Pebrero
Miyerkules, Pebrero 1
Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.—Awit 145:18.
Gusto ni Jehova na maging masaya ang lahat ng mananamba niya. Malapit siya sa bawat isa sa atin, at alam niya kapag nalulungkot tayo o nasisiraan ng loob. (Awit 145:18, 19) Sa karanasan ng tapat na propetang si Elias, makikita natin na talagang mapagmalasakit si Jehova. Napakahirap ng kalagayan noon sa Israel. Matindi ang pag-uusig sa mga mananamba ni Jehova, at pinupuntirya si Elias ng makapangyarihan at maimpluwensiyang mga kaaway ng Diyos. (1 Hari 19:1, 2) Pinanghihinaan din ng loob si Elias kasi pakiramdam niya, siya na lang ang natitirang propeta na naglilingkod kay Jehova. (1 Hari 19:10) Kumilos agad si Jehova para tulungan si Elias. Nagpadala siya ng anghel para tiyakin sa kaniyang propeta na hindi ito nag-iisa at marami pang ibang Israelita na may takot sa Diyos! (1 Hari 19:5, 18) Tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na magiging bahagi sila ng isang malaking espirituwal na pamilya. (Mar. 10:29, 30) At nangangako si Jehova, ang ating Ama, na susuportahan niya ang sinuman na gustong maglingkod sa kaniya.—Awit 9:10. w21.06 8-9 ¶3-4
Huwebes, Pebrero 2
Nakikinig sa mga pananalita ng Diyos ang nagmula sa Diyos. —Juan 8:47.
Marami ang natitisod dahil inilalantad ng mga turo natin mula sa Bibliya ang mga maling turo ng relihiyon. Itinuturo ng mga lider ng relihiyon na pinaparusahan ng Diyos ang masasama sa impiyerno. Ginagamit nila ang maling turong iyan para patuloy na kontrolin ang mga tao. Bilang mga lingkod ni Jehova, na sumasamba sa Diyos ng pag-ibig, inilalantad natin ang maling turong iyan. Itinuturo din ng mga lider ng relihiyon na imortal ang kaluluwa. Inilalantad natin na ang doktrinang iyan ay galing sa mga pagano. Kung totoo ang turong iyan, hindi na kailangan ang pagkabuhay-muli. At di-gaya ng paniniwala ng maraming relihiyon tungkol sa tadhana, itinuturo natin na may kalayaang magpasiya ang isang tao kung maglilingkod siya sa Diyos o hindi. Ano ang reaksiyon ng mga lider ng relihiyon? Kadalasan, galit na galit sila! Kung iniibig natin ang katotohanan, dapat nating tanggapin ang pananalita ng Diyos. (Juan 8:45, 46) Di-gaya ni Satanas na Diyablo, naninindigan tayo sa katotohanan. Hinding-hindi natin ikokompromiso ang ating mga paniniwala. (Juan 8:44) Hinihiling ng Diyos sa bayan niya na ‘kamuhian ang masama’ at ‘ibigin ang mabuti,’ gaya ng ginawa ni Jesus.—Roma 12:9; Heb. 1:9. w21.05 10 ¶10-11
Biyernes, Pebrero 3
Labanan ninyo ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.—Sant. 4:7.
Paano kung napansin nating nabibitag na tayo ng pride o kasakiman? Makakatakas pa tayo! Sinabi ni apostol Pablo na puwede pang makatakas ang mga ‘nahuling buháy’ ng Diyablo. (2 Tim. 2:26) Tandaan na mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas. Kaya kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova, matatakasan natin ang kahit anong bitag ng Diyablo. Mas mabuti kung maiiwasan na natin ang mga bitag ni Satanas para hindi na natin kailangang takasan ang mga iyon. Magagawa lang natin iyan sa tulong ng Diyos. Kaya hilingin kay Jehova araw-araw na tulungan kang makita kung unti-unti nang nakakaimpluwensiya sa iniisip mo at ginagawa ang masasamang ugaling ito. (Awit 139:23, 24) Huwag na huwag kang magpapabitag kay Satanas! Libo-libong taon nang nambibitag si Satanas. Pero malapit na siyang igapos at puksain. (Apoc. 20:1-3, 10) Gustong-gusto na nating mangyari iyan. Pero hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyan, manatiling alerto sa mga bitag ni Satanas. Sikaping huwag magpadaig sa pride o kasakiman. Maging determinadong ‘labanan ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.’ w21.06 19 ¶15-17
Sabado, Pebrero 4
Makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.—Mat. 9:38.
Tuwang-tuwa si Jehova kapag tinanggap ng isa ang katotohanan at sinasabi niya ito sa iba. (Kaw. 23:15, 16) Siguradong napakasaya ni Jehova habang nakikita niya ang nangyayari ngayon! Halimbawa, nitong 2020 taon ng paglilingkod, kahit na pandemic, 7,705,765 ang naidaos na Bible study at 241,994 ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at nagpabautismo. Ang mga bagong alagad naman na ito ay magkaka-Bible study rin at gagawa ng mas marami pang alagad. (Luc. 6:40) Talagang napapasaya natin si Jehova kapag tumutulong tayo sa paggawa ng alagad. Hindi madali ang paggawa ng alagad. Pero sa tulong ni Jehova, may magagawa tayo para maturuan ang mga tao na ibigin ang ating Ama sa langit. Puwede ba nating gawing goal na makapagpasimula at magkaroon ng kahit isang Bible study? Baka magulat tayo sa magiging resulta kung palagi tayong mag-aalok ng Bible study basta’t posible. w21.07 6-7 ¶14-16
Linggo, Pebrero 5
Dahil sa pagmamahal ko sa bahay ng aking Diyos, ibibigay ko rin ang sarili kong kayamanan, ginto at pilak.—1 Cro. 29:3.
Nagbigay si Haring David ng malaking donasyon mula sa sarili niyang kayamanan para suportahan ang pagtatayo ng templo. (1 Cro. 22:11-16) Kung hindi na tayo ganoon kalakas para tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad, masusuportahan pa rin natin ang mga proyektong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa abot ng ating makakaya. Matutulungan din natin ang mga kabataan kung ibabahagi natin sa kanila ang mga karanasan natin. Magandang halimbawa rin si apostol Pablo sa pagiging mapagbigay. Niyaya niya si Timoteo na sumama sa kaniya sa gawaing pagmimisyonero, at itinuro niya sa kabataang ito kung paano mangangaral at magtuturo. (Gawa 16:1-3) Nakatulong kay Timoteo ang pagsasanay sa kaniya ni Pablo para maging mahusay sa paghahayag ng mabuting balita. (1 Cor. 4:17) At itinuro naman ni Timoteo sa iba ang mga natutuhan niya kay Pablo. w21.09 12 ¶14-15
Lunes, Pebrero 6
Mayroon pang inggitan at pag-aaway sa gitna ninyo. —1 Cor. 3:3.
Ano ang matututuhan natin sa alagad na si Apolos at kay apostol Pablo? Pareho silang maraming alam sa Kasulatan. Pareho din silang prominente at mahusay na guro. At pareho silang maraming natulungang maging alagad. Pero hindi nila itinuring na karibal ang isa’t isa. (Gawa 18:24) Ang totoo, pinakiusapan pa nga ni Pablo si Apolos na bumalik sa Corinto pagkalipas ng ilang panahon. (1 Cor. 16:12) Ginamit ni Apolos ang kakayahan niya sa mabuting paraan—para ipangaral ang mabuting balita at patibayin ang mga kapatid. Sigurado din tayong mapagpakumbaba si Apolos. Halimbawa, wala tayong mababasa na sumama ang loob niya noong “ipinaliwanag sa kaniya nang mas malinaw [nina Aquila at Priscila] ang daan ng Diyos.” (Gawa 18:24-28) Alam ni apostol Pablo ang magagandang nagawa ni Apolos. Pero hindi niya naramdaman na nasasapawan siya nito. Makikita sa ipinayo ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto na mapagpakumbaba siya, makatuwiran, at kinikilala niya ang limitasyon niya.—1 Cor. 3:4-6. w21.07 17-18 ¶15-17
Martes, Pebrero 7
Marami ang magiging matuwid.—Roma 5:19.
Tama lang na itinakwil ng Diyos sina Adan at Eva. Pero paano naman ang mga anak nila? Mahal ni Jehova ang mga tao kaya gumawa siya ng paraan para maampon niya ang mga masunurin. Ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak bilang pantubos. (Juan 3:16) Dahil sa sakripisyo ni Jesus, 144,000 tapat na mga tao ang inampon bilang mga anak ng Diyos. (Roma 8:15-17; Apoc. 14:1) Bukod diyan, may milyon-milyong iba pa na tapat at masunuring gumagawa ng kalooban ng Diyos. May pag-asa rin silang maging miyembro ng pamilya ni Jehova pagkatapos ng huling pagsubok sa pagtatapos ng Milenyo. (Awit 25:14; Roma 8:20, 21) Ngayon pa lang, tinatawag na nilang “Ama” si Jehova, ang Maylalang nila. (Mat. 6:9) Bibigyan din ng pagkakataon ang mga bubuhaying muli na malaman ang mga utos ng Diyos. At kung magiging masunurin sila sa mga iyon, magiging mga miyembro din sila ng pamilya ni Jehova. w21.08 5 ¶10-11
Miyerkules, Pebrero 8
[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.—Fil. 1:10, tlb.
Pinagkatiwalaan si apostol Pablo ng isang ministeryo, at sa loob ng maraming taon, iyon ang isa sa naging pinakamahalagang bagay sa buhay niya. Nangaral siya “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Ang totoo, sinamantala niya ang bawat pagkakataon! Halimbawa, habang hinihintay niya ang mga kasama niya sa Atenas, ibinahagi niya ang mabuting balita sa isang grupo ng kilaláng mga tao at nagkaroon ito ng magagandang resulta. (Gawa 17:16, 17, 34) At kahit noong “nakagapos [si Pablo] bilang bilanggo,” nangaral siya sa mga tao sa paligid niya. (Fil. 1:13, 14; Gawa 28:16-24) Ginamit ni Pablo sa pinakamahusay na paraan ang oras niya. Madalas na iniimbitahan niya ang iba na samahan siya sa ministeryo. Halimbawa, sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, isinama niya si Juan Marcos, at nang sumunod naman, si Timoteo. (Gawa 12:25; 16:1-4) Tiyak na ginawa ni Pablo ang lahat para sanayin sila kung paano mag-oorganisa ng isang kongregasyon, magpapastol, at magiging epektibong guro.—1 Cor. 4:17. w22.03 27 ¶5-6
Huwebes, Pebrero 9
Hindi . . . malayo [ang Diyos] sa bawat isa sa atin.—Gawa 17:27.
May mga tao naman na hindi naniniwala na mayroong Maylalang kasi naniniwala lang daw sila sa nakikita nila. Pero naniniwala rin naman sila sa mga bagay na di-nakikita gaya ng gravity, dahil napatunayan nilang totoo ito. Ang pananampalataya na binabanggit sa Bibliya ay nakabatay sa ebidensiya ng iba pang mga bagay na ‘hindi nakikita pero totoo.’ (Heb. 11:1) Kailangan ang panahon at pagsisikap para mapag-aralan natin ang ebidensiya, pero marami ang walang interes na gawin ito. Kapag hindi sinuri ng isa ang ebidensiya, posible talagang maisip niya na walang Diyos. Matapos pag-aralan ng ilang scientist ang ebidensiya, nakumbinsi sila na nilalang ng Diyos ang uniberso. Noong una, basta na lang inisip ng ilan na walang Maylalang kasi hindi itinuro sa unibersidad ang paglalang. Pero nakilala na nila si Jehova at minahal siya. Kaya dapat din nating patibayin ang ating pananampalataya sa Diyos, anuman ang pinag-aralan natin. w21.08 14 ¶1; 15-16 ¶6-7
Biyernes, Pebrero 10
Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang habag niya ay makikita sa lahat ng ginagawa niya.—Awit 145:9.
Gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon tungkol sa masuwaying anak para ilarawan na gustong-gusto ni Jehova na magpakita ng awa. Umalis ang anak sa kanilang bahay at “nilustay ang mga pag-aari niya sa masamang pamumuhay.” (Luc. 15:13) Pero bandang huli, pinagsisihan din niya ang kaniyang imoral na pamumuhay, nagpakumbaba, at umuwi sa kanila. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng kaniyang ama? Sinabi ni Jesus: “Malayo pa, natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap at hinalikan siya.” Hindi ipinahiya ng ama ang anak niya. Pinatawad niya ito at tinanggap muli sa pamilya. Nagkasala nang malubha ang masuwaying anak, pero dahil nagsisi siya, pinatawad siya ng kaniyang ama. Si Jehova ang maawaing ama sa ilustrasyon. Ipinapakita dito ni Jesus na handang patawarin ng kaniyang Ama ang mga nagkasala na tunay na nagsisisi.—Luc. 15:17-24. w21.10 8 ¶4; 9 ¶6
Sabado, Pebrero 11
Binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.—Gawa 15:14.
Sa ngayon, ginagawa ng maraming lider ng relihiyon ang lahat ng paraan para itago ang katotohanang may personal na pangalan ang Diyos. Tinanggal nila ito sa kanilang mga salin ng Bibliya at, sa ilang pagkakataon, ipinagbawal pa nga ang paggamit nito sa mga simbahan nila. Kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova? Iginagalang ba nila ang personal na pangalan ni Jehova? Ipinapakilala ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang personal na pangalan ng Diyos! Ginagawa natin ang ating buong makakaya para mamuhay kaayon ng ating pangalan—mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Nakapag-imprenta tayo ng mahigit 240 milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Sa saling ito, ibinalik ang pangalan ni Jehova sa mga teksto kung saan ito tinanggal ng ibang mga tagapagsalin ng Bibliya. At ginagamit natin ang pangalan ni Jehova sa mga publikasyong batay sa Bibliya na mababasa sa mahigit 1,000 wika! w21.10 20-21 ¶9-10
Linggo, Pebrero 12
Kung maghirap ang kapatid mo . . . , huwag mong patigasin ang puso mo o pagdamutan ang naghirap mong kapatid.—Deut. 15:7.
Sinasamba natin si Jehova kapag tinutulungan natin ang ating mga kapuwa Kristiyano na nangangailangan. Nangako si Jehova na pagpapalain niya ang mga Israelita na tumutulong sa mahihirap. (Deut. 15:10) Kaya kapag tinutulungan natin ang isang kapatid na nangangailangan, para kay Jehova, regalo natin iyon sa Kaniya. (Kaw. 19:17) Halimbawa, noong nasa bilangguan si Pablo, pinadalhan siya ng regalo ng mga Kristiyano sa Filipos. Tinawag niya iyon na “kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos.” (Fil. 4:18) Isipin ang mga kapatid sa kongregasyon at tanungin ang sarili, ‘Mayroon ba akong mabibigyan ng tulong?’ Natutuwa si Jehova kapag ginagamit natin ang ating panahon, lakas, kasanayan, at materyal na mga bagay para tulungan ang mga nangangailangan. Para sa kaniya, bahagi iyon ng pagsamba natin. (Sant. 1:27) Kailangan ang panahon at pagsisikap para sa tunay na pagsamba. Pero hindi iyan pabigat. (1 Juan 5:3) Bakit? Mahal kasi natin si Jehova at ang mga kapatid natin. w22.03 24 ¶14-15
Lunes, Pebrero 13
Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti.—Mat. 5:45.
Bago tayo makapagpakita ng awa at malasakit sa mga kapatid, kailangan muna nating malaman kung ano ang mga pinagdadaanan nila. Halimbawa, baka may malalang sakit ang isang sister. Hindi naman siya dumadaing, pero malamang na matutuwa siya kung may tutulong sa kaniya. Puwede kaya tayong makatulong sa paghahanda ng pagkain o sa paglilinis ng bahay niya? Baka nawalan ng trabaho ang isang brother. Puwede kaya tayong makapagbigay ng kaunting pinansiyal na tulong, nang hindi nagpapakilala, para makaraos sila habang hindi pa siya nakakakita ng trabaho? Hindi na natin dapat hintaying humingi ng tulong ang mga kapatid bago tayo magpakita ng malasakit. Gaya ni Jehova, puwede tayong magkusa. Pinapasikat niya sa atin ang araw kahit hindi natin iyon hinihiling! At ang lahat ay nakikinabang sa araw, hindi lang ang mga mapagpasalamat. Nararamdaman natin ang pag-ibig ni Jehova kapag ibinibigay niya sa atin ang mga pangangailangan natin. Talagang napakabait at mapagbigay ni Jehova kaya mahal na mahal natin siya! w21.09 22-23 ¶12-13
Martes, Pebrero 14
Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.—Awit 86:5.
Nagpapatawad ang Diyos dahil sa tapat na pag-ibig niya. Kapag nakita ni Jehova na nagsisisi ang isang nagkasala at nagbago ito, pinapatawad niya ito dahil sa tapat na pag-ibig niya. Sinabi ng salmistang si David tungkol kay Jehova: “Hindi niya tayo pinaparusahan ayon sa mga kasalanan natin, at hindi niya tayo ginagantihan ayon sa nararapat sa mga pagkakamali natin.” (Awit 103:8-11) Naranasan ni David kung gaano kahirap usigin ng konsensiya dahil sa malubhang pagkakasala. Pero natutuhan niya na “handang magpatawad” si Jehova. Bakit nagpapatawad si Jehova? Sinasagot iyan ng teksto sa araw na ito. Oo, gaya ng sinabi ni David sa panalangin, nagpapatawad si Jehova dahil sagana ang tapat na pag-ibig niya sa lahat ng tumatawag sa kaniya. Kapag nagkasala tayo, normal lang na malungkot at makonsensiya. Makakatulong pa nga iyon para magsisi tayo at itama ang mga pagkakamali natin. w21.11 5 ¶11-12
Miyerkules, Pebrero 15
Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.—Mat. 6:9.
Mahal ni Jehova ang pangalan niya, at gusto niya na igalang iyon ng lahat. (Isa. 42:8) Pero mga anim na libong taon nang sinisiraan ang pangalan niya. (Awit 74:10, 18, 23) Nagsimula ito nang akusahan ng Diyablo (ibig sabihin, “Maninirang-Puri”) ang Diyos na may ipinagkakait siya kina Adan at Eva na kailangan nila. (Gen. 3:1-5) Hanggang sa ngayon, inaakusahan pa rin si Jehova na ipinagkakait niya sa mga tao ang talagang kailangan nila. Gusto ni Jesus na maipagbangong-puri ang pangalan ng kaniyang Ama. Si Jehova lang ang may karapatang mamahala sa langit at sa lupa, at ang pamamahala niya ang pinakamahusay. (Apoc. 4:11) Pero sinikap ng Diyablo na dayain ang mga anghel pati ang mga tao para isipin nila na hindi ito totoo. Malapit nang lubusang malutas ang isyu. Malalaman ng lahat na ang pamamahala ni Jehova ang pinakamahusay at ang Kaharian lang niya ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa lupa. w21.07 9 ¶5-6
Huwebes, Pebrero 16
Magbubunyi . . . ako dahil kay Jehova; magsasaya ako dahil sa Diyos na aking tagapagligtas.—Hab. 3:18.
Normal lang na gusto ng isang ulo ng pamilya na maglaan ng pagkain, damit, at tirahan para sa pamilya niya. May problema ka ba sa pinansiyal? Kung oo, tiyak na nahihirapan ka. Pero magandang pagkakataon ito para mapatibay ang pananampalataya mo. Manalangin at basahin ang sinasabi ni Jesus sa Mateo 6:25-34 at bulay-bulayin ito. Pag-isipan ang mga karanasan ngayon na nagpapakita na pinaglalaanan ni Jehova ang mga abala sa paglilingkod sa kaniya. (1 Cor. 15:58) Mapapatibay nito ang tiwala mo na tutulungan ka ni Jehova kung paanong tinulungan niya ang iba. Alam niya ang pangangailangan mo, at alam din niya kung paano niya iyon ibibigay. Kapag nakikita mo na tinutulungan ka ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya mo kaya makakayanan mo ang mas mabibigat na pagsubok sa hinaharap. w21.11 20 ¶3; 21 ¶6
Biyernes, Pebrero 17
Kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo na kasama ng Ama, . . . si Jesu-Kristo.—1 Juan 2:1.
Napatibay ang pananampalataya ng maraming Kristiyano dahil sa turo tungkol sa pantubos. Patuloy silang nangaral kahit may pag-uusig at natiis nila ang anumang pagsubok sa buong buhay nila. Tingnan ang halimbawa ni apostol Juan. Patuloy niyang ipinangaral ang katotohanan tungkol kay Kristo at sa pantubos, malamang na sa loob ng mahigit 60 taon. Noong halos 100 taóng gulang na siya, lumilitaw na itinuring siyang banta sa Imperyo ng Roma kaya ipinatapon siya sa isla ng Patmos. Ano ang kasalanan niya? ‘Pagsasalita tungkol sa Diyos at pagpapatotoo tungkol kay Jesus.’ (Apoc. 1:9) Isa ngang napakahusay na halimbawa ng pananampalataya at pagtitiis! Makikita sa mga aklat ng Bibliya na isinulat ni Juan na mahal na mahal niya si Jesus at talagang pinapahalagahan niya ang pantubos. Mahigit 100 beses niyang binanggit ang tungkol sa pantubos o ang mga pakinabang na naging posible dahil dito. (1 Juan 2:2) Talagang mahalaga kay Juan ang pantubos. w21.04 17 ¶9-10
Sabado, Pebrero 18
Huwag mong susumpain ang taong bingi, at huwag kang maglalagay ng halang sa harap ng taong bulag.—Lev. 19:14.
Gusto ni Jehova na maging mabait ang bayan niya sa mga may kapansanan. Halimbawa, sinabi niya sa mga Israelita na huwag sumpain ang isang taong bingi. Kasama rito ang pananakot sa kaniya o pagsasalita ng masama sa kaniya. Hindi iyon tamang gawin sa isang taong bingi! Hindi niya naririnig ang sinasabi ng iba tungkol sa kaniya, kaya hindi niya maipagtatanggol ang sarili niya. Sa Levitico 19:14, iniutos din ng Diyos sa mga lingkod niya na huwag “maglalagay ng halang sa harap ng taong bulag.” Ganito ang sinabi ng isang aklat tungkol sa mga taong may kapansanan: “Sa sinaunang Middle East, madalas [silang] minamaltrato at inaabuso.” Baka may mga tao na sinasadyang maglagay ng harang sa harap ng taong bulag para masaktan o pagtawanan siya. Hindi na sila naawa! Pero dahil sa utos ni Jehova, natulungan ang bayan na makita na dapat silang maging maawain sa mga may kapansanan. w21.12 8-9 ¶3-4
Linggo, Pebrero 19
Natakot nang husto si Jacob at nag-alala.—Gen. 32:7.
Natakot si Jacob kasi baka may galit pa rin sa kaniya ang kapatid niya. Kaya marubdob niyang ipinanalangin kay Jehova ang problema niya. Pagkatapos, binigyan niya si Esau ng mga regalo. (Gen. 32:9-15) At nang magkita na ang magkapatid, naunang magpakita ng paggalang si Jacob kay Esau. Yumukod siya kay Esau nang pitong beses! Dahil sa kapakumbabaan at paggalang niya sa kapatid niya, nakipagpayapaan si Jacob kay Esau. (Gen. 33:3, 4) May matututuhan tayo sa mga ginawa ni Jacob para makipagpayapaan kay Esau. Mapagpakumbabang humingi si Jacob ng tulong kay Jehova. Pagkatapos, kumilos siya ayon sa panalangin niya. Ginawa niya ang lahat para maging maayos ang problema nilang magkapatid. Nang magkita sila, hindi nakipagtalo si Jacob kay Esau kung sino ang tama o mali. Gusto niyang magkaayos sila ng kapatid niya. Paano mo matutularan ang halimbawa ni Jacob?—Mat. 5:23, 24. w21.12 25 ¶11-12
Lunes, Pebrero 20
Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.—1 Juan 3:20.
Kapag naiisip mong namatay si Jesus para takpan ang mga kasalanan mo, baka sabihin mo, ‘Hindi ako karapat-dapat diyan.’ Bakit posibleng maramdaman mo iyan? Kasi baka dayain tayo ng puso natin para isiping hindi tayo mahalaga o hindi karapat-dapat mahalin. (1 Juan 3:19) Kapag nangyari iyan, tandaan na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin.” Ang pag-ibig at pagpapatawad ng ating Ama sa langit ay mas malakas kaysa sa anumang negatibong nararamdaman natin. Dapat tayong maniwala na mahal tayo ni Jehova. Para magawa iyan, dapat na madalas tayong mag-aral ng kaniyang Salita, laging manalangin, at regular na makipagsamahan sa tapat na mga lingkod niya. Bakit napakahalaga ng mga iyan? Mas makikilala mo si Jehova. Makikita mo kung gaano ka niya kamahal. Makakatulong ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos araw-araw para ‘maituwid’ mo ang nasa isip at puso mo.—2 Tim. 3:16. w21.04 23-24 ¶12-13
Martes, Pebrero 21
Tatawag ako sa Diyos, at pakikinggan niya ako.—Awit 77:1.
Bukod sa pagkuha ng kaalaman, may kailangan pa tayong gawin para tumibay ang pananampalataya natin. Kailangan nating bulay-bulayin ang lahat ng natututuhan natin. Tingnan ang karanasan ng manunulat ng Awit 77. Nagdurusa siya kasi iniisip niya na naiwala na niya at ng mga kapuwa niya Israelita ang pagsang-ayon ni Jehova. Hindi siya makatulog dahil sa sobrang pag-aalala. (Talata 2-8) Ano ang ginawa niya? Sinabi niya kay Jehova: “Bubulay-bulayin ko ang lahat ng gawain mo, at pag-iisipan ko ang mga pakikitungo mo.” (Talata 12) Siyempre, alam na alam ng salmista ang ginawa ni Jehova para sa Kaniyang bayan noon. Pero naiisip pa rin ng salmista: “Nalimutan na ba ng Diyos na ipakita ang kaniyang kagandahang-loob, o naglaho na ba ang awa niya dahil sa kaniyang galit?” (Talata 9) Binulay-bulay ng salmista ang mga ginawa ni Jehova at kung paano nagpakita ng awa sa kanila ang Diyos. (Talata 11) Ano ang naging resulta? Naging kumbinsido ang salmista na hindi pababayaan ni Jehova ang bayan niya. (Talata 15) w22.01 30-31 ¶17-18
Miyerkules, Pebrero 22
Silang lahat ay buháy sa kaniya.—Luc. 20:38.
Ano ang nadarama ni Jehova sa tapat na mga lingkod niyang namatay na? Gustong-gusto na niya silang makita ulit! (Job 14:15) Nai-imagine mo ba kung gaano niya nami-miss ang kaibigan niyang si Abraham? (Sant. 2:23) O si Moises, na kinausap niya “nang mukhaan”? (Ex. 33:11) At siguradong gustong-gusto na niyang marinig ulit si David at ang iba pang salmista na kumakanta ng magagandang awit ng papuri sa kaniya! (Awit 104:33) Namatay man ang mga kaibigang ito ng Diyos, hinding-hindi sila malilimutan ni Jehova. (Isa. 49:15) Tandang-tanda niya ang lahat ng detalye tungkol sa kanila. Darating ang panahon na bubuhayin niya sila. Taos-puso silang mananalangin ulit at sasamba sa kaniya. Kung namatayan ka ng isang mahal sa buhay, mapatibay ka sana ng mga ito at mapagaan ang nadarama mo. Nang magsimula ang rebelyon sa Eden, alam ni Jehova na lalala muna ang kalagayan bago ito maayos. Nagagalit si Jehova kapag nakikita niya ang kasamaan, kawalang-katarungan, at karahasan na nangyayari sa ngayon. w21.07 10 ¶11; 12 ¶12
Huwebes, Pebrero 23
Umibig tayo . . . sa pamamagitan ng gawa at katotohanan. —1 Juan 3:18.
Kapag ginagawa natin iyan, ipinapakita rin natin ang pagpapahalaga sa pantubos. Bakit natin nasabi? Dahil ibinigay din ni Jesus ang buhay niya para sa mga kapatid. Kung handa siyang mamatay para sa kanila, siguradong mahal na mahal niya sila. (1 Juan 3:16-18) Maipapakita natin ang pagmamahal sa mga kapatid sa pakikitungo natin sa kanila. (Efe. 4:29, 31–5:2) Halimbawa, tinutulungan natin sila kapag may sakit sila o kapag dumadanas sila ng matinding pagsubok, gaya ng sakuna. Pero ano ang dapat nating gawin kapag nasaktan tayo sa sinabi o ginawa ng isang kapatid? Madali ka bang magkimkim ng sama ng loob? (Lev. 19:18) Kung oo, sundin ang payong ito: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.” (Col. 3:13) Sa tuwing pinapatawad natin ang ating kapatid, pinapatunayan natin sa ating Ama sa langit na talagang pinapahalagahan natin ang pantubos. w21.04 18 ¶12-13
Biyernes, Pebrero 24
Gamitin ninyo [ang kaloob ninyo] sa paglilingkod sa isa’t isa. —1 Ped. 4:10.
Baka pinagbubuti natin ang paglilingkod natin kay Jehova at marami tayong natutulungang mabautismuhan. Pero alam natin na nagagawa lang natin iyon dahil sa pagpapala ni Jehova. Natutuhan din natin sa halimbawa nina Apolos at apostol Pablo na kapag mas marami tayong pribilehiyo, mas marami tayong pagkakataon na itaguyod ang kapayapaan. Laking pasasalamat natin kapag itinataguyod ng mga inatasang brother ang kapayapaan at pagkakaisa! Ginagawa nila ito kapag ibinabatay nila sa Salita ng Diyos ang mga payo nila. Hindi rin nila ipinopokus sa kanila ang atensiyon ng kongregasyon, kundi sa ating huwaran, kay Kristo Jesus. (1 Cor. 4:6, 7) Lahat tayo ay may kani-kaniyang bigay-Diyos na talento o abilidad. Baka para sa atin, maliit lang ang nagagawa natin. Pero ang maliliit na bagay na nagtataguyod ng kapayapaan ay parang maliliit na tahi na bumubuo sa isang damit. Sana’y pagsikapan natin na alisin ang anumang bahid ng pakikipagkompetensiya. Maging determinado tayo na gawin ang lahat para itaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon.—Efe. 4:3. w21.07 19 ¶18-19
Sabado, Pebrero 25
Babangon ang kapatid mo. —Juan 11:23.
Makakatiyak ka na makikita mong muli ang mga namatay mong mahal sa buhay. Ang pagluha ni Jesus dahil sa mga kaibigan niya ay katunayan na gustong-gusto niyang buhaying muli ang mga namatay. (Juan 11:35) Matutulungan mo ang mga nagdadalamhati. Hindi lang umiyak si Jesus kasama nina Marta at Maria, pinakinggan din niya sila at pinatibay. (Juan 11:25-27) Magagawa rin natin iyan. Sinabi ni Dan, isang elder sa Australia: “Nang mamatay ang asawa ko, kailangang-kailangan ko ng tulong. May ilang mag-asawa na araw at gabing nakinig sa akin. Hinayaan lang nila akong umiyak at ilabas ang nararamdaman ko. Tinulungan nila ako sa ilang gawain, gaya ng paglilinis ng kotse, paggo-grocery, at pagluluto kapag wala akong ganang gawin ang mga ito. At madalas silang nananalanging kasama ko. Talagang tunay silang kaibigan at kapatid na ‘maaasahan kapag may problema.’”—Kaw. 17:17. w22.01 16 ¶8-9
Linggo, Pebrero 26
Kabilang sa marurunong ang taong nakikinig sa nagbibigay-buhay na saway. —Kaw. 15:31.
Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin. (Kaw. 4:20-22) Kapag pinapayuhan niya tayo gamit ang kaniyang Salita, isang publikasyong salig sa Bibliya, o makaranasang kapatid, ipinapakita niyang mahal niya tayo. (Heb. 12:9, 10) Magpokus sa payo, hindi sa paraan ng pagpapayo. Kung minsan, baka pakiramdam natin, hindi maganda ang paraan ng pagpapayo sa atin. Dapat lang naman na sikapin ng sinumang nagpapayo na gawing madaling tanggapin ang payo nila. (Gal. 6:1) Pero kapag tayo na ang pinapayuhan, magandang magpokus sa mensahe—kahit iniisip natin na sinabi sana iyon sa mas magandang paraan. Tanungin ang sarili: ‘Kahit hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagpapayo, may matututuhan ba ako roon? Puwede ko bang palampasin na lang ang pagkukulang ng nagpayo at magpokus sa sinabi niya?’ Kapag pinapayuhan tayo, sikaping tingnan kung paano tayo makikinabang doon. w22.02 12 ¶13-14
Lunes, Pebrero 27
Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, nagpaparunong sa walang karanasan.—Awit 19:7.
Alam ni Jehova na kailangan natin ng panahon at pagsisikap para maiwasan ang maling mga kaisipan at gawain. (Awit 103:13, 14) Pero sa tulong ng kaniyang Salita, espiritu, at organisasyon, binibigyan tayo ni Jehova ng karunungan, lakas, at pampatibay na kailangan natin para magbago. Suriing mabuti ang sarili mo gamit ang Bibliya. Ang Salita ng Diyos ay parang salamin. Matutulungan ka nito na makita kung paano ka mag-isip, magsalita, at kumilos. (Sant. 1:22-25) At laging nandiyan si Jehova para tulungan ka. Siya ang pinakamakakatulong sa iyo dahil nababasa niya ang puso mo. (Kaw. 14:10; 15:11) Kaya laging manalangin sa kaniya at pag-aralan ang Salita niya araw-araw. Maging kumbinsido na ang mga pamantayan ni Jehova ang pinakamabuti. Makakabuti sa atin kung gagawin natin ang lahat ng hinihiling ni Jehova. Ang mga namumuhay kaayon ng matataas na pamantayan niya ay may paggalang sa sarili, layunin sa buhay, at talagang masaya.—Awit 19:8-11. w22.03 4 ¶8-10
Martes, Pebrero 28
Tingnan ninyong mabuti ang mga tanggulan nito. Suriin ninyo ang matitibay na tore nito, para maikuwento ninyo ito sa susunod na mga henerasyon.—Awit 48:13.
Sinasamba natin si Jehova kapag tumutulong tayo sa pagtatayo at pagmamantini ng mga lugar ng pagsamba. Sinasabi ng Bibliya na ang pagtatayo ng tabernakulo at paggawa ng mga kagamitan dito ay “banal na gawain.” (Ex. 36:1, 4) Sagradong paglilingkod din para kay Jehova ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall at iba pang teokratikong pasilidad. Maraming oras ang ginagamit ng ilang kapatid sa mga gawaing ito. Tiyak na pinapahalagahan natin ang naitutulong nila. Siyempre, nangangaral din ang mga kapatid na ito. Baka gusto pa nga ng ilan sa kanila na magpayunir. Kung kuwalipikado naman ang masisipag na kapatid na ito, hindi dapat magdalawang-isip ang mga elder na aprobahan sila bilang payunir. Sa paggawa nito, naipapakita ng mga elder na sinusuportahan nila ang gawaing pagtatayo. May kasanayan man tayo sa gawaing pagtatayo o wala, may maitutulong tayong lahat sa pagpapanatiling malinis at maayos ng mga pasilidad na ito. w22.03 22 ¶11-12