi’ sa Diyos. Hindi makukulitan sa atin si Jehova kahit paulit-ulit tayong hihingi ng karunungan. Hindi rin siya magagalit sa atin. Kung ipapanalangin natin na bigyan tayo ng karunungan para makapagtiis, ‘sagana itong ibibigay’ ng ating Ama sa langit. (Awit 25:12, 13) Nakikita niya ang mga pagsubok na dinadanas natin at nalulungkot siya dahil dito, kaya gustong-gusto niya tayong tulungan. Hindi ba dahilan iyan para maging masaya tayo? Pero paano tayo binibigyan ni Jehova ng karunungan? Sa pamamagitan ng kaniyang Salita. (Kaw. 2:6) Para magkaroon ng karunungan, dapat nating pag-aralan ang Salita ng Diyos at ang salig-Bibliyang mga publikasyon. Pero hindi sapat na basta magkaroon ng kaalaman. Dapat nating isabuhay ang karunungan ng Diyos. Magagawa natin iyan kung susundin natin ang mga payo niya. Sinabi ni Santiago: “Maging tagatupad kayo ng salita at hindi tagapakinig lang.” (Sant. 1:22) Kapag sinunod natin ang payo ng Diyos, mas nagiging mapagpayapa tayo, makatuwiran, at maawain. (Sant. 3:17) Makakatulong ang mga katangiang iyon para hindi mawala ang kagalakan natin kahit may pagsubok. w21.02 28-29 ¶10-11
Sabado, Disyembre 17
Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan.—Efe. 4:16.
Malamang na sumulong ang isang Bible study at magpabautismo kapag tinulungan siya ng mga kapatid sa kongregasyon. Makakatulong ang bawat mamamahayag para lumaki ang kongregasyon. Sinabi ng isang payunir: “Sinasabing tulong-tulong ang buong nayon sa pagpapalaki ng isang bata. Tingin ko, ganiyan din sa paggawa ng mga alagad; madalas na tulong-tulong din ang kongregasyon para maakay ang isa sa katotohanan.” Ang mga miyembro ng pamilya, kaibigan, at guro ay may papel na ginagampanan para tulungan ang isang bata sa kaniyang paglaki. Pinapalakas nila ang loob ng bata at tinuturuan ng mahahalagang aral. Sa katulad na paraan, nagpapayo din ang mga mamamahayag, nagpapalakas ng loob, at nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga Bible study na tutulong para sumulong ang mga ito at magpabautismo. (Kaw. 15:22) Bakit dapat tanggapin ng nagko-conduct ng Bible study ang tulong na maibibigay ng mga kapatid sa study niya? Dahil marami ang makakatulong para sumulong sa espirituwal ang Bible study. w21.03 8-9 ¶1-3
Linggo, Disyembre 18
Kung sasabihin natin, “Wala tayong kasalanan,” dinaraya natin ang sarili natin.—1 Juan 1:8.
Dapat iwasan ng lahat ng Kristiyano, bata man o matanda, na magkaroon ng dobleng pamumuhay. Idiniin ni apostol Juan na hindi tayo puwedeng lumakad sa katotohanan at kasabay nito ay namumuhay rin nang imoral. (1 Juan 1:6) Kung gusto nating sang-ayunan tayo ng Diyos ngayon at sa hinaharap, lagi nating isiping kitang-kita ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin. Wala tayong maitatagong kasalanan sa kaniya. (Heb. 4:13) Hindi natin dapat tularan ang pananaw ng mundo sa kasalanan. Noong panahon ni Juan, sinasabi ng mga apostata na ang isang tao ay puwedeng patuloy na gumawa ng kasalanan at maging kaibigan pa rin ng Diyos. Ganiyan din ang pananaw ng mga tao sa ngayon. Marami ang nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, pero hindi sila sang-ayon sa pananaw ni Jehova sa kasalanan, lalo na pagdating sa sex. Katanggap-tanggap na sa ngayon ang mga itinuturing ni Jehova na kasalanan. w20.07 22 ¶7-8
Lunes, Disyembre 19
Umibig . . . sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.—1 Juan 3:18.
Ipinagtatanggol mo ba ang mga sister? Tingnan ang senaryong ito. Napapansin ng ilang kapatid na ang isang sister na may asawang di-Saksi ay madalas na late sa pulong at umaalis agad pagkatapos nito. Napansin din nilang bihira niyang isama ang mga anak niya. Iniisip nila na dapat siyang manindigan sa kaniyang asawa. Ang hindi nila alam, ginagawa naman ng sister ang buong makakaya niya. Hindi niya hawak ang iskedyul niya, at hindi siya ang nasusunod pagdating sa mga anak nila. Kapag pinuri mo ang sister at sinabi sa iba ang mga pagsisikap niya, baka matigil ang panghuhusga sa kaniya. Alam ng mga elder na gusto ni Jehova na pakitunguhan nilang mabuti ang mga ito. (Sant. 1:27) Kaya tinutularan nila ang pagiging makatuwiran ni Jesus at hindi nila iginigiit ang mga tuntunin kung puwede naman silang maging mabait at maunawain. (Mat. 15:22-28) Kapag nagsisikap ang mga elder na makatulong, nararamdaman ng mga sister na mahalaga sila. w20.09 24-25 ¶17-19
Martes, Disyembre 20
Ipinaaalam [ng Diyos] kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari.—Dan. 2:28.
Si propeta Daniel ay mapagpakumbaba at lagi siyang umaasa kay Jehova. Halimbawa, nang gamitin siya ni Jehova para ibigay ang kahulugan ng panaginip ni Nabucodonosor, hindi sinabi ni Daniel na galing sa kaniya iyon. Sa halip, ibinigay niya ang lahat ng kaluwalhatian at papuri kay Jehova. (Dan. 2:26-28) Ano ang matututuhan natin dito? Kung nagugustuhan ng mga kapatid ang mga pahayag natin o kung may magaganda tayong karanasan sa ministeryo, dapat nating ibigay ang lahat ng papuri kay Jehova. Dapat nating kilalanin na hindi natin magagawa ang mga ito kung wala ang tulong ni Jehova. (Fil. 4:13) Sa paggawa nito, tinutularan din natin ang magandang halimbawa ni Jesus. Si Jesus ay umasa kay Jehova. (Juan 5:19, 30) Hindi niya sinubukang agawin ang awtoridad ng kaniyang Ama sa langit. Sinasabi sa Filipos 2:6 na “hindi niya inisip na mang-agaw ng posisyon, o maging kapantay ng Diyos.” Bilang mapagpakumbabang Anak, alam ni Jesus ang limitasyon niya at kinikilala niya ang awtoridad ng kaniyang Ama. w20.08 11 ¶12-13
Miyerkules, Disyembre 21
Tumakbo kayo sa paraang makukuha ninyo ito.—1 Cor. 9:24.
May ilang nasa takbuhan para sa buhay na may mga pinagdadaanan na hindi nakikita o nauunawaan ng iba. Kung may mga limitasyon ka at pakiramdam mo ay walang nakakaunawa sa iyo, mapapatibay ka ng halimbawa ni Mepiboset. (2 Sam. 4:4) May kapansanan siya, at pinaratangan siya ni Haring David. Pero hindi siya naging negatibo; pinahalagahan niya ang mabubuting bagay sa buhay niya. Pinasalamatan niya ang kabaitang ipinakita sa kaniya ni David. (2 Sam. 9:6-10) Kaya nang paratangan siya ni David, inunawa niya ang buong sitwasyon. Hindi siya naghinanakit kay David. Hindi rin niya sinisi si Jehova sa ginawa ni David. Nagpokus si Mepiboset sa pagsuporta sa piniling hari ni Jehova. (2 Sam. 16:1-4; 19:24-30) Ipinasulat ni Jehova sa kaniyang Salita ang napakagandang halimbawa ni Mepiboset para makinabang tayo.—Roma 15:4. w20.04 26 ¶3; 30 ¶18-19
Huwebes, Disyembre 22
Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.—1 Cor. 3:9.
May ilan sa kongregasyon na naglilingkod bilang misyonero, special pioneer, o regular pioneer. Ginawa nang priyoridad ng maraming kapatid sa buong mundo ang pangangaral at paggawa ng alagad. Kahit karamihan sa kanila ay walang-wala, punong-puno naman sila ng pagpapala ni Jehova. (Mar. 10:29, 30) Mahal na mahal natin ang mga kapatid na ito, at ipinagpapasalamat natin na bahagi sila ng kongregasyon! Ang mga inatasang brother lang ba at mga naglilingkod nang buong panahon ang may papel sa kongregasyon? Siyempre hindi! Ang bawat mamamahayag ng mabuting balita ay mahalaga sa Diyos at sa kongregasyon. (Roma 10:15; 1 Cor. 3:6-8) Ang totoo, ang isa sa pinakamahalagang tunguhin ng kongregasyon ay ang gumawa ng mga alagad ng ating Panginoong Jesu-Kristo. (Mat. 28:19, 20; 1 Tim. 2:4) Ito ang priyoridad ng lahat ng miyembro ng kongregasyon, bautisado man o di-bautisadong mamamahayag.—Mat. 24:14. w20.08 21 ¶7-8
Biyernes, Disyembre 23
Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.—Mat. 28:20.
Gaya ng ipinapakita sa teksto sa araw na ito, kapag napapaharap tayo sa mga problema, tutulungan tayo ni Jesus. Nakakapagpatibay iyan sa atin. Bakit? Kasi may mga araw na nakakaranas tayo ng mabibigat na problema. Halimbawa, kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay, kailangan nating tiisin ang sakit, hindi lang nang ilang araw kundi malamang, nang maraming taon. Ang iba ay nahihirapan dahil sa pagtanda. Pinaglalabanan naman ng iba ang depresyon. Pero nakakapagtiis tayo dahil alam natin na kasama natin si Jesus sa “lahat ng araw,” kahit na sa pinakamahihirap na panahon ng ating buhay. (Mat. 11:28-30) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ginagamit ni Jehova ang mga anghel para tulungan tayo. (Heb. 1:7, 14) Halimbawa, tinutulungan tayo at pinapatnubayan ng mga anghel habang nangangaral ng ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ sa mga tao ng “bawat bansa at tribo at wika.”—Mat. 24:13, 14; Apoc. 14:6. w20.11 13-14 ¶6-7
Sabado, Disyembre 24
Ang laman ng puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.—Kaw. 20:5.
Gusto nating maintindihan ng Bible study na galing sa Bibliya ang natututuhan niya. (1 Tes. 2:13) Paano natin iyan magagawa? Pasiglahin ang Bible study na sabihin sa iba ang natututuhan niya. Imbes na laging ikaw ang nagpapaliwanag ng teksto, hilingin na siya naman ang magpaliwanag sa iyo. Tulungan ang study mo na makita kung paano nakakatulong sa kaniya ang Bibliya. Gumamit ng mga tanong para masabi ng study mo ang iniisip at nararamdaman niya tungkol sa mga tekstong binabasa. (Luc. 10:25-28) Halimbawa, tanungin siya: “Paano nakatulong sa iyo ang tekstong ito para makita ang isang katangian ni Jehova?” “Paano makakatulong sa iyo ang katotohanang ito sa Bibliya?” “Ano ang masasabi mo sa natutuhan mo ngayon?” Ang pinakamahalaga ay hindi kung gaano karami ang alam ng study mo, kundi kung gaano niya pinapahalagahan at isinasabuhay ang natututuhan niya. Hayaan mong ang Bibliya ang magturo sa kaniya. Kung gusto mong maging mahusay na tagapagturo, dapat kang maging mapagpakumbaba. w20.10 15 ¶5-6
Linggo, Disyembre 25
Maghasik ka ng binhi sa umaga, at huwag kang magpahinga hanggang gabi.—Ecles. 11:6.
Makakatiyak tayo na ang pangangaral tungkol sa Kaharian ay matatapos sa takdang panahon. Tingnan natin ang nangyari noong panahon ni Noe. Pinatunayan ni Jehova na siya ang pinakamahusay na Tagapag-ingat ng Panahon. Mga 120 taon bago ang Baha, itinakda na ni Jehova kung kailan ito mangyayari. Pagkalipas ng maraming taon, inatasan ni Jehova si Noe na gumawa ng arka. Mga 40 o 50 taon bago ang Baha, patuloy na naging abala si Noe. Kahit hindi siya pinapakinggan ng mga tao, patuloy pa rin siyang nagbababala hanggang sa sabihin ni Jehova na panahon na para pumasok sa arka. Pagkatapos, sa itinakdang panahon, “isinara ni Jehova ang pinto.” (Gen. 6:3; 7:1, 2, 16) Malapit nang tapusin ni Jehova ang gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian; ‘pagsasarhan na niya ng pinto’ ang sistema ni Satanas at itatatag Niya ang matuwid na bagong sanlibutan. Samantala, matularan sana natin si Noe at ang iba pa na hindi nagpahinga. Manatili sana tayong nakapokus at maging matiisin, at mapanatili sana nating matibay ang ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. w20.09 13 ¶18-19
Lunes, Disyembre 26
Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.—1 Cor. 14:40.
Kapag hindi malinaw kung sino ang ulo, magiging magulo at di-masaya ang pamilya ni Jehova. Halimbawa, hindi nila alam kung sino ang pinakadapat magdesisyon at kung sino ang dapat manguna sa pagsasagawa ng desisyong iyon. Kung maganda ang kaayusan ng Diyos tungkol sa pagkaulo, bakit nadarama ng maraming babae sa ngayon na pinagmamalupitan sila? Kasi binabale-wala ng maraming lalaki ang mga pamantayan ni Jehova para sa pamilya at mas sinusunod ang mga kaugalian nila o tradisyon. Baka nagiging abusado rin sila sa kanilang asawa para mapagbigyan ang isang pansariling kagustuhan nila. Halimbawa, baka dominahan ng lalaki ang asawa niya para tumaas ang tingin niya sa sarili niya o patunayan sa iba na siya ay “tunay na lalaki.” Baka iniisip niyang hindi man niya mapilit ang asawa niya na mahalin siya, kaya naman niya itong takutin. At baka gamitin niya ang pagkatakot na ito para kontrolin ang asawa niya. Kapag ganiyan ang iniisip at ginagawa ng mga lalaki, hindi nila naibibigay ang dangal at respeto na nararapat sa mga babae. Kabaligtaran iyan ng gusto ni Jehova.—Efe. 5:25, 28. w21.02 3 ¶6-7
Martes, Disyembre 27
[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.—1 Ped. 5:7.
Gumagaan ang pakiramdam ng mga Kristiyano kapag nananalangin sila kay Jehova. Bilang sagot sa ating mga panalangin, bibigyan niya tayo ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan” ng mga tao. (Fil. 4:6, 7) Pinapanatag ni Jehova ang ating mga kaisipan sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu. (Gal. 5:22) Kapag nananalangin kay Jehova, sabihin mo ang lahat ng nasa puso mo. Maging espesipiko. Sabihin sa kaniya ang problema at ang nararamdaman mo tungkol dito. Kung may posibleng solusyon, humingi ng karunungan sa kaniya para makita iyon at humingi ng lakas para magawa iyon. Kung wala kang makitang solusyon sa iyong problema, hilingin kay Jehova na tulungan kang huwag masyadong mag-alala tungkol doon. Kapag espesipiko ang mga panalangin mo, mas malinaw mong makikita kung paano sinasagot ni Jehova ang mga iyon. Kapag hindi agad sinagot ang panalangin mo, huwag kang sumuko. Bukod sa pagiging espesipiko, gusto rin ni Jehova na patuloy kang manalangin.—Luc. 11:8-10. w21.01 3 ¶6-7
Miyerkules, Disyembre 28
Sinabi [ni Jesus] sa kanila: “Hindi lahat ay makagagawa niyan, kundi ang may ganiyang kaloob lang.”—Mat. 19:11.
Sa kongregasyon, makakakita tayo ng mga mag-asawa at pamilya. Pero marami rin sa kongregasyon ang walang asawa. Ano ang dapat na maging tingin natin sa mga walang asawa? Pansinin ang pananaw ni Jesus sa kanila. Hindi nag-asawa si Jesus noong nandito siya sa lupa. Nagpokus siya sa atas niya. Hindi kailanman itinuro ni Jesus na dapat mag-asawa o manatiling walang asawa ang isang Kristiyano. Pero sinabi niyang pinili ng ilang Kristiyano na huwag nang mag-asawa. (Tingnan ang study note sa Mateo 19:12.) Mahalaga kay Jesus ang mga walang asawa. Hindi niya inisip na nakabababa sila o may kulang sa kanila. Gaya ni Jesus, nanatiling walang asawa si apostol Pablo habang isinasagawa ang ministeryo niya. Hindi kailanman itinuro ni Pablo na maling mag-asawa ang isang Kristiyano. Alam niyang personal na desisyon ito. w20.08 28 ¶7-8
Huwebes, Disyembre 29
Ang Diyos ay pag-ibig.—1 Juan 4:16.
Mahaba at naging makulay ang buhay ni apostol Juan. Iba’t ibang hamon ang naranasan niya na puwede sanang nagpahina ng pananampalataya niya. Pero lagi niyang ginagawa ang lahat para masunod ang mga utos ni Jesus, kasama na ang utos na ibigin ang mga kapatid. Kaya sigurado si Juan na mahal siya ni Jehova at ni Jesus at bibigyan nila siya ng lakas para makayanan ang anumang pagsubok. (Juan 14:15-17; 15:10) Hindi napigilan ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan si Juan na ibigin ang kaniyang mga kapatid at ipakita iyon sa salita at gawa. Gaya ni Juan, nabubuhay rin tayo sa isang mundo na kontrolado ni Satanas na punong-puno ng galit. (1 Juan 3:1, 10) Gusto niya tayong pigilan na mahalin ang ating mga kapatid, pero hindi mangyayari iyon maliban na lang kung papayag tayo sa gusto niya. Maging determinado sana tayong mahalin ang ating mga kapatid at patunayan ito sa salita at sa gawa. Sa paggawa nito, magiging masaya tayo dahil bahagi tayo ng pamilya ni Jehova.—1 Juan 4:7. w21.01 13 ¶18-19
Biyernes, Disyembre 30
Ang Diyos ay nagbibigay ng lakas.—Roma 15:5.
Mahirap ang kalagayan sa mundong ito na kontrolado ni Satanas, at hindi pa nga natin alam ang gagawin kung minsan. (2 Tim. 3:1) Pero hindi tayo dapat mag-alala o matakot. Alam ni Jehova ang mga pinagdadaanan natin. Kapag kailangan natin ng tulong, nangangako siyang aalalayan niya tayo sa pamamagitan ng malakas niyang kanang kamay. (Isa. 41:10, 13) Buo ang tiwala nating tutulungan niya tayo, at makakakuha tayo ng lakas mula sa Kasulatan para maharap ang anumang problema. Makakatulong ang ating mga video at audio drama at ang seryeng “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” para maging buhay na buhay ang mga ulat sa Bibliya. Bago mo panoorin, pakinggan, o basahin ang mga ulat na ito, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang espesipikong mga punto na maisasabuhay mo. Isipin mong ikaw ang pangunahing karakter. Bulay-bulayin kung ano ang ginawa ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova at kung paano niya sila tinulungan na maharap ang mga problema. Pagkatapos, isabuhay ang mga natutuhan mo. Pasalamatan si Jehova sa tulong na ibinibigay niya sa iyo. At maipapakita mong pinapahalagahan mo ang tulong na iyon kung maghahanap ka ng mga pagkakataon para patibayin at suportahan ang iba. w21.03 19 ¶22-23
Sabado, Disyembre 31
Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.—Awit 127:3.
Kung kayong mag-asawa ay may planong magkaanak, tanungin ang sarili: ‘Kami ba ay mapagpakumbaba at makadiyos para piliin ni Jehova na mag-alaga ng anak?’ (Awit 127:4) Kung may anak ka na, tanungin ang sarili: ‘Itinuturo ko ba sa mga anak ko na mahalaga ang pagiging masipag?’ (Ecles. 3:12, 13) ‘Ginagawa ko ba ang lahat para protektahan ang mga anak ko mula sa mga panganib na posibleng mapaharap sa kanila?’ (Kaw. 22:3) Hindi mo mapoprotektahan ang iyong mga anak mula sa lahat ng problema. Pero maihahanda mo sila sa realidad ng buhay kung patuloy mong ituturo sa kanila na umasa sa Salita ng Diyos. (Kaw. 2:1-6) Halimbawa, kung ang isang kamag-anak ay huminto na sa paglilingkod kay Jehova, tulungan mo ang iyong mga anak na alamin mula sa Salita ng Diyos kung bakit napakahalagang manatiling tapat kay Jehova. (Awit 31:23) O kapag namatay ang isang minamahal, ipakita sa iyong mga anak kung paano gagamitin ang Bibliya para makayanan ang lungkot at makadama ng kapayapaan.—2 Cor. 1:3, 4; 2 Tim. 3:16. w20.10 27 ¶7