Setyembre
Biyernes, Setyembre 1
Hinilingan nila siya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit. —Mat. 16:1.
Noong panahon ni Jesus, may mga hindi nakontento sa kamangha-manghang mga turo niya. Nang tumanggi siyang ibigay ang tanda na hinihingi nila, natisod sila. (Mat. 16:4) Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Tungkol sa Mesiyas, isinulat ni propeta Isaias: “Hindi siya sisigaw o maglalakas ng kaniyang tinig, at hindi niya iparirinig sa lansangan ang tinig niya.” (Isa. 42:1, 2) Sa pagmiministeryo ni Jesus, hindi niya hinangad na mapunta sa kaniya ang atensiyon ng mga tao. Hindi siya nagtayo ng magagarbong templo, nagsuot ng espesyal na kasuotang panrelihiyon, o nag-utos na lagyan ng mariringal na titulo ang pangalan niya. Noong nililitis si Jesus, hindi siya gumawa ng tanda para pahangain si Haring Herodes, mangahulugan man iyon ng buhay niya. (Luc. 23:8-11) Bago nito, gumawa rin naman si Jesus ng ilang himala, pero ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang pangangaral ng mabuting balita. “Ito ang dahilan kung bakit ako dumating,” ang sabi niya sa mga alagad niya.—Mar. 1:38. w21.05 4 ¶9-10
Sabado, Setyembre 2
Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo. —Juan 17:3.
Hinahanap natin ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Para maging alagad sila, dapat natin silang tulungan na (1) maintindihan, (2) tanggapin, at (3) isabuhay ang mga natututuhan nila sa Bibliya. (Col. 2:6, 7; 1 Tes. 2:13) Makakatulong sa Bible study ang lahat sa kongregasyon kung magpapakita sila ng pag-ibig sa kaniya at ipaparamdam na welcome siya kapag dumadalo siya sa pulong. (Juan 13:35) Baka kailangan din ng tagapagturo na maging mas matiyaga para matulungan ang Bible study na mabago ang mga paniniwala o kaugalian nito na “matibay ang pagkakatatag.” (2 Cor. 10:4, 5) Baka kailangang gabayan nang maraming buwan ang Bible study bago siya maging kuwalipikadong magpabautismo. Pero sulit ang lahat ng pagsisikap. w21.07 3 ¶6
Linggo, Setyembre 3
Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti. —1 Tes. 5:21.
Kumbinsidong-kumbinsido ba tayo na ang itinuturo natin ay ang katotohanan at na ang paraan ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay ang paraan na gusto ni Jehova? Kumbinsidong-kumbinsido si apostol Pablo na katotohanan ang pinaniniwalaan niya. (1 Tes. 1:5) Hindi siya basta nadala ng emosyon. Pinag-aralan niyang mabuti ang Salita ng Diyos. Naniniwala siya na “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.” (2 Tim. 3:16) Ano ang natutuhan niya sa pag-aaral niya? Nakita ni Pablo sa Kasulatan ang matibay na ebidensiya na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Pero binale-wala ng mga Judiong lider ng relihiyon ang ebidensiyang iyon. Sinasabi nila na mga kinatawan sila ng Diyos pero itinatakwil naman nila siya sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. (Tito 1:16) Di-gaya nila, hindi pinipili ni Pablo sa Kasulatan kung ano lang ang paniniwalaan niya. Talagang itinuro niya at ginawa ang “lahat ng kalooban ng Diyos.”—Gawa 20:27. w21.10 18 ¶1-2
Lunes, Setyembre 4
Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama.—Juan 6:44.
Habang nangangaral tayo at nagtuturo, dapat nating tandaan na Diyos ang nagpapalago ng ating gawain. (1 Cor. 3:6, 7) Napakahalaga kay Jehova ng buhay ng lahat ng tao. Binigyan niya tayo ng pribilehiyo na maging kamanggagawa ng kaniyang Anak sa pagtitipon ng mga tao mula sa lahat ng bansa bago magwakas ang sistemang ito. (Hag. 2:7) Ang pangangaral ay parang isang rescue mission. At maihahalintulad tayo sa mga miyembro ng isang rescue team na ipinadala para sagipin ang mga taong na-trap sa isang minahan. Kahit na baka ilang minero lang ang maabutang buháy, napakahalaga pa rin ng pagsisikap ng lahat ng rescuer. Ganiyan din sa ating ministeryo. Hindi natin alam kung ilan pa ang masasagip natin mula sa sistema ni Satanas. Pero puwedeng gamitin ni Jehova ang kahit sino sa atin para matulungan sila. Sinabi ni Andreas, na taga-Bolivia, “Kapag may isang taong nakaalam ng katotohanan at nagpabautismo, dahil iyon sa pagsisikap ng lahat.” Lagi rin sana tayong maging positibo sa ating ministeryo. Kung gagawin natin iyan, pagpapalain tayo ni Jehova at talagang mae-enjoy natin ang ministeryo. w21.05 19 ¶19-20
Martes, Setyembre 5
[Tumakas] sa bitag ng Diyablo.—2 Tim. 2:26.
Gusto ng isang mangangaso na makahuli ng hayop o mapatay ito. Gumagamit siya ng iba’t ibang bitag, o trap, gaya ng sinabi ng isa sa mga di-totoong kaibigan ni Job. (Job 18:8-10) Paano ba binibitag ng mangangaso ang isang hayop? Pinag-aaralan niya ito. Saan ito pumupunta? Ano ang mga gusto nito? Paano niya ito mahuhuli nang hindi nito namamalayan? Ganiyan din si Satanas. Pinag-aaralan niya tayo. Inaalam niya kung saan tayo pumupunta at kung ano ang mga gusto natin. Saka siya gagamit ng bitag na makakahuli sa atin. Pero mabitag man tayo, sinasabi ng Bibliya na makakatakas tayo. Itinuturo din nito kung paano natin maiiwasan ang mga bitag na iyon. Dalawa sa pinakaepektibong bitag ni Satanas ang pride at kasakiman. Libo-libong taon na niyang ginagamit ang mga ito. Para siyang isang manghuhuli ng ibon na gumagamit ng pain o kaya ng net para makabitag. (Awit 91:3) Pero maiiwasan nating mabitag ni Satanas. Bakit? Dahil sinabi na sa atin ni Jehova kung ano ang mga pakanang ginagamit ni Satanas.—2 Cor. 2:11. w21.06 14 ¶1-2
Miyerkules, Setyembre 6
Ang puting buhok ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasa matuwid na daan.—Kaw. 16:31.
Ang mga tapat nating kapatid na may-edad na ay mahahalagang kayamanan. Sinasabi ng Bibliya na ang puting buhok nila ay isang korona. (Kaw. 20:29) Pero kung minsan, hindi napapansin ang mga kayamanang ito. Kapag naintindihan ng mga kabataan kung gaano kahalaga ang mga kapatid nating may-edad na, higit pa sa literal na kayamanan ang matatanggap nila. Mahalaga kay Jehova ang mga tapat nating kapatid na may-edad na. Kilalang-kilala sila ni Jehova at pinapahalagahan niya ang magagandang katangian nila. Natutuwa siya kapag itinuturo ng mga may-edad na sa mga kabataan ang mga natutuhan nila sa mahabang panahon ng tapat na paglilingkod sa kaniya. (Job 12:12; Kaw. 1:1-4) Mahalaga rin kay Jehova ang mga pagtitiis nila. (Mal. 3:16) Nagkaroon din sila ng mga problema, pero hindi natinag ang pananampalataya nila kay Jehova. Lalong luminaw ang pag-asa nila kumpara noong una nilang malaman ang katotohanan. At mahal na mahal sila ni Jehova dahil patuloy nilang inihahayag ang pangalan niya “kahit sa pagtanda.”—Awit 92:12-15. w21.09 2 ¶2-3
Huwebes, Setyembre 7
Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya.—Gal. 6:4.
Magandang suriin paminsan-minsan ang motibo natin. Tanungin ang sarili: ‘Ikinukumpara ko ba ang sarili ko sa iba para makitang mas nakakahigit ako sa kanila? Kaya ko ba pinagbubutihan ang mga ginagawa ko sa kongregasyon, kasi gusto kong patunayan na ako ang pinakamagaling o mas magaling ako sa iba? O gusto ko lang talagang ibigay ang buong makakaya ko para kay Jehova?’ Pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag ikumpara ang sarili sa iba. Bakit? Kapag iniisip kasi natin na mas magaling tayo kaysa sa mga kapatid, baka lumaki ang ulo natin. Kapag ikinumpara naman natin ang ating sarili sa mas magagaling sa atin, baka lumiit ang tingin natin sa ating sarili. (Roma 12:3) Dapat nating tandaan na inilapit tayo ni Jehova sa kaniya, hindi dahil maganda tayo, mahusay magsalita, o popular, kundi dahil handa tayong mahalin siya at makinig sa Anak niya.—Juan 6:44; 1 Cor. 1:26-31. w21.07 14-15 ¶3-4
Biyernes, Setyembre 8
Dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip.—Efe. 4:23.
Para mabago ang ating pag-iisip, kailangan na lagi tayong mag-aral ng Salita ng Diyos at magbulay-bulay. Dapat na lagi rin tayong manalangin kay Jehova para bigyan tayo ng lakas. Sa tulong ng banal na espiritu niya, maiiwasan mong ikumpara ang sarili mo sa iba. Matutulungan ka rin ni Jehova na makita kung nagiging mainggitin ka na o mapagmataas, at makagawa agad ng mga pagbabago. (2 Cro. 6:29, 30) Alam ni Jehova ang laman ng puso natin. Alam din niya na kahit nahihirapan tayo, nilalabanan natin ang espiritu ng sanlibutan pati na ang mga kahinaan natin. At kapag nakikita ni Jehova ang pagsisikap natin, lalo niya tayong mamahalin. Para ilarawan ang nararamdaman niya para sa atin, ginamit ni Jehova ang pagmamahal ng isang nanay sa baby niya. (Isa. 49:15) Talagang nakakapagpatibay isipin na mahal na mahal tayo ni Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap tayong gawin ang buong makakaya natin para sa kaniya! w21.07 24-25 ¶17-19
Sabado, Setyembre 9
Makipagsaya sa mga nagsasaya.—Roma 12:15.
Magiging mas masaya rin tayo kung gagawin natin ang buong makakaya natin anumang atas ang ibigay sa atin ni Jehova. Maging “abalang-abala” sa pangangaral at sa iba pang gawain sa kongregasyon. (Gawa 18:5; Heb. 10:24, 25) Paghandaang mabuti ang mga pag-aaralan sa pulong para makapagbigay ka ng nakakapagpatibay na mga komento. Pahalagahan anuman ang bahagi na iatas sa iyo sa midweek meeting. Kung pinakisuyuan ka na tumulong sa isang gawain sa kongregasyon, dumating nang tama sa oras at ipakitang maaasahan ka. Huwag maliitin ang atas na ibinibigay sa iyo at isipin na hindi sulit na paglaanan iyon ng panahon. Sikaping pasulungin ang mga kakayahan mo. (Kaw. 22:29) Kapag ibinibigay mo ang buong makakaya mo para gampanan ang atas mo at ang iba pang espirituwal na gawain, mas mabilis kang susulong at magiging mas masaya ka. (Gal. 6:4) Magiging mas madali rin para sa iyo na makipagsaya kapag may ibang nakatanggap ng pribilehiyo na gusto mo sanang maabot.—Gal. 5:26. w21.08 22 ¶11
Linggo, Setyembre 10
Ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari. —Sant. 3:17.
Dapat nating iwasan ang pride, at maging handang magpaturo. Dahil sa sakit, puwedeng tumigas ang mga ugat sa puso at maapektuhan ang pagtibok nito. Ganiyan din ang pride. Puwede nitong patigasin ang ating makasagisag na puso at hadlangan tayo na sundin si Jehova. Masyadong pinatigas ng mga Pariseo ang puso nila. Hindi sila naniwala sa malinaw na ebidensiyang si Jesus ang Anak ng Diyos at na sumasakaniya ang banal na espiritu. (Juan 12:37-40) Napakadelikado nito dahil nakaapekto ito sa walang-hanggang kinabukasan nila. (Mat. 23:13, 33) Kaya napakahalagang patuloy nating hayaan na hubugin ng Salita ng Diyos at banal na espiritu ang personalidad natin, pag-iisip, at mga desisyon. Dahil mapagpakumbaba si Santiago, hinayaan niyang turuan siya ni Jehova. At dahil sa kapakumbabaan niya, naging mahusay na tagapagturo siya. w22.01 10 ¶7
Lunes, Setyembre 11
Patuloy kayong humingi. —Mat. 7:7.
Kung ‘magmamatiyaga tayo sa pananalangin,’ makakatiyak tayo na papakinggan tayo ng ating Ama sa langit. (Col. 4:2) May mga panalangin tayo na parang hindi agad sinasagot ni Jehova, pero ipinapangako niya na sasagutin niya ang mga iyon “sa tamang panahon.” (Heb. 4:16) Kaya hindi natin dapat sisihin si Jehova kapag hindi agad nangyayari ang isang bagay na inaasahan natin. Halimbawa, marami ang matagal nang nananalangin na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos para matapos na ang masamang sistemang ito. Kahit si Jesus, sinabi niya na ipanalangin natin ito. (Mat. 6:10) Kaya hindi katalinuhan kung hahayaan ng isa na manghina ang pananampalataya niya sa Diyos dahil hindi pa dumarating ang wakas sa panahong inaasahan ng mga tao! (Hab. 2:3; Mat. 24:44) Tama lang na patuloy tayong maghintay kay Jehova at magtiwala na sasagutin niya ang mga panalangin natin. May itinakda nang “araw at oras” si Jehova kung kailan darating ang wakas. Kaya makakatiyak tayo na darating iyon sa eksaktong panahon. At ang araw na iyon ang pinakatamang panahon.—Mat. 24:36; 2 Ped. 3:15. w21.08 10 ¶10-11
Martes, Setyembre 12
Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.—Fil. 2:3.
Tanggap ng mga mapagpakumbabang may-edad nang kapatid na hindi na ganoon karami ang nagagawa nila. Isang halimbawa diyan ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Kapag nag-70 na sila, binibigyan sila ng panibagong atas. Mahirap iyon. Masayang-masaya sila na paglingkuran ang mga kapatid. Pero naiintindihan nila na mas makakabuti kung mga kabataan ang gagawa ng atas na iyon. Tinutularan nila ang mga Levita sa sinaunang Israel, na kailangan nang tumigil sa paglilingkod sa tabernakulo kapag 50 na sila. Masaya ang mga may-edad nang Levita anuman ang atas na mayroon sila. Ginawa nila ang buong makakaya nila para makatulong sa mga kabataan. (Bil. 8:25, 26) Sa ngayon, hindi na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon ang mga dating tagapangasiwa ng sirkito, pero malaking pagpapala sila sa kongregasyon nila. w21.09 8-9 ¶3-4
Miyerkules, Setyembre 13
Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. —Luc. 15:21.
Sa Lucas 15:11-32, mababasa natin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Nagrebelde ang anak sa kaniyang ama, umalis sa kanilang tahanan, at pumunta “sa isang malayong lupain.” Naging imoral at masama ang pamumuhay niya. Pero nang maghirap siya, sinabi ni Jesus na ‘nakapag-isip-isip siya.’ Nakita niya na di-hamak na mas maganda ang buhay niya sa poder ng ama niya, at natauhan siya. Nagdesisyon siyang umuwi at humingi ng tawad sa ama niya. Mahalaga na nakita ng anak kung gaano kalaki ang pagkakamali niya. Kailangan niyang kumilos! Ipinakita ng masuwaying anak sa ilustrasyon ni Jesus na talagang nagsisisi siya. Hindi lang ito isang magandang ilustrasyon. May matututuhan dito ang mga elder na tutulong sa kanila na malaman kung talagang nagsisisi ang isang kapatid na nakagawa ng malubhang pagkakasala. w21.10 5 ¶14-15
Huwebes, Setyembre 14
Uugain ko ang langit at ang lupa.—Hag. 2:6.
Ano ang hindi mauuga, o maaalis? Isinulat ni apostol Pablo: “Dahil tatanggap tayo ng isang Kaharian na hindi mauuga, patuloy [tayo] sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang.” (Heb. 12:28) Oo, Kaharian lang ng Diyos ang hindi mauuga kapag natapos na ang huling pag-uga. (Awit 110:5, 6; Dan. 2:44) Wala nang dapat sayanging panahon ang mga tao. Dapat na silang magdesisyon: Patuloy ba nilang susuportahan ang sanlibutang ito, na hahantong sa pagkapuksa nila, o gagawin nila ang kalooban ng Diyos, na aakay sa kanila sa buhay na walang hanggan? (Heb. 12:25) Makakatulong sa mga tao ang pangangaral natin para makapagdesisyon sila. At patuloy nating alalahanin ang sinabi ng ating Panginoong Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14. w21.09 19 ¶18-20
Biyernes, Setyembre 15
Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.—Heb. 13:5.
Mga elder, pananagutan ninyo na patibayin ang mga kapatid na may mga mahal sa buhay na iniwan si Jehova. (1 Tes. 5:14) Para magawa iyon, kausapin ninyo sila bago at pagkatapos ng pulong. Dalawin ninyo sila at manalangin kasama nila. Samahan ninyo sila sa ministeryo at kung minsan ay yayain sila sa inyong pampamilyang pagsamba. Bilang mga pastol ng tupa ni Jehova, kailangan ninyong ipakita sa nalulungkot na mga kapatid ang malasakit, pagmamahal, at atensiyon na kailangan nila. (1 Tes. 2:7, 8) ‘Hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.’ (2 Ped. 3:9) Kahit makagawa ng malubhang pagkakasala ang isang tao, napakahalaga pa rin niya sa Diyos. Isipin na lang kung gaano kalaki ang halagang ibinayad ni Jehova—ang buhay ng pinakamamahal niyang Anak—para matubos ang mga makasalanan. Gumagawa si Jehova ng paraan para matulungan sila dahil umaasa siya na manunumbalik sila sa kaniya, gaya ng makikita natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak.—Luc. 15:11-32. w21.09 30-31 ¶17-19
Sabado, Setyembre 16
Nakinabang din kayo sa ginawa nila. —Juan 4:38.
Paano kung may sakit ka at hindi na gaanong makasama sa pangangaral at pagtuturo? Puwede ka pa ring maging masaya dahil may maitutulong ka pa rin sa pag-aani. Tingnan ang nangyari nang bawiin ni Haring David at ng mga tauhan niya ang kanilang mga pamilya at pag-aari mula sa lumusob na mga Amalekita. Pagod na pagod na sa pakikipaglaban ang 200 tauhan ni David, kaya nagpaiwan sila para bantayan ang bagahe. Nang manalo sina David sa digmaan, ipinag-utos niya na hatiin nang pantay-pantay ang mga samsam. (1 Sam. 30:21-25) Parang ganiyan ang paggawa ng alagad sa buong mundo. Ang lahat ng gumagawa ng buong makakaya nila ay pare-parehong magiging masaya kapag may isang natulungan sa daang papunta sa buhay. Nakikita ni Jehova na nagsisikap tayo at mahal natin siya, kaya pinagpapala niya tayo. Sinasabi rin niya sa atin kung paano tayo magiging masaya habang tumutulong tayo sa espirituwal na pag-aani. (Juan 14:12) Siguradong mapapasaya natin ang Diyos kung hindi tayo titigil! w21.10 27-28 ¶15-17
Linggo, Setyembre 17
Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila.—Kaw. 20:29.
Habang tumatanda tayo, baka nag-aalala tayo na kaunti na lang ang nagagawa natin para kay Jehova di-gaya ng dati. Totoo, baka hindi na tayo ganoon kalakas ngayon. Pero mayroon tayong karunungan at karanasan na puwede nating ibahagi sa mga kabataan para matulungan natin sila na umabot ng karagdagang mga pribilehiyo. Dapat na maging mapagpakumbaba ang mga may-edad na kung gusto nilang makatulong sa mga kabataan. Itinuturing ng mapagpakumbaba na nakatataas ang iba sa kaniya. (Fil. 2:3, 4) Naiintindihan ng mga mapagpakumbabang may-edad nang kapatid na madalas, hindi lang isa ang makakasulatan at epektibong paraan para gawin ang isang atas. Kaya hindi nila inaasahan na kailangang tularan ng mga kabataan ang paraan ng paggawa nila noon. (Ecles. 7:10) Maraming magandang maituturo ang mga may-edad na sa mga kabataan, pero alam nila na “ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago” at baka kailangan nilang mag-adjust.—1 Cor. 7:31. w21.09 8 ¶1, 3
Lunes, Setyembre 18
Sino sa mga diyos ang gaya mo, O Jehova? Sino ang gaya mo, na walang katulad sa kabanalan?—Ex. 15:11.
Walang ipapagawa si Jehova sa mga mananamba niya na anumang bagay na marumi, imoral, o masama. Napakabanal niya. Kaya para maipaalala ito sa mga Israelita, nakaukit sa laminang ginto sa turbante ng mataas na saserdote ang mga salitang ito: “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Ex. 28:36-38) Pero paano kung hindi naman nakikita ng isang Israelita ang lamina kasi hindi siya nakakalapit sa mataas na saserdote? Malalaman pa ba niya na banal si Jehova? Oo! Naririnig ng bawat Israelita ang mensaheng ito kapag binabasa ang Kautusan sa harap ng mga lalaki, babae, at bata. (Deut. 31:9-12) Kung nandoon ka, maririnig mo rin ang mga ito: “Ako ang Diyos ninyong si Jehova, at dapat kayong . . . maging banal, dahil ako ay banal.” “Dapat kayong maging banal sa harap ko, dahil akong si Jehova ay banal.”—Lev. 11:44, 45; 20:7, 26. w21.12 3 ¶6-7
Martes, Setyembre 19
Huwag na kayong masyadong mag-alala.—Luc. 12:29.
May ilan na nag-aalala sa materyal na mga pangangailangan nila. Baka nakatira sila sa mahirap na bansa. Maaaring hiráp silang kumita para masuportahan ang pamilya nila. O baka namatay ang kapamilya nila na siyang kumikita ng pera kaya nahihirapan na sila. Makakatulong ang pagtitiwala natin kay Jehova para maiwasan ang pag-aalala. Tandaan na tinitiyak sa atin ng maibiging Ama natin sa langit, si Jehova, na ibibigay niya ang mga pangangailangan natin kung uunahin natin ang espirituwal na mga bagay. (Mat. 6:32, 33) Laging tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya. (Deut. 8:4, 15, 16; Awit 37:25) Naglalaan si Jehova sa mga ibon at mga bulaklak kaya talagang hindi tayo dapat mag-alala kung ano ang kakainin o isusuot natin. (Mat. 6:26-30; Fil. 4:6, 7) Kung paanong naglalaan sa materyal ang mga magulang sa mga anak nila dahil sa pag-ibig, mahal din tayo ng ating Ama sa langit kaya inilalaan niya ang materyal na mga pangangailangan ng bayan niya. w21.12 17 ¶4-5; 18 ¶8
Miyerkules, Setyembre 20
Hindi iniwan ni Jehova si Jose; patuloy siyang nagpakita rito ng tapat na pag-ibig.—Gen. 39:21.
Nagawan ka na ba ng pagkakamali ng iba, baka ng isang kapananampalataya pa nga? Pansinin ang halimbawa ni Jose na dumanas ng kawalang-katarungan sa kamay ng mismong mga kapatid niya. Nagpokus siya sa paglilingkod kay Jehova, at ginantimpalaan siya dahil sa kaniyang pagtitiis. Sa paglipas ng panahon, napatawad ni Jose ang mga nakasakit sa kaniya at pinagpala siya ni Jehova. (Gen. 45:5) Gaya ni Jose, mababawasan ang sakit na nararamdaman natin kung magiging malapít tayo kay Jehova at maghihintay hanggang sa ilapat niya ang katarungan sa tamang panahon. (Awit 7:17; 73:28) Kung biktima tayo ng kawalang-katarungan o nasaktan tayo ng iba, tandaan na malapit si Jehova sa mga “may pusong nasasaktan.” (Awit 34:18) Mahal ka niya dahil nagtitiis ka at inihahagis mo sa kaniya ang pasanin mo. (Awit 55:22) Siya ang Hukom ng buong lupa. Nakikita niya ang lahat ng bagay. (1 Ped. 3:12) Kaya kung may problema ka na hindi mo kayang solusyunan, maghihintay ka ba kay Jehova? w21.08 11 ¶14; 12 ¶16
Huwebes, Setyembre 21
Patuloy ninyong alamin kung ano ang kalooban ni Jehova. —Efe. 5:17.
Tama lang na gamitin natin ang ating buhay sa paraang magpapasaya kay Jehova. Dapat tayong magtakda ng tamang priyoridad. Kung minsan, para magamit natin sa pinakamabuting paraan ang oras natin, kailangan nating mamili sa dalawang bagay na pareho namang hindi mali. Maiintindihan natin iyan sa nangyari noong dumalaw si Jesus sa bahay nina Maria at Marta. Tiyak na masayang-masaya si Marta na bibisita si Jesus. Naghanda siya ng maraming pagkain. Pero sinamantala ng kapatid niyang si Maria ang pagdalaw na iyon ng kanilang Panginoon. Umupo siya sa paanan ni Jesus at nakinig sa itinuturo nito. Maganda naman ang intensiyon ni Marta, pero “pinili ni Maria ang pinakamabuting bahagi.” (Luc. 10:38-42, tlb.) Sa paglipas ng panahon, baka nalimutan na ni Maria ang mga inihandang pagkain nang pagkakataong iyon, pero tiyak na hindi niya nalimutan ang mga natutuhan niya kay Jesus. Pinahalagahan ni Maria ang panahong makasama si Jesus, at pinapahalagahan din natin ang panahong makasama si Jehova. w22.01 27 ¶5-6
Biyernes, Setyembre 22
Nakita mo ba kung paano nagpakumbaba si Ahab dahil sa sinabi ko?—1 Hari 21:29.
Kahit nagpakumbaba si Ahab kay Jehova, makikita na hindi siya totoong nagsisi. Hindi niya inalis ang pagsamba kay Baal sa kaharian niya. Hindi rin niya itinaguyod ang pagsamba kay Jehova. Pagkamatay ni Ahab, makikita kung ano ang tingin sa kaniya ni Jehova. Sinabi ng propeta ni Jehova na si Jehu na “masama” siya. (2 Cro. 19:1, 2) Pag-isipan ito: Kung totoong nagsisi si Ahab, hindi sasabihin ng propeta na masama siya at napopoot kay Jehova. Maliwanag, kahit ipinakita ni Ahab na nalungkot siya sa mga ginawa niya, hindi siya tunay na nagsisi. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Ahab? Nang marinig niya ang mensahe ni Elias tungkol sa kapahamakan na mangyayari sa pamilya niya, nagpakumbaba si Ahab sa umpisa. At maganda iyon. Pero makikita sa sumunod na mga ginawa niya na hindi mula sa puso ang pagsisisi niya. Kaya ang pagsisisi ay hindi lang basta pagpapakita ng kalungkutan. w21.10 3 ¶4-5, 7-8
Sabado, Setyembre 23
Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral.—Mat. 24:14.
Paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga kay propeta Isaias at sa asawa niya. Malamang na inatasan ding manghula ang asawa niya dahil tinawag itong “propetisa.” (Isa. 8:1-4) Bilang mag-asawa, nagpokus sila sa pagsamba kay Jehova. Magagawa rin ng mga mag-asawa ngayon ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova. Kapag magkasamang pinag-aaralan ng mag-asawa ang mga hula sa Bibliya at nakikita nila na laging natutupad ang mga ito, lalo silang magtitiwala kay Jehova. (Tito 1:2) Puwede nilang pag-usapan kung ano ang magagawa nila para sa katuparan ng ilang hula sa Bibliya. Halimbawa, makakatulong sila sa katuparan ng hula ni Jesus na ipapangaral sa buong lupa ang mabuting balita bago dumating ang wakas. Habang mas nagtitiwala ang mag-asawa na natutupad ang mga hula sa Bibliya, lalo silang magsisikap na gawin ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova. w21.11 16 ¶9-10
Linggo, Setyembre 24
Sinabi niya sa alagad: “Tingnan mo! Ang iyong ina!”—Juan 19:27.
Nag-aalala si Jesus sa kaniyang ina, na malamang na biyuda na noon. Dahil sa pagmamahal at malasakit kay Maria, ipinagkatiwala siya ni Jesus kay Juan, dahil alam niyang mapapangalagaan nito ang espirituwal na pangangailangan ni Maria. Mula noon, si Juan ay naging gaya ng isang anak kay Maria at inalagaan niya si Maria na parang kaniyang ina. Talagang mahal na mahal ni Jesus si Maria na buong pagmamahal na nag-alaga sa kaniya mula nang ipanganak siya at hindi umalis sa tabi niya hanggang sa mamatay siya! Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus? Puwede tayong maging mas malapít sa mga kapatid kaysa sa mga kapamilya natin. Baka hadlangan tayo ng mga kamag-anak natin o itakwil pa nga, pero gaya ng ipinangako ni Jesus, kung mananatili tayong malapít kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon, tayo ay “tatanggap ng 100 ulit” ng nawala sa atin. Marami tayong magiging mapagmahal na anak, ina, o ama. (Mar. 10:29, 30) Napakasayang maging bahagi ng isang espirituwal na pamilyang pinagkakaisa ng pananampalataya at pag-ibig—pag-ibig kay Jehova at sa isa’t isa.—Col. 3:14; 1 Ped. 2:17. w21.04 9-11 ¶7-8
Lunes, Setyembre 25
Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo.—Heb. 13:16.
Dahil sa tapat na pag-ibig, ginagawa natin ang higit pa kaysa sa inaasahan. Noon pa man, nagpapakita na ng tapat na pag-ibig ang mga kapatid natin sa ating mga kapananampalataya, kahit hindi pa nila ito personal na nakikilala. Halimbawa, kapag may likas na sakuna, inaalam nila agad kung paano sila makakatulong. Kapag may kakongregasyon sila na nagkaproblema sa pinansiyal, hindi sila nagdadalawang-isip na umalalay at magbigay ng praktikal na tulong. Gaya ng mga taga-Macedonia noong unang siglo, ginagawa nila ang higit pa kaysa sa inaasahan. Nagsasakripisyo sila, at nagbibigay ng “higit pa nga sa kaya nilang ibigay” para makatulong sa mga kapatid na nangangailangan. (2 Cor. 8:3) Kinikilala ng mga elder at pinapasalamatan ang pagtulong ng mga kapatid. Ang pagbibigay ng komendasyon sa mga kapatid sa tamang panahon ay magpapalakas sa kanila na magpatuloy.—Isa. 32:1, 2. w21.11 11 ¶14; 12 ¶21
Martes, Setyembre 26
Magbigay-pansin ka at makinig sa mga salita ng marurunong.—Kaw. 22:17.
Kailangan nating lahat ng payo paminsan-minsan. May pagkakataon pa nga na baka tayo ang humihingi ng payo sa taong iginagalang natin. Sa ibang pagkakataon naman, baka payuhan tayo ng isang brother bago tayo makagawa ng “maling hakbang” na pagsisisihan natin. (Gal. 6:1) Minsan naman, baka payuhan tayo para ituwid ang isang seryosong pagkakamali na nagawa natin. Anuman ang dahilan kung bakit tayo nangangailangan ng payo, dapat natin itong pakinggan. Makakatulong iyan sa atin at makakapagligtas ng buhay natin. (Kaw. 6:23) Pinapasigla tayo ng teksto sa araw na ito na “makinig sa mga salita ng marurunong.” Walang sinuman sa atin ang nakakaalam ng lahat ng bagay. Laging may mas marunong o mas makaranasan kaysa sa atin. (Kaw. 12:15) Kapag nakikinig tayo sa payo, mapagpakumbaba tayo. Ipinapakita nito na alam nating may mga limitasyon tayo at na kailangan natin ng tulong para sumulong. Isinulat ni Haring Solomon: “Nagtatagumpay [ang plano] kapag marami ang tagapayo.”—Kaw. 15:22. w22.02 8 ¶1-2
Miyerkules, Setyembre 27
Ang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi magtatagumpay, pero ang nagtatapat at tumatalikod sa mga iyon ay kaaawaan.—Kaw. 28:13.
Ang tunay na pagsisisi ay hindi lang basta paghingi ng tawad dahil sa nagawa nating kasalanan. Kailangan nating baguhin ang ating isip at puso. Kailangan din nating talikuran o itigil ang masamang ginagawa natin at sumunod ulit sa mga pamantayan ni Jehova. (Ezek. 33:14-16) Ang pinakamahalagang dapat gawin ng nagkasala ay ayusin ang nasirang kaugnayan niya kay Jehova. Ano ang gagawin natin kung nalaman mo na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang malapít na kaibigan mo? Lalo lang mapapasama ang kaibigan mo kung pagtatakpan mo ang kasalanan niya. Hindi mo iyon maitatago dahil nakikita iyon ni Jehova. (Kaw. 5:21, 22) Matutulungan mo ang kaibigan mo kung sasabihin mo sa kaniya na gusto siyang tulungan ng mga elder. Kung ayaw ipagtapat ng kaibigan mo sa mga elder ang nagawa niya, dapat na ikaw na ang magsabi nito sa mga elder para ipakitang gusto mo talaga siyang tulungan. w21.10 7 ¶19-21
Huwebes, Setyembre 28
[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.—Fil. 2:4.
Kaya nating lahat na tularan ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya na “nag-anyong alipin” si Jesus. (Fil. 2:7) Humahanap ng mga pagkakataon ang isang alipin, o isang lingkod, para mapaluguran ang panginoon niya. Bilang alipin ni Jehova at isang lingkod sa mga kapatid, tiyak na gusto mo na higit pang magamit ni Jehova at makatulong sa mga kapatid. Tanungin ang sarili: ‘Gusto ko ba talagang magsakripisyo para matulungan ang iba? Handa ba akong magboluntaryo kapag kailangang linisin ang lugar ng kombensiyon o mantinihin ang Kingdom Hall?’ Halimbawa, nakita mo na kailangan mo pang maging mapagsakripisyo, pero kulang ang pagnanais mo na gawin iyon. Ano ang puwede mong gawin? Marubdob na manalangin kay Jehova. Sabihin sa kaniya ang talagang nararamdaman mo at hilingin sa kaniya na bigyan ka ng “pagnanais at lakas para kumilos.”—Fil. 2:13. w22.02 23 ¶9-11
Biyernes, Setyembre 29
Pagiginhawahin ko kayo. —Mat. 11:28.
Makikita ang kabaitan ni Jesus sa pagiging mahinahon at mapagparaya, kahit sa mahihirap na sitwasyon. (Mat. 11:29, 30) Halimbawa, nang makiusap sa kaniya ang babaeng taga-Fenicia na pagalingin ang anak nito, hindi agad pinagbigyan ni Jesus ang hiling ng babae. Pero nang makita ni Jesus ang malaking pananampalataya nito, pinagaling niya ang bata. (Mat. 15:22-28) Mabait si Jesus, pero hindi niya iniiwasang magbigay ng payo. Kung minsan, ipinapakita niya ang kabaitan kapag itinutuwid niya ang mga minamahal niya. Halimbawa, nang pigilan ni Pedro si Jesus sa paggawa ng kalooban ni Jehova, sinaway siya ni Jesus sa harap ng ibang alagad. (Mar. 8:32, 33) Ginawa niya ito hindi para ipahiya si Pedro kundi para turuan siya at babalaan ang ibang alagad na huwag maging pangahas. Siguradong napahiya si Pedro, pero nakinabang siya sa disiplinang iyon. Para maipakita mo ang kabaitan sa mga minamahal mo, kung minsan, baka kailangan mo silang payuhan. Kung gagawin mo iyan, tularan si Jesus. Magbigay ng payo mula sa mga prinsipyo sa Salita ng Diyos. w22.03 11 ¶12-13
Sabado, Setyembre 30
Lagi nawa tayong maghandog ng papuri sa Diyos, ang bunga ng mga labi natin na naghahayag sa mga tao ng pangalan niya.—Heb. 13:15.
Sinasamba natin si Jehova kapag pinupuri natin siya. (Awit 34:1) Pinupuri natin si Jehova kapag sinasabi natin sa iba ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian at gawa. Marami tayong magagandang bagay na masasabi tungkol sa kaniya kapag mapagpasalamat tayo. Kung bubulay-bulayin natin ang kabutihan ni Jehova—ang lahat ng ginagawa niya para sa atin—hindi tayo mauubusan ng dahilan para purihin siya. Magandang pagkakataon ang gawaing pangangaral para “maghandog ng papuri sa Diyos, ang bunga ng mga labi natin.” Pinag-iisipan nating mabuti ang sasabihin natin bago tayo manalangin kay Jehova. Kaya dapat din nating pag-isipang mabuti ang sasabihin natin sa mga makakausap natin sa ministeryo. Gusto nating ibigay sa Diyos ang pinakamabuting ‘handog ng papuri.’ Kaya kapag sinasabi natin sa iba ang tungkol sa katotohanan, nagsasalita tayo mula sa puso. w22.03 21 ¶8