Abril
Sabado, Abril 1
Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.—Juan 3:16.
Ganoon na lang tayo kamahal ni Jesus kung kaya kusang-loob niyang ibinigay ang buhay niya para sa atin. (Juan 15:13) Hindi natin matutumbasan ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Pero maipapakita nating nagpapasalamat tayo sa kanila sa paraan ng pamumuhay natin araw-araw. (Col. 3:15) Pinapahalagahan ng mga pinahiran ang pantubos, dahil ito ang daan para magkaroon sila ng pag-asang mabuhay sa langit. (Mat. 20:28) Nanampalataya sila sa sakripisyo ni Kristo, kaya ipinahayag silang matuwid ni Jehova at inampon bilang kaniyang mga anak. (Roma 5:1; 8:15-17, 23) Nagpapasalamat din ang ibang mga tupa sa pantubos. Dahil nananampalataya sila sa itinigis na dugo ni Kristo, mayroon silang malinis na katayuan sa harap ng Diyos at may pag-asa silang “lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apoc. 7:13-15) Ipinapakita ng dalawang grupong ito ang kanilang pagpapahalaga sa pantubos sa pamamagitan ng pagdalo sa Memoryal taon-taon. w22.01 23 ¶14-15
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 10) Mateo 21:18, 19; 21:12, 13; Juan 12:20-50
Linggo, Abril 2
Binili tayo ni Kristo.—Gal. 3:13.
Ipinag-aalala ni Jesus ang dahilan kung bakit nila siya papatayin. Inakusahan nila siya ng pamumusong—ang paglapastangan sa Diyos o sa pangalan ng Diyos. (Mat. 26:64-66) Hindi matanggap ni Jesus na inakusahan siya ng ganoon kaya hiniling niya sa kaniyang Ama na iligtas siya sa kahihiyang iyon. (Mat. 26:38, 39, 42) Kailangang ibitin si Jesus sa tulos para mapalaya ang mga Judio sa isang sumpa. (Gal. 3:10) Nangako kasi sila na susundin nila ang Kautusan ng Diyos, pero hindi nila ito ginawa. Kaya bukod sa pagiging makasalanan na minana nila kay Adan, isinumpa din sila. (Roma 5:12) Sinasabi sa Kautusan ng Diyos na ang taong nakagawa ng kasalanang nararapat sa kamatayan ay dapat patayin. Pagkatapos, may mga pagkakataong ang katawan ng nagkasala ay ibinibitin sa tulos. (Deut. 21:22, 23; 27:26) Kaya nang ibitin si Jesus sa tulos, ginawa niyang posible na makalaya sa sumpang ito at makinabang sa hain niya ang mismong bansang nagtakwil sa kaniya. w21.04 16 ¶5-6
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 11) Mateo 21:33-41; 22:15-22; 23:1-12; 24:1-3
Lunes, Abril 3
Ibinibigay ko ang aking buhay. —Juan 10:17.
Isipin ang nangyari noong araw na patayin si Jesus. Walang awa siyang pinahirapan ng mga sundalong Romano. (Mat. 26:52-54; Juan 18:3; 19:1) Hinagupit nila siya kaya nawakwak ang mga laman niya. Pagkatapos, ipinasan nila sa nagdurugo niyang likod ang isang mabigat na tulos. Hirap na hirap si Jesus na pasanin ang tulos papunta sa lugar kung saan siya papatayin, pero di-nagtagal, pinilit ng mga sundalo ang isang lalaki na buhatin ito para sa kaniya. (Mat. 27:32) Pagdating doon ni Jesus, ipinako nila sa tulos ang mga kamay at paa niya. Nang itayo nila ang tulos, nabanat ang mga sugat ni Jesus dahil sa bigat ng katawan niya. Lungkot na lungkot ang mga kaibigan niya at iyak nang iyak ang nanay niya, pero ginawa siyang katatawanan ng mga tagapamahalang Judio. (Luc. 23:32-38; Juan 19:25) Pagkatapos ng ilang oras na pagdurusa, hirap na hirap na ang puso at mga baga niya at kinakapos na siya ng hininga. Bago mamatay, nanalangin siya kay Jehova. Pagkatapos, yumuko siya at nalagutan ng hininga. (Mar. 15:37; Luc. 23:46; Juan 10: 18; 19:30) Talaga ngang napakahirap at kahiya-hiya ang pagkamatay ni Jesus! w21.04 16 ¶4
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 12) Mateo 26:1-5, 14-16; Lucas 22:1-6
ARAW NG MEMORYAL
Pagkalubog ng Araw
Martes, Abril 4
Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.—Luc. 22:19.
Binanggit ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol ang tungkol sa dalawang tipan, o kasunduan—ang bagong tipan at ang tipan para sa Kaharian. (Luc. 22:20, 28-30) Dahil sa mga tipang ito, naging posible para sa mga apostol at sa iba pang limitadong bilang ng mga tao na maging mga hari at saserdote sa langit. (Apoc. 5:10; 14:1) Ang natitirang mga pinahiran lang, na kabilang sa dalawang tipang ito, ang puwedeng makibahagi sa tinapay at alak sa Memoryal. Binigyan sila ni Jehova ng napakagandang pag-asa—ang magkaroon ng imortal na buhay at di-nabubulok na katawan sa langit, ang maglingkod na kasama ng niluwalhating si Jesu-Kristo at ng iba pa na kabilang sa 144,000, at higit sa lahat, ang makita mismo ang Diyos na Jehova! (1 Cor. 15:51-53; 1 Juan 3:2) Alam ng mga pinahiran na dapat silang manatiling tapat hanggang kamatayan.—2 Tim. 4:7, 8. w22.01 21 ¶4-5
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 13) Mateo 26:17-19; Lucas 22:7-13 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 14) Mateo 26:20-56
Miyerkules, Abril 5
Makakasama kita sa Paraiso. —Luc. 23:43.
Dalawang kriminal ang nakapako rin sa tulos katabi ni Jesus. (Luc. 23:40, 41) Sinabi kay Jesus ng isa sa kanila: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” (Luc. 23:42) Dahil alam niyang maawain ang kaniyang Ama, gumamit siya ng pananalitang magbibigay ng pag-asa sa kriminal na ito na malapit nang mamatay. (Awit 103:8; Heb. 1:3) Gustong-gusto ni Jehova na patawarin tayo at magpakita ng awa kung talagang nagsisisi tayo sa masasamang bagay na ginawa natin at nananampalataya na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo. (1 Juan 1:7) Baka hindi naniniwala ang ilan na mapapatawad pa ni Jehova ang mga pagkakamali nila. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, pag-isipan ito: Bago mamatay si Jesus, nagpakita siya ng awa sa isang kriminal na noon lang nanampalataya sa kaniya. Kaya hindi ba’t lalo nang magpapakita ng awa si Jehova sa mga tapat na mananamba niya?—Awit 51:1; 1 Juan 2:1, 2. w21.04 9 ¶5-6
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 14) Mateo 27:1, 2, 27-37
Huwebes, Abril 6
Sinabi ni Jesus: “Naganap na!” —Juan 19:30.
Dahil sa pananatiling tapat hanggang kamatayan, may mga naisagawa si Jesus. Una, napatunayan niyang sinungaling si Satanas. Ipinakita ni Jesus na makakapanatiling tapat ang isang perpektong tao kahit ano pa ang gawin ni Satanas. Ikalawa, naibigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos. Dahil sa kaniyang kamatayan, naging posible para sa mga di-perpektong tao na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, at nagbigay ito sa kanila ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Ikatlo, napatunayan ni Jesus na si Jehova ay isang matuwid na tagapamahala at nalinis niya ang pangalan ng kaniyang Ama. Mamuhay sana tayo bawat araw na para bang iyon na ang huling pagkakataon natin na manatiling tapat! Para kung mapaharap man tayo sa kamatayan, masasabi natin, “Jehova, nagawa ko nang lahat ang magagawa ko para makapanatiling tapat, para mapatunayang sinungaling si Satanas, at para maipagbangong-puri ang iyong pangalan at soberanya!” w21.04 12 ¶13-14
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 15) Mateo 27:62-66 (Mga pangyayari pagkalubog ng araw: Nisan 16) Mateo 28:2-4
Biyernes, Abril 7
Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.—Mat. 17:5.
Matapos akusahan at hatulang guilty sa isang krimen na hindi niya naman ginawa, si Jesus ay tinuya, pinahirapan, at ipinako sa tulos. Bumaon ang mga pako sa mga kamay at paa niya. Sa tuwing hihinga siya at magsasalita, damang-dama niya ang sakit. Pero dapat siyang magsalita—mahalaga ang mga sasabihin niya. Mahahalagang aral ang matututuhan natin sa mga huling sinabi ni Jesus! Ipinapaalala nito sa atin na kailangan nating patawarin ang iba at magtiwalang papatawarin tayo ni Jehova. Laking pasasalamat natin na marami tayong kapatid sa kongregasyon na handang tumulong sa atin! Pero kapag nangailangan tayo ng tulong, dapat na tayo mismo ang unang lumapit sa kanila. Alam nating tutulungan tayo ni Jehova na matiis ang anumang pagsubok. At nakikita natin na mahalagang mamuhay bawat araw na para bang iyon na ang huling araw natin para patunayan ang ating katapatan at ipaubaya ang ating buhay kay Jehova. w21.04 8 ¶1; 13 ¶17
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Mateo 28:1, 5-15
Sabado, Abril 8
Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo. —Juan 17:3.
Magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Nang magtanong ang isang mayamang lalaki kung ano ang kailangan niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, sumagot si Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Mat. 19:16-21) Para sa ilang Judio na hindi naniniwalang siya ang Kristo, sinabi ni Jesus: ‘Ang mga tupa ko ay sumusunod sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 10:24-29) Nananampalataya tayo kay Jesus kapag sinusunod natin ang mga sinabi niya at tinutularan ang mga ginawa niya. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Mat. 7:14) Bago natin masundang mabuti ang mga yapak ni Jesus, dapat muna natin siyang “makilala.” Ito ay isang patuluyang proseso. Para patuloy natin siyang makilala, kailangan nating alamin ang kaniyang mga katangian, pag-iisip, at pamantayan. Gaano man tayo katagal na sa katotohanan, dapat tayong patuloy na magsikap na makilala si Jehova at ang Anak niya. w21.04 4 ¶9-10
Linggo, Abril 9
Dati akong mamumusong [at] mang-uusig.—1 Tim. 1:13.
Siguradong may mga pagkakataong nakokonsensiya si apostol Pablo kapag naiisip niya ang mga pagkakamaling nagawa niya noon. Hindi nga nakakapagtakang sinabi niyang siya ang “pinakamakasalanan”! (1 Tim. 1:15) Bago malaman ni Pablo ang katotohanan, pinag-usig niya ang mga Kristiyano sa iba’t ibang lunsod, ipinabilanggo niya ang ilan, at pumabor siya sa pagpatay sa iba. (Gawa 26:10, 11) Ano kaya ang pakiramdam ni Pablo kapag may nakilala siyang kabataang Kristiyano na may mga magulang na pinatay dahil sa kaniya? Pinagsisihan ni Pablo ang mga pagkakamali niya, pero alam niyang hindi na niya mababago ang nakaraan. Kumbinsido siyang namatay si Kristo para sa kaniya, at sinabi niya: “Dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.” (1 Cor. 15:3, 10) Ano ang aral para sa atin? Maging kumbinsido na namatay si Kristo para sa iyo para magkaroon ka ng malapít na kaugnayan kay Jehova. (Gawa 3:19) Ang mahalaga sa Diyos ay ang ginagawa natin ngayon at gagawin sa hinaharap, hindi ang mga pagkakamaling nagawa natin noon.—Isa. 1:18. w21.04 23 ¶11
Lunes, Abril 10
Tiyakin ninyo kung talagang galing ito sa Diyos, dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw sa sanlibutan.—1 Juan 4:1.
Hindi inaasahan ng maraming Judio noong panahon ni Jesus na kailangang mamatay ang Mesiyas, pero pansinin ang inihula sa Kasulatan: “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan at itinuring na isa sa mga makasalanan; dinala niya ang kasalanan ng maraming tao, at namagitan siya para sa mga makasalanan.” (Isa. 53:12) Kaya walang dahilan ang mga Judio na matisod noong patayin si Jesus bilang makasalanan. Sa ngayon, maiiwasan nating matisod kung aalamin natin ang buong katotohanan. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, binabalaan ni Jesus ang mga tagapakinig niya na may ‘magpaparatang ng kung ano-anong masasamang bagay’ sa kanila. (Mat. 5:11) Galing kay Satanas ang mga kasinungalingang iyon. Iniimpluwensiyahan niya ang mga mang-uusig na magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa mga umiibig sa katotohanan. (Apoc. 12:9, 10) Hindi natin dapat pakinggan ang mga kasinungalingang iyon. Huwag na huwag nating hahayaang matakot tayo o humina ang ating pananampalataya dahil sa mga iyon. w21.05 11 ¶14; 12 ¶16
Martes, Abril 11
Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya. —Mat. 10:31.
Tulungan ang Bible study mo na magtiwala kay Jehova. Tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na tutulungan sila ni Jehova dahil mahal Niya sila. (Mat. 10:19, 20, 29, 30) Ipaalala sa study mo na tutulungan din siya ni Jehova. Matutulungan mo siyang umasa kay Jehova kung magkasama ninyong ipapanalangin ang mga goal niya. “Madalas banggitin ng nagba-Bible study sa akin ang mga goal ko kapag nananalangin siya,” ang sabi ni Franciszek, na taga-Poland. “Nang makita ko kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ng nagba-Bible study sa akin, nagsimula na rin akong manalangin. Nadama kong tinutulungan ako ni Jehova kapag kailangan kong mag-day off sa bago kong trabaho para makadalo sa mga pulong at kombensiyon.” Talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga Bible study natin. Natutuwa siya sa ginagawang pagsisikap ng mga lingkod niya para tulungan ang mga tao na mapalapít sa kaniya, at mahal na mahal niya sila dahil dito. (Isa. 52:7) Kung wala kang Bible study ngayon, makakatulong ka pa rin sa mga Bible study na sumulong at mabautismuhan kung sasamahan mo sa pagba-Bible study ang ibang mga kapatid. w21.06 7 ¶17-18
Miyerkules, Abril 12
Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi. —Awit 1:2.
Maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang Salita ng Diyos kung regular natin itong babasahin. Dapat tayong gumawa ng iskedyul kung kailan tayo magbabasa at mag-aaral ng Bibliya, at hindi kung kailan lang tayo may panahon. Kung may sinusunod tayong regular na iskedyul sa pag-aaral, patuloy nating mapapatibay ang pananampalataya natin. Di-gaya ng “marurunong at matatalino” sa mundong ito, may matibay tayong pananampalataya na nakabatay sa Salita ng Diyos. (Mat. 11:25, 26) Dahil sa pag-aaral natin ng Bibliya, alam natin kung bakit patuloy na lumalala ang mga kalagayan sa lupa at kung ano ang gagawin ni Jehova dito. Kaya maging determinado tayo na patibayin ang pananampalataya natin at tulungan ang mas maraming tao na manampalataya sa ating Maylalang. (1 Tim. 2:3, 4) At patuloy nating hintayin ang panahon kung kailan sasabihin ng lahat ng nabubuhay sa lupa ang pananalita sa Apocalipsis 4:11: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian . . . dahil nilalang mo ang lahat ng bagay.” w21.08 19 ¶18-20
Huwebes, Abril 13
Magmahalan kayo bilang magkakapatid at maging magiliw sa isa’t isa.—Roma 12:10.
Bilang mga pastol, may pananagutan ang mga elder na magpayo kung kinakailangan. Dapat silang magsikap na magpayo nang praktikal, nakakapagpatibay, at “nagpapasaya sa puso.” (Kaw. 27:9) Mahal ng mga elder ang mga kapatid. Kaya pinapayuhan nila kung minsan ang isang kapatid na nakikita nilang nanganganib na magkasala. (Gal. 6:1) Pero bago iyon gawin ng isang elder, baka kailangan niya munang pag-isipan ang mga binanggit ni apostol Pablo tungkol sa pag-ibig. “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. . . . Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay.” (1 Cor. 13:4, 7) Dapat pag-isipang mabuti ng isang elder ang mga tekstong ito. Makakatulong iyon para makita niya kung pag-ibig ang motibo niya sa pagpapayo. Kapag nararamdaman kasi ng pinapayuhan na nagmamalasakit ang elder, mas malamang na tanggapin niya ang payo. w22.02 14 ¶3; 15 ¶5
Biyernes, Abril 14
Nagrebelde sila at pinighati ang banal na espiritu niya. —Isa. 63:10.
Perpekto ang pagkakalalang ni Jehova sa mga anghel at sa mga tao. Pero ang perpektong mga tao na sina Adan at Eva ay itinalikod kay Jehova ng rebeldeng anghel na si Satanas (ibig sabihin, “Kalaban,” o “Mananalansang”). Nagrebelde rin ang ibang mga anghel at tao kay Jehova. (Jud. 6) Natural lang na masaktan si Jehova. Pero nagtiis siya, at patuloy na magtitiis hanggang sa dumating ang panahon na pupuksain na niya ang lahat ng rebelde. Laking ginhawa nito para sa mga tapat na lingkod niya na nagtitiis gaya niya sa masamang sistemang ito! Inakusahan ni Satanas ang tapat na lingkod ni Jehova na si Job, at parang sinasabi niya na ang lahat ng tapat na mananamba ni Jehova ay naglilingkod lang sa Diyos dahil pinagpapala niya sila. (Job 1:8-11; 2:3-5) Inaakusahan pa rin ng Diyablo ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon. (Apoc. 12:10) Mapapatunayan nating sinungaling si Satanas kung magtitiis tayo kapag may mga problema at mananatiling tapat kay Jehova dahil mahal natin Siya. w21.07 9 ¶7-8
Sabado, Abril 15
Alisin ninyo sa paningin ko ang masasama ninyong gawain; tigilan na ninyo ang paggawa ng masama.—Isa. 1:16.
Gumamit si apostol Pablo ng isang ilustrasyon para ituro sa atin na napakahalagang gumawa ng pagbabago. Isinulat niya na dapat nating ipako sa “tulos” ang ating lumang personalidad. (Roma 6:6) Handa si Jesus na maipako sa tulos para mapasaya si Jehova. Kung gusto rin nating mapasaya si Jehova, dapat na handa nating alisin ang mga ugali at gawain na kinapopootan niya. Dapat nating gawin ang mga iyan para magkaroon tayo ng malinis na konsensiya at ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Juan 17:3; 1 Ped. 3:21) Hindi babaguhin ni Jehova ang mga pamantayan niya para sa atin. Tayo ang kailangang magbago at sumunod sa mga pamantayan niya. (Isa. 1:17, 18; 55:9) Kahit bautisado ka na, kailangan mo pa ring patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa. Manalangin para sa tulong ni Jehova, at umasa ka sa espiritu niya, hindi sa sarili mong lakas. (Gal. 5:22; Fil. 4:6) Dapat tayong magsikap nang husto kung gusto nating hubarin ang lumang personalidad natin at hindi na ito maisuot pa. w22.03 6 ¶15-17
Linggo, Abril 16
Aalalayan ka [ni Jehova]. —Awit 55:22.
Ipinapangako ni Jehova na maglalaan siya sa atin ng pagkain, damit, at tirahan kung uunahin natin ang kaniyang Kaharian at susundin ang mga utos niya. (Mat. 6:33) Kaya hindi natin dapat isipin na ang materyal na mga bagay na iniaalok ng sanlibutang ito ang tunay na magpapasaya sa atin at magbibigay ng seguridad. Alam natin na magiging panatag lang tayo kung gagawin natin ang kalooban ni Jehova. (Fil. 4:6, 7) At kahit kaya nating bumili ng maraming materyal na bagay, dapat muna nating isipin kung talagang may panahon at lakas tayo para magamit o maasikaso ang mga iyon. Masyado na bang napapamahal sa atin ang mga ari-arian natin? Tandaan na may ipinapagawa ang Diyos sa mga miyembro ng pamilya niya. Kaya hindi dapat mawala ang pokus natin. Siguradong ayaw nating maging gaya ng lalaki na tinanggihan ang pagkakataon na paglingkuran si Jehova at maampon bilang isa sa mga anak ng Diyos dahil lang sa hindi niya maiwan-iwan ang kaunting pag-aari niya dito sa lupa!—Mar. 10:17-22. w21.08 6 ¶17
Lunes, Abril 17
Ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat. —1 Ped. 3:15.
Habang pinag-aaralan mo ang Kasulatan, may mapapansin kang mga katangian na makikita rin sa mga nilalang. Ang mga katangiang iyon ay malinaw na katangian ng isang totoong Persona at hindi basta imahinasyon lang. (Ex. 34:6, 7; Awit 145:8, 9) Habang nakikilala mo si Jehova, titibay ang pananampalataya mo sa kaniya, lalalim ang pag-ibig mo sa kaniya, at magiging mas malapít kayong magkaibigan. Sabihin sa iba ang paniniwala mo sa Diyos. Paano kung may magtanong sa iyo kung talaga bang may Diyos at hindi ka sigurado kung paano mo sasagutin iyon? Maghanap ng paliwanag na batay sa Bibliya sa isa sa mga publikasyon natin. Puwede ka ring magpatulong sa isang makaranasang kapatid. Tanggapin man o hindi ng kausap mo ang sagot ng Bibliya, makikinabang ka pa rin sa pagre-research mo. Titibay ang pananampalataya mo. w21.08 18 ¶14-15
Martes, Abril 18
Hindi . . . ako nag-atubiling sabihin sa inyo. —Gawa 20:20.
Hindi naman natin kailangang isakripisyo ang lahat para mapasaya si Jehova. (Ecles. 5:19, 20) Pero kung hindi tayo magpapalawak ng paglilingkod sa Diyos dahil lang sa ayaw nating magsakripisyo, baka magaya natin ang pagkakamali ng lalaki sa ilustrasyon ni Jesus na mas pinili ang komportableng buhay kaysa sa Diyos. (Luc. 12:16-21) Kapag may mga hamon, nananalangin tayo at ginagamit natin ang ating kakayahang mag-isip para makapagplano ng gagawin natin. (Kaw. 3:21) Pinagpapala tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Naipapakita nating ipinagpapasalamat natin ang mga pagpapalang iyon kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para mapapurihan siya. (Heb. 13:15) Kasama na rito ang pagpapalawak ng ating ministeryo, na magbibigay sa atin ng higit pang pagpapala. Araw-araw, gumawa ng paraan para ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’ (Awit 34:8; tlb.) Kapag ginawa natin iyan, magiging gaya tayo ni Jesus, na nagsabi: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.”—Juan 4:34. w21.08 30-31 ¶16-19
Miyerkules, Abril 19
Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak, at ang kayabangan ay humahantong sa pagkadapa. —Kaw. 16:18.
Gusto ni Satanas na maging ma-pride tayo. Alam niya na kung hahayaan nating mangyari iyon, matutulad tayo sa kaniya at maiwawala natin ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Kaya naman, nagbabala si apostol Pablo na baka ‘magmalaki ang isang tao at tumanggap siya ng hatol na katulad ng sa Diyablo.’ (1 Tim. 3:6, 7) Puwedeng mangyari iyan sa kahit sino sa atin, baguhan man tayo o matagal nang naglilingkod kay Jehova. Makasarili ang mga taong ma-pride. Gusto ni Satanas na magpokus tayo sa sarili natin imbes na kay Jehova, lalo na kapag may problema tayo. Halimbawa, pinagbintangan ka ba? O tinrato nang di-patas? Matutuwa si Satanas kung sisisihin mo si Jehova o ang mga kapatid mo. At gusto ng Diyablo na isipin mong malulutas mo ito sa sarili mong paraan nang walang patnubay ng Salita ni Jehova.—Ecles. 7:16, 20. w21.06 15 ¶4-5
Huwebes, Abril 20
“Magpakalakas kayo, lahat kayong mamamayan ng lupain,” ang sabi ni Jehova, “at kumilos kayo. Dahil ako ay sumasainyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.—Hag. 2:4.
Tumanggap si propeta Hagai ng mahalagang atas mula kay Jehova. Malamang na isa si Hagai sa mga bumalik sa Jerusalem noong 537 B.C.E. mula sa pagkabihag sa Babilonya. Pagkarating sa Jerusalem, agad na inilatag ng tapat na mga mananambang iyon ang pundasyon ng bahay, o templo, ni Jehova. (Ezra 3:8, 10) Pero di-nagtagal, pinanghinaan sila ng loob at tumigil sa pagtatayong muli dahil sa mga kumokontra sa proyekto. (Ezra 4:4; Hag. 1:1, 2) Kaya noong 520 B.C.E., inatasan ni Jehova si Hagai na tulungan silang maging masigasig ulit at tapusin ang templo. (Ezra 6:14, 15) Ang mensahe ni Hagai ay magpapatibay ng pananampalataya ng mga Judiong nasisiraan ng loob. Tiyak na nakapagpatibay sa kanila noon ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo.” Napakarami ng mandirigmang anghel ni Jehova. Kaya para magtagumpay, kailangan lang ng mga Judio na magtiwala sa kaniya. w21.09 15 ¶4-5
Biyernes, Abril 21
Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko. —Juan 13:34, 35.
Sa ngayon, nagkakaisa ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Naiiba tayo sa lahat ng iba pang relihiyon kasi para tayong isang pamilya kahit na magkakaiba tayo ng lahi at kultura. Talagang mahal na mahal natin ang isa’t isa, at kitang-kita iyan sa ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Dahil diyan, lalo tayong nagiging kumbinsido na ang paraan ng pagsamba natin ay ang paraan ng pagsamba na gusto ni Jehova. (Juan 13:34) Sinasabi ng Kasulatan na dapat tayong ‘magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.’ (1 Ped. 4:8) Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan kung papatawarin natin ang isa’t isa at pagtitiisan ang mga kahinaan ng iba. Sinisikap din natin na laging maging mapagpatuloy at mapagbigay sa lahat ng kapatid, kahit sa mga nakasakit sa atin. (Col. 3:12-14) Kapag nagpapakita tayo ng masidhing pag-ibig, napapatunayan natin na tayo ay tunay na mga Kristiyano. w21.10 22 ¶13-14
Sabado, Abril 22
Kung mahal ng magulang ang anak niya, tinitiyak niyang madisiplina ito. —Kaw. 13:24.
Makakatulong ba ang pagtitiwalag para magbago ang isang di-nagsisising nagkasala? Oo. Nakita ng maraming nagkasala na ang ginawa ng mga elder ay nakatulong sa kanila na matauhan, magbago, at manumbalik kay Jehova. (Heb. 12:5, 6) Tingnan ang ilustrasyong ito. Napansin ng isang pastol na may sakit ang isa sa mga tupa niya. Alam niya na para magamot ang sakit nito, kailangan itong ihiwalay sa kawan. Pero laging magkakasama ang mga tupa at baka mahirapan sila kapag napahiwalay sila sa iba. Kung gagawin ito ng pastol, ibig bang sabihin nito na malupit siya o walang awa? Siyempre hindi. Alam niya na puwedeng mahawa ang ibang tupa. Kaya kung ihihiwalay niya ang may-sakit na tupa, mapoprotektahan ang buong kawan. w21.10 10 ¶9-10
Linggo, Abril 23
Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama na nasa langit. —Mat. 5:16.
Napakalaking pribilehiyo na magkaroon ng mapagmahal na mga kapatid sa buong mundo. Gusto natin na mas marami pa ang makasama natin sa pagsamba sa ating Diyos. Kaya ayaw nating may magawa na makakasira sa reputasyon ng bayan ni Jehova o ng ating Ama sa langit. Sinisikap natin na kumilos nang tama para makinig ang mga tao sa mabuting balita. Kung minsan, baka insultuhin tayo o pag-usigin pa nga dahil sinusunod natin ang ating Ama sa langit. Paano kung natatakot tayong sabihin sa iba ang mga paniniwala natin? Makakaasa tayo na tutulungan tayo ni Jehova at ng kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na hindi sila dapat mag-alala kung ano ang sasabihin nila at kung paano nila iyon sasabihin. Bakit? “Dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon,” ang sabi ni Jesus, “ang magsasalita ay hindi lang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”—Mat. 10:19, 20. w21.09 24 ¶17-18
Lunes, Abril 24
Sasabihin ko kay Jehova: “Ikaw ang aking kanlungan at moog.”—Awit 91:2.
Ginamit ni Moises ang salitang kanlungan para ilarawan ang proteksiyon ni Jehova. (Awit 90:1, tlb.) At bago mamatay si Moises, isinulat niya: “Ang Diyos ay kanlungan mula pa nang unang panahon, nakasuporta sa iyo ang walang-hanggang mga bisig niya.” (Deut. 33:27) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova sa pananalitang “nakasuporta sa iyo ang walang-hanggang mga bisig niya”? Kapag si Jehova ang ating Kanlungan, panatag tayo. Pero baka pinanghihinaan pa rin tayo ng loob kung minsan. Kapag naramdaman natin iyon, ano ang gagawin ni Jehova para sa atin? (Awit 136:23) Susuportahan niya tayo ng bisig niya, aalalayan niya tayo, at tutulungan niya tayong makayanan ang mga problema. (Awit 28:9; 94:18) Dahil alam natin na lagi tayong sinusuportahan ng Diyos, makakatulong iyon para maalala natin na pinagpapala niya tayo sa dalawang paraan. Una, nasaan man tayo, sigurado tayo na poprotektahan tayo ni Jehova. Ikalawa, talagang nagmamalasakit sa atin ang ating mapagmahal na Ama sa langit. w21.11 6 ¶15-16
Martes, Abril 25
Kailangan ninyong dumanas ng iba’t ibang pagsubok. —1 Ped. 1:6.
Alam ni Jesus na daranas ng kawalang-katarungan ang mga alagad niya at masusubok ang pananampalataya nila. Para makayanan ito, nagbigay siya ng isang ilustrasyon na makikita sa aklat ng Lucas. Tungkol ito sa isang biyuda na paulit-ulit na humihingi ng katarungan sa isang di-matuwid na hukom. Nagtitiwala siya na kung pursigido siya, pagbibigyan siya ng hukom. Nang bandang huli, pinagbigyan nga siya. Ang aral? Si Jehova ay hindi katulad ng di-matuwid na hukom. Makatarungan siya. Kaya sinabi ni Jesus: “Kung gayon, hindi ba sisiguraduhin din ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang mga pinili niya na dumaraing sa kaniya araw at gabi?” (Luc. 18:1-8) Sinabi pa ni Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang makikita niya ang ganitong pananampalataya sa lupa?” Kapag dumaranas tayo ng kawalang-katarungan, kailangan nating maging matiisin at matiyaga para ipakitang matibay ang pananampalataya natin gaya ng sa biyuda. Kapag ganiyan ang pananampalataya natin, makakapagtiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova. Tandaan din na napakamakapangyarihan ng panalangin. w21.11 23 ¶12; 24 ¶14
Miyerkules, Abril 26
Paano mapananatiling malinis ng isang kabataan ang landas niya? Dapat na lagi niyang sundin ang iyong salita.—Awit 119:9.
Mga kabataan, nasasakal ba kayo minsan sa mga pamantayan ni Jehova? Iyan ang gusto ni Satanas na maramdaman ninyo. Gusto niyang ma-enjoy ninyo ang nararanasan ng mga lumalakad sa malapad na daan. Gusto niyang isipin ninyo na boring ang inyong buhay di-gaya ng mga kaeskuwela ninyo o ng mga tao sa Internet. Gusto ni Satanas na isipin ninyo na hindi kayo magiging masaya kapag sinunod ninyo ang mga pamantayan ni Jehova. Tandaan: Ayaw ni Satanas na makita ng mga lumalakad sa daan niya kung ano ang dulo nito. (Mat. 7:13, 14) Pero gusto ni Jehova na makita ninyo ang magandang kinabukasang naghihintay sa inyo kapag nanatili kayo sa daan papunta sa buhay.—Awit 37:29; Isa. 35:5, 6; 65:21-23. w21.12 23 ¶6-7
Huwebes, Abril 27
[Patawarin] mula sa puso ang inyong kapatid.—Mat. 18:35.
Alam natin na dapat tayong magpatawad at iyon ang tamang gawin. Pero baka nahihirapan pa rin tayong gawin iyon. Malamang na may mga pagkakataong naramdaman din iyan ni apostol Pedro. (Mat. 18:21, 22) Ano ang makakatulong sa atin? Una, isipin na pinapatawad tayo ni Jehova kahit gaano kalaki ang utang, o kasalanan, natin sa kaniya. (Mat. 18:32, 33) Hindi tayo karapat-dapat sa kapatawaran niya, pero pinapatawad pa rin niya tayo. (Awit 103:8-10) Isa pa, “pananagutan din nating ibigin ang isa’t isa.” Kaya hindi opsiyonal ang pagpapatawad. Dapat talaga nating patawarin ang mga kapatid natin. (1 Juan 4:11) Ikalawa, isipin ang resulta kung magpapatawad tayo. Matutulungan natin ang nakagawa ng pagkakamali sa atin, mapapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon, maiingatan natin ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova, at mawawala ang bigat ng nararamdaman natin. (2 Cor. 2:7; Col. 3:14) Panghuli, manalangin tayo sa Isa na nagsasabing magpatawad tayo. Huwag nating hayaan si Satanas na sirain ang mapayapang kaugnayan natin sa mga kapatid. (Efe. 4:26, 27) Kailangan natin ang tulong ni Jehova para hindi tayo mabitag ni Satanas. w21.06 22 ¶11; 23 ¶14
Biyernes, Abril 28
Ikaw ang magiging hari sa Israel.—1 Sam. 23:17.
Tumatakas si David kasi pursigido si Saul, ang makapangyarihang hari ng Israel, na patayin siya. Nang mangailangan ng pagkain si David, pumunta siya sa lunsod ng Nob para humingi ng limang tinapay. (1 Sam. 21:1, 3) Pagkatapos, nagtago siya at ang mga tauhan niya sa isang kuweba. (1 Sam. 22:1) Paano napunta si David sa ganitong sitwasyon? Inggit na inggit si Saul kay David kasi mahal siya ng mga tao at marami siyang naipanalong labanan. Alam din ni Saul na itinakwil siya ni Jehova bilang hari ng Israel dahil sa pagsuway niya at na si David ang pinili ni Jehova na pumalit sa kaniya. (1 Sam. 23:16, 17) Pero hari pa rin si Saul noong panahong iyon. Malaki ang hukbo niya at marami siyang tagasuporta kaya kinailangang tumakas ni David para maligtas. Inisip kaya ni Saul na kaya niya talagang pigilan ang Diyos na gawing hari si David? (Isa. 55:11) Walang sinasabi ang Bibliya, pero isang bagay ang tiyak: Isinapanganib ni Saul ang sarili niya. Lahat ng lumalaban sa Diyos ay hindi magtatagumpay! w22.01 2 ¶1-2
Sabado, Abril 29
Isang gabi, pumunta [si Nicodemo] kay Jesus. —Juan 3:1, 2.
Naging matiyaga si Jesus sa ministeryo. Ipinakita niya na mahal niya ang mga tao nang patuloy niya silang turuan sa lahat ng pagkakataon. (Luc. 19:47, 48) Bakit niya ginawa iyon? Naawa kasi si Jesus sa mga tao. May mga pagkakataon na dahil maraming gustong makinig kay Jesus, siya at ang mga alagad niya ay “hindi man lang . . . makakain.” (Mar. 3:20) At nang may isang lalaki na gustong makipag-usap kay Jesus kahit gabi na, nakipag-usap siya. Marami sa mga nakinig kay Jesus ang hindi naman naging alagad niya. Pero lahat sila ay nabigyan ng pagkakataon na marinig ang mabuting balita. Sa ngayon, ganiyan din ang gusto natin para sa lahat. (Gawa 10:42) Para magawa iyan, baka kailangan nating i-adjust ang paraan ng pangangaral natin. Imbes na mangaral lang sa oras na kumbinyente sa atin, dapat na handa tayong i-adjust ang iskedyul ng pangangaral natin sa oras na mas malamang na marami tayong makakausap. Kapag ginawa natin iyan, siguradong mapapasaya natin si Jehova. w22.01 17 ¶13-14
Linggo, Abril 30
Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito. —Ecles. 8:9.
Marami sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa mga nasa awtoridad. Nakikita kasi nila na karaniwan nang mas pinapaboran ng gobyerno at ng batas ang mayayaman at kilala sa lipunan kaysa sa mahihirap. May ilan ding lider ng relihiyon na gumagawa ng masama. Dahil diyan, nawawalan tuloy ng tiwala sa Diyos ang ilang tao. Kaya kapag may nagpapa-Bible study sa atin, kailangan natin siyang tulungan na magtiwala kay Jehova at sa Kaniyang mga inatasan dito sa lupa. Siyempre, hindi lang mga Bible study ang kailangang magtiwala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova, dapat pa rin tayong magtiwala na ang lahat ng ginagawa ni Jehova ang pinakamabuti. Kung minsan, may mga sitwasyon na susubok sa tiwala natin kay Jehova. w22.02 2 ¶1-2