Hulyo
Sabado, Hulyo 1
Pagkatapos nito, nagbubunga [ang disiplina] ng kapayapaan at katuwiran sa mga sinanay rito.—Heb. 12:11.
Ang pagtitiwalag ay bahagi ng kaayusan ni Jehova. Ito ay para sa ikakabuti ng lahat, pati na ng nagkasala. Kung minsan, may negatibong mga komento ang ilan tungkol sa paraan ng paghawak sa kaso. Pero malamang na galing iyon sa isa na ayaw bumanggit ng negatibong bagay na magpapasama sa tingin ng iba sa nagkasala. Hindi natin alam ang lahat ng detalye. Kaya tama lang na magtiwala tayo na ginawa ng mga elder ang lahat para masunod ang mga prinsipyo sa Bibliya at para humatol “para kay Jehova.” (2 Cro. 19:6) Kapag sinuportahan mo ang desisyon ng mga elder, baka matulungan mo pa nga ang natiwalag mong mahal sa buhay na manumbalik kay Jehova. “Talagang napakahirap para sa amin na itigil ang pakikisama at pakikipag-usap sa panganay naming anak,” ang sabi ni Elizabeth. “Pero nang makabalik siya, inamin niya na tama lang na itiniwalag siya. Bandang huli, sinabi niya na marami siyang natutuhan.” w21.09 28-29 ¶11-12
Linggo, Hulyo 2
Nakita niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.—Luc. 21:2.
Siguradong gusto sana ng biyudang iyon na mas malaki pa ang naibigay niya kay Jehova. Pero ginawa niya ang makakaya niya; ibinigay niya kay Jehova ang lahat ng maibibigay niya. At alam ni Jesus na napakahalaga sa kaniyang Ama ng donasyon ng biyuda. Kaya ito ang mahalagang aral para sa atin: Natutuwa si Jehova kapag ibinibigay natin sa kaniya ang ating buong makakaya—ang ating buong-puso at buong-kaluluwang paglilingkod. (Mat. 22:37; Col. 3:23) Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang lahat ng magagawa natin! Kasama na rito ang panahon at lakas na ginagamit natin sa pagsamba, gaya ng pagmiministeryo at pagdalo sa mga pulong. Paano mo maisasabuhay ang aral mula sa ulat tungkol sa biyuda? Mag-isip ng mga indibidwal na mapapatibay kapag sinabi mong natutuwa si Jehova sa mga pagsisikap nila. Baka may isang may-edad na sister na sakitin o mahina na at nakokonsensiya dahil kaunti na lang ang nagagawa niya sa ministeryo. w21.04 6-7 ¶17, 19-20
Lunes, Hulyo 3
Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay.—Sant. 1:12.
Alam ni Jehova ang pinakatamang panahon para wakasan ang masamang sistemang ito. Dahil sa pagtitiis niya, milyon-milyon ang nakakilala sa kaniya at isang malaking pulutong ang sumasamba at pumupuri sa kaniya. Nagpapasalamat silang lahat na naging matiisin si Jehova kaya naisilang pa sila at nagkaroon ng pagkakataon para mahalin siya at ialay ang sarili nila sa kaniya. Mapapatunayan na tama ang desisyon ni Jehova na magtiis kapag milyon-milyon ang nakapagtiis hanggang sa wakas at naligtas! Sa kabila ng lahat ng problema at pagdurusa na idinulot ni Satanas, “maligayang Diyos” pa rin si Jehova. (1 Tim. 1:11) Puwede rin tayong maging masaya habang hinihintay si Jehova na pabanalin ang kaniyang pangalan, patunayang siya ang may karapatang mamahala, puksain ang lahat ng masasama, at tapusin ang lahat ng problema. Maging determinado sana tayo na magtiis at alalahanin na nagtitiis din ang ating Ama sa langit. w21.07 13 ¶18-19
Martes, Hulyo 4
Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?—Juan 1:46.
Marami ang hindi nanampalataya kay Jesus noong unang siglo. Para sa kanila, anak lang siya ng isang hamak na karpintero. At mula siya sa Nazaret, isang lunsod na posibleng minamaliit noon. Kahit si Natanael, na naging alagad ni Jesus, ay nagsabi noong una: “Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?” Baka iniisip niya ang hula sa Mikas 5:2, na nagsasabing ang Mesiyas ay ipapanganak sa Betlehem, hindi sa Nazaret. Inihula ni propeta Isaias na hindi magbibigay-pansin ang mga kaaway ni Jesus “sa mga detalye ng pinagmulan” ng Mesiyas. (Isa. 53:8) Kung pinag-aralan lang nilang mabuti ang lahat ng impormasyon, nalaman sana nilang si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem at inapo ni Haring David. (Luc. 2:4-7) Kaya ipinanganak si Jesus sa lugar na inihula sa Mikas 5:2. Ano ang naging problema? Napakabilis nilang gumawa ng konklusyon kahit hindi pa nila alam ang lahat ng detalye. Dahil dito, natisod sila. w21.05 2-3 ¶4-6
Miyerkules, Hulyo 5
Kung saktan ako ng matuwid . . . sawayin niya ako, magiging gaya iyon ng langis sa ulo ko.—Awit 141:5.
Nagbigay ang Bibliya ng magagandang halimbawa ng mga taong pinagpala ni Jehova dahil nakinig sila sa payo. Isa na diyan si Job. May takot siya sa Diyos, pero hindi siya perpekto. Dahil sa tindi ng pinagdaraanan niya, nakapagsalita siya nang hindi tama. Kaya prangkahan siyang pinayuhan ni Elihu at ni Jehova. Ano ang naging reaksiyon ni Job? Sinabi niya: “Nagsalita ako kahit wala akong alam . . . Binabawi ko na ang sinabi ko, at uupo ako sa alabok at abo para ipakita ang pagsisisi ko.” (Job 42:3-6, 12-17) At pinatunayan niya iyon nang pakinggan niya ang payo ni Elihu kahit mas bata ito sa kaniya. (Job 32:6, 7) Tutulong din sa atin ang kapakumbabaan para makinig sa payo kahit pakiramdam natin, hindi iyon para sa atin o mas bata ang nagpayo sa atin. Kailangan natin ng tulong para mas maipakita natin ang mga katangian na bunga ng espiritu at maging mas mahusay na mángangarál at guro ng mabuting balita. w22.02 11 ¶8; 12 ¶12
Huwebes, Hulyo 6
Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.—Juan 13:35.
Pananagutan ng bawat isa na magpakita ng pag-ibig at tumulong na maging mapayapa ang kongregasyon para walang makaramdam na nag-iisa siya. Mapapatibay natin ang iba sa sinasabi o ginagawa natin. Ano ang puwede mong gawin para maipadama sa mga nag-iisang Saksi sa pamilya na bahagi sila ng kongregasyon? Maunang makipagkaibigan. Iparamdam natin sa mga baguhan na welcome sila sa kongregasyon. (Roma 15:7) Pero hindi sapat ang basta batiin lang sila. Kailangan natin silang kaibiganin. Kaya maging mabait at ipakitang nagmamalasakit tayo sa kanila. Sikapin nating maintindihan kung ano ang pinagdadaanan nila, pero iwasan nating manghimasok. Hindi madali para sa ilan na sabihin ang nararamdaman nila, kaya huwag natin silang pilitin. Sa halip, maging maingat sa pagtatanong at makinig na mabuti sa mga sasabihin nila. Halimbawa, puwede mong itanong sa kanila kung paano nila nalaman ang katotohanan. w21.06 11 ¶13-14
Biyernes, Hulyo 7
Makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol. —Juan 10:16.
Pinapahalagahan natin ang pribilehiyo na mapaglingkuran si Jehova kasama ang mga kapatid at maipakitang tayo ay “iisang kawan” sa ilalim ng “iisang pastol”! Sinabi sa pahina 165 ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova: “Dahil nakikinabang ka sa pagkakaisang iyan, may pananagutan ka sa pagpapanatili nito.” Kaya dapat nating tularan ang pananaw ni Jehova sa ating mga kapatid. Para sa kaniya, mahalaga ang bawat isa sa atin. Mahalaga rin ba sa iyo ang mga kapatid? Tandaan na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang pagtulong mo at pagmamalasakit sa kanila. (Mat. 10:42) Mahal natin ang mga kapananampalataya natin. Kaya “determinado tayong huwag maglagay ng katitisuran o harang sa harap ng isang kapatid.” (Roma 14:13) Itinuturing natin sila na nakahihigit sa atin at gusto natin silang patawarin mula sa puso. Huwag nating hayaan na matisod tayo ng iba. Sa halip, “itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at nakapagpapatibay sa isa’t isa.”—Roma 14:19. w21.06 24 ¶16-17
Sabado, Hulyo 8
Ang Diyos [ang] nagpapalago.—1 Cor. 3:7.
Kung pag-aaralan nating mabuti ang Bibliya at susundin ang mga payo nito at ng organisasyon ng Diyos, unti-unti nating maipapakita ang mga katangian ni Kristo. Lalo rin nating makikilala ang Diyos. Sinabi ni Jesus na ang mensahe ng Kaharian na ipinapangaral natin ay gaya ng isang maliit na binhi na unti-unting tumutubo sa puso ng isang tao. Sinabi niya: “Ang binhi ay tumutubo at tumataas—kung paano ay hindi [alam ng naghasik]. Ang lupa ay kusang nagsisibol ng bunga nang unti-unti—una ay ang tangkay, sumunod ay ang uhay, at sa huli ay ang hinog na mga butil sa uhay.” (Mar. 4:27, 28) Ipinaliwanag ni Jesus na kung paanong unti-unti ang paglaki ng isang halaman, unti-unti rin ang pagsulong ng isang tao na tumatanggap sa mensahe ng Kaharian. Halimbawa, habang mas napapalapit kay Jehova ang tapat-pusong mga Bible study natin, nakikita natin ang unti-unting pagbabago na ginagawa nila. (Efe. 4:22-24) Pero dapat nating tandaan na si Jehova ang nagpapalago sa binhi. w21.08 8-9 ¶4-5
Linggo, Hulyo 9
Mas mabuting masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa hangarin ang mga bagay na hindi naman makukuha. —Ecles. 6:9.
Makikita natin kung ano ang magpapasaya sa atin. Ang isang tao na nasisiyahan sa “nakikita ng mga mata” ay kontento sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng kasalukuyan niyang sitwasyon. Pero ang isang tao na naghahangad ng “mga bagay na hindi naman makukuha” ay hindi makokontento at hindi kailanman magiging masaya. Ano ang aral para sa atin? Para maging masaya, dapat tayong magpokus sa kung ano ang mayroon tayo at sa mga tunguhin na posible talaga nating maabot. Natural lang na gusto nating matuto ng mga bagong bagay. Kaya posible ba talaga na masiyahan tayo sa kung ano lang ang mayroon tayo? Oo naman. Paano? Pag-isipan ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento na nakaulat sa Mateo 25:14-30 at magpokus sa kung ano ang magpapasaya sa atin at kung paano tayo magiging mas masaya sa kung ano ang mayroon tayo ngayon. w21.08 21 ¶5-6
Lunes, Hulyo 10
Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero kasama rin ako ng mga nagdurusa at mga mapagpakumbaba.—Isa. 57:15.
Talagang nagmamalasakit si Jehova sa ‘mga nagdurusa at mga hamak.’ Kahit hindi tayo mga elder, mapapatibay natin sila. Magagawa natin ito kung magpapakita tayo ng malasakit sa kanila. Gusto ni Jehova na maipadama natin sa kanila kung gaano niya sila kamahal. (Kaw. 19:17) Matutulungan din natin sila kung magiging mapagpakumbaba tayo at hindi magyayabang. Hindi natin ipinopokus ang atensiyon ng iba sa atin kasi ayaw nating maging dahilan iyon para mainggit sila sa atin. Sa halip, ginagamit natin ang mga kakayahan at mga alam natin para patibayin ang isa’t isa. (1 Ped. 4:10, 11) Marami tayong matututuhan sa pakikitungo ni Jesus sa mga tagasunod niya. Siya ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Pero kahit ganoon, “mahinahon [siya] at mapagpakumbaba.” (Mat. 11:28-30) Kapag nagtuturo siya sa mga tao, gumagamit siya ng simpleng pananalita at ng mga ilustrasyon na madaling maintindihan at tumatagos sa puso ng mga hamak at ordinaryong tao.—Luc. 10:21. w21.07 23 ¶11-12
Martes, Hulyo 11
Magtanong kayo . . . sa inyong matatandang lalaki, at sasabihin nila sa inyo.—Deut. 32:7.
Maunang makipag-usap sa mga may-edad na. Totoo, baka malabo na ang paningin nila, mabagal na silang kumilos, at mahina na ang boses nila. Pero sa puso nila, nananatili silang bata at isang “magandang pangalan” ang nagawa nila sa harap ni Jehova. (Ecles. 7:1) Alalahanin kung bakit kayamanan sila para kay Jehova, at patuloy silang bigyang-dangal. Gayahin natin si Eliseo. Nanatili siyang malapit kay Elias hanggang noong huling araw na magkasama sila. Tatlong beses na sinabi ni Eliseo: “Hindi kita iiwan.” (2 Hari 2:2, 4, 6) Kilalanin ang mga may-edad na. (Kaw. 1:5; 20:5; 1 Tim. 5:1, 2) Puwede mong itanong sa kanila: “Noong bata pa po kayo, ano ang nakakumbinsi sa inyo na nakita n’yo na ang katotohanan?” “Paano po kayo naging mas malapít kay Jehova dahil sa mga naranasan ninyo?” “Ano po ang sekreto para manatiling masaya sa paglilingkod kay Jehova?” (1 Tim. 6:6-8) Pagkatapos, makinig habang nagkukuwento sila. w21.09 5 ¶14; 7 ¶15
Miyerkules, Hulyo 12
Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo ayon sa kagustuhan niya.—Fil. 2:13.
Kapag ginagawa mo ang buong makakaya mo para masunod ang utos na mangaral at gumawa ng alagad, ipinapakita mong mahal mo ang Diyos. (1 Juan 5:3) Pag-isipan ito: Dahil sa pag-ibig mo kay Jehova, nangangaral ka na sa bahay-bahay. Naging madali ba iyon para sa iyo? Siguro hindi. Kinabahan ka ba noong una kang magbahay-bahay? Sigurado iyon! Pero dahil alam mong iyon ang utos ni Jesus, sumunod ka. At unti-unti, naging madali na para sa iyo ang mangaral. Kumusta naman ang pagba-Bible study? Baka iniisip mo pa lang ito, kinakabahan ka na. Pero kung ipapanalangin mo kay Jehova na huwag kang kabahan at magkaroon ka ng lakas ng loob na mag-alok ng Bible study, matutulungan ka niya na maging mas determinadong gumawa ng alagad. w21.07 3 ¶7
Huwebes, Hulyo 13
Magpalagay [sila] ng marka sa kanang kamay nila o sa noo nila.—Apoc. 13:16.
Noong sinaunang panahon, pinapaso ang mga alipin para malagyan sila ng permanenteng marka at maipakita kung sino ang nagmamay-ari sa kanila. Sa katulad na paraan, ang lahat ngayon ay inaasahang magkakaroon ng makasagisag na marka sa kamay nila o sa noo nila. Makikita sa mga iniisip at ginagawa nila na sinusuportahan nila ang politikal na sistema at na ito ang nagmamay-ari sa kanila. Tatanggapin ba natin ang makasagisag na markang ito at ibibigay ang ating katapatan sa politikal na mga gobyerno? Ang mga ayaw tumanggap ng marka ay mahihirapan at manganganib. Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis: ‘Walang sinumang makakabili o makakapagtinda maliban sa tao na may marka.’ (Apoc. 13:17) Pero alam ng bayan ng Diyos kung ano ang gagawin Niya sa mga may marka na binanggit sa Apocalipsis 14:9, 10. Sa halip na tanggapin ang markang iyon, makasagisag nilang isusulat sa kamay nila, “Kay Jehova.” (Isa. 44:5) Ngayon na ang panahon para tiyakin nating di-natitinag ang katapatan natin kay Jehova. Kung gagawin natin iyan, matutuwa si Jehova na sabihing siya ang nagmamay-ari sa atin! w21.09 18 ¶15-16
Biyernes, Hulyo 14
Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.—Kaw. 27:17.
Para maisagawa ang ministeryo natin, tanggapin ang tulong ng iba. Itinuro ni apostol Pablo kay Timoteo ang mga paraan niya ng pangangaral at pagtuturo, at hinimok niya si Timoteo na ituro din iyon sa iba. (1 Cor. 4:17) Gaya ni Timoteo, matututo din tayo sa makaranasang mga kapatid sa kongregasyon. Dapat din tayong humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Humingi ng tulong kay Jehova sa tuwing mangangaral ka. Kung wala ang tulong ng banal na espiritu niya, wala tayong maisasagawa. (Awit 127:1; Luc. 11:13) Maging espesipiko kapag humihingi ka ng tulong kay Jehova sa panalangin. Halimbawa, hilingin sa kaniya na akayin ka sa mga taong gustong matuto tungkol sa kaniya at handang makinig. Dapat din tayong maglaan ng panahon para sa personal study. Sinasabi ng Salita ng Diyos: ‘Patunayan sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Kapag mas nagiging kumbinsido tayong alam natin ang katotohanan tungkol sa Diyos, mas nagkakaroon tayo ng kumpiyansang ipakipag-usap ito sa iba. w21.05 18 ¶14-16
Sabado, Hulyo 15
Hindi masasayang ang pagpapagal ninyo para sa Panginoon. —1 Cor. 15:58.
Paano kung ginawa mo na ang buong makakaya mo at ipinanalangin mo na ang Bible study mo pero hindi pa rin siya sumusulong at kailangan na ninyong itigil ang pag-aaral? O paano kung wala ka pang Bible study na nabautismuhan? Sisisihin mo ba ang sarili mo at iisipin na hindi pinagpapala ni Jehova ang ministeryo mo? Pansinin kung kailan nagiging matagumpay para kay Jehova ang ministeryo natin. Tinitingnan ni Jehova ang pagtitiyaga at pagsisikap natin. Para kay Jehova, matagumpay ang ministeryo natin kapag nakikita niyang masigasig tayong nangangaral dahil mahal natin siya, kahit hindi makinig ang mga tao. Isinulat ni Pablo: “Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.” (Heb. 6:10) Hindi man mabautismuhan ang Bible study natin, makakasiguro tayo na tinatandaan ni Jehova ang pagsisikap at pag-ibig na ipinakita natin. Kaya tandaan ang sinabi ni Pablo sa teksto natin sa araw na ito. w21.10 25 ¶4-6
Linggo, Hulyo 16
Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at hindi ko kailanman itataboy ang lumalapit sa akin. —Juan 6:37.
Makikita ang kabaitan at pagmamahal ni Jesus sa pakikitungo niya sa mga alagad niya. Alam niya na magkakaiba sila ng mga kakayahan at kalagayan. Kaya hindi pare-pareho ang kaya nilang hawakang responsibilidad at iba-iba rin ang nagagawa nila sa ministeryo. Pero pinahalagahan niya na ginawa ng bawat isa ang buong makakaya nila. Makikita iyan sa ilustrasyon tungkol sa mga talento. Sa ilustrasyong iyon, binigyan ng panginoon ang mga alipin ng talento “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Mas malaki ang kinita ng isang alipin kumpara sa isa pang masipag na alipin. Pero pareho silang pinuri ng panginoon at sinabi sa bawat isa sa kanila: “Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin!” (Mat. 25:14-23) Mabait at mapagmahal si Jesus sa pakikitungo niya sa atin. Alam niya na iba-iba ang kakayahan natin at kalagayan, at natutuwa siya basta’t ginagawa natin ang buong makakaya natin. Dapat nating tularan si Jesus. w21.07 23 ¶12-14
Lunes, Hulyo 17
Hindi ko sasaktan ang aking panginoon.—1 Sam. 24:10.
Hindi laging maawain si David. Halimbawa, nang insultuhin ng malupit na si Nabal si David at ang mga tauhan niya at pagdamutan sila ng pagkain, galit na galit si David at gusto niyang patayin ito at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. Buti na lang at kumilos agad ang matiising asawa ni Nabal na si Abigail, kaya naiwasan ni David na magkasala sa dugo. (1 Sam. 25:9-22, 32-35) Pansinin na noong nagpadala si David sa galit niya, hinatulan niya si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito na dapat silang mamatay. Nang maglaon, hinatulan din niya ng kamatayan ang taong mayaman sa ilustrasyon ni Natan. Sa ikalawang pangyayaring ito, baka maisip natin, ‘Mabait naman si David kaya bakit napakalupit ng naging hatol niya?’ Kasi noong panahong iyon, mayroon siyang itinatagong kasalanan. At ang pagiging mapanghatol ay palatandaan ng hindi magandang kaugnayan kay Jehova. w21.10 12 ¶17-18, 20
Martes, Hulyo 18
Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.—1 Ped. 1:16.
Natutuhan natin mula sa teksto sa araw na ito na puwede nating tularan si Jehova, ang pinakamahusay na halimbawa ng kabanalan. Dapat tayong maging banal sa paggawi natin. Parang imposible iyan kasi hindi tayo perpekto. Pero gaya ni apostol Pedro, kahit ilang beses pa siyang nagkamali, puwede pa rin tayong maging banal. Para sa marami, ang isang taong banal ay hindi masaya, nakasuot ng puti o magarbong damit, at laging seryoso. Pero hindi totoo iyan. Si Jehova ay inilalarawan na banal pero “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) “Maligaya” rin ang mga sumasamba sa kaniya. (Awit 144:15) Hinatulan ni Jesus ang mga nagsusuot ng magarbong damit at gumagawa ng mabuti pero pakitang-tao lang. (Mat. 6:1; Mar. 12:38) Bilang mga Kristiyano, alam natin ang ibig sabihin ng pagiging banal. Natutuhan natin ito sa Bibliya. Alam natin na mahal tayo ng Diyos at hindi niya tayo bibigyan ng utos na hindi natin kayang sundin. w21.12 2 ¶1, 3
Miyerkules, Hulyo 19
Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo.—Mar. 12:30.
Sa lahat ng regalo na ibinigay sa atin ng Diyos, masasabing ang isa sa pinakamaganda ay ang kakayahan natin na sambahin siya. Naipapakita natin kay Jehova na mahal natin siya kapag “[sinusunod] natin ang mga utos niya.” (1 Juan 5:3) Ang isa sa mga utos ni Jehova na sinabi ni Jesus ay ang gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila. (Mat. 28:19) Sinabi rin niya na dapat nating mahalin ang isa’t isa. (Juan 13:35) Kung magiging masunurin tayo, magiging miyembro tayo ng pamilya ng mga mananamba ni Jehova. (Awit 15:1, 2) Mahalin ang iba. Pag-ibig ang pinakapangunahing katangian ni Jehova. (1 Juan 4:8) Minahal na tayo ni Jehova bago pa man natin siya makilala. (1 Juan 4:9, 10) Tinutularan natin siya kapag minamahal natin ang iba. (Efe. 5:1) Ang isa sa pinakamagandang paraan para maipakita natin na mahal natin ang mga tao ay ang tulungan sila na makilala si Jehova hangga’t may panahon pa. (Mat. 9:36-38) Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng pag-asang maging miyembro ng pamilya ng Diyos. w21.08 5-6 ¶13-14
Huwebes, Hulyo 20
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa [rito].—Juan 15:13.
Dahil mahal na mahal ni Jesus si Jehova, marami siyang isinakripisyo para sa kaniyang Ama at para sa atin. (Juan 14:31) Makikita sa paraan ng pamumuhay ni Jesus dito sa lupa na mahal na mahal niya ang mga tao. Sa bawat araw, ipinakita niyang mapagmahal siya at maawain, kahit sa mga sumasalansang sa kaniya. Ipinakita niya ito nang turuan niya ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Luc. 4:43, 44) Pinatunayan din ni Jesus ang mapagsakripisyong pag-ibig niya sa Diyos at sa mga tao nang kusa niyang ibigay ang buhay niya para magdusa at mamatay sa kamay ng mga makasalanan. Dahil diyan, nagkaroon tayo ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Dahil mahal natin si Jehova, inialay natin ang buhay natin sa kaniya at nagpabautismo. Kaya gaya ni Jesus, maipapakita rin natin na mahal natin ang ating Ama sa langit sa paraan ng pakikitungo natin sa mga tao. Isinulat ni apostol Juan: “Ang hindi umiibig sa kapatid niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.”—1 Juan 4:20. w22.03 10 ¶8-9
Biyernes, Hulyo 21
Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo. —Efe. 5:15, 16.
Gustong-gusto nating makasama si Jehova, pero hindi iyon madali. Napakarami nating ginagawa araw-araw, kaya ang hirap maglaan ng panahon para sa espirituwal na mga bagay. Halos wala na tayong panahong manalangin, mag-aral, o magbulay-bulay dahil sa trabaho, pananagutan sa pamilya, at iba pang mahalagang gawain. May isa pang puwedeng umagaw ng oras natin. Kung hindi tayo maingat, baka magamit natin ang oras natin na para sana kay Jehova sa mga bagay na hindi naman talaga masama, gaya ng libangan. Nakakatulong naman sa atin ang paminsan-minsang paglilibang. Pero kahit kapaki-pakinabang ang paglilibang, baka kumain ito ng malaking panahon at halos wala nang maiwan para sa espirituwal na mga bagay. Tandaan na hindi paglilibang ang pinakamahalagang bagay.—Kaw. 25:27; 1 Tim. 4:8. w22.01 26 ¶2-3
Sabado, Hulyo 22
Ang dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay dapat ninyong ituring na gaya ng isang katutubo sa gitna ninyo; at dapat mo siyang mahalin gaya ng iyong sarili. —Lev. 19:34.
Nang iutos ni Jehova sa mga Israelita na mahalin ang kapuwa, hindi lang mga kababayan nila ang dapat nilang mahalin, kundi pati na rin ang mga dayuhan na naninirahan sa kanila. Idiniin iyan sa Levitico 19:33, 34. Dapat pakitunguhan ng mga Israelita ang isang dayuhan na “gaya ng isang katutubo,” at dapat “siyang mahalin” na gaya ng sarili nila. Halimbawa, iniutos sa mga Israelita na payagan ang mga naninirahang dayuhan at mahihirap na mamulot o gumapas sa bukid nila. (Lev. 19:9, 10) Para din sa mga Kristiyano ngayon ang prinsipyong ito. (Luc. 10:30-37) Bakit? Kasi maraming dayuhan ngayon, at baka kapitbahay mo pa nga ang ilan sa kanila. Kaya mahalaga na pakitunguhan natin sila nang may dignidad at paggalang, lalaki man sila, babae, o bata. w21.12 12 ¶16
Linggo, Hulyo 23
Ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti. —Awit 34:10.
Habang umaasa tayo sa patnubay ni Jehova ngayon, lalo tayong magtitiwala sa kakayahan niyang iligtas tayo sa hinaharap. Kailangan nating manampalataya at umasa kay Jehova kapag magpapaalam tayo sa employer natin para makadalo ng asamblea o kombensiyon o kapag hihilingin nating baguhin ang iskedyul natin sa trabaho para makadalo sa lahat ng pulong at magkaroon ng mas maraming panahon sa ministeryo. Paano kung hindi tayo payagan at mawalan tayo ng trabaho? Nananampalataya ba tayo kay Jehova na hindi niya tayo pababayaan at lagi niyang ibibigay ang mga pangangailangan natin? (Heb. 13:5) Naranasan ng maraming nasa buong-panahong paglilingkod ang tulong ni Jehova noong mga panahong kailangang-kailangan nila ito. Talagang tapat at maaasahan si Jehova. Dahil nasa panig natin si Jehova, hindi tayo dapat matakot sa mangyayari sa hinaharap. Hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Diyos hangga’t inuuna natin ang Kaharian. w22.01 7 ¶16-17
Lunes, Hulyo 24
Hindi kayo humahatol para sa tao kundi para kay Jehova.—2 Cro. 19:6.
Paano posibleng masubok ang tiwala natin sa mga elder? Ipagpalagay nang malapít sa atin ang natiwalag. Baka maisip natin na hindi isinaalang-alang ng mga elder ang lahat ng impormasyon o baka hindi sila humatol ayon sa paraan ni Jehova. Ano ang makakatulong para manatiling tama ang saloobin natin sa desisyon ng mga elder? Dapat nating tandaan na ang pagtitiwalag ay kaayusan ni Jehova at makakatulong ito sa kongregasyon at sa nagkasala. Kung mananatiling bahagi ng kongregasyon ang isang di-nagsisising nagkasala, maaari niyang maimpluwensiyahan ang iba. (Gal. 5:9) Baka hindi rin niya makita kung gaano kaseryoso ang kasalanan niya, at baka hindi siya mapakilos na baguhin ang pag-iisip niya at mga ginagawa para makuha ulit ang pagsang-ayon ni Jehova. (Ecles. 8:11) Makakatiyak tayo na pagdating sa pagtitiwalag, sineseryoso ng mga elder ang pananagutan nila. w22.02 5-6 ¶13-14
Martes, Hulyo 25
Hindi niya dudurugin ang nabaling tambo, at hindi niya papatayin ang aandap-andap na mitsa. —Mat. 12:20.
Kailangang-kailangan ang pagtitiis at kabaitan lalo na kapag sa umpisa, hindi pinapakinggan ng pinapayuhan ang sinasabi ng Bibliya. Kaya dapat iwasan ng elder na mainis kapag hindi agad tinanggap ang payo niya. Sa personal na panalangin ng elder, puwede niyang banggitin ang nangangailangan ng payo at hilingin kay Jehova na tulungang maintindihan nito kung bakit kailangan ang payo at sundin ito. Baka kailangan din ng panahon para makapag-isip-isip muna ang kapatid na pinapayuhan. Kung matiisin at mabait ang elder, hindi sa paraan ng pagpapayo magpopokus ang pinapayuhan kundi sa payo. Pero siyempre, dapat na laging mula sa Salita ng Diyos ang payo niya. Gusto nating maging epektibo at “nagpapasaya sa puso” ang payo natin.—Kaw. 27:9. w22.02 18 ¶17; 19 ¶19
Miyerkules, Hulyo 26
Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nagpapalungkot sa puso. —Kaw. 13:12.
Kapag humihiling tayo ng lakas para makayanan ang isang pagsubok o ang isang kahinaan, baka pakiramdam natin, ang tagal bago iyon sagutin ni Jehova. Bakit hindi agad sinasagot ni Jehova ang lahat ng panalangin natin? Para sa kaniya, ang taimtim na mga panalangin natin ay katibayan ng ating pananampalataya. (Heb. 11:6) Gustong-gusto rin ni Jehova na makita kung gaano tayo kadeterminadong gawin ang kalooban niya at mamuhay ayon sa mga panalangin natin. (1 Juan 3:22) Kaya kung mayroon tayong kahinaan o ugali na gustong baguhin, baka kailangan nating maging matiyaga at magsikap na gawin ang ipinapanalangin natin. Ipinahiwatig ni Jesus na hindi agad sinasagot ni Jehova ang ilang panalangin natin. Sinabi niya: “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo, patuloy kayong kumatok at pagbubuksan kayo; dahil bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakakakita, at bawat isa na kumakatok ay pinagbubuksan.”—Mat. 7:7, 8. w21.08 8 ¶1; 10 ¶9-10
Huwebes, Hulyo 27
Mahal na mahal ko ang kautusan mo! Binubulay-bulay ko ito buong araw. —Awit 119:97.
Para tumibay ang pananampalataya mo sa Maylalang, kailangan mong patuloy na pag-aralan ang Salita ng Diyos. (Jos. 1:8) Pag-isipan ang mga hula nito na natupad, at ang pagkakasuwato ng mga nilalaman nito. Mapapatibay niyan ang pananampalataya mo na may isang mapagmahal at matalinong Maylalang na lumikha sa atin at na galing sa kaniya ang Bibliya. (2 Tim. 3:14; 2 Ped. 1:21) Kapag pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos, tingnan kung paano nakakatulong ang payo nito. Halimbawa, matagal nang sinabi ng Bibliya na ang pag-ibig sa pera ay nakakapinsala at nagiging dahilan ng “maraming kirot.” (1 Tim. 6:9, 10; Kaw. 28:20; Mat. 6:24) Talagang malaking tulong ang payo ng Bibliya na huwag ibigin ang pera! May naiisip ka pa ba na ibang prinsipyo sa Bibliya na nakatulong sa iyo? Habang mas nakikita natin kung paano tayo natutulungan ng mga payo sa Bibliya, mas lalo tayong magtitiwala sa karunungang inilalaan ng ating mapagmahal na Maylalang. (Sant. 1:5) Kaya naman, magiging mas masaya tayo.—Isa. 48:17, 18. w21.08 17-18 ¶12-13
Biyernes, Hulyo 28
Matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya.—Heb. 6:10.
Kung nagkakaedad ka na, tandaan na hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginawa mo para sa kaniya. Masigasig kang nangaral. Tiniis mo kahit ang matitinding pagsubok, nanindigan ka sa mga pamantayan ng Bibliya, tinanggap ang mabibigat na responsibilidad, at sinanay ang iba. Ginawa mo ang buong makakaya mo para makasabay sa mabilis na pagsulong ng organisasyon ni Jehova. Sinuportahan mo at pinatibay ang mga nasa buong-panahong paglilingkod. Dahil tapat ka, mahal na mahal ka ng Diyos na Jehova. Nangangako siya na “hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya”! (Awit 37:28) Tinitiyak niya sa iyo: ‘Hanggang sa pumuti ang buhok mo, papasanin kita.’ (Isa. 46:4) Kaya huwag mong isipin na hindi ka na mahalaga dahil nagkakaedad ka na. May papel ka sa organisasyon ni Jehova! w21.09 3 ¶4
Sabado, Hulyo 29
Si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga natatakot sa kaniya.—Awit 103:13.
Nagpapakita ng awa si Jehova dahil sa kaniyang di-mapapantayang karunungan. Sinasabi ng Bibliya na “ang karunungan mula sa itaas” ay “punô ng awa at mabubuting bunga.” (Sant. 3:17) Gaya ng isang mapagmahal na magulang, alam ni Jehova na kailangan ng mga anak niya ang awa niya. (Isa. 49:15) Dahil sa awa niya, nagkakaroon sila ng pag-asa kahit hindi sila perpekto. Kaya ang karunungan ni Jehova ang nagpapakilos sa kaniya na magpakita ng awa basta’t may nakita siyang basehan para gawin iyon. Pero alam din ni Jehova kung kailan hindi magpapakita ng awa. Alam niya ang kaibahan ng pagpapakita ng awa sa pangungunsinti. Paano kung desidido ang isang lingkod ng Diyos na patuloy na mamuhay nang masama? “Tigilan ang pakikisama” sa kaniya, ang sabi ni Pablo. (1 Cor. 5:11) Itinitiwalag sa kongregasyon ang mga di-nagsisising nagkasala. Kailangang gawin iyon para maingatan ang tapat na mga kapatid at maipakita ang kabanalan ni Jehova. w21.10 9-10 ¶7-8
Linggo, Hulyo 30
Mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.—2 Cor. 9:7.
Sinasamba natin si Jehova kapag nagbibigay tayo ng donasyon para sa gawaing pang-Kaharian. Hindi dapat humarap kay Jehova na walang dala ang mga Israelita. (Deut. 16:16) Kailangan nilang magbigay ng kaloob ayon sa kaya nilang ibigay. Sa paggawa nito, ipinapakita nilang nagpapasalamat sila sa lahat ng ginagawa ni Jehova para sa kanila. Paano naman natin maipapakita na mahal natin si Jehova at pinapahalagahan natin ang lahat ng ginagawa niya para sa atin? Ang isang paraan ay ang pagbibigay ng donasyon para sa kongregasyon natin at sa pambuong-daigdig na gawain ayon sa kakayahan natin. Sinabi ni apostol Pablo: “Kung may pananabik ang isang tao, nagiging kalugod-lugod ang ibinibigay niya; hindi inaasahan na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.” (2 Cor. 8:4, 12) Pinapahalagahan ni Jehova ang kusang-loob na mga donasyon natin gaano man ito kaliit.—Mar. 12:42-44. w22.03 24 ¶13
Lunes, Hulyo 31
Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob, alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.—1 Tes. 5:14.
Hindi maaalis ng mga elder ang lahat ng problemang nararanasan ng mga lingkod ni Jehova. Pero gusto ni Jehova na gawin nila ang lahat ng magagawa nila para patibayin at protektahan ang mga tupa niya. Paano sila makakapaglaan ng panahon para tumulong kung marami na silang ginagawa? Tularan ang halimbawa ni apostol Pablo. Laging handa si Pablo na patibayin ang mga kapatid at bigyan sila ng komendasyon. Matutularan ng mga elder ang maibiging halimbawa niya kung magiging mabait sila at mapagmalasakit sa mga kapatid. (1 Tes. 2:7) Tiniyak ni Pablo sa mga kapananampalataya niya na mahal niya sila at na mahal sila ni Jehova. (2 Cor. 2:4; Efe. 2:4, 5) Itinuring ni Pablo ang mga kapatid sa kongregasyon bilang kaibigan at naglaan siya ng panahon sa kanila. Ipinakita niyang nagtitiwala siya sa kanila kasi sinasabi niya sa kanila ang kaniyang mga ikinababahala at kahinaan. (2 Cor. 7:5; 1 Tim. 1:15) Imbes na magpokus si Pablo sa mga problema niya, gustong-gusto niyang tulungan ang mga kapatid. w22.03 28 ¶9-10