Marso
Miyerkules, Marso 1
Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamababa sa mga kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.—Mat. 25:40.
Ang “mga tupa” na binabanggit ni Jesus sa Mateo 25:31-36 ay tumutukoy sa mga matuwid sa panahon ng wakas. Sila rin ang ibang mga tupa na may pag-asang mabuhay sa lupa. Matapat nilang sinusuportahan ang natitirang mga kapatid ni Kristo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila para maisagawa ang pangangaral at paggawa ng alagad sa buong mundo. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Taon-taon, mga ilang linggo bago ang Memoryal, ipinapakita ng ibang mga tupa na sinusuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo. Lubusan silang nakikibahagi sa isang kampanya sa buong mundo para imbitahan sa Memoryal ang mga interesado. Tinitiyak din nila na maidaraos ng lahat ng kongregasyon sa buong mundo ang Memoryal. Masayang-masaya ang ibang mga tupa na suportahan ang mga kapatid ni Kristo sa ganitong mga paraan. Alam ng mga tupang ito na ang ginagawa nila para sa mga pinahiran ay itinuturing ni Jesus na parang sa kaniya na rin nila ginagawa.—Mat. 25:37-40. w22.01 22 ¶11-12
Huwebes, Marso 2
Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.—Juan 14:9.
Kapag tinutularan natin ang mga katangian ni Jesus at ang pakikitungo niya sa iba—halimbawa, nagpakita siya ng awa sa isang ketongin, empatiya sa isang babaeng may malubhang sakit, at habag sa mga namatayan—natutularan din natin si Jehova. (Mar. 1:40, 41; 5:25-34; Juan 11:33-35) Habang natutularan natin ang mga katangian ni Jehova, lalo tayong napapalapít sa kaniya. Hindi tayo maililihis ng masamang sanlibutang ito kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Noong huling gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Ang ibig niyang sabihin, hindi siya nagpaimpluwensiya sa kaisipan, tunguhin, at ginagawa ng sanlibutan. Hindi kinalimutan ni Jesus kung bakit siya isinugo sa lupa—para ipagbangong-puri si Jehova. Kumusta naman tayo? Sa sanlibutang ito, maraming makakapaglihis sa atin. Pero kung magpopokus tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova gaya ni Jesus, ‘madaraig’ din natin ang sanlibutan.—1 Juan 5:5. w21.04 3-4 ¶7-8
Biyernes, Marso 3
[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.—Roma 8:39.
Alam ni apostol Pablo ang pangako ni Jesus na ‘ang bawat isa na nananampalataya kay Jesus ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 3:16; Roma 6:23) Siguradong isa si Pablo sa mga nanampalataya sa pantubos. Kumbinsido siyang handang patawarin ni Jehova kahit ang mga nagkasala nang malubha kung nagsisisi sila. (Awit 86:5) Nanampalataya din si Pablo na mahal na mahal siya ng Diyos dahil sa ginawa ni Kristo. Pansinin ang nakakapagpatibay na sinabi ni Pablo sa dulo ng Galacia 2:20: ‘Minahal ako ng Anak ng Diyos at ibinigay ang sarili niya para sa akin.’ Hindi naramdaman ni Pablo na napakasama niya para mahalin ng Diyos. Hindi niya inisip, ‘Mamahalin ni Jehova ang mga kapatid ko, pero ako, hindi.’ Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Roma: “Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.” (Roma 5:8) Walang makakapigil sa Diyos para mahalin tayo! Talagang kumbinsido si Pablo na mahal tayo ng Diyos. Alam ni Pablo na naging matiisin si Jehova sa bansang Israel. w21.04 22 ¶8-10
Sabado, Marso 4
Dahil ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya.—1 Juan 5:3.
Kapag nagba-Bible study, tulungan ang Bible study mo na mahalin si Jehova. Paano? Humanap ng mga pagkakataon para maidiin ang mga katangian ni Jehova. Tulungan ang study mo na makitang si Jehova ay isang maligayang Diyos na sumusuporta sa mga nagmamahal sa kaniya. (1 Tim. 1:11; Heb. 11:6) Ipakita sa kaniya na mapapabuti siya kung isasabuhay niya ang natutuhan niya at ipaliwanag na katunayan ito na mahal siya ni Jehova. (Isa. 48:17, 18) Habang mas minamahal ng study mo si Jehova, mas lalo niyang gugustuhin na gumawa ng mga pagbabago. Kailangang magsakripisyo ng Bible study para sumulong at mabautismuhan. Baka kailangang isakripisyo ng ilang Bible study ang materyal na mga bagay. Kinailangan din ng marami na iwan ang mga kaibigan nila na hindi nagmamahal kay Jehova. Ang iba naman ay itinakwil ng mga kapamilya nila na ayaw sa mga Saksi ni Jehova. Nangangako si Jesus na ang mga susunod sa kaniya ay gagantimpalaan at bibigyan ng isang mapagmahal na espirituwal na pamilya.—Mar. 10:29, 30. w21.06 4 ¶8-9
Linggo, Marso 5
Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani. —Juan 4:35.
Ipinakita ni apostol Pablo na ang paggawa ng alagad ay parang pagtatanim. Pero hindi lang tayo basta nagtatanim ng binhi. Ipinaalala niya sa mga taga-Corinto: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig . . . Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya.” (1 Cor. 3:6-9) Bilang mga manggagawa sa “bukid ng Diyos,” hindi lang tayo basta nagtatanim ng mga binhi, dinidiligan din natin ang mga iyon at regular na sinusuri kung lumalago ang mga itinanim natin. Pero alam natin na ang Diyos ang nagpapalago sa mga iyon. Napakalaking pribilehiyo na ipangaral at ituro ang katotohanan sa iba! Napakasaya natin kapag ginagawa natin ito. Iyan ang naramdaman ni apostol Pablo, na maraming natulungan sa Tesalonica na maging alagad: “Sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesus, sino ba ang aming pag-asa o kagalakan o ipagmamalaking korona? Hindi ba kayo? Kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.”—1 Tes. 2:19, 20; Gawa 17:1-4. w21.07 3 ¶5; 7 ¶17
Lunes, Marso 6
Huwag na huwag ninyong hahamakin ang isa sa maliliit na ito.—Mat. 18:10.
Ang bawat isa sa atin ay inilapit ni Jehova sa kaniya. (Juan 6:44) Isipin ang ibig sabihin niyan. Habang sinusuri ni Jehova ang puso ng bilyon-bilyong tao sa buong mundo, nakita niya na tapat ka at mamahalin mo siya—at iyon ang mahalaga sa kaniya. (1 Cro. 28:9) Hindi ba nakakapagpatibay malaman na kilala ka ni Jehova, naiintindihan ka niya, at mahal ka niya? Nagmamalasakit si Jehova sa iyo, pati na sa lahat ng kapatid. Ipinakita ni Jesus ang puntong ito nang ikumpara niya si Jehova sa isang pastol. Kung may 100 tupa at maligaw ang isa, ano ang gagawin ng pastol? “Iiwan [niya] sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw.” At kapag nakita niya ang nawawalang tupa, hindi siya magagalit dito. Matutuwa pa nga siya. Ano ang aral? Ang bawat tupa ay mahalaga kay Jehova. Sinabi ni Jesus: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.”—Mat. 18:12-14. w21.06 20 ¶1-2
Martes, Marso 7
Lumapit kayo sa Diyos. —Sant. 4:8.
Kapag pinag-iisipan natin ang pag-ibig ni Jehova sa atin, lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at tumitibay ang kaugnayan natin sa kaniya. (Roma 8:38, 39) Napapakilos tayo na tularan ang halimbawa ni Jesus. (1 Ped. 2:21) Ilang araw bago ang Memoryal, binabasa natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa huling linggo ni Jesus sa lupa, kamatayan niya, at pagkabuhay-muli. At sa gabi ng Memoryal, ipinapaalala ng pahayag kung gaano tayo kamahal ni Jesus. (Efe. 5:2; 1 Juan 3:16) Habang binabasa at binubulay-bulay natin ang sakripisyo ni Jesus, napapakilos tayong “patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon.” (1 Juan 2:6) Nagiging mas determinado tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos. (Jud. 20, 21) Mananatili tayo sa pag-ibig ng Diyos kung gagawin natin ang lahat para sundin siya, pabanalin ang pangalan niya, at pasayahin ang puso niya. (Kaw. 27:11; Mat. 6:9; 1 Juan 5:3) Kapag dumadalo tayo sa Memoryal, mas nagiging determinado tayo na mamuhay araw-araw na parang sinasabi natin kay Jehova, ‘Gusto kong manatili sa pag-ibig mo magpakailanman!’ w22.01 23 ¶17; 25 ¶18-19
Miyerkules, Marso 8
Pumili kayo . . . kung sino ang paglilingkuran ninyo. —Jos. 24:15.
Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magdesisyon. Makakapagdesisyon tayo kung anong landasin sa buhay ang pipiliin natin. Pero matutuwa ang mapagmahal nating Diyos kung pipiliin nating paglingkuran siya. (Awit 84:11; Kaw. 27:11) Magagamit din natin nang tama ang kalayaan nating magdesisyon sa iba pang paraan. Gaya ni Jesus, puwede rin nating unahin ang iba kaysa sa sarili natin. Minsan, pagod na pagod si Jesus at ang mga apostol niya, at pumunta sila sa isang lugar na tahimik para makapagpahinga sana. Pero hindi ganoon ang nangyari, kasi sinundan sila ng mga tao na gustong-gustong matuto kay Jesus. Sa halip na mairita, naawa si Jesus sa kanila. Kaya ano ang ginawa niya? “Tinuruan niya sila ng maraming bagay.” (Mar. 6:30-34) Kapag tinutularan natin si Jesus at isinasakripisyo ang ating panahon at lakas para tulungan ang iba, napapapurihan natin ang ating Ama sa langit.—Mat. 5:14-16. w21.08 3 ¶7-8
Huwebes, Marso 9
[Magsaya ang bawat isa] dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao. —Gal. 6:4.
Gusto ni Jehova na hindi pare-pareho ang mga bagay-bagay. Makikita iyan sa magagandang nilalang niya, kasama na tayong mga tao. Magkakaiba ang bawat isa sa atin. Kaya hindi ka ikinukumpara ni Jehova sa iba. Tinitingnan niya ang puso mo—ang pagkatao mo. (1 Sam. 16:7) Alam din niya kung saan ka mahusay, kung ano ang mga kahinaan mo, at ang paraan ng pagpapalaki sa iyo. At hindi ka niya hihilingan ng hindi mo kayang gawin. Kailangan nating tularan ang pananaw sa atin ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng ‘matinong pag-iisip’ at hindi magiging masyadong mataas o masyadong mababa ang tingin natin sa ating sarili. (Roma 12:3) Puwede tayong matuto sa magandang halimbawa ng isang kapatid na mahusay sa ministeryo. (Heb. 13:7) Baka may makita tayong mga paraan na magagamit natin para maging mas epektibo tayo sa ministeryo. (Fil. 3:17) Pero magkaiba ang pagtulad sa magandang halimbawa ng iba at ang pagkukumpara ng sarili sa kanila. w21.07 20 ¶1-2
Biyernes, Marso 10
Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo. Sino ang lumalang sa mga ito?—Isa. 40:26.
Mapapatibay mo ang pananampalataya mo sa Maylalang kung oobserbahan mo ang mga hayop, halaman, at mga bituin. (Awit 19:1) Habang mas pinag-aaralan mo ang mga ito, lalo kang makukumbinsi na si Jehova ang Maylalang. Kapag pinag-aaralan mo ang mga nilalang, tingnan kung ano ang itinuturo nito tungkol sa Maylalang. (Roma 1:20) Halimbawa, ang araw ay nagbibigay ng init na kailangan natin. Pero naglalabas ito ng enerhiya na tinatawag na ultraviolet rays. Nakakapinsala ito sa atin pero napoprotektahan tayo laban dito! Paano? May sariling protective shield ang planetang Lupa—isang layer ng ozone gas na sumasala sa nakakapinsalang radiation. Habang mas tumitindi ang ultraviolet rays mula sa araw, kumakapal din ang ozone layer. Hindi ba pinapatunayan lang ng prosesong iyan na talagang may lumikha sa lahat ng iyan at na siya ay isang mapagmahal at matalinong Maylalang? w21.08 17 ¶9-10
Sabado, Marso 11
Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.—1 Juan 4:21.
Kapag nabautismuhan na ang isang tao, dapat na patuloy pa rin natin siyang mahalin at igalang. (1 Juan 4:20) Paano natin iyon magagawa? Ang isang paraan ay kung hindi natin siya pagdududahan hangga’t maaari. Halimbawa, kung may ginawa siya na hindi natin maintindihan, hindi natin iisipin na masama ang motibo niya. Sa halip, irerespeto natin siya at ituturing na nakatataas sa atin. (Roma 12:10; Fil. 2:3) Dapat tayong maging maawain at mabait sa lahat ng tao. Magiging mga anak lang tayo ni Jehova at matatawag natin siyang Ama magpakailanman kung isasabuhay natin ang mga sinasabi sa kaniyang Salita. Halimbawa, itinuro ni Jesus na dapat tayong maging maawain at mabait sa lahat ng tao, kahit sa mga kaaway natin. (Luc. 6:32-36) Madalas na nahihirapan tayong gawin ito. Kaya kailangan nating matutuhang mag-isip at kumilos na gaya ni Jesus. Kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para sundin si Jehova at tularan si Jesus, naipapakita natin sa ating Ama sa langit na gusto nating maging miyembro ng pamilya niya magpakailanman. w21.08 6 ¶14-15
Linggo, Marso 12
Tingnan ninyo kung hindi ko buksan sa inyo ang mga pintuan ng langit at ibuhos sa inyo ang pagpapala.—Mal. 3:10.
Matutong umasa kay Jehova. Nangangako siya na pagpapalain niya tayo kung magtitiwala tayo sa kaniya at gagawin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Marami tayong mababasang halimbawa sa Bibliya ng mga taong ginawa ang buong makakaya nila para kay Jehova. Madalas, may mga ginawa muna sila bago sila pinagpala ni Jehova. Halimbawa, iniwan muna ni Abraham ang tahanan niya—“kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta”—bago siya pinagpala ni Jehova. (Heb. 11:8) Nakipagbuno muna si Jacob sa anghel bago siya nakatanggap ng espesyal na pagpapala. (Gen. 32:24-30) Noong papasók na ang Israel sa Lupang Pangako, lumusong muna ang mga saserdote sa rumaragasang Ilog Jordan bago nakatawid ang bayan. (Jos. 3:14-16) Matututo ka rin sa halimbawa ng mga Saksi ngayon na umasa kay Jehova at umabót ng tunguhin. w21.08 29-30 ¶12-14
Lunes, Marso 13
Huwag mong sabihin, “Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?”—Ecles. 7:10.
Mga kapatid naming may-edad na, alam ninyo kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay noon, at nakita rin ninyo na kailangang mag-adjust sa mga pagbabago. Kayong mga bagong bautisadong may-edad na, marami rin kayong maibibigay. Siguradong matutuwa ang mga kabataan na marinig ang mga karanasan ninyo at ang mga aral na natutuhan ninyo sa buhay. Kung magiging “mapagbigay” kayo at ibabahagi ang mga karanasan ninyo, tiyak na aapaw ang mga pagpapala sa inyo ni Jehova. (Luc. 6:38) Kapag kayong mga may-edad na ay naging mas malapít sa mga kabataan, matutulungan ninyo ang isa’t isa. (Roma 1:12) Ang mga may-edad na ay may karunungan at karanasan na wala sa mga kabataan. Ang mga kabataan naman ay may lakas na wala sa mga may-edad na. Kaya kung magiging magkaibigan at magtutulungan ang mga kabataan at ang mga may-edad na, tiyak na mapapapurihan ang ating mapagmahal na Ama sa langit at mapapatibay ang buong kongregasyon. w21.09 8 ¶3; 13 ¶17-18
Martes, Marso 14
Ipinangangaral natin si Kristo na ipinako sa tulos, na isang katitisuran para sa mga Judio.—1 Cor. 1:23.
Bakit maraming Judio ang natisod sa paraan ng pagkamatay ni Jesus? Iniisip nilang dahil namatay si Jesus sa tulos, naging parang kriminal tuloy siya at makasalanan—at hindi Mesiyas. (Deut. 21:22, 23) Ayaw maniwala ng mga Judiong natisod kay Jesus na inosente siya, na mali ang paratang sa kaniya, at na di-makatarungan ang ginawang pagtrato sa kaniya. Walang pakialam sa katarungan ang mga lumilitis kay Jesus noon. Basta na lang nagkaroon ng pagdinig ang korte suprema ng mga Judio, at hindi nila sinunod ang batas tungkol sa paglilitis. (Luc. 22:54; Juan 18:24) Hindi naging patas ang mga hukom nang marinig nila ang mga paratang at ebidensiya laban kay Jesus. Naghanap pa nga sila ng “gawa-gawang testimonya laban kay Jesus para maipapatay siya.” (Mat. 26:59; Mar. 14:55-64) At nang buhaying muli si Jesus, ang mga sundalong Romanong nagbabantay sa libingan niya ay binayaran ng mga tiwaling hukom na iyon ng “maraming piraso ng pilak” para magkalat ng kasinungalingan kung bakit walang laman ang libingan.—Mat. 28:11-15. w21.05 11 ¶12-13
Miyerkules, Marso 15
Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama lang. —Mat. 24:36.
Kayang-kaya ni Jehova na wakasan ang masamang sistemang ito anumang oras. Pero nakikinabang tayo sa pagtitiis niya. Ang lahat din ng inapo nina Adan at Eva ay isinilang na hindi perpekto. Pero mahal pa rin sila ni Jehova at nagmamalasakit siya sa kanila, at nangako siyang wawakasan ang masamang sistemang ito. (1 Juan 4:19) At itinakda na niya ang araw at oras kung kailan aalisin niya ang lahat ng problemang nagpapahirap sa mga tao. Hindi ba’t nakakatulong sa atin ang pag-ibig ni Jehova para magtiis na gaya niya habang hinihintay ang panahong iyon? Si Jehova ang perpektong halimbawa ng pagtitiis. At natularan ni Jesus ang pagtitiis ng kaniyang Ama. Noong nandito si Jesus sa lupa, tiniis niya ang malupit na pananalita, kahihiyan, at ang pahirapang tulos para sa atin. (Heb. 12:2, 3) Tiyak na nakatulong kay Jesus ang halimbawa ni Jehova para magawa iyon. Ito rin ang makakatulong sa atin. w21.07 12-13 ¶15-17
Huwebes, Marso 16
Patuloy na maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.—Luc. 6:36.
Araw-araw na nagpapakita sa atin ng awa ang ating Ama sa langit. (Awit 103:10-14) Hindi perpekto ang mga tagasunod ni Jesus kaya nagpakita siya sa kanila ng awa at pinatawad sila. Isinakripisyo pa nga niya ang buhay niya para mapatawad ang mga kasalanan natin. (1 Juan 2:1, 2) Naipapakita natin na mahal natin ang ating espirituwal na pamilya kapag ‘lubusan tayong nagpapatawad.’ (Efe. 4:32) Siyempre, hindi laging madaling gawin iyon kaya kailangan nating magsikap. Sinabi ng isang sister na nakatulong sa kaniya ang artikulo sa Bantayan na “Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa.” Isinulat niya: “Ipinaliwanag [ng artikulo] na kapag nagpapatawad tayo, hindi ibig sabihin nito na hindi tayo nasasaktan o kinukunsinti natin ang maling ginagawa ng iba. Kapag nagpapatawad tayo, hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob kaya napapayapa tayo.” Kapag lubusan nating pinapatawad ang ating mga kapatid, naipaparamdam natin na mahal natin sila at natutularan natin ang ating Ama, si Jehova. w21.09 23-24 ¶15-16
Biyernes, Marso 17
Ang mga sumasamba sa [Diyos] ay dapat sumamba sa . . . katotohanan.—Juan 4:24.
Mahal ni Jesus ang katotohanan—ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin. Namuhay si Jesus kaayon ng katotohanang iyan, at ipinaalam niya sa iba ang katotohanan. (Juan 18:37) Mahal na mahal din ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang katotohanan. (Juan 4:23) Sa katunayan, sinabi ni apostol Pedro na ang pagiging Kristiyano “ang daan ng katotohanan.” (2 Ped. 2:2) Dahil mahal na mahal ng mga Kristiyano noon ang katotohanan, tinanggihan nila ang mga relihiyosong ideya, tradisyon, at personal na mga opinyon na hindi kaayon ng katotohanan. (Col. 2:8) Ganiyan din ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon. Sinisikap nila na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ Ibinabatay nila sa Salita ni Jehova ang lahat ng paniniwala nila at paraan ng pamumuhay. (3 Juan 3, 4) Hindi inaangkin ng bayan ng Diyos ngayon na alam nila ang lahat ng katotohanan. Nagkakamali sila kung minsan sa paraan ng pagpapaliwanag sa isang turo sa Bibliya o pag-oorganisa sa kongregasyon. Kapag nakita nila na kailangang baguhin ang pagkaunawa sa isang bagay, ginagawa nila agad ang mga kinakailangang pagbabago. w21.10 22 ¶11-12
Sabado, Marso 18
Ang nagtitiwala kay Jehova ay napapalibutan ng Kaniyang tapat na pag-ibig.—Awit 32:10.
Noon, napapalibutan ng mga pader ang isang lunsod at napoprotektahan nito ang mga nakatira doon. Ganiyan din ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Pinoprotektahan tayo nito mula sa mga panganib na puwedeng sumubok sa ating katapatan. Dahil din sa tapat na pag-ibig ni Jehova, inilalapit niya tayo sa kaniya. (Jer. 31:3) Iniugnay rin ng salmistang si David sa isang kanlungan at tanggulan ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Isinulat niya: “Ang Diyos ang aking ligtas na kanlungan, ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pag-ibig.” Sinabi rin ni David tungkol kay Jehova: “Siya ang aking tapat na pag-ibig at tanggulan, ang aking ligtas na kanlungan at tagasagip, ang aking kalasag at kublihan.” (Awit 59:17; 144:2) Bakit iyon nasabi ni David? Kasi kahit nasaan tayo, basta’t lingkod tayo ni Jehova, poprotektahan niya tayo para hindi masira ang kaugnayan natin sa kaniya. w21.11 6 ¶14-15
Linggo, Marso 19
Bubulay-bulayin ko ang lahat ng gawain mo.—Awit 77:12.
Inabutan ng malakas na bagyo si Jesus at ang mga alagad niya sa lawa. At ginamit ni Jesus ang pagkakataong iyon para makita nila na kailangan nila ng mas matibay na pananampalataya. (Mat. 8:23-26) Habang binabayo sila ng malakas na bagyo, at pinapasok na ng tubig ang bangka, ang sarap ng tulog ni Jesus. Takot na takot ang mga alagad. Kaya ginising nila si Jesus, at sinabing iligtas sila. Pero sinabi ng Panginoon sa kanila: “Bakit takot na takot kayo? Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?” May pinagdaraanan ka bang “malakas na bagyo”? Baka naghihirap ka ngayon dahil sa isang likas na sakuna. O baka dumaranas ka ng tulad-bagyong problema gaya ng malubhang sakit, kaya lungkot na lungkot ka at hindi mo na alam ang gagawin. Baka minsan nag-aalala ka, pero huwag mong hayaang mawala ang tiwala mo kay Jehova. Lumapit ka kay Jehova at marubdob na manalangin. Bulay-bulayin kung paano ka tinulungan ni Jehova noon para tumibay ang pananampalataya mo. (Awit 77:11) Makakatiyak ka na hinding-hindi ka papabayaan ni Jehova kailanman. w21.11 22 ¶7, 10
Lunes, Marso 20
Huwag kayong magnanakaw.—Lev. 19:11.
Baka iniisip ng isa na kapag wala naman siyang kinukuha na hindi sa kaniya, nasusunod niya ang utos na ito. Pero baka hindi niya namamalayan na nagnanakaw na pala siya. Halimbawa, kung gumagamit ng madayang timbangan o panukat ang isang negosyante, masasabi nating pagnanakaw iyon. Iniuugnay ng Levitico 19:13 ang pagnanakaw sa pandaraya pagdating sa negosyo. Ang sabi: “Huwag mong dadayain ang kapuwa mo.” Kaya kung mandaraya ang isa pagdating sa negosyo, pagnanakaw iyon. Sinasabi ng ikawalong utos na mali ang pagnanakaw, pero nakatulong ang mga detalye sa Levitico para maintindihan natin ang prinsipyo sa batas na ito—ang maging tapat sa lahat ng bagay. Makakatulong kung pag-iisipan natin ang tingin ni Jehova sa pandaraya at pagnanakaw. Tanungin ang sarili: ‘Batay sa Levitico 19:11-13, may dapat ba akong baguhin sa buhay ko, halimbawa, sa negosyo o trabaho?’ w21.12 9-10 ¶6-8
Martes, Marso 21
Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo. —Col. 3:13.
Kapag nananalangin ka nang mag-isa, sabihin kay Jehova ang mga pagkakamaling nagawa mo sa araw na iyon at humingi ng tawad. Siyempre, kapag nakagawa ka ng malubhang kasalanan, kailangan mo rin ng tulong ng mga elder. Papakinggan ka nila at bibigyan ng payo mula sa Salita ng Diyos. Mananalangin silang kasama mo, at hihilingin nila kay Jehova na matakpan ng hain ni Jesus ang kasalanan mo ‘para mapagaling ka’ sa espirituwal. (Sant. 5:14-16) Makakatulong din na bulay-bulayin ang tungkol sa pantubos. Baka naiiyak ka kapag naiisip mo kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng Anak ng Diyos. Pero habang binubulay-bulay mo ang sakripisyong ginawa ni Jesus, mas mamahalin mo siya at ang kaniyang Ama. Taon-taon, mas napapahalagahan natin ang pantubos kapag dumadalo tayo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus at kapag iniimbitahan natin ang iba na dumalo. Isa ngang pribilehiyo mula kay Jehova na turuan ang iba tungkol sa kaniyang Anak! w21.04 18-19 ¶13-16
Miyerkules, Marso 22
Tinuruan niya sila ng maraming bagay.—Mar. 6:34.
Pansinin ang ginawa ni Jesus nang napakaraming tao ang naghihintay sa kaniya pagkababa niya ng bundok. Magdamag na nanalangin si Jesus nang gabing iyon. Siguradong pagod na pagod siya. Pero nang makita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa mahihirap at mga maysakit. Bukod sa pinagaling niya sila, ibinigay rin niya ang isa sa pinakanakapagpapatibay na pahayag sa buong kasaysayan—ang Sermon sa Bundok. (Luc. 6:12-20) Hindi rin ipinagdamot ni Jesus ang oras na para sana sa sarili niya. Isip-isipin ang naramdaman ni Jesus nang mabalitaan niyang pinugutan ng ulo ang kaibigan niyang si Juan Bautista. Sinasabi ng Bibliya: “Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya sakay ng bangka papunta sa isang liblib na lugar para mapag-isa.” (Mat. 14:10-13) Pero bago pa siya dumating sa liblib na lugar na iyon, marami nang tao ang naghihintay sa kaniya. (Mar. 6:31-33) Alam niya na kailangang-kailangan nila ng pampatibay sa espirituwal kaya agad niya silang tinulungan.—Luc. 9:10, 11. w22.02 21 ¶4, 6
Huwebes, Marso 23
Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. —Roma 12:18.
Ano ang dapat nating gawin kapag nasaktan natin ang isang kapatid? Marubdob tayong manalangin kay Jehova. Puwede nating hilingin sa kaniya na pagpalain ang pagsisikap nating makipagpayapaan sa ating kapatid. Dapat din nating suriin ang sarili natin. Tanungin ang sarili: ‘Handa ko bang lunukin ang pride ko, magpakumbaba, humingi ng tawad, at makipagpayapaan? Ano kayang mararamdaman ni Jehova at ni Jesus kapag nauna akong makipagpayapaan sa isang kapatid?’ Makakatulong ang mga sagot natin sa mga tanong na iyan na makinig kay Jesus at mapagpakumbabang lapitan ang isang kapatid para makipagpayapaan sa kaniya. Kapag nilapitan natin ang isang kapatid para ayusin ang problema, dapat tayong magpakumbaba. (Efe. 4:2, 3) Dapat tayong makipag-usap sa kapatid na nasaktan natin na ang tunguhin natin ay maibalik ang kaugnayan natin sa kaniya. Tandaan na mas mahalagang maibalik ang kaugnayan natin sa ating kapatid kaysa alamin kung sino ang tama o mali.—1 Cor. 6:7. w21.12 25-26 ¶13-16
Biyernes, Marso 24
Tinanaw niya ito at iniyakan.—Luc. 19:41.
Nasaktan si Jesus dahil alam niya na marami sa mga kababayan niya ang hindi tatanggap sa mensahe ng Kaharian. Kaya wawasakin ang Jerusalem at ang makakaligtas na mga Judio ay gagawing bihag. (Luc. 21:20-24) Nakakalungkot, gaya ng inaasahan ni Jesus, itinakwil siya ng karamihan. Marami bang tumatanggap sa mensahe ng Kaharian sa teritoryo ninyo? Kung iilan lang, ano ang matututuhan mo sa pagluha ni Jesus? Mahal ni Jehova ang mga tao. Ipinapaalala ng pagluha ni Jesus kung gaano kamahal ni Jehova ang mga tao. “Hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Sa ngayon, maipapakita nating mahal natin ang ating kapuwa kung matiyaga natin silang tuturuan tungkol sa mabuting balita.—Mat. 22:39. w22.01 16 ¶10-12
Sabado, Marso 25
Nakakapit ako sa iyo; mahigpit na nakahawak sa akin ang kanang kamay mo. —Awit 63:8.
Kung bubulay-bulayin mo ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan at ang ginawa niya para sa iyo, lalong titibay ang pananampalataya mo. At ang pinakamahalaga sa lahat, lalong lalalim ang pag-ibig mo kay Jehova. Sa lahat ng iba pang katangian, pag-ibig ang magpapakilos sa iyo na sundin si Jehova, magsakripisyo para mapasaya siya, at tiisin ang anumang pagsubok. (Mat. 22:37-39; 1 Cor. 13:4, 7; 1 Juan 5:3) Wala nang hihigit pa sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova! (Awit 63:1-7) Tandaan na ang pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay ay bahagi ng ating pagsamba. Gaya ni Jesus, maghanap ng tahimik na lugar para makasama si Jehova. Iwasan ang di-kinakailangang mga panggambala. Hilingin kay Jehova na tulungan kang makapagpokus. Kung gagamitin mo sa pinakamabuting paraan ang oras mo ngayon, pagpapalain ka ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan.—Mar. 4:24. w22.01 31 ¶18-20
Linggo, Marso 26
Kamuhian ninyo ang masama.—Roma 12:9.
Naiimpluwensiyahan ng iniisip natin ang mga pagkilos natin. Kaya itinuro sa atin ni Jesus na tanggihan ang mga kaisipan na puwedeng mauwi sa malubhang pagkakasala. (Mat. 5:21, 22, 28, 29) Tiyak na gusto nating mapasaya ang ating Ama sa langit. Kaya napakahalagang tanggihan natin agad ang anumang maling kaisipan na pumapasok sa isip natin! Sinabi ni Jesus: “Anumang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso.” (Mat. 15:18) Totoo, makikita sa mga sinasabi natin kung sino tayo. Kaya tanungin ang sarili: ‘Nagsasabi ba ako ng totoo kahit alam kong magkakaproblema ako? Kung may asawa ako, iniiwasan ko bang makipag-flirt sa hindi ko kasekso? Lubusan ko bang iniiwasan ang imoral na mga pananalita? Kapag nakakainis ang kausap ko, mahinahon pa rin ba akong sumagot?’ Kung sisikapin mo ring alisin ang mapang-abuso at imoral na mga pananalita, pati na ang pagsisinungaling, mas magiging madali sa iyo na hubarin ang lumang personalidad. w22.03 5 ¶12-14
Lunes, Marso 27
Ang marurunong ay humihingi ng payo. —Kaw. 13:10.
Kadalasan nang mas sumusulong sa espirituwal ang mga kusang humihingi ng payo kaysa sa mga hindi. Kaya kusang humingi ng payo. Kailan tayo puwedeng humingi ng payo sa mga kapatid? Pag-isipan ang ilang sitwasyon. (1) Pinakiusapan ng isang sister ang isang makaranasang kapatid na samahan siya sa pagba-Bible study at humingi ng payo kung paano pa niya mapapasulong ang pagtuturo niya. (2) Gustong bumili ng isang sister ng pantalon, kaya tinanong niya ang isang may-gulang na sister kung ano ang masasabi nito sa napili niya. (3) Unang beses na magpapahayag ang isang brother. Pinakisuyuan niya ang isang makaranasang speaker na pakinggan ang pahayag niya at sabihin sa kaniya kung ano pa ang puwede niyang pasulungin. Kahit maraming taon nang nagpapahayag ang isang brother, puwede pa rin siyang humingi ng payo sa makaranasang mga speaker at sundin ang mga iyon.—Kaw. 19:20. w22.02 13 ¶15-17
Martes, Marso 28
Hindi ako nag-iisa, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin.—Juan 8:16.
Ipinapakita ni Jehova na mahal na mahal niya tayo at nagmamalasakit siya sa atin, gaya ng ginawa niya kay Jesus noong nandito ito sa lupa. (Juan 5:20) Inilaan niya ang lahat ng espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan ni Jesus. At sinabi niya talaga kay Jesus na mahal niya ito at kinalulugdan. (Mat. 3:16, 17) Dahil alam ni Jesus na laging nandiyan para sa kaniya ang mapagmahal niyang Ama sa langit, hindi niya kailanman naramdaman na nag-iisa siya. Gaya ni Jesus, nararamdaman din natin ang pagmamahal ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Isipin ito: Inilapit tayo ni Jehova sa kaniya. Binigyan niya tayo ng isang mapagmahal at nagkakaisang espirituwal na pamilya na nagpapasaya at nagpapalakas ng loob natin kapag may pinagdadaanan tayo. (Juan 6:44) Pinaglalaanan din tayo ni Jehova ng nakakapagpatibay na espirituwal na pagkain at ng mga pangangailangan natin sa araw-araw. (Mat. 6:31, 32) Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, lalo rin natin siyang minamahal. w21.09 22 ¶8-9
Miyerkules, Marso 29
Hubarin ninyo ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito.—Col. 3:9.
Ano ang buhay mo noon bago ka makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? Marami sa atin, baka ayaw nang isipin iyon. Malamang na naiimpluwensiyahan noon ng sanlibutan ang personalidad at pananaw natin sa kung ano ang tama at mali. Kaya “namumuhay [tayo] sa sanlibutan nang walang pag-asa at walang Diyos.” (Efe. 2:12) Pero nang mag-aral ka ng Bibliya, nalaman mo na mayroon kang Ama sa langit na mahal na mahal ka. Natutuhan mo na kung gusto mong mapasaya si Jehova at maging bahagi ng pamilya ng mga sumasamba sa kaniya, kailangan mong gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay mo, pananaw, at pag-iisip. Kailangan mo ring matutuhang mamuhay ayon sa matataas na pamantayan niya. (Efe. 5:3-5) Bilang ating Maylalang at Ama sa langit, may karapatan si Jehova na magtakda kung paano dapat gumawi ang mga miyembro ng pamilya niya. At hinihiling niya sa atin na bago tayo magpabautismo, dapat nating sikapin na “hubarin . . . ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito.” w22.03 2 ¶1-3
Huwebes, Marso 30
Mayroon akong ibang mga tupa. —Juan 10:16.
Masaya ang ibang mga tupa na dumalo at magmasid sa Memoryal. Pinag-iisipan din nila ang kanilang pag-asa. Sabik na sabik silang mapakinggan ang pahayag sa Memoryal, kasi nakapokus ito sa gagawin ni Kristo at ng 144,000 na kasama niyang mamamahala para sa tapat na mga tao sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari. Sa ilalim ng pangunguna ng Haring si Jesu-Kristo, tutulong ang mga tagapamahalang iyon sa langit para gawing paraiso ang lupa at gawing perpekto ang lahat ng masunuring tao. Siguradong kapana-panabik para sa milyon-milyong tagapagmasid sa Memoryal na isipin ang katuparan ng mga hula sa Bibliya, gaya ng makikita sa Isaias 35:5, 6; 65:21-23; at Apocalipsis 21:3, 4. Kapag ini-imagine nila ang sarili nila at ang mga mahal nila sa buhay sa bagong sanlibutan, tumitibay ang kanilang pananampalataya sa pag-asa nila sa hinaharap at ang determinasyon nila na patuloy na paglingkuran si Jehova.—Mat. 24:13; Gal. 6:9. w22.01 21 ¶5-7
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 9) Mateo 26:6-13
Biyernes, Marso 31
Ang Anak ng tao ay dumating [para] ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.—Mar. 10:45.
Ano ang pantubos? Ang halagang ibinayad ni Jesus para mabawi ang naiwala ni Adan. (1 Cor. 15:22) Bakit kailangan natin ng pantubos? Dahil ayon sa pamantayan ni Jehova ng katarungan na makikita sa Kautusan, kailangang magbayad ng buhay para sa buhay. (Ex. 21:23, 24) Naiwala ni Adan ang kaniyang perpektong buhay bilang tao. Para masunod ang pamantayan ng Diyos sa katarungan, ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang tao. (Roma 5:17) Kaya siya ang naging “Walang-Hanggang Ama” ng lahat ng nananampalataya sa pantubos. (Isa. 9:6; Roma 3:23, 24) Handang ibigay ni Jesus ang buhay niya dahil mahal na mahal niya ang kaniyang Ama sa langit, pati na rin tayo. (Juan 14:31; 15:13) Dahil diyan, naging determinado siyang manatiling tapat hanggang kamatayan at gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Bilang resulta, matutupad ang layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa. w21.04 14 ¶2-3
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 9) Mateo 21:1-11, 14-17