Hunyo
Huwebes, Hunyo 1
Isang mahirap na biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.—Mar. 12:42.
Hirap na hirap sa buhay ang biyuda, at malamang na walang sapat na pambili ng mga pangangailangan niya. Pero lumapit pa rin siya sa isa sa mga kabang-yaman at tahimik na inihulog ang dalawang maliliit na barya, na halos hindi man lang siguro kumalansing nang mahulog sa kabang-yaman. Alam ni Jesus kung ano ang inihulog niya—dalawang lepton, ang pinakamaliit na barya na ginagamit noon. Hindi man lang ito maipambibili ng isang maya, ang isa sa pinakamurang ibon na ibinebenta bilang pagkain. Hangang-hanga si Jesus sa biyuda. Kaya tinawag niya ang kaniyang mga alagad, itinuro ang biyuda, at sinabi: “Mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya: “Silang lahat [lalo na ang mayayaman] ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos, inihulog niya ang lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.” (Mar. 12:43, 44) Nang ibigay ng tapat na biyuda ang kaniyang kahuli-hulihang barya nang araw na iyon, ipinaubaya na niya ang buhay niya sa mapagkalingang mga kamay ni Jehova.—Awit 26:3. w21.04 6 ¶17-18
Biyernes, Hunyo 2
Pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo.—Gawa 5:28.
Nanatiling positibo si Jesus sa ministeryo niya, at gusto niyang ganoon din ang gawin ng mga tagasunod niya. (Juan 4:35, 36) Noong kasama si Jesus ng mga alagad niya, masigasig sila sa pangangaral. (Luc. 10:1, 5-11, 17) Pero nang maaresto si Jesus at mamatay, pansamantala silang nawalan ng gana sa pangangaral. (Juan 16:32) Matapos buhaying muli si Jesus, hinimok niya silang magpokus sa pangangaral. At nang umakyat na siya sa langit, naging napakasigasig nila kaya nagreklamo ang mga kaaway nila, gaya ng binabanggit sa teksto sa araw na ito. Ginabayan ni Jesus ang gawain ng mga unang-siglong Kristiyanong iyon, at pinagpala sila ni Jehova. Halimbawa, noong Pentecostes 33 C.E., mga 3,000 ang nabautismuhan. (Gawa 2:41) At patuloy pang dumami ang mga alagad. (Gawa 6:7) Pero inihula ni Jesus na sa mga huling araw, mas marami pa ang tatanggap sa mabuting balita.—Juan 14:12; Gawa 1:8. w21.05 14 ¶1-2
Sabado, Hunyo 3
Maligaya ang hindi nakakakita sa akin ng ikatitisod.—Mat. 11:6, tlb.
Natatandaan mo ba nang una mong ma-realize na nakita mo na ang katotohanan? Akala mo, tatanggapin ng lahat ang natututuhan mo. Sigurado kang dahil sa mensahe ng Bibliya, magkakaroon sila ng masayang buhay ngayon at magandang pag-asa sa hinaharap. (Awit 119:105) Kaya agad-agad mong sinabi sa lahat ng kaibigan mo at kamag-anak ang mga natutuhan mo. Pero ano ang nangyari? Nagulat ka, kasi marami ang hindi naniwala sa sinabi mo. Hindi tayo dapat magtaka kapag tinanggihan ng iba ang mensaheng ipinapangaral natin. Noong panahon ni Jesus, marami ang hindi tumanggap sa kaniya kahit gumawa siya ng mga himala na nagpapatunay na sinusuportahan siya ng Diyos. Halimbawa, binuhay niyang muli si Lazaro—isang himala na hindi maitatanggi ng mga kumakalaban sa kaniya. Pero hindi pa rin kinilala ng mga Judiong lider na si Jesus ang Mesiyas. Gusto pa nga nilang patayin si Jesus at si Lazaro!—Juan 11:47, 48, 53; 12:9-11. w21.05 2 ¶1-2
Linggo, Hunyo 4
Huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, . . . kundi patibayin natin ang isa’t isa.—Heb. 10:25.
Sikaping regular na dumalo sa mga pulong. Malaki ang maitutulong sa iyo ng mga mapapakinggan mo doon at mas makikilala mo ang mga kapatid. Makipagkaibigan sa mga kakongregasyon mo na alam mong marami kang matututuhan, kahit pa malayo ang agwat ng edad ninyo o magkaiba kayo ng pinagmulan. Sinasabi ng Bibliya na “taglay ng matatanda ang karunungan.” (Job 12:12) May matututuhan din ang mga may-edad sa mga tapat na kabataan. Malaki ang tanda ni Jonatan kay David, pero naging malapít na magkaibigan pa rin sila. (1 Sam. 18:1) Nagtulungan sila para mapaglingkuran si Jehova sa kabila ng mahihirap na hamon. (1 Sam. 23:16-18) “Mararamdaman talaga natin na parang mga magulang at mga kapatid natin ang mga nasa kongregasyon,” ang sabi ni Irina, isang sister na nag-iisang Saksi sa pamilya. “Ginagamit sila ni Jehova para hindi natin maramdamang nag-iisa tayo.” Siguradong gusto kang tulungan at patibayin ng mga kaibigan mo, pero kailangan mong sabihin sa kanila kung paano ka nila matutulungan. w21.06 10-11 ¶9-11
Lunes, Hunyo 5
Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.—Mat. 18:35.
Binanggit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa isang hari at sa alipin nito. Hindi na pinagbayad ng hari ang alipin sa malaking utang na hindi na nito kayang bayaran. Pero pinapabayaran pa rin ng alipin sa kapuwa niya alipin ang utang nito na di-hamak na mas maliit kumpara sa utang niya sa hari. Nang malaman iyon ng hari, ipinabilanggo niya ang walang-awang alipin. Ang ginawa ng alipin ay nakaapekto hindi lang sa kaniya kundi pati na rin sa iba. Una, nasaktan niya ang kapuwa niya alipin nang walang awa niya itong “ipinabilanggo . . . hanggang sa makabayad ito.” Ikalawa, nasaktan din ang ibang alipin na nakakita sa ginawa niya. Nang “makita ng mga kapuwa niya alipin ang nangyari, lungkot na lungkot sila.” (Mat. 18:30, 31) Ano ang aral? May epekto sa iba ang ginagawa natin. Kung nagawan tayo ng pagkakamali ng isang kapatid at hindi natin siya pinapatawad, ano ang mangyayari? Una, masasaktan natin siya dahil hindi natin siya pinapatawad, hindi na pinapansin, at hindi na ipinapakitang mahal natin siya. Ikalawa, maaapektuhan din ang iba sa kongregasyon kapag napansin nilang hindi natin kasundo ang kapatid na iyon. w21.06 22 ¶11-12
Martes, Hunyo 6
[Ipapahamak niya] ang mga nagpapahamak sa lupa.—Apoc. 11:18.
Gustong-gusto ni Satanas na pababain ang moral ng mga tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Nang ‘makita ni Jehova na laganap na ang kasamaan ng tao’ noong panahon ni Noe, “ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at nasaktan ang puso niya.” (Gen. 6:5, 6, 11) Naging mas maayos ba ang kalagayan mula noon? Hindi! Siguradong natutuwa ang Diyablo kapag nakikita niya kung gaano kalaganap ang iba’t ibang uri ng seksuwal na imoralidad, kasama na ang imoral na mga ginagawa ng babae at lalaki, pati na ng parehong lalaki o parehong babae! (Efe. 4:18, 19) Tiyak na mas natutuwa si Satanas kapag mananamba ni Jehova ang nagkasala. Sa ilalim ng pamamahala ni Satanas, ang tao ay “namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” Pero bukod doon, hindi nila inaalagaan ang lupa at hayop gaya ng ipinag-utos ni Jehova. (Ecles. 8:9; Gen. 1:28) Ang resulta? Sinasabi ng ilang eksperto na dahil sa ginagawa ng mga tao sa ngayon, posibleng isang milyong species pa ang magiging extinct sa susunod na mga taon. w21.07 12 ¶13-14
Miyerkules, Hunyo 7
Magpapatawad [si Jehova] nang lubusan.—Isa. 55:7.
May ilang lingkod ng Diyos na sobra pa ring nakokonsensiya dahil sa mga pagkakamali nila noon. Iniisip nila na hinding-hindi sila mapapatawad ni Jehova kahit pinagsisihan na nila ang nagawa nila. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, makakatulong kung maiintindihan mo na gusto talaga ni Jehova na magpakita ng tapat na pag-ibig sa iyo para makapaglingkod ka pa rin sa kaniya nang masaya at may malinis na konsensiya. Posible ito dahil “nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Kung nasisiraan ka ng loob dahil sa isang kahinaan, laging tandaan na gustong-gusto kang patawarin ni Jehova kung nagsisisi ka. Iniugnay ng salmistang si David ang tapat na pag-ibig sa pagpapatawad. Isinulat niya: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kaniya. Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.”—Awit 103:11, 12. w21.11 5-6 ¶12-13
Huwebes, Hunyo 8
Ang mga anak niya ay tumatayo at ipinahahayag siyang maligaya; tumatayo ang asawa niya at pinupuri siya.—Kaw. 31:28.
Dapat parangalan ng Kristiyanong asawang lalaki ang asawa niya. (1 Ped. 3:7) Kasama sa pagpaparangal ang pagrespeto at pagpapahalaga sa nagagawa ng iba. Halimbawa, magagawa iyan ng asawang lalaki kung ipaparamdam niyang mahalaga sa kaniya ang asawa niya. Hindi niya siya hihilingan ng hindi niya kayang gawin. At hinding-hindi niya siya ikukumpara sa ibang babae. Kung ikukumpara niya ang asawa niya sa iba, ano kaya ang mararamdaman nito? Hindi Saksi ang asawa ng sister na si Rosa, at lagi siya nitong ikinukumpara sa ibang babae. Dahil doon, naging napakababa ng tingin ni Rosa sa sarili niya. Sinabi ni Rosa, “Kailangan na lagi pang may magsabi sa akin na mahalaga ako kay Jehova.” Pero pinaparangalan ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang asawa niya. Alam niya na maganda ang epekto nito sa ugnayan nilang mag-asawa at sa kaugnayan niya kay Jehova. Naipapakita ng asawang lalaki na pinaparangalan niya ang kaniyang asawa kapag lagi niya itong pinupuri at ipinaparamdam at sinasabi na mahal niya ito. w21.07 22 ¶7-8
Biyernes, Hunyo 9
Matiyaga akong maghihintay. —Mik. 7:7.
Madidismaya ka ba kung may inaasahan kang package na kailangang-kailangan mo pero hindi pa dumarating? Pero paano kung nalaman mo na may makatuwirang dahilan, hindi ba matiyaga kang maghihintay? Itinuturo sa atin ng Kawikaan 13:11 kung bakit dapat tayong maging mapaghintay. Sinasabi nito: “Ang yaman na madaling nakuha ay mauubos, pero ang yaman na unti-unting tinipon ay darami.” Ano ang prinsipyo sa tekstong ito? Magiging maganda ang resulta kung mapaghintay tayo at hindi natin mamadaliin ang mga bagay-bagay. Sinasabi sa Kawikaan 4:18 na “ang landas ng mga matuwid ay gaya ng maningning na liwanag sa umaga, na patuloy na lumiliwanag hanggang sa katanghaliang-tapat.” Malinaw na ipinapakita ng tekstong ito na unti-unti ang paraan ng pagsisiwalat ni Jehova ng layunin niya. Pero puwede rin itong tumukoy sa espirituwal na pagsulong ng isang Kristiyano. Hindi minamadali ang espirituwal na pagsulong. Kailangan ang panahon. w21.08 8 ¶1, 3-4
Sabado, Hunyo 10
Narito ako! Isugo mo ako! —Isa. 6:8.
Napakarami ng gawain natin habang papalapit ang wakas ng sistemang ito. (Mat. 24:14; Luc. 10:2; 1 Ped. 5:2) Gusto nating lahat na paglingkuran si Jehova sa abot ng ating makakaya. Marami ang nagpapalawak ng kanilang ministeryo. Tunguhin ng ilan na maging payunir, ang ilan ay makapaglingkod sa Bethel, o tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad. Marami ring brother ang nagsisikap na maging kuwalipikado para maging ministeryal na lingkod o elder. (1 Tim. 3:1, 8) Siguradong tuwang-tuwa si Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap ang bayan niya para paglingkuran siya! (Awit 110:3) Pero nalulungkot ka ba kasi hindi mo pa naaabot ang isang espirituwal na tunguhin? Kung oo, ipanalangin mo iyon kay Jehova at sabihin mo sa kaniya ang nararamdaman mo. (Awit 37:5-7) Puwede mo ring tanungin ang may-gulang na mga brother kung ano pa ang puwede mong pasulungin, at sikaping sundin ang mga payo nila. Kung gagawin mo iyan, baka maabot mo ang inaasam mong pribilehiyo. w21.08 20 ¶1; 21 ¶4
Linggo, Hunyo 11
Hindi . . . iiwan [ni Jehova] ang mga tapat sa kaniya. —Awit 37:28.
Alalahanin ang biyudang propetisa na si Ana. Kahit 84 na siya, “lagi siyang nasa templo.” Ginantimpalaan ang lagi niyang “pagdalo” nang makita niya noong minsan ang sanggol na si Jesus. (Luc. 2:36-38) Sa ngayon, maraming tapat na kapatid na may-edad na ang magagandang halimbawa rin para sa mga kabataan. Marami tayong matututuhan kung magbibigay tayo ng panahon sa kanila, magtatanong, at makikinig sa magagandang karanasan nila sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga tapat nating kapatid na may-edad na ay may mahalagang papel sa organisasyon ni Jehova. Nakita nila kung paano pinagpala ni Jehova sa iba’t ibang paraan ang organisasyon niya, pati na rin sila. Marami silang natutuhang mahahalagang aral mula sa naging mga pagkakamali nila. Pahalagahan ang ‘karunungan mula sa kanila,’ at matuto mula sa mga karanasan nila. (Kaw. 18:4) Kung magbibigay ka ng panahon para makilala sila, mapapatibay ang pananampalataya mo. w21.09 3 ¶4; 4 ¶7-8; 5 ¶11, 13
Lunes, Hunyo 12
Ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. —Isa. 60:22.
Gaya ng binanggit ni Isaias, nagagamit ng bayan ni Jehova ang “gatas ng mga bansa.” (Isa. 60:5, 16) Dahil sa iba’t ibang kasanayan at abilidad ng mga kapatid na maituturing na kayamanan, naipapangaral natin ang mabuting balita sa 240 bansa at nakakagawa tayo ng mga literatura sa mahigit 1,000 wika. Dahil sa pag-uga sa mga bansa sa panahong ito ng kawakasan, napipilitan ang mga tao na magdesisyon. Susuportahan ba nila ang Kaharian ng Diyos o magtitiwala sila sa mga gobyerno ng sanlibutang ito? Iyan ang desisyon na dapat gawin ng lahat. Sinusunod ng bayan ni Jehova ang mga batas sa kanilang bansa, pero nananatili silang neutral pagdating sa politika. (Roma 13:1-7) Alam nila na ang Kaharian lang ang tunay na solusyon sa problema ng mga tao. At ang Kahariang iyan ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.—Juan 18:36, 37. w21.09 17-18 ¶13-14
Martes, Hunyo 13
Ibuhos ninyo sa kaniya ang laman ng puso ninyo. —Awit 62:8.
Kapag iniwan ng mahal mo sa buhay si Jehova, mahalaga na manatiling matibay ang pananampalataya mo at ng ibang kapamilya mo. Paano mo iyon magagawa? Humugot ka ng lakas kay Jehova. Ituloy mo ang regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos at pagdalo sa mga pulong. Ganiyan ang ginawa ni Joanna. Natiwalag ang tatay at kapatid niyang babae. Pero sinabi niya: “Napapanatag ako kapag binabasa ko ang tungkol sa mga karakter ng Bibliya gaya nina Abigail, Esther, Job, Jose, at Jesus. Ang gaganda ng halimbawa nila, kaya positibo ang mga naiisip ko at nababawasan ang sakit na nararamdaman ko.” Kapag sobra kang nalulungkot, huwag kang titigil sa pananalangin kay Jehova. Makiusap ka sa mapagmahal nating Diyos na tulungan ka na matularan ang pananaw niya sa sitwasyon mo at ‘bigyan ka ng kaunawaan at ituro sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.’ (Awit 32:6-8) Baka nahihirapan kang sabihin kay Jehova kung ano talaga ang nararamdaman mo. Pero alam na alam iyon ni Jehova. Hinihimok ka niya na ibuhos sa kaniya ang laman ng puso mo.—Ex. 34:6; Awit 62:7. w21.09 28 ¶9-10
Miyerkules, Hunyo 14
Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.—Mat. 17:5.
Pagkatapos ng Paskuwa noong 32 C.E., nakakita sina apostol Pedro, Santiago, at Juan ng isang kahanga-hangang pangitain. Sa isang napakataas na bundok, posibleng sa isang bahagi ng Bundok Hermon, nagbago ang anyo ni Jesus. “Suminag na gaya ng araw ang mukha niya, at nagningning na gaya ng liwanag ang damit niya.” (Mat. 17:1-4) Narinig ng mga apostol ang Diyos: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.” Makikita sa buong buhay ng tatlong apostol na nakinig sila kay Jesus. Gusto rin nating tularan ang halimbawa nila. Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil maibigin niya tayong pinapayuhan sa tulong ng “ulo ng kongregasyon,” si Jesu-Kristo. (Efe. 5:23) Maging determinado sana tayo na ‘makinig sa kaniya,’ gaya nina apostol Pedro, Santiago, at Juan. Kapag ginawa natin iyan, pagpapalain tayo ni Jehova ngayon at magiging masaya tayo magpakailanman. w21.12 22 ¶1; 27 ¶19
Huwebes, Hunyo 15
Didisiplinahin kita sa tamang antas.—Jer. 30:11.
Kinakasama ng isang Kristiyano sa Corinto ang asawa ng kaniyang ama. Sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto na dapat itong itiwalag. Nakakaimpluwensiya na sa kongregasyon ang masamang ginagawa ng taong ito. Hindi na nga iniisip ng ilan na masama ang pagiging imoral niya! (1 Cor. 5:1, 2, 13) Bandang huli, nalaman ni Pablo na talagang nagsisi ang taong itiniwalag. Sinabi ni Pablo sa matatanda sa kongregasyon: “Dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin.” Pansinin ang dahilan ni Pablo: “Para hindi siya madaig ng sobrang kalungkutan.” Naawa si Pablo sa kaniya. At ayaw ni Pablo na sobra siyang malungkot o panghinaan ng loob at isipin niyang hindi na siya mapapatawad. (2 Cor. 2:5-8, 11) Tinutularan ng mga elder si Jehova at gustong-gusto rin nilang magpakita ng awa. Matatag sila sa pagdidisiplina kung kinakailangan, pero nagpapakita ng awa hangga’t posible basta’t may basehan para gawin iyon. Dahil kung hindi, hindi na iyon awa kundi pangungunsinti. w21.10 11 ¶12-15
Biyernes, Hunyo 16
Huwag kang maghihiganti o magkikimkim ng sama ng loob.—Lev. 19:18.
Ang nasaktang damdamin ay parang sugat. May mga sugat na mababaw lang; mayroon ding malalalim. Halimbawa, baka nasubukan mo nang mahiwa ng isang papel. Masakit iyon, pero mga isa o dalawang araw lang, hindi na iyon masakit. Ganiyan din kapag may nakasakit ng damdamin mo. Halimbawa, baka may nasabi o nagawang di-maganda ang isang kaibigan mo. Pero napatawad mo naman siya kaagad. Paano naman kung malalim ang sugat? Baka kailangan pa itong tahiin at bendahan. Pero kung lagi mong dudutdutin o kukutkutin ang sugat, lalo ka lang masasaktan. Kung minsan, ganiyan din ang ginagawa ng iba. Isip sila nang isip kung paano sila sinaktan at kung gaano kasakit ang ginawa sa kanila. Pero kung magkikimkim sila ng sama ng loob, sinasaktan lang nila ang sarili nila. Kaya napakagandang sundin ang payo sa teksto sa araw na ito. w21.12 12 ¶15
Sabado, Hunyo 17
Bakit mo hinahatulan ang kapatid mo?—Roma 14:10.
Isang elder ang nag-aalala sa paraan ng pananamit o pag-aayos ng isang kapatid. Puwedeng itanong ng elder sa sarili niya, ‘May makakasulatang dahilan ba para magpayo?’ Dahil ayaw ng elder na magpayo batay sa sarili niyang opinyon, puwede siyang magtanong sa isa pang elder o sa isang may-gulang na kapatid. Magkasama nilang pag-aaralan ang payo ni Pablo tungkol sa pananamit at pag-aayos. (1 Tim. 2:9, 10) May mga prinsipyong ibinigay si Pablo na nagpapakitang dapat na maayos, mahinhin, at kakikitaan ng matinong pag-iisip ang pananamit ng isang Kristiyano. Pero hindi nagbigay si Pablo ng listahan ng mga dapat at di-dapat isuot. Alam niya na may karapatan ang mga kapatid na magdesisyon kung ano ang gusto nilang isuot hangga’t wala itong nalalabag na prinsipyo sa Bibliya. Kaya dapat munang isaalang-alang ng mga elder kung ang pananamit ng kapatid ay nagpapakita ng kahinhinan at katinuan ng pag-iisip. Makakatulong kung tatandaan natin na puwedeng magkaroon ng magkaibang desisyon ang dalawang may-gulang na kapatid. Pero hindi ibig sabihin na tama ang isa sa kanila at ang isa ay mali. Hindi natin dapat ipilit sa kapatid natin kung ano ang sa tingin nating tama at mali. w22.02 16 ¶9-10
Linggo, Hunyo 18
Pakitunguhan ninyo ang isa’t isa nang may tapat na pag-ibig at awa.—Zac. 7:9.
Maraming magagandang dahilan para magpakita tayo ng tapat na pag-ibig sa isa’t isa. Ano ang ilan sa mga ito? Sinasagot iyan ng mga kawikaan sa Bibliya: “Huwag mong iwan ang tapat na pag-ibig at katapatan. . . . Sa gayon, ikaw ay magiging kalugod-lugod at may unawa sa mata ng Diyos at ng tao.” “Kapag may tapat na pag-ibig ang isang tao, siya mismo ang nakikinabang.” “Ang nagtataguyod ng katuwiran at tapat na pag-ibig ay magkakamit ng buhay.” (Kaw. 3:3, 4; 11:17; tlb.; 21:21) May tatlong dahilan na binabanggit ang mga kawikaang ito kung bakit tayo dapat magpakita ng tapat na pag-ibig. Una, nagiging mahalaga tayo sa paningin ng Diyos. Ikalawa, nakikinabang tayo. Halimbawa, nagkakaroon tayo ng tunay na mga kaibigan. Ikatlo, tatanggap tayo ng mga pagpapala sa hinaharap, kasama na ang buhay na walang hanggan. Talagang marami tayong dahilan para sundin ang paalala ni Jehova: “Pakitunguhan ninyo ang isa’t isa nang may tapat na pag-ibig at awa.” w21.11 8 ¶1-2
Lunes, Hunyo 19
Palakasin mo ang pananampalataya namin.—Luc. 17:5.
Baka nakita mo na hindi ganoon katibay ang pananampalataya mo dahil sa pinagdaanan mo o sa nararanasan mo ngayon. Pero huwag kang panghinaan ng loob. Ituring mo itong pagkakataon para patibayin ang pananampalataya mo. Marubdob na manalangin kay Jehova, lalo na sa panahon ng krisis. Makita mo sana na ginagamit ni Jehova ang mga kapamilya o kaibigan mo para ilaan ang pangangailangan mo. Kapag hinahayaan mong tulungan ka ni Jehova na malampasan ang mga problema mo ngayon, lalo kang magtitiwala na tutulungan ka niya na makayanan ang anumang pagsubok na puwedeng mapaharap sa iyo. Tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na makita kung saan sila nangangailangan ng higit na pananampalataya. Pero alam niya na sa tulong ni Jehova, makakayanan nila ang mga darating na pagsubok. (Juan 14:1; 16:33) Nakakatiyak si Jesus na makakaligtas ang malaking pulutong sa malaking kapighatian dahil sa matibay na pananampalataya. (Apoc. 7:9, 14) Kasama ka sa makakaligtas kung gagawin mo ang lahat ng magagawa mo ngayon para patibayin ang pananampalataya mo!—Heb. 10:39. w21.11 25 ¶18-19
Martes, Hunyo 20
Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa palibot ng mga natatakot sa Kaniya.—Awit 34:7.
Hindi natin inaasahan na poprotektahan tayo ni Jehova sa makahimalang paraan sa ngayon. Pero alam natin na ang mga nagtitiwala kay Jehova ay tatanggap ng buhay na walang hanggan sakaling mamatay sila. Malapit nang masubok ang tiwala natin sa kakayahan ni Jehova na protektahan tayo. Kapag inatake na ni Gog ng Magog o ng koalisyon ng mga bansa ang bayan ng Diyos, baka maisip natin na nanganganib ang buhay natin. Kailangan nating magtiwala na ililigtas tayo ni Jehova at na kaya niyang gawin iyon. Sa tingin ng mga bansa, para tayong mga tupa na walang kalaban-laban at walang proteksiyon. (Ezek. 38:10-12) Wala tayong mga armas at hindi rin tayo sinanay sa pakikipagdigma. Iisipin ng mga bansa na madali lang tayong matatalo. Hindi nila alam na nakahanda ang mga anghel ni Jehova para ipagtanggol ang bayan niya. Pero alam natin iyon dahil may pananampalataya tayo. Hindi sila nananampalataya kay Jehova, kaya magugulat na lang sila kapag nakipagdigma na ang mga hukbo sa langit para ipagtanggol tayo!—Apoc. 19:11, 14, 15. w22.01 6 ¶12-13
Miyerkules, Hunyo 21
Magkaroon kayo ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.—1 Ped. 2:17.
Mahalaga kay Jehova ang lahat ng kapatid, at dapat na ganoon din ang tingin natin sa kanila. Dapat na handa tayong gawin ang lahat para maprotektahan sila at maipakitang nagmamalasakit tayo sa kanila. Kaya kapag nakasakit tayo, hindi natin dapat isipin na wala lang iyon at masyado lang maramdamin ang kapatid. Bakit ba nasasaktan ang ilan? Baka dahil sa pagpapalaki sa kanila, mababa ang tingin ng ilang kapatid sa sarili nila. Ang iba naman ay bago lang sa katotohanan kaya madali pa silang matisod. Anuman ang dahilan, dapat nating sikapin na mapanatili ang kapayapaan. Pero kung lagi ring nasasaktan ang isang kapatid, dapat niyang maintindihan na hindi rin maganda ang ugaling iyon. Kailangan niyang sikaping magbago para maging masaya siya, pati na rin ang iba. w21.06 21 ¶7
Huwebes, Hunyo 22
Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya nang may katapatan. —Awit 145:18.
Naiintindihan ni Jesus ang mga nararamdaman mo. Kapag ang bigat-bigat na ng nararamdaman natin, hindi ba’t ang laking tulong kapag may kaibigan tayo na nakakaintindi sa nararamdaman natin, lalo na kung naranasan na rin niya ang pinagdaraanan natin? Ganiyang uri ng kaibigan si Jesus. Naranasan niyang manghina at mangailangan ng tulong. Naiintindihan niya ang mga limitasyon natin, at titiyakin niya na makakatanggap tayo ng tulong na kailangan natin “sa tamang panahon.” (Heb. 4:15, 16) Tinanggap ni Jesus ang tulong ng isang anghel sa hardin ng Getsemani. Kaya dapat din nating tanggapin ang tulong ni Jehova, sa pamamagitan man ito ng publikasyon, video, pahayag, o nakakapagpatibay na dalaw ng isang elder o kaibigan. (Luc. 22:39-44) Bibigyan ka ni Jehova ng “kapayapaan ng Diyos” at papatibayin. Kapag nananalangin tayo, tatanggap tayo ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Fil. 4:6, 7. w22.01 18-19 ¶17-19
Biyernes, Hunyo 23
Ipinaaalam nila . . . ang mga tuntunin na napagpasiyahan ng mga apostol.—Gawa 16:4.
Nakakatiyak tayo na laging tama ang ginagawa ni Jehova. Pero baka mahirapan tayong magtiwala sa mga inatasan ng Diyos dito sa lupa. Baka mapaisip pa nga tayo kung talagang sinusunod nila ang tagubilin ni Jehova o nagpapasiya sila sa sarili lang nila. Nagtitiwala si Jehova sa mga inatasan niyang manguna sa kaniyang organisasyon at kongregasyon. Kaya kung hindi tayo nagtitiwala sa kanila, hindi natin masasabing nagtitiwala tayo kay Jehova. Sa ngayon, ginagamit ni Jehova “ang tapat at matalinong alipin” para pangasiwaan ang makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon. (Mat. 24:45) Gaya ng lupong tagapamahala noong unang siglo, ang aliping ito ang nangangasiwa sa bayan ng Diyos sa buong mundo at nagbibigay ng tagubilin sa mga elder sa kongregasyon. Tinitiyak naman ng mga elder na nasusunod ang mga tagubiling ito sa kongregasyon. Ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa lahat ng ginagawa ni Jehova kung sinusunod natin ang mga tagubiling mula sa organisasyon at mga elder. w22.02 4 ¶7-8
Sabado, Hunyo 24
Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti.—Gal. 6:9.
Masayang-masaya tayo at ipinagmamalaki natin na tayo ay mga Saksi ni Jehova! Masaya tayo kapag natulungan natin na maging mananampalataya ang isa na “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Ganiyang-ganiyan din si Jesus. “Nag-umapaw siya sa kagalakan dahil sa banal na espiritu” nang maging matagumpay ang pangangaral ng mga alagad niya. (Luc. 10:1, 17, 21) Pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo: “Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo . . . , dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Tim. 4:16) Buhay ang nakataya. Lagi nating binibigyang-pansin ang sarili natin dahil sakop tayo ng Kaharian ng Diyos. Gusto natin na ang lahat ng ginagawa natin ay magbibigay ng papuri kay Jehova at kaayon ng mabuting balita na ipinapangaral natin. (Fil. 1:27) ‘Binibigyang-pansin din natin ang itinuturo natin.’ Naghahanda tayong mabuti para sa ministeryo at hinihingi natin ang tulong ni Jehova bago tayo mangaral. w21.10 24 ¶1-2
Linggo, Hunyo 25
Isuot ninyo ang bagong personalidad.—Col. 3:10.
Ang “bagong personalidad” ay isang paraan ng pag-iisip at pagkilos na katulad ng personalidad ni Jehova. Kapag isinusuot ng isang tao ang bagong personalidad, ipinapakita niya ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. Hinahayaan niya ang banal na espiritu na umimpluwensiya sa kaniyang pag-iisip, damdamin, at pagkilos. Halimbawa, mahal niya si Jehova at ang bayan Niya. (Mat. 22:36-39) Masaya siya kahit may mga pagsubok. (Sant. 1:2-4) Mapagpayapa siya. (Mat. 5:9) Matiisin siya at mabait makitungo sa iba. (Col. 3:13) Mahal niya kung ano ang mabuti at ginagawa iyon. (Luc. 6:35) Nakikita sa mga pagkilos niya na matibay ang pananampalataya niya sa kaniyang Ama sa langit. (Sant. 2:18) Mahinahon siya kahit ginagalit at may pagpipigil siya sa sarili kahit may tukso. (1 Cor. 9:25, 27; Tito 3:2) Para maisuot ang bagong personalidad, kailangan nating ipakita ang lahat ng katangian na binabanggit sa Galacia 5:22, 23 at sa iba pang teksto sa Bibliya. w22.03 8-9 ¶3-4
Lunes, Hunyo 26
Tularan ninyo ako.—1 Cor. 11:1.
Matutularan ng mga elder si apostol Pablo kung mangangaral sila sa bahay-bahay at kung handa silang magpatotoo sa lahat ng pagkakataon. (Efe. 6:14, 15) Gaya ni Pablo, puwedeng sanayin ng mga elder ang iba, kasama na ang mga ministeryal na lingkod, habang nasa ministeryo. (1 Ped. 5:1, 2) Pero hindi dapat mawalan ng panahon sa gawaing pangangaral ang mga elder kahit gaano pa sila ka-busy sa mga atas nila. (Mat. 28:19, 20) Para manatiling balanse, baka kailangan nilang tanggihan ang ilang atas kung minsan. Matapos pag-isipan at ipanalangin iyon, baka makita nila na kung tatanggapin nila ang isang atas, may mapapabayaan silang mas mahalagang bagay, gaya ng pampamilyang pagsamba, gawaing pangangaral, o pagsasanay sa mga anak nila sa ministeryo. Makakatiyak sila na naiintindihan ni Jehova na gusto lang nilang maging balanse sa lahat ng bagay. w22.03 27 ¶4, 7; 28 ¶8
Martes, Hunyo 27
Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay.—Mat. 10:28.
Medyo natakot ka rin ba na maging Saksi ni Jehova? Baka naisip mong hindi mo kayang magbahay-bahay. O baka natakot ka sa magiging reaksiyon ng pamilya mo o mga kaibigan. Kung ganoon, maiintindihan mo ang Bible study mo kapag ganoon din ang nadarama niya. Sinabi ni Jesus na posible talagang matakot ang ilan. Pero sinabi niya sa mga tagasunod niya na huwag nilang hayaan na dahil sa takot ay tumigil sila sa paglilingkod kay Jehova. (Mat. 10:16, 17, 27) Unti-unting sanayin ang Bible study mo na sabihin sa iba ang natututuhan niya. Posibleng kinabahan ang mga alagad ni Jesus nang isugo niya sila para mangaral. Pero tinulungan niya sila—sinabi niya kung saan sila mangangaral at kung ano ang ipapangaral nila. (Mat. 10:5-7) Paano mo matutularan si Jesus? Tulungan ang study mo na makita kung saan siya puwedeng mangaral. Halimbawa, tanungin siya kung mayroon siyang kakilala na matutulungan ng isang katotohanan mula sa Bibliya. Pagkatapos, tulungan siyang ihanda ang sasabihin niya; ipakita sa kaniya sa simpleng paraan kung paano sasabihin sa iba ang katotohanan. w21.06 6 ¶15-16
Miyerkules, Hunyo 28
Uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan ng lahat ng bansa ay darating. —Hag. 2:7.
“Ilang minuto lang, gumuho na ang mga shop at lumang building.” “Nagpa-panic ang lahat . . . Sabi ng marami, mga dalawang minuto lang ’yon. Pero pakiramdam ko, ang tagal-tagal n’on.” Iyan ang sinabi ng mga nakaligtas sa lindol na yumanig sa Nepal noong 2015. Ang totoo, dumaranas tayo ngayon ng naiibang uri ng pagyanig, o pag-uga—ito ang pag-uga ng lahat ng bansa. Isinulat ni propeta Hagai: “Ito ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lang—at uugain ko ang langit at ang lupa.’” (Hag. 2:6) Ang pag-uga na binabanggit ni Hagai ay hindi gaya ng literal na lindol, na puro pinsala at kapahamakan lang ang resulta. May mabubuting resulta ito. Sinasabi sa atin ni Jehova: “Uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan ng lahat ng bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.” w21.09 14 ¶1-3
Huwebes, Hunyo 29
Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok. —Luc. 22:28.
Kung gusto nating maging kaibigan ang isang tao, dapat na lagi natin siyang kausapin at sabihin sa kaniya ang nararamdaman natin. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Kapag sinasabi natin sa kaniya sa panalangin ang mga nararamdaman, iniisip, at problema natin, ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa kaniya at alam nating mahal niya tayo. (Awit 94:17-19; 1 Juan 5:14, 15) Makipagsamahan sa tapat na mga kaibigan; regalo sila ni Jehova. (Sant. 1:17) Para maipakita ng ating Ama sa langit na nagmamalasakit siya sa atin, binigyan niya tayo ng mga kapatid sa kongregasyon na “nagmamahal sa lahat ng panahon.” (Kaw. 17:17) Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Colosas, binanggit niya ang mga Kristiyanong sumuporta sa kaniya at sinabi niyang “talagang napalalakas” nila siya. (Col. 4:10, 11) Kahit si Kristo Jesus ay nangailangan din ng suporta ng mga kaibigan niyang anghel at tao, at ipinagpasalamat niya ito. (Luc. 22:43) Kapag sinasabi natin sa isang matured na kaibigan ang mga problema natin, hindi ibig sabihin nito na mahina ang pananampalataya natin. Ang totoo, mapoprotektahan tayo nito. w21.04 24-25 ¶14-16
Biyernes, Hunyo 30
Pinagpapasensiyahan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay.—1 Cor. 13:7.
Ano ang dapat mong gawin kung may nagawa ang isang kapatid na hindi mo nagustuhan? Sikapin mo na mapanatili ang kapayapaan. Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo. Hilingin sa kaniya na tulungan ang taong nakasakit sa iyo, at tulungan ka rin na makita ang magagandang katangian ng taong iyon—ang mga katangiang nagustuhan ni Jehova sa kaniya. (Luc. 6:28) Kung hindi mo kayang palampasin ang nagawa niya, isipin ang pinakamagandang paraan kung paano mo siya kakausapin. Laging mabuting isipin na hindi sasadyain ng mga kapatid na saktan tayo. (Mat. 5:23, 24) Kapag kinausap mo siya, isipin na maganda naman ang intensiyon niya. Pero paano kung ayaw niyang makipagpayapaan? ‘Patuloy siyang pagtiisan’ at pagpasensiyahan. Huwag kang susuko. (Col. 3:13) Higit sa lahat, huwag na huwag kang magtatanim ng sama ng loob, dahil sisirain nito ang kaugnayan mo kay Jehova. Huwag mong hayaan na may anumang makatisod sa iyo. Kapag ginawa mo iyan, mapapatunayan mo na si Jehova ang pinakamahalaga sa buhay mo.—Awit 119:165. w21.06 23 ¶15