Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • es23 p. 7-17
  • Enero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Enero
  • Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
  • Subtitulo
  • Linggo, Enero 1
  • Lunes, Enero 2
  • Martes, Enero 3
  • Miyerkules, Enero 4
  • Huwebes, Enero 5
  • Biyernes, Enero 6
  • Sabado, Enero 7
  • Linggo, Enero 8
  • Lunes, Enero 9
  • Martes, Enero 10
  • Miyerkules, Enero 11
  • Huwebes, Enero 12
  • Biyernes, Enero 13
  • Sabado, Enero 14
  • Linggo, Enero 15
  • Lunes, Enero 16
  • Martes, Enero 17
  • Miyerkules, Enero 18
  • Huwebes, Enero 19
  • Biyernes, Enero 20
  • Sabado, Enero 21
  • Linggo, Enero 22
  • Lunes, Enero 23
  • Martes, Enero 24
  • Miyerkules, Enero 25
  • Huwebes, Enero 26
  • Biyernes, Enero 27
  • Sabado, Enero 28
  • Linggo, Enero 29
  • Lunes, Enero 30
  • Martes, Enero 31
Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2023
es23 p. 7-17

Enero

Linggo, Enero 1

Sila ay bulag na mga tagaakay.—Mat. 15:14.

Walang takot na kinondena ni Jesus ang pakitang-taong mga gawain ng mga relihiyon noong panahon niya. Halimbawa, inilantad niya ang pagiging mapagkunwari ng mga Pariseo; mas mahalaga pa sa kanila ang paghuhugas ng mga kamay nila kaysa sa pag-aalaga sa mga magulang nila. (Mat. 15:1-11) Hindi hinayaan ni Jesus ang negatibong reaksiyon ng mga lider ng relihiyon na mapahinto siya sa pagsasalita ng katotohanan. Inilantad din ni Jesus ang mga maling turo ng relihiyon. Hindi niya sinabing katanggap-tanggap sa Diyos ang lahat ng paniniwala ng mga relihiyon. Sa halip, sinabi niyang marami ang lalakad sa malapad na daang papunta sa pagkapuksa, at kakaunti lang ang lalakad sa makitid na daang papunta sa buhay. (Mat. 7:13, 14) Nilinaw niya na may ilang parang naglilingkod sa Diyos pero hindi naman. Nagbabala siya: “Mag-ingat kayo sa huwad na mga propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, pero sa loob ay hayok na mga lobo. Makikilala ninyo sila sa mga bunga nila.”—Mat. 7:15-20. w21.05 9 ¶7-8

Lunes, Enero 2

Nawala na ang lungkot sa mukha niya.—1 Sam. 1:18.

Si Hana ay asawa ng Levitang si Elkana, na mahal na mahal siya. Pero may iba pang asawa si Elkana, si Penina. Mas mahal ni Elkana si Hana kaysa kay Penina; kaya lang, “si Penina ay nagkaroon ng mga anak, pero si Hana ay walang anak.” Dahil diyan, ‘laging iniinsulto ni Penina si Hana para pasamain ang loob niya.’ Sobrang sama ng loob ni Hana! “Umiiyak siya at hindi kumakain.” Pero wala tayong mababasa na gumanti si Hana. Sa halip, ibinuhos niya kay Jehova ang laman ng puso niya at nagtiwalang itatama ni Jehova ang mga bagay-bagay. (1 Sam. 1:2, 6, 7, 10) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Hana? Kung may makipagkompetensiya sa iyo, alalahanin na ikaw ang may kontrol sa sitwasyon. Huwag mong patulan. Huwag gumanti ng masama para sa masama, kundi sikaping makipagpayapaan sa kaniya. (Roma 12:17-21) Kung hindi man siya magbago, napanatili mo namang payapa ang kalooban mo. w21.07 17 ¶13-14

Martes, Enero 3

Mag-ingat kayo at magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman.—Luc. 12:15.

Dahil sa kasakiman, naging traidor si Hudas Iscariote. Pero hindi siya ganoon noong una. (Luc. 6:13, 16) Lumilitaw na mahusay at maaasahan si Hudas dahil siya ang pinagkatiwalaang humawak ng kahon ng pera. Pero nagsimulang magnakaw si Hudas. Kahit paulit-ulit na nagbabala si Jesus tungkol sa kasakiman. (Mar. 7:22, 23; Luc. 11:39) Nahalata ang kasakiman ni Hudas sa isang pangyayari di-nagtagal bago patayin si Jesus. Bisita noon ni Simon na ketongin si Jesus at ang mga alagad niya, kasama na si Maria at ang kapatid nitong si Marta. Habang kumakain sila, tumayo si Maria at ibinuhos ang mamahalin at mabangong langis sa ulo ni Jesus. Ikinagalit iyon ni Hudas at ng iba pang alagad. Baka iniisip ng ibang alagad na mas maganda sana kung nagamit sa pangangaral ang pera. Pero iba ang motibo ni Hudas. Dahil “magnanakaw siya,” gusto niyang makapagnakaw ng pera sa kahon.—Juan 12:2-6; Mat. 26:6-16; Luc. 22:3-6. w21.06 18 ¶12-13

Miyerkules, Enero 4

Miserableng tao ako! Sino ang magliligtas sa akin? —Roma 7:24.

Minsan ba, pakiramdam mo, ang dami mong responsibilidad at parang hindi mo kayang gawin lahat? Kung oo, maiintindihan mo si Pablo. Nag-alala siya, hindi lang para sa isang kongregasyon, kundi “para sa lahat ng kongregasyon.” (2 Cor. 11:23-28) Pinapahirapan ka ba ng sakit mo? Nagkaroon ng “tinik sa laman” si Pablo na hindi mawala-wala. Posibleng isa itong sakit na gusto na niyang maalis. (2 Cor. 12:7-10) Nasisiraan ka ba ng loob dahil sa mga kahinaan mo? Nangyari din iyan kay Pablo. Tinawag niyang “miserableng tao” ang sarili niya dahil sa patuloy niyang pakikipaglaban sa mga kahinaan niya. (Roma 7:21-24) Maraming problema si Pablo, pero patuloy siyang naglingkod kay Jehova. Paano niya iyon nagawa? Kahit na alam niya ang mga kahinaan niya, matibay ang pananampalataya niya sa pantubos. w21.04 22 ¶7-8

Huwebes, Enero 5

Ang Anak ng tao ay dumating [para] ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami. —Mar. 10:45.

Nang magkasala ang perpektong tao na si Adan, naiwala niya ang pagkakataon niya at ng magiging mga anak niya na mabuhay nang walang hanggan. Walang kapatawaran ang ginawa ni Adan. Sinadya niyang magkasala. Pero paano naman ang mga anak niya? Wala silang kinalaman sa kasalanan ni Adan. (Roma 5:12, 14) Mayroon bang puwedeng magawa para mailigtas sila sa hatol na kamatayan na nararapat kay Adan? Mayroon! Di-nagtagal pagkatapos magkasala ni Adan, unti-unting ipinaalam ni Jehova kung paano niya ililigtas ang milyon-milyong supling ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan. (Gen. 3:15) Dahil sa pantubos, puwede nating maging malapít na kaibigan si Jehova kahit hindi tayo perpekto. Dahil sa pantubos, lubusang masisira ang mga gawa ng Diyablo. (1 Juan 3:8) Dahil sa pantubos, matutupad ang layunin ni Jehova para sa lupa. Magiging paraiso ang buong mundo. w21.04 14 ¶1; 19 ¶17

Biyernes, Enero 6

Magpabautismo ang bawat isa sa inyo. —Gawa 2:38.

Isang malaking grupo ng mga tao, na iba-iba ang wika at mula sa iba’t ibang bansa, ang nagsama-sama. At may kakaibang nangyari. Nakapagsalita ng mga wika ng mga taong ito ang isang grupo ng mga ordinaryong Judio! Nakakagulat iyon, pero mas tumatak sa isip ng mga tao ang sinabi ng mga Judiong iyon at ang sinabi ni apostol Pedro para sa lahat. Sinabi nila na para maligtas, kailangang manampalataya kay Jesu-Kristo. Tumagos sa puso ng mga tao ang mensaheng iyon kaya naman itinanong nila: “Ano ang dapat naming gawin?” Bilang sagot, sinabi ni Pedro: “Magpabautismo ang bawat isa sa inyo.” (Gawa 2:37, 38) Kahanga-hanga ang sumunod na nangyari. Mga 3,000 ang nabautismuhan nang araw na iyon at naging alagad ni Kristo. Dito nagsimula ang malaking gawain ng paggawa ng mga alagad na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. Nagpapatuloy ang gawaing iyan hanggang sa panahong ito. w21.06 2 ¶1-2

Sabado, Enero 7

Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago, kaya ang dapat purihin ay hindi ang nagtanim o ang nagdilig, kundi ang Diyos na nagpapalago. —1 Cor. 3:6, 7.

Baka mahirap makakuha ng Bible study sa teritoryo natin. Baka hindi interesado o ayaw talagang makinig ng mga tao sa mensahe natin. Ano ang makakatulong sa atin para hindi tayo masiraan ng loob? Tandaan na puwedeng biglang magbago ang kalagayan ng mga tao at baka maisip ng mga dating hindi interesado na kailangan nila ang Diyos. (Mat. 5:3) May ilan na hindi tumatanggap noon ng babasahin natin ang nagba-Bible study na ngayon. Alam din natin na si Jehova ang Panginoon ng pag-aani. (Mat. 9:38) Gusto niya na patuloy tayong magtanim at magdilig, at siya na ang bahalang magpalago. At kahit wala tayong Bible study ngayon, nakakapagpatibay malaman na ginagantimpalaan tayo ni Jehova dahil sa mga pagsisikap natin at hindi dahil sa mga resulta nito! w21.07 6 ¶14

Linggo, Enero 8

Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.—Awit 127:3.

Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahan na magkaroon ng mga anak at ng responsibilidad na turuan sila na mahalin at paglingkuran siya. Kung iisipin, napakaraming pagpapala ang ibinigay ni Jehova sa mga anghel pero hindi niya sila binigyan ng ganitong pribilehiyo. Kaya dapat lang na pahalagahan ng mga magulang ang pribilehiyong ito. Ipinagkatiwala sa kanila ang mahalagang pananagutan na palakihin ang mga anak nila ayon sa “disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4; Deut. 6:5-7) Para matulungan ang mga magulang, naglaan ang organisasyon ng Diyos ng maraming publikasyon, video, musika, at mga artikulo sa website na batay sa Bibliya. Talagang mahal ng ating Ama sa langit at ng kaniyang Anak ang mga bata. (Luc. 18:15-17) Kapag nagtitiwala ang mga magulang kay Jehova at ginagawa ang buong makakaya nila para alagaan ang mga anak nila, natutuwa si Jehova. Bukod diyan, nagkakaroon din ang mga anak nila ng pag-asa na maging miyembro ng pamilya ni Jehova magpakailanman! w21.08 5 ¶9

Lunes, Enero 9

Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na katibayan na ang hindi nakikita ay totoo. —Heb. 11:1.

Para sa ilan, ang pananampalataya ay paniniwala sa isang bagay kahit walang katibayan. Pero sinasabi ng Bibliya na hindi iyon tunay na pananampalataya. Pansinin na ang pananampalataya sa mga di-nakikita, gaya ni Jehova, ni Jesus, at ng Kaharian sa langit, ay nakabatay sa nakakukumbinsing ebidensiya. (Heb. 11:3) Sinabi ng isang Saksi na biochemist: “Ang aming pananampalataya ay may basehan sa siyensiya.” Baka maitanong natin, ‘Kung may nakakukumbinsing ebidensiya naman pala na mayroong Maylalang, bakit ang daming hindi naniniwala na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay?’ Kasi hindi naman talaga nasuri ng ilan ang ebidensiya. Sinabi ni Robert, isang Saksi ni Jehova: “Kahit kailan, hindi itinuro sa school ang paglalang. Kaya akala ko, hindi ito totoo. Nasa 20’s na ako nang marinig ko ang lohikal at nakakukumbinsing mga argumento sa Bibliya na totoo ang paglalang.” w21.08 15 ¶4-5

Martes, Enero 10

Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti. —Awit 34:8; tlb.

Malalaman natin ang tungkol sa kabutihan ni Jehova kung magbabasa tayo ng Bibliya at kung maririnig natin kung paano pinagpala ang iba. Pero saka lang natin maiintindihan kung gaano kabuti si Jehova kapag ‘natikman’ na natin iyon mismo. Halimbawa, baka gusto nating paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Pero para magawa iyon, kailangan nating magpasimple ng buhay. Alam natin ang pangako ni Jesus na ilalaan ni Jehova ang mga talagang kailangan natin kung uunahin natin ang Kaharian, pero hindi pa natin personal na nararanasan iyon. (Mat. 6:33) Pero kahit ganoon, nanampalataya tayo sa pangako ni Jesus, binawasan ang gastusin at panahon natin sa trabaho, at nagpokus sa ministeryo. Nang gawin natin iyon, napatunayan natin na talagang inilalaan ni Jehova ang pangangailangan natin. Personal nating ‘natikman’ ang kabutihan ni Jehova. w21.08 26 ¶2

Miyerkules, Enero 11

Hindi na nila tatanggapin ang kapaki-pakinabang na turo.—2 Tim. 4:3.

Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Kapag ang isa ay prominente, mayaman, at itinuturing na marunong, tinatanggap agad siya ng mga lider ng relihiyon bilang miyembro nila. Ginagawa nila iyan kahit labag sa mga pamantayan ng Diyos ang moralidad at paraan ng pamumuhay ng bagong miyembrong iyon. Pero mababa naman ang tingin nila sa masisigasig at malinis sa moral na mga lingkod ni Jehova na hindi prominente sa sanlibutang ito. Gaya ng sinabi ni Pablo, pinili ng Diyos ang “mga minamaliit.” (1 Cor. 1:26-29) Pero para kay Jehova, napakahalaga ng lahat ng tapat na lingkod niya. Paano natin maiiwasang mailigaw ng kaisipan ng sanlibutan? (Mat. 11:25, 26.) Huwag gayahin ang pananaw nito sa bayan ng Diyos. Tandaan na mga mapagpakumbaba lang ang ginagamit ni Jehova para gawin ang kalooban niya. (Awit 138:6) At isipin kung gaano karami ang naisagawa niya dahil ginamit niya ang mga hindi itinuturing na matalino ng sanlibutang ito. w21.05 8 ¶1; 9 ¶5-6

Huwebes, Enero 12

Nagpadala [kayo] para sa mga pangangailangan ko. —Fil. 4:16.

Mapagpahalaga si apostol Pablo at tinanggap niya ang tulong ng iba. Mapagpakumbaba siya at hindi niya inisip na hindi niya kailangan ang tulong ng mga kapatid. (Fil. 2:19-22) Para sa mga may-edad naming kapatid, maraming paraan para maipakita ninyong pinapahalagahan ninyo ang mga kabataan sa inyong kongregasyon. Kung inaalok nila kayo ng masasakyan, ng tulong sa paggo-grocery, o ng iba pang kailangan ninyo, tanggapin ang tulong nila. Ituring ninyo iyon na pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig sa inyo. Baka nga maging malapít na magkaibigan kayo ng mga tumutulong sa inyo. Tulungan din ninyo sila na maging mas malapít kay Jehova, at sabihin ninyo sa kanila kung gaano kayo kasaya na makita ang mga kabataan na nagsisikap para higit pang makatulong sa kongregasyon. Ikuwento rin ninyo sa kanila ang mga karanasan ninyo. Kapag ginawa ninyo ang mga ito, ‘maipapakita ninyong nagpapasalamat kayo’ kay Jehova dahil inilapit niya ang mga kabataang ito sa kongregasyon.—Col. 3:15; Juan 6:44; 1 Tes. 5:18. w21.09 11-12 ¶12-13

Biyernes, Enero 13

Ang habag na ito mula sa langit ay magiging tulad ng liwanag na sumisinag sa bukang-liwayway.—Luc. 1:78.

Mahal ni Jehova ang mga kapatid natin. Pero baka hindi ganoon kadali para sa atin na mahalin sila, at baka nahihirapan din tayong iparamdam iyon sa kanila. Magkakaiba kasi tayo ng kultura at pinagmulan. At lahat tayo ay nakakagawa ng mga pagkakamali na nakakainis at nakakadismaya sa iba. Pero kahit ganoon, maipapakita pa rin nating mahal natin ang ating espirituwal na pamilya. Paano? Kung tutularan natin kung paano ipinapakita ng ating Ama ang pag-ibig sa mga kapatid natin. (Efe. 5:1, 2; 1 Juan 4:19) Nag-iisip ang taong mahabagin, o maawain, ng paraan kung paano makakatulong. Makikita sa pakikitungo ni Jesus sa mga tao ang malasakit ni Jehova sa kanila. (Juan 5:19) Minsan, pagkakita ni Jesus sa napakaraming tao, “naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Pero hindi lang siya basta naawa. Pinagaling niya ang mga maysakit at pinaginhawa ang mga “pagod at nabibigatan.”—Mat. 11:28-30; 14:14. w21.09 22 ¶10-11

Sabado, Enero 14

Maawain [ang Diyos]; pinatatawad niya ang pagkakamali nila at hindi sila nililipol.—Awit 78:38.

Gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa. Isinulat ni apostol Pablo na ang Diyos ay ‘sagana sa awa.’ Ipinapakita dito ni Pablo na dahil sa awa ng Diyos, binigyan niya ng pag-asang mabuhay sa langit ang di-perpektong mga pinahirang lingkod niya. (Efe. 2:4-7) Pero hindi lang sa mga pinahiran nagpapakita ng awa si Jehova. Isinulat ng salmistang si David: “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang habag [o, awa] niya ay makikita sa lahat ng ginagawa niya.” (Awit 145:9) Dahil mahal ni Jehova ang mga tao, nagpapakita siya ng awa basta’t may nakita siyang basehan para gawin iyon. Alam ni Jesus na gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa kasi sa loob ng napakahabang panahon, magkasama sila ng Ama niya sa langit. (Kaw. 8:30, 31) Maraming beses na nakita ni Jesus kung paano naging maawain si Jehova sa mga nagkakasala. (Awit 78:37-42) Madalas na binabanggit ni Jesus ang magandang katangiang ito ng kaniyang Ama kapag nagtuturo siya. w21.10 8-9 ¶4-5

Linggo, Enero 15

Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.—Juan 12:28.

Sinagot mismo ni Jehova mula sa langit ang panalanging iyan, at nangako siyang luluwalhatiin niya ang kaniyang pangalan. Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, niluwalhati niya ang pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 17:26) Kaya isang karangalan para sa tunay na mga Kristiyano na gamitin ang pangalan ng Diyos at ipakilala ito sa iba. Di-nagtagal matapos maitatag ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E., ‘binigyang-pansin ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.’ (Gawa 15:14) Isang karangalan para sa unang-siglong mga Kristiyanong iyon na gamitin ang pangalan ni Jehova at ipakilala ito sa iba. Madalas nilang gamitin ang banal na pangalan ng Diyos sa kanilang ministeryo at mga sulat. Pinatunayan nilang sila ay isang bayan na nagdadala ng pangalan ng Diyos. (Gawa 2:14, 21) Sa ngayon, dinadala rin ng mga Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos. w21.10 20-21 ¶8-10

Lunes, Enero 16

[Pag-isipang] mabuti ang tapat na pag-ibig na ipinapakita ni Jehova.—Awit 107:43.

Walang hanggan ang tapat na pag-ibig ng Diyos. Binanggit ito nang 26 na beses sa Awit 136. Sa unang talata, mababasa natin: “Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Awit 136:1) Sa talata 2 hanggang 26, paulit-ulit nating mababasa ang pananalitang “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” Habang binabasa natin ang awit na ito, mapapahanga tayo sa walang-sawang pagpapakita ni Jehova ng tapat na pag-ibig sa maraming paraan. Tinitiyak sa atin ng paulit-ulit na pagbanggit sa pananalitang “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan” na hindi pabago-bago ang pag-ibig ng Diyos sa bayan niya. Talagang nakakapagpatibay isipin na hindi tayo iniiwan ni Jehova! Lagi siyang nandiyan para sa atin lalo na sa harap ng mga pagsubok. Dahil alam nating hindi tayo iniiwan ni Jehova, nagiging masaya tayo at nagkakaroon ng lakas para makayanan ang mga pagsubok at patuloy na lumakad sa daan ng buhay.—Awit 31:7. w21.11 4 ¶9-10

Martes, Enero 17

Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo.—Juan 14:1.

Nag-aalala ka ba kung minsan kapag naiisip mo ang mga mangyayari sa hinaharap—ang pagkawasak ng huwad na relihiyon, ang pag-atake ni Gog ng Magog, at ang digmaan ng Armagedon? Naitatanong mo rin ba, ‘Kapag nangyari ang mga iyon, makakapanatili ba akong tapat?’ Kung naiisip mo ang tanong na iyan, makakatulong ang mga sinabi ni Jesus sa teksto sa araw na ito. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo.” Makakatulong ang matibay na pananampalataya para makayanan natin ang mga mangyayari sa hinaharap. Mapapatibay ang pananampalataya natin para sa mga pagsubok na darating kung pag-iisipan natin kung paano natin hinaharap ang mga pagsubok ngayon. Makikita natin kung paano pa natin mas mapapatibay ang ating pananampalataya. Sa bawat pagsubok na nalalampasan natin, lalong tumitibay ang ating pananampalataya. Naihahanda tayo nito para sa mga pagsubok na darating. w21.11 20 ¶1-2

Miyerkules, Enero 18

Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.—2 Cor. 12:10.

Hinimok ni apostol Pablo si Timoteo at ang lahat ng Kristiyano na isagawa nang lubusan ang kanilang ministeryo. (2 Tim. 4:5) Pero may mga problema. Halimbawa, isipin ang mga kapatid nating nakatira sa mga lugar na hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga ang gawain natin. Ang bayan ni Jehova ay napapaharap sa iba’t ibang problema na nakakasira ng loob. Halimbawa, kailangang kumayod nang husto ang maraming kapatid para mailaan ang pangunahing pangangailangan ng pamilya nila. Gusto sana nilang mas marami pang magawa sa ministeryo, pero pagod na sila pagdating ng weekend. Ang iba naman ay nalilimitahan ng malalang sakit o pagtanda; baka hindi pa nga sila makaalis ng bahay. Mayroon ding laging nakakaramdam na wala silang halaga. Anuman ang sitwasyon natin, puwede tayong mapalakas ni Jehova para maharap ang mga problema at patuloy na makapaglingkod sa kaniya sa abot ng makakaya natin. w21.05 20 ¶1-3

Huwebes, Enero 19

Huwag ninyong [lalapastanganin] ang pangalan ng iyong Diyos.—Lev. 19:12.

Kung minsan, puwede tayong pilitin ng iba na gumawa ng mga bagay na hindi magpapasaya kay Jehova. Kapag nangyari iyan, dapat tayong magdesisyon. Tingnan natin ang isang prinsipyo sa Levitico 19:19: “Huwag kang magsusuot ng damit na yari sa magkaibang uri ng sinulid.” Nakatulong ang batas na iyon para makita ang pagkakaiba ng Israel mula sa mga bansang nakapalibot sa kanila. Dahil wala na sa ilalim ng Kautusan ang mga Kristiyano, hindi maling magsuot ng mga damit na gawa sa magkaibang materyales, gaya ng cotton at polyester o wool at rayon. Pero mali kung gagayahin natin ang mga tao na ang mga paniniwala at ginagawa ay hindi kaayon ng itinuturo ng Bibliya. Siyempre, mahal natin ang mga kamag-anak natin, at ang ibang tao. Pero pagdating sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa buhay, hindi tayo takót na mapaiba bilang bayan ni Jehova. Mahalaga iyan kung nagsisikap tayong maging banal.—2 Cor. 6:14-16; 1 Ped. 4:3, 4. w21.12 5 ¶14; 6 ¶16

Biyernes, Enero 20

Makipot ang pintuang-daan at makitid ang daang papunta sa buhay.—Mat. 7:14.

Puwedeng mahanap ang daang papunta sa buhay. Sinabi ni Jesus: “Kung lagi ninyong susundin ang aking salita, kayo ay talagang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Mabuti na lang, hindi ka sumunod sa karamihan; hinanap mo ang katotohanan. Pinag-aralan mong mabuti ang Salita ng Diyos para malaman ang mga kahilingan niya sa atin, at nakinig ka sa mga turo ni Jesus. Natutuhan mo na inaasahan ni Jehova na hindi ka na makikibahagi sa huwad na relihiyon at sa mga selebrasyon na may paganong pinagmulan. Natutuhan mo rin na hindi magiging madali na gumawa ng mga pagbabago sa buhay mo para mapasaya si Jehova. (Mat. 10:34-36) Pero nagsikap ka dahil mahal mo ang iyong Ama sa langit. Siguradong masayang-masaya siya para sa iyo!—Kaw. 27:11. w21.12 22 ¶3; 23 ¶5

Sabado, Enero 21

Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang pananalita ko.—Kaw. 4:10.

Isang magandang halimbawa si Moises pagdating sa pagtanggap ng payo pagkatapos niyang makagawa ng mabigat na pagkakamali. Minsan, hindi nakapagtimpi sa galit si Moises at hindi niya naibigay ang papuri kay Jehova. Dahil dito, hindi siya pinayagang makapasok sa Lupang Pangako. (Bil. 20:1-13) Kaya nang makiusap siya kay Jehova na baguhin ang desisyong iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Huwag mo na akong kausapin tungkol diyan.” (Deut. 3:23-27) Imbes na sumama ang loob ni Moises, tinanggap niya ang desisyon ni Jehova, at patuloy siyang ginamit ni Jehova para pangunahan ang Israel. (Deut. 4:1) Magandang halimbawa sa atin si Moises pagdating sa pagtanggap ng payo. Ipinakita ni Moises na tinanggap niya ang payo ni Jehova nang manatili siyang tapat kahit nawala ang pribilehiyong napakahalaga sa kaniya. Makikinabang tayo kung tutularan natin ang magagandang halimbawa ng mga tapat na gaya ni Moises. (Kaw. 4:11-13) Ganiyan ang ginawa ng marami sa mga kapatid natin. w22.02 11 ¶9-10

Linggo, Enero 22

Lumuha si Jesus.—Juan 11:35.

Noong taglamig ng 32 C.E., nagkasakit ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro at namatay. (Juan 11:3, 14) May dalawang kapatid si Lazaro, sina Maria at Marta, at mahal na mahal ni Jesus ang pamilyang ito. Nang mabalitaan ni Marta na parating na si Jesus, agad siyang lumabas para salubungin ito. Isipin na lang ang bigat ng nararamdaman niya nang sabihin niya: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” (Juan 11:21, 32, 33) Tiyak na napaluha si Jesus nang makita niya kung gaano kasakit kina Maria at Marta ang pagkamatay ng kapatid nila. Kung namatayan ka na ng isang mahal sa buhay, naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman mo. Si Jesus ang “eksaktong larawan” ng kaniyang Ama. (Heb. 1:3) Nang umiyak si Jesus, ipinakita niya ang nararamdaman ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kung namatayan ka ng isang mahal sa buhay, makakatiyak ka na hindi lang nakikita ni Jehova ang pinagdaraanan mo, nararamdaman din niya iyon. Gusto niyang maghilom ang nasasaktan mong puso.—Awit 34:18; 147:3. w22.01 15 ¶5-7

Lunes, Enero 23

Nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe.—Roma 10:17.

Kapag naglalaan tayo ng panahon para makipag-usap, makinig, at magbulay-bulay tungkol kay Jehova, makikinabang tayo. Una, makakagawa ka ng mas magagandang desisyon. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” (Kaw. 13:20) Ikalawa, magiging mas mahusay kang guro. Ang isa sa pinakamahalagang tunguhin natin para sa isang Bible study ay tulungan siya na mapalapít kay Jehova. Kapag lagi tayong nananalangin sa ating Ama sa langit at nag-aaral tungkol sa kaniya, lalo natin siyang mamahalin at mas madali nating matuturuan ang Bible study natin na mahalin din si Jehova. Ganiyan si Jesus. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kaniyang Ama sa maibiging paraan kaya minahal din nila si Jehova. (Juan 17:25, 26) Ikatlo, lalong titibay ang pananampalataya mo. Ano ang nangyayari kapag humihingi ka sa Diyos ng patnubay, pampatibay, o suporta? Sa tuwing sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo, lalong tumitibay ang pananampalataya mo sa kaniya.—1 Juan 5:15. w22.01 30 ¶15-17

Martes, Enero 24

Hubarin ninyo ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito.—Col. 3:9.

Mahal na mahal tayo ni Jehova at gusto niya na maging masaya tayo. Kaya iniutos niya na alisin natin ang maling mga kaisipan at gawain. (Isa. 48:17, 18) Alam kasi ni Jehova na kapag nagpadaig sa maling mga pagnanasa ang isang tao, masasaktan niya ang sarili niya at ang iba. At nasasaktan si Jehova kapag nakikita niyang nasasaktan tayo at ang iba. Sa umpisa, baka tuyain tayo ng ilang kaibigan at kapamilya natin dahil nagsisikap tayong magbago. (1 Ped. 4:3, 4) Baka sabihin nila na may karapatan tayong gawin ang gusto natin at na hindi tayo dapat diktahan ng iba kung ano ang dapat nating gawin. Pero hindi naman talaga nagiging malaya ang mga hindi sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova. Ang totoo, hinahayaan nilang kontrolin sila ng sanlibutan ni Satanas. (Roma 12:1, 2) Lahat tayo, kailangang pumili: Patuloy ba nating isusuot ang lumang personalidad, na naiimpluwensiyahan ng kasalanan at ng sanlibutan ni Satanas, o patuloy na magpapahubog kay Jehova para maging mas mabuting tao tayo?—Isa. 64:8. w22.03 3 ¶6-7

Miyerkules, Enero 25

Ang salita ng Diyos ay buháy at malakas at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim . . . at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.—Heb. 4:12.

Makakatulong ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos para magkaroon tayo ng tamang pananaw kapag may mga problema tayo. Tingnan kung paano nakatulong ang Bibliya sa isang nagdadalamhating biyuda. Sinabi sa kaniya ng isang elder na marami siyang matututuhan sa aklat ng Job. Nang basahin niya iyon, nainis siya sa maling mga naiisip ni Job. Sa loob-loob ng sister, parang sinasabi niya, “Job, huwag ka ngang negatibo!” Pero na-realize niya na pareho pala silang mag-isip ni Job. Nakatulong ito sa kaniya para mabago ang pananaw niya at makayanan ang pagkamatay ng asawa niya. Ginagamit din ni Jehova ang mga kapatid para palakasin tayo. Sinabi ni Pablo na nananabik na siyang ‘makipagpatibayan’ sa mga kapatid.—Roma 1:11, 12. w21.05 22 ¶10-11; 24 ¶12

Huwebes, Enero 26

Pitong araw ninyong ipagdiriwang ang kapistahan para sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin ni Jehova.—Deut. 16:15.

Inutusan ang mga Israelita noon: “Ang lahat ng lalaki sa inyo ay dapat humarap sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin niya, tatlong beses sa isang taon.” (Deut. 16:16) Kailangan nilang iwan ang kanilang bahay at bukid nang walang nagbabantay. Pero nangako si Jehova: “Walang magtatangkang umangkin sa iyong lupain kapag umaalis ka para humarap sa iyong Diyos na si Jehova.” (Ex. 34:24) Buo ang tiwala nila kay Jehova, kaya dumadalo sila sa taunang mga kapistahan. At talagang pinagpala sila. Halimbawa, marami silang natutuhan sa Kautusan ng Diyos, nakita nila kung gaano kabuti si Jehova sa kanila, at masaya sila na nakasama nila ang kanilang mga kapananampalataya. Pagpapalain din tayo kapag sinisikap nating daluhan ang lahat ng pulong natin. Isipin na lang kung gaano kasaya si Jehova kapag dumadalo tayo na may inihandang maikling komento. w22.03 22 ¶9

Biyernes, Enero 27

Matutulungan niya ang mga sinusubok.—Heb. 2:18.

Sinasanay ni Jehova si Jesus para maging Mataas na Saserdote natin. Naranasan ni Jesus kung gaano kahirap sundin ang Diyos kapag nasa matinding pagsubok. Sa sobrang hirap ng pinagdaanan niya, nanalangin siya “nang may paghiyaw at mga luha.” Kaya naiintindihan ni Jesus ang mga pinagdadaanan natin at ‘matutulungan niya tayo kapag sinusubok tayo.’ Ipinagpapasalamat natin kay Jehova na binigyan niya tayo ng isang maawaing Mataas na Saserdote na ‘nakakaunawa sa mga kahinaan natin’! (Heb. 2:17; 4:14-16; 5:7-10) Hinayaan ni Jehova na magdusa nang husto si Jesus para masagot ang isang mahalagang tanong: Makakapanatili bang tapat sa Diyos ang mga tao kahit sa harap ng matinding pagsubok? Para kay Satanas, wala! Sinasabi niya na naglilingkod lang ang mga tao sa Diyos dahil sa pansariling pakinabang at na hindi nila mahal si Jehova. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Nanatiling tapat si Jesus at pinatunayang sinungaling si Satanas. w21.04 17 ¶7-8

Sabado, Enero 28

Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.—Mat. 28:19, 20.

Bago mabautismuhan, dapat na naisasabuhay ng isang Bible study ang mga turo ng Bibliya. Kapag nagagawa iyan ng Bible study, nagiging gaya siya ng “matalinong tao” sa ilustrasyon ni Jesus na humukay nang malalim para magtayo ng bahay niya sa ibabaw ng malaking bato. (Mat. 7:24, 25; Luc. 6:47, 48) Tulungan ang Bible study mo na gumawa ng pagbabago. (Mar. 10:17-22) Alam ni Jesus na hindi magiging madali para sa mayamang lalaki na ipagbili ang lahat ng pag-aari niya. (Mar. 10:23) Pero sinabi pa rin ni Jesus sa lalaking iyon na gawin ang malaking pagbabagong ito. Bakit? Dahil mahal siya ni Jesus. Kung minsan, baka nag-aalangan tayo na sabihin sa study natin na isabuhay ang natutuhan niya dahil iniisip natin na hindi pa siya handa. (Col. 3:9, 10) Pero kung sasabihin natin ito agad sa kaniya, makakagawa na rin siya agad ng pagbabago. Kung gagawin mo iyan, ipinapakita mong nagmamalasakit ka sa kaniya.—Awit 141:5; Kaw. 27:17. w21.06 2-3 ¶3, 5   

Linggo, Enero 29

Nag-iwan [si Kristo] ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.—1 Ped. 2:21.

Ang tinutukoy ni apostol Pedro ay ang magandang halimbawa ng pagtitiis ni Jesus; pero marami pa tayong puwedeng tularan kay Jesus. (1 Ped. 2:18-25) Sa katunayan, ang buong buhay niya—lahat ng sinabi niya at ginawa—ay isang halimbawa na dapat nating tularan. Bilang di-perpektong mga tao, matutularan ba talaga natin ang halimbawa ni Jesus? Oo naman. Tandaan na hindi sinabi ni Pedro na perpektong sundan ang mga yapak ni Jesus, kundi ‘sundang mabuti ang mga yapak niya.’ Kung gagawin natin iyan sa abot ng ating makakaya, masusunod natin ang sinabi ni apostol Juan: “Patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon [si Jesus].” (1 Juan 2:6) Mas mapapalapít tayo kay Jehova kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Bakit? Nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa kung paano mamumuhay sa paraang mapapasaya ang Diyos. (Juan 8:29) Kaya kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus, matutuwa si Jehova. At makakasiguro tayong lalapit ang ating makalangit na Ama sa mga nagsisikap na maging kaibigan niya.—Sant. 4:8. w21.04 3 ¶4-6

Lunes, Enero 30

Nalulugod si Jehova sa bayan niya.—Awit 149:4.

Nakikita ni Jehova ang magaganda nating katangian at kung ano ang kaya nating gawin, at inilalapit niya tayo sa kaniya. Kung mananatili tayong tapat sa kaniya, hindi niya tayo iiwan kahit kailan! (Juan 6:44) Kung sigurado tayong mahal tayo at sinusuportahan ni Jehova, gugustuhin nating paglingkuran siya nang buong puso kahit may mga problema. Pero kung nagdududa tayo na nagmamalasakit sa atin ang Diyos, ‘mababawasan ang lakas natin.’ (Kaw. 24:10) At kung masisiraan tayo ng loob at iisiping hindi tayo mahal ng Diyos, mas madali tayong atakihin ni Satanas. (Efe. 6:16) May ilang tapat na kapatid na humina ang espirituwalidad dahil nagduda silang mahal sila ng Diyos. Ano ang dapat nating gawin kung naiisip na natin iyon? Alisin agad iyon sa isip natin! Hilingin kay Jehova na tulungan kang maalis ang mga “gumugulo sa isip” mo at magkaroon ng ‘kapayapaan ng Diyos na magbabantay sa iyong puso at isip.’ (Awit 139:23; tlb.; Fil. 4:6, 7) At tandaan na hindi ka nag-iisa. w21.04 20 ¶1; 21 ¶4-6

Martes, Enero 31

Ibinibigay sa inyo [ng Diyos] ang pagnanais at lakas para kumilos.—Fil. 2:13.

Paano ka naging Saksi ni Jehova? Una, narinig mo ang “mabuting balita”—baka mula sa magulang mo, katrabaho o kaeskuwela, o baka may nagbahay-bahay sa inyo na Saksi. (Mar. 13:10) Pagkatapos, may matiyagang nag-Bible study sa iyo. Habang nag-i-study ka, natutuhan mong mahalin si Jehova at nalaman mong mahal ka niya. Inakay ka ni Jehova sa katotohanan, at ngayong alagad ka na ni Jesu-Kristo, may pag-asa ka nang mabuhay magpakailanman. (Juan 6:44) Tiyak na nagpapasalamat ka kay Jehova dahil may ginamit siya para ituro sa iyo ang katotohanan at dahil tinanggap ka niya bilang lingkod niya. Ngayong alam na natin ang katotohanan, may pribilehiyo tayong tulungan ang iba para makasama natin sa daang papunta sa buhay. Baka madali lang para sa atin ang magbahay-bahay, pero nahihirapan tayong mag-alok ng Bible study at magturo. w21.07 2 ¶1-2

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share