Mayo
Lunes, Mayo 1
Isipin ninyong mabuti ang isa na nagtiis.—Heb. 12:3.
Para makilala natin ang Anak niya, maibiging ipinasulat ni Jehova sa Salita niya ang apat na Ebanghelyo. Mababasa natin sa mga ito ang buhay at ministeryo ni Jesus. Makikita rin natin dito ang mga sinabi niya, ginawa, at naramdaman. Tutulungan tayo ng apat na aklat na ito na ‘isiping mabuti’ ang halimbawa ni Jesus. Kaya masasabing naglalaman ang mga ito ng mga bakas ng yapak ni Jesus. Kung susuriin natin ang mga Ebanghelyo, patuloy nating makikilala si Jesus at masusundang mabuti ang mga yapak niya. Para lubusang makinabang sa mga Ebanghelyo, hindi lang natin basta babasahin ang mga ito. Kailangan nating maglaan ng panahon para pag-aralang mabuti at bulay-bulayin ang mga ito. (Ihambing ang Josue 1:8, talababa.) Gawing buhay na buhay ang mga ulat ng Ebanghelyo. Gamitin ang imahinasyon mo para makita, marinig, at madama ang mga nangyayari. Mag-research sa mga publikasyong inilaan ng organisasyon ni Jehova. w21.04 4-5 ¶11-13
Martes, Mayo 2
Ipinangangaral natin si Kristo na ipinako sa tulos, na isang katitisuran para sa mga Judio.—1 Cor. 1:23.
Daan-daang taon bago bumaba si Jesus sa lupa, isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita na tatraidurin ang Mesiyas sa halagang 30 pirasong pilak. (Zac. 11:12, 13) Isa sa malalapít na kaibigan ni Jesus ang magtatraidor sa kaniya. (Awit 41:9) Isinulat din ni propeta Zacarias: “Saktan mo ang pastol, at hayaang mangalat ang kawan.” (Zac. 13:7) Sa halip na matisod sa mga pangyayaring ito, mapapalakas pa nga ang mga tapat-puso dahil nakikita nilang natutupad kay Jesus ang mga hulang ito. Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Sa panahon natin, may ilang kilaláng Saksi na umiwan sa katotohanan at naging apostata, at tinangka nilang italikod ang iba. Nagkakalat sila ng mga negatibong balita, mapandayang kuwento, at kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova gamit ang media at Internet. Pero hindi natitisod ang mga tapat-puso. Alam nilang inihula sa Bibliya na mangyayari ang mga iyon.—Mat. 24:24; 2 Ped. 2:18-22. w21.05 11 ¶12; 12-13 ¶18-19
Miyerkules, Mayo 3
Ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat. —Kaw. 4:18.
Malinaw na sinasabi sa Kasulatan na lalago ang tumpak na kaalaman sa paglipas ng panahon. (Col. 1:9, 10) Unti-unti ang pagsisiwalat ni Jehova sa katotohanan, kaya dapat na matiyaga tayong maghintay hanggang sa lumiwanag nang lumiwanag ang katotohanan. Kapag nakita ng Lupong Tagapamahala na kailangang baguhin ang pagkaunawa sa isang bagay, ginagawa nila agad ang mga kinakailangang pagbabago. Maraming relihiyon sa ngayon ang gumagawa ng pagbabago sa mga turo nila para mapasaya ang mga miyembro nila o para dumami sila, pero ang mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova ay ginagawa para mas mapalapít tayo sa Diyos at para lalo pang matularan ang paraan ng pagsambang ipinakita ni Jesus. (Sant. 4:4) Gumagawa tayo ng mga pagbabago, hindi para sundan ang gusto ng karamihan, kundi dahil mas nauunawaan na natin ang Bibliya. Ganiyan natin kamahal ang katotohanan!—1 Tes. 2:3, 4. w21.10 22 ¶12
Huwebes, Mayo 4
[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín. —1 Ped. 5:7.
Ano ang puwede mong gawin kung pakiramdam mo ay nag-iisa ka? Magpokus kung paano ka sinusuportahan ni Jehova. (Awit 55:22) Makakatulong ito para hindi mo maramdamang nag-iisa ka. Pag-isipan din kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga kapatid na nalulungkot. (1 Ped. 5:9, 10) Sinabi ni Hiroshi, isang brother na nag-iisang Saksi sa pamilya sa loob ng maraming taon: “Lahat naman ng kapatid, may problema. Pero ginagawa pa rin ng bawat isa ang buong makakaya nila para paglingkuran si Jehova. At nakakapagpatibay iyon para sa mga katulad ko na nag-iisang Saksi sa pamilya.” Magkaroon din ng mahusay na espirituwal na rutin. Kasama rito ang pagsasabi kay Jehova ng talagang nararamdaman mo. Mahalagang regular na basahin ang Salita ng Diyos, at bulay-bulayin ang mga ulat na nagpapakitang mahal ka ni Jehova. Nagsasaulo ang ilan ng nakakapagpatibay na mga teksto, gaya ng Awit 27:10 at Isaias 41:10. Para hindi masyadong malungkot ang iba, nakikinig naman sila sa mga audio recording kapag naghahanda ng mga pag-aaralan sa pulong o kapag nagbabasa ng Bibliya. w21.06 9-10 ¶5-8
Biyernes, Mayo 5
Hindi ka matatakot sa biglaang sakuna.—Kaw. 3:25.
Sobra ka bang nalulungkot dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Basahin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli para tumibay ang pananampalataya mo sa pag-asang ito. Nalulungkot ka ba dahil natiwalag ang isang kapamilya mo? Mag-aral para maintindihan mo na laging tama ang paraan ng pagdidisiplina ng Diyos. Anuman ang problema mo ngayon, ituring mo itong pagkakataon para patibayin ang pananampalataya mo. Sabihin mo kay Jehova ang eksaktong nararamdaman mo. Huwag mong ibukod ang sarili mo. Manatili kang malapít sa mga kapatid. (Kaw. 18:1) Makibahagi sa mga gawaing tutulong sa iyo na makapagtiis, kahit naiiyak ka pa dahil sa kalungkutan. (Awit 126:5, 6) Regular ka pa ring dumalo sa mga pulong, makibahagi sa paglilingkod sa larangan, at magbasa ng Bibliya. Magpokus sa mga pagpapalang ibibigay sa iyo ni Jehova sa hinaharap. Kapag nakikita mo kung paano ka tinutulungan ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya mo. w21.11 23 ¶11; 24 ¶17
Sabado, Mayo 6
Sa katulad na paraan, hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.—Mat. 18:14.
Bakit maituturing na “maliliit” ang mga alagad ni Jesus? Kung iisipin, sino ba ang mahalaga sa sanlibutan? Ang mayayaman, sikat, at maiimpluwensiya. Kadalasan nang hindi ganiyan ang mga alagad ni Jesus. Kaya para sa sanlibutan, hamak lang sila at hindi mahalaga. (1 Cor. 1:26-29) Pero iba ang tingin ni Jehova sa kanila. Bakit binanggit ni Jesus ang tungkol sa “maliliit na ito”? Tinanong siya ng mga alagad niya: “Sino talaga ang pinakadakila sa Kaharian ng langit?” (Mat. 18:1) Noon, napakahalaga ng posisyon para sa maraming Judio. Sinabi ng isang iskolar: “Ang mga tao ay handang magbuwis ng buhay alang-alang sa karangalan, reputasyon, popularidad, at sa paghanga at paggalang ng iba.” Karaniwan nang gusto ng mga Judio noon na maging nakatataas sa iba. Kaya alam ni Jesus na kailangang magsikap ng mga alagad niya para mabago ang kaisipang iyon. w21.06 20 ¶2; 21 ¶6, 8-9
Linggo, Mayo 7
Ang langis at insenso ay nagpapasaya sa puso; gayon din ang pagkakaibigang pinapatibay ng taimtim na pagpapayo.—Kaw. 27:9.
Nagpakita ng magandang halimbawa si apostol Pablo para sa mga elder. Pinayuhan niya ang mga kapatid sa Tesalonica noong kailangan nila ito. Pero sa mga liham niya sa kanila, binanggit muna ni Pablo ang pananampalataya nila, pag-ibig, at pagtitiis. Naging makonsiderasyon din siya sa kalagayan nila. Sinabi niya sa kanila na alam niyang hindi madali ang buhay nila dahil sa pag-uusig at mga problema. (1 Tes. 1:3; 2 Tes. 1:4) Sinabi pa nga niya sa kanila na magandang halimbawa sila sa ibang mga Kristiyano. (1 Tes. 1:8, 9) Tiyak na natuwa sila sa mga komendasyon ni Pablo! Kitang-kita na talagang mahal ni Pablo ang mga kapatid. Kaya pinakinggan at tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang payo sa dalawang liham niya.—1 Tes. 4:1, 3-5, 11; 2 Tes. 3:11, 12. w22.02 15 ¶6
Lunes, Mayo 8
Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan.—Apoc. 21:4.
Ginagamit ni Satanas ang mga lider ng relihiyon para palabasin na malupit si Jehova at na siya ang may kagagawan sa pagdurusa ng tao. Kapag may namatay na bata, sinasabi pa nga ng ilan na kinuha siya ng Diyos dahil kailangan pa ng Diyos ng anghel sa langit. Kasinungalingan iyon! Alam natin ang totoo. Kaya magkasakit man tayo nang malubha o mamatayan ng mahal sa buhay, hindi natin sinisisi ang Diyos. Naniniwala tayo na sa hinaharap, aayusin niya ang mga bagay-bagay. Sabihin natin sa lahat ng makikinig na napakamapagmahal ng Diyos na Jehova para may maisagot siya sa tumutuya sa kaniya. (Kaw. 27:11) Mapagmalasakit na Diyos si Jehova. Ayaw niya na nakikitang nagdurusa tayo dahil sa pag-uusig, sakit, o pagiging hindi perpekto. (Awit 22:23, 24) Nasasaktan si Jehova kapag nasasaktan tayo. Gusto niya na alisin ang nagpapahirap sa atin at talagang gagawin niya iyon.—Ihambing ang Exodo 3:7, 8; Isaias 63:9. w21.07 9-10 ¶9-10
Martes, Mayo 9
Kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.—Awit 8:5.
Malapit nang tanggapin ng masunuring mga tao ang pinakamalaking karangalan—ang pribilehiyo na mahalin at sambahin si Jehova magpakailanman! Aalisin ni Jesus ang lahat ng naging resulta ng pagtalikod nina Adan at Eva sa pamilya ng Diyos. Bubuhaying muli ni Jehova ang milyon-milyon at bibigyan sila ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman nang may perpektong kalusugan sa Paraisong lupa. (Luc. 23:42, 43) Habang unti-unting nagiging perpekto ang pamilya ng mga mananamba ni Jehova sa lupa, unti-unti rin nilang maipapakita ang “kaluwalhatian at karangalan” na binanggit ni David. Kung kasama ka sa “malaking pulutong,” napakaganda ng pag-asa mo. (Apoc. 7:9) Mahal ka ng Diyos, at gusto niya na maging miyembro ka ng pamilya niya. Kaya gawin mo ang buong makakaya mo para mapasaya siya. Laging isipin ang mga pangako ni Jehova at mamuhay ayon dito. Pahalagahan ang pribilehiyo mo na sambahin ang ating Ama sa langit at ang pagkakataong purihin siya magpakailanman! w21.08 7 ¶18-19
Miyerkules, Mayo 10
Mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.—Gal. 6:9.
Si propeta Jeremias ay nangaral nang maraming taon kahit hindi nakikinig ang mga tao sa kaniya at may mga humahadlang. Dahil sa ‘pang-iinsulto at pang-aalipusta’ sa kaniya, nasiraan siya ng loob at naisip pa nga niyang tumigil na sa pangangaral. (Jer. 20:8, 9) Pero hindi sumuko si Jeremias! Ano ang nakatulong para manatili siyang positibo at maging masaya sa kaniyang ministeryo? Nagpokus siya sa dalawang mahalagang bagay. Una, ang mensaheng dala niya ay tungkol sa “magandang kinabukasan at pag-asa.” (Jer. 29:11) Ikalawa, pinili siya ni Jehova na maging tagapagsalita niya. (Jer. 15:16) Ang ipinapangaral natin ay nagbibigay rin ng pag-asa sa mga tao, at inatasan din tayo ni Jehova na maging mga Saksi niya. Kung magpopokus tayo sa mga ito, magiging masaya tayo kahit ano ang maging reaksiyon ng mga tao. Kaya huwag kang madismaya o sumuko kung medyo nababagalan ka sa pagsulong ng tinuturuan mo sa Bibliya. Kailangan ng tiyaga sa paggawa ng alagad.—Sant. 5:7, 8. w21.10 27 ¶12-13
Huwebes, Mayo 11
Alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.—Heb. 12:1.
Kahit gaano na tayo katagal na naglilingkod kay Jehova, dapat na patuloy nating patibayin ang pananampalataya natin sa kaniya. Bakit? Dahil puwede itong humina kung hindi tayo mag-iingat. Tandaan na ang pananampalataya ay nakabatay sa ebidensiya ng mga bagay na di-nakikita pero totoo. Madali nating nalilimutan ang mga hindi natin nakikita. Kaya sinabi ni Pablo na ang kawalan ng pananampalataya ay “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” Paano natin maiiwasan ang bitag na ito? (2 Tes. 1:3) Laging humingi ng banal na espiritu kay Jehova. Bakit? Dahil ang pananampalataya ay isang katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Hindi natin mapapanatiling matibay ang pananampalataya natin sa ating Maylalang kung wala ang tulong ng banal na espiritu niya. Kung patuloy tayong hihingi kay Jehova ng banal na espiritu, bibigyan niya tayo nito. (Luc. 11:13) Puwede nating espesipikong ipanalangin: “Palakasin mo ang pananampalataya namin.” (Luc. 17:5) Maging regular din sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Awit 1:2, 3. w21.08 18-19 ¶16-18
Biyernes, Mayo 12
Ang puting buhok ay korona ng kagandahan.—Kaw. 16:31.
Marami pang magagawa ang mga kapatid natin na may-edad na. Hindi man sila kasinlakas ng dati, marami naman silang naging karanasan sa nakalipas na mga taon. Magagamit pa rin sila ni Jehova sa iba’t ibang paraan. May mga halimbawa sa Bibliya ng mga tapat na naglingkod kay Jehova kahit may-edad na sila. Si Moises ay mga 80 na nang magsimula siyang maglingkod bilang propeta at kinatawan ni Jehova sa bansang Israel. Patuloy pa ring ginamit ni Jehova si propeta Daniel bilang tagapagsalita Niya kahit malamang na mahigit 90 na siya. At malamang na mahigit 90 na rin ang apostol na si Juan nang ipasulat sa kaniya ang aklat ng Apocalipsis. Kahit kaunti lang ang binanggit ng Bibliya tungkol sa “matuwid at may takot sa Diyos” na si Simeon, kilala siya ni Jehova at binigyan siya ng pribilehiyo na makita ang sanggol na si Jesus at humula tungkol sa bata at sa ina nito.—Luc. 2:22, 25-35. w21.09 3-4 ¶5-7
Sabado, Mayo 13
O Jehova, ang puso ko ay hindi mapagmataas; . . . hindi ako naghahangad ng mga bagay na napakadakila.—Awit 131:1.
Dapat iwasan ng mga magulang na ikumpara ang isang anak nila sa iba pa nilang anak o hilingan siya ng hindi niya kayang gawin. Kapag ginawa nila iyan, baka mainis o masiraan ng loob ang bata. (Efe. 6:4) Sinabi ng sister na si Sachiko: “Ayaw ni Nanay na may mali ako sa mga exam. Imposible naman ’yon! Matagal na akong nakapagtapos sa pag-aaral. Pero minsan, naiisip ko pa rin kung masaya ba si Jehova sa nagagawa ko kahit ibinibigay ko naman ang buong makakaya ko.” Sinabi ni Haring David na hindi siya ‘naghangad ng mga bagay na napakadakila’ o ng mga bagay na hindi niya kayang abutin. Dahil mapagpakumbaba siya, naging kontento siya at ‘payapa ang kalooban’ niya. (Awit 131:2) Ano ang matututuhan ng mga magulang sa sinabi ni David? Dapat silang maging mapagpakumbaba at isipin na hindi lang sila ang may limitasyon kundi pati ang anak nila. Dapat isaalang-alang ng magulang ang mga kaya at di-kayang gawin ng anak nila kapag tinutulungan nila siyang magtakda ng mga tunguhin. w21.07 21 ¶5-6
Linggo, Mayo 14
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
Ang bawat isa sa atin ay binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Ibig sabihin, puwede tayong magpasiya kung susundin natin siya o hindi. May ilang kabataan na ang mga magulang ay hindi naman nagpakita ng magandang halimbawa pero nagdesisyon silang paglingkuran si Jehova at manatiling tapat. May ilan naman na tinuruan ng kanilang mga magulang tungkol sa mga prinsipyo sa Bibliya pero iniwan nila ang katotohanan nang lumaki na sila. Kaya malinaw na ang bawat isa ang magpapasiya kung paglilingkuran niya si Jehova o hindi. (Jos. 24:15) Kaya para sa mga magulang na nalulungkot dahil sa pagkatiwalag ng inyong anak, huwag ninyong isipin na kasalanan ninyo ang nangyari! May pagkakataon naman na magulang ang natitiwalag at iniiwan pati na ang pamilya nila. (Awit 27:10) Matindi ang epekto nito sa mga anak lalo na kung ganoon na lang ang paggalang at paghanga nila sa magulang nila. Mga anak, nalulungkot kami na nasasaktan kayo dahil iniwan ng magulang ninyo ang katotohanan. Tandaan na alam ni Jehova ang pinagdadaanan ninyo. Mahal niya kayo at natutuwa siya na nananatili kayong tapat. Tandaan din na hindi kayo ang may kasalanan sa ginawa ng magulang ninyo. w21.09 27 ¶5-7
Lunes, Mayo 15
Dinidisiplina ni Jehova ang mga mahal niya.—Heb. 12:6.
Ang isang natiwalag ay parang may-sakit na tupa na puwedeng makahawa sa kawan. May sakit siya sa espirituwal. (Sant. 5:14) Dahil ang may sakit sa espirituwal ay puwedeng makahawa, kailangan siyang ihiwalay sa kongregasyon kung minsan. Ang disiplinang ito ay pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig sa tapat na mga kapatid sa kongregasyon, at baka makatulong ito sa nagkasala na matauhan at magsisi. Kahit tiwalag, makakadalo pa rin siya sa mga pulong kung saan makakakain siya at mapapatibay sa espirituwal. Makakakuha rin siya ng mga literatura na magagamit niya at makakapanood ng JW Broadcasting®. At kapag nakikita ng mga elder na ginagawa niya ang mga ito, puwede nila siyang payuhan paminsan-minsan ng mga dapat niyang gawin para maging malakas ulit sa espirituwal at maibalik bilang isang Saksi ni Jehova. w21.10 10 ¶9, 11
Martes, Mayo 16
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, “Panginoon, Panginoon,” ay papasok sa Kaharian ng langit.—Mat. 7:21.
Sa ngayon, tinutularan natin ang paraan ng pagsambang ipinakita ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Halimbawa, organisado tayo—mayroon tayong mga naglalakbay na tagapangasiwa, elder, at ministeryal na lingkod. (Fil. 1:1; Tito 1:5) Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, sinusunod natin ang mga batas ni Jehova pagdating sa sex at pag-aasawa, nirerespeto ang kabanalan ng dugo, at pinoprotektahan ang kongregasyon mula sa mga di-nagsisising nagkasala. (Gawa 15:28, 29; 1 Cor. 5:11-13; 6:9, 10; Heb. 13:4) Malinaw na binabanggit ng Bibliya na “iisang pananampalataya” lang ang sinasang-ayunan ng Diyos. (Efe. 4:4-6) Napakagandang pribilehiyo para sa atin na mapasama sa bayan ni Jehova at malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa mga layunin niya. Kaya patuloy sana tayong maging kumbinsido na nasa katotohanan tayo. w21.10 23 ¶15-17
Miyerkules, Mayo 17
Pumunta kayo sa inyong mga puwesto, manatili kayong nakatayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova sa inyo. —2 Cro. 20:17.
Nagkaroon ng malaking problema si Haring Jehosapat. Bumuo ng malaking hukbo ang mga Ammonita, Moabita, at mga lalaki mula sa mabundok na rehiyon ng Seir, at pinagbantaan si Jehosapat, ang pamilya niya, at ang bayan niya. (2 Cro. 20:1, 2) Ano ang ginawa ni Jehosapat? Humingi siya ng tulong at lakas kay Jehova. Makikita sa panalangin ni Jehosapat sa 2 Cronica 20:5-12 ang kapakumbabaan niya. Ipinapakita rin nito na ganoon na lang kalaki ang tiwala niya sa maibiging Ama niya sa langit. Ginamit ni Jehova ang Levitang si Jahaziel para kausapin si Jehosapat na sinasabi ang pananalita sa teksto sa araw na ito. Dahil nagtitiwala si Jehosapat sa Diyos, sinunod niya ang sinabi ni Jehova. Nang haharapin na nila ang mga kalaban, hindi niya inilagay sa unahan ang mahuhusay na sundalo kundi ang mga mang-aawit. Tinupad ni Jehova ang pangako niya kay Jehosapat. Tinalo Niya ang kalaban.—2 Cro. 20:18-23. w21.11 15-16 ¶6-7
Huwebes, Mayo 18
Dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova kaya hindi pa tayo nalilipol, dahil walang hanggan ang awa niya. —Panag. 3:22.
Kapag napapaharap sa pagsubok, makakatiyak tayo na susuportahan tayo ni Jehova para makapanatili tayong tapat. (2 Cor. 4:7-9) Makakapagtiwala tayo na patuloy na ipapakita ni Jehova ang tapat na pag-ibig niya sa atin. Tinitiyak sa atin ng salmista: “Ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 33:18-22) Bago tayo naging lingkod ni Jehova, tumanggap na tayo ng pag-ibig ng Diyos na ipinapakita niya sa lahat ng tao. Pero dahil naging mananamba tayo ni Jehova, nakikinabang din tayo sa tapat na pag-ibig niya. Dahil sa pag-ibig na ito, pinoprotektahan niya tayo. Lagi niya tayong tinutulungan na maging malapít sa kaniya at tutuparin niya ang lahat ng pangako niya sa atin. Gusto niya tayong maging kaibigan magpakailanman! (Awit 46:1, 2, 7) Kaya anumang pagsubok ang dumating, bibigyan niya tayo ng lakas para makapanatiling tapat sa kaniya. w21.11 7 ¶17-18
Biyernes, Mayo 19
Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.—Col. 3:13.
Halos lahat tayo ay may kakilala na nagkimkim ng sama ng loob sa isang katrabaho, kaeskuwela, kamag-anak, o kapamilya. Baka nga inabot pa ito ng ilang taon! Natatandaan natin na noong nagkimkim ng sama ng loob ang mga kapatid ni Jose sa kaniya, ginawan nila siya ng masama. (Gen. 37:2-8, 25-28) Pero hindi gumanti si Jose sa mga kapatid niya! Kahit noong nagkaroon siya ng awtoridad at puwede na niya sanang gawin iyon, nagpakita siya ng awa sa kanila. Imbes na magkimkim ng sama ng loob, ginawa niya ang payo sa Levitico 19:18. (Gen. 50:19-21) Dapat tularan ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Jose kung gusto nilang mapasaya ang Diyos. Imbes na magkimkim ng sama ng loob o maghiganti, dapat silang maging mapagpatawad. Pinayuhan tayo ni Jesus na patawarin ang mga nagkakasala sa atin. (Mat. 6:9, 12) Pinayuhan din ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal.”—Roma 12:19. w21.12 11 ¶13-14
Sabado, Mayo 20
Ibinibigay niya ang naisin ng mga natatakot sa kaniya; dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong, at inililigtas niya sila.—Awit 145:19.
Malalim na ang gabi noong Nisan 14, 33 C.E. nang magpunta si Jesus sa hardin ng Getsemani. Doon, ibinuhos niya ang niloloob niya kay Jehova. (Luc. 22:39-44) Sa mahirap na panahong iyon, si Jesus ay ‘nagsumamo nang may paghiyaw at mga luha.’ (Heb. 5:7) Ano ang ipinanalangin ni Jesus noong huling gabi bago siya mamatay? Nanalangin siya na bigyan siya ng lakas na makapanatiling tapat kay Jehova at magawa ang kalooban Niya. Naramdaman ni Jehova sa panalangin ng Anak niya ang bigat ng nararamdaman nito kaya nagpadala siya ng anghel para patibayin si Jesus. Alam ni Jesus na napakabigat ng responsibilidad na nakaatang sa kaniya—ang ipagbangong-puri ang pangalan ng kaniyang Ama. Pinakinggan ni Jehova ang mga pakiusap ni Jesus. Bakit? Dahil ang talagang gusto ni Jesus ay manatiling tapat sa kaniyang Ama at ipagbangong-puri ang pangalan Niya. Kung ganiyan din ang gusto natin, sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin.—Awit 145:18. w22.01 17-18 ¶15-17
Linggo, Mayo 21
Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . , at [tinuturuan sila].—Mat. 28:19, 20.
Marami sa ngayon ang natitisod dahil neutral tayo pagdating sa politika. Inaasahan nilang boboto tayo sa eleksiyon. Pero para kay Jehova, kung pipili tayo ng isang taong lider na mamamahala sa atin, itinatakwil natin Siya. (1 Sam. 8:4-7) Iniisip din nila siguro na dapat tayong magtayo ng paaralan at ospital at magkawanggawa. Natitisod sila dahil nakapokus tayo sa pangangaral, hindi sa paglutas sa kasalukuyang problema ng mundo. Paano natin maiiwasang matisod? (Mat. 7:21-23) Dapat na nakapokus tayo sa gawaing iniutos ni Jesus. Hindi tayo dapat mailihis ng mga isyu sa politika at lipunan ng sanlibutang ito. Mahal natin ang mga tao at iniisip natin ang mga problema nila, pero alam natin na ang pinakamagandang paraan ng pagtulong sa kapuwa ay ang turuan sila tungkol sa Kaharian ng Diyos at tulungan silang maging kaibigan ni Jehova. w21.05 7 ¶19-20
Lunes, Mayo 22
Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.—2 Tim. 3:1.
Kahit sinasabi ng maraming tagapamahala ng mga bansa na pinaglilingkuran nila ang Diyos, ayaw naman nilang isuko ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Kaya gaya ng ginawa ng mga tagapamahala noong panahon ni Jesus, kinakalaban ng mga tagapamahala ngayon ang pinili ni Jehova. Inaatake nila ang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Gawa 4:25-28) Ano ang reaksiyon ni Jehova? Sinasabi ng Awit 2:10-12: “Kaya ngayon, kayong mga hari, magpakatalino kayo; tumanggap kayo ng pagtutuwid, kayong mga hukom sa lupa. Maglingkod kayo kay Jehova nang may takot, at magsaya kayo nang may panginginig. Parangalan ninyo ang anak; kung hindi ay magagalit ang Diyos at malilipol kayo, dahil ang galit Niya ay biglang sumisiklab. Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa Kaniya.” Dahil mabait si Jehova, binibigyan niya ng pagkakataon ang mga kumakalaban sa kaniya na magbago ng isip at tanggapin ang Kaharian niya. Pero limitado na ang panahon. (Isa. 61:2) Ngayon na ang panahon para alamin ng mga tao ang katotohanan at gumawa ng tamang desisyon! w21.09 15-16 ¶8-9
Martes, Mayo 23
Maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.—1 Tim. 6:8.
Ang sinasabi ni Pablo, dapat tayong maging kontento sa anumang bagay na mayroon tayo. (Fil. 4:12) Ang pinakamahalagang pag-aari natin ay ang kaugnayan natin sa Diyos, hindi ang materyal na mga bagay na mayroon tayo. (Hab. 3:17, 18) Pansinin ang sinabi ni Moises sa mga Israelita matapos ang paninirahan nila sa ilang nang 40 taon: “Pinagpala ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng ginawa ninyo. . . . Sumainyo ang Diyos ninyong si Jehova sa 40 taóng ito at hindi kayo nagkulang ng anuman.” (Deut. 2:7) Sa loob ng 40 taóng iyon, binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng manna para makain. Hindi man lang naluma ang mga damit nila—ang mismong suot nila nang lumabas sila sa Ehipto. (Deut. 8:3, 4) Mapapasaya natin si Jehova kung magiging kontento tayo—na pahalagahan natin at pasalamatan kahit ang mga simpleng bagay na ibinibigay niya. w22.01 5 ¶10-11
Miyerkules, Mayo 24
Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa.—Kaw. 3:5.
Mga asawang lalaki, responsibilidad ninyong pangalagaan ang inyong pamilya. Kaya nagsisikap kayong protektahan at ilaan ang pangangailangan nila. Kapag may mga problema, baka isipin ninyo na kaya ninyong solusyunan ang mga ito nang mag-isa. Pero iwasan ang tendensiya na umasa sa sariling lakas. Manalangin para sa tulong ni Jehova. Marubdob ding manalangin kasama ng inyong asawa. At para malaman ang mga tagubilin ni Jehova, pag-aralan ang Bibliya at mga publikasyon na inilalaan ng organisasyon ng Diyos, at sundin ang mga ito. Baka hindi sang-ayon ang iba sa mga desisyong gagawin ninyo. Baka sabihin nila na napakahalaga ng pera at ng iba pang materyal na mga bagay para sa seguridad ng pamilya ninyo. Pero huwag kalimutan ang halimbawa ni Haring Jehosapat. (2 Cro. 20:1-30) Nagtiwala siya kay Jehova at pinatunayan niya iyon sa gawa. Hindi iniwan ni Jehova ang tapat na si Jehosapat. At hindi rin niya kayo iiwan.—Awit 37:28; Heb. 13:5. w21.11 15 ¶6; 16 ¶8
Huwebes, Mayo 25
[Ang Diyos ay] hindi kailanman magiging tiwali. —Deut. 32:4.
Ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya gusto nating maging patas. (Gen. 1:26) Pero dahil hindi tayo perpekto, puwede tayong magkamali sa paghatol kahit sa tingin natin, alam natin ang lahat ng impormasyon. Halimbawa, hindi nagustuhan ni Jonas ang desisyon ni Jehova na magpakita ng awa sa mga taga-Nineve. (Jon. 3:10–4:1) Pero ano ba ang resulta ng desisyong iyon? Nailigtas ang buhay ng mahigit 120,000 nagsising mga Ninevita! Nakita natin na si Jonas ang nagkamali, hindi si Jehova. Hindi kailangang ipaliwanag ni Jehova ang lahat ng desisyon niya. Totoo, hinayaan ni Jehova na sabihin ng mga lingkod niya noon kung ano ang nadarama nila tungkol sa mga desisyong ginawa niya o gagawin pa lang. (Gen. 18:25; Jon. 4:2, 3) At kung minsan, ipinapaliwanag niya ang mga desisyon niya. (Jon. 4:10, 11) Pero hindi kailangang makuha ni Jehova ang pagsang-ayon natin, bago o pagkatapos niyang gumawa ng desisyon.—Isa. 40:13, 14; 55:9. w22.02 3-4 ¶5-6
Biyernes, Mayo 26
Ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maging gaya ng pinakabata, at ang nangunguna ay dapat na maging gaya ng naglilingkod. —Luc. 22:26.
Maipapakita natin na “gaya [tayo] ng pinakabata” kung ‘ituturing natin ang iba na nakatataas’ sa atin. (Fil. 2:3) Kung ganiyan tayo, malamang na mas maiiwasan nating matisod ang iba. Nakatataas sa atin ang mga kapatid sa iba’t ibang paraan. Madali nating makikita iyan kung magpopokus tayo sa magaganda nilang katangian. Dapat nating sundin ang payo ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Ano ba ang mayroon ka kaya naiisip mong nakahihigit ka sa iba? Ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo iyon, bakit ka nagmamalaki na para bang hindi mo iyon tinanggap?” (1 Cor. 4:7) Dapat tayong mag-ingat para hindi tayo magpokus sa sarili natin at isipin na nakatataas tayo sa iba. Kung ang isang brother ay magaling magpahayag o ang isang sister ay mahusay magpasimula ng mga Bible study, dapat na lagi nilang ibigay ang papuri kay Jehova. w21.06 21-22 ¶9-10
Sabado, Mayo 27
Maghasik ka ng binhi . . . at huwag kang magpahinga. —Ecles. 11:6.
Nahihirapan ang maraming Saksi na matagpuan ang mga tao sa bahay. May mga kapatid na nakatira sa mga lugar na maraming apartment o subdivision na mahigpit ang seguridad. Baka may security guard na hindi basta nagpapapasok nang walang permiso ng mga nakatira doon. May mga kapatid naman na kaunti lang ang naaabutan sa bahay o baka kaunti lang talaga ang tao sa teritoryo nila. Baka kailangan pa ngang maglakbay nang matagal ng mga kapatid para makausap ang isang tao—na posibleng hindi pa nga nila maabutan sa bahay! Kung ganito ang mga teritoryo natin, hindi tayo dapat sumuko. Puntahan ang mga tao sa iba’t ibang oras. Mas marami tayong makakausap kung mangangaral tayo sa oras na malamang na nasa bahay ang mga tao. Siyempre, siguradong uuwi rin ang mga tao sa bahay nila! Nakita ng maraming kapatid na praktikal mangaral sa hapon o sa gabi kasi mas marami silang nakakausap. Baka mas relaks din at handang makipag-usap ang mga may-bahay sa ganoong mga oras. w21.05 15 ¶5, 7
Linggo, Mayo 28
Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.—Mar. 7:7.
Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Marami ang nagagalit dahil hindi nagse-celebrate ang mga Saksi ni Jehova ng di-makakasulatang mga tradisyon gaya ng birthday at Christmas. Nagagalit naman ang iba dahil hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa mga selebrasyong makabayan o hindi nila sinusunod ang mga kaugalian sa patay na hindi naaayon sa Salita ng Diyos. Natitisod sila, kasi baka iniisip nilang ang paraan ng pagsamba nila sa Diyos ang tama. Pero hindi nila mapapasaya ang Diyos kung mas pipiliin nilang sundin ang mga tradisyon ng tao kaysa sa malinaw na mga turo ng Bibliya. (Mar. 7:8, 9) Paano natin maiiwasang matisod? Dapat nating palalimin ang pag-ibig sa mga kautusan at prinsipyo ni Jehova. (Awit 119:97, 113, 163-165) Kapag iniibig natin si Jehova, iiwasan natin ang anumang tradisyong hindi niya sinasang-ayunan. Hindi natin hahayaang may makahadlang sa pag-ibig natin kay Jehova. w21.05 6 ¶15-16
Lunes, Mayo 29
Gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip sa lahat ng pagkakataon, tiisin mo ang mga paghihirap, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador.—2 Tim. 4:5.
Paano natin masusunod ang payo ni apostol Pablo? Kailangan nating patuloy na patibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng regular na pag-aaral, laging pananalangin, at pananatiling busy sa gawaing ibinigay ni Jehova. (2 Tim. 4:4) Kung may pananampalataya tayo, hindi tayo magpa-panic kapag nakarinig tayo ng negatibong balita. (Isa. 28:16) Makakatulong ang pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa mga kapatid para maiwasan nating matisod ng mga umiwan sa katotohanan. Noong unang siglo, marami ang natisod at hindi tumanggap kay Jesus. Pero marami rin ang tumanggap sa kaniya. Kasama dito ang isa o higit pang miyembro ng Judiong Sanedrin at ‘maraming saserdote.’ (Gawa 6:7; Mat. 27:57-60; Mar. 15:43) Sa ngayon, milyon-milyon din ang hindi natitisod kay Jesus. Bakit? Dahil alam nila at iniibig ang katotohanang nasa Kasulatan. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang saganang kapayapaan ay para sa mga umiibig sa kautusan mo; walang makakatisod sa kanila.”—Awit 119:165. w21.05 13 ¶20-21
Martes, Mayo 30
Lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.—2 Cor. 12:9.
Alam ni apostol Pablo na ang lahat ng nagagawa niya sa paglilingkod ay dahil sa tulong ni Jehova at hindi dahil sa sarili niyang lakas. Dahil sa banal na espiritu ni Jehova, nagkaroon si Pablo ng lakas na isagawa nang lubusan ang ministeryo niya—kahit pinag-usig siya, ibinilanggo, at nagkaroon ng iba pang problema. Kailangan ding umasa ni Timoteo, ang mas batang kasama ni Pablo, sa kapangyarihan ng Diyos para maisagawa ang ministeryo niya. Sinamahan ni Timoteo si Pablo sa mahahabang paglalakbay nito bilang misyonero. Pinapunta din siya ni Pablo sa mga kongregasyon para dalawin at patibayin ang mga ito. (1 Cor. 4:17) Baka iniisip ni Timoteo na hindi siya kuwalipikado. Posibleng iyan ang dahilan kaya sinabi sa kaniya ni Pablo: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1 Tim. 4:12) At noong panahong iyon, may sariling tinik sa laman si Timoteo—ang “madalas [niyang] pagkakasakit.” (1 Tim. 5:23) Pero alam niya na papalakasin siya ng makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova para maipangaral ang mabuting balita at makapaglingkod sa mga kapatid.—2 Tim. 1:7. w21.05 21 ¶6-7
Miyerkules, Mayo 31
Alagaan mong mabuti ang iyong mga tupa.—Kaw. 27:23.
Makakatulong sa mga nagbibigay ng payo ang prinsipyo sa Santiago 1:19. Isinulat ni Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.” Baka iniisip ng isang elder na alam na niya ang lahat ng kailangan niyang malaman. Pero ganoon nga kaya? Sinasabi ng Kawikaan 18:13: “Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, kamangmangan iyon at kahiya-hiya.” Mas maganda na alamin mo mismo mula sa tao kung ano ang kalagayan niya. Kaya mahalagang makinig muna ang isang elder bago magsalita. Puwedeng magtanong muna ang elder: “Kumusta ka na?” “Kumusta na ang kalagayan mo?” “Paano kami makakatulong?” Kung maglalaan ng panahon ang mga elder para alamin ang kalagayan ng mga kapatid, mas malamang na makatulong sila at pakinggan. Para maging epektibo ang payo, hindi sapat na basta magbasa ng ilang teksto o magbigay ng mga mungkahi. Kailangang maramdaman ng mga kapatid na nagmamalasakit tayo sa kanila, naiintindihan natin sila, at gusto natin silang tulungan. w22.02 17 ¶14-15